Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Wala Silang Katayuan o Pag-asang Magkamit ng mga Pagpapala (Ikaapat na Seksiyon)
IV. Pag-uugali ng mga Anticristo Kapag Hindi Sila Itinataas ng Ranggo
May isa pang uri ng tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Dahil hindi hinahangad ng mga ganitong uri ng tao ang katotohanan, hindi sila gumaganap ng mahahalagang tungkulin, at dahil doon, bihira silang makaranas ng pagpupungos sa sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman naranasang matanggal sa kanilang mga tungkulin, at siyempre, napakadalang nilang mailipat sa ibang tungkulin. Pero, kapag hindi pa rin itinataas ang ranggo nila matapos nilang manampalataya sa Diyos nang ilang taon, nagsisimula na silang malimit na tasahin kung gaanong pag-asa ba ang mayroon sila na tumanggap ng mga pagpapala. Lalo na kapag nakikita nilang sinasabi ng mga salita ng Diyos na, “Hindi maaaring magtamo ng kaligtasan ang mga hindi naghahangad sa katotohanan,” pakiramdam nila ay napakaliit ng pag-asang pagpalain pa sila, at naiisip na tuloy nilang umatras. Ang ilan sa mga taong ito na hindi kailanman hinahangad ang katotohanan ay nagtataglay ng ilang kaalaman at kalakasan, at dahil hindi itinataas ang ranggo nila, hindi sila nasisiyahan at nagsisimula na silang magreklamo; gusto na nilang umatras pero natatakot sila na mawawala ang tsansa nilang pagpalain, pero kung hindi naman sila aatras, hindi pa rin naman itataas ang ranggo nila—pakiramdam nila ay nasa mahirap silang sitwasyon at kailangan nilang gumawa ng mahirap na desisyon. Ano ang masasabi ninyo tungkol sa bagay na ito? Bagama’t hindi hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan, medyo pala-aral at determinado naman ang ilan sa kanila; anuman ang tungkuling ginagawa nila, lagi silang handang matuto ng makabuluhang propesyonal na kaalaman, gusto nila palagi na itaas sila ng ranggo ng sambahayan ng Diyos, at kinasasabikan nila ang araw kung kailan maipapakilala nila ang kanilang sarili nang sa gayon ay magkaroon sila ng katayuan at ng iba’t ibang pakinabang na gusto nila. Sa panlabas, mukhang tahimik, di-kapansin-pansin, at masipag at metikuloso ang ganitong uri ng mga tao kapag kasama nila ang iba, pero puno ng ambisyon at pagnanais ang kanilang puso. Ano ang kasabihan nila? Dumarating ang oportunidad sa mga nakahanda para dito. Sa panlabas, hindi mo talaga sila mapapansin at hindi sila nagpapakitang-gilas, hindi sila nakikipagkompetensiya o nakikipag-agawan para sa mga bagay-bagay, pero mayroon silang “dakilang adhikain” sa kanilang puso. Kaya kapag may nakikita silang itinataas ng ranggo at nagiging lider o manggagawa sa iglesia, lalong sumasama ang loob nila at nadidismaya. Kahit sino pa man ang itinataas ang ranggo, nililinang, o binibigyan ng ilang mahahalagang papel, palagi itong nagiging isang dagok para sa kanila. Kahit na kapag binigyan ang isang tao ng mataas na pagpapahalaga, pagpuri, at pagsuporta ng mga kapatid, nagseselos sila at hindi sila masaya sa kanilang puso, at ang ilan pa nga sa kanila ay patagong lumuluha, madalas na tinatanong sa kanilang sarili, “Kailan ako bibigyan ng mataas na pagpapahalaga at manonomina? Kailan ako makikilala ng itaas? Kailan makikita ng isang lider ang mga kalakasan ko, ang mga merito ko, ang mga kaloob at talento ko? Kailan ako matataasan ng ranggo at malilinang?” Nababagabag sila at nagiging negatibo, pero ayaw nilang magpatuloy nang ganito, kaya patago nilang pinalalakas ang kanilang loob para huwag silang maging negatibo, para magkaroon sila ng matibay na determinasyon na magpunyagi, para hindi sila maapektuhan ng mga hadlang at hindi kailanman sumuko. Madalas nilang pinapaalalahanan ang kanilang sarili: “Isa akong taong may dakilang adhikain. Hindi ako dapat pumayag na maging isang ordinaryo, karaniwang tao, hindi ako dapat makontento na lang sa isang buhay na pangkaraniwan at maraming ginagawa. Dapat maging katangi-tangi ang pananalig ko sa diyos at magbunga ito ng magagandang resulta. Kung patuloy akong mamumuhay sa ganitong uri ng tahimik at pangkaraniwang buhay, sobrang karuwagan at nakakasakal iyon! Hindi ako puwedeng maging ganoong uri ng tao. Dodoblehin ko ang aking pagsisikap, susulitin ko nang husto ang bawat pagkakataon, babasahin at bibigkasin ko pang lalo ang mga salita ng diyos, matututo ng kaalaman at pag-aaralan ko pang lalo ang propesyong ito. Dapat magawa ko ang anumang kayang gawin ng ibang tao, at dapat maibahagi ko ang tungkol sa mga bagay na kayang ibahagi ng ibang tao.” Pagkatapos magtrabaho nang husto nang ilang panahon, saka naman magkakaroon ng eleksiyon sa iglesia, pero hindi pa rin siya nahahalal. Sa tuwing naghahanap ang iglesia ng isang taong lilinangin, itataas ng ranggo, at bibigyan ng mahalagang papel, hindi sila napipili; sa tuwing iniisip nilang may pag-asa sila na maitaas ng ranggo, nabibigo sila sa huli, at bawat kabiguan ay nagiging dahilan para masiraan sila ng loob at maging negatibo. Naniniwala silang napakalabong pagpalain sila sa kanilang pananalig sa Diyos, kaya naman naiisip nilang umatras. Pero ayaw nilang umatras, sa halip gusto nilang magpunyagi nang husto at magdusang muli. Habang lalo silang nagpupunyagi nang husto at nagdurusa sa ganitong paraan, lalo naman nilang inaasam-asam na mairekomenda sila ng isang tao, at maitaas ng ranggo. Lalo pa nila itong inaasam-asam, at sa bandang huli kabiguan pa rin ang napapala nila, at ganito sila pinahihirapan ng kanilang banidad at ng pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala. Pakiramdam nila ay parang sinusunog sila at pinaparaan sila sa apoy sa bawat kabiguan. Hindi nila makuha ang gusto nila; gusto nilang umatras pero pakiramdam nila ay hindi nila kaya; hindi nila maarok kung ano ang gusto nilang maarok, at pawang kabiguan, kalungkutan, at walang-katapusang paghihintay ang napapala nila. Gusto nilang umatras pero natatakot silang mawalan ng mga dakilang pagpapala, at habang lalo silang nagiging desperadong makakuha ng mga pagpapala, lalo namang hindi sila nakakakuha ng mga ito. Ang resulta nito ay na nahuhulog sila sa isang kalagayan kung saan palagi silang naiipit sa pagitan ng pag-asa nilang magtamo ng mga pagpapala at ng pahirap na dala ng kabiguan, at labis na nasasaktan ang kanilang puso dahil dito. Pero mananalangin ba sila sa Diyos tungkol sa bagay na ito? Hindi. Iniisip nila: “Ano ba ang mabuting magagawa ng pananalangin? Hindi ako pinupuri ng mga kapatid at hindi mataas ang tingin sa akin ng mga lider, kaya maaari ba akong pagbigyan ng diyos at bigyan ako ng mahalagang papel?” Alam nilang magdadala ng kabiguan sa kanila kung aasa sila sa ibang tao at wala ring kasiguruhan kung ilalagay nila sa Diyos ang pag-asa nila na pagpalain. Dahil nakita nilang sinasabi ng mga salita ng Diyos na, “Hindi maaaring magtamo ng kaligtasan ang mga hindi naghahangad sa katotohanan,” kaya nalulungkot sila at nadidismaya. Walang pumapansin sa kanila sa loob ng iglesia, at wala na silang makitang pag-asa. Kapag tinitingnan nila ang kanilang mga mukha, wala pa rin silang makitang anumang pag-asa na magtatamo sila ng mga pagpapala, at naiisip nila, “Dapat na ba akong umatras o manatili? Wala na ba talaga akong pag-asa na pagpalain?” Lumilipas ang mga taon na nag-aalinlangan sila at nagninilay-nilay sa mga bagay na ito nang paulit-ulit, at hindi pa rin sila natataasan ng ranggo o nalalagay sa isang mahalagang posisyon. Gusto nilang makipag-agawan para sa katayuan pero pakiramdam nila ay hindi iyon lubhang makatwiran o nararapat na gawin, nahihiya silang gawin ito, pero kung hindi naman sila makikipag-agawan para sa katayuan, kailan pa kaya maitataas ang ranggo nila at mabibigyan ng mahalagang papel? Naiisip nila ang mga taong nananampalataya sa Diyos na kasa-kasama nila, na dumadalo sa mga pagtitipon at kasama nilang gumaganap ng mga tungkulin. Napakarami sa kanila ang itinaas na ng ranggo at binigyan ng mahahalagang papel, samantalang sila mismo ay hindi makakuha ng mahalagang papel kahit gaano pa nila ito pagsikapan, at naguguluhan sila at wala silang landas pasulong. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan o nagbubukas ng kanilang sarili sa sinuman tungkol sa kanilang mga ideya, kanilang mga kalagayan, kanilang mga isipan at pananaw, kanilang mga paglihis at kakulangan—saradong-sarado ang kanilang puso sa iba. Mukhang matino naman silang kausap, at tila kumikilos naman sila sa medyo makatwirang paraan, pero napakatindi ng nasasaloob nilang mga ambisyon at mga pagnanais. Nagsisikap sila nang husto at nahihirapan, nagtitiis ng hirap at nagbabayad ng halaga para makamit ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais, at kaya nilang gugulin ang lahat ng bagay alang-alang sa pag-asa nilang pagpapalain sila. Pero, kapag hindi nila makita ang resultang gusto nilang makamit, napupuno sila ng pagkamapanlaban at galit sa Diyos, sa sambahayan ng Diyos, at maging sa lahat ng nasa iglesia. Kinamumuhian nila ang lahat dahil hindi nakikita ng mga ito ang kanilang pagsisikap, hindi nakikita ng mga ito ang kanilang mga kalakasan at mabubuting katangian, at kinamumuhian din nila ang Diyos dahil sa hindi Niya pagbibigay sa kanila ng mga oportunidad, dahil sa hindi pagtataas sa kanilang ranggo o pagbibigay sa kanila ng mahalagang papel. Dahil sa matinding selos at pagkamuhi sa kanilang puso, magagawa ba nilang mahalin ang kanilang mga kapatid? Magagawa ba nilang purihin ang Diyos? Mabibitiwan ba nila ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais para tanggapin ang katotohanan, gampanan nang maayos at praktikal ang kanilang tungkulin, at maging isang ordinaryong tao? Magagawa ba nila ang ganitong uri ng resolusyon? (Hindi.) Hindi lang sa wala silang ganitong paninindigan, wala nga rin silang pagnanais na makapagsisi. Pagkaraang ikubli ang kanilang sarili sa ganitong paraan sa loob ng napakaraming taon, lalo pang lumalakas nang lumalakas ang pagkamuhi nila sa sambahayan ng Diyos, sa mga kapatid, at maging sa Diyos. Gaano katindi ang kanilang nagiging pagkamuhi? Umaasa sila na sana ay hindi nagagawa ng kanilang mga kapatid ang mga tungkulin nila nang maayos, umaasa sila na matitigil ang gawain ng sambahayan ng Diyos at sana mauwi sa wala ang plano ng pamamahala ng Diyos, at umaasa pa nga sila na sana mahuli ng malaking pulang dragon ang kanilang mga kapatid. Kinamumuhian nila ang kanilang mga kapatid at kinamumuhian din nila ang Diyos. Inirereklamo nila na hindi matuwid ang Diyos, isinusumpa nila ang mundo dahil sa kawalan nito ng tagapagligtas, at lubusang nalalantad ang malademonyo nilang pagmumukha. Kadalasan ay tagong-tago ang ganitong uri ng tao, at napakahusay niyang magkunwari sa panlabas, nagpapanggap na mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagmahal, samantalang ang totoo niyan, isa siyang lobong nakadamit ng tupa. Hindi niya kailanman ibinubunyag ang lihim niyang masamang intensiyon, walang nakakakilatis sa kanya, at walang nakakaalam kung ano talaga ang ugali niya o kung ano ang kanyang iniisip. Nakikita ng mga nakakahalubilo niya nang ilang panahon na napakaseloso niyang tao, na palagi siyang nakikipagkompetensiya sa iba at palagi niyang gusto na siya ang bida, na sabik na sabik siyang maungusan ang iba, at na talagang gusto niyang makuha ang unang puwesto sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Ganito ang hitsura niya kung titingnan sa panlabas, pero ganito ba talaga siya? Ang totoo, mas malakas pa nga ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala; umaasa siya na, habang tahimik na nagtatrabaho nang mabuti, iginugugol ang kanyang sarili, at nagbabayad ng halaga, makikita ng iba ang mabubuti niyang katangian at ang mga kakayahan niya sa pagtatrabaho, nang sa gayon ay mabigyan siya ng mahalagang papel sa sambahayan ng Diyos. At ano ang resulta ng pagbibigay sa kanya ng mahalagang papel? Ito ay na mabibigyan siya ng mataas na pagpapahalaga ng lahat at matutupad na nila sa wakas ang engrande nilang hinahangad; maaari silang maging katangi-tanging tao kaysa sa iba, isang taong mataas ang pagtingin at tinitingala ng lahat, at ang matagal na panahon ng kanilang pagtitiyaga, pagbabayad ng halaga at pagsisikap, ay magiging sulit—ito ang mga kinikimkim na mga ambisyon at mga pagnanais ng mga taong ito sa kaibuturan ng kanilang puso.
Hindi hinahangad ng ganitong uri ng mga tao ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang laging maitaas ng ranggo at mabigyan ng mahalagang papel sa sambahayan ng Diyos. Sa puso nila, naniniwala silang habang mas may kakayahan ang isang tao sa gawain, lalo naman siyang makakatanggap ng mahahalagang posisyon, habang lalo siyang itinataas ng ranggo at iginagalang sa sambahayan ng Diyos, lalong lumalaki ang tsansa niyang makatanggap ng mga pagpapala, isang korona, at mga gantimpala. Naniniwala silang kapag walang gaanong kakayahan ang isang tao sa kanyang gawain, o wala siyang partikular na kadalubhasaan, hindi siya kalipikadong pagpalain. Iniisip nilang maaaring magsilbing kapital para makatanggap ng mga pagpapala at gantimpala ang mga kaloob, kadalubhasaan, abilidad, kasanayan, antas ng edukasyon, kakayahan sa gawain ng isang tao, at maging ang diumano ay mga kalakasan at merito sa loob ng kanyang pagkatao na pinapahalagahan sa mundo gaya ng determinasyon niyang maungusan ang iba at ang di-natitinag niyang saloobin. Anong uri ng pamantayan ito? Isa ba itong pamantayan na naaayon sa katotohanan? (Hindi.) Hindi ito ayon sa mga pamantayan ng katotohanan. Kung ganoon, hindi ba ito ang lohika ni Satanas? Hindi ba ito ang lohika ng isang buktot na kapanahunan, at ng buktot na makamundong mga kalakaran? (Ito nga.) Batay sa lohika, mga pamamaraan at pamantayan na ginagamit ng mga taong tulad nito para tasahin ang mga bagay-bagay, kasama na ang saloobin at diskarte nila sa mga bagay na ito, para bang lumalabas na hindi nila kailanman narinig o nabasa ang mga salita ng Diyos, na ganap silang mangmang tungkol sa mga ito. Pero ang totoo, pinapakinggan nila, binabasa, at dinadasal-binabasa nila ang mga salita ng Diyos araw-araw. Kung ganoon, bakit hindi nagbabago kahit kailan ang kanilang perspektiba? Isang bagay ang tiyak—kahit gaano pa nila pakinggan o basahin ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman makatitiyak sa kanilang puso na ang mga salita ng Diyos nga ang katotohanan, at na ang mga ito ang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng bagay; hindi nila mauunawaan o tatanggapin ang katunayang ito mula sa kanilang puso. Kaya, kahit gaano pa kakatwa at kasama ang pananaw nila sa buhay, panghahawakan nila ito habambuhay, at kahit gaano pa katama ang mga salita ng Diyos, tatanggihan at kokondenahin nila ang mga ito. Ito ang malupit na kalikasan ng mga anticristo. Sa oras na mabigo silang makakuha ng mahalagang papel, at hindi natupad ang kanilang mga pagnanais at ambisyon, nabubunyag ang pagkadiyablo nila, nahahayag ang malupit nilang kalikasan, at gusto na nilang itatwa na mayroon ngang Diyos. Ang totoo, bago pa man nila itinatwa na mayroon ngang Diyos, itinatatwa na nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ito ay dahil mismo sa itinatatwa ng kanilang kalikasang diwa ang katotohanan, at itinatatwa nila na ang mga salita ng Diyos ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay, na nagagawa nilang tumingin sa Diyos sa ganitong may pagkamapanlaban na paraan, at iniisip ang pagtatatwa, pagkakanulo, at pagtatakwil sa Diyos, at ang pang-iiwan sa sambahayan ng Diyos kapag hindi pa rin sila nailalagay sa isang mahalagang posisyon matapos ang lahat ng pagkakalkula, pagpaplano, at pagpapakahirap na iyon na ginawa nila. Kahit na mukhang hindi sila nakikipag-agawan sa ibang tao para sa kapangyarihan at pakinabang, o nagsasarili ng landas, o hayagang nagtatayo ng kanilang nagsasariling kaharian o namamahala ng sarili nilang katayuan, makikita natin mula sa kalikasang diwa nila na lubos silang mga anticristo. Iniisip nilang tama ang anumang paghahangad nila, at kahit ano pa ang sabihin ng mga salita ng Diyos, para sa kanila hindi na dapat banggitin o pakinggan pa ang mga salitang ito, at siguradong hindi nararapat gamitin ang mga ito. Anong uri ng basura ang mga taong ganito? Walang kahit anong epekto sa kanila ang mga salita ng Diyos; hindi sila napapakilos ng mga ito, ni hindi naaantig ng mga ito ang kanilang puso o walang dating para sa kanila ang mga ito. Kung ganoon, ano ang pinahahalagahan nila? Ang mga kaloob, talento, abilidad, kaalaman, at estratehiya ng mga tao, maging ang kanilang mga ambisyon at ang kanilang mga engrandeng plano at pinagkakaabalahan. Ito ang mga bagay na pinahahalagahan nila. Ano ba ang lahat ng bagay na ito? Mga bagay ba ito na pinahahalagahan ng Diyos? Hindi. Mga bagay ito na dinadakila at pinahahalagahan ng mga tiwaling tao, at ito rin ang mga bagay na pinahahalagahan at sinasamba ni Satanas. Salungat mismo ito sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa kung ano ang mga hinihingi Niya sa mga taong inililigtas Niya. Pero hindi kailanman naisip ng mga taong tulad nito na kay Satanas ang mga bagay na ito, na buktot at laban ang mga ito sa katotohanan. Sa halip, pinahahalagahan nila ang lahat ng bagay na ito, at pinanghahawakan nila nang matatag at matibay ang mga ito, at higit ang tingin nila sa mga ito kaysa sa anupamang bagay, at ginagamit nila ang mga ito bilang kapalit ng paghahangad at pagtanggap sa katotohanan. Hindi ba’t lubhang mapaghimagsik iyon? At sa bandang huli, ano ang tanging kalalabasan ng kanilang matinding paghihimagsik, at ang kawalan nila ng katwiran? Hindi na posibleng maligtas ang mga taong ito, at walang sinuman ang makapagpapabago sa kanila. Nakatadhana na sila para sa ganitong uri ng kalalabasan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t mga tao itong lihim lang na pinapalakas ang kanilang sarili at naghihintay ng tamang pagkakataon? Ang prinsipyong sinusunod nila ay na kikinang ang ginto sa malao’t madali, na dapat matuto silang palihim na palakasin ang kanilang sarili, mag-antabay, at maghintay ng tamang pagkakataon, at pansamantala ay maghanda, at magplano para sa kanilang kinabukasan, at para sa kanilang mga ninanais at pinapangarap. Batay sa mga prinsipyong sinusunod nila, ang kanilang mga prinsipyo para mabuhay, ang mga layong hinahangad nila, at kung ano ang inaasam-asam nila sa kaibuturan ng kanilang diwa, ganap na mga anticristo nga ang mga taong ito. Sinasabi ng ilang tao, “Pero hindi ba’t nagtatayo ang mga anticristo ng kanilang mga nagsasariling kaharian, at nakikipag-agawan para sa katayuan?” Kung magkagayon, may kakayahan ba ang mga taong tulad nito na magtatag ng nagsasariling kaharian matapos magkamit ng kapangyarihan? May kakayahan ba silang pahirapan ang mga tao? (Oo.) Kapag sila ay nagkaroon na ng kapangyarihan, magagawa na kaya nilang gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Magagawa na kaya nilang hangarin ang katotohanan? Magagawa na kaya nilang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos? (Hindi.) Ano kaya ang mangyayari kung bibigyan ng mahalagang posisyon ang mga taong tulad nito? Itataas nila sa ranggo ang mga may-kaloob, mahuhusay magsalita, at marurunong, magagawa man nila o hindi ang gawain; itataas nila sa ranggo ang mga taong katulad nila, habang pinapanatili naman sa ibaba ang lahat ng tamang taong iyon, na may espirituwal na pang-unawa, naghahangad sa katotohanan, at matatapat. Kapag nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon, hindi ba’t nalalantad ang anticristong diwa ng mga taong tulad nito? Hindi ba’t nagiging halatang-halata naman ito? May ilang tao na hindi talaga naunawaan nang sabihin Ko noong una na anticristo ang lahat ng gustong umatras kapag hindi sila nakakakuha ng mahalagang papel at walang pag-asang pagpalain. Pero nakikita mo na ba ngayon na mga anticristo nga sila? (Oo.)
Kapag natatanggal ang ilang tao mula sa kanilang posisyon bilang lider at naririnig nilang sinasabi ng Itaas na hindi na sila lilinangin o gagamitin ulit, labis silang nalulungkot, at umiiyak nang husto, na para bang itinitiwalag na sila—anong problema ito? Ang hindi ba paglinang o paggamit ulit sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag na sila? Ibig bang sabihin nito ay hindi na sila maaaring magtamo ng kaligtasan? Napakahalaga ba talaga para sa kanila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, dapat siyang magnilay-nilay sa kanyang sarili kapag nawala ang kanyang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at maramdaman ang tunay na pagsisisi; dapat niyang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magbagong-buhay, at huwag masyadong sumama ang kanyang loob o umiyak nang husto. Kung alam niya sa kanyang puso na tinanggal siya ng sambahayan ng Diyos dahil hindi siya gumawa ng tunay na gawain at hindi niya hinangad ang katotohanan, at naririnig niyang sinasabi ng sambahayan ng Diyos na hindi na siya muling itataas ng ranggo, dapat siyang mahiya, na may utang na loob siya sa Diyos, at na binigo niya ang Diyos; dapat alam niya na hindi siya karapat-dapat na gamitin ng Diyos, at sa ganitong paraan maituturing siyang may kaunting katwiran. Gayumpaman, nagiging negatibo siya at sumasama ang loob niya kapag naririnig niyang hindi siya lilinangin o gagamitin ulit ng sambahayan ng Diyos, at ipinapakita nitong naghahangad siya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Ganito katindi ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, at ganito niya pinahahalagahan nang husto ang katayuan at hindi siya gumagawa ng aktuwal na gawain, kaya dapat lang siyang tanggalin, at dapat niyang pagnilayan at maunawaan ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon. Dapat alam niyang mali ang landas na kanyang sinusundan, na tinatahak niya ang landas ng isang anticristo sa pamamagitan ng paghahangad sa katayuan, kasikatan, at pakinabang, na hindi lang sa hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga ito, kundi sasalungatin pa ng mga ito ang Kanyang disposisyon, at kung gagawa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, parurusahan din siya ng Diyos. Hindi ba’t may ganito rin kayong problema? Hindi ba’t hindi kayo magiging masaya kung sasabihin Ko ngayon na wala kayong espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Kapag narinig ng ilang tao na sinabi ng isang may mataas na antas na lider na wala silang espirituwal na pang-unawa, pakiramdam nila ay wala silang kakayahang unawain ang katotohanan, na siguradong ayaw sa kanila ng Diyos, na wala silang pag-asang pagpalain; pero sa kabila ng katunayan na sila ay nalulungkot, normal pa rin nilang nagagawa ang kanilang tungkulin—may kaunting katwiran ang gayong mga tao. Kapag naririnig ng ilang tao na may nagsasabing wala silang espirituwal na pang-unawa, nagiging negatibo sila at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Iniisip nila, “Sinasabi mong wala akong espirituwal na pang-unawa—hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala na akong pag-asang pagpalain? Yamang hindi na ako makakakuha ng anumang pagpapala sa hinaharap, para saan at nananampalataya pa ako? Hindi ko tatanggapin na papagserbisyuhin ako. Sino ang magpapagal para sa iyo kung wala naman silang makukuhang kapalit? Hindi ako ganoon kahangal!” May taglay bang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? Napakaraming biyaya ang tinatamasa nila mula sa Diyos subalit hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob, at ayaw pa nga nilang magserbisyo. Katapusan na ng mga taong tulad nito. Ni hindi nga nila kayang magserbisyo hanggang sa huli at wala silang tunay na pananalig sa Diyos; sila ay mga hindi mananampalataya. Kung mayroon silang sinserong puso para sa Diyos at tunay na pananalig sa Diyos, kahit gaano pa sila tayahin, magbibigay-daan lang ito para mas tunay at mas tumpak nilang makikilala ang kanilang sarili—dapat nilang harapin ang bagay na ito nang tama at huwag hayaang makaapekto ito sa kanilang pagsunod sa Diyos o pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit pa hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, dapat handa pa rin silang magserbisyo sa Diyos hanggang sa huli, at maging masaya na gawin iyon, nang walang mga reklamo, at dapat payagan nila ang Diyos na patnugutan sila sa lahat ng bagay—kapag nangyari iyon saka lang sila magiging isang taong may konsensiya at katwiran. Nasa mga kamay na ng Diyos kung tatanggap man ng mga pagpapala o magdurusa ng matinding sakuna ang isang tao, may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa bagay na ito at Siya ang nagsasaayos nito, at hindi ito isang bagay na mahihiling o mapagtatrabahuhan ng mga tao. Sa halip, nakadepende ito sa kung kaya ba ng taong iyon na sundin ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang katotohanan, at gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—susuklian ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Kung may kaunting sinseridad gaya nito ang isang tao, at ibinubuhos niya ang buong lakas na makakaya niya sa tungkuling dapat niyang gawin, kung gayon ay sapat na iyon, at makukuha niya ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Sa kabilang dako, kung hindi naman ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin nang tama at gumagawa pa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, pero sa kabila niyon ay gusto pa rin niyang makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, hindi ba’t ang pag-asta nila nang ganito ay lubhang wala sa katwiran? Kung pakiramdam mo ay hindi mo napagbutihan ang trabaho, na gumugol ka ng matinding pagsisikap pero hindi mo pa rin nagawang harapin ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, at pakiramdam mo ay may pagkukulang ka sa Diyos, pero pinagpapala ka at pinagpapakitaan ka Niya ng biyaya, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay pinagpapakitaan ka ng Diyos ng pabor? Kung nais ng Diyos na pagpalain ka, isang bagay iyon na hindi maaagaw ninuman. Maaaring iniisip mo na hindi mo napagbutihan ang trabaho, pero sa pagtataya ng Diyos, sinasabi Niyang sinsero ka at ibinigay mo naman ang lahat ng iyong makakaya, at nais Niyang pagpakitaan ka ng biyaya at pagpalain ka. Walang anumang ginagawa ang Diyos na mali, at dapat mong purihin ang Kanyang pagiging matuwid. Anuman ang ginagawa ng Diyos, laging tama ito, at kahit pa nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol sa ginagawa ng Diyos, naniniwalang hindi naisasaalang-alang ng mga bagay na ginagawa Niya ang damdamin ng mga tao, na hindi ito ayon sa gusto mo, magkagayon man, dapat mo pa ring purihin ang Diyos. Bakit dapat mong gawin ito? Hindi ninyo alam ang dahilan kung bakit, tama ba? Ang totoo, napakadali lang ipaliwanag nito: Ito ay dahil ang Diyos ay Diyos at ikaw ay tao; Siya ang Lumikha, at ikaw naman ay isang nilikha. Hindi ka kalipikadong hilinging kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan o na tratuhin ka Niya sa isang partikular na paraan, ngunit kalipikado ang Diyos na humingi ng anuman sa iyo. Ang mga pagpapala, biyaya, mga gantimpala, at mga korona—kung paano ipinagkakaloob ang mga bagay na ito at kung kanino ipagkakaloob ang mga ito, ang Diyos ang bahalang magpasya niyon. Bakit ang Diyos ang bahalang magpasya nito? Pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; hindi pinagsamang pag-aari ang mga ito sa pagitan ng tao at ng Diyos na maaaring pantay na hatiin sa pagitan nila. Sa Diyos ang mga ito, at ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa mga pinangakuan Niyang pagkakalooban ng mga ito. Kung hindi ipinangako ng Diyos na ipagkaloob ang mga ito sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop sa Kanya. Kung titigil ka sa pananampalataya mo sa Diyos dahil dito, anong mga problema ang malulutas niyon? Titigil ka ba sa pagiging isang nilikha? Matatakasan mo ba ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hawak pa rin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at isa itong hindi mababagong katotohanan. Ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring itumbas sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng tao, ni hindi rin kailanman sasailalim sa anumang pagbabago ang mga bagay na ito—ang Diyos ay magpakailanman na Diyos, at ang tao ay habambuhay na tao. Kung kaya itong unawain ng isang tao, ano, kung gayon, ang dapat niyang gawin? Dapat siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamakatwirang paraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bukod dito, wala nang iba pang landas na maaaring piliin. Kung hindi ka magpapasakop, kung gayon, mapaghimagsik ka, at kung masuwayin ka at nakikipagtalo, napakamapaghimagsik mo, at dapat kang lipulin. Ang magawang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nagpapakitang may katwiran ka; ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao, at tanging ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga nilikha. Halimbawa, sabihin na nating mayroon kang isang maliit na pusa o aso—kalipikado ba ang pusa o asong iyon na hilingin sa iyo na ibili mo ito ng iba’t ibang klase ng malalasang pagkain o magagandang laruan? May anumang pusa o aso ba na lubhang wala sa katwiran para humingi sa kanilang mga amo ng kung ano ang gusto nila? (Wala.) At may anumang aso ba na pipiliing hindi makasama ang amo nito matapos makitang mas maganda ang buhay ng aso na nasa kabilang bahay kaysa sa kanya? (Wala.) Ang natural nilang gagawin ay ang isiping, “Binibigyan ako ng pagkain at ng matutuluyan ng aking amo, kaya dapat bantayan ko ang bahay para sa aking amo. Kahit pa nga hindi ako bigyan ng amo ko ng pagkain o bigyan ng pagkaing hindi naman masarap, dapat bantayan ko pa rin ang kanyang tahanan.” Walang ibang di-wastong kaisipan ang aso maliban sa nararapat nitong gawin. Mabuti man ang amo nito sa kanya o hindi, masayang-masaya na ang aso sa tuwing umuuwi ng bahay ang kanyang amo, palaging ikinakawag ang buntot nito, at talagang masayang-masaya. Naiibigan man siya o hindi ng kanyang amo, ibinibili man siya ng kanyang amo ng malalasang bagay na makakain o hindi, laging ganoon pa rin ang pakikitungo nito sa kanyang amo, at binabantayan pa rin niya ang tahanan nito. Kung pagbabatayan natin ito, hindi ba’t mas masama ang mga tao kaysa sa mga aso? (Oo.) Palaging hingi nang hingi ang mga tao sa Diyos, at palaging naghihimagsik laban sa Kanya. Ano ang ugat ng problemang ito? Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, hindi nila kayang manatili sa lugar ng mga nilikha, kaya naman nawawala ang katutubo nilang kalikasan at nagiging mga Satanas; ang katutubo nilang mga kalikasan ay nagiging isang satanikong kalikasan para labanan ang Diyos, itakwil ang katotohanan, gumawa ng masama, at para hindi magpasakop sa Diyos. Paano ba muling maibabalik ang katutubo nilang kalikasan bilang mga tao? Dapat silang magkaroon ng konsensiya at katwiran, para gawin ang mga bagay na nararapat gawin ng isang tao, para gawin ang tungkuling nararapat nilang gawin. Parang kung paanong binabantayan ng isang aso ang isang tahanan, at kung paanong nanghuhuli ng mga daga ang isang pusa—paano man sila tratuhin ng kanilang amo, ginagamit nila ang buong lakas na mayroon sila para gawin ang mga bagay na ito, ibinubuhos nila ang sarili nila sa mga gampaning ito, at nananatili sila sa kanilang lugar at ginagamit nang husto ang kanilang katutubong kalikasan, kaya naman naiibigan sila ng kanilang amo. Kung magagawa ito ng mga tao, hindi na kakailanganin pang sabihin ng Diyos ang lahat ng salitang ito o bigkasin ang lahat ng katotohanang ito. Sobrang tiwali ang mga tao, wala silang katwiran at konsensiya, at mababa ang kanilang integridad; palaging nagdudulot ng problema ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nabubunyag sa kanila, iniimpluwensiyahan ang kanilang mga pagpapasya at pag-iisip, nagiging dahilan para maghimagsik sila laban sa Diyos at hindi makapagpasakop sa Kanya, at nagiging dahilan ito para lagi silang magkaroon ng mga sarili nilang personal na kagustuhan, ideya, at preperensiya, at kaya hindi kailanman mananaig sa kanila ang katotohanan, at hindi ito puwedeng maging buhay nila. Ang lahat ng ito ang dahilan kung bakit dapat silang hatulan ng Diyos, subukin sila at pinuhin sila sa pamamagitan ng Kanyang mga salita—ito ay para maligtas sila. Sa kabilang banda, laging mga negatibong papel ang ginagampanan ng mga anticristo sa mga tao. Ganap na mga demonyo at Satanas talaga sila; hindi lang sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi rin nila kinikilala na mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at sapilitan rin silang nangunguha, sa kagustuhang magtamo ng mga pagpapala, ng korona, at mga gantimpala mula sa Diyos. Gaano kalayo ang nararating nila sa kanilang pagsisikap? Hanggang sa puntong wala na talaga silang kahihiyan at lubos na wala sa katwiran. Kung, matapos gumawa ng iba’t ibang uri ng masasamang bagay, naibunyag at naitiwalag sila, magtatanim sila ng sama ng loob sa puso nila. Susumpain nila ang Diyos, susumpain ang mga lider at manggagawa, at kamumuhian nila ang iglesia at ang lahat ng tunay na mananampalataya. Inilalantad nito nang husto ang pangit na hitsura ng lahat ng masasamang tao at mga anticristo.
Ang ikalabindalawang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ay: gusto nilang umatras kapag wala silang katayuan o pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Gagawin nating simple ang ating usapan tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng pag-atras. Ang literal na kahulugan ng pag-atras ay ang pag-atras mula sa isang puwesto papunta sa ibang puwesto—tinatawag itong “pag-atras.” Palaging may mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan sa loob ng sambahayan ng Diyos na kusang iniiwan ang iglesia at ang mga kapatid dahil tutol sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at sa pakikinig sa mga sermon, at ayaw nilang gumawa ng kanilang tungkulin—tinatawag itong pag-atras. Pag-atras ito sa literal na pakahulugan ng salita. Gayumpaman, kapag ang isang tao ay talagang natukoy na sa paningin ng Diyos na umatras na, ito ay hindi lang talaga usapin ng paglisan niya sa sambahayan ng Diyos, ng hindi na pagkakita sa kanya, at ng kanyang pagkatanggal mula sa mga talaan ng iglesia. Ang totoo ay na kapag hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, gaano man kalaki ang kanyang pananalig, at kinikilala man niya na mananampalataya siya ng Diyos, pinatutunayan nito na hindi niya kinikilala sa puso niya na umiiral ang Diyos, o na katotohanan ang Kanyang mga salita. Para sa Diyos, ang taong iyon ay umatras na at hindi na mabibilang na miyembro ng Kanyang sambahayan. Ang mga hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isang uri ng mga tao na umatras na. Ang isa pang uri ay ang mga taong hindi kailanman nakikibahagi sa buhay iglesia, at hindi kailanman lumalahok sa mga aktibidad na may kinalaman sa buhay iglesia, gaya ng kapag umaawit ng mga himno ang mga kapatid, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nagbabahagi tungkol sa kanilang mga personal na karanasan at pagkaunawa nang sama-sama. Tingin ng Diyos ay umatras na ang mga taong ito. May isa pang uri: ang mga tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Anuman ang hilingin sa kanila ng sambahayan ng Diyos, anumang uri ng gawain ang gusto nitong ipagawa sa kanila, alinmang tungkulin ang ipagawa nito sa kanila, sa kapwa malalaki at maliliit na bagay, maging sa isang bagay na napakasimple gaya ng pagpapasa nila ng paminsan-minsang mensahe—ayaw nilang gawin ito. Sila, na nagsasabing mga mananampalataya umano sila ng Diyos, ay hindi man lang nakagagawa ng mga gampaning maaaring hilingin sa isang walang pananampalataya na tumulong. Ito ay pagtanggi na tanggapin ang katotohanan at pagtanggi na gawin ang isang tungkulin. Gaano man sila hinihimok ng mga kapatid, tinatanggihan nila at hindi tinatanggap ito; kapag nagsasaayos ang iglesia ng ilang tungkulin na gagawin nila, binabalewala nila ito at nagbibigay sila ng napakaraming dahilan para tanggihan ito. Ang mga ito ay mga taong tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Para sa Diyos, ang gayong mga tao ay umatras na. Ang pag-atras nila ay hindi usapin ng pagpapaalis sa kanila ng sambahayan ng Diyos o pagtanggal sa kanila mula sa mga talaan nito; sa halip, ito ay sa kawalan nila ng totoong pananalig—hindi nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya ng Diyos. Ang sinumang naaakma sa isa sa tatlong kategoryang ito ay isang taong umatras na. Isa ba itong tumpak na depinisyon? (Oo.) Kung hindi ka nagbabasa ng mga salita ng Diyos, maibibilang ka bang isang mananampalataya sa Diyos? Kung hindi mo isinasabuhay ang buhay iglesia, kung hindi ka nakikisalamuha o nakikihalubilo sa iyong mga kapatid, maibibilang ka bang isang mananampalataya? Lalong hindi. Bukod dito, kung tumatanggi kang gampanan ang iyong tungkulin, at ni hindi mo tinutupad ang mga obligasyon mo bilang isang nilikha, mas malala pa iyon. Ang tatlong uri ng mga taong ito ay ang mga nakikita ng Diyos na umatras na. Hindi ito dahil sa pinatalsik o pinaalis sila sa sambahayan ng Diyos; sa halip, kusang-loob silang umatras, at kusang-loob na sumuko. Lubos na ibinubunyag ng kanilang ugali na hindi nila minamahal o tinatanggap ang katotohanan, at sila ay mga klasikong halimbawa ng mga taong ang habol lang ay ang makinabang hangga’t nais at ang maghangad ng mga pagpapala.
Oktubre 17, 2020
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.