Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 558

Nobyembre 7, 2020

Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagpapahayag ng katiwalian, ang malalaki mong kahinaan, ang disposisyon mo, at ang kalikasan at diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nahahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung nararanasan mo. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito kailangan mong makilala ang iyong sarili. Para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, hindi tayo dapat matakot sa pagdurusa, ni hindi tayo dapat matakot sa sakit, at mas lalo nang hindi tayo dapat matakot na tumagos sa ating mga puso ang mga salita ng Diyos. Dapat ay basahin natin ang iba pa Niyang mga pahayag tungkol sa kung paano Niya tayo hinahatulan at kinakastigo at inilalantad ang ating mga tiwaling diwa. Kailangan nating basahin ang mga ito at mas sundin pa ang mga ito. Huwag nating ikumpara ang iba sa mga ito—ikumpara natin ang ating sarili sa mga ito. Hindi tayo nagkukulang sa kahit isa sa mga bagay na ito; kaya nating tapatang lahat ito. Kung hindi ka naniniwala rito, humayo ka’t danasin ito mismo. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iangkop ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang masasamang babae at mga kalapating mababa ang lipad, nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatirang lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na napakasamang pakinggan ang mga salitang iyon ng Diyos, at ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, mali ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin sa mga salita ng Diyos? Hindi kaya ng mga tao na magmuni-muni tungkol sa kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dito, ang “masasamang babae” at “mga kalapating mababa ang lipad” ay tumutukoy sa katiwalian at kawalan ng delikadesa ng mga tao. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay may taglay na katiwalian ng kawalan ng delikadesa—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Bago gumawa ng iba pang bagay, dapat nating matanto na kailangan nating tanggapin ang bawat isa sa mga salitang sinambit ng Diyos, masarap mang pakinggan ang mga ito o hindi at nasasaktan man tayo o nasisiyahan. Iyon ang saloobing dapat nating taglayin sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang saloobing mapagpasensya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa ating pananampalataya, kailangan nating matatag na panindigan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat nating tanggapin ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man natin ito o hindi, dapat ay lubos na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Bawat isang linya ng mga salita ng Diyos ay nauukol sa isang partikular na kalagayan. Ibig sabihin, wala sa mga linya ng Kanyang mga pahayag ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, lalo na tungkol sa mga patakarang panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay tungkol sa simpleng klase ng pag-uugali ng tao o panlabas na hitsura ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Malalim ang mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Lahat ng sinasabi ng Diyos, lahat ng inihahayag Niya, ay tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sa mga bagay na matibay at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga pag-uugali sa labas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang panlabas na hitsura, maaaring mukhang maayos silang lahat. Kung gayon, bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Sa gayon, hindi ka makakaasa sa hitsura o sa nakikita mo mula sa labas para manatiling matatag sa mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger