Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1 (Ikalawang Bahagi)

Ano pang mga kuru-kuro ang nasa loob ng puso ninyo na maaaring makaimpluwensiya sa paggampan sa inyong mga tungkulin? Anong mga kuru-kuro ang madalas na nag-iimpluwensiya at namumuno sa inyo sa inyong buhay? Kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi mo gusto, kusang lumilitaw ang iyong mga kuru-kuro, at pagkatapos ay nagrereklamo ka sa Diyos, nakikipagtalo at nakikipagkumpitensiya ka sa Diyos, at nakapagdudulot ang mga ito ng mabilisang pagbabago sa iyong ugnayan sa Diyos: Nagsisimula ka sa kung ano ka sa simula, pakiramdam mo ay mahal na mahal mo ang Diyos at na masyado kang tapat sa Kanya, at gusto mong ilaan ang buong buhay mo para sa Kanya, hanggang sa biglang magbago ang puso mo, ayaw mo nang gampanan ang iyong tungkulin o maging tapat sa Diyos, at pinagsisisihan mo na ang iyong pagsampalataya sa Diyos, pinagsisisihan mo ang pagpili sa landas na ito, at nagrereklamo ka pa nga tungkol sa pagkakahirang sa iyo ng Diyos. Ano pang mga kuru-kuro ang biglaang nakapagpapabago sa iyong ugnayan sa Diyos? (Kapag nagsasaayos ng sitwasyon ang Diyos para subukin at ibunyag ako, at pakiramdam ko ay hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan, nakakabuo ako ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pakiramdam ko ay sumasampalataya ako sa Diyos at sumusunod ako sa Kanya, at na palagi kong nagagawa ang aking tungkulin, kaya hangga’t hindi ko tinatalikuran ang Diyos, hindi Niya ako dapat pabayaan.) Isang uri ng kuru-kuro iyan. Madalas ba kayong nagkakaroon ng gayong mga kuru-kuro? Ano ba ang pagkaunawa ninyo kapag sinabing pinabayaan ng Diyos? Iniisip ba ninyo na kung iiwan kayo ng Diyos, ibig sabihin niyon ay ayaw na sa inyo ng Diyos at hindi na Niya kayo ililigtas? Isang uri na naman ito ng kuru-kuro. Kaya, paano ba nagkakaroon ng gayong kuru-kuro? Galing ba ito sa iyong imahinasyon, o may batayan ba ito? Paano mo nasasabing hindi ka bibigyan ng Diyos ng magandang kalalabasan? Sinabi ba sa iyo ng Diyos nang personal? Ikaw lang ang nag-isip ng mga gayong kaisipan. Ngayong alam mo na na isa itong kuru-kuro; ang mahalagang katanungan ay kung paano ito lutasin. Ang totoo, maraming kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos. Kung mapagtatanto mong mayroon kang kuru-kuro, dapat alam mo na mali ito. Kaya, paano ba dapat lutasin ang mga kuru-kurong ito? Una, kailangan mong makita nang malinaw kung buhat ba sa kaalaman o sa mga satanikong pilosopiya ang mga kuru-kurong ito, kung saan may pagkakamali, kung saan may pinsala at, sa sandaling makita mo ito nang malinaw, kusa mong mabibitiwan ang kuru-kuro. Gayumpaman, hindi ito katulad ng kung lubusan mo itong lulutasin; dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan, makita kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at pagkatapos ay suriin ang kuru-kuro nang ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag malinaw mo nang nakikilala na mali ang naturang kuru-kuro, na isa itong kahangalan, at na ganap itong hindi nakaayon sa katotohanan, ibig sabihin niyon ay talagang nalutas mo na ang kuru-kuro. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, kung hindi mo ikukumpara ang kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, hindi mo makikita nang malinaw kung paanong naging mali ang kuru-kuro, at kaya hindi mo lubusang mabibitiwan ang kuru-kuro; kahit pa alam mong isa itong kuru-kuro, hindi mo pa rin ito ganap na mabibitiwan. Sa gayong mga sitwasyon, kung sumasalungat ang iyong mga kuru-kuro sa mga hinihingi ng Diyos, at kahit pa mapagtanto mong mali ang mga kuru-kuro mo, pero kumakapit pa rin ang puso mo sa iyong mga kuru-kuro, at nakatitiyak ka na salungat sa katotohanan ang mga kuru-kuro mo, pero sa puso mo ay naniniwala ka pa ring mapaninindigan ang iyong mga kuru-kuro, kung gayon, hindi ka magiging isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at ang mga tao na kagaya mo ay walang buhay pagpasok at masyadong kulang sa tayog. Halimbawa, sadyang sensitibo ang mga tao patungkol sa sarili nilang kalalabasan at hantungan, at sa mga pagbabago sa kanilang tungkulin at kapag pinapalitan sila sa kanilang tungkulin. Malimit na nagkakaroon ng maling konklusyon ang ilang tao tungkol sa gayong mga bagay, iniisip na sa sandaling mapalitan sila sa kanilang tungkulin at wala na silang katayuan, o kapag sinasabi ng Diyos na ayaw na Niya sa kanila, kung gayon ay katapusan na nila. Ito ang nagiging konklusyon nila. Naniniwala silang, “Wala nang kabuluhang sumampalataya sa Diyos, ayaw sa akin ng Diyos, at nakatakda na ang aking kalalabasan, kaya ano pa ang saysay na mabuhay?” Pagkarinig ng iba sa gayong mga kaisipan, iniisip nilang makatwiran at marangal ang mga ito—pero anong uri ba talaga ito ng pag-iisip? Ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, at pagsuko sa kawalan ng pag-asa. Bakit sila nawawalan ng pag-asa? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi nila malinaw na nakikita kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, at wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Alam ba ng Diyos kapag sumusuko ang mga tao sa kawalan ng pag-asa? (Oo.) Alam ng Diyos, kaya naman paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Nagkakaroon ang mga tao ng isang uri ng kuru-kuro at sinasabing, “Nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para sa tao, marami na Siyang ginawa sa bawat tao, at nagsikap Siya nang husto; hindi madali para sa Diyos na pumili at magligtas ng isang tao. Labis na masasaktan ang Diyos kung susuko ang isang tao sa kawalan ng pag-asa, at aasa Siya bawat araw na makakabangon ang taong iyon.” Ito ang mababaw na kahulugan, pero ang totoo, isa rin itong kuru-kuro ng tao. May partikular na saloobin ang Diyos sa gayong mga tao: Kung susuko ka sa kawalan ng pag-asa at hindi mo susubukang sumulong, hahayaan ka Niyang magpasya para sa sarili mo; hindi ka Niya pipiliting gawin ang anumang bagay na labag sa iyong kalooban. Kung sinasabi mong, “Nais ko pa ring gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na gawin ang lahat ng aking makakaya na magsagawa gaya ng hinihingi ng Diyos, at tuparin ang mga layunin ng Diyos. Gagamitin ko ang lahat ng kaloob at talento ko, at kung wala akong kakayahang gawin ang anumang bagay, matututo akong magpasakop at maging masunurin; hindi ko tatalikuran ang aking tungkulin,” sasabihin ng Diyos, “Kung handa kang mamuhay sa ganitong paraan, magpatuloy ka sa pagsunod, pero dapat mong gawin ang hinihingi ng Diyos; ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ay hindi nagbabago.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin ng mga ito ay ang mga tao lamang ang kayang sumuko sa kanilang sarili; hindi kailanman susukuan ng Diyos ang isang tao. Para sa sinumang nakakapagkamit ng kaligtasan at nakakakita sa Diyos sa huli, na nakabubuo ng normal na ugnayan sa Diyos, at kayang lumapit sa harap ng Diyos, hindi ito isang bagay na maaaring makamit matapos mabigo o mapungos sa isang pagkakataon lang, o matapos mahatulan at makastigo nang isang beses lang. Bago naperpekto si Pedro, dinalisay siya nang daan-daang beses. Sa mga natira matapos magtrabaho hanggang sa kahuli-hulihan, walang kahit isang makakarating sa dulo na nakaranas lamang ng walo o sampung beses na pagsubok at pagpipino. Kahit ilang beses pang masubok at mapino ang isang tao, hindi ba’t ito ang pagmamahal ng Diyos? (Oo.) Kapag namamasdan mo ang pagmamahal ng Diyos, mauunawaan mo na ang saloobin ng Diyos para sa tao.

Kapag binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos at nakikita nilang kinokondena ng Diyos ang mga tao sa Kanyang mga salita, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro at nagtatalo ang kalooban nila. Halimbawa, sinasabi ng mga salita ng Diyos na hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kaya hindi ka gusto o tanggap ng Diyos, na isa kang taong gumagawa ng masama, isang anticristo, na tingnan ka pa lang Niya ay sumasama na ang loob Niya at na ayaw Niya sa iyo. Nababasa ng mga tao ang mga salitang ito at naiisip, “Ako ang pinatatamaan ng mga salitang ito. Nagpasya na ang Diyos na ayaw Niya sa akin, at dahil pinabayaan na ako ng Diyos, hindi na rin ako mananampalataya sa Kanya.” May mga taong, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, madalas na nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa dahil inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao at sinasabi ang ilang bagay na nagkokondena sa mga tao. Nagiging negatibo at mahina sila, iniisip na sila ang pinatatamaan ng mga salita ng Diyos, na sinusukuan na sila ng Diyos at hindi na sila ililigtas. Nagiging negatibo sila hanggang sa puntong naiiyak sila at ayaw na nilang sumunod sa Diyos. Ang totoo, isa itong maling pagkaunawa sa Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, hindi mo dapat subukang ilarawan ang Diyos. Hindi mo alam kung anong uri ng tao ang pinababayaan ng Diyos, o sa kung anong mga sitwasyon Niya sinusukuan ang mga tao, o sa kung anong mga sitwasyon Niya isinasantabi ang mga tao; may mga prinsipyo at konteksto sa lahat ng ito. Kung hindi mo nauunawaan nang lubusan ang mga detalyadong bagay na ito, madali kang magiging napakasensitibo at lilimitahan mo ang iyong sarili batay sa isang salita ng Diyos. Hindi ba’t magdudulot iyon ng problema? Kapag hinahatulan ng Diyos ang mga tao, ano ang pangunahing katangian nila na kinokondena Niya? Ang hinahatulan at inilalantad ng Diyos ay ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao, kinokondena Niya ang kanilang mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan, kinokondena Niya ang iba’t ibang pagpapamalas at pag-uugali ng kanilang pagsuway at pagsalungat sa Diyos, kinokondena Niya sila dahil hindi nila magawang magpasakop sa Diyos, dahil palagi nilang sinasalungat ang Diyos, at dahil palagi silang may sariling mga motibasyon at mithiin—ngunit ang gayong pagkondena ay hindi nangangahulugan na pinababayaan na ng Diyos ang mga taong may mga satanikong disposisyon. Kung hindi ito malinaw sa iyo, kung gayon ay wala kang abilidad na makaunawa, kaya medyo katulad ka ng mga taong may sakit sa pag-iisip, palaging naghihinala sa lahat ng bagay at nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang tunay na pananalig, kaya paano sila susunod sa Diyos hanggang wakas? Kapag naririnig mo ang isang pahayag ng pagkondena mula sa Diyos, iniisip mo na, dahil kinondena na ng Diyos, pinabayaan na ng Diyos ang mga tao, at hindi na sila maliligtas, at dahil dito ay nagiging negatibo ka, at hinahayaan mong mawalan ka ng pag-asa. Maling pag-unawa ito sa Diyos. Sa katunayan, hindi pinabayaan ng Diyos ang mga tao. Nagkamali sila ng pag-unawa sa Diyos at pinabayaan nila ang kanilang sarili. Wala nang mas mapanganib pa kaysa sa kapag pinababayaan ng mga tao ang kanilang sarili, gaya ng ipinatupad sa mga salita ng Lumang Tipan: “Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pag-unawa” (Kawikaan 10:21). Wala nang mas hahangal pang pag-uugali kaysa kapag hinahayaan ng mga tao ang kanilang sarili na mawalan ng pag-asa. Kung minsan ay may nababasa kang mga salita ng Diyos na tila naglalarawan sa mga tao; sa katunayan, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman, kundi pagpapahayag ang mga iyon ng mga layunin at opinyon ng Diyos. Ang mga ito ay mga salita ng katotohanan at prinsipyo, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman. Ang mga salitang binigkas ng Diyos sa mga panahon ng galit o pagkapoot ay kumakatawan din sa disposisyon ng Diyos, ang mga salitang ito ay ang katotohanan, at bukod pa riyan, nabibilang ang mga ito sa prinsipyo. Dapat itong maunawaan ng mga tao. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi nito ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, at maunawaan ang mga prinsipyo; talagang hindi ito para limitahan ang sinuman. Wala itong kinalaman sa huling hantungan at gantimpala ng mga tao, lalong hindi ang mga ito ang huling kaparusahan ng mga tao. Ang mga ito ay mga salita lamang na sinalita para hatulan at pungusan ang mga tao, ang mga ito ay resulta ng pagkagalit sa mga taong hindi tumutugon sa Kanyang mga ekspektasyon, at sinasalita ang mga ito para gisingin ang mga tao, para pakilusin sila, at ang mga ito ay mga salitang nagmumula sa puso ng Diyos. Gayumpaman, ang ilang tao ay nadadapa at tinatalikuran ang Diyos dahil sa iisang pahayag ng paghatol mula sa Diyos. Hindi alam ng ganitong mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi sila tinatablan ng katwiran, hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. Nakakadama ng panghihina ang ilang tao sa sandaling panahon at pagkatapos ay muling lumalapit sa Diyos, iniisip na, “Hindi tama ito, dapat patuloy akong sumunod sa Diyos at dapat gawin ko kung ano ang hinihingi ng Diyos. Kung hindi ako susunod sa Diyos o gagampang mabuti sa aking tungkulin, mawawalan ng saysay ang buhay ko. Alang-alang sa pagsasabuhay ng isang makabuluhang buhay, dapat akong sumunod sa Diyos.” Paano ba nila susundin ang Diyos? Dapat nilang maranasan ang gawain ng Diyos. Ang pagsasabi lang na sumasampalataya ang isang tao sa Diyos at hindi naman nararanasan ang gawain ng Diyos ay hindi pagsunod sa Diyos. Ang dati-rating hindi tapat na paggampan sa tungkulin ng isang tao at ang pagtangging mapungusan nang kaunti—ito ba ang saloobing dapat mayroon ang isang tao kapag tinatanggap ang gawain ng Diyos? Ang tumangging mapungusan at ang palaging pagrereklamo kapag nagdurusa nang kaunti ang isang tao—anong uri ng disposisyon ito? Dapat magnilay-nilay sa sarili ang isang tao at alamin kung ano ang hinihingi ng Diyos, at dapat gawin ng isang tao kung ano ang hinihingi ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na hindi sapat ang kakayahan mo, hindi nga sapat ang kakayahan mo, at hindi mo dapat gamitin ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon para limitahan ang mga bagay-bagay o kontrahin ang Diyos; dapat kang magpasakop at aminin na hindi nga sapat ang kakayahan mo. Kung gayon, hindi ba’t mayroon ka nang landas sa pagsasagawa? Maiiwan pa ba ng isang tao ang Diyos kapag naisasagawa niya ang katotohanan at nakapagpapasakop sa Diyos? Hindi, hindi niya magagawa. May mga pagkakataon na naniniwala ka na sinukuan ka na ng Diyos—ngunit sa katunayan, hindi ka sinukuan ng Diyos, inilagay ka lang Niya sa isang tabi pansamantala upang makapagnilay-nilay ka sa iyong sarili. Maaaring maging kasuklam-suklam ka sa paningin ng Diyos, at ayaw Niyang makinig sa iyo, pero hindi ka Niya tunay na tinalikuran. May ilang nagsisikap na gumampan sa kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero dahil sa kanilang diwa at sa iba’t ibang bagay na namamalas sa kanila, nakikita ng Diyos na hindi nila minamahal ang katotohanan at hinding-hindi tinatanggap ang katotohanan, kaya naman talagang tinatalikuran sila ng Diyos; hindi sila tunay na mga hinirang, kundi pansamantalang nagbigay-serbisyo lamang. Samantalang may ilan naman na dinidisiplina, itinutuwid, at hinahatulan nang husto ng Diyos, at kinokondena at sinusumpa pa nga, ginagamitan ng iba’t ibang paraan ng pagtrato sa kanila na di-sang-ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang layunin ng Diyos, at iniisip nila na pinag-iinitan sila ng Diyos at nakakasakit Siya. Iniisip nilang walang karangalan sa pamumuhay sa harap ng Diyos, hindi na nila nais na saktan pa ang Diyos at nililisan ang iglesia. Iniisip pa nga nila na may katwiran ang pagkilos nang ganito, at sa ganitong paraan, tinatalikuran nila ang Diyos—ngunit sa katunayan, hindi sila pinabayaan ng Diyos. Ang mga nasabing tao ay walang kamalay-malay sa layunin ng Diyos. Sila ay sobra ang pagiging madamdamin, umaabot pa sa punto na sumusuko na sila sa pagliligtas ng Diyos. May konsensiya ba talaga sila? May mga panahong iniiwasan ng Diyos ang mga tao, at mga panahong inilalagay Niya sila sa isang tabi nang ilang panahon upang mapagnilayan nila ang kanilang mga sarili, ngunit hindi sila tinalikdan ng Diyos; binibigyan Niya sila ng pagkakataong magsisi. Ang tanging totoong tinatalikdan ng Diyos ay ang masasamang tao na gumagawa ng maraming masasamang gawain, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo. Sabi ng ilang tao, “Pakiramdam ko ay wala akong gawain ng Banal na Espiritu at matagal na akong walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Iniwan na ba ako ng Diyos?” Ito ay maling pakahulugan. May problema rin sa disposisyon dito: Masyadong emosyonal ang mga tao, palagi nilang sinusunod ang sarili nilang pangangatwiran, palaging sutil, at walang katwiran—hindi ba’t isa itong problema sa disposisyon? Sinasabi mong tinalikuran ka na ng Diyos, na hindi ka Niya ililigtas, kung gayon, naitakda na ba Niya ang iyong kalalabasan? May nasabi lang na ilang galit na salita ang Diyos sa iyo. Paano mo naman nasabing sinukuan ka na Niya, na ayaw na Niya sa iyo? May mga pagkakataong hindi mo maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit hindi ka pinagkaitan ng Diyos ng karapatang basahin ang Kanyang mga salita, ni hindi Niya itinakda ang katapusan mo, o pinutol ang landas mo tungo sa kaligtasan—kaya, ano ang ikinasasama ng loob mo? Nasa masama kang kalagayan, may problema sa iyong mga motibo, may mga isyu tungkol sa iyong kaisipan at pananaw, baluktot ang lagay ng iyong pag-iisip—at gayumpaman, hindi mo sinusubukang ayusin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, sa halip ay palagi mong binibigyan ng maling pakahulugan ang Diyos at nagrereklamo ka sa Kanya, at ipinapasa ang responsabilidad sa Diyos, at sinasabi mo pa ngang, “Ayaw sa akin ng Diyos, kaya hindi na ako nananampalataya sa Kanya.” Hindi ba’t ikaw ay nagiging hindi makatarungan? Hindi ba’t ikaw ay nagiging hindi makatwiran? Ang ganitong uri ng tao ay masyadong maramdamin, ni walang anumang katuturan, at hindi tinatablan ng kahit anong katwiran. Ang taong ito ang pinakamahirap tumanggap sa katotohanan at siyang mahihirapan nang husto sa pagkamit ng kaligtasan.

Tandaan ninyo ang mga salitang ito: Naperpekto si Pedro sa pamamagitan ng daan-daang beses na pagpipino. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo, ang mapino nang daan-daang beses ay ang mamuhay ng isang kahanga-hangang buhay ng labis-labis na paghihirap sa pagsunod sa Diyos, at sa bandang huli ay mapako sa krus nang patiwarik. Hindi ganito ang kaso; kuru-kuro lang ito ng tao. Bakit Ko sinasabing kuru-kuro lang ito ng tao? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang mga pagsubok ng Diyos at na ang bawat pagsubok ay isinasaayos at ginagawa ng kamay ng Diyos; hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ba itong “daan-daang beses,” o kung bakit pinino ng Diyos si Pedro nang daan-daang beses, o kung paano naabot ang “daan-daang beses” na ito, o kung ano ba ang ugat na dahilan—hindi alam ng mga tao ang mga bagay na ito, sa halip ay palagi silang umaasa sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon para maunawaan ang mga bagay-bagay, at bilang resulta, nagkakaroon sila ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Hindi nauunawaan ng mga tao ang ilang partikular na salita ng Diyos na hindi nila naranasan. Sa totoong buhay, kung ang ginagawa ng Diyos sa bawat tao ay ang pagpalain sila, gabayan sila, at mahinahong kausapin sila, kung gayon, para sa mga tao ay habambuhay na magiging mga walang kabuluhan na salita lamang ang mga pagsubok, at hindi na hihigit pa sa isang salita, isang depinisyon, isang konsepto. Gayumpaman, madalas na ginagampanan ng Diyos ang gawaing ito sa iyo: nagiging dahilan ngayon para ikaw ay magkasakit, nagiging dahilan ngayon para maharap ka sa isang di-kaaya-ayang bagay at masiraan ka ng loob at manghina, nagiging dahilan ngayon para maharap ka sa isang mahirap na sitwasyon na nahihirapan kang kayanin at hindi mo alam kung ano ang tamang gawin—ano ang mga bagay na ito para sa iyo? Pagdating sa lahat ng di-kaaya-ayang bagay na ito, sa lahat ng pagdurusa o suliranin o paghihirap na ito, maging sa mga tukso ni Satanas, kung palagi mong maituturing ang mga ito bilang mga pagsubok na ibinigay sa iyo ng Diyos, ang bawat isa bilang isang pagsubok mula sa daan-daang pagsubok, at kaya mong tanggapin ang mga ito at hanapin ang katotohanang nakapaloob sa mga ito, kung gayon, sasailalim sa pagbabago ang iyong kalagayan at bubuti ang ugnayan mo sa Diyos. Subalit kung nahaharap ka sa mga pagsubok at hindi mo tinatanggap ang mga ito, palagi mong pinagtataguan ang mga ito, nilalabanan ang mga ito, at kinokontra ang mga ito, kung gayon, ang “daan-daang pagsubok” na ito ay habambuhay na magiging mga walang kabuluhan na salita lamang sa iyo na hindi kailanman matutupad. Halimbawa, nagkikimkim ng masamang saloobin sa iyo ang isang tao at, dahil hindi mo alam ang dahilan nito, hindi ka masaya. Kung namumuhay ka nang mainitin ang ulo at ayon sa iyong laman, may maidadahilan ka para maging di-kaaya-aya sa kanya—ngipin sa ngipin, mata sa mata. Pero kung namumuhay ka sa harap ng Diyos at nais mong magawang perpekto at mailigtas ng Diyos, dapat mong ituring ang lahat ng kinakaharap mong ito bilang isang pagsubok mula sa Diyos at tanggapin ito; ang totoo, isa ito sa iba’t ibang mga paraan kung saan sinusubok ka ng Diyos. Sa pagbabahagi sa ganitong paraan, mas nakakaramdam na ba kayo ng kalayaan at kapanatagan sa inyong puso ngayon? Kung makapagsasagawa kayo alinsunod sa mga salitang ito, maihahambing ang inyong ugali at mga pananaw sa mga salitang ito, kung gayon ay makakatulong ito sa inyo nang malaki pagdating sa pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa pang-araw-araw ninyong buhay.

Ano ang mga pangunahing aspekto na kasama sa talakayan ngayon tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Ang isa ay ang aspekto ng panlabas na pag-uugali ng mga tao, paimbabaw na kumikilos gaya ng mga Pariseo, kumikilos nang pinong-pino at napakamagalang; ang isa pang aspekto ay ang tungkol sa pagkain, pananamit, matutuluyan, at paglalakbay; isa pa ay ang aspekto ng pagkaunawa ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, iniisip na sa pagsampalataya nila sa Diyos, dapat silang pagpalain at bigyan ng mga pakinabang. Ano ang naging karanasan ni Job sa aspektong ito? Nang sumapit ang mga pagsubok kay Job, nagawa niyang tiyakin na mula sa Diyos ang mga ito, na wala siyang anumang nagawang mali at na hindi ito parusa mula sa Diyos, bagkus ay pagsubok ito sa kanya ng Diyos at pagtukso ito sa kanya ni Satanas—ganito niya ito naunawaan. At paano naman ito naunawaan ng mga kaibigan ni Job? Naniwala silang sumapit ang sakunang ito kay Job dahil may nagawa siyang mali at nagkasala siya sa Diyos. Ang pag-iisip nila nang ganito ay nagpapakitang nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Bakit naiiba ang naging pagkaunawa ni Job kaysa sa ibang tao? Ito ay dahil malinaw na nakita ni Job kung ano ang nangyayari, kaya hindi siya nagkimkim ng anumang kuru-kuro tungkol dito. Habang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain kay Job, tumibay sa karanasan si Job at nakilala niya ang gawain ng Diyos, at wala nang mga ganitong kuru-kuro at ideya ng tao si Job. Kaya, nang gumawa ang Diyos kay Job, nagkamali ba siya ng pagkaunawa? (Hindi.) Hindi siya nagkamali ng pagkaunawa kaya naman hindi siya nagreklamo; hindi siya nagkamali ng pagkaunawa, kaya hindi siya nagrebelde; hindi siya nagkamali ng pagkaunawa, kaya nagawa niyang tunay na magpasakop. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Bakit ito tama? Kung nagsasabi ng “Amen” ang mga tao sa mga salita ng Diyos sa kanilang puso, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang realidad ng mga positibong bagay, bilang mga bagay na tama, bilang ang pamantayan, bilang kataas-taasan, at bilang mga prinsipyong dapat nilang isagawa, kung gayon ay magpapasakop sila at hindi sila magkakamali ng pagkaunawa. Palaging may isang pagpapahayag kapag nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa mga salitang binibigkas ng Diyos o sa mga gawa ng Diyos—anong pagpapahayag iyon? (Ayaw nilang tanggapin ang mga ito.) At ano ang nasa likod ng pagtanggi nilang ito na tanggapin ang mga salita at gawa ng Diyos? Ito ay dahil mayroon silang sariling mga ideya, at kumokontra at sumasalungat ang mga ideyang ito sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumubuo ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro ang mga tao patungkol sa Diyos, naniniwala na ang mga bagay na sinasabi ng Diyos ay hindi palaging tama. Minsan, kahit pa mukhang tinanggap ang mga ito ng mga tao, isang pagkukunwari lamang ito at hindi tunay na pagtanggap. Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, dapat ganap na mag-isip ang isang tao alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at sumang-ayon sa mga salita ng Diyos sa kanyang puso, at saka lamang siya magiging kaayon ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang mga bagay na ito sa iyong puso, at nagkakaroon ka ng maling pagkaunawa at kinokontra at nilalabanan mo pa nga ang mga ito, kung gayon, ipinapakita nito na may isang bagay sa loob mo. Kung masusuri mong mabuti ang bagay na ito na nasa loob mo at mahahanap ang katotohanan, kung gayon ay malulutas ang iyong mga kuru-kuro; kung mayroon kang baluktot na pagkaunawa, kung wala kang espirituwal na pagkaunawa, o wala kang kakayahang makaarok, sadyang wala kang kakayahang ihambing ang iyong mga kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, hindi mo kayang alamin at suriin ang mga ito, at hindi mo namamalayan kapag umuusbong ang mga kuru-kuro sa iyo, kung gayon, hindi na malulutas ang iyong mga kuru-kuro. Alam na alam ng ilang tao na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa kanilang puso, pero sinasabi pa rin nila na wala, natatakot sila na kung aamin sila ay mapapahiya at mamaliitin sila. Kung may magtatanong sa kanila ng, “Kung hindi ka nagkamali ng pagkaunawa sa Diyos, bakit hindi ka makapagpasakop sa Kanya?” at sasagot sila, “Hindi ko alam kung paano magsagawa.” Anong uri ng pagpapamalas ito? Kung wala kang espirituwal na pang-unawa, kung wala kang kakayahang kumilatis, at hindi ka marunong magnilay-nilay sa iyong sarili kapag mayroon kang problema, hindi mo magagawang lutasin ang iyong mga kuru-kuro o ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kapag may mga bagay na nangyayari na walang kaugnayan sa iyong mga kuru-kuro, pakiramdam mo ay kalmadong-kalmado ka, at hindi mababakas na mayroon kang anumang problema. Subalit sa sandaling may mangyari na may kinalaman sa iyong mga kuru-kuro, umuusbong ang iyong mga damdaming salungat sa Diyos. Paano naipapamalas ang pagsalungat na ito? Minsan, maaaring makaramdam ka ng hinanakit, at sa paglipas ng panahon at hindi nalutas ang pakiramdam na ito, lalong lalalim ang iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos at titindi ang iyong tiwaling disposisyon, at magsisimula ka nang ibulalas ang iyong mga kuru-kuro at husgahan ang Diyos. Sa sandaling husgahan mo ang Diyos, hindi na ito problema sa pag-iisip o pag-uugali, bagkus isa nang pagpapakita ng satanikong disposisyon. Kung nagpapakita ng kaunting pagsalungat o walang pagpapasakop ang isang tao sa kanyang pag-uugali dahil sa lubos na kamangmangan, hindi ito kinokondena ng Diyos; kung tuwirang sumasalungat sa Diyos ang isang tao mula sa disposisyon nito at sinasadyang sumasalungat sa Kanya, magsasanhi ito ng problema sa tao, at sinusuway nito ang Diyos. Kapag sinasadyang suwayin ng isang tao ang Diyos, isa itong pagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Kaya, kapag may mga kuru-kuro ang mga tao, dapat nilang lutasin ang mga ito; kapag nalutas na nila ang kanilang mga kuru-kuro, saka nila malulutas ang mga maling pagkaunawa sa pagitan nila at ng Diyos; at kapag nalutas na ang mga maling pagkaunawa sa pagitan nila at ng Diyos, saka lamang sila tunay na makapagpapasakop sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Wala akong mga kuru-kuro at nalutas na ang mga maling pagkaunawa sa pagitan namin ng Diyos. Wala na akong iniisip pa.” Sapat na ba ito? Ang layon sa paglutas sa mga kuru-kuro ay hindi para lutasin lang ang mga kuru-kuro, kundi ay para magsagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan, para makamit ang pagpapasakop sa Diyos at mapalugod ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Hangga’t wala akong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, sapat na iyon, magiging ayos ang lahat, at magiging ligtas ako.” Hindi ito tunay na pagsasagawa sa katotohanan o totoong pagpapasakop—hindi pa rin nalutas ang problema. Kung talagang nalutas ang problema, bukod sa hindi magkakaroon ng mga maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos, malalaman din nila kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga layunin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kanila. Bukod sa magagawa nilang suriing mabuti ang sarili nilang mga kuru-kuro, matutulungan rin nila ang mga taong may mga kuru-kuro na matutong hanapin ang katotohanan, na maisagawa ang katotohanan at matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi ba’t sila ay magiging ayon sa mga layunin ng Diyos kung gayon? Ang pinakalayon sa paglutas ng mga kuru-kuro ay ang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at makapasok sa katotohanang realidad—ito ang susi. Sinasabi mong hindi ka pa nagkaroon ng anumang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, kung gayon, nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kahit pa wala kang mga kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ka pa rin isang taong nagpapasakop sa Diyos. Ang hindi pagkakaroon ng mga maling pagkaunawa ay hindi nangangahulugang nauunawaan mo ang Diyos, lalong hindi ito nangangahulugang may kakayahan kang magpasakop sa Kanya. Walang anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos kapag maayos ang lahat ng bagay, pero hindi ito nangangahulugang wala silang kahit anong kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kapag may nangyayari sa kanila na may kaugnayan sa kanilang mga personal na interes, kusang lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at nagrereklamo pa nga. Kaya bang magpasakop sa Diyos ang mga tao kapag itinuturing nilang napakahalaga ang kanilang mga personal na interes? Bakit ba kapag may nangyayari na nakakaapekto sa mga personal na interes ng isang tao, lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa bilang resulta at naghihimagsik at sumusuway sila sa Diyos? Ganito talaga ang nangyayari sa mga taong may satanikong kalikasan at satanikong disposisyon. Kapag may nangyayari na nakakaapekto sa kanilang mga personal na interes, hindi na sila nakapagpapasakop sa Diyos, at hindi rin sila nakapagpapasakop sa Diyos kapag may nangyayaring salungat sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos ay lumilitaw kasabay ng kanilang sitwasyon. Kung hindi nila magawang hanapin at tanggapin ang katotohanan, hindi kailanman malulutas ang kanilang mga kuru-kuro at hindi kailanman babalik sa normal ang kanilang ugnayan sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro pero hindi naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito ay hindi maililigtas ng Diyos kahit gaano karaming taon na silang nananampalataya sa Kanya.

Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi lamang mga walang kabuluhang salita. Ipinapahayag Niya ang lahat ng katotohanang ito upang matugunan ang iba’t ibang bagay ng tiwaling sangkatauhan na salungat sa katotohanan—ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, pilosopiya, tradisyonal na kultura, atbp. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bagay na ito, ipinapaunawa Niya sa tao kung ano ang bumubuo sa mga positibong bagay, kung ano ang bumubuo sa mga negatibong bagay, kung aling mga bagay ang nagmumula sa Diyos, kung aling mga bagay ang nagmumula kay Satanas, kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas. Kung nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito nang naaayon sa kung ano talaga ang mga ito, likas nilang pipiliin na hangarin ang tamang landas sa buhay, at naisasagawa nila ang katotohanan, nagagawa nila ang hinihingi ng Diyos, at nakikilatis ang mga negatibong bagay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at ito rin ang pamantayan sa Kanyang pagperpekto at pagliligtas sa mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sinusuri ng Diyos ang mga kuru-kuro ng tao, ngunit wala akong mga kuru-kuro. Ang mga taong may mga kuru-kuro ay karaniwan na matatalinong matatandang lobo, o kung hindi man ay mga teologo at ang mga Pariseo. Hindi ako ganoon.” Ano nga ba ang problema kung nagagawa nilang sabihin ang gayong bagay? Hindi nila kilala ang kanilang sarili. Kahit gaano pa ibahagi ang katotohanan, hindi nila ito ipinatutupad sa kanilang sarili, iniisip na hindi sila ganoon. Kamangmangan ito, at wala silang espirituwal na pang-unawa. Magagawa ba ninyong mag-isip sa ganitong paraan? Hindi ganoon mag-isip ang karamihan sa mga tao ngayon. Kapag marami nang nakain at nainom na mga salita ng Diyos ang isang tao at kaya na niyang unawain ang ilang katotohanan, makikita na niya nang malinaw na ang lahat ng tao ay nagtataglay ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at na ang lahat ng tao ay nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon. Walang nakakahiya sa pagsusuri sa mga bagay na ito; dagdag pa rito, pagkatapos suriin ang mga ito, naniniwala silang makakatulong ito sa iba na magkaroon ng kakayahang makakilala, at sila mismo ay lalago, at mas madaling makakaunawa ng katotohanan. Dahil dito, nagagawa nilang lahat na bukas na suriin ang kanilang sarili. Ano ang layon ng pagsusuri ng mga kuru-kuro? Ito ay upang isantabi ang mga kuru-kurong ito, upang matugunan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at pagkatapos ay bigyang-kakayahan ang mga tao na magtuon sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, malaman kung paano makapasok sa landas ng kaligtasan, at malaman kung ano ang gagawin upang maisagawa ang katotohanan. Sa pamamagitan ng madalas na pagsasagawa sa ganitong paraan, nakakamit ang nilalayong epekto sa huli: Ang isang aspekto ay na mauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos at makapagpapasakop sa Diyos, habang sa isa pang aspekto ay na magkakaroon sila ng kakayahang tanggihan at labanan ang maraming negatibong bagay, tulad ng masasamang kuru-kuro at imahinasyon, at mga bagay na nagmumula sa kaalaman. Kapag nahaharap sa isang relihiyosong intelektuwal, isang teologo, o relihiyosong pastor o elder, makikilatis mo sila sa pamamagitan nang pakikipag-usap sa kanila, at magagamit mo ang katotohanan upang pabulaanan ang kanilang napakaraming mga kuru-kuro, imahinasyon, erehiya, at kamalian. Ipinapakita nito na kaya mong makilala ang mga negatibong bagay, na nauunawaan mo na ang ilang katotohanan, na mayroon kang partikular na tayog, kaya hindi ka natatakot kapag nahaharap ka sa mga pinuno at kilalang tao sa mga relihiyon. Ang kaalaman, pag-aaral, at mga pilosopiya na pinag-uusapan nila—kahit ang lahat ng kanilang mga ideolohiya at teorya—ay hindi matatag, sapagkat nakilatis mo na ang mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, ng relihiyon, at hindi ka na malilihis ng mga bagay na iyon. Ngunit hindi pa ninyo ito naaabot. Kapag nakatagpo kayo ng mga manloloko sa relihiyon at Pariseo, o sinumang may mababang katayuan, kayo ay natatakot; alam ninyo na ang sinasabi nila ay mali, na binubuo ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon, na mula sa kaalaman, ngunit hindi ninyo alam kung paano ito tatanggihan, hindi ninyo alam kung saan magsisimulang suriin ito, o kung aling mga salita ang maglalantad sa mga taong ito. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin ninyo nauunawaan ang katotohanan? (Oo.) Kaya, dapat ninyong sangkapan ang inyong sarili ng katotohanan at, kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan, masusuri na ninyo ang inyong sarili at malalaman na ninyo kung paano makilatis ang mga tao. Kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan, malinaw na ninyong makikita ang ibang mga tao, ngunit kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, hindi ninyo sila malinaw na makikita. Upang maunawaan nang husto ang mga tao at bagay, dapat ninyong maunawaan ang katotohanan; kung wala ang katotohanan bilang pundasyon ninyo, bilang buhay ninyo, hindi ninyo mauunawaan nang husto ang anumang bagay.

Kapag nalutas na ng mga tao ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon, mayroon silang kaalaman at karanasan sa mga salita ng Diyos, at nakapasok na rin sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Sa proseso ng pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon na lumilitaw sa mga tao ay isa-isang nalulutas, at mayroong pagbabago sa kaalaman ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, kakanyahan ng Diyos, at iba’t ibang saloobing mayroon ang Diyos sa mga tao. Paano nagaganap ang pagbabagong ito? Nagaganap ito kapag isinasantabi ng mga tao ang iba’t ibang kuru-kuro at ang mga imahinasyon ng tao, kapag isinasantabi nila ang iba’t ibang ideya at pananaw na nagmula sa kaalaman, pilosopiya, tradisyonal na kultura o sa mundo, at sa halip ay tinatanggap ang iba’t ibang pananaw na nagmula sa Diyos at may kaugnayan sa katotohanan. Kapag tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, pumapasok din sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at nagagawa nilang tratuhin at pag-isipan ang mga katanungan gamit ang katotohanan, at lutasin ang mga isyu gamit ang katotohanan. Kapag nalutas na ng mga tao ang iba’t iba nilang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, agad nilang mapapabuti ang kanilang ugnayan sa Diyos habang inihahanda naman ang kanilang daan tungo sa buhay pagpasok. Kapag nakakamit ng mga tao ang gayong mga pagbabago, ano ang nangyayari sa kanilang ugnayan sa Diyos? Nagiging isang ugnayan ito ng mga nilikha at ng Lumikha. Sa mga ugnayang nasa ganitong antas, walang kompetisyon, walang tukso, at walang masyadong paghihimagsik; mas mapagpasakop, maunawain, masambahin, tapat, at matapat ang mga tao sa Diyos, at tunay silang may takot sa Diyos. Ito ang pagbabagong dulot sa buhay ng mga tao kapag nalutas na nila ang kanilang mga kuru-kuro. Kung nakakamit ninyo ang ganitong uri ng pagbabago, payag na ba kayong lutasin ang inyong mga kuru-kuro? (Oo.) Ngunit ang paglutas ng mga kuru-kuro ng mga tao ay isang napakasakit na proseso. Dapat itatwa ng mga tao ang kanilang sarili, dapat nilang isantabi ang kanilang mga kuru-kuro, isantabi ang mga bagay na sa tingin nila ay tama, isantabi ang mga bagay na patuloy nilang hinahanap, isantabi ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang wasto at kanilang hinanap at hinahangad sa buong buhay nila. Nangangahulugan ito na dapat maghimagsik ang mga tao sa kanilang sarili, dapat nilang isantabi ang kaalaman, mga pilosopiya—maging ang paraan nila ng pag-iral—na natutuhan mula sa mundo ni Satanas, at palitan ang mga ito ng ibang paraan ng pamumuhay, na ang pundasyon at ang ugat ay ang katotohanan. Kaya dapat magtiis ng matinding pagdurusa ang mga tao. Ang pagdurusang ito ay maaaring hindi pisikal na karamdaman o paghihirap at kagipitan sa pang-araw-araw na buhay, ngunit maaaring magmula ito sa pagbabago sa lahat ng uri ng pananaw sa iba’t ibang mga bagay at sa sangkatauhan sa loob ng iyong puso, o maaari ring magmula ito sa pagbabago sa iba’t ibang aspekto ng kaalaman na mayroon ka tungkol sa Diyos, na nagbabaligtad ng iyong kaalaman at pananaw sa mundo, buhay ng tao, sangkatauhan, at maging sa Diyos.

Nagbahaginan tayo ngayon lang tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos at nagbigay tayo ng ilang halimbawa nang sa gayon ay magkaroon kayo ng batayang konsepto tungkol sa aspektong ito ng katotohanan. Pagkatapos nito, maaari ninyo itong pagnilayang muli at sama-sama kayong magbahaginan tungkol dito, gumawa ng mga konklusyon, at unti-unting pagnilayan, unawain, at suriing mabuti ang iba’t ibang kuru-kuro ukol sa pananampalataya sa Diyos, bago ninyo lutasin ang mga ito nang hakbang-hakbang. Sa madaling salita, maraming imahinasyon at kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Halimbawa, tungkol man ito sa buhay, pag-aasawa, pamilya, o trabaho ng mga tao, sa sandaling may lumitaw na paghihirap, nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos at pagkatapos ay nagrereklamo at nanghuhusga sila sa Kanya, palaging iniisip sa kanilang puso na, “Bakit hindi ako pinoprotektahan o pinagpapala ng Diyos?” Kagaya lang ito ng palaging sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Hindi patas ang langit,” at “Bulag ang langit”; pero hindi aksidente lang na nangyayari ang mga bagay na ito. Kapag maginhawa at masaya ang buhay, hindi kailanman nagpapasalamat sa Diyos ang mga tao at maaaring itatwa pa nga nila ang Diyos at pagdudahan ang Kanyang pag-iral. Subalit kapag dumarating na ang sakuna, pinapanagot nila ang Diyos para dito, at nagsisimula silang humusga at lumapastangan sa Diyos. Iniisip pa nga ng ilang tao na hindi na nila kailangang matuto ng anuman o magtrabaho sa sandaling sumampalataya na sila sa Diyos, na ihahanda ng Diyos ang lahat para sa kanila pagdating ng oras, at na kung magkakaroon sila ng anumang paghihirap, maaari silang manalangin sa Diyos at maaari nilang ipagkatiwala ang bagay na ito sa Kanya at lulutasin Niya ito para sa kanila. Naniniwala sila na kung magkakasakit sila, pagagalingin sila ng Diyos, na kung darating ang sakuna, poprotektahan sila ng Diyos, na pagdating ng araw ng Diyos, magbabagong-anyo silang lahat, at na kung gagawa ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, magiging maayos lang ang lahat—mga imahinasyon at kuru-kuro ito ng mga tao. Para naman sa propesyonal na kaalamang may kaugnayan sa mga tungkuling dapat matutunan ng mga tao, dapat itong matutunan ng mga tao alinsunod sa kung ano ang kinakailangan para sa kanilang tungkulin; tinatawag itong pragmatismo at dedikasyon sa wastong gampanin ng isang tao, at hindi lang dapat mangarap at umasa ang isang tao sa kanyang imahinasyon. Kung ano ang hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao, iyon ang dapat gawin ng mga tao, iyon ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga tao. Hinding-hindi ito maaaring baguhin at dapat itong harapin nang maingat—nakaayon ito sa katotohanan at ito ang perspektibang dapat mayroon ang mga tao patungkol sa kanilang tungkulin. Hindi ito isang kuru-kuro, ito ang katotohanan at ito ang hinihingi ng Diyos. Maraming pagkakataon kung kailan ang mga bagay na ginagawa ng Diyos ay salungat sa mga imahinasyon ng mga tao. Kung maisasantabi ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, mahahanap ang mga layunin ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, malalampasan nila ang mga bagay na ito. Kung matigas ang ulo mo at mahigpit kang kumakapit sa iyong mga kuru-kuro, katumbas iyon ng hindi mo pagtanggap sa katotohanan, hindi pagtanggap sa mga bagay na tama, at hindi pagtanggap sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan o ang mga bagay na tama, hindi ba’t masasabing kumokontra ka sa Diyos? Ang katotohanan at ang mga positibong bagay ay mula sa Diyos. Kung hindi mo tatanggapin ang mga ito at sa halip ay kakapit ka sa iyong mga kuru-kuro, malinaw na kumokontra ka sa katotohanan. Dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao kaugnay sa pananampalataya sa Diyos. Ang natitira na lang ay ang gamitin ninyo ito sa inyong sarili batay sa mga prinsipyong ito at sa mga salitang pinagbahaginan natin ngayon dito. Ang mga kuru-kurong may kinalaman sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos ang pinakakaraniwan at pinakapangunahin sa tatlong uri ng mga kuru-kuro. Hindi naman talaga ganoon kalalim ang mga katotohanang kaugnay sa mga kuru-kurong ito, kaya naman madali lang dapat lutasin ang mga kuru-kurong ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.