Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 561

Nobyembre 7, 2020

Nagawa nang tiwali ni Satanas ang buong sangkatauhan, at ang kalikasan ng tao ay ang ipagkanulo ang Diyos. Gayunman, sa lahat ng taong nagawa nang tiwali ni Satanas, may ilang kayang magpasakop sa gawain ng Diyos at tumanggap sa katotohanan; sila yaong maaaring magtamo ng katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon. Mayroon ding mga taong hindi nagtutuon sa paghahangad sa katotohanan. Nasisiyahan sila na maunawaan lamang ang mga doktrina; naririnig nila ang mabuting doktrina at sinusunod ito, at matapos itong maunawaan, nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin—nang bahagya. Ginagawa ng mga taong ito ang ipinagagawa sa kanila at mayroon silang mababang uri ng pagkatao. Handa sila, kahit paano, na gumugol, talikuran ang kamunduhan, at magtiis ng pagdurusa. Gayunman, hindi sila masugid hinggil sa katotohanan; naniniwala sila na sapat nang hindi sila nagkakasala, at hindi nila maunawaan kailanman ang pinakadiwa ng katotohanan. Kung magagawang manindigan ng mga taong iyon sa huli, maaari din silang mailigtas, ngunit hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Kung nais mong madalisay ang katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ipinahihiwatig ng tanggapin ang katotohanan na anumang klase ang iyong tiwaling disposisyon o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon ang nasa iyong kalikasan, kinikilala mo ito kapag ibinubunyag ito ng mga salita ng Diyos, at nagpapasakop ka sa mga salitang ito; tinatanggap mo ang mga ito nang walang kundisyon, nang hindi nagdadahilan o sinusubukang mamili, at nakikilala mo ang iyong sarili ayon sa sinasabi Niya. Ito ang ibig sabihin ng tanggapin ang mga salita ng Diyos. Anuman ang sinasabi Niya, gaano man maaaring tumagos sa puso mo ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang punto ang pagtataguyod sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit na ’yung mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay maaaring magkaroon ng disenteng pagkatao, pagdating sa katotohanan, sila’y magulo mag-isip at hindi ito siniseryoso. Bagama’t makagagawa sila ng ilang mabuting gawain, at makakayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at makakayanan ang pagtatakwil, hindi nila makakamit ang pagbabago ng disposisyon. Kung ikukumpara, ang pagkatao ni Pedro ay medyo kapareho ng sa iba pang mga apostol at sa kanyang mga kapatid, ngunit namukod-tangi siya sa kanyang marubdob na pagtataguyod sa katotohanan; masidhi niyang pinagnilayan ang lahat ng sinabi ni Jesus. Nagtanong si Jesus, “Simon Bar-Jonas, mahal mo ba Ako?” Matapat na sumagot si Pedro, “Ang Ama na nasa langit lamang ang mahal ko, subalit hindi ko pa nagagawang mahalin ang Panginoon sa lupa.” Kalauna’y naunawaan niya, naisip na, “Hindi tama ito; ang Diyos sa lupa ay ang Diyos sa langit. Hindi ba pareho ang Diyos kapwa sa langit at sa lupa? Kung ang Diyos sa langit lamang ang mahal ko, hindi tunay ang pagmamahal ko; kailangan kong mahalin ang Diyos sa lupa, sapagkat doon lamang magiging tunay ang aking pagmamahal.” Sa gayon, naunawaan ni Pedro ang tunay na kahulugan ng sinabi ni Jesus sa pagninilay sa Kanyang mga salita. Para mahalin ang Diyos, at para maging tunay ang pagmamahal na ito, kailangang mahalin ng isang tao ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Ang mahalin ang isang malabo at di-nakikitang Diyos ay hindi makatotohanan ni praktikal, samantalang ang mahalin ang praktikal at nakikitang Diyos ay katotohanan. Mula sa mga salita ni Jesus, natamo ni Pedro ang katotohanan at naunawaan ang kalooban ng Diyos. Malinaw na ang paniniwala ni Pedro sa Diyos ay nakatuon lamang sa pagtataguyod sa katotohanan; sa bandang huli, nagawa niyang mahalin ang praktikal na Diyos—ang Diyos sa lupa. Napakamasigasig ni Pedro sa kanyang pagtataguyod sa katotohanan. Sa bawat pagkakataon na pinayuhan siya ni Jesus, masidhi niyang pinagnilayan ang mga salita ni Jesus. Marahil ay nagnilay-nilay siya nang ilang buwan, isang taon, o ilang taon pa bago siya niliwanagan ng Banal na Espiritu at naunawaan niya ang kahulugan ng mga salita ng Diyos; sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa katotohanan, at pagkatapos, nagbago at napanibago ang kanyang disposisyon sa buhay. Kung hindi nagtataguyod sa katotohanan ang isang tao, hindi niya iyon mauunawaan kailanman. Masasambit mo ang mga sulat at doktrina nang sampung libong beses, ngunit mananatili pa ring mga sulat at doktrina ang mga iyon. Sinasabi lamang ng ilang tao, “Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Ulit-ulitin mo man ang mga salitang ito nang sampung libong beses, wala pa ring silbi ang mga ito; hindi mo nauunawaan ang kahulugan nito. Bakit sinasabi na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Maaari mo bang ipahayag ang kaalamang natamo mo tungkol dito mula sa karanasan? Nakapasok ka na ba sa realidad ng katotohanan, ng daan, at ng buhay? Binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita upang maranasan mo ang mga ito at magtamo ka ng kaalaman; walang silbi ang isatinig lamang ang mga sulat at doktrina. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag naunawaan at napasok mo na ang mga salita ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Makakaunawa ka lamang kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi ka makakaunawa. Lubos mo lamang mauunawaan ang isang bagay kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi mo mauunawaan ang isang bagay. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Magbabago lamang ang iyong disposisyon kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi maaaring magbago ang iyong disposisyon. Pagkatapos mapasaiyo ang katotohanan, saka ka lamang makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; kung wala ang katotohanan, hindi ka makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mapasaiyo ang katotohanan, saka mo lamang masasamba ang Diyos; kung wala ang katotohanan, magiging isang pagganap lamang ng mga ritwal ng relihiyon ang iyong pagsamba at wala nang iba. Lahat ng bagay na ito ay nakasalalay sa pagtatamo ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger