Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat (Ikalawang Bahagi)
Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga hindi nananalig, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na ilantad ka at palayasin. Ito ay dahil kinamumuhian ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at palalayasin sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo o anumang tungkulin ang ginagampanan mo, dapat mayroon kang matapat na saloobin. Kung wala kang matapat na saloobin, hindi mo magagampanan nang mabuti ang tungkulin mo. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin sa paraang pabaya at wala sa loob, at nabibigo kang gawin nang mahusay ang isang bagay, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili, maunawaan ang iyong sarili, at magtapat upang masuri ang iyong sarili. Pagkatapos ay dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at sikaping mas paghusayan sa susunod, sa halip na maging pabaya at wala sa loob. Kung hindi mo sisikaping mapalugod ang Diyos nang may pusong matapat, at lagi mong inaasam na mapalugod ang sarili mong laman, o ang sarili mong pride, makagagawa ka ba nang mahusay? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? Siguradong hindi. Ang mga mapanlinlang ay palaging walang gana kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin; ano mang tungkuling kinabibilangan nila, hindi nila ito ginagawa nang mabuti, at nahihirapan ang ganitong mga tao na magtamo ng kaligtasan. Sabihin ninyo sa Akin—kapag isinasagawa ng mga mapanlinlang na tao ang katotohanan, gumagawa ba sila ng panlilinlang? Kailangan sa pagsasagawa ng katotohanan na sila ay magbayad ng halaga, na isuko nila ang sarili nilang mga interes, na magtapat sila at ilantad nila ang kanilang mga sarili sa iba. Ngunit may itinatago sila; kapag nagsasalita sila, kalahati lang ang ibinibigay nila, at itinatago ang natitira. Laging kailangang hulaan ng iba kung ano ang ibig nilang sabihin, at laging kailangang pagtagni-tagniin ang mga bagay-bagay para hulaan kung ano ang ibig nilang sabihin. Palagi nilang binibigyan ang kanilang mga sarili ng pagkakataong magmaniobra, binibigyan nila ang kanilang mga sarili ng kaunting palugit. Kapag napapansin ng iba na mapanlinlang sila, ayaw na ng mga itong magkaroon ng kaugnayan sa kanila, at nag-iingat na ang mga ito sa kanila sa lahat ng ginagawa nila. Nagsisinungaling at nandaraya sila at hindi sila mapagkatiwalaan ng iba, hindi malaman kung ano ang totoo at ano ang hindi totoo sa mga bagay na sinasabi nila, o kung gaano kakontaminado ang mga bagay na iyon. Madalas silang hindi tumutupad sa kanilang pangako sa iba at wala silang halaga sa puso ng mga tao. Kung ganoon ay paano naman sa puso ng Diyos? Ano ang tingin sa kanila ng Diyos? Lalo pa silang kinasusuklaman ng Diyos, dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso at isip ng mga tao. Nakikita lang ng mga tao ang nasa panlabas, ngunit mas tumpak, mas malinaw, at mas makatotohanang nakakikita ang Diyos.
Kahit pa gaano katagal ka nang mananampalataya, ano ang tungkulin mo o ano ang gawaing ginagampanan mo, mataas man o mababa ang kakayahan mo o mabuti man o masama ang pagkatao mo, basta’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at maghangad na maging matapat na tao, tiyak na aanihin mo ang mga gantimpala. Iniisip ng ilang taong hindi naghahangad na maging matapat na tao na sapat na ang paggawa nang mabuti sa kanilang tungkulin. Sa kanila, sasabihin Ko, “Kailanman ay hindi mo magagawa nang mabuti ang iyong tungkulin.” Iniisip ng iba na maliit na bagay lang ang pagiging matapat na tao, na ang paghahangad na paglingkuran ang kalooban ng Diyos ang mas malaking gawain, at na ito ang tanging paraan upang mabigyang-lugod ang Diyos. Kung ganoon ay sige, subukan mo—tingnan mo kung mapaglilingkuran mo ang kalooban ng Diyos nang hindi nagiging matapat na tao. Hindi hinahangad ng iba na maging matatapat na tao, bagkus ay kontento nang magdasal araw-araw, pumunta sa mga pagtitipon nang nasa oras, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at hindi lang mamuhay tulad ng mga hindi mananampalataya. Basta’t hindi sila lumalabag sa batas o gumagawa ng anumang masama, sapat na iyon. Ngunit mabibigyang-lugod ba ang Diyos nang ganito? Paano mo mabibigyang-lugod ang Diyos kung hindi ka matapat na tao? Kung hindi ka matapat na tao, hindi ikaw ang tamang uri ng tao. Kung hindi ka matapat, ikaw ay buktot at tuso. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang pabaya at pabasta-basta, nagpapakita ka ng lahat ng uri ng katiwalian, at hindi mo naisasagawa ang katotohanan kahit pa naisin mo. Ang anumang bagay na malayo sa pagiging matapat na tao ay nangangahulugang walang nagagawa nang maayos—magiging imposible para sa iyo na magtamo ng pagpapasakop sa Diyos o magbigay-lugod sa Kanya. Paano mo mabibigyang-lugod ang Diyos sa anumang ginagawa mo nang walang saloobin ng katapatan? Paano mo mabibigyang-lugod ang Diyos kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang walang matapat na saloobin? Magagawa mo ba ito nang tama? Palagi mong iniisip ang sarili mong laman at sarili mong mga plano, palagi mong ninanais na mabawasan ang pagdurusa ng iyong laman, na mabawasan ang paggugol mo sa iyong sarili, na magsakripisyo nang mas kaunti, na magbayad ng mas kaunting halaga. Palagi kang may itinatago. Isa itong mapanlinlang na saloobin. May ilang tao na mapagpakana kahit na pagdating sa paggugol sa kanilang mga sarili para sa Diyos. Sinasabi nila: “Kailangan kong mamuhay nang komportable sa hinaharap. Paano kung hindi na kailanman matapos ang gawain ng Diyos? Hindi ko maaaring ibigay ang isandaang porsiyento ng aking sarili sa Kanya; ni hindi ko alam kung kailan darating ang araw ng Diyos. Kailangan kong maging mapagpakana, upang makagawa ng mga pagsasaayos para sa aking buhay-pamilya at sa aking hinaharap bago ko igugol ang aking sarili para sa Diyos.” Marami bang tao ang ganito mag-isip? Ano ang disposisyon kapag ang isang tao ay mapagpakana at gumagawa ng mga alternatibong plano para sa kanyang sarili? Tapat ba sa Diyos ang mga taong ito? Matatapat ba silang tao? Ang pagiging mapagpakana at paggawa ng mga alternatibong plano ay hindi kaisa sa puso ng Diyos. Isa itong mapanlinlang na disposisyon, at ang mga taong gumagawa nito ay kumikilos dala ng panlilinlang. Ang saloobin nila sa pagtrato sa Diyos ay talagang hindi isang matapat na saloobin. Ang ilang tao ay natatakot na, habang nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa kanila, makikita ng mga kapatid ang totoo sa mga problema nila at sasabihing mababa ang tayog nila, o mamaliitin sila. Kaya kapag nagsasalita sila, palagi nilang sinisikap na palabasing napakamasigasig nila, na hinahangad nila ang Diyos, at na sabik silang isagawa ang katotohanan. Ngunit sa loob nila, sa totoo ay napakahina at negatibo nila. Nagkukunwari silang malakas upang walang sinuman ang makakita sa tunay nilang pagkatao. Panlilinlang din ito. Sa madaling salita, sa anumang iyong ginagawa, sa buhay man o sa pagganap sa isang tungkulin, kung gagamit ka ng kabulaanan at pagkukunwari o gagamit ka ng mga balatkayo upang dayain o linlangin ang iba at hikayatin silang pahalagahan at sambahin ka, o huwag kang maliitin, panlilinlang ang lahat ng ito. May ilang babaeng pinakamamahal ang kanilang mga asawa, gayong sa katunayan, ang kanilang mga asawa ay mga demonyo at walang pananampalataya. Sa takot na sabihin ng kanyang mga kapatid na masyadong matindi ang kanyang pagmamahal, ang gayong babae ang unang magsasabi na: “Demonyo ang asawa ko.” Subalit, sa kanyang puso, sinasabi niya: “Mabuting tao ang asawa ko.” Ang nauna ang sinasabi ng kanyang bibig—ngunit ipinaririnig lang niya iyon sa iba, upang isipin nila na may pagkilatis siya sa kanyang asawa. Ang ibig talaga niyang sabihin ay: “Huwag ninyong ilantad ang bagay na ito. Mauuna ko nang ipahayag ang pananaw na ito para hindi na ninyo kailanganing banggitin pa ito. Inilantad ko na ang asawa ko bilang isang demonyo, kaya ibig sabihin niyon ay naisuko ko na ang pagmamahal ko at wala na kayong kailangang sabihin tungkol dito.” Hindi ba’t pagiging tuso iyon? Hindi ba’t isa iyong palabas? Kung ginagawa mo ito, nililinlang mo ang mga tao at inililigaw sila sa pamamagitan ng pagpapanggap. Nanloloko ka, nandaraya sa bawat pagkakataon, upang ang makita ng iba ay ang huwad mong imahe, hindi ang tunay mong mukha. Masama ito; ito ang pagiging mapanlinlang ng tao. Yamang kinilala mo nang demonyo ang iyong asawa, bakit hindi mo siya diborsiyuhin? Bakit hindi mo tanggihan ang demonyong iyon, ang Satanas na iyon? Sinasabi mong demonyo ang iyong asawa, ngunit ipinagpapatuloy mong igugol ang iyong buhay kasama siya—ipinakikita nito na gusto mo ang mga demonyo. Sinasabi ng bibig mo na demonyo siya, ngunit hindi mo inaamin iyon sa puso mo. Nangangahulugan itong nililinlang mo ang iba, niloloko sila. Ipinakikita rin nito na kasabwat ka ng mga demonyo, na pinagtatakpan mo ang mga ito. Kung isa kang taong nakapagsasagawa ng katotohanan, didiborsiyuhin mo ang iyong asawa sa sandaling makilala mo na isa siyang demonyo. Pagkatapos ay makapagpapatotoo ka, at ipakikita niyon na naglalagay ka ng malinaw na limitasyon sa pagitan mo at ng demonyo. Ngunit sa kasamaang-palad, bukod sa nabigo ka nang ilagay ang limitasyong iyon, iginugugol mo pa ang iyong mga araw kasama ang isang demonyo, at inililigaw ang mga kapatid gamit ang mga kasinungalingan at panlilinlang. Pinatutunayan nito na kauri ka ng diyablo, na isa ka pang sinungaling na demonyo. Sinasabi nilang sinusundan ng babae ang kanyang asawa sa lahat ng ginagawa nito. Yamang pinakasalan mo ang isang demonyo at kailanman ay hindi ito tinalikuran, pinatutunayan niyon na isa ka ring demonyo. Sa diyablo ka, ngunit sinasabi mong demonyo ang asawa mo para patunayan na sa Diyos ka—hindi ba’t taktika ito ng pagsisinungaling at panlilinlang? Alam na alam mo ang katotohanan, subalit gumagamit ka pa rin ng gayong mga pamamaraan upang linlangin ang iba. Mapaminsala ito; mapanlinlang ito. Ang lahat ng mapaminsala at mapanlinlang ay ganap na mga demonyo.
Ang lahat ng tao ay mayroong tiwaling disposisyon. Kung sisiyasatin mo nang kaunti ang iyong sarili, makikita mo nang malinaw ang ilang kalagayan o kaugalian kung saan nagpapakita ka ng huwad na impresyon o kumikilos nang mapanlinlang; kayong lahat ay may mga pagkakataong nagkukunwari o mapagpaimbabaw. Sinasabi ng ilang tao: “Kung gayon ay bakit hindi ko ito napapansin? Isa akong walang muwang na tao. Napakaraming beses ko nang naapi at naloko sa mundong ito, at ni minsan ay hindi pa ako naging mapanlinlang. Sinasabi ko lang kung anuman ang nasa puso ko.” Hindi pa rin niyon napatutunayan na matapat na tao ka. Posible na hindi ka lang matalino, o hindi gaanong edukado, o baka madali kang makayan-kayanan sa mga grupo, o baka isa kang walang kakayahang duwag na walang karunungan sa iyong mga kilos, nagtataglay ng kaunting kasanayan, at nasa mas mababang antas ng lipunan—hindi pa rin ito nangangahulugang matapat na tao ka. Ang isang matapat na tao ay isang taong kayang tumanggap ng katotohanan—hindi isang kaawa-awang walang hiya, isang walang kuwenta, isang hangal, o isang walang muwang na tao. Dapat ay makilatis na ninyo ang mga bagay na ito, hindi ba? Madalas Kong marinig na sabihin ng ilang tao: “Hindi ako nagsisinungaling kahit kailan—ako ang palaging pinagsisinungalingan. Palagi akong kinakayan-kayanan ng mga tao sa mundo. Sabi ng Diyos ay itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi, at isa ako sa mga taong iyon. Biyaya ito ng Diyos. Kinaaawaan ng Diyos ang mga taong tulad namin, mga walang muwang na taong hindi tanggap sa lipunan. Ito talaga ang habag ng Diyos!” Mayroon ngang praktikal na aspeto ang pagsasabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi. Kahit na nakikilala mo iyon, hindi nito napatutunayan na matapat na tao ka. Sa katunayan, sadyang tonto, hangal lang ang ilang tao; mga mangmang sila na wala talagang mga kasanayan, mababa ang kakayahan, at walang pagkaunawa sa katotohanan. Ang gayong uri ng tao ay talagang walang kaugnayan sa matatapat na taong sinasabi ng Diyos. Totoo ngang itinataas ng Diyos ang mga nangangailangan mula sa dumi, ngunit hindi ang mga hangal at mangmang ang itinataas. Likas na napakababa ng kakayahan mo, at isa kang hangal, isang walang kuwenta, at kahit na ipinanganak ka sa isang mahirap na pamilya at kabilang sa mas mababang antas ng lipunan, hindi ka pa rin target para sa pagliligtas ng Diyos. Dahil lang nagdusa ka nang husto at nagtiis sa diskriminasyon sa lipunan, dahil lang nakayan-kayanan at nadaya ka ng lahat, huwag mong isipin na matapat na tao ka na dahil doon. Kung iniisip mo iyon, maling-mali ka. Kayo ba ay mayroong anumang maling pagkaunawa o maling ideya sa kung ano ang isang matapat na tao? Nagtamo na ba kayo ng kaunting kaliwanagan sa pagbabahaging ito? Ang pagiging matapat na tao ay hindi tulad ng iniisip ng mga tao; hindi ito pagiging isang taong diretsahan magsalita na umiiwas sa panlilito. Maaaring maging likas na tuwiran ang isang tao, ngunit hindi iyon nangangahulugang hindi na siya nandaraya o nanlilinlang. Ang lahat ng tiwaling tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na tuso at mapanlinlang. Kapag nabubuhay ang mga tao sa mundong ito, sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, pinamamahalaan at kinokontrol ng puwersa nito, imposible para sa kanilang maging matapat. Maaari lang silang lalo pang maging mapanlinlang. Sa pamumuhay sa gitna ng isang tiwaling sangkatauhan, ang pagiging matapat na tao ay talagang nangangailangan ng maraming paghihirap. Malamang na tayo ay kutyain, alipustahin, husgahan, ibukod at itaboy pa nga ng mga hindi mananampalataya, mga hari ng diyablo, at mga buhay na demonyo. Kaya, posible bang matirang buhay bilang isang matapat na tao sa mundong ito? May anumang puwang ba para matira tayong buhay sa mundong ito? Oo, mayroon. Talagang mayroong puwang para matira tayong buhay. Pauna na tayong itinalaga at hinirang ng Diyos, at talagang nagbubukas Siya ng daan palabas para sa atin. Lubos nating sinasampalatayanan ang Diyos at sinusunod Siya sa ilalim ng Kanyang patnubay, at lubos tayong nabubuhay sa hininga at buhay na Kanyang ipinagkakaloob. Dahil tinanggap na natin ang katotohanan ng mga salita ng Diyos, may mga bago tayong panuntunan kung paano mabuhay, at mga bagong layunin para sa ating mga buhay. Nabago na ang mga saligan ng ating mga buhay. Gumagamit na tayo ng bagong paraan ng pamumuhay, isang bagong paraan ng pag-asal, lubos na alang-alang sa pagtatamo ng katotohanan at kaligtasan. Gumagamit na tayo ng bagong paraan ng pamumuhay: Nabubuhay tayo upang gampanan nang mabuti ang ating mga tungkulin at bigyang-lugod ang Diyos. Talagang wala itong kinalaman sa kung ano ang pisikal nating kinakain, kung ano ang ating isinusuot, o kung saan tayo nakatira; ito ang ating espirituwal na pangangailangan. Pakiramdam ng maraming tao ay masyadong mahirap ang pagiging matapat na tao. Ang isang bahagi nito ay dahil napakahirap ng pag-aalis ng isang tiwaling disposisyon. Bukod pa roon, kung nabubuhay ka kasama ang mga hindi mananampalataya—at lalo na kung katrabaho mo sila—maaari kang mapagtawanan, masiraang-puri, at mahusgahan, maitakwil o maitaboy pa nga dahil sa pagiging matapat na tao at pagsasabi ng totoo. Lumilikha iyon ng mga pagsubok para sa ating pamumuhay. Maraming tao ang nagsasabing: “Hindi maisasakatuparan ang pagiging matapat na tao. Malalagay ako sa kalugihan kung magsasalita ako nang tahasan, at wala akong matatapos nang hindi nagsisinungaling.” Anong uri ng perspektibo ito? Iyon ang perspektibo at katwiran ng isang mapanlinlang na tao. Nagsasabi sila ng mga mali, mapanlinlang na bagay para lamang protektahan ang sarili nilang katayuan at mga interes. Hindi sila handang maging matatapat na tao at magsabi ng totoo sa takot na mawala sa kanila ang mga bagay na iyon. Ganoon ang buong tiwaling sangkatauhan. Gaano man sila karunong, gaano man kataas o kababa ang kanilang katayuan, opisyal man sila o pangkaraniwang mamamayan, tanyag man sila o pangkaraniwang tao, lahat sila ay palaging nagsisinungaling at nandaraya, at walang sinumang mapagkakatiwalaan. Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, ipagpapatuloy nila ang pagsisinungaling at pandaraya sa lahat ng oras, at mapupuno ng mapanlinlang na disposisyon. Magtatamo ba sila ng tunay na pagpapasakop sa Diyos nang ganito? Makukuha ba nila ang pagsang-ayon ng Diyos? Hinding-hindi.
Pakiramdam ba ninyo ay mahirap gawin ang pagiging matapat na tao? Kahit kailan ba ay nasubukan na ninyo itong isagawa? Sa anong mga aspeto na ba ninyo naisagawa at naranasan ang pagiging matapat na tao? Sa anu-anong mga prinsipyo nakabatay ang inyong mga pagsasagawa? Ano ang antas ng karanasan ninyo dito sa ngayon? Umabot na ba kayo sa puntong talagang matatapat na tao kayo? Kung naisakatuparan na ninyo ito, maganda iyon! Dapat nating makita mula sa mga salita ng Diyos na, upang mailigtas at mabago tayo, hindi lamang Siya gumagawa ng ilang gawaing paghahanda o gawain upang ipakita kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, pagkatapos ay tapos na Siya. Hindi rin Niya binabago ang panlabas na ugali ng mga tao. Sa halip, gusto Niyang baguhin ang bawat isang tao, simula sa pinakakaibuturan ng kanilang mga puso, mula sa kanilang mga disposisyon at mula sa kanilang mga mismong diwa, at baguhin ang mga iyon sa pinagmumulan. Yamang ganito ang paraan ng paggawa ng Diyos, paano na tayo dapat kumilos sa ating mga sarili? Dapat tayong managot para sa ating mga hinahanap, para sa pagbabago ng ating disposisyon, at para sa mga tungkulin na dapat nating gawin. Dapat tayong maging seryoso sa lahat ng bagay na ating ginagawa, nang hindi pinalalampas ang mga bagay-bagay, at magawa nating iharap ang lahat ng bagay para sa pagsusuri. Sa tuwing natatapos mong gawin ang isang bagay, kahit pa sa palagay mo ay nagawa iyon nang tama, maaaring hindi naman talaga ito naaayon sa katotohanan. Kailangan din itong masuri, at kailangang maihambing, makumpirma, at makilatis alinsunod sa mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, magiging malinaw kung tama man ito o mali. Bukod dito, kailangan ding masuri ang mga bagay na sa palagay mo ay nagawa mo nang mali. Hinihingi nito sa mga kapatid na gumugol ng mas maraming panahong magkakasama sa pagbabahaginan, paghahanap, at pagtutulungan. Habang mas nagbabahaginan kayo, lalong gagaan ang inyong puso, at lalo ninyong mauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang pagpapala ng Diyos. Kung wala sa inyong magbubukas ng inyong puso, at pagtatakpan ninyong lahat ang inyong mga sarili, sa pag-asang mag-iwan ng magandang impresyon sa mga isip ng iba at kagustuhang tumaas ang tingin nila sa inyo at hindi kayo kutyain, hindi kayo makararanas ng tunay na pag-unlad. Kung palagi kang magpapanggap at hindi kailanman magtatapat sa pagbabahaginan, hindi mo matatanggap ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung ganoon ay ano ang magiging resulta? Habambuhay kang mabubuhay sa kadiliman, at hindi ka maliligtas. Kung gusto mong matamo ang katotohanan at mabago ang iyong disposisyon, kailangan mong magbayad ng halaga upang matamo ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, at kailangan mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan sa iba. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa iyong pagpasok sa buhay at sa pagbabago ng iyong disposisyon. Ang pagtatalakay sa iyong karanasan at pagkaunawa sa mga pagtitipon ay kapaki-pakinabang sa iyo at sa iba. Ano ang kalalabasan kung wala sa inyong magsasalita tungkol sa inyong pagkakilala sa sarili, o sa inyong mga karanasan at pagkaunawa; kung wala sa inyong magsusuri sa inyong mga sarili o magtatapat; kung mahusay kayong lahat sa pagsasalita ng mga titik at doktrina, nang wala sa inyong nagbabahagi ng inyong pagkaunawa sa inyong sarili, at nang wala sa inyong nagkakaroon ng lakas ng loob na ilantad ang kaunting taglay ninyong pagkakilala sa sarili? Magsasama-sama kayong lahat at magpapalitan ng ilang magalang na salita at biro, magbobolahan at magyayabangan kayo, at magsasabi ng mga mapanlinlang na bagay. “O, medyo naging mabuti ka nitong mga huli. Nakagawa ka ng mga pagbabago!” “Nakapagpakita ka ng napakatinding pananampalataya nitong huli!” “Napakasigasig mo!” “Higit na mas malaki ang iginugol mo kaysa sa akin.” “Mas malaki ang mga kontribusyon mo kaysa sa akin!” Ito ang uri ng sitwasyong kinalalabasan. Nagbobolahan at nagyayabangan ang lahat, at walang sinumang handang maglantad ng tunay niyang pagkatao para sa pagsusuri, upang makilatis at maunawaan ng lahat. Magkakaroon ba ng tunay na buhay-iglesia sa ganitong uri ng kapaligiran? Hindi, hindi magkakaroon. Sinasabi ng ilang tao: “Marami-raming taon na akong namumuhay ng buhay-iglesia. Noon pa ma’y kontento na ako at nasisiyahan dito. Sa mga pagtitipon, gusto ng lahat ng kapatid na magdasal at kumanta ng mga himno upang purihin ang Diyos. Ang lahat ay naluluha sa mga dasal at himno. Kung minsan ay nagiging madamdamin ang mga bagay-bagay at init na init at pawis na pawis kami. Kumakanta at sumasayaw ang mga kapatid; isa itong napakayaman, makulay na buhay-iglesia, at labis na kasiya-siya ito. Talagang kumakatawan ito sa gawain ng Banal na Espiritu! Pagkatapos niyon, kumakain at umiinom kami ng mga salita ng Diyos, at nadarama naming tuwirang nangungusap ang mga salita ng Diyos sa aming mga puso. Talagang masigasig ang lahat sa tuwing nagbabahaginan kami.” Ang ilang taon ng ganitong uri ng buhay-iglesia ay talagang kasiya-siya para sa lahat, ngunit ano ang nagiging bunga nito? Halos walang sinuman ang talagang pumapasok sa katotohanang realidad, at halos walang sinuman ang makapaglarawan ng kanilang mga karanasan upang magpatotoo sa Diyos. Marami silang lakas para sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagkanta at pagsayaw, ngunit pagdating ng panahon ng pagbabahaginan ng katotohanan, nawawalan na ng interes ang ilang tao. Walang sinumang nagsasalita tungkol sa kanyang karanasan sa pagiging matapat na tao; walang sinumang nagsusuri sa kanyang sarili, at walang sinumang naglalantad sa sarili niyang tiwaling disposisyon upang malaman at makilatis ng iba, para sa kapakinabangan at kalakasan nila. Walang sinumang nagbabahagi tungkol sa kanyang aktuwal na karanasan at patotoo upang luwalhatiin ang Diyos. Ganoon-ganoon lang nasasayang ang ilang taon ng buhay-iglesia, kumakanta at sumasayaw, masaya, puno ng kasiyahan. Kayo ang magsabi sa Akin: saan nagmumula ang kaligayahan at kasiyahang ito? Sasabihin Kong hindi ito ang gustong makita ng Diyos o ang nagbibigay-lugod sa Kanya, dahil ang gusto Niyang makita ay isang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, at ang pagsasabuhay ng mga tao sa katotohanang realidad. Gustong makita ng Diyos ang realidad na ito. Ayaw Niyang hawakan mo ang mga himnaryo ninyo, kumakanta at sumasayaw sa pagpupuri sa Kanya kapag ikaw ay nasa mga pagtitipon o nagiging masigasig—hindi iyon ang gusto Niyang makita. Sa kabaligtaran, malungkot, nasasaktan, at nababalisa ang Diyos kapag nakikita Niya ito, dahil libu-libong salita na ang Kanyang binigkas, ngunit wala ni isang tao ang tunay na nagsagawa at nagsabuhay sa mga iyon. Ito talaga ang ipinag-aalala ng Diyos. Madalas ay medyo kampante at mapagmapuri na kayo sa kaunting kapayapaan at kaligayahan mula sa inyong buhay-iglesia. Nagpupuri kayo sa Diyos at nagkakaroon ng kaunting kasiyahan, kaunting ginhawa o kaunting espirituwal na tagumpay, at pagkatapos ay naniniwala kayong naisagawa na ninyong mabuti ang inyong pananampalataya. Pinanghahawakan ninyo ang mga guni-guning ito, itinuturing ang mga iyong kapital, ang pinakamalaking aral mula sa inyong pananampalataya sa Diyos, at tinatanggap ang mga iyon sa halip na isang pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay at isang pagpasok sa landas ng kaligtasan. Sa gayong paraan, iniisip ninyong hindi na kailangang hangarin ang katotohanan o hangarin ang maging matapat na tao. Hindi na kailangang pagnilayan ang inyong sarili o suriin ang inyong mga problema, o isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos. Papunta na ito sa mapanganib na dako. Kung magpapatuloy ang mga tao nang ganito; kung, kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, ay hindi pa rin sila nagiging matatapat na tao o hindi pa rin nila nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin; kung hindi sila nagtamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at maaari pa ring mailigaw at makontrol ng mga anticristo; kung hindi nila natakasan ang impluwensya ni Satanas; kung hindi nila natupad ang mga hinihinging ito na ibinigay sa kanila ng Diyos, hindi sila mga taong ililigtas ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit nag-aalala ang Diyos.
Ang mga tao ay palaging masigasig na masigasig kapag bago pa lang sila sa pananampalataya. Lalo na kapag naririnig nilang magbahagi ang Diyos ng katotohanan, iniisip nila: “Ngayon ay nauunawaan ko na ang katotohanan. Natagpuan ko na ang tunay na daan. Napakasaya ko!” Ang bawat araw ay kasing kagalak-galak ng pagdiriwang ng Bagong Taon o ng isang kasalan; bawat araw ay kinasasabikan nila ang pangangasiwa ng isang tao sa isang pagtitipon o pagbabahagi. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, nawawalan na ang ilang tao ng sigasig sa buhay-iglesia at nawawalan na rin ng sigasig sa pananampalataya sa Diyos. Bakit ganoon? Ito ay dahil mababaw, teoretikal lang ang pagkaunawa nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi sila tunay na nakapasok sa mga salita ng Diyos, o personal na naranasan ang realidad ng mga iyon. Gaya nga ng sinasabi ng Diyos, maraming tao ang tumitingin sa mga saganang pagkain sa piging, ngunit karamihan sa kanila ay pumupunta lamang upang tumingin. Hindi nila kinukuha ang masasarap na pagkaing ipinagkaloob ng Diyos at kinakain ito, tinitikman at ginagamit upang palakasin ang kanilang mga katawan. Ito ang kinasusuklaman ng Diyos, at ang ipinag-aalala Niya. Hindi ba’t ito ang kasalukuyang uri ng inyong kalagayan? (Oo.) Madalas Akong nagbabahagi sa inyong lahat upang tulungan kayo. Ang pinaka-ipinag-aalala Ko ay, pagkatapos mapakinggan ang mga sermong ito at matugunan ang mga espirituwal ninyong pangangailangan, wala kayong gagawin upang isagawa ang mga iyon at hindi na iisipin pa ang mga iyon. Kung gayon, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng sinabi Ko. Anumang uri ng kakayahang mayroon ang isang tao, makikita ninyo kung isa siyang taong nagmamahal sa katotohanan o hindi pagkalipas ng dalawa o tatlong taon ng pananampalataya. Kung isa siyang taong nagmamahal sa katotohanan, hindi magtatagal ay hahangarin niya ito; kung hindi siya isang taong nagmamahal sa katotohanan, hindi na siya makapagpapatuloy nang matagal, at malalantad at mapalalayas. Kayo ba talaga ay mga nagmamahal sa katotohanan? Handa ba kayong maging matatapat na tao? Makapagbabago ba kayo sa hinaharap? Gaano karami rito ang personal ninyong isasagawa pagkatapos ng pagbabahaging ito? Gaano karami rito ang magbubunga ng mga resulta para sa inyo, sa totoo? Hindi tiyak ang lahat ng iyon; mahahayag ito sa huli. Wala itong kinalaman sa kung gaano kataimtim ang isang tao o kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin kapag bago pa lang siya sa pananampalataya. Ang susi ay kung minamahal niya ang katotohanan o hindi, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan o hindi. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang mag-iisip-isip dito pagkatapos makarinig ng isang sermon. Sila lamang ang magninilay-nilay kung paano isasagawa ang mga salita ng Diyos, kung paano daranasin ang mga iyon, kung paano gagamitin ang mga iyon sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at kung paano isasabuhay ang katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos upang maging taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay magtatamo ng katotohanan sa huli. Maaaring tanggapin ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang tunay na daan; maaari silang magtipon at makinig sa mga sermon araw-araw at matuto ng ilang doktrina, ngunit sa sandaling makatagpo sila ng paghihirap o mga pagsubok, nagiging negatibo at mahina sila, at maaari pa nga nilang itakwil ang kanilang pananampalataya. Bilang mga mananampalataya, kung ikaw ay makapapasok sa katotohanang realidad o hindi ay nakasalalay sa iyong saloobin sa katotohanan at sa kung ano ang layunin ng iyong paghahangad: kung ito talaga ay upang matamo ang katotohanan bilang iyong buhay o hindi. Sinasangkapan ng ilang tao ang kanilang mga sarili ng katotohanan upang tumulong sa iba, maglingkod sa Diyos, o pangunahan nang mabuti ang iglesia. Hindi iyon masama, at nangangahulugan itong nagdadala ang mga taong iyon ng kaunting pasanin. Ngunit kung hindi sila tumutuon sa sarili nilang pagpasok sa buhay o sa pagsasagawa sa katotohanan, at kung hindi nila hinahanap ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, makapapasok ba sila sa katotohanang realidad? Magiging imposible iyon. Paano sila makatutulong sa iba kung hindi sila nagtataglay ng katotohanang realidad? Paano sila makapaglilingkod sa Diyos? Magagawa ba nila nang mabuti ang gawain ng iglesia? Pati iyon ay magiging imposible. Hindi mahalaga kung ilang sermon na ang iyong napakinggan o kung ano ang landas na iyong napili. Ibabahagi Ko sa inyo ang tamang perspektibo: Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, isa ka mang lider o isang pangkaraniwang tagasunod, kailangan ay pangunahin mong pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong basahin ang mga iyon at pag-isipan nang taimtim. Kailangan mo munang magkaroon ng pagkaunawa sa lahat ng katotohanang kailangan mong malaman at isagawa; iharap ang iyong sarili sa mga iyon at isagawa ang mga iyon para sa iyong sarili. Hindi ka pa nakapagtatamo ng katotohanan hangga’t hindi mo pa muna ito nauunawaan at hindi ka pa nakapapasok sa realidad. Kung palagi mong ipinaliliwanag sa iba ang doktrinang iyong nauunawaan, ngunit hindi mo nagagawang isagawa o danasin ang mga iyon, isa itong pagkakamali—kahangalan at kamangmangan ito. Dapat mong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, unti-unting nauunawaan ang maraming katotohanan. Pagkatapos ay magsisimula kang makakuha ng paganda nang pagandang mga resulta sa iyong tungkulin, at magkakaroon ng maraming karanasan at patotoo upang ibahagi. Sa ganitong paraan, ang mga salita ng Diyos ay magiging buhay mo. Tiyak na magagawa mo nang mabuti ang iyong tungkulin, at matatapos mo rin ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung palagi mong ninanais na iharap ang iba sa mga salitang ito, gamitin ang mga iyon sa iba, o gamitin ang mga iyon bilang kapital sa iyong gawain, mapapahamak ka. Sa paggawa nito, tinatahak mo ang parehong-parehong landas ni Pablo. Yamang ito ang iyong perspektibo, talagang itinuturing mong doktrina, teorya, ang mga salitang ito, at gusto mong gamitin ang mga teoryang ito upang magbigay ng mga talumpati at makatapos ng mga gawain. Napakamapanganib nito—ito ang ginagawa ng mga huwad na lider at anticristo. Kung tinitingnan mo ang sarili mong kalagayan alinsunod sa mga salita ng Diyos, pinagninilayan at nagtatamo muna ng pagkaunawa sa iyong sarili, at pagkatapos ay isinasagawa ang katotohanan, aanihin mo ang mga gantimpala at papasok ka sa katotohanang realidad. Saka ka lamang magiging kuwalipikado at magkakaroon ng tayog upang magawa nang mabuti ang tungkulin mo. Kung wala kang praktikal na karanasan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita; kung hindi ka talaga nakapasok sa buhay at kaya mo lang bumigkas ng mga titik at doktrina, kahit pa gawin mo ang gawain, gagawin mo iyon nang pabasta-basta, walang kongkretong naisasakatuparan. Sa huli ay magiging isa kang huwad na lider at isang anticristo, at mapalalayas ka. Kung nauunawaan mo ang isang aspeto ng katotohanan, dapat mo munang iharap ang iyong sarili rito upang maihambing at isakatuparan ito sa iyong buhay, upang maging realidad mo ito. Pagkatapos ay tiyak na mayroon kang matatamo at ikaw ay mababago. Kung pakiramdam mo ay mabuti ang mga salita ng Diyos, na ang mga iyon ang katotohanan at mayroong realidad, ngunit hindi mo pinag-iisipan o sinusubukang maunawaan ang katotohanan sa iyong puso, ni isinasagawa at dinaranas ito sa iyong praktikal na buhay, sa halip ay isinusulat lang ito sa isang kwaderno at tumitigil na roon, kailanman ay hindi mo mauunawaan o matatamo ang katotohanan. Kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos o nakaririnig ng mga sermon at pagbabahagi, kailangan mong pag-isipan at iharap ang iyong sarili sa mga iyon, iniuugnay ang mga iyon sa sarili mong mga kalagayan, at ginagamit ang mga iyon upang lutasin ang sarili mong mga problema. Sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa mga salita nang ganito ay saka ka lang tunay na mayroong matatamo sa mga iyon. Ito ba ang isinasagawa ninyo pagkatapos makarinig ng isang sermon? Kung hindi, wala ang Diyos sa inyong mga buhay, wala rin ang Kanyang mga salita, at wala kayong realidad sa inyong pananampalataya sa Kanya. Nabubuhay kayo sa labas ng mga salita ng Diyos, tulad ng mga hindi mananampalataya. Ang sinumang sumasampalataya sa Diyos, ngunit hindi kayang gamitin ang Kanyang mga salita sa tunay na buhay upang isagawa at danasin ang mga iyon ay hindi talaga sumasampalataya sa Diyos—isa siyang walang pananampalataya. Ang mga hindi kayang isagawa ang katotohanan ay hindi mga taong sumusunod sa Diyos, sila ay mga taong nagrerebelde sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Kapag hindi dinadala ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay ng isang tao, imposible niyang maranasan ang gawain ng Diyos. At kung hindi nararanasan ng isang tao ang gawain ng Diyos o ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita sa kanyang tunay na buhay, imposible niyang matamo ang katotohanan. Nauunawaan ba ninyo ito? Kung kaya ninyong intindihin ang mga salitang ito, pinakamainam iyon—ngunit kahit paano mo pa intindihin ang mga ito, kahit gaano mo pa maunawaan, ang pinakamahalagang bagay ay dapat mong dalhin ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang nauunawaan mo sa iyong tunay na buhay, at isagawa ang mga iyon doon. Ito ang tanging paraan upang lumago ang iyong tayog at upang magbago ang iyong disposisyon.
Kapag nagpapahayag ang Diyos ng mga katotohanan o nagpapahayag ng Kanyang mga hinihingi sa mga tao, palagi Siyang magpapaalam ng mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa para sa kanila. Gamitin ninyo ang pagiging matapat na tao bilang halimbawa, gaya ng pinag-uusapan natin kanina: Binigyan ng Diyos ang mga tao ng isang landas, sinasabi sa kanila kung paano maging matatapat na tao at kung paano isagawa ang mga prinsipyo ng pagiging matatapat na tao, upang makapunta sila sa tamang landas. Sabi ng Diyos, “Kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman.” Ang ipinahihiwatig dito ay na hinihingi Niya sa atin na tingnan ang sa palagay natin ay lihim o pribado at ihayag ito, iharap ito para sa pagsusuri. Ito ang hindi ninyo naisip: Hindi ninyo naunawaan o nalaman na sinabi ito ng Diyos upang magsagawa kayo nang ganito. Minsan ay kumikilos ka nang tuso, mapanlinlang ang hangarin, kung kaya’t dapat na mabago ang iyong mga kilos at hangarin. Marahil ay walang sinumang nakapupuna sa tuso o mapanlinlang na kalikasan ng iyong mga salita—ngunit huwag mong purihin ang iyong sarili. Dapat kang humarap sa Diyos at siyasatin mo ang iyong sarili—maloloko mo ang mga tao, ngunit hindi mo maloloko ang Diyos. Kailangan mong magdasal, ilantad at suriin ang iyong mga hangarin at pamamaraan, pagnilayan kung ang mga hangarin mong ito ay magiging kalugod-lugod sa Diyos, o kung magiging kasuklam-suklam ang mga iyon sa Kanya, kung mailalantad mo ang mga iyon, kung mahirap pag-usapan ang mga iyon, at kung naaayon ang mga iyon sa katotohanan. Sa ganitong uri ng pagsisiyasat at pagsusuri ay matutuklasan mong, sa katunayan, ang bagay na ito ay hindi naaayon sa katotohanan; ang ganitong uri ng pag-uugali ay mahirap ilantad, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Pagkatapos, babaguhin mo ang pag-uugaling ito. Ano ang nararamdaman ninyo sa pagbabahagi Kong ito? Malamang na nag-aalala ang ilan sa inyo. Iniisip ninyo: “Talagang komplikado ang pagsampalataya sa Diyos. Mahirap na ngang makaabot nang ganito kalayo—ngayon ay kailangan ko pang magsimulang muli?” Ang realidad ay, ngayon ay naparito na ang Diyos, at nagsimula na Siyang akayin ang sangkatauhan na pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang simula bilang isang mananampalataya, at bilang isang tao. Upang makapagsimula ka nang maganda, kailangan mong maglatag ng isang matatag na pundasyon sa iyong pananampalataya, inaalam muna ang mga katotohanan ng mga pangitain at ang kabuluhan ng pagsunod sa Diyos, at pagkatapos ay pagtuunan ang pagsasagawa sa katotohanan at paggawa nang mabuti sa iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, makapapasok ka sa katotohanang realidad. Kung pagtutuunan mo lang ang pagbigkas ng mga titik at doktrina at paglalatag ng isang pundasyon batay sa mga bagay na iyon, nagiging problema iyon. Para iyong paglalatag ng pundasyon ng isang bahay sa buhanginan: Kahit gaano pa kataas ang pagkakagawa mo roon, palagi iyong manganganib na gumuho, at hindi ito magtatagal. Gayunpaman, mayroong isang kapuri-puring bagay sa inyong lahat sa puntong ito, iyon ay kaya ninyong unawain ang ibinabahagi ko sa inyo at handa kayong pakinggan ito. Mabuti ito. Ang paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad nito ang pinakamahalagang bagay, at pangalawa na lang ang iba. Basta’t alam mo ito, hindi magiging mahirap na pumunta sa tamang landas sa iyong pananampalataya. Sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, kailangan mo munang kilalanin ang iyong sarili—kailangang maging malinaw sa iyo kung ano ang mga tiwaling disposisyon ang iyong taglay at kung ano ang iyong mga pagkukulang. Pagkatapos ay mauunawaan mo ang kahalagahan ng pagsasangkap sa iyong sarili ng katotohanan, at mabilis mong mahahanap ang katotohanan upang malutas ang mga problema. Hindi naghihintay ang oras para sa sinuman! Sa sandaling matugunan mo na ang iyong mga problema sa pagpasok sa buhay at taglay mo na ang katotohanang realidad, magkakaroon ka ng mas matinding kapayapaan ng loob. Gaano man kalaki ang mga sakuna, hindi ka matatakot. Kung sasayangin mo ang huling ilang taong ito nang hindi hinahangad ang katotohanan, at kapag mayroong mga nangyayari ay madalas ka pa ring natutuliro, at nananatili kang nasa pasibong kalagayan ng paghihintay, hindi mo rin kayang gamitin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga problema, bagkus ay nabubuhay ka pa rin sa mga makamundong pilosopiya at tiwaling disposisyon, magiging labis itong kalunos-lunos! Kung, pagdating ng araw kung saan malalaki na ang mga sakuna, wala kang taglay ni katiting na katotohanang realidad, pagsisisihan mong hindi mo hinangad ang katotohanan o ginawa nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi ka talaga nagtamo ng katotohanan. Mabubuhay ka sa palagiang kalagayan ng pagkabalisa. Ngayon, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi na naghihintay sa sinumang tao. Sa unang ilang taon ng kanilang pananampalataya, binibigyan Niya ang mga tao ng kaunting biyaya, kaunting awa; binibigyan Niya sila ng tulong at panustos. Kung ang mga tao ay hindi kailanman nagbabago at hindi kailanman pumapasok sa realidad, bagkus ay kontento na sa mga doktrinang nalalaman nila, nanganganib sila. Napalagpas na nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at napalagpas na ang huling pagkakataon sa pagliligtas ng Diyos at paggawang perpekto sa sangkatauhan. Maaari na lang silang masadlak sa mga sakuna, tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.