Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 15 (Ikatlong Bahagi)

Matapos na matukoy at masuri ang mga kamalian sa kaisipan at pananaw na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” tingnan natin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao pagdating sa kanilang mga salita at kilos. Anong uri ng tao ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging? (Isang matapat na tao.) Tama iyan. Maging matapat, huwag magsinungaling, huwag mandaya, huwag maging mapanlinlang, at huwag manlansi. Hanapin mo ang salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka. Iilan lang ang mga bagay na ito; napakasimple nito. Kung magsasalita ka nang hindi matapat, iwasto mo ang iyong sarili. Kung ikaw ay magmamalabis, magsisinungaling o magsasalita nang higit pa sa iyong posisyon, magnilay-nilay ka at magkaroon ng kamalayan dito, at hanapin mo ang katotohanan para malutas ito. Dapat kang magsabi ng mga bagay na tumutugma sa iyong aktuwal na sitwasyon, sa pagkaunawa na nasa iyong puso at sa mga katunayan. Bukod pa roon, kung kaya mong gawin ang mga bagay na ipinangako mo sa iba, gawin mo ang mga iyon. Kung hindi mo naman kaya, agad mong sabihin sa kanila. Sabihin mo, “Pasensiya ka na, hindi ko iyon kayang gawin. Wala akong kakayahan, at hindi ko iyon magagawa nang maayos. Ayaw kitang maantala, kaya mas mabuti pang sa iba ka na lang humingi ng tulong.” Hindi mo kailangang laging tuparin ang iyong sinabi, maaari kang umatras sa iyong mga pangako. Basta maging tapat na tao ka. Maging matapat ka lang sa iyong mga sinasabi at ginagawa, sa halip na subukang manloko o manlinlang, at hanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng sitwasyon. Ganoon iyon kasimple; napakadali niyon. Mayroon bang anumang parte sa hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao na magpanggap sila? Kahit kailan ba ay humingi Siya sa mga tao nang labis-labis, na gumawa sila nang higit sa kaya nilang pasanin o kayang gawin? (Hindi.) Kung ang mga tao ay walang kakayahan, kakayahang umarok, pisikal na enerhiya o lakas, sinasabi sa kanila ng Diyos na sapat nang gawin nila ang kanilang makakaya, na magsikap sa abot ng kanilang makakaya at na ibuhos ang lahat-lahat nila. Sinasabi mo, “Ibinigay ko na ang lahat ng mayroon ako, pero hindi ko pa rin matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iyon na ang lahat ng aking makakaya pero hindi ko alam kung kontento ba ang Diyos.” Ang totoo, sa paggawa nito ay natupad mo na ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pasanin na masyadong mabigat para sa kanila. Kung kaya mong magpasan ng isandaang libra, tiyak na hindi ka bibigyan ng Diyos ng pasanin na mas mabigat pa sa isandaang libra. Hindi ka Niya gigipitin. Ganito ang Diyos sa lahat ng tao. At hindi ka pipigilan ng anuman—ng sinumang tao o anumang kaisipan at pananaw. Ikaw ay malaya. Kapag may nangyayari, may karapatan kang mamili. Maaari mong piliin na magsagawa nang ayon sa salita ng Diyos, maaari mong piliin na magsagawa nang ayon sa mga pansarili mong pagnanais, o, siyempre, maaari mong piliin na kumapit sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ni Satanas. Malaya kang piliin ang alinman sa mga pagpipiliang ito, pero kailangan mong umako ng responsabilidad para sa anumang pipiliin mo. Ipinapakita lamang sa iyo ng Diyos ang daan; hindi ka Niya pinipilit na gawin, o hindi gawin, ang isang bagay. Matapos ipakita sa iyo ng Diyos ang daan, ikaw na ang pipili. Buo ang iyong mga karapatang pantao, at mayroon kang ganap na kalayaang pumili. Pwede mong piliin ang katotohanan, ang iyong mga pagnanais bilang tao, o siyempre, ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Alinman ang piliin mo, ikaw ang magpapasan ng panghuling resulta; walang sinumang papasan niyon para sa iyo. Kapag pumili ka, hindi mangingialam ang Diyos sa anumang paraan, at hindi Siya gagawa ng anuman para pilitin ka. Maaari kang pumili ayon sa gusto mo, anuman ang pagpiling iyon. Sa huli, hindi ka pupurihin ng Diyos, bibigyan ng malaking kalamangan, lalagyan ng kaaya-ayang pakiramdam sa iyong puso, o ipaparamdam sa iyo na labis kang marangal dahil lang pinili mo ang tamang landas at ang katotohanan. Hindi Niya gagawin iyon. Hindi ka rin agad na didisiplinahin o isusumpa ng Diyos kung pipiliin mo ang iyong mga pagnanais bilang tao, o agad kang pauulanan ng sakuna bilang parusa kahit pa kumilos ka nang walang ingat ayon sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ni Satanas. Habang pumipili ka, natural na nagpapatuloy ang lahat ng bagay, at pagkatapos mong pumili, natural na magpapatuloy ang lahat ng bagay. Nagmamasid lang ang Diyos, pinapanood ang nangyayari, at tinitingnan ang dahilan, proseso at resulta. Siyempre, sa huli, kapag hinatulan ang mga tao at ang kanilang katapusan ay itinakda, uuriin ng Diyos ang landas na iyong tinahak batay sa lahat ng iyong personal na pagpili, titingnan Niya ang landas na ito sa kabuuan para makita kung anong uri ka talaga ng tao, at mula rito, itatakda Niya kung anong uri ng katapusan ang dapat mayroon ka. Iyan ang pamamaraan ng Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Niya kailanman hinahayaan ang isang pahayag, kasabihan, o pananaw na maging kalakaran sa mga tao, na kukulong at kokontrol sa kanilang mga kaisipan upang magawa nila nang hindi sinasadya ang nais ng Diyos na gawin nila. Hindi ito ang paraan ng Diyos ng paggawa. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng ganap na kalayaan at ng karapatang pumili, at tinatamasa nila nang buo ang mga karapatang pantao at ang ganap na kalayaang pumili. Sa bawat sitwasyong nakakaharap ng mga tao, pwede nilang piliin na tanggapin at gamitin ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas upang kilatisin at husgahan ang kayarian ng isang partikular na bagay, o puwede nilang piliing gawin iyon nang ayon sa salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Isa ba itong katunayan? (Oo.) Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao; ang ginagawa ng Diyos ay patas para sa lahat. Kalaunan, ang mga nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay tatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, makakamit nila ang katotohanan, magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso, makapagpapasakop nang tunay sa Diyos at maliligtas dahil minamahal nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay. Iyon namang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, at na palaging kumikilos nang walang-ingat ayon sa sarili nilang kagustuhan, tumututol sila sa katotohanan at hindi nila iyon tinatanggap sa anumang paraan. Natatakot lang sila sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at natatakot sila na sila ay parurusahan, kaya sila ay atubiling gumagawa ng kaunting gawain sa sambahayan ng Diyos para lang magpakitang-tao, magtrabaho nang kaunti at nagpapakita ng kaunting mabuting pag-uugali. Subalit, hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan o sinusunod ang daan ng Diyos, at wala sila sa landas ng paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan. Bilang resulta, hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan o mapapasok ang katotohanang realidad, at sa gayon ay mapalalampas nila ang pagkakataong maligtas. Ang karamihan sa mga taong ito ay mga trabahador. Kahit pa hindi sila gumagawa ng masama, hindi nanggagambala o nanggugulo, at hindi sila itinitiwalag o inaalis mula sa sambahayan ng Diyos gaya ng mga anticristo at masasamang tao, sa huli, ang makukuha lang nila ay ang titulong “trabahador,” at hindi malinaw kung sila ba ay mapapatawad. May isa pang grupo ng mga tao na nabibilang kay Satanas at na mapagmatigas na kumakapit sa lahat ng kaisipan at pananaw nito. Mas gugustuhin pa ng mga taong ito na mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan o sundin ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Salungat pa nga sila sa lahat ng positibong bagay at sa Diyos. Dahil sila ay nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos, gumagawa ng maraming kasamaan at lubusan nilang ginagampanan ang papel ni Satanas, sa huli, ang ilan sa mga taong ito ay inaalis sa iglesia, at ang ilan ay pinatatalsik o inaalis ang pangalan nila sa talaan. Kahit pa mayroong ilan na nakaiiwas na maalis ang kanilang pangalan o mapatalsik, sa huli ay kailangan silang itiwalag ng Diyos. Nawawalan sila ng pagkakataong maligtas dahil sadyang hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos, at sa huli ay lilipulin sila kasama ni Satanas kapag winasak na ang mundo. Kita mo, gumagawa ang Diyos sa isang malaya at nakapagpapalayang paraan, kung saan natural ang takbo ng lahat ng bagay. Gumagawa ang Diyos sa mga tao upang gabayan, bigyang-liwanag at tulungan sila, at kung minsan ay para paalalahanan, paginhawahin at hikayatin sila. Ito ang parte ng disposisyon ng Diyos na nagpapakita ng masaganang awa. Habang ipinapakita ng Diyos ang Kanyang awa, tinatamasa ng mga tao ang kasaganaan ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at tinatamasa nila ang ganap na kalayaan at paglaya nang hindi nararamdaman na pinipigilan o iginagapos sila, at lalong hindi nararamdaman na nakakulong sila sa anumang pahayag, kaisipan o pananaw. Kasabay ng paggawa ng Diyos sa gawaing ito, pinipigilan din Niya ang mga tao gamit ang mga administratibong patakaran at iba’t ibang sistema ng iglesia, at pinupungusan, hinahatulan at kinakastigo Niya ang kanilang katiwalian at paghihimagsik. Dinidisiplina at itinutuwid pa nga Niya ang ilan sa kanila, o inilalantad at sinasaway sila gamit ang Kanyang mga salita, at gumagawa rin ng iba pang gawain. Gayunpaman, habang tinatamasa ng mga tao ang lahat ng ito, tinatamasa rin nila ang masaganang awa at matinding galit ng Diyos. Kapag ang kabilang parte ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang matinding galit—ay naipakita sa mga tao, pakiramdam pa rin nila ay malaya at napalaya sila, hindi pinipigilan, iginagapos, o ikinukulong. Kapag nararanasan ng mga tao ang anumang aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos at gumagawa ito sa kanila, sa katunayan ay mararamdaman nila ang pagmamahal ng Diyos. Ang mga resultang matatamo sa kanila ay magiging positibo, may makakamit sila rito, at siyempre, sila ang pinakamakikinabang. Ganito gumagawa ang Diyos, hindi kailanman pinupuwersa, pinipilit, sinusupil o iginagapos ang mga tao, kundi pinararamdam sa kanila na sila ay pinalaya, malaya, maginhawa at masaya. Tinatamasa man ng mga tao ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos o ang Kanyang pagiging matuwid at maharlika, sa huli, nakakamit nila ang katotohanan mula sa Diyos, nauunawaan ang kahulugan at halaga ng buhay, ang landas na dapat nilang tahakin at ang direksiyon at layon ng pagiging tao. Napakarami nilang nakakamit! Namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at sila ay nagagapos, nakukulong, at nalulumpo ng iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa kanila. Hindi ito kayang tiisin, pero wala silang kapangyarihang makawala. Kapag lumalapit sa Diyos ang mga tao, palaging mananatiling pareho ang saloobin sa kanila ng Diyos, anumang uri ng saloobin ang mayroon sila sa Kanya. Ito ay dahil ang disposisyon at diwa ng Diyos ay hindi nagbabago. Palagi Niyang ipinapahayag ang katotohanan, at sa paggawa nito, inihahayag Niya ang Kanyang disposisyon at diwa. Ganito Siya gumawa sa mga tao. Ganap nilang tinatamasa ang mapagmahal na kabaitan at awa ng Diyos, pati na ang Kanyang pagiging matuwid at maharlika, at pinagpapala ang mga taong namumuhay sa kapaligirang ito. Kung, sa ganitong kapaligiran, ay hindi magagawa ng mga tao na hangarin, mahalin at sa huli ay kamtin ang katotohanan, kung mapalalampas nila ang pagkakataong maligtas, at ang ilan pa nga ay maparurusahan at malilipol gaya ni Satanas, iisa lang ang dahilan dito, at ito ay isang katunayan. Ano sa tingin ninyo iyon? Ang mga tao ay tatahak sa isang partikular na landas at magkakaroon ng isang partikular na katapusan ayon sa kanyang kalikasan. Ang panahon kung kailan itinatakda sa wakas ang katapusan ng bawat tao, ay ang panahon kung kailan sila ay pagsasama-samahin batay sa kanilang uri. Kung minamahal ng isang tao ang katotohanan at ang mga positibong bagay, kapag sa huli ay nangusap at gumawa ang Diyos, babalik ang taong ito sa Diyos at susunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan gaano man karaming negatibong bagay ang ikinintal sa kanya ni Satanas. Subalit, kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at tutol siya rito, ang disposisyon niyang ito ay hindi magbabago at ito ang gagabay sa kanya, gaano man karami ang sabihin ng Diyos, gaano man kataos-puso ang Kanyang mga salita, gaano man karaming gawain ang gawin Niya, at gaano man kakamangha-mangha ang Kanyang mga tanda at kababalaghan. Mas lalo pang matindi ang masasamang tao. Hindi lang sila tutol sa katotohanan, kundi may diwa pa sila na buktot at namumuhi sa katotohanan. Kinokontra nila ang Diyos at nasa kampo sila ni Satanas. Kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, kalaunan ay babalik sila kay Satanas. Ang tatlong uri ng mga taong ito ay lahat nakaranas ng katiwalian ni Satanas, at nalihis at nakulong sila ng iba’t ibang pahayag, kaisipan, at pananaw ni Satanas. Kung gayon, bakit maliligtas sa huli ang ilang tao at ang iba ay hindi? Ito ay pangunahing nakasalalay sa landas na sinusunod ng mga tao at kung minamahal ba nila o hindi ang katotohanan. May kaugnayan ito sa dalawang bagay na ito. Kung gayon, bakit kaya ng ilang tao na mahalin ang katotohanan at ang iba ay hindi? Bakit kayang sumunod ng ilang tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan, samantalang ang iba ay hindi, at ang ilan ay hayagan pa ngang nakikipagtalo sa Diyos at sinisiraan sa maraming tao ang katotohanan? Ano ang nangyayari dito? Natutukoy ba ito ng kanilang kalikasang diwa? (Oo.) Lahat sila ay nakaranas sa katiwalian ni Satanas, pero iba-iba ang diwa ng bawat tao. Sabihin ninyo sa Akin, ginagawa ba ng Diyos ang Kanyang gawain nang may karunungan? Nakikilatis ba ng Diyos ang sangkatauhan? (Oo.) Kung gayon, bakit binibigyan ng Diyos ang mga tao ng karapatan na pumili nang malaya? Bakit hindi sapilitang iniindoktrina ng Diyos ang lahat ng tao? Ito ay dahil gusto ng Diyos na uriin ang bawat tao ayon sa klase nito at nais Niyang ilantad silang lahat. Hindi gumagawa ang Diyos ng walang saysay na gawain; may mga prinsipyo sa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at ang gawain Niya sa isang tao ay batay sa kung anong uri ito ng tao. Paano nabubunyag ang kategorya ng isang tao? Sa anong batayan sila ibinubukod-bukod sa iba’t ibang kategorya? Ito ay batay sa mga bagay na gusto ng mga tao at sa landas na sinusunod nila. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Inuuri ng Diyos ang mga tao batay sa kung ano ang gusto nila at sa landas na tinatahak nila, itinatakda Niya kung sila ba ay maaaring maligtas batay sa kanilang kategorya, at gumagawa Siya sa kanila nang ayon sa kung maaari ba silang maligtas o hindi. Kagaya ito ng kung paanong ang ilang tao ay mahilig kumain ng matatamis na pagkain, ang ilan ay ng maaanghang, ang ilan ay ng maaalat at ang ilan ay ng maaasim. Kung ihahain sa mesa ang iba’t ibang uri ng pagkaing ito, hindi na kailangan pang sabihan ang mga tao kung alin ang dapat nilang kainin at kung alin ang hindi. Ang mahihilig kumain ng maaanghang na pagkain ay kakain ng maaanghang, ang mahihilig kumain ng matatamis ay kakain ng matatamis at ang mahihilig sa maaalat na pagkain ay kakain ng maaalat. Maaari silang hayaang pumili nang malaya. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay may karapatang piliin kung minamahal ba nila o hindi ang katotohanan at kung anong landas ang kanilang tatahakin, pero hindi sila ang magpapasya kung sila ba ay maliligtas o hindi at kung ano ang kanilang magiging katapusan sa huli. Nakikita mo ba na may mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Diyos? (Oo.) May mga prinsipyo sa likod ng Kanyang gawain, at ang isa sa pinakadakilang prinsipyo ay ang hayaan ang mga tao na maikategorya ayon sa kanilang mga paghahangad at landas, at na hayaan na maging natural ang takbo ng lahat ng bagay. Palaging nabibigo ang mga tao na maunawaan ito, at itinatanong nila, “Palaging sinasabi na may awtoridad ang Diyos, pero nasaan iyon? Bakit hindi gumagawa ng kaunting sapilitang indoktrinasyon ang Diyos para maipakita ang Kanyang awtoridad?” Hindi ganoon naipamamalas ang awtoridad ng Diyos; hindi ganoon ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang Kanyang awtoridad.

Kaya na ba ninyo ngayong kilatisin ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya”? Nauunawaan din ba ninyo kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Ano ang inyong pagkaunawa? (Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao.) Napakasimple ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Hinihingi Niya na maging tapat ang mga tao, na harapin nila ang mga lumilitaw na usapin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, huwag sila magpanggap, huwag lang silang magtuon sa panlabas na pag-uugali, kundi magtuon sa paggawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Kung ang landas na iyong tinatahak ay tama, at ang mga prinsipyong ginagamit mo sa paghahangad kung paano umasal ay tama at umaayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, sapat na iyon. Hindi ba’t simple iyon? (Oo.) Hindi tinataglay o tinatanggap ni Satanas ang katotohanan, kaya nililigaw nito ang mga tao gamit ang mga kasabihan na akala ng mga tao ay mabuti at tama, at pinagsisikap sila na maging maginoo na mabuti ang pag-uugali, sa halip na mga kontrabida na gumagawa ng masasamang bagay. Mabilis na naililigaw ni Satanas ang mga tao dahil ang mga bagay na ito ay umaayon sa mga kuru-kuro at kagustuhan ng mga tao, at madali nila itong matanggap. Pinagagawa ni Satanas ang mga tao ng mga bagay na mukha lang mabuti. Hindi mahalaga kung gaano kasama ang isang bagay na nagawa mo nang hindi nakikita, kung gaano katiwali ang iyong disposisyon, o kung masama ka bang tao o hindi; basta’t pinagbalatkayo mo ang iyong panlabas na anyo alinsunod sa mga kasabihan at hinihingi ni Satanas, at tinatawag kang mabuting tao ng iba, isa kang mabuting tao. Ang mga hinihingi at pamantayang ito ay malinaw na hinihimok ang mga tao na maging mapanlinlang at masama, na magsuot ng maskara at na pipigilan sila na tumahak sa tamang landas. Samakatuwid, maaari ba nating sabihin na ang bawat kaisipan at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay umaakay sa kanila sa sunud-sunod na maling landas? (Oo.) Ang gawaing nais gawin ng Diyos sa kasalukuyan ay ang hayaan ang mga tao na makilatis ang iba’t ibang maling pananampalataya at panlilinlang ni Satanas, na mahalata at tanggihan ito, at pagkatapos ay mahila pabalik ang mga tao mula sa iba’t iba nilang lihis na landas papunta sa tamang landas, para matingnan nila ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos sila nang ayon sa mga prinsipyo. Wala ni isa sa mga prinsipyong ito ang nagmumula sa mga tao, kundi mga katotohanang prinsipyo ang mga ito. Kapag nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyong ito, at naisasagawa nila ang mga ito at makakapasok sila sa realidad ng mga ito, unti-unting maihuhubog sa mga taong ito ang mga salita at buhay ng Diyos. Kung isasabuhay ng mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi na sila maililigaw ni Satanas at tatahak sa maling landas, sa landas ni Satanas, at sa landas na walang balikan. Hindi ipagkakanulo ng mga taong ito ang Diyos paano man sila iligaw at gawing tiwali ni Satanas. Paano man magbago ang mundo, at anuman ang panahong dumating, hindi mabubulok o mapapahamak ang kanilang buhay dahil taglay ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, at dahil hindi mabubulok o mapapahamak ang kanilang buhay, magkakasama silang mamumuhay nang ganito at mabubuhay sila magpakailanman. Ito ba ay mabuti? (Oo.) Kapag naligtas ang mga tao, sila ay labis na pinagpala!

Ano ang isang pinakamahalagang bagay para sa inyo sa kasalukuyan? Ito ay ang masangkapan ng higit pang katotohanan. Kapag nasangkapan ka ng higit pang katotohanan, at nadagdagan na ang iyong narinig, naranasan at nauunawaan, saka mo lamang magagawang tingnan ang mga tao at bagay, at makakaasal at makakakilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, at malalaman kung ano ba mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Saka ka lang hindi maliligaw, at hindi mo ipapalit sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ang kalooban ng tao at ang mga kaisipan at pananaw na itinanim sa iyo ni Satanas. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Samakatuwid, ang isa sa mga pinakamahalaga at pinakaagarang bagay na dapat ninyong gawin ngayon, ay ang masangkapan ng katotohanan at maunawaan ang higit pang mga salita ng Diyos. Dapat mong igugol ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos. Maraming bagay ang napapaloob sa mga salita ng Diyos, at maraming bagay na may katotohanan. Dapat mong masangkapan ang iyong sarili ng lahat ng katotohanang ito nang walang pagkaantala. Kung hindi mo sasangkapan ang iyong sarili, hindi mo magagamit ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon kapag may nangyayari, at haharapin mo na lang ang usapin nang ayon sa sarili mong kalooban. Dahil dito, lalabagin mo ang mga prinsipyo, at ang iyong mga pagsalangsang ay mananatili sa iyo bilang isang mantsa. Kung hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at hinaharap mo lang ito nang ayon sa sarili mong kalooban at para matamo ang sarili mong mga mithiin, at kung umaasa ka sa sarili mong kalooban at mayroon kang mga dumi pero hindi mo alam kung paano magnilay sa sarili at magkaroon ng kamalayan sa sarili, ni kung paano ihambing ang sarili mo sa mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili, at hindi mo magagawang tunay na magsisi. Kung hindi ka tunay na magsisisi, ano ang magiging tingin sa iyo ng Diyos? Nangangahulugan ito na mayroon kang mapagmatigas na disposisyon at pagtutol sa katotohanan, na mag-iiwan ng isa pang mantsa, at na isa pang seryosong pagsalangsang. Kapaki-pakinabang ba sa iyo na makaipon ng maraming mantsa at pagsalangsang? (Hindi.) Hindi. Kung gayon, paano malulutas ang mga pagsalangsang? Noong nakaraan, nagpahayag Ako ng isang kabanata na pinamagatang “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno.” Nangangahulugan ito na ang mga pagsalangsang ay may direktang kaugnayan sa katapusan ng isang tao. Ano ang nangyayari sa mga taong palaging gumagawa ng mga pagsalangsang? Sinasabi ng ilan sa kanila, “Hindi iyon sinadya. Hindi ko sinasadyang makagawa ng anumang masama noong panahong iyon.” Mabuti ba itong palusot? Kung hindi mo iyon sinasadya, hindi ba iyon pagsalangsang? Hindi mo ba kailangang magnilay-nilay at magsisi? Hindi iyon sadya, pero hindi ba’t isa pa rin iyong pagsalangsang? Hindi mo iyon sinasadya, pero sinalungat mo ang disposisyon at mga atas administratibo ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Isa itong katunayan, kaya isa iyong pagsalangsang. Walang saysay na magpalusot. Sinasabi mo, “Bata pa ako. Wala akong masyadong pinag-aralan, at wala akong masyadong karanasan sa lipunan. Hindi ko alam na mali pala iyon—walang nagsabi sa akin.” O sinasabi mo, “Masyadong mapanganib ang sitwasyon. Ginawa ko iyon sa kasagsagan ng pangyayari.” Mabubuting dahilan ba ang mga ito? Walang alinman sa mga ito ang mabuting dahilan. Kung mayroon kang pagkakataong kumilos nang ayon sa sarili mong kalooban, mayroon ka ring pagkakataon na hanapin ang katotohanan, at dapat mong gamitin ang katotohanan bilang prinsipyo para sa iyong mga kilos. Kaya, bakit mo piniling kumilos nang ayon sa iyong kagustuhan samantalang mayroon ka namang pagkakataong hanapin ang katotohanan? Ang isang dahilan ay na masyadong mababaw ang iyong pagkakaunawa sa katotohanan, at kadalasan ay hindi mo pinahahalagahan ang paghahangad sa katotohanan at pagsasangkap sa iyong sarili ng mga salita ng Diyos. May isa pang dahilan at sitwasyon na totoo rin: Kadalasan ay ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang wala sa puso mo ang Diyos o ang mga salita ng Diyos. Hindi kailanman naghari sa iyong puso ang mga salita ng Diyos. Nasanay ka nang maging sutil, at kinagawian mong iniisip na ikaw ang tama, kinagawian mong naghahari ka sa bawat usapin, at kinagawian mong ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa sarili mong mga kagustuhan. Sumasailalim ka lang sa proseso at mga pormalidad ng pagdarasal sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay walang puwang sa puso mo at hindi nito kayang pamunuan ang puso mo, at ang Diyos ay walang puwang sa puso mo at hindi Niya kayang pamunuan ito. Natural para sa iyo na ikaw ang mangasiwa sa lahat ng iyong ginagawa, at dahil dito, nilalabag mo ang mga katotohanang prinsipyo. Isa ba itong pagsalangsang? Ito ay tiyak—isa itong pagsalangsang. Kung gayon, bakit ka nagpapalusot? Walang katanggap-tanggap na palusot. Ang isang pagsalangsang ay isang pagsalangsang. Kung makagagawa ka ng maraming pagsalangsang, kung mapipinsala mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia, at kung kalaunan ay mapagsisiklab mo sa galit ang disposisyon ng Diyos, mapuputol ang pagkakataon mong maligtas. Isa itong tumpak na pagpapakahulugan sa “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno”; isa itong katunayan. Ang sanhi nito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagbubunga ng lahat ng uri ng pag-uugali, na siya namang nagtatakda ng landas na tinatahak ng mga tao. Ang maling landas na ito ang nagiging dahilan na makagawa ang mga tao ng lahat ng uri ng mga pagsalangsang sa mahahalaga at mga kritikal na sandali habang gumagawa sila ng kanilang tungkulin. Kung napakarami mong nagawang pagsalangsang at naipon ang mga ito, mawawala na ang pagkakataon mong maligtas. Bakit ba palaging gumagawa ng mga pagsalangsang ang mga tao? Ang pangunahing dahilan ay na hindi sila kailanman, o bibihira lang silang, masangkapan ng mga salita ng Diyos, at paminsan-minsan lang nilang ginagawa ang anumang bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos o mga katotohanang prinsipyo—sa huli, palagi silang gumagawa ng mga pagsalangsang. Kapag sumasalangsang ang mga tao, palagi nilang pinatatawad ang kanilang sarili at nagdadahilan at nagpapalusot sila, gaya ng, “Hindi ko iyon sinasadya. Mabuti ang mga layunin ko. Nangyari iyon dahil agaran ang sitwasyon. Nangyari iyon dahil sa taong ito. Nangyari iyon dahil sa lahat ng uri ng obhetibong mga dahilan. …” Anuman ang dahilan, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at hindi ka kikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos nang gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan, malamang ay sasalangsang ka at lalaban sa Diyos. Isa itong katunayang hindi maikakaila. Ayon sa katunayang ito, ang iyong magiging katapusan ay magiging kagaya ng binanggit Ko dati: “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno.” Ito ang iyong magiging katapusan. Nauunawaan mo ba? (Oo, nauunawaan ko.)

Ang disposisyon ng ilang tao ay masyadong mapagmatigas, at masyado silang walang konsensiya, na palagi nilang hiling sa isip nila, “Ang maliit na pagsalangsang ay balewala. Hindi pinarurusahan ng Diyos ang mga tao. Siya ay maawain at mapagmahal, at mapagpatawad at mapagpasensiya sa mga tao. Ang araw ng Diyos ay malayo pa. Saka ko na hahangarin ang mga katotohanang ito na Kanyang ipinahayag, kapag may pagkakataon na ako. Bagamat taos-puso at nagmamadali ang tono ng Diyos nang bigkasin Niya ang mga salitang ito, marami pa ring magiging pagkakataon para manalig kami sa Diyos at maligtas.” Palagi silang mapagwalang-bahala, hindi kailanman nakararamdam ng pagmamadali, wala silang matinding pagnanais sa Diyos, o pagkauhaw sa katotohanan. Palaging mapagmatigas ang kanilang puso, at palagi nilang ganap na binabalewala ang katotohanan at ang mga hinihingi ng mga salita ng Diyos. Kung gagawin nila ang kanilang tungkulin nang may ganitong saloobin at habang nasa ganitong kalagayan, ano ang mangyayari sa huli? Palagi silang makagagawa ng mga pagsalangsang at magkakaroon ng mga mantsa! Mapanganib para sa isang tao na palaging magkaroon ng mga mantsa at makagawa ng mga pagsalangsang, ngunit hindi ito tinatrato nang seryoso, at hindi man lang mabahala tungkol dito. Dahil lang hindi ka kinokondena sa ngayon ng Diyos ay hindi nangangahulugan na hindi ka Niya kokondenahin sa hinaharap. Sa madaling salita, nasa panganib ang isang taong namumuhay sa gayong kalagayan. Hindi niya pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, ang pagkakataong maligtas, o ang pagkakataong gumawa ng kanyang tungkulin, at lalo na ang bawat sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa kanya. Palagi siyang tatamad-tamad at walang pakialam, at ginagawa niya ang lahat nang walang ingat, nang walang paghihigpit at nang wala siya sa sarili. Ang ganitong uri ng tao ay nasa panganib. Ang ilang tao ay nasisiyahan pa rin sa kanilang sarili, iniisip na, “Kapag gumagawa ako ng mga bagay-bagay, kasama ko ang Diyos, taglay ko ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, paminsan-minsan ay taglay ko ang pagdidisiplina ng Diyos, at kasama ko Siya sa aking mga panalangin!” Masagana ang biyaya ng Diyos—tiyak na sapat para matamasa mo—maaari kang kumuha hanggat gusto mo at hindi ito mauubos, pero ano naman ngayon? Hindi kinakatawan ng biyaya ng Diyos ang katotohanan, at ang pagtatamasa mo sa biyaya ng Diyos ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan. May habag ang Diyos para sa bawat tao, pero hindi labis na maluwag ang habag ng Diyos. May habag ang Diyos sa buhay ng tao at sa bawat nilikha. Subalit, hindi ito nangangahulugan na wala Siyang mga prinsipyo sa Kanyang gawain, na wala Siyang matuwid na disposisyon, at na ang mga pamantayang hinihingi Niya sa mga tao at na ginagamit Niya para suriin sila ay magbabago. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Pakiramdam mo ay hindi pa kailanman nagalit sa iyo ang Diyos, na palaging malumanay at maalalahanin sa iyo ang Diyos, at na labis ka Niyang inaalagaan, minamahal, at pinahahalagahan. Nadarama mo ang init ng Diyos, ang pagtustos ng Diyos, ang tulong ng Diyos, at maging ang pagtatangi at kagandahang-loob ng Diyos. Pakiramdam mo ay ikaw ang pinakamamahal ng Diyos, at na kahit pa iwan Niya ang iba ay hindi ka Niya iiwan kailanman. Kaya puno ka ng kumpiyansa sa sarili, at pakiramdam mo ay para bang nabigyang-katwiran ka na hindi hangarin ang katotohanan, hindi magdusa at magbayad ng halaga habang gumagawa ka ng iyong tungkulin, at hindi maghanap ng pagbabago sa disposisyon. Tiyak na hindi ka iiwan ng Diyos. Ito bang matibay mong kumpiyansa ay batay sa mga salita ng Diyos? Kung isang araw ay talagang hindi mo madama ang presensiya ng Diyos, matataranta ang puso mo at iisipin mong, “Maaari kaya na tinalikuran na ako ng Diyos?” Dapat na maging malinaw sa iyo kung ano ang iyong magiging katapusan. Tiyak na hindi magiging maganda ang katapusan ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at masyadong nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Ang layunin ng Diyos sa pagmamahal at pagpapahalaga sa mga tao, sa pagkakaroon ng habag sa mga tao, sa pagbibigay ng biyaya sa mga tao, o sa katangi-tangi o mabuti pa ngang pagtrato sa isang bahagi ng mga tao, pati na ang diwa ng mga pagkilos na ito, ay tiyak na hindi para palayawin ka o pagpasasain ka, o para akayin ka sa maling landas o para iligaw ka, o para talikuran mo ang katotohanan at ang tunay na daan. Ang layunin ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay para alalayan ka sa paglalakad sa tamang landas, para mabigyan ka ng pusong may matinding pagnanais para sa Kanya, para madagdagan ang pananampalataya mo sa Kanya, at pagkatapos ay magkaroon ka ng tunay na may-takot sa Diyos na puso. Kung palagi mong gustong matamasa ang pagpapalayaw ng Diyos at maging Kanyang alaga, sinasabi Kong nagkakamali ka. Hindi ka alaga ng Diyos, at ang Kanyang kagandahang-loob o pagtatangi para sa iyo ay tiyak na hindi pagpapalayaw o pagpapasasa. Ang layunin ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay para mapahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, matanggap ang katotohanan, at mapalakas ka ng Kanyang kagandahang-loob at mga pagpapala, nang magkaroon ka ng kalooban at tiyaga na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at na tahakin ang tamang landas sa buhay. Siyempre, masasabi nang may katiyakan na kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga katotohanang ito, natustusan ka na, nagkamit ka na ng buhay, at natamasa mo na ang Kanyang pagmamahal. Kung kaya mong pasalamatan ang Diyos para sa Kanyang kagandahang-loob, manindigan sa iyong tamang lugar, mas masangkapan ng mga salita ng Diyos, mas pahalagahan ang Kanyang mga salita, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag gumagawa ka ng iyong tungkulin, at pagsikapang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, hindi mo Siya nabigo. Subalit, kung sasamantalahin mo ang kagandahang-loob at pagtatangi sa iyo ng Diyos, kung babalewalain mo ang Kanyang habag sa iyo, kung ipipilit mong gawin ang mga bagay-bagay nang ayon sa sarili mong pamamaraan, at kung kikilos ka nang sutil at walang ingat, kung hindi mo kailanman sasangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos, kung wala kang kagustuhang magsikap para sa katotohanan, o hindi mo titingnan ang mga tao at bagay, at hindi ka aasal at kikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, maliban na lang para matamasa ang biyaya ng Diyos at masiyahan ka sa iyong sarili, kung magkakagayon, kapag hindi mo naabot ang mga ekspektasyon ng Diyos—ibig sabihin, kapag paulit-ulit mong binigo ang Diyos, sa malao’t madali ay mauubos ang biyaya, habag, at mapagmahal na kabaitan sa iyo ng Diyos. Ang araw na maubos ang mga bagay na iyon, ay ang araw na kukunin ng Diyos ang lahat ng Kanyang biyaya. Kapag hindi mo man lang maramdaman ang presensiya ng Diyos, malalaman mo kung ano ba talaga ang nararamdaman mo sa iyong kalooban. Magkakaroon ng kadiliman sa iyong kalooban. Malulungkot ka at hindi mapapakali, mag-aalala ka at makadarama ng kahungkagan. Madarama mo na hindi tiyak ang hinaharap. Matatakot ka at palaging mababalisa. Isa itong kakila-kilabot na bagay. Samakatuwid, dapat na matutunan ng mga tao na pahalagahan ang lahat ng ibinigay sa kanila ng Diyos, pahalagahan ang tungkuling dapat nilang gampanan, at kasabay nito, matutunan kung paano Siya suklian. Sa katunayan, ang hinihiling ng Diyos na matutunan mo Siyang suklian ay hindi tungkol sa kung gaano kalaki ang iyong ambag sa ngalan Niya, o kung gaano katunog ang iyong patotoo para sa Kanya. Ang nais ng Diyos ay na tumahak ka sa tamang landas, sa landas na hinihingi Niyang tahakin mo. Sapat ang biyaya ng Diyos para matamasa ng mga tao. Hindi Siya maramot pagdating sa pagbibigay ng biyayang ito sa mga tao, at hindi Niya panghihinayangan ang pagbibigay Niya ng biyayang ito sa mga tao. Kung pinagpapala at mapagbigay sa isang tao ang Diyos, ito ay palaging ginagawa Niya nang bukas sa kalooban. Bahagi ng Kanyang diwa, disposisyon at pagkakakilanlan na ginagawa Niya ito. Hindi Niya kailanman pinanghihinayangan o pinagsisisihan ang pagbibigay ng mga bagay na ito sa mga tao. Subalit, sabihin nating hindi alam ng mga tao kung alin ang tama at mali o kung paano pahalagahan ang mga pabor. Palagi nilang nabibigo ang Diyos at paulit-ulit Siyang nadidismaya sa kanila. Gaano man kalaki ang ibinayad ng Diyos o gaano man katagal Siyang naghintay, hindi pa rin Siya pinapansin ng mga tao at hindi pa rin nila nauunawaan ang mabubuti Niyang layunin. Hinahangad lang ng mga tao na matamasa ang biyaya ng Diyos—mas marami, mas mainam. Gaano man karaming biyaya at mga pagpapala ng Diyos ang natatamasa nila, hindi nila alam kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos, o kung paano ibalik sa Diyos ang kanilang puso at sumunod sa Kanya. Sa tingin ba ninyo ay malulugod ang Diyos kung tatratuhin Siya ng mga tao nang ganito? (Hindi.) Anong uri ng totoong saloobin ang dapat taglay ng isang tao para mapalugod ang Diyos? Kailangan ng mga tao na magsisi, magkaroon ng mga praktikal na pagpapamalas, at maayos na magampanan ang kanilang tungkulin. Hindi sila dapat kumapit sa iba’t ibang pangangatwiran at palusot. Ang biyaya, pagpapatawad, at habag ng Diyos para sa sangkatauhan ay hindi mga kapital na magagamit mo para magpakasasa ka, o mga palusot para magpakasasa ka. Anuman ang ginagawa ng Diyos, o anumang uri ng pagsisikap, halaga o kaisipan ang ginagawang puhunan ng Diyos sa mga tao, iisa lang ang Kanyang pangwakas na layunin. Ibig sabihin, umaasam Siyang ang mga tao ay babaling, at tatahak, sa tamang landas. Ano ang tamang landas? Ito ay ang hangarin at mas masangkapan ng katotohanan. Kung umaayon sa mga salita ng Diyos ang landas na tinatahak ng mga tao, at gamit ang katotohanan bilang pamantayan nito, ang halagang ginagawang puhunan ng Diyos sa mga tao at ang lahat ng ekspektasyon Niya sa kanila ay masusuklian. Sa tingin ba ninyo ay malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Hindi malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at mayroon Siyang sapat na pasensiya at pagmamahal para hintaying bumalik ang mga tao. Kapag bumaling ka sa Diyos, hindi ka lang Niya bibigyan ng ilang biyaya at mga pagpapala, kundi tutustusan ka Niya, susuportahan at gagabayan ka sa katotohanan, sa buhay, at sa landas na iyong tinatahak. Gagawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain sa iyo. Iyon ang pinananabikan Niya. Bago gawin ang gawaing ito, walang kapagurang ginagabayan ng Diyos ang mga tao, sinusuportahan sila, at pinagkakalooban sila ng biyaya at mga pagpapala. Ang lahat ng ito ay hindi ang orihinal na layunin ng Diyos, at hindi rin ito isang bagay na talaga namang gusto Niyang gawin. Subalit, wala siyang mapagpipilian kundi ang obligahin ang Kanyang sarili na magbayad ng anumang halaga para sa mga tao, at na gawin ang Kanyang gawain anuman ang mangyari. Ang nais ng Diyos sa huli, matapos Niyang gawin ang lahat ng gawaing ito, ay ang makita na kaya ng mga tao na bumalik. Kung nauunawaan ng mga tao ang Kanyang mga layunin at ang Kanyang pag-iisip, at kung bakit gusto Niya talagang gawin ito, makikilala ng mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, magkakaroon sila ng kaunting tayog at magiging nasa wastong gulang na. Kapag nagsisimula na ang mga tao na maging metikuloso at pagsikapan ang bawat katotohanang itinustos sa kanila ng Diyos, at nagsisimula na silang makapasok sa realidad ng bawat katotohanan, nasisiyahan ang Diyos. Pagkatapos, hindi na Niya kailangang gawin ang simpleng gawain ng pagsama sa mga tao, at pag-aalo, pag-uudyok, at paghihikayat sa kanila. Sa halip, matutustusan Niya sila nang higit pa pagdating sa katotohanan, sa buhay, at sa landas na kanilang tinatahak. Makagagawa Siya ng mas dakila at mas kongkretong gawain sa mga tao. Bakit mas gusto ng Diyos na gawin ang ganitong uri ng gawain? Ito ay dahil habang ginagawa ang ganitong gawain, nakakakita Siya ng pag-asa sa mga tao, nakikita Niya ang kanilang kinabukasan at nakikita Niyang kaisa Niya ang mga tao sa puso at isipan. Hindi masusukat ang kadakilaan ng bagay na ito para sa mga tao at sa Diyos, at isa itong bagay na matagal na Niyang pinananabikan. Kapag tinatahak ng isang tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan, unti-unti siyang magkakaroon ng lakas at totoong tayog na magagamit niya para labanan si Satanas, at mapaninindigan niya ang kanyang patotoo para sa Diyos, at magkakaroon ng higit na pag-asa ang Diyos na makakita ng isa pang nilikhang tao na naninindigan at lumalaban kay Satanas para sa Kanya. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Habang ang mga tao ay tumataas ang tayog, lumalakas nang lumalakas, mas lalo pang nagpapatotoo at mas lalong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, nangangahulugan ito na may pag-asa na magkakamit ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay at maluluwalhatian Siya sa pamamagitan ng mga tao at kasama ng mga tao. Isa ba itong mabuting bagay? (Oo.) Ito ang pinananabikan ng Diyos, at ang Kanyang pag-asa at ekspektasyon para sa inyo. Matagal na Niya itong hinihintay. Kung nauunawaan at kayang isaalang-alang ng mga tao ang puso ng Diyos, pagsisikapan nila ang hinihingi Niya sa kanila, at magbabayad sila ng halaga para sa hinihingi Niya sa kanila. Pagsisikapan nila nang todo na makipagtulungan sa gustong gawin ng Diyos, tutuparin nila ang Kanyang mga kahilingan, at pagiginhawahin ang Kanyang puso. Subalit, kung ayaw mo itong gawin, hindi ka pipilitin ng Diyos. Sinasabi mo, “Bakit ba ayaw ko nito? Bakit ba ayaw kong gawin ang hinihingi ng Diyos? Bakit ba ako nababalisa, naaasiwa, at umaayaw na magpasakop kapag iniisip kong tugunan ang mga hinihingi ng Diyos?” Hindi mo kailangang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos; ito ay kusang-loob. May karapatan kang pumili, at ikaw ay malaya. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao. Sinasabi Ko lang ito sa inyo para ganap ninyong maunawaan ang realidad ng gustong maisakatuparan ng Diyos, ang responsabilidad na inyong pinapasan at kung ano ang inaasahan sa inyo ng Diyos. Malinaw ba ito? (Oo.) Mabuti na malinaw ito. Kung malinaw ito, magkakaroon ng kamalayan ang puso ng mga tao. Malalaman ng kanilang kalooban kung ano ang kanilang isusunod, kung ano ang gagawin at kung anong halaga ang kailangang bayaran; magkakaroon sila ng direksiyon.

Ngayon, ibinahagi Ko ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Dahil napagbahaginan na noong nakaraan ang ilan pang ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas, medyo mas madali nang makilatis ang kasabihang ito. Alinmang kasabihan tungkol sa wastong asal iyon, pangunahing gusto ni Satanas na gumamit ng isang uri ng pahayag upang igapos at limitahan ang pag-uugali ng tao, at pagkatapos ay bumuo ng isang kalakaran sa lipunan. Sa paglikha ng kalakarang ito, gusto nitong iligaw, kontrolin at ikulong ang isipan ng buong sangkatauhan, at sa gayon ay magawa ng buong sangkatauhan na talikuran ang Diyos. Kapag laban na sa Diyos ang mga tao, gustong makita ni Satanas na wala nang paraan ang Diyos para kumilos sa mga tao o gumawa ng gawain. Ito ang mithiing nais na makamit ni Satanas, at ito ang diwa ng lahat ng bagay na ginagawa ni Satanas. Alinmang aspekto ng pag-uugali ang kinakatawan ng mga ito, o alinmang mga kaisipan, ideya at pananaw, ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas ay, sa anumang kaso, walang kaugnayan sa katotohanan, at ang mga ito ay taliwas din sa katotohanan. Paano dapat harapin ng mga tao ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas? Isang napakasimple at pangunahing prinsipyo ay na ang anumang pahayag na nagmumula kay Satanas ay isang bagay na dapat nating ilantad, suriin, mahalata, at tanggihan. Dahil nagmumula kay Satanas ang mga ito, kung nahahalata ng puso natin ang mga ito, makokondena at matatanggihan natin ang mga ito. Hindi natin maaaring hayaan ang mga bagay na kay Satanas na umiral sa iglesia at iligaw, gawing tiwali, at guluhin ang mga taong hinirang ng Diyos. Kailangang makamit ang mithiin kung saan tinatanggihan si Satanas ng mga taong hinirang ng Diyos, at walang makikita sa kanila ni bahid ng mga maling pananampalataya at panlilinlang ni Satanas. Sa halip na mga maling pananampalataya at panlilinlang na ito, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang dapat na naghahari sa puso ng mga taong hinirang ng Diyos, at dapat na nagiging buhay nila. Ang ganitong uri ng sangkatauhan ang uri na gustong makamit ng Diyos. Dito natin tapusin ang pagbabahaginan ngayon.

Hulyo 9, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.