Bakit kasama sa pagbalik ng Panginoon ang pagkakatawang-tao—pagbaba nang lihim—gayundin ang pagbaba sa harap ng publiko mula sa mga ulap?

Enero 10, 2017

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Narito, ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw” (Pahayag 16:15).

“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mateo 25:6).

“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20).

“Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36).

“At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30).

“Narito, siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya” (Pahayag 1:7).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakarating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlanganan na nagpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong larawan upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, sa mga huling araw, gagamitin ni Cristo ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sa mga huling araw, ang Diyos ay pangunahing gumagamit ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang apihin ang tao, o kumbinsihin ang tao; hindi nito maaaring gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon magiging imposible na gawing malinaw ang realidad ng Diyos, kaya imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, subali’t gumagamit ng salita upang diligan at akayin ang tao, at pagkatapos nito ay nakakamit ang ganap na pagkamasunurin ng tao at ang pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang minimithi ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang mga paraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pakikitungo, pagtatabas, o pagtutustos ng mga salita, ang Diyos ay nagwiwika mula sa maraming iba’t ibang mga perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Ang katawang-tao ni Jesus ang siyang ipinako sa krus, ang Kanyang katawang-tao na isinuko Niya bilang handog para sa kasalanan; ito’y sa pamamagitan ng laman na may karaniwang pagkatao na tinalo Niya si Satanas at ganap na nailigtas ang tao mula sa krus. At ito ay bilang isang ganap na laman na ang pangalawang nagkatawang-taong Diyos ay gumaganap ng panlulupig na gawain at tinatalo si Satanas. Tanging ang katawang-tao na ganap na karaniwan at totoo ang makagaganap ng panlulupig na gawain sa kabuuan nito at makagagawa ng malakas na patotoo. Iyon ay upang sabihin, ang gawain ng[a] panlulupig sa tao ay ginagawang epektibo sa pamamagitan ng realidad at pagiging-karaniwan ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at mga pagbubunyag. Ang ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos na ito ay upang magsalita, at sa gayong paraan ay lupigin at gawing perpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naging totoo sa katawang-tao, ang tungkulin ng katawang-tao, ay magsalita at sa gayong paraan ay lupigin, ibunyag, gawing perpekto, at alisin nang ganap ang tao.

—mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao una sa lahat ay upang bigyang-kakayahan ang mga tao na makita ang tunay na mga gawa ng Diyos, upang magkatotoo ang walang-hugis na Espiritu sa katawang-tao, at hayaan Siyang makita at mahipo ng mga tao. Sa ganitong paraan, susundan ng mga taong ginagawa Niyang ganap ang Kanyang pamumuhay, matatamo Niya sila, at magiging kaayon sila ng Kanyang puso. Kung sa langit lamang nagsalita ang Diyos, at hindi talaga pumarito sa lupa, hindi pa rin makakaya ng mga tao na kilalanin ang Diyos, maipapangaral lamang nila ang mga gawa ng Diyos gamit ang hungkag na teorya, at hindi mapapasakanila ang mga salita ng Diyos bilang realidad. Naparito ang Diyos sa lupa una sa lahat upang kumilos bilang isang halimbawa at huwaran para sa mga yaon na matatamo ng Diyos; sa ganitong paraan lamang talagang makikilala, at mahihipo, at makikita ng mga tao ang Diyos, at saka lamang sila tunay na matatamo ng Diyos.

—mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Nagkatawang-tao ang Diyos sa kalakhang-lupain ng Tsina, na ang tawag ng mga kababayan sa Hong Kong at Taiwan ay panloob-na-lupain. Nang dumating ang Diyos mula sa itaas tungo sa lupa, walang sinuman sa langit at lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagka’t ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos sa isang lingid na paraan. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, datapwa’t walang sinuman ang nakaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang-hanggang palaisipan. Sa panahong ito ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao ay hindi isang bagay na kahit sino ay may kakayahang mabatid. Gaano man kalaki at kamakapangyarihan ang gawain ng Espiritu, nananatiling palaging kalmado ang Diyos, hindi kailanman ipinagkakanulo ang Sarili Niya. Maaaring sabihin ng isa na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay parang nagaganap sa makalangit na kinasasaklawan. Kahit na ito ay ganap na halata sa lahat ng tao, walang sinuman ang nakakakilala rito. Kapag tinapos ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, magigising ang lahat mula sa kanilang mahabang panaginip at babaligtarin ang kanilang nakaraang saloobin.[1] Natatandaan Ko nang minsang sabihin ng Diyos na, “Ang pagdating sa katawang-tao sa oras na ito ay parang tulad ng pagbagsak sa lungga ng isang tigre.” Ang ibig sabihin nito ay dahil sa ikot na ito ng gawain ng Diyos ay ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao at pagkapanganak sa tinatahanang lugar ng malaking pulang dragon, ang Kanyang pagparito sa lupa sa panahong ito ay may kasama pang mas matitinding panganib. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga garote; ang kinakaharap Niya ay tukso; ang kinakaharap Niya ay maraming tao na may nakamamatay na mga tingin. Nakikipagsapalaran Siyang mapatay anumang sandali. Dumating nga ang Diyos na may poot. Gayunpaman, dumating Siya upang gawin ang gawain ng pagperpekto, na nangangahulugan na gawin ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain na nagpapatuloy pagkatapos ng gawain ng pagtubos. Para sa kapakanan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, inilaan ng Diyos ang sukdulang pagpapahalaga at pag-iingat at gumagamit ng bawat maiisip na mga paraan upang maiwasan ang mga pag-atake ng tukso, mapagkumbabang itinatago ang Kanyang sarili at hindi kailanman ipinapasikat ang Kanyang pagkakakilanlan. … Sa pagsapit ng bukang-liwayway, hindi nalalaman ng sinuman, naparito ang Diyos sa lupa at sinimulan ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog, marahil maraming nagbabantay na gising ang naghihintay, at marahil marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat nitong maraming tao, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos ng tulad nito nang sa gayon mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas mahusay na mga resulta, at upang maiwasan din ang maraming tukso. Sa pagkagising ng tao sa mahimbing na pagkakaidlip, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya’y aalis na, dadalhin sa pagtatapos ang Kanyang buhay nang paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa.

—mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 4

Sa panahong iyon, nang si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa Ako at nagsasalita sa inyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga hindi mananampalataya. Ang Aking gawain sa inyo ay hiwalay sa iba. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay hayag lamang sa inyong lahat at wala nang iba. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa inyo at binuksan lamang sa inyo; wala sa mga hindi mananampalataya ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang maging ganap ang mga taong ito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, malihim ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit sa mga nasa daluyang ito, maaari Siyang ituring na hindi lihim. Kahit na ang lahat ay bukas sa Diyos, naihahayag ang lahat at inilalabas ang lahat, totoo lamang ito sa mga taong naniniwala sa Kanya, at walang ipinaaalam sa mga hindi mananampalataya. Ang gawaing isinasagawa dito ngayon ay mahigpit na nakahiwalay upang hindi nila malaman. Kung malaman man nila, paghatol at pag-uusig lamang ang naghihintay. Hindi sila maniniwala. Ang gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, samakatwid magiging imposibleng magpatuloy. Ang yugtong ito ng gawain ay hindi basta maaaring sumulong sa lugar na ito. Paano nila pahihintulutan ito kung ang ganitong gawain ay natupad nang lantaran? Hindi ba ito magdadala pa ng mas malaking panganib? Kung hindi naitago ang gawaing ito, at sa halip ay ipinagpatuloy tulad sa panahon ni Jesus nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, kung ganoon hindi ba matagal na sana itong “sinunggaban” ng mga demonyo? Kaya ba nilang tiisin ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga bulwagan upang mangaral at magbigay ng panayam sa tao, hindi ba matagal na sana Akong nagkadurug-durog? At kung gayon, paanong patuloy na matutupad ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi nahahayag nang lantaran ay para sa kapakanan ng pagkatago. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, makilala o matuklasan ng mga hindi mananampalataya. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging matatag. Kaya, ang gawain na itatago sa paraang ito ay may benepisyo sa inyo at sa lahat ng gawain. Kapag ang gawain ng Diyos sa lupa ay dumating na sa katapusan, iyon ay, kapag ang lihim na gawaing ito ay natapos, ang yugtong ito ng gawain ay mahahayag. Malalaman ng lahat na may mga grupo ng mga mananagumpay sa Tsina; malalaman ng lahat na nasa Tsina ang Diyos na nagkatawang-tao at dumating na sa pagtatapos ang Kanyang gawain. Doon lamang ito magliliwanag sa tao: Bakit hindi pa nagpapakita ang Tsina ng paghina o pagbagsak? Lumalabas na ang Diyos ay personal na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Tsina at ginawang ganap ang isang grupo ng mga tao bilang mga mananagumpay.

Inihahayag lamang ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang sarili sa ilang tao na sumusunod sa Kanya habang personal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain, at hindi sa lahat ng nilalang. Naging katawang-tao lamang Siya upang makumpleto ang isang yugto ng gawain, hindi upang ipakita sa tao ang Kanyang larawan. Gayunpaman, dapat na tuparin Niya mismo ang Kanyang gawain, kaya kinakailangan Niya itong gawin sa katawang-tao. Kapag natapos ang gawaing ito, aalis Siya mula sa daigdig; hindi Siya maaaring manatili sa mahabang panahon sa sangkatauhan dahil sa takot na maharangan ang darating na gawain. Ang inihahayag Niya sa karamihan ay ang Kanya lamang matuwid na disposisyon at ang lahat ng Kanyang mga gawa, at hindi ang larawan ng Kanyang katawan nang dalawang beses Siyang naging katawang-tao, dahil ang larawan ng Diyos ay maaari lamang na makita sa Kanyang disposisyon, at hindi pinalitan ng larawan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Ipinapakita lamang sa limitadong bilang ng mga tao ang larawan ng Kanyang katawang-tao, tanging sa mga taong sumusunod sa Kanya habang gumagawa Siya sa katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit ang gawaing ipinapatupad ngayon ay ginagawa nang lihim.

—mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 2

Sa kasalukuyan, ang Diyos ay hindi nakikisalamuha sa mga Fariseo, pinananatili ang mundo sa kamangmangan, at kayo lamang mga tagasunod ang nakakikilala sa Kanya, sapagka’t hindi na Siya muling ipapako sa krus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hayagang nangaral si Jesus sa buong bayan para sa kapakanan ng Kanyang ebanghelyong gawain. Nakisalamuha Siya sa mga Fariseo para sa kapakanan ng pagkakapako sa krus; kung hindi Siya nakisalamuha sa mga Fariseo at yaong mga nasa kapangyarihan ay hindi kailanman nakaalam ukol sa Kanya, paano nangyari na Siya ay hinatulan, at sa gayon ay ipinagkanulo at ipinako sa krus? At kaya, nakisalamuha Siya sa mga Fariseo para sa kapakanan ng pagkakapako sa krus. Sa kasalukuyan, ginagawa Niya ang Kanyang gawain nang palihim para maiwasan ang tukso. Ang gawain, kabuluhan, at pagtatakda ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkaiba sa lahat, kaya paanong ganap na magkakapareho ang gawain na Kanyang ginawa?

—mula sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Sinasabi Ko sa inyo, tiyak na yaong mga naniniwala sa Diyos nang dahil sa mga palatandaan ay tiyak na nasa kategorya ng mga daranas ng pagkawasak. Yaong mga hindi kayang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik na sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategorya na sasailalim sa walang-katapusang pagkawasak. Maaaring walang pakialam ang maraming tao sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ninyo nang sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sa ibabaw ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyan ng matinding katuwaan sa inyo, subalit dapat ninyong malaman na ang sandali kung kailan nasasaksihan ninyong bumababa si Jesus mula sa langit ay iyon din ang sandali ng pagbaba ninyo sa impiyerno para maparusahan. Ibabadya nito ang pagtatapos ng plano ng pamamahala ng Diyos, at mangyayari kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga palatandaan ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga palatandaan, at sa gayon ay napadalisay na, ay makakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at makakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-katapusang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga palatandaan, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng malupit na paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas ng buhay. Kaya maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan Siyang bumabalik sa ibabaw ng puting ulap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Talababa:

1. Ang “babaligtarin ang kanilang nakaraang saloobin” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga pagkaintindi at mga pananaw ng mga tao tungkol sa Diyos sa sandaling nakilala nila ang Diyos.

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang gawain ng.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman