Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 21 (Ikalawang Bahagi)
Tungkol sa paksa ng pagbitiw sa mga propesyon, ano ang pangatlong prinsipyong hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao? Ito ang paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Medyo mas mahirap intindihin ang isang ito, hindi ba? (Oo.) Bagama’t maaaring medyo mas mahirap itong intindihin, isa rin ito sa mga prinsipyo. Isa itong prinsipyong dapat na buong-katapatang sundin ng mga tao upang umiral sa lipunang ito. Isa rin itong saloobin, diskarte, at pamamaraan ng pag-iral na dapat taglayin ng mga tao upang umiral sa lipunang ito, at siyempre, tumpak na masasabing isa itong uri ng karunungan para sa pag-iral sa lipunan. Sa panlabas, ang paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan ay maaaring magmukhang isang suliraning malayo sa bawat tao, ngunit sa katunayan, ang iba’t ibang puwersang ito ng lipunan ay nakakubli sa paligid ng lahat ng tao. Ang mga ito ay mga di-materyal na puwersa, mga di-materyal na sistemang umiiral sa paligid ng bawat isa. Kapag pumipili ka ng propesyon, sa alinmang antas ng lipunan ito nabibilang, nababalot ito ng malaking puwersa ng nauugnay na propesyon. Nagsasagawa ka man ng mataas o mababang hanapbuhay, may mga kaugnay na grupo ng taong nakapaloob sa hanapbuhay na iyon. Kung, sa loob ng lipunan, ang mga grupong ito ay may ilang taon ng karanasan, mga partikular na kwalipikasyon, o mga partikular na pundasyon sa lipunan, walang dudang bumubuo ang mga iyon ng isang di-materyal na puwersa. Halimbawa, maaaring hindi maituturing na isang mataas na hanapbuhay ang propesyon ng pagtuturo, ngunit hindi rin ito mababa. Medyo mas mataas ito kaysa sa mga hanapbuhay na tulad ng pagsasaka o ng iba’t ibang klase ng pisikal na trabaho, ngunit medyo mas mababa sa mga tunay na mataas na propesyon sa lipunan. Sa loob ng hanapbuhay na ito, maliban sa simpleng trabahong iyong isinasagawa, marami pang ibang taong dumaragsa sa industriya. Kaya, sa industriyang ito, tinutukoy ang pagkakaiba ng mga tao sa pamamagitan ng taas ng posisyon at lawak ng karanasan nila. Ang matataas na posisyon sa propesyong ito ay bumubuo ng isang uri na kumokontrol sa mga bagay na tulad ng mga tauhan, kalakaran, polisiya, patakaran, at panuntunan; bumubuo ito ng kaukulang puwersa sa loob ng propesyon. Halimbawa, sa propesyon ng pagtuturo, sino ang lider, ang pinakamataas na amo na nangunguna at kumokontrol sa propesyon, at sino ang kumokontrol sa iyong kabuhayan at suweldo? Sa ilang bansa, maaaring mayroong unyon ng mga guro; sa Tsina, ito ang kawanihan ng edukasyon at ang Kagawaran ng Edukasyon. Kumakatawan ang mga institusyong ito sa saklaw ng mga puwersang nauukol sa propesyon ng pagtuturo sa lipunan. Sa gayunding paraan, para sa mga magsasaka, sino ang kanilang direktang superbisor? Maaaring isa itong lider ng grupo, isang pinuno ng nayon, o ang pinuno ng isang bayan, at ngayon ay may ipinapasok pang mga komite ng pamamahalang pang-agrikultura. Hindi ba’t ito ang saklaw ng mga puwersang nauukol sa propesyong ito? (Oo.) Ang iba’t ibang saklaw na ito ng mga puwersa ay masasabing nakaaapekto at nakapagkokontrol sa iyong mga kaisipan, salita at kilos, at maging sa iyong pananampalataya at sa landas na iyong tinatahak sa buhay. Bukod sa kinokontrol ng mga iyon ang iyong kabuhayan; kinokontrol din ng mga iyon ang lahat ng bagay na tungkol sa iyo. Lalo na sa bansa ng malaking pulang dragon, palaging nagdaraos ang mga hindi mananampalataya ng mga ideolohikal na seminar, nagsasabi ng kanilang mga iniisip, at nagsusuri kung may anumang problema sa kanilang mga kaisipan, kung may nakapaloob sa mga iyon na anumang elementong laban sa partido, laban sa estado, o laban sa tao. Alinmang propesyon ang iyong isinasagawa, isa man itong mas tradisyonal na hanapbuhay o isang mas makabagong hanapbuhay, iiral ang iba’t ibang katumbas na puwersang nasa saklaw ng propesyon sa paligid mo. Ang ilan sa mga puwersang iyon ay ang mga direktang superbisor mo, ang mga taong direktang responsable sa pagpapalabas ng iyong suweldo at panggastos sa araw-araw. Ang iba ay maaaring mga di-materyal na puwersa. Halimbawa, ipagpalagay nating isa kang hindi kapansin-pansing empleyado sa isang lugar ng trabaho; magkakaroon ng iba’t ibang puwersang umiiral sa saklaw ng iyong propesyon. Ang ilan ay nagpapalakas sa tagapamahala at laging umaaligid sa mga ito—isang uri ito ng puwersa. Pagkatapos ay naroon ang grupo ng isang puwersang nananatiling malapit sa CEO at nagtatalaga sa kanilang sarili sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay para sa CEO. Ang isa pang grupo ay maaaring malapit sa direktor ng departamento ng marketing. Umiiral ang lahat ng iba’t ibang puwersang ito. Ano ba ang layon ng mga puwersang ito? Paano nabubuo ang mga puwersang ito? Ito ang pagkuha ng bawat tao sa kung ano ang gusto nila, pati na ang pagkampi at pagpapalakas sa mga taong nasa kapangyarihan upang makamit ang sarili nilang mga layunin at tumagal, na pagkatapos ay humahantong sa pagkabuo ng iba’t ibang puwersa. Ang ilang puwersa ay nagtataguyod ng isang pamamaraan, habang ang iba, nagtataguyod ng ibang pamamaraan. Maaaring may tendensiya ang ilang puwersang gumawa ng mga bagay-bagay ayon sa panuntunan at sumunod sa mga pamantayan ng pinagtatrabahuhan, habang ang iba naman ay maaaring kumilos nang mas kasuklam-suklam, kapwa ipinagwawalang-bahala ang batas at propesyonal na etika. Sa pamumuhay sa isang kapaligiran kung saan naghahalo-halo ang iba’t ibang puwersang ito, paano ka dapat magpasya? Paano ka dapat tumagal? Dapat ka bang makipaglapit sa organisasyon ng partido, o sa isang tagapamahala o CEO? Dapat ka bang magpalakas sa isang direktor o pinuno ng seksyon, o dapat ka bang kumampi sa isang lider ng kawanihan o direktor ng pabrika? (Wala sa mga iyon.) Gayunpaman, upang tumagal, malimit na tinatalikuran ng mga tao ang kanilang dignidad, mga prinsipyo sa pag-asal, at lalo na ang mga hangganan ng paraan ng pag-asal nila. Sa loob ng masalimuot na kapaligiran ng mga puwersang ito, wala sa loob na pipiliin ng mga taong makipagkampihan, sumunod sa agos, at kumampi sa iba’t ibang puwersa. Naghahanap sila ng isang puwersang tatanggap at magpoprotekta sa kanila, o naghahanap sila ng puwersang maaaring maging mas madali nilang tanggapin, isang puwersang kaya nilang kontrolin, at nakikipaglapit o sumasama pa sila rito. Hindi ba’t likas na ugali ito ng tao? (Ganoon nga.) Hindi ba’t isa itong uri ng kasanayan o pamamaraan ng pag-iral? (Oo.) Isa mang likas na ugali o kasanayan ang pakikibagay ng mga tao sa lipunang ito at sa iba’t ibang grupo, isa ba itong prinsipyo ng pagsasagawa na dapat taglayin ng isang tao sa pag-asal? (Hindi.) Maaaring sabihin ng ilang tao, “Kahit na sinasabi mo ngayong hindi, kapag talagang nalagay ka sa ganoong sitwasyon, sa tunay na buhay ay pipiliin mong makipagkampihan at maghanap ng proteksyon sa anumang puwersang kapaki-pakinabang sa iyo at nagbibigay-daan sa iyong umiral. At sa kaibuturan, maaari mo pang maramdamang kailangang umasa ng mga tao sa mga puwersang ito upang mabuhay, na hindi nila kayang mabuhay nang nagsasarili, dahil ang pamumuhay nang nagsasarili ay nagdudulot sa kanilang maging lantad sa panganib ng pang-aapi. Hindi puwedeng palagi kang manatiling nagsasarili at malayo; kailangan mong matutong magpasakop at manatiling malapit sa iba’t ibang puwersa. Kailangan mong maging mapagmasid, sumipsip sa mga tao, at magpanggap ayon sa hinihingi ng sitwasyon. Kailangan mong sumunod sa agos, maging magaling sa pambobola, matantiya ang mga kalakaran, at magkaroon ng malakas na pakiramdam. Kailangan mong alamin at maging pamilyar sa kung ano ang mga gusto at hindi gusto ng iyong mga lider, ang kanilang mga ugali at personalidad, ang kanilang mga pinagmulang pamilya, kung anong uri ng mga bagay ang gusto nilang marinig, ang kanilang mga edad, kaarawan, ang gusto nilang mga tatak ng amerikana, mga sapatos, at mga balat na bag, ang gusto nilang mga kainan, pangalan ng kotse, tatak ng computer at telepono, kung anong klase ng mga software ang gusto nilang mailagay sa kanilang mga computer, kung anong uri ng libangan ang kinasisiyahan nila sa kanilang libreng oras, kung sino ang gusto nilang makahalubilo, at kung ano-anong paksa ang kanilang pinag-uusapan.” Alang-alang sa pananatili, wala sa loob at likas kang makikipaglapit sa kanila, sasama sa kanila, magiging labis na matulungin at gagawa ng mga bagay na nag-aalangan kang gawin, at magsasabi ng mga bagay na ayaw mong sabihin upang mabigyang-kasiyahan ang iyong mga lider at katrabaho, at pipilitin ang iyong sariling mahusay na magpatakbo at magkontrol ng lahat ng bagay sa iyong pinagtatrabahuhan, sinisigurong garantisado na ang iyong buhay at pananatili. Nalalabag man ng iyong mga kilos ang etika at ang mga hangganan ng sariling pag-asal, o kahit pa nangangahulugan itong pagtalikod sa iyong dignidad, wala kang pakialam. Ngunit ang kawalan ng pakialam na ito ang mismong naghuhudyat sa simula ng iyong pagbagsak, at isa itong tanda na wala nang makatutulong sa iyo. Samakatuwid, sa panlabas, hindi masisisi ng isang tao ang mga taong walang magawa kundi makipaglapit sa iba’t ibang puwersa ng lipunan alang-alang sa kanilang buhay at pag-iral. Gayunpaman, ang mga pag-uugaling ipinakikita ng mga tao, ang mga pagpapasya nila, at ang mga landas na pinipili nilang tahakin, ay nagbabaluktot sa kanilang pagkatao at karakter. Kasabay nito, habang nakikipaglapit o sumasama ang mga tao sa iba’t ibang puwersa, tuloy-tuloy silang natututong gumamit ng iba’t ibang pakana at diskarte upang bigyang-kasiyahan at bigyang-lugod ang mga puwersang ito, upang mapabuti ang sarili nilang mga buhay at mas mapaganda ang mga kondisyon ng kanilang pananatili. Habang mas ginagawa nila ito, mas maraming lakas at panahon ang kailangan nila upang mapanatili ang kasalukuyang kalagayang ito at ang mga kaugnayang ito. Samakatuwid, sa limitado mong panahon at mga araw, bukod sa walang kabuluhan ang bawat salitang iyong binibigkas, ang bawat kilos na iyong ginagawa, at ang bawat araw na iyong pinagdaraanan; bulok pa ang mga iyon. Ano ba ang ibig sabihin ng bulok ang mga iyon? Ibig sabihin nito ay lalo kang nagiging masama sa bawat araw, hanggang sa puntong hindi ka na mukhang tao o multo. Sa kapaligirang ito, hindi payapa ang iyong puso upang humarap sa Diyos, at siyempre, hindi rin marami ang oras mo para gawin ang iyong tungkulin. Imposible mong mailaan ang buong katawan at isipan mo sa paggawa sa iyong tungkulin, at kasabay niyon ay imposible mong mailaan ang iyong katawan at isipan sa paghahangad sa katotohanan. Sa gayon, malabo ang mga posibilidad na maligtas ka, madilim ang iyong mga pag-asa. Dahil nakapaglaan ka na sa iba’t ibang puwersa ng lipunan, pinili mong makipaglapit sa mga iyon, at minabuti mong sumama sa mga iyon at tanggapin ang mga iyon, ang mga kahihinatnan ng pagpiling ito ay kailangan mong ialay ang buong katawan at isipan mo sa pagpapanatili sa kasalukuyang kalagayang ito, iginugugol ang iyong mga araw. Napapagod ang iyong katawan at isipan, na para bang iginugugol mo ang bawat araw sa nakasisirang sistema, subalit dahil sa iyong mga pasya, kailangan mong magpatuloy nang ganito sa araw-araw. Sa loob ng masalimuot na kapaligiran ng iba’t ibang puwersa, kapag sumama ka sa kanila, ang bawat salitang kanilang sinasabi, ang mga kalakarang nakapaloob doon, pati na ang mga paparating na bagay, ang mga pag-uugali ng bawat tao at ang pinakatatago nilang kaisipan, at lalo na kung ano ang iniisip ng iyong mga direktang superbisor, ang pinakamataas na antas ng mga puwersang ito—kailangan mong timbangin ang lahat ng ito at magkalap ng impormasyon tungkol sa mga ito nang nasa oras. Hindi ka puwedeng magpakatamad o magpabaya rito. Kung ano ang kanilang iniisip, kung ano ang mga bagay na ginagawa nila na lingid sa kaalaman ng mga tao, kung ano ang mga plano at layunin nila, maging kung ano ang kanilang pinaplano o intensyon para sa bawat tao, kung ano ang kanilang ipinapasya para sa mga ito at kung ano ang mga saloobin nila sa mga ito—kung nais mong lubusang malaman ang mga bagay na ito, kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa sa kaibuturan ng iyong puso tungkol sa sitwasyong iyon. Kung gusto mo silang lubusang maunawaan, kailangan mong ilaan ang lahat ng iyong lakas sa pag-aaral at pagiging dalubhasa sa mga bagay na ito. Kailangan mong kumain kasama nila, makipagkuwentuhan sa kanila, tawagan sila sa telepono, mas makihalubilo sa kanila sa trabaho, at makipaglapit pa nga sa kanila sa mga pista at subaybayan ang kanilang mga galaw. Ang resulta, kumusta man ang iyong mga araw, puno man ang mga iyon ng kagalakan o pasakit, kahit na gusto mong gawin ang iyong tungkulin at hangarin ang katotohanan, magkakaroon ka ba ng panahong sapat na payapain ang iyong sarili upang gawin ang iyong tungkulin nang buong katawan at isipan mo? (Hindi namin magagawa.) Sa ganitong uri ng kondisyon, ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang paggampan sa iyong tungkulin ay magiging walang iba kundi isang uri ng libangang ginagawa mo sa iyong bakanteng oras. Anuman ang iyong mga hinihingi at ninanais para sa iyong pananampalataya sa Diyos, sa iyong kasalukuyang kondisyon, ang pagsampalataya sa Diyos at paggawa sa iyong tungkulin ay malamang na mga huling bagay lamang sa iyong listahan ng mga ninanais. Tungkol naman sa paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa kaligtasan, maaaring hindi ka naglalakas-loob na isipin ang mga iyon, o maaaring ni hindi mo magawang isipin ang mga iyon—hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Samakatuwid, para sa sinuman sa inyo, anuman ang kapaligiran ng trabahong kinalalagyan mo, kung nais mong makipaglapit o sumama sa iba’t ibang puwersa, o kung nakipaglapit at sumama ka na sa mga iyon, anuman ang iyong mga dahilan o katwiran, ang tanging pinakakahihinatnan ay maglalahong parang bula ang iyong pag-asang maligtas. Ang pinakatuwirang kalugihan nito ay halos hindi ka na magkakaroon ng panahong magbasa ng mga salita ng Diyos o gawin ang iyong tungkulin. Siyempre, imposible para sa iyong magpanatili ng payapang puso sa harapan ng Diyos o taimtim na magdasal sa Diyos—hindi mo makakamit kahit na ang pinakamaliit na bagay na ito. Dahil ang kapaligirang kinalalagyan mo ay lubhang komplikado ng mga tao at pangyayari, sa sandaling makasama ka na sa iba’t ibang puwersa, katulad ito ng pagtapak sa isang kumunoy—sa sandaling nasa loob ka na, hindi na madaling iahon ang iyong sarili. Ano ang ibig sabihin ng hindi madaling iahon ang iyong sarili? Ibig sabihin nito, sa sandaling pumasok ka sa saklaw ng iba’t ibang puwersa, malalagay ka sa sitwasyong hindi ka makatatakas sa iba’t ibang usaping kaakibat ng mga puwersang ito, at sa lahat ng uri ng pagtatalong dulot ng mga iyon. Malalagay ka sa sitwasyon kung saan palagi kang masasangkot sa iba’t ibang tao at pangyayari, at hindi mo maiiwasan ang mga iyon kahit pa subukan mo, dahil naging isa ka na sa kanila. Kaya, ang bawat pangyayaring nagaganap sa saklaw ng mga puwersang ito ay konektado at magdadawit sa iyo, maliban na lang kung may partikular na sitwasyong mangyayari; ibig sabihin, mananatili kang walang pakialam dito sa mga pakinabang at kalugihan pati na sa mga pagtatalo, at oobserbahan mo ang lahat ng bagay mula sa perspektiba ng isang tagamasid. Kung gayon, posibleng makaiiwas ka sa iba’t ibang pagtatalo o anumang potensyal na kasawian. Gayunpaman, sa sandaling sumama ka sa mga puwersang ito, sa sandaling makipaglapit ka sa mga ito, sa sandaling buong-puso kang makibahagi sa bawat pangyayaring nagaganap sa gitna ng mga ito, walang dudang mabibitag ka. Hindi ka makapananatili bilang isang tagamasid; maaari ka lamang maging kabahagi. At bilang isang kabahagi, mabibiktima ka ng saklaw ng mga puwersang ito.
Sinasabi ng ilang tao, “Sa aling larangan ng hanapbuhay o sa aling grupo ka man umiiral, maliit na bagay lang ang kayan-kayanin ng iba—ang mahalaga ay kung magagawa mong tumagal o hindi. Kung hindi ka kakampi sa mga organisasyon o sa iba’t ibang puwersa, kung walang susuporta sa iyo sa lipunan o sa loob ng iba’t ibang grupo, hindi ka makararaos.” Ganito ba talaga ang mga bagay-bagay? (Hindi ganoon iyon.) Sa iba’t ibang grupo sa lipunan, ang layon sa likod ng pagpapalakas ng mga tao sa iba’t ibang puwersa ay ang “makisilong sa ilalim ng malaking puno,” upang makahanap ng mga puwersang susuporta sa kanila. Ito ang pinakapangunahing hinihingi ng mga tao. Bukod doon, nais ng mga taong samantalahin ang mga puwersang ito upang tumaas ang posisyon nila, upang matupad ang sarili nilang mithiin ng paghahangad ng mga pakinabang o ng kapangyarihan. Kung, sa saklaw ng iyong propesyon, naghahanapbuhay ka lamang at kontento ka na sa pagkakaroon lang ng pagkain at damit, hindi mo na kailangang makipaglapit sa anumang puwersa. Kung makikipaglapit ka sa mga iyon, nangangahulugan iyong bukod sa paghahanapbuhay at pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan na pagkain at damit—talagang may iba ka pang mga layunin, maaaring para sa katanyagan o kapakinabangan. May nagsasabi ba na, “Bukod sa paghahanapbuhay, gusto ko ring patunayan ang aking sarili”? Kinakailangan ba ito? (Hindi ito kinakailangan.) Sa sandaling kumita ka na ng pera, makakain nang tatlong beses sa isang araw, at magkaroon ng mga damit na masusuot, sapat na iyon—ano ang punto ng pagsusumikap para sa dangal? Para kanino ka nagsusumikap? Para ba ito sa iyong bansa, mga ninuno, mga magulang, o para sa iyong sarili? Sabihin mo sa Akin, mas mahalaga bang magsumikap para sa dangal o makontento sa pagkain at damit? (Mas mahalagang makontento sa pagkain at damit.) Ang pagsusumikap para sa dangal ay isang disposisyong puno ng pagiging padalos-dalos; ang anumang iyong ginagawa ay alang-alang sa dangal na ito. Isa itong abstrakto at walang lamang konsepto. Pinakapraktikal na kumita ng pera upang makapagpanatili ka ng kabuhayan. Dapat ay ganito mo ito isipin: “Anuman ang sitwasyon, sinuman ang kumakampi kanino, o sinuman ang nakikipaglapit sa anong antas ng lider o opisyal, walang mahalaga sa mga ito. Sinuman ang itinataas o ibinababa ang posisyon, itinataas ang suweldo, o gumagamit ng anumang pamamaraan upang maging mataas na opisyal, hindi mahalaga ang lahat ng ito. Nagtatrabaho lang ako upang may maihaing pagkain sa mesa. Anuman ang pinagsusumikapan ng sinuman sa inyo ay walang kinalaman sa akin. Anu’t ano man, gumugugol ako ng walong oras kada araw, nababayaran ako nang nararapat sa akin, at basta’t kaya kong suportahan ang aking sarili at pamilya, kontento na ako. Iyon lang iyon; ito ang kakaunting hinihiling ko.” Gawin mo ang hinihingi sa iyong trabaho at gawin mo iyon nang maayos, at tanggapin mo ang iyong suweldo at anumang karagdagang pera nang malinis ang konsensiya—sapat na iyon. Tama ba ang saloobing ito sa pag-iral at sa hanapbuhay ng isang tao? (Oo.) Paano ito naging tama? (Dahil namumuhay sila nang may saloobing alinsunod sa hinihingi ng Diyos. Una, nangangahulugan itong hindi paggawa sa trabaho ng isang tao sa isang pabasta-bastang paraan at nagagawa nang maayos ang trabaho ng propesyon ng isang tao. Pangalawa, nangangahulugan itong hindi paghahanap ng proteksyon o pagpapalakas sa anumang puwersa; sapat na ang pagtustos sa mga pangangailangan ng isang normal na buhay. Naaayon ito sa mga salita ng Diyos.) Siyempre, naaayon ito sa mga salita ng Diyos. Hinihingi ba ito sa iyo ng Diyos upang protektahan ka? (Oo.) Upang protektahan ka mula sa ano? (Sa pamiminsala ni Satanas. Kung hindi, sa sandaling masangkot kami sa gayong mga pagtatalo, magiging masyadong masaklap ang buhay, at higit pa roon, kaunti na lang ang oras na matitira sa amin para sa pagsampalataya sa Diyos at paggawa sa aming mga tungkulin.) Isang aspekto ito. Pangunahin na, ano ang isa pang aspekto? Kapag nasangkot ka sa iba’t ibang puwersa, ang pinakaresulta ay ikaw mismo ang mapapahamak. Talagang hindi ito sulit! Una, hindi mo mapoprotektahan ang iyong sarili. Pangalawa, hindi mo itataguyod at isusulong ang katarungan. Pangatlo, makikipagsabwatan ka sa iba’t ibang puwersa, pinalalaki ang iyong mga kasalanan. Samakatuwid, walang anumang benepisyo ang pakikipaglapit sa mga puwersang ito. Kahit pa maitaas nga ang iyong suweldo o posisyon sa pamamagitan ng pagpapalakas sa iba’t ibang puwersa, ilang kasinungalingan ang kakailanganin mong sabihin kasama sila? Ilang masamang gawa ang kakailanganin mong gawin nang lingid sa kaalaman ng mga tao? Ilang tao ang kakailanganin mong parusahan nang hindi nalalaman ng iba? Sa lipunang ito, bakit ba kailangan ng lahat ng uri ng tao at ng iba’t ibang industriya na magkaroon ng mga puwersang ito? Ito ay dahil walang katarungan at hustisya sa lipunang ito. Mapoprotektahan lamang ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-asa na aaksyon ang iba’t ibang puwersa, at makukuha lamang nila ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng pag-asa na magsasalita at kikilos ang mga ito. May katarungan ba rito? (Wala.) Walang katarungan dito; ang lahat ng bagay ay nakabatay sa mga puwersang ito. Ang sinumang may mas malaking puwersa ang may huling pasya, habang ang mga taong walang puwersa o mas maliit ang puwersa ay walang opinyon. Maging ang paggawa ng mga batas ay ganito tumatakbo: Kung malaki ang puwersa mo, maisasabatas at mapatutupad ang mga batas na iyong ginagawa. Kung wala ka masyadong puwersa, wala sa mga batas at patakarang iyong ipinapanukala ang maisasabatas, at hindi makapapasok ang mga iyon sa pambansang lehislasyon. Totoo ito sa anumang grupo ng tao: Kung malaki ang puwersa mo, maipaglalaban mo ang sarili mong mga interes at masusulit ang mga iyon; kung wala kang puwersa, maaaring maalis o maagaw sa iyo ang iyong mga interes. Ang layon sa likod ng pagkabuo ng iba’t ibang puwersa ay kontrolin ang mga sitwasyon gamit ang parehong mga puwersang iyon, mangibabaw pa nga sa opinyon ng madla, sa batas, at sa moralidad ng tao. Mahihigitan ng mga iyon ang batas, moralidad, at pagkatao—mahihigitan ng mga iyon ang lahat ng bagay. Kapag mas malaki ang puwersa ng isang tao, mas malaki ang kanyang impluwensya, at mas dadami ang magiging pagkakataon niyang gawin ang naisin niya, magdikta ng mga bagay. Katarungan ba ito? (Hindi.) Walang katarungan. Ang kapangyarihan at puwersa ang kumakatawan sa kanyang pagkakakilanlan at tumutukoy sa bahagi sa mga pakinabang na makukuha niya. Kung nasa loob ka ng isang grupo ng lipunan at ang gusto mo lamang ay mapanatili ang iyong kabuhayan at magkaroon ng pagkain at damit, at ang paghahangad mo ay hindi para sa katayuan o reputasyon, o upang tuparin ang sarili mong mga pagnanais, mukhang hindi mo talaga kinakailangang makipaglapit sa iba’t ibang puwersa. Kung gusto mong ilaan ang lahat ng panahon mo sa pagganap sa iyong mga tungkulin, kung gusto mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at sa huli ay matamo ang kaligtasan, ngunit nais mo ring magpalakas sa iba’t ibang puwersa, magkasalungat ang dalawang bagay na ito. Hindi mapupunan ng mga ito ang isa’t isa dahil lubos na magkasalungat ang mga ito, di-magkatugma ang mga ito na parang tubig at langis. Hindi magkakaroon ng anumang epekto ang pakikipaglapit sa iba’t ibang puwersa sa pagtulong sa iyong pananampalataya sa Diyos o sa iyong paghahangad sa katotohanan. Hindi ka nito matutulungang mas malinaw na matukoy ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas, hindi ka rin nito mabibigyan ng mas mataas na awtoridad o hahayaang sumampalataya sa Diyos nang hindi tinatanggihan ng mundo at inuusig ng pamahalaan. May ilang taong nakatira sa maliit na nayon ngunit matayog ang mga intensyon sa kanilang puso. Iniisip nila, “Ipinanganak ako sa kanayunan. Isa akong magsasaka. Bagaman napagmamalupitan ako, nakararaos pa rin ako sa pamamagitan ng pagtatanim ng kaunting trigo at gulay, at pag-aalaga ng kaunting manok, baka, at tupa. Kung sasampalataya ako sa Diyos at maghahangad ng katotohanan, napakaganda na ng mga kondisyong ito; nasa akin ang mga pangunahing kondisyong kailangan ko para sa pag-iral. Ngunit bakit pakiramdam ko ay laging may kulang sa pamumuhay at pag-iral sa lipunang ito at sa piling ng mga taong ito?” Ano ang kulang? Wala silang makapangyarihang tagasuporta. Tingnan mo kung paano pumipili ng bahay ang mga tao: Palaging mas pinipili nila ang bahay na may malaking bundok sa likod nito. Itinuturing nila ang bundok na iyon bilang tagasuporta nila, at ipinararamdam nito sa kanilang ligtas na manirahan doon. Kung may bangin sa likod ng bahay, hindi nila madaramang ligtas na tumira doon, na para bang sa anumang sandali ay mahuhulog sila sa gilid ng bangin. Sa gayunding paraan, sa paninirahan sa isang nayon, kung ang isang tao ay hindi magkakaroon ng ugnayan sa isang taong may reputasyon at katayuan, at paminsan-minsan ay bibisitahin ito upang mahikayat itong suportahan siya, palagi niyang mararamdamang medyo nakabukod siya sa pamumuhay sa nayong iyon at palaging nanganganib na makayan-kayanan at hindi makaraos. Iyon ang dahilan kung bakit palagi siyang nagnanais na magpalakas sa pinuno ng nayon. Isa ba itong magandang ideya? (Hindi.) Lalo na pagdating sa pagsampalataya sa Diyos, sa ilang bansa kung saan nahaharap sila sa pag-uusig ng pamahalaan, sinasabi ng ilang tao, “Kung mangangaral tayo ng ebanghelyo sa pinuno ng nayon at hindi siya sasampalataya, ngunit sasampalataya naman ang kanyang nanay, lola, asawa, o anak, hindi ba’t pakikipaglapit na iyon sa pinuno? Kung ang isang kapatid sa ating iglesia ay may prominenteng posisyon sa nayon o kamag-anak ng pinuno ng nayon, hindi ba’t magiging matatag ang kalagayan ng iglesia roon? Hindi ba’t magkakaroon ito ng katayuan? Hindi ba’t ang ating mga kapatid na sumasampalataya sa Diyos ay makakakain at makapagsasaka sa nayon nang hindi iyon nagiging problema? Bukod pa rito, kapag dumating ang malaking pulang dragon o ang Departamento ng Gawain ng Nagkakaisang Kilusan upang mag-imbestiga, magkakaroon ng taong susuporta sa atin. Maganda iyon!” Palagi mong ninanais na mapalapit sa kung anong organisasyon o grupo ng mga puwersa upang masigurong hindi ka malalagay sa anumang mapanganib na sitwasyon, upang masigurong makasasampalataya ka sa Diyos nang ligtas at malaya sa pag-uusig—napakaganda niyon! Kasabay niyon, sa pakikihalubilo sa mga maimpluwensiyang tao, pakiramdam mo ay isa kang taong may impluwensiya, hindi ba? Isa itong magandang kaisipan, ngunit gusto naman ba ng pinuno ng nayon na makipaglapit ka sa kanya? Ang pinuno ba ng nayon ay isang taong masasamantala mo? Papayag ba ang pinuno ng nayon na samantalahin mo siya? Ikaw, na isang pangkaraniwang tao, ay nagnanais na mapalapit sa organisasyon o sa pinuno ng nayon, at iniisip mong maisasakatuparan iyon sa pangangaral lamang ng ebanghelyo? Hindi ba’t kailangan mong mag-alay ng ilang katanggap-tanggap na regalo o gumawa ng ilang mahalagang gawain upang mapalapit sa pinuno ng nayon? Ano ang karanasang mayroon ka? Madali bang mapalapit sa pinuno ng nayon? Kahit ang pakikipaglapit sa alaga niyang aso ay magiging mahirap! At hindi uubra ang direktang pagbibigay ng regalo sa pinuno ng nayon; kakailanganin mong makipaglapit sa kanyang asawa, nanay, tiyahin, o lola, mula sa medyo mas madadaling target. Bakit mo kailangang makipaglapit sa lola ng pinuno ng nayon? Mas malapit ang ugnayan sa kanya ng pinuno ng nayon, kaya magsisimula ka sa kanya, at sa pamamagitan ng kanyang lola, isang matanda sa pamilya na makapagbibigay ng magandang rekomendasyon sa iyo, unti-unti kang makalalapit sa pinuno ng nayon. Ito ang tinatawag na “hindi tuwirang pamamaraan,” hindi ba? Kung direkta kang magbibigay ng regalo sa pinuno ng nayon, maaari niyang itanong, “Sino ka?” At tutugon ka, “Ako si ganito-at-ganyan mula sa pamilyang Li sa silangang bahagi ng nayon.” “Aling pamilyang Li? Bakit hindi ko sila kilala?” Kung ni hindi ka niya nakikilala, magiging madali bang makipaglapit sa kanya? (Hindi, hindi ito magiging madali.) At kung bibigyan mo siya ng regalo, anong klase ng regalo ang makatatawag sa pansin niya? Mga bareta ng ginto, mga bloke ng ginto—mayroon ka ba ng mga iyon? Mga trepang—gusto ba niya ng mga iyon? Makikita niya kung inangkat o lokal ang mga trepang mo; marami na siyang ganoon. Maghihigpit ka ng sinturon at matipid na mamumuhay sa mga araw mo upang mabili ito, hindi mangangahas na kainin ito—o hawakan man lang ito. Ibibigay mo ito sa kanya at hindi man lamang niya ito susulyapan. Bibigyan mo siya ng sinturon, at sasabihin niya, “Gawang lokal ito, hindi ba?” Sasabihin mo, “Balat ito ng baka.” At sasabihin niya, “Sino pa ba ang nagsusuot ng sinturong gawa sa balat ng baka sa panahon ngayon? Wala nang nagsusuot ng mga iyon. Nagsusuot ang mga tao ng mga sinturong gawa sa tunay na balat na may mga tatak na produktong Europa o mga sinturon na may mga nakabaong diyamante. May mga ganoon ka ba?” Sasabihin mo, “Ano ba ang itsura ng mga iyon? Hindi pa ako nakakakita ng ganoon.” Sasabihin niya, “Kung hindi ka pa nakakakita ng ganoon, huwag ka nang mag-abalang pumunta rito. Sa pulubi mo ba gustong ibigay ang sinturong ito?” Makapagpapalakas ka ba sa gayong tao? Inaakala mong mautak ang iyong plano, na napag-isipan mo na itong lahat, ngunit minamaliit lang niya ang mga regalo mo. Minamaliit na nga niya ang mga regalo mo, subalit ipinagpipilitan mo pang magpalakas sa kanya. Nararapat ba ito? Kahit pa mataas ang tingin niya sa mga regalo mo, nararapat bang magpalakas sa kanya? (Hindi ito nararapat.) Para lamang magkaroon ng makakain, para lamang magkaroon ng makapangyarihang tagasuporta sa nayon, magiging handa kang gumawa ng gayong mga nakapapahiyang bagay. Hindi ba kayo nahihiya rito? (Nahihiya.) Ang pagpuntirya sa lola ng pinuno, pagpuntirya sa kanyang asawa at hipag, paggamit ng lahat ng uri ng basta-bastang pamamaraan, pagbibigay ng mga regalo at pagsubok na mapalapit. Sinasabi sa iyo ng iba, “Walang saysay ang pagbibigay mo ng mga regalong ito; ikaw mismo ang tinitingnan ng pinuno.” Susubukan mo pa rin bang makipaglapit? Wala kang maibibigay na regalong magiging angkop. Hindi papansinin ng pinuno ang mga iyon at iisiping hindi katanggap-tanggap ang lahat ng iyon para sa kanya. Ang pinakamasama sa lahat, kakailanganin mong ipasok ang sarili mo sa kasunduan. Susubukan mo pa rin bang makipaglapit sa kanya? (Hindi.) Maghahanap ka pa rin ba ng ganitong uri ng tagasuporta? Anong klase ba ng tao ang pinuno ng nayon? Isa ba siyang taong papayag na basta-basta mong lapitan? (Hindi.) Kahit magkaroon ka nga ng kaugnayan sa kanya at makalapit sa kanya, ano ang mangyayari pagkatapos nito? Makokontrol ba niya ang iyong kapalaran, o matutulungan kang magtamo ng kaligtasan? O pagdating ng oras ng pagharap sa tunay na pag-uusig at mga sitwasyon, kapag hinayaan at pinangasiwaan ng Diyos ang mga sitwasyong ito, maiiwasan mo bang humarap sa mga iyon? Ang pinuno ba ng nayon ang may huling pasya rito? (Hindi.) Kung isasaalang-alang ang lahat ng mga bagay na pinangasiwaan ng Diyos, walang anumang puwersa ang may huling pasya, lalong hindi ang pinuno ng nayon—walang anumang puwersang karapat-dapat na banggitin sa aspektong ito. Samakatuwid, sa pamamalagi sa mundong ito, ikaw man ay nasa isang nayon, lalawigan, siyudad, o anumang bansa, kahit pagdating sa anumang industriyang isinasagawa mo sa loob ng anumang bansa, ang lahat ng iba’t ibang puwersang umiiral ay hindi magkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa iyong kapalaran at hindi rin ito makapagbabago sa iyong kapalaran. Wala ni isang puwersa ang may hawak ng iyong kapalaran, lalong hindi magkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan dito, hindi rin nito maibabalangkas ang iyong tadhana. Sa kabaligtaran, sa sandaling sumama ka sa iba’t ibang puwersang umiiral sa lipunan, saka darating ang kapahamakan sa iyo at magsisimula ang iyong paghihirap. Habang mas napapalapit ka sa mga iyon, lalo kang nalalagay sa panganib; habang mas sumasama ka sa mga iyon, lalong nagiging mahirap na makawala rito. Bukod sa hindi na nakapagdudulot sa iyo ng anumang pakinabang ang iba’t ibang puwersang ito, habang mas sumasama ka sa mga iyon ay paulit-ulit ka pang sinisira at inaapakan ng mga iyon, binabaluktot ang iyong espiritu at isipan, nagdudulot sa iyong mawalan ng kapayapaan, nang sa gayon ay hindi ka na maniwala sa pag-iral ng katarungan at hustisya sa mundong ito. Sisirain ng mga iyon ang pinakamaganda mong pagnanais na maghangad ng katotohanan at kaligtasan. Kaya, upang umiral sa lipunang ito, anuman ang iyong antas sa lipunan, kapaligiran, o grupo, o sa anumang industriya ka naroroon, ang paghahangad ng isang puwersang maaasahan, na tatayo bilang sarili mong pananggalang na payong, ay isang nakalilinlang at labis-labis na kaisipan at pananaw. Kung pinipilit mo lamang na makatagal, dapat kang magpakalayo-layo sa mga puwersang ito. Kahit na ipinagtatanggol lamang ng mga puwersang ito ang mga lehitimo mong karapatang pantao, hindi iyon dahilan o katwiran upang masangkot sa mga iyon. Anuman ang kalagayan ng pag-iral sa lipunan ng iba’t ibang puwersang ito, anuman ang mga mithiin ng mga ito sa pagsulong, o ang direksyon ng mga kilos ng mga ito, sa madaling salita, bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos, bilang isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi ka dapat maging isa sa kanila, ni maging isang tagapagtaguyod sa loob ng iba’t ibang puwersang ito. Sa halip, dapat kang lumayo sa mga iyon, umiwas sa mga iyon, umiwas sa iba’t ibang pagtatalong kinasasangkutan ng mga iyon, umiwas sa iba’t ibang panuntunan ng pandarayang itinatakda ng mga iyon, at umiwas din sa mga nakapipinsalang bagay at nakapipinsalang salitang ipinagagawa at ipinasasabi ng mga iyon sa isang tao sa saklaw ng propesyon niya o sa saklaw ng mga puwersang ito. Hindi ka dapat maging isa sa kanila, at talagang hindi ka dapat maging isa sa mga kasabwat nila. Ito ang hinihingi ng Diyos sa iyo sa loob ng samu’t saring industriya at propesyon kung saan umiiral ang iba’t ibang puwersa: ang lumayo at umiwas sa mga iyon, huwag maging sangkalan ng mga iyon, huwag maging puntirya ng kanilang pananamantala, at huwag maging alagad o tagapagsalita ng mga iyon.
Siyempre, sa lipunang ito, maliban sa mga direktang superbisor ng isang tao sa iba’t ibang industriya at propesyon, at maliban sa mga organisasyong sibil, may mga partikular na ilegal na grupo rin sa lipunan na dapat iwasan ng mga tao—huwag kayong makisangkot sa mga taong ito o makisama sa kanila sa anumang paraan. Halimbawa, iyong mga taong nagsasagawa ng labis na pagpapatubo. May ilang taong walang puhunan para sa kanilang negosyo, at hindi sila makautang nang normal, ngunit may paraan para mapadali nila ang pag-ikot ng puhunan, iyon ay sa pamamagitan ng pautang na labis ang pagpapatubo. Bukod sa may kaakibat na matataas na antas ng interes ang pagpapautang na labis ang pagpapatubo, may dala rin itong malalaking panganib. May ilang taong, upang kumita ng malaking pera at makaiwas sa pagkalugi ng kanilang negosyo, sa huli ay nauuwi sa hakbang na ito: Pautang na labis ang pagpapatubo. Ang mga tao bang nagsasagawa ng labis na pagpapatubo ay mga tao sa lipunan na sumusunod sa batas? (Hindi, hindi sila gayon.) Ilegal na organisasyon sila sa lipunan, at dapat silang iwasan sa lahat ng pagkakataon. Anuman ang sitwasyong idinudulot sa iyo ng iyong pag-iral o kasalukuyang kalagayan, hinding-hindi mo dapat pag-isipang tahakin ang landas na ito, bagkus ay magpakalayo-layo at umiwas ka rito. Anuman ang maging mga problema sa iyong buhay at kabuhayan, kahit ang isipin ang mga iyon o pag-isipang tahakin ang landas na ito ay huwag na huwag mong gagawin. Hindi ba’t pareho ang grupo ng mga taong ito sa organisasyon ng partido? May mga partikular na pagkakatulad ang diumano’y samahang sumusunod sa batas at ang masasamang-loob. Huwag mong isipin na mabibigyan nila ang iyong kabuhayan ng solusyon sa problema o na mababago nila ang mga bagay-bagay; pagpapantasya ito. Sa sandaling piliin mong gawin ang bagay na ito, sa sandaling tahakin mo ang daang ito, magiging mas masahol ang buhay mo sa hinaharap. Siyempre, may isa pang uri ng diumano’y organisasyon sa lipunang ayaw nating pangalanan na hinding-hindi mo dapat lapitan, lalo na kapag nahaharap ka sa mga partikular na pambihira at mahirap na problema, kapag nahaharap ka sa mga pambihirang kapaligiran, o kapag nalalagay ka sa mga lubhang mapanganib na sitwasyon. Huwag mong pag-isipang gumamit ng mga labis-labis na pamamaran upang protektahan ang iyong sarili, upang makatakas sa panganib, at upang makawala sa mga paghihirap. Sa gayong mga sitwasyon, mas mabuti pang mabitag ng mga iyon kaysa sa makisama sa mga ganoong uri ng tao o masangkot sa kanila sa anumang paraan. Bakit mo ito gagawin? Ito ba ang sinasabing pagkakaroon ng integridad? Ito ba ang uri ng integridad na dapat taglayin ng mga Kristiyano? (Hindi ito ang uri ng integridad na dapat taglayin ng mga Kristiyano.) Kung gayon ay ano ito? (Hindi lang tamang makipaglapit sa kanila.) Bakit hindi ito tama? (Ang pakikipaglapit sa kanila ay magdudulot ng napipintong mas masahol na buhay, at mas malaking panganib sa hinaharap.) Ito ba ay para lamang makatakas sa paparating na panganib? Kung gayon ay bakit hindi ka muna kumawala sa nakaambang panganib sa iyo? Bakit hindi ka puwedeng makipaglapit sa mga puwersang ito? Sa Bibliya, nang Siya ay tuksuhin, paano tumugon ang Panginoong Jesus kay Satanas? (Sinabi ng Panginoong Jesus, “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran’” (Mateo 4:10).) Ang dapat na sambahin ng mga tao ay ang Diyos, at Siya lamang ang dapat na paglingkuran ng mga tao. Kasabay niyon, para sa Diyos lamang dapat na mabuhay ang mga tao. Kung pahihintulutan ng Diyos na mabawi ang iyong buhay, ano ang dapat mong gawin? (Magpasakop.) Dapat kang magpasakop sa Diyos at magpuri sa Kanya. Ang pangalan ng Diyos ay dapat na dakilain, at dapat na magpasakop ang mga tao sa Diyos nang hindi hinahangad ang sarili nilang buhay. Gayunpaman, kung nilalayon ng Diyos na mabuhay ka, sino ang makababawi sa iyong buhay? Walang makababawi nito. Kaya, anumang mga sitwasyon o panganib ang kaharapin mo, kahit na sa harap ng kamatayan, kung may puwersang makapagliligtas sa iyo mula sa kamatayan, ang puwersang ito ay hindi isang wastong puwersa kundi pagmamay-ari ni Satanas. Ano ang dapat mong sabihin? “Lumayas ka, Satanas! Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa magkaroon ng anumang kaugnayan sa iyo!” Hindi ba’t isa itong usapin ng prinsipyo? (Ganoon nga.) “Imposible para sa aking mabuhay dahil sa iyong mga puwersa, hindi rin ako mamamatay dahil sa pinabayaan na ako ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Imposibleng umasa ako sa isang puwersa at magparaya upang patuloy na mabuhay.” Ito ang prinsipyong dapat itaguyod ng mga tao. Kung malalagay ka sa isang mahirap na sitwasyon, at sasabihin ng isang tao na may puwersa sa lipunan na makapagliligtas sa iyo; kung maaaring magtagumpay ang puwersang ito sa pagliligtas sa iyo, ngunit magdadala ito ng kahihiyan sa iyo, sa mga Kristiyano, sa iglesia, at sa sambahayan ng Diyos; kung masisira nito ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos, paano ka tutugon? Tatanggapin mo ba ito o tatanggihan? (Tatanggihan.) Dapat kang tumanggi. Kung prinsipyo ang pag-uusapan, hindi tayo umaasa sa anumang puwersa upang umiral. Kaya, anuman ang mga sitwasyon o ang mapapanganib na sitwasyong kinahaharap natin, ang pinakapundamental na bagay, maliban sa pagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ay hindi na dapat natin pag-isipan ang tungkol sa paggamit ng iba’t ibang labis-labis na pamamaraan upang matakasan ang mapapanganib na suliranin. Sa sandaling matupad na ng mga tao ang mga responsabilidad at maigugol ang pagsisikap na nararapat nilang igugol, dapat nang ipaubaya ang ibang bagay sa pangangasiwa ng Diyos. Kung sasabihin ng isang taong may ilegal na organisasyon sa lipunang makapagliligtas sa iyo, papayag ka ba? (Hindi ako papayag.) Bakit hindi ka papayag? Ayaw mo bang mabuhay? Ayaw mo bang mabilis na matakasan ang iyong suliranin? Kahit kapag sinusubukang makatakas sa iyong suliranin at patuloy na mabuhay, kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo para sa sariling pag-asal. Kailagan mong malaman kung ano ang dapat at hindi mo dapat na gawin. Dapat na maging malinaw ang iyong puso at huwag kang mawalan ng mga prinsipyo.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.