Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon (Unang Bahagi)
Karamihan sa inyo ay nakatakas na mula sa relihiyon at tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kumakain kayo at umiinom ng mga kasalukuyang salita ng Diyos araw-araw, dumadalo sa kasalang piging ng Kordero, at nakapaglatag na ng pundasyon sa tamang daan. Tapat ninyong ginugugol ang inyong sarili para sa Diyos at nakuha na ang Kanyang pagsang-ayon. Ngayon, ano ang kaalaman at pagpapahalaga ninyo sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos? Paano naiiba ang mga ito sa pagkaunawa ng pananampalataya sa Diyos na mayroon kayo sa loob ng relihiyon? Sa ngayon, nauunawaan ba ninyo kung ano talaga ang paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? May pagkakaiba ba ang paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? Nasaan ang pagkakaiba? Nalaman na ba ninyo ang mga sagot sa mga tanong na ito? Anong klase ng tao ang karaniwang mga naniniwala sa relihiyon? Ano ang kanilang pokus? Paano dapat bigyang-kahulugan ang paniniwala sa relihiyon? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagkilala na mayroong Diyos, at gumagawa ng ilang partikular na pagbabago sa kanilang pag-uugali ang mga naniniwala sa relihiyon: Hindi sila nananakit o nangmumura ng mga tao, hindi sila gumagawa ng masasamang bagay na nakasasakit ng mga tao, at hindi sila gumagawa ng iba’t ibang krimen o lumalabag sa batas. Tuwing Linggo, pumupunta sila sa simbahan. Ito ang mga naniniwala sa relihiyon. Nangangahulugan ito na ang mabuting asal at madalas na pagdalo sa pagtitipon ay patunay na ang isang tao ay nananalig sa relihiyon. Kapag ang isang tao ay nananalig sa relihiyon, kinikilala niya na mayroong Diyos, at sa palagay niya, ang pananalig sa Diyos ay ang maging isang mabuting tao; basta’t hindi siya nagkakasala o gumagawa ng masasamang bagay, mapupunta siya sa langit pagkamatay niya at magkakaroon siya ng magandang katapusan. Binibigyan siya ng kanyang pananampalataya ng panustos sa espirituwal na antas. Sa gayon, ang pananalig sa relihiyon ay mabibigyang-kahulugan din bilang ang sumusunod: Ang manalig sa relihiyon ay ang kilalanin, sa puso ng isang tao, na mayroong Diyos; ang maniwala na mapupunta siya sa langit pagkamatay niya; ang magkaroon sa kanyang puso ng espirituwal na pundasyon; ang baguhin nang kaunti ang kanyang asal; at ang maging isang mabuting tao. Iyon na lahat. Tungkol naman sa kung umiiral ba o hindi ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan, kung nakapagpapahayag ba Siya ng katotohanan, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanya—wala siyang ideya. Ipinagpapalagay at hinihinuha niya ang lahat ng ito batay sa mga turo ng Bibliya. Ito ang paniniwala sa relihiyon. Ang paniniwala sa relihiyon ay pangunahing ang paghahangad ng mga pagbabago sa pag-uugali at espirituwal na panustos. Pero ang landas na tinatahak ng gayong mga tao—ang landas ng paghahangad ng mga pagpapala—ay hindi nagbago. Hindi nagbago ang kanilang mga maling pananaw, kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Ang saligan ng kanilang pag-iral, at ang mga mithiin at direksyon na kanilang hinahangad sa kanilang buhay, ay batay sa mga ideya at opinyon ng tradisyunal na kultura, at hindi talaga nagbago. Gayon ang kalagayan ng lahat ng tao na nananalig sa relihiyon. Kung gayon, ano ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang depinisyon ng Diyos sa pananampalataya sa Diyos? (Ang paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Ang pinakapundamental ay ang paniniwala sa pag-iral ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang maniwala sa Diyos ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos, umiral, mamuhay, gumanap ng tungkulin ng isang tao, at makibahagi sa lahat ng aktibidad ng normal na sangkatauhan tulad ng hinihingi ng mga salita ng Diyos. Ang implikasyon ay na ang manalig sa Diyos ay ang sumunod sa Diyos, gawin ang hinihingi ng Diyos, mamuhay tulad ng hinihingi Niya; ang manalig sa Diyos ay ang sumunod sa daan ng Diyos. Hindi ba lubos na naiiba ang mga mithiin at direksyon sa buhay ng mga taong nananalig sa Diyos mula sa mga taong iyon na nananalig sa relihiyon? Ano ba ang kasama sa pananampalataya sa Diyos? Kasama rito kung kaya ba o hindi ng mga tao na makinig sa mga salita ng Diyos, matanggap ang katotohanan, makawala sa mga tiwaling disposisyon, bitawan ang lahat upang sundan ang Diyos, at maging tapat sa kanilang mga tungkulin. Ang mga bagay na ito ay may direktang kaugnayan kung maliligtas ba sila o hindi. Alam mo na ngayon ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos; kung gayon, paano dapat isagawa ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga nananampalataya sa Kanya? (Na sila ay maging mga tapat na tao, at na hangarin nila ang katotohanan, pagbabago ng disposisyon, at kaalaman sa Diyos.) Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa panlabas na pag-uugali ng mga tao? (Hinihingi Niya na maging taimtim ang mga tao, hindi talipandas, at na mamuhay sila ng normal na pagkatao.) Dapat magkaroon ang tao ng batayang kagandahang-asal ng isang banal at mamuhay ng normal na pagkatao. Kung gayon, ano ang dapat na taglayin ng isang tao upang magkaroon ng normal na pagkatao? Ito ay nauugnay sa maraming katotohanan na dapat isagawa ng isang tao bilang isang mananampalataya. Tanging sa pagkakaroon ng lahat ng mga katotohanang realidad nagkakaroon ng normal na pagkatao ang isang tao. Nananampalataya ba ang isang tao sa Diyos kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi pagsasagawa sa katotohanan? Paano nga ba dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos upang makamit ang kaligtasan, at magpasakop at sambahin ang Diyos? Ang lahat ng mga bagay na ito ay nauugnay sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagsasagawa ng maraming katotohanan. Kung kaya, dapat sumampalataya ang isang tao sa Diyos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, at dapat siyang magsagawa alinsunod sa Kanyang mga hinihingi; ito lang ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Tumutukoy ito sa ugat ng usapin. Ang pagsasagawa ng katotohanan, pagsunod sa mga salita ng Diyos, at pamumuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos: Ito ang tamang paraan ng buhay ng tao; ang pananampalataya sa Diyos ay nauugnay sa landas ng buhay ng tao. Ang pananampalataya sa Diyos ay nauugnay sa napakaraming katotohanan, at dapat maunawaan ng mga tagasunod ng Diyos ang mga katotohanang ito. Paano nila masusundan ang Diyos kung hindi nila nauunawaan at tinatanggap ang katotohanan? Kumikilala at nagtitiwala lamang ang mga taong nananalig sa relihiyon na mayroong Diyos—pero hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang ito, ni tinatanggap ang mga ito, kung kaya ang mga taong nananalig sa relihiyon ay hindi mga tagasunod ng Diyos. Sa paniniwala sa relihiyon, ayos lang na ipakita na kumikilos ka nang maayos, nagpipigil at sumusunod sa mga panuntunan, at mayroong espirituwal na panustos. Kung maayos ang inaasal ng isang tao at may pundasyon at panustos para sa kanyang espiritu, nagbabago ba ang kanyang landas sa buhay? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na ang paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos ay magkapareho. Kung gayon, sinusunod ba ng mga taong iyon ang Diyos? Nananampalataya ba sila sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi? Tinanggap na ba nila ang katotohanan? Kung hindi ginagawa ng isang tao ang mga bagay na ito, siya nga ay hindi nananampalataya sa Diyos o tagasunod Niya. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang tao ng paniniwala sa relihiyon ay ang kawalan ng pagtanggap sa kasalukuyang gawain ng Diyos at sa katotohanan na Kanyang ipinahahayag. Makikilala ang mga naniniwala sa relihiyon sa katangiang ito; hinding-hindi sila tagasunod ng Diyos. Ang paniniwala sa relihiyon ay paghahangad lamang ng pagbabago ng ugali at espirituwal na panustos; wala itong kasamang anumang katotohanan. Kaya nga, hindi mababago ang disposisyon sa buhay ng mga naniniwala sa relihiyon, ni hindi nila isasagawa ang katotohanan o pakikinggan ang mga salita ng Diyos at magpapasakop sa Kanya. Dahil dito ay hindi rin sila magkakaroon ng totoong kaalaman sa Diyos. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, gaano man kaganda ang kanyang ugali, gaano man katibay ang kanyang pagkilala sa Diyos, at gaano man kataas ang kanyang teorya ng pananampalataya sa Kanya, hindi siya tagasunod ng Diyos. Sino ang sinusundan niya, kung gayon? Ang sinusundan niya ay si Satanas pa rin. Ano ang basehan sa kung ano ang isinabubuhay, hinahangad at pinananabikan, at isinasagawa niya? Saan nakabatay ang kanyang pag-iral? Siguradong hindi ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Patuloy siyang namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kumikilos siya ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas. Lahat ng sinasabi niya ay kasinungalingan, nang wala ni katiting na katotohanan. Ang kanyang satanikong disposisyon ay hindi sumailalim sa anumang pagbabago, at si Satanas pa rin ang sinusundan niya. Ang lahat ng kanyang pananaw sa buhay, mga prinsipyo, paraan ng pakikitungo sa mundo, at mga prinsipyo ng pag-uugali ay mga pagpapakita ng likas na katangian ni Satanas. Tanging ang panlabas niyang pag-uugali ang bahagyang nabago, ngunit ang landas ng kanyang buhay, paraan ng pag-iral, at pananaw sa mga bagay-bagay ay hindi man lang nagbago. Kung ang isang tao ay totoong mananampalataya ng Diyos, ano ang maaaring magbago sa kanya sa loob ng ilang taon? (Ang kanyang pananaw sa buhay at mga prinsipyo ay magbabago.) Ang pinakapundasyon ng pag-iral ng taong iyon ay magbabago. Kung magbabago ang pundasyon ng kanyang pag-iral, ano ang magiging basehan ng kanyang buhay? (Ang buhay niya ay magbabase sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Kung gayon, ngayon ba ay namumuhay na kayo araw-araw ayon sa mga salita ng Diyos sa inyong pananalita at mga pagkilos? Halimbawa, hindi ka na nagsisinungaling: Bakit ganoon? Ano ang iyong basehan doon? (Ang hinihingi ng Diyos na maging tapat ang isang tao.) Kapag tumigil ka sa pagsisinungaling at sa panlilinlang, ito ay base sa mga salita ng Diyos, ang hinihingi na maging tapat na tao, at sa katotohanan. At hindi ba’t ang landas na tinatahak mo sa buhay ay iba na?
Ngayon, bilang pagbubuod: Ano ang paniniwala sa relihiyon? Ano ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang mga pangunahing pagkakaiba ng dalawang ito? Ang maniwala sa relihiyon ay ang magkaroon ng pananalig sa isang relihiyon, ang sumunod sa mga panuntunan nito, ang sumunod sa ibang tao at kay Satanas, at ang mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang manampalataya sa Diyos ay ang tanggapin ang Kanyang mga salita, tanggapin ang katotohanan, magpasakop sa Kanyang gawain, at ang isakatuparan ang tungkulin ng isang tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Ito ang mga pangunahing pagkakaiba ng paniniwala sa relihiyon at ng pananampalataya sa Diyos. Habang ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang ilan sa inyo ay tinatanggap ang katotohanan at nagbabago nang kaunti, habang ang iba naman ay hindi tinatanggap ang katotohanan at hindi nagbabago. Mapag-iiba mo ba ang dalawang uri ng mga taong iyon, iyong mga naniniwala sa relihiyon at iyong nananampalataya sa Diyos? Ang susi ay ang tingnan kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan at kung ano ang landas na pinipili niyang tahakin. Kung hinahangad mo ang magandang pag-uugali, espirituwal na panustos, at pagsunod sa mga alituntunin, at kung ang layon mo ay ang personal na pakinabang sa iyong paghahangad, nang hindi man lang hinanahangad ang katotohanan, at sa halip ay ang mga panlabas lang ng isang mabuting tao, isang taong may ilang magandang ugali, ngunit hindi ang katotohanang realidad—gaano nga ba kabuti ang isang katulad mo? Ang tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng gayong tao ay hindi man lang nagbago. Maaaring mahusay siyang magsalita, ngunit kapag nahaharap sa mga pagsubok, hindi siya matatag na makapanindigan. Baka magreklamo pa nga siya tungkol sa Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Ito ay mga naniniwala sa relihiyon. Yaong mga may pananampalataya sa Diyos ay kayang tanggapin ang lahat ng mga katotohanang ipinahahayag Niya. Nakakapagnilay-nilay sila at nakikilala ang kanilang sarili ayon sa katotohanan, tunay na nagsisisi, at sa huli ay isinasagawa ang katotohanan, nagpapasakop sa Diyos, at namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag nahaharap sa mga pagsubok at mga paghihirap, matatag silang nakakapanindigan, nakapagbibigay ng kahanga-hangang patotoo, at tapat na nakakasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ito ang mga totoong nananampalataya sa Diyos. Ito ang pagkakaiba ng mga naniniwala sa relihiyon at ng mga may pananampalataya sa Diyos.
Mayroon ba sa inyo na sa puso ay naniniwala sa isang malabong Diyos sa langit, subalit palaging may kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? Kung tunay na may gayong mga tao, sila nga ay mga naniniwala sa relihiyon. Ang mga naniniwala sa relihiyon ay hindi kinikilala ang Diyos na nagkatawang-tao sa kanilang puso, at kahit na maniwala man sila, palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at hindi kailanman kayang magpasakop. Hindi nga ba ganoon? Mas tumpak na sabihing ang gayong mga tao ay hindi mga nananampalataya sa Diyos. Kahit sabihin man nila na naniniwala sila sa Diyos, ang totoo, hindi sila gaanong naiiba sa mga naniniwala sa relihiyon. Sa kanilang puso, ang pinaniniwalaan lang nila ay ang isang malabong Diyos; mga tagasunod sila ng mga panrelihiyong kuru-kuro at alituntunin. Kaya, ang sinumang hindi naghahangad sa katotohanan, na nakatuon lamang sa magandang pag-uugali at pagsunod sa mga alituntunin, hindi isinasagawa ang katotohanan, at hindi man lang nagbabago ni katiting ang disposiyon, ang ginagawa ng taong iyon ay ang paniniwala sa relihiyon. Anong katangian ang tumutukoy sa yaong mga naniniwala sa relihiyon? (Nakatuon lamang sila sa panlabas na mga gawain at sa pagpapakita na maganda ang asal nila.) Ano ang mga prinsipyo at basehan para sa kanilang mga pagkilos? (Ang mga satanikong pilosopiya sa pamumuhay.) Anong mga satanikong pilosopiya para sa pamumuhay at mga tiwaling disposisyon ang mayroon? Ang pagkamapanlinlang at pagkatuso; pagkakaroon ng sariling batas; kayabangan at kapalaluan; pagiging mapagpasya sa lahat ng bagay; hindi kailanman paghahanap sa katotohanan o pakikipagbahaginan kasama ang mga kapatid; at kapag kumikilos, pag-iisip ng mga pansariling interes palagi, ng sariling pagpapahalaga sa sarili, at ng katayuan—lahat ng ito ay pagkilos base sa satanikong disposisyon. Ito ay pagsunod kay Satanas. Kung naniniwala sa Diyos ang isang tao ngunit hindi nakikinig sa Kanyang mga salita, hindi tinatanggap ang katotohanan, o hindi nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at pangangasiwa; kung nagpapakita lamang siya ng ilang mabubuting pag-uugali, ngunit hindi magawang talikuran ang laman, at walang inaalis sa kanyang pagmamataas o kapakinabangan; kung, bagama’t mukha siyang gumagampan sa kanyang tungkulin, nabubuhay pa rin siya sa kanyang mga satanikong disposisyon, at hinding-hindi pa niya binibitawan o binabago ang kanyang mga satanikong pilosopiya at pamamaraan ng pag-iral, kung gayon, paano niya maaaring paniwalaan ang Diyos? Iyon ay paniniwala sa relihiyon. Tinatalikdan ng gayong mga tao ang mga bagay at mapagpaimbabaw na ginugugol ang kanilang sarili, ngunit kung titingnan ang landas na kanilang tinatahak at ang umpisa at simula ng lahat ng kanilang ginagawa, hindi nila ibinabatay ang mga iyon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan; sa halip, patuloy silang kumikilos alinsunod sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, pansariling palagay, at sa kanilang mga ambisyon at pagnanais. Ang mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas ang patuloy na pinagbabatayan ng kanilang pag-iral at mga kilos. Sa mga usapin na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nila ito hinahanap; sa mga usapin na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa, hindi ipinagbubunyi ang Diyos bilang dakila, o pinahahalagahan ang katotohanan. Bagama’t sa pangalan at salita ay naniniwala at kinikilala nila ang Diyos, at bagama’t mukha silang gumagampan sa kanilang tungkulin at sumusunod sa Diyos, namumuhay sila sa kanilang satanikong disposisyon sa lahat ng sinasabi at ginagawa nila. Ang mga bagay na sinasabi at ginagawa nila ay pawang mga pagpapakita ng tiwaling disposisyon. Hindi mo sila makikitang nagsasagawa o dumaranas ng mga salita ng Diyos, lalong hindi mo makikita ang pagpapamalas ng kanilang paghahanap at pagsunod sa katotohanan sa lahat ng bagay. Sa kanilang mga ikinikilos, inuuna nila ang kanilang mga sariling kapakanan, at inuunang isakatuparan ang kanilang mga sariling hangarin at layon. Ito ba ang mga taong sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At maaari bang makatamo ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon ang mga taong hindi sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At kung hindi sila makatamo ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon, hindi ba’t kaawa-awa sila? Narinig at naintindihan nila ang mga salita ng Diyos, ngunit kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, ang kanilang mga sariling kagustuhan ay masyadong matindi; wala silang kakayahang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos o ayon sa katotohanan, lalong hindi ayon sa mga prinsipyo. Pagkatapos ng ilang taon ng paniniwala sa Diyos, parang mas nagiging masunurin sila at mas maganda na ang asal nila. Marami silang magandang pag-uugali, at ang kanilang espirituwal na buhay ay mukhang normal naman. Walang malaking problema sa pakikitungo nila sa iba, at may ilan namang resulta ang ginagampanan nilang ilang tungkulin—ngunit mayroon silang isang problema, at ito ang pinakamalubha sa lahat. Nasaan ang problemang ito? Sa kanilang isip. Gaano man karaming taon na silang naniwala, hindi pa sila nakapagtatag ng normal na relasyon sa Diyos; anuman ang kanilang gawin o anuman ang mangyari sa kanila, ang unang bagay na iniisip nila ay: “Ano ba ang gusto kong gawin; ano ba ang para sa kapakanan ko, at ano ang hindi; ano ang maaaring mangyari kung gagawin ko ang mga bagay-bagay”—ito ang mga bagay na una nilang isinasaalang-alang. Wala man lang silang pagsasaalang-alang sa kung anong gawain ang magbibigay-kaluwalhatian sa Diyos at magpapatotoo sa Kanya, o magsasakatuparan sa kalooban ng Diyos, ni hindi sila nananalangin upang mahanap kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at kung ano ang sinasabi ng Kanyang mga salita. Kailanman ay hindi nila binibigyang-pansin kung ano ang kalooban o hinihingi ng Diyos, at kung paano dapat magsagawa ang mga tao upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Bagama’t nananalangin sila sa Diyos kung minsan at nakikipag-usap sa Kanya, kinakausap lamang nila ang kanilang sarili, hindi taos-pusong hinahanap ang katotohanan. Kapag nananalangin sila sa Diyos at binabasa ang Kanyang mga salita, hindi nila iniuugnay ang mga ito sa mga bagay na nakakaharap nila sa totoong buhay. Kaya, sa kapaligirang isinaayos ng Diyos, paano nila tinatrato ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos at pangangasiwa? Kapag nahaharap sa mga bagay na hindi nagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga sariling pagnanasa, iniiwasan nila ang mga ito at nilalabanan sa kanilang mga puso. Kapag nahaharap sa mga bagay na nagdudulot ng kawalan sa kanilang mga interes, o pumipigil sa pagsasakatuparan ng kanilang mga interes, ginagawa nila ang lahat ng paraan upang makahanap ng daan palabas, nagsusumikap na mapalaki ang kanilang sariling mga pakinabang at lumalaban upang maiwasan ang anumang pagkalugi. Hindi sila naghahangad na maisakatuparan ang kalooban ng Diyos, bagkus ang kanilang sariling mga pagnanasa lamang. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Ang mga ganitong tao ba ay may relasyon sa Diyos? Wala. Namumuhay sila sa mababa, kasuklam-suklam, mapagmatigas, at pangit na pamamaraan. Bukod sa wala silang relasyon sa Diyos, walang patid din silang sumasalungat sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Madalas nilang sinasabi, “Maghari nawa ang Diyos at mamahala sa lahat ng bagay sa aking buhay. Handa akong hayaan ang Diyos na umupo sa trono at maghari at mamahala sa aking puso. Handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos.” Gayunpaman, kapag ang mga bagay na kinakaharap nila ay nakakapinsala sa kanilang mga sariling interes, hindi sila makapagpasakop. Sa halip na hangarin ang katotohanan sa kapaligirang isinaayos ng Diyos, hinahangad nilang mag-iba ng direksyon at tumakas mula sa kapaligirang iyon. Ayaw nilang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, sa halip ay ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling kagustuhan, huwag lang mapinsala ang kanilang mga interes. Ganap nilang binabalewala ang kalooban ng Diyos, iniintindi lang ang kanilang sariling mga interes, mga kalagayan, at ang kanilang lagay ng kalooban at damdamin. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Ano ang Diyos sa kanila, sa kanilang mga puso? Hindi ba’t para Siyang isang alamat? Hindi ba’t isa Siyang uri ng espirituwal na panustos? Para sa kanila, ang Diyos ay isang dayo at estranghero. Kapag maayos ang lahat, ang Diyos ang Pinakamakapangyarihan para sa kanila, ang lahat-lahat para sa kanila. Ngunit kung ang ginagawa ng Diyos ay walang pakinabang sa kanila, o nagdudulot ng pinsala sa kanilang mga interes, o sa kanilang dignidad, na nagdudulot upang mapungusan sila o dumanas ng mga pagsubok at paghihirap, paano sila tutugon? Tatakas sila, manlalaban, tatanggi, at magrereklamo pa nga. Hindi man ito sabihin ng ilang tao, ngunit nakakaramdam sila ng sakit, pagkabalisa, pagkanegatibo sa kanilang puso. Ano ang ibig sabihin ng pagiging negatibo? Ang ibig sabihin nito ay hindi nila tinatanggap ang katotohanan sa kanilang puso at palagi silang lumalaban at mapanghimagsik laban sa Diyos. Hindi tumatanggap ng mga pagsubok at pagpipino ang ilang tao, iniisip nilang hindi tamang gawin ng Diyos ang gayong mga bagay. Kapag nahaharap sa anumang mga kahirapan ng pagkahuli at pang-uusig ng malaking pulang dragon, sa loob-loob nila ay nagrereklamo ang ibang tao na ang Diyos ay hindi nagiging patas sa kanila. Ano ang palagay ninyo sa ganitong pag-iisip? Kung sobrang lantaran nilang nasasabi ang kanilang mga reklamo laban sa Diyos kapag ang ginagawa Niya ay nagpapahirap sa kanila, Siya pa rin ba ang Diyos na pinaniniwalaan nila? Kung hindi nila kayang magpasakop, hindi Siya ang Diyos nila kung gayon, at kaya nangangahas silang labanan Siya. Hinihiling nila na may iba pang Diyos maliban sa Diyos, iniisip na, “Kung ginagawa Niya lang totoo ang anumang iniisip at ginagawa ko, nang eksaktong ayon sa aking kagustuhan—saka lang Siya magiging Diyos; iyon lang ang magiging pagsasaayos at pangangasiwa Niya. Kung hindi nakikisama ang Diyos sa aking kagustuhan, palaging kumokontra sa aking mga gusto at imahinasyon, hindi ako makakapagpasakop sa Kanya, at hindi Siya ang Diyos ko. Kung Siya ang Diyos, dapat Niyang bigyang-kasiyahan ang mga tao. Dahil ang mga tao ang pinakapinapahalagahan ng Diyos, dapat gawin ng Diyos ang lahat upang protektahan at ingatan sila. Bakit Niya sila hinahayaang dumaan sa mga paghihirap, pagsubok, at pagkabigo?” Hindi ba’t ito ang saloobin sa Diyos ng karamihan ng tao sa kanilang puso? Ito nga ang nangyayari. Sa karamihan ng mga tao, kapag wala silang mga problema, kapag ang lahat ay maayos ang takbo sa kanila, nararamdaman nilang makapangyarihan ang Diyos, at matuwid, at kaibig-ibig. Kapag sinusubok sila ng Diyos, pinupungusan sila, itinutuwid sila, at dinidisiplina sila, kapag hinihingi Niya sa kanila na isantabi ang kanilang mga pansariling interes, na talikuran ang laman at isagawa ang katotohanan, kapag gumagawa ang Diyos sa kanila, at isinasaayos at pinamumunuan ang kanilang mga kapalaran at buhay, lumilitaw ang pagkasuwail nila, at pagkatapos ay nagkakaroon ng paghihiwalay sa pagitan nila at ng Diyos; na lumilikha ng sigalot at malaking distansya sa pagitan nila at ng Diyos. Sa ganoong mga panahon, sa kanilang mga puso, ang Diyos ay hindi kaibig-ibig nang kahit kaunti; Siya ay hindi talaga makapangyarihan, dahil ang ginagawa Niya ay hindi nakatutupad ng kanilang mga hiling. Pinalulungkot sila ng Diyos; inaaburido Niya sila; nagdadala Siya ng sakit at dusa sa kanila; ipinadarama Niya sa kanila ang kawalang-kapanatagan. Kung kaya hindi man lang sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay naghihimagsik laban sa Kanya at nilalayuan Siya. Sa paggawa nito, isinasagawa ba nila ang katotohanan? Sinusunod ba nila ang daan ng Diyos? Sinusunod ba nila ang Diyos? Hindi. Gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at paano ka man kumilos dati ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung lubos mong sinisikap na makamit ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at ang mapungusan ng mga ito; kung, sa lahat ng isinasaayos Niya ay nagagawa mong sundan ang daan ng Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, matutunang alamin ang Kanyang kalooban, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at layunin, at nagagawa mong magpasakop sa pamamagitan ng paghahanap, at kung mabibitiwan mo ang lahat ng iyong sariling kagustuhan, pagnanais, pagsasaalang-alang, layunin, at hindi mo kakalabanin ang Diyos, kung gayon ay sumusunod ka sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit kung ang lahat ng ginagawa mo ay ayon sa sarili mong kagustuhan, at may sarili kang mga layon at plano, at hindi mo ipinagpapasa-Diyos ang mga ito, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Hindi, hindi Siya. Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga walang lamang salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang lokohin ang mga tao? Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung ang lahat ng iyong mga kilos at gawa, ang iyong pananaw sa buhay, at mga prinsipyo, at asal at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—kung pinangangasiwaan mo ang lahat ng ito nang ganap na nakaayon sa mga batas at lohika ni Satanas, isa ka bang tagasunod ng Diyos kung gayon? (Hindi.) Alam mo, nang ipaalam ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad na Siya ay daranas ng maraming pagpapahirap, na Siya ay papatayin, at mabubuhay muli sa ikatlong araw, sinabi ni Pedro sa Panginoong Jesus, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: kailanman ay hindi mangyayari ito sa Iyo” (Mateo 16:22). Paano sinagot ng Panginoong Jesus si Pedro? (“Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23).) Ano ang naging pakahulugan ng Panginoong Jesus sa ginawa ni Pedro sa oras na iyon? (Ang gawa ni Satanas.) Bakit Niya sinabi na ito ay gawa ni Satanas? Si Pedro ba ay si Satanas? Hindi naintindihan ni Pedro ang kahalagahan ng mga ikinilos ng Panginoong Jesus, ni hindi niya nakilala ang Kanyang pagkakakilanlan. Kaya nga, naging tagapagsalita siya ni Satanas, nagsasalita para dito, naghahangad na pigilan ang Panginoong Jesus na isakatuparan ang kalooban ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, si Pedro ay naging tagapagsalita ni Satanas. Kung ang isang tao ay sa panlabas lang tinalikdan ang lahat at tinanggap ang kanyang tungkulin, tila sinusunod ang Diyos, subalit lahat ng kanyang iniisip at kilos ay ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas, siya ba ay tunay na tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Hindi, dahil palagi siyang naghihimagsik laban sa Diyos, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, at hindi nagpapasakop Diyos. Bakit siya naniniwala sa Diyos kung gayon? Ano nga ba ang tunay na gusto niyang makamit? Napakahirap maunawaan nito. Siya ba ay tunay na mananampalataya ng Diyos? Hindi; sa mas magandang pananalita, siya ay naniniwala sa relihiyon. Maaaring sinasabi niya na may pananampalataya siya sa Diyos, ngunit hindi siya kinikilala ng Diyos. Ituturing siya ng Diyos na masamang tao, at hindi Niya ililigtas ang gayong tao.
Sa masama at tiwaling sangkatauhang ito, ang mga mananampalataya sa relihiyon ay mga taong kinikilala ang pag-iral ng Diyos, nagnanais na maging mabubuting tao, magkaroon ng mabuting pag-uugali, at makaiwas sa paggawa ng masasamang bagay. Natatakot sila sa kaparusahan kung makikisangkot sila sa labis na masasamang gawain, at na sila ay mapupunta sa impiyerno at mapaparusahan at mapapahamak magpakailanman. Iniisip nila na ang pagiging isang mabuting tao ay nagdudulot ng kapayapaan, gaya ng kasabihan ng mga hindi mananampalataya: “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Sa impluwensiya ng gayong mga pag-iisip at sa lason ng gayong mga kaisipan na namamayani, itinuturing nilang isang magandang bagay ang kanilang paniniwala sa relihiyon; iniisip nila na mas magaling sila kaysa sa mga hindi nananampalataya, sa mga wala man lang espirituwal na panustos, at lalong walang pagpipigil. Ginagawa ng mga hindi nananampalataya ang anumang naisin nila, at may potensyal silang gumawa ng anumang masamang gawain upang makamit ang kanilang sariling mga layunin. Ang mga ganoong tao ay walang patutunguhan at ang kahihinatnan nila pagkatapos mamatay ay impiyerno. Iniisip din ng mga nananampalataya sa relihiyon na, “Ang mga hindi mananampalataya ay hindi naniniwala sa siklo ng buhay at kamatayan o na mayroong pagpaparusa sa paggawa ng masama, na ang mga gagawa niyon ay mapupunta sa impiyerno at mapaparusahan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ngunit tayong naniniwala sa relihiyon ay pinagpala ng Diyos at makakamit ang buhay na walang hanggan pagkatapos ng kamatayan.” Itinuturing nila ang kanilang sarili na mararangal na tao, ibinukod mula sa sangkatauhan bilang mga banal na tao. Bagama’t nagkaroon ng ilang pagbabago ang kanilang mga pag-uugali at paraan ng pag-iisip, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pananampalataya sa relihiyon. Paano makakapagtransisyon ang isang tao mula sa pananampalataya sa relihiyon patungo sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ito isang simpleng bagay. Ang mga bago pa lang sa pananampalataya sa Diyos ay walang nauunawaang katotohanan. Alam lang nila na mabuti ang pananampalataya sa relihiyon, na ang ibig sabihin nito ay pagiging isang mabuting tao. Hindi man lang nila mapag-iba ang pananampalataya sa relihiyon sa pananampalataya sa Diyos. Kaya nga, ang transisyon mula sa pananampalataya sa relihiyon patungo sa pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagdaan sa isang yugto hanggang sa maintindihan ang ilang katotohanan, na nagbibigay daan para magkaroon ng pagkilatis. Kung pagkatapos ng lima o anim na taong pananampalataya sa Diyos, o maging pito o walong taon pa, ikaw ay namumuhay pa rin ayon sa iyong satanikong disposisyon, sinusunod pa rin si Satanas, hindi man lang tinatanggap ang katotohanan, nabibigong isagawa kahit ang katotohanang nauunawaan mo na, tinatanggihan ang gawain ng Diyos, at hindi tinatanggap ang Kanyang pagpupungos at pagwawasto at ang Kanyang paghatol at pagkastigo, gayundin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, kung gayon, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay nawalan na ng saysay at halaga. Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang pananampalataya sa Diyos ay ang magtiwalang mayroong Diyos, at, sa pundasyong ito, ang sundan Siya, sundin Siya, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, pagsunod sa Kanyang mga salita, pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita, paggawa ng lahat ayon sa Kanyang mga salita, pagiging isang totoong nilikha, at natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan; ito lamang ang totoong pananampalataya sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pinagdududahan mo pa rin ang mga ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, at palagi kang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo ka tungkol dito, palaging hindi nakokontento; at kung palagi mong sinusukat at inuunawa ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuru-kuro at mga haka-haka; at kung palagi kang may mga sariling iniisip at pagkakaunawa—magdudulot ito ng problema. Hindi iyan pagdanas sa gawain ng Diyos, at hindi iyan ang paraan para tunay Siyang masunod. Hindi ito ang pananampalataya sa Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.