Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Recital-kingdom-selection-5
Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mga Kategorya

Recital-the-word-appears-in-the-flesh-6
Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)

Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos

Ikalawang bahagi

Bagaman Nakatago ang Galit ng Diyos at Nakalihim sa Tao, Hindi Nito Kinukunsinti ang Pagkakasala

Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng hangal at mangmang na sangkatauhan ay pangunahing nakabase sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang galit ay nakatago sa lubhang napakalaking bahagi ng panahon at ng mga bagay-bagay; nakalihim ito sa tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang galit, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang galit. Dahil dito, minamagaan ng tao ang galit ng Diyos. Kapag humarap na ang tao sa huling gawain ng Diyos at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao–iyan ay, kapag ang huling pagkakataon ng kaawaan ng Diyos at huling babala Niya ay makaabot sa kanila–kung gagamitin pa rin nila ang parehong mga paraan ng pagsalungat sa Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali o tanggapin ang Kanyang kaawaan, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pagtitiyaga sa kanila. Sa kabaligtaran, ito ay ang panahon na babawiin na ng Diyos ang Kanyang kaawaan. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang galit. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang galit sa iba’t ibang mga paraan, kung paanong maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.

Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o isang bagay. Ang pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay nagwasak ng higit pa sa kanilang mga pisikal na katawan; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, mga kaluluwa at mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay hindi na iiral sa kapwa mundong materyal at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung saan ibinubunyag ng Diyos at ipinadarama ang Kanyang galit. Ang paraan ng pagbubunyag at pagpapadamang ito ay isang aspeto ng nilalaman ng galit ng Diyos, gayun din, ito ay likas na pagbubunyag ng nilalaman ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit, hindi Niya ibinubunyag ang anumang kaawaan o kagandahang loob, ni hindi na Niya ipakikita pa ang Kanyang pagpapaubaya o pagtitiyaga; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Sa lugar ng mga bagay na ito, walang isa mang sandaling pag-aalinlangan, ipadadala ng Diyos ang Kanyang galit at kamahalan, gagawin kung ano ang Kanyang ninanasa, at isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga hangarin. Ito ang paraan kung saan ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit at kamahalan, na hindi dapat pagkasalahan ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila maramdaman ang Kanyang galit, makita ang Kanyang kamahalan o madama ang hindi Niya pagpapaubaya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagbubunsod sa mga tao na maniwala na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay tanging pagkaawa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinapootan ang sangkatauhan, ang Kanyang galit sa pagwasak ng tao at ang Kanyang kamahalan ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa gitna ng mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang pakialaman ito o antigin ito; at higit sa lahat, hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat kilalaning pinakamabuti ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo lamang ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo lamang ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng disposisyon. Ang Diyos ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagrerebelde at sa mga masamang gawa ni Satanas–pagsira at paglamon sa sangkatauhan–sapagka’t kinasusuklaman Niya ang lahat ng mga gawa ng kasalanan sa paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng katiyagaan at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan–isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.

Ang Galit ng Diyos ay Isang Pananggalang sa Lahat ng Makatarungang mga Puwersa at Lahat ng Positibong mga Bagay

Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga halimbawang ito ng pananalita, kaisipan at mga kilos ng Diyos, makakaya mo kayang unawain ang matuwid na disposisyon ng Diyos, isang disposisyon na hindi maaaring saktan? Sa katapusan, ito ay isang aspeto ng disposisyon na natatangi sa Diyos Mismo, hindi alintana kung gaano man ang kayang unawain ng tao. Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang bukod-tanging sangkap; ang galit ng Diyos ang Kanyang bukod-tanging disposisyon; ang kamahalan ng Diyos ang Kanyang bukod-tanging sangkap lamang. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay naglalarawan sa pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang banggitin ng sinuman na ito ay sagisag rin ng nilalaman ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na nilalaman. Hindi ito nagbabago kahit kailan sa pagdaan ng panahon, ni magbago man kapag nagbabago ang lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na nilalaman. Hindi alintana kung kanino man Niya iniuukol ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang nilalaman, at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginalit ng isang tao ang Diyos, yaong Kanyang ipinadadala ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, ni maging ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at estado. Hindi Siya nagagalit dahil may nagbago sa Kanyang nilalaman o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang pagsalungat ng tao sa Kanya ay nakakasakit sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at estado ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos–na kung kailan din nagiging laganap ang kasalanan–ang galit ng Diyos ay natural na mabubunyag at makikita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang galit ay sumisimbulo na lahat ng mga puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; sumisimbulo ito na ang lahat ng mga puwersang salungat ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ang pagiging natatangi ng galit ng Diyos. Kapag hinamon ang dignidad at kabanalan ng Diyos, kapag ang makatarungang mga puwersa ay hinadlangan at hindi nakita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang galit. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng mga puwersa sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; nagmula at kabilang sila kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, nasa liwanag at walang-bahid na banal, lahat ng mga bagay na masama, tiwali at kabilang kay Satanas ay maglalaho sa pagpapakawala ng galit ng Diyos.

Bagaman ang pagbuhos ng galit ng Diyos ay isang aspeto ng pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon, ang galit ng Diyos ay siguradong walang kinikilingan kung sino ang puntirya Nito o hindi ito walang prinsipyo. Sa kabaligtaran, hindi naman kahit kailan madaling magalit ang Diyos, ni padalus-dalos na ibinubunyag ang Kanyang galit at Kanyang kamahalan. Dagdag pa rito, ang galit ng Diyos ay lubhang kontrolado at sukat; hindi ito maikukumpara kahit kailan sa kung paanong ang tao ay magsisiklab sa isang matinding poot o magbubulalas ng kanyang galit. Maraming pag-uusap sa pagitan ng tao at ng Diyos ang nakatala sa Biblia. Ang mga sinasabi ng ilan sa mga inidibiduwal na ito ay mabababaw, walang alam, at parang bata, nguni’t hindi sila pinabagsak ng Diyos, ni hinatulan man. Isang halimbawa, sa panahon ng pagsubok kay Job, paano pinakitunguhan ng Diyos na si Jehovah ang tatlong kaibigan ni Job at ang iba pa pagkatapos Niyang marinig ang mga salitang kanilang sinabi kay Job? Hinatulan ba sila ng Diyos? Nagsiklab ba Siya sa matinding pagkagalit sa kanila? Wala Siyang ginawang ganoon! Sa halip sinabi Niyang makiusap si Job sa kanila, na ipanalangin sila; sa kabilang banda, hindi dinamdam ng Diyos sa Kanyang puso ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga pangyayaring ito ay kumakatawan lahat sa pangunahing gawi kung paanong pinakikitunguhan ng Diyos ang tiwali, mangmang na sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapakawala ng galit ng Diyos ay hindi isang pagpapahayag o paglalabas ng Kanyang nararamdaman. Ang galit ng Diyos ay hindi isang ganap na pagsabog ng poot gaya nang pagkaunawa ng tao rito. Hindi pinakakawalan ng Diyos ang Kanyang galit dahil sa hindi Niya kayang kontrolin ang Kanyang sariling damdamin o dahil ang Kanyang galit ay nakaabot na sa Kanyang punto ng pagkulo at dapat nang ilabas. Sa kabaligtaran, ang Kanyang galit ay pagpapakita ng Kanyang matuwid na disposisyon at isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon; ito ay isang sumasagisag na pagbubunyag ng Kanyang banal na diwa. Ang Diyos ay galit, hindi kinukunsinti ang pagkakasala– hindi nito sinasabi na ang galit ng Diyos ay hindi kumikilala sa gitna ng mga dahilan o walang prinsipyo; ang tiwaling sangkatauhan ang tanging nag-aangkin sa walang prinsipyo, walang-katiyakang pagbulalas ng matinding galit na hindi kumikilala sa gitna ng mga dahilan. Sa sandaling magkaroon na ng estado ang isang tao, madalas ay nahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya masisiyahan siyang samantalahin ang mga pangyayari upang ipahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan at ilabas ang kanyang mga damdamin; madalas siyang sumisiklab sa matinding galit kahit walang malinaw na dahilan, upang ibunyag lamang ang kanyang abilidad at malaman ng ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang indibiduwal na mga benepisyo. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas ilabas ng tiwaling sangkatauhan ang kanilang mga damdamin at ibunyag ang kanilang mayabang na kalikasan. Ang tao ay sisiklab sa galit at ilalabas ang kanyang mga damdamin upang maipagtanggol ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan ng tao upang maipahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan. Ang mga aksyong ito ay puno ng karumihan; puno ang mga ito ng mga balak at mga intriga; puno ang mga ito ng katiwalian at kasamaan ng tao; higit pa rito, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nilabanan ng katarungan ang kasamaan, hindi sisiklab sa galit ang tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan; kasalungat nito, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganib, inusig at nilusob, ang gawi ng tao ay isa ng di-pagpansin, pag-iwas o pag-urong. Subali’t, kapag nakaharap naman sa mga puwersa ng kasamaan, ang gawi ng tao ay isa ng pagtustos, at pagyuko at pagkudkod. Samakatuwid, ang paglalabas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kasamaan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi-mapigil na masamang ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit, gayon pa man, lahat ng mga puwersa ng kasamaan ay mapahihinto; lahat ng mga kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapatitigil; lahat ng mga puwersa ng kalaban na humahadlang sa gawain ng Diyos ay ipakikita, ihihiwalay at susumpain; lahat ng mga kasabwat ni Satanas na sumasalungat sa Diyos ay parurusahan, bubunutin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano sa pamamahala ng Diyos ay magpapatuloy sa pag-unlad nang unti-unti ayon sa nakatakda; magiging malaya sa panggugulo at pandaraya ni Satanas ang bayang pinili ng Diyos; masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa gitna ng tahimik at mapayapang kapaligiran yaong mga sumusunod sa Diyos. Ang galit ng Diyos ay isang sanggalang na pumipigil sa lahat ng mga puwersa ng kasamaan mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong sanggalang na nag-iingat sa pagkakaroon at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay at walang-hanggang babantayan sila mula sa pagkasupil at pagkawasak.

Nakikita ba ninyo ang nilalaman ng galit ng Diyos sa Kanyang pagwasak sa Sodoma? May nakasama bang iba sa Kanyang sobrang pagkagalit? Ang sobra bang pagkagalit ng Diyos ay dalisay? Sabi nga ng tao, wala bang halo ang galit ng Diyos? Mayroon bang anumang daya sa likod ng Kanyang galit? Mayroon bang anumang sabwatan? Mayroon bang hindi-masabing mga sikreto? Masasabi ko sa inyo nang matigas at taimtim: Walang bahagi sa galit ng Diyos na magsasanhi upang magduda ang isang tao. Dalisay ang Kanyang galit, walang-halong galit at walang kinakandiling ibang mga hangarin o mga layunin. Ang dahilan ng Kanyang galit ay dalisay, walang-bahid at hindi mapipintasan. Isa itong likas na pagbubunyag at pagpapakita ng Kanyang banal na diwa; isa itong bagay na hindi taglay ng mga nilikha. Bahagi ito ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ay isa ring kitang-kitang pagkakaiba sa pagitan ng sunurang mga diwa ng Maylalang at Kanyang nilalang.

Hindi alintana kung magalit man ang isang tao sa harapan ng iba o sa kanilang likuran, ang bawa’t isa ay may iba’t ibang hangarin at layunin. Marahil ay itinatayo nila ang kanilang karangalan, o maaaring ipinagtatanggol nila ang kanilang pansariling mga kagustuhan, pinapanatili ang kanilang imahe o iniingatan ang kanilang mukha. May ilang nagsasanay ng pagpigil sa kanilang galit, samantalang ang iba ay mas mapusok at sumisiklab sa labis na galit sa tuwing nais nila nang walang kahit katiting na pagpipigil. Sa madaling salita, ang galit ng tao ay nagmumula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ano man ang layunin nito, mula ito sa laman at sa kalikasan; wala itong kinalaman sa katarungan o kawalang-katarungan sapagka’t walang anuman sa kalikasan at diwa ng tao ang umaayon sa katotohanan. Samakatuwid, ang galit ng tiwaling sangkatauhan at ang galit ng Diyos ay hindi dapat banggitin sa parehong sukatan. Walang malilisan, ang gawi ng isang tao na sinira ni Satanas ay nagsisimula sa pagnanais na pangalagaan ang katiwalian, at ito ay batay sa katiwalian; sa gayon ang galit ng tao ay hindi maaaring banggitin gaya ng pagbanggit sa galit ng Diyos, kahit gaano man kawasto ito kung tingnan sa teorya. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding pagkapoot, nahihinto ang mga puwersa ng kasamaan, nawawasak ang masasamang mga bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit dahil ang hindi-makatarungan, negatibo at masasamang mga bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layunin ng galit ng Diyos ay hindi para protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi para ingatan ang pagkakaroon ng makatarungan, positibo, maganda at mabubuting bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang ugat na dahilan ng pagkagalit ng Diyos. Ang labis na pagkagalit ng Diyos ay napakawasto, likas at tunay na pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Walang mga hangarin sa likod ng Kanyang labis na pagkapoot, ni pandaraya man o pagbabalak; o higit sa lahat, ang Kanyang pagkapoot ay walang taglay na pagnanasa, panlilinlang, malisya, karahasan, kasamaan o anumang bagay na ibinabahagi ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang labis na pagkapoot, napansin na Niya ang diwa ng bawa’t bagay nang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak, malinaw na mga pakahulugan at mga konklusyon. Sa gayon, ang layunin ng Diyos sa bawa’t bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad ng Kanyang pag-uugali. Hindi natataranta ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag; hindi Siya mapusok; hindi Siya padalus-dalos; higit pa, may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng galit ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng galit ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang galit ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga kalagayan ng pamumuhay na hindi karaniwan; ang lahat ng mga bagay na matuwid, maganda at mabubuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang galit ng Diyos, ang mga batas at kaayusan na nagpapatakbo sa sangnilikha ay masisira o maaaring tuluyang bumagsak. Simula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagka’t ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng galit at kamahalan, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay, kaganapan at lahat ng mga bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak dahil sa Kanyang galit. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marumi at masamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at tagapagpatupad ni Satanas sa Kanyang trabaho ng pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging nauuna ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng galit ng Diyos, ang pinakamatuwid na gawain sa kalagitnaan ng mga tao ay hindi kailanman nawasak.

Ngayon na may pagkaunawa na kayo sa nilalaman ng galit ng Diyos, dapat tiyak na may mas mabuti na kayong pagkaunawa sa kung paano kikilalanin ang kasamaan ni Satanas!

Bagaman si Satanas ay Mukhang Makatao, Makatarungan at Mabuti, Ito ay Malupit at Masama sa Diwa

Napanalunan ni Satanas ang katanyagan nito sa pamamagitan ng pandaraya sa mga tao. Madalas nitong itinatatag ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng pagkamatuwid. Sa ilalim ng bandila ng pagbabantay sa pagkamatuwid, pinipinsala nito ang tao, nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at ginagamit ang lahat ng mga pamamaraan upang pamanhirin, dayain, at sulsulan ang tao. Ang layunin nito ay pasang-ayunin ang tao at pasunurin sa masamang pag-uugali nito, upang isama ang tao sa paglaban sa awtoridad ng Diyos at pamumuno. Gayunman, kapag naging marunong na ang isang tao hinggil sa mga pagbabalak, pakana at kasuklam-suklam na mga palabas nito at ayaw nang magpatuloy na tapak-tapakan at lokohin nito o patuloy na alipinin nito, o maparusahan at mawasak na kasama nito, binabago ni Satanas ang sinusundang malasantong palabas nito at pinupunit ang huwad na maskara nito upang ibunyag ang tunay na masama, malisyoso, pangit at mabagsik na mukha nito. Wala itong ibang nais kundi lipulin ang lahat ng mga yaong tumatangging sumunod dito at yaong mga lumalaban sa masasama nitong mga puwersa. Sa pagkakataong ito, hindi na makapagpapakita si Satanas ng isang mapagkakatiwalaan, maginoong anyo; sa halip, mabubunyag ang tunay na pangit at maladiyablong anyo nito sa likod ng pag-aanyong tupa. Sa sandaling mahayag sa liwanag ang mga pamamaraan ni Satanas, sa sandaling malantad ang tunay nitong anyo, magpupuyos ito sa labis na pagkapoot at ilalantad ang kalupitan nito; ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang mga tao ay lalo lamang titindi. Ang dahilan nito ay sumiklab ito sa galit dahil sa pagkagising ng tao; nagbubuo ito ng isang malakas na paghihiganti laban sa tao dahil sa kanilang hangarin na manabik sa kalayaan at kaliwanagan, at makawala mula sa kulungan nito. Ang labis na poot nito ay naglalayong ipagtanggol ang kasamaan nito at ito rin ay isang tunay na pagbubunyag ng malupit na kalikasan nito.

Sa bawa’t pagkakataon, inilalantad ng gawi ni Satanas ang masamang kalikasan nito. Mula sa lahat ng mga masasamang gawa na dinala ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na dayain ang tao upang sundin ito, hanggang sa panggagamit nito sa tao, kung saan ay kinakaladkad nito ang tao tungo sa masasama nitong gawa, at paghihiganti ni Satanas tungo sa tao matapos malantad ang tunay nitong mga anyo at nakilala at tinalikdan ito ng mga tao—wala kahit isa ang nabigong ilantad ang masamang diwa ni Satanas; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang mga bagay. Ang bawa’t isa sa mga kilos nito ay pangangalaga sa kasamaan nito, pagpapanatili sa pagpapatuloy ng masasamang mga gawa nito, pagkalaban sa matuwid at positibong mga bagay, pagsira sa mga batas at kaayusan ng karaniwang pag-iral ng sangkatauhan. Ang mga ito ay napopoot sa Diyos at ang mga ito ang wawasakin ng galit ng Diyos. Bagaman si Satanas ay may sariling pagkapoot, ang poot nito ay isang pamamaraan upang mailabas ang masamang kalikasan nito. Ang dahilan kung bakit si Satanas ay naiinis at galit na galit ay: Nalantad ang di-masambit na mga pamamaraan nito; ang mga lihim na balak nito ay hindi madaling takasan; ang marahas na mithiin at pagnanasa nito na palitan ang Diyos at kumilos bilang Diyos ay nasira at nahadlangan; ang layunin nitong kontrolin ang buong sangkatauhan ay hindi nangyari at hindi na kailanman matutupad. Ang paulit-ulit na pagtawag ng Diyos sa Kanyang galit ang nagpahinto sa pagsasakatuparan ng mga balak ni Satanas at pumigil sa pagdami at paglaganap ng kasamaan ni Satanas; kaya kapwa kinamumuhian at kinatatakutan ni Satanas ang galit ng Diyos. Ang bawa’t paglalapat ng galit ng Diyos ay hindi lamang naglalantad sa tunay na kasuklam-suklam na anyo ni Satanas; inilalantad din nito ang masasamang mga pagnanasa ni Satanas sa liwanag. Kasabay nito, ang mga dahilan ng labis na pagkapoot ni Satanas laban sa sangkatauhan ay ganap nang nailantad. Ang pagsabog ng labis na poot ni Satanas ay isang tunay na pagbubunyag ng masamang kalikasan nito, isang paglalantad ng mga pamamaraan nito. Siyempre, sa bawa’t pagsiklab ng galit ni Satanas, ipinahahayag nito ang pagkawasak ng masasamang mga bagay; ipinahahayag nito ang proteksyon at pagpapatuloy ng mga positibong bagay, at ipinahahayag nito ang kalikasan ng galit ng Diyos—ang hindi kayang saktan!

Hindi Dapat Umasa ang Tao sa Karanasan at Imahinasyon upang Malaman ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos

Kapag nakita mo ang iyong sarili na nakaharap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, sasabihin mo kaya na may halo ang salita ng Diyos? Sasabihin mo kayang may kasinungalingan sa likod ng pagkapoot ng Diyos, at ang Kanyang pagkapoot ay may halo? Sisiraan mo ba ang Diyos, sasabihing ang Kanyang disposisyon ay hindi naman kailangang lubos na matuwid? Kapag nakikitungo sa bawa’t isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya ang matuwid na disposisyon ng Diyos mula sa anumang ibang mga elemento, na ito ay banal at walang kapintasan; kasama sa mga gawang ito ang pagpapabagsak, pagpaparusa at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang malilisanan, ang bawa’t isa sa mga gawa ng Diyos ay nangyari sa mahigpit na pag-ayon sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama dito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan—at ang bawa’t isa sa mga gawa ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa mga pagkaintindi ng tao, tanging ang pag-ibig ng Diyos, kaawaan at pagpapaubaya sa tao ang walang-bahid, walang-halo at banal. Gayunman, walang nakaaalam na ang labis na poot ng Diyos at ang Kanyang galit ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapagmuni-muni ng mga tanong tulad ng bakit hindi kinukunsinti ng Diyos ang pagkakasala o bakit ang Kanyang labis na galit ay napakalaki. Sa kabaligtaran, napagkakamalan ng ilan ang galit ng Diyos na damdamin ng tiwaling sangkatauhan; ang pagkaunawa nila sa galit ng Diyos ay labis na pagkapoot ng tiwaling sangkatauhan; buong pagkakamali rin nilang ipinalalagay na ang labis na poot ng Diyos ay katulad lamang ng likas na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Nagkamali sila sa paniniwala na ang pagpapadala ng galit ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling sangkatauhan, na nagmumula sa sama ng loob; naniniwala pa sila na ang pagpapadala ng galit ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang damdamin. Pagkatapos ng pagsasamahang ito, umaasa ako na ang bawa’t isa sa inyo na narito ay hindi na magkakaroon ng anumang mga maling pagkaintindi, mga guni-guni o mga pag-aakala tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at umaasa Ako na pagkatapos ninyong marinig ang Aking mga salita, magkakaroon na kayo sa inyong mga puso ng tunay na pagkakilala tungkol sa galit ng matuwid na disposisyon ng Diyos, na maisasantabi na ninyo ang anumang nakaraang maling pagkaunawa sa galit ng Diyos, na kaya na ninyong baguhin ang inyong mga maling paniniwala at mga pananaw tungkol sa diwa ng galit ng Diyos. Dagdag pa rito, umaasa Ako na magkakaroon na kayo ng tumpak na pakahulugan sa disposisyon ng Diyos sa inyong mga puso, na hindi na kayo magkakaroon pa ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi na ninyo ipagpupumilit ang anumang pantaong pagmamatuwid o imahinasyon tungo sa tunay na disposisyon ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang tunay na sariling diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong mga relasyon o mga pagkatali sa alinman sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkilala sa Diyos ay hindi pagkilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni pag-unawa sa isang tao. Kapag ginagamit mo ang iyong kaisipan o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi mo kailanman makakayang maabot ang kaalaman ng Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan; bukod dito, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaugma sa tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging paraan ay ganito: tanggapin lahat ang nagmumula sa Diyos at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong kooperasyon at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan. At sa pamamagitan nito, tatapusin na natin ang bahaging ito ng ating pag-uusap.

0(Mga) Resulta ng Paghahanap