Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan (Unang Bahagi)
Kamakailan, pangunahin tayong nagbabahaginan tungkol sa ilang pahayag na nauugnay sa wastong asal. Isa-isa nating sinuri, hinimay, at ibinunyag ang mga pahayag sa bawat aspeto ng wastong asal na isinulong ng tradisyonal na kultura. Dahil dito ay nagagawa ng mga tao na makilatis ang iba’t ibang pahayag sa wastong asal na itinuturing na mga positibong bagay sa tradisyonal na kultura, at mahalata ang diwa ng mga ito. Kapag may malinaw na pagkaunawa ang isang tao sa mga pahayag na ito, magsisimula siyang mayamot sa mga ito, at magagawa niyang tanggihan ang mga ito. Pagkatapos niyon, unti-unti na niyang mabibitiwan ang mga bagay na ito sa tunay na buhay. Sa pag-iisantabi niya sa kanyang pagsang-ayon, bulag na pananampalataya, at pagsunod sa tradisyonal na kultura, magagawa niyang tanggapin ang mga salita ng Diyos, at tanggapin sa kanyang puso ang mga hinihingi ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat taglayin ng isang tao, upang mapalitan ng mga ito ang tradisyonal na kultura sa puso niya. Sa ganitong paraan, makapagsasabuhay ang taong iyon ng wangis ng tao, at makapagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Bilang buod, ang layon ng pagsusuri sa iba’t ibang pahayag sa wastong asal na itinaguyod ng tradisyonal na kultura ng sangkatauhan ay ang bigyan ang mga tao ng malinaw na pagkilatis at kaalaman sa diwa na nasa likod ng mga pahayag na ito sa wastong asal, at kung paano ginagamit ni Satanas ang mga ito upang gawing tiwali, linlangin, at kontrolin ang sangkatauhan. Sa gayon ay magagawa ng mga tao na kilatisin kung ano ba mismo ang katotohanan at kung ano ang mga positibong bagay. Sa madaling salita, pagkatapos maunawaan ang diwa, totoong kalikasan, at panlalansi ni Satanas sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal, dapat ay magkaroon ng kakayahan ang mga tao na malaman kung ano ba mismo ang katotohanan. Huwag itumbas sa katotohanan ang tradisyonal na kultura at ang mga pahayag tungkol sa wastong asal na itinatanim nito sa mga tao. Ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan, at tiyak na walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Ang tradisyonal na kultura, anuman ang tinutugunan nito, at anuman ang partikular na pahayag o hinihingi nito, ay kinakatawan lamang ang pagtuturo, pagdodoktrina, panlilinlang, at panloloko ni Satanas sa sangkatauhan. Kinakatawan nito ang panlalansi ni Satanas, at ang kalikasang diwa ni Satanas. Ganap itong walang kinalaman sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya, gaano man kahusay ang pagsasagawa mo, pagdating sa wastong asal, o sa pagsasakatuparan mo nito, o sa pag-unawa mo rito, hindi ito nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan, o na ikaw ay isang taong may pagkatao at katinuan, at tiyak na hindi ito nangangahulugan na nagagawa mong tuparin ang kalooban ng Diyos. Walang pahayag o hinihingi tungkol sa wastong asal—anumang uri ng tao o pag-uugali ang pinupuntirya nito—ang may kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan na hinihingi ng Diyos na isagawa ng tao, o sa mga prinsipyong dapat sundin ng tao. Pinag-iisipan ba ninyo ang tanong na ito? Malinaw na ba ninyo itong nakikita ngayon? (Oo.)
Kung walang detalyadong pagbabahagi tungkol sa at komprehensibong pagsusuri ng iba’t ibang pahayag na ito ng tradisyonal na kultura, hindi makikita ng mga tao na ang mga isinusulong nitong mga pahayag ay huwad, mapanlinlang, at walang bisa. Dahil dito, sa kaibuturan ng kanilang puso, tinitingnan pa rin ng mga tao ang iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura bilang bahagi ng kredo o mga panuntunan na dapat nilang sundin sa kung paano sila kumilos at umasal. Itinuturing pa rin nilang katotohanan ang mga pag-uugali at wastong asal na itinuturing na mabuti ng tradisyonal na kultura at sinusunod nila ang mga ito bilang ang katotohanan, itinutumbas pa nga ang mga ito sa katotohanan. Ang mas malala pa, ipinapangaral at isinusulong ng mga tao ang mga ito na para bang tama ang mga ito, na para bang positibong bagay ang mga ito, na para pa ngang ang mga ito ang katotohanan; inililigaw nila ang mga tao, ginugulo ang mga tao, at pinipigilan nila ang mga tao na makalapit sa Diyos upang tanggapin ang katotohanan. Totoong-totoo ang problemang ito na nakikita ng lahat. Madalas na katotohanan ang turing ng mga tao sa mga pahayag tungkol sa wastong asal na itinuturing ng tao na mabuti at positibo. Binabanggit pa nga nila ang mga pahayag at salita mula sa tradisyonal na kultura upang ibahagi at ipangaral kapag sila ay nasa mga pagtitipon at nakikipag-usap tungkol sa mga salita ng Diyos. Napakalubhang problema nito. Hindi dapat mangyari ang ganitong uri ng isyu o kaganapan sa sambahayan ng Diyos, subalit madalas ay nangyayari ito—napakakaraniwang problema nito. Ipinapakita nito ang isa pang isyu: Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang tunay na diwa ng tradisyonal na kultura at ng mga pahayag tungkol sa moralidad, madalas nilang itinuturing ang mga pahayag ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal bilang mga positibong bagay na maipapalit o maipanghahalili sa katotohanan. Karaniwan bang nangyayari ito? (Oo.) Halimbawa, ang mga pahayag sa tradisyonal na kultura gaya ng, “Maging mabuti sa iba,” “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” at maging ang mga mas popular na pahayag gaya ng, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” at “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay naging mga kredong sinusunod ng mga tao sa kanilang pag-asal, at naging mga batayan at pamantayan na ginagamit sa paghusga sa pagiging marangal ng isang tao. Kaya, kahit matapos marinig ang maraming salita ng Diyos at ang katotohanan, ginagamit pa rin ng mga tao ang mga pahayag at teorya ng tradisyonal na kultura bilang mga pamantayan sa paghusga sa ibang tao at pagtingin sa mga bagay-bagay. Ano ang isyu rito? Ipinapakita nito ang isang napakalubhang problema, na inookupa ng tradisyonal na kultura ang napakahalagang puwang sa kaibuturan ng puso ng tao. Hindi ba’t ganito nga ang ipinapakita nito? (Ganito nga.) Ang lahat ng iba’t ibang ideya na itinanim ni Satanas sa mga tao ay malalim nang nakaugat sa kanilang puso. Namayani na ang mga ito at naging pangunahing kalakaran sa mga buhay, kapaligiran, at lipunan ng buong sangkatauhan. Kaya, hindi lamang umookupa ng mahalagang puwang ang tradisyonal na kultura sa kaibuturan ng puso ng mga tao, bagkus, malalim din nitong naiimpluwensyahan at nakokontrol ang mga prinsipyo at saloobin, at ang mga pananaw at pamamaraan, na ginagamit nila sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang pag-asal at pagkilos. Kahit matapos tanggapin ng mga tao ang paglupig ng mga salita ng Diyos, gayundin ang pagbubunyag, paghatol, at pagkastigo ng mga ito, ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura ay umookupa pa rin ng mahalagang puwang sa kanilang espirituwal na mundo at sa kaibuturan ng kanilang puso. Ibig sabihin, kinokontrol ng mga ito ang direksyon, mga layon, prinsipyo, saloobin, at pananaw na nagtatakda kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, kung paano sila umaasal at kumikilos. Hindi ba’t nangangahulugan ito na ganap nang nadakip ni Satanas ang mga tao? Hindi ba’t isang katunayan ito? (Oo.) Isang katunayan ito. Ang paraan ng pamumuhay ng mga tao at ang kanilang mga layon sa buhay, ang kanilang mga pananaw at saloobin sa pagharap nila sa mga bagay-bagay ay ganap na nakabatay sa tradisyonal na kultura, na siyang isinulsol at itinanim sa kanila ni Satanas. Inookupa ng tradisyonal na kultura ang nangingibabaw na posisyon sa buhay ng mga tao. Maaaring sabihin na matapos lumapit sa Diyos at marinig ang Kanyang mga salita, at matapos pa ngang tanggapin ang ilang tamang pahayag at pananaw mula sa Kanya, inookupa pa rin ng iba’t ibang kaisipan mula sa tradisyonal na kultura ang nangingibabaw at mahalagang puwang sa kanilang espirituwal na mundo at sa kaibuturan ng kanilang puso. Dahil sa mga kaisipang ito, hindi maiwasan ng mga tao na tingnan ang Diyos at ang Kanyang mga salita at gawain gamit ang mga pamamaraan, pananaw, at saloobin ng tradisyonal na kultura. Huhusgahan, susuriin, at aaralin pa nga nila ang mga salita, gawain, identidad, at diwa ng Diyos batay sa mga ito. Hindi ba’t ganoon nga iyon? (Ganoon nga.) Isa itong katunayan na hindi maipagkakaila. Kahit kapag ang mga tao ay nalupig na ng mga salita at gawain ng Diyos, ng Kanyang mga kilos, diwa, kapangyarihan at karunungan, inookupa pa rin ng tradisyonal na kultura ang importanteng posisyon sa kaibuturan ng kanilang puso hanggang sa puntong wala nang makakapalit dito. Natural na ganito rin ang nangyayari sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit na nalupig na ng Diyos ang mga tao, hindi mapalitan ng Kanyang mga salita at ng katotohanan ang tradisyonal na kultura sa kanilang puso. Sobra itong nakalulungkot at nakatatakot. Kumakapit ang mga tao sa tradisyonal na kultura habang sumusunod sa Diyos, habang nakikinig sa Kanyang mga salita, habang tinatanggap ang katotohanan at iba’t ibang ideya mula sa Kanya. Sa panlabas, mukhang sumusunod ang mga taong ito sa Diyos, ngunit ang iba’t ibang ideya, pananaw, at perspektiba na itinanim sa kanila ng tradisyonal na kultura at ni Satanas ay may posisyon sa kanilang puso na hindi mayayanig o mapapalitan. Bagama’t ang mga tao ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw at nagbabasa nang padasal at madalas na pinagbubulayan ang mga ito, ang mga pangunahing pananaw, prinsipyo, at pamamaraan na pinagbabatayan kung paano nila tinitingnan ang mga tao at mga bagay, gayundin kung paano sila umaasal at kumikilos, ay nakabatay pa rin sa tradisyonal na kultura. Samakatuwid, naaapektuhan ng tradisyonal na kultura ang mga tao sa pamamagitan ng pagmamanipula, pangangasiwa, at pagkontrol nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Para itong anino nila na hindi nila maiwawaksi at matatakasan. Ano ang dahilan nito? Sapagkat ang mga tao ay hindi kayang isiwalat, siyasatin, o ilantad, mula sa kaibuturan ng kanilang puso, ang iba’t ibang ideya at pananaw na itinanim sa kanila ng tradisyonal na kultura at ni Satanas; hindi nila kayang kilalanin, kilatisin, labanan, o iwanan ang mga bagay na ito; hindi nila kayang tingnan ang mga tao at mga bagay, umasal, o kumilos sa paraang sinasabi sa kanila ng Diyos, o sa paraang itinuturo Niya at inuutos. Sa anong uri ng suliranin kasalukuyang namumuhay pa rin ang karamihan sa mga tao nang dahil dito? Sa isang suliranin kung saan mayroong pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso na tingnan ang mga tao at bagay-bagay, umasal, at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, na huwag labagin ang kalooban ng Diyos o salungatin ang katotohanan, gayunpaman, nang walang kalaban-laban at hindi sinasadya, patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa mga tao, umaasal, at pinangangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga pamamaraan na itinuturo ni Satanas. Sa puso nila, nananabik ang mga tao sa katotohanan at nais nilang magtaglay ng matinding pagnanais para sa Diyos, na tignan ang mga tao at bagay-bagay, umasal, at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi labagin ang mga katotohanang prinsipyo, subalit palaging salungat sa kanilang kagustuhan ang kinahahantungan ng mga bagay-bagay. Kahit matapos doblehin ang kanilang mga pagsisikap, ang resulta na nakukuha nila ay hindi pa rin ang gusto nila. Gaano man nahihirapan ang mga tao, gaano man kalaki ang kanilang pagsisikap, gaano man sila manindigan at maghangad na matamo ang pagmamahal para sa mga positibong bagay, sa huli, ang katotohanan na kanilang naisasagawa at ang mga pamantayan ng katotohanan na kanilang napanghahawakan sa totoong buhay ay kakaunti at madalang. Ito ang pinakanakakapagpabagabag sa mga tao, sa kaibuturan ng kanilang puso. Ano ang dahilan nito? Ang isang dahilan ay walang iba kundi ang patuloy na pangingibabaw sa kanilang mga puso ng iba’t ibang ideya at pananaw na itinuturo ng tradisyonal na kultura sa mga tao, at kinokontrol nito ang kanilang mga salita, gawa, ideya, gayundin ang mga pamamaraan at gawi ng asal nila. Kaya, kailangan sumailalim ang mga tao sa isang proseso upang makilala ang tradisyonal na kultura, upang suriin at ibunyag ito, upang kilatisin at unawain 'to, at sa huli, upang abandonahin ito magpakailanman. Napakahalaga na gawin ito; hindi opsyonal ang paggawa nito. Ito ay dahil ang tradisyonal na kultura ay nangingibabaw na sa kaibuturan ng puso ng mga tao—pinangingibabawan pa nga nito ang kabuuan ng kanilang pagkatao. Nangangahulugan ito na sa kanilang buhay, hindi mapigilan ng mga tao na labagin ang katotohanan sa kung paano sila umasal, at kung paano nila pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay, at hindi nila mapigilan ang kanilang sarili na makontrol at maimpluwensyahan pa rin ng tradisyonal na kultura, mula noon hanggang ngayon.
Kung nais ng isang tao na ganap na tanggapin ang katotohanan sa kanyang pananalig sa Diyos, at na lubusang isagawa at kamtin ito, dapat siyang magsimula sa malalim at partikular na paghalukay, paglalantad, at pag-alam sa iba’t ibang ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura. Malinaw na ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura ay umookupa ng mahalagang puwang sa puso ng bawat tao, subalit iba-ibang tao ang kumakapit sa magkakaibang aspeto ng pagdodoktrina nito; ang bawat tao ay tumutuon sa magkakaibang bahagi nito. Partikular na isinusulong ng ibang tao ang pahayag na: “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Napakamatapat nila sa kanilang mga kaibigan, at ang katapatan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang katapatan ang kanilang buhay. Mula sa araw na sila ay isinilang, namuhay na sila para sa katapatan. Ang ilang tao ay talagang pinahahalagahan ang kabutihan. Kung nakatatanggap sila ng kabutihan mula sa isang tao, malaki man ito o maliit, isinasapuso nila ito, at ang pagsukli rito ang nagiging pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay—ito ang nagiging misyon nila sa buhay. Ang ilang tao ay pinahahalagahan ang pagkakaroon ng magandang impresyon sa iba; tumutuon sila sa pagiging kagalang-galang, marangal, at disenteng uri ng tao, at sa paghimok sa iba na respetuhin at tingalain sila. Gusto nila na maganda ang sasabihin ng iba tungkol sa kanila, gusto nilang magkaroon ng magandang reputasyon, gusto nilang mapuri, gusto nilang masang-ayunan nang husto ng lahat. Iba-iba ang pinagtutuunan ng bawat tao sa kanilang paghahangad sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura at moralidad. Ang ilan ay pinahahalagahan ang katanyagan at kayamanan, ang iba ay pinahahalagahan ang integridad, ang ilan ay pinahahalagahan ang pagkadalisay, ang iba ay pinahahalagahan ang pagsukli sa kabutihan. Ang ilang tao ay pinahahalagahan ang katapatan, ang iba ay ang kabutihang-loob, at ang ilan ay pinahahalagahan ang kagandahang-asal—magalang sila at wasto ang asal sa lahat, palagi nilang inuuna ang kapakanan ng iba—at iba pa. Magkakaiba ang pinagtutuunan ng lahat. Kaya, kung nais mong maunawaan kung paano ka naaapektuhan at kinokontrol ng tradisyonal na kultura, kung nais mong malaman kung gaano kabigat ang timbang nito sa kaibuturan ng iyong puso, dapat mong suriin kung anong uri ka ng tao, at kung ano ang pinahahalagahan mo. Ang pinahahalagahan mo ba ay “kagandahang-asal” o “kabutihang-loob”? Ang pinahahalagahan mo ba ay “pagiging mapagkakatiwalaan” o “pagtitiis”? Tingnan mula sa iba’t ibang pananaw at tingnan ang iyong mismong pag-uugali upang masuri kung aling aspeto ng tradisyonal na kultura ang nagkaroon ng pinakamalalim na impluwensya sa iyo, at kung bakit mo hinahangad ang tradisyonal na kultura. Anumang diwa ng tradisyonal na kultura ang hinahangad mo, ganoon kang uri ng tao. Anumang uri ka ng tao, iyon ang nangingibabaw sa buhay mo—at anuman ang nangingibabaw sa buhay mo, iyon ang bagay na kailangan mong kilalanin, suriin, unawain, labanan, at talikuran. Pagkatapos mong matuklasan ito at magkamit ka ng pagkaunawa rito, unti-unti mong maiwawaksi ang tradisyonal na kultura, tunay na matatalikuran ito, at sa wakas, ganap kang makalalaya rito at maaalis ito nang lubusan sa kaibuturan ng iyong puso. Pagkatapos ay magagawa mo nang talikuran ito nang lubusan at puksain ito. Sa sandaling magawa mo na ito, hindi na ang tradisyonal na kultura ang magiging pinakamahalaga sa iyong buhay; sa halip, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay unti-unti nang magiging pangunahin sa kaibuturan ng iyong puso at magiging buhay mo. Unti-unting ookupa ng mahalagang puwang sa puso mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at ang mga salita ng Diyos at ang Diyos ang uupo sa trono sa puso mo at mamumuno bilang iyong hari. Ookupahin ng mga ito ang bawat bahagi mo. Hindi ba’t mararamdaman mong mas maliit na ang pagkabagabag mo sa buhay kung magkagayon? Hindi ba’t mababawasan na nang mababawasan ang pagiging nakababagabag ng iyong buhay? (Mababawasan na nga.) Hindi ba’t magiging mas madali na sa iyo na tignan ang mga tao at bagay, na umasal at kumilos, nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan mo ay ang katotohanan? (Mas madali na nga.) Magiging mas madali na ito. Nakikita Ko na abalang-abala kayong lahat sa inyong mga tungkulin araw-araw. Maliban sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, kailangan din ninyong magbahaginan tungkol sa katotohanan araw-araw, magbasa, makinig, magkabisa, at magsulat. Gumugugol kayo ng maraming oras at lakas, nagbabayad kayo ng malaking halaga, labis kayong nagdurusa, at marahil ay nakauunawa kayo ng maraming doktrina. Gayunpaman, pagdating sa pagganap sa inyong tungkulin, nakalulungkot na hindi ninyo naisasagawa ang katotohanan at hindi ninyo nauunawaan ang mga prinsipyo. Nakapakinig na kayo at nakapagbahaginan ng iba’t ibang aspeto ng katotohanan nang maraming beses, pero kapag may nangyayari sa inyo, hindi ninyo alam kung paano danasin, isagawa, o gamitin ang mga salita ng Diyos. Hindi ninyo alam kung paano isasagawa ang katotohanan; kailangan pa rin ninyong maghanap at makipagdiskusyon sa iba. Bakit napakatagal bago mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa puso ng isang tao? Bakit napakahirap na maunawaan ang katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? Hindi maipagkakaila na ang isang pangunahing dahilan nito ay ang malaking impluwensya ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Umokupa ito ng mahalagang posisyon sa puso ng mga tao sa loob ng napakahabang panahon, at kinokontrol nito ang iniisip at utak ng mga tao. Binibigyang-laya ng tradisyonal na kultura ang mga tiwaling disposisyon ng tao; panatag ang loob nila sa paglalantad sa mga ito, gaya ng isang tagakatay sa isang kutsilyo, gaya ng isang isda sa tubig. Hindi ba’t ganito nga iyon? (Ganito nga.) Malapit na nakaugnay ang tradisyonal na kultura sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Nagtutulungan ang mga ito at pinagtitibay ang isa’t isa. Kapag nagtagpo ang mga tiwaling disposisyon at ang tradisyonal na kultura, gaya ng isang isda sa tubig, nagagawa ng mga ito na ipakita ang buong kakayahan ng mga ito. Minamahal at kinakailangan ng mga tiwaling disposisyon ang tradisyonal na kultura. Kaya, sa loob ng libu-libong taon na pangongondisyon ng tradisyonal na kultura, lalo nang lumalim ang pagtiwali ni Satanas sa tao, at lalo nang lumala nang lumala at lumaki nang lumaki ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Sa likod ng pagbabalat-kayo at pagpapanggap nito, ang mga disposisyong ito ay hindi lang lalong lumala, kundi lalo ring napagtakpan. Ang mga disposisyon gaya ng kayabangan, panlilinlang, kasamaan, pagmamatigas, at pagkayamot sa katotohanan ay lalong natatago at napagtatakpan—nalalantad ang mga ito sa mga mas tusong pamamaraan, na nagpapahirap sa mga tao na matukoy ang mga ito. Kaya, sa ilalim ng pangongondisyon, pagtuturo, panloloko, at pagkontrol ng tradisyonal na kultura, ano na ang unti-unting nangyari sa mundo ng sangkatauhan? Naging mundo na ito ng mga demonyo. Hindi namumuhay ang mga tao na parang mga tao; wala silang wangis ng tao o pagkatao. Gayunpaman, ang mga taong kumakapit sa tradisyonal na kultura, na matagal nang nadoktrina, napasok, at nasakop nito ay lalo nang nagiging tiwala sa sarili nilang kadakilaan, karangalan, at kagitingan. Sobrang laki ng ego nila; wala sa kanila ang nag-iisip na sila ay hindi mahalaga, na sila ay walang silbi, na sila ay hamak lamang na nilikha. Wala sa kanila ang handang maging normal na tao; nais nilang lahat na maging sikat, maging dakila, maging pantas. Sa ilalim ng pangongondisyon ng tradisyonal na kultura, bukod sa nais ng mga tao na malampasan ang kanilang sarili—nais din nilang malampasan ang buong mundo at ang buong sangkatauhan. Narinig mo ang awit na kinakanta ng mga hindi mananampalataya, “Nais kong lumipad nang mas mataas, lumipad nang mas mataas,” at ang isa pang awitin na, “Ako ay munting ibon lamang, nais kong lumipad, ngunit hindi ako makalipad nang mataas.” Hindi ba’t walang katwiran ang mga salitang ito, at walang anumang pagkatao at katinuan? Hindi ba’t ang mga ito ang garapal na pag-alulong ni Satanas? (Gayon nga.) Ang mga ito ang tunog ng hibang na alulong ni Satanas. Kaya paano man ito tingnan ng isang tao, matagal nang tumagos sa puso ng tao ang lason ng tradisyonal na kultura, at hindi ito isang bagay na maiwawaksi sa magdamag. Hindi ito kasingdali ng pagwawagi laban sa isang personal na kakulangan o masamang gawi—dapat mong tuklasin ang iyong mga iniisip, pananaw, at tiwaling disposisyon, at puksain ang nakalalasong ugat ng tradisyonal na kultura sa buhay mo alinsunod sa katotohanan. Pagkatapos, kailangan mong tingnan ang mga tao at bagay, na umasal at kumilos alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at na gawing buhay mo ang katotohanan at ang Kanyang mga salita. Sa paggawa lamang nito tunay mong matatahak ang tamang landas sa pagsunod sa Diyos at pananalig sa Kanya.
Marami na tayong nagawa upang suriin at ibunyag ang paksa ng tradisyonal na kultura, at mahaba na ang naging pagbabahaginan natin tungkol dito. Gaano karaming beses man tayo magbahaginan tungkol dito, o gaano katagal man tayo magbahaginan, nananatili pa rin ang layon na lutasin ang iba’t ibang paghihirap at problema na lumilitaw habang hinahangad ng mga tao ang katotohanan, o na umiiral sa kanilang pagpasok sa buhay. Ang pakay ay alisin ang lahat ng harang, balakid at paghihirap—sa mga ito, ang nangingibabaw ay ang iba’t bang pahayag, ideya, at pananaw ng tradisyonal na kultura—na humahadlang sa mga tao na mahangad ang katotohanan. Sa ngayon, natapos na talaga natin ang ating pagbabahaginan sa paksa ng tradisyonal na kultura. Kung gayon, natapos na ba tayong magbahaginan sa mga paksa na nauugnay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi pa.) Ang pagbabahaginan at pagsusuri ba natin sa tradisyonal na kultura ay nauugnay sa paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Nauugnay ito sa paghahangad sa katotohanan. Ang tradisyonal na kultura ang pinakamalaking paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ngayong tapos na tayo sa pagbabahaginan tungkol sa tradisyonal na kultura—ang pinakamalaking balakid sa paghahangad ng tao sa katotohanan—ngayong araw ay magbabahaginan tayo sa tanong na, “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Nakapagbahaginan na ba tayo tungkol sa tanong na ito dati? Bakit dapat tayong magbahaginan tungkol dito? Mahalagang tanong ba ito? (Oo.) Bakit ito mahalaga? Ibahagi ninyo ang inyong mga naiisip. (Sa pagkaunawa ko ay direktang nauugnay ang paghahangad sa katotohanan sa kaligtasan ng tao. Dahil lahat tayo ay may malulubhang tiwaling disposisyon, at nadoktrinahan at malalim nang nalason ng tradisyonal na kultura simula pa noong bata tayo, kailangan nating hangarin ang katotohanan, kung hindi ay hindi natin makikilatis ang mga negatibong bagay na nagmumula kay Satanas. Hindi rin natin maisasagawa ang katotohanan, at hindi natin malalaman kung paano kikilos nang positibo at nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Wala tayong magagawa kundi kumilos at umasal nang alinsunod sa ating mga tiwaling disposisyon. Kung ganito nananalig ang isang tao sa Diyos, sa huli, siya ay magiging isang buhay na Satanas pa rin, hindi isang tao na ililigtas ng Diyos. Samakatuwid, napakahalaga ng paghahangad sa katotohanan. Dagdag pa rito, malilinis lamang ang ating mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan; ito rin ang tanging paraan para itama ang ating mga maling ideya tungkol sa kung paano natin dapat tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano tayo dapat umasal at kumilos. Pagkatapos maunawaan at makamit ng isang tao ang katotohanan, saka lamang niya magagawa nang mahusay ang kanyang tungkulin at saka lamang siya magiging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Kung hindi, hindi sadya na susundin niya ang kanyang mga tiwaling disposisyon upang gumawa ng mga bagay-bagay sa kanyang mga tungkulin na gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia.) Dalawang punto ang sinabi mo. Ano ang tanong Ko? (Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?) Simpleng tanong ba iyon? Kung pakikinggan ay isa itong tanong na simple at may sanhi-at-bunga. Tingin ba ninyong lahat, ang paghahangad sa katotohanan ay, sa isang banda, nauugnay sa kaligtasan ng tao, at sa kabilang banda, sa hindi paglikha ng mga paggambala at panggugulo? (Oo.) Kapag ganyan ang pagkakasabi mo, simple nga lang kung pakikinggan ang tanong. Ganoon nga ba talaga ito kasimple? Ibahagi ninyo ang mga opinyon ninyo. (Sa tingin ko, ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” ay mas simpleng masasagot mula sa isang teoretikal na pananaw, ngunit kapag kinasasangkutan ito ng aktwal na pagsasagawa at pagpasok sa realidad, hindi na ito simple.) “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?”—ilang tanong ang nasasaklawan nito? Nasasaklawan nito ang mga tanong na gaya ng kung ano ang kabuluhan ng paghahangad sa katotohanan, kung ano ang mga dahilan nito—ano pa? (Ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan: Saklaw rin nito ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan; kasama rito ang mga katanungang ito. Kung isasaalang-alang ang mga bagay na ito, simple ba ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” (Hindi.) Pag-isipang muli ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” batay sa mga bagay na iyon. Una, magbalik-tanaw muna kayo, ano ang paghahangad sa katotohanan? Paano ito bibigyang-kahulugan? (Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Tama ba iyon? May kulang kayong salita, ang salitang “ganap.” Basahin ninyo itong muli. (Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” ay nauugnay sa mga pagtingin ng mga tao sa mga tao at bagay, at sa kanilang asal at kilos. Tungkol ito sa kung paano dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay at tao, kung paano sila dapat umasal at kumilos; at kung bakit dapat nilang tingnan ang mga bagay at tao, gayundin kung bakit dapat silang umasal at kumilos, nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Bakit nila dapat hangarin ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay—hindi ba't ito ang ugat ng tanong na ito? Hindi ba't ito ang pangunahing katanungan? (Ito nga.) Naunawaan na ninyo ngayon ang pinakapunto ng tanong na ito. Balikan natin ang mismong tanong, “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” Hindi simple ang tanong na ito. Saklaw nito ang kabuluhan at halaga ng paghahangad sa katotohanan, at may isa pa itong aspeto na napakahalaga: Batay sa diwa at likas na gawi ng sangkatauhan, kailangan nila ang katotohanan bilang buhay nila, kaya dapat nila itong hangarin. Natural na nauugnay rin ito sa kinabukasan at kaligtasan ng sangkatauhan. Sa madaling salita, ang paghahangad sa katotohanan ay nauugnay sa pagliligtas sa mga tao at sa pagbabago ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Natural na nauugnay rin ito sa iba't ibang bagay na ipinamumuhay ng mga tao, sa kanilang mga ipinapakita, at sa kanilang mga pag-uugali sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, tumpak na masasabi na wala silang tsansang mailigtas. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, may isandaang porsyentong posibilidad na nilalabanan, ipinagkakanulo, at tinatanggihan nila ang Diyos. May posibilidad na labanan at ipagkanulo nila ang Diyos anumang oras at saanmang lugar, at natural na may posibilidad na guluhin nila ang gawain ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos, o may posibilidad na gumawa sila ng isang bagay na makakagulo o makakaantala anumang oras at saanmang lugar. Ang mga ito ay ilan sa mga pinakasimple, at pinakabatayang dahilan kung bakit dapat hangarin ng mga tao ang katotohanan na makikita at mauunawaan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Pero ngayong araw, magbabahaginan lang tayo sa ilang mahalagang bahagi ng tanong na, “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” Nakapagbahaginan na tayo sa mga pinakapangunahing aspeto ng katanungang ito, na siyang naunawaan at kinilala ng mga tao bilang usapin ng doktrina, kaya ngayong araw ay hindi tayo magbabahaginan tungkol sa mga batayan at simpleng katanungan na iyon. Sasapat nang magbahaginan tayo sa ilang pangunahing elemento. Bakit tayo nagbabahaginan sa paksa ng paghahangad sa katotohanan? Malinaw na may ilan pang mahalagang katanungang nakapaloob dito, mga katanungang hindi lubos na maunawaan ng mga tao, at hindi nila alam, at hindi nila maarok, subalit nangangailangan ang mga katanungang ito ng kanilang pag-intindi at pagkaunawa.
Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Hindi tayo magsisimula sa mga batayang aspeto nito na naaarok at nauunawaan na ng mga tao, hindi rin tayo magsisimula sa doktrinang nalalaman na ng mga tao. Kaya, saan tayo magsisimula? Dapat tayong magsimula sa ugat ng tanong na ito, sa plano ng pamamahala ng Diyos at kalooban ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagsisimula sa ugat ng tanong? Nangangahulugan ito na magsisimula tayo sa plano ng pamamahala ng Diyos, at sa paglikha ng Diyos sa sangkatauhan. Buhat nang magkaroon ng mga tao, buhat nang ang isang buhay na nilalang—ang nilikhang sangkatauhan—ay tumanggap ng hininga mula sa Diyos, pinlano na ng Diyos na magkamit ng isang grupo mula sa kanilang hanay. Ang grupong ito ay magagawang maintindihan, maunawaan, at masunod ang Kanyang mga salita. Magagawa nilang maging mga tagapangasiwa para sa lahat ng bagay, sa iba’t ibang nilikha ng Diyos, sa mga halaman, hayop, kagubatan, karagatan, ilog, lawa, kabundukan, batis, kapatagan, at iba pa, nang alinsunod sa Kanyang mga salita. Pagkatapos gawin ng Diyos ang planong ito, nagsimula na Siyang umasa sa sangkatauhan. Umaasa Siya na balang araw ay magagawa ng mga tao na maging mga tagapangasiwa para sa sangkatauhang ito, para sa lahat ng bagay na umiiral sa mundo, at sa iba’t ibang nilalang na namumuhay kasama nila, at na magagawa nila ito sa maayos na paraan, nang alinsunod sa mga pamamaraan, panuntunan, at batas na inilatag Niya. Bagamat nabuo na ng Diyos ang planong ito at ang mga inaasahang ito, ang Kanyang pinakalayon ay matatagalan pa bago makamit. Hindi ito isang bagay na maisasakatuparan sa loob ng sampu o dalawampung taon, o sa loob ng isa o dalawang daang taon, at tiyak na hindi sa loob ng isa o dalawang libong taon. Aabutin ito ng anim na libong taon. Sa panahon ng prosesong ito, kailangang maranasan ng sangkatauhan ang iba’t ibang kapanahunan at ang iba’t ibang yugto ng gawain ng Diyos. Dapat nilang maranasan ang paggalaw ng mga bituin sa kalangitan, ang pagkatuyo ng mga karagatan at ang pagguho ng mga bato, kailangan nilang makaranas ng malaking pagbabago. Mula sa pinakauna at pinakamaliit na populasyon ng tao, nakaranas na ang sangkatauhan ng malalaking tagumpay at paghihirap, at mga hindi kanais-nais na pagbabago at pagpihit ng mundong ito, at pagkatapos nilang maranasan ito, unti-unti nang dumami ang mga tao at unti-unti nang nagtamo ng mga karanasan, at ang agrikultura, ekonomiya, at pamamaraan ng pamumuhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan ay unti-unting nagbago at nagpausbong sa mga bagong kaparaanan. Kapag narating na ang isang partikular na yugto at isang partikular na kapanahunan, saka lamang maaabot ng mga tao ang antas kung saan sila ay hahatulan, kakastiguhin, at lulupigin ng Diyos, at kung saan ipapahayag sa kanila ng Diyos ang katotohanan, ang Kanyang mga salita, at ang Kanyang kalooban. Upang maabot ang antas na ito, marami nang naranasang malaking pagbabago ang sangkatauhan, gayundin ang lahat ng bagay sa mundong ito. Natural na naganap na rin ang malalaking pagbabago sa kalangitan at sa kalawakan. Ang serye ng mga pagbabagong ito ay unti-unting naganap at nakita kasabay ng pamamahala ng Diyos. Inabot nang matagal na panahon para maabot ng mga tao ang punto kung saan nakalapit na sila sa Diyos at natanggap ang Kanyang panlulupig, paghatol, at pagkastigo, at ang panustos ng Kanyang mga salita. Pero ayos lang iyon; makapaghihintay ang Diyos, dahil iyon ang plano ng Diyos, at iyon ang Kanyang ninanais. Kailangang maghintay ang Diyos nang mahabang panahon para sa Kanyang plano at ninanais. Hanggang sa kasalukuyan, tunay ngang napakatagal na Niyang naghihintay.
Pagkatapos danasin ng sangkatauhan ang kanilang unang yugto ng kamangmangan, maling akala, at pagkalito, inakay sila ng Diyos tungo sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagamat nakapasok na sa bagong kapanahunan ang sangkatauhan, isang kapanahunan sa plano ng pamamahala ng Diyos, bagamat ang mga tao ay hindi na namumuhay ng buhay na walang pagpipigil at walang disiplina na gaya ng mga kawan ng tupa, bagamat nakapasok na sila sa isang kapaligiran para sa kanilang buhay na may patnubay, pagtuturo, at pagtatakda ng kautusan, ang alam lang ng mga tao ay ilang simpleng bagay na itinuro, sinabi, o ipinaalam sa kanila ng kautusan, o na kilala na sa saklaw ng buhay ng tao: Halimbawa, kung ano ang pagnanakaw, o kung ano ang pakikiapid, kung ano ang pagpatay, kung paano mapapanagot ang mga tao para sa pagpatay, kung paano makikitungo sa kapwa, kung paano mapapanagot ang mga tao sa paggawa ng kung ano-ano. Ang sangkatauhan ay nagmula sa kanilang mga pansimulang sitwasyon, kung saan wala silang nalalaman at nauunawaan, tungo sa pagkatuto ng ilang simple at mahalagang kautusan ng asal ng tao na ipinaalam sa kanila ng Diyos. Pagkatapos iproklama ng Diyos ang mga kautusang ito, alam ng mga taong namumuhay sa ilalim ng kautusan na dapat silang sumunod sa mga tuntunin at tumalima sa kautusan, at sa kanilang isipan at kaloob-looban, ang kautusan ay nagsilbing pampigil at patnubay sa kanilang asal, at ang sangkatauhan ay nagkaroon ng pansimulang wangis ng tao. Naunawaan ng mga taong ito na dapat silang sumunod sa ilang tuntunin at tumalima sa ilang kautusan. Gaano man sila kahusay na sumunod sa mga ito o gaano man sila kahigpit na tumalima sa mga ito, ano’t anuman, mas may wangis ng tao ang mga taong ito kaysa sa mga tao bago nagkaroon ng kautusan. Sa usapin ng kanilang pag-uugali at buhay, kumilos at namuhay sila ayon sa mga partikular na pamantayan, at nang may mga partikular na pagpipigil. Hindi na sila gaanong nalilito at mangmang na gaya ng dati, at hindi na gaya ng dati na walang-wala silang mga mithiin sa buhay. Nag-ugat at umokupa ng partikular na posisyon sa kanilang puso ang mga kautusan ng Diyos, at ang lahat ng pahayag na idineklara ng Diyos sa kanila. Hindi na naguguluhan ang sangkatauhan kung ano ang dapat nilang gawin; hindi na sila nabubuhay nang walang mithiin, direksyon, o pagpipigil. Sa kabila nito, malayo pa rin sila sa pagiging mga taong pinaplano at ninanais ng Diyos. Malayo pa rin sila sa pagkakaroon ng kakayahan na kumilos bilang mga dalubhasa sa lahat ng bagay. Kailangan pa rin ng Diyos na maghintay at maging mapagtimpi. Bagamat alam ng mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na dapat nilang sambahin ang Diyos, ginagawa lamang nila ito bilang isang bagay na nakagawian na. Ang posisyon at imahe ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso ay ibang-iba sa tunay na identidad at diwa ng Diyos. Kaya, hindi pa rin sila ang mga nilikha na ninanais ng Diyos, at hindi pa rin sila ang mga taong Kanyang inilalarawan sa isip, na mga taong may kakayahang magsilbing mga tagapangasiwa ng lahat ng bagay. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ang diwa, identidad, at katayuan ng Diyos ay ang sa Tagapamuno ng sangkatauhan, at ang mga tao ay mga nasasakupan o tagatanggap lamang ng Tagapamuno na iyon, wala nang iba pa. Kaya, kailangan pa ring akayin ng Diyos ang mga taong ito, na nabubuhay sa ilalim ng kautusan at nalalaman lamang ang kautusan, na patuloy sumulong. Walang ibang nauunawaan ang mga taong ito kundi ang kautusan; hindi nila alam kung paano magsilbing mga tagapangasiwa ng lahat ng bagay; hindi nila alam kung sino ang Diyos; at hindi nila alam ang tamang paraan ng pamumuhay. Hindi nila alam kung paano umasal at mamuhay nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, hindi rin nila alam kung paano mabuhay nang may higit na kabuluhan kaysa dati, o kung ano ang dapat hangarin ng mga tao sa kanilang buhay, at iba pa. Ganap na mangmang sa mga bagay na ito ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan. Maliban sa kautusan, walang alam ang mga taong ito sa mga hinihingi ng Diyos, sa katotohanan, o sa mga salita ng Diyos. Dahil ganito nga ang kalagayan, kailangang patuloy na pagpasensyahan ng Diyos ang sangkatauhan habang sila ay nabubuhay sa ilalim ng kautusan. Malaki na ang iniunlad ng mga taong ito kumpara sa mga tao na nabuhay bago sila—kahit paano ay nauunawaan nila kung ano ang kasalanan, at na dapat silang tumalima at sumunod sa kautusan, at mamuhay sa ilalim ng balangkas ng kautusan—pero malayong-malayo pa rin sila sa mga hinihingi ng Diyos. Gayunpaman, sabik pa rin na umaasa at naghihintay ang Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.