Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 375
Abril 29, 2021
Ano ang unang bagay na dapat gawin ng mga tao tuwing may nakakaharap silang isyu? Dapat silang magdasal; nauuna ang pagdarasal. Ipinamamalas ng pagdarasal na ikaw ay madasalin, na nagsimula ka nang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos, na marunong kang maghanap sa Diyos, na nabigyan mo Siya ng puwang sa puso mo, na ikaw ay isang madasaling Kristiyano. Maraming mas matatandang mananampalataya ang lumuluhod upang sabay-sabay na magdasal bawat araw, na napakatagal kung minsan kaya hindi na sila muling makatindig. Huwag na nating sabihin pa kung ito ay ritwal, o kung may mapapala sila mula rito; sabihin na lamang natin na ang matatandang kapatid na ito ay sadyang madasalin, mas mabubuti at mas masisigasig kaysa sa inyong mga kabataan. Ang unang dapat gawin kapag nakaharap ang isang isyu ay magdasal. Ang pagdarasal ay hindi lamang tuloy-tuloy na pagsasalita nang hindi taos; hindi niyan malulutas ang anumang mga problema. Maaari kang magdasal nang walo o sampung beses nang wala kang napapala, ngunit ’wag panghinaan ng loob—dapat ka pa ring magdasal. Kapag may nangyari sa iyo, magdasal ka muna, sabihin mo muna sa Diyos, ipabahala mo iyon sa Diyos, hayaang tulungan ka ng Diyos, hayaang akayin ka Niya, at ipakita sa iyo ang daan. Pinatutunayan nito na inuna mo na ang Diyos, na Siya ay nasa puso mo. Kapag nakaharap mo ang isang isyu, kung ang una mong ginagawa ay lumaban, magalit, at magwala—kung, una sa lahat, nagiging negatibo ka—ito ay isang pagpapakita na wala ang Diyos sa puso mo. Sa tunay na buhay, dapat kang magdasal tuwing may nangyayari sa iyo. Sa pinakaunang pangyayari, dapat kang lumuhod at magdasal—ito ay mahalaga. Ipinamamalas ng pagdarasal ang iyong saloobin sa Diyos sa Kanyang presensya. Hindi mo ito gagawin kung wala ang Diyos sa puso mo. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdarasal ako ngunit hindi pa rin ako nililiwanagan ng Diyos!” Hindi mo dapat sabihin ’yan. Tingnan mo muna kung tama ang mga motibasyon mo sa pagdarasal; kung totoong hinahanap mo ang katotohanan at madalas kang magdasal sa Diyos, liliwanagan ka Niya nang maayos sa ilang bagay upang maunawaan mo—sa madaling salita, tutulungan ka ng Diyos na makaunawa. Kung wala ang kaliwanagan ng Diyos, hindi ka makauunawang mag-isa: Kulang ka ng talas ng isip, wala kang talino para dito, at hindi ito kayang tamuhin ng katalinuhan ng tao. Kapag nakauunawa ka, nagmumula ba ang pag-unawang iyan sa sarili mong isipan? Kung hindi ka liniwanagan ng Banal na Espiritu, hindi malalaman ng sinumang tinatanong mo kung ano ang kahulugan ng gawain ng Diyos o kung ano ang ibig sabihin ng Diyos; kapag sinabi sa iyo ng Diyos Mismo ang kahulugan, saka mo lamang iyon malalaman. Kaya nga, ang unang dapat gawin kapag may nangyayari sa iyo ay magdasal. Ang pagdarasal ay nangangailangan ng pagsisiyasat taglay ang isang saloobing naghahanap, at pagpapahayag ng iyong mga iniisip, palagay, at saloobin—ito ang dapat nitong ipaloob. Mawawalan ng bisa ang matamlay na paggawa ng mga bagay-bagay, kaya huwag mong sisihin ang Banal na Espiritu kapag hindi ka Niya liniwanagan. Nalaman Ko na sa pananampalataya sa Diyos ng ilang tao, patuloy silang naniniwala, ngunit hanggang sa mga labi lamang nila ang Diyos. Wala ang Diyos sa kanilang mga puso, itinatatwa nila ang gawain ng Espiritu, at itinatatwa rin nila ang pagdarasal; binabasa lamang nila ang mga salita ng Diyos, at wala nang iba. Matatawag ba itong pananampalataya sa Diyos? Tuloy-tuloy lamang silang naniniwala hanggang sa tuluyang mawala ang Diyos sa kanilang pananampalataya. Sa partikular, may mga tao na kadalasan ay namamahala sa mga pangkalahatang pangyayari, at nadarama nila na abalang-abala sila at wala silang napapala sa lahat ng kanilang pagsisikap. Ito ay isang usapin ng mga taong hindi tumatahak sa tamang landas sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t mahirap na gawain ang tumahak sa tamang daan? Bigo silang tumahak sa daang ito kahit matapos nilang maunawaan ang maraming doktrina, at may ugaling tumahak sa landas na pababa. Kaya kapag may nangyayari sa inyo, dapat kayong gumugol ng mas maraming oras sa pagdarasal at paghahanap—ito ang pinakapayak na dapat ninyong gawin. Ang pagkatuto kung paano hangarin ang kalooban ng Diyos at ang mga layon ng Banal na Espiritu ang mahalaga. Kung walang kakayahan ang mga taong naniniwala sa Diyos na maranasan at maisagawa iyon, wala silang mapapala, at mawawalan ng saysay ang kanilang pananampalataya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video