Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 566

Nobyembre 12, 2020

Sa mga panahong ito, halos lahat ng tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sarili. Ni hindi man lang nila nalalaman nang malinaw ang mga bagay na bahagi ng kanilang likas na pagkatao. Alam lamang nila ang ilan sa kanilang tiwaling kalagayan, ang mga bagay na malamang na gagawin nila, o ang ilan sa kanilang mga pagkukulang, at pinaniniwala sila ng mga ito na kilala nila ang kanilang sarili. Bukod pa riyan, kung sumusunod sila sa ilang panuntunan, tinitiyak nila na hindi sila nagkakamali sa ilang aspeto, at nagagawa nilang umiwas na makagawa ng ilang paglabag, pagkatapos ay itinuturing nila ang kanilang sarili na nagtataglay ng realidad sa kanilang pananalig sa Diyos at ipinapalagay na sila ay maliligtas. Ganap na imahinasyon ito ng tao. Kung sumusunod ka sa mga bagay na iyon, talaga bang mapipigilan mong gumawa ng anumang mga paglabag? Tunay na bang nagbago ang iyong disposisyon? Talaga bang namumuhay ka nang tulad ng isang tao? Tunay mo bang mapapalugod ang Diyos sa gayong paraan? Siguradong hindi, tiyak iyan. Gumagana lamang ang pananalig sa Diyos kapag mataas ang mga pamantayan ng isang tao at natamo na ang katotohanan at kaunting pagbabago sa disposisyon sa buhay. Kaya, kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at likas na kasamaan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, magsisimula kang kasuklaman ang iyong sarili. Kapag kinasuklaman mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong talikuran ang laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang walang hirap. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at makatotohanan, at isagawa ang ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinasuklaman ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang talikuran ang laman. Kung hindi nila kinasusuklaman ang kanilang sarili, hindi nila magagawang talikuran ang laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay binubuo ng ilang bagay: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang puksain ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Sa puntong ito, hindi lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng Diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng Diyos. Bakit Niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangang mamatay pati ang isang taong katulad ko, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga palagay tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na para magsisi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger