Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 5 (Unang Bahagi)
Ano ang pinagbahaginan natin sa huli nating pagtitipon? (Nagbahagi muna ang Diyos tungkol sa mga kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji. Pagkatapos niyon, nagbahagi Ka tungkol sa kung ano ang kinakatawan ng mga pag-uugaling itinuturing ng tao na mabuti, tinalakay Mo rin ang ilan sa mga hinihingi ng Diyos sa tao, at may partikular na pagbibigay-diin sa mga prinsipyo ng katotohanan na dapat nating maunawaan hinggil sa paggalang sa magulang.) Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang paksang nauugnay sa paghahangad ng katotohanan na pinakaakma sa mga haka-haka ng tao. Negatibong paksa rin ito, tulad ng mga pag-uugaling itinuturing na tama at mabuti ayon sa mga haka-haka ng tao. Nagbigay tayo ng ilang halimbawa na tumukoy sa paksang ito, at pagkatapos ay nagbigay tayo ng ilan pang halimbawa ng mga hinihingi ng Diyos para ayusin ang pag-uugali ng tao. Higit-kumulang, ito ang mga partikular na bagay na pinagbahaginan natin. Walang gaanong malalaking bahagi sa pagbabahaginang ito, ngunit tinalakay natin ang maraming detalye hinggil sa kaalaman, pagsasagawa, at pag-unawa ng mga tao sa katotohanan. Ngayon, babalikan natin sandali ang mga bagay na ito. Sa pangkalahatan, ano ang itinuturing ng tao na magagandang pag-uugali? Hindi ba tayo dapat magkaroon ng konklusyon o malawak na pakahulugan tungkol dito? May naisip na ba kayong konklusyon? Nagbahaginan na ba kayo tungkol sa mga bagay na ito sa mga pagtitipon? (Oo. Pagkatapos magbahagi ng Diyos sa amin nang ilang beses, nakita na namin na ang magagandang pag-uugaling iniisip ng tao na tama ay isang uri lamang ng pag-uugali. Hindi kinakatawan ng mga ito ang katotohanan, mga paraan lamang ang mga iyon para makapagbalatkayo ang mga tao.) Batay sa ilan sa mga pahayag na naibuod ng sangkatauhan hinggil sa mga pag-uugali—ano ba talaga ang diwa ng mga pag-uugaling ito? May relasyon ba ang diwa ng tao sa panlabas na mabubuting pag-uugali ng sangkatauhan? Ang mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito ay pinagmumukhang napakadisente at marangal ang mga tao; ang mga nagtataglay ng mga ito ay iginagalang at pinupuri ng iba, mataas ang tingin sa kanila at maganda ang impresyon ng mga tao sa kanila. Naaayon ba ang magandang impresyong ito sa diwa ng tiwaling disposisyon ng tao? (Hindi.) Kung gayon, mula sa pananaw na ito, ano ang likas na katangian ng mabubuting pag-uugali ng tao? Hindi ba’t pakitang-tao at pagpapasikat lamang ang mga ito? (Oo.) Ang mga pakitang-tao at pagpapasikat na ito ba ang mga wastong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kaya nga ang mga pag-uugaling itinuturing ng mga tao na tama at mabuti sa kanilang mga haka-haka ay talagang pakitang-tao at pagpapasikat lamang ng sangkatauhan. Ito ang likas na katangian ng mga pag-uugaling iyon. Ang mga ito ay hindi bumubuo sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao, ni hindi pagpapakita ang mga ito ng normal na pagkatao; mga panlabas na pamamaraan lamang ang mga ito. Ang mga pamamaraang ito ay pinagtatakpan ang mga tiwaling disposisyon ng tao, pinagtatakpan ng mga ito ang satanikong katangian at diwa ng tao, at nililinlang ng mga ito ang mga mata ng ibang tao. Isinasagawa ng mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito upang matamo ang pabor, mataas na pagtingin, at paggalang ng iba—ang gayong mga pag-uugali ay hindi makatutulong sa mga tao na tratuhin ang isa’t isa nang may katapatan, o makipag-ugnayan sa isa’t isa nang may katapatan, lalo nang hindi isinasabuhay ng mga ito ang wangis ng tao. Ang mabubuting pag-uugaling ito ay hindi mga pamamaraan na nagmumula sa taos-pusong katapatan, ni hindi likas na mga pagpapakita ang mga ito ng normal na pagkatao. Hindi kinakatawan ng mga ito, sa anumang paraan, ang diwa ng tao; puro pagkukunwari at pakitang-tao ang mga ito na ipinapakita ng tao—ang mga ito ay mga palamuti ng tiwaling sangkatauhan. Pinagtatakpan ng mga ito ang masamang diwa ng sangkatauhan. Iyan ang diwa ng mabubuting pag-uugali ng tao, iyan ang katotohanan sa likod ng mga ito. Kaya, ano ang diwa ng mga pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa tao? Sa huling dalawang beses na nagbahaginan tayo, binanggit natin ang ilan sa mga pamamaraan na hinihingi ng Diyos hinggil sa pag-uugali ng mga tao, at kung ano ang hinihingi Niyang isabuhay ng mga tao, hinggil sa kanilang pag-uugali. Ano ang kasama sa mga iyon? (Ang mga tao ay hindi dapat manigarilyo, o uminom ng alak, at hindi sila dapat manakit o mang-insulto ng iba. Dapat nilang igalang ang kanilang mga magulang, at magkaroon ng banal na kadisentehan. Hindi sila dapat sumamba sa mga idolo, makiapid, magnakaw, maglustay ng mga pag-aari ng iba, o magbigay ng huwad na testimonya, at iba pa.) Ano ang diwa ng mga kahingiang ito? Sa madaling salita, ano ang pinagbabatayan ng Diyos sa paggawa ng mga kahingiang ito? Anong pangunahing kondisyon ang pinagbatayan ng mga ito? Hindi ba’t ipinanukala ang mga kahingiang ito sa konteksto at batayan na ang sangkatauhan ay nagawang tiwali ni Satanas at na ang tao ay likas na makasalanan? At ang mga kahingian bang ito ay hindi sakop ng normal na pagkatao? Hindi ba mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng normal na pagkatao? (Maaari ngang makamtan ang mga ito.) Ang mga kahingiang ito ay ipinanukala nang ganap na batay sa pangunahing kondisyon na maaaring makamtan ng isang taong may normal na pagkatao ang mga ito. Hinggil dito, kung gayon, ano ang diwa ng mga pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa tao? Masasabi ba natin na ito ang tunay na wangis na isinabuhay ng normal na pagkatao, pati na ang pinakabatayang dapat taglayin ng normal na pagkatao? Ang mga halimbawang naibigay natin: na ang mga tao ay dapat magkaroon ng banal na kadisentehan, at pigilan ang kanilang sarili, at hindi maging masama ang pamumuhay, na hindi sila dapat manuntok o mang-insulto ng iba, o manigarilyo, uminom ng alak, makiapid, magnakaw, o sumamba sa mga idolo, at na dapat nilang igalang ang kanilang mga magulang, at sa Kapanahunan ng Biyaya, sinabihan din ang mga tao na maging mapagpasensiya, mapagparaya, at iba pa—limitado lamang ba ang mga kahingiang ito na naipanukala ng Diyos sa isang uri ng pamamaraan? Hindi, naglatag na ang Diyos ng mga pamantayan kung paano dapat isabuhay ng mga tao ang normal na pagkatao. Ano ang ibig Kong sabihin sa “mga pamantayan”? Ang ibig Kong sabihin ay ang mga pamantayan ng mga kahingian ng Diyos. Bilang isang tao, ano ang kailangan mong isabuhay upang magtaglay ng normal na pagkatao? Kailangan mong tuparin ang mga kahingiang ipinanukala ng Diyos. Isang bahagi lamang ng mga kahingian ng Diyos sa tao ang inilista natin. Ang mga kahingiang tulad ng huwag suntukin o insultuhin ang iba, huwag manigarilyo, uminom ng alak, makiapid, o magnakaw, at iba pa, ay mga bagay na maaaring makamtan ng mga taong may normal na pagkatao. Bagama’t ang mga bagay na ito ay mas mababa sa katotohanan at hindi umabot sa katotohanan, ang mga ito ang ilang pangunahing pamantayan sa pagsusuri kung ang isang tao ba ay may pagkatao o wala.
Ano ang diwa ng mga pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa tao na katatapos lamang nating ibuod? Pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Kung ang isang tao ay naisasabuhay o umaasal sa mga paraang hinihingi ng Diyos, ang taong ito ay nagtataglay ng normal na pagkatao sa paningin ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng magtaglay ng normal na pagkatao? Ang ibig sabihin nito ay nagtataglay na ang isang tao ng pag-uugaling naaayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, at tumutugon sa pamantayan ng normal na pagkatao, pagdating sa kanilang pag-uugali, mga pamamaraan, at kung ano ang isinasabuhay nila, dahil nagpapamalas sila at nagsasabuhay ng normal na pagkatao sa paraang hinihingi ng Diyos. Masasabi bang ganoon ito? (Oo.) Naniniwala man sa Diyos ang isang tao o hindi, mayroon man siyang tunay na pananampalataya o wala, kung ninanakawan, niloloko, o sinasamantala niya ang ibang tao; o kung madalas siyang gumamit ng bastos na salita; o kung sinusuntok at sinasaktan niya ang ibang tao kapag nakataya ang sarili niyang reputasyon, katayuan, imahe, o iba pang mga interes, nang walang anumang pag-aalinlangan; o kung gumagawa pa siya ng kasalanan ng pakikiapid—kung mayroon pa rin siya ng mga problemang ito sa paraan ng pagsasabuhay niya ng pagkatao, lalo na pagkatapos niyang magsimulang maniwala sa Diyos, normal ba ang kanyang pagkatao? (Hindi.) Sinusuri mo man ang mga hindi mananampalataya o ang mga mananampalataya, ang mga pamantayang ito ng pag-uugali na nailatag ng Diyos ay pinakamababa at pinakabatayang mga pamantayan lamang sa pagsusuri ng pagkatao ng isang tao. May ilang taong matapos maging mga mananampalataya ang tumalikod sa mga ito at ginugol nang kaunti ang kanilang sarili, at nagawang magbayad ng kaunting halaga, ngunit hindi kailanman naabot ang mga pamantayan ng pag-uugali na nailatag ng Diyos. Malinaw na ang ganitong uri ng mga tao ay hindi nagsasabuhay ng normal na pagkatao—ni hindi nila isinasabuhay ang pinakabatayang wangis ng tao. Ano ang ibig sabihin kapag hindi nagsasabuhay ang isang tao ng normal na pagkatao? Ang ibig sabihin nito ay hindi siya nagtataglay ng normal na pagkatao. Dahil ni hindi niya maabot ang mga pamantayan ng mga kahilingan ng Diyos sa pag-uugali ng sangkatauhan pagdating sa pagsasabuhay ng pagkatao, napakababa ng kanyang pagkatao, at mabibigyan lamang siya ng mababang ebalwasyon. Ang pinakabatayang pamantayan ng pagsusuri sa pagkatao ng isang tao ay ang tingnan kung ang kanyang pag-uugali ay pumapasa sa mga pamantayan ng mga kahingiang itinakda ng Diyos sa pag-uugali ng sangkatauhan. Tingnan kung, matapos maniwala sa Diyos, pinipigilan niya ang kanyang sarili; kung mayroon ba siyang banal na kadisentehan sa kanyang sinasabi at ginagawa; kung sinasamantala ba niya ang iba kapag nakikipag-ugnayan sa kanila; kung tinatrato ba niya ang kanyang mga kapamilya at mga kapatid sa iglesia nang may pagmamahal, pagpaparaya, at pagpapasensiya; kung tinutupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad sa kanyang mga magulang sa abot ng kanyang makakaya; kung sumasamba pa rin ba siya sa mga idolo kapag walang nakatingin, at iba pa. Magagamit natin ang mga bagay na ito para suriin ang pagkatao ng isang tao. Isantabi kung mahal ba at hangad ng tao ang katotohanan, suriin muna kung mayroon ba siyang normal na pagkatao—kung ang kanya bang mga salita at pag-uugali ay pumapasa sa mga pamantayan sa pag-uugali na naitakda ng Diyos. Kung hindi pumapasa ang mga iyon sa mga pamantayan sa pag-uugali, maaari mong suriin ang kanyang pagkatao ayon sa antas ng kanyang isinasabuhay, kung ito ba ay: karaniwan, mababa, napakababa, o kahindik-hindik, sa gayong pagkakasunud-sunod—ito ang tumpak. Kung nang-uumit sa tindahan at nandurukot ang isang mananampalataya kapag nagpupunta siya sa mga supermarket o sa mga pampublikong lugar, kung mahilig siyang magnakaw, anong klase ang kanyang pagkatao? (Masamang pagkatao.) May ilang taong naninigaw ng mapang-abusong mga salita at nananakit pa ng iba kapag may ikinagagalit sila. Ang kanilang mga insulto ay hindi makatarungang pagtatasa sa diwa ng ibang tao, sa halip, padalus-dalos na akusasyon ang mga iyon at puno ng bastos na pananalita. Walang habas na sinasabi ng gayong mga tao ang anumang nagtutulot sa kanila na mailabas ang kanilang galit. May partikular na ilang taong nagsasabi ng mga bagay-bagay sa kanilang mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak na hindi nananalig, at maging sa kanilang mga kaibigan na hindi nananalig, na hindi mo gugustuhing marinig, kung hindi ay marurumihan nito ang iyong mga tainga. Anong klase ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Masamang pagkatao.) Maaari mo ring sabihin na wala silang pagkatao. Pagkatapos ay may iba pa na laging nakatuon sa pera. Kapag nakakita ang mga taong ito ng isang taong mapera, kumakain nang maayos at nagsusuot ng magagarang damit, at nabubuhay nang maalwan, lagi nilang gustong pagsamantalahan ang mga taong ito. Lagi silang paliguy-ligoy na nanghihingi sa mga ito, o kinakain ang pagkain ng mga ito at ginagamit ang mga gamit ng mga ito, o hinihiram ang mga gamit ng mga ito at hindi na isinasauli ang mga iyon. Bagama’t hindi pa nila sinasamantala ang iba sa malaking paraan, at ang kanilang mga kilos ay hindi umaabot sa paglustay o panunuhol, ang pag-uugali nilang mahilig magnakaw ay tunay na kaaba-aba at kasuklam-suklam, at dahil sa mga ito ay himahamak sila ng iba. Ang mas malubha pa, mayroong mga masyadong nahuhumaling sa ganda ng hindi nila kabaro. Madalas silang tumitig sa hindi nila kabaro, at nakikiapid pa nga, gumagawa ng kasalanan sa pagitan ng mga kasarian. Ang ilan sa mga taong ito ay walang asawa, samantalang ang iba naman ay pamilyado—mayroon pang ilan na nakikiapid pa sa kabila ng labis na katandaan. Ang mas malala pa, sinusubukan ng ilang tao na akitin ang mga kabaro nila, at magkaroon ng pisikal na relasyon sa kanila. Nakasusuka talaga ito. Ang mas hindi pa kapani-paniwala, may mga taong maraming taon nang naniniwala sa Diyos, ngunit hindi naniniwala na ang katotohanan ang pinakanakatataas sa lahat o na ang mga salita ng Diyos ang nagsasakatuparan ng lahat. Ang mga taong ito ay madalas bumisita nang lihim sa mga manghuhula para pahulaan ang kanilang kapalaran, nagsisindi sila ng insenso para sambahin si Buddha o iba pang idolo, at gumagamit pa ng mga manyika ng mangkukulam ang ilan para kulamin ang ibang tao, o nananawagan pa sa kaluluwa ng mga patay (seance), at iba pang katulad niyon. Ang pagsasagawa ng ganitong mga uri ng masamang mahika ay mas malala pang isyu; ang ganitong mga tao ay mga walang pananalig, at walang pinagkaiba sa mga hindi nananalig. Matindi man o hindi ang sitwasyon, kapag nagpapamalas ng ganito ang isang tao, masasabi natin na siya ay nagsasabuhay ng pagkatao sa abnormal at maruming paraan, at na ang ilan sa kanyang mga pag-uugali ay mali o kakatwa—na tunay na makasalanan ang kanyang mga pag-uugali. Matapos maniwala sa Diyos, nagdadamit ang ilang tao nang masyadong nakatutukso, tulad ng mga hindi nananalig ay pinahahalagahan nila ang pagmumukhang seksi, at sumusunod sila sa mga makamundong uso. Hindi sila talaga kamukha ng mga banal. Ang ilang tao ay nagdadamit nang mas disente kapag nagpupunta sa mga pagtitipon, ngunit nagpapalit ng mas usong mga damit ng mga hindi nananalig kapag nakauwi na sila. Batay sa kanilang isinusuot, hindi sila mukhang mga mananampalataya; wala silang ipinagkaiba sa mga hindi nananalig. Naghahagikgikan sila at nagbibiruan tungkol sa mga bagay-bagay; masyado silang maluho sa sarili at walang pagpipigil. Nagsasabuhay ba ng normal na pagkatao ang ganitong mga tao? (Hindi.) Naghahangad sila ng mga makamundong uso, at gusto nilang maging seksi, at maakit ang iba, at lingunin sila ng mga tao. Ginugugol nila ang buong araw sa pagdadamit nang maganda, at paglalagay ng makapal na makeup, sa pagsisikap na akitin ang hindi nila kabaro. Kaaba-aba ang isinasabuhay ng mga taong ito. Ni hindi nila mapigilan ang kanilang sarili pagdating sa kanilang pananamit, pananalita, at pag-uugali, at wala silang banal na kadisentehan, kaya kapag sinuri natin sila ayon sa mga pamantayan sa pag-uugali na hinihingi ng Diyos, malinaw na ang pagkataong isinasabuhay nila ay napakaaba. Mula sa kongkretong halimbawang ito, makikita natin na ang mga hinihingi ng Diyos hinggil sa pag-uugali ng mga tao at sa kanilang isinasabuhay ay lubos na naaayon sa mga hinihingi ng normal na pagkatao—kaya, natural, ang mga may normal na pagkatao ay may kakayahang makamtan ang mga iyon. Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Ang ibig sabihin nito ay na taglay mo lamang ang wangis ng tao, mukha kang normal na tao, at may pinakabatayang antas ng normal na pagkatao kung ito ang iyong isinasabuhay. Sa pagtingin sa partikular na mga detalye ng mga hinihingi ng Diyos, makikita natin na ang pagsasabuhay ng pagkatao sa ganitong paraan ay hindi huwad, o pakitang-tao, ni hindi ito panloloko sa iba. Sa halip, ito ang paraan na dapat maipamalas ng normal na pagiging tao, at ang realidad na dapat nitong taglayin. Ang mga nagsasabuhay lamang ng mga pagpapakitang ito ng normal na pagkatao ang nagtataglay ng wangis ng tao, na wala ni katiting na panloloko. Matatamo lamang ng mga tao ang paggalang ng iba, at mamumuhay nang may dignidad sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao sa ganitong paraan. At sa pagsasabuhay lamang ng normal na pagkatao sa ganitong paraan at pagtataglay ng banal na kadisentehan, naghahatid ng kaluwalhatian sa Diyos ang normal na mga pagpapakita ng mga tao. Dahil kung magkagayon, lahat ng isinasabuhay mo ay magiging positibo, at ang realidad ng mga positibong bagay, at hindi ito magiging pakitang-tao. Magsasabuhay ka ng wangis ng tao alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.
Ang diwa ng mabuting pag-uugali ng tao at ang diwa ng pag-uugaling hinihingi ng Diyos ay kapwa naipaliwanag nang malinaw at nang naiintindihan. Samakatwid, dapat ding maging malinaw kung paano dapat magsagawa ang mga tao, at paano sila dapat magsabuhay ng normal na pagkatao, hindi ba? Hindi lalabis o tututulan ng mga tao ang mga tanong tungkol sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Nauugnay ba ang pagsasabuhay ng normal ng pagkatao sa mga walang kuwentang bagay sa buhay ng mga tao na walang kinalaman sa pagkatao? May ilang taong katawa-tawa na hindi makita nang malinaw ang bagay na ito. Sinasabi nila, “Yamang napakadetalyado ng pagbabahagi ng Diyos, kailangan din tayong maging metikuloso pagdating sa bawat maliit na aspeto ng ating buhay. Halimbawa, mas maganda ba sa kalusugan ang kamote kapag pinasingawan o kapag inihaw?” May kaugnayan ba ito sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Wala talaga. Ang dapat kainin ng mga tao at paano sila dapat kumain ay ginagamitan ng sentido komun na taglay ngayon ng lahat ng tao. Basta’t walang problema sa pagkain ng ganoon, maaari mong kainin iyon kahit paano mo gusto. Kung may nag-iisip na kailangan niyang hanapin ang katotohanan sa gayon kasimpleng mga bagay na ginagamitan ng sentido komun, at na kailangan niyang isagawa ang gayong mga bagay na para bang katotohanan ang mga iyon, hindi ba’t katawa-tawa at kakatwa ang taong iyon? May ilang tao ngayon na napaka-metikuloso sa mga bagay na katulad nito, na walang kinalaman sa katotohanan. Iniisip ng mga taong ito na hinahangad nilang matamo ang katotohanan, at sinisiyasat at sinusuri ang maliliit na bagay na para bang ang mga iyon ang katotohanan. Namumula pa ang mukha ng ilan sa pakikipagtalo tungkol sa mga bagay na ito. Anong klaseng problema ito? Hindi ba ito isang kaso ng matinding kawalan ng espirituwal na pag-unawa? Ang katunayan na nagtatanong ang mga tao tungkol sa pagkain ng kamote, na para bang iyon ang katotohanan, ay talagang katawa-tawa at nakakainis. Ang ganitong mga tao ay walang pag-asa, dahil hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan. Hindi nila maintindihan ang mga pinakasimpleng bagay sa buhay na ginagamitan ng sentido komun, at hindi nila malutas ang mga isyung ito—kaya ano ang silbi ng pamumuhay nila nang ilang taon? Paano naaatim ng mga taong ito na banggitin ang mga walang-kabuluhang bagay sa mga pagtitipon at magtalakay at magbahagi tungkol sa mga iyon na para bang mga paksa ang mga iyon kung saan mahahanap ng tao ang katotohanan? Ang pangunahing dahilan ay baluktot ang pang-unawa at walang espirituwal na pang-unawa ang mga taong ito. Sa anong konteksto sila nagiging metikuloso? Bakit sila nagkaroon ng ganitong mga kaisipan at ideya? Paano nila naaatim na talakayin at ibahagi kung paano kumain ng kamote sa mga pagtitipon? Dahil ba sa masyadong kongkreto ang mga isyung ibinabahagi Ko, at humantong na ito sa ilang maling pag-aakala ng mga tao na mahilig makipag-argumento at makipagtalo? Kapag nangyayari ang mga problema at sitwasyong ito, pakiramdam Ko, ang pakikipag-usap sa mga taong ito ay parang pagturing sa mga unggoy na parang mga tao. Ang mga unggoy ay mga nilalang na naninirahan sa mga kabundukan at kagubatan. Bagama’t may pagkakamukha sila sa mga tao, at marami sa kanilang mga pag-uugali at gawi ay katulad ng sa mga tao, at bagama’t may panahon na itinuring ng mga tao ang mga unggoy bilang kanilang mga ninuno, ano’t anuman, ang mga unggoy ay mga unggoy pa rin. Dapat silang manirahan sa mga kagubatan at kabundukan. Hindi ba pagkakamaling ilagay sila sa isang bahay para manirahan sa piling ng mga tao? Dapat ba nating ituring ang mga unggoy na parang mga tao? (Hindi dapat.) Kaya, mga unggoy ba kayo, o mga tao? Kung mga tao kayo, gaano man Ako magsalita o gaano man Ako magsumikap, angkop at mahalaga na sabihin Ko ang mga bagay na ito sa inyo. Kung kayo ay mga unggoy, angkop ba na ituring Ko kayong mga tao, at sayangin ang oras Ko sa pagtalakay sa katotohanan at kalooban ng Diyos sa inyo? Mahalaga ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay mga tao ba kayo, o mga unggoy? (Tao kami.) Sana nga. Ano ang tingin ninyo sa pagbabahaginan tungkol sa pagkain ng kamote sa mga pagtitipon? Magiging metikuloso rin ba kayo sa mga bagay na katulad nito? Halimbawa, nagtatanong ang ilang tao: “Dapat ba akong magsuot ng damit na asul o puti? Kung magsusuot ako ng puting damit, anong klaseng puti? Anong klaseng puti ang kumakatawan sa kabanalan, at bagay sa isang banal? Kung angkop ang asul sa akin, anong klaseng asul? Aling asul ang bagay sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos sa tao, at makapaghahatid ng pinakamalaking kaluwalhatian sa Diyos?” Naging metikuloso na ba kayo sa mga bagay na ito? Naisip na ba ng sinuman kung aling estilo ng buhok, o aling paraan ng pananalita at tono ng boses ang bagay sa isang banal? Naging metikuloso na ba kayo tungkol sa mga bagay na ito? Naging metikuloso at masikap na ang ilang tao sa mga bagay na ito. May ilang tao na mahilig dating kulayan ng blonde ang kanilang buhok, o kulayan ito ng pula o iba pang kakaibang mga kulay, ngunit matapos silang maniwala sa Diyos, nakita nila na hindi nagkukulay ng buhok ang iba pang mga kapatid sa iglesia, kaya tumigil sila. Pagkaraan lamang ng ilang taon nila lubos na naunawaan na anuman ang kulay o estilo ng buhok ng isang tao ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay kung nagsasabuhay ba ng normal na pagkatao ang isang tao, at kung mahal ba niya ang katotohanan. Ang mga taong naging metikuloso sa gayong mga bagay na walang kinalaman sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay unti-unting naunawaan na walang silbing pagsikapan ang mga bagay na ito, dahil ang mga bagay na ito ay wala talagang kaugnayan sa katotohanan. Ilang isyu lamang ang mga ito sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, at wala sa mga ito ang katotohanan. Kung ang pagkataong isinasabuhay mo ay nakapapasa sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos, sapat na iyan. Hindi ba kayo medyo naguluhan sa mga isyung ito noong araw, at nalito sa mga ito? (Oo.) Kahit hindi ito kasintindi ng pakikipagtalo sa mga pagtitipon tungkol sa kung paano kumain ng kamote, naguluhan na rin kayo sa ilang maliliit at walang-kabuluhang bagay sa buhay. Totoo ang mga ito. Kaya, hindi ba dapat magkaroon ng tiyak na konklusyon tungkol sa mga bagay na ito? Malinaw ba sa inyo kung aling mga prinsipyo ang dapat sundin ng mga tao kapag nagsasabuhay ng normal na pagkatao ayon sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos? Alam ba ninyo kung paano hanapin ang katotohanan kapag nakaranas kayo ulit ng ilang partikular na sitwasyon? Sabi ng ilang tao, “Bagama’t hindi ako nagiging mapagmalabis, tulad ng pagtatanong kung paano kumain ng kamote, kung magkaroon ng ilang isyu sa buhay ko sa araw-araw, malilito pa rin ako sandali.” Kaya, bigyan ninyo Ako ng isang halimbawa—anong isyu ang nagpapalito sa inyo sandali? Masasabi ba ninyo na maling mag-make up ang mga babae? Naaayon ba ito sa mga hinihingi ng Diyos sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? (Hindi ito mali.) Ano ang tinutukoy rito ng “hindi ito mali”? (Basta’t bagay sa isang banal ang makeup ng isang tao, at hindi masyadong makapal, ayos lang ito.) Basta’t hindi makapal ang makeup, angkop ito. May ilang nagtatanong, “Kung angkop na mag-makeup nang hindi masyadong makapal, ibig bang sabihin ay gusto Mo kaming mag-makeup?” Sinabi Ko ba iyan? (Hindi.) Hindi problema ang mag-makeup, naaayon ito sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Ang mapagpasyang prinsipyo para dito ay na basta’t hindi masyadong makapal ang makeup, ayos lang ito. Iyan ang pamantayan. Kaya, sa anong saklaw kailangang panatilihin ng mga babae ang kanilang makeup para makasunod sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Nasaan ang hangganan? Ano ang ibig sabihin ng “makapal na makeup”? Anong klaseng makeup ang itinuturing na makapal? Kung malinaw ang hangganan, malalaman ng mga tao kung ano ang gagawin. Hindi ba ito isang detalye? Bigyan ninyo Ako ng halimbawa na nagpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng makapal na makeup. (Ito ay kapag puting-puti ang mukha ng isang tao, pulang-pula ang mga labi nila, at itim na itim ang kanilang mga mata, kaya masyado itong hindi natural at hindi magandang tingnan.) Nagugulat ang mga tao kapag nakikita nila ito, parang multo, at hindi makita ng iba ang natural na anyo o mukha ng tao. Ang mga tao sa ilang bansa at lahi, gayon din sa ilang propesyon, ay partikular na makapal mag-makeup. Halimbawa, hindi ba kumakatawan ito sa makeup ng mga tao sa mga bar at nightclub? Lahat ng taong ito ay makapal ang makeup, at hindi nagpapakita ng magandang halimbawa—ang silbi ng kanilang makeup ay para akitin ang iba. Ang ganitong klaseng makeup ay makapal na makeup. Kung gayon, anong uri ng makeup ang naaayon sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Ang manipis na makeup, tulad ng sa mga babaeng nag-oopisina, na mukhang napakarangal at elegante. Basta’t hindi lumalagpas sa hangganang ito ang inyong makeup, ayos lang ito. Sa Tsina, hindi uso sa mas nakatatandang mga henerasyon ang mag-makeup. Kung palaging maganda ang damit at naka-makeup kapag umaalis ng bahay ang isang karaniwang nakatatandang tao na walang anumang partikular na katayuan o posisyon sa lipunan, sasabihin ng mga tao na hindi bagay ang kanilang kilos para sa edad nila. Gayunman, iba naman sa mga taga-Kanluran. Kung makikipagkita ka sa isang tao o papasok ka sa trabaho at hindi ka naglagay ng kaunting makeup at nag-ayos nang kaunti, sasabihin ng mga tao na hindi mo iginagalang ang trabaho mo, na hindi ka propesyonal, at na hindi mo iginagalang ang ibang tao. Ito ay isang klase ng kultura. Natural, sa ganitong uri ng sitwasyon, ang pagme-makeup ay dapat ilimita sa lebel kung saan magmumukha kang marangal at matwid, at mukhang kagalang-galang sa ibang tao. Upang buurin sa isang pangungusap: Kung magme-makeup ka, dapat kang magmukhang kagalang-galang na tao, at hindi pumukaw ng pagnanasa sa puso ng mga tao—angkop ang ganitong klaseng makeup. Iyan ang prinsipyo, at ganyan lamang ito kasimple. Itinatanong ng ilang tao, “Ayos lang bang hindi ako nagme-makeup kapag umaalis ako ng bahay? Hindi kasi ako sanay mag-makeup.” Dapat kang maghanap ng sagot sa loob ng mga salita ng Diyos. Sinabi ba ng Diyos na maling hindi mag-makeup? Hindi ito sinabi ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kailanman hiningi sa mga tao na mag-makeup. Kung gusto mong mag-makeup, naibigay Ko na sa iyo ang pamantayan at limitasyong ito, at sinabi Ko na sa iyo ang dapat mong gawin upang maging angkop ang makeup mo. Kung ayaw mong mag-makeup, hindi ito hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Gayunman, kailangan mong tandaan ang isang bagay: Bagama’t hindi mo kailangang mag-makeup, hindi ka maaaring umalis ng bahay na mukhang marumi at gusgusin, na parang pulubi. Halimbawa, kapag lumabas ka para ibahagi ang ebanghelyo, kung hindi mo gagawing presentable ang sarili mo o hindi ka maghihilamos ng mukha bago umalis ng bahay, at nanggigitata ang damit mo, at sinasabi mong, “Ayos lang ito. Basta’t nauunawaan natin ang katotohanan, hindi mahalaga kung paano tayo manamit!” nakatutulong ba iyan? Bilang isang taong naniniwala sa Diyos, dapat ka ring magkaroon ng mga prinsipyo para sa iyong pananamit at hitsura. Ang pinakabatayang pamantayan ng prinsipyong ito ay na kailangan mong magsabuhay ng normal na pagkatao, at huwag kang gumawa ng anumang makapagpapahiya sa Diyos, o makapagpapahiya sa sarili mong karakter at dignidad. Kahit paano, dapat mong sikaping igalang ka ng iba. Kahit hindi ka gaanong banal, dapat mong mapigilan man lang ang iyong sarili, at maging marangal ka at matwid, at magkaroon ng banal na kadisentehan. Kung mabibigyan mo ng ganitong impresyon ang mga tao, sapat na iyan. Ito ang pinakapangunahing kinakailangan sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao.
Para sa mga naniniwala sa Diyos, ang mga tanong na ito tungkol sa panlabas na mga pag-uugali ng mga tao at pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay hindi dapat maging mga pasanin o paghihirap, dahil ang mga ito ang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin, kahit paano, ng isang normal na tao. Dapat ay madaling maunawaan ang mga isyung ito; hindi mahirap unawain ang mga ito. Samakatwid, ang mga tanong na ito tungkol sa panlabas na mga pag-uugali ng mga tao at pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay hindi dapat maging mahahalagang isyu na madalas talakayin sa buhay-iglesia. Ayos lang na pag-usapan ang mga iyon paminsan-minsan, ngunit kung tatratuthin mong mga paksa ang mga ito na paghahanapan ng katotohanan, at babanggitin nang madalas ang mga ito, tatalakayin nang taimtim at seryoso ang mga ito, medyo napababayaan mo na ang iyong nararapat na mga tungkulin. Sinong mga tao ang kadalasang nagpapabaya sa kanilang nararapat na mga tungkulin? Ang pagtatanong na tulad ng paano kumain ng kamote, at pagtrato sa mga tanong na ito na parang mga paksang paghahanapan ng katotohanan, nagsisiyasat at nagbabahaginan tungkol sa mga ito sa mga pagtitipon, kung minsan sa maraming pagtitipon, habang walang ginagawa ang mga lider ng iglesia para pigilan ito—hindi ba’t mga pagpapamalas ang mga ito ng mga buktot na taong walang espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Anong mga tanong ang dapat talakayin nang husto sa mga pagtitipon? Iyong mga nauukol sa katotohanan at mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang di-nagbabagong mga paksa ng buhay-iglesia; ang mga bagay na nauukol sa pinakapangunahin at ordinaryong paksa ng panlabas na mga pag-uugali ng normal na pagkatao ay hindi dapat maging pangunahing paksa ng pagbabahaginan sa buhay-iglesia at sa mga pagtitipon. Kung papayuhan, paaalalahanan, at babahaginan ng mga kapatid ang isa’t isa tungkol sa mga bagay na ito sa labas ng mga pagtitipon, sapat na iyan para lutasin ang mga problemang ito. Hindi na kailangan pang gumugol ng malalaking panahon sa pagbabahaginan at pagtatalakay tungkol sa mga ito. Makakaapekto iyan sa normal na pagtitipon ng mga tao at sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at magkakaroon ito ng epekto sa kanilang pagpasok sa buhay. Ang buhay-iglesia ay isang buhay ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Ang dapat nitong binibigyang-diin ay ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at paglutas sa mga praktikal na problema, sa gayong paraan, hindi maaantala ang pagsulong ng tao sa buhay. Kung may taglay kang diwa ng normal na pagkatao, dapat maging malinaw sa iyo kung paano isagawa ang mga bagay na ito alinsunod sa mga prinsipyo. Kung lagi kang naghahanap ng mali tungkol sa mga bagay na walang-kuwenta at mga bagay na walang kinalaman sa mga prinsipyo ng katotohanan, kung lagi kang nakikipagtalo tungkol sa maliliit na usapin, subalit pakiramdam mo ay maalam ka at edukado, hindi ba’t dapat na suriin ang isyung ito? Halimbawa, masyadong binibigyang-diin ng ilang tao ang paraan ng kanilang pananamit, at laging itinatanong kung maaaring magsuot ng di-karaniwang mga damit ang mga mananampalataya; laging nagtatanong ang ilang taong bago lang nananalig sa Diyos kung dapat bang uminom ng alak ang mga mananampalataya; natutuwa ang ilang tao sa pagnenegosyo, at laging nagtatanong kung dapat bang kumita ng maraming pera ang mga mananampalataya; at laging nagtatanong ang ilang tao kung kailan darating ang araw ng Diyos. Ang mga taong ito ay hindi handang hanapin ang katotohanan sa mga bagay na ito para mahanap ang mga tamang sagot. Bagama’t walang tumpak na mga salita tungkol sa mga paksang ito, ipinaliwanag na ng Diyos ang mga prinsipyo sa pag-unawa sa mga isyung ito nang napakalinaw. Kung hindi nagsisikap ang isang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi niya matatagpuan ang mga sagot. Sa katunayan, alam ng lahat ang layunin ng paniniwala sa Diyos, at kung ano ang matatamo mula rito. Kaya lamang ay may ilang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ngunit nais pa ring magtamo ng mga pagpapala. Doon nagmumula ang kanilang paghihirap. Samakatwid, ang pinakamahalagang bagay ay kung matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan. May ilang tao na hindi napahalagahan kailanman ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Masyado lamang silang interesado sa mga tanong na walang halaga, at lagi nilang gustong magbahaginan tungkol sa mga tanong na ito sa mga pagtitipon at makakuha ng tiyak na mga sagot sa mga ito, at hindi sila mapigilan ng mga lider at manggagawa. Anong uri ng problema ito? Hindi ba’t pinapabayaan ng mga taong ito ang kanilang nararapat na mga tungkulin? Kung hindi mo isasagawa ang katotohanan at lagi mong gustong tumahak sa maling landas, bakit hindi mo pagnilayan, kilalanin, at suriin ang sarili mo? Lagi kang mapagpalugod sa mga tao, hindi ka responsable sa iyong tungkulin, matigas ang ulo mo, may sarili kang batas, padalus-dalos, at walang ingat. Paano mo naaatim na hindi maging maingat sa bagay na ito? Paano mo naaatim na hindi siyasatin at suriin ito para malaman kung ano ba talaga ang nangyayari? Bakit mo sinisisi at hindi inuunawa nang tama ang Diyos tuwing may nangyayari sa iyo? Bakit ka laging nagpapasya sa sarili mo, at nagrereklamo na hindi matwid ang Diyos at na hindi patas ang iglesia? Hindi ba’t problema ang mga ito? Hindi ba’t dapat mong ibahagi at suriin ang mga isyung ito sa buhay-iglesia? Kapag hinahati ng sambahayan ng Diyos ang iglesia at inaalis ang mga tao, hindi ka kailanman nagpapasakop at hindi ka kailanman nasisiyahan, lagi kang may mga haka-haka at nagpapakalat ka ng pagkanegatibo. Hindi ba’t problema ito? Hindi ba’t dapat mong siyasatin at suriin ang isyung ito? Lagi kang naghahangad ng katayuan, at namumulitika, at nag-aasikaso sa iyong katayuan. Hindi ba’t problema ito? Hindi mo ba dapat ibahagi at suriin ang mga isyung ito? Ang iglesia ay kasalukuyang nagsasagawa ng gawain ng paglilinis, at sinasabi ng ilan, “Basta’t medyo epektibo ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, hindi sila tatanggalin, kaya kung patuloy lamang akong magiging medyo epektibo sa aking tungkulin at hindi ako matatanggal, sapat na iyon.” Ano ang problema rito? Hindi ba’t pasibong pagsalungat ang ginagawa ng mga taong ito? Kung nagpapakita ang isang tao ng ganitong klase ng mapanlinlang na disposisyon, hindi ba’t kailangan itong lutasin? Hindi ba’t mas malubha ang mga problema na may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon at sa diwa at kalikasan ng tao kaysa kung paano kumain ng mga kamote? Hindi ba’t nararapat na pag-usapan ang mga ito, pagbahaginan, at suriin sa mga pagtitipon at sa buhay-iglesia, upang magtamo ng pagkaunawa ang mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba maganda at tipikal na mga halimbawa ng mga negatibong pag-uugali ang mga ito? Ang mga problema tungkol sa mga tiwaling disposisyon ay direktang may kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon ng tao, at kasama rito ang kaligtasan ng tao. Hindi maliliit na bagay ang mga ito, kaya bakit hindi kayo nagbabahaginan at nagsusuri tungkol sa mga isyung ito sa mga pagtitipon? Kung hindi kayo kailanman naghahanap ng katotohanan para lutasin ang mahahalagang bagay na tulad nito sa mga pagtitipon, at sa halip, nagbabahaginan kayo nang walang katapusan tungkol sa mga bagay na walang-kuwenta at nakababagot, ginugugol ang buong pagtitipon sa pagbabahaginan tungkol sa isang maliit na isyu, hindi malutas ang anumang mahahalagang problema, nagsasayang din ng oras—hindi ba ninyo napapabayaan ang inyong nararapat na mga tungkulin? Kung magpapatuloy kayo sa ganitong gawi, lahat kayo ay magiging walang-silbing mga tao na mahina ang kakayahan, na magulo ang isipan, at hindi isinasagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at nagkukulang sa katotohanan. Hindi kayo nagbabahaginan tungkol sa mga bagay na dapat ninyong pagbahaginan sa mga pagtitipon, at walang katapusan ang pagbabahaginan ninyo tungkol sa mga bagay na hindi ninyo dapat pagbahaginan sa mga pagtitipon. Lagi kayong nagbabahaginan sa mga pagtitipon tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan, na nabibilang sa inyong sariling baluktot na mga pang-unawa at walang-kuwentang mga personal na isyu, dahil sa inyo ay sinisiyasat ng lahat ang mga iyon, na walang-kabuluhang nagsasayang ng oras. Bukod sa nakakaapekto ito sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, nakakaantala rin ito sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Hindi ba’t nakagugulo at nakagagambala ito sa gawain ng iglesia? Ang ganitong pag-uugali ay dapat tawaging panggugulo. Ito ay sadyang panggugulo, at ang mga taong kumikilos nang ganito ay dapat higpitan. Sa hinaharap, ang mga pagtitipon ay dapat ilimita sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos lamang, pagbabahaginan sa katotohanan, paglutas sa mga isyu na may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon, at paglutas sa mga paghihirap at problema sa tungkulin ng mga tao. Anumang walang-kuwenta at walang-kabuluhang mga bagay o mga pang-araw-araw na isyu na pwede namang gamitan ng sentido-kumon ay hindi dapat pagbahaginan sa mga pagtitipon. Malulutas na ng mga kapatid ang mga isyung ito sa pagbabahaginan nang sila-sila lang; hindi na kailangang pagbahaginan pa ang mga ito sa mga pagtitipon.
Palaging may mga tao sa iglesia na baluktot ang mga pang-unawa tungkol sa mga salita ng Diyos na makikipagtalo tungkol sa maliliit na usapin. Kapag nagbabahagi Ako tungkol sa magagandang pag-uugali ng tao, talagang nagsisikap ang mga taong ito sa kanilang pag-uugali. Hindi nila alam kung bakit kailangan nating magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, bakit natin kailangang magbahaginan tungkol sa isyung ito? Ano ang gusto nating makamit sa pagbabahaginan tungkol sa isyung ito? Pag-usapan muna natin kung bakit kailangan nating magbahaginan tungkol sa isyung ito. Sa anong konteksto nabanggit ang magagandang pag-uugali ng tao at mga pamantayan para sa mga pag-uugali na hinihingi ng Diyos? Nabanggit ito habang nagbabahaginan tayo sa paksang “Ano ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan.” Ang isyung ito ay tuwirang nauugnay sa kung paano dapat hangarin ng tao ang katotohanan. Ang magagandang pag-uugaling ipinapakita ng mga tao bilang resulta ng pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol sa katotohanan at nauugnay sa katotohanan. Gaano man kaganda sa tingin ng tao ang isang pag-uugali, kung hindi kasama rito ang pagsasagawa ng katotohanan, wala itong kaugnayan sa katotohanan. Sasabihin ng ilang tao, “Mali iyan! Hindi ba’t sinabi Mo na hindi kapantay ng magagandang pag-uugali ang katotohanan? Hindi ko maunawaan.” Maaari ba ninyong ipaliwanag ang isyung ito? Sa konteksto ng pagbabahaginan tungkol sa “Ano ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” Sinuri Ko ang mga pag-uugaling pinaniniwalaan ng mga tao na maganda ayon sa kanilang mga haka-haka, at pinuna at kinondena Ko ang mga ito. Kasabay nito, ipinaalam Ko sa mga tao kung ano ang mga pamantayan ng Diyos sa pag-uugali ng tao, at ibinigay Ko sa kanila ang tamang landas ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao, sa gayon ay magkakaroon sila ng kakayahang taglayin ang mga pamantayang ginagamit para suriin ang pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Sa pundasyong ito, ang epektong nakamtan Ko sa huli ay ang maipaalam sa mga tao na ang mga pag-uugaling inaakala nilang maganda ayon sa kanilang mga haka-haka ay hindi ang mga pamantayan ng katotohanan, ni hindi kasama roon ang katotohanan, ni hindi nauugnay ang mga iyon sa katotohanan, sa gayon ay napipigilan ang mga tao sa maling paniniwala na ang pagsunod sa magagandang pag-uugaling ito ay ang paghahangad sa katotohanan. Kasabay nito, ipinaalam Ko sa mga tao na natupad lamang nila ang mga pamantayan para sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao kapag natugunan na nila ang mga pamantayan para sa pag-uugaling hinihingi ng Diyos. Dahil nasabi Ko na sa mga tao na lahat ng magagandang pag-uugaling itinataguyod ng tao ay mga pagbabalatkayo at huwad, na lahat ng iyon ay pag-arte lamang at pakitang-tao, at na mali ang lahat ng iyon, na nahaluan ang lahat ng iyon ng mga pakana ni Satanas, ngayong nawala na ang mga bagay na ito at naipagkait na sa mga tao, hindi pa rin nila alam kung paano magsagawa. Iniisip nila, “Kung gayon ay ano ang dapat kong isabuhay? Ano ang aktuwal na mga pamantayan ng pag-uugali na hinihingi ng Diyos?” Ang mga hinihingi, mga pamantayan, at malilinaw na pahayag ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao—gayon lamang ito kasimple. Basta’t isinasabuhay ng mga tao ang mga realidad na hinihingi ng Diyos, natugunan na nila ang mga pamantayan para sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Hindi sila makikipagtalo sa maliliit na usapin, o maguguluhan, o malilito tungkol sa bagay na ito. Kapag natutugunan ng isang tao ang mga pamantayang dapat isabuhay ng normal na pagkatao, hindi ba’t nalutas na niya ang isang praktikal na problema habang naghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t naalis na nila ang isang balakid, at nalutas ang isang sagabal sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Kahit paano, sa ngayon, ang mga panlabas na pamamaraang pinupuri ng sangkatauhan, tulad ng pagiging edukado at rasonable, magiliw, at madaling lapitan, ay hindi na ang mga mithiin ng paghahangad ng tao. O sa madaling salita, hindi na ito isang mithiing pinagsisikapan ng mga taong naghahangad sa katotohanan na ipakitang isinasabuhay nila, ni hindi ito isang pamantayang kailangang isabuhay ng normal na pagkatao. Napalitan na ito ng pangangailangang mahigpitan, magtaglay ng banal na kadisentehan, at iba pa. Ang mga hinihinging ito ng Diyos ang mga pamantayan para sa tao upang magsabuhay ng normal na pagkatao; ang mga ito ang katulad ng dapat na isabuhay ng normal na pagkatao. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nakumpirma na ang pinakapangunahing kundisyon, mithiin, at direksyon sa paghahangad sa katotohanan? Ang pinakapundamental, pinakapangunahing bagay ay nakumpirma na, na ang mithiin ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay hindi para ang mga tao ay maging edukado at rasonable, malumanay at pino, magiliw, magalang, respetuhin ang matatanda at alagaan ang mga bata, at iba pa. Sa halip, ito ay para isabuhay nila ang normal na pagkatao tulad ng hinihingi ng Diyos. Walang mga pagbabalatkayo at wala ang mga pakana ni Satanas dito; sa halip, ito ang aktuwal na pagsasabuhay, pagpapakita, at pag-uugali ng normal na pagkatao. Hindi ba’t ganito nga? (Oo.) Mula sa pananaw na ito, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa magagandang pag-uugali ng tao na kasama sa paksa ng mga bagay na iniisip ng mga tao na tama at mabuti ayon sa kanilang mga haka-haka, gayundin kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa mga pamantayan para sa pag-uugaling hinihingi ng Diyos—nauugnay ba ang mga bagay na ito sa paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Oo, nauugnay ang mga ito. Sa isang antas, kinukumpirma nito ang pangunahing direksyon at mithiin para sa paghahangad ng tao sa katotohanan. Nangangahulugan ito na, kahit paano, ang iyong mithiin sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay magiging tama bago mo simulang hangarin ang katotohanan. Ang mithiing ito ay hindi pamamaraang gawang-tao, hindi ito pagkukunwari, o pagbabalatkayo. Sa halip, ito ang normal na pagsasabuhay ng pagkatao na hinihingi ng Diyos. Bagama’t ang paksang ito ay medyo malayo pa rin sa tunay na paghahangad sa katotohanan, mahalaga ito sa masaklaw na direksyon ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang pinakasimple at pinakapangunahing pamantayan para sa pag-uugali na dapat maunawaan ng tao. Gaano man kalayo ang paksang ito ng pagbabahaginan sa paghahangad sa katotohanan, at gaano man ito kalayo sa mga pamantayan ng katotohanan, dahil nauukol ito sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pamantayan ng pag-uugali na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan, natural, patungkol din ito sa mga pamantayan ng katotohanan, kahit paano. Samakatwid, dapat maunawaan ng mga tao ang mga isyung ito. Ang mga hinihinging ito ng Diyos para sa pag-uugali ng tao ay mga pamantayang dapat sundin ng mga tao, at hindi dapat balewalain ang mga ito. Matapos maunawaan ang mga isyung ito, kahit paano, hahangarin ng mga tao na maging edukado at rasonable, malumanay at pino, magalang, madaling lapitan, o magiliw na klase ng tao sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao, at sa kanilang panlabas na mga pamamaraan—tulad ng kung paano partikular na inaasahan ng mga taong kanluranin na maging maginoo ang mga lalaki, pagbuksan ng pinto ang mga babae, hilahin ang silya para makaupo ang babae, at bigyan ng prayoridad ang mga babae sa mga pampublikong lugar—kapag nagtamo ng pagkaunawa ang mga tao sa magagandang pag-uugaling ito, kahit paano, hindi nila ituturing ang mga ito bilang kanilang mga pamantayan kapag nagsisikap silang magsabuhay ng normal na pagkatao, o kapag hinahangad nila ang mga pag-uugali ng normal na pagkatao. Sa halip, tatalikuran nila ang mga bagay na ito sa kanilang puso at isipan; hindi na sila maiimpluwensyahan at magagapos ng mga ito. Ito ay isang bagay na kailangan ninyong gawin. Kung mayroon pa ring nagsasabing, “Aba, hindi masyadong edukado at rasonable ang taong iyan,” ano ang magiging reaksyon mo? Titignan mo siya, at sasabihin sa kanya, “Mali ang sinabi mo. Sambahayan ito ng Diyos. Ano ang ibig mong sabihin na, ‘edukado at rasonable’? Hindi iyan ang katotohanan, at hindi iyan ang wangis ng tao na dapat nating isabuhay.” Sabi ng ilang tao, “Hindi iginagalang ng ating lider ang matatanda at inaalagaan ang mga bata. May edad na ako, subalit hindi niya ako tinatawag na Tita, tinatawag lamang niya ako sa pangalan ko. Hindi niya dapat gawin iyon. Mas matanda pa nga sa kanya ang mga apo ko! Hindi ba niya ako minamata sa ginagawa niya? Hindi rin siya palakaibigan o mabuti sa mga tao. Sa pag-uugali niyang iyan, tila hindi siya akmang maging lider.” Ano ang palagay mo sa pananaw na ito? Ang paggalang sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata ay hindi ang katotohanan. Hindi mo dapat suriin ang mga tao batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali at pagpapamalas, kundi ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan. Ang mga ito lamang ang mga prinsipyo sa pagsusuri sa mga tao. Kung gayon, paano natin dapat suriin ang mga lider at manggagawa? Dapat mong tingnan kung gumagawa ba sila ng praktikal na gawain, kung kaya ba nilang akayin ang mga taong hinirang ng Diyos na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa iglesia at kumpletuhin ang ilang mahalagang trabaho. Halimbawa, kumusta na ang gawain ng ebanghelyo? Kumusta na ang buhay-iglesia? Ginagampanan ba nang maayos ng mga taong hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin? Kumusta naman ang pag-usad ng lahat ng iba’t ibang espesyalistang trabaho? Napaalis na ba ang mga walang pananalig, masasamang tao, at mga anticristo? Ito ang mahahalagang trabaho ng iglesia. Ang pagsusuri sa mga lider at manggagawa ay pangunahing ginagawa sa pamamagitan ng pagtingin kung gaano kahusay nilang isinasagawa ang mga trabahong ito. Kung epektibo sila sa lahat ng aspetong ito, mahusay silang lider. Kahit medyo may kakulangan sa kanilang pag-uugali, hindi ito malaking isyu. Ang pagtingin lamang sa mga panlabas na pag-uugali ay hindi ang pamantayan para sa pagsusuri kung angkop ba ang isang lider o manggagawa. Kung tiningnan ito ng isang tao ayon sa pananaw ng tao, magmumukhang bastos ang lider dahil hindi niya tinawag kailanman na Tita o Lola ang isang mas matandang babae. Ngunit kung ginamit niya ang mga salita ng Diyos para suriin siya, mahusay ang lider na ito, at hinalal ng mga taong hinirang ng Diyos ang tamang tao dahil kaya nitong pasanin ang bawat aspeto ng gawain ng iglesia, nakatutulong at kapaki-pakinabang siya sa pagpasok sa buhay ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos, at ginagawa niya nang maayos ang gawain ng ebanghelyo. Dapat tanggapin ng lahat ang kanyang pamumuno at makipagtulungan sa kanyang gawain. Kung hindi makikipagtulungan ang isang tao sa gawain ng lider na ito, o pahihirapin niya ang mga bagay-bagay para sa lider na ito, o kung mananamantala siya para mapintasan ito dahil lamang sa hindi maganda ang panlabas na mga pag-uugali ng lider na ito tulad ng paggalang sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, hindi ito kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Ito ay pagkilos nang walang prinsipyo sa isang lider at manggagawa, at pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ang ganitong mga tao ay wala sa tama; masama ang ginagawa nila. Kung makakakita ka ng isang lider o manggagawa na hindi gumagalang sa nakatatanda sa kanila, at dahil dito, iniisip mo na hindi sila gayon kabuting tao, at hindi mo tinatanggap ang kanilang pamumuno, at kinokondena mo pa sila, anong pagkakamali ang ginagawa mo? Ito ang masamang resulta ng pagsusuri sa mga tao gamit ang mga pamantayan ng tao, ayon sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura. Kung masusuri ng lahat ang mga tao at mahahalal ang mga lider at manggagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, magiging tumpak ito at naaayon sa kalooban ng Diyos. Magagawa ng mga tao na tratuhin ang iba nang patas, at mapanatili ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Masisiyahan ang Diyos, at masisiyahan ang tao. Hindi ba’t ganito nga ang mangyayari?
Yamang sinuri Ko ang tinatawag na “magagandang pag-uugali” ng tao, at nakapagbahagi Ako tungkol sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao, ang pananaw ng mga tao sa iba, at ang mga pamantayang ginagamit nila para suriin ang iba ay nagbago na; yamang iba ang pagtingin ng mga tao sa iba, iba rin ang mga resulta ng mga pagsusuri ng mga tao. Kung ginagamit ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng kanilang mga pagsusuri, ang resulta ay talagang magiging tama, makatarungan, obhektibo, at naaayon sa interes ng lahat. Kung ang pananaw, pamamaraan, at batayan ng mga pagsusuri ng mga tao ay ang mga bagay na ipinapalagay ng tao na tama at mabuti, ano ang magiging resulta? Maaaring maparatangan o makondena ng isang tao ang mabubuting tao, o maaaring mailigaw siya ng mga mapagpaimbabaw, at hindi niya masuri at matrato nang makatarungan ang isang tao. Dahil mali ang batayan ng tao, ang pinal na resulta ay tiyak na magiging mali, hindi makatarungan, at hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Kaya, kailangan bang magsuri at magbahaginan sa diwa ng mga haka-haka ng mga tao tungkol sa magandang pag-uugali? May anumang kaugnayan ba ito sa paghahangad sa katotohanan? Malapit na malapit na magkaugnay ang mga ito! Bagama’t ang paksang ito ay tungkol lamang sa pagsasabuhay ng mga tao ng normal na pagkatao, at sa panlabas na mga pag-unawa at ipinapakita ng tao, kapag ang mga tao ay may tamang pamantayan na hinihingi ng Diyos para sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao, magkakaroon sila ng tama at iisang batayan at pamantayan sa pagsusuri sa iba, sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa asal at kilos nila. Kaya, sa usaping ito, hindi ba’t magiging mas tumpak ang direksyon, landas, at mithiin ng paghahangad nila sa katotohanan? (Oo.) Magiging mas tumpak ito, at higit na magiging iisa. Bagama’t medyo simple ang mga paksang ito, nauugnay ang mga ito sa mga pananaw ng tao tungkol sa mga tao at bagay-bagay, at sa asal at mga kilos ng tao sa pinakapraktikal, totoo, at pinakamalapit na paraan—hindi talaga hungkag ang mga ito.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.