Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito (Ikalawang Bahagi)

Naitala ng Bibliya ang mga panalangin ng maraming tao na, sa mga panalanging iyon, ay hindi pa nagtakda ng kanilang sariling mga tuntunin. Sa halip, ginamit nila ang panalangin para hanapin at arukin ang kalooban ng Diyos, at tulutan ang Banal na Espiritu na gumawa ng mga desisyon. Halimbawa, sinalakay ng mga Israelita ang Jerico sa pamamagitan ng panalangin. Ang mga tao ng Ninive ay nagsisi rin at nakakuha ng kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ay hindi isang uri ng ritwal. Isa itong tunay na pagniniig sa pagitan ng isang tao at ng Diyos, at mayroon itong malalim na kahalagahan. Mula sa mga panalangin ng mga tao, makikita ng isang tao na direktang naglilingkod sa Diyos ang mga ito. Kung itinuturing mo ang panalangin bilang isang ritwal, hindi magiging epektibo ang panalangin mo, at hindi ito magiging isang tunay na panalangin dahil hindi mo sinasabi sa Diyos ang nararamdaman mo sa loob o binubuksan ang puso mo sa Kanya. Para sa Diyos, walang katuturan ang panalangin mo. Hindi ka umiiral sa puso ng Diyos. Paano gagawa ang Banal na Espiritu sa iyo kung gayon? Dahil dito, pagkatapos gumawa nang ilang panahon, mahahapo ka. Mula ngayon, kung walang panalangin, hindi ka na makakagawa ng gawain. Panalangin ang nagdudulot ng gawain, at panalangin ang nagdudulot ng paglilingkod. Kung isa kang lider, isang taong naglilingkod sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman inilaan ang sarili mo sa panalangin o sineryoso ang pananalangin, wala kang mga kaisipang maipapahayag sa Diyos, at sa ganitong paraan, malamang na magkakamali ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at malamang na madadapa ka habang patuloy kang umaasa sa iyong sariling mga layunin at kilos. Hindi katanggap-tanggap na manalig sa Diyos nang walang sapat na pananalangin. Bihirang manalangin ang ilang tao, iniisip na yamang nagkatawang-tao ang Diyos, sapat na ang direktang basahin ang mga salita ng Diyos. Kapag ganito, masyado kang simpleng mag-isip. Mabibigyang-liwanag at matatanglawan ka ba ng Banal na Espiritu sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng Diyos nang hindi nananalangin sa Kanya? Kung hindi kailanman nananalangin ang isang tao sa Diyos, at hindi siya nakikipag-usap o tunay na nakikipagbahaginan sa Diyos, kung gayon ay mahihirapan siyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon at palugurin ang Diyos sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Maging ang Diyos na nagkatawang-tao ay nananalangin minsan! Nang si Jesus ay nagkatawang tao, nanalangin din Siya pagdating sa mga kritikal na bagay. Nanalangin Siya sa bundok, habang nakasakay sa bangka, at sa hardin; pinangunahan din Niya ang Kanyang mga disipulo sa panalangin. Kung madalas kang humaharap sa Diyos at nananalangin sa Kanya, pinapatunayan nito na itinuturing mo ang Diyos bilang Diyos. Kung madalas kang kumilos ayon sa sarili mong mga pagnanasa, at madalas mong nakakaligtaan ang panalangin at ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang hindi ipinapaalam sa Kanya, hindi mo pinaglilingkuran ang Diyos; ginagawa mo lamang ang sarili mong mga hangarin. Kung magkagayon, hindi ka ba isusumpa? Sa tingin, parang wala ka namang nagawa na nagdudulot ng kaguluhan, at parang hindi mo naman nalapastangan ang Diyos, pero aasikasuhin mo lang ang sarili mong alalahanin. Magiging abala ka sa personal mong mga inaasam, at maghahangad ka ng katanyagan, pakinabang, katayuan, at mga pansariling benepisyo. Hindi ba’t nakagagambala ito sa gawain ng iglesia? Kahit na, sa panlabas, mukhang hindi ka naman nakagagambala, sa diwa ay lumalaban sa Diyos ang mga kilos mo. Kung hindi ka kailanman magsisisi o magbabago, ikaw ay manganganib.

Lahat ay naharap na sa kalagayan ng pasakit at pagkamiserable kapag may nangyayaring hindi kanais-nais, at ayaw makipag-usap sa sinuman. Pagtagal-tagal, bumubuti ang pakiramdam nila, pero hindi nalulutas ang kalagayang ito. Minsan, nagpapakita sila ng tiwaling disposisyon sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at inaantala nila ang gawain, o pinupungusan sila, nasasaktan at nababagabag sila, pero kung hindi hahanapin ng isang tao ang katotohanan para malutas ito, hindi malulutas ang di-normal na kalagayang ito. Ilang beses na kayong lumapit sa Diyos sa inyong pasakit at paghihirap para manalangin? Lahat kayo ay hindi nababahala at nagpapadalos-dalos lang kayo rito. Sa ganitong paraan, marami ang nagsasabing nananalig sila sa Diyos, pero wala ang Diyos sa puso nila. Ano man ang tungkuling ginagampanan nila, sa tuwing nahaharap sila sa anumang problema, hindi sila kailanman nananalangin o naghahanap sa katotohanan. Umaasa sila sa sarili nilang kagustuhan para gawin ang mga bagay-bagay nang parang bulag, na tila nagtitiis sila ng paghihirap at gumugugol ng lakas, at iniisip nilang ginagawa nila nang maayos ang kanilang tungkulin, kahit na wala silang naidudulot at walang saysay ang kanilang pagsisikap. Madalas na umaasa ang mga tao sa kanilang sariling mga kagustuhan at naliligaw habang naglalakad sila. Sa sandaling gumawa sila ng kaunting trabaho, nagiging mayabang sila, pakiramdam nila ay may kapital sila, at pagkatapos ay wala silang puwang para sa Diyos sa puso nila. Sa bagay na ito, makikita na kalikasan ng mga tao ang magtaksil. Iniisip pa nga ng mga tao na, “Paanong walang puwang para sa Diyos sa puso ko kung nananalig ako sa Kanya? Hindi ba’t gumagawa ako para sa iglesia ngayon? Bakit ako tinalikuran ng Diyos?” Hindi naman sa gusto ng Diyos na talikuran ka, sadyang wala kang puwang para sa Diyos sa puso mo. Gaano man karami ang gawaing ginawa mo, hindi mo matutubos ang sarili mo gamit ito, hinding-hindi mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu, at kahit anong gawin mo, patuloy mong mailalayo ang sarili mo sa Diyos at patuloy kang magtataksil sa Kanya. Ang aral ng panalangin ang pinakamalalim. Kung ginagawa mo ang iyong tungkulin nang hindi man lang nananalangin, hindi magiging pasok sa pamantayan ang pagganap mo, at magiging walang saysay ang pagtatrabaho mo. Kung mas hindi normal ang kalagayan mo, mas lalong dapat kang manalangin. Kung walang panalangin, patuloy lang na lalala ang kalagayan mo, at hindi magiging epektibo ang tungkulin mo. Hindi nakasalalay ang panalangin sa kung gaano kaganda pakinggan ang mga bagay na sinasabi mo. Sa halip, hinihingi nitong magsalita ka mula sa puso mo, magsalita nang totoo tungkol sa sarili mong mga paghihirap, magsalita mula sa posisyon ng isang nilikha at sa perspektiba ng pagsunod: “O Diyos, alam Mo kung gaano katigas ang mga tao. Pakiusap, gabayan Mo po ako sa bagay na ito. Alam Mong mahina ako, na lubha akong nagkukulang, na hindi ako angkop para gamitin Mo, na mapaghimagsik ako, at na sa tuwing kumikilos ako, nakagagambala ako sa gawain Mo at nakagagawa ng mga bagay na hindi alinsunod sa kalooban Mo. Hinihiling ko na gawin Mo ang Iyong gawain, nais ko lamang na sumunod at makipagtulungan….” Kung hindi mo man lang masabi ang mga salitang ito, walang pag-asa para sa iyo. Iniisip ng ilang tao, “Kapag nananalangin ako, kailangan ko pa ring matukoy kung nananalangin ako nang may katwiran o wala. Kung ganoon, paano ako dapat manalangin?” Matagal ba bago matukoy kung makatwiran ka? Pagkatapos ng bawat panalangin, taimtim na magnilay-nilay, at makakahanap ka ng kalinawan. Habang ginagawa mo ito, magiging mas makatwiran ka sa mga susunod na panalangin, dahil kapag nananalangin ka, malalaman mo na hindi tama ang ilang salita. Kapag nananalangin ang tao, ang kanyang ugnayan sa Diyos ang pinakadirekta, at ang pinakamalapit. Karaniwan ka bang nakaluluhod at nakakapanalangin kaagad kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay? Hindi palagi; depende ito sa kapaligiran. Kapag nag-iisa ka sa bahay at lumuluhod ka at nananalangin sa Diyos, pinakamalapit ito na ugnayan mo sa Diyos. Masasabi mo kung ano man ang nasa puso mo, at madarama mo ang pinakamalaking kagalakan. Kapag binabasa mo ang salita ng Diyos, kung mananalangin ka muna, magiging iba ang pakiramdam ng pagbabasa ng Kanyang salita. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, manalangin at maghanap muna, magiging seryoso ang puso mo, at kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, iba ang magiging epekto. Kung nagbabasa ka ng salita ng Diyos at natatagpuan mo ang liwanag, manalangin ka sa Diyos at matatagpuan mo ang higit na kagalakan. Kung hindi ka kailanman nananalangin, hindi mo mararamdaman ang presensiya ng Diyos kapag binabasa mo ang salita ng Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung minsan, hindi ka mabibigyang-liwanag ng pagbabasa ng salita ng Diyos, at pagkatapos basahin ang Kanyang salita, walang makikitang epekto. Walang gawain sa pananalig mo sa Diyos ang magagawa kung walang panalangin. Kung madalas kang mananalangin sa Diyos, at magiging normal ang ugnayan mo sa Diyos, magkakaroon ka ng pagpasok sa buhay, at titibay ang iyong pananalig. Kung hindi ka nananalangin nang mahabang panahon, mawawalan ka ng pananalig, at kung gayon, paano ka magkakamit ng pagpasok sa buhay? Ang mga taong may tunay na pananalig ay nakakamit ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa harap ng Diyos sa panalangin, at sa paghahanap sa katotohanan sa panalangin. Maraming tao ang padalos-dalos lang habang nananalangin sila, at hindi nila hinahanap ang katotohanan. Lumalapit lamang sila sa Diyos upang manalangin at magmakaawa kapag may nangyayari at wala na silang magawa. Palagi nilang pinipilit ang Diyos na gawin ang gusto nila at bigyang-kasiyahan sila. Ito ba ay tunay na panalangin? Dinirinig ba ng Diyos ang mga panalanging tulad nito? Ang pananalangin at paghahanap habang nasa presensiya ng Diyos ay hindi pamimilit sa Diyos na gawin ang gusto mo, lalong hindi ito paghiling sa Kanya na gawin ang kung ano-ano. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng kawalan ng katwiran. Ano ang isang makatwirang panalangin? Ano ang hindi makatwirang panalangin? Malalaman mo ang mga bagay na ito pagkatapos magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon. Halimbawa, pagkatapos mong manalangin, maaaring maramdaman mo na ang Banal na Espiritu ay hindi ginagawa ang ipinagdasal mo, ni hindi gumagabay gaya ng ipinagdasal mo. Sa susunod na manalangin ka, hindi ka mananalangin kagaya niyon. Hindi mo pipilitin ang Diyos kagaya ng iyong sinubukan noong nakaraan o hindi hihiling sa Diyos alinsunod sa iyong sariling ninanais. Sasabihin mo, “Diyos ko! Nawa’y ang lahat ay magawa alinsunod sa Iyong kalooban.” Hangga’t nakatuon ka sa ganitong paraan, kung gayon, pagkatapos mangapa nang ilang panahon, malalaman mo kung ano ang makatwirang panalangin at kung ano ang hindi makatwirang panalangin. Mayroon ding isang kalagayan kung saan kapag nananalangin ka alinsunod sa iyong sariling mga kagustuhan, nararamdaman mo sa iyong espiritu na nagiging walang buhay ang iyong mga panalangin, at hindi magtatagal ay makikita mo ang iyong sarili na wala nang masabi. Habang mas sinusubukan mong magsabi, mas lalo itong nagiging nakakaasiwa. Pinatutunayan nito na kapag nananalangin ka gaya nito, ikaw ay lubos na sumusunod sa laman, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa o gumagabay sa iyo sa gayong paraan. Ito rin ay isang usapin ng paghahanap at karanasan. Habang mas dinaranas mo ang gayong mga usapin, likas mong mauunawaan ang mga ito.

Ang panalangin ay pangunahing tungkol sa pakikipag-usap nang tapat sa Diyos at pagsasabi sa Kanya ng nasa puso mo. Sinasabi mo, “Diyos ko! Nababatid Mo ang katiwalian ng tao. Sa araw na ito ay nakagawa ako ng isa pang hindi makatwirang bagay. Nagkaroon ako ng intensyon sa kalooban ko—ako ay isang mapanlinlang na tao. Hindi ako kumilos alinsunod sa Iyong kalooban o sa katotohanan. Kumilos ako ayon sa aking sariling mga layunin, at sinubukang bigyang-katwiran ang aking sarili. Ngayon ay napagtatanto ko ang aking katiwalian. Hinihiling ko sa Iyo na mas liwanagan Mo ako at tulutan akong maintindihan ang katotohanan, maisagawa ito, at maiwaksi ang katiwaliang ito.” Manalangin nang ganito; mga tunay na bagay na sinasaad at sinasalita sa totoong paraan. Kapag ang karamihan sa mga tao ay lumalapit sa Diyos para manalangin, karamihan sa kanilang mga salita ay mula sa doktrina. Ang mga ito ay hindi tunay na mga panalangin mula sa puso. Sa pag-iisip lamang sila mayroong kaunting kaalaman, at handang magsisi ang puso nila, pero hindi sila nagsikap na pagnilayan o lubos na unawain ang katotohanan. Nakakaapekto ito sa pag-usad ng kanilang buhay. Kung kaya mong pagnilayan ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan kapag nananalangin ka, at naliliwanagan ka ng Banal na Espiritu, kung gayon ay higit itong mas kapaki-pakinabang kaysa sa simpleng pag-iisip at pag-unawa rito; mauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo. Inaantig ng Banal na Espiritu ang mga tao habang gumagawa Siya, at binibigyang-liwanag at tinatanglawan Niya ang mga tao sa mga salita ng Diyos, upang magkaroon ang mga tao ng totoong pagkaunawa at tunay na pagsisisi, na higit na malalim kaysa sa mga iniisip at pang-unawa ng mga tao. Dapat mong lubusang maunawaan ito. Kung mababaw at gulu-gulong pag-iisip at pagsusuri lamang ang ginagawa mo, wala kang angkop na landas ng pagsasagawa pagkatapos, at magkakamit ka ng kaunting pagpasok sa katotohanan, kung gayon ay mananatili kang walang kakayahang makapagbago. May mga sandali, halimbawa, kapag nagpapasya ka na taimtim na gugulin ang sarili para sa Diyos, at suklian ang Kanyang pagmamahal nang taimtim. Subalit, kahit na may ganitong hangarin sa iyong isipan, maaaring hindi ka gumugol ng maraming enerhiya, at maaaring hindi determinadong-determinado ang iyong puso sa gawain. Datapuwat, kung matapos manalangin at maantig, gumawa ka ng isang panata at sinabing, “O Diyos, handa akong magdusa ng paghihirap. Handa akong tanggapin ang Iyong mga pagsubok; at handa akong ganap na magpasakop sa Iyo. Gaano man kabigat ang aking pagdurusa, handa akong suklian ang Iyong pagmamahal. Tinatamasa ko ang Iyong dakilang pag-ibig, at itinaas Mo ako. Dahil dito, nagpapasalamat ako sa Iyo mula sa kaibuturan ng aking puso, at ibinibigay ko ang lahat ng kaluwalhatian sa Iyo,” matapos makapag-alay ng gayong panalangin, lumalakas ang buo mong katawan, at magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Ito ang bisa ng panalangin. Pagkatapos manalangin ng isang tao, nagsisimula nang gumawa ang Banal na Espiritu sa kanila, nililiwanagan, tinatanglawan, at ginagabayan sila, binibigyan sila ng pananampalataya at tapang, at binibigyan sila ng kakayahan na maisagawa ang katotohanan. May mga tao na nagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw nang walang natatamong gayong resulta. Gayunpaman, matapos nilang mabasa ang mga ito, nagbabahagi sila tungkol dito, at sumisigla ang kanilang mga puso, at nakakahanap sila ng paraan. Karagdagan pa, kung inaantig ka ng Banal na Espiritu, at binibigyan ka ng kaunting pasanin, pati na ng kaunting patnubay, tiyak na magiging ibang-iba ang mga resulta. Kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, maaaring medyo maantig ka lang, at maaaring maiyak ka sa oras na iyon. Ngunit makalipas ang ilang sandali, lilipas ang pakiramdam na iyon. Ngunit kung ang panalanging inialay mo ay nakakaluha, taimtim, totoo at taos sa puso, at inantig ka ng Banal na Espiritu, magkakaroon ng kagalakan ang puso mo sa loob ng maraming araw. Ito ang bisa ng panalangin. Ang layon ng panalangin ay para lumapit sa Diyos at tanggapin ang mga ibibigay Niya sa mga tao. Kung madalas kang nananalangin, kung madalas kang lumalapit sa Diyos upang makipagbahaginan sa Kanya, at magkaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya, lagi kang maaantig ng Diyos. Kung palagi mong tinatanggap ang Kanyang mga pagtustos, at tinatanggap ang katotohanan, ikaw ay mababago, at ang iyong mga kondisyon ay patuloy na bubuti. Lalo na, kapag sama-samang nananalangin ang mga kapatid, isang lalong malaking enerhiya ang pumapailanlang pagkaraan nito, at pakiramdam nila ay may malaking bagay silang natamo. Sa katunayan, maaaring hindi naman sila gaanong nakapagbahagi sa panahong magkakasama sila, ngunit ang panalangin ang nakapagpasigla sa kanila, sa puntong hindi na sila makapaghintay pa na talikuran ang kanilang mga pamilya at ang mundo, at wala silang anupamang gusto, at sapat nang mayroon silang Diyos. Napakadakilang pananampalataya! Ang lakas na ibinibigay ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao ay matatamasa nang walang-katapusan! Hanggang saan ka makakarating sa iyong pagmamatigas at pagtitiwala sa iyong pagpupursige, sa halip na umasa sa lakas na ibinibigay sa iyo ng Diyos? Lalakad ka lang nang lalakad at mauubusan ka ng lakas, at pagkatapos ay kapag nakatagpo ka ng problema o paghihirap, wala kang mapupuntahan. Babagsak ka at mabubulok bago mo marating ang dulo. Napakaraming tao ang nabigo at bumagsak sa landas ng pagsunod sa Diyos; kung wala ang katotohanan, hindi sila makatatayo. Samakatuwid, dapat palaging manalangin sa Diyos ang mga tao, umasa sa Diyos, at panatilihin ang isang normal na ugnayan sa Diyos hanggang sa huli. Subalit habang nagpapatuloy sa paglakad ang mga tao, lumilihis sila papalayo sa Diyos. Ang Diyos ay Diyos, ang sangkatauhan ay sangkatauhan. Ang bawat isa ay tinatahak ang sariling landas nito. Ang Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, at ang sangkatauhan ay lumalakad sa sarili nitong landas, na hindi kapareho ng sa Diyos. Kapag ang tao ay nawawalan ng lakas ng pananalig sa Diyos, lumalapit sila sa Diyos upang magsabi ng ilang salita ng panalangin at humiram ng kaunting lakas. Pagkatapos nilang magkaroon ng kaunting enerhiya, muli silang umaalis. Pagkalipas ng ilang sandali, nauubusan sila ng lakas, at bumabalik sa Diyos para makakuha pa. Kung magpapatuloy ang isang tao sa ganitong paraan, hindi sila makakakapit nang matagal. Kung iiwan ng isang tao ang Diyos, wala siyang paraan para makasulong.

Natuklasan Ko na ngayon na mahina ang abilidad ng maraming tao na kontrolin ang kanilang sarili. Ano ang dahilan? Ito ay dahil sa simula pa lang ay hindi na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kung hindi sila mananalangin, malamang na magpapakasasa sila. Naiintindihan lamang nila ang mga salita at doktrina, na hindi gumagana, at sadyang hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Sa gayong kalagayan, makakamit mo lamang ang kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng panalangin, at saka ka lang magkakaroon ng kontrol sa sarili at kaunting wangis ng tao kung mauunawaan mo ang ilang katotohanan. Dapat madalas na basahin ng mga mananampalataya sa Diyos ang Kanyang mga salita, bigyang-diin ang katotohanan, at manalangin nang madalas. Sa gayon lamang mapapabuti ang mga tao, magkakaroon ng pagbabago, at maisasabuhay ang kaunting wangis ng tao. Kung magsasalita ka lamang tungkol sa pagkilala sa iyong sarili at pagsasabuhay ng normal na pagkatao, hindi iyon ayos lang; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong magiging epekto. Kung makakaligtaan mo kung paano mismo gumagawa ang Banal na Espiritu at umaantig ng mga tao, at kung paano dapat maghanap at magsagawa ang mga tao sa katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, paano mo magagawang manalig sa Diyos kung gayon? Anong tungkulin ang magagawa mo? Kung sa puso nila ay nananalig lamang ang mga tao sa pag-iral ng Diyos, kung ang natira na lamang sa kanilang pananalig ay isa lamang pagkilala sa Diyos, at kung ang mga salita at katotohanan Niya ay isinasantabi, kung gayon ay hindi sila magkakaroon ng pagpasok sa buhay, at ang Diyos o ang katotohanan ay wala sa puso nila. Ang mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao ay mapupuno lamang ng materyal na mundo. Ang ganitong uri ng pananalig sa Diyos ay naging isang ritwal ng relihiyon. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay natatanggap pa nga ang ateismo o materyalismo, at maaaring unti-unti nilang kuwestiyunin kung may Diyos ba, at itatanggi nila ang espirituwal na mundo at ang mga bagay ng espirituwal na buhay. Ito ay tuluyang paglayo sa tunay na daan, at nahulog na sila sa hukay na walang hanggan. Kung walang panalangin, ang pagnanais ng mga tao na isagawa ang katotohanan ay isang pansariling hangarin lamang; kakapit lamang sila sa mga panuntunan. Kahit na kumikilos ka alinsunod sa mga pagsasaayos mula sa Itaas at hindi ka nagkakasala sa Diyos, kumakapit ka lang naman sa mga panuntunan, at kaya hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Ang espiritu ng mga tao ngayon ay manhid at matamlay lahat. Maraming hiwaga sa ugnayan ng mga tao sa Diyos, tulad ng maantig at maliwanagan ng Espiritu, pero hindi ito maramdaman ng mga tao—masyado silang manhid! Kung ang mga tao ay hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nananalangin, at hindi kailanman nararanasan ang mga bagay ng espirituwal na buhay, at hindi nauunawaan ang sarili nilang kalagayan, hindi nila matitiyak na namumuhay sila sa harap ng Diyos. Kung gusto mong mamuhay sa harap ng Diyos, hindi tama ang hindi manalangin, at lalo na ang hindi basahin ang mga salita ng Diyos. Hindi rin katanggap-tanggap ang hindi mamuhay ng buhay-iglesia. Kung lumalayo sa mga salita ng Diyos ang isang tao, hindi na siya nananalig sa Kanya, at ang paglayo sa panalangin ay paglakad palayo sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, dapat manalangin ang isang tao. Kapag walang panalangin, wala itong pagkakatulad sa paniniwala sa Diyos. Sinasabi Ko nang hindi ninyo kailangang sumunod sa mga tuntunin, at na maaari kayong manalangin kahit saan at kahit kailan, kaya may ilan na madalang manalangin. Hindi sila nananalangin sa umaga paggising nila, bagkus ay nagbabasa lang ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga himno. Sa umaga, inaabala nila ang kanilang mga sarili sa mga panlabas na gawain, at hindi sila nananalangin sa gabi bago humiga para matulog. Hindi ba’t nadarama ninyo na totoo na kung binabasa lang ninyo ang mga salita ng Diyos at hindi kayo nananalangin, tulad kayo ng isang hindi mananampalataya na nagbabasa ng Kanyang mga salita nang hindi nauunawaan ang mga salita? Kung hindi nananalangin ang mga tao, hindi tatagos sa puso nila ang mga salita ng Diyos, at hindi sila maliliwanagan sa pagbabasa nito. Hindi sila magkakaroon ng banayad na pakiramdam sa espiritu, ni maaantig ang kanilang espiritu. Manhid at matamlay sila; nagbibigay lang sila ng mababaw na pagbabahagi tungkol sa gawain ng iglesia at sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kapag may nangyayari, hindi nila maarok ang kaloob-looban ng kanilang puso. Hindi ba’t naiimpluwensiyahan nito ang kanilang normal na ugnayan sa Diyos? Wala nang puwang para sa Diyos sa puso nila, at gaano man nila gustong manalangin, walang salitang lumalabas, at hindi nila maramdaman ang Diyos. Napakamapanganib na nito. Nangangahulugan ito na napakalayo na nila sa Diyos. Sa totoo lang, ang bumalik sa iyong espiritu para manalangin ay hindi makagagambala sa iyo mula sa mga panlabas na gampanin ng trabaho; hindi nito maaantala ang mga bagay-bagay sa anumang paraan. Kung lilitaw ang isang problema at hindi ito malulutas, maaantala ang mga bagay-bagay. Ang layon ng panalangin sa Diyos ay ang malutas ang mga problema, at mabigyang-kakayahan ang mga tao na mamuhay sa presensiya ng Diyos at matamasa ang Kanyang mga salita. Ito ay mas kapaki-pakinabang sa pagganap ng mga tungkulin ng mga tao, at sa kanilang pagpasok sa buhay.

1998

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.