Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 535

Setyembre 11, 2020

Para matakasan ang impluwensya ng kadiliman, kailangan ka munang maging matapat sa Diyos at magkaroon ng pananabik sa puso mo na hangaring matamo ang katotohanan; saka ka lamang magkakaroon ng tamang kalagayan. Kailangan ka munang mamuhay sa tamang kalagayan para matakasan mo ang impluwensya ng kadiliman. Ang hindi pagkakaroon ng tamang kalagayan ay hindi pagiging matapat sa Diyos, at hindi pagkakaroon ng pananabik sa puso na hanapin ang katotohanan; at huwag nang pag-usapan pa ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa mga impluwensya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapamuhay alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang mga gapos ng impluwensya ng kadiliman. Ang mabuhay sa tamang kalagayan ay ang mabuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng pagiging matapat sa Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mabuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mabuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga nabubuhay sa ganitong mga kalagayan at ayon sa realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at magbabago sila habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay. Yaong mga nakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay unti-unting matitiyak ang kalooban ng Diyos at unti-unting mauunawaan iyon, at kalaunan ay magiging mga pinagkakatiwalaan ng Diyos. Hindi lamang sila hindi nagkikimkim ng mga maling pagkaintindi tungkol sa Diyos at hindi naghihimagsik laban sa Kanya, kundi mas lalo rin nilang kinamumuhian yaong mga dati nilang pagkaintindi at paghihimagsik, at nagkakaroon sila ng tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Ang mga taong hindi magawang tumakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay pawang lubos na abala sa tawag ng laman at puno ng paghihimagsik; ang kanilang puso ay puno ng mga pagkaintindi at pilosopiya ng tao para sa pamumuhay, pati na ng kanilang sariling mga hangarin at pangangatwiran. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay ang tanging pagmamahal nila; hinihiling Niya na maging abala ang tao sa Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saliksikin ang Kanyang mga salita para sa yaong dapat nilang hanapin, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, kumilos para sa Kanyang mga salita, mabuhay para sa Kanyang mga salita—ito ang mga mithiing dapat pagsikapang makamtan ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Aling mga bagay ang ipinamumuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Aling mga bagay ang hindi mo naipamumuhay alinsunod sa mga ito? Kung hindi ka pa lubos na napuno ng mga salita ng Diyos, ano ba talaga ang laman ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang paniniwala sa Diyos ng gayong mga tao ay puro kalokohan at panggugulo lamang. Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang naipamuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang hindi mo naipamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang nawala sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?

Ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay nangangailangan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng tapat na pakikipagtulungan ng tao. Bakit Ko sinasabi na wala sa tamang landas ang tao? Ang mga taong nasa tamang landas ay makakayang ibigay muna ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay isang gawaing nangangailangan ng napakahabang panahon upang mapasok, sapagkat nakasanayan na ng sangkatauhan na mabuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, at nasa ilalim na ng pagkaalipin kay Satanas sa loob ng libu-libong taon. Samakatuwid, ang pagpasok na ito ay hindi magagawa sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Binanggit Ko ang bagay na ito ngayon upang maunawaan ng mga tao ang sarili nilang kalagayan; sa sandaling mahiwatigan na ng tao kung ano ang impluwensya ng kadiliman at kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay sa liwanag, magiging mas madali na ang pagpasok. Ito ay dahil kailangan mong malaman kung ano ang impluwensya ni Satanas bago ka makatakas mula rito; pagkatapos niyon, saka ka lamang magkakaroon ng paraan para maiwaksi iyon. Tungkol naman sa kung ano ang gagawin pagkatapos, problema na iyan ng tao. Pumasok ka sa lahat mula sa isang positibong aspeto, at huwag kang basta maghintay nang balintiyak. Sa ganitong paraan ka lamang makakamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger