Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya (Ikaapat na Bahagi)
Bakit tinatahak ng ilang taong matagal nang sumasampalataya sa Diyos ang landas ng mga anticristo? Natutukoy ito sa pamamagitan ng kalikasang diwa ng isang tao. Ang lahat ng masamang tao, lahat ng taong walang konsensiya at katwiran ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit likas nilang pinipiling lumakad sa landas ng mga anticristo matapos manampalataya sa Diyos. Sumasampalataya ang lahat sa Diyos, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, kaya bakit pinipili ng ilang tao na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Bakit pinipili ng ibang tao na tahakin ang landas ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga pagpapala? Magkakatulad ang kanilang mga obhetibong kapaligiran, pero magkakaiba naman ang kalidad ng kanilang pagkatao at mga personal na kagustuhan, kaya magkaibang mga landas ang pinipili nila. Dinirinig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos. Napakarami nang salita ang sinabi ng Diyos sa mga huling araw, at halos 30 taon nang ipinahayag ang mga salita ng Diyos, pero hindi nauunawaan ng mga taong ito ang mga iyon. Kaya, mga tupa ba sila ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi sila mga tupa ng Diyos, hindi sila karapat-dapat na tawaging mga tao. Ano ang tinututukan ng mga taong iyon na hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi naghahangad sa katotohanan? Ano ba ang hinahangad nila? Makikita namang matindi talaga ang kanilang pagnanasang hangarin ang katayuan at mga pagpapala, at na hindi nila pakikinggan ang katotohanan kahit gaano mo pa ibahagi ang tungkol dito. Bukod sa hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, nagmamatigas din sila sa patuloy na paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bukod sa wala silang anumang pagkakilala sa sarili, lagi rin silang nagkukumparahan ng mga merito at ipinagyayabang ang sarili nilang puhunan kahit saan. Ano ang kalikasan ng gayong asal at pagsasagawa? (Paglalagay ng isang paa sa hukay.) Tama iyan. Sa ganitong paraan inilagay ni Pablo ang kanyang paa sa hukay. Matapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon, nagagawa pa rin ng mga taong maging kagaya ni Pablo nang hindi nagsisisi. Wala silang kahit anong pagkaunawa sa katotohanan at hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi ba’t paglalagay ito ng isang paa sa hukay? Sa una, kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagpapakita sila ng ilang pag-uugali at pagsasagawa na mula sa kalooban ng tao at ang mga ito ay narurumihan, o maaari silang magpakita ng ilang pakikipagkasundo o indibidwal na mga intensyon at hangarin. Hindi ito tinitingnan ng Diyos dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Noong hindi pa malinaw na malinaw sa tao ang mga salita ng Diyos, tinulutan ng Diyos na magkaroon ang tao ng kanyang katiwalian, karumihan, kahinaan, at pakikipagkasundo. Marami nang sinalita ang Diyos at sapat na ito, subalit ipinagpipilitan mo pa ring paniwalaan na tama ang mga bagay na pinanghahawakan mo at ang mga ugaling isinasagawa mo. Itinatatwa mo ang mga salitang ito ng Diyos, o hinahamak at binabalewala pa nga ang mga salita ng Diyos, nakatingin pero hindi nakakakita at nakikinig pero hindi nakakarinig. Ano ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? Paano tinitingnan ng Diyos ang gayong mga bagay? Sasabihin ng Diyos na hindi mo minamahal ang katotohanan, na hindi mo minamahal ang mga positibong bagay, at na isa kang hindi mananampalataya. Hindi naniniwala ang gayong mga tao na mayroon ngang katotohanan, at na ang lahat ng sinabi ng Diyos ay ang katotohanan at landas ng tao tungo sa kaligtasan. Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito. Bagama’t hindi itinatatwa ng mga ganitong tao ang mga salita ng Diyos, hindi rin nila tinatanggap ang mga ito. Batay sa kanilang ugali at sa kung ano ang ibinubunyag nila, makikita mo na wala sila sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa anong landas sila lumalakad? Sa pag-asa sa sarili nilang puhunan at sa kanilang mga nagawa para makahingi ng mga gantimpala mula sa Diyos, lumalakad sila sa landas ni Pablo. Kahit paano pa suriin si Pablo, hindi nila iuugnay ang gayon ding mga bagay sa kanilang sarili. Kahit paano pa suriin si Pablo, hindi sila magbabago, magsisisi, o hindi nila kikilalanin ang kanilang sarili. Naniniwala pa rin sila na tama at nakaayon sa katotohanan ang lahat ng bagay na ginagawa nila. Kahit gaano pa karaming salita ang ipahayag ng Diyos, kahit gaano pa Niya suriin at hatulan ang gayong mga tao, hindi sila kailanman magninilay-nilay sa kanilang sarili. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, ang kanilang intensyong magtamo ng mga pagpapala, at ang nakasanayan nilang pakikipagkasundo sa Diyos ay nananatili, hindi natitinag, at hindi nagbabago. Ano ang dahilan nito? Hindi nila maunawaan ang tinig ng Diyos at hindi sila nakikinig sa tinig ng Diyos. Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, hindi ito ganoon kahalaga sa kanila. “Sabihin mo na kung ano ang gusto mo, pero pabayaan mo ako sa kung ano ang gusto ko. Ikaw ay ikaw, ako naman ay ako. Anuman ang gawin mo o anuman ang layunin mo, ano naman ito sa akin? Wala itong kinalaman sa aking buhay o kamatayan.” Anong uri ba ng mga tao ito? (Mga hindi mananampalataya.) Sino ang pinaniniwalaan nila? Pinaniniwalaan nila ang kanilang sarili. Hindi ba’t kamuhi-muhi ang gayong mga tao? (Kamuhi-muhi sila.) Kamuhi-muhi sila at dapat silang pumanaw. Hindi sila ang mga ililigtas ng Diyos. Kaya, sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, kung marami ang mga taong laging kontento na sa kanilang mga nagawa at tumigil na sa kanilang pagsisikap, ipinagyayabang ang kanilang senyoridad, at hinihingan ng gantimpala ang Diyos para sa mga nakaraan nilang merito, mapapahamak sila. Dahil sa kanilang asal, masasabing paglalagay ng isang paa sa hukay ang kalalabasan nila. Kaya, kapag may nakilala kang ganitong uri ng tao, marapat ba na pagsabihan mo sila tungkol sa paglalagay ng isang paa sa hukay? Kung magagawa pa rin nilang magpalaganap ng ebanghelyo, huwag mong sabihin iyon sa kanila. Maaari mo silang paalalahanan, balaan, at gabayan sa pamamagitan ng mga pahiwatig para matulungan sila hangga’t maaari. Ngunit kung ang kanilang diwa at disposisyon ay tunay ngang katulad ng kay Pablo, paano natin sila dapat tratuhin? Bagama’t alam mo namang inilalagay nila ang isang paa sa hukay, pero hindi mo sinasabi sa kanila ang totoo at kinukunsinti mo pa rin sila at pinapayagan silang patuloy na magserbisyo: tinatawag itong pagpapahiya kay Satanas. Nararapat bang gawin ito? (Nararapat ito.) Karunungan ng Diyos na samantalahin ang pagseserbisyo ni Satanas. Kung tinatrato mo ang iyong mga kapatid sa ganitong paraan, masama ito at kinamumuhian ito ng Diyos. Kung sasamantalahin mo ang pagseserbisyo ni Satanas, tinatawag itong pagpapahiya kay Satanas. Tinatawag itong karunungan. Pinagseserbisyuhan ng malaking pulang dragon, ni Satanas, at ng mga diyablo ang mga taong hinirang ng Diyos. Ang Diyos ba ang may gawa nito? (Oo.) Paano natin dapat tingnan ito? Karunungan ito ng Diyos. Hindi maaaring kondenahin ang bagay na ito. Ito ang katotohanan. Dapat mong gamitin si Satanas, ang bagay na ito, para sa iyong kapakinabangan. Kung hindi mo ito gagamitin para sa layunin ng pagseserbisyo, hindi magagawa nang maayos ang ilang gawain, at hindi magiging madali na makakuha ng mga resulta. May yugto rin ng pagtatrabaho ang mga taong lumalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan at ng kaligtasan, pero hindi ito permanente. Hindi gumagamit ng karunungan ang Diyos para pagserbisyuhin ka, sa halip, dapat mong pagdaanan ang yugtong ito. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, marami kang ginagawa na walang mga prinsipyo at ayon lamang sa sarili mong kalooban. Kung diwa mo ang pag-uusapan, ayaw mong magtrabaho, pero kung obhetibong katunayan ang pag-uusapan, nagtatrabaho ka. Kapag nagtatrabaho nang maayos ang mga tao at unti-unti nilang naunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, saka lang sila makapagbabago nang paunti-unti tungo sa paghahangad sa katotohanan, tunay na makagagampan ng kanilang mga tungkulin, makapagpapasakop sa Diyos at makakaayon sa Kanyang mga layunin, at makatatahak unti-unti sa landas ng kaligtasan. Pero ibang-iba ang serbisyong ito kaysa sa samantalahin ang serbisyo ni Satanas. Naiiba ang kalikasan nito. Sinasamantala lang ng Diyos ang serbisyo ni Satanas, pero hindi inililigtas ng Diyos si Satanas. Ang mga trabahador na sumasampalataya sa Diyos nang may tapat na puso at nakapaghahangad sa katotohanan ang mga tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Sa kaso ng ilang trabahador, ginagamit ang kanilang mga serbisyo kapag kapaki-pakinabang sila, pero kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, dapat silang mahigpit na bigyan ng babala. Kung hindi sila magsisisi, palalayasin at ititiwalag sila. Ganito sila dapat tratuhin. Kung normal silang makakapagtrabaho nang tapat at hindi nila ginagambala ang gawain, hayaan mo silang patuloy na magtrabaho. Balang araw baka maunawaan na nila ang katotohanan at maligtas sila. Mabuti ito, kaya bakit hindi ito gawin nang buong sigla? Hindi mo maaaring kondenahin ang isang tao bago ang takdang oras. Ano ang dahilan kung bakit kinokondena ang ilang tao? Kinokondena sila dahil masyado nang malala ang kaguluhang idinulot nila. Kahit gaano mo pa ibahagi sa kanila ang tungkol sa katotohanan, hindi nila magagawang tanggapin ito at hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang kanilang kalikasang diwa ay kaparehong-kapareho ng kay Pablo. Matigas ang ulo nila at ayaw nilang magsisi. Walang pagdududang inilalagay nila ang isang paa nila sa hukay. Siguradong may gayong mga tao sa loob ng iglesia. Siguradong kabilang sila sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Ano sa palagay ninyo, mabuti bang hayaan ang gayong mga tao na malaman ang tunay na katotohanan? Natatakot ba kayong malalaman ng gayong mga tao ang tunay na katotohanan? (Hindi kami natatakot.) Kung makikilala ng mga ganoong tao ang kanilang sarili sa bagay na ito at sila ay makakapagsisi, mabuti iyon. Kailangan mong bigyan ng pagkakataon ang mga tao. Huwag mo silang ipagwalang-bahala. Ngunit kung alam nila ang tunay na katotohanan, pero bigo silang mabago ang kanilang mga gawi at patuloy silang nagdudulot ng kaguluhan, tunay ngang paglalagay ito ng isang paa sa hukay. Kapag wala sa tamang landas ang mga tao, hindi na kailangang magpasintabi sa kanila. Ang ganitong mga tao ay dapat alisin at itiwalag.
Ito ang mga pangunahing prinsipyo hinggil sa pagsasagawa ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat tuparin ng mga tao ang kanilang responsabilidad at makitungo nang masigasig sa bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Inililigtas ng Diyos ang tao sa abot ng makakaya, at dapat isaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, hindi nila dapat lagpasan nang walang ingat ang sinumang naghahanap at nagsisiyasat sa tunay na daan. Bukod pa riyan, sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong maunawaan ang mga prinsipyo. Sa bawat taong nagsisiyasat sa tunay na daan, dapat mong obserbahan, unawain, at intindihin ang mga bagay gaya ng kanilang pinagmulang relihiyon, kung mahusay ba ang kanilang kakayahan o hindi, at ang kalidad ng kanilang pagkatao. Kung may nakita kang tao na nauuhaw sa katotohanan, na kayang makaunawa sa mga salita ng Diyos, at kayang tanggapin ang katotohanan, ang taong iyon ay nauna nang itinalaga ng Diyos. Dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo para makapagbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mahikayat siya. Subalit kung mahina ang kanyang pagkatao at masama ang pag-uugali niya, at nagkukunwari lamang siyang nauuhaw, at palagi siyang nakikipagtalo, at kumakapit sa kanyang mga kuru-kuro, dapat ay isantabi mo siya at sukuan siya. Ang ilang taong nagsisiyasat sa tunay na daan ay may kakayahang makaunawa at may mahusay na kakayahan, ngunit mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Mahigpit silang sumusunod sa mga kuru-kurong panrelihiyon, kaya dapat kang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan nang may pagmamahal at pagpapasensya para makatulong na lutasin ito. Dapat ka lang sumuko kapag hindi nila tinatanggap ang katotohanan paano ka man magbahagi sa kanila—kung magkagayon, nagawa mo na ang lahat ng magagawa mo. Sa madaling salita, huwag basta-basta susukuan ang sinuman na kayang kumilala at tumanggap sa katotohanan. Hangga’t handa siyang siyasatin ang tunay na daan at kayang hanapin ang katotohanan, dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para mabasahan pa siya ng mga salita ng Diyos at mabahaginan pa siya ng katotohanan, at mapatotohanan ang gawain ng Diyos at malutas ang kanyang mga kuru-kuro at tanong, upang mahikayat mo siya at madala sa harapan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kaya paano siya mahihikayat? Kung, sa proseso ng pakikipag-usap mo sa kanya, natitiyak mo na may mahusay na kakayahan at mabuting pagkatao ang taong ito, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo para tuparin ang iyong responsabilidad; kailangan mong magbayad ng partikular na halaga, at gumamit ng partikular na mga kaparaanan, at hindi mahalaga kung anong mga kaparaanan ang ginagamit mo hangga’t ginagamit mo ang mga ito para mahikayat siya. Sa kabuuan, upang mahikayat siya, kailangan mong tuparin ang iyong responsabilidad, at gumamit ng pagmamahal, at gawin ang lahat ng makakaya mo para matamo siya. Kailangan mong magbahagi tungkol sa lahat ng katotohanang nauunawaan mo at gawin ang lahat ng bagay na dapat mong gawin. Kahit hindi mahikayat ang taong ito, magiging malinis ang konsensiya mo. Nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo. Kung hindi mo ibabahagi nang malinaw ang katotohanan, at patuloy pa ring kumakapit ang taong iyon sa kanyang mga kuru-kuro, at kung maubos ang iyong pasensya, at kusa mo siyang susukuan, ito ay pagpapabaya sa iyong tungkulin, at para sa iyo, magiging pagsalangsang at mantsa ito. Sabi ng ilang tao, “Ang pagkakaroon ba ng mantsa na ito ay nangangahulugang kinondena na ako ng Diyos?” Ang gayong mga bagay ay nakasalalay sa kung sinasadya o nakasanayan bang gawin ng mga tao ang mga bagay na ito. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang dahil sa paminsan-minsang mga pagsalangsang; kailangan lamang nilang magsisi. Ngunit kapag sadya silang gumagawa ng mali at ayaw nilang magsisi, kinokondena sila ng Diyos. Paanong hindi sila kokondenahin ng Diyos samantalang alam na alam nila ang tunay na daan subalit sadya pa rin silang nagkakasala? Kung titingnan ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ito ay pagiging iresponsable at pabasta-basta, at sa pinakamababa, hindi natupad ng mga taong ito ang kanilang responsabilidad; ganito hinahatulan ng Diyos ang kanilang mga pagkakamali. Kung ayaw nilang magsisi, kokondenahin sila. Kaya nga, para mabawasan o maiwasan ang gayong mga pagkakamali, dapat gawin ng mga tao ang lahat ng magagawa nila para matupad ang kanilang mga responsabilidad, na aktibong sinisikap na masagot ang lahat ng tanong ng mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan, at talagang hindi ipinagpapaliban o inaantala ang mahahalagang katanungan. Kung paulit-ulit na nagtatanong ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan, paano ka dapat sumagot? Dapat ayos lang sa iyo ang paglalaan ng oras at abala upang sagutin sila, at dapat maghanap ng paraan upang malinaw na magbahagi tungkol sa kanilang katanungan, hanggang sa maunawaan nila at hindi na muli pang magtanong dito. Sa gayon ay natupad mo ang iyong responsabilidad, at magiging malaya sa pagkakonsensiya ang iyong puso. Ang pinakamahalaga, magiging malaya ka sa pagkakonsensiya sa Diyos sa bagay na ito, dahil ang tungkuling ito, ang responsabilidad na ito, ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Kung ang bawat ginagawa mo ay ginagawa sa harap ng Diyos, ginagawa nang kaharap ang Diyos, kapag lahat ay nakaayon sa salita ng Diyos, at ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong pagsasagawa ay magiging lubos na nakaalinsunod sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, lahat ng ginagawa at sinasabi mo ay mapapakinabangan ng mga tao, at sasang-ayunan at tatanggapin nila kaagad ito. Kung ang mga salitang sinasambit mo ay nagbibigay-liwanag, praktikal at malinaw, maiiwasan mo ang pagtutol at komprontasyon, mabibigyan mo ng kakayahan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, at mapapatibay sila. Kung magulo at malabo ang mga salitang sinasambit mo, at hindi malinaw, hindi nagbibigay-liwanag, at hindi praktikal ang iyong pagbabahagi sa katotohanan, hindi mo malulutas ang mga kuru-kuro at problema ng mga tao, at malamang na sasamantalahin nila ang iyong mga pagkakamali, huhusgahan ka, at kokondenahin ka. Mas lalong hindi magiging madali para sa iyo na lutasin ang mga problemang ito; maaaring kailanganin mong magbahagi tungkol sa ilan pang sipi ng mga salita ng Diyos bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan at tanggapin ito. Kaya, kailangang maging matalino ang isang tao sa pananalita kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, at kailangang maging malinaw ang pagbabahagi ng isang tao tungkol sa katotohanan, sa paraan na makalulutas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, na nakakamit ang kanilang paghanga at taos silang nakukumbinsi. Madaling magkakaresulta sa ganitong paraan; binibigyan nito ng kakayahan ang mga tao na matanggap ang gawain ng Diyos sa isang madaling paraan, na kapaki-pakinabang sa pagpapalawak ng ebanghelyo.
Kaugnay ng mga prinsipyong dapat sundin sa pagsasagawa ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, sa kabilang banda, ang mga nagpapalaganap sa ebanghelyo ay dapat kagalang-galang at matuwid ang asal, nagsasalita at kumikilos sila na parang mga santo, may maayos na pagpipigil sa sarili sa lahat ng kanilang ginagawa sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, at kumikilos nang disiplinado. Hindi natutuwa ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na naaabala sila ng mga estranghero, kaya paano ka ba dapat mangaral sa kanila? Nangangaral ng ebanghelyo ang ilang tao sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono nang tatlong beses sa isang araw, nagpupunta sa tahanan ng mga tao pagkauwi nila galing sa trabaho, at binabasa ang mga salita ng Diyos sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo pagkakitang-pagkakita sa mga ito kahit gaano pa kaabala ang mga ito. Hindi kailanman nakakatiyempo nang tama ang mga taong ito, kaya malamang na maging istorbo sila. Napakahangal ng ilang tao na ganito pa sila magsalita sa mga nagsisiyasat sa tunay na daan: “Napakasama ng mundong ito, kaya iwan mo na ang ginagawa mo, huwag ka nang pumasok sa trabaho. Alam mo ba kung anong oras na? Parating na ang malaking sakuna. Napakahalagang manampalataya ka na sa Diyos!” Angkop ba ang ganitong paraan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Ano ang ibubunga nito? Sila ay mga walang pananampalataya na hindi pa tinanggap ang gawain ng Diyos. Kinakailangan bang kausapin sila sa ganitong paraan? Dagdag pa rito, huwag kang makialam sa pribadong buhay o mga personal na pananaw ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao ang mga sumusunod sa mga pinapabalik-loob nila, “Naniniwala ka pa rin ba sa Diyos? Kaming mga mananampalataya ay hindi nagsusuot ng ganitong damit ng mga walang pananampalataya.” “Hindi kumakain ng ganitong klaseng pagkain ang mga taong sumasampalataya sa Diyos, kailangan mong kumain ng ganito at ganyan.” Hindi ba’t pangingialam ito sa ibang tao? Kahangalan ang tawag dito. Kung hindi angkop ang mga salita at kilos mo sa isang partikular na pagkakataon, maaaring sayangin ng mga ito ang halagang ibinayad mo sa pagpapalaganap sa ebanghelyo. Dahil dito, dapat maging maingat kang kumilos sa bawat pagkakataon, pigilan at kontrolin mo ang iyong ugali, at kumilos ka nang disiplinado. Ano ba itong tinatawag nating disiplina? Nangangahulugan ito ng paggawa sa mga bagay-bagay nang alinsunod sa mga tuntunin, ng pag-isip sa kung anong uri ng mga salita ang magiging angkop para sa tungkuling ginagampanan mo, at kung anong uri ng mga salita ang gugustuhing marinig ng mga tatanggap ng ebanghelyo. Huwag kang gumawa o magsalita ng mga bagay na kamumuhian o kaiinisan nila, huwag kang magtanong ng mga mapanghimasok na tanong, at huwag na huwag kang makialam sa pribado nilang buhay. Sabihin na nating may dalawang lalaking anak ang isang tao at sinabi mo sa kanya, “Mabuting magkaroon ng dalawang anak na lalaki, pero hindi ba’t mas mainam kung magkaroon ka rin ng isang anak na babae?” Ano naman ang pakialam mo rito? Kapag marunong magsalita ng Ingles ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, sinasabi mo, “Mahusay ka talagang mag-Ingles. Maganda sana kung mananampalataya ka sa Diyos at gaganap ka ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kulang sa mga taong kagaya mo ang sambahayan ng Diyos.” Tama bang magsalita nang ganito? Hindi pare-pareho ang mga tao. Makaraang manampalataya ang mga taong ito, maaaring mas aktibo at mas masigla pa sila kaysa sa iyo, pero hindi pa sila sumasampalataya ni tumatanggap, kaya huwag mong pilitin ang mga bagay-bagay bago ang tamang oras, at huwag mong kailanman pakialaman ang buhay ng ibang tao. Nauunawaan mo ba?
May isa pang sitwasyon na maaaring mangyari. Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, ang ilang tao ay tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nauunawaan ang ilang katotohanan. Pagkatapos, iniisip nilang masyado na silang mataas kaysa sa mga karaniwan, at ordinaryong tao. Kinapopootan nila ang lahat ng walang pananampalataya at kinapopootan at minamaliit pa nga nila ang sinumang nakikilala nilang nagsisiyasat sa tunay na daan. Iniisip nila, “Kayong mga tao, kung hindi ninyo tatanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, mga bulag, hangal, at mangmang kayo, bagay na nararapat lamang na mamatay, at ganap na walang kabuluhan. Ngayon, tungkulin kong ipangaral ang ebanghelyo sa iyo, pero kung hindi, babalewalain ko kayo!” Anong uri ng saloobin ito? Wala ka namang ibang ginawa kundi tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Hindi ka mas mataas kaysa sa iba. Kahit na hari ka pa, hindi ba’t kabilang ka pa rin sa tiwaling lahi ng tao? Paano ka ba nagiging mas magaling kaysa sa iba? Huwag kang mapoot sa mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Kahit na ipangaral mo pa ang ebanghelyo sa kanila, hindi ka mas magaling o mas mahusay kaysa sa kanila. Huwag mong kalimutan na, tulad din nila, isa kang tiwaling tao. Dapat maging malinaw sa iyo ang tungkol sa bagay na ito sa iyong puso. Huwag mong laging tingnan ang iba na para bang nakakagawa ka ng malaking serbisyo sa mundo o ginagabayan mo ang lahat ng nilalang na may kamalayan tungo sa kanilang paglaya. Lagi mong iniisip, “Nakakaawa naman kayong mga taong hindi pa tumanggap sa ebanghelyo. Araw-araw, labis akong nababalisa para sa inyo.” At bakit ka naman nababalisa? Hindi mo pa nalulutas ang sarili mong mga problema, pero labis ka nang nababalisa para sa iba. Hindi ba’t mapagpaimbabaw iyan? Hindi ba’t nililinlang mo ang iba? Huwag kang magtago sa likod ng maskara ng kabutihan. Ang totoo, wala kang kakuwenta-kuwenta. Kahit 20 o 30 taon mo nang tinanggap ang bagong gawain ng Diyos, wala ka pa ring kuwenta. Kahit namumuhay ka pa kasama ang Diyos araw-araw at nakakausap mo ang Diyos nang harap-harapan, isa ka pa ring ordinaryong tao. Wala pa ring ipinagbago ang iyong diwa. Ang ipangaral ang ebanghelyo sa iba ay pagganap sa iyong tungkulin. Ito ang iyong obligasyon, ang iyong responsabilidad. Dapat mong maunawaan na kahit gaano pa karaming tao ang mapabalik-loob mo, mananatili kang ikaw. Hindi ka naging ibang tao, isa ka pa ring tiwaling tao. Bagama’t marami ka nang taong napabalik-loob, hindi dapat lumaki ang ulo mo, lalong hindi ka dapat maging mayabang. Huwag mong ipagyabang ang mga nagawa mo, na sinasabing, “Maraming taon na akong nagpapalaganap ng ebanghelyo, at marami na akong naipong karanasan at natutunang mga leksyon. Sinuman ang pangaralan ko, masasabi ko sa isang tingin lang kung mabuti ba sila o masamang tao at alam ko kung kailan ako dapat mangaral at kung kailan naman hindi. Kapag angkop nang ipangaral ang ebanghelyo, alam ko kung magiging madali ba ito o posible. Lagi akong makakagawa ng paraan para dalhin ang ebanghelyo sa mga taong posibleng palaganapan nito.” Bagama’t may karanasan ka sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, napakababaw pa rin ng iyong buhay pagpasok. Bagama’t may kaunti ka nang karanasan sa buhay at nagbago ka na kahit papaano, nagyayabang ka paminsan-minsan para makapagpakitang-gilas. Hindi ba’t isa itong problema? Ang mga taong may mga kaloob ang pinakamalamang na makapagsalita ng kahambugan at walang saysay. Lagi nilang iniisip na mas mahusay sila kaysa sa iba, hilig nilang pagsabihan ang mga potensyal na tatanggap sa ebanghelyo, at lagi nilang gustong tinitingala at dinadakila sila ng mga tao. Hindi ba’t isa itong problema sa disposisyon? Makapagpapatotoo ba sa Diyos ang isang tao matapos lang niyang baguhin ang kanyang pag-uugali, at hindi ang kanyang disposisyon? Kung wala kang maibibigay na patotoo ng pagbabago sa disposisyon, kung ang kaya mo lang ay magsalita tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo para magpatotoo sa Diyos, nararapat ka bang gamitin ng Diyos? Pagkatapos tanggapin ng mga tao ang tunay na daan, kailangan nilang maunawaan ang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok at ang katotohanan tungkol sa pagsasagawa. Kung wala kang totoong karanasan, at hindi mo alam kung paano tatalakayin ang tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan, hindi ba’t mga kakulangan ito? Kung lagi mong pinagtutuunan ang pagsasalita tungkol sa mga doktrina upang tingalain ka ng mga tao at maging mataas ang tingin nila sa iyo, kung lagi mong gustong magkaroon ng mataas na posisyon, pagpapatotoo ba ito sa Diyos? Hinding-hindi. Pagpapatotoo ito sa sarili. Pagkakaroon ito ng isang tiwaling disposisyon. Kung hindi ka sasailalim sa paghatol at pagkastigo, paano mo makakamit ang pagbabago sa iyong disposisyon? Nagsasalita ng ilang patotoong batay sa karanasan ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, at nakikinabang nang husto ang kanilang mga tagapakinig mula rito, naaantig ang mga ito, at hinahangaan ng mga ito ang mga tagapagsalita mula sa kaibuturan ng puso ng mga ito. Pero, mayroon pa ring may-takot-sa-Diyos na puso ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Hindi sila napopoot sa sinumang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Nagagawa nilang makipag-usap sa mga tao nang mula sa puso, makisama sa mga tao at makipagkaibigan nang normal sa mga ito, at talagang nagtataglay sila ng kaunting katwiran ng normal na pagkatao. Paano nila nagagawa ito? Pinatutunayan nito na may natamo sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa pinakamababa, nauunawaan nila ang ilang katotohanan, may kaunting kaalaman sa kanilang sarili, at medyo nagbago na ang kanilang mga buhay disposisyon, kaya hindi na sila nagiging mayabang. Kapag nakikita nila ang mga taong hindi pa tumatanggap sa ebanghelyo, iniisip nila, “Ganyan din ako dati, kaya hindi ko sila dapat maliitin. Hindi rin naman ako ganoon kahusay.” Hindi na katulad ng dati ang kanilang mentalidad. Sa sandaling makilala na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasan, iisipin nilang natural lamang na makita nilang nagbubunyag ng kaunting kamangmangan, kahangalan, o kahinaan ang mga potensyal na tatanggap sa ebanghelyo. Huwag mong pagtawanan ang iba, at huwag mong yakapin ang damdamin o saloobin na ang iba ay parte ng masa ng mga karaniwan, at ordinaryong tao. Kung panghahawakan mo ang saloobing ito, hahadlangan at ikokompromiso nito ang iyong gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Subalit minsan, lilitaw ang ganitong mga uri ng tiwaling kalagayan sa iyong puso kapag nakikita mo ang maraming tao na kasasampalataya pa lang sa Diyos. Halimbawa, sabihin nang 20 taon na simula nang tinanggap mo ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at 10 taon ka nang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag kasama mo ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, lagi nilang mararamdaman na mas mataas ka kaysa sa kanila, sinasabi nila, “20 taon ka nang nanampalataya sa Diyos, samantalang katatanggap pa lang namin sa Kanya. Napakaliit pa rin ng aming tayog at, kung ikukumpara, siguradong napakalayo pa namin sa iyo. Nasa hustong gulang ka na, at kami ay mga bagong panganak na sanggol pa lang.” Ano ang dapat mong isipin kapag nagkukumpara sila nang ganoon? “Bagama’t tinanggap ko nang mas maaga ang Diyos kaysa sa kanila at mas matagal na akong nanampalataya kaysa sa kanila, malayong-malayo pa rin ako pagdating sa buhay pagpasok at sa katotohanan. Hindi ko pa natatanggap ang totoong paghatol at pagkastigo ng Diyos, at malayong-malayo pa rin akong maligtas at maperpekto.” Alam mo kung ano ka talaga sa iyong puso. Kahit gaano ka pa tingalain ng mga tao o kahit gaano man kataas ang tingin nila sa iyo, ano ang nararamdaman mo? “Isa lang akong ordinaryong tao, huwag ninyo akong tingalain.” Masusuklam ka at wala kang mararamdamang kasiyahan dahil, sa puso mo, malinaw mong nakikita na wala kang kakuwenta-kuwenta, na wala kang anumang nauunawaang katotohanan, at na ilang salita at doktrina lang ang kaya mong sabihin. Ang mga tao ay hangal at madali silang tumingala sa iba. Kung ikinatutuwa mo ang pakiramdam na tinitingala ka ng iba at ikinasisiya mo ito, nasa panganib ka. Kung nayayamot ka rito at gusto mo nang umalis sa ganitong klase ng sitwasyon, kung ayaw mong tinatrato ka ng iba sa ganitong paraan, pinatutunayan niyon na may kaunti kang pagkakilala sa iyong sarili. Ito ang tamang kalagayan, at sa loob nito, malamang na hindi ka makagawa ng mga pagkakamali o makagawa ng mga maling bagay.
Ang mga sitwasyong tinatalakay Ko ay ang mga karaniwan na kinakaharap ng mga tao sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Sa negatibong panig ng mga bagay, kailangan ninyong iwasan ang ilang hindi angkop na paraan ng pagsasalita, mga pagsasagawa, at pag-uugali at tiyakin ninyong hindi nagbubunyag ang inyong disposisyon ng mga di-angkop na bagay na hindi ayon sa katotohanan. Sa positibong panig naman, habang ginagampanan ang tungkuling ito, dapat kayong magkaroon ng saloobin ng katapatan at pagiging responsable sa inyong tungkulin hanggang sa wakas. Sa ganitong paraan, magagampanan ninyo ang inyong tungkulin nang maayos. Sa prosesong ito, dapat unti-unti ninyong hangarin ang katotohanan at ang mga prinsipyo nang sa gayon ay maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos, at sikaping magtiyaga at manatiling tapat hanggang sa huli sa pagganap ng bawat tungkuling mayroon kayo. Kahit ano pang uri ng tungkulin ang ginagampanan ninyo, dapat magawa ninyong mapalugod ang Diyos at maalala Niya kayo dahil sa mga bagay na iyon na ginawa ninyo nang maayos at kapuri-puri. Sa panahon ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat sikapin mong mabawasan nang mabawasan ang mga pagsalangsang na nagagawa mo at mabawasan nang mabawasan ang mga pagkakamaling nagagawa mo. Dapat mabawasan na nang mabawasan ang mga pagkakataon kung kailan nakikipagkasundo ka o naghahangad ka ng mga gantimpala, o may ambisyon at matinding pagnanasa kang gawin ang mga iyon, habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Kasabay nito, dapat aktibo mong hangarin na matupad ang iyong mga responsabilidad, matupad ang mga ito nang lubusan, at ituring mo ang iyong tungkulin bilang isang bagay na pananagutan mo. Gayundin, sikapin mong gawin ang iyong tungkulin nang sa gayon, kapag binalikan mo ito pagkaraan ng maraming taon, magiging malinis ang iyong konsensiya. Ibig sabihin, dapat mong unti-unting bawasan ang mga bagay na nagiging dahilan para maramdaman mong may pagkakautang ka. Hindi ka maaaring magpatuloy nang hindi ka man lang nagbabago. Ipagpalagay nang hindi mo ginawa nang maayos ang iyong tungkulin habang ipinapalaganap mo ang ebanghelyo sa isang potensyal na tatanggap, at naasiwa ka dahil dito, na para bang may pagkakautang ka, at pakiramdam mo ay hindi sapat ang iyong paghahanda. Ngunit, nang ipalaganap mo ang ebanghelyo pagkatapos nito, ganoon pa rin ang kalagayan mo at wala ka pa ring ginawang mga pagbabago. Ibig sabihin, hindi ka man lang lumago sa loob ng panahong ito. Ano ang kinakatawan ng kawalan ng paglago na ito? Ibig sabihin, hindi ka nagsagawa o hindi mo natamo ang aspektong ito ng katotohanan; ibig sabihin, mga doktrina lang para sa iyo ang mga bagay na ito na ibinabahagi Ko. Kung paunti nang paunti ang mga pagsalangsang na nagagawa mo, paunti nang paunti ang mga pagkakamaling nagagawa mo, nararamdaman mong nababawasan na ang pagkakautang mo at hindi ka na masyadong inuusig ng iyong konsensiya, ano ang kinakatawan nito? Ibig sabihin nito ay lalong nagiging dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at lalong tumitindi ang iyong pagpapahalaga sa responsabilidad. Sa madaling salita, lalo kang nagiging tapat sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Halimbawa na lang, dati, nakasalalay sa mga pamamaraan ng tao ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, sa halip na sa pagbabahagi sa katotohanan o pagbibigay ng interpretasyon sa mga talata sa Bibliya. Ngayon, tila hindi na angkop ang gayong pamamaraan, hindi iyon ang dapat na gawin ng isang taong tumatanggap ng atas ng Diyos, at iyon ay nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Naramdaman na ba ninyo ito? Hindi siguro ganito ang nararamdaman ninyo ngayon, pero balang araw, pagkatapos mong sangkapan ang iyong sarili ng mas maraming iba’t ibang uri ng katotohanan at pagkatapos tamuhin ang isang partikular na tayog, gagamit ka ng mas tumpak at praktikal na saloobin at perspektiba kapag tinitingnan mo ang mga dati mong pagsasagawa. Pinatutunayan nitong naging normal na ang panloob mong kalagayan. Sa ngayon, wala kang anumang nararamdaman tungkol sa dati mong mga pagsasagawa, hindi mo kinasusuklaman ang mga ito, at wala kang tamang pananaw at paghusga sa mga ito. Sa halip, wala kang pakialam. Hindi ba’t lubhang nakakabahala ito? Pinatutunayan nitong wala kang taglay na kahit anong katotohanan hinggil sa ganoong mga bagay. Mayroon ka pa ngang manhid na saloobin sa iba’t ibang masamang gawa at panlalansi ng tao at sa mga pagsasagawa niyang iyon na hindi umaayon sa katotohanan, tumatanggap, nakikisimpatiya, at nakikiayon ka pa nga sa maruruming bagay na ito. Ano kung gayon ang panloob mong kalagayan? Minamahal mo ang mga di-matuwid na bagay, minamahal mo ang mga bagay na may kaugnayan sa kasalanan, at minamahal mo ang mga bagay na hindi umaayon, bagkus ay sumasalungat sa katotohanan. Lubhang nakakabahala ito. Kung patuloy kang kikilos alinsunod sa mga pagsasagawang ito, mahaharap ka sa isang masaklap na kahihinatnan. Ano ang kahihinatnang ito? Patuloy kang nag-iipon ng masasamang gawa at palayo ka nang palayo sa landas ng kaligtasan. Bakit Ko nasasabing palayo ka nang palayo? Dahil, sa proseso ng pagganap ng tungkuling ito, bigo kang hangarin ang katotohanan at hindi mo sinusunod ang mga prinsipyo sa mga bagay na ginagawa mo. Sinusunod mo lang ang sarili mong kalooban at mga kagustuhan. Kaya paano mo magagampanan ang iyong tungkulin nang maayos? Ang layon ng iyong paggawa sa iyong tungkulin ay hindi para pumasok sa katotohanan, kundi para tapusin ang isang gampanin at pagkatapos ay magkuwento tungkol sa iyong sarili. Hindi kalooban ng Diyos ang sinusunod mo, at hindi atas ng Diyos ang tinatanggap mo. Ang mga kalikasan ng mga bagay na ito ay magkaiba. Kaya, habang ipinapalaganap mo ang ebanghelyo, hindi mo tinatahak ang landas na patungo sa kaligtasan, kundi ang landas ng pagtatrabaho, ang landas ni Pablo na nakipagkasundo sa Diyos. Sa malao’t madali, batay sa lahat ng ginagawa mo, kaparehas ng kay Pablo ang kalalabasan na itatakda ng Diyos para sa iyo. Hindi ba’t ito ang magiging resulta? Tiyak ngang ito ang magiging resulta. Sa kabaligtaran, kung sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, praktikal lahat ang iyong mga pamamaraan at gawi, ang simulain at layunin mo ay ang magbigay-lugod sa Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng pagkilos mo at ang landas na tinatahak mo ay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at naaayon sa katotohanan, anong resulta ang makakamit ng gayong pagsasagawa? Lalalim nang lalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, lalong magiging ayon sa mga prinsipyo ang pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay, lalago nang lalago ang buhay mo, at unti-unting madaragdagan ang pananalig, pagmamahal, at pagkamatapat mo sa Diyos. Sa ganitong paraan, matatahak mo ang landas ng kaligtasan. Kasabay nito, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, unti-unti mong susuriin ang sarili mong paghihimagsik at katiwalian at susuriin mo ang iba’t iba mong tiwaling disposisyon. Pagkatapos, sa proseso ng pagganap sa tungkuling ito, lalo mong mapipigilan ang iyong sarili at magtataglay ka ng may-takot-sa-Diyos na puso at pagpapasakop. Pagkatapos, lalong titindi ang iyong pagpapahalaga sa responsabilidad at lalo pang magiging dalisay ang iyong pagkamatapat. Lalalim din ang takot mo sa Diyos. Kasabay nito, lalo pang dadami ang iyong karanasan at kaalaman sa realidad ng iba’t ibang katotohanan. Sa ganitong paraan, ganap na magiging baligtad sa landas na tinahak ni Pablo ang landas na tinatahak mo. Ito ang landas ni Pedro sa paghahangad sa katotohanan. Ang landas na ito ang landas sa kaligtasan. Para naman sa huling resulta, ikaw mismo ang makararanas nito. Sasang-ayunan ka ng Diyos, at lalong makakaramdam ng kapayapaan at kaligayahan ang iyong puso. Sa mga mata ng Diyos, hindi mahalaga kung naka-ilang pihit at liko ang iyong landas, kung naka-ilang beses kang nag-iba ng daan, o kung anong pagkanegatibo, kahinaan, o kahit pa nga mga pagkabigo at pagkabuwal ang naranasan mo. Kapag tiningnan sa kabuuan ang nagawa mo, ang ibinunyag mo, at ang ipinamalas mo, ang landas na nilalakaran mo ay magiging landas ng kaligtasan. Kaya, paano pagpapasyahan ng Diyos ang iyong kalalabasan? Hindi magmamadali ang Diyos na pagpasyahan ang iyong kalalabasan. Maingat at buong tiyaga kang susuportahan, tutulungan, at aakayin ng Diyos sa landas ng kaligtasan. Tutulutan ka Niyang matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at sa wakas ay gagawin ka Niyang perpekto. Sa ganitong paraan, lubos at ganap kang maliligtas. Samakatwid, mula sa perspektibang ito, sa pagganap sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, hindi ba’t may oportunidad at posibilidad ang mga tao na tahakin ang landas ng kaligtasan? (Mayroon.) May ganito silang oportunidad at posible talaga ito. Depende lang ito sa kung kaya ba nilang hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan.
Ngayon, pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang katotohanan sa paggampan ng tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Balikan natin ang paksa na simula ng ating pagbabahaginan. Ano ang dapat nating itawag sa mga gumaganap ng tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? (Mga taong gumaganap sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo.) Tama iyan. Hindi sila maaaring tawaging mga saksi, tagapangaral, at lalong hindi mga sugo ng ebanghelyo. Sa huling pagsusuri, sila ay mga taong nagpapalaganap sa ebanghelyo. Huwag na huwag mong tawaging saksi ang sarili mo. Hindi makakasaksi ang mga tao sa anumang bagay, at sapat na kung hindi sila magbibigay ng kahihiyan sa Diyos. Mas malala naman kung tatawagin mong tagapangaral ang sarili mo. Malayong-malayo ka rito. Ang ipinapangaral mo ay hindi ang “daan” at ang mga bagay na ipinapangaral mo ay malayong-malayo sa “daan.” Kaya, kung magkakasundo tayo sa tawag na “mga taong nagpapalaganap sa ebanghelyo,” magkakaroon ang lahat ng tumpak na depinisyon sa tungkuling ito, na mga tao lang silang gumaganap ng tungkuling ito. Hindi talaga sila mga saksi o tagapangaral. Malayong-malayo sila sa mga bagay na iyon. Kung tatawagin mo silang mga saksi o tagapangaral, hindi ba’t mararamdaman nilang nakatataas sila sa iba? Madali para sa mga tao ang magpakitang-gilas at maging mahangin. Mabuti o masama ba ang ganitong pagpapakitang-gilas at pagiging mahangin? (Masama.) Kung hindi mo itinataas at iniaangat ang mga tao, lagi nilang gustong maging mahangin. Kung itinataas mo sila, kung tinatawag mo silang mga saksi, tagapangaral, o sugo ng ebanghelyo, ano na lang kaya ang magiging ugali nila matapos nilang makatanggap ng gayong papuri? Magiging masyado na silang mahangin na liliparin na sila. Ngayon, may batayang pagkaunawa na ba kayo sa iba’t ibang katotohanan na kinakailangan sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? (Mayroon.) Para magampanan nang maayos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng maraming katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako nagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya kailangan ko bang sangkapan ang sarili ko ng katotohanan?” Sinasabi naman ng ibang tao, “Hindi ko alam kung kailan ko maipapalaganap ang ebanghelyo. Hindi pa ako kailanman nagpalaganap ng ebanghelyo at hindi ako magaling magsalita, kaya paano ko maipapalaganap ang ebanghelyo?” Maaaring hindi mo maipalaganap ang ebanghelyo, pero hindi mo ba masasangkapan ang sarili mo ng mga katotohanan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Hindi ka ba puwedeng magsanay na magsalita at makipagkilala sa mga tao? Kung may pagpapahalaga ka sa misyon at responsabilidad, kung gusto mong tuparin ang tungkuling ito nang maayos at makipagtulungan sa Diyos, kung gayon, dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga katotohanan sa pagpapalaganap sa ebanghelyo. Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga katotohanan ng pangitain at pagsasagawa. Kailangan ng hinirang na mga tao ng Diyos na masangkapan ng mga katotohanang may kaugnayan sa dalawang aspektong ito dahil hindi kailanman kalabisan na sangkapan ang iyong sarili ng mga katotohanang ito. Hindi lamang ito tumutukoy sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, bagkus ay mga katotohanan din ito na dapat maunawaan ng sangkatauhan. Paano nakikinabang ang mga tao sa pagkaunawa sa mga katotohanang ito? Anong mga pagpapala ang maibibigay nito sa kanila? Siguro ay nauunawaan ng lahat ang pangkalahatang ideya, subalit habang patuloy na umuunlad at lumalalim ang gawain ng Diyos, patuloy na mararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at patuloy ring uunlad at lalalim ang pagkaunawa nila sa katotohanan. Lalong magiging malapit ang ugnayan nila sa Diyos at lalong dadalas ang kanilang pakikisalamuha sa Kanya. Paunti-unti, ikukumpara ng mga tao ang mga katotohanang nauukol sa pangitain at sa gawain ng Diyos sa mga gawa ng Diyos at sa saloobin ng Diyos patungkol sa bawat indibidwal. Ang hakbang-hakbang na prosesong ito ng pagkukumpara ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos. Bilang isang nilikha, matagal na panahon ka nang sumasampalataya sa Diyos, pero hindi mo alam kung sino ang Diyos o kung paano Siya nagpapakita at gumagawa. Hindi ba’t masyadong magulo at nakakalito ang gayong pananampalataya? Napakaraming taon mo nang ginagampanan ang iyong tungkulin. Pero kung, sa bandang huli, wala ka pa ring nalalaman tungkol sa Diyos, kung gayon, walang saysay ang naging pananampalataya mo sa Diyos. Kung maririnig mo ang mga diyablo na nagkakalat ng tsismis tungkol sa Diyos, maniniwala ka ba sa mga ito? (Hindi kami maniniwala.) Sinasabi mo ngayon na hindi ka maniniwala sa gayong mga bagay, pero kung tunay na hindi mo nauunawaan ang Diyos, pagdating ng araw na marinig mo ang mga tsismis na ito, magkakaroon ka ng mga pagdududa at pagbubulay-bulayan mo ang mga naturang salita sa iyong puso, iisipin mo, “Totoo kaya ito? Magagawa nga kaya ng Diyos ang gayong bagay?” Dahil naaasiwa ka, hindi mo gugustuhing gawin ang iyong tungkulin. Dahil naimpluwensiyahan ka na ng mga tsismis na ito, mararamdaman mong malabo at madilim ang landas na nasa harapan mo, kaya maliligaw at malilito ka. Laging naliligaw at nalilito ang mga tao, bakit ganoon? Hindi nila alam kung nasaan ang Diyos, o kung mayroon nga bang Diyos, kaya palagi silang naliligaw at nalilito. Sa anong mga kondisyon lumilitaw ang kalituhang ito? Lumilitaw ito kapag naguguluhan ang mga tao sa maraming tila magkakasalungat na bagay kaya hindi nila makita nang malinaw ang direksyong dapat tahakin at hindi nila alam kung aling daan ang dapat piliin. Kaya, naliligaw at nalilito sila. Makikita ba ninyo nang malinaw at makikilatis ang maraming bagay na nasa harapan ng inyong mga mata at masusundan ba ninyo ang tamang landas? Kinakailangan dito ang pagkaunawa mo sa Diyos, ang pagkaarok mo sa katotohanan, at kung hanggang saang antas ka nasasangkapan ng katotohanan. Ano ba ang ibig sabihin kapag laging naliligaw at nalilito ang mga tao? Talaga nga bang hindi nila nakikita ang daan na nasa harapan nila? Talaga nga bang bulag ang mga naliligaw at nalilito? Hindi, pagkabulag ito ng puso at pagkamanhid sa katotohanan, sa Diyos, at sa mga paghusga sa lahat ng tao, pangyayari at bagay. Bakit sila manhid? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nila alam ang mga gawa ng Diyos, hindi nila alam ang disposisyon ng Diyos, at wala silang batayan para tumpak na mahusgahan ang lahat ng bagay. Kaya, wala silang pamantayan sa paghusga at pagsasalarawan ng katangian ng anumang bagay. Magulo ang isip nila, nakikita nila ang lahat ng bagay nang walang kalinawan o pagkaunawa, at hindi sila makapaghusga. Hindi rin nila mabigyang depinisyon ni makilatis ang mga bagay-bagay. Pagkamanhid ang tawag dito. Nauuwi sa pagkabulag ang pagkamanhid, at ang pagkabulag ay nagdudulot sa mga tao na makaramdam ng pagkaligaw at pagkalito. Ganoon ang nangyayari. Kaya bakit hindi pa rin makakilatis ng mga bagay-bagay ang mga taong maraming taon nang nakikinig sa mga sermon? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Hindi nila makilatis ang kahit anong bagay, sa halip, pikit-mata silang sumusunod sa mga regulasyon at basta na lamang bumubuo ng mga kongklusyon. Maituturing ba itong pagkabulag? Bagama’t hindi masasabing ganap silang bulag, medyo bulag na sila. Sa katunayan, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilatis ang anumang bagay. Kahit gaano pa katagal nang nananampalataya sa Diyos ang isang tao o kahit gaano pa karaming sermon na ang napakinggan niya, kung hindi niya kailanman nauunawaan ang katotohanan, ibig sabihin nito ay ang kakayahan niya ang siyang may problema. Tuwirang may kaugnayan ito sa kung may espirituwal na pang-unawa ba siya o wala. Karamihan sa mga taong maraming taon nang nakikinig sa mga sermon ay may mauunawaan naman sa katotohanan, at marahil ay may kaunti naman kayong nauunawaan, pero wala lang kayong angkop na kapaligiran, kaya hindi ninyo nagagamit ang ilang katotohanan at pakiramdam pa rin ninyo ay hindi ninyo nauunawaan ang mga ito. Kapag tunay na ikaw mismo ang nakararanas nito, kapag kailangan mo nang magdesisyon o kailangan mo nang seryosong pag-isipan ang mga bagay-bagay, marahil ay unti-unting magiging malinaw sa iyo ang mga nauugnay na aspekto ng katotohanan. Sa ngayon, ang mga impresyon mo ay puno ng mga di-pulido, hungkag na balangkas at mga bagay na pangdoktrina. Habang unti-unti kang lumalago sa karanasan at nagkakaedad, unti-unting magiging lalong praktikal at realistiko sa iyo ang maraming katotohanan. Sa pamamagitan nito ay lalo mo pang makikita ang diwa ng katotohanan. Sa ganitong paraan, maaari kang tunay na magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan at matitingnan mo ang mga problema nang may sensitibidad. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, hindi nila makikilatis ang mga pagpapamalas ng pagkatao, ng mga tiwaling disposisyon, ng iba’t ibang kalagayan ng tao, at ng mga diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, kahit dilat na dilat pa ang dalawang mata nila. Bulag sila. Ngunit sa panlabas, para bang hindi nakikinig ang isang taong naghahangad sa katotohanan, pero magkakaroon siya ng reaksyon sa ugali at asal ng iba sa kanyang puso at hindi niya mamamalayang nakakabuo na pala siya ng impresyon sa naturang bagay. Saan nanggagaling ang impresyong ito, ang pakiramdam na ito? Ang mga katotohanang nauunawaan nila ang nagbibigay sa kanila ng kakayahang makakilatis. Binibigyan nito ang gayong mga tao ng depinisyon para sa diwa ng ganoong uri ng ugali, pagsasagawa, o pagpapamalas. Saan nanggagaling ang depinisyong ito? Ang katotohanan ang nagdudulot sa mga tao ng pagkaunawa, at ang katotohanan ang nagbibigay sa mga tao ng pagkakilatis at paghusga. Sa ngayon, nakakaunawa kayo ng ilang katotohanan at may kaunti kayong pagkilatis sa ilang partikular na bagay. Ngunit hindi ganoon katumpak ang pagkilatis ninyo, kaya wala pa rin kayong nararamdamang kasiguraduhan, at nasa proseso pa rin kayo ng pangangapa sa inyong daang pasulong. Sinasabi ng ilang tao na, “Kung ganoon, dapat makipagbahaginan Ka sa amin tungkol sa lahat ng bagay.” Hindi ito kinakailangan. May mga responsabilidad na pantao ang mga tao, at may sariling saklaw ng gawain ang Diyos. Nasabi Ko na sa inyo ang bawat aspekto ng katotohanan, ang natitira na lang ay ang maranasan ninyo ang iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kikilos at mamamatnugot ang Banal na Espiritu. Kinakailangang gawin ng mga tao ang isang bagay: ang makipagtulungan at maghangad bilang mga tao. Kung hindi ka makikibahagi sa paghahangad na ito, kahit gaano kalinaw Ko pa itong ipaliwanag, hindi mo ito mauunawaan. Hindi kita sapilitang dodoktrinahan, hindi kita pipiliting makaalam, makaunawa, at makapasok. Hindi Ko gagawin iyon, at hindi rin gagawin iyon ng Banal na Espiritu. Sa pamamagitan lamang ng iyong bukal sa loob, boluntaryo, at aktibong pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan magbubunga ang katotohanan sa loob mo nang hindi mo namamalayan. Kapag nagbubunga ang katotohanan, mapupuno ng liwanag ang iyong puso. Ganito ang pag-unawa sa katotohanan. Pero kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magiging manhid ka sa lahat ng bagay, mabagal tumugon, at hindi mo makikilatis ang anumang bagay. Halimbawa, kapag may ginagawa ang isang tao, at sinasabi ng iba na isa itong masamang gawa at ang kalikasan nito ay ganito-at-ganyan, hindi mo malalaman at hindi mo ito mismo makikita. Kapag sinabi sa iyo ng isang tao ang sagot, maaaring tanggapin at aminin mo ito batay sa mga doktrina, pero kung ang diwa ang pag-uusapan, hindi mo pa rin ito masasang-ayunan. Kung hindi mo maibigay ang iyong pagsang-ayon, nauunawaan mo ba talaga? Hindi mo nauunawaan, kaya ang magagawa mo lang ay ang sumunod sa mga regulasyon para maharap mo ang mga bagay na nararanasan mo. Nangyayari ito dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.