Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12 (Ikatlong Bahagi)

Kababahagi Ko lang ngayon tungkol sa pagbitiw sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya. Madali bang gawin ito? (Oo, madali itong gawin.) Madali ba itong gawin? Sa mga anong sitwasyon makakaapekto at makakaabala sa iyo ang usaping ito? Kapag wala kang tama at tunay na pagkaunawa sa bagay na ito, sa isang partikular na uri ng kapaligiran, maiimpluwensiyahan ka nito, at maaapektuhan nito ang abilidad mo na magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at maaapektuhan ang iyong mga pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at sa mga kalalabasan. Samakatuwid, pagdating sa pagkakakilanlan na namamana mo mula sa pamilya, dapat mo itong tratuhin nang tama, at hindi magpaimpluwensiya o magpakontrol dito, kundi sa halip ay tingnan ang mga tao at mga bagay, at umasal at kumilos nang normal ayon sa mga pamamaraang ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Sa gayong paraan, magkakaroon ka ng saloobin at mga prinsipyong dapat taglayin ng isang katanggap-tanggap na nilikha pagdating sa aspektong ito. Pagkatapos, magbabahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Sa lipunang ito, ang mga prinsipyo ng mga tao sa pakikitungo sa mundo, ang kanilang mga pamamaraan sa pamumuhay at pag-iral, at maging ang kanilang mga saloobin at kuru-kuro sa relihiyon at pananampalataya, pati na rin ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at pananaw sa mga tao at bagay—ang lahat ng ito ay hindi maiiwasang kinokondisyon ng pamilya. Bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan—gaano man sila katanda, o anuman ang kasarian nila, o anumang hanapbuhay ang ginagawa nila, o anumang uri ng saloobin mayroon sila sa lahat ng bagay, labis-labis man ito o makatwiran—sa madaling salita, sa lahat ng bagay, lubos na naiimpluwensiyahan ng pamilya ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at ang kanilang mga saloobin sa mga bagay-bagay. Ibig sabihin, ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon na ginagamit ng pamilya sa isang tao ang pangunahing nagtatakda sa saloobin ng taong iyon sa mga bagay at sa kanyang pamamaraan ng pagharap sa mga ito, pati na rin sa kanyang pananaw sa pag-iral, at nakakaapekto ito maging sa kanyang pananampalataya. Sapagkat napakalaki ng epekto ng mga kondisyon ng pamilya sa mga tao, hindi maiiwasang pamilya ang pinag-uugatan ng mga pamamaraan at prinsipyo ng mga tao sa pagharap sa mga bagay, pati na rin ng kanilang pananaw sa pag-iral, at ng kanilang mga pananaw sa pananampalataya. Sapagkat ang mismong tahanan ng pamilya ay hindi ang lugar kung saan lumilitaw ang katotohanan, at hindi rin ang pinagmumulan ng katotohanan, tunay na may isang puwersa lamang na nag-uudyok o isang layon na nagtutulak sa iyong pamilya na ikondisyon sa iyo ang anumang ideya, pananaw, o pamamaraan ng pag-iral—iyon ay ang kumilos para sa kapakanan mo. Ang mga bagay na ito ay para sa sarili mong kapakanan, hindi na mahalaga kung kanino nagmumula ito—magmula man ito sa iyong mga magulang, lolo at lola, o mula sa iyong mga ninuno—sa madaling salita, ang lahat ng ito ay para bigyan ka ng kakayahang ipagtanggol ang sarili mong mga interes sa lipunan at sa paligid ng iba, upang hindi ka maapi, at upang bigyan ka ng kakayahang mamuhay kasama ang mga tao sa isang paraang mas malaya at diplomatiko, at upang maprotektahan ang sarili mong mga interes hangga’t maaari. Ang pagkokondisyong natatanggap mo mula sa iyong pamilya ay naglalayong protektahan ka, para hindi ka maapi o makaranas ng anumang pagkapahiya, at gawin kang mas magaling kaysa sa iba, kahit na nangangahulugan iyon ng pang-aapi sa iba o pananakit sa iba, basta’t hindi ka mismo napapahamak. Ito ang ilan sa mga pinakamahalagang bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ang mga ito rin ang diwa at pangunahing layon sa likod ng lahat ng ideya na ikinokondisyon sa iyo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kung isasaalang-alang mo ang layon at diwa ng lahat ng bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, mayroon bang anumang bagay na naaayon sa katotohanan? Kahit na talagang naaayon ang mga bagay na ito sa etika o mga lehitimong karapatan at interes ng sangkatauhan, mayroon bang anumang koneksiyon ang mga ito sa katotohanan? Ang mga ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Masasabi nang may buong katiyakan na ang mga ito ay talagang hindi ang katotohanan. Gaano man kapositibo at kalehitimo, kamakatao at ka-etikal, pinaniniwalaan ng tao ang mga bagay na dapat maging pagkatao mo na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, hindi ito ang katotohanan, ni hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa katotohanan, at lalong hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Samakatuwid, pagdating sa paksa ng pamilya, ang mga bagay na ito ay isa pang aspekto na dapat bitiwan ng mga tao. Ano ang partikular na aspektong ito? Ito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo—ito ang pangalawang aspekto na dapat mong bitiwan pagdating sa paksa ng pamilya. Dahil tinatalakay natin ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, pag-usapan muna natin kung ano mismo itong mga epekto ng pagkokondisyon. Kung tutukuyin natin ang pagkakaiba ng mga ito ayon sa konsepto ng mga tao ng tama at mali, ang ilan ay medyo tama, positibo, at kaaya-ayang tingnan, at maaaring ihayag, samantalang ang ilan ay medyo makasarili, kasuklam-suklam, ubod ng sama, medyo negatibo, at wala nang iba pa. Subalit, anuman ang mangyari, itong mga epekto ng pagkokondisyon mula sa pamilya ay katulad ng isang patong ng kasuotan na nagpoprotekta sa mga interes ng laman ng isang tao, pinangangalagaan ang kanilang dignidad kasama ng iba, at iniiwasan na maapi sila. Hindi ba’t totoo? (Oo.) Pag-usapan natin kung ano ang mga epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Halimbawa, kapag madalas sabihin sa iyo ng mga nakatatanda sa pamilya na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” ito ay para bigyan mo ng halaga ang pagkakaroon ng magandang reputasyon, pagkakaroon ng maipagmamalaking buhay, at hindi paggawa ng mga bagay na magdudulot sa iyo ng kahihiyan. Kung gayon, ginagabayan ba ng kasabihang ito ang mga tao sa positibo o negatibong paraan? Maaakay ka ba nito tungo sa katotohanan? Maaakay ka ba nito na maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) May buong katiyakan mong masasabi na, “Hindi, hindi nito magagawa!” Isipin mo, sinasabi ng Diyos na dapat umasal ang mga tao bilang matatapat na tao. Kapag lumabag ka, o may nagawa kang mali, o may nagawa kang isang bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at sumusuway sa katotohanan, kailangan mong aminin ang iyong pagkakamali, maunawaan ang iyong sarili, at patuloy na suriin ang iyong sarili para tunay na makapagsisi, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Kaya, kung aasal ang mga tao bilang matatapat na tao, sumasalungat ba iyon sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito”? (Oo.) Paanong sumasalungat ito? Ang layon ng kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” ay para bigyang-halaga ng mga tao ang pagsasabuhay ng kanilang maliwanag at makulay na parte ng pagkatao at ang paggawa ng maraming bagay na magpapamukha sa kanilang kanais-nais sila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o kahiya-hiya, o magpakita ng kanilang pangit na pagkatao—at upang maiwasan na mamuhay sila nang walang pagpapahalaga sa sarili o dignidad. Para sa kapakanan ng reputasyon ng isang tao, para sa pagpapahalaga sa sarili at karangalan, hindi pwedeng siraan ng isang tao ang lahat ng tungkol sa kanya, lalo na ang sabihin sa iba ang tungkol sa madilim na parte at mga kahiya-hiyang aspekto ng isang tao, dahil ang isang tao ay dapat mamuhay nang may pagpapahalaga sa sarili at dignidad. Upang magkaroon ng dignidad, kailangan ng isang tao ng magandang reputasyon, at para magkaroon ng magandang reputasyon, kailangang magkunwari ng isang tao at pagmukhaing kanais-nais ang sarili. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pag-asal bilang isang matapat na tao? (Oo.) Kapag umasal ka bilang isang matapat na tao, ang mga ginagawa mo ay ganap na salungat sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Kung nais mong umasal bilang isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang pagpapahalaga sa sarili; ang pagpapahalaga sa sarili ng isang tao ay walang kabuluhan. Sa harap ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o gumawa ng huwad na imahe. Dapat ihayag ng isang tao sa Diyos ang tunay niyang mga kaisipan, ang mga pagkakamaling nagawa niya, ang mga aspektong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at iba pa, at ilantad din ang mga bagay na ito sa mga kapatid. Hindi ito isang usapin ng pamumuhay para sa sariling reputasyon, sa halip, ito ay isang usapin ng pamumuhay para umasal bilang isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para palugurin ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, “Hindi ako pwedeng magsalita ng anumang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan na may sabihing kahit ano ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito. Kung magsasalita ang sinuman sa inyo, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang reputasyon ko ang pangunahing priyoridad. Walang kabuluhan ang mabuhay kung hindi ito para sa sariling reputasyon, dahil mas mahalaga ito kaysa anupaman. Kung mawawalan ng reputasyon ang isang tao, mawawala ang lahat ng kanyang dignidad. Kaya’t hindi ka maaaring maging prangka, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, mawawalan ka ng reputasyon at dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kwenta at walang silbi kung gayon.” Posible bang umasal bilang isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang maging ganap na bukas at suriin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Gayunpaman, kung bibitiwan mo ang kasabihang ito para mahangad ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ka na maaapektuhan nito, at hindi mo na ito magiging salawikain o prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at sa halip, ang gagawin mo ay ang mismong kabaligtaran ng kasabihang ito na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Hindi ka na mamumuhay para sa iyong reputasyon, o para sa iyong dignidad, kundi sa halip, mamumuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan, at pag-asal bilang isang matapat na tao, at paghahangad na mapalugod ang Diyos at mamuhay bilang isang tunay na nilikha. Kung susundin mo ang prinsipyong ito, kakailanganin mong bitiwan ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo.

Kinokondisyon ng pamilya ang mga tao gamit ang hindi lamang isa o dalawang kasabihan, kundi napakaraming sikat na kasabihan at talinghaga. Halimbawa, madalas bang binabanggit ng mga nakatatanda sa iyong pamilya at ng iyong mga magulang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”? (Oo.) Sinasabi nila sa iyo: “Dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon. Walang ibang hinahangad ang mga tao sa buhay nila, maliban sa gumawa ng magandang reputasyon sa iba at magbigay ng magandang impresyon. Saan ka man magpunta, magbigay ka ng mas maraming pagbati, magiliw na komento, at papuri, at magsabi ng mas maraming mabuting salita. Huwag pasamain ang loob ng mga tao, sa halip ay gumawa ng mas maraming mabuting bagay at kilos.” Itong partikular na epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay may tiyak na epekto sa pag-uugali o mga prinsipyo ng pag-asal ng mga tao, na may hindi maiiwasang kahihinatnan kung saan binibigyang-halaga nila ang kasikatan at pakinabang. Ibig sabihin, binibigyang-halaga nila ang kanilang sariling reputasyon, katanyagan, ang impresyong nililikha nila sa isipan ng mga tao, at ang pagtingin ng iba sa lahat ng kanilang ginagawa at bawat opinyon na kanilang ipinapahayag. Sa lubos na pagpapahalaga sa kasikatan at pakinabang, hindi sinasadyang nabibigyan mo ng kaunting halaga kung naaayon ba sa katotohanan at mga prinsipyo ang tungkuling ginagampanan mo, kung napapalugod mo ba ang Diyos, at kung sapat mong natutupad ang iyong tungkulin. Itinuturing mo ang mga bagay na ito bilang hindi gaanong mahalaga at mas mababang priyoridad, samantalang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, ay nagiging napakahalaga sa iyo. Dahil dito, labis mong binibigyang-pansin kung paano pumapasok sa isipan ng mga tao ang bawat detalye ng iyong sarili. Sa partikular, binibigyan ng espesyal na atensiyon ng ilang tao kung ano talaga ang tingin ng ibang tao sa kanila kapag nakatalikod sila, hanggang sa puntong nakikinig sila nang palihim, nakikinig sa mga kalahating-bukas na pinto, at panakaw pa ngang sumusulyap sa kung ano ang isinusulat ng ibang tao tungkol sa kanila. Sa sandaling may bumanggit sa pangalan nila, iniisip nila na, “Kailangan kong magmadali at pakinggan kung ano ang sinasabi nila tungkol sa akin, at kung mayroon ba silang magandang opinyon tungkol sa akin. Naku, sinabi nilang tamad ako at na gusto kong kumain ng masasarap na pagkain. Kung gayon, dapat akong magbago, hindi ako pwedeng magpakatamad sa hinaharap, dapat akong maging masipag.” Matapos magsipag nang ilang panahon, iniisip nila, “Pinakikinggan ko kung sinasabi ba ng lahat na tamad ako, at tila walang nagsabi nito kamakailan.” Ngunit hindi pa rin sila mapalagay, kaya’t pasimple nila itong binabanggit sa kanilang mga pakikipag-usap sa mga nakapaligid sa kanila, sinasabing: “Medyo tamad ako.” At tumutugon ang iba ng: “Hindi ka tamad, mas masipag ka na ngayon kaysa sa dati.” Dahil dito, agad silang napapanatag, lubos na nagagalak, at gumiginhawa ang pakiramdam. “Tingnan mo nga naman, nagbago na ang opinyon ng lahat sa akin. Mukhang napansin ng lahat ang pagbuti ng ugali ko.” Ang lahat ng ginagawa mo ay hindi para maisagawa ang katotohanan, ni hindi para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito ay para sa sarili mong reputasyon. Sa ganitong paraan, ano ang nagiging matagumpay na resulta ng lahat ng iyong ginagawa? Ito ay matagumpay na nagiging isang relihiyosong gawain. Ano ang nangyari sa iyong diwa? Naging tipikal na modelo ka ng isang Pariseo. Ano ang nangyari sa landas mo? Ito ay naging landas ng mga anticristo. Ganyan ito binibigyang-kahulugan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng lahat ng iyong ginagawa ay nabahiran, hindi na ito pareho; hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ito, sa halip ay hinahangad mo ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, kung ang Diyos ang tatanungin, ang pagganap ng iyong tungkulin—sa isang salita—ay hindi sapat. Bakit ganoon? Dahil nakatuon ka lamang sa sarili mong reputasyon, sa halip na sa ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, o sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang nararamdaman mo sa puso mo kapag nagbibigay ang Diyos ng gayong kahulugan? Na ang iyong pananampalataya sa Diyos sa lahat ng taon na ito ay naging walang saysay? Ibig bang sabihin niyon hindi mo talaga hinahangad ang katotohanan? Hindi mo hinahangad ang katotohanan, sa halip ay binibigyan mo ng espesyal na atensiyon ang sarili mong reputasyon, at ang pinag-uugatan nito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Alin ang pinakanangingibabaw na kasabihang ikinondisyon sa iyo? Ang kasabihang, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” ay malalim nang nakaugat sa puso mo at naging salawikain mo na ito. Naimpluwensiyahan at nakondisyon ka ng kasabihang ito mula noong bata ka pa, at maging paglaki mo ay madalas mong inuulit ang kasabihang ito para maimpluwensiyahan ang susunod na henerasyon ng iyong pamilya at ang mga taong nakapaligid sa iyo. Siyempre, ang mas malala pa ay pinanghawakan mo ito bilang iyong pamamaraan at prinsipyo sa pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay, at bilang layon at direksiyon pa nga na hinahangad mo sa buhay. Ang layon at direksiyon mo ay mali, kaya naman tiyak na negatibo ang huling kalalabasan. Sapagkat ang diwa ng lahat ng ginagawa mo ay para lamang sa iyong reputasyon, at para lamang isagawa ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ikaw mismo ay hindi alam iyon. Sa tingin mo ay walang mali sa kasabihang ito, dahil hindi ba’t dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon? Tulad ng karaniwang kasabihan na, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Ang kasabihang ito ay tila napakapositibo at marapat, kaya hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang epekto ng pagkokondisyon nito at itinuturing ito bilang isang positibong bagay. Sa sandaling ituring mo ang kasabihang ito bilang isang positibong bagay, hindi mo namamalayang hinahangad at isinasagawa mo ito. Kasabay nito, hindi mo namamalayan at nalilitong napagkakamalan mo ito bilang ang katotohanan at bilang isang pamantayan ng katotohanan. Kapag itinuring mo ito bilang isang pamantayan ng katotohanan, hindi ka na nakikinig sa sinasabi ng Diyos, at hindi mo na rin nauunawaan ito. Pikit-mata mong isinasagawa ang salawikaing ito, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at kumikilos ka alinsunod dito, at sa huli, ang nakukuha mo roon ay isang magandang reputasyon. Nakamit mo ang nais mong makamit, ngunit sa paggawa nito ay nalabag at natalikuran mo ang katotohanan, at nawalan ka ng pagkakataong maligtas. Ipagpalagay na ito ang huling kalalabasan, dapat mong bitiwan at talikuran ang ideya na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Hindi ito isang bagay na dapat mong panghawakan, ni hindi ito isang kasabihan o ideya na dapat mong pag-ukulan ng panghabambuhay na pagsisikap at lakas sa pagsasagawa. Ang ideya at pananaw na ito na ikinikintal at ikinokondisyon sa iyo ay mali, kaya dapat lang na bitiwan mo ito. Ang dahilan kung bakit dapat mo itong bitiwan ay hindi lamang sa hindi ito ang katotohanan, kundi dahil ililigaw ka nito at sa huli ay hahantong sa iyong pagkawasak, kaya’t napakaseryoso ng mga kahihinatnan. Para sa iyo, hindi ito isang simpleng kasabihan lamang, kundi isang kanser—isang pamamalakad at pamamaraan na nagtitiwali sa mga tao. Dahil sa mga salita ng Diyos, sa lahat ng hinihingi Niya sa mga tao, hindi kailanman hiniling ng Diyos sa mga tao na maghangad ng isang magandang reputasyon, o maghangad ng katanyagan, o gumawa ng magandang impresyon sa mga tao, o magtamo ng pagsang-ayon sa mga tao, o kumuha ng pahintulot mula sa mga tao, ni hindi Siya naghikayat na mamuhay ang mga tao para sa kasikatan o para mag-iwan ng magandang reputasyon. Nais lamang ng Diyos na gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, at magpasakop sila sa Kanya at sa katotohanan. Samakatuwid, patungkol sa iyo, ang kasabihang ito ay isang uri ng pagkokondisyong mula sa iyong pamilya na dapat mong bitiwan.

May isa pang epekto ng pagkokondisyon ang iyong pamilya sa iyo. Halimbawa, kapag hinihikayat ka ng mga magulang o nakatatanda, madalas nilang sinasabi na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna.” Sa pagsasabi nila nito, ang layon nila ay ang turuan kang magtiis ng pagdurusa, maging masipag at magtiyaga, at huwag matakot na magdusa sa anumang ginagawa mo, dahil tanging yaong mga nagtitiis ng pagdurusa, lumalaban sa paghihirap, nagsusumikap, at nagtataglay ng katapangan ang maaaring manguna. Ano ang ibig sabihin ng “manguna”? Ibig sabihin nito ay hindi inaapi, o minamaliit, o dinidiskrimina; nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mataas na katanyagan at katayuan sa gitna ng mga tao, pagkakaroon ng awtoridad na makapagsalita at mapakinggan, at awtoridad na makapagpasya; ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang mamuhay nang mas maganda at mas mataas ang kalidad bukod sa iba at tinitingala ng mga tao, hinahangaan ka, at naiinggit sa iyo. Talagang nangangahulugan lang ito na ikaw ay nasa mataas na antas ng buong sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “mataas na antas”? Nangangahulugan ito na maraming tao ang nasa paanan mo at hindi mo kailangang magtiis ng anumang pagmamaltrato mula sa kanila—ito ang ibig sabihin ng “manguna.” Upang manguna, kailangan mong “tiisin ang matinding pagdurusa,” na nangangahulugang dapat mong makayanan ang pagdurusa na hindi kaya ng iba. Kaya bago ka maaaring manguna, dapat matiis mo ang mga mapanghamak na tingin, pangungutya, panunuya, paninirang-puri, gayundin ang kawalan ng pang-unawa ng iba, at maging ang kanilang pang-uuyam, at iba pa. Dagdag pa sa pisikal na pagdurusa, dapat mong matiis ang panunuya at pangungutya ng opinyon ng madla. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatuto na maging ganitong uri ng tao ka makapamumukod-tangi sa gitna ng mga tao, at magkakaroon ng puwesto sa lipunan. Ang interes ng kasabihang ito ay para gawing nakatataas ang mga tao kaysa maging nakabababa, dahil napakahirap na maging nakabababa—kailangan mong tiisin ang pagmamaltrato, pakiramdam mo ay wala kang silbi, at wala kang dignidad o dangal. Isa rin itong epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, na may layong kumilos para sa ikabubuti mo. Ginagawa ito ng iyong pamilya para hindi mo kailangang magtiis sa pagmamaltrato ng iba, at para magkaroon ka ng kasikatan at awtoridad, makakain nang maayos at mapasaya ang sarili, at para kahit saan ka man magpunta, walang mangangahas na mang-api sa iyo, at sa halip ay maaari kang kumilos katulad ng isang diktador at magdesisyon, at lahat ay yuyuko at susunod sa iyo. Sa isang punto, sa paghahangad na maging mas magaling kaysa sa iba, ginagawa mo ito para sa sarili mong pakinabang, at sa isa pang punto, ginagawa mo rin ito para palakasin ang katayuan ng iyong pamilya sa lipunan at bigyan ng karangalan ang iyong mga ninuno, upang makinabang din ang iyong mga magulang at kapamilya mula sa pagkakaugnay sa iyo at para hindi sila magdusa ng pagmamaltrato. Kung nagtiis ka ng matinding paghihirap at nagawa mong manguna sa pamamagitan ng pagiging isang mataas na opisyal na may magandang kotse, may marangyang bahay at mga tauhang pumapaligid sa iyo, makikinabang din ang iyong pamilya sa pagkakaugnay nila sa iyo, at ang mga kapamilya mo ay makapagmamaneho rin ng magagandang sasakyan, makakakain nang maayos, at makapamumuhay nang marangya. Magagawa mong kumain ng mga pinakamahal na pagkain kung gusto mo, at pumunta kahit saan mo gusto, at pasunurin ang lahat sa utos mo, at gawin ang anumang gusto mo, at mamuhay nang sutil at mayabang nang hindi kinakailangang umiwas sa atensiyon o mamuhay sa takot, at magagawa mo ang anumang gusto mo, kahit na labag ito sa batas, at makapamumuhay ka nang mapangahas at walang bahala—ito ang layon ng iyong pamilya sa pagkokondisyon sa iyo sa ganitong paraan, para hindi ka maagrabyado, at para magawa mong manguna. Samakatuwid, ang kanilang layon ay gawin kang isang taong pinamumunuan ang iba, pinamamahalaan ang iba, at inuutusan ang iba, at gawin kang isang taong nang-aapi lamang ng iba at hindi kailanman dehado, at gawin kang isang taong nangunguna, sa halip na isang taong pinangungunahan. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Nakakabuti ba sa iyo ang epekto ng pagkokondisyong ito mula sa iyong pamilya? (Hindi.) Bakit mo sinasabing hindi ito nakakabuti sa iyo? Kung tuturuan ng bawat pamilya ang susunod na henerasyon sa ganitong paraan, madaragdagan ba nito ang alitan sa lipunan at mauudyukan ang lipunan na maging mas mapagkumpitensya at hindi patas? Gugustuhin ng lahat na mapunta sa tuktok, walang sinuman ang gugustuhin na mapunta sa pinakailalim, o maging isang ordinaryong tao—gugustuhin nilang lahat na maging isang taong namumuno at nang-aapi sa iba. Sa palagay mo ba ay maaari pa ring maging mabuti ang lipunan kung gayon ang nangyayari? Malinaw na hindi mapupunta sa positibong direksiyon ang lipunan, at patitindihin lamang nito ang mga panlipunang alitan, patataasin ang pagiging mapagkumpitensya ng mga tao, at palalalain ang mga alitan ng mga tao. Halimbawa na lang ay ang paaralan. Sinusubukan ng mga estudyante na malamangan ang isa’t isa, sa pamamagitan ng paggugol ng matinding pagsisikap sa pag-aaral kapag walang nakakakita, ngunit kapag nagkita-kita na sila, sasabihin nila na, “Naku, hindi na naman ako nakapag-aral noong nakaraang linggo. Pumunta na lang kasi ako sa isang magandang lugar at nagsaya buong araw. Saan ka nagpunta?” At may isang makikisali sa usapan: “Natulog lang ako buong linggo at hindi rin ako nakapag-aral.” Sa totoo lang, alam na alam naman nilang dalawa na buong linggong nag-aral ang isa hanggang sa mapagod nang husto, pero ni isa sa kanila ay walang umaamin na nakapag-aral sila o nagsikap nang husto kapag walang nakakakita, dahil gusto ng lahat na manguna at ayaw nilang malamangan ng sinuman. Sinasabi nilang hindi sila nag-aaral, dahil ayaw nilang malaman ng iba ang totoo na nag-aaral sila. Ano ba ang silbi ng pagsisinungaling nang ganoon? Nag-aaral ka para sa sarili mo, hindi para sa iba. Kung kaya mong magsinungaling sa gayon kamurang edad, matatahak mo ba ang tamang landas pagkatapos mong pumasok sa lipunan? (Hindi.) Ang pagpasok sa lipunan ay may kaakibat na mga pansariling interes, pera, at katayuan, kaya’t magiging mas matindi lamang ang kompetisyon. Ang mga tao ay hindi titigil at gagamitin nila ang lahat ng paraang mayroon sila para makamit ang kanilang mga layon. Magiging handa sila at makakaya nilang gawin ang anumang kinakailangan para matupad ang kanilang layon, sa anumang pamamaraan, kahit pa nangangahulugan ito ng pagtitiis ng kahihiyan para makarating doon. Kung magpapatuloy ang mga ganitong kalakaran, paanong magiging maayos ang lipunan? Kung gagawin ito ng lahat, paanong magiging maayos ang sangkatauhan? (Hindi iyon mangyayari.) Ang ugat ng lahat ng uri ng hindi wastong asal sa lipunan at masasamang kalakaran ay nagmumula sa pagkokondisyon na iginugugol ng pamilya sa mga tao. Kung gayon, ano kaya ang hinihingi ng Diyos tungkol sa bagay na ito? Hinihingi ba ng Diyos na ang mga tao ay manguna at hindi maging karaniwan, hindi kakaiba, hindi kapansin-pansin, o ordinaryo, kundi sa halip ay maging dakila, sikat, at mataas na tao? Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Napakalinaw na ang kasabihang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya—“Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna”—ay hindi ka ginagabayan sa isang positibong direksyon, at siyempre, wala rin itong kaugnayan sa katotohanan. Ang mga layon ng iyong pamilya na iparanas sa iyo ang pagdurusa ay hindi nagkataon lang, na pinalalala ng pagpapakana, at sobrang kasuklam-suklam at palihim. Pinararanas ng Diyos ang mga tao ng pagdurusa dahil sa mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Kung nais ng mga tao na madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kailangan nilang dumaan sa pagdurusa—ito ay isang obhektibong katunayan. Dagdag pa rito, hinihingi ng Diyos sa mga tao na magtiis ng pagdurusa: Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito rin ang dapat pasanin ng isang normal na tao, at ang saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao. Gayunpaman, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na manguna ka. Hinihingi lamang Niya sa iyo na maging isa kang ordinaryong, normal na tao na nakakaunawa sa katotohanan, nakikinig sa Kanyang mga salita, nagpapasakop sa Kanya, at iyon lang. Hindi kailanman hinihingi ng Diyos na sorpresahin mo Siya, o gumawa ka ng anumang bagay na nakapanggigilalas, ni hindi Niya kailangan na maging isa kang tanyag na tao o isang dakilang tao. Kailangan lamang Niya na maging isa kang ordinaryo, normal, at totoong tao, at gaano man karaming pagdurusa ang kaya mong tiisin, o kung kaya mo nga ba talagang magtiis ng pagdurusa o hindi, kung sa huli ay magagawa mong katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan, kung gayon, ito ang pinakamainam na tao na pwede kang maging. Ang nais ng Diyos ay hindi iyong manguna ka, kundi ang maging isang tunay na nilikha, isang taong kayang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Ang taong ito ay isang tao na hindi kapansin-pansin at ordinaryo, isang taong may normal na pagkatao, konsensiya at katwiran, hindi isang matayog o dakilang tao sa paningin ng mga walang pananampalataya o tiwaling tao. Marami na tayong napagbahaginan sa aspektong ito noon, kaya hindi na natin ito higit pang tatalakayin ngayon. Ang kasabihang ito na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” ay malinaw na isang bagay na dapat mong bitiwan. Ano ba mismo ang dapat mong bitiwan? Ito ay ang direksiyon na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya na hangarin mo. Ibig sabihin, dapat mong baguhin ang direksyon ng iyong paghahangad. Huwag kang gumawa ng anumang bagay para lamang manguna, mamukod-tangi sa karamihan at maging kapansin-pansin, o mahangaan ng iba. Sa halip, dapat mong talikuran ang mga ganitong intensiyon, pakay, at motibo at gawin ang lahat sa praktikal na paraan upang maging isang tunay na nilikha. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sa isang mapagpakumbabang paraan”? Ang pinakapangunahing prinsipyo ay gawin ang lahat ng bagay alinsunod sa mga paraan at prinsipyong itinuro ng Diyos sa mga tao. Ipagpalagay na hindi nakakapagpahanga sa lahat o nakakapagpabilib sa kanila ang ginagawa mo, o na hindi man lang ito pinupuri o pinahahalagahan ng sinuman. Gayunpaman, kung ito ay isang bagay na dapat mong gawin, dapat kang magpursige at magpatuloy rito, ituring ito bilang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha. Kung gagawin mo iyon, magiging isa kang katanggap-tanggap na nilikha sa mga mata ng Diyos—ganoon lang iyon kasimple. Ang kailangan mong baguhin ay ang iyong paghahangad ukol sa iyong pag-asal at pananaw sa buhay.

Kinokondisyon at iniimpluwensiyahan ka ng pamilya sa ibang paraan, halimbawa, sa kasabihang “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.” Madalas, tinuturuan ka ng mga kapamilya na: “Maging mabait at huwag makipagtalo sa iba o gumawa ng mga kaaway, dahil kapag nagkaroon ka ng masyadong maraming kaaway, hindi ka magkakamit ng katayuan sa lipunan, at kung masyadong maraming tao ang namumuhi sa iyo at gustong saktan ka, hindi ka magiging ligtas sa lipunan. Palagi kang manganganib, at ang iyong kaligtasan sa buhay, katayuan, pamilya, pansariling kaligtasan, at maging ang iyong mga inaasam-asam na promosyon sa trabaho ay malalagay sa alanganin at mahahadlangan ng masasamang tao. Kaya dapat mong matutunan na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.’ Maging mabait sa lahat, huwag sirain ang magagandang ugnayan, huwag magsabi ng anumang bagay na hindi mo na mababawi sa huli, iwasang manakit ng dangal ng mga tao, at huwag ilantad ang kanilang mga pagkukulang. Iwasan o itigil ang pagsasabi ng mga bagay na ayaw marinig ng mga tao. Magbigay ka na lang ng mga papuri, dahil hindi kailanman masamang magbigay-puri sa sinuman. Dapat kang matutong magpakita ng pagtitiis at kompromiso sa parehong malalaki at maliliit na bagay, dahil ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.’” Isipin mo, dalawang ideya at pananaw ang itinatanim sa iyo ng iyong pamilya nang sabay. Sa isang punto, sinasabi nila na kailangan mong maging mabait sa iba; sa isa pang punto, gusto nilang maging mapagtimpi ka, huwag magsalita kung hindi kinakailangan, at kung mayroon kang sasabihin, dapat mong itikom ang iyong bibig hanggang sa makauwi ka at sabihin sa iyong pamilya pagkatapos. O ang mabuti pa, huwag mo na lang sabihin sa pamilya mo, dahil may mga tainga ang mga dingding—kung sakaling lumabas ang sikreto, hindi magiging maganda ang mga bagay para sa iyo. Upang magkaroon ng katayuan at makaligtas sa lipunang ito, dapat matuto ang mga tao ng isang bagay—ang maging balimbing. Sa madaling salita, dapat kang maging madaya at tuso. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihin kung ano ang nasa isip mo. Kung sasabihin mo kung ano ang nasa isip mo, kahangalan ang tawag doon, hindi iyon pagiging matalino. May ilang tao na walang preno na sinasabi ang anumang gusto nila. Isipin mo ang isang lalaking gumagawa niyon at sa huli ay napasama niya ang loob ng kanyang amo. Pagkatapos ay pinahirapan siya ng kanyang amo, kinansela ang kanyang bonus, at palagi itong nakikipag-away sa kanya. Sa huli, hindi na niya kayang manatili pa sa trabaho. Kung magbibitiw siya sa kanyang trabaho, wala siyang ibang mapagkakakitaan. Pero kung hindi siya magbibitiw, ang tanging magagawa niya ay pagtiyagaan ang isang trabaho na hindi na niya kayang gawin pa. Ano ang tawag doon, kapag nasa mahirap kang kalagayan? “Naipit,” nang hindi makakilos. Tapos, sinasabi sa kanya ng kanyang pamilya na: “Nararapat lang iyan sa iyo na maltratuhin, dapat kasi naalala mo na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’! Nararapat lang iyan sa iyo dahil wala kang preno at hindi ka nag-iingat sa pinagsasasabi mo! Sinabi namin sa iyo na maging maingat ka sa pananalita at pag-isipang mabuti ang sasabihin mo, pero ayaw mo, pinili mong maging prangka. Akala mo ba ganoon kadaling kalabanin ang amo mo? Akala mo ba ganoon kadaling mamuhay sa lipunan? Palagi mong iniisip na nagpapakaprangka ka lang. Pwes, ngayon, dapat lang na harapin mo ang masasakit na kahihinatnan. Maging aral sana ito sa iyo! Mas matatandaan mo na nang mabuti ang kasabihang ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ sa hinaharap!” Sa sandaling maituro sa lalaking iyon ang leksiyong ito, naaalala niya ito, iniisip na, “Tama talaga ang mga magulang ko na turuan ako. Ito ay isang makabuluhang leksyon ng karanasan sa buhay, isang tunay na gintong aral, hindi ko ito pwedeng patuloy na balewalain. Manganganib ako kung babalewalain ko ang mga nakatatanda sa akin, kaya’t tatandaan ko ito sa hinaharap.” Pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos at sumapi sa sambahayan ng Diyos, naaalala pa rin niya ang kasabihang ito, “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” kaya naman binabati niya ang kanyang mga kapatid sa tuwing nakikita niya ang mga ito, at ginagawa ang kanyang makakaya para makapagsabi ng magagandang bagay sa mga ito. Sinasabi ng lider: “Matagal-tagal na akong lider, pero wala akong sapat na karanasan sa gawain.” Kaya, sumisingit siya nang may papuri: “Magaling ka sa ginagawa mo. Kung hindi ikaw ang namumuno sa amin, parang wala na kaming matatakbuhan.” May isa pang nagsasabi na: “Nagkamit ako ng pag-unawa sa sarili ko, at sa tingin ko ay medyo mapanlinlang ako.” Kaya sasagot siya, “Hindi ka mapanlinlang, talagang matapat ka, ako ang mapanlinlang.” May isa pang nagbibigay ng masamang komento sa kanya, at napapaisip siya, “Hindi ko kailangang matakot sa masasamang komento na tulad niyan, mas masahol pa ang kaya kong tiisin. Gaano man kasama ang mga komento mo, magkukunwari na lang akong hindi ko narinig ang mga ito, at patuloy kitang pupurihin, at susubukan ang makakaya ko na maging sipsip sa iyo, dahil hindi kailanman masama na purihin ka.” Sa tuwing may humihiling sa kanya na magbigay ng opinyon o magtapat habang nagbabahaginan, hindi siya prangkang nagsasalita, at pinananatili ang masayahing pagpapanggap na ito sa harap ng lahat. May nagtatanong sa kanya: “Bakit palagi kang masigla at masiyahin? Isa ka ba talagang nakangiting tigre?” At napapaisip siya: “Matagal na akong isang nakangiting tigre, at sa lahat ng panahong iyon, hindi pa ako kailanman napagsamantalahan, kaya’t naging pangunahing prinsipyo ko na ito sa pakikitungo sa mundo.” Hindi ba’t hindi siya mapagkakatiwalaan? (Oo.) May ilang tao na nagpatangay na lang sa lipunan sa loob ng maraming taon, at patuloy na ginagawa ito matapos silang makapasok sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagsasabi ng isang tapat na salita, hindi sila nagsasalita mula sa puso, at hindi nila ibinabahagi ang pagkaunawa nila sa kanilang sarili. Kahit inilalahad ng isang kapatid ang puso nito sa kanila, hindi sila nagsasalita nang prangka, at walang sinuman ang nakakaalam kung ano talaga ang tumatakbo sa isip nila. Hindi nila kailanman ibinubunyag kung ano ang iniisip nila o kung ano ang kanilang mga pananaw, pinananatili nila ang talagang magagandang ugnayan sa lahat, at hindi mo alam kung anong uri ng mga tao o kung anong klase ng personalidad ang totoong gusto nila, o kung ano ba talaga ang tingin nila sa iba. Kung may magtatanong sa kanila kung anong uri ng tao si gayo’t ganito, ang sagot nila ay, “Higit sampung taon na siyang mananampalataya, at ayos naman siya.” Kahit sino ang itanong mo sa kanila, sasagot sila na ayos lang o napakabait ng taong iyon. Kung may magtatanong sa kanila ng, “May natuklasan ka bang anumang pagkukulang o kapintasan sa kanya?” Sasagot sila ng, “Wala pa naman akong napansin, mas oobserbahan ko ito nang mabuti mula ngayon,” pero sa kaloob-looban nila, iniisip nilang: “Hinihiling mo sa akin na pasamain ko ang loob ng taong iyon, na talagang hindi ko gagawin! Kung sasabihin ko sa iyo ang totoo at nalaman niya ito, hindi ba’t magiging kaaway ko siya? Matagal nang sinasabi sa akin ng pamilya ko na huwag gumawa ng mga kaaway, hindi ko nakakalimutan ang mga sinabi nila. Akala mo ba hangal ako? Akala mo makakalimutan ko ang pagtuturo at pagkokondisyon na natanggap ko mula sa aking pamilya dahil lang sa nagbahagi ka ng dalawang pangungusap ng katotohanan? Hindi iyon mangyayari! Ang mga kasabihang ito na, ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ at ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso,’ ay hindi ako kailanman binigo at ang mga ito ang aking birtud. Hindi ako nagkukuwento ng mga kapintasan ng sinuman, at kung may sinumang nang-uudyok sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Hindi mo ba nakita ang letrang iyon na nakatatak sa aking noo? Ito ang letrang Tsino para sa ‘pagtitiis,’ na binubuo ng letra ng isang kutsilyo sa itaas ng letra ng puso. Ang sinumang nagsasabi ng masasamang salita, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang sinumang nagpupungos sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang layon ko ay na manatiling kasundo ang lahat, na panatilihin ang mga ugnayan sa ganitong antas. Huwag kumapit sa mga prinsipyo, huwag maging sobrang hangal, huwag maging matigas, dapat kang matutong bumagay sa mga sitwasyon! Bakit sa tingin mo nabubuhay nang napakatagal ang mga pagong? Ito ay dahil nagtatago ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa tuwing nahihirapan ang mga ito, hindi ba? Sa gayong paraan, napoprotektahan ng mga ito ang kanilang sarili at nabubuhay nang libo-libong taon. Iyon ang paraan para mabuhay nang matagal, at kung paano makitungo sa mundo.” Hindi mo naririnig ang gayong mga tao na nagsasabi ng anumang makatotohanan o taos-puso, at hindi kailanman nabubunyag ang kanilang mga tunay na pananaw at pangunahing pamantayan sa kanilang pag-asal. Pinag-iisipan at pinagninilayan lamang nila ang mga bagay na ito sa puso nila, ngunit walang ibang nakakaalam sa mga ito. Sa panlabas, ang ganitong uri ng tao ay mabait sa lahat, mukhang may mabuting loob, at hindi nananakit o naninira ng sinuman. Pero ang totoo, siya ay balimbing at hindi mapagkakatiwalaan. Ang ganitong uri ng tao ay palaging nagugustuhan ng ilang tao sa iglesia, dahil hindi sila kailanman gumagawa ng malalaking pagkakamali, hindi nila kailanman pabayang ibinubunyag ang kanilang sarili, at ayon sa pagsusuri ng mga lider ng iglesia at mga kapatid, maayos silang nakikisama sa lahat. Wala silang pakialam sa kanilang tungkulin, ginagawa lang nila kung ano ang hinihiling sa kanila. Sila ay sadyang masunurin at may maayos na pag-uugali, hindi nila kailanman sinasaktan ang iba sa pakikipag-usap o kapag hinaharap ang mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman sinasamantala ang sinuman. Hindi sila kailanman nagsasalita ng masama tungkol sa iba, at hindi sila nanghuhusga ng mga tao nang patalikod. Gayunpaman, walang nakakaalam kung tapat sila sa pagganap ng kanilang tungkulin, at walang nakakaalam kung ano ang iniisip nila sa iba o kung ano ang opinyon nila sa mga ito. Pagkatapos pag-isipang mabuti, maramdaman mo pa na talagang medyo kakaiba at mahirap unawain ang ganitong uri ng tao, at na ang pagpapanatili sa kanila ay maaaring magdulot ng problema. Ano ang dapat mong gawin? Isa itong mahirap na desisyon, hindi ba? Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nakikita mo na inaasikaso nila ang kanilang mga sariling gawain, ngunit kailanman ay hindi nila pinahahalagahan ang mga prinsipyong ipinapabatid ng sambahayan ng Diyos sa kanila. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila, wala sa loob na ginagawa ang mga ito at hinahayaan na lang sa ganoon, sinusubukan lamang na iwasang gumawa ng anumang malalaking pagkakamali. Dahil dito, wala kang mahahanap na anumang pagkakamali sa kanila, o matutukoy na anumang kapintasan. Malinis nilang ginagawa ang mga bagay-bagay, pero ano kaya ang iniisip nila sa loob? Gusto ba nilang gampanan ang kanilang tungkulin? Kung walang mga atas administratibo ng iglesia, o pangangasiwa mula sa lider ng iglesia o sa kanilang mga kapatid, makikisama kaya ang taong ito sa masasamang tao? Gagawa kaya sila ng masasamang bagay at magsasagawa ng kasamaan kasama ang masasamang tao? Napakaposible nito, at may kakayahan silang gawin ito, pero hindi pa nila ito nagagawa. Ang ganitong tao ang mapaminsala sa lahat ng uri, at sila ang tipikal na hindi mapagkakatiwalaan o tusong tao. Hindi sila nagtatanim ng mga sama ng loob sa sinuman. Kung may isang tao na nagsasabi ng masakit sa kanila, o nagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon na lumalabag sa kanilang dignidad, ano ang iniisip nila? “Magpapakita ako ng pagtitiis, hindi ko ito mamasamain, pero darating ang araw na magmumukha kang hangal!” Kapag talagang iwinasto ang taong iyon o nagmukhang hangal, lihim nilang pinagtatawanan ito. Madalas silang mangutya ng ibang tao, ng mga lider, at ng sambahayan ng Diyos, pero hindi nila kinukutya ang kanilang sarili. Hindi lang talaga nila alam kung anong mga problema o kapintasan ang mayroon sila mismo. Ang mga ganitong uri ng tao ay nag-iingat na hindi magbunyag ng anumang bagay na makakasakit sa iba, o anumang bagay na magbibigay-daan sa iba na makita ang tunay nilang kalooban, bagamat iniisip nila ang mga bagay na ito sa puso nila. Samantala, pagdating sa mga bagay na maaaring magpamanhid o manlihis sa iba, malaya nilang ipinapahayag ang mga ito at hinahayaan ang mga tao na makita ang mga ito. Ang mga taong tulad nito ang pinakatuso at pinakamahirap pakitunguhan. Kaya, ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga taong tulad nito? Gamitin ang mga ito kung maaari, at alisin ang mga ito kung hindi—ito ang prinsipyo. Bakit ganoon? Ang dahilan ay sapagkat ang mga taong tulad nito ay nakatakdang hindi maghangad sa katotohanan. Ang mga ito ay mga hindi mananampalataya na pinagtatawanan ang sambahayan ng Diyos, mga kapatid, at mga lider kapag nagkakaroon ng mga problema. Ano ang papel nila? Ito ba ang papel ni Satanas at ng mga diyablo? (Oo.) Kapag nagpapakita sila ng pasensiya sa kanilang mga kapatid, hindi ito binubuo ng tunay na pagtitimpi o taos-pusong pagmamahal. Ginagawa nila ito para protektahan ang kanilang sarili at para maiwasang magkaroon ng anumang mga kaaway o panganib sa kanilang daan. Hindi nila kinukunsinti ang kanilang mga kapatid para protektahan ang mga ito, hindi rin nila ito ginagawa para sa pagmamahal, at lalong hindi nila ito ginagawa para sa paghahangad ng katotohanan at pagsasagawa nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ginagawa nila ay ganap na isang saloobin na nakatuon sa pagsabay lamang sa agos at panlilihis sa iba. Ang mga gayong tao ay balimbing at hindi mapagkakatiwalaan. Ayaw nila sa katotohanan at hindi nila ito hinahangad, sa halip ay sumasabay lamang sila sa agos. Malinaw na ang pagkokondisyong natatanggap ng gayong mga tao mula sa kanilang pamilya ay lubhang nakakaapekto sa pamamaraan kung paano sila mismo kumikilos at humaharap sa mga bagay-bagay. Siyempre, hindi maitatanggi na ang mga pamamaraan at prinsipyong ito ng pagharap sa mundo ay laging nauugnay sa kanilang pagkataong diwa. Higit pa rito, ang mga epekto ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya ay nagsisilbi lamang para gawing mas malinaw at kongkreto ang kanilang mga kilos, at mas ganap na ibunyag ang kanilang kalikasang diwa. Samakatuwid, kapag nahaharap sa mga pangunahing isyu ng tama at mali, at sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung makagagawa ng ilang angkop na pasya ang gayong mga tao at bibitiwan ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na kinikimkim nila sa kanilang puso, gaya ng “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” para maitaguyod ang mga layunin ng sambahayan ng Diyos, mabawasan ang kanilang mga paglabag at masamang gawa sa harap ng Diyos—paano ito makakabuti sa kanila? Kahit papaano, kapag sa hinaharap ay itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan ng bawat tao, mapapagaan nito ang kaparusahan sa kanila at mababawasan ang pagtutuwid ng Diyos sa kanila. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, walang mawawala sa mga taong iyon at ang lahat ng bagay ay magiging pakinabang sa kanila, hindi ba? Kung tuluyan nilang bibitiwan ang kanilang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, hindi ito magiging madali para sa kanila, dahil kasama rito ang kanilang pagkataong diwa, at ang mga taong ito na hindi mapagkakatiwalaan at balimbing ay hindi man lang tumatanggap sa katotohanan. Hindi gaanong simple at madali para sa kanila na bitiwan ang mga satanikong pilosopiya na ikinondisyon sa kanila ng kanilang mga pamilya, dahil—kahit na isantabi ang mga epektong ito ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya—sila mismo ay mga nahuhumaling na naniniwala sa mga satanikong pilosopiya, at gusto nila ang ganitong diskarte sa pagharap sa mundo, na isang napaka-indibidwal at personal na diskarte. Ngunit kung matalino ang mga gayong tao—kung bibitiwan nila ang ilan sa mga kaugaliang ito para wastong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hangga’t hindi nanganganib o napipinsala ang sarili nilang mga interes—kung gayon, mabuti iyon para sa kanila, dahil kahit papaano ay mapapawi nito ang kanilang pagkakonsensiya, mababawasan ang pagtutuwid sa kanila ng Diyos, at mababaligtad pa nga ang sitwasyon para sa halip na ituwid sila, gagantimpalaan at maaalala sila ng Diyos. Napakaganda niyon! Hindi ba’t magiging isang magandang bagay iyon? (Oo.) Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa aspektong ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.