Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito (Unang Bahagi)
Paano kayo kasalukuyang nananalangin sa Diyos? Paano ito naging mas mabuti kaysa sa mga panrelihiyosong panalangin? Ano ba talagang nauunawaan ninyo tungkol sa kahalagahan ng panalangin? Napagnilayan na ba ninyo ang mga katanungang ito? Ang lahat ng hindi nananalangin ay malayo sa Diyos, at ang lahat ng hindi nananalangin ay sumusunod sa sarili nilang kagustuhan. Ang kawalan ng panalangin ay nagpapahiwatig ng pagiging malayo sa Diyos at pagkakanulo sa Diyos. Ano ang aktuwal ninyong karanasan sa panalangin? Ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao ay makikita sa mga panalangin ng mga tao. Paano ang inaasal mo kapag hinahangaan at pinupuri ka ng mga kapatid dahil sa mga resultang naidulot mo sa iyong gawain? Ano ang reaksyon mo kapag nagbibigay sa iyo ng mga mungkahi ang mga tao? Nananalangin ka ba sa harap ng Diyos? Lahat kayo ay naglalaan ng oras para manalangin kapag nahaharap kayo sa mga problema o paghihirap, pero bumabaling ba kayo sa Diyos sa panalangin kapag wala kayo sa mabuting kalagayan? Nananalangin ba kayo kapag nagpapakita kayo ng katiwalian? Tunay ba kayong nananalangin? Kung hindi kayo tunay na nananalangin, hindi kayo uusad. Dapat kayong mag-alay ng mga panalangin at papuri lalo na sa mga pagtitipon. Ang ilang tao ay maraming taon nang nananalig sa Diyos, pero sa kasamaang-palad, hindi sila madalas na nananalangin. Nauunawaan nila ang ilang salita at doktrina at nagiging mayabang sila, iniisip na naunawaan na nila ang katotohanan, na nagkaroon na sila ng tayog, at labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili. Bilang resulta, nasasadlak sila sa ganitong hindi normal na kalagayan, at sa susunod nilang pananalangin, nasusumpungan nila ang kanilang sarili na walang masabi, at nang walang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag hindi makontrol ng isang tao ang kanyang kalagayan, maaari niyang matamasa ang mga bunga ng trabaho pagkatapos gumawa nang kaunti—o maaari siyang maging negatibo, magsimulang magpakatamad sa kanyang tungkulin, at huminto sa paggawa ng kanyang tungkulin kapag naharap sila sa kaunting paghihirap, na lubhang mapanganib. Ganito ang mga taong walang konsensiya o katwiran. Karamihan sa mga tao ay naglalaan lamang ng oras para manalangin kapag nahihirapan sila, o kapag hindi nila lubos na maunawaan ang isang bagay. Nananalangin lamang sila kapag ginugulo sila ng mga pagdududa at pag-aalinlangan, o kapag nagpapakita sila ng tiwaling disposisyon. Nananalangin lamang sila kapag nangangailangan sila. Ito ay normal. Gayunpaman, kailangan mo ring manalangin at magpasalamat sa Diyos kapag nakakakuha ka ng mga resulta sa gawain mo. Kung iniisip mo lang ang pagiging masaya at hindi ka nananalangin, laging nagagalak, laging nagpapakasaya sa mga ganitong pakiramdam, ngunit nakakalimutan mo ang biyaya ng Diyos, ito ay lubos na kawalan ng katwiran. Kapag masyado kang lumayo sa Diyos, minsan ay daranas ka ng disiplina; o marahil ay mahaharap ka sa isang balakid habang sinisikap mong gawin ang mga bagay-bagay; o magkakamali ka at mapupungusan, at maririnig mo ang mga salitang tumatagos sa puso, at titiisin mo ang kagipitan o paghihirap, dadanasin mo ang lahat ng ito nang hindi nalalaman kung ano mismo ang ginawa mong pagkakasala sa Diyos. Sa katunayan, madalas na ginagamit ng Diyos ang mga panlabas na sitwasyon para disiplinahin ka, magdulot ng pasakit sa iyo, at pinuhin ka, at kapag sa wakas ay lumapit ka na sa Diyos para manalangin at magnilay-nilay, mapagtatanto mo na hindi tama ang kalagayan mo—marahil ay kampante, mapagmalaki, at puno ng paghanga sa sarili—masusuklam ka na sa sarili mo, at lubos na magsisisi. Sa sandaling manalangin ka sa Diyos at magtapat, magsisimula kang mamuhi sa sarili mo at nanaisin mong magsisi, at sa oras na ito, kusang maitutuwid ang iyong maling kalagayan. Kapag tunay na nananalangin ang mga tao, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain Niya, nagbibigay ng isang partikular na pakiramdam, o kaliwanagan, na nagbibigay-daan sa kanila na makalabas mula sa isang di-normal na kalagayan. Ang pananalangin ay hindi lamang para maghanap nang kaunti, para sumunod sa ilang pormalidad, at pagkatapos ay iyon na iyon. Hindi ito pagbigkas ng ilang salita ng panalangin kapag kailangan mo ang Diyos, at pagkatapos ay hindi ka mananalangin kapag hindi mo Siya kailangan. Kung matagal kang hindi nananalangin, kahit na mukhang normal ang kalagayan mo sa panlabas, aasa ka sa sarili mong kagustuhan sa pagganap ng iyong tungkulin, ginagawa ang anumang nais mo, at sa ganitong paraan, hindi mo magagawang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Kung matagal kang hindi nananalangin sa Diyos, hinding-hindi ka mabibigyang-liwanag o mabibigyang-tanglaw ng Banal na Espiritu. Kahit na gawin mo ang tungkulin mo, sinusunod mo lamang ang mga tuntunin, at ang pagganap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi magbubunga ng mga patotoo sa Diyos.
Sinabi Ko na noon na maraming tao ang nag-aasikaso ng personal nilang mga isyu at nagsasagawa ng kanilang sariling mga gawain habang gumagampan sa kanilang mga tungkulin, at ganito pa rin hanggang ngayon ang mga tao. Pagkaraan ng ilang panahong paggawa, humihinto sila sa pananalangin, at wala na ang Diyos sa puso nila. Iniisip nila, “Gagawa lang ako batay sa mga pagsasaayos ng gawain. Ano’t anuman, hindi naman ako nakagawa ng anumang mga pagkakamali, at hindi ako nagdulot ng anumang paggambala o panggugulo….” Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang hindi nananalangin, at kung hindi ka nagpapasalamat sa Diyos kapag maayos na nagagawa ang mga bagay-bagay, may problema sa kalagayan mo. Kung alam mong mali ang kalagayan mo, pero hindi mo ito magawang ayusing mag-isa, palagi kang aasa sa sarili mong kagustuhan sa mga ikinikilos mo, at kahit kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi mo ito maisasagawa. Patuloy mong iniisip na tama ang paraan ng pag-iisip mo at palagi kang kumakapit dito, ginagawa mo ang gusto mo, binabalewala mo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, isinusubsob mo ang sarili sa iyong mga pagsisikap, at bilang resulta, tinatalikuran ka ng Banal na Espiritu. Kapag tinatalikuran ka ng Banal na Espiritu, malulumbay ka at manghihina. Hindi ka man lang makakaramdam ng anumang pagtustos o kasiyahan. Maraming tao ang hindi tunay na nananalangin kahit isang beses sa kalahating taon. Ang ganitong uri ng tao ay wala nang Diyos sa puso nila. Ang ilang tao ay hindi karaniwang nananalangin, at nananalangin lamang sila kapag nanganganib sila o dumaranas ng paghihirap. Bagamat ginagampanan pa rin nila ang kanilang tungkulin, nanghihina sila sa espirituwal, kaya’t hindi maiiwasang nagkakaroon sila ng mga negatibong kaisipan. Minsan naiisip nila, “Kailan ko ba matatapos sa wakas ang mga tungkulin ko?” Kahit ang mga ganitong kaisipan ay maaaring lumitaw, at lahat ng ito ay dahil matagal na silang hindi nananalangin, at napalayo na sila sa Diyos. Kung nagdudulot ito ng isang pusong masama at kawalang-pananalig, lubhang mapanganib ito. Ang panalangin ay mahalaga! Ang buhay na walang panalangin ay kasingtuyo ng alikabok, at hindi nito makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay hindi namumuhay sa harap ng Diyos, at sila ay nasadlak na sa kadiliman. Samakatuwid, kailangan mong madalas na manalangin at makipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, para matamasa mo ang gawain ng Banal na Espiritu at purihin ang Diyos mula sa iyong puso. Sa ganitong paraan lamang mapupuno ng kapayapaan at kagalakan ang iyong buhay. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa lalo sa mga nag-aalay ng panalangin at papuri sa lahat ng bagay. Ang kapangyarihang ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao ay walang hanggan, at hinding-hindi ito mauubos ng mga tao. Maaaring nagsasalita at nangangaral ang mga tao nang walang katapusan, at maaaring nakauunawa sila ng maraming doktrina, pero kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong silbi at walang halaga. Maraming pagkakataon kung saan maaaring ginugugol ng mga tao ang kalahating araw nila sa pananalangin, pero nakakapagsabi lang ng ilang salita habang ginagawa ito, tulad ng, “Diyos ko, pinasasalamatan Kita at pinupuri Kita!” Pagkaraan ng ilang panahon, maaaring sasabihin na naman nila ang parehong pangungusap. Wala na silang maisip pang sasabihin sa Diyos, wala silang malalalim na kaisipang masasabi sa Kanya. Lubha itong mapanganib! Kung ang mga taong nananalig sa Diyos ay hindi man lang makapagbigkas ng mga salita para purihin, pasalamatan, at luwalhatiin Siya, masasabi pa bang may lugar para sa Kanya sa puso nila? Maaaring sinasabi mo na nananalig ka sa Diyos at nakikilala Siya sa puso mo, pero hindi ka lumalapit sa Kanya, hindi mo masabi sa Kanya kung ano ang nasa puso mo kapag nananalangin ka, at masyadong malayo ang puso mo sa Diyos, kaya naman hindi gagawin ng Banal na Espiritu ang gawain Niya. Kapag gumigising kayo tuwing umaga, dapat ninyong taimtim na buksan ang inyong puso sa panalangin, basahin ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay pagnilayan ang mga ito hanggang sa makakita kayo ng liwanag at magkaroon ng landas ng pagsasagawa. Gawin ito, at lalong magiging maganda at kasiya-siya ang araw mo, at mararamdaman mong lagi mong kasama ang Banal na Espiritu, pinoprotektahan ka.
Napansin Ko na maraming tao ang may parehong problema. Kapag mayroon silang mga isyu, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin, pero kapag walang bumabagabag sa kanila, binabalewala nila ang Diyos. Kumakapit sila sa mga kasiyahan ng laman gaya ng gusto nila, pero hindi kailanman namumulat. Ito ba ay pananalig sa Diyos? Ito ba ay pagkakaroon ng tunay na pananalig? Ang kawalan ng tunay na pananalig ay kawalan ng landas na tatahakin. Kung walang tunay na pananalig, hindi malalaman ng isang tao kung anong mga kilos ng pananampalataya sa Diyos ang naaayon sa kalooban ng Diyos o kung sa aling mga kilos maaaring makapagkamit ng katotohanan o lumago sa buhay ang isang tao. Kung walang pananalig, ang isang tao ay bulag, nagtataglay ng pagnanais na maghangad pero walang direksiyon at mga layon. Kaya paano nabubuo ang pananalig? Nabubuo ang pananalig sa pamamagitan ng panalangin at pagbabahagi sa Diyos, at mas lalo na sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagkakaroon ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag mas nauunawaan mo ang katotohanan, mas magkakaroon ka ng pananalig. Yaong mga walang pagkaunawa sa katotohanan ay wala talagang pananalig, at kahit na makihalubilo sila sa iglesia, sila ay mga walang pananampalataya. Hindi makakaya ng mga taong nananalig sa Diyos na hindi manalangin at magbasa ng mga salita ng Diyos. Kung patuloy lang silang dumadalo sa mga pagpupulong, pero bihirang manalangin nang taimtim, masusumpungan nila ang kanilang sarili na palayo nang palayo sa Diyos. Lahat kayo ay bihirang manalangin nang taos-puso, at ang ilang tao ay hindi pa rin alam kung paano manalangin. Ang totoo, ang panalangin ay pangunahing pagsasalita mula sa iyong puso. Ito ay pagbubukas ng iyong puso sa Diyos at simpleng pagtatapat sa harapan Niya. Kung tama ang klase ng puso ng isang tao, kaya niyang magsalita mula sa puso, at sa ganitong paraan, dinirinig at tinatanggap ng Diyos ang panalangin niya. May mga taong marunong lamang magmakaawa kapag nananalangin sila sa Diyos. Patuloy silang nagsusumamo sa Diyos para sa biyaya, walang ibang sinasabi, at kaya habang mas nananalangin sila, mas nanghihina sila. Kapag nananalangin ka, hinahangad mo man ang isang bagay, hinahanap ang isang bagay mula sa Diyos, hinihiling sa Diyos na pagkalooban ka ng karunungan at lakas sa isang bagay na inaasikaso mo na hindi mo malinaw na nakikita, o humihingi ka sa Diyos ng kaliwanagan, dapat kang magtaglay ng pag-unawa sa normal na pagkatao. Kung walang pag-unawa, luluhod ka at sasabihing, “Diyos ko, nakikiusap ako na bigyan Mo ako ng pananalig at lakas, nawa’y bigyang-liwanag Mo po ako at tulutan akong makita ang aking kalikasan, nagmamakaawa po ako na gumawa Ka at bigyan ako ng biyaya at mga pagpapala.” Mayroong sapilitang tono sa “pagmamakaawa” na ito. Paraan ito para gipitin ang Diyos, para sabihin sa Kanya na dapat gawin ang bagay na ito, na parang pauna na itong naitakda. Hindi ito sinserong panalangin. Sa Banal na Espiritu, kapag naitakda mo na ang mga tuntunin at napagpasyahan mo na kung ano ang gagawin mo, hindi ba’t gumagawa ka lang nang wala sa loob? Hindi ba ito panloloko sa Diyos? Dapat manalangin ang sinuman nang may naghahanap, at mapagpakumbabang puso. Kapag may bagay na dumarating sa iyo, halimbawa, at hindi ka sigurado kung paano ito harapin, maaaring masabi mo na, “O Diyos, Hindi ko alam kung ano ang gagawin tungkol dito. Nais kong mabigyan Ka ng kaluguran sa bagay na ito at hanapin ang Iyong kalooban. Nais kong gawin ang Iyong kalooban, hindi ang kalooban ko. Nalalaman Mo na ang kalooban ng tao ay ganap na salungat sa Iyong mga layunin, at ganap na lumalaban sa Iyo, at hindi naaayon sa katotohanan. Nawa ay bigyan Mo ako ng kaliwanagan, bigyan Mo ako ng paggabay sa bagay na ito, at tulutan akong hindi magkasala sa Iyo….” Iyan ang angkop na tono para sa isang panalangin. Kung sinasabi mo na, “O Diyos, hinihiling ko na tulungan Mo ako, gabayan Mo ako, maghanda Ka ng tamang kapaligiran at mga tamang tao, at hayaan Mo akong magawa nang mabuti ang aking gawain,” kung gayon, pagkatapos ng iyong panalangin, hindi mo pa rin mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, dahil hinihiling mo sa Diyos na kumilos ayon sa iyong kalooban. Ngayon, dapat mong tiyakin kung ang mga salitang ginagamit mo sa panalangin ay makatwiran, at kung ang mga ito ay nagmumula sa puso. Kung hindi makatwiran ang iyong mga panalangin, hindi gagawa ang Banal na Espiritu sa iyo. Samakatuwid, kapag nananalangin ka, dapat kang magsalita nang rasonable, at nang may naaangkop na tono. Sabihin mo, “O Diyos! Nababatid Mo ang aking mga kahinaan at aking pagiging mapaghimagsik. Hinihiling ko lamang na bigyan Mo ako ng lakas at tulungan Mo akong makayanan ang aking kinalalagyan, subalit nang ayon lamang sa Iyong kalooban. Hindi ko alam kung ano ang Iyong kalooban, at ito ay kahilingan ko lang. Gayunpaman, nawa ay matupad ang Iyong kalooban. Kahit pa papaglingkurin ako, o maging isang hambingan, maluwag sa loob ko itong gagawin. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng lakas at karunungan, at tulutan akong mabigyan ka ng kaluguran sa bagay na ito. Nais ko lamang na magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos….” Pagkatapos ng gayong panalangin, lubos na mapapanatag ang iyong puso. Kung ang ginagawa mo lamang ay magmakaawa, gaano man karami ang sabihin mo, lahat ng ito ay magiging mga salitang walang-laman; Hindi gagawa ang Diyos bilang pagtugon sa iyong pagsamo, dahil nakapagpasya ka na kung ano ang gusto mo sa una pa lang. Kapag lumuluhod ka sa panalangin, sabihin mo, “O Diyos, nababatid Mo ang kahinaan ng tao, at nababatid Mo ang mga kalagayan ng tao. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan sa bagay na ito. Hayaan Mo akong maunawaan ang Iyong kalooban. Nais ko lamang na magpasakop sa lahat ng Iyong isinasaayos, at handa ang puso kong sundin Ka….” Manalangin nang gayon, at aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung mali ang layunin mo kapag nananalangin ka, at palagi kang humihingi sa Diyos batay sa sarili mong kagustuhan, magiging mahina at walang kabuluhan ang mga panalangin mo, at hindi ka aantigin ng Banal na Espiritu. Kung basta ka lang pumipikit at naglilitanya ng ilang napakakaraniwang kasabihan para magsabi lang ng kung ano-ano sa Diyos, aantigin ka ba ng Banal na Espiritu kung ganoon ka? Kapag humaharap ang mga tao sa Diyos, dapat silang kumilos nang masunurin at magtaglay ng maka-Diyos na saloobin. Humaharap ka sa nag-iisang tunay na Diyos, nakikipag-usap sa Lumikha. Hindi ba’t dapat kang maging maka-Diyos? Hindi simpleng bagay ang manalangin. Kapag humaharap ang mga tao sa Diyos, lumalabas ang kalupitan nila, hinding-hindi sila maka-Diyos; at kapag nananalangin sila, nakahilata sila sa kanilang tahanan, nagbibigkas ng ilang simple, mabababaw na salita, at iniisip nila na nananalangin sila at na naririnig sila sa Diyos—hindi ba ito panlilinlang sa sarili? Ang layon Ko sa pagsasabi nito ay hindi ang hingin sa mga tao na sumunod sa ilang partikular na alituntunin. Gayunpaman, ang pinakasimpleng magagawa ng isang tao ay ang magkaroon ng mapagpasakop-sa-Diyos na puso at ang lumapit sa Diyos nang may maka-Diyos na saloobin. Napakadalas na wala sa katwiran ang inyong mga panalangin. Lagi kayong nananalangin sa ganitong tono, “Diyos ko! Yamang ibinigay Mo sa akin ang tungkuling ito upang gampanan ko, gawin Mong angkop ang lahat ng ginagawa ko, para hindi magambala ang Iyong gawain at hindi mapinsala ang mga interes ng pamilya ng Diyos. Kailangan Mo akong protektahan….” Ang gayong panalangin ay walang-wala sa katwiran, hindi ba? Gagawa ba ang Diyos sa iyo kung lumalapit ka sa Kanya at nananalangin sa ganoong paraan? Makikinig ba Ako kung lumapit ka sa harapan Ko at nagsalita nang wala sa katwiran? Kung masusuklam Ako sa iyo, direkta kitang palalayasin! Iba ka ba kapag kaharap mo ang Espiritu kung ikukumpara kapag nasa harapan ka ni Cristo? Kapag lumalapit ka sa Diyos upang manalangin, dapat mong isaalang-alang kung paano ka makakapagsalita nang may katwiran, at kung paano mo maiaayos ang iyong panloob na kalagayan upang makamit mo ang kabanalan at magawa mong magpasakop. Kapag nagawa mo na ito, magiging maganda ang manalanging muli at mararamdaman mo ang presensya ng Diyos. Sa maraming pagkakataon, lumuluhod ang mga tao sa panalangin; ipinipikit nila ang kanilang mga mata, at ang nagagawa lang nila ay ang humiyaw, “O Diyos! O Diyos!” Bakit sila sumisigaw nang walang sinasabing salita, sa ganitong paraan sa loob ng matagal na panahon? Ito ay dahil sa maling mentalidad at di-normal na kalagayan ng mga tao. Kapag hindi naaabot ng isang tao sa kanyang puso ang Diyos, walang salita ang kanyang mga panalangin. Ginagawa ba ninyo ito kahit minsan? Alam na ninyo ngayon ang sarili ninyong kakayahan, ngunit kapag hindi normal ang inyong kalagayan, hindi kayo nagninilay-nilay sa inyong sarili o naghahanap ng katotohanan, at ayaw ninyong lumapit sa Diyos sa panalangin, o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Napakamapanganib nito. Normal man o hindi ang kalagayan ng isang tao, o kung ano mang mga problema ang lumilitaw, hindi siya dapat tumigil sa pananalangin. Kung hindi kayo nananalangin, kahit na normal ang kalagayan ninyo ngayon, pagkaraan ng mahabang panahon, magiging hindi normal ito. Ang pananalangin at pagbabasa ng salita ng Diyos ay dapat normal. Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos para hanapin ang katotohanan ay maaaring humantong sa tunay na panalangin, nakakamit ng panalangin ang kaliwanagan ng Diyos, at nakapagbibigay-daan ito sa isang tao na maunawaan ang salita ng Diyos. Sa pananalangin sa Diyos, ang pinakamahalaga ay itama muna ang inyong mentalidad. Ito ang prinsipyo ng panalangin. Kung mali ang inyong mentalidad, hindi kayo magiging maka-Diyos, wala sa loob kayong gagawa, at dadayain ninyo ang Diyos. Kung mayroon kayong takot sa Diyos at pagsunod sa Diyos sa inyong puso, at nananalangin kayo sa Diyos, saka lamang magiging mapayapa ang inyong puso. Kaya nga, kapag nananalangin kayo, dapat mayroon kayong tamang mentalidad, at magbubunga ang inyong mga panalangin. Kung madalas kayong magsasagawa nang ganito, sinasabi sa Diyos kung ano ang tunay na nasa puso ninyo kapag nananalangin kayo, at sinasabi kung ano ang pinakagustong sabihin ng inyong puso sa Diyos, kung gayon, nang hindi ninyo napapansin, magagawa ninyong manalangin sa Diyos, at makapagbabahagi kayo nang normal sa Diyos.
Hindi kinakailangan sa panalangin na kayo ay may pinag-aralan o madunong, at hindi ito paggawa ng isang sanaysay. Magsalita lamang nang taos sa puso, nang may katwiran ng isang normal na tao. Gawing halimbawa ang mga panalangin ni Jesus. Sa Halamanan ng Getsemani, idinalangin Niya, “Kung baga maaari….” Ibig sabihin, “Kung magagawa.” Sinabi ito bilang bahagi ng isang talakayan; hindi Niya sinabing, “Nagsusumamo Ako sa Iyo.” Taglay ang puso at kalagayang nagpapasakop, idinalangin Niya, “Kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa kalooban Ko, kundi ang ayon sa kalooban Mo.” Ganito pa rin ang panalangin Niya sa pangalawang pagkakataon, at sa pangatlong pagkakataon idinalangin Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nauunawaan ang mga layon ng Diyos Ama, sinabi Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nagawa Niyang lubos na magpasakop, nang walang anumang personal na pagpili. Sa panalangin, sinabi ni Jesus, “Kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito.” Ano ang ibig sabihin niyon? Nanalangin Siya sa ganitong paraan dahil naisip Niya ang malaking pagdurusa ng pagdurugo sa krus hanggang sa Kanyang huling hininga—patungkol ito sa kamatayan—at dahil hindi pa Niya lubos na naunawaan ang mga layon ng Diyos Ama. Ang manalangin nang gayon, sa kabila ng naisip na pagdurusa, ay nagpapakita ng pagkalalim ng Kanyang pagpapasakop. Ang Kanyang paraan ng panalangin ay normal. Hindi Siya nagmungkahi ng anumang mga kundisyon sa Kanyang panalangin, ni hindi Niya sinabing kailangang alisin ang saro. Sa halip, ang Kanyang layunin ay hanapin ang kalooban ng Diyos sa isang sitwasyong hindi Niya nauunawaan. Nang una Siyang manalangin, hindi Niya naunawaan, at sinabi Niya, “Kung maaari … kundi ang ayon sa kalooban Mo.” Nanalangin Siya sa Diyos nang nasa kalagayang nagpapasakop. Sa pangalawang pagkakataon, nanalangin Siya sa gayon ding paraan. Sa kabuuan, tatlong beses Siyang nanalangin, at sa Kanyang huling panalangin, lubos na Niyang naunawaan ang kalooban ng Diyos, pagkatapos niyon ay hindi na Siya nagsumamo pa. Sa Kanyang unang dalawang panalangin, naghahanap lamang Siya, at ginawa Niya ito sa kalagayang nagpapasakop. Gayunman, hindi talaga gayon manalangin ang mga tao. Sa kanilang mga panalangin, palaging sinasabi ng mga tao, “Diyos ko, hinihiling ko na gawin Mo ito at iyon, at hinihiling ko na gabayan Mo ako sa ganito at ganoon, at hinihiling ko na ihanda Mo ang mga kondisyon para sa akin….” Marahil ay hindi maghahanda ang Diyos ng angkop na mga kondisyon para sa iyo. Marahil ay papagdusahin ka ng Diyos bilang paraan ng pagtuturo sa iyo ng aral. Kung palagi kang nananalangin nang ganito—“Diyos ko, hinihiling ko na gumawa Ka ng mga paghahanda para sa akin at bigyan Mo ako ng lakas”—lubha itong hindi makatwiran! Kapag nananalangin ka sa Diyos, dapat kang maging makatwiran, at dapat kang manalangin sa Kanya nang may pusong masunurin. Huwag subukang tukuyin kung ano ang iyong gagawin. Kung susubukan mong tukuyin kung ano ang gagawin bago ka manalangin, hindi ito pagsunod sa Diyos. Sa panalangin, dapat na masunurin ang iyong puso, at kailangan mo munang maghanap sa Diyos. Sa ganitong paraan, natural na sisigla ang iyong puso kapag nananalangin, at malalaman mo kung ano ang nararapat gawin. Mula sa iyong plano bago ang panalangin hanggang sa pagbabagong nangyayari sa iyong puso pagkatapos ng panalangin ay resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung nakagawa ka na ng sarili mong desisyon at napagpasyahan kung ano ang gagawin, at pagkatapos ay nanalangin ka para humingi sa Diyos ng pahintulot o hilingin sa Diyos na gawin kung ano ang iyong gusto, hindi makatwiran ang ganitong uri ng panalangin. Maraming beses na hindi tumpak na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao dahil nakapagdesisyon na sila kung ano ang gagawin, at humihingi na lamang ng pahintulot sa Diyos. Sinasabi ng Diyos, “Yamang nakapagpasya ka na kung ano ang gagawin, bakit hihingi ka pa sa Akin?” Ang ganitong uri ng panalangin ay parang pandaraya sa Diyos, at kaya, nagiging walang kabuluhan ang kanilang mga panalangin.
Kahit na nakikipag-usap sa Diyos ang mga tao kapag lumuluhod sila para manalangin, dapat malinaw mong makita na: Ang panalangin ay isang paraan para makagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao. Ang Banal na Espiritu ay laging nagbibigay-liwanag, nagtatanglaw, at umaakay sa mga tao habang nananalangin ang mga ito. Kung nananalangin at naghahangad ang mga tao habang nasa tamang kalagayan sila, kasabay nito na gagawa ang Banal na Espiritu. Isa itong di-nasaad na kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao; maaari mo ring sabihin na tinutulungan ng Diyos ang mga tao na pangasiwaan ang mga bagay-bagay. Ang panalangin ay isang paraan para sa mga tao na makaharap ang Diyos at makipagtulungan sa Kanya. Isa rin itong paraan para sa Diyos na mailigtas at madalisay ang mga tao. Bukod dito, isa itong landas sa pagpasok sa buhay; hindi ito isang ritwal. Ang panalangin ay hindi lamang isang paraan para hikayatin ang mga tao, at hindi rin ito isang pormula ng pagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Mali ang gayong mga kaisipan. Ang panalangin ay lubhang makabuluhan! Kung nananalig ka sa Diyos, hindi ka maaaring lumayo sa panalangin o sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng panalangin, gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao, binibigyang-liwanag sila, at inaakay sila. Kung hindi mananalangin ang mga tao sa Diyos, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung madalas kang nagdarasal, nagsasagawa ng madalas na panalangin, at madalas na nananalangin nang may mapagpasakop-sa-Diyos na puso, kung gayon ay normal ang kalagayan mo sa loob. Kung, kapag nananalangin ka ay kadalasang ilang pangungusap lamang ito ng doktrina, at hindi mo binubuksan ang puso mo sa Diyos o hinahanap ang katotohanan, ni hindi mo pinagninilayan ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung gayon ay hindi ka tunay na nananalangin. Yaong mga taong madalas na nagninilay-nilay sa katotohanan, na may pusong madalas na malapit sa Diyos, at na madalas na namumuhay sa mga salita ng Diyos ang tanging may tunay na panalangin, may mga salita sa puso nila na masasabi nila sa Diyos, at may kakayahan silang hanapin ang katotohanan mula sa Diyos. Upang matutunan kung paano magdasal, dapat madalas mong pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Kung nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, magkakaroon ka ng maraming masasabi sa kanya sa puso mo at maiintindihan mo kung aling mga salita ang makatwirang mga panalangin, at alin ang hindi; aling mga panalangin ang tunay na pagsamba at alin ang hindi; aling mga panalangin ang naghahangad na maunawaan ang kalooban ng Diyos, at aling mga panalangin ang napagpasyahan mo na at inihihingi mo lamang ng pahintulot sa Diyos. Kung hindi mo seseryosohin ang mga bagay na ito kahit kailan, hindi kailanman magtatagumpay ang mga panalangin mo, at palaging magiging di-normal ang kalagayan mo sa loob. Tungkol naman sa kung ano ang normal na katwiran, ang tunay na pagsunod, ang tunay na pagsamba, at ang posisyon na dapat gampanan ng isang tao kapag nananalangin—lahat ng aral na ito ay kinapapalooban ng mga katotohanan ng panalangin. Lahat ng ito ay mga detalyadong usapin. Dahil karamihan ng mga tao ay hindi Ako aktuwal na makikita, nalilimitahan sila sa pananalangin sa harap ng Espiritu. Sa sandaling nagsimula kang manalangin, kailangang masuri kung ang mga salitang sinasabi mo ay makatwiran, kung ang iyong mga salita ay tunay na may pagsamba, kung nakatutugon ang mga hinihingi mo sa pagsang-ayon ng Diyos, kung may transaksyonal na elemento ba sa iyong panalangin, o ito ba ay nababahiran ng mga karumihan ng tao, kung umaayon ba sa kalooban ng Diyos ang iyong mga panalangin at pananalita, kung ikaw ay may natatanging pagkatakot, paggalang, at pagkamasunurin sa Diyos, at kung tunay mong itinuturing ang Diyos bilang Diyos. Dapat maging seryoso ka sa sinasabi mo sa panalangin, damhin mo ang kalooban ng Diyos, at maging kaayon ka sa mga hinihingi Niya. Sa pamamagitan lamang ng pananalangin sa ganitong paraan mo malalaman ang kapayapaan at kagalakan sa iyong puso. Saka ka lamang magkakaroon ng normal na katwiran kapag humarap ka kay Cristo. Kung hindi ka nananalangin o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa harap ng Espiritu, kung gayon kapag humarap ka kay Cristo, malamang na makabubuo ka ng mga kuru-kuro, maghihimagsik at lalaban sa Kanya, o makikipag-usap ka nang di-makatwiran, magsasalita nang hindi matapat, o palaging magdudulot ng pagkagambala sa pamamagitan ng iyong pananalita at mga kilos, at pagkatapos ay palagi mong madarama na nakakadismaya ka. Bakit palagi mong madarama na nakakadismaya ka? Dahil sa pangkaraniwan ay wala ka ni katiting na kaalaman sa mga katotohanan ng kung paano sasambahin o itatrato ang Diyos, at kaya, kapag may nakakaharap kang isang isyu, nalilito ka, hindi mo alam kung paano magsasagawa, at palagi kang nagkakamali. Paano ba dapat lumapit sa presensiya ng Diyos ang mga taong naniniwala sa Kanya? Siyempre, dapat na sa pamamagitan ng panalangin. Kung naitama mo na ang iyong saloobin kapag nananalangin ka at payapa ang puso mo, kung gayon ay nakalapit ka na sa Diyos. Pagkatapos manalangin, dapat kang magnilay kung makatwiran ba ang mga salitang binigkas sa panalangin, kung itinalaga ka ba sa isang angkop na posisyon, kung nagtataglay ka ba ng mapagpasakop-sa-Diyos na puso, at kung nagtataglay ka ba ng karumihan ng tao o kawalan ng katapatan. Kapag nakakita ka ng ilang problema, dapat kang magpatuloy sa pananalangin sa Diyos, at dapat mong aminin ang iyong mga karumihan at mga kapintasan sa harap ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagsasabi sa Diyos kung ano ang nasa puso mo sa ganitong paraan, magiging mas normal ang kalagayan mo, magiging mas matapat at makatwiran ka, at mababawasan nang mababawasan ang iyong mga maling kalagayan. Pagkatapos mong magsagawa nang ganito sa loob ng ilang panahon, patuloy na bubuti ang mga panalangin mo, at sa maraming pagkakataon ay diringgin at tatanggapin ng Diyos ang mga ito. Yaong kayang madalas na manalangin sa Diyos sa ganitong paraan ay yaong mga nakapamuhay na sa harap ng Diyos. Kung hindi mo seseryosohin ang panalangin o hindi babaguhin ang iyong mga maling paraan sa panalangin, hindi ka matututo kung paano manalangin. Ang magiging resulta kapag hindi mo alam kung paano manalangin, ay mahihirapan kang mamuhay sa harap ng Diyos. Ang ganitong uri ng tao ay hindi magkakaroon ng anumang pagpasok sa buhay at magiging labas sila sa salita ng Diyos. Kung hindi ka marunong manalangin o magsalita sa harap ng Diyos, kung hindi ka seryoso kapag nagsasalita ka, sinasabi ang kahit anong gusto mo, at hindi mo nararamdamang may problema kapag mga maling bagay ang nasasabi mo, at kung palagi kang pabaya at magulo ang isip, kung gayon ay bilang resulta, kapag pumunta ka sa presensiya ni Cristo, matatakot kang may masabi o magawang mali. Habang mas natatakot kang magkamali, lalong dadami ang mga pagkakamali mo, at hinding-hindi ka makakabawi sa mga ito. At dahil hindi naman maaaring palaging nakikipag-ugnayan ang mga tao kay Cristo o naririnig si Cristo na kausapin sila nang harapan, dahil hindi Ko kayo maaaring makapiling nang madalas, ang magagawa lamang ninyo ay ang hanapin ang katotohanan at sabihin ang nasa puso ninyo sa harap ng Espiritu sa madalas na panalangin, at sapat na kung makapagkamit kayo ng pusong mapagpasakop, na may takot sa Diyos. Kahit na kausapin Ko kayo nang harapan, depende pa rin sa inyo kung tatanggapin at hahangarin ninyo ang katotohanan at tatahakin ang landas ng pagsunod sa Diyos. Mula ngayon, dapat ninyong mas pagtuunan ng atensiyon ang sinasabi ninyo kapag kayo ay nananalangin. Huwag kayong magmadali sa pananalangin, pagninilay-nilay, at pagdama. Pagkatapos, sa sandaling bigyan kayo ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, makakausad kayo. Ang mararamdaman mo kapag binibigyan ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay sadyang banayad. Matapos magkaroon ng ilan sa banayad na pakiramdam at banayad na kaalaman na ito, kung may ginagawa kang partikular na mga bagay, o kung makakaugnayan mo si Cristo para pangasiwaan ang ilang bagay, magagawa mo nang makilala kung aling mga salita ang sinalita nang may mabuting katuturan at kung alin ang wala, kung aling mga bagay ang ginawa nang may mabuting katuturan at kung alin ang wala. Kung magkagayon, nakamit mo na ang mga layunin ng panalangin.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.