Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpapakita at Gawain ng Diyos | Sipi 55

Oktubre 24, 2020

Pitong kulog ang nagmumula sa trono, niyayanig ang sansinukob, pinababagsak ang langit at lupa, at umaalingawngaw sa buong himpapawid! Lubhang tumatagos ang tunog sa tainga, at ang mga tao ay hindi makatatakas ni makapagtatago mula rito. Sumasambulat ang kidlat at kulog, ang langit at lupa ay nababago sa isang iglap, at ang mga tao ay nasa bingit ng kamatayan. Pagkatapos, isang marahas na bagyong maulan ang humahagupit sa buong kalawakan na singbilis ng kidlat, na bumabagsak mula sa himpapawid! Sa pinakamalalayong sulok ng lupa, tulad sa isang pagbuhos, walang naiiwan kahit isang mantsa habang hinuhugasan nito ang lahat mula ulo hanggang paa, walang anumang maitatago mula rito ni malulukuban ang sinumang tao mula rito. Ang mga dagundong ng kulog, gaya ng mga kislap ng kidlat, ay pinanginginig ang mga tao sa takot! Ang matalas na tabak na may dalawang talim ay pinababagsak ang mga anak ng pagsuway, at nahaharap ang kaaway sa sakuna nang walang masisilungan; nahihilo sa karahasan ng hangin at ulan, at, sumusuray mula sa tama, sila’y kaagad na bumabagsak na patay sa umaagos na mga tubig at inaanod palayo. Kamatayan lamang ang naroon at walang anumang pag-asang mabuhay. Ang pitong kulog ay nagmumula sa Akin at ipinararating nila ang Aking hangarin, na pabagsakin ang pinakamatatandang anak ng Egipto, upang parusahan ang masama at linisin ang Aking mga iglesia, upang ang lahat ay maugnay sa isa’t isa, kumilos nang totoo sa kanilang sarili, at maging kaisang-puso Ko, at upang ang lahat ng iglesia sa buong sansinukob ay maitayo bilang isa. Ito ang Aking layunin.

Ang kulog ay dumadagundong, at ang mga tunog ng pagtangis ay sumusunod dito. Ang ilan ay nagigising mula sa kanilang pagkakatulog, at, matinding nahihintakutan, sinasaliksik nilang malalim ang kanilang mga kaluluwa at dali-daling bumabalik sa harap ng trono. Tumitigil sila sa palasak na panlilinlang at mga mapangahas na gawain, hindi pa gaanong huli para sa gayong mga tao na magising. Nagmamasid Ako mula sa trono. Tinitingnan Ko nang malalim ang mga puso ng mga tao. Inililigtas Ko yaong masigasig at marubdob na nagnanasa sa Akin, at kinaaawaan Ko sila. Aking ililigtas tungo sa kawalang-hanggan yaong mga nagmamahal sa Akin sa kanilang mga puso nang higit kaysa lahat ng iba pa, yaong nakakaunawa sa Aking kalooban at sumusunod sa Akin hanggang sa katapusan ng daan. Hahawakan silang ligtas ng Aking kamay, upang hindi nila harapin ang tagpong ito at hindi sumapit sa kapahamakan. Ang ilan, kapag nakikita nila ang tanawing ito ng gumuguhit na kidlat, ay may paghihirap sa kanilang mga puso na hindi nila maibubulalas, at ang kanilang panghihinayang ay matindi. Kung magpipilit silang kumilos nang papaganito, lubhang huli na para sa kanila. O, ang lahat at ang bawat bagay! Lahat ng ito ay mangyayari. Ito rin ay isa sa Aking mga paraan ng pagliligtas. Inililigtas Ko yaong mga nagmamahal sa Akin at pinababagsak ang masama. Ginagawa Kong matibay at matatag ang Aking kaharian sa lupa, at pinapabayaang malaman ng lahat ng mga bansa at mga bayan, ng lahat sa sansinukob at sa mga hangganan ng lupa, na Ako ay kamahalan, Ako ay nagngangalit na apoy, Ako ay Diyos na nagsasaliksik sa kaloob-loobang puso ng bawat tao. Mula sa sandaling ito, ang paghatol ng malaking puting trono ay hayagang ibinubunyag sa karamihan, at sa lahat ng tao, ipamamalita na ang paghatol ay nagsimula na! Walang alinlangan na lahat ng nagsasalita nang hindi taos-puso, lahat ng nag-aalinlangan at hindi nangangahas na maging tiyak, lahat ng nagsasayang ng panahon na nakakaunawa sa Aking mga inaasam nguni’t hindi handang isagawa ang mga iyon—silang lahat ay dapat mahatulan. Dapat ninyong maingat na siyasatin ang inyong sariling mga intensiyon at mga motibo, at lumagay sa inyong dapat kalagyan, isagawa nang lubusan ang Aking mga sinasabi, bigyang halaga ang inyong mga karanasan sa buhay, huwag kumilos nang masigasig sa panlabas lamang, kundi palaguin ang inyong mga buhay, maygulang, matatag at may karanasan—at saka lamang kayo magiging kaayon ng Aking puso.

Itatwa sa mga alagad ni Satanas at sa masasamang espiritu na gumagambala at sumisira doon sa Aking mga itinatayo ang anumang pagkakataon para samantalahin ang mga bagay-bagay para sa kanilang kalamangan. Dapat silang higpitan nang mabuti at mapigilan; mapapakitunguhan lamang sila sa pamamagitan ng paggamit ng matalas na tabak. Yaong mga pinakamasasama ay dapat na agarang mabunot upang mapigilan ang mga kaguluhan sa hinaharap. At ang iglesia ay magawang perpekto, malaya sa anumang kapansanan, at ito ay magiging malusog, puno ng sigla at lakas. Kasunod ng gumuguhit na kidlat, dumadagundong ang mga kulog. Hindi kayo dapat magpabaya, at hindi kayo dapat sumuko, kundi gawin ang inyong pinakamabuti para makahabol, at tiyak na inyong makikita kung ano ang ginagawa ng Aking kamay, kung ano ang sinasadya Kong makamit, kung ano ang Aking itatapon, kung ano ang Aking pineperpekto, kung ano ang Aking binubunot, kung ano ang Aking pinababagsak. Ang lahat ng ito ay magaganap sa harap ng inyong mga paningin upang inyong makita nang malinaw ang Aking pagka-makapangyarihan-sa-lahat.

Mula sa trono hanggang sa sansinukob at sa mga kadulu-duluhan ng lupa, ang pitong kulog ay umaalingawngaw. Ang isang malaking pangkat ng mga tao ay maliligtas at magpapasakop sa harap ng Aking trono. Sumusunod sa liwanag ng buhay na ito, naghahanap ang mga tao ng paraan upang mabuhay at hindi nila maiwasang lumapit sa Akin, upang lumuhod sa pagsamba, at gamit ang kanilang mga bibig ay tumawag sa pangalan ng totoong Diyos na makapangyarihan sa lahat, at isinasatinig ang kanilang mga pamamanhik. Nguni’t silang tumututol sa Akin, silang pinatitigas ang kanilang mga puso, ang kulog ay umaalingawngaw sa kanilang mga tainga, at walang dudang sila ay dapat mapahamak. Ito lamang ang huling kalalabasan para sa kanila. Ang Aking minamahal na mga anak na mga matagumpay ay mananatili sa Sion, at makikita ng lahat ng tao kung ano ang kanilang makakamit, at malaking luwalhati ang magpapakita sa harap ninyo. Ito ay talagang isang malaking pagpapala at katamisan na mahirap masabi.

Ang lagapak ng pitong kulog na lumalabas ay kaligtasan nilang mga nagmamahal sa Akin, nilang nagnanasa sa Akin nang may tapat na mga puso. Silang nabibilang sa Akin at silang Aking naitalaga na at nahirang ay makakayang lahat na sumailalim sa Aking pangalan. Maririnig nila ang Aking tinig, na siyang pagtawag ng Diyos sa kanila. Hayaan yaong mga nasa kadulu-duluhan ng lupa na makitang Ako ay matuwid, Ako ay tapat, Ako ay kagandahang-loob, Ako ay kahabagan, Ako ay kamahalan, Ako ay nagngangalit na apoy, at, sa kahuli-hulihan, Ako ay walang-awang paghatol.

Hayaan ang lahat na nasa mundo na makitang Ako ang tunay at ganap na Diyos Mismo. Lahat ng tao ay ganap na napapaniwala at walang sinumang nangangahas na muling lumaban sa Akin, ni hatulan Ako o siraang-puri Akong muli. Kung hindi, sila ay agad na dadatnan ng mga sumpa at sasapit sa kanila ang sakuna. Tatangis lamang sila at pagngangalitin ang kanilang mga ngipin, dahil dinala nila ang kanilang sariling pagkawasak.

Ipaalam sa lahat ng tao, ipaalam ito sa buong sansinukob at sa mga dulo ng lupa, sa bawat sambahayan at ng lahat ng tao: Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos. Lahat ay isa-isang luluhod para sumamba sa Akin, at kahit ang mga batang katututo pa lamang magsalita ay sisigaw ng “Makapangyarihang Diyos”! Makikita niyaong mga nanunungkulang nagtataglay ng kapangyarihan gamit ang kanilang sariling mga mata ang tunay na Diyos na nagpapakita sa harapan nila, at sila rin ay magpapatirapa sa pagsamba, na nagsusumamo para sa habag at kapatawaran, nguni’t ito ay totoong huli na, dahil ang sandali ng kanilang pagpanaw ay nakarating na. Dapat na lamang silang tapusin at hatulan na mapunta sa walang-hanggang hukay. Dadalhin Ko ang buong kapanahunan sa katapusan, at lalo pang palalakasin ang Aking kaharian. Lahat ng bansa at mga bayan ay magpapasakop sa Aking harapan magpasawalang-hanggan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 35

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin