Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok (Ikalawang Bahagi)

Sa kasalukuyan, kapag ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin, posible pa rin ba kayong mapigilan ng bawat uri ng tao, pangyayari, at bagay? Napanghahawakan ba ninyo ang katotohanan at nagagawa ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo? (Hindi.) Kung gayon, saan kayo karaniwang nahihirapan? (Minsan, kapag nakikita kong gumagawa ang ibang tao ng mga bagay na nakapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ipinaaalam ko ito, ngunit kapag nakikita kong hindi nila ito tinatanggap, o na masama ang saloobin nila, natatakot akong magsimula ng pagtatalo, kaya nakikipagkompromiso ako.) Tama ba o mali ang pakikipagkompromiso? (Mali ito, ngunit nangangamba akong kung ipagpipilitan ko ang bagay na iyon, magkakaroon ng pagtatalo at masisira nito ang kapayapaan, at sasama ang tingin sa akin ng mga tao.) Kung nais mong umiwas sa mga pagtatalo, ang makipagkompromiso ba ang tanging paraan? Sa anong mga sitwasyon ka maaaring makipagkompromiso? Kung may kinalaman ito sa maliliit na bagay, tulad ng sarili mong interes o iyong pride, hindi na kailangang makipagtalo tungkol dito. Maaari mong piliing magparaya o makipagkompromiso. Ngunit sa mga bagay na maaaring makaapekto sa gawain ng iglesia at makapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, dapat mong sundin ang mga prinsipyo. Kung hindi mo sinusunod ang paniniwalang ito, hindi ka tapat sa Diyos. Kung pipiliin mong makipagkompromiso at talikuran ang mga katotohanang prinsipyo upang umiwas sa kahihiyan o pangalagaan ang iyong mga interpersonal na ugnayan, hindi ka ba makasarili at mababang-uri? Hindi ba ito tanda ng pagiging iresponsable sa iyong tungkulin at hindi pagiging tapat sa Diyos? (Tanda nga ito.) Kaya, kung dumating ang oras sa panahon ng iyong tungkulin na ang lahat ay hindi nagkakasundo, paano ka dapat magsagawa? Malulutas ba ang problema kung makikipagtalo ka nang husto tungkol dito? (Hindi.) Kung gayon, paano mo dapat lutasin ang problema? Sa sitwasyong ito, ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan ay dapat mangunang lutasin ang isyu, ipresenta muna ang isyu at hayaan ang magkabilang panig na ipahayag ang kanilang opinyon. Pagkatapos, dapat hanapin ng lahat ang katotohanan nang sama-sama, at pagkatapos manalangin sa Diyos, dapat pagbahaginan ang nauugnay na katotohanan sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nilang magbahaginan sa mga katotohanang prinsipyo at magkaroon ng kalinawan, magagawa na ng magkabilang panig na magpasakop. Dapat nilang matutunang magpasakop sa katotohanan. Kung karamihan ng mga tao ay nakapagpapasakop sa katotohanan, ngunit may iilan na hindi nagpapasakop sa katotohanan, o na hindi nahihikayat na maging makatwiran, sila ay mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, at ang mga kalikasan nila ay mga kalikasan ng masasamang tao, at madali silang makikilatis ng mga taong hinirang ng Diyos. Ito ang pinakamagandang paraan para lutasin ang isyu ng mga pagtatalo sa iglesia. Ang paggamit sa katotohanan upang lutasin ang mga problema ay isang mahalagang prinsipyo, at hindi maaaring walang prinsipyong makipagkompromiso ang isang tao. Kung, upang maingatan ang iyong mga personal na ugnayan, pride, at pansariling interes, ay nagagawa mong isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, nakikipagkompromiso ka kay Satanas. Hindi ito maprinsipyo, at hindi ito matapat sa Diyos. Kung ang bawat tao ay makikipaglaban upang makaiwas sa kahihiyan at ipagdidiinan ang sarili nilang mga dahilan, ito ba ang saloobin ng paghahanap sa katotohanan? Ito ba ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa kanyang tungkulin? (Hindi.) Para makamit ng isang tao ang pagkamatapat sa kanyang tungkulin, hindi siya dapat makipag-away para sa reputasyon o pansariling interes, dapat niyang hayaang ang Diyos ang magkaroon ng awtoridad, at hayaang ang katotohanan ang kanyang maging panginoon; ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat, at ang epektibong gawain ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi ba’t tama ang prinsipyong ito? (Oo.) Kung makasusunod kayong lahat sa prinsipyong ito, ano pa ang pagtatalunan ng mga tao? Hindi na magkakaroon ng mga pagtatalo. Ang mga taong palaging nagpoprotekta sa sarili nilang mga interes at hindi talaga nagsasagawa ng katotohanan ay hindi mabubuting tao, at ang mga taong palaging nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos upang makuha ang pagsang-ayon ng iba ay mas masahol pa. Ang lahat ng taong ito ay mga hindi mananampalataya, at mga taong nagkakanulo sa Diyos. Kung ang isang tao ay nakipagtalo at nakipagdebate sa iba upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang pagiging epektibo ng gawain ng iglesia, at ang kanyang saloobin ay medyo hindi sumusuko, masasabi ba ninyong problema iyan? (Hindi.) Dahil tama ang kanyang layunin; ito ay upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang tao na tumatayo sa panig ng Diyos at sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, isang taong kinalulugdan ng Diyos. Ang pagkakaroon ng isang malakas at determinadong saloobin kapag pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay isang tanda ng isang matatag na paninindigan at pagsunod sa mga prinsipyo, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Maaaring madama ng mga tao na may problema sa saloobing ito, ngunit hindi ito malaki; wala itong kinalaman sa paghahayag ng tiwaling disposisyon. Tandaan, ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamahalaga.

Ang buhay pagpasok ay ang pinakamahalagang bagay. Saan ba pangunahing nauugnay ang buhay pagpasok? (Sa paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan. Pangunahin itong nauugnay sa paghahangad sa katotohanan. Tanging ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang siyang may buhay pagpasok. Kung nais ng mga taong magkaroon ng buhay pagpasok, may kinalaman ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Paano dapat kilatisin kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan? Anong uri ng tao ang hindi naghahangad sa katotohanan? Alam ba ninyo? Ang unang uri na tinalakay Ko ay ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ano ang diwa ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? (Pagkatapos basahin ang mga salitang mula sa Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, wala silang makitang ugnayan sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng sarili nilang mga kalagayan at pagpapamalas; inisip nilang ibang tao ang tinutukoy ng Diyos.) Pangunahin na hindi nila nagagawang ihambing ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos, ngunit alam ba nila ito? (Hindi.) Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay walang kakayahang mapagtanto ang mga bagay na ito. Masayahin pa rin ang kanilang mga puso; inaakala nilang nauunawaan nila ang marami sa mga salita ng Diyos, ngunit sa katunayan, para sa kanila, ang bawat salita ay isa lamang regulasyon. Iniisip nila, “Kung may ipagagawa sa akin ang Diyos, gagawin ko ito. Kung may patatalikuran Siya sa akin, tatalikuran ko ito; kung ipaaalay Niya sa akin ang aking sarili, gagawin ko ito. Sa pagpapasakop sa Diyos sa ganitong paraan, ako ay naliligtas.” Matapos sumampalataya sa ganitong paraan nang ilang taon, iniisip nilang may kapital na sila, tulad ng kung paanong sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Kahit paano mo pa ito sabihin, walang espirituwal na pang-unawa si Pablo. Talagang kaawa-awa ito. Nakayayamot na ngang wala siyang espirituwal na pang-unawa, ngunit dagdag pa roon, hindi niya hinangad ang katotohanan. Itinuring niya ang lahat ng sarili niyang doktrina, salawikain, imahinasyon, kuru-kuro, kaalaman, at pilosopiya na para bang ang mga iyon ang katotohanan, at ginamit ang mga iyon bilang pundasyon kung saan palalawakin ang sarili niyang mga paghahangad. Ang resulta, anuman ang gawin niya, hindi niya isinasabuhay ang mga katotohanang realidad, at anuman ang gawin niya, hindi ito naaayon sa mga layunin ng Diyos. Malubha ang problema niyang ito! Si Pablo ang nangunguna pagdating sa kawalan ng espirituwal na pang-unawa, hindi ba? (Oo.) Ang mga tao bang walang espirituwal na pang-unawa ay nagmamahal sa katotohanan? Talagang hindi, dahil ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay walang kakayahang maarok ang katotohanan, at kung hindi nila naaarok ang katotohanan, imposible nilang mahalin ang katotohanan. Paano nagpapamalas ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa? Ang pangunahing pagpapamalas ay na kahit paano pa makipagbahaginan sa kanila ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi pa rin sila nakauunawa, at kahit gaano pa kalinaw magbahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa katotohanan, wala pa rin silang kakayahang arukin ito. Direkta itong nauugnay sa pagkakaroon ng masyadong mahinang kakayahan. Kaya bang hangarin ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang katotohanan? Hindi nila ito magagawa kahit gustuhin pa nila. Hindi kayang unawain ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang tinatalakay ng Diyos, hindi nila alam kung anong mga kalagayan ang inilalantad ng Diyos, at hindi nila naihahambing ang kanilang sarili sa mga ito. Itinuturing nila ang lahat ng salita ng Diyos bilang mga regulasyon, mga kataga, mga salawikain, at doktrina, at kailanman ay hindi nila nalalaman na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Ano ang problema rito? Ito ay na masyadong mahina ang kanilang kakayahan, hindi talaga sila nagtataglay ng kakayahang makaarok, at nagpapamalas sila ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa.

Ang pangalawang uri ay mga taong may espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay kayang unawain ang katotohanan, ihambing ang kanilang sarili kapag kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, at unawain kung ano ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, kung anong mga katotohanan ang nasa mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga hinihingi ng Diyos. Katumbas ba ng pagkakaroon ng pagpasok ang pagkakaroon ng kakayahang makaunawa? (Hindi.) Kung gayon, kapag sinabi Kong kaya nilang umunawa, ano ang tinutukoy nito? Ano ang tinatalakay nito? (Kaya nilang paghambingin ang mga salita ng Diyos at ang kanilang sarili.) Bahagi nito ang kakayahang maghambing ng kanilang sarili. Inaamin nila ang mga tiwaling disposisyon ng tao at ang bawat uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos. Kaya, may kakayahan ba silang malaman kung ano ang hinihingi ng Diyos? Dapat nilang malaman sa isang partikular na antas—malaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, malaman kung anong mga prinsipyo ang tinatalakay sa mga salita ng Diyos, at kung ano ang Kanyang mga layunin. Malinaw sa kanila ang mga bagay na ito at nauunawaan nila ang mga ito; iyon ang dahilan kung bakit tinatawag silang mga taong may espirituwal na pang-unawa. Kapag ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, naihahambing nila rito ang kanilang sarili, nauunawaan nila kung ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga hinihingi. Ipinakikita nito na ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng kakayahan at abilidad na maarok ang katotohanan. Kaya, ibig ba talagang sabihin ng pagtataglay ng kakayahan at abilidad na ito ay may buhay pagpasok na sila? (Hindi.) May ilang iba’t ibang sitwasyon. May ilang taong nakauunawa sa mga salita ng Diyos, at nagtataglay ng kakayahan at abilidad na maarok ang Kanyang mga salita, ngunit hindi kailanman inihahambing ang mga ito sa kanilang sarili. Inihahambing lang nila ang mga salita ng Diyos sa ibang tao, hinahanapan ng mga kapintasan ang ibang tao, ginagamit ang mga pagkukulang ng mga ito laban sa mga ito, hinahanapan ng mali ang mga kalagayan ng mga ito, at sinusubukang basahin ang iniisip ng mga ito, na para bang tagatukoy sila. Kapag wala silang magawa, pinag-iisipan nila kung ano ang iniisip ng ibang tao, sinusubukang tukuyin kung ano ang iniisip ng mga tao sa puso ng mga ito, kung ano ang mga kaisipan at ideya na nasa puso ng mga ito, kung ano ang layunin, hangarin, motibasyon, inaasam ng mga ito, at kung anong mga tiwaling disposisyon ang ipinakikita ng mga ito habang gumagawa ng mga bagay. Ano ang layon nila sa pagtukoy sa mga bagay na ito? Ang ihambing ang mga salita ng Diyos sa ibang tao, pagkatapos ay lutasin ang mga problema ng mga ito. Halimbawa, ang kapaligirang kinalalagyan ni “Mr. Smith,” kung ano ang kanyang pinagmulang pamilya, kung ilang taon na siyang sumasampalataya sa Diyos, kung ano ang mga karaniwan niyang suliranin, kung ano ang mga nagiging kahinaan niya kapag hinahangad ang pagbabago ng kanyang disposisyon, kung saan siya madalas na nahihirapan kapag may mga nangyayari, sa anong mga sitwasyon madali sa kanyang maging negatibo, kung gaano kahusay niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kung paano niya hinaharap ang mga salita ng Diyos, at kung normal ang kanyang espirituwal na buhay—malinaw ang pag-arok nila sa lahat ng bagay na ito. Napakatalino nila, ngunit sa kasamaang-palad ay hindi nila ginagamit ang talino nila sa mga tamang lugar. Nilulutas nila ang mga problema ng ibang tao, ngunit sila mismo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kadalasan, ang ganitong uri ng tao ay isang lider o manggagawa, o isang taong may ilang responsabilidad. Problematiko ba ang ganitong paraan ng paghahangad na taglay ng ganitong uri ng tao? (Oo.) Problematiko ang ganitong paraan ng paghahangad, at malubha ito. Gaano kalubha? Dapat natin itong pagbahaginan. Ang ganitong uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa, kayang makaunawa ng mga salita ng Diyos, at marunong maghambing sa mga salita ng Diyos, ngunit kailanman ay hindi niya naihambing ang mga salita ng Diyos sa kanyang sarili; sa halip, inihahambing niya ang mga salita ng Diyos sa ibang tao. Ano ang layon niya sa paghahambing sa ibang tao? (Ang magpasikat.) Tama iyan. Nagpapasikat siya upang matupad ang kanyang mga pagnanais at ambisyon, upang mas mapatatag ang kanyang katayuan, at upang mas magkaroon siya ng kakayahang makuha ang loob ng mga tao. Ang katunayang kaya niya itong gawin ay nauugnay sa kanyang kalikasan, at direktang nauugnay sa kung ano ang hinahangad niya kapag sumasampalataya sa Diyos. Kung huhusgahan batay sa katunayan na ibinibigay niya ang buong puso niya sa mga bagay at ginagawa niya ang kanyang trabaho sa abot ng kanyang makakaya, at sa katunayang lubusan niyang naaarok ang lahat ng iba’t ibang kalagayan ng ibang tao, masasabi ba na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan? Hindi naman talaga. Kung gayon, paano matutukoy kung ang isang tao ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Kung masyado siyang responsable pagdating sa buhay pagpasok ng mga kapatid, ginagawa niya nang buong puso at buong sikap ang mga bagay, ginagawa niya nang napakabuti ang kanyang gawain, madalas niyang hinahanap ang katotohanan hinggil sa bawat uri ng kalagayan ng mga kapatid, at pagkatapos ay nilulutas ang mga problema, sa pamamagitan ng pagganap sa kanyang tungkulin nang ganito, isa na ba siyang kwalipikadong lider? Batay sa mga pagpapamalas at pagpapakita niyang ito, masisiguro ba na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi naman talaga.) Bakit? (Kaya niyang lutasin ang mga problema ng ibang tao, ngunit hindi niya kailanman naihambing ang mga salita ng Diyos sa sarili niya.) Kung hindi niya kailanman nalutas ang sarili niyang mga problema, paano niya lulutasin ang mga problema ng ibang tao? (Umaasa siya sa mga salita at doktrina upang malutas ang mga iyon.) Nakauunawa siya ng ilang salita at doktrina, may kaunting talino, may matalas na memorya, mabilis tumugon sa mga bagay, at sa sandaling makarinig siya ng isang sermon, nagagawa niyang ipangalandakan agad ito sa iba. Batay sa mga bagay na ito, may buhay pagpasok ba siya? (Wala.) Ang paglutas sa mga paghihirap ng ibang tao ngunit hindi kailanman paglutas sa sariling mga paghihirap ay hindi isang pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan. Gumagamit lang siya ng doktrina at ng mga salita ng Diyos, o ng lahat ng uri ng taktika at pamamaraan, upang hikayatin at kumbinsihin ang ibang tao; ginagamit niya ang mga salita at doktrinang kanyang nauunawaan, o ginagaya at kinokopya niya ang mga salita ng karanasan sa buhay upang tulungan ang mga taong malutas ang paghihirap. Ginagamit niya ang mga pamamaraang ito upang lutasin ang mga paghihirap ng ibang tao sa halip na gamitin kung ano ang personal na niyang napagdaanan at ang mga aktuwal niyang karanasan upang lutasin ang mga ito. Pinatutunayan nito na ang taong ito ay hindi isang taong naghahangad sa katotohanan. Ano ba ang ibinibigay niya sa ibang tao? (Doktrina.) Bakit natin sinasabi na doktrina ito? Dahil hindi ito galing sa sarili niyang mga karanasan, hindi ito isang bagay na aktuwal niyang napagdaanan, at hindi ito ang tunay niyang pagkaunawa. Ano ba talaga ang ipinandidilig niya sa iba? Doktrina, mga kataga, at mga salitang nanghihikayat at nagpapalubag-loob sa mga tao. Gumagamit din siya ng mga pamamaraan, taktika at talino ng tao, at anuman ang mangyari, iniisip niyang ang pagsagot sa mga katanungan ng mga tao ay paglutas sa mga problema, at na paggawa ito ng gawain. Batay sa kanyang mga pagpapamalas, sa mga bagay na ibinibigay niya sa iba, sa paraan ng paggawa niya, at sa landas na tinatahak niya, ang tao bang ito ay isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t medyo mapagkunwari ang paggamit ng katotohanan upang lumutas ng mga problema gayong siya mismo ay walang pagpasok? (Oo.) Mapagkunwari ito; mapagpaimbabaw ito, at nanlilinlang ito ng iba. Kaya, magagampanan ba nang maayos ng mga ganitong tao ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at may direktang kaugnayan ang pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao at ang pag-unawa sa katotohanan. Halimbawa, dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan upang madiligan ang iglesia; dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan upang malutas ang mga problema; dapat ding maunawaan ng isang tao ang katotohanan upang mapangasiwaan ang mga problema; lalo pang kinakailangan ang pag-unawa sa katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis sa mga tao. Ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia ay may kinalaman sa katotohanan; kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya gagawin nang maayos ang mahalagang gawain ng iglesia, at sapat lang ang magiging paggawa niya sa mga pangkalahatang gawain. Samakatwid, kung hindi naghahangad sa katotohanan ang isang lider, kahit na gaano pa siya kaabala, gaano pa karaming pisikal na gawain ang kanyang gawin, o gaano pa siya katinding magdusa, hindi magiging mahusay ang trabaho niya, at hindi niya magagampanan ang kanyang tungkulin sa buong saklaw ng trabaho at mga responsabilidad. Kapag nagtatrabaho siya, nagpaparoo’t parito siya nang walang dahilan, nakikita niya kung saan may mga problema at inaayos niya ang mga iyon sa napakasimpleng paraan. Kapag may isang taong may kung anumang problema, nagbabahagi siya ng kaunting doktrina, at kapag may isang taong negatibo at nanghihina, pinalalakas niya ang loob nito at hinihikayat ito; ito ang mga bagay na kanyang ginagawa. Iniisip niyang kung susubaybayan niya ang mga taong kanyang pinangungunahan, basta’t abala ang lahat at hindi batugan, ay ginagawa na niya nang maayos ang kanyang trabaho, at na kung kaya niyang umikot sa lahat ng dako at magsiyasat at mangasiwa ng gawain, kung walang sinumang magsusumbong o maglalantad sa kanya, kung magagawa niyang mangaral at magsalita saanman siya magpunta, at kung maayos na umuusad ang lahat ng bagay nang walang anumang balakid, ay ginagampanan na niya ang kanyang mga responsabilidad at tungkulin. Pagsasakatuparan ito sa gawain mula sa posisyon ng katayuan, hindi paggamit sa katotohanan upang lumutas ng mga problema sa isang praktikal na paraan. Pinahahalagahan niya ang paggawa sa gawain, at habang pinahahalagahan ang paggawa, maaaring wala siyang anumang ginagawa para sa kanyang katayuan—ang tanging ginagawa niya ay walang-humpay na gumamit ng doktrina at mga salawikain upang hikayatin ang taong ito o palakasin ang loob ng taong iyon, walang-humpay na nagpapakaabala sa gawaing ito. Iniisip niyang basta’t hindi siya batugan, ayos lang ito. Ang unang bagay ay hindi siya maaaring magpabaya, ang pangalawa ay dapat siyang maging masipag, at ang pangatlo ay dapat niyang makayanan ang pagdurusa. Nagkukumahog siya buong araw—kung may problema kung saan man ay dapat itong maayos sa lalong madaling panahon, at dapat ay palagi siyang magtanong-tanong kung may anumang problema ang sinuman. Iniisip niyang ang paggawa nito ay paghahangad sa katotohanan. Ang totoo, ang pagkakaroon ba ng mga pagpapamalas na ito ay talagang nangangahulugang hinahangad niya ang katotohanan? Talaga bang nangangahulugan itong may buhay pagpasok siya? Kwestyonable pa rin ang bagay na ito. Ito ang unang pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ngunit hindi naghahangad sa katotohanan.

Ang pangalawang pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ngunit hindi naghahangad sa katotohanan ay nagagawa nilang unawain ang mga salita ng Diyos, unawain ang praktikal na aspekto ng sinasabi ng Kanyang mga salita, at nagagawa nilang ihambing ang mga salita ng Diyos sa kanilang sarili, ngunit kailanman ay hindi nila ito isinasagawa. Ang ganitong uri ng tao ay hindi gumagawa ng mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, o alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi rin nila pinipigilan ang kanilang sarili. Kapag may nangyari, gusto lang nilang pilitin ang mga taong magpasakop at makinig sa kanila, ngunit sila mismo ay ayaw magpasakop sa katotohanan. Itinuturing nila ang pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa katotohanan bilang responsabilidad, obligasyon, at tungkulin ng ibang tao, at bilang isang bagay na dapat gawin ng ibang tao. Itinuturing nila ang kanilang sarili na para bang naiiba sila. Kahit gaano pa karami ang kanilang nauunawaan, o gaano karami sa mga salita ng Diyos ang kaya nilang iugnay sa kanilang sarili, iniisip nilang ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay patungkol sa ibang tao at walang kinalaman sa kanila. Kaya, ano ang ginagawa nila? Napakaabala rin nila. Pumupunta sila sa iglesia at tinitingnan nila kung sino ang may puna sa kanila, at pagkatapos ay tinatandaan ito. Pagkatapos, pag-iisipan talaga nilang mabuti kung paano “ayusin” ito. Sinasabi nila, “Magtapatan at magbahaginan tayo. Anuman ang iniisip mo sa loob mo, anuman ang mga opinyon mo tungkol sa akin, at anuman ang mga puna mo sa akin, ipaalam mo lang sa akin at gagawin ko ang makakaya ko para magbago at ibahin ang paggawa ko sa mga bagay.” Ano ang layon nila sa pagbabago? Ang magustuhan sila ng ibang tao. Bukod dito, tinitingnan nila kung sino ang may puna sa kanila, at kung sino ang hindi nagpapasakop sa kanila, at pagkatapos ay naghahanap sila ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos upang “ayusin” ito. Sinasabi nila, “Ang Diyos ay ang pinuno kapag naghahalal ang sambahayan ng Diyos ng mga lider at manggagawa. Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ay ang awtoridad. Ang sinumang ihalal ng mga kapatid bilang lider, iyon ang nais ng Diyos, at dapat kayong magpasakop dito. Hindi ka nagpapasakop sa akin, kundi sa patnubay ng Banal na Espiritu, at sa katotohanan. Kung hindi ka magpapasakop, maparurusahan ka!” Pagkatapos makinig, may ilang taong nakaaalam na mali ang pagkaunawa ng lider sa mga salita ng Diyos, at binabaluktot nito ang mga katunayan upang manlihis ng mga tao, at hindi ito nakikinig. Kapag nakita ng lider na hindi masyadong nagpapasakop sa kanya ang mga taong ito, iniisip niya, “Ayaw mong magpasakop sa akin, hindi ba? May iba pa akong mga paraan ng pakikitungo sa iyo. Hindi na kita pakikitunguhan nang may diplomasya.” Sinasabi ng lider sa mga taong hindi nagpapasakop sa kanya, “Natapos mo na ba ang gawaing ibinigay ko sa iyo?” At sinasabi ng mga tao, “Kaunti na lang ang kailangan kong gawin bago ito matapos. Hindi ito magdudulot ng anumang pag-antala.” Sinasabi ng lider, “Paano naging hindi pag-antala ang pagkakaroon ng kaunti pang natitira? Sa mga mata ng Diyos, ang kaunti ay marami. Isa itong pagpapamalas ng pagiging hindi tapat. Tinatawag mo itong paggawa sa iyong tungkulin?” Ang totoo, ito ba talaga ang gustong sabihin ng lider? Anong layon ang nasa puso niya? Gusto niyang puwersahin ang ibang tao na magpasakop, talunin ang mga ito, at ipakita sa mga ito na hindi sila kasinggaling gaya ng inaakala nila, ngunit hindi niya iyon puwedeng sabihin nang direkta. Kung gagawin niya iyon, makikita ng mga kapatid ang tunay niyang kulay at ilalantad siya ng mga ito, kaya dapat siyang makahanap ng matuwid na dahilan at katwiran sa paggawa ng mga bagay; dapat niyang supilin ang mga tao sa isang paraang “matuwid at makatwiran,” upang pagkatapos niyang supilin ang mga tao ay hindi ito maging halata sa iba, mapasunod nito ang mga taong nabanggit, at maisakatuparan ang layon ng lider na mapatatag at mapatibay ang kanyang katayuan. Anong disposisyon ito? (Mapaminsala at mapagpakana siya.) Siya ay mapaminsala, mapagpakana, mapanira, at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan. Hindi niya pinapansin ang mga bagay na walang kinalaman sa kanyang katayuan, at hindi niya isinasapuso ang mga iyon, ngunit pagdating sa mga bagay na nakaaapekto sa kanyang kasikatan, pakinabang, katayuan, pride, at kanyang posisyon sa iglesia, pinanghahawakan niya ang mga bagay na ito at hindi binibitiwan, at nagsisimula siyang magseryoso. Kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa mga regular niyang pagtitipon, minsan ay makikilala niya ang kanyang sarili, maihahambing ang mga salita ng Diyos sa kanyang sarili, at mailalantad ang sarili niyang tiwaling disposisyon, ngunit may hangarin sa likod nito, isang layunin: Ang lahat ng ito ay upang mahikayat ang iba na tingalain siya, kainggitan siya, at igalang siya, at upang mapatibay ang kanyang katayuan. May mga ambisyon siya at isang hangarin. Kung hindi ito alang-alang sa kanyang katayuan, hindi siya nagsasalita; kung hindi ito alang-alang sa pagsiguro sa kanyang katayuan, wala siyang ginagawa—ang lahat ng kanyang ginagawa ay alang-alang sa kanyang katayuan. Magkakanda-kuba siya sa pagtatrabaho alang-alang sa kanyang katayuan, ngunit kung alang-alang ito sa gawain ng iglesia, kapag nakakita siya ng mga problema ay hindi niya lulutasin ang mga iyon, kapag nag-ulat ng mga problema ang ibang tao ay hindi niya tutugunan ang mga iyon, at hindi siya kikilos upang asikasuhin ang anumang bagay; nakikita niyang abala ang ibang tao sa pagganap sa mga tungkulin ng mga ito, ngunit wala talaga siyang ginagawa. Anong uri ng tao ito? (Isang napakababa at ubod ng samang taong nabubuhay lang para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan.) Ang isa bang taong nabubuhay lang para sa katayuan ay isang taong naghahangad sa katotohanan? May kakayahan ba siyang hangarin ang katotohanan? (Wala.) Mahirap masabi. Kung may kaunti siyang konsensiya, may kahihiyan, may dangal at karakter, at nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan pagkatapos dumanas ng kaunting pagkastigo at paghatol, dumanas ng pagpupungos, o ng pagsubok at pagpipino, posible niyang mabago ang mga bagay. Gayumpaman, kung siya ay manhid, mapurol ang utak, mapagmatigas, at hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, kahit gaano pa kalawak ang nauunawaan niya, may saysay ba ito? (Wala.) Kahit gaano pa kalawak ang nauunawaan niya ay hindi nito maaantig ang kanyang puso. Kahit gaano pa sila kaabalang tingnan, kahit gaano pa karaming oras ang gugulin nila sa pagparoo’t parito sa mga kalye, kahit gaano pa ang isakripisyo, isuko, at gugulin nila, maituturing bang mga naghahanap ng katotohanan ang mga uri ng taong nagsasalita at kumikilos lamang alang-alang sa katayuan? Talagang hindi. Para sa katayuan, magbabayad sila ng anumang halaga. Para sa katayuan, daranas sila ng anumang paghihirap. Para sa katayuan, hindi sila titigil kahit anong mangyari. Sinusubukan nilang hanapan ng baho ang iba, palabasing may kasalanan ang mga ito, o pahirapan at yurakan ang ibang tao. Ni hindi sila natatakot na maparusahan at mapaghigantihan; kumikilos sila alang-alang sa katayuan nang hindi man lang iniisip ang mga kahihinatnan. Ano ba ang hinahangad ng mga taong kagaya nito? (Katayuan.) Ano ang pagkakatulad nito kay Pablo? (Ang paghahangad ng putong.) Hinahangad nila ang putong ng katuwiran, naghahangad sila ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, at itinuturing nilang lehitimong paghahangad ang paghahangad sa katayuan, kasikatan, at pakinabang sa halip na hangarin ang katotohanan. Ano ang pinakapangunahing katangian ng gayong mga tao? Ito ay na sa lahat ng aspekto, kumikilos sila alang-alang sa katayuan, kasikatan, at pakinabang. Ang ganitong uri ng tao, na gumagawa ng mga bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ay pinakabihasa sa panlilihis ng iba. Kapag una mo siyang nakilala, hindi mo makikita ang tunay niyang kulay. Makikita mo na tila maganda ang doktrinang kanyang tinatalakay, tila praktikal ang kanyang sinasabi, talagang akma ang gawaing kanyang isinasaayos, at tila may kakayahan siya, at medyo hinahangaan mo siya. Ang ganitong uri ng tao ay handa ring magbayad ng halaga kapag ginagampanan ang kanyang tungkulin. Araw-araw siyang nagtatrabaho nang husto ngunit hindi kailanman nagreklamo na napapagod na siya. Wala siyang kahit kaunting karupukan. Kapag nanghihina ang ibang tao, siya ay hindi. Hindi rin siya nagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, at hindi siya mapili sa pagkain. Kapag may espesyal na inihanda para sa kanya ang pamilyang nagpapatira sa kanya, tinatanggihan niya ito at hindi kinakain. Kumakain lang siya ng mga ordinaryong pagkain. Ang sinumang nakakakita ng mga ganitong tao ay humahanga sa kanila. Kaya, paano makikilatis kung ginagawa niya ang mga bagay alang-alang sa katayuan? Una, dapat tingnan kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan. Saan ito mahahalata? (Sa kanyang layunin at pinagsisimulan kapag gumagawa ng mga bagay.) Isang bahagi ito. Pangunahin itong mahahalata sa layon na kanyang hinahangad. Kung ito ay alang-alang sa pagtamo sa katotohanan, pahahalagahan niya ang madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Kung madalas siyang nagbabahagi tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili, makikita niyang masyadong maraming bagay ang wala sa kanya, na hindi niya tinataglay ang katotohanan, at likas niyang pagsisikapang hangarin ang katotohanan. Habang mas nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili, lalo nilang nagagawang hangarin ang katotohanan. Ang mga taong palaging nagsasabi at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan ay malinaw na hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag sila ay pinupungusan, hindi nila ito tinatanggap—takot na takot silang masira ang kanilang reputasyon. Kaya, nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at pagnilayan ang kanilang sarili? Kaya ba nilang tunay na unawain ang mga paglihis sa sarili nilang karanasan? Kung wala sila ng alinman sa mga pagpapamalas na ito, makakatiyak na hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, ano pa ang ibang pagpapamalas ng mga tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at na naghahangad sa katayuan? (Kapag pinupuna sila ng ibang tao, hindi nila ito tinatanggap, at sa halip ay nagiging depensibo sila, pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili, at nagdadahilan sila. Nagsasalita sila upang mapanatili ang kanilang pride at maingatan ang kanilang katayuan. Kung may taong hindi sumusuporta sa kanila, inaatake at hinuhusgahan nila ito.) Kapag inaatake at hinuhusgahan ng mga tao ang iba, at nagsasalita sila at ipinagtatanggol ang kanilang sarili alang-alang sa sarili nilang pride at katayuan, ang hangarin at layon sa likod ng kanilang mga kilos ay malinaw na mali, at ganap silang nabubuhay para sa katayuan. Ang uri ba ng mga tao na nagsasabi at gumagawa ng lahat ng bagay alang-alang sa katayuan ay may pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Iniisip nilang kung isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos ay dapat nilang isagawa ang katotohanan, at kung isinasagawa nila ang katotohanan ay dapat silang magdusa at magbayad ng halaga. Pagkatapos, mawawala na sa kanila ang kasiyahang kaakibat ng katayuan, at hindi na nila matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Samakatwid, pinipili na lang nilang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hangaring makakuha ng mga gantimpala. Sa ano pang mga paraan nagpapamalas ang mga taong naghahangad ng katayuan? Ano pang mga bagay ang ginagawa nila? (Kung makakakita sila ng ilang talentadong indibidwal sa paligid nila na mas regular na naghahangad sa katotohanan, at na karapat-dapat sa paglilinang, at na mas may tendensiyang suportahan ng mga kapatid, dala ng takot na lalabanan at papalitan sila ng mga taong ito, at magiging banta sa kanilang katayuan, nag-iisip sila ng mga paraan upang supilin ang mga talentadong indibidwal na ito, at naghahanap ng lahat ng uri ng dahilan at palusot upang ipahiya ang mga ito. Ang pinakakaraniwang paraan ay ang bansagan ang mga ito na masyadong mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at palaging pumipigil sa iba, at papaniwalain ang mga tao na totoo ang mga bagay na ito, at hindi hayaan ang sambahayan ng Diyos na itaas ang posisyon o linangin ang mga indibidwal na ito.) Ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas. May iba pa ba kayong gustong idagdag? (Palagi nilang gustong magpatotoo para sa sarili nila at magpasikat. Palagi silang nagkukuwento ng kung anong kamangha-manghang bagay tungkol sa sarili nila; kailanman ay hindi sila nagkuwento ng hindi magandang aspekto nila, at kung may gawin silang masama, hindi nila pinagninilayan o hinihimay ang kanilang mga kilos.) Palagi nilang ikinukuwento kung paano sila nagdurusa at nagbabayad ng halaga, kung paano sila pinapatnubayan ng Diyos, at ipinakikita ang gawaing natapos nila. Bahagi rin ito ng paraan ng pagpapamalas sa pagprotekta at pagpapatibay ng katayuan. Ang mga taong naghahangad ng katayuan at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan ay may isa pang—mas kapansin-pansing—katangian, ito ay na anuman ang mangyari, sila dapat ang may huling salita. Naghahangad sila ng katayuan dahil gusto nilang sila ang may huling pasya. Gusto nilang sila ang nasusunod, at ang tanging taong may awtoridad. Anuman ang sitwasyon, dapat silang pakinggan ng lahat, at kahit na sino pa ang may isyu, dapat silang lumapit sa kanya at maghanap at humingi ng gabay. Ang mga pakinabang na ito ng katayuan ang nais nilang matamasa. Anuman ang sitwasyon, dapat ay sila ang may huling pasya. Kahit pa tama o mali ang sinasabi nila, kahit na mali ito, kailangan ay sila pa rin ang may huling pasya, at dapat nilang magawa na makinig at sundin sila ng iba. Isa itong malubhang problema. Anuman ang sitwasyon, dapat ay sila ang may huling pasya; nauunawaan man nila ang sitwasyong ito o hindi, kailangan silang manghimasok dito at magkaroon ng huling pasya. Anuman ang usaping pinagbabahaginan ng mga lider at manggagawa, sila dapat ang magdesisyon, at walang pagkakataon ang iba para magsalita. Anuman ang solusyong imumungkahi nila, dapat nilang magawang tanggapin ito ng lahat, at kung hindi ito tatanggapin ng iba, magagalit sila at pupungusan nila ang mga ito. Kung may mga puna o opinyon ang sinuman, kahit na tama ito at naaayon sa katotohanan, kailangan nilang isipin ang lahat ng uri ng paraan upang tutulan ito. Masyado silang magaling sa tusong pangangatwiran, hihimukin nila ang taong ito gamit ang matatamis na pananalita, at sa huli ay mapapasunod nila ito na gawin ang mga bagay-bagay sa paraang gusto nila. Dapat ay sila ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Hindi sila kailanman nakikipagnegosasyon sa mga katrabaho o kapareha nila; hindi sila demokratiko. Sapat na ito upang mapatunayang masyado silang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, hindi talaga nila kayang tanggapin ang katotohanan, at hindi talaga sila nagpapasakop sa katotohanan. Kung may mangyayaring isang malaking bagay, o isang bagay na napakahalaga, at magagawa nilang hayaan ang lahat na gumawa ng pagsusuri at magpahayag ng kanilang opinyon, at sa huli ay makapili ng isang paraan ng pagsasagawa ayon sa opinyon ng nakararami, at tiyaking hindi nito mapipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at na magiging kapaki-pakinabang ito sa kabuuan ng gawain—kung ito ang kanilang saloobin, sila ay taong nagpoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at taong kayang tumanggap sa katotohanan, dahil may mga prinsipyo sa likod ng paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan. Gayumpaman, ang mga tao bang naghahangad ng katayuan ay gagawa ng mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Paano nila gagawin ang mga bagay? Kung may mangyayari, wala silang pakialam kung ano ang payo ng ibang tao. May solusyon o desisyon na siya bago pa man magbigay ng payo ang mga tao. Sa kanilang puso, nakapagpasya na sila na iyon ang gagawin nila. Sa puntong ito, anuman ang sabihin ng mga tao, hindi nila ito papansinin. Kahit na pagsabihan sila ng isang tao, wala talaga silang pakialam. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga katotohanang prinsipyo, kapaki-pakinabang man ito sa gawain ng iglesia, o kaya man itong tanggapin ng mga kapatid. Wala ang mga bagay na ito sa saklaw ng kanilang pagsasaalang-alang. Ano ba ang isinasaalang-alang nila? Kailangan ay sila ang may huling pasya; gusto nilang sila ang maging tagapasya sa bagay na ito; dapat ay magawa ang bagay na ito sa paraang gusto nila; dapat nilang tingnan kung kapaki-pakinabang ba ang bagay na ito sa kanilang katayuan o hindi. Ito ang perspektibang ginagamit nila sa pagtingin sa mga bagay. Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kapag ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay gumagawa ng mga bagay, palagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang katayuan, kasikatan, at pakinabang; palagi nilang isinasaalang-alang kung paano ito nagiging kapaki-pakinabang sa kanila. Ito ang kanilang pinagsisimulan sa paggawa ng mga bagay.

May ilang taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan. Talagang may ilang tao ngang ganito. Tungkol naman sa mga pangunahing pagpapamalas nila, ang unang uri ay ang paggawa ng mga bagay alang-alang sa paggawa ng mga iyon; mahilig silang magtrabaho at hindi sila mapakali. Basta’t abala sila sa paggawa ng isang bagay ay masaya sila, pakiramdam nila ay matagumpay sila, at nabubuhayan sila ng loob. Ang pangalawang uri ng pagpapamalas ay ang paggawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan. Masyadong matindi ang mga ambisyon at pagnanais ng ganitong uri ng mga tao. Palagi nilang gustong makontrol at makuha ang loob ng mga tao, at palagi silang nagnanais na palitan ang Diyos. Ang pagnanais na palitan ang Diyos—alin sa mga paghahangad ni Pablo ang nauugnay rito? (Ang paghahangad niyang maging si Cristo.) Ang layunin nila sa paghahangad sa katayuan ay hindi lang maging isang taong nakahihigit sa iba, isang taong may katayuan na iginagalang ng iba. Ang pinakalayon nila ay ang makuha ang loob ng mga tao at makontrol ang mga ito, ang mahikayat ang iba na igalang sila at ituring sila na parang Diyos, at ang mahikayat ang lahat na sundin sila, magpasakop sa kanila, at sumampalataya sa kanila. Ano ang ipinahihiwatig ng lahat ng ito? Na sila ang magiging Diyos sa puso ng mga tao. Hindi ito paghahangad sa katotohanan, kundi sa halip ay paghahangad kay Satanas. Ang paghahangad sa katayuan ay malinaw na hindi paghahangad sa katotohanan, at ang paghahangad sa trabaho o reputasyon ay hindi rin paghahangad sa katotohanan. Ano pa ba ang ibang mga pagpapamalas? (Naghahangad sila ng mga pagpapala.) Tama iyan. Ibinibigay nila ang hinihinging kapalit, iniaalay ang sarili, nagdurusa, at handa silang talikuran ang pansarili nilang interes sa lahat ng uri ng bagay, pero ginagawa nila ito para pagpalain sila. Nagpapamalas lang sila sa ganitong paraan alang-alang sa pagtanggap ng pagpapala at pagkakaroon ng magandang destinasyon. Hindi rin ito paghahangad sa katotohanan. Ito ang pangatlong paraan ng pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan. Tulad ni Pablo, ginagawa nila ang mga bagay at nagdurusa sila para pagpalain at alang-alang sa destinasyon nila, pinagbabayaran nila ang anumang halaga. Malinaw ang layunin nila sa paggawa ng mga bagay: Anuman ang pinakamahalaga at pinakakinakailangan para makatanggap ng mga pagpapala, iyon lang ang pinagtutuunan nilang gawin. Basta’t nakakakuha sila ng pagsang-ayon at suporta mula sa mga kapatid, ayos lang ito. Nakatuon lang sila sa kung ano ang tingin sa kanila ng lahat, kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas, at kung nasa puso sila ng Diyos. Basta’t siguradong pagpapalain at gagantimpalaan sila, ayos lang ito. Gayumpaman, hindi nila kailanman ginagamit ang katotohanan para suriin ang ginagawa nila, at hindi nila kailanman isinusuko ang kagustuhang pagpalain; hindi sila nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung may gagawin sila nang hindi maayos at pupungusan sila, kung hindi malulugod sa kanila ang Itaas, at makikita nilang wala silang pag-asang mapagpala o marahil ay makatanggap ng magandang destinasyon, magiging negatibo na sila at susuko, hindi na nila gugustuhing gawin ang kanilang tungkulin. May ilan pa ngang ayaw lang talagang sumampalataya; iniisip nilang walang saysay ang pagsampalataya sa Diyos. Ang tatlong paraan ng paghahangad na nasa itaas ay pawang mga landas na sinusundan ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Maraming ganitong uri ng tao sa bawat iglesia, at silang lahat ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Anuman ang tungkuling ginagampanan nila, palagi nila itong iniuugnay sa pansarili nilang interes, sa pagtanggap ng mga pagpapala, at sa pagkakaloob sa kanila ng gantimpala, at hindi nila ito kailanman iniuugnay sa buhay pagpasok nila, sa pag-unawa sa katotohanan, o sa pagbabago ng kanilang disposisyon. Kahit gaano karaming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, o gaano karaming taon na silang gumaganap ng mga tungkulin, hindi nila kailanman hinangad na makilala ang sarili, hindi sila kailanman naghangad ng buhay pagpasok, at hindi nila kailanman hinangad na mahalin ang Diyos o magpasakop sa Diyos. Anuman ang ginagawa nila, hindi nila hinahanap ang katotohanan. Anuman ang katiwaliang ipinapakita nila, hindi nila ito inihahambing sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Anuman ang ginagawa nila, makasarili at napakababa ng mga layunin nila, patungkol lahat sa pagkakaroon ng mga pagpapala at personal na pakinabang. Kahit paano pa sila pungusan, hindi sila nagninilay sa sarili nila, at iniisip pa rin nilang tama sila. Bihirang maging negatibo ang ganitong uri ng mga tao. Hindi sila natatakot sa gaano man katinding pagdurusa kung ibig sabihin naman nito ay pagpapalain sila at makakapasok sa kaharian. Tunay ngang matiyaga sila, pero napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa magnilay sa sarili nila at makilala ang kanilang sarili, at iniisip nilang mabuti naman ang lagay nila. May isa pang pagpapamalas ang mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan: May ilang taong marami nang napakinggang sermon, ngunit hindi interesado sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, o sa mga salita Niya na naglalantad sa iba’t ibang kalagayan ng mga tao. Kahit na nauunawaan nila ang mga bagay na ito, hindi sila interesado. Kaya, bakit sumasampalataya pa rin sila sa Diyos kung hindi naman sila interesado? Talagang may malabo at di-makatotohanan silang kaisipan sa puso nila. Sinasabi nila, “Hindi ko alam kung ano ang kayang gawin ng Diyos sa lupa. Hindi ko masabi. Tila ang pangunahin Niyang nagagawa ay ang magbahagi tungkol sa katotohanan. Hindi ko masyadong nauunawaan ang mga diumano’y katotohanang ito, pero anupaman, medyo maganda ang mga bagay na sinasabi Niya, at sumusunod ang mga tao sa tamang landas dahil sa Kanya. Gayumpaman, hindi ko masabi kung Diyos ba talaga Siya o hindi.” Yamang masyado nilang pinagdududahan ang Diyos, bakit nananatili pa rin sila sa sambahayan ng Diyos sa halip na umalis? Ito ay dahil may malabo silang pananaw at pantasya sa kanilang puso. Iniisip nila, “Kung patuloy akong magpapalipas ng oras dito, posible kong matakasan ang kamatayan sa huli, at sa kalaunan ay makakapasok ako sa langit at makatatanggap ng malalaking pagpapala.” Kaya, habang naghahangad ang iba ng pagbabago sa disposisyon at tumatanggap ng pagpupungos, nandoon sila at nagdarasal sa Diyos sa langit, nagsasabing, “O Diyos, akayin Mo ako sa mga paghihirap na ito, at idulot Mo na magawa kong tanggapin ang pagpupungos. Handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos Mo.” Naririnig mong hindi mali ang mga salitang idinarasal nila, pero hindi nila kailanman inaamin ang pagkakaroon ng tiwaling disposisyon o pagkakamali. Sa puso nila, kinikilala lang nila ang Diyos sa langit. Para naman sa Diyos sa lupa—ang Diyos na nagkatawang-tao—at sa mga salita ng Diyos na humahatol, hindi nila pinapakinggan ang mga ito, na para bang walang kinalaman sa kanila ang mga salitang ito. Ganito kasimple at kawalang-kabuluhan ang pananampalataya nila sa Diyos. Kahit paano pa talakayin ng iba ang tungkol sa tiwaling disposisyon ng mga tao at sa pangangailangang maghangad ng pagbabago sa disposisyon, iniisip-isip nila, “Paanong masyado kayong nagawang tiwali lahat at ako ay hindi?” Iniisip nilang perpekto sila at walang kapintasan, at wala silang tiwaling disposisyon. Minsan, may negatibo silang panghuhusga o nanghahamak sila ng iba, pero itinuturing nila itong normal, iniisip nilang masamang kaisipan lang ito at mawawala rin ito kung pipigilan nila. O kaya, kapag nakikita nilang naghihimagsik ang ibang tao laban sa Diyos, iniisip nila, “Hindi ako kailanman naghimagsik laban sa Diyos. Hindi kailanman natinag ang pagmamahal ko sa Kanya sa puso ko.” Sinasabi lang nila ang ilang pangungusap na ito at hindi nila pinagninilayan ang sarili nila o nalalaman kung paano kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Ang mga ganitong tao ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung ganoon, bakit napakataas pa rin ng tingin nila sa sarili nila, at iniisip nilang hindi masama ang ganitong paraan ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang nangyayari dito? Ipinakikita nitong hindi nila minamahal ang katotohanan. Ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, anong uri sila ng mga tao? Sa anong mga paraan sila nagpapamalas? Mahusay silang magsalita, matalas ang isip, madaling matuto, at may mahusay na kakayahang umunawa ng mga bagay. Nauunawaan nila ang sinasabi mo pagkabigkas mo pa lang ng mga salita, at masyado silang mabilis makaunawa ng doktrina. Gayumpaman, kahit ano pa ang maunawaan nila, hindi pa rin nagbabago ang direksyon at layunin ng paghahangad nilang makatanggap ng mga pagpapala. Higit pa rito, itinuturing nila ang mga katotohanang nauunawaan nila bilang mga teolohikal na teorya, o bilang isang uri ng doktrina o pagtuturo. Hindi nila iniisip na ang mga iyon ang katotohanan, at samakatwid ay hindi nila isinasagawa o dinaranas ang mga iyon, lalong hindi nila ginagamit ang mga iyon sa buhay nila. Tinatanggap at ipinangangaral lang nila ang mga doktrinang gusto nila at naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip na may nakamit na sila. Ang makapangaral ng mga doktrina at makapagpahanga ng maraming tao ang pinakamalaking bagay na nakakamit nila sa pananampalataya sa Diyos. Tungkol naman sa kung isinasagawa nila ang katotohanan o mayroon silang anumang pagkakilala sa sarili, iniisip nilang maliliit na bagay ang mga ito at walang kabuluhan, at na ang makapangaral ng mga espirituwal na doktrina, makasagot ng mga katanungan, at mapahanga ang ibang tao ang pinakamahalagang bagay at ito ang dahilan kung bakit sila nagiging kwalipikadong magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan. Samakatwid, hindi nila binibigyang-pansin ang pagsasagawa ng katotohanan, hindi sila nagninilay sa sarili nila, at nasisiyahan lang sila kapag nakakapangaral sila ng mayayabang na sermon. Medyo malubha ang problemang ito, mas malubha pa sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, dahil malinaw nilang nalalaman na ito ang katotohanan pero hindi nila ito isinasagawa o dinaranas. Isa itong taong tutol sa katotohanan at ginagawang biro ang katotohanan. Hindi ba’t napakalubha ng kalikasan ng problemang ito?

Ngayon, nakikilatis na ninyo ang mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan, tama ba? Nagpapamalas ba kayo nang gaya ng ganitong uri ng tao sa anumang paraan? (Oo, pangunahing dahil sa gumagawa ako ng mga bagay alang-alang sa katayuan.) Ang pagsasabi ng mga bagay alang-alang sa katayuan at paggawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan—umiikot sa katayuan ang lahat ng bagay; mahirap ito. Posible bang hangarin ang katotohanan nang ganito? Ano ang mga pagpapamalas ng paggawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan? Pangunahin na, kaakibat nito ang pagtuon sa sariling mukha, imahe, at dangal ng isang tao, pati na sa katayuan niya sa puso ng iba—kung tinitingala at iginagalang siya ng iba. Anuman ang ginagawa niya, binibigyang-pansin lang niya ang mga aspektong ito, hindi niya kailanman dinadakila o pinatototohanan ang Diyos. Halimbawa, kapag ang isang taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nakakilala ng isang bagong mananampalataya, iniisip niya sa puso niya, “Ilang taon ka pa lang sumasampalataya sa Diyos, wala kang anumang nauunawaan,” at hinahamak niya ito. Kung gusto ng bagong mananampalatayang ito na hanapin ang katotohanan, isasaalang-alang muna niya ang hitsura ng bagong mananampalataya, ang paraan ng pagsasalita nito, at kung gusto niya ito. Kung mahina ang kakayahan ng bagong mananampalataya, hindi niya gugustuhing magbahagi ng katotohanan; magbibigay lang siya ng ilang salitang pampalakas ng loob at iyon na iyon. Ano ang problema rito? (Iniisip niyang maraming taon na siyang naging mananampalataya at may kapital na siya, kaya ginagamit niya ang tagal niya sa pananampalataya para maghari-harian.) Ang kapital na ito ay isang pagpapamalas ng pagtataguyod sa katayuan niya. Dahil may kapital siya, pakiramdam niya ay may karapatan na siyang magsalita mula sa isang posisyon ng katayuan—isang katayuang siya lang ang nagkaloob, hindi ibinigay sa kanya ng iba. Ang ganoon bang mga tao na gumagawa at nagsasalita sa ganitong paraan ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Nagpapamalas ba kayo sa ganitong paraan? Sinasabi ninyo, “Sampung taon na akong sumasampalataya sa Diyos. Hindi ba’t insulto sa akin na itambal ako sa isang taong dalawang taon pa lang sumasampalataya? Ni ayaw ko ngang makipag-usap sa kanya. Kahit isang salita lang ay mapapagod na ako. Wala siyang anumang nauunawaan!” Nagmumula ito sa pangingibabaw ng isang mapagmataas na disposisyon. Kung ang puso mo ay hindi nagpapahalaga sa katayuan, hindi hinahanay ang mga tao ayon sa karanasan o tagal sa pananampalataya, at hindi iniisip na may kapital ka, tatratuhin mo ba nang ganito ang isang tao? Malinaw naman, dahil sa pagkakaroon ng tiwaling disposisyon sa loob mo, ang mga pagpapamalas ng paraan ng pagtrato mo sa mga tao ay hindi nagiging kapaki-pakinabang sa iba, na naglalantad sa tiwaling disposisyon mo, sa mga paghahangad mo, at sa kung ano ang mga nasa kaibuturan ng puso mo. May isa pang pagpapamalas ng pagkilos alang-alang sa katayuan. Halimbawa, may ilang tao na nagkaroon ng propesyonal na kaalaman o na mga eksperto sa isang partikular na larangan. Gayumpaman, kapag tinatalakay ang larangang ito, kung may ibang mauunang magsalita, naiinis sila at iniisip nila, “Paano kayo nakakapagsalita nang walang katwiran? Hindi ninyo makikita ang kadakilaan kahit na nasa harapan na ninyo ito!” Sinasabi nila, “Nag-major ako sa asignaturang ito sa unibersidad at itinuon ko ang lahat ng pananaliksik ko sa mga usaping ito. Nang makapagtapos ako, nagtrabaho ako sa larangang ito sa loob ng ilang taon. Tinalikuran ko ang propesyong ito sa loob ng mahigit sampung taon magmula nang sumampalataya ako sa Diyos, pero kaya kong alalahanin ang lahat ng tungkol dito nang walang kahirap-hirap. Ayaw ko itong pag-usapan, para kasing nagpapasikat ako.” Ano ang palagay ninyo sa mga salitang ito? Ang mga salitang ito ay mga salita ng mga iskolar na walang pananampalataya, at sinasabi ang mga ito batay sa mga satanikong pilosopiya, na nagdudulot sa kanilang magmukhang maraming alam at makuha ang pagsang-ayon ng lahat. Sinasabi nilang ayaw nilang magpasikat, pero iyon mismo ang ginagawa nila, sa isa nga lang mas mahusay na paraan. Binanggit nila ang kapital nila, gaya ng kung ilang taon nilang pinag-aralan ang propesyong ito at kung ano ang nakamit nila, ginagamit ang paraang ito para iparating ang mensahe na eksperto sila sa larangang iyon. Ang pagiging eksperto ba sa isang larangan ay nangangahulugang talagang nauunawaan mo ang larangang iyon? Ito ba ang paraang dapat mong gamitin kung isa kang eksperto na nagsasagawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang dapat mong gawin? (Hanapin ang katotohanan; magtalakay at maghanap kasama ang mga kapatid.) Sama-sama dapat maghanap ang lahat. Sabihin mo, “Kailangan kong maging matapat. Nagtrabaho ako sa propesyong ito sa loob ng ilang taon at may kaunti akong nalalaman dito, pero hindi ko alam ang mga prinsipyo sa kung paano ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang propesyong ito. Hindi ko alam kung kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos ang kaalamang mayroon ako—puwede natin itong sama-samang talakayin. Magtatalakay ako sa inyo ng kaunti tungkol sa mga pangunahing konsepto ng larangang ito.” Isa itong makatwirang paraan ng pagsasalita. Kahit na marami siyang alam sa propesyon, mapagpakumbaba siya at hindi mayabang. Hindi siya nagpapanggap; talagang gusto niyang magtrabaho nang mahusay, at ibahagi sa lahat ang natutunan at nalalaman niya, nang walang anumang itinatago. Ganap niya itong ginagawa alang-alang sa pagganap nang maayos sa kanyang tungkulin, anuman ang tingin o trato sa kanya ng iba. Ganap niyang ginagampanan ang tungkulin niya alang-alang sa pagbibigay-lugod sa Diyos, at alang-alang sa pagtatamo ng katotohanan at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Samakatwid, sa bawat aspekto ng pagganap sa tungkulin niya, isinasaalang-alang niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at inaalala ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Anuman ang ginagawa niya, nakikipagbahaginan muna siya sa lahat, pagkatapos ay tinatalakay ito nang sama-sama para magkaroon ng kasunduan, hinahayaan ang mga kapatid na mag-ambag ng mga ideya at pagsisikap, nagkakaisang lahat sa pagtapos nang mabuti sa gawain. Ano ang palagay ninyo sa paraang ito? Tanging ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang gagawa rito sa ganitong paraan. Kahit na pare-pareho silang sumasampalataya sa Diyos, magkaiba ang paraan ng pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan at ng mga taong hindi. Aling uri ng tao ang kasuklam-suklam? (Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang kasuklam-suklam.) Hindi naman kailangang magpasikat kung may kaunti kang nalalaman tungkol sa kung anong propesyon, at hindi rin kailangang maliitin o pigilan ang iba kung may kaunti kang nalalaman tungkol sa propesyon. May ilang taong nagbubuhat ng sariling bangko kapag nagiging lider o manggagawa sila, kumikilos at nagsasalita sila nang may mapagpasikat na ugali, umaasta pa ngang opisyal. Mas kasuklam-suklam pa ang paraang ito ng paggawa sa mga bagay. Kahit na may kaunti kang katayuan, hindi mo ito kailangang ipangalandakan o maging hambog. Dapat kang kumilos nang responsable para pangunahan ang mga kapatid na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ito ang responsabilidad mo at ang dapat mong isakatuparan. Higit pa rito, kung may pagkatao ka at matapat ka, dapat mong akuin ang responsabilidad kapag gumagawa ng mga bagay. Paano mo dapat akuin ang responsabilidad? Sa pamamagitan ng malinaw na pagbabahagi tungkol sa mga aspektong hindi nauunawaan ng mga tao, sa mga aspekto kung saan malaki ang tendensiya ng mga tao na magkamali o maligaw, at sa pagtutuwid sa anumang pagkakamali at paglihis na nagaganap, tinitiyak mo na kayang gawin ng lahat ang mga bagay gamit ang tamang paraan, para hindi na sila magkamali o mapigilan ng iba. Sa ganitong paraan, matutupad mo na ang responsabilidad mo. Ito ay pagiging responsable at tapat sa tungkulin mo. Sa sandaling maisakatuparan mo na ito, masasabi pa rin ba ng ibang tao na naghahangad ka ng katayuan? Hindi na nila ito masasabi. Tama na ang mga prinsipyong isinasagawa mo, pati na ang landas mo. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan; sa ganitong paraan dapat magsagawa ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang kabaligtaran ay walang iba kundi katakot-takot na kahiya-hiyang pag-uugali. Ang kagustuhang magpasikat at makakuha ng mataas na pagtingin, pero kagustuhan ding hindi ipaalam ang lahat at itago ang nalalaman niya, nangangamba na kung malalaman ng iba ang mga bagay na ito ay hindi na niya maitatanghal ang sarili niya o makukuha ang mataas na pagtingin ng iba—napakamapaghimagsik noon! Ipinagwawalang-bahala niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala pa nga siyang ginagawa at nanonood lang, tumatawa sa loob-loob niya, “Kung hindi ako magsasalita, tingnan natin kung may makapagpapaliwanag sa usaping ito nang malinaw! Kahit na magsalita ako, hindi ko sasabihin ang lahat. Kaunti lang ang ipapaalam ko ngayon, at kaunti bukas, at hindi ko pa rin sasabihin sa inyo ang totoo. Hahayaan ko kayong pag-isipan ito sa sarili ninyo. Hindi madaling makakuha ng impormasyon sa akin! Kung sasabihin ko sa inyo ang lahat ng nauunawaan ko, at ipapaunawa ko ito sa inyo, wala nang matitira sa akin, at magiging mas magaling na kayo kaysa sa akin. Ano na ang magiging tingin ninyo sa akin kapag nangyari iyon?” Anong uri ng nilalang ang mag-iisip nang ganito? Mapaminsala ang taong ito! Hindi siya mabuti. Isa ba siyang matapat na tao? (Hindi.) May nakagawa na ba nito sa inyo? (Nagawa ko na ito. Lalo na pagkatapos kong mapalaganap ang ebanghelyo sa loob ng mas mahabang panahon at makakuha ng mga resulta, pakiramdam ko ay may kaunti na akong halaga at kapital. Noong tinanong ng ibang tao kung may alam akong magagandang paraan o may magandang karanasan akong maibabahagi, tumanggi ako. Namuhay ako ayon sa mapaminsalang kasabihan ni Satanas, “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng guro, mawawalan ng kanyang kabuhayan ang guro.” Natakot akong mahigitan ako ng iba, at pagkatapos ay mawala ang katayuan ko.) Hindi madaling mapagtagumpayan ang takot na masapawan ka ng iba. Ang reputasyon at pansariling interes ay mga layong pinaglalaanan ng mga tao ng buong buhay nila para ipaglaban, pero dalawang bagay rin ito na nakakadurog ng puso—buhay mo ang magiging kapalit nito!

Iniisip ng ilang taong nakagawa na ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid na may naiambag na sila at may kaunti nang katayuan sa loob ng iglesia. Sa tuwing kaharap nila ang iba, binabanggit nila ang mabubuting bagay na ito na ginawa nila, para magkaroon ng talagang panibagong pananaw at pagkaunawa sa kanila ang lahat—pagkaunawa sa kapital at katayuan nila, at pagkaunawa sa reputasyon at puwang nila sa loob ng iglesia. Bakit nila ito ginagawa? (Para magpasikat at ipangalandakan ito.) At ano ang punto ng pangangalandakan dito? Para itaguyod ang sarili nila. At ano ang magagawa nila sa pamamagitan ng pagtataguyod sa sarili nila? (Ang hikayatin ang ibang tao na tingalain sila.) Ang hikayatin ang mga tao na tingalain sila, sabihan sila ng magagandang bagay, at igalang sila. Matapos makuha ang mga bagay na ito, ano ang nararamdaman nila sa loob nila? (Nasisiyahan sila rito.) Nasisiyahan sila sa mga pakinabang ng katayuan. Hinahangad din ba ninyo ang mga bagay na ito? Ano ang nagdudulot ng mga kaisipan, ideya, at paraan ng pag-iisip na ito na taglay ng mga tao? Ano ang sanhi ng mga ito? Ano ang pinagmumulan ng mga ito? Ang pinagmumulan ng mga ito ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang nagdudulot sa mga tao na magbunyag ng sarili nila sa ganitong paraan, at ang nagdudulot ng ganitong mga uri ng paghahangad. May ilang taong madalas nakakaramdam na nakatataas sila sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sa anong mga paraan? Ano ang nagdudulot sa kanilang maramdaman na nakatataas sila sa mga paraang ito? Halimbawa, may ilang taong marunong magsalita ng wikang banyaga, at iniisip nilang ibig sabihin nito ay may kaloob na sila at bihasa, at na kung wala sila sa sambahayan ng Diyos, malamang na magiging mahirap na palawakin ang gawain nito. Ang resulta, gusto nilang tingalain sila ng mga tao saanman sila magpunta. Anong paraan ang ginagamit ng ganitong uri ng mga tao kapag may nakikilala silang iba? Sa puso nila, itinatakda nila ang lahat ng uri ng ranggo sa mga taong gumaganap ng iba’t ibang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ang mga lider ang nasa itaas, ang mga taong may mga espesyal na talento ang pumapangalawa, pagkatapos ay ang mga taong may mga karaniwang talento, at ang nasa dulo ay ang mga taong gumaganap sa lahat ng uri ng tungkuling pansuporta. May ilang taong itinuturing ang kakayahang gumanap ng mga importante at espesyal na tungkulin bilang kapital, at itinuturing itong pagkakaroon ng mga katotohanang realidad. Ano ang problema rito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Ang pagganap sa ilang espesyal na tungkulin ay nagdudulot sa kanilang maging mapagmataas at hambog, at hinahamak nila ang lahat ng tao. Kapag may nakikilala silang tao, ang unang bagay na palagi nilang ginagawa ay tanungin kung ano ang tungkuling ginagampanan nito. Kung karaniwang tungkulin ang ginagampanan ng taong ito, hinahamak nila ito, at iniisip na hindi karapat-dapat ang taong ito sa atensyon nila. Kapag gustong makipagbahaginan sa kanila ng taong ito, sinasabi lang nilang pumapayag sila, pero iniisip nila sa loob-loob nila, “Gusto mong makipagbahaginan sa akin? Pangkaraniwang tao ka lang. Tingnan mo nga ang tungkuling ginagampanan mo—paano ka naging karapat-dapat na makipag-usap sa akin?” Kung ang tungkuling ginagampanan ng taong ito ay mas mahalaga sa tungkulin nila, binobola at kinaiinggitan nila ito. Kapag nakakakita sila ng mga lider o manggagawa, sunud-sunuran sila at binobola nila ang mga ito. May prinsipyo ba sila sa paraan ng pakikitungo nila sa mga tao? (Wala. Pinakikitunguhan nila ang mga tao ayon sa tungkuling ginagampanan ng mga ito, at ayon sa iba’t ibang ranggong itinatakda nila.) Niraranggo nila ang mga tao ayon sa karanasan at tagal ng mga ito sa iglesia, at ayon sa mga talento at kaloob ng mga ito. Anong katunayan ang nabubunyag sa ganitong paraan ng pagraranggo nila sa mga tao? Ibinubunyag nito ang mga paghahangad ng isang tao, ang buhay pagpasok ng isang tao, ang kalikasang diwa ng isang tao, at ang kalidad ng pagkatao niya. Kapag nakakakita ng isang nakatataas na lider ang ilang tao, bahagya silang tumatango at yumuyukod, at magalang sila. Kapag nakakakita sila ng isang taong may mga kakayahan, may kaloob, bihasa sa pagsasalita, gumanap na ng mga importanteng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, o itinaas ng Itaas ang posisyon at importante ang tingin dito ng Itaas, napakagalang nilang magsalita. Kapag nakakakita sila ng isang taong mahina ang kakayahan o na gumaganap ng karaniwang tungkulin, hinahamak nila ito at itinuturing na para bang hindi nila ito nakikita—iba ang paraan ng pagtrato nila rito. Ano ang iniisip nila? “Mababa pa rin ang uri ng isang taong tulad mo kahit na sumasampalataya ka sa Diyos, pero gusto mo pa ring magsalita na para bang kapantay kita, at makipagbahaginan sa akin tungkol sa buhay pagpasok at sa pagiging matapat na tao. Hindi ka kwalipikadong gawin iyon!” Anong disposisyon ito? Pagmamataas, kalupitan, at kabuktutan. Marami bang ganitong uri ng tao sa iglesia? (Oo.) Ganitong uri ba kayo ng tao? (Oo.) Ang iba-ibang pagtrato sa mga tao batay sa kung sino sila—wala sa mga bagay na ito ang mga pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Ano ang hinahangad nila? (Hinahangad nila ang katayuan.) Maipapakita ng pag-uugali, mga paghahayag, at mga karaniwang pagpapamalas ng mga tao ang lahat ng kaisipan, pananaw, layunin, at paghahangad nila, pati na ang landas na tinatahak nila. Ang ibinubunyag mo, at ang lagi mong ipinamamalas, ay ang iyong hinahangad—nalalantad ang paghahangad mo. Kahit na ang ganitong uri ng mga tao ay may espirituwal na pang-unawa, kayang umunawa ng mga salita ng Diyos, makakita ng mga kaugnayan sa Kanyang mga salita, at maghambing ng Kanyang mga salita sa sarili nilang mga kalagayan, anuman ang mangyari ay hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila ito hinaharap gamit ang katotohanan ng mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo nila. Sa halip, hinaharap nila ito at kumikilos sila batay sa sarili nilang mga kuru-kuro, imahinasyon, layunin, hangarin, at pagnanais, pati na sa sarili nilang mga kagustuhan. Makakapasok ba ang ganitong mga tao sa mga katotohanang realidad? (Hindi.) Pinanghahawakan pa rin ng mga puso nila ang mga prinsipyo at paraan sa pagharap sa mundo ng mga taong hindi nananampalataya; niraranggo pa rin nila ang mga tao ayon sa karanasan at tagal ng mga ito sa pananampalataya, at nagtatakda sila ng lahat ng uri ng ranggo sa mga tao sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila ginagamit ang katotohanan para suriin ang mga tao, kundi sa halip ay sinusuri nila ang mga tao gamit ang mga pananaw at pamantayan ng mga taong hindi nananampalataya. Ito ba ang paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kahit na tila mga tao sila na nakauunawa sa katotohanan kapag nagsasalita at nangangaral sila, may nakikita bang kahit kaunting katotohanang realidad sa paraan ng pagganap nila sa mga tungkulin nila? (Wala.) Kung ganoon, mga tao ba ito na may buhay pagpasok? (Hindi.) Masyadong maraming tiwaling bagay sa loob nila, at masyado silang kinukulang sa pagtupad ng mga hinihingi para sa kaligtasan. Kung palagi nilang ituturing ang mga bagay na ito bilang kapital, gaano karami sa mga salita ng Diyos na nauunawaan nila ang kaya nilang isagawa? Talaga bang nilalaman ng puso nila ang katotohanan, o ang mga salita ng Diyos? Para sa kanila, ano ang timbang ng buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon nila? Ano ba talaga ang nag-ugat sa puso nila? Tiyak na pawang mga satanikong pilosopiya ito at mga bagay na minana sa tao, pati na mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kung masyadong malalim na mag-uugat ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao, labis silang mahihirapang tanggapin ang katotohanan. Lagi nilang isinasaalang-alang kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas, kung pinahahalagahan sila ng Itaas, kung nasa puso sila ng Diyos, at kung kilala sila ng Diyos. Sa ganitong paraan din nila tinitingnan ang ibang tao: Tinitingnan nila kung pinahahalagahan ang mga ito ng Itaas, at kung nalulugod ang Diyos sa mga ito—iba-iba ang pagtrato nila sa mga tao batay sa kung sino ang mga ito. Kapag palaging binibigyang-halaga ng puso nila ang mga bagay na ito, gaano kalaki ang magiging epekto ng katotohanan sa kanila? Ano ba talaga ang hinahangad ng mga taong palaging namumuhay sa mga kalagayang ito at namumuhay sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo? Makakapasok ba sila sa mga katotohanang realidad? (Hindi.) Kung gayon, alinsunod saan sila namumuhay? (Namumuhay sila alinsunod sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) Namumuhay sila alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, pero iniisip nilang sila ay may kaalaman, edukado at matalino, at lubos silang nasisiyahan sa loob nila. Ano ang tingin nila sa sambahayan ng Diyos? (Isang samahan.) Ang tingin nila rito ay isang samahan. Hindi pa nila natatalikuran ang pananaw na ito. Kaya, paano nila aayusin ang mga isyung ito? Hindi lang ito isang usapin ng pagbabasa ng mga tao ng mga salita ng Diyos at pagkilala nila sa mga katunayang isiniwalat ng Diyos. Dapat din nilang maranasan ang pagpupungos, ang mga pagsubok, at pagpipino. Kailangan din nilang malaman ang kalikasang diwa nila, makita nang malinaw ang diwa ng kapital, mga kaloob, kaalaman, at kwalipikasyon, mabitiwan ang mga bagay na ito, matanggap ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos, at mamuhay alinsunod sa katotohanan. Saka lang maaayos ang problema ng isang tiwaling kalikasan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.