Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 462

Setyembre 23, 2020

Ang hinihingi sa inyo ngayon—ang gumawa nang magkakasama na may pagsusunuran—ay katulad ng paglilingkod na hiningi ni Jehova sa mga Israelita: Kung hindi, tumigil na lang kayo sa paglilingkod. Dahil mga tao kayong direktang naglilingkod sa Diyos, dapat man lang na mayroon kayong kakayahang maging tapat at mapagpasakop sa inyong paglilingkod, at dapat din may kakayahang matuto ng mga aral sa isang praktikal na paraan. Lalo na sa inyong gumagawa sa iglesia, mangangahas ba ang sinuman sa mga kapatid na mas mababa ang posisyon sa inyo na pakitunguhan kayo? Mangangahas ba ang sinuman na sabihin sa inyo nang harapan ang mga kamalian ninyo? Nakatayo kayo nang mas mataas kaysa sa lahat ng iba; namamahala nga kayo bilang mga hari! Ni hindi nga kayo nag-aaral o pumapasok sa ganitong mga uri ng mga praktikal na aral, subalit nagsasalita pa rin kayo tungkol sa paglilingkod sa Diyos! Sa kasalukuyan, hinihingi sa iyo na mamuno sa ilang iglesia, ngunit hindi mo lang hindi isinusuko ang sarili mo, kumakapit ka pa sa sarili mong mga paniwala at palagay, nagsasabi ng mga bagay-bagay gaya ng, “Sa tingin ko dapat gawin ang bagay na ito sa ganitong paraan, dahil sinabi ng Diyos na hindi tayo dapat mapigilan ng iba at na sa mga panahong ito hindi tayo dapat animo’y bulag na magpasakop.” Samakatuwid, kumakapit ang bawat isa sa inyo sa sarili ninyong palagay, at walang sumusunod sa isa’t isa. Bagama’t malinaw ninyong alam na hindi sumusulong ang inyong paglilingkod, sinasabi pa rin ninyo, “Sa nakikita ko, hindi nalalayo sa nararapat ang paraan ko. Sa paano man, lahat tayo ay may isang panig: Magsalita ka tungkol sa panig mo, at magsasalita ako tungkol sa akin; magbahagi ka tungkol sa mga pangitain mo, at magsasalita ako tungkol sa aking pagpasok.” Hindi ninyo kailanman inaako ang responsibilidad para sa maraming bagay na dapat mapakitunguhan, o sadyang hinahayaan lamang ninyo, ibinubulalas lamang ng bawat isa sa inyo ang sarili ninyong mga palagay at maingat na pinapangalagaan ang sarili ninyong katayuan, reputasyon, at kahihiyan. Wala sa inyo ang handang magpakumbaba, at alinmang panig ay hindi magkukusang isuko ang sarili at magpuno sa mga pagkukulang ng isa’t isa upang mas mabilis na umunlad ang buhay. Kapag sama-sama kayong nag-uugma, dapat kayong matutong maghangad ng katotohanan. Maaari ninyong sabihing, “Hindi malinaw ang pagkaunawa ko sa aspetong ito ng katotohanan. Ano ang karanasan mo rito?” O, maaari mong sabihing, “Mas marami kang karanasan kaysa sa akin sa aspetong ito; maaari mo ba akong gabayan nang kaunti?” Hindi ba magandang paraan iyan ng pagtrato roon? Nakarinig na kayo ng maraming sermon, at may kaunting karanasan sa paglilingkod. Kung hindi kayo natututo sa isa’t isa, nagtutulungan, at nagpupuno sa mga pagkukulang ng isa’t isa kapag ginagawa ninyo ang gawain sa mga iglesia, paano kayo matututo ng mga aral? Tuwing nakakaranas kayo ng anuman, dapat kayong magbahaginan sa isa’t isa upang makinabang ang mga buhay ninyo. Bukod pa roon, dapat kayong maingat na magbahaginan tungkol sa lahat ng uri ng bagay bago gumawa ng anumang mga pagpapasya. Tanging sa paggawa nito kayo umaako ng responsibilidad para sa iglesia sa halip na basta-basta lang kumikilos. Matapos ninyong bisitahin ang lahat ng iglesia, dapat kayong magtipun-tipon at magbahaginan tungkol sa lahat ng isyung natutuklasan ninyo at anumang mga problemang naranasan ninyo sa inyong gawain, at saka kayo dapat magtalastasan tungkol sa kaliwanagan at pagpapalinaw na inyong natanggap—ito ay isang kinakailangang pagsasagawa ng paglilingkod. Dapat ninyong makamit ang pagtutulungan na may pagsusunuran para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa pakinabang ng iglesia, at upang udyukan pasulong ang inyong mga kapatid. Dapat kayong makipag-ugma sa isa’t isa, binabago ng bawat isa ang isa pa at humahantong sa mas mabuting kalalabasan ng gawain, upang pangalagaan ang kalooban ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at tanging yaong mga gumagawa nito ang magkakamit ng tunay na pagpasok. Habang nagtutulungan, maaaring hindi naaangkop ang ilan sa mga salitang sinasabi mo, ngunit hindi iyon mahalaga. Pagbahaginan ninyo ito pagkatapos, at magkamit ng malinaw na pagkaunawa rito; huwag itong pabayaan. Pagkatapos ng ganitong uri ng pagbabahaginan, magagawa ninyong punuan ang mga pagkukulang ng inyong mga kapatid. Tanging sa pagkilos nang lalong mas malalim sa gawain nang ganito nakakatamo ng mas mabubuting kalalabasan. Bawat isa sa inyo, bilang mga taong naglilingkod sa Diyos, ay dapat na magawang ipagtanggol ang mga interes ng iglesia sa lahat ng inyong ginagawa, sa halip na isipin lang ang mga pansarili ninyong interes. Hindi katanggap-tanggap na kumilos nang mag-isa, na palaging pinapanghina ang bawat isa. Hindi naaangkop na maglingkod sa Diyos ang mga taong umaasal nang ganoon! Mayroon ang mga ganoong tao ng isang napakasamang disposisyon; walang natitirang ni katiting na pagkatao sa kanila. Isandaang porsiyento silang si Satanas! Mga hayop sila! Kahit ngayon, nangyayari pa rin ang ganitong mga bagay sa inyo; umaabot pa kayo sa puntong inaatake ninyo ang isa’t isa tuwing nagbabahaginan, sinasadyang maghanap ng mga pagdadahilan at namumula ang buong mukha habang nagtatalo tungkol sa isang maliit na bagay, kapwa ayaw isantabi ang sarili, ikinukubli ng bawat tao mula sa kabila ang mga panloob niyang mga kaisipan, masusing pinapanood ang kabilang partido at palaging nakabantay. Angkop ba ang ganitong uri ng disposisyon sa paglilingkod sa Diyos? Kaya ba ng gawain gaya ng sa iyo na tustusan ang mga kapatid mo ng anuman? Hindi ka lang walang kakayahang gabayan ang mga tao papunta sa isang tamang landas sa buhay, ngunit ikinikintal mo pa sa iyong mga kapatid ang mga sarili mong tiwaling disposisyon. Hindi mo ba sinasaktan ang iba? Ang konsensya mo ay napakasama, at ito ay bulok hanggang sa pinakaubod! Hindi ka pumapasok sa realidad, ni isinasagawa mo ang katotohanan. Dagdag pa rito, walang-kahihiyan mong inilalantad sa iba ang maladiyablo mong kalikasan. Sadyang hindi ka marunong mahiya! Ipinagkatiwala ang mga kapatid na ito sa iyo, ngunit dinadala mo sila sa impiyerno. Hindi ka ba isang taong ang konsensya ay nabulok na? Talagang wala kang hiya!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger