Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 487

Agosto 28, 2021

Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapanghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo masunurin lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagsunod sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos? Ang layunin Ko sa paggawa ng gawain ng paglupig ay hindi lamang ang manlupig alang-alang sa paglupig, kundi manlupig upang ibunyag ang pagiging matuwid at kalikuan, upang kumuha ng patunay para sa kaparusahan ng tao, upang parusahan ang buktot, at, higit pa rito, upang manlupig para sa kapakanan ng pagpeperpekto ng mga handang sumunod. Sa huli, paghihiwa-hiwalayin ang lahat ayon sa uri, at ang mga naging perpekto ay ang mga may mga saloobin at mga ideya na puno ng pagsunod. Ito ang gawaing magagawa sa huli. Samantala, ang mga mapanghimagsik ang bawat kilos ay parurusahan at ipadadala upang sunugin sa mga apoy, mga layon ng walang-hanggang sumpa. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga “dakila at hindi malulupig na mga bayani” ng mga kapanahunang nakalipas ay magiging pinakamababa at pinakanilalayuang “mahina at inutil na mga duwag.” Tanging ito lamang ang makapaglalarawan sa bawat aspeto ng pagiging matuwid ng Diyos, at ng disposisyon Niya na hindi malalabag ng tao, at tanging ito lamang ang makapagpapalubag ng poot sa puso Ko. Hindi ba kayo sumasang-ayon na lubusang makatuwiran ito?

Hindi lahat ng mga nakararanas ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi rin lahat ng nasa daloy na ito, ay magkakamit ng buhay. Ang buhay ay hindi isang ari-ariang pinagsasaluhan ng lahat ng sangkatauhan, at ang mga pagbabago sa disposisyon ay hindi madaling natatamo ng lahat ng mga tao. Dapat na tunay at aktwal ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos, at dapat itong isabuhay. Ang paimbabaw na pagpapasakop lamang ay hindi makatatanggap ng papuri ng Diyos, at ang pagsunod lamang sa paimbabaw na mga aspeto ng salita ng Diyos, nang hindi hinahangad ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao, ay hindi umaayon sa puso ng Diyos. Iisa at pareho ang pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga nagpapasakop lamang sa Diyos ngunit hindi sa gawain Niya ay hindi maituturing na masunurin, lalong hindi ang mga hindi tunay na nagpapasakop kundi ay mga mambobola sa panlabas. Ang lahat ng mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagkakamit mula sa gawain at nagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at gawain ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos. Nagkakamit ng bagong kaalaman ang ganitong mga tao, at sumasailalim sa mga bagong pagbabago mula sa bagong gawain. Tanging ang mga taong ito lamang ang pinupuri ng Diyos; tanging ang mga taong ito lamang ang naging perpekto, at tanging ang mga ito lamang ang nagbago ang disposisyon. Ang mga pinupuri ng Diyos ay ang mga nagagalak na magpasakop sa Diyos, at sa salita at gawain Niya. Ang ganitong mga tao lamang ang nasa tama, ang ganitong mga tao lamang ang taos-pusong nagnanais sa Diyos, at taos-pusong naghahangad sa Diyos. Para naman sa mga nagsasalita lamang tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos gamit ang mga bibig nila, ngunit sa katunayan ay isinusumpa Siya, sila ang mga taong tinatakpan ang mga sarili nila, na nagtataglay ng kamandag ng ahas; sila ang pinakataksil sa lahat. Sa malao’t madali, pupunitin ang buktot na mga maskara ng mga damuhong ito. Hindi ba ito ang gawaing ginagawa ngayon? Palaging magiging buktot ang mga taong buktot, at hindi kailanman makatatakas sa araw ng kaparusahan. Palaging magiging mabuti ang mga mabubuting tao, at ibubunyag kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Walang kahit isang buktot ang ipapalagay na matuwid, at ang sinumang matuwid ay hindi rin ipapalagay na buktot. Hahayaan Ko ba ang sinumang tao na maakusahan nang mali?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger