Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 91)

Ang pagtingin ng Diyos kay Job ay nakatala sa Lumang Tipan: “Sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan” (Job 1:8). Sa mga huling araw, ang Diyos ay hindi lamang nagpatotoo sa katotohanan na tunay Siyang minahal ni Pedro, kundi gayundin sa katotohanan na si Job ay isang tao na may tunay na pananampalataya sa Kanya, at hinihingi ng Diyos na ang Kanyang hinirang na mga tao ay dapat nagtataglay man lang ng pananampalataya ni Job kung sila ay susunod sa Kanya hanggang sa wakas. Sa inyong mga imahinasyon, at sa saklaw ng mga limitadong teksto na inyong nauunawaan, anong uri ng tao si Job? Siya ba ay isang mabuting tao? (Oo.) Sa anong mga paraan ito pangunahing naipamalas? Una, siya ay isang tao na may takot sa Diyos, at hindi siya kailanman gumawa ng masama. Ito ang pangunahing pagpapamalas at tanda ng isang mabuting tao. Gayundin, ang kanyang asal ay alinsunod sa prinsipyo at ang pagtrato niya sa kanyang mga anak at pamilya ay alinsunod sa prinsipyo. Hindi niya sinubukang pagtakpan ang mga kamalian ng kanyang mga anak, at siya ay nanalangin sa Diyos at ipinagkatiwala sa Diyos ang kanyang mga anak, na nagpakita sa mga tao na ang kanyang pag-uugali ukol sa kanyang mga anak ay ganap na wasto at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ano sa inyong palagay, bilang mga anak, ang pakiramdam ng magkaroon ng gayong ama? Hindi ba’t ito ay magpapaligaya sa inyo? Ngunit anong uri ang mga kaibigan ni Job? Nang si Job ay maharap sa mga pagsubok at kapighatian, paano siya pinakitunguhan ng kanyang mga kaibigan? Walang isa man sa kanila ang makaunawa sa kanya, at higit pa riyan, siya ay hinusgahan nila: “Nagkasala ka sa Diyos, at isinumpa ka Niya. Tingnan mo kung saan ka dinala ng pananampalataya mo sa Diyos. Kahabag-habag!” Maging ang asawa ni Job ay nagsabi, “Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Sa panahong ito ng labis na pagdurusa, ganyan pinakitunguhan si Job ng kanyang mga kaibigan at ng kanyang asawa, na nagdulot sa kanya ng matinding pinsala at pasakit. Ngunit iilan-ilang tao lamang ang nakaunawa kay Job—ito ay totoo. Kapag binabasa natin ngayon ang kuwento ni Job, nararamdaman natin na, ang totoo, ang mga taong gaya ni Job ang siyang pinakamaaasahan at pinakamapagkakatiwalaan, at na ang ganitong uri ng tao ay isang tunay na mabuting tao. Hindi ka niya kailanman lilinlangin o sasaktan, at palagi siyang susunod sa mga prinsipyo sa paraan niya ng pakikitungo sa iyo. Kung ikaw ay isang tao na nasa katwiran, hindi ka niya kokondenahin at hindi siya magsasalita ng mga hindi kanais-nais na bagay tungkol sa iyo dahil lamang may ginawa kang isang bagay na hindi maganda o dahil masama ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa iyo. Hindi siya sasalungat sa mga katotohanan at magsasalita sa buktot na paraan upang pagbintangan ang mga tao. Hindi niya hahayaan na gabayan ng mga damdamin o mga kagustuhan ang kanyang pananalita. Kalaunan ay makikita mo: “Ito nga ang isang mabuting tao. Sa tuwing nahaharap tayo sa kaunting paghihirap, isinasantabi lang natin ang ating mga tungkulin, ngunit hindi niya kailanman tinatalikuran ang pangalan ng Diyos, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok at mga kapighatian na kanyang hinaharap. Hindi kataka-taka na gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kung mayroon akong kasamang isang tao na gaya nito, kahit ano pang karamdaman o mga kapighatian ang mangyari sa akin, patuloy niya akong matutulungan, maaalalayan, maaalagaan, at mapagtitiisan tulad nang dati. Ang ganitong uri ng tao ay kahanga-hanga. Kahit pa kung minsan ay maiinis niya ako o kahit pa hindi kami palaging magkakasundo, mas pipiliin ko na siya ang nasa aking tabi kaysa sa isa sa mga Satanas at mga diyablo na iyon!” Karaniwan, hayagang sasabihin ng mga Satanas at mga diyablo, “Ikaw ay mahalaga. Mahal kita at nagmamalasakit ako sa iyo nang labis,” ngunit sa oras na ikaw ay maharap sa isang kaguluhan, babalewalain ka nila, at doon mo mapapagtanto kung ano ang isang mabuting tao, at ano ang isang maaasahang tao. Yaon lamang mga mapagkakatiwalaan, at may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang tunay na mabubuting tao, at ang mabubuting tao ay napakahalaga. Napakaganda sana kung mayroon kang isang dosenang tao na gaya ni Job na nasa iyong tabi—ngunit ngayon ay wala ka kahit isa! Sa oras na ito, mararamdaman mo kung gaano talaga kabihira ang isang mabuting tao. Kailangan ng bawat isa ang isang mabuting tao na gaya nito. Gusto ng lahat ang matutuwid at matutulunging tao, ang mga tao na may mabubuting puso na kumikilos alinsunod sa prinsipyo, na mayroong pagpapahalaga sa katarungan, na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at na nararapat na pagkatiwalaan.

Kapag ikaw ay binabagabag ng mga kapighatian at karamdaman, kapag ang puso mo ay pinakanagdurusa, anong uri ng tao ang kailangan mo sa tabi mo? Kailangan mo ba ng isang nagsasalita ng kasinungalingan at matatamis na salita? Kailangan mo ba ng isang humuhusga, kumokondena, at pumupuna sa iyo? (Hindi.) Anong uri ng tao ang kailangan mo nang higit sa lahat kung gayon? Kailangan mo ng isang tao na makakaramay sa iyong mga paghihirap at na makapagpapalubag ng iyong kalooban, na kayang makinig habang ikinukuwento mo ang tungkol sa sakit na nasa iyong puso at pagkatapos ay tutulungan ka na umahon mula sa iyong pagiging negatibo, kahinaan, at pagdurusa. Ang taong ito ay makatutulong sa iyo—hindi ka niya tatawanan o sisipain kapag ikaw ay nakalugmok na at hindi siya magbubulag-bulagan sa iyong mga paghihirap. Ibig sabihin, kung kailangan mo siya upang aliwin ka, at ikaw ay dumaranas ng mga paghihirap, mga oras ng kahinaan, at mga pansariling problema, maaari mong ibahagi ang mga bagay na ito sa kanya, at hindi niya ipagkakalat ang mga ito nang patalikod, hindi ka niya lalaitin, hahamakin, at hindi niya guguluhin ang mga pribadong bagay tungkol sa iyo. Makakaya niyang harapin nang tama ang iyong mga paghihirap, kahinaan, pagiging negatibo, at ang mahihinang bahagi ng iyong pagkatao. Hindi ba naaayon sa prinsipyo na harapin nang tama ang mga bagay na ito? Hindi ba’t ang mga ito ay pagpapamalas ng isang mabuting tao? Ang ganitong uri ng tao ay kaya kang maunawaan, pagtiisan, at alagaan. Kaya ka niyang suportahan, tustusan, at tulungang makaahon mula sa iyong pasakit at kahinaan. Napakalaki ng tulong na naibibigay niya sa iyo. Ang taong gaya nito ay labis na mahalaga. Ito ang isang mabuting tao! Sabihin nang may isang tao na binabalewala ka at nilalait at pinagtatawanan ka pa nga kapag nakikita niya na ikaw ay may problema. Gusto mong magtapat sa kanya tungkol sa isang bagay, ngunit naisip mo, “Hindi ko pwedeng sabihin sa kanya. Kung gagawin ko iyon, baka may mga hindi magandang maging resulta. Baka ipagkalat niya sa iba ang mga pribadong bagay tungkol sa akin nang hindi ko nalalaman. Kapag nangyari iyon ay pagtatawanan ako ng lahat, at sino ang nakaaalam kung anong mga kuwento ang gagawin niya upang siraan ako.” Mangangahas ka bang makipag-usap sa isang taong tulad niyan? Hindi mo malalaman kung ano mismo ang makakaya niyang gawin. Hindi lamang na maaaring hindi ka niya tulungan o suportahan, kundi maaari pa niyang guluhin ang mga pribadong bagay tungkol sa iyo, at linlangin at ipahamak ka. Mangangahas ka bang magtapat sa kanya? Sa oras na ito, mapagtatanto mo kung gaano kaimportante, kahalaga at katangi-tangi ang mabubuting tao, at na mas may halaga ang pagiging isang mabuting tao kaysa pagiging iba pang uri ng tao. Maaari pa ngang kahit ang iyong mga magulang ay hindi tunay na maunawaan ang iyong mga paghihirap at pangangailangan kapag ikaw ay nagdurusa at nasasaktan, at hindi nila magagawang mapalubag ang iyong kalooban. May ilang anak na nagsisikap nang husto at na tumatanggap ng mga trabaho sa labas ng tahanan—sa partikular, kinakailangan ng ilang kababaihan na makuha ang pabor ng kanilang mga amo o ibenta pa nga ang kanilang katawan para lamang kumita nang kaunti—at hindi man lamang nagtatanong ang kanilang mga magulang kung gaano kahirap para sa kanilang mga anak ang magtrabaho sa labas ng kanilang tahanan o kung gaano kahirap para sa kanila ang kumita ng pera. Nagrereklamo pa nga sila kung ang kanilang mga anak ay hindi nag-uuwi ng maraming pera, at inihahambing pa nila ang mga ito sa iba. Ano ang nararamdaman ng kanilang mga anak dahil dito? (Malungkot, nalulumbay.) Nawawalan sila ng pag-asa. Nadarama nila na ang mundo ay isang madilim na lugar, at na maging ang sarili nilang mga magulang ay gayon din, at iniisip nila kung paano sila magpapatuloy na mabuhay. Kaya dapat kang maging isang mabuting tao. Kailangan ng bawat isa ang isang mabuting tao. At paano dumarating ang mabubuting tao? Sila ba ay basta na lamang bumabagsak mula sa langit? Sila ba ay sumisibol mula sa lupa? Mayroon bang isang hayop na kung saan sila ay nagmumula? Sila ba ay mga produkto ng edukasyon ng mga kilalang eskuwelahan? O mga produkto ng paglinang ng asetikong relihiyon? Hindi, wala ni isa man sa mga paliwanag na ito ang tama, ang lahat ng ito ay hindi maaaring mangyari kailanman. Maaari lamang maging isang mabuting tao ang isang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos. Ang mabubuting tao ay hindi sumisibol sa pamamagitan ng biglaang pagbabago ng mga tiwaling tao—ang mga tao ay dapat na manampalataya sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas, dapat nilang hangarin ang katotohanan, kamtin ang gawain ng Banal na Espiritu, at magawang perpekto upang sila ay maging mabubuting tao. Kailangan ng bawat isa ang isang mabuting tao sa kanyang tabi bilang isang kaibigan at mapagsasabihan ng lihim. Sabihin mo sa Akin, kailangan din ba sila ng Diyos? (Oo.) Kailangan ng Diyos ang mabubuting tao, at kailangan din ng mga tao ang mabubuting tao. Ano ang magiging epekto sa iyo kung mauunawaan mo ang bagay na ito? Dapat na taglayin mo ang determinasyong ito at ang pagnanais na ito na magsikap upang maging isang mabuting tao. Kung sinasabi mo, “Ang maging isang mabuting tao ay mahirap at nakakapagod, ngunit dapat na taglayin ko ang determinasyon na magsikap tungo sa pagiging isang mabuting tao. Kailangang-kailangan ng mga tao ang mabubuting tao, at kailangan ko rin ng mabubuting tao. Kaya ako mismo ay magiging isang mabuting tao muna, at tutulungan at susuportahan ko ang iba, at magsisikap ako na tulungan ang Diyos na makamit ang mas marami pang mabubuting tao,” kung gayon ito ay tama. Kung ang bawat isa ay magsisikap na maging isang mabuting tao, magkakaroon ng pag-asa para sa sangkatauhan. Maaaring sabihin mo, “Ang sangkatauhan ay labis na tiwali at masama. Walang silbi kung iilan lamang na mananampalataya ng Diyos ang mabubuting tao. Sila ay matatabunan pa rin dahil napakaraming masamang tao.” Kalokohan na ito ay sabihin. Nananampalataya ka sa Diyos upang magkamit ng kaligtasan. Kung ikaw ay magiging isang mabuti at matuwid na tao, ikaw ay pagpapalain ng Diyos. Kahit gaano pa kasama at katiwali ang mga tao, may mga paraan ang Diyos upang iwasto sila. Hindi kailangang mag-alala ang mga tao tungkol dito. Kailangan mo lang na ituon ang iyong pansin sa paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang naaayon sa Kanyang mga layunin. Walong katao lamang ang naligtas sa huli nang gawin ni Noe ang arka. Ang lahat ng hindi nanampalataya sa mga salita ng Diyos at hindi lumakad sa tamang landas ay nalipol sa huli sa pamamagitan ng baha na pinangyari ng Diyos. Ito ay isang kinikilalang katotohanan. Bakit ba hindi mo magawang kilalanin ang pagiging makapangyarihan ng Diyos? Bakit hindi mo magawang kilalanin na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos? Kapag tinapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, kahit gaano karaming tao ang magkamit ng kaligtasan, ang kapanahunang ito ay dapat nang magwakas. Ang malalaking kalamidad ay dapat nang dumating, at aayusin ng Diyos ang lahat ng mga problemang ito. Hinahangad mo ang katotohanan at ikaw ay nagiging isang matuwid na tao para sa sarili mong kapakanan—may kapakinabangan ito sa iyo at may kapakinabangan din ito sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi nakakamtan ng mabubuti kung ano ang nararapat sa kanila,” ngunit ito ay mali. Yaong mga naghahangad sa katotohanan, sa huli, ay magkakaroon ng kanilang lugar sa kaharian ng langit, at kahit gaano pa umunlad ang masasama sa mundo, lahat sila ay lilipulin sa huli at itatapon sa impiyerno. Kaya, parehong makakamtan ng mabubuti at ng masasama kung ano ang nararapat sa kanila, hindi ba? Ano ang sinasabi sa Bibliya? “Ang Aking gantimpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa” (Pahayag 22:12).

Sa totoo lang, ang mga bagay na ginawa ni Job na nakatala sa Aklat ni Job ay napakaliit na espasyo lamang ang inookupa, ang mga ito ay napakasimple, at hindi ganoon karami ang mga ito. Ngunit dapat ay makahanap ka ng mga pahiwatig sa mga ginawa ni Job, at dapat mong makita ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa ni Job sa pagiging isang mabuting tao. Una sa lahat, ano ang prinsipyo ni Job tungkol sa pakikitungo niya sa kanyang mga anak at sa mga pinakamalapit sa kanya? Ito ay ang hindi magbatay sa kanyang pagmamahal, kundi ang umayon sa mga prinsipyo. Hindi siya magkakasala sa Diyos dahil sa mga bagay na nangyari. Ito ang unang pamantayan ng kanyang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama—ito ay nagsimula sa kanyang pakikitungo sa mga miyembro ng sarili niyang pamilya. Pangalawa, naroon ang kanyang pagtrato sa kanyang mga ari-arian. Alam ni Job na, bagamat ang kanyang mga ari-arian ay pawang mga makamundong pag-aari, ang mga ito ay nagmula sa Diyos at ipinagkaloob ng Diyos sa kanya at sa pamamagitan nito ay pinagpala siya ng Diyos. Dapat na maingat at maayos na pamahalaan at pangasiwaan ng mga tao ang mga ito. Ang maayos na pangangasiwa sa mga ito ay hindi nangangahulugan na ang mga ito ay inaari o tinatamasa nang may kasakiman, at hindi ito nangangahulugan na mabuhay para sa mga bagay na ito; nangangahulugan ito na pinasasalamatan ang Diyos para sa mga ito, na nakikita ang pangangasiwa ng kamay ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, at nakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito. Kapag kilala ng mga tao ang Diyos, magagawa nilang magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at ito talaga ang pinakamahalagang pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Kung makakaya mong umayon sa mga prinsipyo sa iyong pakikitungo sa iba, ngunit hindi mo kayang magpasakop sa Diyos, ikaw ba talaga ay nagiging isang mabuting tao? Hindi, hindi ka nagiging isang mabuting tao. Gayundin, sa kanyang pagtrato sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, nagawa ni Job na magpasakop sa lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Kasama sa mga pagsasaayos ng Diyos ang Kanyang pagkakait at ang Kanyang mga pagsubok. Kung minsan, ang Diyos ay nagkakait, kung minsan Siya ay nanunubok. Ano ang kasama sa Kanyang mga pagsubok? Kung minsan ay maaari Ka niyang bigyan ng karamdaman, o idulot Niya na mangyari sa iyong pamilya ang ilang hindi magagandang bagay, o maaaring idulot Niya na maharap ka sa ilang mga paghihirap, at pagpupungos, at na maituwid, madisiplina, mahatulan, at makastigo ka Niya sa panahon ng pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang lahat ng ito ay mga pagsasaayos ng Diyos—at paano mo dapat na harapin ang mga ito? Kung hindi mo kayang magpasakop sa mga ito, at paulit-ulit mong nais na takasan ang mga ito, hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos. Dagdag pa rito, dapat na maging tapat ang mga tao sa pagharap nila sa kanilang mga tungkulin. Dapat nilang ipakita ang kanilang katapatan. Ano ang ibig sabihin ng katapatan dito? Ibig sabihin nito na iniaalay nila ang lahat ng makakaya nila at ang lahat ng pag-aari nila. Iyan ang katapatan! Ito ang pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Kung mayroong isa sa inyo ngayon na gaya ni Job—hindi kailangan ng mas marami, isa lang—magkakaroon kayo ng isang haligi mula sa inyo. Kapag mayroong mangyari sa inyo, siya ay magsisilbi bilang inyong huwaran sa lahat ng pagkakataon. Kailangan ninyo lamang gawin kung ano ang kanyang ginawa, at kalaunan ay magbabago kayo. Patuloy kayong bubuti, mula sa inyong mga kaisipan hanggang sa inyong mga gawa, mula sa paghahanap ng katotohanan hanggang sa pagsasagawa nito. Ang inyong kalagayan ay aangat nang todo, gumagalaw sa isang positibong direksyon, at hinahayaan kayong mag-umpisa sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng ilang taon sa ganitong paraan, magagawa rin ninyong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan gaya ni Job, at maging isang perpektong tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.