Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 31)

Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, madalas silang pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Isa ito sa mga pinakaseryosong problema sa lahat. Kung gagampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, dapat muna nilang lutasin ang problemang ito ng pagiging pabasta-basta. Hangga’t may gayong ugali sila na pabasta-basta, hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na nangangahulugang lubhang mahalagang lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta. Paano sila dapat magsagawa? Una, dapat nilang lutasin ang problema sa lagay ng kanilang pag-iisip; dapat nilang harapin nang tama ang kanilang mga tungkulin, at gawin ang mga bagay nang may kaseryosohan at may pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi nila dapat balaking maging mapanlinlang o pabasta-basta. Ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin para sa Diyos, hindi para sa sinumang tao; kung magagawa ng mga taong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, magkakaroon sila ng tamang lagay ng pag-iisip. Higit pa rito, pagkatapos gawin ang isang bagay, dapat suriin ito ng mga tao, at pagnilay-nilayan ito, at kung makadama sila ng kaunting pagkabalisa sa kanilang puso, at matapos ang masusing inspeksyon, napag-alaman nilang may problema nga, dapat silang gumawa ng mga pagbabago; kapag nagawa na ang mga pagbabagong ito, mapapanatag na sila sa kanilang puso. Kapag nababalisa ang mga tao, pinatutunayan nitong may problema, at dapat nilang masusing suriin ang mga nagawa nila, lalo na sa mga mahahalagang yugto. Ito ay isang responsableng pag-uugali sa pagganap ng tungkulin. Kapag ang isang tao ay makakayang maging seryoso, umako ng responsabilidad, at ibigay ang kanyang buong puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan ikaw ay wala sa tamang lagay ng pag-iisip, at hindi ka makahanap o makatuklas ng isang napakalinaw na pagkakamali. Kung ikaw ay nasa tamang lagay ng pag-iisip, sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, magagawa mong tukuyin ang usapin. Kung ginabayan ka ng Banal na Espiritu at binigyan ka ng kamalayan, tinutulutan kang makaramdam ng kalinawan sa puso at na malaman kung saan may mali, magagawa mo nang itama ang paglihis at pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ikaw ay nasa maling lagay ng pag-iisip, at tuliro at pabaya, mapapansin mo kaya ang mali? Hindi mo mapapansin. Ano ang makikita mula rito? Ipinapakita nito na upang magampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, napakahalaga na nakikipagtulungan ang mga tao; napakahalaga ng lagay ng kanilang mga pag-iisip, at napakahalaga ng kung saan nila itinutuon ang kanilang mga iniisip at ideya. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung ano ang lagay ng pag-iisip ng mga tao, at kung gaano karaming lakas ang ginagamit nila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Napakahalaga na inilalagay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa kanilang ginagawa. Napakahalagang sangkap ang kanilang pakikipagtulungan. Tanging kung nagsisikap ang mga tao na walang pagsisihan tungkol sa mga tungkuling kanilang naisagawa at mga bagay na kanilang nagawa, at hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos, na makakikilos sila nang buong puso at lakas. Kung palagian kang nabibigong ilagay ang buong puso at lakas mo sa pagganap sa iyong tungkulin, kung lagi ka na lang pabasta-basta, at nagdudulot ng malaking pinsala sa gawain, at lubhang nagkukulang sa mga epektong hinihingi ng Diyos, isang bagay lang ang maaaring mangyari sa iyo: Ititiwalag ka. At magkakaroon pa ba ng panahon para magsisi, kung magkagayon? Hindi magkakaroon. Ang mga kilos na ito ay magiging isang walang-hanggang pagsisisi, isang mantsa! Ang pagiging laging pabasta-basta ay isang mantsa, ito ay isang malubhang paglabag—oo o hindi? (Oo.) Dapat magsikap kang isagawa ang iyong mga obligasyon, at ang lahat ng nararapat mong gawin, nang buong puso at lakas mo, dapat ay hindi ka pabasta-basta, o mag-iwan ng pagsisisihan. Kung magagawa mo iyan, kikilalanin ng Diyos ang tungkuling ginagampanan mo. Iyong mga bagay na kinikilala ng Diyos ay mabubuting gawa. Ano, kung gayon, ang mga bagay na hindi kinikilala ng Diyos? (Mga paglabag at masasamang gawa.) Maaaring hindi mo tanggapin na masasamang gawa ang mga ito kung inilalarawan ang mga ito nang gayon sa ngayon, ngunit kapag dumating ang araw na may malubha nang kahihinatnan sa mga bagay na ito, at nagdulot ang mga ito ng negatibong impluwensiya, kung gayon ay madarama mo na ang mga bagay na ito ay hindi lamang mga paglabag sa pag-uugali bagkus ay masasamang gawa. Kapag napagtanto mo ito, magsisisi ka, at iisipin sa sarili: “Dapat ay pinili ko nang umiwas bago pa nangyari! Kung mas nag-isip at nagsikap pa ako nang kaunti sa simula, naiwasan sana ang kinahinatnang ito.” Walang makabubura ng walang-hanggang mantsa na ito sa iyong puso, at kung ilalagay ka nito sa permanenteng pagkakautang, magkakaproblema ka. Kaya ngayon ay dapat kang magsikap na ilagay ang iyong buong puso at lakas sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, na gampanan ang bawat tungkulin nang may malinis na konsensiya, walang anumang pagsisisi, at sa isang paraang kinikilala ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, huwag maging pabasta-basta. Kung pabigla-bigla kang gumagawa ng mali at isa itong malubhang paglabag, ito ay magiging walang-hanggang mantsa. Kapag nagkaroon ka na ng mga pagsisisi, hindi ka na makakabawi para sa mga ito, at magiging mga permanenteng pagsisisi ang mga ito. Ang dalawang landas na ito ay dapat makita nang malinaw. Alin ang dapat mong piliin, upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos? Ginagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at lakas, at naghahanda at nagtitipon ng mabubuting gawa, nang walang anumang pagsisisi. Anuman ang gawin mo, huwag kang gumawa ng masama na makagagambala sa pagganap ng iba sa kanilang mga tungkulin, huwag kang gumawa ng anumang labag sa katotohanan at laban sa Diyos, at huwag kang gumawa ng mga bagay na habambuhay mong pagsisisihan. Anong mangyayari kapag ang isang tao ay nakagawa ng napakaraming paglabag? Tinitipon nila ang galit ng Diyos sa kanila sa Kanyang presensya! Kung lumabag ka nang lumabag, at higit na tumindi ang poot ng Diyos sa iyo, sa huli, ikaw ay parurusahan.

Sa panlabas, tila walang anumang mga seryosong problema ang ilang tao sa buong panahon na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Wala silang ginagawang lantarang kasamaan; hindi sila nagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, o tumatahak sa landas ng mga anticristo. Sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, wala silang anumang malalaking pagkakamali o problema ng prinsipyo na dumarating, gayunman, nang hindi nila namamalayan, sa loob ng ilang maiikling taon ay nabubunyag sila bilang mga hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, bilang isa sa mga hindi mananampalataya. Bakit ganito? Hindi makakita ng isyu ang iba, subalit sinusuri ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng mga taong ito, at nakikita Niya ang problema. Noon pa man ay pabasta-basta na sila at walang pagsisisi sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Habang lumilipas ang panahon, natural silang nabubunyag. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi nagsisisi? Nangangahulugan ito na kahit na nagampanan nila ang mga tungkulin nila hanggang sa matapos, palagi silang may maling saloobin sa mga ito, isang pag-uugali ng pagiging pabasta-basta, isang kaswal na pag-uugali, at hindi sila kailanman matapat, lalong hindi nila ibinibigay ang buong puso nila sa kanilang mga tungkulin. Maaari silang magsikap nang kaunti, ngunit gumagawa lamang sila nang wala sa loob. Hindi nila ibinibigay ang lahat nila sa kanilang mga tungkulin, at walang katapusan ang kanilang mga paglabag. Sa mga mata ng Diyos, hindi sila kailanman nagsisi; noon pa man ay pabasta-basta na sila, at kailanman ay walang anumang pagbabago sa kanila—ibig sabihin, hindi sila tumatalikod sa kasamaang nasa kanilang mga kamay at nagsisisi sa Kanya. Hindi nakikita ng Diyos sa kanila ang saloobing nagsisisi, at hindi Niya nakikita ang pagbaligtad sa kanilang pag-uugali. Patuloy sila sa pagturing sa kanilang mga tungkulin at sa mga atas ng Diyos nang may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan. Sa buong panahong ito, walang pagbabago sa sutil at hindi mabaling disposisyon na ito, at, higit pa rito, hindi nila kailanman nadama na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi kailanman nadama na ang kanilang pagiging pabasta-basta ay isang paglabag, isang masamang gawain. Sa kanilang puso, walang pagkakautang, walang pagkakonsensiya, walang panunumbat sa sarili, at mas lalong walang pagbibintang sa sarili. At, sa pagdaan ng panahon, nakikita ng Diyos na wala nang lunas ang ganitong uri ng tao. Anuman ang sabihin ng Diyos, at gaano man karaming pangaral ang marinig niya o gaano karaming katotohanan ang maunawaan niya, hindi naantig ang kanyang puso at hindi nabago o nabaligtad ang kanyang pag-uugali. Nakita ito ng Diyos at sinabing: “Walang pag-asa para sa taong ito. Wala sa sinasabi Ko ang nakakaantig sa kanyang puso, at wala sa sinasabi Ko ang makakapagpabago sa kanya. Walang paraan upang baguhin siya. Hindi nababagay ang taong ito na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi siya nababagay magtrabaho sa Aking sambahayan.” Bakit ito sinasabi ng Diyos? Ito ay dahil kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho palagi na lang siyang pabasta-basta. Kahit gaano pa siya pungusan, at gaano man karaming pagtitimpi at pasensiya ang igawad sa kanya, wala itong epekto at hindi siya nito tunay na mapagsisi o mapagbago. Hindi siya nito magawang gawin nang mabuti ang tungkulin niya, hindi siya matulutan nito na pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya ang taong ito ay wala nang lunas. Kapag nagpasya ang Diyos na ang isang tao ay wala nang lunas, pananatilihin pa rin ba Niya ang mahigpit na pagkakahawak sa taong ito? Hindi Niya ito gagawin. Bibitiwan siya ng Diyos. Palaging nagmamakaawa ang ilang tao ng, “Diyos ko, maging banayad Ka po sa akin, huwag Mo akong pagdusahin, huwag Mo akong disiplinahin. Bigyan Mo ako ng kaunting kalayaan! Hayaan Mong gawin ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta nang kaunti! Hayaan mo akong maging talipandas nang kaunti! Hayaan Mong ako ang masunod!” Ayaw nilang mapigilan. Sabi ng Diyos, “Yamang hindi mo nais na lumakad sa tamang landas, pakakawalan kita. Bibigyan kita ng kalayaan. Humayo ka at gawin ang nais mo. Hindi kita ililigtas, sapagkat wala ka nang lunas.” Iyon bang mga wala nang lunas ay may anumang nadaramang pagkakonsensiya? Mayroon ba silang anumang pakiramdam ng pagkakautang? Mayroon ba silang anumang pakiramdam ng pag-aakusa? Nadarama ba nila ang paninisi, disiplina, paghampas, at paghatol ng Diyos? Hindi nila ito nararamdaman. Wala silang kamalayan sa anuman sa mga bagay na ito; malamlam o wala nga sa kanilang puso ang mga bagay na ito. Kapag nakarating sa ganitong yugto ang isang tao, na wala na ang Diyos sa kanyang puso, maaari niya pa rin bang makamit ang kaligtasan? Mahirap masabi. Kapag nakarating sa gayong punto ang pananampalataya ng isang tao, nasa panganib siya. Alam ba ninyo kung paano kayo dapat maghanap, kung paano kayo dapat magsagawa, at kung anong landas ang dapat ninyong piliin upang maiwasan ang kahihinatnang ito at matiyak na ang gayong kalagayan ay hindi mangyayari? Ang pinakamahalaga ay piliin muna ninyo ang tamang landas, at pagkatapos ay magtuon sa pagganap nang maayos sa tungkuling dapat ninyong gampanan sa kasalukuyan. Ito ang pinakamaliit na pamantayan, ang pinakabatayang pamantayan. Sa batayang ito ninyo dapat hanapin ang katotohanan at pagsikapan ang mga pamantayan para gampanan nang sapat ang inyong tungkulin. Ito ay dahil ang bagay na pinakakapansin-pansing sumasalamin sa ugnayang nagdurugtong sa iyo sa Diyos ay kung paano mo ituring ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos at ang tungkuling iniaatas Niya sa iyo, at ang saloobing mayroon ka. Ang pinakakapuna-puna at pinakapraktikal ay ang usaping ito. Naghihintay ang Diyos; gusto Niyang makita ang iyong saloobin. Sa pinakamahalagang sandaling ito, dapat mong bilisang ipaalam ang iyong posisyon sa Diyos, tanggapin ang Kanyang atas, at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kapag naunawaan mo ang napakahalagang puntong ito at natupad ang gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging normal. Kung, sa pagkakatiwala sa iyo ng Diyos ng isang gawain, o pagsasabi sa iyo na gampanan mo ang isang tiyak na tungkulin, ang iyong ugali ay pabaya at walang pakialam, at hindi mo ito sineseryoso, hindi ba ito mismo ang kabaligtaran ng pagbibigay ng buong puso at lakas? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Siguradong hindi. Hindi mo magagampanan nang husto ang iyong tungkulin. Kaya, napakahalaga ng iyong saloobin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pati na ang pamamaraan at landas na iyong pinipili. Gaano man karaming taon silang nananalig sa Diyos, ang mga hindi nagagampanan ang kanilang mga tungkulin ay ititiwalag.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.