Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7 (Ikalawang Bahagi)
Kapag nasa kagipitan o panganib ang ilang tao at nagkataong nakatanggap sila ng tulong mula sa isang masamang tao na nagbibigay-daan sa kanilang makaalis sa kanilang suliranin, naniniwala silang ang masamang taong iyon ay isang mabuting tao at handa silang gumawa ng bagay para sa kanya upang ipakita ang kanilang pasasalamat. Gayunpaman, sa gayong mga pagkakataon, susubukan ng masamang taong isangkot sila sa mga kasuklam-suklam nitong gawain at gamitin sila upang magsakatuparan ng masasamang gawain. Kung hindi sila makatatanggi, maaari itong maging mapanganib. Magtatalo ang kalooban ng ilang gayong tao sa mga sitwasyong ito, dahil iisipin nilang kung hindi nila tutulungan ang masama nilang kaibigan sa paggawa ng ilang masamang gawa, magmumukhang hindi sila nagsusukli nang sapat sa pagkakaibigang ito, subalit makalalabag naman sa kanilang konsensiya at katwiran ang paggawa ng mali. Dahil doon, hindi nila malaman ang gagawin. Isa itong resulta ng pagkaimpluwensiya sa ideyang ito ng tradisyonal na kultura ng pagsusukli sa kabutihan—naigagapos, naitatali, at nakokontrol sila ng ideyang ito. Sa maraming pagkakataon, pinapalitan ng mga kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ang katwiran ng konsensiya ng tao at ang normal niyang paghatol; natural, naiimpluwensiyahan din ng mga iyon ang normal na paraan ng pag-iisip at tamang pagpapasya ng tao. Ang mga ideya ng tradisyonal na kultura ay hindi tama at direktang nakaaapekto sa mga pananaw ng tao ukol sa mga bagay-bagay, na nagdudulot sa kanyang gumawa ng masasamang desisyon. Mula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, napakaraming tao na ang naimpluwensiyahan ng ideya, pananaw, at pamantayang ito ng wastong asal tungkol sa pagsukli sa kabutihan. Kahit pa ang taong nagpakita ng kabutihan sa kanila ay isang masama o tiwaling tao at itinutulak sila nitong gumawa ng mga kasuklam-suklam at masamang gawa, nilalabag pa rin nila ang sarili nilang konsensiya at katwiran, pikit-mata silang sumusunod upang suklian ang kabutihan nito, na nagdudulot ng maraming nakapipinsalang kahihinatnan. Masasabing maraming taong, matapos maimpluwensiyahan, malimitahan, mapigilan, at maigapos ng pamantayang ito ng wastong asal, ay pikit-mata at maling nagtataguyod sa pananaw na ito ng pagsukli sa kabutihan, at malamang na tulungan at suportahan pa nila ang masasamang tao. Ngayong narinig na ninyo ang Aking pagbabahagi, malinaw na sa inyo ang sitwasyong ito at matutukoy na ninyo na hangal na katapatan ito, at na maituturing ang pag-uugaling ito na pag-asal nang hindi nagtatakda ng anumang limitasyon, at walang-ingat na pagsukli sa kabutihan nang walang anumang pagkilatis, at na wala itong kabuluhan at halaga. Dahil natatakot ang mga taong makastigo sila ng opinyon ng madla o makondena ng iba, napipilitan silang ilaan ang kanilang mga buhay sa pagsukli sa kabutihan ng iba, isinasakripisyo pa nga nila ang kanilang buhay sa prosesong ito, na isang nakalilinlang at hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Bukod sa naigapos ng kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng mga tao, naglagay rin ito ng hindi kinakailangang bigat at abala sa kanilang buhay at nagbigay sa kanilang mga pamilya ng karagdagang pagdurusa at mga pasanin. Maraming tao na ang nagbayad ng malalaking halaga upang masuklian ang kabutihang natanggap—ang tingin nila sa pagsukli sa kabutihan ay isang responsabilidad sa lipunan o sarili nilang tungkulin at maaari pa nga nilang igugol ang buong buhay nila sa pagsukli sa kabutihan ng iba. Naniniwala silang ganap na likas at makatwiran na gawin ang bagay na ito, isang hindi matatakasang tungkulin. Hindi ba’t hangal at katawa-tawa ang perspektiba at paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay? Ganap nitong inihahayag kung gaano ka-ignorante at kawalang-kaliwanagan ang mga tao. Ano’t anuman, maaaring ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal—ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—ay naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito katugma ng mga salita ng Diyos at isa itong maling pananaw at paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay.
Yamang ang pagsusukli sa kabutihan ay walang kaugnayan sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at naging paksa ng ating pamumuna, paano ba talaga tinitingnan ng Diyos ang kasabihang ito? Anu-anong uri ng pananaw at kilos ang dapat na taglayin ng mga normal na tao bilang tugon sa kasabihang ito? Malinaw ba ito sa inyo? Kung dati ay may taong nagkaloob sa iyo ng kabutihang labis mong pinakinabangan o ginawan ka ng malaking pabor, dapat mo ba siyang suklian? Paano mo ba dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Hindi ba’t isa itong usapin ng mga pananaw ng mga tao? Isa itong usapin ng mga pananaw ng mga tao pati na ng kanilang mga landas ng pagsasagawa. Sabihin ninyo sa Akin ang pananaw ninyo tungkol sa usaping ito—kung mabuti sa iyo ang isang tao, dapat mo ba siyang suklian? Magkakaroon ng problema kung hindi pa rin ninyo maintindihan ang usaping ito. Dati, hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at isinasagawa ninyo ang pagsusukli sa kabutihan na para bang ito ang katotohanan. Ngayon, pagkatapos makinig sa Aking pagsusuri at pamumuna, nakita na ninyo kung nasaan ang problema, ngunit hindi pa rin ninyo alam kung paano magsagawa o haharap sa isyung ito—hindi pa rin ba ninyo maintindihan ang isyung ito? Bago mo naunawaan ang katotohanan, namuhay ka ayon sa iyong konsensiya at kahit sino pa ang nagkaloob ng kabutihan sa iyo o tumulong sa iyo, kahit pa masasamang tao o mga sanggano sila, talagang susuklian mo sila, at pakiramdam mo ay kailangan mong humarap sa panganib para sa iyong mga kaibigan at isapanganib pa ang iyong buhay para sa kanila. Ang mga lalaki ay dapat na magpaalipin sa kanilang mga tagapangalaga bilang kabayaran, habang ang mga babae ay dapat na magpakasal at mag-anak para sa kanila—ito ang ideyang itinatanim ng tradisyonal na kultura sa mga tao, inuutusan silang buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap. Ang resulta, iniisip ng mga tao na, “Tanging ang mga taong nagsusukli sa kabutihan ang may konsensiya, at kung hindi sila nagsusukli sa kabutihan, tiyak na wala silang konsensiya at hindi sila makatao.” Matibay na nakatanim ang ideyang ito sa puso ng mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, marunong bang magsukli ng kabutihan ang mga hayop? (Oo.) Kung gayon, talaga bang maituturing na matalino ang mga tao dahil lamang sa marunong silang magsukli ng kabutihan? Maituturing bang isang tanda ng pagkatao ang pagsasagawa ng tao ng pagsusukli sa kabutihan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat na maging pananaw ng mga tao sa bagay na ito? Paano ba dapat maunawaan ang ganitong uri ng bagay? Pagkatapos itong maunawaan, ano ang dapat na maging pagharap dito ng isang tao? Ito ang mga katanungang dapat hangarin ninyong lahat na malutas sa sandaling ito. Pakiusap, ibahagi ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa usaping ito. (Kung talagang tinulungan ako ng isang taong lutasin ang isang isyu o problema, taos-puso muna akong magpapasalamat sa kanya, ngunit hindi ako mapipigilan o makokontrol ng sitwasyong ito. Kung mahaharap siya sa mga paghihirap, gagawin ko ang makakaya ko para sa kanya sa abot ng aking abilidad. Tutulungan ko siya kung kaya ko, ngunit hindi ko pipilitin ang sarili ko nang higit sa aking kakayahan.) Ito ang tamang pananaw at katanggap-tanggap ang ganitong paraan ng pagkilos. May iba pa bang gustong magbahagi ng kanilang pananaw tungkol dito? (Dati, ang pananaw ko ay kung tinulungan ako ng isang tao, dapat ko siyang tulungan bilang ganti kapag naharap siya sa problema. Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri ng Diyos sa mga pananaw na “Maging masaya sa pagtulong sa iba” at “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” napagtanto kong kailangang sundin ng isang tao ang mga prinsipyo kapag tumutulong sa iba. Kung naging mabait sa akin o tinulungan ako ng isang tao, dinidikta ng konsensiya kong dapat ko rin siyang tulungan, ngunit ang tulong na ibibigay ko ay dapat na maging batay sa aking kalagayan at sa kung ano ang kaya kong ibigay. Isa pa, dapat ko lang siyang tulungang lutasin ang kanyang mga paghihirap at asikasuhin ang mga pangangailangan niya sa buhay; hindi ko siya dapat na tulungang gumawa ng kasamaan o magsakatuparan ng masasamang gawa. Kung makikita kong nahihirapan ang isang kapatid, tutulungan ko siya hindi dahil sa minsan niya akong tinulungan, kundi dahil sa tungkulin ko ito, responsabilidad ko ito.) May iba pa ba? (Natatandaan ko ang mga salita ng Diyos na nagsabing, “Kung may magiging mabait sa atin, dapat natin itong tanggapin na mula sa Diyos.” Ibig sabihin, sa tuwing pakikitunguhan tayo nang mabuti ng sinuman, dapat natin itong tanggapin na mula sa Diyos at mapangasiwaan ito nang tama. Sa gayong paraan, mauunawaan natin nang tama ang pananaw na ito tungkol sa pagsusukli sa kabutihan. Isa pa, sinasabi ng Diyos na dapat nating mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos. Kapag tumutulong sa ibang tao, kailangan nating kilatisin kung isa itong taong minamahal o kinapopootan ng Diyos. Dapat tayong kumilos batay sa prinsipyong ito.) May kaugnayan ito sa katotohanan—isa itong tamang prinsipyo at may batayan ito. Huwag nating pag-usapan ngayon ang bagay na may kaugnayan sa katotohanan, bagkus ay talakayin natin kung paano dapat harapin ng mga tao ang usaping ito mula sa perspektiba ng pagkatao. Sa realidad, ang mga sitwasyong maaari ninyong makaharap ay hindi palaging ganoon kasimple—hindi palaging nagaganap ang mga iyon sa loob ng iglesia at sa gitna ng mga kapatid. Kadalasan, nagaganap ang mga iyon sa labas ng saklaw ng iglesia. Halimbawa, maaaring magpakita sa iyo ng kabutihan o tumulong sa iyo ang isang walang pananampalatayang kamag-anak, kaibigan, kakilala, o kasamahan. Kung magagawa mong harapin ang usaping ito at pakitunguhan ang taong tumulong sa iyo sa tamang paraan, partikular na, sa paraang kapwa naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at tila angkop naman sa iba, magiging medyo tumpak ang iyong saloobin sa usaping ito at ang iyong mga ideya tungkol dito. Ang tradisyonal na pangkultural na konsepto na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ay kailangang kilatisin. Ang pinakamahalagang bahagi ay ang salitang “kabutihan”—paano mo dapat tingnan ang kabutihang ito? Anong aspekto at kalikasan ng kabutihan ang pinatutungkulan nito? Ano ang kabuluhan ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian”? Dapat alamin ng mga tao ang mga sagot sa mga tanong na ito, at sa anumang pagkakataon ay hindi sila dapat mapigilan ng ideyang ito ng pagsusukli ng kabutihan—para sa sinumang naghahangad sa katotohanan, ito ay lubos na mahalaga. Ano ang “kabutihan” ayon sa mga kuru-kuro ng tao? Sa mas mababang antas, ang kabutihan ay ang pagtulong sa iyo ng isang tao kapag may problema ka. Halimbawa, ang pagbibigay sa iyo ng isang tao ng isang mangkok ng kanin kapag gutom na gutom ka, o isang bote ng tubig kapag uhaw na uhaw ka, o pag-alalay sa iyong makatayo kapag nadapa ka at hindi makabangon. Lahat ito ay paggawa ng kabutihan. Ang dakilang paggawa ng kabutihan ay ang pagliligtas sa iyo ng isang tao kapag nasa desperado kang kalagayan—iyon ay kabutihan na nakapagliligtas ng buhay. Kapag nasa mortal kang panganib at may tumutulong sa iyong makaiwas sa kamatayan, sa esensya ay sinasagip niya ang iyong buhay. Ang mga ito ay ilan sa mga bagay na sa tingin ng mga tao ay “kabutihan.” Ang ganitong uri ng kabutihan ay higit na nalalagpasan ang anumang maliliit at materyal na pabor—ito ay dakilang kabutihan na hindi masusukat sa pera o materyal na mga bagay. Ang mga nakatatanggap nito ay nakararamdam ng pasasalamat na imposibleng maipahayag sa iilang salita lamang ng pagpapasalamat. Ngunit tumpak ba na sukatin ng mga tao ang kabutihan sa ganitong paraan? (Hindi.) Bakit sinasabi mong hindi ito tumpak? (Dahil ang panukat na ito ay nakabatay sa mga pamantayan ng tradisyonal na kultura.) Ito ay isang sagot na batay sa teorya at doktrina, at bagamat mukhang tama ito, hindi nito natutukoy ang diwa ng usapin. Kaya, paano ito maipapaliwanag ng isang tao sa mga praktikal na termino? Pag-isipan itong mabuti. Kamakailan, nabalitaan Ko ang tungkol sa isang video online ng isang lalaking nakalaglag ng pitaka nang hindi niya namamalayan. Isang maliit na aso ang nakapulot sa pitaka at hinabol ang lalaki, at nang makita ito ng lalaki, binugbog niya ang aso dahil inakala niyang ninakaw nito ang pitaka niya. Kakatwa, hindi ba? Mas wala pang moralidad ang lalaking iyon kaysa sa aso! Ang ikinilos ng aso ay ganap na alinsunod sa mga pamantayang pangmoralidad ng tao. Ang isang tao ay makasisigaw sana ng “Nalaglag ang pitaka mo!” Ngunit dahil hindi nakapagsasalita ang aso, tahimik lang nitong pinulot ang pitaka at sumunod sa lalaki. Kaya, kung ang isang aso ay kayang isakatuparan ang ilan sa mabubuting asal na hinihikayat ng tradisyonal na kultura, ano ang sinasabi nito tungkol sa mga tao? Ang mga tao ay ipinanganak na may konsensiya at katwiran, kaya mas may kakayahan silang gawin ang mga bagay na ito. Hangga’t may konsensiya ang isang tao, maisasakatuparan niya ang mga ganitong uri ng responsabilidad at obligasyon. Hindi na kailangang magsumikap o magbayad ng halaga, kaunting pagsisikap lang ang kinakailangan nito at paggawa lang ito ng isang bagay na nakatutulong, isang bagay na kapaki-pakinabang sa iba. Ngunit ang kalikasan ba ng ganitong kilos ay talagang maituturing na “kabutihan”? Umaabot ba ito sa antas ng paggawa ng kabutihan? (Hindi.) Dahil hindi, kailangan pa bang pag-usapan ng mga tao ang pagsukli rito? Hindi na ito kakailanganin.
Ngayon naman ay ibaling na natin ang ating atensyon sa usapin ng diumano’y kabutihan ng tao. Halimbawa, tingnan ninyo ang kaso ng isang mabuting taong sumagip sa isang pulubing natumba dahil sa gutom habang umuulan ng niyebe sa labas. Dinala niya ang pulubi sa bahay niya, pinakain at binihisan ito, at hinayaan itong tumira kasama ng kanyang pamilya at magtrabaho sa kanila. Kusang-loob mang nagboluntaryong magtrabaho ang pulubi, o ginawa man niya ito upang masuklian ang utang na kabutihan, isa bang kabutihan ang pagsagip sa kanya? (Hindi.) Kahit ang maliliit na hayop ay nagagawang tulungan at sagipin ang isa’t isa. Kaunting pagsisikap lang ang kinakailangan para magawa ng mga tao ang gayong mga bagay, at ang sinumang may pagkatao ay nagagawa ang gayong mga bagay at nakakayanan ang mga iyon. Maaaring sabihing ang gayong mga gawa ay responsabilidad at obligasyon sa lipunan na nararapat tuparin ng sinumang may pagkatao. Hindi ba’t kalabisan naman na ilarawan ng mga tao ang mga iyon bilang kabutihan? Isa ba itong angkop na paglalarawan? Halimbawa, sa panahon ng taggutom kung kailan maraming tao ang maaaring magutom, kung mamamahagi ang isang mayaman ng mga supot ng bigas sa mahihirap na pamilya upang matulungan silang makaraos sa mahirap na panahong ito, hindi ba’t isa lamang itong halimbawa ng uri ng batayang moral na tulong at suportang dapat na gawin ng mga tao? Binigyan lang niya sila ng kaunting bigas—hindi naman niya ipinamigay ang lahat ng pagkain niya sa iba at siya mismo ay nagutom. Maituturing ba talaga itong kabutihan? (Hindi.) Ang mga responsabilidad at obligasyon sa lipunan na kayang tuparin ng tao, ang mga gawang dapat na likas na kayang gawin at nararapat na gawin ng tao, at ang mga simpleng pagseserbisyo na nakatutulong at kapaki-pakinabang sa iba—sa anumang paraan ay hindi maituturing na kabutihan ang mga bagay na ito, dahil ang lahat ng ito ay mga sitwasyon kung saan tumutulong lamang ang tao. Ang pagbibigay ng tulong sa isang taong nagkataong nangangailangan nito, sa isang angkop na oras at lugar, ay isang lubhang normal na pangyayari. Responsabilidad din ito ng bawat miyembro ng sangkatauhan. Isa lamang itong uri ng responsabilidad at obligasyon. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang mga likas na ugaling ito nang likhain Niya sila. Anu-ano bang likas na gawi ang tinutukoy Ko rito? Ang tinutukoy Ko ay ang konsensiya at katwiran ng tao. Kapag nakita mong natumba sa sahig ang isang tao, ang likas mong reaksyon ay “Dapat ko siyang tulungang tumayo.” Kung nakita mo siyang natumba ngunit nagkunwari kang hindi mo nakita, at hindi ka lumapit upang tulungan siyang makatayo, makokonsensiya at magsisisi ka na ganito ang ikinilos mo. Ang isang taong tunay na may pagkatao ay agad na mag-iisip na tulungan ang isang taong nakita niyang natumba. Wala siyang pakialam kung mapagpasalamat sa kanya ang taong iyon, dahil naniniwala siyang nararapat niya itong gawin, at makikita niyang hindi na kailangang pag-isipan pa ang bagay na iyon. Bakit ganoon? Ang mga ito ang mga likas na gawing ibinigay ng Diyos sa mga tao, at ang sinumang may konsensiya at katwiran ay makaiisip na gawin ito at makakikilos sa ganitong paraan. Binigyan ng Diyos ang tao ng konsensiya at puso ng tao—dahil may puso ng tao ang tao, siya ay nagtataglay ng mga kaisipan ng tao, pati na ng mga pananaw at pamamaraang dapat niyang taglayin tungkol sa ilang bagay, kaya natural at madali niyang nagagawa ang mga bagay na ito. Hindi niya kailangan ng anumang tulong o ideolohikal na gabay mula sa anumang panlabas na puwersa, at ni hindi niya kailangan ng edukasyon o ng positibong pamumuno—hindi niya kailangan ang alinman doon. Katulad lang ito kung paanong maghahanap ang mga tao ng pagkain kapag sila ay nagugutom o maghahanap ng tubig kapag sila ay nauuhaw—isa itong likas na gawi at hindi na kailangang ituro ng mga magulang o guro—natural itong lumalabas, dahil ang tao ay may pag-iisip ng normal na pagkatao. Gayundin, kayang gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at responsabilidad sa sambahayan ng Diyos at ito ang nararapat gawin ng sinumang may konsensiya at katwiran. Kaya, ang pagtulong sa mga tao at pagiging mabuti sa kanila ay napakadali para sa mga tao, ito ay nasa saklaw ng likas na gawi ng tao, at isang bagay na kayang-kayang gawin ng mga tao. Hindi na kailangang iranggo ito nang kasingtaas ng kabutihan. Gayunpaman, maraming tao ang itinutumbas ang pagtulong sa iba sa kabutihan, at palaging pinag-uusapan ito at patuloy na sinusuklian ito, iniisip na kung hindi, wala silang konsensiya. Mababa ang tingin nila sa kanilang sarili at hinahamak ang sarili, at nag-aalala pa na masusumbatan sila ng opinyong publiko. Kailangan bang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito? (Hindi.) Maraming tao ang hindi ito makilatis, at patuloy na napipigilan ng isyung ito. Ganito ang hindi maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Halimbawa, kung pumunta ka sa disyerto kasama ang isang kaibigan at naubusan siya ng tubig, tiyak na papainumin mo siya sa tubig mo, hindi mo siya basta pababayaang mamatay sa uhaw. Kahit na alam mong mababawasan ng kalahati ang itatagal ng isang bote ng tubig mo kapag dalawang tao ang umiinom dito, ibabahagi mo pa rin ang tubig sa kaibigan mo. Bakit mo naman gagawin iyon? Dahil hindi mo matitiis na inumin ang tubig mo habang nakatayo sa tabi ang kaibigan mong nagdurusa sa pagkauhaw—hindi mo talaga matitiis na makita iyon. Ano ang magdudulot sa iyong hindi matiis na makita ang kaibigan mong nagdurusa sa pagkauhaw? Ang katwiran ng iyong konsensiya ang nagdudulot sa pakiramdam na ito. Kahit na ayaw mong tuparin ang ganitong uri ng responsabilidad at obligasyon, idudulot ng konsensiya mong hindi mo matiis na hindi ito gawin, dahil dito ay bibigat ang kalooban mo. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay resulta ng mga likas na gawi ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay ipinapasya ng konsensiya at katwiran ng tao? Kung sasabihin ng kaibigan na, “May utang na loob ako sa iyo sa pagpapainom mo sa akin sa iyong tubig sa sitwasyong iyon!” hindi ba’t mali ring sabihin ito? Wala itong kinalaman sa kabutihan. Kung nabaligtad ang mga pangyayari, at may pagkatao, konsensiya at katwiran ang kaibigang iyon, ibabahagi niya rin sa iyo ang tubig niya. Isa lang itong pangunahing responsabilidad sa lipunan o ugnayan sa pagitan ng mga tao. Ang mga pinakapangunahing ugnayan sa lipunan o responsabilidad o obligasyon ay pawang nabubuo dahil sa katwiran ng konsensiya ng tao, sa kanyang pagkatao at sa mga likas na gawing ipinagkaloob ng Diyos sa tao sa panahon ng paglikha sa tao. Sa mga normal na kalagayan, hindi na kinakailangang ituro ng mga magulang o itanim ng lipunan ang mga bagay na ito sa isip ng tao, at lalong hindi na kinakailangan ang paulit-ulit na pagpapaalala mula sa iba na nagsasabi sa iyong gawin ang mga iyon. Kakailanganin lang ang pag-eeduka para sa mga taong walang konsensiya at katwiran, para sa mga taong walang normal na kakayahang makaunawa—halimbawa, sa mga taong may kapansanan sa pag-iisip o sa mga mahina ang pang-unawa—o para sa mga taong mahina ang kakayahan, at ignorante at matigas ang ulo. Hindi na kailangang ituro ang mga bagay na ito sa mga taong may normal na pagkatao—taglay ang mga iyon ng lahat ng taong may konsensiya at katwiran. Kaya, hindi angkop na masyadong eksaherado na sabihing isang anyo ng kabutihan ang ilang pag-uugali o pagkilos gayong dala lang ito ng likas na gawi at naaayon ito sa konsensiya at katwiran. Bakit hindi ito naaangkop? Sa pagtataas sa gayong mga pag-uugali sa saklaw na ito, inaatangan mo ang bawat tao ng mabigat na dalahin at pasanin, at siyempre, naitatali nito ang mga tao. Halimbawa, kung dati, may taong nagbigay sa iyo ng pera, tumulong sa iyo sa isang mahirap na sitwasyon, tumulong sa iyong makahanap ng trabaho, o sumaklolo sa iyo, iisipin mo: “Hindi ako maaaring maging walang utang na loob, kailangan kong maging matuwid at suklian ang kanyang kabutihan. Kung hindi ko susuklian ang kabutihan, tao pa ba ako?” Sa totoo lang, suklian mo man siya o hindi, tao ka pa rin at namumuhay pa rin sa balangkas ng normal na pagkatao—walang anumang mababago ang gayong pagsusukli. Hindi sasailalim sa pagbabago ang iyong pagkatao at hindi masusupil ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang sa sinuklian mo siya nang maayos. Gayundin, hindi lalala ang iyong tiwaling disposisyon dahil lamang sa hindi mo siya sinuklian nang maayos. Ang katunayan kung nagsusukli o nagkakaloob ka ng kabutihan o hindi ay wala talagang kaugnayan sa iyong tiwaling disposisyon. Siyempre, may kaugnayan man o wala, para sa Akin, wala talagang ganitong uri ng “kabutihan,” at sana ay ganoon din para sa inyo. Kung gayon ay paano ninyo ito dapat ituring? Ituring lang ninyo itong isang obligasyon at isang responsabilidad, at isang bagay na dapat gawin ng isang taong may mga likas na gawi ng tao. Dapat ninyo itong ituring bilang inyong responsabilidad at obligasyon bilang isang tao, at gawin ninyo ito sa abot ng inyong makakaya. Iyon lang. Maaaring sabihin ng ilang tao: “Alam kong responsabilidad ko ito, ngunit ayaw ko itong isakatuparan.” Ayos lang din iyon. Maaari kang pumili para sa sarili mo batay sa iyong sitwasyon at mga kalagayan. Maaari ka ring magpasya nang mas malaya batay sa lagay ng iyong loob sa sandaling iyon. Kung nag-aalala kang pagkatapos isakatuparan ang iyong responsabilidad, patuloy kang susubukang suklian ng nakatanggap, at kukumustahin ka, at sa sobrang dalas ng pagpapasalamat sa iyo ay makaaabala at makagugulo na ito, at dahil dito ay ayaw mo nang isakatuparan ang responsabilidad na iyon, ayos lang din iyon—nasa sa iyo ito. Magtatanong ang ilan: “Mababa ba ang pagkatao ng mga taong hindi nagnanais na tumupad sa ganitong uri ng responsabilidad sa lipunan?” Ito ba ang tamang paraan ng paghatol sa pagkatao ng isang tao? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Sa masamang lipunang ito, ang tao ay dapat na sukatin sa kanyang pag-uugali at pang-unawa sa kung ano ang katanggap-tanggap sa lahat ng kanyang ginagawa. Siyempre, mas lalo niyang kailangan na matukoy ang kapaligiran at konteksto sa sandaling iyon. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, sa magulong mundong ito, dapat na maging mautak, matalino, at marunong ang mga tao sa anumang kanilang gagawin—hindi sila dapat maging ignorante, at talagang hindi sila dapat magsakatuparan ng mga kalokohan. Halimbawa, sa mga pampublikong lugar sa ilang bansa, nagkakasa ang mga tao ng mga partikular na panloloko kung saan nagpapalabas sila ng pekeng aksidente upang makakuha sila ng kabayaran. Kung hindi mo mahahalata ang panloloko ng masasamang taong ito, at pikit-mata kang kikilos ayon sa iyong konsensiya, malamang na maloloko at mapapahamak ka. Halimbawa, kung makakakita ka ng isang matandang babaeng natumba sa kalsada, maaari mong isipin: “Kailangan kong isakatuparan ang aking mga responsabilidad sa lipunan, hindi ko kailangan na suklian niya ako. Dahil mayroon akong pagkatao at katwiran ng aking konsensiya, nararapat ko siyang tulungan, kaya tutulungan ko siyang makatayo.” Subalit, nang lumapit ka na upang itayo siya, kikikilan ka niya at mauuwi ka sa pagdadala sa kanya sa ospital at pagbabayad sa mga bayarin niya sa pagpapagamot, sa danyos para sa mga emosyonal na pinsala, at gastusin sa pagreretiro. Kung hindi ka magbabayad, maipatatawag ka sa presinto. Mukhang naipahamak mo ang sarili mo, hindi ba? Paano ba nangyari ang sitwasyong ito? (Sa pamamagitan ng pagsunod sa mabuting hangarin ng isang tao at kawalan ng karunungan.) Naging bulag ka, walang pagkilatis, hindi mo natukoy ang mga kasalukuyang kalakaran, at hindi mo nakilatis ang konteksto ng sitwasyon. Sa isang masamang lipunang tulad nito, kailangang magbayad ng halaga ng isang tao para lang sa kaswal na pagtulong sa isang matandang natumba. Kung talagang natumba siya at kailangan niya ng tulong mo, hindi ka dapat makondena dahil sa pagsasakatuparan mo sa mga responsabilidad mo sa lipunan, dapat kang purihin, dahil ang pag-uugali mo ay alinsunod sa pagkatao at sa katwiran ng konsensiya ng tao. Subalit may lihim na motibo ang matandang babaeng ito—hindi naman talaga niya kailangan ng tulong mo, niloloko ka lang niya, at hindi mo nahalata ang tuso niyang pakana. Sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa responsabilidad mo sa kanya bilang isang kapwa tao, nahulog ka sa pakana niya, at ngayon ay hindi ka na niya bibitiwan, kikikilan ka ng mas malaki pang pera. Ang pagsasakatuparan sa mga responsabilidad sa lipunan ay dapat na maging tungkol sa pagtulong sa mga taong nangangailangan at sa pagtupad sa sariling mga responsabilidad ng isang tao. Hindi ito dapat humantong sa pagkakalinlang o pagkakahulog sa isang patibong. Marami nang tao ang nabiktima ng mga panlolokong ito at malinaw nang nakakita kung gaano na kasama ang mga tao ngayon, at kung gaano kabihasa ang mga ito sa pandaraya sa iba. Dadayain ng mga ito ang kahit sino, mga estranghero man ang mga iyon o mga kaibigan at kamag-anak. Kasuklam-suklam naman ang kalagayang iyon! Sino ba ang nagdulot ng katiwaliang ito? Ang malaking pulang dragon. Lubos at malupit na ginawang tiwali ng malaking pulang dragon ang sangkatauhan! Gagawin ng malaking pulang dragon ang lahat ng uri ng mga imoral na bagay upang isulong ang sarili nitong mga interes, at nailigaw na ng masamang halimbawa nito ang mga tao. Ang resulta, marami nang mga manloloko at magnanakaw ngayon. Batay sa mga katunayang ito, makikita ng isang tao na maraming tao ang walang ipinagkaiba sa mga aso. Marahil ay hindi gugustuhin ng ilang taong makinig sa ganitong uri ng usapan, maiilang sila rito at mag-iisip na: “Talaga bang wala kaming ipinagkaiba sa mga aso? Binabastos at minamaliit Mo kami sa palaging paghahambing Mo sa amin sa mga aso. Wala Kang pagpapahalaga para sa amin bilang mga tao!” Gustong-gusto Ko kayong tingnan bilang mga tao, ngunit anong uri na ba ng pag-uugali ang ipinakita ng mga tao? Sa totoo lang, may ilang tao na talagang kasingsahol ng mga aso. Iyon lang ang masasabi Ko tungkol sa bagay na ito sa ngayon.
Katatapos Ko lang ibahagi kung paanong hindi maituturing na kabutihan ang kaunting pagtulong ng mga tao sa iba at isa lamang itong responsabilidad sa lipunan. Siyempre, maaaring piliin ng mga tao kung aling responsabilidad sa lipunan ang kaya nilang tuparin sa abot ng kanilang makakaya. Maaari nilang tuparin ang mga responsabilidad na naaangkop nilang tuparin at piliing hindi tuparin ang mga responsabilidad na sa palagay nila ay hindi naaangkop. Isa itong kalayaan at kapasyahang mayroon ang tao. Maaari mong piliin kung aling mga responsabilidad at obligasyon sa lipunan ang nararapat mong tuparin batay sa iyong mga kalagayan, abilidad, at, siyempre, sa konteksto at mga sitwasyon sa sandaling iyon. Karapatan mo ito. Sa anong konteksto ba nabuo ang karapatang ito? Masyadong mapanglaw na lugar ang mundo, masyadong masama ang sangkatauhan, at walang hustisya sa lipunan. Sa ilalim ng mga kalagayang ito, kailangan mo munang protektahan ang sarili mo, umiwas sa pagkilos nang may kahangalan at kamangmangan, at gumamit ng karunungan. Siyempre, sa pagpoprotekta sa iyong sarili, ang ibig Kong sabihin ay hindi ang pagpoprotektang huwag manakaw ang iyong pitaka at ari-arian, bagkus ay pagpoprotekta sa iyong sarili mula sa kapahamakan—ito ang pinakamahalaga. Dapat mong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa abot ng iyong makakaya habang tinitiyak din na ligtas ka. Huwag mong bigyang-pansin ang pagkakamit ng respeto mula sa iba, at huwag kang magpaimpluwensiya o magpapigil sa opinyon ng madla. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad at obligasyon. Dapat kang magpasya kung paano mo tutuparin ang iyong mga responsabilidad at obligasyon batay sa sarili mong sitwasyon; huwag kang umako ng higit sa kaya mo batay sa iyong mga kalagayan at abilidad. Hindi mo dapat subukang mapabilib ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapanggap na may mga kakayahan kang hindi mo naman taglay at hindi mo dapat katakutan ang kawalan ng galang, ang panghuhusga, o pagkondena ng iba. Maling gumawa ng mga bagay alang-alang sa pagtupad sa sarili mong banidad. Gawin mo lang kung gaano karami ang kaya mo, akuin mo kung gaano karami ang dinidikta ng pagpapahalaga mo sa responsabilidad, at tuparin mo kung gaano karaming obligasyon ang kaya mong tuparin. Karapatan mo ito. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mong gumawa ng mga bagay na hindi hiningi sa iyo ng Diyos. Walang kabuluhan ang pagsunod sa iyong konsensiya na gumawa ng mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Kahit gaano pa karami ang gawin mo, hindi ka pupurihin ng Diyos para dito, at hindi nito ipahihiwatig na nagbigay ka ng tunay na patotoo, lalong hindi na sinangkapan mo na ang iyong sarili ng mabubuting gawa. Para sa mga bagay na hindi tumutukoy sa mga hinihingi ng Diyos, ngunit ipinagagawa sa iyo ng mga tao, dapat kang magkaroon ng sarili mong pasya at mga prinsipyo. Huwag kang magpapigil sa mga tao. Sapat na kung wala kang anumang ginagawa na nakalalabag sa iyong konsensiya, katwiran, at sa katotohanan. Kung tutulungan mo ang isang tao sa pamamagitan ng paglutas ng isang panandaliang suliranin para sa kanya, aasa na siya sa iyo, at maniniwalang dapat at kailangan mong lutasin ang kanyang mga problema. Ganap na siyang aasa sa iyo at aatakihin ka niya kung hindi mo malulutas ang mga suliranin niya nang kahit isang beses lang. Nakapagdulot ito ng problema sa iyo at hindi ito ang uri ng resultang gusto mong makita. Kung nakikini-kinita mo na ang ganitong uri ng kalalabasan, maaari mong marapating hindi siya tulungan. Sa madaling salita, hindi magiging mali sa ganitong sitwasyon na hindi isakatuparan ang responsabilidad o obligasyong iyon. Ito ang uri ng pananaw at saloobing dapat mong taglayin sa lipunan, sangkatauhan, at, mas partikular na, sa pamayanang tinitirhan mo. Ibig sabihin, ibigay mo lang sa isang tao ang pagmamahal na kaya mong ibigay, at gawin mo kung gaano karami ang kaya mo. Huwag mong labagin ang iyong mga paniniwala para lamang magpasikat, huwag mong subukang gumawa ng mga bagay na hindi mo kayang gawin. Hindi mo rin kailangang pilitin ang sarili mong magbayad ng halagang hindi kayang bayaran ng isang karaniwang tao. Sa madaling salita, huwag kang humiling nang sobra-sobra sa iyong sarili. Gawin mo lang ang kaya mong gawin. Ano ang palagay mo sa prinsipyong ito? (Mukhang maganda ito.) Halimbawa, hinihiram ng kaibigan mo ang sasakyan mo at pinag-iisipan mo ito: “Pinahiram na niya ako ng mga gamit noon, kaya para patas, dapat kong ipahiram sa kanya ang sasakyan ko. Ngunit hindi siya maingat sa mga gamit at sinasagad niya ang paggamit sa mga iyon. Baka sa huli ay masira pa niya ang sasakyan ko. Mas mabuti pang hindi ko ito ipahiram sa kanya.” Kaya nagpapasya kang hindi ipahiram sa kanya ang sasakyan mo. Ito ba ang tamang gawin? Hindi malaking isyu kung ipahihiram mo ang sasakyan o hindi—basta’t tumpak at may kabatiran ang pagkaunawa mo sa bagay na iyon, dapat mo lang tanggapin kung anuman ang sa palagay mo ang pinakaangkop na hakbang, at magiging nasa tama ka. Gayunpaman, paano kung iisipin mong, “Sige na nga, ipahihiram ko ito sa kanya. Kahit kailan naman ay hindi niya ako tinanggihan kapag nanghihiram ako ng mga gamit sa kanya noon. Hindi siya masyadong matipid o maingat gumamit ng mga bagay, pero ayos lang iyon. Kung masisira ang sasakyan ko, gagastos na lang ako nang kaunti para ipagawa ito,” at pagkatapos ay papayag kang ipahiram sa kanya ang sasakyan mo at hindi mo siya tatanggihan—ito ba ang tamang gawin? Wala rin namang mali rito. Halimbawa, kung lalapitan ka ng isang taong dating tumulong sa iyo nang naharap ang pamilya niya sa ilang problema, dapat mo ba siyang tulungan o hindi? Depende ito sa sarili mong sitwasyon, at ang desisyon mong tumulong o hindi ay hindi magiging usapin ng prinsipyo. Ang kailangan mo lang gawin ay kumilos batay sa sinseridad at likas na gawi at tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa abot ng iyong makakaya. Sa paggawa nito, kikilos ka sa saklaw ng iyong pagkatao at sa katwiran ng iyong konsensiya. Lubos mo mang tinutupad ang responsabilidad na ito o ginagawa ito nang maayos o hindi ay hindi mahalaga. May karapatan kang pumayag o tumanggi—hindi masasabing wala kang konsensiya kung tatanggi ka, at hindi masasabing nagpakita ng kabutihan ang kaibigan mo sa pagtulong sa iyo. Hindi umaabot sa antas na iyon ang mga kilos na ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Isa itong talakayan tungkol sa kabutihan, partikular na, kung paano mo dapat tingnan ang kabutihan, kung paano mo dapat harapin ang usapin ng pagtulong sa iba, at kung paano mo dapat tuparin ang mga responsabilidad mo sa lipunan. Sa mga usaping ito, kailangang hanapin ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo—hindi mo malulutas ang mga usaping ito sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa iyong konsensiya at katwiran. Maaaring medyo maging komplikado ang ilang espesyal na sitwasyon, at kung hindi mo pangangasiwaan ang mga iyon alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, malamang na makapagdulot ka ng problema at ng mga negatibong kahihinatnan. Kaya, sa mga usaping ito, kailangang maunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang Kanyang mga layunin at kumilos nang may pagkatao, katwiran, karunungan, at mga katotohanang prinsipyo. Ito ang magiging pinakaangkop na pamamaraan.
Tungkol sa kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” ang isa pang sitwasyong maaaring lumitaw ay na ang tulong na iyong natatanggap ay hindi isang maliit na bagay na gaya ng isang bote ng tubig, isang bungkos ng gulay, o isang sako ng bigas, kundi isang uri ng pagtulong na nakaaapekto sa kabuhayan mo at ng iyong pamilya, at na may mga implikasyon pa nga sa iyong tadhana at mga oportunidad sa hinaharap. Halimbawa, maaaring turuan ka nang kaunti ng isang tao o bigyan ka nito ng pinansyal na tulong na nagbibigay-daan sa iyong makapag-aral sa magandang unibersidad, makahanap ng magandang trabaho, makapag-asawa ng disenteng tao, at nagbibigay-daan na mangyari ang sunud-sunod na mabubuting bagay sa iyong buhay. Hindi lang ito isang maliit na pabor o maliit na tulong—ang ganitong uri ng bagay ay tinitingnan ng maraming tao bilang isang malaking kabutihan. Paano ninyo dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Ang gayong mga uri ng tulong ay may kaugnayan sa responsabilidad sa lipunan at sa mga obligasyong isinasakatuparan ng tao na katatapos lang nating talakayin, ngunit dahil may mga implikasyon ang mga iyon sa pananatiling buhay, sa kapalaran, at mga oportunidad sa hinaharap ng tao, higit pang mahalaga ang mga iyon kaysa sa isang simpleng bote ng tubig o isang sako ng bigas—may higit na malaking epekto ang mga iyon sa buhay ng mga tao, sa kanilang mga kabuhayan, at sa kanilang oras sa mundong ito. Sa gayon, higit na malaki ang halaga ng mga iyon. Ngayon, dapat bang itaas ang mga uri ng pagtulong na ito sa antas ng kabutihan? Ano’t anuman, hindi Ko inirerekomendang tingnan ang ganitong mga uri ng pagtulong bilang kabutihan. Yamang hindi dapat ituring na kabutihan ang ganitong mga uri ng pagtulong, kung gayon, ano ang angkop at wastong paraan ng pagharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Hindi ba’t isa itong problemang kinahaharap ng mga tao? Halimbawa, marahil ay may isang taong naglayo sa iyo mula sa isang buhay na puno ng krimen, nagtuwid sa iyo, at nagbigay sa iyo ng trabaho sa isang lehitimong larangan, na nagbibigay-daan sa iyong magkaroon ng magandang buhay, makapag-asawa at lumagay sa tahimik, at mabago ang iyong kapalaran para sa mas ikabubuti nito. O, marahil, noong nasa mahirap kang sitwasyon at ikaw ay naghihikahos, binigyan ka ng kaunting tulong at paggabay ng isang mabuting tao, na positibong nagbago sa mga oportunidad mo sa hinaharap, nagbibigay-daan sa iyong maging mas mabuti kaysa sa iba at magkaroon ng magandang buhay. Paano mo dapat harapin ang gayong mga sitwasyon? Dapat mo bang alalahanin ang kanyang kabutihan at suklian siya? Dapat ka bang maghanap ng mga paraan upang mabayaran at masuklian siya? Sa ganitong kaso, dapat ay hayaan mong mga prinsipyo ang gumabay sa iyong mga desisyon, hindi ba? Dapat mong tukuyin kung anong uri ng tao ang tumulong sa iyo. Kung isa siyang mabuti, positibong tao, bukod sa pagsasabi ng “salamat” sa kanya, maaari mong ipagpatuloy ang pakikisalamuha nang normal sa kanya, makipagkaibigan ka sa kanya at pagkatapos, kapag kailangan niya ng tulong, maaari mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa abot ng iyong makakaya. Gayunpaman, ang pagtupad ng responsabilidad at obligasyong ito ay hindi dapat isang uri ng pagbibigay nang walang kondisyon, bagkus ay dapat na maging limitado sa kung ano ang kaya mong gawin batay sa iyong kalagayan. Ito ang angkop na paraan ng pagtrato sa gayong mga tao sa ganitong mga sitwasyon. Walang pagkakaiba ang antas ninyong dalawa—bagama’t tinulungan ka niya at pinagkalooban ka niya ng kabutihan, hindi pa rin siya matatawag na iyong tagapagligtas, dahil tanging ang Diyos ang makapagliligtas sa sangkatauhan. Ang ginawa lamang niya ay kumilos sa pamamagitan ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos upang tulungan ka—talagang hindi ito nangangahulugang nakatataas siya sa iyo, lalong hindi ito nangangahulugang pagmamay-ari ka na niya at maaari ka na niyang manipulahin at kontrolin. Wala siyang karapatang impluwensiyahan ang iyong kapalaran at hindi siya dapat mamuna o magkomento sa buhay mo; magkapantay pa rin kayo. Yamang magkapantay kayo, maaari kayong makisalamuha sa isa’t isa bilang magkaibigan at, kapag naaangkop, maaari mo siyang tulungan sa abot ng iyong makakaya. Pagtupad pa rin ito sa iyong responsabilidad at obligasyon sa lipunan sa saklaw ng pagkatao at paggawa sa nararapat mong gawin batay at sa saklaw ng pagkatao—isinasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad at obligasyon nang may partikular na layunin. Bakit dapat mo itong gawin? Tinulungan ka niya noon at tinulutan ka niyang mag-ani ng mga pakinabang at makakuha ng malalaking tagumpay, kaya’t idinidikta ng katwiran ng konsensiyang nagmumula sa iyong pagkatao na dapat mo siyang tratuhin bilang isang kaibigan. Itatanong ng ilang tao: “Maaari ko ba siyang ituring bilang isang matalik na katapatang-loob?” Nakasalalay ito sa kung paano kayo nagkakasundo, at kung magkatulad ang inyong pagkatao at mga kagustuhan, pati na rin ang inyong hinahanap at kung paano ninyo tinitingnan ang mundo. Nakasalalay ang kasagutan sa iyong sarili. Ngayon, sa ganitong natatanging uri ng ugnayan, dapat mo bang suklian ang iyong tagapangalaga gamit ang iyong buhay? Yamang napakalaki ng itinulong niya sa iyo at nagkaroon siya ng napakalaking impluwensiya sa iyo, dapat mo ba siyang suklian gamit ang iyong buhay? Hindi ito kinakailangan. Ikaw ang walang-hanggang may-ari ng iyong buhay—ibinigay sa iyo ng Diyos ang iyong buhay, at ikaw at wala nang iba ang mangangasiwa rito. Hindi kinakailangang walang-ingat na tulutan ang ibang tao na mangasiwa sa iyong buhay dahil sa konteksto at sitwasyong ito. Isa itong lubhang hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay at, siyempre, hindi rin ito makatwiran. Gaano man kayo kalapit na magkaibigan o gaano man katibay ang inyong ugnayan, maaari lamang na isakatuparan mo ang iyong responsabilidad bilang isang tao, na makisalamuha ka nang normal at tulungan ninyo ang isa’t isa sa saklaw ng pagkatao at katwiran. Ang ganitong antas ng ugnayan ay mas makatwiran at patas. Ang pinakadahilan kung bakit naging magkaibigan kayo ay pangunahing dahil sa minsan kang tinulungan ng taong iyon, kung kaya’t pakiramdam mo ay karapat-dapat siyang maging kaibigan at naaabot niya ang pamantayang hinihingi mo sa iyong mga kaibigan. Dahil lamang dito kaya handa kang makipagkaibigan sa kanya. Isaalang-alang mo rin ang sitwasyong ito: Dati ay may tumulong sa iyo, naging mabait sa iyo sa mga partikular na paraan at nakaapekto sa iyong buhay o sa kung anong malaking pangyayari, ngunit ang kanyang pagkatao at ang landas na kanyang tinatahak ay hindi naaayon sa sarili mong landas at sa kung ano ang iyong hinahangad. Hindi pareho ang wikang sinasalita ninyo, hindi mo gusto ang taong ito at, marahil, sa isang antas ay masasabi mong magkaibang-magkaiba ang inyong mga hilig at ang inyong mga hinahangad. Ang inyong mga landas sa buhay, ang inyong mga pananaw sa mundo, at ang inyong mga pananaw sa buhay ay pawang magkakaiba—kayong dalawa ay ganap na magkaibang uri ng tao. Kaya, paano mo dapat harapin at paano ka dapat tumugon sa tulong na dati niyang ibinigay sa iyo? Isa ba itong makatotohanang sitwasyong maaaring maganap? (Oo.) Kaya, ano ang dapat mong gawin? Madali ring harapin ang sitwasyong ito. Yamang magkaibang landas ang tinatahak ninyong dalawa, pagkatapos mo siyang bigyan ng anumang materyal na kabayaran sa abot ng iyong makakaya, natutuklasan mong masyado talagang magkaiba ang inyong mga paniniwala, hindi kayo maaaring tumahak sa iisang landas, ni hindi kayo maaaring maging magkaibigan at hindi na kayo maaaring makisalamuha sa isa’t isa. Paano ka dapat magpatuloy, yamang hindi na kayo maaaring makisalamuha sa isa’t isa? Layuan mo siya. Maaaring naging mabuti siya sa iyo dati, ngunit nanggagantso at nandaraya siya sa lipunan, gumagawa siya ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na bagay at hindi mo gusto ang taong ito, kaya lubos na makatwirang lumayo ka sa kanya. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba’t kawalan ng konsensiyang kumilos sa ganoong paraan?” Hindi ito kawalan ng konsensiya—kung talagang mahaharap siya sa ilang paghihirap sa kanyang buhay, pwede mo pa rin siyang tulungan, ngunit hindi ka maaaring magpapigil sa kanya o umayon sa kanya sa paggawa ng mga masama at imoral na gawa. Hindi rin kinakailangang magpaalipin sa kanya dahil lamang sa tinulungan ka niya o ginawan ka niya ng malaking pabor dati—hindi mo obligasyon iyon at hindi siya karapat-dapat sa ganoong uri ng pakikitungo. May karapatan kang magpasyang makihalubilo, gumugol ng panahon, at makipagkaibigan pa nga sa mga taong gusto mo at kasundo mo, sa mga taong tama. Maaari mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa taong ito, karapatan mo ito. Siyempre, maaari ka ring tumangging makipagkaibigan at makipagtransaksyon sa mga taong hindi mo gusto, at hindi mo kailangang tumupad ng anumang obligasyon o responsabilidad sa kanya—karapatan mo rin ito. Kahit magpasya ka pang talikuran ang taong ito at tumangging makihalubilo sa kanya o tumupad ng anumang responsabilidad o obligasyon sa kanya, hindi ito magiging mali. Kailangan mong magtakda ng mga partikular na limitasyon sa paraan ng iyong pag-asal, at tratuhin mo ang iba’t ibang tao sa iba’t ibang paraan. Hindi ka dapat makisama sa masasamang tao o sumunod sa masama nilang halimbawa, ito ang matalinong pasya. Huwag kang magpaimpluwensiya sa iba’t ibang salik tulad ng pasasalamat, mga damdamin, at ng opinyon ng madla—ito ay paninindigan at pagkakaroon ng mga prinsipyo, at ito ang nararapat mong gawin. Matatanggap ba ninyo ang mga pamamaraan at pahayag na ito? (Oo.) Kahit na ang mga pananaw, landas ng pagsasagawa, at prinsipyong tinatalakay Ko ay pinupuna sa mga tradisyonal na kuru-kuro at kultura, puspusang poprotektahan ng mga pananaw at prinsipyong ito ang mga karapatan at dignidad ng bawat taong may pagkatao at may katwiran ng kanyang konsensiya. Bibigyang-daan ng mga ito ang mga taong hindi mapigilan at maigapos ng mga diumano’y pamantayan ng wastong pag-asal ng tradisyonal na kultura, at makaalpas mula sa panlilinlang at panlilihis ng mga huwad na banal at mapanlihis na bagay na ito. Bibigyang-daan din sila ng mga pananaw at prinsipyong ito na maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, hindi maimpluwensiyahan ng mga opinyong ito ng madla tungkol sa moralidad, at makalaya mula sa mga pagpipigil at gapos ng mga diumano’y makamundong gawi, upang magawa nilang tratuhin ang mga tao at lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos at gamit ang tamang mga pananaw, at lubusang maiwaksi ang mga gapos at panglilihis ng mga makamundong bagay, tradisyon, at moralidad ng lipunan. Sa gayon, makapamumuhay sila sa liwanag, makapagsasabuhay ng normal na pagkatao, makaiiral nang may dignidad, at makapagtatamo ng papuri ng Diyos.
Anong uri ng pagbabago ang talagang maidudulot sa mga tao ng mga kasabihan tungkol sa panlipunang moralidad na tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba”? Mababago ba ng mga ito ang satanikong disposisyon ng tao na mapang-agaw ng katayuan at pakinabang? Mababago ba ng mga ito ang ambisyon at pagnanais ng tao? Malulutas ba ng mga ito ang alitan at pagpapatayan ng mga tao? Matutulutan ba nito ang mga tao na tumahak sa tamang landas sa buhay at mamuhay nang masaya? (Hindi.) Kung gayon ay ano ba talaga ang epekto ng mga pamantayang ito ng panlipunang moralidad? Sa pinakamataas, hinihikayat lamang ba ng mga ito ang ilang mabuting tao na gumawa ng mabubuting bagay at tumulong sa kaligtasan at seguridad ng lipunan? (Oo.) Iyon lang ang ginagawa ng mga ito, at walang nilulutas ang mga ito na kahit isang isyu. Kahit na, sa ilalim ng pagkokondisyon ng mga diumano’y pamantayang ito ng wastong asal, sa huli ay nasusunod at naisasabuhay naman ng mga tao ang mga ito, hindi ito nangangahulugang makaaalpas sila mula sa mga tiwali nilang disposisyon at makapagsasabuhay ng wangis ng tao. Halimbawa, sabihin nang ginawan ka ng pabor ng isang tao, kaya ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang suklian siya—kapag binibigyan ka niya ng isang sako ng bigas, sinusuklian mo siya ng isang malaking supot ng harina, at kapag binibigyan ka niya ng mahigit dalawang kilo ng karne ng baboy, sinusuklian mo siya ng mahigit dalawang kilo ng baka. Ano ang magiging resulta ng patuloy ninyong pagsusuklian? Kapag mag-isa kayo, pareho ninyong kukwentahin kung sino ang mas nakinabang at kung sino ang nalugi, at hahantong ito sa mga hindi pagkakaunawaan, pag-aaway at pagpapakana sa pagitan ninyong dalawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, bukod sa pinipigilan at inililigaw ng hinihingi sa wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” ang paraan ng pag-iisip ng mga tao, inaatangan pa nito ang buhay ng mga tao ng maraming abala, pasanin at maging ng pagkabagabag. At kung magiging kaaway ka ng isang tao dahil dito, mahaharap ka sa mas marami pang problema, at kakila-kilabot na pagdurusa! Ang pagpasok sa mga ugnayang ito na nakabatay sa pagbibigayan ay hindi ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Palaging namumuhay ang mga tao ayon sa gayong mga damdamin at makamundong gawi, na sa huli ay magdudulot lamang ng maraming hindi kinakailangang problema. Ito ay pagpapahirap lamang sa sarili at walang saysay na paghihirap. Ganito naitatanim sa isipan ng mga tao ang tradisyonal na kultura at ang mga pahayag tungkol sa wastong asal at ganito sila nalilihis ng mga ito. Dahil sa kanilang lubos na kawalan ng pagkilatis, nagkakamali ang mga tao sa paniniwala na tama ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura at ginagamit nila ang mga ito bilang kanilang mga pamantayan at gabay, mahigpit na sinusunod ang mga kasabihang ito at namumuhay sa ilalim ng pagsusubaybay ng opinyon ng madla. Unti-unti at nang hindi namamalayan, sila ay nakokondisyon, naiimpluwensiyahan, at nakokontrol ng mga bagay na ito at pakiramdam nila ay wala silang magawa at naghihinagpis sila, subalit wala silang lakas na kumawala. Kapag nagsasalita ang Diyos upang ilantad at hatulan ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na nasa loob ng mga tao, sumasama pa ang loob ng maraming tao dahil dito. Kapag lubusang naaalis ang mga bagay na ito sa utak, isipan, at mga kuru-kuro ng mga tao, bigla silang nakararamdam ng kawalan ng kabuluhan na para bang wala na silang mapanghahawakan, at magtatanong sila, “Ano ang dapat kong gawin sa hinaharap? Paano ako dapat na mamuhay? Kung wala ang mga bagay na ito, wala akong landas o direksyon sa aking buhay. Bakit ba labis na walang kabuluhan at walang layunin ang pakiramdam ko ngayong naalis na ang mga bagay na ito sa aking isipan? Kung hindi mamumuhay ang mga tao batay sa mga kasabihang ito, maituturing pa rin ba silang tao? Magkakaroon pa rin ba sila ng pagkatao?” Mali ang ganitong paraan ng pag-iisip. Sa realidad, sa sandaling maalis na sa iyo ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura, nadadalisay ang iyong puso, hindi ka na napipigilan at naigagapos ng mga bagay na ito, nagkakaroon ka ng kalayaan at kaginhawahan at wala na sa iyo ang mga alalahaning ito—paanong hindi mo nanaising maalis ang mga ito sa iyo? Sa pinakamababa, kapag tinalikuran mo ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na hindi ang katotohanan, sasailalim ka sa mas kaunting pagdurusa at pagdadalamhati at mawawala na sa iyo ang marami sa mga walang saysay na pagpipigil at alalahanin. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, makatatahak ka sa tamang landas sa buhay at makapamumuhay sa liwanag. Maaaring tila ganap na makatwirang itaguyod ang mga pamantayan ng wastong asal ng tradisyonal na kultura, ngunit nagsasabuhay ka ba ng isang wangis ng tao? Nakatahak ka na ba sa tamang landas sa buhay? Wala talagang anumang mababago ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura. Hindi mababago ng mga ito ang tiwaling pag-iisip ng mga tao, ni ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at lalong hindi mababago ng mga ito ang tiwaling diwa ng mga tao. Walang anumang positibong epekto ang mga ito at, sa halip, nagdudulot ang mga ito na maging buktot at masama ang pagkatao ng tao sa pamamagitan ng mga pagtuturo, pagkokondisyon at pang-iimpluwensiya ng mga ito. Malinaw na natutukoy ng mga tao na ang taong nagkaloob sa kanila ng kabutihan ay hindi isang mabuting tao, ngunit nilalabag pa rin nila ang sarili nilang mga paniniwala at sinusuklian ito, dahil lamang sa ginawan sila nito ng pabor dati. Ano ba ang nagdudulot sa mga taong suklian ang iba sa kabila ng sarili nilang mga paniniwala? Ginagawa nila ito dahil naitanim na sa kanilang puso ang ideyang ito na mula sa tradisyonal na kultura na buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihan. Nangangamba silang kung hindi nila lalabagin ang mga paniniwala nila at hindi susuklian ang mga taong tumulong sa kanila, makakastigo sila ng opinyon ng madla, at maituturing bilang walang utang na loob na hindi nagsukli sa kabutihang natanggap, at bilang malulupit, masasamang karakter, at bilang mga taong walang konsensiya o pagkatao. Dahil mismo sa pinangangambahan nila ang lahat ng ito at inaalalang wala nang sinumang tutulong sa kanila sa hinaharap, kaya wala na silang magawa kundi mamuhay sa ilalim ng pagkokondisyon at gapos ng ideyang ito sa tradisyonal na kultura na buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihang natanggap. Ang resulta, masasama, may dalamhati ang buhay ng mga tao kung saan kumikilos sila nang labag sa sarili nilang mga paniniwala at hindi sila makapagsalita tungkol sa sarili nilang mga paghihirap. Sulit ba ang lahat ng abalang ito para dito? Hindi ba’t nagdulot ng pagdurusa sa mga tao ang ideyang ito ng buong-pasasalamat na pagsusukli sa kabutihan?
Tungkol sa kasabihang, “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa kung ano mismo ang “kabutihan,” kung paano tinitingnan ng Diyos ang depinisyon ng tao sa kabutihan, kung paano dapat tratuhin ng tao ang kabutihang ito, kung paano tratuhin ang mga taong nagpakita ng kabutihan sa iyo o nagligtas sa iyong buhay, kung ano talaga ang tamang pananaw at landas at kung paano dapat iposisyon ang mga ito sa iyong buhay, kung paano dapat gampanan ng mga tao ang kanilang mga obligasyon, at kung paano dapat pangasiwaan ng tao ang mga partikular na espesyal na sitwasyon at kung mula sa anong perspektiba dapat tingnan ang mga ito. Ang mga ito ay medyo komplikadong usapin na hindi malilinaw sa ilang maikling komento lamang, ngunit ibinahagi Ko na sa inyo ang mahahalagang isyu, ang diwa ng mga isyu sa paksang ito, at iba pa. Kung mahaharap ulit kayo sa ganitong uri ng isyu, hindi ba’t nararamdaman ninyong medyo malinaw na sa inyo ngayon kung ano ang perspektibang dapat ninyong gamitin at kung ano ang landas ng pagsasagawang dapat ninyong tahakin? Sinasabi ng ilang tao, “Sa teorya, malinaw sa akin, ngunit ang mga tao ay may dugo’t laman. Sa pamumuhay sa mundong ito, tiyak na maiimpluwensiyahan kami ng mga moral na pamantayang ito at ng opinyon ng madla. Maraming tao ang namumuhay sa ganitong paraan, nagpapahalaga sa mga gawa ng kabutihan at buong-pasasalamat na nagsusukli sa anumang kabutihang natanggap. Kung hindi ako mamumuhay sa ganitong paraan, tiyak na kakastiguhin at tatanggihan ako ng iba. Nangangamba akong babatikusin ako ng mga tao bilang hindi tao, mamumuhay na parang isang taong ipinagtabuyan, at hindi ko makakayanan iyon.” Ano ang problema rito? Bakit napipigilan ang mga tao rito? Madali bang lutasin ang ganitong problema? Oo, at sasabihin Ko sa iyo kung paano. Kung pakiramdam mo ay mamumuhay ka na parang isang taong ipinagtabuyan ng lipunan kapag hindi ka namuhay ayon sa pananaw ng tradisyonal na kultura na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian; kung pakiramdam mo ay hindi ka na katulad ng isang tradisyonal na Tsino, na sa paglihis mula sa tradisyonal na kultura ay hindi ka namumuhay na parang tao at wala ka ng mga katangian para maging isang tao; kung nag-aalala kang hindi ka magiging kabilang sa lipunang Tsino, na kasusuklaman ka ng mga kapwa Tsino mo at makikita ka nila bilang isang kasiraan; kung gayon ay piliin mong sumunod sa mga kalakaran ng lipunan—walang pumipilit sa iyo at walang kokondena sa iyo. Gayunpaman, kung pakiramdam mo ay walang masyadong naidulot sa iyo na pakinabang sa mga nagdaang taon, at na nakapapagod ang pamumuhay nang ayon sa paraang idinidikta ng tradisyonal na kultura at ang palaging pagpapahalaga sa mga gawa ng kabutihan, at kung determinado kang bitiwan ang ganitong pamumuhay at subukang tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos nang pawang naaayon sa Aking mga salita, kung ganoon, siyempre, magiging mas mainam iyon. Kahit na ngayon ay naiintindihan na ninyo ang mga bagay na ito sa prinsipyo at malinaw na ninyong nauunawaan ang sitwasyon, kung paano talaga ninyo titingnan ang mga tao at bagay at kung paano kayo mamumuhay at aasal simula ngayon ay nasa sa inyo na. Desisyon mo na at ikaw na ang bahala kung hanggang sa anong antas mo matatanggap ang mga sinabi Ko, kung hanggang saang antas mo maisasagawa ang lahat ng ito, at kung hanggang saan mo ito paaabutin. Hindi kita pinipilit. Ipinakikita Ko lang sa iyo ang daan. Gayunpaman, isang bagay ang tiyak: Sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan sa pagsasabing kung mamumuhay ka alinsunod sa tradisyonal na kultura, lalong magiging hindi pantao at walang dignidad ang iyong buhay, at makikita mong lalo pang magiging manhid ang katwiran ng iyong konsensiya. Unti-unti, magiging miserable ang buhay mo kung saan hindi ka na magmumukhang tao o multo. Gayunpaman, kung magsasagawa ka alinsunod sa Aking mga salita at sa mga prinsipyong Aking sinabi, tinitiyak Kong mamumuhay ka nang may higit pang wangis, konsensiya, katwiran at dignidad ng tao—tiyak ito. Kapag kalaunan ay naharap ka sa gayong mga sitwasyon, makapamumuhay ka nang malaya at maginhawa at makararamdam ka ng kapayapaan at kagalakan. Mababawasan ang mga kadiliman at pasanin sa iyong puso, at magkakaroon ka ng kumpiyansa at makatitindig nang taas-noo. Hindi ka na mababagabag, malilihis, o maiimpluwensiyahan ng mga gawi ng sekular na mundo, at mamumuhay ka nang may dignidad. Araw-araw ay magiging praktikal ang pakiramdam mo at tatratuhin at pangangasiwaan mo ang bawat gawain sa pinakatumpak na paraan, maiiwasan mo ang maraming pasikot-sikot at malaking pagdurusa na hindi mo kinakailangang pagdaanan. Hindi ka gagawa ng anumang bagay na hindi mo nararapat na gawin, hindi ka rin magbabayad ng anumang halagang hindi mo dapat bayaran. Hindi ka na mamumuhay para sa ibang tao. Hindi ka na maiimpluwensiyahan ng mga pananaw at opinyon ng mga tao. Hindi ka na mapipigilan ng mga opinyon at pagkondena ng lipunan. Hindi ba’t isa itong buhay na may dignidad? Hindi ba’t isa itong malaya at maginhawang buhay? Sa oras na ito ay mararamdaman mong ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos ang tanging tamang landas sa buhay, at sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan nagtataglay ang isang tao ng wangis ng isang tao at ng kaligayahan. Dahil namumuhay ka sa loob ng maitim na ulap ng tradisyonal na kultura, hindi mo makita nang malinaw ang landas at nagkakamali ka sa paniniwalang patungo ka sa isang idealistikong yutopyang matatagpuan sa mundo ng tao. Gayunpaman, sa huli, ikaw ay naililigaw, at naloloko at napahihirapan ni Satanas. Sa araw na ito, ngayong narinig mo na ang tinig ng Diyos, natuklasan ang katotohanan, at nakitang dumating ang liwanag sa mundo ng tao, nahawi mo na ang maitim na ulap at malinaw mo nang nakita ang landas at direksyong dapat mong tahakin sa buhay. Dali-dali kang aabante at babalik sa harapan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang biyaya at pagpapala ng Diyos? Kung gayon, ngayon ba ay nahawi na ninyo ang maitim na ulap na iyon at nakita na ang maaliwalas na kalangitan sa itaas? Marahil ay may sinag na kayong nabanaag at papalapit na kayo sa liwanag—ito ang pinakamalaking pagpapala. Kung kaya ninyong dinggin ang tinig ng Diyos, tanggapin at unawain ang katotohanan, hawiin ang maitim na ulap, talikuran ang lahat ng maling bagay na ito sa tradisyonal na kultura, at alisin ang lahat ng balakid, makatatahak kayo sa landas tungo sa kaligtasan. Iyon lang ang masasabi Ko hinggil sa kasabihan ng wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Sa pagpapatuloy, maaaring pagbahaginan pa ninyo nang sama-sama ang tungkol sa mga salitang ito, at lubusan ninyo itong mauunawaan. Hindi makapagtatamo ang isang tao ng agarang pagpasok sa mga usaping ito pagkatapos lamang ng isang pagtitipon para sa pagbabahaginan. Kahit na tinapos Ko na ngayon ang Aking pagbabahagi sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at nauunawaan ninyo ito sa teorya at prinsipyo, sa tunay na buhay ay hindi madali ang pagwawaksi sa mga luma, tradisyonal na kuru-kurong ito. Posibleng panghawakan pa rin ninyo ang mga lumang ideyang ito at mahirapan kayo sa mga ito sa loob ng ilang panahon. Sa pinakamababa, aabutin ng ilang panahon bago ninyo lubusang matalikuran ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura at ganap na matanggap ang katotohanan ng mga salita ng Diyos. Kailangan ay unti-unti kayong dumanas, dumaan, at humanap ng kumpirmasyon sa tunay na buhay at kapag humaharap sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, unti-unti ninyong malalaman ang mga salita ng Diyos at maiintindihan ang katotohanan. Sa paggawa niyon, magsisimula kang makinabang, makakuha ng mga benepisyo, at mag-ani ng mga gantimpala, at maitatama mo ang mga maling pananaw at ideya mo tungkol sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Ito ang proseso at landas ng paghahangad sa katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.