Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 21 (Unang Bahagi)
Medyo naging malawak ang paksa ng pagbabahaginan sa panahong ito. Gaano karami ang natatandaan ninyo? Gaano karami ang naunawaan ninyo? (Pagkatapos magbahagi ng Diyos, medyo natatandaan namin ang kaunti roon. Para naman sa ibang bahagi nito, nagkaroon kami ng bahagyang impresyon dahil sa kasalukuyang pagdanas ng mga kaparehong sitwasyon. At para sa ibang bahagi, dahil kailanman ay hindi pa namin naranasan ang gayong mga sitwasyon, kaunti lang ang natandaan namin.) Kapag may mga pangyayari kayong hinaharap, nagkakaroon ba kayo ng anumang impresyon sa mga bagay na pinagbahaginan? (Kaunti. Kapag nahaharap sa parehong mga sitwasyon, natatandaan ko ang aspektong ito ng katotohanang ibinahagi ng Diyos, ang isa o dalawang nauukol na pangungusap sa Kanyang mga salita, at pagkatapos ay hinahanap ko ang mga salitang ito ng Diyos upang kainin at inumin, at pakiramdam ko ay nagkakaroon ako ng kaunting direksyon.) Naunawaan na ba ninyo ang mga prinsipyo? (Sa aspektong ito, medyo nagkukulang ako nang kaunti. Hindi ko pa talaga nauunawaan ang mga prinsipyo; naiuugnay ko lamang ang mga salita ng Diyos sa aking sarili, at mayroon akong kaunting pagkaunawa.) Alam ba ninyo kung ano ang pangunahing tinutukoy ng pag-unawa sa katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan? Kapag walang kakayahan ang isang tao na maarok ang katotohanan, hindi ba’t madalas na sinasabing “Hindi nauunawaan ng taong ito ang katotohanan,” o “Hindi niya naunawaan ang aspektong ito ng mga katotohanang prinsipyo”? Hindi ba’t madalas ay katulad niyon ang sinasabi ninyo? (Oo.) Kapag sinasabing ang isang tao ay nakauunawa sa katotohanan at may kakayahang maarok ito, ano ang tinutukoy nito? Tinutukoy ba nito ang pag-unawa sa doktrina hinggil sa katotohanan? (Hindi. Ang aking pakahulugan ay na pagkatapos pakinggan ang pagbabahagi ng Diyos, kung taglay ng taong ito ang kakayahang maarok ang katotohanan, kaya niyang iugnay ang kanyang sarili rito at makakuha ng kaalaman tungkol sa kanyang sarili, at mahanap ang mga prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan.) Ang pag-unawa sa katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang maarok ito ay pangunahing tumutukoy sa isang taong nakauunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, kapag pinagbahaginan ang isang partikular na katotohanan, anuman ang mga partikular na detalye at paksa, gaano man karaming mga halimbawa ang nakatala, o gaano man karaming usapin o kalagayan ang tinatalakay—nakapaloob sa lahat ng ito ang isang katotohanang prinsipyo. Kung kaya mong unawain at intindihin ang katotohanang prinsipyong ito, may kakayahan kang maarok ang katotohanan. Ano ba ang tinutukoy ng pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan? Ang ibig sabihin nito ay nagagawang unawain ang mga katotohanang prinsipyo, at, kapag nahaharap sa mga usapin, nagagawang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan. May ilang taong, kahit paano ibahagi sa kanila ang katotohanan, ilang halimbawa ang ibigay, ilang kalagayan ang talakayin, o gaano kapartikular ang talakayan, hindi pa rin nalalaman kung ano ang katotohanang tinatalakay rito, at hindi nila nagagawang tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, hindi nila maiugnay ang kanilang sarili rito o magamit ito. Kahit na kaya nilang magsalita nang ilang oras tungkol sa ilang salita at doktrina, talakayin ang mga ito nang malinaw at makatwiran, nakalulungkot na hindi nila magamit ang mga salita ng Diyos, na hindi nila kayang gamitin ang mga katotohanang prinsipyo sa pagtugon o pagharap sa mga problema. Hindi ito pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo o pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan. Kahit na gaano pa karaming doktrina ang talakayin nila, wala itong saysay. Ang mga katotohanang prinsipyo ay ang mga partikular na pamantayan sa pagsasagawa para sa bawat bagay at bawat kategorya ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Yamang ang mga iyon ay mga partikular na pamantayan sa pagsasagawa, tiyak na kalooban ng Diyos ang mga iyon. Ang mga iyon ay ang mga pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos sa mga partikular na usapin, at ang partikular na landas ng pagsasagawang dapat mong tahakin. Ang mga ito ay ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi lamang kalooban ng Diyos ang mga ito kundi mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ipagpalagay na naintindihan mo na ang mga katotohanang prinsipyo, may kakayahan ka nang maarok ang katotohanan. Kung may kakayahan kang maarok ang katotohanan, kapag nahaharap ka sa mga bagay, magsasagawa ka batay sa mga katotohanang prinsipyo. Makapagpapatuloy ka nang naaayon sa kalooban ng Diyos, at matutupad mo ang mga hinihingi ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo—ibig sabihin, kung wala kang kakayahang maarok ang katotohanan—ang anumang gagawin mo ay hindi nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga salita ng Diyos. Walang batayan at mga pamantayan ang iyong mga kilos, ibig sabihin, wala kang tiyak na mga pamantayan. Samakatuwid, hindi mo matutupad ang mga hinihingi ng Diyos. Upang masuri kung kaya ng isang taong gumawa ng tunay na gawain, tingnan mo kung may kakayahan siyang maarok ang katotohanan. Kung mayroon, kaya niyang lumutas ng mga tunay na problema. Kung wala siya nito, kahit na gaano pa karaming doktrina ang kaya niyang ibulalas, walang saysay ang lahat ng iyon. Ang isang taong mahilig tumalakay ng mga salita at doktrina ngunit hindi tumutugon sa mga tunay na suliranin ay isang tipikal na Pariseo. Kahit pa di-mabilang na sipi ng mga salita ng Diyos ang kaya mong kabisaduhin, wala itong saysay. Ang mga Pariseo ay mahusay na nakabibigkas ng mga kasulatan, pagkatapos, nagpupunta sila sa mga kanto upang magdasal; ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang makita sila ng mga tao, upang makapagpasikat sila, hindi upang tumugon sa mga tunay na problema. Ang gayong mga tao ay tumutuon sa pag-iipon ng lahat ng uri ng espirituwal, kapuri-puri at katanggap-tanggap sa buong mundo, malalim, at esoterikong kaalaman, doktrina, mga salita, at mga salawikain, at ipinapahayag ang lahat ng ito sa lahat ng dako. Nagpapakita pa nga sila ng ilang mabuting pag-uugali sa panlabas, nanlilihis ng mga tao gamit ang mga ito upang hangaan at sambahin sila ng mga ito. Ngunit pagdating sa mga tunay na suliranin, maliban sa pagtataguyod ng mga batas at pagsisipi ng ilang salita at doktrina, hindi nila kayang tugunan ang anumang tunay na problema. Tungkol sa mga panloob na kalagayan o diwa ng mga tao, at kung paano tatratuhin at tutugunan ang mga bagay na ito, wala silang anumang naiintindihan o nauunawaang katotohanan. Hungkag lamang silang makapagsasalita tungkol sa ilang salita at doktrina. Ito ang tinatawag na tipikal na Pariseo. Ang dahilan kung bakit nakapagtatalakay lamang ang mga Pariseo ng mga salita at doktrina, ngunit hindi nakatutugon sa anumang tunay na suliranin, ay sapagkat hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila kayang intindihin ang diwa ng suliranin mula sa umpisa hanggang sa dulo. Kaya pagdating ng oras upang tumugon sa mga suliranin, bumabaling sila sa pagbigkas ng mga kasinungalingan at pagpapahayag ng mga katawa-tawang perspektiba. Hindi nila nakikita ang tunay na pagkatao ng sinumang tao o ang diwa ng anumang usapin. Dahil dito, hindi sila nakalulutas ng anumang suliranin. Wala silang ni katiting na kakayahang makaarok. Gaano man karaming sermon ang kanilang napakinggan o gaano karaming doktrina ang kanilang natalakay, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanang prinsipyo o ang kalooban ng Diyos. Sa kabila ng pagiging mahirap at kaawa-awa, naniniwala pa rin silang nauunawaan nila ang katotohanan at ipinagmamalaking mga espirituwal na tao sila. Hindi ba’t kaawa-awa ito? (Ganoon nga.) Kaawa-awa at kasuklam-suklam ito. Kaya nilang magtalakay ng napakaraming salita at doktrina, at sumunod pa nga sa mga partikular na panuntunan, subalit hindi nila kayang lumutas ng anumang kongkretong suliranin. Babaling lamang sila ng panggagaya sa paraan ng pagsasalita ng iba at sasabihing, “Ay, may nangyari dito. Tingnan ninyo kung gaano kagulo, kakatwa, at kakaibang naganap ang bagay na ito. Ay, walang konsensiya at katwiran ang taong iyon, masama ang kanyang pagkatao at wala siyang kamalayan sa sarili. Sa tuwing may nangyayari sa kanya, umaasal siya nang walang-ingat.” Itatanong mo sa kanila, “Batay sa pag-uugaling ito, paano mo tatratuhin o iwawasto ang taong ito? Batay sa anong mga prinsipyo mo siya pangangasiwaan? Ano ang diwa ng kanyang pag-uugali? Ang ganitong uri ba ng tao ay isang anticristo, o sumusunod sa landas ng isang anticristo? Isa ba siyang huwad na lider, o masama lang ang kanyang pagkatao, o mababaw ang pundasyon ng kanyang pananampalataya?” Ngunit sasabihin nila, “Mahirap itong basahin.” Hindi nila alam kung paano ito lulutasin, at kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin, tinitingnan lang nila ang mga panlabas na pangyayari at kondisyon. Pagdating na talaga sa mga partikular na indibidwal na pag-uugali, pagpapamalas, salita, at kilos, mailalarawan o mabibilang lamang nila ang mga iyon, o maaari silang magkaroon ng ilang simple at paunang pasya, ngunit hindi nila kayang unawain ang diwa ng suliranin. Hindi nila alam kung paano tatratuhin o haharapin ang gayong mga tao; kung paano magbahaginan tungkol sa katotohanan upang hikayatin ang mga itong magnilay, kilalanin ang sarili, at iugnay ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos; kung paano tutulungan ang mga ito sa kanilang pagpasok sa buhay, o kung paano itatalaga ang mga taong ito pagdating sa administrasyon at mga tauhan. Kaya lamang nilang magsalita tungkol sa iba’t ibang pag-uugali at kondisyon ng ganito o ganoong kategorya ng mga tao. Kapag tinanong mo sila, “Napangasiwaan mo na ba ang mga taong ito?” tutugon sila ng, “Hindi pa, inoobserbahan ko pa sila.” Ito ang kalalabasan. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng kawalan ng kakayahang lumutas ng problema? (Oo.) Hindi ba’t ipinahihiwatig ng kawalan ng kakayahang lumutas ng problema ang kawalan ng kakayahang maarok ang katotohanan? (Oo.) Kung wala ang kakayahang maarok ang katotohanan, hindi ba’t hindi mauunawaan ng mga taong ito ang mga katotohanang prinsipyo? Hindi dahil sa hindi sila nakapakinig ng sapat na mga sermon kaya hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo; dahil ito sa wala silang kakayahang maarok ang katotohanan—hindi nila taglay ang katangiang iyon. Kung gayon, bakit karaniwang napakahusay nilang magsalita at makipagtalastasan? Dahil marami na silang napakinggan at naranasan, at nakabisado na nila ang lahat ng doktrinang ito, natural na nakapagtatalakay sila ng ilang salita at doktrina. Lalo na ang mga taong ilang taon nang nagsilbi bilang mga lider o manggagawa: Nahasa na nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng regular na pagsasanay, kaya nilang tumalakay at magsalita tungkol sa iba’t ibang salita at doktrina, at napakahusay nilang magsalita, na para bang bumibigkas ng mga talumpati at sanaysay. Ngunit hindi ito nangangahulugang mayroon silang tayog o realidad, ni nangangahulugang nauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo. Kailangang maging magaling kayo sa pagkilatis at hindi kayo mailigaw ng gayong mga tao. Kapag nakakita kayo ng taong nakapagsasalita nang tuloy-tuloy sa isa o dalawang araw sa mga pagtitipon nang hindi inuulit ang sinasabi, sa labis na paghanga ninyo sa kanya ay namamangha kayo; hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng pagkilatis? Hindi ba’t ipinakikita nitong hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan? (Oo.) Ipinakikita nitong hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Kung naunawaan mo ang katotohanan, makikilatis mo kung may anuman sa nilalaman ng kanyang talumpati na naglalaman ng mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa upang tumugon sa mga partikular na kalagayan o problema. Ipagpalagay mong nakinig ka nang mabuti at nalaman mong wala ni isang pangungusap ang tumutugon sa mga aktuwal na kalagayan o problema ng mga tao, na ang sinasabi niya ay sandamakmak lamang na salawikain, salita, doktrinang walang mga prinsipyo, partikular na solusyon, at kongkretong landas ng pagsasagawa, at na kahit na magsalita pa siya nang dalawa o tatlong araw, pawang hungkag na doktrina lamang iyon. At ipagpalagay nang mukha itong kapaki-pakinabang at produktibo noong sandaling marinig mo ito, ngunit matapos magnilay ay naisip mo, “Paano ko lulutasin ang suliraning ito? Parang hindi niya ito tinalakay kanina,” at kapag tinanong mo siyang muli, bubulalas lang siya ng sandamakmak na doktrina, na hindi mo pa rin malalaman kung paano magpapatuloy. Hindi ba’t pagkaloko at pagkalinlang ito? (Oo.) Bagama’t hindi mo pa rin alam kung paano magpapatuloy, hinahangaan at tinitingala mo pa rin siya: Pagkaloko at pagkalinlang iyon. Hindi ba’t madalas kayong nalilinlang sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, bilang mga lider at manggagawa, hindi ba’t madalas ninyong nililinlang ang iba sa ganitong paraan? (Oo.) Ngayon ba ay medyo mas may pagkaunawa na kayo kung ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo? (Medyo mas nauunawaan ko na ang mga iyon.) Ano ba ang mga katotohanang prinsipyo? (Ang mga katotohanang prinsipyo ay mga partikular na pamantayan para sa pagsasagawa kapag aktuwal na nahaharap sa mga usapin; naglalaman ang mga iyon ng kalooban ng Diyos pati na ng mga partikular na pamantayan at landas na dapat isagawa. Kung nauunawaan ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo, may kakayahan siyang maarok ang katotohanan.) Ang pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan ay nagbibigay-daan sa isang taong maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang kaugnayan sa pagitan ng dalawa. Hindi sa kapag naunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo ay may kakayahan ka nang maarok ang katotohanan. Sa halip, kapag may kakayahan kang maarok ang katotohanan, kaya mong unawain ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung gayon, karamihan ba sa inyo ay may kakayahang maarok ang katotohanan? Kaya ba ninyong unawain ang mga katotohanang prinsipyong nakapaloob sa lahat ng paksang ibinabahagi Ko sa bawat pagkakataon? Kung kaya mong unawain ang mga iyon, taglay mo ang kakayahang maarok ang katotohanan, at mayroon kang espirituwal na pagkaunawa. Kung, pagkatapos makinig, ang naaalala mo lang ay mga partikular na bagay, ilang partikular na pag-uugali o paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa mga partikular na tao o kategorya ng mga taong tinalakay sa pagbabahaginan, ngunit hindi mo nauunawaan kung ano talaga ang mga katotohanang prinsipyong pinagbabahaginan dito, at kapag nahaharap sa mga usapin, hindi mo alam kung paano iuugnay ang mga iyon sa mga partikular na katunayang pinagbahaginan, o kung paano kikilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, wala kang espirituwal na pagkaunawa. Ang hindi pagkakaroon ng espirituwal na pagkaunawa ay nangangahulugan ng kawalan ng kakayahang maarok ang katotohanan. Kahit na gaano pa karaming sermon ang iyong napakikinggan, hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at kapag may mga bagay na nangyayari, nagugulumihanan ka; nakikita mo lamang ang mabababaw na kondisyon, pagpapamalas, at mga tulad nito. Hindi mo nakikita ang diwa ng problema, at hindi ka nakahahanap ng mga landas ng pagsasagawa o ng paraan upang tugunan ang mga suliranin. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng pagkaunawa sa mga tunay na prinsipyo at ng kawalan ng kakayahang maarok ang katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay walang espirituwal na pagkaunawa. Huwag kayong magmadali sa pagninilay at pag-uusisa sa mga suliraning ito, at makabubuo kayo ng mga kongklusyon. Kung kahit kailan ay hindi mo pinagninilayan ang mga suliraning ito, kung naguguluhan ang iyong isipan, wala kang tunay na pagkaunawa.
Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang tuloy-tuloy nating pinagbabahaginan sa panahong ito. Sa nakaraang pagtitipon, tinalakay natin ang ikaapat na bahagi ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao—ang partikular na nilalaman ng bahaging “mga propesyon.” Tungkol sa partikular na paksang nakapaloob sa “mga propesyon,” sa tamang pagkaunawang dapat taglayin ng mga tao tungkol sa mga propesyon, o sa mga partikular na landas ng pagsasagawa at pamantayan ng pagsasagawang hinihingi ng Diyos sa mga tao hinggil sa mga propesyon, nakapagtala tayo ng apat na punto. Ano-ano ang apat na puntong ito? (1. Hindi pagkakawanggawa; 2. Pagkakontento sa pagkain at damit; 3. Paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan; 4. Paglayo sa politika.) Natalakay na natin ang dalawa sa apat na puntong ito. Ang unang punto ay hindi pagkakawanggawa, at ang pangalawa, pagkakontento sa pagkain at damit. Hindi ba’t katumbas ng partikular na pananalita sa bawat isa sa apat na puntong ito ang mga kongkretong prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagbitiw sa mga propesyon? (Oo.) Katumbas ng apat na partikular na prinsipyo ng pagsasagawa ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan hinggil sa pagbitiw sa mga propesyon. Siyempre, ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan ay ang mga katotohanang prinsipyo ng pagbitiw sa mga propesyon, at ang mga iyon ang mga partikular na landas ng pagsasagawa kapag nahaharap ang mga tao sa mga usaping ito; ibig sabihin, sa paggawa ng dapat mong gawin sa saklaw na ito, matutupad mo ang mga hinihingi ng Diyos, ngunit kung lalagpas ka sa saklaw na ito, lalabag ka sa mga prinsipyo, sa katotohanan, at sa mga hinihingi ng Diyos. Tungkol naman sa paksa ng mga propesyon, napagbahaginan na natin ang dalawang prinsipyo ng pagsasagawa: Ang una ay ang hindi pagkakawanggawa, at ang pangalawa, pagkakontento sa pagkain at damit. Tungkol sa unang punto ng hindi pagkakawanggawa, nagbigay na tayo ng ilang partikular na halimbawa at nagtalakay na ng ilang espesyal na sitwasyon. Ano-anong suliranin ang pangunahing may kinalaman sa paksang ito? Tumutukoy ito sa kung ano ang dapat na gawin ng mga tao kapag pumipili ng propesyon o hinggil sa mga propesyon. Kahit papaano, ang unang punto ay huwag magsagawa ng mga bagay na may kaugnayan sa kawanggawa; sapat nang pumasok lamang sa mga propesyong may kaugnayan sa sariling buhay o kabuhayan ng isang tao. Kung may organisasyon ng pagkakawanggawa sa pinagtatrabahuhan mo at nagtatrabaho ka lamang dahil sa nag-aplay ka sa patalastas ng trabaho, iba ito sa pagkakawanggawa—isa itong espesyal na sitwasyon. Maaari kang magtrabaho rito at tumanggap ng suweldo, ngunit isa ka lamang manggagawa, wala nang iba kundi isang empleyadong tumatanggap ng suweldo. Para naman sa kung ano ang isinasagawa ng organisasyon ng pagkakawanggawa, mga foundation man, suporta sa lipunan, pag-aampon sa mga naulilang bata o hayop, pagtulong sa mga tao sa mga lugar na mahihirap o nasalanta ng kalamidad, pagtanggap sa mga refugee, at iba pa, ang mga pangunahing pagsisikap na ito ay walang kinalaman sa iyo. Hindi ikaw ang pangunahing taong may pananagutan, at hindi ka dapat mag-ambag ng iyong oras at lakas sa mapagkawanggawang adhikaing ito. Ibang-ibang usapin ito. Hindi ka nagkakawanggawa; nagtatrabaho ka sa isang organisasyon ng pagkakawanggawa. Hindi ba’t likas na magkaiba ang mga iyon? (Oo.) Magkaiba ang mga kalikasan ng mga iyon, at hindi nalabag ng espesyal na sitwasyong ito ang prinsipyo. Maliban dito, maliitan o malakihang kawanggawa man ito, anuman ang sakop ng gawaing kawanggawa, wala itong kinalaman sa iyo. Hindi ito isang bagay na hinihingi ng Diyos na gawin mo. Hindi mo nalalabag ang katotohanan sa pamamagitan ng hindi paggawa nito, at kahit pa gawin mo ito, hindi ito inaalala ng Diyos. Yamang layon mong hangarin ang katotohanan at kaligtasan, hindi mo dapat ilaan ang iyong lakas at panahon sa mga bagay na walang kaugnayan sa kaligtasan, sa paghahangad sa katotohanan, o sa pagpapasakop sa Diyos, dahil walang halaga o kabuluhan ang pagkakawanggawa. Bakit walang halaga o kabuluhan ang paggawa nito? Sino man ang iyong iligtas o tulungan, wala itong anumang mababago. Hindi nito mababago ang tadhana ng sinuman o malulutas ang mga problema sa kanilang tadhana, at ang paminsan-minsan mong pagtulong sa mga tao ay hindi talaga nakapagliligtas sa kanila. Dahil dito, sa huli, ang gayong mga pagsisikap ay walang saysay at walang anumang halaga o kabuluhan. Halimbawa, may ilang taong nag-aampon ng mga lobo: Inuumpisahan nila sa isa o dalawa at kalaunan ay nagpapalaki sila ng daan-daan o libo-libo. Itinuturing nila itong propesyon, inilalaan ang lahat ng kanilang ipon, isinasali ang kanilang buong pamilya, at inilalaan ang lahat ng kanilang lakas sa panahon ng katandaan. Ang buong lakas at buhay nila ay umiikot sa iisang bagay na ito, at ang panghuling resulta, sa kabila ng matagumpay na pagliligtas at pagpoprotekta sa mga lobo ay nakapagsayang sila ng maraming panahon at taon sa bagay na ito. Wala na silang labis na panahon o lakas upang hangarin ang katotohanan at gawin ang kanilang mga tungkulin. Samakatuwid, kung ihahambing sa paggawa ng mga tungkulin at pagtanggap ng kaligtasan, ang anumang gawain, kahit pa ito ay kinikilala ng maraming tao at pinupuri ng lipunan, ay hindi kasinghalaga ng paghahangad ng mga tao sa kaligtasan, sa katotohanan, at ng paggawa sa kanilang mga tungkulin. Hindi ito kasingkabuluhan o kasinghalaga ng paghahangad sa mga ito. May isa pang mahalagang bagay: Kung ikaw ay hinirang ng Diyos, at isa ka sa Kanyang mga hinirang na tao, talagang hinding-hindi ipagkakatiwala sa iyo ng Diyos ang pagsasakatuparan ng isang propesyon sa kawanggawa na maaaring kilalanin ng mundo o ng lipunan. Talagang hinding-hindi ipagkakatiwala sa iyo ng Diyos na gawin ang gayong mga bagay. Kung isa ka sa mga hinirang na tao ng Diyos, ano ang pinakamalaking pag-asa ng Diyos para sa iyo? Ito ay ang gawin mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, ang hangarin mo ang katotohanan at makabalik ka sa harapan ng Diyos, at matanggap mo ang kaligtasan at manatili. Ito ang pinakanakatutupad sa kalooban ng Diyos, ang pinakamainam na nakatutupad sa Kanyang kalooban, sa halip na gampanan ang mga kilos na itinuturing ng mga tao sa mundong ito o ng lipunan na mahalaga, makabuluhan, o maningning. Kung isa kang hinirang na tao ng Diyos, ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo ay ang tungkuling dapat mong gawin, iniuugnay lamang ang iyong sarili sa gawain ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Ang anumang bagay na higit sa gawain ng iglesia at sa pamamahala ng Diyos ay hindi mo na problema. Anuman ang iyong ginagawa, kahit pa pinaniniwalaan mong mabuti ito at handa kang gawin ito, wala itong halaga, hindi ito karapat-dapat na alalahanin, at hindi ito inaalala ng Diyos. Nagiging isa man itong walang-kupas na pamana, inaalala magpakailanman, o nakatatanggap ng papuri ng mga tao sa kasalukuyan, hindi mahalaga ang lahat ng iyon. Gaano man karaming tao ang kumikilala rito, hindi ito nangangahulugang ang iyong ginagawa ay pinupuri ng Diyos o nakatatanggap ng Kanyang pag-alala. Hindi ito nangangahulugang ang ginagawa mo ay makabuluhan o mahalaga. Ang mga opinyon at pagsusuri ng mundo at lipunang ito ay hindi kumakatawan sa pagsusuri ng Diyos sa iyo. Samakatuwid, pagdating sa mga propesyon, hindi mo dapat sayangin ang iyong limitadong panahon at mahalagang lakas sa mga walang kabuluhang pagsisikap. Sa halip, ituon mo ang iyong lakas at panahon sa tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, at sa mga bagay na may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan at kaligtasan. Ito ang tunay na may halaga at kabuluhan. Sa pamumuhay nang ganito ay magiging mahalaga at makabuluhan ang iyong buhay. May ilang taong nag-aampon ng libo-libong aso, at ang bawat araw ay nakasentro sa pag-aalaga at pag-iral para sa mga asong ito na kanilang inampon. Halos wala na silang sapat na panahon para kumain at matulog, lalo na para maglaba ng kanilang mga damit o makipag-usap sa mga tao. Ang mga gawaing kanilang inaako ay lagpas na sa saklaw ng kanilang mga kakayahan. Nakapapagod at nakaaawa ang kanilang mga buhay. Hindi ba’t kalokohan ito? (Oo.) Hindi ka isang tagapagligtas, huwag mong subuking maging ganoon. Ang anumang ideya ng pagnanais na iligtas ang mundo, baguhin ang mundo, o gamitin ang sarili mong lakas upang baguhin ang kasalukuyang kalagayan o ang mundong ito ay kalokohan. Siyempre, mas malaking kalokohan ang gayong mga pagtatangka, at ang mga kahihinatnan sa huli ay maglalagay lamang sa iyo sa isang masamang kalagayan, makapapagod sa iyo, magbibigay sa iyo ng matinding paghihirap, at hindi mo malalaman kung tatawa o iiyak ka. Hindi nagtataglay ang mga tao ng ganoon karaming lakas, hindi rin ganoon kahusay ang kanilang abilidad at mga kakayahan upang baguhin ang kahit na ano. Ang kaunting lakas at panahong taglay mo ay dapat na maialay at maigugol sa paggawa sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Siyempre, lalong mahalaga, dapat itong maigugol at mailaan sa paghahangad sa katotohanan upang matamo ang kaligtasan at pagpapasakop sa Diyos. Maliban sa mga bagay na ito, ang iba pang mga pagsisikap ay walang kabuluhan. Ang isang propesyon ay isang bagay na kailangang magawa bilang bahagi ng pisikal na buhay ng isang tao. Hindi ito maituturing na makabuluhan; kinakailangan lamang ito para sa pisikal na buhay at pag-iral. Upang mabuhay at umiral, kailangan mong maghanapbuhay; ang hanapbuhay na ito ay isa lamang trabahong nagbibigay-daan sa iyong suportahan ang iyong sarili. Nagaganap man ang hanapbuhay na ito sa mas mababa o mas mataas na antas ng lipunan, isa lamang itong paraan upang magpanatili ng kabuhayan; ang karangalan at kabuluhan nito ay hindi mahalaga. Isa pa, anuman ang kabuluhan nito, ito ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan: Kung nais mong hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng kaligtasan, ang pamantayan para sa pagpili ng isang hanapbuhay upang magpanatili ng kabuhayan ay pagkakontento sa pagkain at damit. Huwag kang mag-ubos ng labis-labis na lakas at panahon sa paggawa ng kung ano-ano at pagpapakaabala para sa sarili mong pagkain, damit, tirahan, at transportasyon—sapat nang makakuha ng mga pangunahing pangangailangan. Kapag busog ang iyong tiyan at mainit at balot ang iyong katawan; kapag nakamit mo ang mga pangunahing kondisyong ito para sa pag-iral, dapat mong gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, ialay mo ang iyong mahalagang lakas at panahon sa iyong tungkulin, sa kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ialay mo ang iyong puso. Ang pinakamahalagang punto, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kailangan mo ring pagsikapan ang katotohanan, hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan—huwag kang basta magpatangay sa agos. Ito ang prinsipyo. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na igugol mo ang lahat ng iyong lakas para lamang umiral at patuloy na mabuhay. Hindi ka Niya kailangang magkaroon ng magarbong buhay at lumuwalhati sa Kanya sa pamamagitan nito, hindi rin Niya hinihingi sa iyong magsakatuparan ng anumang dakilang gawa sa mundong ito, gumawa ng anumang himala, mag-ambag ng anumang bagay sa sangkatauhan, magbigay ng tulong sa ilan mang tao, o lumutas ng mga problema sa trabaho ng ilan mang tao. Hindi mo kinakailangang magkaroon ng dakilang propesyon, maging tanyag sa buong mundo, at pagkatapos ay gamitin ang mga bagay na ito upang luwalhatiin ang pangalan ng Diyos, ipinapahayag sa mundo na, “Isa akong Kristiyano, sumasampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos.” Umaasa lamang ang Diyos na kaya mong maging isang ordinaryong tao at isang karaniwang tao sa mundong ito. Hindi mo kailangang gumawa ng anumang himala; hindi mo kailangang mangibabaw sa iba’t ibang propesyon o larangan, o maging isang tanyag o dakilang tao. Hindi mo kailangang maging isang taong nakakukuha ng paghanga o paggalang ng mga tao, hindi mo rin kailangang magkaroon ng anumang tagumpay o papuri sa iba’t ibang larangan. Talagang hindi mo kailangang magbigay ng anumang ambag sa iba’t ibang propesyon upang maluwalhati ang Diyos. Ang hinihingi lamang ng Diyos sa iyo ay mabuhay ka nang maayos, magkaroon ka ng mga pangunahing pangangailangan, huwag kang magutom, magbihis ka nang makapal sa taglamig at nang naaangkop sa tag-init. Basta’t normal ang iyong buhay at may kakayahan kang umiral, sapat na iyon—iyon ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Anuman ang mga kaloob, talento, o espesyal na kakayahang taglay mo, hindi ninanais ng Diyos na gamitin mo ang mga iyon upang magkamit ng tagumpay sa mundo. Sa halip, nais Niyang gamitin mo ang anumang kaloob o katangiang taglay mo sa paggawa sa iyong tungkulin, sa kung ano ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, at sa paghahangad sa katotohanan, na sa huli ay makapagtatamo ng kaligtasan. Ito ang pinakamahalagang bagay, at wala nang anumang hinihingi ang Diyos na higit pa roon. Kung mabubuhay ka nang masagana, hindi sasabihin ng Diyos na isa kang taong lumuluwalhati sa Kanya. Kung pangkaraniwan ang iyong buhay at nasa mas mababang antas ka ng lipunan, hindi ito isang insulto sa Diyos. Kung medyo mahirap ang iyong pamilya, ngunit naaabot mo ang pamantayan ng Diyos sa pagkakontento sa pagkain at damit, hindi rin ito isang insulto sa Kanya. Habang nabubuhay at umiiral ka, ang layon ng iyong paghahangad ay ang makontento sa pagkain at damit, magkaroon ng mga pangunahing pangangailangan at mabuhay nang normal, mapanatili ang iyong pang-araw-araw na pagkain, at matustusan ang iyong pang-araw-araw na gastusin—sapat na iyon. Kapag kontento ka, nalulugod din ang Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Hindi Niya hinihingi sa iyong maging isang mayaman, tanyag, o matayog na tao, hindi ka rin Niya hinahayaang maging pulubi. Ang mga pulubi ay hindi gumagawa ng anumang trabaho; buong araw silang namamalimos para sa pagkain, nagmumukhang kahabag-habag, kumakain ng mga tira-tira ng mga tao, nagsusuot ng mga gula-gulanit na damit, nagsusuot ng mga tagpi-tagping damit o nagbabalabal pa nga ng sako sa katawan nila—napakababa ng kalidad ng kanilang buhay. Hindi hinihiling ng Diyos na mamuhay ka na parang isang pulubi. Sa mga usaping hinggil sa pisikal na buhay, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na luwalhatiin mo Siya, hindi rin Niya tinutukoy na nakalalapastangan sa Kanya ang mga partikular na sitwasyon. Hindi huhusgahan ng Diyos ang isang tao batay sa kung siya ay naghihirap o namumuhay nang sagana. Sa halip, sinusuri ka Niya batay sa paraan ng iyong pagsasagawa at kung natutupad mo ang mga hinihingi ng Diyos hinggil sa paghahangad sa katotohanan at sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa iyo. Naunawaan at naintindihan mo na ba ang dalawang prinsipyong ito ng pagsasagawang may kaugnayan sa mga propesyon? Ang unang prinsipyo ay ang hindi pagkakawanggawa, at ang pangalawang prinsipyo, pagkakontento sa pagkain at damit. Madaling maunawaan ang parehong prinsipyong ito.
Sa iglesia, may ilang taong matibay pa ring naniniwalang ang pagkakawanggawa ay isang mabuting bagay. Iniisip nila, “Kung saan may pangangailangan, dapat tayong tumulong. Ako naman, nakapag-abuloy na ako ng mga damit at kaunting pera, at pumupunta pa nga ako sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad at nagboboluntaryo.” Paano mo susuriin ang bagay na ito? Dapat ba itong pigilan o panghimasukan? (Hindi ito dapat panghimasukan.) Mayroon ding mga taong nagsasabing, “Kapag nakakikita ako ng taong namamalimos, lalo na ng mga batang nagugutom, naaawa ako sa kanila.” Agad nilang dinadala ang gayong mga tao sa kanilang mga tahanan, ipinagluluto ang mga ito ng kaunting masarap na pagkain, at pagkatapos ay pinag-uuwi ng ilang damit at magagandang gamit, at binibisita pa nga ang mga ito paminsan-minsan. Handa silang gawin ang mga gawa ng kabutihang ito at umasal nang ganito sa paniniwalang itinataguyod ng paraang ito ng pag-asal ang katarungan, at na sa paggawa nito, aalalahanin sila ng Diyos at magiging pinakakaibig-ibig na mga tao sa mundo. Tungkol sa mga taong tulad nito, pinipigilan o pinanghihimasukan ba sila ng iglesia? (Hindi ito nanghihimasok.) Ibinabahagi natin ang mga sermon na dapat maibahagi sa kanila, at ipinaliliwanag sa kanila ang kalooban ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo. Kung, pagkatapos makaunawa at magkaroon ng kaalaman sa lahat ng bagay, ipagpipilitan pa rin nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang paraan, kumilos alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi tayo nakikialam. Ang bawat tao ay kailangang managot sa sarili nilang mga salita at kilos, at ang mga tao mismo ang may pananagutan sa pinakakalalabasan at kung paano sila uuriin ng Diyos. Hindi kailangang pasanin ng iba ang pananagutang iyon, hindi ang iba ang kailangang magbayad ng halaga. Kung makatatagpo tayo ng mga taong tulad nito na nakauunawa sa lahat ng bagay ngunit nagpupumilit pa ring magkawanggawa, hindi natin itatama ang kanilang mga kaisipan at perspektiba, hindi rin tayo manghihimasok, at talagang hindi natin sila kokondenahin. Mayroon pa ngang mga taong matapos sumampalataya sa Diyos ay naghahangad ng mga makamundong bagay, kayamanan, puwesto sa pamahalaan, o propesyon. Nanghihimasok ba tayo sa kanila? (Hindi tayo nanghihimasok.) Magbahagi kayo sa kanila tungkol sa mga nauugnay na katotohanan upang maunawaan nila, at pagkatapos ninyong magbahagi, sila na ang magpapasya para sa kanilang sarili. Nasa kanila na ang pasya kung ano ang landas na susundan. Kung ano ang kanilang pipiliin, kung ano ang gusto nilang gawin, at kung paano nila ito gagawin—hindi tayo nakikialam sa mga bagay na ito. Ang ating responsabilidad ay magbahagi sa kanila tungkol sa kalooban ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Kung mauunawaan at maiintindihan nila, maaari mo silang tanungin, “Kung gayon, ano ang dapat na susunod mong maging hakbang? Kailan ka magsisimulang magpalaganap ng ebanghelyo?” Pagkatapos ay sasabihin nila, “Sandali lang, may kailangan akong ipasok na kargamento ng mga paninda, may kaunti akong negosyo at isang proyektong kailangang pangasiwaan, isang bagay na mapagkakakitaan ko nang malaki kapag natapos. Pag-usapan natin ulit sa susunod ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.” At sasabihin mo, “Gaano katagal ako dapat maghintay?” Pagkatapos ay sasagot sila, “Mga dalawa o tatlong taon siguro.” Aba, paalam na kung gayon. Hindi mo na kailangang mag-abala sa gayong mga tao. Sa ganitong paraan ito mapangangasiwaan, hindi ba’t madali ito? (Madali ito.) Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng kaalaman sa tunay na daan at sadya pa ring pagkakasala. Ang gayong mga tao ay hindi magkakaroon ng handog para sa kasalanan. Hindi pinipigilan o pinanghihimasukan ng Diyos ang mga taong tulad nito; kahit sa sandaling iyon, hindi Niya sila sinusuri sa anumang paraan. Hinahayaan Niya silang malayang pumili. Kailangan din ninyong matutuhan ang prinsipyong ito. Gaano man karami ang kanilang nauunawaan, sa madaling salita, ang ating responsabilidad ay malinaw na iparating sa kanila ang kalooban ng Diyos. Kung ano ang pipiliin nila pagkatapos niyon, kung ano ang susunod na magiging mga hakbang nila, ay personal nilang usapin at kanilang kalayaan. Walang sinumang dapat na manghimasok, at hindi na kailangang ipaliwanag ang mga pakinabang at kalugihan upang gipitin sila. Isa ba itong angkop na pamamaraan? (Angkop ito.) Kung angkop ito, dapat ay ganito ito gawin. Huwag kang lumabag sa mga prinsipyo at huwag mo silang puwersahin nang labag sa kanilang kalooban. Ang mga ito ang unang dalawang prinsipyo ng pagbitiw sa propesyon ng isang tao; ang dalawang ito ay medyo madaling unawain at madaling intindihin.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.