Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili (Ikalawang Bahagi)

Sunod, pag-usapan natin ang ikaapat na uri ng disposisyon. Kapag nagtitipon, kaya ng ilang tao na magbahagi nang kaunti tungkol sa sarili nilang mga kalagayan, pero pagdating sa diwa ng mga isyu, sa mga personal nilang motibo at ideya, nagiging palaiwas na sila. Kapag inilantad sila ng mga tao bilang may mga motibo at mithiin, tila tumatango sila at inaamin ang mga ito. Pero kapag sinubukan ng mga tao na ilantad o suriin pa nang mas malalim ang anumang bagay, hindi nila ito makayanan, tumatayo sila at umaalis. Bakit sila tumatakas sa napakahalagang oras? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ayaw nilang harapin ang sarili nilang mga problema.) Isa itong problema ng disposisyon. Kapag ayaw nilang tanggapin ang katotohanan upang malutas ang mga problemang nasa loob nila, hindi ba’t nangangahulugan ito na nayayamot sila sa katotohanan? Anu-anong uri ng sermon ang pinakaayaw marinig ng ilang lider at manggagawa? (Ang mga sermon tungkol sa kung paano matukoy ang mga anticristo at huwad na lider.) Tama. Iniisip nila, “Ang lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa pagtukoy sa mga anticristo at huwad na lider, at tungkol sa mga Pariseo—bakit ninyo ito tinatalakay masyado? Nababagabag ninyo ako.” Pagkatapos marinig na pag-uusapan ang pagtukoy sa mga huwad na lider at manggagawa, naghahanap sila ng anumang palusot para umalis. Ano ang ibig sabihin ng “umalis” dito? Tumutukoy ito sa pagtakas, sa pagtatago. Bakit nila sinusubukang magtago? Kapag nagsasabi ang ibang tao ng mga katunayan, dapat kang makinig: Makabubuti sa iyo ang makinig. Pansinin mo ang mga bagay na masakit pakinggan o mahirap tanggapin para sa iyo; pagkatapos, dapat mong madalas na pag-isipan ang mga ito, dahan-dahang tanggapin ang mga ito, at dahan-dahan kang magbago. Kaya bakit magtatago? Pakiramdam ng mga ganitong tao ay masyadong malupit at hindi madaling pakinggan ang mga salitang ito ng paghatol, kaya umuusbong sa kalooban nila ang paglaban at kawalan ng pakialam. Sinasabi nila sa sarili nila, “Hindi ako anticristo o huwad na lider—bakit ako patuloy na pinag-uusapan? Bakit hindi ninyo pag-usapan ang ibang tao? Magsabi kayo ng tungkol sa pagtukoy sa masasamang tao, huwag ako ang pag-usapan ninyo!” Nagiging palaiwas sila at palasalungat. Anong disposisyon ito? Kung ayaw nilang tanggapin ang katotohanan, at palagi silang nangangatwiran at nakikipagtalo upang depensahan ang kanilang sarili, hindi ba’t mayro’ng problema ng tiwaling disposisyon dito? Disposisyon ito ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Mayroong ganitong kalagayan ang mga lider at manggagawa, kaya paano naman ang mga ordinaryong kapatid? (Mayroon din sila.) Kapag unang nagkakakilala ang lahat, lahat sila ay napakamapagmahal at masayang-masaya na ulitin ang mga salita ng doktrina. Tila ba lahat sila ay minamahal ang katotohanan. Pero pagdating sa mga personal na problema at tunay na paghihirap, maraming tao ang nagiging manhid. Halimbawa, palaging napipigilan ng kasal ang ilang tao. Umaayaw silang gawin ang isang tungkulin o hangarin ang katotohanan, at ang kasal ang kanilang nagiging pinakamalaking sagabal at pinakamabigat na pasanin. Sa mga pagtitipon, kapag nagbabahaginan ang lahat tungkol sa kalagayang ito, ikinukumpara nila sa sarili nila ang mga pagbabahaging binibigkas ng iba at pakiramdam nila ay sila ang tinutukoy ng mga ito. Sinasabi nila, “Wala akong problema sa pagbabahagi ninyo ng katotohanan, pero bakit ninyo ako binabanggit? Wala ba kayong anumang mga problema? Bakit ako lang ang pinag-uusapan ninyo?” Anong disposisyon ito? Kapag nagtitipon kayo para pagbahaginan ang katotohanan, kailangan ninyong suriin ang mga totoong isyu at hayaan ang lahat na magsalita tungkol sa kanilang pagkaunawa sa mga problemang ito; saka lamang ninyo magagawang makilala ang inyong sarili at malutas ang inyong mga problema. Bakit ba hindi ito matanggap ng mga tao? Anong disposisyon iyon kapag hindi kayang tanggapin ng mga tao na mapungusan at maiwasto sila, at hindi nila matanggap ang katotohanan? Hindi ba’t dapat ninyo itong malinaw na makilala? Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng pagiging nayayamot sa katotohanan—ito ang diwa ng problema. Kapag nayayamot ang mga tao sa katotohanan, napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan—at kung hindi nila matanggap ang katotohanan, maaayos ba ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kaya ang isang taong ganito, isang taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan—kaya ba niyang matamo ang katotohanan? Maililigtas ba siya ng Diyos? Tiyak na hindi. Tapat bang nananalig sa Diyos ang mga taong hindi tinatanggap ang katotohanan? Hinding-hindi. Ang pinakamahalagang aspeto ng mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay na kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan ay ganap na hindi tapat na nananalig sa Diyos. Kaya ba ng mga ganitong tao na umupo nang tahimik sa isang sermon? Nagagawa ba nilang magkamit ng anuman? Hindi. Ito ay dahil ibinubunyag ng mga sermon ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng mga tao. Sa pagsusuri sa mga salita ng Diyos, nagtatamo ng kaalaman ang mga tao, at pagkatapos, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga prinsipyo ng pagsasagawa, binibigyan sila ng isang landas para magsagawa, at sa ganitong paraan ay natatamo ang isang epekto. Kapag naririnig ng ganitong mga tao na ang kalagayang ibinubunyag ay nauugnay sa kanila—na nauugnay ito sa sarili nilang mga isyu—itinutulak sila ng kanilang kahihiyan na mapoot, at maaari pa nga silang tumayo at umalis sa pagtitipon. Kahit pa hindi sila umalis, maaari silang magsimulang mairita at magdamdam, kung magkaganito ay wala nang punto pa para dumalo sila sa pagtitipon o makinig sa sermon. Hindi ba’t ang layunin ng pakikinig sa mga sermon ay ang maunawaan ang katotohanan at malutas ang mga totoong problema ng isang tao? Kung palagi kang natatakot na malantad ang sarili mong mga problema, kung palagi kang natatakot na mabanggit, bakit ka pa nananalig sa Diyos? Kung sa pananampalataya mo ay hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan, hindi ka talaga nananalig sa Diyos. Kung palagi kang natatakot na malantad, paano mo malulutas ang iyong problema ng katiwalian? Kung hindi mo malutas ang iyong problema ng katiwalian, ano pa ang punto ng pananalig sa Diyos? Ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay ang matanggap ang pagliligtas ng Diyos, maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, at maipamuhay ang wangis ng isang tunay na tao, at ang lahat ng ito ay natatamo sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi mo matanggap ang katotohanan ni bahagya, o maging ang maiwasto o mailantad, wala kang paraan para matamo ang pagliligtas ng Diyos. Kaya sabihin mo sa Akin: Sa bawat iglesia, ilan doon ang kayang tanggapin ang katotohanan? Marami ba o kaunti ang mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan? (Marami.) Isa ba itong sitwasyon na talagang umiiral sa mga hinirang ng Diyos sa mga iglesia, isa ba itong totoong problema? Ang lahat ng hindi kayang tanggapin ang katotohanan at hindi kayang tanggapin na maiwasto at mapungusan, ay nayayamot sa katotohanan. Ang pagiging nayayamot sa katotohanan ay isang uri ng tiwaling disposisyon, at kung hindi mababago ang disposisyong ito, maililigtas ba sila? Tiyak na hindi. Sa kasalukuyan, maraming tao ang nahihirapang tanggapin ang katotohanan. Hindi naman talaga ito madali. Para malutas ito, kailangang maranasan ng isang tao ang kaunting paghatol, pagkastigo, pagsubok, at pagpipino ng Diyos. Kaya anong masasabi ninyo: Ano iyong disposisyon kapag hindi kaya ng mga taong tanggapin na mapungusan at maiwasto, kapag hindi nila inihahambing ang sarili nila sa salita ng Diyos o sa mga kalagayang ibinubunyag sa mga sermon? (Isang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan.) Ito ang ikaapat na tiwaling disposisyon: ang pagiging nayayamot sa katotohanan. Gaano sila nayayamot? (Ayaw nilang basahin ang mga salita ng Diyos, o pakinggan ang mga sermon, at ayaw nilang pagbahaginan ang katotohanan.) Ang mga ito ang pinakamalilinaw na pagpapamalas. Halimbawa, kapag sinasabi ng isang tao, “Talagang nananalig ka sa Diyos. Isinantabi mo ang iyong pamilya at karera para gumanap ng tungkulin, at matindi ka nang nagdusa at malaki na ang ibinayad mong halaga sa mga nakalipas na ilang taon. Pinagpapala ng Diyos ang mga ganyang tao. Sinasabi ng salita ng Diyos na labis na pagpapalain ang mga tapat na gumugugol para sa Diyos,” sinasabi mong “amen” at tinatanggap mo ang gayong mga katotohanan. Subalit, kapag sinabi ng taong iyon na, “Pero kailangan mong patuloy na pagsikapan ang katotohanan! Kung palaging may mga motibo ang mga tao sa mga ginagawa nila, at palagi silang nagwawala nang ayon sa sarili nilang mga intensyon, sa malao’t madali ay magkakasala sila sa Diyos at kasusuklaman Niya,” kapag nagsasabi sila ng mga ganitong bagay, hindi mo ito matanggap. Kapag naririnig na pinagbabahaginan ang katotohanan, hindi mo lamang ito hindi matanggap, nagagalit ka pa, at sa isip mo, sumasagot ka: “Buong araw ninyong pinagbabahaginan ang katotohanan, pero wala pa akong nakitang sinuman sa inyo na pumunta sa langit.” Anong disposisyon ito? (Ang pagiging nayayamot sa katotohanan.) Kapag naging pagsasagawa na ang pagsasalita, kapag naging seryoso sa iyo ang mga tao, nagpapakita ka ng sukdulang pag-ayaw, kawalan ng pasensya, at paglaban. Ito ay pagiging nayayamot sa katotohanan. At paano pangunahing naipamamalas ang uri ng disposisyon na pagiging nayayamot sa katotohanan? Sa pagtangging tumanggap ng pagpupungos at pagwawasto. Ang hindi pagtanggap na mapungusan at maiwasto ay isang uri ng kalagayang ipinamamalas ng ganitong uri ng disposisyon. Sa kanilang puso, partikular na palaban ang mga taong ito kapag iwinawasto sila. Iniisip nila, “Ayokong marinig iyan! Ayokong marinig iyan!” o, “Bakit hindi ibang tao ang iwasto? Bakit ako ang pinag-iinitan?” Ano ang ibig sabihin ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Ang pagiging nayayamot sa katotohanan ay kapag ganap na walang interes ang isang tao sa anumang may kinalaman sa mga positibong bagay, sa katotohanan, sa hinihingi ng Diyos, o sa kalooban ng Diyos. Kung minsan ay ayaw niya sa mga ito, kung minsan ay wala siyang interes sa mga ito, kung minsan ay wala siyang galang at pakialam, at tinatrato niyang hindi mahalaga ang mga ito, at siya ay walang katapatan at pahapyaw lang sa mga ito, o hindi umaako ng pananagutan para sa mga ito. Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging nayayamot sa katotohanan ay hindi lamang pagkasuya kapag naririnig ng mga tao ang katotohanan. Kabilang din dito ang pag-ayaw na isagawa ang katotohanan, pag-atras kapag oras na para isagawa ang katotohanan, na para bang walang kinalaman sa kanya ang katotohanan. Kapag nagbabahagi ang ilang tao sa mga pagtitipon, tila masiglang-masigla sila, gusto nilang ulit-ulitin ang mga salita ng doktrina at magsalita ng matatayog na pahayag para mailigaw at makuha ang loob ng iba. Mukha silang puno ng sigla at ganadong-ganado habang ginagawa nila ito, at patuloy silang nagsasalita nang walang katapusan. Samantala, ang iba naman ay ginugugol ang buong araw mula umaga hanggang gabi na abala sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagdarasal, nakikinig sa mga himno, nagtatala, na para bang hindi nila kayang mawalay sa Diyos kahit isang sandali. Mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, nagpapakaabala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Talaga bang minamahal ng mga taong ito ang katotohanan? Wala ba silang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Kailan makikita ang tunay nilang kalagayan? (Pagdating ng oras na isasagawa na ang katotohanan, tumatakbo sila, at ayaw nilang tanggapin na mapungusan at maiwasto sila.) Dahil kaya ito sa hindi nila nauunawaan ang narinig nila o dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya ayaw nilang tanggapin iyon? Ang kasagutan ay wala sa mga ito. Pinamamahalaan sila ng kanilang kalikasan. Isa itong problema ng disposisyon. Sa puso nila, alam na alam ng mga taong ito na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na positibo ang mga ito, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ay makapagdudulot ng mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao at magagawa sila nitong mabigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos—ngunit hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga ito. Ito ay pagiging nayayamot sa katotohanan. Sino ang kinakitaan na ninyo ng disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? (Ang mga hindi nananalig.) Nayayamot sa katotohanan ang mga hindi nananalig, napakalinaw niyan. Walang paraan ang Diyos para iligtas ang gayong mga tao. Kaya, sa mga nananalig sa Diyos, sa anu-anong bagay ninyo na nakitang nayayamot ang mga tao sa katotohanan? Maaaring noong ibinahagi mo ang katotohanan sa kanila ay hindi sila tumayo at umalis, at noong napag-usapan sa pagbabahaginan ang sarili nilang mga paghihirap at isyu ay hinarap nila ito nang tama—pero mayroon pa rin silang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Saan ito makikita? (Madalas silang makinig sa mga sermon, pero hindi nila isinasagawa ang katotohanan.) Ang mga taong hindi isinasagawa ang katotohanan ay walang dudang may disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Paminsan-minsan ay nagagawa ng ilang tao na isagawa nang kaunti ang katotohanan, kaya mayroon ba silang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Ang gayong disposisyon ay matatagpuan din sa mga nagsasagawa ng katotohanan, magkakaiba lang ang antas. Hindi dahil kaya mong isagawa ang katotohanan ay nangangahulugan nang wala kang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi nangangahulugang agad nang nagbago ang iyong disposisyon sa buhay—hindi ganoon ang kaso. Kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, ito lang ang paraan para magtamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Ang minsang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi nangangahulugan na wala ka nang tiwaling disposisyon. Kaya mong isagawa ang katotohanan sa isang aspeto, pero hindi iyon agad nangangahulugan na kaya mong isagawa ang katotohanan sa iba pang mga aspeto. Magkakaiba ang mga nauugnay na konteksto at dahilan, pero ang pinakamahalaga ay na umiiral ang isang tiwaling disposisyon, na siyang ugat ng problema. Kaya, sa sandaling magbago na ang disposisyon ng isang tao, ang lahat ng kanyang paghihirap, pagdadahilan at palusot na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan—naaayos ang lahat ng problemang ito, at ang lahat ng kanilang pagsuway, kasiraan, at kapintasan ay nalulutas. Kung hindi magbabago ang mga disposisyon ng mga tao, palagi silang mahihirapang isagawa ang katotohanan, at palaging magkakaroon ng mga pagdadahilan at palusot. Kung nais mong maisagawa ang katotohanan at masunod ang Diyos sa lahat ng bagay, kailangan munang magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Saka mo lamang malulutas ang mga problema mula sa pinag-uugatan ng mga ito.

Ano ang pangunahing tinutukoy ng disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Talakayin muna natin ang isang uri ng kalagayan. Malaki ang interes ng ilang tao na makinig sa mga sermon, at habang mas nakikinig sila sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, mas nagliliwanag ang kanilang puso at mas sumasaya sila. Mayroon silang saloobin ng pagiging positibo at maagap. Pinatutunayan ba nito na wala silang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? (Hindi.) Halimbawa, interesado ang ilang batang pito o walong taong gulang kapag nakaririnig sila ng tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at palagi silang nagbabasa ng salita ng Diyos at dumadalo sa mga pagtitipon kasama ng kanilang mga magulang, at sinasabi ng ilang tao, “Walang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan ang batang ito, siya ay napakatalino, ipinanganak siya para manalig sa Diyos, hinirang siya ng Diyos.” Maaari ngang hinirang sila ng Diyos, pero hindi ganap na tumpak ang mga salitang ito. Ito ay dahil bata pa sila, at wala pa silang tiyak na direksyon ng paghahangad at mga mithiin sa buhay. Kapag wala pa silang tiyak na mga perspektibo sa buhay at sa lipunan, maaaring sabihin na minamahal ng kanilang mga batang kaluluwa ang mga positibong bagay, pero hindi mo maaaring sabihin na wala silang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Bakit Ko ito sinasabi? Bata pa sila. Hindi pa husto sa gulang ang kanilang pagkatao, wala pa silang anumang karanasan, limitado ang naaabot ng kanilang paningin, at hindi nila nauunawaan, ni bahagya, kung ano ba ang katotohanan. Gusto lang nila ang mga positibong bagay. Hindi mo maaaring sabihin na minamahal nila ang katotohanan, lalo na na taglay nila ang realidad ng katotohanan. Bukod pa rito, wala pang karanasan ang mga bata, kaya hindi makikita ninuman kung ano ba ang nakatago sa puso nila, kung ano bang uri ng kalikasan at diwa mayroon sila. Dahil lamang interesado sila sa pananampalataya sa Diyos at sa pakikinig sa mga sermon ay sinasabi ng mga tao na minamahal nila ang katotohanan—na isang pagpapamalas ng kamangmangan at kahangalan, dahil hindi alam ng mga bata kung ano ba ang katotohanan, kaya ni hindi masasabi ng isang tao kung gusto ba nila ang katotohanan o kung nayayamot sila rito. Ang pagiging nayayamot sa katotohanan ay pangunahing tumutukoy sa kawalan ng interes at kawalan ng pakialam sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang pagiging nayayamot sa katotohanan ay kapag kaya ng mga taong maunawaan ang katotohanan at malaman kung ano ang mga positibong bagay, pero tinatrato pa rin nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay nang may saloobin at kalagayan na palaban, pabasta-basta, umaayaw, umiiwas, at walang pakialam. Ito ang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Umiiral ba ang ganitong uri ng disposisyon sa lahat ng tao? Sinasabi ng ilang tao, “Bagamat alam kong ang salita ng Diyos ang katotohanan, hindi ko pa rin ito gusto o tinatanggap, o paano man lang ay hindi ko ito kayang tanggapin sa ngayon.” Ano ang nangyayari dito? Ito ay pagiging nayayamot sa katotohanan. Hindi sila hinahayaan ng disposisyong nasa loob nila na tanggapin ang katotohanan. Anu-anong partikular na pagpapamalas ang nasa hindi pagtanggap sa katotohanan? Sinasabi ng ilan, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko lang talaga maisagawa ang mga ito.” Ibinubunyag nito na ito ay isang taong nayayamot sa katotohanan, at na hindi niya minamahal ang katotohanan, kaya hindi niya maisagawa ang anumang mga katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sa Diyos kung kaya’t nagawa kong kumita ng napakaraming pera. Talagang pinagpala ako ng Diyos, talagang naging napakabuti sa akin ng Diyos, binigyan ako ng Diyos ng malaking kayamanan. Magaganda ang suot at mabuting nakakakain ang aking buong pamilya, at hindi sila kinakapos sa mga damit o pagkain.” Dahil pinagpala sila ng Diyos, pinasasalamatan ng mga taong ito ang Diyos sa puso nila, alam nila na ang lahat ng ito ay pinamahalaan ng Diyos, at na kung hindi sila pinagpala ng Diyos—kung umasa sila sa sarili nilang mga talento—hinding-hindi nila kikitain ang lahat ng perang ito. Ito ang talagang iniisip nila sa puso nila, ang talagang nalalaman nila, at talagang nagpapasalamat sila sa Diyos. Pero darating ang araw na babagsak ang negosyo nila, mahihirapan sila, at daranasin nila ang kahirapan. Bakit ganito? Dahil ganid sila sa kaginhawahan, at hindi nila iniisip kung paano maayos na gampanan ang kanilang tungkulin, at iginugugol nila ang lahat ng kanilang oras sa paghahangad ng mga kayamanan, pagiging alipin ng pera, na nakaaapekto sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, kung kaya’t inaalis ito sa kanila ng Diyos. Sa puso nila, alam nilang labis silang pinagpala ng Diyos, at labis na binigyan, pero wala silang pagnanais na suklian ang pagmamahal ng Diyos, ayaw nilang lumabas at gumawa ng kanilang tungkulin, at mahiyain sila at palaging natatakot na maaresto, at natatakot silang mawala ang lahat ng kayamanan at kasiyahang ito, at bilang resulta, inaalis sa kanila ng Diyos ang mga ito. Kasinglinaw ng salamin ang kanilang puso, alam nilang kinuha sa kanila ng Diyos ang mga bagay na ito, at na dinidisiplina sila ng Diyos, kaya nagdarasal sila sa Diyos at sinasabing, “O, Diyos! Pinagpala Mo ako nang minsan, kaya puwede Mo akong pagpalain nang ikalawang beses. Walang hanggan ang Iyong pag-iral, kaya ganoon din ang Iyong mga pagpapala sa sangkatauhan. Nagpapasalamat ako sa Iyo! Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang Iyong mga pagpapala at ang Iyong pangako. Kung may kukunin Ka sa akin, susunod pa rin ako.” Pero ang salitang “susunod” ay hungkag na binibigkas ng bibig nila. Sinasabi ng bibig nila na kaya nilang sumunod, pero pagkatapos, pinag-iisipan nila ito, at pakiramdam nila ay parang may mali rito: “Ang sarap ng buhay noon. Bakit kinuha ng Diyos ang lahat ng iyon? Hindi ba’t pareho lang naman ang paglalagi sa bahay habang ginagawa ang aking tungkulin at ang paglabas para gawin ang aking tungkulin? Ano ang inaantala ko?” Palagi nilang masayang ginugunita ang nakaraan. Mayroon silang kaunting pagdaramdam at kawalan ng kasiyahan sa Diyos, at palagi silang lungkot na lungkot. Nasa puso pa ba nila ang Diyos? Ang nasa puso nila ay pera, mga materyal na kaginhawahan, at ang masasayang panahong iyon. Walang anumang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi na Siya ang Diyos nila. Bagamat alam nilang isang katotohanan na “Nagbigay ang Diyos, at may kinuha ang Diyos,” gusto nila ang mga salitang “nagbigay ang Diyos,” at kinamumuhian nila ang mga salitang “may kinuha ang Diyos.” Malinaw na may pinipili ang pagtanggap nila ng katotohanan. Kapag pinagpapala sila ng Diyos, tinatanggap nila ito bilang katotohanan—pero sa sandaling may kunin sa kanila ang Diyos, hindi nila ito matanggap. Hindi nila matanggap ang ganitong mga pagsasaayos mula sa Diyos, at sa halip ay lumalaban sila at sumasama ang loob. Kapag hinihingi sa kanila na gawin nila ang tungkulin nila, sinasabi nila, “Gagawin ko iyan kung pagpapalain at bibiyayaan ako ng Diyos. Kung walang mga pagpapala ng Diyos at kung nasa ganitong lagay ng kahirapan ang pamilya ko, paano ko magagampanan ang aking tungkulin? Ayoko!” Anong disposisyon ito? Bagamat sa puso nila ay personal nilang nararanasan ang mga pagpapala ng Diyos at kung paanong napakarami na Niyang ibinigay sa kanila, ayaw nilang tanggapin kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila. Bakit ganito? Dahil hindi nila mapakawalan ang pera at ang maginhawa nilang buhay. Bagamat maaaring hindi sila gaanong nagreklamo tungkol doon, maaaring hindi nila inilahad ang kanilang palad sa Diyos, at maaaring hindi nila sinubukang bawiin ang dati nilang mga pag-aari sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap, pinanghinaan na sila ng loob sa mga ikinilos ng Diyos, ganap nilang hindi kayang tumanggap, at sinasabi nila, “Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa pagkilos Niya nang ganito. Hindi ito maintindihan. Paano ako makapagpapatuloy na manalig sa Diyos? Ayoko nang kilalanin na Siya ang Diyos. Kung hindi ko Siya kikilalanin na Diyos, hindi Siya ang Diyos.” Isang uri ba ito ng disposisyon? (Oo.) May ganitong uri ng disposisyon si Satanas, ganito itanggi ni Satanas ang Diyos. Ang ganitong uri ng disposisyon ay isa na pagiging nayayamot sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kapag umabot na sa ganito ang pagkayamot ng mga tao sa katotohanan, saan sila nito dadalhin? Ginagawa sila nitong salungatin ang Diyos at may katigasan ng ulong salungatin ang Diyos hanggang sa pinakahuli—na nangangahulugang tapos na ang lahat para sa kanila.

Ano ba talaga ang kalikasan ng disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Ang mga taong nayayamot sa katotohanan ay hindi minamahal ang mga positibong bagay o anumang ginagawa ng Diyos. Gawin nating halimbawa ang gawain ng Diyos ng paghatol sa mga huling araw: Walang gustong tumanggap sa gawaing ito. Iilan-ilan ang taong gustong makinig sa mga sermon tungkol sa paglalantad, pagkondena, pagkastigo, pagsubok, pagpipino, pagtutuwid, at pagdidisiplina ng Diyos sa mga tao, pero masaya silang marinig ang tungkol sa pagpapala at pagpapalakas ng loob ng Diyos sa mga tao at ang Kanyang mga pangako sa mga tao—hindi tinatanggihan ninuman ang mga ito. Kagaya ito noong Kapanahunan ng Biyaya, nang gawin ng Diyos ang gawain ng pagpapatawad, pagpapawalang-sala, pagpapala at pagbibigay ng biyaya sa tao, nang magpagaling Siya ng mga may sakit at magpalayas ng mga demonyo, at mangako sa mga tao—handa ang mga tao na tanggapin ang lahat ng iyan, pinuri nilang lahat si Jesus para sa dakila Niyang pagmamahal sa tao. Pero ngayong dumating na ang Kapanahunan ng Kaharian at ginagawa ng Diyos ang gawin ng paghatol, at nagpapahayag Siya ng maraming katotohanan, walang may pakialam. Paano man ilantad at hatulan ng Diyos ang mga tao, hindi nila ito tinatanggap, at sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, “Magagawa ba ng Diyos ang ganoong bagay? Hindi ba’t mahal ng Diyos ang tao?” Kung sila ay iwinawasto at pinupungusan, o itinutuwid at dinidisiplina, mas marami pa silang kuru-kuro, at sinasabi nila sa sarili nila, “Paano ito naging pagmamahal ng Diyos? Ang mga salitang ito ng paghatol at pagkondena ay hindi mapagmahal ni paano man, hindi ko tinatanggap ang mga ito. Hindi ako ganyan kahangal!” Ito ang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Pagkatapos marinig ang katotohanan, sinasabi ng ilang tao, “Anong katotohanan? Isa lang itong teorya. Tila ba ito ay napakamarangal, napakamakapangyarihan, napakabanal—pero ang mga ito ay mga salita lang na magandang pakinggan.” Hindi ba’t ito ay disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Ito ang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Mayroon ba kayong ganitong uri ng disposisyon? (Oo.) Sa anong kalagayang kababanggit Ko lamang ang pinakamalamang kayong mahulog, ang nakikita ninyong pinakakaraniwan, at ang pinakapinahahalagahan ninyo? (Ang hindi pagkagusto na mahirapan kapag ginagampanan ang aming tungkulin, ang hindi pagkagustong mahatulan at makastigo ng Diyos, ang pagkagusto na maging maayos ang lahat.) Ang pagtanggi sa pangingibabaw ng Diyos, pagtanggi sa pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, malinaw na pagkaalam na gumagawa ng kabutihan dito ang Diyos pero paglaban pa rin sa inyong puso: isa itong uri ng pagpapamalas. Ano pa? (Ang pagiging masaya kapag naging epektibo kami sa pagganap ng aming tungkulin, at pagiging pasibo, mahina, at walang kakayahan na aktibong makipagtulungan kapag hindi namin nagawa iyon.) Anong uri ng pagpapamalas ito? (Pagiging mapagmatigas.) Kailangan ninyong maging tumpak tungkol dito. Huwag kayong malito at pikit-matang manindigan. Kung minsan, masyadong komplikado ang mga kalagayan ng mga tao; hindi lamang iisang uri ang mga ito, kundi dalawa o tatlo na magkakahalo. Paano mo ito tutukuyin, kung ganoon? Kung minsan ay ihahayag ng isang disposisyon ang sarili nito sa dalawang kalagayan, kung minsan ay sa tatlo, pero kahit na magkakaiba ang mga kalagayang ito, sa huli ay iisang uri pa rin ito ng disposisyon. Kailangan ninyong maunawaan ang disposisyong ito ng pagiging nayayamot sa katotohanan, at dapat ninyong suriin kung ano ang mga pagpapamalas ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Sa ganitong paraan, tunay ninyong mauunawaan ang disposisyong ito ng pagiging nayayamot sa katotohanan. Nayayamot ka sa katotohanan. Alam na alam mong tama ang isang bagay—hindi kinakailangang ito ang mga salita ng Diyos o ang mga prinsipyo ng katotohanan, at kung minsan, ito ay mga positibong bagay, mga tamang bagay, mga tamang salita, mga tamang mungkahi—pero sinasabi mo pa rin, “Hindi ito ang katotohahan, ang mga ito ay mga tamang salita lamang. Ayokong makinig—hindi ako nakikinig sa mga salita ng mga tao!” Anong disposisyon ito? Mayroong pagiging mapagmataas, pagiging mapagmatigas, at pagiging nayayamot sa katotohanan—naroroon ang lahat ng uring ito ng disposisyon. Ang bawat uri ng disposisyon ay maaaring magdulot ng maraming uri ng kalagayan. Ang isang kalagayan ay maaaring may kaugnayan sa ilang magkakaibang disposisyon. Kailangang maging malinaw sa iyo kung anu-anong uri ng disposisyon ang nagdudulot ng mga kalagayang ito. Sa ganitong paraan, magagawa mong matukoy ang iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon.

Sa apat na uri ng tiwaling disposisyon na katatapos lang nating pagbahaginan, alinman sa mga ito ay sapat na para mahatulan ang mga tao ng kamatayan—sumosobra na ba kung sasabihin ito? (Hindi.) Paano ba nagsisimula ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas. Napupuno ang mga tao ng lahat ng maling pananampalataya at maling paniniwalang ikinakalat ni Satanas, ng mga diyablo, at ng mga tanyag at bantog na tao, at sa gayon nabubuo ang iba’t ibang tiwaling disposisyong ito. Positibo ba o negatibo ang mga disposisyong ito? (Negatibo.) Ano ang batayan mo sa pagsasabing negatibo ang mga ito? (Ang katotohanan.) Dahil nilalabag ng mga disposisyong ito ang katotohanan at nilalabanan ang Diyos, at napopoot nitong sinasalungat ang disposisyon ng Diyos at ang lahat ng kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, samakatuwid, kung matatagpuan sa mga tao ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito, nagiging isang tao sila na lumalaban sa Diyos. Kung matatagpuan sa isang tao ang bawat isa sa apat na disposisyong ito, nakaliligalig ito at naging kaaway na siya ng Diyos, at nakatadhana siyang tiyak na mamatay. Anumang disposisyon iyon, kung titimbangin mo ito gamit ang katotohanan, makikita mong ang diwang ipinamamalas ng bawat isa ay pawang nakatuon laban sa Diyos, sa paglaban sa Diyos, at sa pagkapoot sa Diyos. Kaya, kung hindi magbabago ang iyong mga disposisyon, hindi ka magiging kaayon ng Diyos, kamumuhian mo ang katotohanan at magiging kaaway ka ng Diyos.

Sunod, pag-usapan natin ang ikalimang uri ng disposisyon. Bibigyan Ko kayo ng halimbawa, at puwede ninyong subukang alamin kung ano nga bang uri ito ng disposisyon. Ipagpalagay ninyong nag-uusap ang dalawang tao, at masyadong diretsahang magsalita ang isa sa kanila, kaya napasama ang loob niyong isa pa. Sa isipan niya, iniisip niya, “Bakit masyado kang mapanakit sa aking pride? Akala mo ba ay hinahayaan kong pag-initan ako ng mga tao?” kaya nabubuo ang pagkapoot sa kalooban niya. Sa realidad, madaling lutasin ang problemang ito. Kung may nasabi ang isang tao na nakasakit sa kanyang kapwa, basta’t humingi ng tawad sa nakarinig iyong nagsalita, lilipas ang isyu. Pero kung hindi ito mapakawalan ng taong sumama ang loob at para sa kanya ay “para sa maginoo hindi lubhang huli ang maghintay bago maghiganti,” anong disposisyon ito? (Pagiging malisyoso.) Tama iyan—ito ay pagiging malisyoso, at isa itong taong may masamang disposisyon. Sa iglesia, pinupungusan at iwinawasto ang ilang tao dahil hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa mga sinasabi kapag pinupungusan at iwinawasto ang isang tao, kadalasan ang taong iyon ay pinagsasabihan at marahil ay pinagagalitan pa nga. Tiyak na sasama ang loob niya rito, at gugustuhin niyang magdahilan at sumagot. Sinasabi niya ang mga bagay gaya ng, “Bagamat iwinasto mo ako sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tama, ang ilan sa sinabi mo ay talagang nakasasama ng loob, at ipinahiya mo ako at sinaktan mo ang damdamin ko. Sa lahat ng taong ito ay nananalig na ako sa Diyos, nagsusumikap kahit na hindi nakapag-aambag—paanong natatrato ako nang ganito? Bakit wala kayong ibang iwinawasto? Hindi ko ito matatanggap at hindi ko ito mapalalampas!” Isa itong uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? (Oo.) Ang tiwaling disposisyong ito ay naipamamalas lamang sa pamamagitan ng mga reklamo, pagsuway, at antagonismo, pero hindi pa ito umaabot sa sukdulan nito, hindi pa ito umaabot sa rurok nito, bagamat nagpapakita na ito ng ilang tanda, at nagsimula na itong umabot sa punto kung saan malapit na itong makaabot. Ano ang agad niyang saloobin pagkatapos nito? Matigas ang kanyang ulo, naiinis siya at palaban at nagsisimula siyang kumilos nang dahil sa pagkainis. Nagsisimula siyang mangatwiran na: “Hindi laging tama ang mga lider at manggagawa kapag nagwawasto ng mga tao. Maaaring kaya ninyong lahat na tanggapin ito, pero hindi ko kaya. Kaya ninyong tanggapin ito dahil mga hangal at duwag kayo. Hindi ko ito tinatanggap! Talakayin natin ito at tingnan natin kung sino ang tama o mali.” Pagkatapos ay nagbabahagi sa kanya ang mga tao, sinasabing, “Tama man o mali, ang una mong kailangang gawin ay ang sumunod. Posible bang ni wala man lang bahid ang iyong paggawa ng tungkulin? Ginagawa mo ba nang tama ang lahat? Kahit pa ginagawa mo nang tama ang lahat, makatutulong pa rin sa iyo na maiwasto! Napakaraming beses na kaming nagbahagi sa iyo tungkol sa mga prinsipyo, pero hindi ka kailanman nakinig at pinili mong pikit-mata na lang na gawin ang gusto mo, na nagdulot ng mga pagkagambala sa gawain ng iglesia at nagsanhi ng malalaking kawalan, kaya paanong hindi mo maharap na mapungusan at maiwasto? Maaaring malupit ang pagkakasabi, at maaaring masakit itong pakinggan, pero normal lang iyon, hindi ba? Kaya bakit ka nakikipagtalo? Dapat bang payagan ka na lang na gumawa ng masasamang bagay nang hindi hinahayaan ang ibang tao na iwasto ka?” Pero makakaya ba niyang tanggapin na iwasto siya pagkatapos niyang marinig ito? Hindi. Magpapatuloy lang siya sa pagpapalusot at paglaban. Anong disposisyon ang naihayag niya? Ang pagka-diyablo; isa itong masamang disposisyon. Ano ang talagang ibig niyang sabihin? “Hindi ko tinitiis na inisin ako ng mga tao. Walang dapat sumubok na makialam sa akin. Kung ipapakita ko sa iyo na hindi ako basta-basta puwedeng guluhin, hindi ka magtatangkang iwasto ako sa hinaharap. Hindi ba’t nanalo na ako kapag nagkaganoon?” Anong tingin ninyo rito? Nailantad na ang disposisyon, hindi ba? Isa itong masamang disposisyon. Ang mga taong may masasamang disposisyon ay hindi lamang nayayamot sa katotohanan—kinamumuhian nila ang katotohanan! Kapag isinasailalim sila sa pagpupungos at pagwawasto, tinatakasan nila ito o kaya naman ay hindi pinapansin—sa puso nila, labis silang lumalaban. Hindi lang ito kaso kung saan gumagawa sila ng mga palusot. Hindi iyan ang saloobin nila ni paano man. Sumusuway sila at palaban, nakikipagtalo pa nga sila na gaya ng isang malupit na babae. Sa puso nila, iniisip nila, “Nauunawaan kong sinusubukan mo akong alipustahin at sadyang ipahiya, at kahit na hindi ako nangangahas na salungatin ka nang harapan, maghahanap ako ng pagkakataon para makabawi! Akala mo ba ay puwede mo akong basta na lang iwasto at ipagtulakan? Gagawin ko ang lahat na pumanig sa akin, ibukod ka, at pagkatapos ay ipatitikim ko sa iyo ang ginawa mo sa akin!” Ito ang kanilang iniisip sa kanilang puso; sa wakas ay nahayag na ng kanilang masamang disposisyon ang sarili nito. Para matamo nila ang kanilang mga mithiin at mailabas ang kanilang galit, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para makahanap ng mga palusot na magagamit nila upang mapangatwiranan ang sarili nila at magawa ang lahat na pumanig sa kanila. Saka lamang sila magiging masaya at mapayapa. Malisyoso ito, hindi ba? Isa itong masamang disposisyon. Kapag hindi pa sila napupungusan o naiwawasto, parang maliliit na tupa ang mga ganitong tao. Kapag isinailalim na sila sa pagpupungos at pagwawasto, o kapag nalantad na ang kanilang tunay na sarili, mula sa pagiging tupa ay agad silang nagiging lobo, at lumalabas ang pagiging lobo nila. Isa itong masamang disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya bakit hindi ito kadalasang nakikita? (Hindi pa sila napupukaw na magalit.) Tama iyan, hindi pa sila napupukaw na magalit at hindi pa nalalagay sa panganib ang kanilang mga interes. Kagaya ito ng kung paanong hindi ka kakainin ng isang lobo kapag hindi ito nagugutom—masasabi mo ba kung gayon na hindi ito isang lobo? Kung maghihintay ka hanggang sa subukan ka nitong kainin bago mo ito tawaging lobo, magiging masyadong huli na, hindi ba? Kahit na hindi ka pa nito sinusubukang kainin, dapat kang maging mapagbantay sa lahat ng oras. Hindi dahil sa hindi ka kinakain ng lobo ay nangangahulugan nang ayaw ka nitong kainin, kundi na hindi pa lang oras—at kapag dumating na ang oras, lalabas na ang likas na katangian nito bilang lobo. Inilalantad ng pagpupungos at pagwawasto ang lahat ng uri ng tao. Iniisip ng ilang tao, “Bakit ba ako lang ang iwinawasto? Bakit ba ako ang laging pinag-iinitan? Madaling target ba ang tingin nila sa akin? Hindi ako ang uri ng tao na puwede ninyong guluhin!” Anong disposisyon ito? Paanong sila lang ang iwinawasto? Hindi naman talaga ganito ang mga bagay-bagay. Sino sa inyo ang hindi pa iwinasto o pinungusan? Lahat kayo ay naranasan na iyon. Kung minsan ay masuwayin at pabaya sa gawain ang mga lider at manggagawa, o kaya ay hindi nila ito isinasagawa nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain—at karamihan sa kanila ay iwinawasto at pinupungusan. Ginagawa ito upang mapangalagaan ang gawain ng iglesia at mapigilan ang mga tao na maging tampalasan. Hindi ito ginagawa upang gawing target ang sinumang partikular na tao. Ang sinabi nila ay malinaw na pagbabaluktot ng mga katunayan, at isa rin itong pagpapamalas ng isang masamang disposisyon.

Sa anu-anong iba pang paraan naipamamalas ang isang masamang disposisyon? Ano ang kinalaman nito sa pagiging nayayamot sa katotohanan? Ang totoo, kapag naipamamalas ng pagiging nayayamot sa katotohanan ang sarili nito sa isang malubhang paraan, na taglay ang mga katangian ng paglaban at paghusga, naghahayag ito ng isang masamang disposisyon. Kinapapalooban ng ilang kalagayan ang pagiging nayayamot sa katotohanan, mula sa kawalan ng interes sa katotohanan hanggang sa pagkamuhi sa katotohanan, na nagiging paghusga sa Diyos at pagkondena sa Diyos. Kapag umabot na sa isang punto ang pagkayamot sa katotohanan, malamang na itanggi ng mga tao ang Diyos, kamuhian ang Diyos, at salungatin ang Diyos. Ang ilang kalagayang ito ay masamang disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, ang mga nayayamot sa katotohanan ay lalo nang mayroong malubhang kalagayan, at napapaloob dito ang isang uri ng disposisyon: ang masamang disposisyon. Halimbawa, kinikilala ng ilang tao na pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, pero kapag may kinukuha sa kanila ang Diyos, at dumaranas sila ng mga kawalan sa kanilang mga interes, hindi sila hayagang nagdaramdam o antagonistiko, pero sa kalooban nila ay wala silang pagtanggap o pagpapasakop. Ang saloobin nila ay ang umupo nang pasibo at maghintay ng pagkawasak—na malinaw na ang kalagayan ng pagiging nayayamot sa katotohanan. May isa pang kalagayan na mas malubha pa: Hindi sila pasibong nakaupo at naghihintay ng pagkawasak, kundi nilalabanan nila ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, at nilalabanan ang pag-alis sa kanila ng Diyos ng mga bagay-bagay. Paano sila lumalaban? (Sa pamamagitan ng paggambala at pagsagabal sa gawain ng iglesia, o kaya ay pananabotahe ng mga bagay-bagay, sa pagsisikap na magtatag ng sarili nilang kaharian.) Isa iyang paraan. Matapos mapalitan ang ilang lider ng iglesia, palagi silang nanggagambala ng mga bagay-bagay at sumasagabal sa iglesia habang pinamumunuan nila ang buhay-iglesia, lumalaban sila at sumusuway sa lahat ng sinasabi ng mga bagong hinirang na lider, at sinisikap nilang siraan ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito. Anong disposisyon ito? Isa itong masamang disposisyon. Ang tunay nilang iniisip ay, “Kung hindi ako puwedeng maging lider, walang ibang puwedeng manatili sa posisyong ito, paaalisin ko silang lahat! Kung mapaaalis kita, ako ang mamamahala gaya ng dati!” Hindi lang ito pagiging nayayamot sa katotohanan, masama ito! Ang pakikipagpaligsahan para sa katayuan, ang pakikipagpaligsahan para sa teritoryo, ang pakikipagpaligsahan para sa mga personal na interes at reputasyon, ang paggawa ng lahat para makapaghiganti, ang paggawa ng lahat ng magagawa ng isang tao, ang paggamit ng lahat ng kasanayan ng isang tao, ang paggawa ng lahat ng maaaring gawin para makamit ng isang tao ang kanyang mga minimithi, para maisalba ang kanyang reputasyon, pride, at katayuan, o kaya ay para mapalugod ang kanyang pagnanais na makapaghiganti—ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kasamaan. Ang ilang pag-uugali ng isang masamang disposisyon ay kinapapalooban ng pagsasabi ng maraming bagay na nanghihimasok at nanggagambala; ang ilan ay kinapapalooban ng paggawa ng maraming masasamang bagay para makamit ang mga mithiin ng isang tao. Maging sa mga salita man o sa mga gawa, ang lahat ng ginagawa ng gayong mga tao ay hindi nakaayon sa katotohanan, at lumalabag sa katotohanan, at lahat ng ito ay pagpapakita ng isang masamang disposisyon. Hindi kaya ng ilang tao na matukoy ang mga bagay na ito. Kung hindi hayagan ang maling pananalita o pag-uugali, hindi nila makikita kung ano ba talaga ito. Pero para sa mga taong nakauunawa sa katotohanan, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay masasama, at hindi kailanman makapaglalaman ng anumang tama, o umaayon sa katotohanan; ang mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ng mga taong ito ay masasabi na 100% na masama at ganap na mga pagpapakita ng isang masamang disposisyon. Anu-ano ang motibasyon ng masasamang tao bago nila ihayag ang masamang disposisyong ito? Anu-anong uri ng mga mithiin ang pinagsisikapan nilang matamo? Paano nila nagagawa ang gayong mga bagay? Matutukoy ba ninyo ito? Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. May nangyari sa tahanan ng isang tao. Isinailalim ito sa pagmamatyag ng malaking pulang dragon, at hindi siya puwedeng umuwi, na labis na nagpahirap sa kanya. Pinatuloy siya ng ilang kapatid, at pagkatapos niyang makita kung gaano kaayos ang lahat sa tahanan ng kanyang mga host, inisip niya, “Bakit walang nangyari sa tahanan mo? Bakit iyon nangyari sa tahanan ko? Hindi iyan patas. Hindi ito maaari, kailangan kong mag-isip ng paraan para may mangyari sa tahanan mo, para hindi ka puwedeng umuwi. Ipatitikim ko sa iyo ang paghihirap na gaya ng pinagdusahan ko.” May gawin man siya o wala, o maging realidad man ito o hindi, o makamit man niya o hindi ang kanyang mga mithiin, taglay pa rin niya ang ganitong uri ng layunin. Isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kung hindi siya makapamumuhay ng isang magandang buhay, hindi rin niya hahayaan ang iba na magawa iyon. Anong disposisyon ito? (Pagiging malisyoso.) Isang masamang disposisyon—nakaririmarim ang taong ito! Gaya nga ng sinasabi ng kawikaan, siya ay bulok hanggang loob. Inilalarawan nito kung gaano talaga siya kasama. Ano ang kalikasan ng ganitong disposisyon? Subukan ninyong suriin kung ano ang kanyang mga motibasyon, layunin, at mithiin kapag nahahayag ang disposisyong ito sa kanya. Kapag naihahayag niya ang disposisyong ito, saan ito nagmumula? Ano ang nais niyang makamit? May nangyari sa kanyang tahanan, at maayos siyang tinutustusan sa tahanan ng kanyang mga host—kaya bakit niya ito gustong guluhin? Masaya lang ba siya kapag nagulo na niya ang mga bagay-bagay para sa kanyang mga host, kung kaya’t may mangyayari sa tahanan ng mga ito at hindi na rin makauuwi ang mga ito? Para sa kapakanan niya, dapat ay protektahan niya ang lugar na ito, pigilan na may mangyaring anuman dito, at hindi ipahamak ang kanyang mga host, dahil kapag napahamak ang mga ito ay para na rin siyang napahamak. Kaya ano ba mismo ang layunin niya sa pagnanais na gawin ito? (Kapag hindi maayos ang mga bagay-bagay para sa kanya, ayaw rin niyang maging maayos ang mga bagay-bagay para sa ibang tao.) Pagiging masama ang tawag dito. Ang iniisip niya ay, “Winasak ng malaking pulang dragon ang tahanan ko at ngayon ay wala na akong tahanan. Pero mayroon ka pa ring maganda at komportableng tahanan na maaari mong uwian. Hindi ito patas. Hindi ko kayang makita na puwede kang umuwi. Tuturuan kita ng leksyon. Gagawin ko na hindi ka na makakauwi at magiging pareho lang tayo. Gagawin nitong patas ang mga bagay-bagay.” Hindi ba’t ang paggawa nito ay malisyoso at masama ang hangarin? Sa anong kalikasan ito? (Sa pagiging masama.) Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay para matamo ang isang mithiin. Anu-anong klaseng bagay ang kadalasan nilang ginagawa? Ano ang pinakakaraniwang mga bagay na ginagawa ng mga taong may masasamang disposisyon? (Ginagambala, sinasagabal, at sinisira nila ang gawain ng iglesia.) (Sinusubukan nilang mapaboran kapag kaharap nila ang mga tao, pero pagkatapos noon ay sinusubukan nilang siraan ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito.) (Inaatake nila ang mga tao, mapaghiganti sila at malisyoso nilang binabanatan ang mga tao.) (Nagpapakalat sila ng mga tsismis at paninirang-puri.) (Sinisiraan, hinuhusgahan, at kinokondena nila ang iba.) Ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ay ang gambalain at sirain ang gawain ng iglesia, at lahat ng ito ay pagpapamalas ng paglaban at pag-atake sa Diyos, lahat ay pagpapamalas ng isang masamang disposisyon. Ang mga taong kayang gawin ang mga ito ay walang dudang masasamang tao, at lahat ng nagtataglay ng ilang partikular na pagpapamalas ng isang masamang disposisyon ay maaaring tukuyin na masasamang tao. Ano ang diwa ng isang masamang tao? Ito ay ang diwa ng diyablo, ni Satanas. Hindi ito pagmamalabis. Kaya ba ninyong gawin ang mga pagkilos na ito? Alin sa mga pagkilos na ito ang kaya ninyong gawin? (Ang pagiging mapanghusga.) Kaya, nangangahas ba kayong atakihin o paghigantihan ang mga tao? (Kung minsan ay mayroon akong ganitong mga kaisipan, pero hindi ako nangangahas na kumilos batay sa mga ito.) Mayroon lang kayong mga ganitong kaisipan, pero hindi kayo nangangahas na may gawin sa mga ito. Kung mapanakit sa iyo ang isang taong mas mababa ang katayuan, mangangahas ka bang maghiganti? (Kung minsan, oo, kaya kong gawin ang gayong mga bagay.) Kung talagang kakila-kilabot ang taong ito—kung siya ay napakagaling magsalita, at nasaktan ka niya—mangangahas ka bang maghiganti? Marahil ay iilan-ilan lang ang hindi matatakot na gawin ito. Ang mga ganitong tao, mga taong pinag-iinitan ang mahihina pero kinatatakutan ang malalakas, mayroon ba silang masasamang disposisyon? (Oo.) Anumang uri ng pag-uugali iyon, at kanino man iyon nakatuon, kung kaya mong gawin ang masamang gawa na gumanti sa mga kapatid, pinatutunayan nito na mayroong masamang disposisyon sa kalooban mo. Sa panlabas ay tila hindi gaanong naiiba ang masamang disposisyong ito, pero kailangan ay kaya mo itong makilala at kailangan ay kaya mong makilala kung sino ba ang tinatarget mo. Kung mabagsik ka kay Satanas at kaya mong lupigin at ipahiya si Satanas, maituturing ba itong masamang disposisyon? Hindi. Ito ay paninindigan para sa kung ano ang tama at pagiging walang takot sa harap ng kalaban. Ito ay pagkakaroon ng diwa ng pagiging matuwid. Sa anu-anong sitwasyon ito maituturing na isang masamang disposisyon? Kung aapihin, yuyurakan, at ipapahiya mo ang mabubuting tao o ang mga kapatid, ito ay magiging masamang disposisyon. Kaya, kailangan ay mayroon kang konsiyensiya at katwiran, hinaharap mo ang mga tao at mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, kaya mong makilala ang masasamang tao at ang diyablo, mayroon kang diwa ng pagiging matuwid, kailangan ay mapagparaya ka at mapagpasensya sa mga hinirang ng Diyos at sa mga kapatid, at kailangan ay nagsasagawa ka nang ayon sa katotohanan. Ito ay lubos na tama, at nakaayon sa kalooban ng Diyos. Ang mga taong may masasamang disposisyon ay hindi tinatrato ang mga tao nang ayon sa mga ganitong prinsipyo. Kung ang isang tao, maging sino man ito, ay gumagawa ng isang bagay na nakasasakit sa kanila, susubukan nilang makabawi—ito ay pagiging masama. Walang prinsipyo sa paraan ng pagkilos ng masasamang tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan. Maging ito man ay pagkilos nang dahil sa personal na galit, o pang-aapi sa mahihina at pagiging takot sa malalakas, o pangangahas na maghiganti kaninuman, ang lahat ng ito ay may kinalaman sa isang masamang disposisyon, at lahat ng ito ay bumubuo ng isang tiwaling disposisyon. Hindi ito mapag-aalinlanganan.

Ano ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang taong may masamang disposisyon? Ito ay kapag nakatagpo siya ng isang walang muwang na tao na madaling pag-initan at nagsimula siyang pag-initan at paglaruan ito. Ito ay karaniwang pangyayari. Kapag ang isang taong mabait kumpara sa iba ay nakakita ng isang taong walang muwang at mahina ang loob, makararamdam siya ng habag dito, at kahit pa hindi niya ito kayang tulungan, hindi niya ito aapihin. Kapag nakita mong ang isa mong kapatid ay walang muwang, paano mo siya tinatrato? Inaapi mo ba siya o tinutukso siya? (Malamang ay hahamakin ko siya.) Ang paghamak sa mga tao ay isang paraan ng pagtingin sa kanila, ng pagturing sa kanila, isang uri ng mentalidad, pero kung paano ka kumilos at magsalita sa kanila ay may kinalaman sa iyong disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo kumilos tungo sa mga taong mahiyain at mahina ang loob? (Inuutus-utusan ko sila at pinag-iinitan.) (Kapag nakikita kong mali ang paggawa nila sa tungkulin nila, hindi patas ang pagtingin ko sa kanila at ibinubukod ko sila.) Ang mga nabanggit mong ito ay mga pagpapamalas ng isang masamang disposisyon at may kinalaman sa mga disposisyon ng mga tao. Marami pang ibang ganitong bagay, kaya hindi na kailangang pag-usapan ito nang detalyado. Nakatagpo na ba kayo kailanman ng ganitong tao, isang taong gustong mamatay ang sinumang nakapagpasama ng loob niya, at nanalangin pa nga sa Diyos, hiniling sa Kanya na isumpa ang mga taong iyon, na burahin ang mga iyon sa balat ng lupa? Bagamat walang taong may ganoong kapangyarihan, sa puso nila ay iniisip nila kung gaano sana kaganda kung nagkagayon nga, o kaya ay nananalangin sila sa Diyos at hinihiling sa Diyos na gawin ito. Mayroon ba kayong mga ganoong kaisipan sa inyong puso? (Kapag nagpapalaganap kami ng ebanghelyo at nakatatagpo kami ng masasamang tao na inaatake kami at isinusumbong kami sa mga pulis, namumuhi ako sa kanila, at naiisip ko ang gaya ng “darating ang araw na parurusahan kayo ng Diyos.”) Isa ngang obhetibong kaso iyan. Inatake ka, nagdusa ka, nasaktan ka, ganap na niyurakan ang iyong personal na integridad at respeto sa sarili—sa ganyang mga sitwasyon, ang karamihan ng tao ay mahihirapang malampasan iyan. (Nagpapakalat ng tsismis online ang ibang tao tungkol sa ating iglesia, marami silang ginagawang paratang, at talagang nagagalit ako kapag nababasa ko ang mga ito, at may matinding pagkamuhi sa puso ko.) Ito ba ay pagiging masama, o pagiging mainitin ang ulo, o normal na pagkatao? (Ito ay normal na pagkatao. Ang hindi pagkamuhi sa mga demonyo at sa mga kaaway ng Diyos ay hindi normal na pagkatao.) Tama iyan. Ito ang paghahayag, pagpapamalas, at pagtugon ng normal na pagkatao. Kung hindi kinamumuhian ng mga tao ang mga negatibong bagay o minamahal ang mga positibong bagay, kung wala silang pamantayan ng konsiyensiya, hindi sila mga tao. Sa mga sitwasyong ito, anu-anong pagkilos ang puwedeng gawin ng isang tao para magkaroon ng isang masamang disposisyon? Kung ang pagkamuhi at pagkasuklam na ito ay magiging isang uri ng pag-uugali, kung ganap kang mawawalan ng katwiran, at kung makalalampas ang iyong mga pagkilos sa isang partikular na pulang linya para sa sangkatauhan, kung malamang ay mapatay mo sila at malabag ang batas, ito ay pagiging masama, ito ay pagkilos nang mainit ang ulo. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kaya nilang kumilala ng masasamang tao, at namumuhi sila sa kasamaan, ito ay normal na pagkatao. Pero kung hinaharap ng mga tao ang mga bagay-bagay nang mainit ang ulo, kumikilos sila nang walang mga prinsipyo. Naiiba ba ito sa paggawa ng kasamaan? (Oo.) Mayroong pagkakaiba. Kung ang isang tao ay labis na makasalanan, labis na masama, labis na buktot, labis na imoral, at nakadarama ka ng matinding pagkasuklam sa kanya, at umaabot ang pagkasuklam na ito sa puntong hinihiling mo sa Diyos na isumpa ito, ayos lang ito. Pero ayos lang ba kung hindi kumilos ang Diyos matapos mong magdasal nang dalawa o tatlong beses at inilagay mo sa mga kamay mo ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Puwede kang magdasal sa Diyos at magpahayag ng iyong mga pananaw at opinyon, at pagkatapos ay maghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan, kung magkagayon ay magagawa mong harapin nang tama ang mga bagay-bagay. Pero hindi mo dapat pilit na hilingin sa Diyos o subukang pilitin ang Diyos na maghiganti para sa iyo, lalo nang hindi mo dapat hayaan na makagawa ka ng mga hangal na bagay dahil sa init ng iyong ulo. Dapat mong harapin ang sitwasyon nang makatwiran. Dapat kang maging mapagpasensya, hintayin mo ang oras ng Diyos, at mas gumugol ka pa ng oras sa pananalangin sa Diyos. Tingnan mo kung paano kumilos nang may karunungan ang Diyos tungo kay Satanas at sa diyablo, at sa ganitong paraan, maaari kang maging mapagpasensya. Ang pagiging makatwiran ay nangangahulugan na ipagkatiwala ang lahat ng ito sa Diyos at hayaan ang Diyos na kumilos. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Huwag kang kumilos nang dahil sa init ng ulo. Ang pagkilos nang dahil sa init ng ulo ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos, ito ay kinokondena ng Diyos. Sa gayong mga panahon, ang disposisyong nahahayag sa mga tao ay hindi kahinaan ng tao o lumilipas na galit, kundi ito ay isang masamang disposisyon. Sa sandaling matukoy na ito ay isang masamang disposisyon, nasa panganib ka, at malamang na hindi ka maligtas. Iyan ay dahil kapag may masasamang disposisyon ang mga tao, malamang na kumilos sila nang nalalabag ang konsiyensiya at katwiran, at talagang malamang na labagin nila ang batas, at labagin ang mga atas administratibo ng Diyos. Kaya, paano ito maiiwasan? Dapat man lang, mayroong tatlong pulang linya na kailangang hindi malampasan: Ang una ay ang hindi paggawa ng mga bagay na labag sa konsiyensiya at katwiran, ang ikalawa ay ang hindi paglabag sa batas, at ang ikatlo ay ang hindi paglabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Bukod pa riyan, huwag kayong gumawa ng anumang sukdulan o anumang gagambala sa gawain ng iglesia. Kung susundin ninyo ang mga prinsipyong ito, kahit papaano man lang ay matitiyak ang inyong kaligtasan, at hindi kayo palalayasin. Kung malupit kayong lalaban kapag pinupungusan at iwinawasto kayo dahil gumawa kayo ng lahat ng uri ng kasamaan, mas mapanganib pa iyan. Malamang ay direkta ninyong malabag ang disposisyon ng Diyos at mapaalis o maitiwalag kayo sa iglesia. Ang parusa sa paglabag sa disposisyon ng Diyos ay higit na mas matindi kaysa sa paglabag sa batas—isa itong tadhanang mas masaklap pa sa kamatayan. Sa pinakamahigit, ang paglabag sa batas ay magdudulot na masentensyahan sa kulungan; ilang mahihirap na taon at lalaya ka na, iyon na iyon. Pero kung lalabagin mo ang disposisyon ng Diyos, magdurusa ka ng walang hanggang kaparusahan. Kaya, kung walang katinuan ang mga taong may masasamang disposisyon, labis silang nasa panganib, malamang ay makagawa sila ng kasamaan, at tiyak na sila ay parurusahan at gagantihan. Kung medyo may katinuan ang mga tao, kung kaya nilang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito, at kaya nilang umiwas na masyadong makagawa ng kasamaan, ganap silang may pag-asang maligtas. Napakahalaga para sa isang tao na magkaroon ng katinuan at katwiran. Malamang na tatanggapin ng isang makatwirang tao ang katotohanan at haharapin niya nang tama ang pagpupungos at pagwawasto. Ang isang taong walang katwiran ay nanganganib kapag pinungusan at iwinasto siya. Ipagpalagay, halimbawa, na galit na galit ang isang tao matapos siyang iwasto at pungusan ng isang lider. Gusto niyang magpakalat ng mga tsismis at atakihin ang lider, pero hindi siya nangangahas dahil takot siyang magsanhi ng gulo. Subalit, umiiral na ang ganoong disposisyon sa puso niya, at mahirap sabihin kung may gagawin ba siya rito o wala. Hangga’t nasa puso ng isang tao ang ganitong uri ng disposisyon, hangga’t umiiral ang mga kaisipang ito, bagamat maaaring wala siyang gawin dito, nasa panganib na siya. Kapag puwede sa sitwasyon—kapag nagkaroon siya ng pagkakataon—baka may gawin siya. Hangga’t umiiral ang kanyang masamang disposisyon, kung hindi ito malulutas, sa malao’t madali ay gagawa ng kasamaan ang taong ito. Kaya anu-ano pang ibang sitwasyon ang naroroon kung saan naghahayag ng isang masamang disposisyon ang isang tao? Sabihin ninyo sa Akin. (Pabasta-basta lang ako sa aking tungkulin at hindi ako nagtamo ng anumang resulta, at pagkatapos ay pinalitan ako ng lider nang ayon sa mga prinsipyo, at medyo nakaramdam ako ng paglaban. Pagkatapos, nang makita ko na naghayag siya ng isang tiwaling disposisyon, naisip kong sumulat ng liham para iulat siya.) Nagmumula ba sa kawalan ang ideyang ito? Hinding-hindi. Binuo ito ng iyong kalikasan. Sa malao’t madali, nahahayag ang mga bagay na nasa mga kalikasan ng mga tao, hindi masasabi kung sa anong sitwasyon o konteksto mahahayag at aaktuhan ang mga ito. Kung minsan ay walang ginagawa ang mga tao, pero iyon ay dahil hindi puwede sa sitwasyong iyon. Subalit, kung siya ay isang taong hinahangad ang katotohanan, magagawa niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Kung hindi siya isang taong hinahangad ang katotohanan, gagawin niya ang gusto niya, at sa sandaling puwede na, gagawa siya ng kasamaan. Kaya, kung hindi malulutas ang isang tiwaling disposisyon, malamang talaga na malalagay sa gulo ang mga tao, kung magkaganito ay kakailanganin nilang anihin ang kanilang itinanim. Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan at palagi silang pabasta-basta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Hindi nila tinatanggap kapag pinupungusan at iwinawasto sila, hindi sila kailanman nagsisisi, at kalaunan ay ibinubukod sila para makapagnilay. Pinaaalis sa iglesia ang ilang tao dahil palagi silang sumasagabal sa buhay-iglesia at naging bulok na sila; at itinitiwalag ang ilang tao dahil gumagawa sila ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya, anumang klase ng tao siya, kung madalas na naghahayag ng tiwaling disposisyon ang isang tao at hindi niya hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, malamang ay makagawa siya ng masama. Ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan ay hindi lamang binubuo ng pagiging mapagmataas, kundi pati ng kabuktutan at kasamaan. Ang pagiging mapagmataas at ang kasamaan ay mga karaniwang parte lamang.

Kaya, paano dapat lutasin ang problemang ito ng paghahayag ng isang masamang disposisyon? Dapat kilalanin ng mga tao kung ano ang kanilang tiwaling disposisyon. Ang disposisyon ng ilang tao ay partikular na masama, malisyoso, at mapagmataas, at sila ay ganap na walang prinsipyo. Ito ang kalikasan ng masasama, at ang mga taong ito ang pinakamapanganib sa lahat. Kapag may kapangyarihan ang mga ganitong tao, may kapangyarihan ang diyablo, may kapangyarihan si Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng masasamang tao ay inilalantad at pinalalayas dahil sa paggawa nila ng lahat ng uri ng masasamang gawa. Kapag sinubukan mong bahaginan ng katotohanan ang masasama, o na pungusan at iwasto sila, malaki ang probabilidad na aatakihin ka nila, o huhusgahan ka nila, o na paghihigantihan ka pa nga nila, na lahat ay bunga ng pagiging napakamalisyoso ng kanilang mga disposisyon. Ang totoo ay napakakaraniwan nito. Halimbawa, maaaring may dalawang taong labis na nagkakasundo, na labis na mapagsaalang-alang at maunawain sa isa’t isa—pero nauuwi silang magkasalungat sa isang bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, at pinuputol nila ang ugnayan nila sa isa’t isa. Ang ilang tao ay nagiging magkaaway pa nga at sinusubukang maghiganti sa isa’t isa. Lahat sila ay lubhang masasama. Pagdating sa paggawa ng mga tao ng kanilang tungkulin, napansin ba ninyo kung alin sa mga napamamalas at nahahayag sa kanila ang napapaloob sa isang masamang disposisyon? Tiyak na umiiral ang mga bagay na ito, at kailangan ninyong alamin ang mga ito. Matutulungan kayo nito na matukoy at makilala ang mga bagay na ito. Kung hindi ninyo alam kung paano alamin at tukuyin ang mga ito, hindi kayo kailanman makatutukoy ng masasamang tao. Matapos na mailigaw ng mga anticristo at mapasailalim sa kanilang kontrol, napipinsala ang buhay ng ilang tao, at saka lang nila nalalaman kung ano ba ang isang anticristo, at kung ano ba ang isang masamang disposisyon. Masyadong mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan. Ang inyong pagkaunawa sa karamihan ng mga katotohanan ay hanggang sa binibigkas o nasusulat na antas lamang, o mga salita lang ng doktrina ang nauunawaan ninyo, at hinding-hindi tumutugma ang mga ito sa realidad. Matapos makarinig ng maraming sermon, tila mayroong pagkaunawa at kaliwanagan sa inyong puso; pero kapag nahaharap sa realidad, hindi pa rin ninyo matukoy kung ano ba talaga ang mga bagay-bagay. Alam ninyong lahat sa teorya kung ano ang mga pagpapamalas ng isang anticristo, pero kapag nasisilayan ninyo ang isang tunay na anticristo, hindi ninyo sila makilala bilang anticristo. Ito ay dahil masyadong kakaunti ang inyong karanasan. Kapag mas lumawak na ang iyong karanasan, kapag sapat ka nang napinsala ng mga anticristo, tunay mo na silang makikilala sa kung ano ba talaga sila. Sa kasalukuyan, bagamat karamihan ng tao ay masinsinang nakikinig sa mga sermon sa mga pagtitipon, at pinagsisikapan nila ang katotohanan, sa sandaling marinig na nila ang sermon, ang literal na kahulugan lamang ang nauunawaan nila, hindi nila malagpasan ang teoretikal na antas, at hindi nila magawang maranasan ang realidad ng katotohanan. Kaya, napakababaw lang ng kanilang pagpasok sa realidad ng katotohanan, na nangangahulugang wala silang pagkakilala sa masasamang tao at sa mga anticristo. Ang mga anticristo ay mayroong diwa ng masasamang tao, pero maliban sa mga anticristo at masasamang tao, wala bang masasamang disposisyon ang ibang mga tao? Ang totoo, walang mabubuting tao. Kapag walang problema, puro sila nakangiti, pero kapag nahaharap sila sa isang bagay na nakapipinsala sa sarili nilang mga interes, sumasama sila. Isa itong masamang disposisyon. Ang masamang disposisyong ito ay maaaring mahayag anumang oras; hindi ito sinasadya. Kaya ano ba mismo ang nangyayari dito? Isa ba itong usapin ng pagiging sinasaniban ng masasamang espiritu? Isa ba itong usapin ng reinkarnasyon ng pagkademonyo? Kung hindi ito alinman sa dalawang ito, taglay ng taong iyon ang diwa ng isang masamang tao at hindi na siya matutulungan pa. Kung ang diwa niya ay hindi sa isang masamang tao, at ang taglay lamang niya ay ang tiwaling disposisyong ito, hindi pa nakamamatay ang kondisyon niya, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa siyang pag-asang maligtas. Kaya paano malulutas ang isang masama at tiwaling disposisyon? Una, kailangan mong madalas na manalangin kapag nakakatagpo ka ng mga bagay at pagnilayan mo ang mga motibasyon at pagnanais mo. Kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at ayusin ang iyong pag-uugali. Bukod pa riyan, kailangan ay hindi ka maghayag ng anumang masasamang salita o pag-uugali. Kung makita ng isang tao na siya ay may maling mga layunin at may malisya sa kanyang puso, na gusto niyang gumawa ng masasamang bagay, kailangan niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito, kailangan niyang hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos upang maunawaan at malutas ang usaping ito, kailangan niyang manalangin sa Diyos, hingin ang proteksyon ng Diyos, sumumpa sa Diyos, at kailangan niyang isumpa ang kanyang sarili kapag hindi niya tinatanggap ang katotohanan at gumagawa siya ng kasamaan. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos sa ganitong paraan ay nagbibigay ng proteksyon at pinipigilan ang isang tao na gumawa ng kasamaan. Kung may nangyari sa isang tao at lumitaw ang masasamang layunin, pero hindi niya ito pinansin, at hinayaan lang niyang mangyari ang mga bagay-bagay, o binalewala niya na ganito siya dapat kumilos, isa siyang masamang tao, at hindi siya isang taong tapat na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. Gusto pa rin ng ganitong tao na manalig sa Diyos at sumunod sa Diyos, at na pagpalain at makapasok sa kaharian ng langit—posible ba iyon? Nananaginip siya. Ang ikalimang uri ng disposisyon ay ang pagiging masama. Isa rin itong isyung may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon, at ito na ang pagtatapos ng paksang ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.