Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo (Unang Bahagi)
Bagamat may ilang kabataan na nananampalataya sa Diyos, napakahirap para sa kanila na alisin ang masasamang kagawian ng pagkamahiliging maglaro ng mga computer game. Anong uri ng mga bagay ang karaniwang nauugnay sa computer games? Naglalaman ang mga ito ng napakaraming karahasan. Ang gaming—ito ay lugar ng diyablo. Para sa karamihan, pagkatapos maglaro ng games na ito sa loob ng mahabang panahon, hindi na sila nakagagawa ng anumang tunay na gawain, hindi na nila nais na pumasok sa paaralan, o magtrabaho, o mag-isip tungkol sa kanilang kinabukasan, mas lalong hindi na nila pinag-iisipan ang kanilang mga buhay. Anong mga bagay ang pumupuno sa puso ng mga kabataan ngayon sa lipunan? Bukod sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, ang puso nila ay puno ng paglalaro ng games. Kakatwa at hindi makatao ang lahat ng sinasabi at iniisip nila. Maging ang mga salitang “marumi” o “masama” ay hindi na magamit ninuman upang ilarawan ang mga bagay na iniisip nila; hindi iyon mga bagay na dapat taglayin ng mga may normal na pagkatao, lahat iyon ay kakatwa at hindi makataong bagay. Kung magsasalita ka tungkol sa mga usapin o paksa na may kinalaman sa normal na pagkatao, hindi nila kayang marinig ang tungkol dito; hindi sila interesado o hindi handang makinig, at masusuklam pa nga sila sa iyo. Hindi magkapareho ang wika at mga paksa nila sa mga normal na tao. Tanging pagkain, pag-inom, at pagkakaroon ng katuwaan ang pinag-uusapan nila. Ang puso nila ay puno ng mga makamundong kalakaran. Ano ang mga inaasam nila sa hinaharap? Mayroon ba silang kinabukasan? (Wala, ang mga taong ito ay mawawalan ng silbi.) Ang “walang silbi” ay isang napakaangkop na salita. Ano ang ibig sabihin nito? Makalalahok ba sila sa mga gawain kung saan dapat na makilahok ang mga may normal na pagkatao? (Hindi.) Hindi na nagsisikap sa kanilang pag-aaral ang mga taong ito, at kung may isang taong magpapatrabaho sa kanila nang husto, nakahanda ba silang gawin ito? (Hindi.) Ano ang iisipin nila? Iisipin nila, “Ano ba ang punto ng pagtatrabaho? Masyadong nakakapagod ang gawaing ito. Ano ang makakamit ko rito? Wala, maliban sa mapagod at magkaroon ng pasakit. Higit na mas masaya, nakakapagpaginhawa, at nakakawili ang paglalaro ng games. Kapag nasa harap ako ng computer, at namumuhay sa isang virtual na mundo, nasa akin na ang lahat.” Kung patatrabahuhin mo sila nang mula ika-siyam ng umaga hanggang ika-lima ng hapon, papupuntahin sila sa trabaho sa tamang oras, magtatrabaho sa permanenteng haba ng oras, ano ang mararamdaman nila tungkol dito? Magiging handa ba silang sundin ang iskedyul na iyon at matali nang ganito? (Hindi.) Kapag palagiang naglalaro ng games ang mga tao at nagsasayang ng oras sa computer, hindi magtatagal ay mawawalan sila ng sigla at mapapasama sila. Natutuwa ang mga hindi mananampalataya sa pagsunod sa mga uso at gusto nila ng mga fashion, lalo na ang mga kabataan, at ang karamihan sa kanila ay hindi nag-aasikaso sa kanilang nararapat na mga trabaho o tumatahak sa tamang landas; hindi sila nagagawang patnubayan ng kanilang mga magulang, walang magawa sa kanila ang kanilang mga guro, at walang magagawa ang sistema ng pag-aaral sa anumang bansa tungkol sa kalakarang ito. Gumagawa ang diyablong si Satanas ng mga bagay upang tuksuhin ang mga tao at dalhin sila sa kabuktutan. Ang mga namumuhay sa hindi-tunay na daigdig ay walang kahit na anupamang interes sa anumang may kinalaman sa buhay ng normal na pagkatao; sadyang wala silang kagustuhan na magtrabaho o mag-aral. Ang tanging inaalala nila ay ang maglaro ng games, na tila ba inaakit sila ng isang bagay. Sabi ng mga Siyentista, sa sandaling maging tauhan sa isang game ang mga taong naglalaro ng games, nagsisimulang maipon sa kanilang utak ang isang bagay na pinasasabik sila at ginagawa pa nga silang medyo delusyonal, at pagkatapos, nalululong sila sa paglalaro ng games at lagi nilang iniisip na laruin ang mga iyon. Sa tuwing naiinip sila o nasa gitna ng paggawa ng ilang tamang trabaho, mas ninanais nilang maglaro ng games, at unti-unti, nagiging buong buhay na nila ang paglalaro. Ang paglalaro ng games ay parang pag-inom ng isang uri ng gamot: Sa sandaling malulong dito ang isang tao, magiging mahirap na ang huminto at umiwas dito—sinisira sila nito. Bata man o matanda, sa sandaling makuha ng mga tao ang masamang ugaling ito, mahihirapan silang talikuran ito. Nagpapakapuyat at naglalaro ng games ang ilang bata sa buong magdamag, gabi-gabi, at hindi sila makontrol ni masubaybayan ng kanilang mga magulang, kaya mamatay-matay sa kalalaro ang mga bata sa harap ng computer. Paano sila namatay? Ayon sa siyentipikong ebidensya, nasira ang kanilang utak–nasobrahan sila sa paglalaro. Masasabi mo ba na ang paglalaro ng games ay isang bagay na dapat gawin ng mga normal na tao? Kung kailangan ito para sa normal na pagkatao ng mga tao—kung ito ang tamang landas—bakit hindi nagagawa ng mga tao na bitawan ito? Paano sila nagagawang mabighani nito sa ganitong antas? Ang isang bagay na pinatutunayan nito ay na hindi isang mabuting landas ang paglalaro ng games. Ang paggugol ng buong araw nang nakatutok sa internet, pagsu-surf online sa kung ano-ano, panonood ng mga nakasasamang bagay, at paglalaro ng games—ang paglalaro ng gayong mga bagay buong araw ay magpapababa lang sa mga tao sa mga walang kabuluhang bagay, at makakasakit at makakapinsala sa mga tao. Wala sa mga ito ang tamang landas na. Sa panahon ngayon, ang mga teenager, kabataan, at maging ang mga nasa katamtamang gulang at matatanda ay naglalaro lahat ng mga videogame. Parami nang parami ang mga taong naglalaro ng mga ito. Bagamat alam ng karamihan sa mga tao na hindi ito mabuti, hindi nila mapigilan ang sarili nila. Ang gaming na ito ay nakapipinsala sa mga nakababatang henerasyon, at nakapinsala na ito sa napakaraming tao. At paano ba nagkaroon ng games? Hindi ba’t galing ang mga ito kay Satanas? May ilang kakatwang uri ng tao na nagsasabing, “Ang mga videogame ay simbolo ng modernong siyentipikong pag-unlad—mga tagumpay ng siyensya ang mga ito.” At anong klaseng paliwanag ito? Nakasusuklam ito! Hindi mabuting landas ang gaming, at hindi ito ang tamang landas! Ang gaming na ito ay hindi lamang isang usapin ng pagsunod sa mga kalakaran ng lipunan, maging ang mga hindi mananampalataya ay nagsasabi na ang gaming ay pumapatay sa pagkakaroon ng layon. Kung hindi mo kayang itigil ang isang bagay na kasingsimple nito, kung hindi mo makontrol ang iyong sarili sa bagay na ito, nanganganib ka. Sa panahon ngayon, karaniwan na sa mga tao ang maglaro ng mga videogame at magdroga, bata man sila o matanda, at ang buong mundo ay ganito. Gaano katagal ka mang nananalig sa Diyos, kung hindi mo man lang makontrol ang isang bagay tulad ng paglalaro ng mga videogame, kung gayon, balang araw, kapag naramdaman mo na ang pananampalataya sa Diyos ay walang saysay, nakakainip, at nakakabagot, hindi ka ba magsisimulang magdroga at mag-eksperimento sa lahat ng uri ng stimulant tulad ng ginagawa ng mga hindi mananampalataya? Lubhang mapanganib ito! Maaaring nananalig ka sa Diyos, pero wala kang pundasyon at hindi mo pa nakamit ang katotohanan, kaya ganap ka pa ring nanganganib na pagtaksilan Siya. Maaaring magkamali ka sa anumang bagay na nangyayari sa iyo. Napakaraming tukso sa masamang mundong ito, at ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan para akitin ang mga nananalig sa Diyos ngunit hindi naghahangad sa katotohanan. Kung hindi ka regular na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at kadalasang hungkag ang iyong puso at isipan, kung gayon, lubha kang nanganganib. Madalas bang hungkag ang puso mo? Madalas na hungkag ang puso ng mga kabataan! Lubhang mapanganib na hayaan ang problemang ito nang hindi nalulutas. Sapagkat nananalig ka sa Diyos, dapat kang magbasa ng higit pa Niyang mga salita, at kapag nagawa mong tanggapin ang ilan sa katotohanan, magiging oras ito ng pagbabago, at matatakasan mo ang mapanganib na panahong ito at makakapanindigan ka sa iglesia.
Parami nang parami ang mga kabataang sumasapi sa sambahayan ng Diyos at marami-rami sa kanila ang nasa bente anyos. Sila ay nasa pinakahinog na bahagi ng kanilang buhay, hindi pa nila natutukoy ang mga layon nila sa buhay, wala silang mga mithiin, at hindi pa nila nauunawaan kung ano ang buhay. At ano ang makikita sa mga taong ito? Mayroon Akong dalawang pahayag para sa inyo: sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili at walang pagkakilala. At bakit Ko sinasabi iyon? Talakayin muna natin ang ibig sabihin ng “sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili.” Kaya ba ninyong ipaliwanag kung ano ang “sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili?” Anong uri ng disposisyon ito? Anong uri ang mga ipinamamalas nito? (Ito ay kapag iniisip ng mga tao na ang anumang gusto nila ay siyang pinakamainam, na anumang iniisip nila ay tama, at ayaw nilang makinig kaninuman.) Sa madaling salita, ang uring ito ng disposisyon ay “mayabang.” Ito ang tipikal na disposisyon ng mga taong nasa ganitong edad. Anuman ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay o pinanggalingan, o anumang henerasyon sila nagmumula, lahat ng nasa ganitong edad ay may sobrang tiwala sa sarili. At bakit Ko sinasabi ito? Hindi naman sa may pagkiling Ako sa kanila o mababa ang tingin Ko sa kanila, bagkus ito ay dahil ang mga taong nasa ganitong edad ay nagkikimkim ng isang uri ng disposisyon, ito ay ang sobrang mayabang, walang kabuluhan, at mapagmataas na disposisyon. Dahil wala silang gaanong karanasan sa mundo at napakakaunti ng nauunawaan nila sa buhay, sa sandaling makaranas sila ng ilang bagay sa mundo o sa buhay, iisipin nilang, “Nauunawaan ko, napag-isipan ko na, alam ko na ang lahat ngayon! Nauunawaan ko ang sinasabi ng matatanda at nakikibagay ako sa kung ano ang uso sa lipunan. Tingnan ninyo kung gaano kabilis umuunlad ngayon ang mga cell phone at kung gaano kakumplikado ang lahat ng feature ng mga ito. Alam kong lahat ito, hindi katulad ninyong matatanda na walang nauunawaang kahit ano.” Kapag lumalapit ang isang matanda sa kanila para humingi ng tulong sa isang bagay, sasabihin pa nga nilang, “Kapag tumanda na ang mga tao, wala na silang silbi. Ni hindi sila makagamit ng computer, bakit pa ba sila nabubuhay?” Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay pagpapamalas ng sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili. Mas mahusay ang memorya ng mga kabataan at mas mabilis silang tumanggap ng mga bagong ideya, at sa tuwing may natututunan silang bago, minamata nila ang matatanda. Ito ay isang tiwaling disposisyon. At ang ganitong uri ba ng disposisyon ang disposisyon ng normal na pagkatao? Maituturing ba itong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Ito ang dahilan kaya ito tinatawag na sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili. Kung gayon, bakit ito tinatawag na “sobrang tiwala sa sarili” at hindi “kayabangan”? Dahil ito ay isang disposisyong natatangi sa mga kabataan—natututo sila ng isang maliit na bagay at nagiging mayabang na sila, hindi nila alam ang kanilang lugar sa sansinukob, at itinuturing nila ang bagay na natutunan nila bilang puhunan. Ang lahat ng tao ay kagaya nito kapag bata pa sila, hanggang sa mas tumanda sila nang kaunti, mas nakauunawa nang kaunti, at nakararanas ng mas marami pang tagumpay at kabiguan sa buhay. Pagkatapos ay nagiging mas nasa hustong gulang na sila at mas matatag, at mas gusto na nilang umasal sa mas mapagkumbabang paraan—hindi na sila nagmamalaki kapag may natututunan silang gawin, at hindi na sumasama ang loob nila kapag may isang bagay silang hindi kayang gawin. Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga kabataan: Tuwing may natututunan silang gawin, kailangan nilang ipagmayabang iyon, at nakararamdam sila ng pagmamalaki. Kung minsan, kapag nananabik sila, nagsisimula silang mag-isip na nahigitan na nila ang lahat ng iba pa, na maliit ang mundo para sa kanila, at nangangarap sila na sana ay makatira na lang sila sa ibang planeta. Ito ay sobrang tiwala sa sarili. Ang sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili ay pangunahing nakikita sa pagiging mangmang ng isang tao sa kanyang lugar sa sansinukob at sa kung ano ang kailangan ng mga tao at anong landas ang dapat nilang sundin sa buhay, anong mga kondisyon ang mapanganib na ipamuhay, at ano ang dapat na ginagawa nila. Tulad ito ng madalas sabihin ng mga tao: “Wala silang pagkakilala, at walang alam tungkol sa buhay.” Ang mga taong nasa ganitong edad ay may ganitong disposisyon ng sobrang tiwala sa sarili, kaya ipinamamalas nila ang mga bagay na ito. May mga kabataang nag-iisip na ang lahat ng tao ay mas mababa sa kanila, at kapag may sinabi kang isang bagay na hindi nila gusto, hindi ka na lamang nila papansinin. Mahirap maintindihan ng mga magulang ang iniisip ng mga kabataan—isang maling salita at nag-aalboroto na sila at pagalit na umaalis. Mahirap makipag-usap sa kanila. Bakit kaya nahihirapan ang mga magulang ngayon na pangasiwaan at turuan ang kanilang mga anak? Hindi ito dahil sa hindi gaanong nakapag-aral ang mga magulang at hindi nauunawaan ang nasa isip ng mga kabataan, ito ay dahil naging hindi na normal ang pag-iisip ng mga kabataan. Mahal ng lahat ng kabataan ang mga makamundong kalakaran, at bihag sila ng mga ito; lahat sila ay mga biktimang isasakripisyo kay Satanas, masyadong mabilis silang nagiging masama, at nahihirapan silang malaman ito. Iyon ang dahilan kung bakit hindi madaling maging magulang—may ilang magulang pa nga na nag-aabalang matuto ng child psychology upang maturuan ang kanilang mga anak. Maraming bata sa panahon ngayon ang nagdurusa ng mga kakaibang sakit tulad ng autism at depresyon, kaya mahirap silang pangasiwaan. Walang landas o malinaw na paliwanag ang mga tao para sa mga problemang ito, at nakaimbento ang mga intelektuwal sa mga paaralan at lipunan ng mga pariralang tulad ng “suwail na mentalidad” o “panahon ng pagkasuwail.” Bakit walang ganitong mga termino sa mga naunang henerasyon? Malaki ang iniunlad ng siyensya ngayon, at naglabasan na ang lahat ng uri ng kakaibang parirala; pasama nang pasama ang sangkatauhang ito, at unti-unting nawawala ang mga bagay ng normal na pagkatao—hindi ba’t dulot ito ng masasamang kalakaran sa lipunan? (Ganoon na nga.) Kaya, ang dahilan kung bakit nakauupo kayong mga kabataan dito ngayon, nang may taos-pusong pagnanais na marinig Akong magsalita, nakikinig sa Akin na magbahagi nang ganito, ay hindi dahil sa magaling ang sinuman sa inyo, at handang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan—ito ay dahil sa biyaya ng Diyos, ito ay dahil hindi kayo ipinasa ng Diyos sa mundo o kay Satanas. Nakikita mo ang mga kabataang iyon sa lipunan na hindi nananampalataya sa Diyos kahit sino pa man ang nagsisikap na hikayatin sila. Walang magiging silbi kahit kausapin Ko sila. Iyon ba ay pagiging sobrang tiwala lamang ng mga kabataan sa sarili? Anong klaseng mga tao ba sila? Kung wala silang konsiyensiya o katinuan, sila ay walang iba kundi mga hayop at diyablo! Kung kakausapin mo sila sa mga salita ng tao, mauunawaan ba nila? Hindi na ito isang isyu ng kung mahirap ba silang kausapin, ito ay dahil ayaw talaga nilang makinig. Dahil sa biyaya at pagkupkop ng Diyos kaya ninyo nagagawang tanggapin ang Kanyang gawain ngayon, para maunawaan ang Kanyang mga salita, at para magkaroon ng interes sa landas ng katotohanan! Kaya, dapat ninyong pahalagahan ang pagkakataong ito na gampanan ang inyong tungkulin, at magsumikap na matatag na magtanim ng pundasyon sa inyong pananampalataya sa Diyos sa panahong ito. Pagkatapos ay magiging matatag kayo, at hindi kayo madaling matatangay ng masasamang kalakarang ito. Sa sandaling mabitag ng masasamang kalakarang ito ang mga tao, madali silang natatangay ng mga ito, at kapag natangay kang muli ng mga ito, gugustuhin ka ba ng Diyos? Hindi, hindi ka Niya gugustuhin! Binigyan ka na Niya ng isang pagkakataon, at hinding-hindi ka na Niya gugustuhin pa. Kapag hindi ka gusto ng Diyos, manganganib ka, at makakaya mong gawin ang kahit ano.
Ngayong natalakay na natin ang “sobrang tiwala ng mga kabataan sa sarili,” pag-usapan natin ang “walang pagkakilala.” Ang “walang pagkakilala” ay isang medyo pormal na termino. Ipaliwanag mo ang literal na kahulugan nito. (Ito ay kapag hindi matukoy ng isang tao ang mabuti sa masama, at inaakala niya na ang itinuturing niyang mabuti ay magiging mabuti palagi, at ang itinuturing niyang masama ay magiging masama palagi, at paano man ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa kanya, hindi siya makikinig.) (Ito ay kapag hindi alam ng isang tao ang tama sa mali, at wala siyang pagkakilala.) Tinatayang iyon ang literal na kahulugan nito—ang hindi matukoy ang tama sa mali, at hindi alam kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo. Dahil sa sobra nilang tiwala sa sarili, hindi siya natatablan ng anumang sabihin ng mga tao, iniisip niya na: “Mali ang anumang sinasabi ng iba, at ang sinasabi ko ang tama. Walang sinumang dapat magsabi sa akin kung ano ang mga nangyayari, hindi ako makikinig sa kanila. Magmamatigas talaga ako, at patuloy akong magmamatigas at igigiit ko ang aking mga ideya, kahit mali pa ako.” Ito ang uri ng disposisyon na taglay niya—wala siyang pagkakilala. Sa panlabas, kaya niyang maglitanya ng sunod-sunod na mga doktrina, at kaya niyang talakayin ang mga iyon nang mas malinaw at mas nauunawaan kaysa sa sinumang iba pa, kaya bakit palagi siyang naguguluhan at nalilito kapag oras na para kumilos? Alam na alam niya kung ano ang tama, ngunit ayaw talaga niyang makinig—ginagawa niya ang gusto niya, at kumikilos sa paraang gusto niya. Pagiging kapritsoso iyon, at kakatwa. Ang mga taong sumusunod sa mga kalakaran ng mundo ay medyo kakatwa. Mahilig sila sa parkour at bungee jumping, at gusto nilang maghanap ng katuwaan sa lahat ng uri ng matitinding sports. Hindi ba’t kakatwa ito? Mahilig din ba kayong lahat sa parkour? (Mahilig ako noon.) At bakit mo ito nagustuhan? Hindi mo ba alam na mapanganib ang parkour? Hindi mo ba alam na inilalagay mo ang iyong buhay sa panganib kapag nagpa-parkour ka? Hindi mga gagamba o tuko ang mga tao. Kung gagapang sila sa dingding, tiyak na mahuhulog sila. Walang ganoong kakayahan ang mga tao, at hindi iyon isang bagay na taglay ng mga taong may normal na pagkatao. Bakit gusto ninyo ito? Ito ay dahil ang mga bagay na ito ay nakapagbibigay sa mga tao ng isang uri ng stimulasyon sa paningin at damdamin, kaya gustong mag-parkour ng mga tao. Ano ang kumokontrol sa pag-iisip na ito? Galing ba ito kay “Spider-Man”? Hindi ba’t may mentalidad at malalim na hangarin sa kalooban ng tao na gustong makapagligtas sa mundo, na maging isang superhero? May mga lumilipad na hero sa maraming pelikula at palabas sa TV na palipad-lipad at palipat-lipat sa mga bubungan, at talagang hanga ang mga tao sa kanila. Ganoon naitanim ang mga bagay na ito sa isipan ng mga kabataan. At paano sila nalalason nang ganito? May kaugnayan ito sa mga kagustuhan at hangarin ng mga tao. Bawat tao ay gustong maging hero, maging isang superman, magkaroon ng mga espesyal na kapangyarihan, kaya sinasamba nila si Satanas. Sabihin ninyo sa Akin, gusto ba ng mga normal na tao ang mga kakatwang bagay na ito? May angkin bang ganitong mga espesyal na kapangyarihan ang mga normal na tao? Tiyak na wala. Hindi kaya gawa-gawa at kathang-isip ng mga tao ang lahat ng bagay na ito? Kung talagang may ganitong mga kakaibang bagay, hindi kaya sinasapian ng masasamang espiritu ang mga taong mayroon ng mga ito? Mayroon bang parkour noong panahon nina Adan at Eba? Mayroon bang nasusulat sa Bibliya tungkol sa parkour? (Wala.) Ang parkour ay produkto ng masama at modernong lipunan; isa ito sa mga paraan na inililigaw at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Sinasamantala ni Satanas ang pagkahilig ng mga kabataan sa kakaiba at kapana-panabik, at lumilikha, nangangarap, at isinasadula ang ilang kuwento. Sa ganitong paraan nito inililigaw ang mga walang pagkakilala na teenager na ito, inaakay sila na hangarin ang mga kakaiba at kapana-panabik na espesyal na kapangyarihan ni Satanas. Hindi ba’t nilalason nito ang mga tao? Ang mga bagay na ito ay nagiging lason sa sandaling pumasok ang mga ito sa isipan ng mga tao. At kung hindi mo mapapansin ang lason na ito, hindi mo ito ganap na maiwawaksi, at hindi mo kailanman maiaalis ang impluwensya, panggugulo, at pagkontrol nito. Madali bang alisin ang lason na ito? (Hindi madali.) Paano malulutas ang problemang ito? Ayaw ng ilang tao na talikuran ang mga bagay na ito. Akala nila ay maganda at hindi lason ang mga bagay na ito, at hindi nila mapakawalan ang mga ito kapag ganito ang pag-iisip nila. Samakatuwid, para hindi ka mahulog sa mga tukso ni Satanas, kailangan mong gawin ang iyong makakaya para maiwasan ang bagay na maaaring makasira sa puso mo at lumason sa iyo habang mababa pa ang tayog mo, dahil wala kang pagkakilala, at hangal ka pa rin at sobra ang tiwala mo sa sarili. Hindi mo pa nasangkapan ang iyong sarili ng sapat na mga positibong bagay, at wala kang taglay na anumang katotohanang realidad. Sa pagsasalita nang may pananampalataya, wala kang buhay at tayog. Ang tanging mayroon ka ay kaunting kahandaan, isang kagustuhang manalig sa Diyos. Iniisip mo na ang pananalig sa Diyos ay mabuti, na ito ang tamang landas na dapat tahakin at ang paraan para maging isang mabuting tao, subalit nagninilay-nilay ka: “Hindi ako masamang tao na kabilang sa mga hindi nananalig, gusto ko ng parkour pero wala akong nagawang mali, mabuting tao pa rin ako.” Naaayon ba ito sa katotohanan? Palagay mo ba wala kang tiwaling disposisyon dahil lamang sa wala ka pang nagawang mali? Namumuhay ka sa gitna ng masasamang kalakaran, sapat na iyon para ipakita na ang puso mo ay puno ng masasamang bagay.
Sabihin mo sa Akin, naiimpluwensyahan bang masyado ang isang tao ng kanyang kapaligiran? Ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia ngayon, iyon ang kapaligirang kinaroroonan mo; kasama mo ang iyong mga kapatid araw-araw at napapaligiran ka ng mga taong nananalig sa Diyos, at matatag ka rin sa iyong pananampalataya sa Diyos. Kung isasama ka sa mga hindi mananampalataya, kung patitirahin ka kasama nila, nasa puso mo pa rin kaya ang Diyos? Kung makikipag-ugnayan ka sa kanila o mamumuhay nang kasama sila, hindi mo ba susundin ang mga kalakaran gaya ng ginagawa nila? Sinasabi ng ilan, “Ayos lang, binabantayan at pinoprotektahan ako ng Diyos, kaya hinding-hindi ako tatahak sa landas na iyon.” Maglalakas-loob ka bang ipangako iyon? Basta’t mahal at hangad mo ang mga bagay na ito, may kakayahan kang kusang sumunod sa mga kalakaran. Kahit malaman mo sa puso mo na mali iyon, kaswal mo lamang sasabihin sa sarili mo, “Patawarin Mo ako, Diyos ko, nagkamali ako.” Sa paglipas ng panahon, wala ka na talagang maramdamang pagkakonsiyensiya o anupaman, at magninilay-nilay ka: “Nasaan na ba ang Diyos? Bakit hindi ko pa Siya nakikita?” Palagi kang magdududa sa Diyos, at maglalaho ang dati mong pananampalataya, nang paunti-unti. Sa oras na lubusan nang itinatatwa ng puso mo ang Diyos, hindi mo na nanaising sundin Siya o gawin ang anumang bagay na may kinalaman sa iyong tungkulin, at pagsisisihan mo pa na pinili mo sa simula pa lang na gampanan ang isang tungkulin. Bakit kaya napakadaling magbago ng mga tao? Ang totoo, hindi dahil sa nagbago ka—sa simula pa lang, iyon ay dahil sa hindi ka kailanman nagkaroon ng katotohanang realidad. Bagamat, kung titingnan, nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa mo ang iyong tungkulin, ang makamundo at satanikong mga kaisipan, pananaw, pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao, at tiwaling disposisyon sa loob mo ay hindi pa kailanman naaalis, at puno ka pa rin ng mga satanikong bagay. Namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na iyon, kaya mababa pa rin ang tayog mo. Nasa panganib ka pa rin; hindi ka pa matiwasay o ligtas. Hangga’t mayroon kang satanikong disposisyon, patuloy mong lalabanan at ipagkakanulo ang Diyos. Para malutas ang problemang ito, kailangan mo munang maunawaan kung aling mga bagay ang masama at kay Satanas, paano nakapipinsala ang mga ito, bakit ginagawa ni Satanas ang mga bagay na ito, anong uri ng mga lason ang nararanasan ng mga tao kapag tinatanggap nila ang mga ito, at ano ang kahahantungan ng mga taong iyon, pati na rin kung magiging anong uri ng tao ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, anong mga bagay ang may normal na pagkatao, anong mga bagay ang positibo, at anong mga bagay ang negatibo. Magkakaroon ka lamang ng landas kung mayroon kang pagkakilala at malinaw mong nakikita ang mga bagay na ito. Bukod dito, sa positibong aspeto, kailangan mo ring maagap na gampanan ang iyong tungkulin habang iniaalay ang iyong sinseridad at debosyon. Huwag maging tuso o tamad, huwag harapin ang iyong tungkulin o ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos mula sa perspektibo ng mga hindi mananampalataya o gamit ang mga pilosopiya ni Satanas. Kailangan mong kumain at uminom ng marami pang salita ng Diyos, hangaring maunawaan ang lahat ng aspeto ng katotohanan, at malinaw na maunawaan ang kabuluhan ng pagsasagawa ng tungkulin, at pagkatapos ay magsagawa at pumasok sa lahat ng aspeto ng katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at unti-unting makilala ang Diyos, ang Kanyang gawain, at ang Kanyang disposisyon. Sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan, magbabago ang iyong panloob na kalagayan, magkakaroon ng mas positibo at aktibong mga bagay sa loob mo, at mababawasan ang negatibo at pasibong mga bagay, at ang kakayahan mong makakilala sa mga bagay-bagay ay magiging mas mahusay kaysa dati. Kapag umabot sa ganito ang iyong tayog, magkakaroon ka ng pagkakilala sa lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay sa mundong ito, at mauunawaan mo ang diwa ng mga problema. Kung makakapanood ka ng pelikulang gawa ng mga hindi mananampalataya, matutukoy mo kung anong mga lason ang maaaring maranasan ng mga tao pagkatapos mo itong panoorin, gayundin kung ano ang nilalayong itanim ni Satanas sa isipan ng mga tao sa pamamagitan ng mga kaparaanan at kalakarang ito, at kung ano ang nilalayon nitong bagbagin sa mga tao. Unti-unti mong mahahalata ang mga bagay na ito. Hindi ka na malalason pagkatapos mong panoorin ang pelikula, at magkakaroon ka ng pagkakilala tungkol dito—saka ka tunay na magkakaroon ng tayog.
Pagkatapos manood ng ilang pelikulang superhero at pantasya, umiral ang pagnanais ng ilang kabataan—inaasam nila na magkaroon sila ng mga pambihirang kakayahan katulad ng mga pangunahing tauhan. Hindi ba’t nalalason sila nang ganito? Mapapahamak ka ba ng lasong iyon kung hindi mo pinanood ang mga pelikulang iyon? Hindi. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ito ay na namumuhay ka sa isang masamang lipunan, kaya kapag maliit ang tayog mo at wala kang pagkakilala, maaari kang pangibabawan ng mga bagay na nabibilang sa masasamang kalakaran dahil naranasan mo muna ang mga ito, at tatratuhin mo ang mga ito bilang mga positibong bagay, at bilang mga normal at wastong bagay. Isang paraan ito ng paglalason ni Satanas sa mga tao. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t masama si Satanas? Napakaraming paraan si Satanas para gawing tiwali ang mga tao! Masasabi na ang sinumang nakapanood ng ganitong mga uri ng pelikula ay may ganitong klase ng pagnanais. May isang batang nakapanood ng isang pelikulang pantasya at tumakbo-takbo siya sa kanyang bakuran sakay ng isang walis-tingting tuwing may bakanteng oras siya. Noong una, hindi siya makalipad gaano man niya subukan, at pagkatapos, isang araw ay talagang nagsimula siyang lumipad. Hindi siya nakalipad nang mag-isa, may ibang puwersa sa labas ang nagpalipad sa kanya. Matapos siyang magsimulang lumipad, hindi niya napigilang sumigaw nang kakaiba tulad ng tauhan sa pelikula; nasapian siya ng isang uri ng espiritu. Bahagi ba ng normal na buhay ng tao ang pagsakay sa walis-tingting? Maaari kang sumakay sa kabayo o asno, bakit mo kailangang sumakay sa isang walis-tingting at lumipad? Posible ba ang bagay na ito? Masasabi mo kaagad na hindi ito isang bagay na ginagawa ng mga normal na tao. Hindi nakakalipad ang mga walis-tingting, nakakalipad lamang ang mga ito sa tulong ng masasamang espiritu, kaya ito ay gawain ni Satanas at ng masasamang espiritu. Si Satanas at ang masasamang espiritu ay gumagawa ng mga kataka-taka, kakaiba, at katawa-tawang bagay na hindi ginagawa ng mga normal na tao. Mayroon ba kayong kaunting pagkakilala sa mga bagay na ginagawa ni Satanas? Anong uri ng saloobin ang dapat ninyong taglayin ukol sa gayong mga bagay? Hindi ba’t dapat ninyong itakwil ang mga iyon? Dapat ninyong pagnilayan ang inyong sarili kapag may oras kayo, na sinisiyasat kung anong mga kakaibang bagay ang nananatili sa inyong isipan. Bakit maraming kakaibang bagay sa inyong isipan? Dahil masyado nang nalason ang mga tao sa inyong henerasyon—nais ninyong lahat na magpalipat-lipat sa mga bubungan, na maging si Spider-Man o Batman, at maging isang nakatataas na nilalang. Hindi dapat magkaroon o magtaglay nito ang mga taong may normal na pagkatao. Kung ipipilit mong hangarin ang mga bagay na hindi kailangan ng mga may normal na pagkatao, at kung patuloy mong susubukang maranasan ang mga iyon, maaaring maakit mo ang impluwensya ng masasamang espiritu. Nanganganib ang mga tao kapag sinapian sila ng masasamang espiritu, binibihag sila ni Satanas, at sa gayon ay nanganganib sila. Paano malulutas ang problemang ito? Dapat ay regular na manawagan ang mga tao sa Diyos. Hindi sila dapat bumigay sa tukso o magpalinlang kay Satanas. Sa kapanahunang ito ng kasamaan kung saan nagkulumpunan at laganap ang mga demonyo at maruruming espiritu, kung kaya mong manalangin na palaging mapasaiyo ang biyaya at proteksyon ng Diyos, at hilingin sa Kanya na bantayan at protektahan ka, nang sa gayon ay hindi mapalayo ang puso mo sa Kanya, at nagagawa mong sambahin ang Diyos nang may katapatan at buong puso, hindi ba’t ito ang tamang landas? (Ito nga.) At handa ba kayong tahakin ang landas na ito? Handa ba kayong mamuhay palagi sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at sa ilalim ng Kanyang disiplina, o nais ninyong mamuhay sa sarili ninyong malayang mundo? Kung dinidisiplina kayo ng Diyos, maaaring kung minsan ay magdurusa kayo nang kaunti sa pisikal. Handa ba kayong pagdaanan iyon? (Oo.) Sinasabi ninyo na handa kayong gawin iyon ngayon, ngunit marahil ay magsisimula kayong magreklamo kapag naharap kayo sa realidad niyon. Hindi sapat na maging handang magdusa, kailangan ay maging handa ka ring magsikap tungo sa katotohanan. Makapaninindigan ka lamang nang matatag kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Nakakabahala na masyadong hindi matatag ang mga kabataan, na hindi nila inaasikaso ang kanilang mga angkop na tungkulin o mali ang mga bagay na nasa isipan nila, at na hindi sila handang magbasa ng mga salita ng Diyos o magsikap tungo sa katotohanan—mapanganib ito. Hindi natin masasabi kung hahantong ba ito sa buhay o kamatayan. May ilang kabataan ngayon na nakinig sa mga sermon nang ilang taon; nagsimula na silang magkainteres sa katotohanan, at handa silang magtala kapag nakikinig sa mga sermon. Nakakaramdam sila ng parang gutom at uhaw sa katuwiran, at nauunawaan nila ang katotohanan. Ang ibig sabihin nito ay na mayroon na silang pundasyon, at hangga’t nag-uugat ang katotohanan sa puso nila, magiging mas matatag sila. Kung patuloy silang magsisikap tungo sa katotohanan, garantiya ito na nauunawaan nila ang katotohanan, nakakapasok sa katotohanang realidad, at nagkakamit ng kaligtasan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.