Ipinangako ng Diyos na Bibigyan Niya ng Anak na Lalaki si Abraham

Abril 18, 2018

Genesis 17:15–17 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kanyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kanyang pangalan. At Akin siyang pagpapalain, at saka sa kanya’y bibigyan kita ng anak: oo, siya’y Aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.” Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak kaya siya na may isandaang taon na? At manganak pa kaya si Sara na may siyamnapung taon na?”

Genesis 17:21–22 Ngunit ang Aking tipan ay pagtitibayin Ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa nakatakdang araw, sa taong darating. At nang matapos na makipag-usap sa kanya, ay napaitaas ang Diyos mula sa piling ni Abraham.

Walang Makapipigil sa Gawaing Pinagpapasyahang Gawin ng Diyos

Katatapos lamang ninyong marinig ang kuwento ni Abraham, hindi ba? Siya ay pinili ng Diyos matapos Niyang wasakin ng baha ang mundo, ang kanyang pangalan ay Abraham, at nang siya ay isandaang taong gulang na at ang kanyang asawang si Sara naman ay siyamnapu, ang pangako ng Diyos ay dumating sa kanya. Ano ang ipinangako ng Diyos sa kanya? Ang tinutukoy sa Kasulatan ang ipinangako ng Diyos: “At Akin siyang pagpapalain, at saka sa kanya’y bibigyan kita ng anak.” Ano ang pinagbatayan ng pangako ng Diyos na bigyan siya ng isang anak na lalaki? Ibinibigay ng Kasulatan ang sumusunod na pahayag: “Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kanyang sarili, ‘Magkakaanak kaya siya na may isandaang taon na? At manganak pa kaya si Sara na may siyamnapung taon na?’” Sa madaling salita, masyado nang matanda ang mag-asawang ito para magkaanak. At ano ang ginawa ni Abraham matapos ipahayag ng Diyos ang Kanyang pangako sa kanya? Tawang-tawang nagpatirapa si Abraham at sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak kaya siya na may isandaang taon na?” Naniwala si Abraham na ito ay imposible—nangangahulugang naniwala siyang ang pangako ng Diyos sa kanya ay isang biro lamang. Mula sa pananaw ng tao, ito ay hindi magagawa ng tao, at gayundin, hindi ito magagawa ng Diyos at imposible para sa Diyos. Marahil, kay Abraham, ito ay katawa-tawa: “Nilikha ng Diyos ang tao, ngunit hindi Niya alam na ang isang taong sobrang tanda na ay wala nang kakayahang magsilang ng mga anak; iniisip ng Diyos na maaari Niya akong pahintulutang magkaanak, sinabi Niya na bibigyan Niya ako ng isang anak na lalaki—siguradong imposible iyon!” Dahil dito, nagpatirapa si Abraham at tumawa, habang inisip na: “Imposible—Binibiro ako ng Diyos, hindi ito maaaring maging totoo!” Hindi niya sineryoso ang mga salita ng Diyos. Dahil dito, sa paningin ng Diyos, anong uri ng tao si Abraham? (Matuwid.) Saan nakasaad na siya ay isang taong matuwid? Iniisip ninyo na ang lahat ng tinatawag ng Diyos ay matuwid, at perpekto, at mga taong lumalakad kasama ang Diyos. Sumusunod kayo sa doktrina! Dapat ninyong makita nang malinaw na kapag itinatakda ng Diyos ang isang tao, hindi Niya iyon ginagawa nang walang dahilan. Dito, hindi sinabi ng Diyos na matuwid si Abraham. Sa Kanyang puso, ang Diyos ay may mga pamantayan sa pagsukat ng bawat tao. Bagaman hindi sinabi ng Diyos kung anong uri ng tao si Abraham, pagdating sa kanyang pag-uugali, anong uri ng pananampalataya sa Diyos ang mayroon si Abraham? Medyo mahirap ba itong maunawaan? O malaki ba ang kanyang pananampalataya? Hindi, wala siya nito! Ipinakita ng kanyang pagtawa at pag-iisip kung sino siya, kung kaya’t ang inyong paniniwala na matuwid siya ay isang guniguni lamang ng inyong kaisipan, ito ay ang bulag na paggamit ng doktrina, at ito ay isang iresponsableng pagsusuri. Nakita ba ng Diyos ang pagtawa at mga mumunting pagpapahayag ni Abraham? Alam ba Niya ang mga ito? Alam ng Diyos. Ngunit babaguhin ba ng Diyos ang napagpasyahan na Niyang gawin? Hindi! Noong binalak at pinagpasyahan ng Diyos na piliin ang taong ito, tinapos na Niya ito. Ang pag-iisip ng tao o ang kanyang pag-uugali ay hindi makaiimpluwensiya o makahahadlang sa Diyos nang kahit na katiting man lamang; hindi basta babaguhin ng Diyos ang Kanyang plano, at hindi rin Niya babaguhin o sisirain ang Kanyang plano dahil sa pag-uugali ng tao, kahit pa pag-uugali na dala ng kawalan ng kaalaman. Kung gayon, ano ang nasusulat sa Genesis 17:21–22? “Ngunit ang Aking tipan ay pagtitibayin Ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa nakatakdang araw, sa taong darating. At nang matapos na makipag-usap sa kanya, ay napaitaas ang Diyos mula sa piling ni Abraham.” Hindi man lang nagtuon ng kahit na katiting na pansin ang Diyos sa inisip o sinabi ni Abraham. At ano ang dahilan ng Kanyang pagwawalang-bahala? Ito ay dahil sa noong panahong iyon, hindi hiningi ng Diyos na ang tao ay magkaroon ng malaking pananampalataya, o magkaroon ng malaking kaalaman tungkol sa Diyos, o, higit pa rito, na maunawaan niya kung ano ang ginawa at sinabi ng Diyos. Dahil dito, hindi Niya hiningi sa tao na unawain nang lubos kung ano ang napagpasyahan Niyang gawin, o ang mga taong napagpasyahan Niyang piliin, o ang mga prinsipyo ng Kanyang mga kilos, dahil ang tayog ng tao ay sadyang kulang. Sa panahong iyon, ang anumang ginawa ni Abraham at kung paano man siya kumilos ay itinuring ng Diyos na normal lamang. Hindi Niya isinumpa, o pinagalitan, bagkus ay sinabi lang Niya na: “Iaanak ni Sara si Isaac sa iyo, sa takdang panahon sa darating na taon.” Sa Diyos, matapos Niyang ihayag ang mga salitang ito, ang bagay na ito ay sunud-sunod nang naging totoo; sa paningin ng Diyos, ang dapat na magawa ng Kanyang plano ay nakamit na. Matapos ang pagkumpleto sa mga pagsasaayos para sa mga ito, ang Diyos ay umalis. Kung ano ang ginagawa o iniisip ng tao, kung ano ang nauunawaan ng tao, ang mga plano ng tao—wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos. Ang lahat ay nagpapatuloy ayon sa plano ng Diyos, alinsunod sa mga panahon at yugtong itinalaga Niya. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang Diyos ay hindi humahadlang sa kahit anong iniisip o nalalaman ng tao, ngunit hindi rin Niya tinatalikuran ang Kanyang plano, o iniiwan ang Kanyang gawain, dahil lamang sa hindi naniniwala o nakauunawa ang tao. Sa gayon, ang mga katunayan ay naisasagawa nang ayon sa plano at pag-iisip ng Diyos. Ito mismo ang nakikita natin sa Bibliya: Ang Diyos ang dahilan kung bakit ipinanganak si Isaac sa panahong itinakda Niya. Ang mga katunayan ba ay nagpapatunay na humahadlang sa gawain ng Diyos ang asal at pag-uugali ng tao? Hindi humadlang ang mga ito sa gawain ng Diyos! Ang maliit na pananampalataya ba ng tao sa Diyos, at ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ay nakaapekto sa gawain ng Diyos? Hindi, walang naging epekto ang mga ito! Wala kahit maliit man lamang! Hindi naaapektuhan ng sinumang tao, o anumang bagay, o kapaligiran ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng Kanyang pinagpapasyahang gawin ay makukumpleto at matatapos sa itinakda Niyang oras at nang naaayon sa Kanyang plano, at ang Kanyang gawain ay hindi maaaring hadlangan ng sinumang tao. Binabalewala ng Diyos ang ilang aspeto ng kahangalan at kamangmangan ng tao, at maging ang ilang aspeto ng paglaban at kuru-kuro ng tao tungkol sa Kanya, at ginagawa Niya ang gawaing dapat Niyang gawin anuman ang nangyayari. Ito ang disposisyon ng Diyos, at ito ay nagpapakita ng Kanyang walang hanggang kapangyarihan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Inialay ni Abraham si Isaac

Genesis 22:2–3 At Kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka...

Ang Pangako ng Diyos kay Abraham

Ito ay isang walang bawas na pahayag ng pagpapala ng Diyos kay Abraham. Kahit maikli, ang nilalaman nito ay sagana: Kabilang dito ang dahilan, at pinagbabatayan, ng regalo ng Diyos kay Abraham, at kung ano ang ibinigay Niya kay Abraham.