Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay? (Ikatlong Bahagi)

Mayroon pang isang uri ng kalagayan, at iyan ay ang pamumuhay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Nais ng karamihan ng tao na maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sa kanilang paniniwala sa Diyos, nang hindi tumutuon sa paghahangad ng katotohanan. Hangga’t may kaunting kakayahan ang isang tao at kaunting ideya, may taglay siyang isang hanay ng mga pilosopiya ni Satanas at mga tuntunin ng pamumuhay. Bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang “tinatagong panlilinlang” tungkol sa kung paano mabubuhay nang masaya, paano mabubuhay sa isang paraan na magpapatanyag sa kanila at magbibigay ng karangalan sa pangalan ng pamilya nila, at magkakamit ng papuri ng lahat ng tao. Anong panlilinlang ang mga ito? Ang mga ito ay mga “pinakamataas” na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Maaaring katawa-tawa itong pakinggan sa ilang tao: Ang “pinakamataas” at “mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo” ay hindi maaaring magsama. Ang mga ito ay kakaibang pagpapares. Kaya, bakit ginamit ang salitang “pinakamataas” dito? Sa pangkalahatan, ang taong may pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ay naniniwala na para mabuhay, kailangan niyang magkaroon ng mga tuntunin para sa pag-iral, ibig sabihin, ilang sikreto para mabuhay. Iniisip niya na iyan lang ang paraan para makamit ang mga layunin niya sa buhay. Pinanghahawakan niya ang mga tuntuning ito para mabuhay, na mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, bilang mga pinakamataas niyang mga paniniwala, gaya ng mga kasabihang madalas sinasabi ng mga tao. Pinanghahawakan at pinaninindigan niya ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na parang ito ang katotohanan, nang hindi isinasantabi maging ang mga hinirang na mga tao ng Diyos sa pagtratong ito. Iniisip niya, “Walang sinuman ang magagawang ihiwalay ang sarili niya mula sa mga makamundong pakikitungo. Nananalig kayo sa Diyos, hindi ba? Sinusunod ninyo ang mga prinsipyo, hindi ba? Nauunawaan ninyo ang katotohanan, hindi ba? Kung gayon, may pilosopiya ako para sa mga makamundong pakikitungo para pangasiwaan kayo. Metikuloso kayo, hindi ba? Sumusunod kayo sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba? Hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at maaari ko pa rin kayong gawing maging mabuti sa akin at gawin kayong nagsisikap nang walang nakakamit na resulta. Papanatilihin ko kayong lahat na malapit na nakaugnay sa akin; sasabihin ninyong mabuti akong tao at hindi kayo magsasabi ng anumang masama tungkol sa akin nang hindi ko alam. Huhusgahan ko pa nga kayo kapag wala kayo sa paligid, at gagawan kayo ng masasamang bagay, at pagtataksilan ko kayo—at wala kayong mauunawaang kahit ano.” Iyan ang taong nabubuhay sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ano ang nakapaloob sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Pagkukunwari, panlilinlang, at mga taktika, gayundin ang mga diskarte at pamamaraan. Halimbawa, kapag may nakikita silang isang taong may katayuan, isang taong maaaring magamit, napakagalang nila, yumuyukod at lumuluhod at umaawit ng mga papuri nila. Sa mga taong sa palagay nila ay kaunti ang kayang ihandog, at hindi kasinggaling nila, palaging mapanghamak ang pagsasalita nila at mababa ang tingin nila sa mga ito, na pinaparamdam nila sa mga taong iyon na nakakataas sila at dapat silang palaging tingalain. Sa kanilang panloob na mundo, mayroon silang sistema sa paglalaro at pangmamanipula ng mga tao at isang paraan kung paano nila dapat tratuhin ang bawat uri ng tao. Kapag may nakilala silang isang tao, alam nila sa isang sulyap kung anong uri siya ng tao, at kung paano sila dapat humarap sa kanya at makitungo sa kanya. Ang isipan nila ay gumagawa kaagad ng pormula. Sopistikado sila at nagsasagawa rito. Hindi nila kailangang mag-isip tungkol sa pagpapatupad ng mga pilosopiyang ito—hindi nila kailangan ng mga panimulang plano o ang pagtuturo ng sinuman. May sarili silang paraan. Ang ilan sa mga ito, sila ang mismong nag-isip; ang ilan, natutunan nila sa iba, o napanood nila sa iba, o nakamit sa impluwensya ng iba. Marahil walang nagsabi sa kanila tungkol sa mga paraang iyon, pero mahihiwatigan nila ang lahat ng detalye, at kaya natututunan nila ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga teknika, diskarte at pamamaraan, mga pakana, at mga kalkulasyon. Taglay ba ng mga taong nabubuhay sa mga bagay na ito ang katotohanan? Mabubuhay ba sila sa katotohanan? (Hindi.) Hindi nila kaya. Kaya, ano ang epektong mayroon sila sa ibang tao? May ilang taong madalas nilang nalilinlang at nadadaya, nagagamit at napaglalaruan nila, at marami pa. Ang mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo ay hindi kinakailangang ang tanging saklaw ng mga intelektuwal, o ng ilang grupo ng mga tao—ang katunayan ay matatagpuan ito sa lahat ng tao.

Sa ano pang ibang paraan nagpapamalas ang mga satanikong pilosopiya? May ilang taong magaling magsalita. Nanghihimok sila ng kaligayahan at kasiyahan sa mga tao, na umaalis na naginhawahan dahil narinig nila silang magsalita, pero wala talaga silang ginagawang anumang aktuwal na trabaho. Anong klase ng tao ito? Isang taong nangmamanipula ng mga tao sa pamamagitan ng matatamis na salita. May ilang lider at manggagawa na nagtatrabaho nang sandali, pagkatapos ay iisipin nila sa mga sarili nila, “Nauunawaan ba ako ng Itaas? Kilala ba ako ng Diyos? Kailangan kong mag-ulat ng kaunting problema para malaman ng Itaas na nagtatrabaho ako. Kung nakikita ng Itaas na ang mga problemang iniuulat ko ay lubos na totoo at mahalaga, na pangunahing isyu ang mga ito, marahil pahahalagahan ako ng Itaas, dahil nakikita Niyang kaya kong gumawa ng aktuwal na gawain.” At kaya, naghahanap sila ng pagkakataong magbanggit ng mga problema. Sila ay may katwiran sa pagbabanggit ng mga problema, sentido komun iyan, at hinihingi ito ng gawain. Pero hindi ito dapat mahaluan ng personal nilang intensyon. Nakikita ba ninyo ang intensyong mayroon ang taong ito sa pag-uulat ng mga isyung ito? Ano talaga ang problema sa intensyong mayroon siya? Ang tanong na ito ay nangangailangan ng kaisipan at pagkilatis. Kung binabanggit nila ang mga isyu para magampanan nila nang maayos ang tungkulin nila at mapalugod ang Diyos, iyan ay magiging makatwiran; mangangahulugan iyan na sila ay responsableng tao, isang gumawa ng aktuwal na gawain. Pero sa kasalukuyan ay may mga lider at manggagawang hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, pero mga oportunista at nandaraya, na nagsisinungaling sa mga nakakataas sa kanila at nagtatago ng mga bagay sa mga nasa ilalim nila. Pero, gusto nilang maging pino at tuso, at mapalugod ang lahat ng tao. Sa pagsasagawa nila sa ganitong paraan, hindi ba’t nabubuhay sila sa mga satanikong pilosopiya? Kung gayon, paano dapat lutasin ang problema? Ano ang mga katotohanang dapat hanapin, paano ito malalaman at makikilatis—dapat maging malinaw ang mga bagay na ito bago maaaring malutas ang problema ng kanilang tiwaling intensyon. Narito ang isa pang halimbawa. Pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Pupunta sila sa isang iglesia sa ibang lugar para ayusin ang problema roon. Ang mga kondisyon ng pamumuhay doon ay medyo mahirap, hindi maganda ang pampublikong seguridad, at medyo mapanganib ang lugar na ito. Sinasabi ng isa sa kanila, “Ayaw sa akin ng mga tao sa iglesiang iyan. Kahit na pumunta ako, walang garantiyang malulutas ko ang problema roon. Pero, gusto ka nilang lahat. Magiging produktibo para sa iyo na pumunta at lutasin ang problema.” Tingin ng kasama niya ay totoo ito at umalis ito. Kung isasantabi ang lahat, hindi ba’t may problema sa taong nakahanap ng mga dahilan at palusot sa hindi pagpunta? Makatwiran man o hindi ang mga dahilan at palusot niya, isinasagawa ba niya ang katotohanan dito? Iniisip ba niya ang mga kapatid niya? Hindi; nagsisinungaling siya. Gumagamit siya ng matatamis na salita para isakatuparan ang mga sarili niyang layunin. Hindi ba’t teknika ito? Kung nag-iisip ka nang gaya nito at kumikilos nang gaya nito, hindi ka pa naghimagsik laban sa laman. Nabubuhay ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya. Pero paano kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mo at hindi ka nabuhay sa mga satanikong pilosopiya? Sa umpisa ay hindi mo gugustuhing pumunta sa iglesiang iyon para ayusin ang mga problema nito, pero matagal mo itong pag-iisipan: “Hindi iyan tama. Ang katunayang nag-iisip ako nang ganyan ay nangangahulugang masama akong tao, na imoral ako. Kailangan kong bawiin ang sinabi ko, simbilis ng kaya ko. Kailangan kong humingi ng tawad sa kanya at maging bukas sa katiwaliang ibinunyag ko. Dapat akong pumunta sa lugar na iyon ngayon, kahit na ang ibig sabihin nito ay mamamatay ako roon.” Hindi naman talaga tiyak na mamamatay ka roon. Kailan pa ganyan kadaling dumating ang kamatayan? Ang buhay at kamatayan ay paunang itinakda ng Diyos. Sa lahat-lahat, sa ganitong kaso, kailangan mong magkaroon ng paninindigan at ng kakayahang maghimagsik laban sa sarili mo. Saka pa lamang na magagawa mong mamuhay sa katotohanan. Bibigyan Ko kayo ng isa pang halimbawa. Pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Pareho silang takot na kunin ang responsabilidad para rito, kaya naging tagisan ito ng talino. Sinasabi ng isa, “Ikaw na ang umayos nito.” Sinasabi ng isa pa, “Mas mabuti kung ikaw ang haharap dito. Masahol ang kakayahan ko kumpara sa iyo.” Ang iniisip talaga nila ay: “Walang magiging gantimpala sa maayos na paggawa ng bagay na ito, at kung hindi maayos ang paggawa nito, pupungusan ako. Hindi ako pupunta—hindi ako ganyan kamangmang! Alam ko kung ano ang balak mo. Tigilan mo na ang panghihikayat sa aking pumunta.” Ano ang kahihinatnan ng palitan nila? Wala sa kanila ang pupunta, at naaantala ang gawain bilang resulta. Hindi ba’t imoral iyan? (Oo.) Hindi ba’t seryoso ang kahihinatnan ng pag-antala ng gawain? Masama ang resultang ito. Kaya, ano ang ipinapamuhay ng dalawang ito? Pareho silang namumuhay sa mga satanikong pilosopiya; pinipilit sila at ginagapos ng mga satanikong pilosopiya at ng sarili nilang panlilinlang. Nabigo silang isagawa ang katotohanan, at dahil diyan, hindi umabot sa pamantayan ang pagganap nila ng kanilang tungkulin. Walang ingat at pabasta-basta ito, at wala talagang anumang patotoo rito. Sabihin nating pinagpares ang dalawang tao para gumanap ng tungkulin. Isa sa kanila ay sumusubok na kunin ang dominanteng posisyon sa lahat ng bagay at palagi niyang gustong siya ang may huling salita, at maaaring isipin ng isa, “Siya ang matatag; gusto niyang mamuno. Puwede siyang mamuno sa lahat ng bagay, at kapag may nangyaring mali, siya ang pupungusan. ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’! Hindi ako lalabas. Nagkataon lang na mahina ang kakayahan ko, at hindi ko gustong magambala ng mga bagay na ito. Gustung-gusto niyang mamuno, hindi ba? Kung may gagawing isang bagay, ipapaubaya ko ito sa kanya!” Ang taong magsasabi ng mga ganitong bagay ay natutuwang maging mapagpalugod ng mga tao, isang tagasunod. Ano ang palagay ninyo sa paraan niya ng pagganap ng tungkulin? Ano ang ipinapamuhay niya? (Ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) May iniisip din siyang iba. “Hindi ba siya magagalit sa akin kung kukunin ko ang papuring inaasahan niya? Hindi ba’t magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa aming dalawa sa pagpapatuloy? Kung makakaapekto ito sa aming relasyon, mahihirapan kaming magkasundo. Mas mabuti pa kung hahayaan ko siya sa gusto niya.” Hindi ba’t ito ay pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Ang paraan ng pamumuhay nila ay nagliligtas sa kanila sa gulo. Binibigyan sila nito ng kakayahang umiwas sa pagkuha ng responsabilidad. Susunod lang sila sa anumang ipagawa sa kanila, nang hindi kailangang mamuno o lumabas, at nang hindi kailangang mag-isip ng tungkol sa anumang problema. Ang lahat ay gagawin ng ibang tao para sa kanila, kaya hindi nila kailangang pagurin ang sarili nila. Ang kagustuhan nilang maging tagasunod ay nagpapatunay na wala silang diwa ng responsabilidad. Nabubuhay sila sa mga pilosopiya ng mga makamundong pakikitungo. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan o pinapanghawakan ang mga prinsipyo. Iyan ay hindi maayos na kooperasyon—ito ay pagiging tagasunod, isang mapagpalugod ng mga tao. Bakit hindi iyan kooperasyon? Dahil hindi sila tumutupad sa responsabilidad nila sa anumang bagay. Hindi sila kumikilos nang buong puso at isipan nila, at maaaring hindi rin sila kumikilos nang buong lakas nila. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na nabubuhay sila sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sa halip na sa katotohanan. Narito pa ang isang halimbawa: May isang taong gumawa ng masamang bagay habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, isang bagay na nagdudulot ng pagkalugi sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakikita mo ito, pero iniisip mo sa sarili mo, “Wala akong kinalaman diyan. Hindi nito nasaktan ang mga interes ko. At saka, hindi ako ang responsable. Ano ang ginagawa ko, nakikialam ako sa buhay ng iba? Ibang tao na lang ang dapat umayos nito, sinuman ang gusto. Ang kailangan ko lang gawin ay paghusayan ang sarili kong gawain. Walang kinalaman sa akin kung gumagawa ng masama ang ibang tao. Wala akong pakialam kung makita ko ito; wala akong pakialam kung naligaw sila; at kung may mawala sa gawain ng iglesia, wala akong kinalaman diyan.” Hindi ba’t ito ay isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? (Ganoon nga.) Mabuti ba ang mga intensyon ng taong ito? (Hindi.) Nabubuhay siya sa mga satanikong pilosopiya. May ilang taong gumagawa nito paminsan-minsan sa ilang usapin; ang iba ay madalas itong ginagawa, nang hindi kailanman naghahanap sa katotohanan o nagninilay sa sarili nila, at nang hindi nilulutas ang mga tiwaling disposisyon nila. Ang dalawang uri ng taong ito ay nasa magkaibang sitwasyon. Pero ito man ay ginawa sa mga hiwalay na insidente o sa lahat ng usapin, nasasaling nito ang problema ng tiwaling disposisyon. Hindi ito simpleng isyu ng pamamaraan ng isang tao—ito ay pamumuhay ng isang tao sa mga satanikong pilosopiya. Ano pang ibang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ang karaniwang nakikita at nakakatagpo ng isang tao? (Panunuhol sa ibang tao gamit ang maliliit na pabor, pagsunod sa mga kagustuhan ng ibang tao, pagpupuri sa mga tao, at panunulsol sa kanila.) Ang pagsunod sa mga kagustuhan ng ibang tao ay isang teknika, isang uri ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ano pa? (Ang hindi direktang pagsasalita pagkatapos makita ang isang taong gumawa ng bagay na labag sa mga prinsipyo, sa takot na masaktan ang damdamin niya.) Ang pagiging hindi direkta sa pananalita, palaging pinapaikot ang isyu, palaging pumipili ng mga salitang magandang pakinggan na hindi kinapapalooban ng mga prinsipyo o ng pangunahing problema—ito ay isa pang uri ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. May iba pa ba? (Pangbobola at pagpapagiliw ng sarili sa sinumang may katayuan.) Iyan ay pagpapalakas para makakuha ng pabor, at ito rin ay isang uri ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. May mga tao na, sa kalikasan nila, ay palaging humahanap ng pagkakataon na manipulahin at samantalahin ang ibang tao. Sila ay mga partikular na taksil. May mga taong pino at tuso saan man sila pumunta. Ang sasabihin nila ay depende sa kung kanino nila ito sinasabi. Mabilis tumugon ang isipan nila: Alam nila kung paano harapin ang isang tao sa unang pagkakataon pa lang nilang makita ang isa’t isa. Ang mga ganoong tao ay labis na tuso; hindi nila kayang mabuhay sa katotohanan. Sa ano pang ibang paraan nagpapamalas ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? (Hindi nangangahas magsalita pagkatapos makita ang isang problema sa takot na masisi siya kung lalabas na ito ay isang pagkakamali, pinapanood ang sinasabi at ginagawa ng iba, at hindi nagpapahayag ng pananaw hanggang magsalita na ang nakararami.) Ang mga tao ay may tendensiyang sumabay sa agos, iniisip na ang kautusan ay hindi pwedeng ipatupad kapag ang lahat ng tao ay lumalabag. Anong uri ng problema iyan? Anong uri ng disposisyon? Hindi ba’t ito ay mapanlinlang na disposisyon? Hindi nangangahas na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo dahil palagi mong gustong maging mapagpalugod ng mga tao at takot na magdulot ng pagkakasala, pero natatakot rin na ilalantad ka at ititiwalag dahil sa hindi pagsasagawa ng katotohanan—talagang problema iyan! Iyan ang nakakaawang kalagayan ng mga mapagpalugod ng mga tao. Kapag hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, ganito ang mga karima-rimarim na kondisyong ipinapamuhay nila; tinataglay ng lahat ng mga ito ang demonikong wangis ni Satanas. Ilan sa mga taong ito ay tuso, ang ilan ay taksil, ang ilan ay kasuklam-suklam, ang ilan ay kalunos-lunos, ang ilan ay hamak, at ang ilan ay kaawa-awa. Nabubuhay ba kayo sa mga satanikong pilosopiya? Binobola ang sinuman na isang lider habang hindi pinapansin ang mga lider na pinalitan at itiniwalag; pinapagiliw ang sarili sa sinumang piniling maging lider, sinuman siya; nagsasabi ng lahat ng uri ng mga nakakasukang bagay, “Grabe, ang ganda mo, at tamang-tama ang pangangatawan mo—ang mismong imahe ng kagandahan. Parang tagapag-ulat ng balita ang boses mo kapag nagsasalita at parang ibon ang boses mo kapag kumakanta,” naghahanap ng mga paraan para makuha ang pabor nito; binobola ito sa bawat pagkakataong nakukuha mo; sinusuhulan ito nang maliliit na pabor; sa pangkalahatan pinagmamasdan ang lahat ng ginagawa at sinasabi nito, at nag-iisip ng mga paraan para malugod ito kapag nakita mong may gusto itong isang bagay. Ang mga ito ba ay mga taktika na mayroon kayo? (Oo. Minsan nakikita ko na may ilang problema o pagkukulang ang isang lider o manggagawa, pero hindi ako nangangahas magsabi ng anuman, sa takot na sisisihin nila ako at magiging masama ang tingin nila sa akin.) Iyan ay kawalan ng mga prinsipyo. Alam mo ba kung natukoy mo ang mga problemang iyon nang tama at kung makikinabang ang gawain ng iglesia para magsalita ka tungkol sa mga ito? (Kaunti.) May kaunti kang alam—kaya ano ang dapat mong gawin para umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung sigurado kang nakakita ka ng problema, at nauunawaan mo sa puso mo na dapat malutas ang problemang ito, kung hindi, maaantala nito ang gawain, pero hindi mo pa kayang sundin ang mga prinsipyo at takot kang salungatin ang ibang tao, ano ang problema rito? Bakit ka matatakot na sumunod sa mga prinsipyo? Seryoso ang kalikasan ng isyu na ito, at nasasaling nito kung mahal mo ang katotohanan at kung mayroon kang pagpapahalaga sa katarungan. Dapat mong sabihin ang opinyon mo, kahit hindi mo alam kung tama ito. Kung mayroon kang opinyon o ideya, dapat mo itong sabihin, at hayaan mo ang iba na suriin ito. Magkakaroon ng mga pakinabang sa iyo sa paggawa nito, at makakatulong ito sa paglutas ng problema. Kung iniisip mo sa iyong sarili, “Hindi ako makikialam. Kung tama ang sasabihin ko, hindi naman ako ang mapupuri, at kung mali naman ito, pupungusan ako. Hindi ito sulit,” hindi ba’t makasarili iyan at kasuklam-suklam? Palaging isinasaalang-alang ng mga tao ang mga sarili nilang interes, at hindi naisasagawa ang katotohanan. Iyon ang pinakamahirap na bagay tungkol sa mga tao. Hindi ba’t lahat kayo ay may ganoong maraming pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga pakana sa loob ninyo? Marami-raming bagay ng pilosopiya ni Satanas ang nasa bawat tao, at matagal na silang nalaganapan ng mga ito. Hindi na nakapagtataka na nakikinig ang mga tao sa mga sermon sa loob ng maraming taon nang hindi nauunawaan ang katotohanan, at na mabagal ang kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, at nananatiling palaging napakaliit ng kanilang tayog. Ito ay dahil hinahadlangan at ginugulo sila ng gayong mga tiwaling bagay. Sa ano namumuhay ang mga tao kapag kailangan nilang isagawa ang katotohanan? Namumuhay sila ayon sa mga tiwaling disposisyong ito, ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, pati na sa mga kaloob. Sa pamumuhay sa mga bagay na ito, napakahirap para sa mga tao na lumapit sa harapan ng Diyos. Bakit gayon? Masyadong malaki ang kanilang pasan at masyadong mabigat ang kanilang pamatok. Ang pamumuhay ng tao ayon sa mga bagay na ito ay malayong-malayo sa katotohanan. Pinipigilan ka ng mga bagay na ito na maunawaan ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madadagdagan ba ang pananampalataya mo sa Diyos? (Hindi.) Siguradong hindi madadagdagan ang pananampalataya mo sa Diyos, lalo na ang pagkakilala mo sa Kanya. Isa itong nakalulungkot at nakatatakot na bagay.

Ang ipinapamuhay ng tao ay may kaugnayan sa mga pananaw nila sa mga bagay-bagay, gayon din sa mga disposisyon nila. May ilang taong laging nagsusumikap para sa mga pangarap at pagnanais nila. Ang mga iyon ay mga taong may mga pangarap. May ilang palaging nabubuhay sa mga pagnanais nila. Ano ang kalakip ng mga pagnanais nila? Naroon ang pagnanais na magtrabaho at mapatanyag ang sarili nila, at naroon ang pagnanais na magpakitang-gilas. Bilang halimbawa, may mga taong gusto ng katayuan. Kung walang katayuan, hindi sila mananalig sa Diyos; kung walang katayuan, hindi nila maiisip gumawa ng anumang bagay, at ang pananalig sa Diyos ay nakakabagot din para sa kanila. Nabubuhay sila sa pagnanais nilang hangarin ang katayuan, at iniraraos nila ang mga araw nila, isa pagkatapos ng kasunod, na pinangingibabawan ng pagnanais na ito. Anuman ang katayuang maaaring mayroon sila ay lubhang mahalaga para sa kanila. Wala silang ginagawa para sa anumang bagay maliban sa katayuan: pagpapanatili ng kanilang katayuan, pagpapatibay ng kanilang katayuan, pagpapalawak ng kanilang nasasakupan—lahat ng ginagawa nila, sa bawat pagkakataon, ay tungkol sa pagnanais nilang ito. Nabubuhay sila sa pagnanais. May ibang may nakakaawang buhay sa mundo. Sila ay mga inosenteng taong palaging inaapi, na galing sa masasamang tahanan, mula sa mahirap na panlipunang kapaligiran, na walang masasandalang sinuman. Nag-iisa sila at napabayaan, hanggang sa nanalig sila sa Diyos, na sa puntong iyon ay naramdaman nilang nakatagpo na sila sa wakas ng haligi ng suporta. May mithiin sila, at ito ang nag-uudyok sa kanila sa paniniwala nila sa Diyos. Hindi kailanman nagbago ang mithiin nila, maging hanggang sa kasalukuyan. Iniisip nila, “Sa pananalig sa Diyos, nabubuhay ako nang may dignidad at lakas ng karakter; sa pananalig sa Diyos, kaya kong maging mas mahusay kaysa sa iba, at mabuhay nang nakatataas sa iba. Kapag pumunta na ako sa langit, dapat ninyo akong bigyang-galang. Walang nang manghahamak pa sa akin.” Ang pangarap na ito, ang pag-asa nilang ito ay napakababaw at hindi natatangi. Pakiramdam nila kahabag-habag ang buhay nila sa mundo, dahil sa sitwasyon ng pamilya nila o sa iba pang rason. Sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos, mayroon silang bagay na masasandalan. Hindi sila inaapi ng mga kapatid nila. Hindi na sila kahabag-habag; mayroon silang haligi ng suporta. Bukod pa rito, ang pinakadakilang pag-asa nila ay magkamit sila ng kahanga-hangang destinasyon para sa sarili nila pagkatapos nilang pumanaw, o sa buhay na ito, kung saan magagawa nilang magmalaki. Iyan ang layunin nila. Nabubuhay sila sa mithiing ito, at sa lahat ng lugar, sa lahat ng bagay, ginagamit nila ang kaisipang ito, ang pangarap na ito, bilang motibasyon nila. Sadyang mahirap para sa kanilang mabuhay sa katotohanan. Kaawa-awa ang pamumuhay ng mga ganitong tao. May ibang may hangaring magpakitang-gilas o mapatanyag ang mga sarili nila. Dahil diyan, gustung-gusto nilang mabuhay sa isang grupo, ginagawa ang ganito at ganyan para pahalagahan sila ng iba sa grupo, na nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang kapalaluan. Naniniwala sila, “Maaaring hindi ako lider, pero hangga’t naipapakita ko sa grupo ang mga talento ko at tila nagniningning ako, may sinag sa ulo, sulit para sa akin na manalig sa Diyos. Iyan ang ipinapamuhay ko; walang mas masahol pa kaysa sa pagiging nasa mundo.” Kaya, iyan ang ipinapamuhay nila mula noon. Namumuhay sila nang ganyan sa lahat ng mga araw at taon nila, nang walang anumang pagbabago sa orihinal nilang intensyon. Ito ba ay pamumuhay sa katotohanan? Tiyak na hindi. Nabubuhay sila sa mga pangarap at pagnanais, gaya ng mga walang pananampalataya. Ito ay problemang may kaugnayan sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, gayon din sa mga tiwaling disposisyon. Kung hindi malulutas ang problemang ito, walang paraan para maunawaan o maisagawa ang katotohanan, at sadyang mahirap mamuhay sa katotohanan kung gayon.

Mayroon ding ilang kababaihan na nabubuhay sa kanilang panlabas na anyo, na palaging nag-iisip na maganda sila, nag-iisip na saan man sila pumunta, gusto sila ng lahat ng tao, mataas ang tingin sa kanila, at sinasang-ayunan sila. Saan man sila magpunta, naririnig nila ang mga papuri ng mga tao sa kanila at nakikita nila ang mga nakangiting mukha ng mga tao sa kanila. Labis silang nalulugod sa sarili nila, at may kumpiyansa sila, na nabubuhay nang ganyan. Kaya, naniniwala sila na ang pamumuhay nang gaya nila ay nagbibigay sa kanila ng kapital, na may malaking halaga sa pamumuhay nila—na maraming tao ang nagpapahalaga sa kanila, kahit papaano. Hindi ba’t may mga kalalakihan ding may kinalaman sa pamumuhay sa panlabas nilang anyo? Sabihin nating gwapo ka, at sa pakikipag-usap mo sa mga kapatiran mong babae, ikaw ay matalino, magara, at romantiko. Sadyang nalulugod ka sa sarili mo, na mataas ang tingin ng lahat sa iyo at sa iyong ginagalawan. “Hindi sa parang sinusubukan kong ligawan ang sinuman. Nabubuhay lang ako nang ganito, at kaibig-ibig ito! Ang pagsasagawa ng katotohanan—nakakabagot!” May ibang taong nabubuhay sa isang uri ng kapital, at para magkaroon ng kapital, siyempre dapat silang magkaroon ng isang uri ng tunay na bagay. Ano kaya ang mga tunay na bagay na iyon? Halimbawa, pakiramdam ng ilang tao na nananalig sila sa Diyos mula sa sinapupunan. Nananalig sila sa Diyos sa loob ng limampung taon o higit pa, iyan ang kanilang kapital. Kapag may nakikita silang kapatid, tinatanong nila, “Ilang taon ka nang nananalig sa Diyos?” “Limang taon,” sabi ng isa. Nananalig sila sa Diyos nang sampung beses na mas matagal kaysa sa taong ito, at dahil nakita nila ito, iniisip nila sa sarili nila, “Halos kasingtagal na ba kitang nananalig sa Diyos? Napakabata mo pa. Dapat ayusin mo ang asal mo—malayo pa ang hahabulin mo!” Ganito sila namumuhay sa kapital nila. Ano pang ibang uri ng kapital ang nariyan? May ilang taong nakapaglingkod bilang mga lider at manggagawa sa lahat ng antas. Matagal na silang nasa labas, nagtatrabaho at umiikot at pumupunta sa mga iglesia, at napakarami nilang karanasan. Sila ay medyo pamilyar sa mga gawain ng pagsasaayos ng Itaas, gayundin sa iba’t ibang uri ng tao at mga larangan ng gawain sa iglesia. Kaya, naniniwala sila, “Beteranong lider ako na may kapital ng isang beterano. Matagal na akong gumagawa, at may karanasan ako. Ano ang alam ninyong lahat? Mga bata kayo. Ilang araw na ba kayong gumawa? Napakakaunti pa ng karanasan ninyo. Wala kayong anumang alam. Oo, makinig kayo sa akin, tama iyan!” At kaya, buong araw silang nangangaral, nang walang anumang praktikal dito—lahat ay mga salita at doktrina. Gayunman, gagawa sila ng mga palusot: “Masama ang timpla ko ngayon. May anticristo na nagdudulot ng paggambala at panggugulo, at naapektuhan ako nito. Mangangaral ako nang maayos sa susunod.” Ipinapakita niyan ang tunay nilang kulay, hindi ba? Nabubuhay sila sa kapital nila bilang beterano, at matindi ang pagkalugod nila sa sarili, kahit paano. Sa totoo lang, nakakasuklam, nakakasuka! Iyan ay isang uri ng kapital. May ibang taong nakulong dahil sa pananalig nila sa Diyos, o nagkaroon ng ibang natatanging karanasan, o nakagawa ng mga natatanging tungkulin. Nagdusa sila, at iyan din, ay nagsisilbi sa kanila na isang uri ng kapital. Bakit palaging nabubuhay ang mga tao sa kanilang kapital? May problema rito: Naniniwala sila na ang ganitong kapital ang buhay nila. Hangga’t ipinamumuhay nila ang kapital nila, magagawa nilang madalas na humanga at matuwa sa sarili nila, at magamit ang kapital na iyan para turuan at impluwensiyahan ang iba, na madaling magagamit sa pagkamit ng kanilang papuri. Naniniwala sila na taglay ang kapital nila bilang pundasyon, basta’t hinahanap nila ang kaunting katotohanan, o ginagampanan ang tungkulin nila nang maayos at mayroon silang naisakatuparang ilang mabuting gawain, kung gayon sila, gaya ni Pablo, ay maaaring magkaroon ng putong ng katuwirang naghihintay para sa kanila. Tiyak, mabubuhay sila; tiyak, makakarating sila sa mabuting destinasyon. Sa pamumuhay sa kanilang kapital, madalas silang nabubuhay sa isang nalulugod sa sarili, labis na nasisiyahan sa sarili, at kontentong kampanteng kalagayan. Pakiramdam nila ay nalulugod ang Diyos sa kapital nila, na natutuwa Siya sa kanila, na papayagan Niya silang manatili hanggang huli. Hindi ba’t pamumuhay ito sa kapital? Ibinubunyag nila ang ganitong pag-iisip sa bawat pagkakataon. Sa mga bagay na ibinubunyag nila, sa mga bagay na ipinapamuhay nila, at sa mga bagay na ipinapangaral nila sa iba sa bawat pagkakataong nakukuha nila, ang nasa isipan nila ay malinaw na makikita. May iba na nakakuha ng espesyal na biyaya o pangangalaga sa Diyos, isang bagay na walang iba pa ang mayroon—sila lang. Kaya, iniisip nilang espesyal sila, na kakaiba sila sa lahat. Sinasabi nila, “Ang paniniwala ninyo sa Diyos ay iba sa akin. Nagsisimula ang Diyos sa pagbibigay sa inyo ng maraming biyaya at sa pag-aakay sa inyo. Pagkatapos, sa sandaling unti-unti na ninyong maunawaan ang ilang katotohanan, pupungusan, hahatulan at kakastiguhin kayo ng Diyos. Ganyan ang nangyayari sa inyong lahat. Iba sa akin: Binibigyan ako ng Diyos ng espesyal na biyaya. Tinatrato Niya ako nang may espesyal na pabor, at ang espesyal na pabor na iyan ang aking kapital—iyan ang aking resibo at ang aking tiket sa kaharian.” Ano ang pakiramdam ninyo kapag naririnig ninyo silang sinasabi ang mga bagay na ito? May kaalaman ba sila sa gawain ng Diyos? May kaalaman ba sila sa sarili nila? Talagang wala. Patas na sabihing hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at na naniniwala sila na maliligtas sila nang hindi kailangang hangarin ang katotohanan, o hanapin ang katotohanan, o tanggapin ang paghatol at pagkastigo. Aling mga tao sila, na may mga kalagayang gaya nito? Sila ang ilan na nakakita ng ilang pangitain, na nakatanggap ng ilang espesyal na proteksyon at nakaligtas sa kalamidad. O, namatay sila at nabuhay muli, at mayroong espesyal na patotoo o karanasan. Itinuturing nilang buhay nila ang mga bagay na ito, bilang batayan ng pamumuhay nila, at ginagamit nila ang mga ito bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan. Higit pa rito, itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang mga senyales at pamantayan ng kaligtasan. Iyan ang kapital. May mga ganyang bagay ba kayo? Maaaring wala kayong ganitong uri ng espesyal na karanasan, pero kung gumanap kayo ng partikular na tungkulin sa loob ng mahabang panahon at nagkamit ng resulta, iisipin ninyong may kapital kayo. Sabihin nang ginampanan mo ang tungkulin ng isang direktor sa loob ng mahabang panahon at nakagawa ka ng ilang magandang obra. Nabubuo iyan bilang kapital para sa iyo. Maaaring wala ka pang anuman dahil hindi ka pa nakagawa ng anumang obra. O, maaaring nakagawa ka ng dalawang pelikulang sa tingin mo ay hindi naman masama, pero hindi ka pa nangangahas na ituring ang mga ito na kapital mo. Wala kang kumpiyansa sa mga ito; pakiramdam mo ay wala ka pang sapat na karanasan o kapital, kaya ikaw ay nag-iingat, may pag-aalinlangan, at napipigilan. Hindi ka nangangahas na magpakatamad, lalo na ang maging mayabang at magparada saan-saan. Gayumpaman, matindi ang pagkalugod mo sa iyong sarili at hinahangaan ang sarili sa lahat ng oras, at ang mga iyan ang mga bagay na ipinapamuhay mo. Hindi ba’t iyan ang kaawa-awang buhay ng tiwaling sangkatauhan?

May ilang taong may napakasamang panlabas na anyo. Sila ay malaki, matipuno, at malakas, at palagi silang nag-aabang na makapang-api ng iba. Sa pananalita, sila ay sadyang dominante at mapagmataas; hindi sila nagpapatalo sa kaninuman, sinuman ang mga ito. Kaya, medyo natatakot ang mga tao kapag nakikita sila, at tinatrato sila nang may respeto, sinusubukan nilang magpalapad ng papel. Dahil dito ay nagiging napakayabang nila. Pakiramdam nila ay madali lang ang buhay, at naniniwala silang ang lahat ng ito ay talento nila—iniisip nilang walang sinuman ang mangangahas na apihin sila, nabubuhay nang gaya nila. Kung gusto mong manindigan sa maraming tao, kailangan mong asahan ang sarili, palakasin ang sarili, at maging malakas at matatag—ito ang paniniwala nila sa buhay. Para makapanindigan sa maraming tao, nang walang sinumang nangangahas na apihin sila o paglaruan sila, o na walang sinumang nangangahas na dayain at pagsamantalahan sila, ginagawa nilang mauwi ang lahat ng bagay sa isang paniniwalang gaya nito: “Kailangan kong maging malakas at matatag kung gusto kong mabuhay nang maayos—mas mabagsik ako, mas mabuti. Sa ganyang paraan, walang sinuman kahit saan ang mag-iisip pa na apihin ako.” Kaya, nabubuhay sila gaya nito sa loob ng ilang taon, at tunay nga, gaya ng lumalabas, walang sinumang nangangahas na apihin sila. Sa wakas ay naisakatuparan na nila ang kanilang layunin. Anumang grupo sila naroon, nagpapakita sila ng seryosong kaanyuan, isang walang emosyon, binibigyang-pansin ang kanilang asal at sumisinghal sa preskong panghahamak. Walang sinumang nangangahas na magsalita kapag nariyan sila; umiiyak ang mga bata makita lang sila. Mga demonyo, ipinanganak na muli—ganyan sila! Nabubuhay sa kamao—anong disposisyon iyan? Iyan ay disposisyon ng kalupitan. Saan man sila magpunta, ang una nilang gagawin ay pag-aralan kung paano paglalaruan at pagsasamantalahan ang mga tao. Gusto rin nilang kontrolin ang mga tao, at pangibabawan ang mga ito. Nag-iisip sila ng mga paraan para pagalitan ang sinumang hindi sila inirerespeto, at humahanap sila ng mga pagkakataon para parusahan ang sinumang walang-galang na nagsasalita sa kanila ng masasakit na salita. Hindi ba’t malupit ang mabuhay sa mga bagay na ito? Ang paggamit ng kanilang mga kamao sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay, gaya ng ginagawa nila, ay may ilang epekto: Maraming tao ang takot sa kanila, na naglilinis ng isang landas para sa kanila. Pero matatanggap ba ng mga ganitong tao ang katotohanan, samantalang sila ay namumuhay sa pagkamainitin ang ulo at sa malisyosong disposisyon? Kaya ba nilang tunay na magsisi? Imposible iyan, dahil itinataguyod nila ang mga satanikong pilosopiya at ang paggamit ng pwersa. Namumuhay lang sila sa mga satanikong pilosopiya at sa paggamit ng pwersa; ginagawa nila na ang lahat ay sumunod sa kanila at matakot sa kanila, para makakilos sila nang walang kontrol, ginagawa ang anumang gusto nila. Ang ikinababahala nila ay hindi ang pagkakaroon ng hindi magandang reputasyon, kundi ang hindi pagkakaroon ng masamang reputasyon. Iyan ang prinsipyo nila. Sa sandaling maisakatuparan nila ang kanilang layunin gaya nito, iniisip nila, “Nagawa kong manindigan sa sambahayan ng diyos at sa mga grupong ito. Takot ang lahat ng tao sa akin; walang mangangahas guluhin ako. Magalang silang lahat sa akin.” Naniniwala silang nanalo na sila. Ito ba talaga ang kaso na walang mangangahas guluhin sila? Panlabas lang ang hindi pangangahas na guluhin sila. Paano tinitingnan ng lahat, sa kaibuturan ng puso nila, ang mga ganitong tao? Walang pagdududa rito: Sawang-sawa na ang mga ito sa kanila, nasusuklam, namumuhi, umaatras, at umiiwas. Gugustuhin ba ninyong magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa ganitong tao? (Hindi.) Bakit hindi? Palagi silang mag-iisip ng mga paraan para pahirapan ka. Magagawa mo bang tiisin ito? Minsan, sa halip na takutin ka nila gamit ang pwersa, gagamit sila ng ilang teknik para lituhin ka at pagkatapos ay tatakutin ka. May ilang taong hindi kayang tiisin ang pananakot, kaya nagmamakaawa sila at sumusuko kay Satanas. Nagsasalita at kumikilos ang masasamang tao sa anumang paraang kailangan. Ang mahina at matatakutin ay sumusuko sa kanila, pagkatapos ay sumusunod sa kanila sa pananalita at pagkilos. Sila ang mga kasabwat ng masamang tao, hindi ba? Ano ang gagawin ninyo kapag nakakita kayo ng ganitong masamang tao? Una, huwag kayong matakot. Dapat humanap kayo ng paraan para harapin siya at ilantad siya. Maaari rin kayong makipagtulungan sa mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos para isumbong siya. Walang kwenta ang takot—habang lalo kang natatakot sa kanya, lalo ka niyang aapihin at guguluhin. Ang paghahanap ng kakampi para isumbong ang masamang tao ay ang nag-iisang paraan para matakot at mapahiya siya. Kung masyado kang mahiyain at wala kang karunungan, ikaw ay tiyak na dadaluhungin ng masamang taong iyan. Napakaliit ng pananampalataya ng mga tao—kaawa-awa! Sa totoo lang, kahit gawin ng isang masamang tao ang lahat-lahat, ano ang magagawa niya sa mga tao? Mangangahas ba siyang kaswal na gamitin ang mga kamao niya at bugbugin ang isang tao hanggang mamatay? Tayo ngayon ay nasa isang lipunan ng mga batas. Hindi siya mangangahas. Higit pa rito, ang malulupit na gaya ng diyablo ay isang maliit, hiwalay na minorya ng mga tao. Kung mangangahas ang isang taong mang-api ng mga tao at kumilos nang walang pakialam sa iglesia, ang kailangan lang ay dalawa o tatlong taong magkakampi para isumbong at ilantad siya. Iyan ang tatapos sa kanya. Hindi ba’t ganoon iyon? Kung may ilan lang sa mga hinirang na tao ng Diyos ang nagkakaisa sa isipan at puso, madali nilang matatapos ang masamang tao. Dapat kang manalig na ang Diyos ay isang matuwid, makapangyarihang Diyos, na kinapopootan Niya ang masasamang tao, at na palalakasin Niya ang mga taong hinirang Niya. Hangga’t may pananampalataya ang isang tao, hindi siya dapat matakot sa isang masamang tao—at sa kaunting karunungan at estratehiya, kung kaya niyang makipagtulungan sa iba, natural na maglulubag ang loob ng masamang tao. Kung tunay kang walang pananampalataya sa Diyos, kundi natatakot ka sa masasamang tao at naniniwala kang kaya ka nilang kontrolin at diktahan ang kapalaran mo, tapos ka na. Hindi ka magkakaroon ng patotoo, walang maihahandog, at mabubuhay kang takot at kawawa. Ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? May ibang taong palaging namumuhay sa walang kabuluhan nilang katusuhan, at iniisip, “Hindi ko alam kung nasaan ang Diyos, at hindi ko sigurado kung alam ba ng Itaas ang usaping ito. Kung magsusumbong ako at malalaman ito ng masamang tao, hindi ba niya ako lalong pahihirapan dahil dito?” Habang lalo nila itong iniisip, lalo silang natatakot, at gusto nilang yumuko at magtago sa ilalim ng mesa. Maisasagawa pa rin ba ng isang taong gumagawa ng ganyan ang katotohanan at mapapanghawakan ang mga prinsipyo? (Hindi.) Sila ay mga duwag na maliliit na tao, hindi ba? Ganyan ang karamihan sa inyo. Dati, may isang anticristo na nagpahirap sa mga tao. Napakaduwag ng mga taong iyon na pinahihirapan nila ang kanilang sarili. Mabuting bagay ba ang mapahirapan, o masamang bagay? Masamang bagay ito, sa pananaw ng tao: Ibig sabihin nito ay ginawan sila ng mali, dinulutan ng sakit. Pero ang isang tao ay may matututunang aral dito at makikinabang dito, at iyan ay hindi masamang bagay—mabuti iyan. Gayumpaman, may ilang taong walang karunungan at duwag. Kapag may taong nagpapahirap at nang-aapi sa kanila, hindi sila lumalaban, kahit na nasa tama sila. Alam nilang huwad na lider ang taong iyon, isang anticristo, pero hindi nila sinusumbong ang taong ito, ni hindi sila nangangahas na pasinungalingan at ilantad siya. Duwag na basura! Kung mapipigilan ang isang tao pagdating sa mga ganitong bagay, ipinapakita nito na napakaliit ng tayog niya at kaawa-awa ang pananampalataya niya: Hindi niya alam umasa sa Diyos, ni hindi niya iniisip kung paano pananatilihin ang gawain ng iglesia. Hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. May karapatan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na tumindig laban sa masasamang tao at mga anticristo. Ang paggawa nito ay sinasang-ayunan at pinagpapala ng Diyos. Hindi ba’t kaawa-awa na hindi ka nakikidigma laban kay Satanas at hindi mo napapagtagumpayan ito? Malinaw na gumagawa ng masama ang taong iyan, isang negatibong puwersa; siya ay si Satanas, isang demonyo, siya ay isang marumi, masamang espiritu—pero pinapahirapan ka niya. At hindi lang ikaw—napakarami pang iba ang pinapahirapan din. Hindi ba’t karuwagan iyan? Bakit hindi kayo magkaisa para labanan siya? Wala kayong talino at karunungan. Humanap kayo ng ilang taong marunong kumilatis na nakakaunawa sa katotohanan para suriin ang pag-uugali ng taong iyon. Gawin ninyo ito, at makikita ng karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos kung ano talaga ang mga bagay-bagay at babangon sila. Hindi ba’t magiging madaling lutasin ang problema kung gayon? Kapag sunod kayong nakatagpo ng ganitong bagay, magagawa ba ninyong bumangon at makipaglaban sa mga anticristo? (Oo.) Gusto kong makita kung gaano karaming anticristo ang magagawa ninyong labanan at tapusin. Iyan ang patotoo ng mga mananagumpay. Sinasabi ninyong magagawa ninyo ngayon, pero magagawa ba ninyong panghawakan ang mga prinsipyo kapag talagang nangyari ito? Baka sobrang matakot kayo uli na magtatago kayo sa ilalim ng mesa. Ang kaawa-awa, kalungkot-lungkot na larawan na inukit nila, ang mga taong iyon na hindi nauunawaan ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay—masakit makita ang bagay na ito! Labis itong nakakaawa! Hindi sila nangangahas magsabi ng anuman kapag pinapahirapan sila, at nananatili ang takot sa kanila pagkatapos. Takot na takot sila. Napakaliit ng tayog ng isang tao, na hindi niya nakikilala ang isang masamang tao kapag nakakita siya ng isa. Wala talaga siyang nauunawaang katotohanan. Hindi ba’t nakakaawa siya? Nabubuhay ang masasamang tao sa kamao; nabubuhay sila sa pang-aapi sa mga tao, sa pang-aapi sa mabubuti, at sa pakikinabang sa ikapipinsala ng iba; nabubuhay sila sa kanilang mga malisyosong kalikasan at malupit na disposisyon, na ginagawang matakot sa kanila ang iba, makuha ang pabor nila, at magbigay-galang ang mga ito sa kanila. Iniisip nila na isang dakilang bagay ang mabuhay nang ganoon. Hindi ba’t sila ang mga punong tulisan? Hindi ba’t mga magnanakaw sila’t mga bandido? Hindi kayo masasamang tao, pero may ganito ba kayong kalagayan? Hindi ba’t nabubuhay din kayo sa mga ganitong bagay? Kapag ang ilan sa inyo ay ipinares sa isang tao at nakita ninyong bata siya, iniisip ninyo, “Wala kang nauunawaang anuman. Puwede kitang apihin, at wala kang magagawa rito. Mas malakas ako kaysa sa iyo at may kalamangan; mas malaki ako sa iyo, at mas malakas akong sumuntok—kaya, puwede kitang apihin.” Pamumuhay iyan sa ano? Pamumuhay iyan sa kamao; pamumuhay at pagkilos iyan sa malupit na disposisyon. Tuwing nakakakita sila ng isang inosenteng tao, inaapi nila ito, at tuwing nakakakita sila ng matibay na tao, nagtatago sila. Binibiktima nila ang mahihina at kinatatakutan ang malalakas. Takot ang mga masasamang tao na mag-isa kapag nakikita nilang nilalayuan sila ng mga tao, kaya pumipili sila ng ilang mahihina, mga duwag na tao para makisalamuha at makipagkaibigan. Kaya pinalalawak nila ang kapangyarihan nila, pagkatapos ay ginagamit nila ang mga inosente, duwag na taong iyon sa pagpapahirap sa mabubuting tao, inaatake ang mga taong naghahangad ng katotohanan, at pinapahirapan ang lahat ng taong hindi kuntento o hindi nagpapasakop sa kanila. Malinaw dito na ang masamang tao ay may intensyon at layunin sa pakikipagkaibigan sa ilang inosenteng tao. Sa pagbubuod, kung hindi mo matanggap ang katotohanan o mapagnilayan kung gumagawa ka ng masama o gumagawa ka ng mabuti sa mga pag-uugali at pagkilos mo, mabuting tao ka man o masama, at gaano karaming taon ka mang nananalig sa Diyos, hindi mo kayang magsisi nang totoo. Marahil hindi ka isang taong may malupit na disposisyon—nabubuhay ka lang sa mga satanikong pilosopiya. Maaaring hindi ka nakagawa ng kasamaan, o marahil may kaunti kang mabuting bagay na nagawa, pero, hindi ka pa rin nabubuhay sa katotohanan. Nabubuhay ka sa mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Sa pagbubuod, hangga’t mayroon kang tiwaling satanikong disposisyon, gaano karaming taon ka mang nananalig sa Diyos, maaaring nabubuhay ka sa mga bagay na walang anumang kinalaman sa katotohanan. Maaaring nahahawakan ang mga bagay na ito, o maaaring hindi nahahawakan ang mga ito; maaaring may kamalayan ka sa mga ito, o maaaring wala ka talagang kamalayan sa mga ito; maaaring galing sa labas ang mga ito, o maaaring ang mga ito ay may malalalim, matitibay na ugat sa iyong disposisyon—ano’t ano man, wala sa mga bagay na ito ang katotohanan. Ang lahat ng ito ay lumilitaw sa mismong tiwaling sangkatauhan—o, sa mas eksakto, ang pinagmulan ng mga ito ay si Satanas. Kaya, kapag nabubuhay ang mga tao sa mga satanikong bagay na ito, ano’ng uri ng landas sila eksaktong naroon? Sumusunod ba sila sa daan ng Diyos? Tiyak na hindi. Kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan sa kanyang mga kilos at pag-uugali, sa istriktong pananalita, hindi niya ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Maaaring gumaganap siya ng tungkulin sa panlabas pero may ilang distansya sa pagitan niyan at ng pamantayan sa pagganap ng tungkulin, ang pangunahin ay nahahaluan ito ng mga intensyon niya at may pagkakasunduan. Maaaring gumaganap siya sa tungkulin, pero hindi siya tapat o may prinsipyo, at ang paggawa niya nito ay tiyak na hindi nagbubunga ng mga praktikal na resulta. Pinapatunayan nito na sa pagganap niya ng tungkulin, gumagawa talaga siya ng maraming bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Wala sa mga bagay na iyon ang nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo; ang mga bagay na ito ay ginawang lahat ayon sa sariling imahinasyon at kagustuhan ng taong iyon. Paano makakamit ng pagganap sa tungkulin sa ganoong paraan ang pagsang-ayon ng Diyos?

Nagbabahaginan tayo tungkol sa mga kalagayang ito sa lahat ng aspekto ng mga ito. Masusukat na ba ninyo ngayon kung ano ang ipinapamuhay ninyo? Madalas ba ninyong ipinamumuhay ang katotohanan, sa pagtupad man ng inyong tungkulin o sa inyong pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Tuwing nagbabahaginan tayo, palagi Ko kayong inilalantad hanggang sa kaibuturan ninyo, at nararamdaman ninyo na kahiya-hiyang buhay ang ipinapamuhay ninyo. Nawala na ang inyong kumpiyansa; hindi na kayo ganoon kaglamoroso. At maraming bagay ang ikinakahiya ninyong ipahayag—hindi ninyo nararamdamang lubos na makatwiran na pagpalain pa kayo o makarating sa mabuting destinasyon sa hinaharap. Ano ang dapat gawin tungkol diyan? Mabuting bagay ba na ilantad kayo kung ano kayo dati pa? (Oo.) Kung gayon, ano ang layunin ng paglalantad sa inyo hanggang sa kaibuturan ninyo? Dapat magkaroon ng malinaw na kaalaman ang mga tao sa mga uri ng mga kalagayan na ipinapamuhay nila, sa kung aling kalagayan ang ipinapamuhay nila; dapat silang magkaroon ng malinaw na kaalaman kung ano ang landas na tinatahak nila, kung ano ang paraan nila ng pamumuhay, kung ano ang mga hindi normal na pag-uugali nila, kung ano ang mga hindi nararapat na bagay na ginagawa nila, kung makakamit ba nila ang katotohanan at kung makakalapit ba sila sa Diyos, sa pamumuhay nila nang ganito. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay. Maaari mong sabihin, “Malinis ang konsensiya ko sa kung paano ako namumuhay. Hindi ko kailanman naramdamang hindi ako panatag o hindi ako masaya tungkol dito, at hindi ko kailanman naramdamang wala akong kabuluhan.” Pero ano ang magiging bunga niyan? Ang hindi pagkalugod ng Diyos. Hindi mo sinusundan ang daan Niya. Ang landas kung saan ka naroon ay hindi ang totoong landas ng buhay ng tao, na itinuturo ng Diyos para sa iyo—sa halip, nasa landas ka na natagpuan mo sa iyong mga imahinasyon, dahil sa iyong pangangarap. Kahit na masaya kang kumikilos at labis na abala, ano ang kalalabasan mo, sa huli? Ang mga intensyon at pagnanais mo at ang landas na nilalakaran mo ang nakakapinsala sa iyo at nagdadala sa iyo sa pagkawasak—ang pananalig mo sa Diyos ay tiyak na mabibigo. Ano ang ibig sabihin ng pagkabigo ng pananalig ng isang tao sa Diyos? (Na wala siyang kalalabasan.) Para makita ito ngayon, ito ay magiging bunga ng hindi mo pagkamit ng katotohanan. Ilang taon kang mananalig sa Diyos, pero nang walang pagtuon sa pagkakamit ng katotohanan, kaya darating ang araw kung kailan, sa isang dahilan o iba pa, ikaw ay mabubunyag at matitiwalag. At pagkatapos, magiging sobrang huli na para sa pagsisisi. Sinasabi mo, “Ito ay makatwirang paraan para mamuhay ako! Kampante akong namumuhay nang ganito, at lubos akong kontento at mayaman ang puso.” Makakatulong ba iyan? Ang pagiging tama ng paraan ng paglakad mo sa landas ng pananampalataya sa Diyos at ng paraan ng pamumuhay mo, at kung tama ba o hindi ang mga bagay na ipinapamuhay mo, ay nakadepende sa mga resulta. Ibig sabihin, depende ang mga ito sa kung makakamit mo ba ang katotohanan sa huli, kung may tunay ka bang patotoo, kung nagbago ba ang buhay disposisyon mo, at kung nabuhay ka ba nang may halaga. Kung nakamit mo ang lahat ng resultang ito, makakamtan mo ang pagsang-ayon ng Diyos at ang papuri ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, na nagpapatunay na nasa tama kang landas. Kung hindi mo nakamit ang mga positibong resultang ito, at wala ka ring anumang tunay na patotoong batay sa karanasan o anumang tunay na pagbabago sa iyong buhay disposisyon, pinapatunayan niyan na wala ka sa tamang landas. Madali ba itong unawain, kapag ipinaliwanag nang ganyan? Sa madaling salita, paano ka man maaaring mamuhay, gaano ka man kakomportable sa buhay at kung anumang pagsang-ayon ang maaaring makamit mo mula sa iba, hindi iyan ang pinakamahalagang bahagi ng usaping ito. Sinasabi mo, “Napakaraming matatamasa sa kung paano ako mamuhay at magsagawa. Pakiramdam ko talaga ay mabuti ang aking kalagayan, pinararangalan ako, at mayroong pagpapatibay.” Hindi mo ba niloloko ang sarili mo? Sabihin nating may nagtanong sa iyo, “Naisagawa mo ba ang maging tapat na tao? Ano ang naging hamon para sa iyo sa pagsasagawang iyan? Anong mga pangyayari ang nagpahirap para sa iyo na maging tapat na tao? Magsalita ka nang kaunti tungkol diyan, kung may karanasan ka nito. May patotoo ka ba ng pagmamahal sa Diyos? May karanasan ka ba ng pagmamahal sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya? May karanasan ka ba na nagbago ang iyong disposisyon pagkatapos mong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos? Ano ang mga espesyal na bagay na naranasan mo sa iyong landas ng paglago sa buhay na nagpanatiling patuloy na umiikot ang buhay mo, at patuloy na lumalago palapit sa mithiing itinakda ng Diyos para sa iyo, na hinihingi Niyang makamit mo?” Kung wala kang malilinaw na sagot sa mga bagay na ito, kung hindi mo alam, pinapatunayan nito na wala ka sa tamang landas. Iyan ay napakalinaw.

Ang mga salita ng pagbabahaginan sa itaas ay mga simpleng pahayag lamang. May ilang maliliit na punto, na hindi nangangailangan ng detalyadong pagpapaliwanag. Ang paggawa ng mga tao ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kanilang pagtitiyaga, halimbawa, o sa kabutihan ng kanilang puso, o sa kagustuhan nilang magdusa, o sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at iba pa—wala sa mga ito ang pamumuhay ayon sa katotohanan. Ang mga ito ay mga halimbawang lahat ng pamumuhay ng mga tao ayon sa kanilang pangangarap, sa kanilang mga tiwaling disposisyon, sa kanilang pantaong kabutihan, at sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang lahat ng bagay na ito ay nanggagaling sa utak ng tao, at kung palalawakin pa, galing kay Satanas. Ang pamumuhay ayon sa mga bagay na ito ay hindi posibleng makalugod sa Diyos. Hindi Niya gusto ang mga ito, gaano man kabuti ang mga ito, dahil hindi iyan ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang mamuhay ayon sa mga bagay na ito ay ang mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas at mga tiwaling disposisyon. Iyan ay isang insulto sa Diyos. Hindi iyan tunay na patotoo. Kung sasabihin mo, “Alam kong ang mga kilos na ito ay kabaitan lang, na hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo; hindi ako dapat ganyan magsagawa,” sa totoong pag-unawa niyan sa puso, isang pakiramdam na maling kumilos gaya niyan, magkakaroon ka ng kaalaman. Mababago ang iyong perspektiba. Iyan ang resultang gusto ng Diyos. Dapat mong malaman kung saan naroroon ang iyong mga pagkabaluktot. Baguhin mo ang iyong perspektiba at bitiwan mo ang iyong mga kuru-kuro, at unawain mo ang katotohanan at mga layunin ng Diyos. Kapag nagawa mo na ito, unti-unti kang magsagawa sa direksyong iyan, at pumunta ka sa tamang landas. Iyan ang nag-iisa mong pag-asa na makamit ang layuning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Kung hindi ka magsasagawa at papasok sa landas na hinihingi ng Diyos, pero sasabihin mo, “Ito ang ginagawa ko. Hindi naman sa wala akong ginagawa: Ginagampanan ko ang tungkulin ko. Tiyak akong isa akong nilikha, at kinikilala ko ang Lumikha sa akin,” makakatulong ba iyan? Hindi, hindi ito makakatulong. Lumalaban ka sa Diyos, mapagmatigas ka! Ngayon na ang panahon para pumili ng landas sa buhay. Ang mahalaga ay ang dapat mong gawin para masundan ang landas na hinihingi ng Diyos na tahakin mo. Una, huwag kang kumilos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; pangalawa, huwag kang kumilos batay sa mithiin ng tao; pangatlo, huwag kang kumilos batay sa mga kagustuhan ng tao; at pang-apat, huwag kang kumilos batay sa pagiging emosyonal ng tao. Mas importante, huwag kang kumilos batay sa tiwaling disposisyon. Dapat wala kang sayanging panahon sa pagwawaksi sa mga bagay na ito. Anumang kapital ang mayroon ka, sa Diyos, ang lahat ng ito ay walang kwentang bagay, mumurahing kalakal, na malayo sa katotohanan. Dapat mong itapon ang mga bagay na iyon, isa-isa, at bitawan ang lahat ng ito, at lalo mo pang mauunawaan na ang mga bagay lang na nakakamit sa pamamagitan ng pagsandig sa pagsasagawa ng katotohanan ang may halaga at umaayon sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Ang lahat ng nanggagaling sa tao ay walang halaga—walang kwenta sa huli, gaano man karami nito ang natutunan mo. Ang lahat ng ito ay mumurahing kalakal, basura; ang katotohanan lang na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ang kayamanan at ang buhay. Ito ang may walang-hanggang halaga. Palagi mong pinapanghawakan ang mga sarili mong bagay-bagay, iniisip na, “Taon ang ginugol ko sa mahirap na pag-aaral para makamit ang mga kasanayan ko. Labis na nagsikap ang mga magulang ko para sa kapakanan ko, at gumastos ng napakalaking pera, at nagbayad ng ganoong halaga, sa dugo, pawis, at luha—paano ko mahihimay at makokondena iyan, nang ganoon lang? Malaking bagay ito, isang usapin ng buhay at kamatayan! Ano ang ipapamuhay ko kung wala ang mga bagay na iyon?” Hangal ka. Mamuhay ka ayon sa mga bagay na iyon, at ikaw ay papuntang impiyerno. Dapat kang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Baguhin mo ang paraan mo ng pamumuhay; papasukin mo ang mga salita ng Diyos, at linisin mo ang mga lumang bagay na mayroon ka. Dapat mong himayin at alamin ang mga ito, buksan at ipakita ang mga ito para makita ng lahat, para magkaroon ng pagkilatis ang grupo. Hindi mo namamalayan, kamumuhian mo na ang mga bagay na iyon, kamumuhian mo ang mga bagay na minsan mong minahal, kamumuhian mo ang mga bagay na minsan mong sinandigan para mabuhay, kamumuhian mo ang mga bagay na minsan mong pinaniwalaang buhay mo at ang mga bagay na pinahahalagahan mo nang lubos. Iyan ang daan para ihiwalay at ganap na tanggalin ang mga bagay na iyon sa sarili mo, ang daan sa tunay na pag-unawa ng katotohanan, at ang landas sa pagsasagawa ng katotohanan. Siyempre, ito ay isang komplikado at mahirap na proseso, at masakit din ito. Pero ito ay prosesong dapat pagdaanan ng tao. Hindi pwedeng hindi. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay parang pagpapagamot para sa isang sakit: Kung ikaw ay may tumor, ang nag-iisang paraan para gamutin ito ay sa mesang pang-opera. Kung hindi ka hihiga sa mesang iyan at hindi ka magpapahiwa sa kutsilyong hihimay at magtatanggal ng tumor, hindi magagamot ang sakit mo, at hindi ka gagaling.

Ang tingin ng maraming tao ay mga hangal ang mga tapat na tao, at iniisip nila, “Sinusunod nila ang anumang sinasabi ng Diyos. Sinasabi Niya na maging tapat na tao, at ginagawa talaga nila ito; nagsasabi sila ng katotohanan, nang walang isang salitang hindi totoo. Mga hangal sila, hindi ba? Maaari kang maging tapat na tao, pero hanggang sa punto lang na hindi ka magkakaroon ng anumang mga pagkalugi o pinsala. Hindi pwedeng sabihin mo lang ang lahat ng bagay! Ang ilantad ang mga intensyon mo—kahangalan iyan, hindi ba?” Iniisip nila na kahangalan ang pagiging tapat na tao. Ganoon nga ba? Ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat, dahil naniniwala siya na, “Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang pagiging tapat na tao ay ang katotohanan, kaya para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat maging tapat ang mga tao. Kaya, anuman ang sinasabi ng Diyos, ginagawa ko; kung gaano kalayo Niya ako gustong pumunta, ganoon kalayo ako pupunta. Hinihingi ng Diyos na magpasakop ako, kaya magpapasakop ako, at patuloy akong magpapasakop magpakailanman. Wala akong pakialam kung sasabihin ng isang tao na hangal ako—sapat na sa akin ang pagsang-ayon ng Diyos.” Hindi ba’t ang ganitong tao ang pinakamatalino sa lahat? Nakita niya nang tumpak kung ano ang mahalaga at kung ano ang hindi. May ilang taong may mga lihim na binabalak, na nag-iisip na, “Kahangalan ang pagpapasakop sa lahat ng bagay, hindi ba? Ang paggawa niyan ay pagkawala ng awtonomiya, hindi ba? May dignidad ba ang isang tao kung maging ang sarili niya ay wala sa kanya? Siguro naman, may pahintulot tayong panatilihin ang kaunting dignidad para sa mga sarili natin, hindi ba? Hindi pwedeng magpasakop tayo nang buong-buo, hindi ba?” At kaya, isinasagawa nila ang pagpapasakop sa paraang nabawasan nang husto. Maaabot ba niyan ang mga pamantayan ng pagsasagawa ng katotohanan? Hindi—napakalayo nito roon! Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay palagi mong pinipili ang mga paraan para magkompromiso na hindi bumabaling sa katotohanan ni kay Satanas, sa halip ay nananatili sa gitnang landas, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Ito ang pilosopiya ni Satanas, ang bagay na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Kinamumuhian ng Diyos ang ganitong saloobin ng tao sa katotohanan; kinamumuhian Niya na ang mga tao ay palaging nagdududa tungkol sa katotohanan at sa mga salita Niya, na palagi silang hindi nagtitiwala sa mga salita Niya, o na palagi silang may taglay na mapanghusga, mapanghamak, at walang galang na saloobin. Sa sandaling magkaroon ng ganitong saloobin sa Diyos ang tao, pinagdududahan Siya, nagiging walang tiwala, nagtatanong, nagiging analitiko, at mali Siyang nauunawaan, palagi Siyang pinag-aaralan at sinusubukang timbangin sa isipan mo, magkukubli ang Diyos mula sa iyo. At makakamit mo pa rin ba ang katotohanan, sa sandaling magkubli ang Diyos mula sa iyo? “Kaya ko!” sinasabi mo. “Nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos araw-araw, lagi akong nasa mga pagtitipon, at nakikinig ako sa mga sermon linggo-linggo, at maingat na pinag-iisipan ang mga ito at gumagawa ng mga tala araw-araw pagkatapos. Umaawit din ako ng mga himno at nananalangin. Palagay ko ay kumikilos sa akin ang Banal na Espiritu.” Uubra ba iyon? Ayos lang ang mga paraang iyan ng pananalig sa Diyos, pero hindi ang mga ito ang kritikal; ang kritikal ay na ikaw ang tamang uri ng tao, at na tama ang iyong puso—saka lamang hindi ikukubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa iyo. Kung hindi ikinukubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa iyo, kundi nililiwanagan at ginagabayan ka Niya sa lahat ng oras, at ipinapaunawa Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin at ang katotohanan sa lahat ng bagay, na sa ganitong paraan ay makakamit mo sa wakas ang katotohanan, lubos kang pagpapalain. Pero kung hindi tama ang puso mo, at ikaw ay palaging nagdududa sa Diyos, nagiging depensibo laban sa Kanya, sumusubok sa Kanya, at mali ang pagkakaunawa mo sa Kanya dahil sa iyong makikitid na katusuhan at opinyon, o sa natutunan mo at mga satanikong pilosopiya, nasa panganib ka. Ang ilang tao ay lumalagpas na sa pagiging depensibo, sa panunubok, pagdududa, at maling pag-unawa sa Diyos, at nauuwi na sa paglaban sa Kanya at pakikipagtunggalian sa Kanya. Sila ay naging mga Satanas na; nasa mas malalang problema sila. Hindi mo mauunawaan ang katotohanan sa pamamagitan lang ng pag-unawa sa literal na kahulugan ng mga salita at simpleng doktrina nito. Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi simpleng usapin. Karamihan ng tao ay naliligaw sa maling palagay na ito, at hindi sila natatauhan kahit paulit-ulit na itong binigyang-diin sa kanila. Iniisip nila, “Araw-araw, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos at nakikinig ako sa mga sermon at pagbabahaginan, at ginagampanan ko ang tungkulin ko taun-taon. Ako ay katulad ng isang buto sa bukid—kahit na hindi mo ito diligan o lagyan ng pataba, dahan-dahan itong kusang tutubo dahil sa ulan, at mamumunga ito sa taglagas.” Hindi ito nangyayari nang ganyan. Ang bahagi ng tao na nakikipagtulungan, ang paraan nila ng pakikipagtulungan, ang puso nila, at ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos ang kritikal. Ang mga ito ang napakahalaga. Hindi ba’t ang mga bagay na ito ay tumutukoy din sa kung ano ang ipinamumuhay ng tao? (Oo.) Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga kagustuhan ng tao at mga satanikong pilosopiya, kung palagi mong binabantayan ang sarili mo laban sa Diyos, at hindi mo pinanghahawakan ang mga salita Niya bilang ang katotohanan, hindi na mag-aabala ang Diyos sa iyo. At ano ang magagawa mong makamit, kapag hindi na nag-aabala ang Diyos sa iyo? Kung hindi ka pinapansin ng Lumikha, ikaw ay hindi na isang nilikha Niya. Kung itinuturing ka Niya bilang diyablo, bilang Satanas, magagawa mo pa rin bang lumapit sa Diyos? Magiging pakay ka pa rin ba ng Kanyang pagliligtas? Magkakaroon ka pa rin ba ng pag-asang maligtas? Imposible na iyan. Samakatwid, hindi mahalaga kung ano ang iyong buhay sa bahay, o kung anong uri ng kakayahan ang taglay mo, o kung gaano kadakila ang mga kaloob mo, hindi rin mahalaga kung ano ang gawaing ginagawa mo sa iglesia, kung anong tungkulin ang ginagampanan mo, o kung ano ang papel mo. Hindi mahalaga kung anong uri ng mga pagsalangsang ang nagawa mo sa nakaraan, o kung anong uri ng kalagayan ang mayroon ka sa kasalukuyan, o ang antas ng inilago mo sa buhay, o kung gaano kataas ang tayog mo. Wala sa mga ito ang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay kung paano ang relasyon mo sa Diyos, kung palagi ka bang nagdududa at mali ang pagkakaunawa sa Kanya o palagi ka bang gumagawa ng mga pag-aaral sa Kanya, kung tama ba ang puso mo. Kritikal ang mga bagay na ito. Paano malalaman ng mga tao ang mga kritikal na bagay na ito? Para magawa iyan, dapat palagi nilang sinusuri ang sarili nila, hindi nagpapakaabala nang may kalituhan gaya ng mga walang pananampalataya, nanonood ng mga sekular na video, naglalaro, at nakikipaglokohan kapag walang magawa. Paano gagampanan ng isang tao ang isang tungkulin kung hindi makalapit ang puso niya sa Diyos? Kung hindi ka magsusumikap na lumapit sa Diyos, hindi ka Niya pipilitin, dahil hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para maunawaan at matanggap ito ng mga tao. Kung hindi babalik ang mga tao sa harap ng Diyos, paano nila tatanggapin ang katotohanan? Kung palaging pasibo ang mga tao, kung hindi nila hinahanap ang Diyos o hindi nila Siya kailangan sa puso nila, paano kikilos ang Banal na Espiritu sa kanila? Kaya, dahil nananalig ka sa Diyos, hindi ba’t kritikal na maging maagap ka sa paghahanap sa Kanya at pakikipagtulungan sa Kanya? Trabaho mo iyan! Kung ang pananalig sa Diyos ay dagdag na trabaho lang sa iyo, isang ekstrakurikular na libangan, nasa panganib ka! May mga taong nananatiling mananampalataya ngayon at nakinig na ng napakaraming sermon, pero iniisip pa rin nila na ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa relihiyon, na ito ay isang libangan sa libreng oras nila. Napakawalang-halaga ng pagturing nila sa pananalig sa Diyos! Kahit ngayon, sa yugtong ito, pinanghahawakan pa rin nila ang pananaw na ito. Sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi lang sila nabigong bumuo ng normal na relasyon sa Kanya—wala silang anumang relasyon sa Kanya. Kung hindi ka kinikilala ng Diyos bilang tagasunod Niya, may pag-asa ka pa rin bang maligtas? Wala, wala kang pag-asa. Iyan ang dahilan kung bakit mahalagang bumuo ng normal na relasyon sa Diyos! Sa anong pundasyon, kung gayon, itinatayo ang normal na relasyong iyan? Sa pakikipagtulungan ng mga tao. Kaya, anong uri ng paninindigan o pananaw ang dapat taglayin ng mga tao? Ano ang dapat nilang maging kalagayan? Anong uri ng kalooban ang dapat mayroon sila? Paano mo dapat tratuhin ang katotohanan sa puso? Nang may pagdududa? Nang may pag-aaral? Nang may kawalan ng pagtitiwala? Nang may pagtanggi? Tama ba ang puso mo kung taglay mo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Kung nais mong maging tama ang puso, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin? Dapat mayroon kang pusong nagpapasakop. Anuman ang sabihin ng Diyos, anuman ang hingin Niya, dapat may determinasyon kang magpasakop dito, nang walang mga pagdududa at pangangatwiran. Iyan ang tamang saloobin. Dapat kang manalig, tumanggap, at magpasakop nang walang anumang mga konsesyon. Madali bang isakatuparan ang hindi paggawa ng mga konsesyon? Hindi—pero dapat mong subukang pasukin ito. Isipin mo kung sasabihin ng Diyos sa iyo, “May sakit ka,” at sasabihin mo, “Hindi, wala akong sakit.” Hindi iyan magiging problema; marahil hindi mo ito pinapaniwalaan. Pero pagkatapos, sasabihin ng Diyos, “Talagang may sakit ka. Uminom ka ng gamot,” at sasabihin mo, “Wala akong sakit, pero iinom na rin ako ng ilang gamot, gaya ng sabi Mo. Wala namang mawawala, anuman ang kaso, at kung may sakit nga ako, maaaring para sa ikabubuti ito. Iinom na ako.” Ininom mo ito, at nag-iba ang pisikal mong pakiramdam kaysa dati; patuloy mo itong ininom, sa tinakdang dosis nito, at pagkatapos ng ilang panahon, bumuti nang bumuti ang pisikal mong pakiramdam. Pagkatapos, naniwala kang totoo talaga ang sakit na sinabi ng Diyos. Ano ang resulta na ibinubunga ng ganitong uri ng pagsasagawa? Nagamot ka sa iyong karamdaman, dahil nanalig ka at nagpasakop sa mga salita ng Diyos. Bagamat noong unang pagkakataon ay hindi ka uminom ng gamot na kasingdami ng sinabi sa iyo ng Diyos, kundi sa halip ay gumawa ka ng kaunting konsesyon para sa sarili mo, at nagkaroon ka ng kaunting kawalan ng pagtitiwala, at may kaunting sama ng loob at pag-aatubili, sa huli ay nauwi ka sa pag-inom ng gamot gaya ng sinabi ng Diyos sa iyo, at naramdaman mo ang mga benepisyo nito pagkatapos. Kaya, itinuloy mo ang pag-inom nito, at sa lalo mong pag-inom, mas lumago ang pananampalataya mo, at lalo mong naramdamang tama ang mga salita ng Diyos at mali ka, at na hindi mo dapat pagdudahan ang mga salita Niya. At sa huli, nang nainom mo na ang lahat ng gamot na pinainom ng Diyos sa iyo, nanumbalik ang kalusugan mo. Sa puntong iyon, hindi ba’t lalong tunay na lalago ang pananalig mo sa Diyos? Malalaman mo na tama ang mga salita ng Diyos, na dapat kang magpasakop sa Kanya nang walang konsesyon at magsagawa ng mga salita Niya nang walang konsesyon. Ano ang punto ng halimbawang ito? Ang sakit mo rito ay kumakatawan sa tiwaling disposisyon ng tao, at ang pag-inom ng gamot ay kumakatawan sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang pangunahing mensahe nito ay kung kaya ng tao na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, maaaring malinis ang kanilang katiwalian, at makakamit nila ang kaligtasan. Ito ang makakamit sa pagdanas ng gawain ng Diyos. Takot ba kayong mabigo? Maaari mong sabihin, “Kailangan kong hangarin ang pagiging perpekto. Sinabi ng Diyos na dapat akong lubos na magpasakop, nang walang konsesyon. Kaya, kailangan kong maisakatuparan ang ganap na pagpapasakop sa mga salita Niya sa unang pagkakataong isasagawa ko ang mga ito. Kung hindi ko ito maisasakatuparan sa pagkakataong ito, hihintayin ko ang susunod na pagkakataon, at sadyang hindi ako magsasagawa ng pagpapasakop sa panahong ito.” Maganda bang maging paraan iyan? (Hindi.) Sa pananaw ng Diyos, may proseso sa pagsasagawa ng mga tao ng katotohanan. Binibigyan Niya ng mga pagkakataon ang mga tao. Kapag may tiwaling kalagayan ang isang tao, ilalantad ito ng Diyos at sasabihin Niya, “Gumawa ka ng mga konsesyon, hindi ka nagpapasakop, mapaghimagsik ka.” Kaya, ano ang layunin ng Diyos sa paglalantad nito? Ito ay para gumawa ka ng mas kaunting konsesyon, at mas lalo pang magsagawa ng pagpapasakop, at para gawing mas lalong dalisay at mas malapit sa katotohanan ang pang-unawa mo, para tunay kang makapagpasakop sa Diyos. Pinarusahan ka ba ng Diyos habang inilalantad ka Niya? Kapag pinupungusan ka Niya at pinararanas ka ng mga pagsubok, ikaw ay dinidisiplina at kinakastigo lamang Niya. Ikaw ay nalantad nang kaunti, napagalitan nang kaunti, at naparamdam ng kaunting sakit—pero kinuha ba sa iyo ng Diyos ang buhay mo? (Hindi.) Hindi Niya kinuha ang buhay mo, at hindi ka Niya ibinigay kay Satanas. Diyan, maaaring makita ang Kanyang layunin. At ano ang Kanyang layunin? Ililigtas ka Niya. Minsan, pagkatapos ng kaunting paghihirap, nagdadalawang-isip ang mga tao at nag-iisip na, “Hindi ako gusto ng Diyos. Walang pag-asa para sa akin.” Nasa panganib ka kung palagi kang may maling pagkaunawa sa Diyos gaya niyan. Ito ay pagkaantala ng iyong paglago sa buhay. Kaya, anuman ang oras, ikaw man ay mahina o malakas, mabuti man o hindi ang kalagayan mo, gaano man kalawak ang paglago mo sa buhay—hindi mo kailangang alalahanin ang mga bagay na ito ngayon. Alalahanin mo lang ang pagsasagawa ng mga salitang sinabi ng Diyos, kahit na sinusubukan mo lang isagawa ang mga ito. Ayos din iyan. Subukan mong mabuti na makipagtulungan, at gawin mo ang kaya mo; pumasok ka sa kalagayang binanggit sa mga salita ng Diyos; tingnan mo kung ano ang pakiramdam para sa iyo na isagawa ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos, at kung nakinabang ka ba rito, at kung may buhay pagpasok ka ba. Dapat kang matutong pagsikapan ang katotohanan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang proseso ng paglago sa buhay. Lagi silang umaasang itayo ang Roma sa loob ng isang araw, iniisip na, “Kung hindi ko kayang maisakatuparan ang ganap na pagpapasakop, hindi na lang ako magpapasakop. Magpapasakop lang ako kapag kaya ko na itong gawin nang lubos. Hindi ako magiging walanghiya tungkol dito. Ipinapakita nito kung gaano katinding lakas ng loob mayroon ako, kung gaano katinding karakter at dignidad!” Anong klase ng “lakas ng loob” iyan? Iyan ay paghihimagsik at pagiging mapagmatigas!

Pag-isipan ninyong mabuti ang katatapos lang natin pagbahaginan. Natapos natin ang pagbabahaginan tungkol sa apat na mas maliliit na paksa sa tanong na, “Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos?” Sinasandigan nila ang mga kaloob nila para mabuhay; ang kanilang kaalaman; ang kanilang lantad na mga pusong tulad ng sa mga bata; at ang mga pilosopiya ni Satanas. Nauunawaan ba ninyo kung ano ang narinig ninyo tungkol sa apat na kalagayang ito? Nakikita ba ninyo kung alin sa mga ito ang nasa loob ninyo? Kaya ba ninyong unawain ito? Nagbahaginan na ba tayo tungkol sa mga bagay na ito noon? Maaaring nauunawaan ninyo ang ilang kalagayan at may kaunti kayong alam sa mga ito, pero hindi sa paraang tumutukoy sa pagsasagawa ng katotohanan o sa paksa ng ating pagbabahaginan ngayon. Ngayon, nagbahaginan tayo tungkol sa mga kalagayang ito mula sa paksa at anggulo ng “Ano ang ipinapamuhay ng mga tao sa mga taon ng kanilang pananalig sa Diyos?” Ito ay medyo malapit sa pagsasagawa ng katotohanan at pamumuhay nang ayon dito. May isa pa Akong tanong. Tandaan ninyo ito. Ito ay: Ano ang mga bagay na pinakamamahal mo? Ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa mga bagay na iyon na pinakamamahal mo? Paglalaanan natin ng panahon ang pagbabahaginan tungkol sa tanong na ito sa hinaharap. Ngayon, pangunahin nating inilalantad ang ilang negatibong kalagayang galing sa mga bagay na ipinapamuhay ng mga tao; hindi tayo nagbahaginan tungkol sa kung paano isagawa ang katotohanan nang may partikular na pagtukoy sa mga negatibong kalagayang iyon. Kahit hindi tayo nagbahaginan tungkol diyan, alam ba ninyo kung nasaan ang mga mali sa mga kalagayang ito? Saan nanggagaling ang mga problema? Anong mga disposisyon ang kinabibilangan ng mga ito? Paano dapat isagawa ang katotohanan? Kapag may mga lumitaw na ganitong bagay, kapag ikaw ay may mga ganitong kalagayan at mga ganitong pamamaraan, alam mo ba kung paano dapat gamitin ang katotohanan para palitan ang mga ito? Aling mga katotohanan ang dapat mong isagawa? Ang importante at pangunahing bagay na dapat mong gawin ngayon ay ang magsimula sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga kalagayang ito at paghihimay ng sarili mo. Kapag nabubuhay ka sa mga kalagayang ito, dapat kahit papaano ay alam mo sa puso mo na mali ang mga ito. Ang pagbago sa mga ito ang hakbang matapos mong malamang mali ang mga ito. Kung hindi mo alam kung tama o mali ang mga ito, o kung nasaan ang mga mali sa mga ito, paano mo ito babaguhin? Kaya, ang pinakaunang hakbang ay ang magawa mong makilatis kung tama ba o mali ang mga kalagayang ito. Pagkatapos lamang niyan saka mo malalaman kung paano dapat isagawa ang susunod na hakbang. Nagbabahaginan pa lamang tayo tungkol sa isyu ng ilan sa iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao ngayon, at napakarami pang maaaring sabihin. Kaya, pagdating sa mga detalye kung paano mismo kayo maaaring magsimulang mamuhay ayon sa katotohanan, bigyan ninyo ng higit na konsiderasyon ang isyung ito nang kayo lang. Dapat ay makapagbunga kayo ng mga resulta.

Setyembre 5, 2017

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.