Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1 (Unang Bahagi)

Maraming taon na kayong nananalig sa Diyos, at bagamat nauunawaan ninyo ang ilang katotohanan, sa loob ng puso ng bawat isa sa inyo ay may mga sarili kayong interpretasyon, pananampalataya, at imahinasyon—at pawang lumalabag at sumasalungat ang lahat ng mga ito sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos. Ano ang mga bagay na ito? Ang mga bagay na ito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Bagamat wala talagang katotohanan ang tao, may kakayahan ang kanilang mga isip na lumikha ng maraming kuru-kuro at imahinasyon, na pawang hindi naaayon sa katotohanan. May kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang lahat ng bagay na salungat sa katotohanan. Kaya paano nagsisimulang magkaroon ng mga kuru-kuro ng tao? Marami itong iba’t ibang sanhi. Sa isang bahagi, ito ay dahil sa pagkokondisyon ng tradisyunal na kultura, pati na sa pagpapalaganap at pagtatanim ng kaalaman, sa epekto ng mga kalakaran sa lipunan at sa mga itinuturo sa pamilya, at iba pa. Sa Tsina—isang bansang pinaghaharian ng ateismo sa loob ng libu-libong taon—anong pagkaunawa at pagkakilala mayroon ang mga tao ukol sa Diyos? Bagamat hindi nakikita at hindi nahahawakan ang Diyos, Siya ay umiiral talaga, kaya Niyang lumipad sa himpapawid kahit saan, dumarating at umaalis nang walang bakas, biglang nagpapakita at naglalaho, kayang tumagos sa mga pader, hindi nahahadlangan ng anumang materyal o espasyo, at mayroon Siyang matitinding abilidad, lubos na makapangyarihan sa lahat—ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos. Kaya, paano nagsimulang magkaroon ng mga imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao? Malaki ang kaugnayan ng mga ito sa edukasyon at sa pagkokondisyon ng tradisyunal na kultura. Libu-libong taon nang itinuturo sa Tsina ang ateismo at noon pa man ay naitanim na ang mga ateistikong binhi nito sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Sa panahong ito, maraming ginawang mga tanda at kababalaghan si Satanas at ang iba’t ibang uri ng masamang espiritu sa mga tao para linlangin at lihisin ang mga ito. Lumaganap nang husto ang mga bagay na ito sa mga tao, at malubha ang epekto ng mga ito. Kumikilos nang walang pakundangan ang masasamang espiritung ito para lihisin, lokohin at pinsalain ang mga tao, kaya nagkaroon ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ang mga tao. Sa katapusan, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay pawang nanggaling lahat sa buktot na pagkokondisyon ng lipunan at pagdodoktrina ni Satanas. Mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, tinanggap ng sali’t salinlahi ng mga tao ang pagtuturo ni Satanas at tinanggap nila ang pagpapalaganap at pagdodoktrina ng tradisyunal na kultura at kaalaman, kaya’t nagbunga ito ng iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon. Kahit na hindi tuwirang naapektuhan ng mga bagay na ito ang gawain, pag-aaral, at normal na buhay ng mga tao, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ang naging napakalaking hadlang sa pagtanggap at pagpapasakop ng mga tao sa gawain ng Diyos. Kahit tinanggap na ng mga tao ang gawain ng Diyos, isang malaking hadlang pa rin ang mga bagay na ito sa pagkilala at pagpapasakop nila sa Diyos, dahilan para magkaroon sila ng napakaliit na pananalig, madalas silang maging negatibo at mahina, at nahihirapan sila nang husto na magpakatatag sa gitna ng mga pagsubok, kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos. Ito ang mga ibinubunga ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro at imahinasyon.

Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng paggawa ng mabubuting bagay at pagiging isang mabuting tao. Halimbawa, naniniwala sila na ang isang tao ay nananampalataya lang sa Diyos kung nagbibigay siya ng limos sa mahihirap. Kung gumagawa ng maraming mabuting bagay ang isang tao at pinupuri siya ng iba, nagpapasalamat siya sa Diyos mula sa kanyang puso at sinasabi niya sa mga tao, “Huwag mo akong pasalamatan. Dapat mong pasalamatan ang Diyos na nasa langit, dahil Siya ang nagturo sa akin na gawin ito.” Matapos mapuri ng mga tao, labis siyang nalulugod at napapanatag, at naniniwala siyang mainam ang manalig sa Diyos, na siya ay pinagtitibay ng mga tao at tiyak na pagtitibayin din siya ng Diyos. Saan nanggagaling ang pakiramdam na ito ng pagkapanatag? (Sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Totoo ba o hindi ang pakiramdam niyang ito ng pagkapanatag? (Hindi ito totoo.) Pero para sa kanya ay totoo ito, at pakiramdam niya ay napakatibay, praktikal, at totoo niya, dahil ang hinangad niya ay ang pakiramdam na ito ng pagkapanatag. Paano nangyari ang pakiramdam na ito ng pagkapanatag? Ang maling impresyong ito ay nangyari dahil sa kanyang mga kuru-kuro, at ang mga kuru-kuro niya ang nagdulot na isipin niyang ganito dapat ang pananampalataya sa Diyos, na dapat siyang maging ganitong uri ng tao, na dapat siyang kumilos sa ganitong paraan, na siguradong malulugod sa kanya ang Diyos dahil ginawa niya ang mga bagay na ito, at na siguradong makakamtan niya ang kaligtasan at makakapasok siya sa kaharian ng langit sa huli. Saan nanggagaling ang “kasiguraduhang” ito? (Mula sa mga kuru-kuro ng mga tao.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon nilang ito ang nagbibigay sa kanila ng kasiguraduhan at ng maling impresyong ito, at ang nagbibigay sa kanila ng komportableng pakiramdam. At paano ba aktuwal na sinusukat at tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Isa lamang itong uri ng mabuting pag-uugali, ginawa alinsunod sa mga kuru-kuro ng mga tao at sa kabutihang-loob ng mga tao. Isang araw, may magagawa ang taong ito na labag sa mga prinsipyo at siya ay pupungusan, at pagkatapos ay matutuklasan niyang hindi pala tulad ng iniisip niya ang batayan ng Diyos sa pagsukat sa mabubuting tao at na walang gayong sinasabi ang mga salita ng Diyos, kaya makararamdam siya ng pagtutol at iisiping, “Hindi ba ako isang mabuting tao? Naging mabuting tao ako nang maraming taon at walang sinumang nagsabi na hindi ako isang mabuting tao. Ang Diyos lamang ang nagsasabing hindi ako mabuting tao!” Hindi ba’t may problema rito? Paano nangyari ang problemang ito? Nangyari ito dahil sa kanilang mga kuru-kuro. Ano ang pangunahing salarin dito? (Ang mga kuru-kuro.) Ang pangunahing salarin ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, madalas silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at madalas silang lumilikha ng iba’t ibang uri ng kahilingan at paghusga tungkol sa Diyos at nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng batayan para sukatin ang Diyos; dahil sa mga ito, madalas na gumagamit ang mga tao ng partikular na mga maling kaisipan at pananaw para sukatin kung tama o mali ang mga bagay-bagay, kung mabuti o masama ang isang tao, at para sukatin kung tapat sa Diyos at may pananalig sa Diyos ang isang tao. Ano ang ugat ng mga pagkakamaling ito? Ang ugat nito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Maaaring walang epekto ang mga kuru-kuro ng tao sa kung ano ang kinakain nila o kung paano sila natutulog, at maaaring hindi makaapekto ang mga ito sa normal nilang pamumuhay, ngunit umiiral ang mga ito sa isip ng mga tao at sa kanilang mga saloobin, nakakapit ang mga ito sa mga tao tulad ng isang anino, sumusunod sa kanila sa lahat ng oras. Kung hindi mo agad na malulutas ang mga ito, palaging kokontrolin ng mga ito ang iyong pag-iisip, paghusga, pag-uugali, kaalaman sa Diyos, at ang relasyon mo sa Diyos. Malinaw mo na ba itong nakikita ngayon? Ang mga kuru-kuro ay isang pangunahing problema. Ang mga taong mayroong kuru-kuro tungkol sa Diyos ay tulad ng pagkakaroon ng isang pader na nakatayo sa pagitan nila at ng Diyos, isang hadlang para makita nila ang totoong mukha ng Diyos, na pumipigil sa kanila na makita ang totoong disposisyon at tunay na diwa ng Diyos. Bakit ganito? Dahil namumuhay ang mga tao na kasama ang kanilang mga kuru-kuro, at kasama ang kanilang mga imahinasyon, at ginagamit nila ang kanilang mga kuru-kuro upang matukoy kung ang Diyos ay tama o mali, at upang sukatin, husgahan, at kondenahin ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Anong uri ng kalagayan ang madalas na pagsasadlakan ng mga tao dahil sa paggawa nito? Maaari ba talagang magpasakop ang mga tao sa Diyos kapag nabubuhay silang kasama ang kanilang mga kuru-kuro? Maaari ba silang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos? (Hindi maaari.) Kahit na nagpapasakop nang kaunti ang mga tao sa Diyos, ginagawa nila ito nang ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Kapag umaasa ang isang tao sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nabahiran na ito ng mga personal na bagay na kay Satanas at sa mundo, at ito ay salungat sa katotohanan. Ang problema tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay seryoso; isa itong pangunahing isyu sa pagitan ng tao at ng Diyos na kailangang malutas kaagad. Lahat ng pumupunta sa harapan ng Diyos ay nagdadala ng mga kuru-kuro, nagdadala sila ng lahat ng uri ng mga hinala tungkol sa Diyos. O, masasabi ring nagdadala sila ng napakaraming maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa kabila ng lahat ng ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, sa kabila ng Kanyang mga pagsasaayos at pamamatnugot. At ano ang mangyayari sa kanilang relasyon sa Diyos? Patuloy na mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, patuloy silang naghihinala sa Diyos, at patuloy nilang ginagamit ang sarili nilang mga pamantayan upang masukat kung ang Diyos ay tama o mali, upang masukat ang bawat salita at gawain Niya sa bawat pagkakataon. Anong uri ng pag-uugali ito? (Ito ay paghihimagsik at pagsuway.) Tama iyan, ito ay paghihimagsik, pagsuway, at pagkondena ng mga tao sa Diyos, at panghuhusga ito ng mga tao sa Diyos, paglapastangan sa Diyos, at pakikipagkompitensiya sa Kanya, at sa malalalang kaso, gusto ng mga taong isakdal ang Diyos sa korte at makipagduwelo sa Kanya. Ano ang pinakamalalang antas na kayang abutin ng mga kuru-kuro ng mga tao? Ito ay ang itatwa ang tunay na Diyos Mismo, itinatatwa na ang Kanyang mga salita ang katotohanan, at kinokondena ang gawain ng Diyos. Kapag umabot sa ganitong antas ang mga kuru-kuro ng mga tao, likas nilang itinatatwa ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos at pinagtataksilan ang Diyos. Bukod sa itinatanggi nilang may Diyos, tumatanggi rin silang tanggapin ang katotohanan at sundin ang Diyos—hindi ba’t nakapangingilabot ito? (Oo.) Nakapangingilabot na problema ito. Masasabing ganap na nakakapinsala ang mga kuru-kuro sa mga tao, at hindi ito kapaki-pakinabang. Kaya nagbabahaginan tayo at sinusuri nating mabuti ngayon kung ano ba ang mga kuru-kuro at kung anong mga kuru-kuro ang kinikimkim ng mga tao—lubhang kailangan ito. Anong mga kuro-kuro ang karaniwang lalabas sa inyo? Alin sa mga kaisipan, pagkaunawa, paghusga, at pananaw ninyo ang may kinalaman sa inyong mga kuru-kuro? Hindi ba’t nararapat itong isaalang-alang? Walang kinalaman ang ugali ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro, pero tuwirang may kaugnayan sa kanilang mga kuru-kuro ang mga kaisipan at pananaw na nasa likod ng pag-uugaling iyon. Hindi labas sa saklaw ng gawain ng Diyos ang mga kuru-kuro ng mga tao. Una: Ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Ibig sabihin, may iba’t ibang imahinasyon at pakahulugan ang mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos, kung ano ang dapat nilang matamo mula sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at kung anong landas ang dapat nilang lakaran sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kaya nagkakaroon sila ng iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro. Pangalawa: Ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Lalong mas maraming imahinasyon at pakahulugan ang mga tao ukol sa pagkakatawang-tao, kaya naman likas na nagkakaroon sila ng maraming kuru-kuro—magkakaugnay ang mga ito. Pangatlo: Ang mga kuru-kuro ng mga tao patungkol sa gawain ng Diyos. May iba’t ibang imahinasyon at pakahulugan ang mga tao tungkol sa katotohanang ipinapahayag ng Diyos, sa disposisyong inihahayag ng Diyos, at sa paraan ng paggawa ng Diyos, kaya nagkakaroon sila ng maraming kuru-kuro. Mahahati natin ang tatlong puntong ito nang mas detalyado pa, gayumpaman, nasasaklaw na ng tatlong puntong ito ang lahat ng kuru-kuro ng mga tao, kaya isa-isahin natin ang mga ito sa ating pagbabahaginan.

Ngayon ay pag-usapan naman natin ang tungkol sa unang punto, ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos. Medyo malawak ang saklaw ng ganitong uri ng mga kuru-kuro. Baguhan man o datihan na ang mga tao sa pananampalataya sa Diyos, marami silang kuru-kuro at imahinasyon noong una silang magsimulang manampalataya sa Diyos. Kapag nagsisimula pa lang silang magbasa ng Bibliya, nakakaramdam ang mga tao ng bugso sa kanilang puso, at iniisip nila, “Magiging mabuting tao ako; mapupunta ako sa langit.” Pagkatapos, nagkakaroon sila ng iba’t ibang imahinasyon at pakahulugan o di-nababagong ideya tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at siguradong magkakaroon sila ng iba’t ibang kuru-kuro. Halimbawa, maraming naiisip ang mga tao tungkol sa kung anong uri ng tao sila dapat maging matapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos. May nagsasabing, “Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, hindi na ako maninigarilyo, iinom ng alak, o magsusugal. Hindi na ako pupunta sa masasamang lugar na iyon. Magiging magalang na ako sa mga tao at magiging palangiti ako.” Ano ito? Kuru-kuro ba ito, o ganito ba dapat umasal ang mga tao? (Ganito dapat umasal ang mga tao.) Pagpapahayag ito ng normal na pagkatao, at ganito dapat kumilos ang mga tao. Hindi ito isang kuru-kuro, ni isang imahinasyon—ang ganitong pag-iisip ay ganap na rasyonal at makatwiran. Sinasabi ng ilang matandang kapatid na lalaki na, “Matanda na ako at maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos. Dapat akong maging huwaran sa mga kabataan sa aking pagsasalita at paggawa ng mga bagay-bagay. Hindi ako dapat humahagikhik o kumikilos nang hindi angkop sa edad ko. Dapat akong magmukhang kagalang-galang, may-pinag-aralan at maginoo.” Kaya, kapag kinakausap niya ang mga kabataan, seryoso ang kanyang mukha at nag-uumapaw siya sa mga salita at pariralang pampanitikan, at kapag nakikita siya ng mga kabataan ay naaasiwa ang mga ito at ayaw siyang lapitan ng mga ito. Sumasayaw at nagpupuri sa Diyos ang mga kapatid sa mga pagtitipon, at naniniwala ang matandang kapatid na dapat niyang kontrolin ang pagnanasa sa kanyang mga mata at tumitingin na lamang siya sa mga bagay na naaangkop, kaya pinipigilan niya ang kanyang sarili na manood pero bumubulong pa rin siya sa kanyang puso, “Malayang-malaya kung mamuhay ang mga kabataang ito; pero bakit ako namumuhay na pakiramdam ko ay labis akong naaagrabyado? Pero, kinakailangan pa rin namang makaramdam ng kaunting pagkaagrabyado kapag nanampalataya ang isang tao sa Diyos, dahil sino ba ang nagpatanda sa akin nang husto!” Sinasabi niyang hindi niya dapat panoorin ang mga sumasayaw, pero pasulyap-sulyap pa rin siya, malinaw na nagpapanggap lang. Paano nagsisimula ang pagpapanggap na ito? Paano siya nalagay sa kalagayang ito ng pagkahiya? Ito ay dahil mayroon siyang imahinasyon tungkol sa pag-uugali at mga pagpapahayag na dapat mayroon siya sa kanyang pananampalataya sa Diyos at, dahil napapangibabawan siya ng imahinasyong ito, nagiging palihim at pakunwari ang kanyang pananalita at mga kilos. Halimbawa, kapag umaawit sila sa mga pagtitipon, pumapalakpak ang ilang tao habang sila ay umaawit, inilalabas ang kanilang emosyon, pero ang matandang brother na ito ay kasingmanhid at kasinghangal ng isang patay, walang kabuhay-buhay o wangis ng tao. Naniniwala siyang dahil matanda na siya, kailangan niyang magmukhang matanda at hindi kumilos na parang isang bata, walang muwang at pinagtatawanan ng mga tao. Sa madaling salita, lahat ng ipinapahayag niya ay pagpapanggap lamang at pinipilit lang niya ang kanyang sarili na magpanggap na isang importanteng tao. Tumitibay ba ang ibang tao kapag nasasaksihan nila ang gayong mapagkunwaring pag-uugali? (Hindi.) Ano ang nararamdaman mo kapag nakakakita ka ng ganito? Una, nararamdaman mong paimbabaw siya at naaasiwa ka dahil dito; pangalawa, nararamdaman mong huwad siya, nasusuka at nasusuklam ka rin, at kapag nakikipag-usap ka sa kanya, pakiramdam mo ay nasasakal at napipigilan ka, hindi ka makapagsalita nang malaya. Kung hindi ka maingat, mapagsasabihan ka pa niya, sinasabing, “Tingnan nga ninyo kung ano ang nangyari sa inyong mga kabataan, lubha kayong naging tiwali! Kumakain kayo nang maayos at nagsusuot ng magagandang damit, ang kinakain ninyo ay tulad ng kinakain namin dati tuwing Bagong Taon at iba pang kapistahan, ngunit mapili pa rin kayo at walang kasiyahan. Noong maliliit pa kami, ipa at mga ligaw na halaman lamang ang kinakain namin.” Ipinagyayabang niya ang kanyang pagiging mas matanda at sinesermunan ang iba, at iniiwasan siya ng mga kabataan. Hindi niya ito nauunawaan at pinupuna pa nga niya ang mga kabataan dahil sa kawalan ng mga ito ng respeto sa mga nakatatanda at sa masamang asal ng mga ito. Hindi ba’t ang mga bagay na ito na kanyang sinasabi ay punong-puno ng mga kuru-kuro at kalooban ng tao, hindi naaayon sa katotohanan at hindi nakapagpapatibay sa iba? Ngunit maliliit na isyu lamang ang lahat ng ito. Ang pinakasusi ay ito: Mauunawaan ba niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito? (Hindi.) Makakatulong at kapaki-pakinabang ba ito sa pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagkilos sa ganitong paraan, pamumuhay nang ganito araw-araw, matutulutan ba siya nito na makapamuhay sa harap ng Diyos? Napagbulay-bulayan man lang ba niya, “Nakaayon ba sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos ang pagkaunawa ko sa pananampalataya sa Diyos? Ano ba ang hinihingi ng Diyos? Anong uri ng tao ang minamahal ng Diyos? May anumang pagkakaiba ba ang aking pagkaunawa sa kung ano ang hinihingi ng Diyos?” Siguradong hindi pa niya kailanman naisip ang mga katanungang ito. Dahil kung naisip na niya ang mga ito, kahit hindi pa niya nalaman ang mga sagot, hindi sana siya kikilos nang ganoon kahangal. Ano, kung gayon, ang ugat ng pagkilos niya sa ganitong paraan? (Ang mga kuru-kuro.) At ano ang ugat ng pagkakaroon niya ng mga kuru-kuro? Ito ay dahil may nakalilinlang na pagkaunawa siya sa kung paano dapat kumilos at magpahayag ng kanilang sarili ang mga taong sumasampalataya sa Diyos. At paano lumitaw ang nakalilinlang na pagkaunawang ito? Ano ang pinagmulan nito? Dahil ito sa pagkokondisyon ng tradisyunal na kultura at ng mga itinuturo ng mga guro sa paaralan. Halimbawa, dapat igalang ng mga kabataan ang matatanda at mahalin ang mga bata, samantalang ang mga nakatatanda ay dapat kumilos nang angkop sa kanilang edad, at iba pa. Kaya nagkaroon tuloy siya ng iba’t ibang kakatwang pag-uugali, minsan ay kumikilos nang kakatwa at minsan ay may kakatwang ekspresyon, pero anu’t anuman, hindi talaga siya normal tingnan. Kumikilos man siya nang kakatwa o kakatwa man ang kanyang ekspresyon, hangga’t hindi niya nauunawaan ang katotohanan o ang mga hinihingi ng Diyos, at hindi niya hinahanap ang katotohanan, siguradong malalayo sa katotohanan ang kanyang magiging pagkilos. Sa gayon kasimpleng bagay—ilang panlabas na pag-uugali lamang—ito ay dahil may mga kuru-kuro ang mga tao na nag-ugat sa loob ng kanilang puso kaya nila ginagawa ang mga kakatwang bagay na ito. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi nila mauunawaan kung ano ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kapag hindi nauunawaan ng matatanda ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao, kakatwa ang kanilang nagiging mga asal at ekspresyon, at katawa-tawa ang kanilang ikinikilos; kapag hindi naman nauunawaan ng mga kabataan ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay nakabatay sa kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro, magiging mali rin ang kanilang mga ekspresyon at asal. Anong mga maling asal at ekspresyon ang ginagawa nila? Halimbawa, nakikita ng ilang kabataan sa mga salita ng Diyos na hinihingi ng Diyos na mamuhay ang mga tao nang dalisay at tapat, inosente at masigla, gaya ng mga bata, at iniisip nila, “Palagi kaming magiging sanggol sa harap ng Diyos at hindi na kami tatanda, kaya kailangan naming maglakad at magsalita na parang mga bata. Alam ko na ngayon kung paano magiging isa sa mga hinirang ng Diyos at tagasunod ng Diyos, at nauunawaan ko na ngayon kung paano maging bata. Dati akong mapanlinlang, mukhang napakasopistikado, manhid at mahina ang ulo, pero sa hinaharap, kailangan kong kumilos nang mas inosente at mas masigla.” Pagkatapos nito, inoobserbahan nila kung paano kumikilos ang mga kabataan sa lipunan sa panahon ngayon at, sa sandaling mapagpasyahan na nila kung paano kikilos, sinisimulan na nila itong isagawa sa harap ng mga kapatid, nakikipag-usap sa lahat nang may pangbatang boses, iniipit ang kanilang mga lalamunan kapag sila ay nagsasalita at nagsasalita nang malambing, na parang bata. Sa isip nila, iniisip nilang ang ganitong uri lang ng tinig ang tinig ng isang bata, habang kumikilos din sila nang kakatwa na lubhang ikinaaasiwa at ikinababalisa ng mga tao. Hindi nila naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa pagiging dalisay at tapat, inosente at masigla gaya ng isang bata, at lahat ng ginagawa nila ay pawang panlabas na pag-uugali—pagpapanggap, panggagaya, at pagkukunwari. Ang pagkaarok ng ganitong mga tao ay baluktot. Ano ang pinakamalaking isyu rito? Maliban sa wala silang kakayahang dalisay na arukin ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, inihahalo rin nila ang mga salita ng Diyos sa mga ugali, kilos, at kalakaran ng mga walang pananampalataya. Hindi ba’t isa itong pagkakamali? Hindi sila humaharap sa Diyos para maghanap, hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos, at hindi nila hinahanap ang katotohanan; sa halip, sinusuri at pinag-aaralan nila ang mga bagay-bagay gamit ang sarili nilang mga utak, o kaya ay naghahanap sila ng teoretikal na batayan mula sa mga walang pananampalataya, sa tradisyunal na kultura, o sa siyentipikong kaalaman. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamali? (Oo, pagkakamali ito.) Ito ang pinakamalaking pagkakamali. May anumang katotohanan ba sa kaalaman ng mga walang pananampalataya? Kung naghahanap ka ng batayan sa kung paano ka dapat na umasal, maaari mo lamang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ano’t anuman, kahit anong antas pa ng pagkaunawa ang maabot ng mga tao, bawat isa sa mga salita ng Diyos at bawat isa sa Kanyang mga hinihingi sa tao ay praktikal at detalyado at hinding-hindi kasingdali ng nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi dekorasyon para sa panlabas na hitsura nito, hindi simpleng pag-uugali ang mga ito, lalong hindi lamang isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa halip, ang mga ito ay mga pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao; mga prinsipyo at pamantayan ang mga ito sa pag-asal at pagkilos ng tao, at dapat magpakadalubhasa ang mga tao sa mga prinsipyong ito at taglayin nila ang mga ito. Kung hindi Ko malinaw na ibabahagi ang tungkol sa mga detalyadong problemang ito, ilang doktrina lamang ang mauunawaan ng mga tao at mahihirapan silang makapasok sa katotohanang realidad.

Ang paksang katatapos lang nating pagbahaginan ay tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, kung ang pag-uusapan ay ang kanilang panlabas na pag-uugali. Ano pang alam ninyo kung ang pag-uusapan ay ang panlabas na pag-uugali? Kung mga kuru-kuro ang pag-uusapan, ang mga kuru-kuro ba ay tama o mali? (Mali.) Positibo ba ang mga ito o negatibo? (Negatibo.) Tiyak na taliwas ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan; hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan. Likhang-isip man ang mga ito ng mga tao o may pinagbabatayan man ang mga ito, ano’t anuman, walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kaya, ano ang layunin ng pagbabahagi at pagsusuri sa mga kuru-kurong ito? Ito ay para maipaalam muna sa mga tao kung ano ang mga kuru-kuro at, kasabay ng pagkaalam na mga kuru-kuro ang mga ito, at para tulutan ang mga tao na maunawaan kung ano ang katotohanan, bago nila pasukin ang katotohanan. Ang layunin nito ay para tulutan ang mga taong maunawaan ang diwa ng katotohanan, na taos-pusong humarap sa Diyos. Kahit gaano pa kamakatwiran ang mga kuru-kuro mo o kahit gaano pa karami ang batayan ng mga ito, mga kuru-kuro pa rin ang mga ito; hindi katotohanan ang mga ito, at hindi rin mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Kung itinuturing mong katotohanan ang mga kuru-kuro, kung gayon ay walang magiging anumang kinalaman sa iyo ang katotohanan, wala kang magiging anumang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, at mawawalan ng kabuluhan ang iyong pananalig. Kahit gaano ka pa magtrabaho o magparoo’t parito para sa Diyos, o kahit gaano pa kalaking halaga ang ibayad mo para sa Diyos, ano ang magiging huling resulta kung gagawin mo ang lahat ng ito batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Wala kang magagawang anuman na may kinalaman sa katotohanan o sa Diyos; kokondenahin ito ng Diyos at hindi Niya ito sasang-ayunan—ito ang mga kapaki-pakinabang at mapaminsalang kalalabasan. Dapat maunawaan na ninyo ngayon kung gaano kahalaga ang paglutas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao.

Ano ang unang hakbang sa paglutas sa iyong mga kuru-kuro? Ito ay ang makilatis at makilala kung ano ba ang isang kuru-kuro. Nang unang gumawa ng mga pelikula ang sambahayan ng Diyos, may karima-rimarim na nangyari sa Film Production Team, na may kaugnayan sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ginagamit Kong halimbawa ang usaping ito para himayin ito ngayon, hindi para kondenahin ang sinuman, kundi para lumago kayo sa pagkilatis, nang sa gayon ay maalala ninyo ang bagay na ito, at nang sa gayon ay lumalim ang pagkaunawa ninyo sa mga kuru-kuro sa pamamagitan nito at nang malaman ninyo kung gaano kamapaminsala sa mga tao ang mga kuru-kuro. Kung hindi Ko tatalakayin ang bagay na ito, baka isipin ninyo na hindi ito isang malaking isyu. Gayunman, pagkatapos Ko itong suriin, tiyak na mapapatango kayo at sasang-ayon na isa nga itong malaking isyu. Pagdating sa paggawa ng mga pelikula, may katanungan tungkol sa kung anong kulay at istilo ng kasuotan ang dapat piliin. May ilang tao na sadyang konserbatibo, partikular na gumagamit ng malamlam na kulay-abo at khaki. Nahiwagaan Ako rito at napaisip Ako kung bakit ganito. Bakit nila pinipili ang ganitong mga kulay ng kasuotan? Dahil sa malamlam na kulay-abo at khaki, naging madilim talaga ang buong eksena, at naasiwa talaga Ako nang makita Ko ito. Bakit hindi sila pumili ng mas makulay na mga damit? Sinabi Ko nang maaaring maging mas makulay ang mga kasuotan at kailangang maging angkop at elegante ang istilo nito. Kaya bakit isinasantabi ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at hindi nila iniintindi ang mga ito, sa halip ay pinipili nila ang malalamlam na telang kulay-abo at khaki para sa mga damit? Bakit sila umaasal nang ganito? Hindi ba’t dapat itong pagnilay-nilayan? Ano ang ugat nito? Hindi naunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi sila nakinig sa kung ano ang sinabi, at hindi sila naging mapagpasakop—ang ugat ay may kalikasan ang mga tao sa loob nila na nagtataksil sa Diyos. Ano ang kalikasang ito? Ano ang disposisyong ito? Ang pinakamapanganib ay hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at kaya nilang tumangging tanggapin ang katotohanan, at naging matigas ang kanilang puso. Sinasabi ng mga tao na handa silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at handa silang hanapin ang katotohanan, pero kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, ginagawa lamang nila ang mga ito depende sa sarili nilang mga kagustuhan para makamit ang sarili nilang mga pakay. Kung usapin lang ito ng personal mong buhay, hindi magiging isang malaking isyu na gawin ang lahat ng bagay nang ayon sa gusto mo, dahil may kaugnayan lang iyon sa sarili mong pagpasok sa buhay. Subalit gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa iglesia, at ang mga ibubunga ng pagkilos sa ganoong paraan ay makakaapekto sa gawain ng Diyos at sa kaluwalhatian ng Diyos, at may kinalaman ito sa reputasyon ng iglesia; kung padalus-dalos na kikilos ang mga tao ayon sa sarili nilang kalooban, malamang na madungisan nila ang dangal ng Diyos. Hindi nakikialam ang sambahayan ng Diyos sa kung paano manamit ang mga indibidwal—ang prinsipyo ay ang magmukhang desente at maayos, nang sa gayon ay makapagpatibay ito sa iba kapag nakita ka nila. Subalit angkop ba na imungkahi ng isang tao na magsuot ng malamlam na kulay-abo at khaki kapag gumagawa ng isang pelikula? Ano ang diwa ng problemang ito? Ito ay ang paggawa ng mga tao ng mga bagay-bagay nang nakasalalay sa kanilang mga kuru-kuro at itinuturing ang malamlam na kulay-abo at khaki bilang tanda at simbolo ng isang taong sumasampalataya at sumusunod sa Diyos. Maaaring sabihin na binigyang-kahulugan nila ang mga kulay na ito bilang mga kulay na naaayon sa katotohanan, sa mga layunin ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Diyos. Isa itong pagkakamali. Walang mali sa mismong mga kulay na ito, pero kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at ginagawa nilang parang simbolo ang mga kulay na ito, isa iyong problema. Bunga ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at nagkaroon ng ganitong mga kaisipan at pagsasagawa dahil ang mga kuru-kurong ito ay nasa puso ng mga tao. Itinuturing ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito na para bang katotohanan ang mga ito, ang malamlam na kulay-abo at khaki bilang simbolo ng pananamit ng mga mananampalataya sa Diyos, habang isinasantabi at binabalewala ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, at ang mga hinihingi ng Diyos, at pinapalitan ang mga ito ng mga kuru-kuro at pamantayan ng mga tao—ito ang ugat ng problema. Ang totoo, ang pagpili sa mga kulay at istilo ng kasuotan ay mga panlabas na bagay na wala namang kinalaman sa katotohanan, pero nangyayari ang mga katawa-tawang bagay na ito dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, at negatibo ang naging epekto, kaya naman kinailangan ang katotohanan para lutasin ang naturang usapin.

Sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos, kahit ano pang isyu ang masagupa nila o kahit ano pang problema ang makaharap nila, palaging lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at patuloy nilang ginagamit ang mga ito. Palagi silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at lagi silang napipigilan, napangingibabawan, at nakokontrol ng kanilang mga kuru-kuro. Ito ang nagiging dahilan para ang mga kaisipan, pag-uugali, mga paraan ng pamumuhay, mga prinsipyo ng pag-asal, direksiyon at mga layon sa buhay ng mga tao, pati na kung paano nila tratuhin ang mga salita at gawain ng Diyos, ay mabahirang lahat ng kanilang mga kuru-kuro, at hindi sila napapalaya at nakakalaya sa pamamagitan ng katotohanan sa anumang paraan. Sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan at palaging pagkapit sa mga kuru-kuro, pagkaraan ng 10 o 20 taon, magpahanggang ngayon, nananatiling hindi nagagalaw ang mga kuru-kurong mayroon ang mga tao buhat pa noong una. Walang nagsuri sa mga ito nang mabuti, ang mga tao mismo ay hindi kailanman siniyasat ang mga ito, lalong hindi sila kailanman pumayag na mapungusan. Hindi kailanman buong tiyagang inasikaso ng mga tao ang mga ito, kaya naman kahit gaano pa sila katagal nang nanampalataya sa Diyos, umaani ba sila ng mga resulta o hindi? Tiyak na wala silang naaaning resulta. Ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay unti-unting bumubuti sa pamamagitan ng palagiang pagsusuri at pag-unawa sa mga kuru-kuro, at pagkatapos ay sa paglutas sa mga ito—hindi ba’t may praktikal na parte sa bagay na ito? (Oo.) Subalit kung namamalagi ang iyong mga kuru-kuro sa yugtong kung saan nagsimula kang sumampalataya sa Diyos, masasabing hindi man lang umunlad ang ugnayan mo sa Diyos. Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, ano pang mga kuru-kuro na inaasahan ninyo para mabuhay ang hindi pa ninyo nalutas? Aling mga kuru-kuro ang palagi ninyong pinaniniwalaan na tama, na mga bagay na umaayon sa katotohanan, at na pinaniniwalaan ninyong hindi isang problema? Aling mga kuru-kuro ang makakaapekto sa iyong pag-uugali, sa iyong paghahangad, at sa iyong mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, na nagiging dahilan para ang iyong ugnayan sa Diyos ay palaging maging walang sigla at hindi malapit o malayo? Nagkakamali ka sa paniniwala na mahal na mahal mo ang Diyos, na lumago na ang iyong pananalig at katapatan sa Diyos, na lumago na ang determinasyon mong magtiis, samantalang ang totoo, para sa Diyos, wala ka ni bahagyang katotohanang realidad. Dapat ninyong suriin lahat ang bagay na ito, at tiyak na mayroon ang bawat isa sa inyo ng maraming kuru-kuro na inaasahan ninyo para mabuhay na nananatili pa rin at hindi pa ninyo nalulutas. Ito ay isang napakaseryosong problema.

Nagbigay na Ako ng tatlong halimbawa ng mga kuru-kurong mayroon ang mga tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos, kaya, mas may kabatiran na ba kayo ngayon tungkol sa kung aling mga kuru-kuro ang mayroon kayo ukol sa pananampalataya sa Diyos? (Oo.) Kung gayon, sabihin nga ninyo sa Akin, ano pang mga kuru-kuro at imahinasyon ang makakahadlang sa mga tao sa pagsasagawa sa katotohanan at makakaimpluwensiya sa paggampan sa kanilang tungkulin at sa kanilang normal na ugnayan sa Diyos, ibig sabihin, ang mga kuru-kuro na makakahadlang sa mga tao sa paglapit sa harap ng Diyos at na may direktang epekto sa pagkakilala nila sa Diyos? (Malakas ang kuru-kuro ko na naniniwala ako na kung magagampanan ko nang normal ang aking tungkulin sa araw-araw, sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, matatamo ko ang kaligtasan.) Ang paniniwalang matatamo mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin ay isang kuru-kuro at imahinasyon. Kaya, mahalaga bang gampanan ang iyong tungkulin nang ayon sa pamantayan? Maaari bang magtamo ng kaligtasan ang mga taong hindi gumagampan sa kanilang tungkulin nang ayon sa pamantayan? Kung walang ingat na gumagampan sa kanyang tungkulin ang isang tao, maituturing itong panggagambala at panggugulo sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sa hindi magtatamo ng kaligtasan ang isang taong gumagawa nito, kundi maparurusahan din siya. Hindi ninyo naiisip ang mga bagay na ito, hindi ninyo nauunawaan ang mga ito, at hindi ninyo nakikita nang malinaw ang mga ito, pero nasasabi pa rin ninyo ang gayong mga bagay gaya ng “Hangga’t ginagampanan ko ang aking tungkulin, maliligtas ako at makakapasok ako sa kaharian ng langit.” Nakaayon ba ito sa mga salita ng Diyos? Pananaginip lang nang gising ang ganitong ideya; paano mo makakamit iyon nang ganoon lang kadali? Maituturing ba na pananalig sa Diyos ang hindi pagtanggap sa katotohanan? Matatamo ba ng isang tao ang kaligtasan nang hindi niya iwinawaksi ang kanyang tiwaling disposisyon? Napakarami ninyong bagay na may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa loob ninyo. Ang lahat ng uri ng imahinasyon, pagkaunawa, at depinisyon na hindi nakaayon sa katotohanan ay may kinalamang lahat sa mga kuru-kuro. Ano pang mga kuru-kuro ang mayroon kayo? (Sa tingin ko, kapag mas mahalaga ang tungkuling ginagampanan ko at mas marami akong nagagawa na nagpapatotoo sa Diyos, mas marami akong makukuhang gantimpala, mas sasang-ayunan ako ng Diyos, at mas darami ang mga pagpapala ko sa hinaharap.) Isa rin itong kuru-kuro. Sa madaling salita, ang mga kuru-kuro ay bunga lang lahat ng imahinasyon at hinuha ng mga tao. Bagamat maaaring may batayan ang mga ito, hindi mula sa anumang batayan sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan ang mga ito, kundi sa mga ideyang batay sa ilusyon ng mga tao at bunsod ng pagnanais nila na pagpalain. Kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay na napangingibabawan ng gayong kaisipan, ginagawa nila ang iba’t ibang bagay, at nagbabayad sila ng malaking halaga hanggang sa matuklasan nila sa wakas na nagkamali na pala sila at lumabag na sa mga prinsipyo, na hindi pala gaya ng inaakala nila ang mga bagay-bagay, kaya’t nagiging negatibo sila. Isang araw, kapag nagbalik-tanaw sila at napagtanto nila na sumusunod pala sila sa isang landas na nakasalalay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, napakahabang panahon na ang nasayang, at gusto sana nilang bumalik pero imposible na. Ano pang mga kuru-kuro ang mayroon kayo na hindi pa ninyo nalulutas? (Sa tingin ko, dahil nananampalataya ako sa Diyos at ginugugol ko ang aking sarili para sa Diyos, dapat akong pagpalain at bigyan ng Diyos ng mga kapakinabangan. Kapag may isyu ako at tumawag ako sa Diyos, pakiramdam ko ay dapat magbukas ng daan ang Diyos para sa akin, at dahil sumasampalataya ako sa Diyos, dapat maging maayos ang takbo ng lahat. Iyan ang dahilan kung bakit kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin at may nasagupa akong mahirap na sitwasyon, nagkakaroon ako ng maling pagkaunawa sa Diyos at sama ng loob sa Kanya, at pakiramdam ko ay parang hindi dapat pumayag ang Diyos na mangyari sa akin ang mga bagay na iyon.) May ganitong kuru-kuro ang karamihan sa mga tao; isa itong uri ng pagkaunawang mayroon ang mga tao patungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iniisip ng mga tao na sumasampalataya sa Diyos ang isang tao para makakuha ng mga pakinabang, at kung hindi sila makakakuha ng mga pakinabang, tiyak na mali ang landas na ito. Nalutas na ba ang kuru-kurong ito ngayon? Nasimulan mo na bang ituwid ito? Kapag kinokontrol ng kuru-kurong ito ang iyong pag-uugali o naaapektuhan nito ang iyong direksiyon pasulong, hinanap mo na ba ang katotohanan para lutasin ito? Madalas na nililimitahan ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos sa kanilang puso, naniniwala sila na sapagkat nananampalataya sila sa Diyos, dapat maging payapa ang lahat, o kung hindi ay iniisip nila na, “Ginugugol ko ang aking sarili at ginagampanan ko ang aking tungkulin para sa Diyos, kaya dapat pagpalain ng Diyos ang aking pamilya, pagpalain ang aking buong pamilya ng kapayapaan, tiyaking hindi ako magkasakit, at nang sa gayon ay maging masaya ang aking buong pamilya. At bagamat ginagampanan ko ang aking tungkulin, gawain ito ng Diyos, kaya dapat akuin ng Diyos ang lahat ng responsabilidad para dito at isaayos nang mabuti ang lahat at tiyaking hindi ako makakasagupa ng anumang paghihirap, panganib, o tukso kapag ginagampanan ko na ang aking tungkulin. Kung may anumang mangyayaring ganitong bagay, marahil hindi ito gawa ng Diyos.” Ang lahat ng ito ay pawang mga kuru-kuro ng mga tao; malamang na magkaroon ang mga tao ng gayong mga kuru-kuro kapag hindi nila nauunawaan ang gawain ng Diyos. Madalas bang lumilitaw ang mga kuru-kurong ito habang ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin? (Oo.) Kung lagi kang naniniwala na normal lang at makatwiran ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon at na ganito dapat ang maging lagay ng mga bagay-bagay, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, kung gayon, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Para sa iyo, hindi magkakaroon ng halaga o kabuluhan ang katotohanan, at mawawalan din ng kabuluhan ang iyong pananalig sa Diyos. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kung madalas kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang mga tao, dumadalo sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon, at namumuhay ng talagang normal na espirituwal na buhay, pero kumikilos, umaasal, at gumagampan sa kanilang mga tungkulin nang nakaasa sa kanilang mga kuru-kuro, ibinabatay ang lahat ng bagay sa kanilang mga kuru-kuro, at ginagamit ang kanilang mga kuru-kuro para sukatin ang tama o mali sa lahat ng uri ng bagay, kung gayon, hindi ba’t namumuhay ang mga ganitong tao nang ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Kahit gaano karaming sermon ang pinakikinggan nila o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang kinakain at iniinom nila, maaari pa bang magbago ang mga taong namumuhay nang ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Maaari pa kayang bumuti ang kanilang ugnayan sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, sinasang-ayunan ba ng Diyos ang ganitong uri ng pananalig? (Hindi.) Siguradong hindi. Kaya napakahalaga na suriin ang mga kuru-kurong nakapaloob sa mga tao.

Ang karamihan sa mga tao ay walang anumang kuru-kuro kapag nakuha na ang kanilang gusto at maayos ang lahat, o kapag idinaraos nila ang mga tradisyunal na seremonyang panrelihiyon, pero kapag ginagampanan na ng Diyos ang Kanyang gawain at ipinapahayag ang katotohanan, lumilitaw ang maraming kuru-kuro. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao kapag hindi pa nila nagagampanan ang kanilang tungkulin at normal lang silang dumadalo sa mga pagtitipon, pero kapag hinihingi na ng Diyos na gampanan nila ang kanilang tungkulin o kapag nakakasagupa na sila ng mga paghihirap sa kanilang tungkulin, umuusbong na ang maraming kuru-kuro. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao kapag komportable sila sa pisikal at nagsasaya sa buhay, pero kapag nagkakasakit sila o nahaharap sa kagipitan, likas na umuusbong ang mga kuru-kuro. Halimbawa, bago sila sumampalataya sa Diyos, maayos ang takbo ng lahat sa trabaho at buhay-pamilya ng isang tao, pero pagkatapos niyang magsimulang sumampalataya sa Diyos, may ilang bagay na nangyayari na hindi niya nagugustuhan. Minsan ay nahuhusgahan siya, nadidiskrimina, naaapi, at naaaresto pa nga, napapahirapan, naiiwan nang may pangmatagalang karamdaman, na ikinababalisa niya at iniisip niya na, “Bakit hindi naging maganda ang takbo ng mga bagay-bagay sa mga panahong sumasampalataya ako sa Diyos? Sumasampalataya ako sa tunay na Diyos, kaya bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Paano naatim ng Diyos na makita akong binubugbog ng masasamang tao at niyuyurakan ng mga diyablo?” Hindi ba’t nakakabuo ng ganitong mga kuru-kuro ang mga tao? Ano ang dahilan sa likod ng pagbuo nila ng mga kuru-kurong ito? Naniniwala ang mga tao na, “Dahil sumasampalataya na ako ngayon sa Diyos, ako ay sa Kanya, at dapat alagaan ako ng Diyos, asikasuhin ang aking pagkain at matutuluyan, intindihin ang aking kinabukasan at ang aking kapalaran, pati na ang personal kong kaligtasan, kasama na ang kaligtasan ng aking pamilya, at siguraduhing magiging maayos ang lahat para sa akin, na magiging mapayapa at walang aberya ang lahat ng bagay.” At kung ang mga katunayan ay hindi katulad ng hinihingi o inaakala ng mga tao, iniisip nila na, “Ang pagsampalataya sa Diyos ay hindi ganoon kaganda o kadali gaya ng iniisip ko. Kailangan ko pa rin palang pagdusahan ang lahat ng pag-uusig at kapighatiang ito at dumaan sa maraming pagsubok sa aking pananampalataya sa Diyos—bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos?” Tama ba ang ganitong pag-iisip o mali? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, hindi ba’t ipinapakita ng pag-iisip na ito na humihingi sila ng mga bagay na hindi makatwiran sa Diyos? Bakit hindi nananalangin sa Diyos o naghahanap ng katotohanan ang mga taong may gayong pag-iisip? Ang mabuting kalooban ng Diyos ay likas na nasa likod ng pagtulot Niya sa mga tao na maharap sa mga gayong bagay; bakit ba hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos? Bakit hindi nila kayang makipagtulungan sa gawain ng Diyos? Sinasadya ng Diyos na maharap ang mga tao sa mga gayong bagay upang hanapin nila ang katotohanan at kamtin ang katotohanan, at upang mamuhay sila nang umaasa sa katotohanan. Gayumpaman, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, sa halip, lagi nilang sinusukat ang Diyos gamit ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon—ito ang problema nila. Ganito mo dapat maunawaan ang mga di-kaaya-ayang bagay na ito: Walang sinuman ang nagpapatuloy sa kanyang buong buhay nang walang paghihirap. Para sa ilang tao, may kinalaman ito sa pamilya, para sa ilan, sa trabaho, para sa ilan, sa pag-aasawa, at para sa ilan, sa pisikal na karamdaman. Lahat ay dapat magdusa. Sinasabi ng ilan, “Bakit kailangan maghirap ang mga tao? Napakagandang mabuhay ng buong buhay natin nang mapayapa at masaya. Hindi ba maaaring hindi tayo maghirap?” Hindi—dapat maghirap ang lahat. Nagdudulot ang paghihirap na maranasan ng bawat tao ang napakaraming pakiramdam ng pisikal na buhay, positibo man, negatibo, aktibo o pasibo man ang mga pakiramdam na ito; nagbibigay sa iyo ng iba’t ibang damdamin at pagpapahalaga ang pagdurusa, na para sa iyo ay karanasan mo lahat sa buhay. Isang aspekto iyan, at iyan ay para magkaroon ng higit na karanasan ang mga tao. Kung mahahanap mo ang katotohanan at mauunawaan ang layunin ng Diyos mula rito, kung gayon ay mas malalapit ka sa pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos. Ang isa pang aspekto ay na ito ang responsabilidad na ibinibigay ng Diyos sa tao. Anong responsabilidad? Ito ang pagdurusa na dapat mong maranasan. Kung makakaya mo ang pagdurusa na ito at matitiis ito, ito ay patotoo, at hindi isang bagay na nakakahiya. Kapag nagkakasakit sila, natatakot ang ilang tao na malalaman ito ng ibang tao; iniisip nila na isang nakakahiyang bagay ang magkasakit, samantalang ang totoo, hindi ito dapat ikahiya. Bilang isang normal na tao, kung, sa kabila ng karamdaman, nagagawa mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, tiisin ang lahat ng uri ng pagdurusa, at nagagawa mo pa ring gampanan nang normal ang iyong tungkulin, nagagawang tapusin ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, isa ba itong mabuting bagay o isang masamang bagay? Mabuting bagay ito, patotoo ito sa pagpapasakop mo sa Diyos, patotoo ito sa tapat mong paggampan sa iyong tungkulin, at patotoo ito na nagpapahiya at nagtatagumpay laban kay Satanas. Kaya naman, ang bawat nilikha at bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos ay dapat tumanggap at magpasakop sa anumang pagdurusa. Ganito mo ito dapat maunawaan, at dapat mong matutuhan ang aral na ito at matamo ang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nakaayon ito sa layunin ng Diyos, at ito ang pagnanais ng Diyos. Ito ang isinasaayos ng Diyos para sa bawat nilikha. Ang paglalagay sa iyo ng Diyos sa ganitong mga sitwasyon at kondisyon ay katumbas ng pagbibigay sa iyo ng responsabilidad, obligasyon, at atas, kaya dapat mong tanggapin ang mga ito. Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Ito nga.) Hangga’t galing ito sa Diyos, hangga’t may ganitong hinihingi sa iyo ang Diyos at may ganitong layunin para sa iyo, ito ang katotohanan. Bakit nasasabing katotohanan ito? Ito ay dahil kung tatanggapin mo ang mga salitang ito bilang ang katotohanan, magagawa mong lutasin ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kuru-kuro at ang paghihimagsik mo, para kapag muli kang maharap sa mga paghihirap hindi ka lalabag sa pagnanais ng Diyos o maghihimagsik laban sa Diyos, ibig sabihin, maisasagawa mo ang katotohanan at makapagpapasakop ka sa Diyos. Sa ganitong paraan, makapagpapatotoo ka at ito ay nagbibigay-kahihiyan kay Satanas, at magagawa mong kamtin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan. Kung susundin mo ang sarili mong mga kuru-kuro at ideya, iniisip na, “Sumasampalataya na ako sa Diyos ngayon kaya dapat akong pagpalain ng Diyos. Dapat akong maging isang taong pinagpapala,” kung gayon, paanong nauunawaan mo ang pagpapalang ito? Ang pagpapalang nauunawaan mo ay isang panghabang-buhay na karangyaan at kasaganaan, ang magkaroon ng lahat ng gusto mong kainin at inumin, ang hindi magkaroon ng anumang karamdaman, ang maipanganak na mayroon na ng lahat, ang makuha ang lahat ng naisin mo, at ang magtamasa ng isang buhay na sagana sa materyal na bagay nang hindi na kailangan pang pagtrabahuhan ito. Higit pa rito, ito ay para makapamuhay ng mapayapang buhay kung saan maayos ang takbo ng lahat, namumuhay sa labis na kaginhawahan nang walang anumang pasakit—ito ang iniisip mong pagpapala. Pero kung titingnan ngayon, pagpapala ba iyon? Hindi iyon pagpapala, iyon ay kalamidad. Ang paglakad sa landas ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman ay magiging dahilan para lalo kang mapalayo sa Diyos, at nagiging sanhi rin ito para lalo kang lumubog sa buktot na mundong ito, at hindi mo na magawang makalaya. Kapag tinatawag ka ng Lumikha, maraming bagay ang hindi ka handang isuko, at hindi mo mabitiwan ang mga kaginhawahang ito ng laman. Kahit bigyan ka pa ng Diyos ng atas at hilingin sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, masyado mong pinapahalagahan ang iyong sarili: Ngayon ay hindi maganda ang pakiramdam mo, bukas ay hindi maganda ang mood mo, hinahanap-hanap mo ang iyong mga magulang, hinahanap-hanap mo ang iyong kabiyak, araw-araw ay iniisip lamang ang mga bagay sa laman, hindi ginagampanang mabuti ang anumang tungkulin pero gustong magtamasa ng mas higit pa kaysa sa iba. Nabubuhay ka na parang isang linta—kaya mo bang isagawa ang katotohanan? Kaya mo bang magbigay ng patotoo? Hindi, hindi mo kaya. Napakaraming imahinasyon ang mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos. Iniisip nilang matapos nilang makasampalataya sa Diyos, magkakaroon sila ng kayamanan at kapayapaan sa buong buhay nila, na makikinabang kasama nila ang lahat ng kanilang kamag-anak, nagniningning ang mga mata sa inggit, na hindi na sila kailanman maghihirap, at hindi na sila kailanman magkakasakit o mahaharap sa anumang uri ng sakuna. Nagiging dahilan ang gayong mga imahinasyon para magkaroon ang mga tao ng maraming di-makatwirang hinihingi sa Diyos. Kapag nagkaroon ka ng mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos, normal ba ang iyong ugnayan sa Diyos o hindi normal? Siguradong hindi ito normal. Kung gayon, nagiging dahilan ba ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito para pumanig ka sa Diyos o kumontra ka sa Diyos? Nagiging dahilan lamang ang mga ito para maging kontra ka sa Diyos, para makipagtagisan ka at makipaglaban sa Diyos, at ipagkanulo at itakwil mo pa nga ang Diyos, at ang mga pag-uugaling ito ay lalo pang lumalala. Ibig sabihin, sa sandaling magkaroon ng ganitong mga kuru-kuro ang mga tao, hindi na nila kaya pang panatilihin ang isang normal na ugnayan sa Diyos. Kapag nagkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, nararamdaman ng puso nila ang paghihimagsik at pagiging negatibo. Sa mga ganitong pagkakataon, dapat nilang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga kuru-kurong ito. Kapag nauunawaan na nila ang katotohanan, kapag nauunawaan nila ang atas na ibinibigay sa kanila ng Diyos at ang maraming hinihingi ng Diyos para sa kanilang pananampalataya sa Kanya, sa sandaling maunawaan na nila ang mga bagay na ito, at kaya na nilang umasal at kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, sa ganitong paraan, malulutas ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa sandaling maunawaan na nila ang katotohanan, likas nilang bibitiwan ang kanilang mga kuru-kuro, at sa puntong iyon, lalong magiging normal ang kanilang ugnayan sa Diyos. Ang paglutas sa mga kuru-kuro ay katumbas ng paglutas sa mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa ibang salita, kapag nabitiwan at nalutas na nila ang kanilang mga kuru-kuro, saka lamang nila mauunawaan kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga hinihingi ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.