Paano Hangarin ang Katotohanan (3) Ikaapat na Bahagi

3. Upang Makamit ang Katotohanan at Buhay, Dapat Hangarin ng Isang Tao ang Katotohanan at Lutasin ang Kanyang mga Tiwaling Disposisyon

Ang ilang tao ay mukhang malumanay, mapagparaya, at matiisin; pino ang kanilang pananalita at isinasakatuparan nila ang gawain nang kasingbilis at kasinglakas ng isang kidlat at nang may maawtoridad na presensiya. Tila napakaperpekto ng kanilang pagkatao, at mayroon silang pamantayang tindig ng isang lider. Gayumpaman, wala silang nauunawaang anumang katotohanan, sinusubukan nilang gumamit ng mga doktrina para lutasin ang bawat uri ng problema, at hindi nila kayang gumawa ng anumang makabuluhang gawain o magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga ito ay mga tipikal na Pariseo. Sa panlabas, ang mga Pariseo ay napakapostura ng pananamit, may dignidad, at maganda ang tindig; sila ay sopistikado, maalam sa etiketa, magalang, mapagmahal, mapagparaya, at mapagpasensiya. Ang kanilang kilos ay namumukod-tanging wasto, at nakikipag-usap sila sa iba nang may partikular na pagkamalumanay, kababaang-loob, at pagpapakumbaba. Hindi ka makakakita ng anumang hindi perpekto, mga kapintasan, o mga depekto sa kanila. Batay sa kanilang pagkatao, tila labis silang maaasahan, may kabatiran, pino, at elegante, tulad lang ng mga sopistikado at eleganteng ginoo na binabanggit ng mga Tsino. Mukhang perpekto ang kanilang pagkatao, at sa panlabas, walang makikitang kapintasan sa kanila, pero nauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? Nauunawaan ba nila ang mga prinsipyo para sa paggawa ng lahat ng uri ng bagay? Kaya ng mga taong ito na magsalita nang ilang oras sa bawat pagtitipon, at iyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay nagpapatirapa sa paghanga, nang iniisip na ang mga ito ay nagsasalita nang napakahusay at nagpapahayag ng kanilang sarili sa isang napakalinaw at napakalohikal na paraan. Pero iyong mga nakakaunawa sa katotohanan, pagkatapos makinig sa mga indibidwal na ito, ay alam na pawang doktrina ang sinasabi ng mga ito, at na hindi nito nalulutas ang mga aktuwal na paghihirap ng mga tao sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga problema. Binabalewala ng mga indibidwal na ito kung ano ang mga tunay na paghihirap ng mga tao, at alam lang nila kung paano mangaral ng mga hungkag na doktrina at magsalita nang walang katapusan tungkol sa mga teorya na matayog at hungkag. Pagkatapos magsalita, natutuwa pa nga sila nang labis sa kanilang sarili, nang iniisip na nauunawaan nila ang katotohanan at nagtataglay sila ng katotohanang realidad. Sa katunayan, ang hinahangad lang nila ay ang pagtakpan ang panlabas na hitsura ng kanilang pagkatao para magmukha itong perpekto at elegante, nang ginagawa itong mukhang matayog at dakila. Gayumpaman, hindi nagbago ni katiting ang kanilang diwa at mga tiwaling disposisyon na lumalaban sa Diyos. Ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, ang kanilang paghihimagsik sa Kanya, ang kanilang mga maling pagkaunawa, pagiging mapagbantay, at mga paghihinala tungkol sa Diyos, at lalo na ang kanilang mga di-makatwirang hinihingi at mga labis-labis na pagnanais sa Diyos ay ganap na pumupuno sa kanilang isipan. Hindi nila hinahangad ang katotohanan kahit kaunti, ni hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Kaya, ang paglalarawan sa kanilang pagkatao bilang “perpekto” ay paggamit sa “perpekto” sa isang mapangutyang paraan, dahil walang pagkatao ang perpekto; ang kanilang “pagiging perpekto” ay purong palabas lang at isang pagpapanggap. Ang pagkatao na walang mga depekto ay hindi umiiral; isa itong balatkayo—huwag silang paniwalaan. Kapag mas mukhang perpekto ang isang tao sa panlabas, mas lalo ka dapat maging mapagbantay laban sa kanya, obserbahan mo siya, at kilatisin mo siya. Paano mo siya kikilatisin? Mas makisalamuha sa kanya, mas makipag-usap sa kanya, at tingnan mo kung nauunawaan niya ang kanyang sarili. Ipagpalagay na sinasabi niya na, “Ako ay isang diyablo, ako ay isang Satanas, ako ay lumalaban sa Diyos, ako ay tiwali! Ako ay isang makasalanan, ang pinakamakasalanan, hindi nalulugod sa akin ang Diyos, namumuhi sa akin ang Diyos!” o, “Ako ay bulag at hangal, dukha sa espiritu at kaawa-awa! Ako ay marumi, at ako ay hindi malinis!” Mayroon bang anumang mga aktuwal na katunayan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang makabuluhang pagkaunawa? (Wala.) Wala siyang anumang pagkaunawa sa sarili niyang mga tiwaling disposisyon; ni hindi niya inaamin ang katunayan na mayroon siyang mga tiwaling disposisyon. Natututo lang siyang magsalita ng ilang hungkag na salita at ilang teorya. Ang mga hungkag na salita at mga teoryang ito ay hindi mga pagkaunawa na nagmumula sa kanyang naramdaman o naranasan sa kaibuturan ng kanyang puso; ang mga ito ay mga salita lang na magandang pakinggan, ang mga ito ay pawang balatkayo na ipinipresenta niya. Kung pagkatapos ay hihilingin mo sa kanya na talakayin ang sarili niyang mga karanasan, kung paano niya naunawaan ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, at kung anong pagpupungos ang naranasan niya at kung alin sa mga salita ng Diyos ang binasa niya pagkatapos para lutasin ang kanyang mga tiwaling disposisyon, kumikilos siya na parang hindi ka niya narinig, at muli ay nagsasalita siya ng sandamakmak na mga walang-kuwentang salita: “Ang kakayahan ko ay mahina, ako ay ipinanganak na makasalanan, ako ay isang hamak na taong nasa tambak ng dumi, ako ay hindi karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos! Mayroon akong mga tiwaling disposisyon, at hindi ko nagagawang magpatotoo sa Diyos kung nasaan man ako; gusto ko lang ang pagkakaroon ng katayuan.” Kung tatanungin mo kung paano niya sinubukang lutasin ito, bibigyan ka pa rin niya ng sagot na walang kaugnayan: “Ang mga tao ay hindi dapat magkaroon ng katayuan; sa sandaling magkaroon ng katayuan ang mga tao, katapusan na nila. Ang paghahangad ng katayuan ay isang labis-labis na pagnanais. Subukan na lang na maging ang pinakahindi-importanteng tao, at saan ka man magpunta, umupo ka sa pinakamababang bangkito, umupo ka sa pinakahindi-kapansin-pansing lugar. Ang mga tao ay dapat na maging mapagpakumbaba; ito ay tinatawag na pagpapakumbaba.” Sumailalim ba siya sa anumang makabuluhang pagbabago? Nagkaroon ba siya ng anumang mga tunay na karanasan? (Hindi.) Hindi nangyari ang alinman sa mga bagay na ito. Mayroon ba siyang anumang pagkaunawa sa sarili niyang mga tiwaling disposisyon? (Wala.) Wala siyang pagkaunawa sa mga ito. Kaya, tinatanggap ba niya ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ang mga taong hindi umaamin na mayroon silang mga tiwaling disposisyon ay hindi kailanman tumatanggap sa katotohanan. Kung tinatanggap nga nila ang katotohanan, ikukumpara nila ang bawat salita at kilos nila at ang kanilang mga pagbubunyag ng katiwalian sa mga salita ng Diyos. Kapag nagbunyag sila ng katiwalian, pagninilayan nila ang kanilang sarili, nang itinatanong sa kanilang sarili, sa ganito-at-ganyang konteksto, kung bakit sila nagbunyag ng katiwalian, at kung ano ang iniisip nila at kung ano ang namamahala sa kanila noong panahon na iyon. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at mga pagkukumpara, matutuklasan nila na ito ay isang tiwaling disposisyon, at na sila ay hindi kasingbanal o kasingdalisay gaya ng nasa imahinasyon nila, na lumalabas na sila rin ay nagtataglay ng panlilinlang, mga makasariling intensyon, mga ambisyon, at mga pagnanais, at na sila ay sadyang hindi mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Nagkaroon ba sila ng gayong mga karanasan? Hindi. Nakapagsabi sila ng maraming salita, pero walang kahit isang katunayan na nagpapatunay na inaamin nila na mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Diyos, pero wala silang anumang karanasan sa katotohanan. Nagsasalita lang sila ng mga doktrina, pinagbubulay-bulayan lang kung paano maglalagay ng balatkayo at papalamutian ang kanilang sarili para pagtakpan ang mga kapintasan at depekto ng kanilang pagkatao. Pinapalamutian nila ang kanilang sarili ng mga panlabas na pag-uugali, mga kilos, mga ekspresyon ng mukha, tindig, at asal ng huwad na espirituwalidad, habang pinapanatiling mahigpit, mariin, at selyadong nakabalot sa loob nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi nila tinatanggap kahit kaunti ang anuman sa iba’t ibang isyu ng mga tiwaling disposisyon ng tao na inilalantad ng Diyos, o sa iba’t ibang pahayag na ginagamit ng Diyos para ilantad ang mga disposisyong ito, ni hindi nila binibigyang-pansin ang mga ito o isinasapuso ang mga ito; pinagsisikapan lang nila ang panlabas na hitsura ng kanilang pagkatao. Pagkatapos, kung hihilingin mo sa kanila na talakayin ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, kung mayroon man silang anumang tunay na pagkaunawa o kabatiran sa Kanyang mga salita ng pagkastigo at paghatol, sa Kanyang mga salita na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, o sa Kanyang mga salita tungkol sa disposisyon ng Diyos, iniiwasan nila ang mga praktikal na paksang ito at muli silang naglilitanya ng napakaraming espirituwal na teorya: “Ang Diyos ang Lumikha, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos! Ang Diyos ay karapat-dapat na purihin at dakilain, ang Diyos ay katangi-tangi, ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ang pinakamataas!” Sinasabi ng mga tao na, “Kung gayon ay talakayin mo ang sarili mong karanasan. Sa anong usapin mo nakita ang disposisyon ng Diyos at ang kabanalan ng Diyos?” Sumasagot sila, “Ang Diyos ay masyadong dakila, ang tao ay masyadong hindi mahalaga, ang tao ay hindi karapat-dapat! Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay mas mababa pa nga kaysa sa mga langgam sa lupa. Itinataas ng Diyos ang tao!” Mayroon ba silang anumang ganitong uri ng pagkaunawa? (Wala.) Wala silang anumang ganitong uri ng pagkaunawa. Anong uri ng tao ito? (Isang mapagpaimbabaw na Pariseo.) Ito ay isang mapagpaimbabaw na Pariseo. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay mga islogan at doktrina lang sa kanyang mga mata. Madalas nga siyang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagsusulat ng mga espirituwal na tala ng debosyon, at dumadalo sa mga pagtitipon at nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos—ginagampanan niya ang lahat ng proseso na ito nang walang napapalampas na kahit isa o nang walang nakakaligtaan na anuman. Kaya, ano ang naisaisip niya mula sa pagbabasa sa mga salitang ito ng Diyos? Ano ang nakamit niya? Hindi niya binabasa ang mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan, lalong hindi para ikumpara ang mga salita ng Diyos sa sarili niyang mga tiwaling disposisyon, sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, o sa kanyang baluktot na mga kaisipan at pananaw, para malutas niya ang mga problema niya, at magkaroon ng landas na susundan sa kanyang pagsasagawa. Nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos para sangkapan ang kanyang sarili ng mga doktrina para makapaglektura at makapagturo siya sa iba ng mga leksiyon sa mga pagtitipon. Iba-iba ang sinasabi niya sa bawat pagkakataon, at kaya niyang tuloy-tuloy na magsalita sa loob ng mahabang oras, nang pumipili ng iba’t ibang salita ng Diyos na ibabahagi sa iba’t ibang tao, nang nilalayong idulot na hangaan at sambahin siya ng iba. Ang ilang tao ay partikular na mahusay sa pagbabalatkayo ng kanilang sarili—gaano sila kakasuklam-suklam? Kapag nakikinig sila sa mga salitang sinabi Ko at nakikita nilang kapaki-pakinabang ang mga ito, kinakabisado nila ang mga ito, at pagkatapos ay naghahanap sila ng mga pagkakataon para magpakitang-gilas sa mga pagtitipon. Sa partikular, kapag sila ay nasa mga grupo ng mga bagong mananampalataya—mga taong hindi pa nakarinig ng maraming sermon, at na hindi kayang tandaan ang mga salita ng Diyos kahit na may kaunti na silang nabasa—sinasamantala nila ang pagkakataong ito at nagsisimula silang magpakitang-gilas at magpasikat sa mga baguhang iyon. Pagkatapos makinig sa kanila, iniisip ng lahat na, “Ang taong ito ay binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu—siya ay espirituwal.” Ang paggamit ng gayong mga pamamaraan para magpasikat upang makuha ang paghanga at pagsamba ng iba—hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Hindi ba’t panlilihis ito sa mga tao? (Oo.) Ito ay panlilihis sa mga tao.

Kung sa buong buhay mo, hinahanap mo ang mga katotohanang prinsipyo at hinahanap mo ang mga salita ng Diyos bilang batayan para lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon at ang mga bagay sa iyo na hindi kaayon sa katotohanan, sa huli ay tiyak na ikaw ay magiging isang taong nagtatamo ng kaligtasan. Pero ipagpalagay na sa buong buhay mo, itinutuon mo ang mga pagsisikap mo at naghahanap ka ng mga landas para sa paglutas sa mga kapintasan at depekto ng iyong pagkatao, nang ginagawa ang lahat ng uri ng paraan para iwaksi ang anumang mga kapintasan at depekto mo, upang ikaw ay maging isang taong naiiba sa lahat, perpekto, at walang kamalian. Sinasabi pa nga ng ilang tao na, “Gusto kong maging isang dalisay na tao, isang matayog at dakilang tao, isang taong nahihigitan ang lahat ng normal na pagkatao.” Hayaan mong sabihin Ko sa iyo: Sa paggawa nito, ikaw ay nabigo! Anumang kapintasan o depekto ng pagkatao mo ang sinusubukan mong lutasin, wala itong kinalaman sa iyong kaligtasan, dahil hindi mo hinahangad ang katotohanan para lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung malulutas mo nga ang mga depekto at kapintasan ng iyong pagkatao, sa pinakamainam ay nangangahulugan lang ito na walang mga kapintasan ng pagkatao ang makikita sa iyo mula sa panlabas, at na mukha kang perpekto at pino sa panlabas. Kalimutan na ang katunayan na ang mga kapintasan at depekto ng iyong pagkatao ay sadyang imposibleng mabago; kahit na mabago ang mga ito, ang iyong mas malalaking kapintasan at depekto—ang iyong mga tiwaling disposisyon—ay natatago pa rin sa loob mo! Habang mas nagbabalatkayo ka at naghahangad ng isang perpektong pagkatao na walang anumang mga depekto, mas malalim at mas mahigpit kang itatali at igagapos ng iyong mga tiwaling disposisyon, nang ginagawa kang mas mayabang, mapanlinlang, buktot, at matigas ang kalooban. At ano ang kahihinatnan nito? Dahil dito ay lalo kang napapalayo mula sa katotohanan at mula sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa huli, ang kalalabasan mo ay matitiwalag ka, at magiging katapusan mo na. Imposibleng gagawa ng eksepsiyon ang Diyos at ililigtas ka Niya dahil lang perpekto ka sa panlabas o mukha kang dalisay na tao. Sa kabaligtaran, kapag mas naghahangad ka ng isang perpektong pagkatao na walang anumang mga depekto, mas lalo kang kamumuhian ng Diyos at hindi Siya gagawa sa iyo. Gayumpaman, ang ilang tao ay madalas na nakakaramdam ng pagsisisi at kalungkutan dahil nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon. Habang nakakaramdam ng pagsisisi, nagkakaroon sila ng determinasyon na hangarin ang katotohanan, nagagawa nilang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para makamit ang katotohanan, nagpupursigi sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, at nagdarasal sila sa Diyos at naghahanap sa katotohanan sa lahat ng usapin. Sa ganitong paraan, lalong nagiging malinaw sa kanila ang tungkol sa katotohanan, nang unti-unti silang nagkakamit ng ilang pagpasok, pakinabang, at aktuwal na pagsasabuhay ukol sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Sa huli, kapag nahaharap sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, mayroon silang mga nauugnay na katotohanang prinsipyo na isasagawa at magagamit para magsakatuparan ng pagsusuri. Pagkatapos ng maraming taon ng karanasan, sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, pagpupungos, at sa pamamagitan din ng halagang ibinayad nila sa paghahangad sa katotohanan, unti-unti nilang tinataglay ang katotohanan bilang buhay sa kalooban nila. Lalong lumalaki ang pag-asa nilang maligtas, at lalong lumiliit ang posibilidad na maghimagsik sila laban sa Diyos at magkanulo sa Diyos. Bagama’t halos hindi nagbabago ang mga depekto at kapintasan ng kanilang pagkatao at ang mga likas nilang kondisyon, tuloy-tuloy na humuhupa ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mas madalang na silang lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos, mas nalulugod sa kanila ang Diyos, mas nakakapagpatibay sila sa iba, at nagiging mas angkop na gamitin. Kung ang ganitong mga tao ay magpapatuloy sa ganitong landas, tiyak na sila ang mga magtatamo ng kaligtasan; ang mga ito ang nilalayong iligtas ng gawain ng Diyos. Pagmasdan ang mga tao sa paligid ninyo. Tingnan kung sino ang palaging nagpupursigi na pagsikapan ang mga panlabas na anyo, ang mga depekto, kapintasan, at kahinaan ng kanilang pagkatao, ginagawa ang pinakamakakaya nila para pagtakpan ang sarili nila at magbalatkayo para makamit ang paggalang, paghanga, at pagsamba ng iba, at para magkaroon ng katayuan sa puso ng mga tao—ang ganitong uri ng mga tao ay mga Pariseo. Ang mga Pariseo ay may iisa lang na pinal na resulta: ang mamatay kasama ang daga. Kaya, sinasabi Ko na katapusan na ng ganitong uri ng mga tao at matitiwalag sila.

Mula umpisa hanggang sa wakas, ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi para baguhin ang mga depekto at kapintasan sa pagkatao ng mga tao; ito ay ang ipanumbalik lang ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ang gustong baguhin ng Diyos ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Siyempre, madalas ding binabanggit ng Diyos ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa gayon ay nabibigyang-kakayahan sila na magtamo ng kaligtasan. Kaya, sa anong pundasyon itinatayo ang pagpapanumbalik sa normal na pagkatao? Itinatayo ito sa pundasyon ng pagwawaksi ng mga tao sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang unti-unting panunumbalik ng normal na pagkatao ng mga tao ay nangangahulugan na ang kanilang konsensiya ay nagkakaroon ng pakiramdam, ang kanilang katwiran ay nagiging mas normal, at nagagawa nilang gumawa ng mga tamang bagay at magsabi ng mga tamang salita mula sa perspektiba ng normal na pagkatao; hindi sila nagdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, ang kanilang pananalita at mga kilos ay hindi pabigla-bigla, bulag, o mainitin ang ulo, kundi ganap na nakabatay sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, ang kanilang katwiran ay partikular na normal, at ang kanilang pagkatao ay partikular na matuwid at mabait. Kaya, sa anong batayan maaaring makamit ang mga bagay na ito, at maaaring maabot ang ganitong antas ng pagpapanumbalik? Nakakamit ito sa batayan ng pagbabago ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa pagwawaksi ng mga tao ng kanilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gayumpaman, kung ang iyong mga tiwaling disposisyon ay hindi nagbabago o hindi naiwawaksi, kahit na ang iyong pagkatao ay medyo mabuti at nagtataglay ka ng kaunting konsensiya at katwiran, kung wala ang katotohanan bilang buhay mo, hindi puwedeng mamahala ang iyong konsensiya at katwiran, at madalas ka pa ring maiimpluwensiyahan, masusulsulan, at mauudyukan ng iyong mga tiwaling disposisyon na gumawa ng mga bagay na salungat sa iyong konsensiya at katwiran. Samakatwid, kahit na nagtataglay ka ng kaunting pagpapahalaga sa katarungan, isa lang itong uri ng kagustuhan at determinasyon. Mayroon ka lang ng kaunting mabait na pagkatao, pero dahil ang iyong mga tiwaling disposisyon ay ang buhay mo at ang kumokontrol sa iyo mula sa loob, ang kaya mo lang makamit ay ang hindi paggawa ng kasamaan at hindi pagkukusa na dayain at pinsalain ang iba, na siyang mahusay naman na. Sa madaling salita, kaya mo lang tiyakin na hindi ka gagawa ng kasamaan kapag hindi naaapektuhan ang sarili mong mga personal na interes, at sa sandaling maapektuhan ang iyong mga personal na interes, lilitaw ang iyong mga tiwaling disposisyon para supilin ang iyong konsensiya at katwiran, na nagtutulak sa iyong ipagtanggol ang sarili mong mga interes at karapatan, kung kaya magiging napakahirap para sa iyo na hayaang mamahala ang konsensiya at katwiran. Bakit ganoon? Ito ay dahil ang katotohanan ay hindi ang iyong buhay; sa halip, ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas ang iyong buhay. Samakatwid, maaari ka lang magpakita ng kaunting konsensiya o katwiran ng pagkatao mo kapag ang iyong mga interes ay hindi napipinsala. Sa sandaling mapinsala o manganib ang iyong mga interes, agad na lilitaw ang mga tiwaling disposisyon mo para supilin ang konsensiya at katwiran mo, na nagtutulak sa iyo na gumawa ng mga bagay na salungat sa konsensiya at katwiran—ibig sabihin, mga bagay na labag sa moralidad at moral na katarungan—at maaari pa ngang magkaroon ka ng kapabilidad na gumawa ng anumang bagay. Siyempre, masasabi na ang lahat ng kilos na ito ay salungat sa katotohanan; hindi ito maiiwasan. Samakatwid, ang isinasabuhay ng isang tao ay hindi nakasalalay sa mga kondisyon ng kanyang pagkatao, bagkus ay sa kung ano ang kanyang panloob na buhay diwa. Kung tunay na mayroon siyang katotohanan bilang kanyang buhay, ang kanyang buhay ay naglalaman ng katotohanan, ng mga salita ng Diyos, at ng daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Pagkatapos, ang kanyang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ay mananatili sa pinakamainam na kalagayan at magagawang gumana ang mga ito, na siyang nagbibigay-kakayahan sa kanya na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo. Gayumpaman, kung ang buhay diwa ng isang tao ay ang kanyang mga tiwaling disposisyon, ang kanyang konsensiya at katwiran ay napababa sa pinakamababang pamantayan, ibig sabihin, hindi lang siya bumabagsak sa ilalim ng pinakamababang hangganan ng pagkatao. Ano ang pinakamababang hangganan na ito? “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake”; “Ngipin sa ngipin, mata sa mata”; “Igigisa ang iba sa sarili nilang mantika.” Ano pa? “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo.” Ito ang pinakamababang hangganan sa kung paano umaasal ang maraming walang pananampalataya. Para sa isang walang pananampalataya, ang magawang magsagawa sa ganitong paraan ay medyo mahusay na. Ano ang naunawaan ninyo mula rito? Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, hindi magbabago ang iyong buhay diwa, at kung hindi magbabago ang iyong buhay diwa, ang iyong konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ay hindi mapapanumbalik sa diwa, at sa anyo ay hindi lang babagsak ang mga ito sa ilalim ng pinakamababang hangganan ng pagkatao. Gayumpaman, kung naiwaksi na ang mga tiwaling disposisyon mo at nagbago na ang diwa ng iyong buhay, sa isang partikular na antas, ang konsensiya at katwiran ng iyong normal na pagkatao ay mapapabuti at maitataas. Ano ang tinutukoy rito ng “mapapabuti” at “maitataas”? Nangangahulugan ito na ang iyong konsensiya at katwiran ay gumagana nang normal—hindi ito ang kaso na hindi lang lumalampas ang mga ito sa pinakamababang hangganan, bagkus ay naaabot ng mga ito ang pamantayan ng pagsasagawa sa katotohanan. Ang diumano’y mabubuting tao sa gitna ng mga walang pananampalataya ay nagpapakita lang ng kaunting konsensiya at katwiran, hindi gumagawa ng halatang masasamang gawa, at hindi lumalampas sa pinakamababang hangganan ng moral na katarungan. Medyo mahusay na ito; maaari silang maituring bilang napakabubuting tao. Gayumpaman, ang mga tao na mayroong katotohanan bilang kanilang buhay ay lumalampas dito; mayroon silang abilidad na makilatis ang tama mula sa mali, at kaya nilang tukuyin ang iba’t ibang uri ng tama at mali, at tukuyin ang iba’t ibang uri ng tao. Kaya ano ang batayan nila? Ito ay ang mga katotohanang prinsipyo. Taglay nila ang mga katotohanang prinsipyo—hindi ba’t labis na mas mataas ito kaysa sa pamantayan ng konsensiya at katwiran? (Oo.) Dahil nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang katotohanan bilang kanilang buhay, at ang batayan ng kanilang pagtukoy sa iba’t ibang usapin ay labis na mas mataas kaysa sa pamantayan ng mga ordinaryong tiwaling tao, magpupursigi sila sa pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap sa mga komplikadong usapin. Pagkatapos maarok ang mga katotohanang prinsipyo, hindi magiging magulo ang isip nila at ang pag-iisip nila ay magiging malinaw. Ano ang ibig sabihin ng malinaw? Ang ibig sabihin nito ay makatwiran. Gaano man kakomplikado ang mga usaping nakakaharap nila, nakatatak sa puso nila ang mga katotohanang prinsipyo para sa pagsasagawa; tumpak at lubusan nilang naaarok ang katotohanan, at naging buhay na nila ito. Sa harap ng lahat ng uri ng mga komplikadong tao, pangyayari, at bagay, mayroon silang batayang pamantayan, at iyon ay ang sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Binibigyang-kakayahan sila ng mga katotohanang prinsipyong ito na makilatis ang diwa ng iba’t ibang komplikadong bagay at kung ano ang realidad ng isyu; kaya nilang matukoy ang mga bagay na ito. Ito ang kanilang pagkamakatwiran. Hindi ba’t ang pagkamakatwirang ito ay mas mataas kaysa iyon ng sa mga ordinaryong tao? (Oo.) Pagkatapos maabot ang antas na ito, hindi ba’t naitaas at napabuti na ang kanilang pagkamakatwiran? (Oo.) Ang ganitong uri ng normal na pagkatao ang gusto ng Diyos; ayaw ng Diyos sa mga tao na naguguluhan. Sinasabi ng ilang tao na, “Ako ay taong totoo at duwag, at palagi akong inaapi,” habang sinasabi naman ng iba na, “Napakahina ng kakayahan ko, at wala akong anumang abilidad o talento.” Sinasabi ng Diyos na hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at na ang mahalaga ay kung nauunawaan mo ba ang mga katotohanang prinsipyo. Kung nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, at ikaw ay nagsasalita at kumikilos ayon sa mga pamantayan at prinsipyo ng pagiging isang matapat na tao, kahit na kutyain ka ng mga walang pananampalataya bilang hangal, hindi ito tunay na kahangalan. Bakit? Ito ay dahil, sa sandaling maunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, nagiging matino at napabuti ang katwiran mo, na mas mataas kaysa sa iyon ng mga ordinaryong tao. Kapag nakakaharap mo ang anumang usapin, hindi ka naguguluhan; mayroon kang mga tamang prinsipyo, paninindigan, at layon bilang batayan para sa pangangasiwa rito. Maliwanag ang isipan mo at malinaw ang mga kaisipan mo. Kumikilos ka, nang nagsisikap na matugunan ang mga prinsipyo at pamantayang iyon, at tiyak na hindi ka sumasalungat sa mga layunin ng Diyos; tiyak na kumikilos ka nang naaayon sa Kanyang mga layunin. Pagkatapos mong mapangasiwaan ang usapin, nakilatis man ito o hindi ng mga tao noong oras na iyon, kapag lumipas na ang sapat na panahon at nauunawaan na ng mga tao, lahat sila ay lubusang makukumbinsi, at malalaman nila na lubos na kapaki-pakinabang ang naging pangangasiwa mo rito. Kaya, ano ang ugat na sanhi ng pagkakamit ng gayong epekto? Ito ay na mayroon kang katotohanan bilang iyong buhay. Saka ka lang mabibigyang-kakayahan ng iyong pagkamakatwiran na magkaroon ng tumpak na mga paghusga, tumpak na mga paglalarawan, at tumpak na mga kongklusyon tungkol sa sinuman at anuman, pati na ng tumpak na mga prinsipyo ng pagsasagawa, at siyempre, ng tumpak na mga prinsipyo para sa pagtulong at paggabay sa mga tao. Hindi ba’t kung gayon ay naitaas at napabuti ang iyong pagkamakatwiran? Saan nakukuha ng normal na pagkatao ang gayong pagkamakatwiran? (Sa katotohanan.) Ang mga tao na mayroong katotohanan bilang kanilang buhay ay ang sangkatauhang gusto ng Diyos. Marahil ikaw ay hangal, totoo, duwag, at hindi mahusay, marahil ay hindi ka popular at inaapi ka ng mga tao sa mundo, pero hindi mahalaga ang anuman sa mga ito; hindi ito ang tinitingnan ng Diyos. Marahil ay napakahusay ng kapabilidad mo sa mundo, partikular kang mahusay sa pagbabasa sa mga tao, pagkilatis ng mga kalakaran, at pagsabay sa agos, pero wala rin itong silbi; hindi ito katumbas ng pagiging matino ng iyong pagkamakatwiran. Kapag tinanggap mo na ang katotohanan, naunawaan mo na ang katotohanan, at naarok, naisagawa, at nagkamit ka na ng karanasan sa lahat ng katotohanan, at ang katotohanan ang naging buhay mo, saka lang magiging tumpak ang iyong pagtukoy, paghusga, at paggawa ng desisyon tungkol sa iba’t ibang usapin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.