Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao (Unang Bahagi)
Ano ang pagbabago sa disposisyon? Hindi ito masyadong nauunawaan ng karamihan sa mga tao. Ang pagbabago sa disposisyon ay ang pangunahing pangitain para sa mga mananampalataya ng Diyos. Ang pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Ito ay dahil hindi inililigtas ng Diyos ang mga bagong-likhang tao na hindi ginawang tiwali ni Satanas, kundi ang isang grupo ng mga tao na malalim na ang pagkakatiwali, puno ng mga satanikong lason at satanikong disposisyon, na katulad ni Satanas, at na lumalaban at nagrerebelde sa Diyos. Ang pagbabago sa tiwaling disposisyon ng isang tao ay parang paggamot sa isang tao na may kanser. Isa iyong masalimuot na proseso, hindi ba? Nangangailangan ito ng operasyon, pangmatagalang chemotherapy, at muling pagsusuri pagkalipas ng ilang panahon. Talagang masalimuot ang proseso. Kaya, huwag mong ituring na isang simpleng bagay ang pagbabago sa disposisyon. Hindi ito ang pagbabago sa pag-uugali o karakter na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang bagay na nakakamit ng mga tao dahil lang sa gusto nila. Maraming kaakibat na proseso sa pagbabago sa disposisyon—mga prosesong napakalinaw na ipinaliwanag sa mga salita ng Diyos. Samakatuwid, mula pa sa pinakaunang araw ng pananalig mo sa Diyos, kailangan mong maunawaan kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao at ang epektong nais Niyang makamit sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila. Kung nais mong hangarin ang katotohanan at magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mong baguhin ang mga mali mong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sa pananalig sa Diyos hindi mo kinakailangang maging isang tao na may magandang asal, mabuti, o sumusunod sa batas, o na gumawa ng maraming mabuting gawa na nakakukuha ng pagsang-ayon ng iba. Dati, inakala ng mga tao na ang pananalig sa Diyos at paghahangad sa pagbabago ng disposisyon ay nangangahulugang pagiging mapagpalugod ng mga tao—ang pagkakaroon sa panlabas ng kaunting wangis ng tao, kaunting kultura, kaunting pasensiya, o kung hindi naman ay pagkakaroon ng kaunting panlabas na kabanalan at pagmamahal para sa ibang tao, pagtulong sa iba at pagbibigay ng limos. Sa madaling salita, para maging isang tao na itinuturing na mabuti ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang lahat ng tao ay nagtataglay ng gayong mga kuru-kuro at bagay sa kanilang mga puso—isa itong aspekto ng mga satanikong lason. Noon, walang sinumang nananalig sa Diyos ang malinaw na nakapagpapaliwanag sa usapin ng pagbabago sa disposisyon. Hindi sila pamilyar sa mga usapin ng pananampalataya—hindi ito isang bagay na likas nilang nauunawaan, o na nauunawaan nila pagkalipas ng ilang taon ng pananampalataya sa Kristiyanismo. Ito ay dahil hindi pa nagagampanan ng Diyos ang aspektong ito ng Kanyang gawain, ni ibinahagi Niya ang aspektong ito ng katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit maraming tao, batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ang nagtuturing sa pananampalataya bilang usapin ng paggawa ng kaunting pagbabago sa panlabas nilang pag-uugali at mga pagsasagawa, at pagbabago sa ilan sa kapansin-pansing mali nilang pananaw. Pinaniniwalaan pa nga ng ilan na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay tungkol sa pagtitiis ng mas matitinding paghihirap, hindi pagkain ng masasarap na pagkain, o hindi pagsusuot ng magagarang damit. Tulad na lang ng mga Katolikong madre sa mga Kanluraning bansa noon, na naniniwalang ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan lang na pagtitiis ng mas maraming paghihirap at pagtatamasa ng mas kaunting mabuting bagay sa kanilang mga buhay—pagbibigay ng pera, kung mayroon sila, sa mahihirap, o paggawa ng mas maraming mabubuting gawa at para makatulong sa iba. Buong buhay nila, pinagtuunan nila ang pagdurusa. Hindi sila kumain ng anumang masarap na pagkain; hindi sila nagsuot ng anumang magandang damit. Nang mamatay sila, ilang dolyar lang ang halaga ng mga damit nila. Maaaring naiulat ang kanilang mga gawa sa mga balita sa buong mundo. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, sa mga isipan ng mga tao, tanging ang mga tao na tulad nito ang mabuti at walang bahid-dungis; na tanging ang mga tao na ito ang itinuturing ng mundo ng relihiyon na nakagawa ng mabubuting bagay at mabubuting gawa, na tanging sila ang sumailalim sa pagbabago at tunay na may paniniwala. Kaya naman, maaaring hindi naiiba ang lahat sa inyo, marahil ay naniniwala rin kayong ang pananampalataya sa Diyos ay tiyak na nangangahulugang pagiging isang mabuting tao—isang tao na hindi nananakit o nang-iinsulto ng iba, na hindi gumagamit ng masamang pananalita o gumagawa ng masasamang bagay, isang tao na, sa panlabas ay makikita ng mga tao na isang mananampalataya ng Diyos at isang tao na nakaluluwalhati sa Diyos. Isa itong kalagayan ng pag-iisip na taglay ng mga tao na kasisimula pa lang sa pananalig sa Diyos. Naniniwala silang ito ang pagbabago sa disposisyon, at na ito ang uri ng tao na kalugod-lugod sa Diyos. Tama ba ang pananaw na ito? Tanging ang mga tao na kasisimula pa lang sa kanilang pananampalataya ang nagtataglay ng gayong mga walang malay na kaisipan. Sa sandaling makaunawa na ang isang tao ng ilang katotohanan, madali nang mawawala ang ganitong mga uri ng pag-iisip. Kahit gaano pa kalalim na nag-ugat sa puso mo ang pananaw na ito noon, hindi pa ninyo natutuklasan ang mga pagkakamali at paglihis nito. Kahit pa gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi pa lubusang nalulutas ang mga maling pananaw na ito. Mula rito, malinaw na iilang tao lang ang tunay na nakauunawa kung ano ang pagbabago sa disposisyon, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kahulugan ng tunay na pananalig sa Diyos, kung paano maging isang tunay na tao, kung anong uri ng tao ang kalugod-lugod sa Diyos, o kung anong uri ng tao ang katanggap-tanggap sa Diyos, at kung anong uri ng tao ang nais makamit ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, ipinakikita nitong hindi ka pa nakapaglatag ng matibay na pundasyon sa tunay na daan. Nangingibabaw pa rin ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at pansariling kaisipang iyon ng tao sa iyong pag-iisip at sa iyong mga pananaw.
Sinasabi ng ilang tao: “Pakiramdam ko ay hindi pa rin ako nagbabago. Nagagalit ako kung masuwayin ang anak ko, o kung may ginagawa ang asawa ko na hindi ko gusto. Kapag nakikita kong hindi sumasampalataya sa Diyos ang mga walang pananampalataya, namumuhi ako sa kanila. Hindi ba’t mga paghahayag pa rin ito ng katiwalian at kawalan ng pagbabago sa disposisyon?” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito tama.) Ano ang mali rito? Nakatuon lang ito sa panlabas na pag-uugali. Sabihin mo sa Akin, kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa pagbabago sa disposisyon, ang ibig Niya bang sabihin ay isang pagbabago sa karakter o ugali ng isang tao? Talagang hindi. May ilang tao na naniniwalang ang pagbabago sa disposisyon ay isa lang pagbabago sa karakter, at inaakalang ang pagiging masyadong mapagpasensiya at hindi kailanman pag-iinit ng ulo ng isang tao ay pagbabago sa disposisyon, pero isa itong malaking pagkakamali. Karamihan sa mga tao ay hindi nakikita nang malinaw ang isyu ng pagbabago sa disposisyon. Iniisip nilang mas malapit na sila ngayon sa Diyos at kaayon Niya sa ilang aspekto, at na bagaman kung minsan ay hindi sila nakapagpapasakop at nag-iinit ang ulo nila kapag nakahaharap sila ng mga bagay na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, yamang napagninilayan nila ito kalaunan, nalalaman ito, at nakapagdarasal at nakapagsisisi sa Diyos, nangangahulugan itong nagbago na sila. Sa palagay ba ninyo ay ipinakikita ng ganitong uri ng pagbabago ang isang pagbabago sa disposisyon? Paano ninyo kikilatisin ang ganitong uri ng kalagayan? Ano ba ang kinakailangan sa pagbabago sa disposisyon? Anu-anong mga kalagayan at pagpapamalas ang nagaganap sa isang tao na nagbago na ang disposisyon? (Ang pagbabago sa disposisyon ay pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagtuklas sa sarili naming tiwaling diwa, pagbabago ng aming mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, at unti-unting pagkakamit ng pagiging kaayon ng Diyos. Hindi ito tungkol sa hindi kailanman nagagalit, o pagkakaroon ng kakayahang pigilan ang aming sarili nang sa gayon ay mas madalang na mag-init ang aming ulo. Wala itong kinalaman sa pagbabago sa disposisyon.) Isa itong medyo dalisay na pagkaunawa. May itatanong muna Ako sa inyo, at puwede ninyo itong pag-isipan: Kung nagbago na ang iyong disposisyon, at nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging kaayon na ng Diyos ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay. Kapag kaayon ng Diyos ang pananaw mo sa mga bagay-bagay, magiging kaayon ka pa rin ba sa tiwaling sangkatauhan? Hindi na. Magagawa mo nang kamuhian ang mga Satanas at ang mga diyablo sa iyong puso, at makararamdam ka ng oposisyon, pagtutol, at pagkapoot sa tiwaling sangkatauhang lumalaban at nagkakanulo sa Diyos; magagawa mong kapootan ang lahat ng uri ng negatibong bagay, lalo mo pang aayawang makisama sa mga tao na pag-aari ng mga diyablo, at magagawa mong mahalin ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang Kanyang kinamumuhian. Ang mga ito ang mga resultang nakukuha sa pag-unawa sa katotohanan. Kung kaya mo talagang kilalanin ang sarili mo at makita ang totoo sa sarili mong kalikasang diwa, makikita mo na ang totoo sa pangkaraniwang diwa ng tiwaling sangkatauhan, at likas na kasusuklaman ang mga tiwaling tao na lumalaban sa Diyos. Kapag nakikita mo ang mga nakapanlilinlang at katawa-tawa nilang pananaw, hindi mo gugustuhing makisama sa kanila, at kaiinisan at tatanggihan mo sila. Lalo na kapag nakita mo ang di-makatwirang pagkondena ng mundo ng relihiyon sa pagkakatawang-tao at ang matindi nilang pagkamuhi at pagkasuklam sa katotohanan, likas mong kasusuklaman ang mga anticristong puwersa na ito at ganap silang tatanggihan. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan at nakikilala ang Diyos, likas mong kasusuklaman ang mga taong mapanlaban sa Diyos, naghihimagsik, nagtatakwil, at nagkakanulo sa Kanya. Paano ka pa rin kaya magiging kaayon sa mga taong iyon? Samakatuwid, kung nagbago na ang disposisyon mo sa buhay, labis mong kaiinisan at kasusuklaman ang mga walang pananampalataya, at ang lahat ng lumalaban sa Diyos. Gayunpaman, dahil kasalukuyan tayong namumuhay kasama ang mga tiwaling tao, magtitiis na lamang tayo, at makapamumuhay batay sa karunungan. Hindi natin sila maaaring itaboy at layuan, balewalain, o awayin kapag nakikita natin sila dahil lang sa nauunawaan natin ang katotohanan at nagbago na ang ating disposisyon. Hindi natin dapat gawin ang mga bagay na ito, kailangan nating maging matalino. May isa pang usaping hindi pa ninyo masyadong nauunawaan—iniisip ng ilan sa inyo ang pagbabago sa disposisyon at pagiging kaayon ng Diyos ay nangangahulugang pagiging hindi mainitin ang ulo, at pagiging malumanay at mabait at may magandang ngiti kahit sa mga diyablo at Satanas, na isa itong pagbabago sa disposisyon. Tama ba ang pagkaunawang ito? (Hindi, hindi ito tama.) Isa itong delikadong pagkaunawa. Ngunit bakit mali ito? Gusto ng Diyos na iligtas ang mga tao, at bumigkas na Siya ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain, pero anong uri ng tao ang nais Niyang maging ang mga tao? Gusto Niyang maging tao sila na ang mga kaisipan ay pinangungunahan ng katotohanan, na ginagamit ang katotohanan bilang kanilang sawikain sa buhay. Ayaw Niyang mawalan sila ng kaisipan, na parang hangal, mas lalong hindi Niya gugustuhin na mawalan sila ng kakayahang uminit ang ulo o ng mga normal na emosyon, na parang tao na nasa hindi aktibong kalagayan. Gusto Niyang sila ay maging tao na nakauunawa sa katotohanan at kayang makinig sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanya, isang normal na tao na nagmamahal sa minamahal Niya at namumuhi sa kinamumuhian Niya, na nagnanais sa ninanais Niya, at napopoot at tumatanggi sa kinapopootan Niya. Ngayon ay dapat nang maging malinaw sa inyo kung ano ang gustong baguhin ng Diyos sa mga disposisyon ng mga tao. Napakarami nang binigkas na salita at napakarami nang ipinahayag na katotohanan ang Diyos; nais Niyang iligtas ang mga tao at baguhin ang bawat tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kahit kailan ba ay naisip na ninyo kung ano ang wangis na nais ng Diyos na taglayin ng mga tao na ginagawa Niyang kumpleto? Naririnig Kong sinasabi ng maraming kapatid, “Napakahabang panahon ko nang nananalig sa Diyos, pero napipigilan pa rin ako ng maraming panlabas na usapin.” Sinasabi ng ilang sister, “Gusto kong magsuot ng mga damit na nakikita kong isinusuot ng mga walang pananampalataya, at magnakaw ng kaunting sulyap pa sa sinumang makikita kong maganda ang bihis.” Sinasabi ng ilang brother, “Kapag nakakikita ako ng mayayaman, nakaririwasang pamilya, gusto ko na ring kumita ng pera. Kapag nakakikita ako ng magandang babae, gusto ko siyang tingnang muli, at gusto kong magalit sa tuwing makakikita ako ng anumang bagay na hindi kasiya-siya para sa akin. Hindi pa rin nagbabago ang mga tiwaling disposisyon kong ito, at kapag may mga nangyayari sa akin, palagi kong pinahihintulutang mapunta kung saan-saan ang imahinasyon ko. Paano ko makokontrol ang mga bagay na ito? Kailan ako makapagbabago?” Ang mga ideyang ito ang nagtulak sa Aking sabihin na hindi ninyo nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon. Pinipigilan lang ninyo ang inyong sarili pagdating sa inyong pag-uugali, mga panlabas na kilos, at pagiging magagalitin at inyong karakter. Imposibleng magtamo ng pagbabago sa disposisyon sa ganitong paraan. Alin sa mga salita ng Diyos ang nagsasabing hindi kayo dapat magsalita nang malaya, o magpakita ng inyong mga emosyon kapag gusto ninyo, o magalit, at iba pa? Ito ba ang sinasabi ng salita ng Diyos? Inilalantad lang ng Kanyang mga salita ang maraming bagay tungkol sa tiwaling diwa ng tao, at nagsasabi sa mga tao kung paano makikilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kung paano iwawaksi ang mga iyon at magtatamo ng pagbabago sa disposisyon, makawawala sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at pagkatapos ay makakikilos batay sa mga hinihingi ng Diyos, at magiging isang taong umaayon at nagbibigay-lugod sa mga layunin ng Diyos. Sa sandaling maunawaan mo ang usapin ng kung ano ang pagbabago sa disposisyon, aalalahanin mo pa ba ang mga panlabas na kilos na ito? Magiging abala ka pa rin ba sa lahat ng panlabas na gawaing ito? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon, kailanman ay hindi mo maaarok ang diwa nito o makakamit ito. Sa partikular, para sa ilang tao na kababalik-loob lang mula sa relihiyon, hindi pa rin nagbabago ang mga pananaw nila tungkol sa pananampalataya sa Diyos mula sa mga ideya at kuru-kuro ng relihiyon. Hinahangad pa rin nilang maging espirituwal, banal, mapagpakumbaba, at mapagpasensiyang tao, isang mapagmahal na mapagpalugod ng mga tao, at mapagkawanggawa, pero isa itong malaking pagkakamali! Kung hahangarin mong maging ganitong uri ng espirituwal na tao at mapagpalugod ng mga tao, isa kang tao na walang espirituwal na pang-unawa. Mauunawaan ba ng isang tao na mapagpalugod ng mga tao ang katotohanan? Makapagtatamo ba siya ng pagkakilala sa sarili at maiwawaksi ang kanyang tiwaling disposisyon? Talagang hindi. Ang mga tao na naghahangad na maging mapagpalugod ng mga tao ay hindi kailanman magtatamo ng katotohanan, hindi kailanman makikilala ang kanilang sarili at magtatamo ng pagbabago sa disposisyon, at hindi kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Samakatuwid, kung nais mong magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mo munang maunawaan kung ano ito, at kung ano ang tunay na pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos. Saka mo lang matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan.
Hindi nakabatay ang pagbabago sa disposisyon sa mga pagbabago sa mga ritwal o patakaran, at lalong hindi sa mga pagbabago sa panlabas na anyo o panlabas na pag-uugali, karakter, o pagiging magagalitin ng isang tao. Hindi ito tungkol sa pagbabago ng ugaling mabagal magalit sa ugaling mabilis magalit, o ang kabaligtaran nito, hindi rin ito tungkol sa pagbabago ng isang tao na mapag-isa sa isang tao na mahilig makihalubilo, o ng isang madaldal na tao sa isang tahimik na tao. Hindi ganito ang paraan, ibang-iba ito sa mga hinihingi ng Diyos, at napakalayo! Kapag nagsisimulang manalig ang isang tao sa Diyos, dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan, palagi niyang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Nagbubunga ito ng pagkalihis niya sa tamang landas, at pagsasayang ng ilang taon ng kanyang panahon nang hindi nagtatamo ng anumang tunay na bagay. Sa panahong iyon, hindi niya alam na dapat niyang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Humahantong ito sa pagsunod niya sa mga maling direksyon sa loob ng ilang taon, bago napagtatantong ang pinakamahalagang bagay sa pananalig sa Diyos ay ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad para matamo ang kaligtasan, at na ito ang pinakamahalagang bagay. Saka lang niya nauunawaan na ang pagbabago sa disposisyong sinasabi ng Diyos ay hindi tumutukoy sa mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali, at na sa halip ay hinihingi ng Diyos sa mga tao na unawain ang kanilang sarili at ang sarili nilang tiwaling diwa, na magsikap at hanapin ang pangunahing dahilan tungkol sa pag-unawa sa kalikasang diwa ng tao, at pagkatapos ay iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, isagawa ang katotohanan, at makapagpasakop at makasamba sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagbabago ng disposisyon sa buhay ng isang tao. May kabatiran na ba kayo ngayon sa pangunahing dahilan kung bakit ilang taon na kayong nananalig sa Diyos nang hindi nagtatamo ng anumang pagbabago sa disposisyon? Ito ay dahil hindi ninyo nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon, at hindi ninyo alam kung ano ang mga resulta at pamantayang nais makamit ng Diyos sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga tao. Maaaring hindi tanggapin ng ilang tao ang aspektong ito ng katotohanan, at sinabing: “Alam ko kung ano ang pagbabago sa disposisyon, pero hindi ko lang talaga makontrol ang sarili ko. Palagi kong ginagawa ang mga bagay na gusto ko, at mga bagay na sa palagay ko ay tama.” Sa pangkalahatan, paano mo man ito sabihin, pinatutunayan ng ganitong paraan ng pagsasalita na hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang pagbabago sa disposisyon, na siyang dahilan kung bakit nakabuo ka ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon. Habang mas binabanggit ang pagbabago sa disposisyon, tila lalo itong lumalayo sa iyo, lalo mong nararamdamang hindi mo ito maabot, at tila lalo kang nagkukulang dito. Habang mas tinatalakay ang pagbabago sa disposisyon at paglalantad sa kalikasang diwa ng sangkatauhan, hindi ba’t lalo pa ninyong nararamdamang hindi talaga nagbago ang inyong disposisyon, at na kailangan ninyong ipagpatuloy ang pagsusumikap? Bakit Ko ba kayo tinatanong tungkol sa pagbabago sa disposisyon? Ang totoo, alam Kong hindi kayo makasasagot. Sasabihin ng ilang tao, “Hindi ba’t pinahihirap Mo lang ang mga bagay-bagay para sa amin? Bakit Mo pa kami tatanungin kung alam Mo namang hindi kami makasasagot?” Hindi Ko pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa inyo. Sa bawat katanungan Ko, umaasa Akong isasapuso ninyo ang mga iyon. Huwag lamang ninyong basta isipin ang bawat pangungusap o paksang ibinabahagi Ko at ituring na tapos na ang usaping iyon sa sandaling tila naunawaan na ninyo ang mga iyon. Ang bawat pangungusap, at bawat aspekto ng paksang ibinabahagi Ko ngayon ay isang prosesong kakailanganin ninyong pagdaanan sa hinaharap. Walang bahagi nito ang maaaring alisin, at ang lahat ng ito ay mga bagay na pangunahing wala sa inyo. Tinatanong Ko kayo sa pag-asang pagninilayan ninyo ang inyong sarili, at susuriin kung nagtataglay kayo ng anumang kuru-kuro at imahinasyon ng tao sa inyong mga puso. Dapat ay pagnilayan ninyong mabuti kung mayroon kayong anumang kuru-kuro ng tao o anumang maling kaisipan at ideya sa pamamaraan ninyo sa pananampalataya sa Diyos. Ang totoo, ang lahat ng tao ay may kanya-kanyang mga utak at kaisipan, at hindi naiiba ang mga bagay na tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, kailangan ninyong suriin ang diwa ng mga kaisipan at kuru-kurong ito. Sa ngayon, hindi tayo sumasailalim sa mga pormalidad sa ating mga pagtitipon na gaya ng ginagawa ng mga tao sa mundo ng relihiyon: nagbabasa ng Bibliya, nagdarasal, nakikinig sa mga sermon, at hanggang doon na lang iyon. Ganoon kaya iyon kasimple? Siyempre, hindi. Ang mga paksang tinatalakay natin ngayon ay ang pinakamahalaga sa lahat ng paksa ng tao, at mas mahalaga kaysa sa anupaman, dahil ang mga paksang pinag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa hinaharap na destinasyon ng sangkatauhan, at ang mga hinihingi ng Diyos, na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, sa tao. Sinisiyasat natin ang ganitong mga uri ng paksa at pinagbabahaginan ang mga ito araw-araw, bagama’t marahil kahit sa ngayon ay may mga taong hindi masyadong nakauunawa sa mga iyon. Hindi pa natin natatapos pagbahaginan ang mga paksang ito, at wala ni isa sa mga ito ang ganap na mailalarawan o maipaliliwanag. Samakatuwid, ang mga usaping ukol sa buhay ay hindi kasing simple ng tulad ng iniisip ng mga tao. Hindi lang ito basta kaso ng pakikinig sa mas maraming sermon, pagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos, pagtatala nang mas marami, at pagkatapos ay pagsasaulo sa ilang tanyag na kataga, at paggamit sa mga bagay na iyon para magbahagi sa mga kapatid sa mga pagtitipon. Hindi iyon ganoon kasimple. Kailangan mong bigyang-pansin, kailangan mong unawain ang bawat aspekto ng katotohanang binabanggit ng Diyos, at ang mga ito rin ang mga katotohanang kailangang isangkap ng lahat ng tao na naghahangad na magtamo ng kaligtasan sa kanilang sarili. Kung nauunawaan mo kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na magtamo ng pagbabago sa disposisyon, bibigyang-pansin mo ito sa iyong puso at pagsisikapan ang katotohanan. Kung hindi mo nakikita nang malinaw kung ano ba talaga ang pagbabago sa disposisyon, hindi mo mamahalin o bibigyang-pansin ang katotohanan. Bagkus, hindi ka magkakaroon ng interes sa katotohanan, kaya kailanman ay hindi ka makapagtatamo nito. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao na nasasabik sa katotohanan, at pinagtataguan ang mga tao na hindi naghahangad nito. Kung mayroon kang pusong nasasabik, naghahanap, bibigyang-liwanag ka ng Diyos, gagawa Siya sa iyo, at, paunti-unti, ipauunawa Niya sa iyo nang malinaw ang lahat ng aspekto ng katotohanan. Sa palagay ba ninyo ay mahalaga ang paksa ng pagbabago sa disposisyon? (Oo, mahalaga ito.) Mahalaga talaga ito, dahil ngayon mismo ay kailangang maunawaan na ninyo agad ang aspektong ito ng katotohanan. Nangangamba kayong hindi kayo nagtataglay ng katotohanan, na hindi kayo nagbago, at na tatalikuran kayo pagdating ng mga sakuna, at nangangamba kayong malulugmok kayo sa mga sakuna, at magdurusa roon. Siyempre, may ilang taong nangangamba na masyadong kaunti ang nauunawaan nilang katotohanan ngayon, at na kapag sinubok sila ng Diyos sa hinaharap madarapa sila at hindi makapaninindigan, masasayang ang lahat ng mga nauna nilang pagsisikap. Dahil ito na ang huling yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, kung hindi makapagtatamo ang mga tao ng kaligtasan sa yugtong ito, ganap na mabibigo ang kanilang pananampalataya sa Diyos, matatapos na ang kanilang buhay ng pananampalataya sa Diyos, at sa huli ay mawawasak sila.
Kung nais mong magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kailangan mo munang maunawaan kung ano ito. Katatapos Ko lang talakayin kung ano ang iniisip ng ilang tao na pagbabago sa disposisyon sa kanilang mga kuru-kuro, at sumang-ayon kayong lahat na ang mga pahayag at pananaw ng mga tao na ito ay hindi tama, mali, at di-kaayon ng pagbabago sa disposisyong hinihingi ng Diyos. Kaya, paano ninyo dapat maunawaan ang pagbabago sa disposisyon? Paano ninyo ito dapat matamo? Ang pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Kailangan muna ninyong magtaglay ng kakayahang kumain, uminom, at intindihin ang mga salita ng Diyos. Kung hindi ninyo taglay ang kakayahang ito, hindi ninyo magagawang unawain ang katotohanan o kilalanin ang inyong sarili, at sa gayon ay hindi kayo makapagtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Ito ay dahil kung nais ninyong magtamo ng gayong pagbabago, kailangan ninyong malaman ang sarili ninyong tiwaling disposisyon, at makilatis ang iba’t iba ninyong nakalilinlang na kaisipan, perspektiba, pag-uugali, at pagpapamalas batay sa mga salita ng Diyos. Kailangan ninyong ikumpara ang inyong kalagayan sa salita ng Diyos, at maunawaan ang sarili ninyong tiwaling disposisyon, at malinaw na makita na ang diwa ng tiwaling disposisyong ito ay isang bagay na lumalaban at ipinagkakanulo ang Diyos, at isang bagay na kinamumuhian Niya. Sa ganitong paraan, maiwawaksi na ninyo ang inyong tiwaling disposisyon at unti-unting matatamo ang pagbabago sa disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, yamang lubha nang nagawang tiwali ang sangkatauhan, mauunawaan ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon kung hindi nila tatanggapin ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Makikita ba nila ang realidad ng matinding katiwalian ng sangkatauhan? Ipinanunukala ng lahat ng tiwaling tao ang edukasyon, tinatanggap at pinagkukumpetensiyahan nilang lahat ang kaalaman, subalit lalo lang nagiging mapanglaw at masama ang mundo ng tao. At sino ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa impluwensiyang ito ng kadiliman? Samakatuwid, ganap na imposibleng magtamo ng pagbabago sa disposisyon at magsabuhay ng wangis ng tao kung lilihis ka sa salita ng Diyos, at hindi mo tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagdadalisay. Sinasabi ng ilang tao: “Ayaw kong basahin ang mga salita ng Diyos tungkol sa paghatol at paglalantad sa mga tao, dahil ang pagbabasa sa mga bagay na ito ay tumatagos sa puso ko at nakaiilang sa akin.” Makikilala ba nila ang kanilang sarili sa pagharap sa mga salita ng Diyos nang ganito? Magiging madali ba para sa kanilang magtamo ng pagbabago sa disposisyon? Ayos lang kung ayaw mong basahin ang mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa sangkatauhan, dahil may mga himno ng salita ng Diyos ang sambahayan ng Diyos, pati na mga video ng patotoong batay sa karanasan, para mapanood mo, at matutuhan mo. Mas awitin mo ang mga himnong iyon, dahil nakalapat ang mga iyon sa mga himig, na nagpapadali na matutuhan at makabisado ang mga iyon. Ang matutuhang kantahin nang ganito ang mga himnong ito ng salita ng Diyos ay magdadala ng mga resulta, at magiging madali para sa iyong matandaan ang ilan sa Kanyang mga salita. Simulan mo ang pagpukaw sa iyong interes sa katotohanan gamit ang mga salitang ito. Dahil kinakailangang pukawin ang interes ng mga tao kahit pagdating sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos—sabihin mo sa Akin, gaano kalayo ang sangkatauhan sa mga hinihingi ng Diyos, na kailangan pang mapukaw ang interes ng mga tao sa pamamagitan ng mga himno? Pinatutunayan nitong talagang hindi minamahal ng sangkatauhan ang katotohanan! Napakahusay ng pagkakabigkas sa mga salita ng Diyos, at anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan, kapaki-pakinabang ang mga iyon sa tao, mula umpisa hanggang sa dulo, pero ayaw pa rin ng mga tao na kainin at inumin ang mga iyon. Talagang napakalayo ng sangkatauhan sa mga hinihingi ng Diyos! Kung gayon, ano ang dapat gawin tungkol sa sitwasyong ito? Una, kailangan mong magdasal sa Diyos sa tuwing kakain at iinom ka ng Kanyang mga salita, sabihin mong: “O Diyos, nais kong magsikap para sa pagbabago sa disposisyon at makamit ang magandang destinasyon, dahil natatakot akong masadlak sa mga sakuna. Gusto ko ring mas kumain at uminom ng Iyong mga salita, pero masyadong malupit ang mga salitang humahatol at naglalantad sa mga tao, tumatagos ang mga iyon sa puso ko, kaya ayaw kong basahin ang mga iyon. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako, tulungan Mo ako, bigyang-daan Mo akong maunawaan ang Iyong mga salita, at makitang ang Iyong mga salita ang tanging kailangan ng aking buhay, at na ang mga iyon ang buhay na dapat kong matamo.” Kung taimtim kang magdarasal nang ganito, gagawa ang Diyos sa iyo nang hindi mo man lang napagtatanto, at unti-unting magdudulot sa iyong maunawaan ang mas marami sa Kanyang mga salita, sa palalim nang palalim na paraan. Sinasabi ng ilang tao: “Gustong-gusto kong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at nabasa ko na ang mga iyon mula simula hanggang dulo, pero hindi ko alam kung aling mga katotohanan ang pinakamahalagang maunawaan, at kung aling mga katotohanang realidad ang pinakamahalagang pasukin, o kung paano ako dapat maghangad para magtamo ng pagbabago sa disposisyon.” Paano malulutas ang problemang ito? Una, kailangang higit mo pang pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Hindi sapat na basahin lang ang mga iyon nang ilang beses. Kailangan mong basahin ang mga iyon nang mabuti nang maraming beses, pagnilayan at ibahagi ang mga iyon nang madalas, at isagawa ang mga iyon sa iyong buhay, hanggang sa magkaroon ka ng aktuwal na karanasan. Saka mo lang mauunawaan ang katotohanan. Dagdag pa roon, kung hindi ninyo kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa ilang paksa, magbahagi lang kayo sa abot ng makakaya ninyo. Isantabi ninyo ang mga paksang hindi talaga ninyo kayang ibahagi nang malinaw sa ngayon; piliin muna ninyong magbahagi, mula sa mababaw hanggang sa malalim, tungkol sa mga bagay na mas madali ninyong mauunawaan, at na maaabot ng kasalukuyang antas ng inyong karanasan. Ang buhay pagpasok ay hindi isang simpleng bagay, at imposibleng makapasok nang malalim matapos manalig nang tatlo o limang taon lang. Kapareho ito ng proseso ng pagdating sa hustong gulang: unti-unting lumalaki mula sa pagkabata, lumalago, hanggang sa wakas ay maging husto na ang gulang mo pagkalipas ng dalawampu o tatlumpung taon. Kinakailangan din ng ganito karaming taon ng karanasan sa pananalig sa Diyos, at para naman sa mga katotohanang tungkol sa pagpapasakop at pagmamahal sa Diyos, inaabot ng buong buhay para maranasan ang mga iyon. Sinasabi ng ilang tao: “Ganito ako kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, pero paano ko ba talaga matatantiya kung nakagawa na ako ng anumang pagbabago sa aking disposisyon?” Maraming kapatid ang interesado sa tanong na ito. Sabihin mo sa Akin, kapag kapapanganak pa lang ng isang sanggol, at pinakakain at inaalagaan siya ng kanyang ina, inaalala ba ng sanggol kung kailan magiging husto ang gulang niya? Siyempre, hindi, dahil hindi niya ito nauunawaan. Kaya, hindi mo ito kailangang itanong. Maghintay ka na lang hanggang sa lumago na ang iyong tayog, tapos ay likas mo na itong mauunawaan, at kapag dumating na ang panahong dapat ka nang magbago, likas kang magbabago. Gagawa ang Diyos ng ilang bagay sa bawat yugto at panahong pagdaraanan mo, magsasaayos ng ilang kapaligiran o tao, mga pangyayari, at mga bagay para matuto ka ng mga aral. Magbalik-tanaw ka sa iyong pananampalataya sa Diyos, mula noong simula nito hanggang sa ngayon, ihambing mo kung anong uri ng mga pananaw ang mayroon ka noong una kang nanalig sa Diyos sa mga pananaw mo ngayon, at malalaman mo kung nagbago ka na. Ngayon, ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong gawin ay kumain at uminom ng mas marami pang mga salita ng Diyos, mas magbahagi pa, makinig sa mas maraming sermon, at lalong pagsumikapan ang mga salita ng Diyos. Napakahalaga nito, at ito ang pangunahing kondisyon sa pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Magkakamit ka ba ng mga resulta kung hindi ka magbabasa ng mga salita ng Diyos o magbabahagi ng katotohanan, bagkus ay tutuon lang sa kung paano madarama ang pag-antig ng Banal na Espiritu, kung paano mabubuhay sa loob ng espiritu, at magiging espirituwal? Walang saysay na palaging pagtuunan ang mga bagay na ito, dahil pawang pangalawa ang mga iyon. Kaya, ano ang pinakamahalagang bagay? Ang higit na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kung hindi ka maingat na kakain at iinom ng Kanyang mga salita, kahit pa makipagtipon ka araw-araw o magdaos ka ng mga seremonya ng relihiyon nang mabuti, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi mo ito maisasagawa. Ito ay dahil nakapaloob lahat ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kailanman ay hindi mo ito makakamit kung hindi ka kakain at iinom ng Kanyang mga salita. Nanggagaling ang lahat ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kung tatalikuran mo ang Kanyang mga salita, katumbas iyon ng pagtalikod sa Diyos. Kung lilihis ka sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, hindi ka nananalig sa Diyos, at isa ka sa mga walang pananampalataya. Kung gayon, kahit gaano pa kabuti ang iyong pag-uugali, kailanman ay hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. Samakatuwid, sa mga tao na nananalig sa Diyos, ang pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita ang pinakamahalagang bagay. Kung pagsisikapan mo ang salita ng Diyos, makakamit mo ang kasingdami ng iginugugol mo rito. Hindi mo na kailangang siyasatin, timbangin, lalong hindi aalalahanin kung gaano talaga kalaki ang mga pakinabang na ito. Hindi mo ito responsabilidad. Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain, at bibigyan ka ng Diyos ng paliwanag, bibigyang-liwanag ka, at ipaaalam ito sa iyo. Kaya, kung may magtatanong ulit sa hinaharap: “Kailan ako susubukin ng Diyos? Makakapanindigan ba ako? Gaano ba talaga kalaki ang ipinagbago ng disposisyon ko? Hindi ba ako puwedeng bigyan ng Diyos ng tiyak na sagot?” kalokohan at di-makatwiran ito. Hindi mo kailangang alalahanin ang gayong mga bagay. Kapag isang araw ay magkaroon ka na ng tayog, at magbago na talaga ang iyong disposisyon, mapagtatagumpayan mo ang isang sitwasyong mangyayari sa iyo at mahaharap mo ito nang tama, gamit ang mga pamamaraang hinihingi ng Diyos. Pagkatapos ay malalaman mong nagbago ka na. Hindi ito isang panlabas na pagbabago, kundi isang panloob na pagbabago, at isa itong pagbabago sa disposisyon at diwa.
Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi isang bagay na biglaang nangyayari, o isang bagay na natatamo pagkatapos ng ilang taon ng karanasan. May ilang taong madalas na nabibigo at nadarapa kapag sinisimulan nilang baguhin ang masasama nilang gawi, at naiisip nilang: “Tapos na ako. Wala na akong pag-asa. Hindi para sa akin ang pagbabago sa disposisyon, imposible para sa aking magbago. Kung napakahirap para sa aking baguhin kahit ang maliliit na kapintasan o masasamang gawing ito, tiyak na lalo pang magiging mahirap na baguhin ang aking disposisyon.” Nagiging negatibo sila, pakiramdam nila ay wala na silang pag-asa, at ayaw nilang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa loob ng mahabang panahon. Sa tuwing pinupungusan sila ng sinuman, naiinis at nagiging negatibo sila, ayaw nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at ganap silang nawawalan ng interes sa katotohanan. Ano ang kalagayang ito? Isa itong malubhang problema. Kailanman ba ay nagkaroon na kayo ng ganitong uri ng karanasan? Natatakot ba kayong, sa proseso ng inyong karanasan sa buhay, palagi kayong magiging negatibo, mahina, mabibigo, at madarapa? Natatakot man kayo o hindi, totoo na hindi nangyayari nang biglaan ang pagbabago sa disposisyon. Ito ay dahil nagsisimula ang pagbabago sa disposisyon sa pinakaugat ng tiwaling kalikasan ng sangkatauhan, at isa itong radikal at ganap na pagbabago. Parang kapag nagkakaroon ang isang tao ng kanser at tinutubuan ng isang tumor: Kailangan siyang maoperahan para matanggal ang tumor, kailangan niyang tiisin ang maraming pagdurusa, at isa itong napakamasalimuot na proseso. Sa proseso ng pagbabago sa disposisyon, maaari kang magdaan sa maraming bagay bago makaunawa ng kaunti sa katotohanan o magtamo ng isang aspekto ng pagbabago sa disposisyon, o maaari kang makaranas ng maraming tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang kapaligiran, at makagawa ng maraming maling pagliko, bago ka magtamo ng kaunting pagbabago sa wakas. Mahalaga ang pagbabagong ito, gaano man ito kalaki, at pinahahalagahan at inaalala ito sa mga mata ng Diyos dahil matindi na ang pinagdusahan mo at malaki na ang ibinayad mong halaga para dito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso ng mga tao, nalalaman ang kanilang mga iniisip at ninanais, at ang kanilang mga kahinaan, pero higit sa lahat, nalalaman ng Diyos kung ano ang kailangan nila. Upang sundin ang praktikal na Diyos, kailangan nating taglayin ang determinasyong ito: Gaano man katindi ang mga kapaligirang hinaharap natin, o anumang uri ng mga paghihirap ang hinaharap natin, at gaano man tayo kahina o kanegatibo, hindi tayo maaaring mawalan ng pananampalataya sa ating pagbabago sa disposisyon o sa mga salitang binigkas ng Diyos. Nangako ang Diyos sa sangkatauhan, at hinihingi nito sa mga taong magkaroon ng determinasyon, pananampalataya, at pagtitiyaga upang makayanan ito. Ayaw ng Diyos sa mga duwag; gusto Niya ang mga taong may determinasyon. Kahit pa nakapaghayag ka ng maraming katiwalian, kahit pa maraming beses ka nang nakatahak sa maling landas, o nakagawa ng maraming paglabag, nagreklamo tungkol sa Diyos, o mula sa loob ng relihiyon ay lumaban ka sa Diyos o nagkimkim ng kalapastanganan laban sa Kanya sa iyong puso, at iba pa—hindi tinitingnan ng Diyos ang lahat ng iyon. Tinitingnan lang ng Diyos kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan at kung makapagbabago siya balang araw. May kwento sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng alibughang anak—bakit ginamit ng Panginoong Jesus ang gayong parabula? Ito ay para ipaunawa sa mga tao na ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay taos-puso, at na binibigyan Niya ang mga tao ng pagkakataon na magsisi at magbago. Sa buong prosesong ito, nauunawaan ng Diyos ang tao, alam na alam Niya ang kanilang mga kahinaan at ang antas ng kanilang katiwalian. Alam Niyang madarapa at mabibigo ang mga tao. Tulad lamang ng isang batang nag-aaral na maglakad, gaano man kalakas ang kanilang katawan, palaging may mga pagkakataon na matutumba at madarapa sila, at may mga pagkakataong tatama sila sa mga bagay at matatalisod. Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pagkaunawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung anu-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao sa proseso ng pagpasok sa pagbabagong disposisyonal. Ang mga ito ang mga bagay na nauunawaang mabuti ng Diyos. Ibig sabihin nito ay sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Gaano ka man kahina, basta’t hindi mo itinatakwil ang pangalan ng Diyos, o tinatalikuran Siya at ang landas na ito, lagi kang magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung mayroon ka ng pagkakataong ito, may pag-asa kang manatiling buhay, at sa gayon ay mailigtas ng Diyos. Kapag naunawaan natin kung ano ang pagbabago sa disposisyon, at kung anong uri ng proseso ang kinakailangan para dito, hindi tayo dapat na matakot, bagkus ay dapat na manampalataya, at magdasal sa harap ng Diyos: “O Diyos! Lubha akong tiwali. Ni hindi ko nga alam kung ano ang katotohanan, lalo na kung ano ang pagbabago sa disposisyon. Kailangang-kailangan ko ng pagliligtas Mo, at ng pagtulong at pagtustos Mo sa akin, nang sa gayon ay malaman ko kung paano unawain at isagawa ang Iyong mga salita, at magkamit ako ng kaalaman at karanasan mula sa mga iyon, at sa gayon ay madala ang Iyong mga salita sa aking buhay, at magkaroon ng kaliwanagan at patnubay Mo ang aking bawat salita at kilos, ang aking bawat galaw, ang lahat ng aking layunin, at ang lahat ng aking ginagawa. Inaasahan ko ito, kinasasabikan ko ito, pinananabikan kong magsabuhay ng normal na pagkatao at tunay na wangis ng tao para bigyang-lugod Ka. Pero hindi ko pa ito matatamo, napakalaki pa rin ng aking katiwalian, na kahit ako mismo ay hindi ito mapagtanto. Pakiusap, ibunyag, tulungan, at tustusan Mo ako. Ito ang kailangan ko ngayon.” Dapat kang magkaroon ng ganitong uri ng panalangin, at ganitong uri ng determinasyon. Matapos magdasal nang ganito, magbabago ang iyong puso at iyong buhay nang hindi mo man lang nalalaman, dahil nasasalamin sa paraan ng iyong pagdarasal at paghahanap ang iyong determinasyon, at ang paraan ng pagtupad ng Diyos sa iyong determinasyon. Hindi pupuwede kung palagi kang natatakot sa pagkabigo, at pinatutunayan lang ng pagkatakot bago pa may aktuwal na mangyari sa iyo na wala kang determinasyon at pananampalataya pagdating sa usapin ng pagbabago sa disposisyon. Una, kailangan mong maunawaang hindi nangyayari nang biglaan ang pagbabago sa disposisyon. Sa palagay ba ninyo ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan nang biglaan? Hindi, nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa loob ng mga milenyo, lubusan nang nalantad ang kanilang satanikong kalikasan, at lumubha sa isang antas kung saan hindi na nila ito makontrol, at kung saan mahihigitan lang ng mga likas na pagbubunyag ng mga iyon ang kay Satanas. Umabot na sila sa antas ng pagiging kaaway ng Diyos, at sa punto kung saan wala na silang interes, nasusuklam, at namumuhi sila sa tuwing maririnig nilang ang isang bagay ay ang katotohanan, o salita ng Diyos, o mula sa Diyos. Ganoon katindi ang pagiging tiwali at manhid ng mga tao, kaya hindi madali para sa kanilang maunawaan ang katotohanan, lalo na ang matamo ang pagbabago sa disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay hindi kasingsimple ng pagbabago sa pag-uugali ng isang tao. Samakatuwid, kailangan nating magkaroon ng tamang pagkaunawa sa usaping ito ng pagbabago sa disposisyon, at harapin ito gamit ang tamang saloobin. Hindi tayo maaaring magpasasa sa labis-labis na mga pantasya at magsabing, “Nananalig ako sa Diyos, at kumakain at umiinom ako ng Kanyang mga salita sa buong panahon. Hindi ba ako magbabago kung gagawa ang Diyos ng kaunti pang gawain, at gagawa ng ilang tanda at kababalaghan?” Isa itong hindi makatotohanang pananaw, at isa itong imahinasyon ng tao. Kung susundin natin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, hindi na kakailanganin ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain ng paghatol, ni magpahayag ng napakaraming salitang naglalantad sa katiwalian ng sangkatauhan, lalo na ang subukin at pinuhin Niya ang mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, sa plano ng pamamahala ng Diyos, inililigtas ba Niya ang sangkatauhan para matalo si Satanas, o nilalabanan Niya si Satanas para mailigtas ang sangkatauhan? (Nilalabanan ng Diyos si Satanas para mailigtas ang sangkatauhan.) Tama iyon. Kailangan tayong magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya, sa hinaharap, huwag natin sabihin ang kahangalang pahayag na: “Bakit ba hindi na lang wasakin ng Diyos si Satanas?” Kung wala ang katiwalian ni Satanas, magpapahayag ba ang Diyos ng napakaraming katotohanan para iligtas tayo? Magkakamit ba tayo ng napakaraming katotohanan ngayon? Kung wala ang katiwalian ni Satanas, hindi kailanman lalabas ang plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, hindi rin paplanuhin ng Diyos na gawing perpekto ang grupong ito ng mga tao sa mga huling araw para maging ang mga taong mananatili. Nilalabanan ng Diyos si Satanas para mailigtas ang sangkatauhan at makamit ang isang grupo ng mga tao. Masasabi ring naging tao ang Diyos para labanan si Satanas alang-alang lang sa paggawang perpekto sa ating grupo ng mga tao. Samakatuwid, nakita na natin ang layunin ng Diyos, at ang layon at pinakadiwa ng Kanyang plano ng pamamahala ay para makamit ang isang grupo ng mga tunay na tao. Ito ang plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya, makikita ninyo kung gaano kahalagang magtamo ng pagbabago sa disposisyon sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos, at ganap na maging isang tunay na tao na minamahal at hinihiling na makamit ng Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.