Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao (Ikaapat na Seksiyon)
B. Pagpapakitang-gilas sa Kanilang mga Kalakasan Para Sambahin Sila ng mga Tao
Bukod sa paggamit ng maliliit na pabor, na tinalakay lang natin, anong iba pang mga diskarte ang karaniwan o regular na ginagamit ng mga anticristo para kunin ang loob ng mga tao? Halimbawa, sabihin nating may masamang impresyon ang lahat sa isang lider. Iniisip ng mga tao na walang talento ang lider na ito, na mga salita at doktrina lang ang kaya niyang sabihin, at na wala siyang totoong pagkaunawa sa katotohanan. Kung malalaman ng lider na iyon na kinikimkim ng mga tao ang ganitong uri ng impresyon sa kanya, gagawin ba niya ang lahat ng makakaya niya para itago ang mga kamalian at kahinaang ito? (Oo.) Ano ang gagawin niya? Anong uri ng mga bagay ang sasabihin niya? Ang pagpapanggap na magtatapat ay isang aspekto nito. Ano pa? (Pagpapalusot.) Ang pagpapalusot ay nagsisilbi ring paraan ng pagtatago. Dagdag pa rito, maaaring gamitin ng lider ang kanyang mga kalakasan at ang mga bagay na mahusay sa pananaw ng iba para itago ang mga kahinaan niya. Isa ba itong karaniwang diskarte? (Oo.) Halimbawa, sinabi ng isang tao, “Maikling panahon pa lang akong nananampalataya sa diyos, kaya bakit ako piniling lider? Ito ay dahil may pinatakbo akong kumpanya sa sekular na mundo, at dumami ang aming mga tauhan mula 10 tao hanggang 200, na nagpapakitang may kakayahan ako sa pamumuno. Kahit na walang ikinakabit na importansya ang sambahayan ng diyos sa ganoong mga bagay, kapaki-pakinabang ang kakayahang ito sa ilang sitwasyon, tama?” Matapos marinig ito, hindi sasang-ayon ang iba, kaya magpapatuloy ang taong ito sa palabas niya at sasabihin, “Halimbawa, kung kakausapin mo ang mga empleyado mo, pero hindi sila nakikinig, ano ang dapat mong gawin? Makikinig sila sa iyo kapag nagkamit ka ng magagandang resulta. Nailatag ko na ang patunay ko: Naisapubliko na ang kumpanya ko!” Sa una, maaaring sabihin ng ilan na isa itong regalo, na ganito ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay, pero may mga pamamaraan at resulta talaga sa pagkilos ng taong ito, kaya may ilang tao na mula sa pagdududa sa kanya ay nagtitiwala sa kanya, hanggang sa hindi namamalayan ay nagsisimula na nilang sambahin siya, unti-unti, habang kumikilos sila. Dagdag pa, inililihis ng taong ito ang iba, at itinatago ang sarili niyang mga kakulangan; nabili niya ang puso ng mga tao nang hindi nalalaman ng mga ito, nailihis niya ang mga ito, at yumuyukod sa kanya ang mga ito. Hindi ba’t isa itong diskarte? (Oo.) Ano ito? Ito ang paggawa ng isang tao ng lahat ng makakaya niya para magpakitang-gilas ng kadalubhasaan at mga kaloob niya at ipagyabang ang kanyang mga kakayahan at kasanayan. Ano ang pakay ng mga pagkilos na ito? Ito rin ay para kunin ang loob ng ibang tao. Para kunin ang loob ng ibang tao, bukod sa pamimigay ng ilang magagandang bagay, kailangan din niyang mahikayat ang iba na igalang siya. Kung ordinaryong tao lang siya, o isang hindi edukadong tao na walang masyadong pinag-aralan, sino ang gagalang sa kanya? Samakatwid, sadyang ipinapangalandakan ng taong ito ang kanyang mga diploma, ipinapaalam sa mga tao na mayroon siyang matataas na digri at matataas na akademikong kredensiyal, at dahil dito, naililihis niya ang ilang tao. Ginagawa niya ang lahat para magpakitang-gilas ng kanyang mga kaloob, kadalubhasaan, at kakayahan para makumbinsi ang ibang tao na magkaroon ng mataas na pagtingin at magandang impresyon sa kanya, at para madalas pa ngang maisip ng mga tao o magkaroon sila ng awtomatikong reaksyon na hingin ang payo niya habang ginagawa ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t ang lahat ng ginagawa niya para makamit ang layong ito ay isa ring estratehiya para sa pagkuha ng loob ng mga tao? May dalawang pagpapamalas ang mga anticristo sa pagkuha ng loob ng mga tao. Ang una ay paggamit ng maliliit na pabor. Ang pangalawa ay pagpapakitang-gilas ng sarili nilang mga kakayahan at kaloob, sa madaling salita, ang mga bagay na ginagawa silang superyor, at paggamit sa pamamaraang ito para matalo ang iba pa, para naiiba sila sa karamihan, at para igalang sila ng iba, hangaan sila, buong-pusong lumapit sa kanila para sundin ang mga utos nila at tanggapin ang pamumuno nila, at buong-puso pa ngang tanggapin at sundin ang lahat ng kanilang pagsasaayos. Hindi ba’t isa itong anyo ng sikolohikal na pag-atake? (Oo.) Ang pagkuha ng loob ng ibang tao ay isang uri ng sikolohikal na pag-atake. Ano ang ibig sabihin ng “sikolohikal na pag-atake”? Isa itong paraan ng pagsakop at pagkontrol ni Satanas sa puso ng mga tao. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao. Nilulupig at nakakamit Niya ang puso ng mga tao. Kaya bakit hindi ginagamit ang katagang “makamit ang puso ng mga tao” kapag tumutukoy kay Satanas at sa mga anticristo? Ito ay dahil gumagamit si Satanas at ang mga anticristo ng mga abnormal at buktot na diskarte para kamkamin, ilihis, akitin, at kontrolin ang puso ng mga tao, upang walang magawa ang mga tao kundi magkaroon ng mataas na pagtingin sa mga ito at lubos na igalang at hangaan ang mga ito.
Katatapos lang nating magbahagi tungkol sa dalawang taktika sa pagkuha ng loob ng mga tao. Ano pang mga tipikal na taktika ang mayroon? Kung hindi pa ninyo nararanasan ang mga taktika at pamamaraang ginagamit ng mga anticristo para ilihis at pigilan ang mga tao, maaari ninyong tingnan ang inyong mga sarili para makita kung paano kayo kumpara sa kanila. Tingnan ninyo kung tinataglay ninyo ang mga pagpapamalas na ito. Ang lahat ng namumuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ay nagtataglay ng mga bagay na ito. Ang pagbibigay ng maliliit na pabor, panlilihis sa mga tao, pang-aakit sa mga tao—hindi ba’t ito ay mga bagay na madalas ninyong gawin? At ang paggawa ng lahat ng makakaya ninyo para magpakitang-gilas ng inyong mga kaloob at kalakasan—hindi ba’t isa rin iyong bagay na madalas ninyong gawin? (Oo.) Sa partikular, kapag may ginawa kayong isang bagay na taliwas sa katotohanan, kapag nalantad ang inyong mga kahinaan at kakulangan, at pati na kapag pinungusan kayo at talagang napahiya kayo at nawala ang bawat hibla ng katanyagan ninyo, hindi ba’t ginagawa ninyo ang mga bagay na tulad ng paggamit ng mga pamamaraan at diskarteng ito para remedyuhan ang sitwasyon at para ibalik ang inyong posisyon at katanyagan sa puso ng mga tao? (Ginagawa rin namin ang ganitong mga uri ng mga bagay.) Kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na ito, mayroon ba kayong kamalayan, at nararamdaman ba ninyo na ito ang maling landas at na hindi ninyo ito puwedeng gawin? Nakakaramdam ba kayo ng paninisi sa sarili? Madalas ba kayong walang pakialam dito, o na mayroon kayong paninisi sa sarili, pero dapat pa ring gawin ang mga bagay na ito, sa kabila ng inyong mga sarili, dahil napakahalaga sa inyo ng reputasyon at imahe ninyo? Alin ito? (Ginagawa pa rin namin ang mga ito kahit na hindi namin gusto.) Ginagawa ninyo ito kahit na hindi ninyo gusto—kung gayon, nakakaramdam ba kayo ng paninisi sa sarili? O hindi ba talaga ninyo ito nararamdaman, kundi binabalewala ang mga bagay na iyon kapag nagawa na ninyo ang mga ito, at nagpapatuloy lang kayo sa pagkain at pagtulog gaya ng ginawa ninyo dati? (Nakakaramdam kami ng paninisi sa aming sarili.) Kung nakakaramdam kayo ng kaunting paninisi sa inyong sarili, hindi iyon ganoon kalala. Pinapatunayan nitong hindi pa ganoon kalalim ang pagkamanhid ninyo—nagtataglay pa rin kayo ng kamalayan. Ang mga taong may kamalayan ay may pag-asang maligtas; iyong mga taong wala nito ay walang pagkatao, kaya nasa panganib sila.
C. Pagpapakitang-tao para Ilihis ang mga Tao at Makuha ang Kanilang Pagsang-ayon
Ano pang mga diskarte ang karaniwang ginagamit ng mga anticristo para kunin ang loob ng mga tao? May isa pang sitwasyon, na anuman ang ginagawa ng mga anticristo, hindi nila ito ginagawa sa harapan ng Diyos, kundi sa harapan ng mga tao. Ano ang layon nila roon? (Ang akitin ang mga tao.) Ito ay ang akitin ang puso ng mga tao. Sa panlabas, mas handa silang magdusa at magbayad ng halaga kaysa sa iba; mukha silang mas espirituwal kaysa sa iba, mas tapat sa Diyos, at mas seryoso sa tungkulin nila. Pero kapag walang nagbabantay sa kanila, hindi sila ganoon kumilos. Hindi nila tunay na intensyong kumilos sa ganoong paraan; sa halip, may nakatago silang motibo. Ganoon sila umasal sa harap ng iba para makita ng mga taong iyon kung gaano sila kabuti kumikilos, at na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin nang may ganoong katapatan, pero sa katunayan, hindi naman talaga katapatan ang panloob nilang motibasyon. Ang pakay nila ay ang makita sila ng mga tao bilang tapat at responsable. Lubusan nilang kinukumbinsi ang iba sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan. Dahil dito, handang tanggapin ng ibang tao ang kanilang pamumuno, at na patawarin sila anumang pagkakamali ang magawa nila. Anong uri ito ng pag-uugali? Pagpapakitang-tao ito para ilihis ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng “pagpapakitang-tao” rito? Ang ibig sabihin nito ay mabubuting pag-uugali, at mga pagkilos na mukhang naaayon sa katotohanan. Ang pagpapakitang-tao na mukhang naaayon sa katotohanan para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagsang-ayon—binubuod nito ang mga katangian ng pag-uugaling ito, hindi ba? Ang layon nila sa huli ay ang makuha ang pagsang-ayon ng mga tao. Kapag may maganda nang opinyon ang mga tao sa mga anticristo, may kaunting paggalang na sila sa mga ito—magkakaroon ang mga anticristo ng partikular na puwang sa puso nila gamit ang pamamaraang ito. Halimbawa, may isang uri ng tao na handang magbayad ng halaga sa pagganap niya ng kanyang tungkulin, kadalasang dumedepende sa karanasan sa mga pagkilos niya, at hindi lumalabag sa alinman sa mga pangunahing prinsipyo, pero kapag nagbabahagi ka sa kanya tungkol sa paghahangad sa mga katotohanang prinsipyo, ano ang sinasabi niya? “Hindi mo na kailangang magbahagi sa akin ng tungkol dito. Nasa isipan ko na ang lahat ng bagay na ito!” Kapag may problema talaga siyang kinaharap, hindi lang sa hindi siya naghahanap, ayaw rin niyang makinig sa payo ng sinuman, lalo na sa opinyon ng mga ito; ginagawa lang niya ang anumang sa tingin niya ay mabuti. Kapag nagbabayad siya ng halaga, kapag ang mga kilos niya ay pinagmumukha siyang mabilis at desidido at nagtataglay ng partikular na awtoridad, paano siya nakikita ng ibang tao sa puso ng mga ito? Maganda ba ang opinyon nila sa kanya, o hindi? Sa pananaw ng ibang tao, hindi niya nilabag ang katotohanan sa anumang mga halatang paraan, at napakahusay niya sa paggawa niya ng mga bagay-bagay. Ang antas ng “katapatan” niya at ang karanasan niya sa paggawa ng kanyang mga tungkulin ay sapat para makumbinsi ang iba. Iniisip ng mga tao, “Tingnan mo siya: Maraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos, at may karanasan na siya sa paggawa ng tungkuling ito. Batikan na siya. Hindi natin iyon magagawa.” Kapag ang mga tao ay may ganoong positibong pananaw sa kanila, matimbang ba siya sa puso ng mga taong iyon o hindi? (Matimbang.) Matimbang; matimbang siya sa puso ng mga ito. May ilang tao na hindi kailanman hinahanap ang katotohanan, bahagyang dahil sa wala silang espirituwal na pang-unawa, at bahagya ring dahil sa wala silang interes sa katotohanan, at hindi talaga nila minamahal ang katotohanan, at lubusan silang walang pang-unawa kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ganap lang silang nakadepende sa lumilipas nilang sigla, sa sarili nilang magagandang intensyon, at sa mga taon ng karanasan nila para magawa ang kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, ayaw nilang ipaalam sa ibang tao ang mga bagay na ito, kaya ginagawa nila ang lahat para magsikap nang husto at magbayad ng halaga. Kung matutuklasan ng sinuman na wala silang espirituwal na pang-unawa, o na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang walang prinsipyo, mabilis silang maglalabas ng ilang mga nagawa para makita ng mga tao. Sasabihin nila, “Tingnan ninyo para makita ninyo kung may espirituwal na pang-unawa talaga ako o wala. Pagmasdan ninyo; tingnan ninyo kung talagang kumikilos ako nang may prinsipyo o hindi, kung naiintindihan ko ba talaga ang katotohanan.” Sa pagkilos nila nang ganito, maraming tao ang naililigaw nila. Sinasabi nila, “Bihasa ang mga taong iyon sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at nauunawaan nila ang mga prinsipyo; tayo ang hindi nakakaunawa.” “Tayo ang hindi nakakaunawa”—ano ang ibinubunyag ng pahayag na ito? Ibinubunyag nito na sa kaibuturan, tinatanggap nila ang panlabas na magandang pag-uugali ng mga taong iyon. Ano ang katumbas ng pagtanggap na ito? Katumbas ito ng pag-iisip na mga tao silang nagsasagawa ng katotohanan, nagmamahal sa Diyos, at tumatanggap ng paggawang perpekto sa kanila ng Diyos. Hindi ba’t sinusuri sila ng iba sa paraang katumbas ng pag-okupa nila ng partikular na puwang sa puso ng mga tao? Sa mas partikular, masasabing may isang uri sila ng katanyagan. Kaya, ano ang idinudulot sa kanila ng katanyagang ito? Idinudulot nitong tingalain sila ng iba, igalang sila, at dumepende pa nga sa kanila. Paano dumedepende ang iba sa kanila? Sa sandaling magkaroon ang mga ito ng problema, agad silang hinahanap ng mga ito. Ipagpalagay nating sinabi ng isang tao, “Isa itong malaking isyu, at hindi natin ito nauunawaan; dapat nating tanungin ang Itaas, hindi ba?” Sasabihin naman ng ilan, “Hindi na kailangan. Puwede namang tanungin na lang natin ang lider natin. Nauunawaan itong lahat ng lider natin.” Nasa isip ng lahat na madalas abala ang mga lider at manggagawa sa kanilang gawain at wala silang nagawang masama, at dahil dito, iniisip ng mga ito na tiyak na mga tao silang nakakaunawa sa katotohanan at kumikilos nang may mga prinsipyo. Ano ang masasabi mo sa sentimyentong ito? Kung hindi hayagang gumawa ng masama ang isang tao, ibig sabihin ba niyon ay nauunawaan niya ang katotohanan? Hindi naman talaga. May limitasyon sa pang-unawa ng sinumang tao sa katotohanan. Kung ikaw, dahil sa paniniwalang nauunawaan ng mga lider ang lahat, ay hindi nananalangin sa Diyos, naghahanap mula sa Kanya, o naghahanap sa Kanyang mga salita, anuman ang problemang mayroon ka, kundi dumidiretso sa isang lider para magtanong tungkol dito, hindi ba’t maaantala nito ang mga bagay-bagay? Kung palagi mong ginagawa ang sinasabi ng mga lider, palagi silang tinitingala, maaaring hindi maging maganda ang takbo ng ilang bagay, at maaaring magdulot ka ng maraming kawalan sa gawain ng iglesia. Ito ang dahilan kung bakit ang pagsamba at pagtingala sa mga tao ang pinakamadaling paraan para maligaw ng landas at magkamali, para magdulot ng kawalan sa sarili mong buhay, at sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia.
May tatlong pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo sa pagkuha ng loob ng mga tao: Ang una ay pang-aakit sa mga tao gamit ang maliliit na pabor; ang pangalawa ay pagpapakitang-gilas ng kanilang mga kalakasan, kaloob, at talento; ang pangatlo ay pagpapakitang-tao para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagsang-ayon. Makikita sa lahat ng tao ang mga pagpapamalas na ito. Madalas nagbubunyag ang ilang tao ng ilang tsismis na hindi alam ng iba, pinag-uusapan ang lahat ng uri ng paksa, o nagbabahagi ng ilang natatangi at ekspertong opinyon. Ano ang tawag dito? May isang kasabihang may dalawang bahagi na ganito ang sinasabi: “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan.” Palaging gustong ipakita ng mga taong ito ang mga kasanayan nila at matamo ang paggalang ng mga tao. Pero minsan, hindi nila ito nagagawa nang maayos, at may mga nakikitang kamalian sa kanila ang mga tao, kaya dahil dito ay ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para remedyuhan ang sitwasyon at takasan ito sa pamamagitan ng pakikipagtalo. Anuman ang mga bagay na nagawa nila na labag sa kanilang konsensiya at sa katotohanan, o na hindi nauugnay sa paggawa ng mga tungkulin nila, hindi sila kailanman marunong umamin ng pagkakamali o magnilay sa sarili nila at magsisi, ni hindi nila napagtatanto kung gaano kaseryoso ang isyung ito. Sa kabilang banda, labis silang nag-iisip at pinipiga nila ang utak nila para makahanap ng mga paraan upang makipagtalo para sa sarili nila at ayusin ang mga bagay-bagay. Atat na atat silang makamit ang mga layon nila, sa puntong hindi na sila makakain o makatulog, natatakot na dumanas ng bigla at mapanirang pagbaba ang magandang pagtingin sa kanila ng iba. Iniisip, halimbawa, ng ilang tao na magaling silang magsulat, na mahuhusay silang manunulat; iniisip ng ilan na magagaling silang lider, na mga haligi silang sumusuporta sa iglesia; iniisip ng iba na mabubuti silang tao. Sa sandaling mawala sa mga taong ito ang magandang imahe ng kanilang sarili sa kung anupamang dahilan, pinag-iisipan nila ito nang husto at nagbabayad sila ng halaga para sa kapakanan nito, pinipiga ang utak nila sa pagsubok na remedyuhan ang sitwasyon. Gayumpaman, hindi sila kailanman nakakaramdam ng hiya, o ng paninisi sa sarili nila, o ng pagkakautang sa Diyos dahil sa mga maling landas na tinahak nila, o para sa iba’t ibang bagay na ginawa nila na lumabag sa katotohanan. Hindi sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng pakiramdam. Ginagamit nila ang lahat ng uri ng taktika para ilihis ang mga tao at kunin ang loob nila. Paggawa ba ito ng tungkulin ng isang nilikha? Talagang hindi. Iyon ba ang gawaing dapat ginagawa ng mga lider ng iglesia? Talagang hindi. Namumuhay sila sa pamamagitan ng mga satanikong disposisyon, gumagawa ng kasamaan at ginagambala ang gawain ng iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung huhusgahan batay sa kanilang mga kilos at pag-uugali, sa mga landas na kanilang tinatahak, at sa iba’t iba nilang pag-uugali na nagliligaw sa mga tao at nagkokontrol sa mga ito, hindi nila ginagawa ang tungkulin ng isang lider, kundi sinisira at ginugulo ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao, pinipigilan ang mga taong lumapit sa Diyos, at tinatangkang panatilihin ang mga tao sa sarili nilang mga kamay, sa ilalim ng kanilang kontrol. Hindi ba’t mga kilos at pag-uugali ang mga ito ng isang anticristo? Walang duda tungkol dito. Sapat na patunay na ito na perpektong ginagampanan ng mga anticristo ang papel ni Satanas. Kung huhusgahan batay sa kalikasan ng mga bagay na ito na kanilang ginagawa, hindi lang sa hindi nila nagagawa nang maayos ang tungkuling dapat nilang gawin—bagkus ay ginagampanan pa nila ang papel ni Satanas. Ang ginagawa lang nila ay talagang makipagtagisan sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya. Ang mga tupang sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at makamit Niya, pero pinipigilan ng mga taong ito ang iba na sumunod sa Diyos; napapasakamay nila ang mga tupa ng Diyos at kinokontrol ang mga ito, at inuudyukan ang mga taong sambahin sila at sumunod sa kanila. Iyon ang kalikasan ng mga kilos nila. Matatawag bang “mga lider” ang ganoong mga tao? (Hindi.) Puwes, ano ang dapat nating itawag sa kanila? (Masasamang tagapaglingkod.) “Masasamang tagapaglingkod”—akmang pangalan iyon. “Mga anticristo,” “masasamang tagapaglingkod”—sapat na ang parehong titulong ito, hindi ba? Ipinagmamalaki ng mga taong ito ang paggawa ng tungkulin ng isang lider, pero hindi nila ginagawa ang dapat gawin ng isang lider. Ang ginagawa nila ay talagang hindi ang pagganap sa tungkulin ng isang lider, pagganap ito sa papel ng isang anticristo, humahalili kay Satanas para gambalain at wasakin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at inililihis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pag-iwas sa tunay na landas at pag-iwas sa Diyos. Ibinubunyag ng lahat ng kilos at pag-uugali nila ang disposisyon at kalikasan ni Satanas, at nakakamit nito ang resulta ng pagkumbinsi sa mga taong iwasan ang Diyos, tanggihan ang katotohanan at ang Diyos, at sambahin at sundin sila. Isang araw, kapag ganap na nilang nailihis ang mga tao at nadala sa ilalim ng kontrol nila, magsisimula silang sambahin, sundan, at sundin ng mga tao. Sa gayon ay nakamit na nila ang layon nila sa panlilinlang sa puso ng mga tao. Mga lider sila ng iglesia, pero hindi nila ginagawa ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos; hindi nila ginagawa ang gawain ng mga lider at manggagawa. Sa halip, iniimpluwensiyahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos, inililihis ang mga ito, nililinlang ang mga ito, at kinokontrol ang mga ito, napapasakamay ang mga tupang malinaw na pag-aari ng Diyos, dinadala sa ilalim ng kontrol nila. Hindi ba’t mga magnanakaw sila at bandido? Sa pakikipagtagisan gaya ng ginagawa nila sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya, hindi ba’t nagsisilbi silang mga lingkod ni Satanas? Hindi ba’t mga kaaway ng Diyos ang ganoong mga anticristo? Hindi ba’t sila ang kaaway ng hinirang na mga tao Niya? (Sila nga.) Isang daang porsiyento na sila nga. Mga kaaway sila ng Diyos at ng Kanyang hinirang na mga tao; ito ay walang kaduda-duda.
Noong nagsasalita at gumagawa pa Ako sa lahat ng iglesia sa mainland Tsina, may kasama Akong responsable para sa mga audio recording at pagsasalin ng mga sermon. Medyo biniyayaan ang taong ito, matalas ang kanyang isip at mabilis siyang tumugon. Pero may isang bagay tungkol sa kanya: Magaling siya sa pagsasabi ng mga kaaya-ayang-pakinggang bagay na gustong marinig ng mga tao. Kung sinabi mong masarap ang isang pagkain, sasabihin niya, “Tama ka. Sinubukan ko ito. Masarap ito.” Kung sinabi mong mainit sa labas, sasabihin niya, “Oo nga. Pawis na pawis nga ako.” Kung sinabi mong malamig sa labas, sasabihin niya, “Malamig, totoo. Nakasuot nga ako ng sapatos na may linya ng balahibo ng tupa.” Hirap siyang magsabi ng totoo o tapat. Para siyang isang taong talagang naghangad, pero noong may nangyari na nangailangang bayaran ng halaga, nagtago siya. Tuso at mapanlinlang siya. Ganoon siyang uri ng tao. Maaaring tanungin ng ilan, “Puwes, bakit Mo pinili ang taong tulad niyon?” Hindi Ko siya pinili—pinagpasyahan iyon ng mga sitwasyon noong panahong iyon. Mahirap pa ngang humanap ng taong tulad niya noon, at kahit papaano ay mabilis siyang tumugon—pipindutin niya ang “record” sa tuwing magsisimula Akong magsalita. Nakasunod siya sa Akin sa buong lugar, nire-record at isinasalin ang mga sermon; gumawa siya ng ilang tunay na gawain. Pero ang paraan ng pag-asal niya sa presensiya Ko at ang mga bagay na ginawa niya sa iglesia ay parang kilos ng dalawang ganap na magkaibang tao. Sa presensiya Ko, nagpanggap siyang masunurin, maayos ang pag-uugali, at masipag, maingat, at responsable—pero ganoon ba siya noong ginawa niya ang tungkulin niya sa iglesia? Bilang ganoon siya noong nakikipag-ugnayan pa siya sa Itaas, ganoon din ba siya noong kasama niya ang hinirang na mga tao ng Diyos? Mangangahas ka bang mag-alok ng tiyak na sagot dito? Hindi, hindi ka mangangahas. Kung gayon, paano mo malalaman kung ano ang tunay niyang sitwasyon? Para magawa iyon, dapat nakikipag-ugnayan ka sa kanya. Matapos mong makisalamuha sa kanya nang ilang panahon, lalabas ang lahat ng nasa kalikasang diwa niya. Minahal niya lalo na ang katayuan, at partikular na banidoso siya; sa tuwing kasama niya ang sinuman, gustong-gusto niya talagang pag-usapan ang tungkol sa kapital niya, at ipakitang-gilas ang mga bagay na kaya niyang gawin, ang mga bagay na nagawa na niya, kung gaano siya nagdusa, at kung gaano siya kagaling. Ginawa niya ang mga bagay na ito at nagsalita nang ganito nang napakadalas, at ibang tao talaga siya kumpara noong naroon Ako. Bukod pa rito, sinumang nasa paligid niya ay nakaramdam na napigilan at na-bully, at hindi nangahas na magsabi ng anumang tungkol dito. Ano ang pinakamalaking problema rito? Kinuha niya itong katiting na gawaing ginagawa niya, itong katiting na tungkuling ginagawa niya, at itinuring itong kapital na ipapakitang-gilas saan man siya magpunta. Sa anong antas niya ito ipinasikat? Tiningala, sinamba, at kinainggitan siya ng lahat. Sa wakas, sinabi nila, “Sobrang nagdusa ang lalaking ito para sa Diyos. Tingnan mo na lang ang pananalig na mayroon siya, at ang pagmamahal niya para sa Diyos! Hindi man lang tayo maihahalintulad sa isang hibla ng buhok sa ulo niya. Napakababa natin kumpara sa kanya!” Palagi siyang binabanggit ng mga tao, at iniisip ng mga taong hindi Ako makasalamuha na ang makasalamuha siya ay para na ring pakikisalamuha sa Akin. Sa bandang huli ay umabot na sa lebel na ito ang impluwensiya niya sa kaalaman, mga iniisip, at isipan ng mga tao. Para makarating sa puntong ito, may ilang bagay na siguro siyang nasabi at nagawa, hindi ba? Tiyak na hindi lang ilang salita ang ginamit niya para banggitin kung anong mga tungkulin ang nagawa niya, tiyak na nagsalita siya at tinalakay niya ang tungkol sa mga bagay na ito nang detalyado; higit pa rito, may mga sarili siyang motibo at mithiin, may sinabi siyang ilang bagay na maaaring mambuyo at maglihis sa mga tao, para sambahin siya ng mga tao, at nakamit niya ang layon niya sa huli. Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng tao? Mabuti para sa kanya ang magawa niya ang tungkulin niya sa tabi Ko, para man sa pagkatuto niya kung paano umasal o sa pagkakamit ng katotohanan. Isa iyong oportunidad para maaga siyang magawang perpekto. Sa kasamaang-palad, hindi niya pinahalagahan ang oportunidad na ito. Hindi niya nakita kung gaano kahalaga at kaimportante sa buhay ang oportunidad na ito, o na isa itong landas, pundasyon, at mapagkukunan para makamit ang katotohanan at matamo ang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa halip, ginamit niya ang oportunidad na ito para makamit ang sarili niyang layon na mangibabaw sa karamihan at makuha ang loob ng mga tao. Nagdulot iyon ng problema; maling landas ang nilalakaran niya. Sabihin mo sa Akin, dahil sadya niya talagang ipinapakalat kung gaano siya nagdusa, kung paano siya ginabayan ng Diyos, at kung paano siya tinrato ng Diyos, at kung paano siya pinagkatiwalaan ng Diyos, nagawa ba niyang makilala na may personal na intensyon dito? (Oo.) Nagawa niya dapat. Hindi ito isang bagay na imposibleng makilala. Makikilala niya ito—kaya bakit hindi niya nagawang pigilin ang masasamang gawa niya? Dahil hindi niya minahal ang katotohanan; impluwensiya at katayuan lang ang gusto niya. Kapag nagpakita ng katiwalian ang isang taong nagmamahal talaga sa katotohanan, kapag nagpapatotoo siya kung paano siya nagdusa, pakiramdam niya ay mapanisi at mapagparatang siya sa kanyang sarili. Pakiramdam niya ay ubod siya ng sama para gawin iyon, mapanlaban sa Diyos, at na hindi na niya iyon dapat ulitin. Kapag gusto niya itong gawin ulit sa hinaharap, nagagawa niyang pigilan ang sarili niya at ihinto ang paggawa niya ng ganoong mga bagay. Medyo normal iyon. Pero sa ganoong mga panahon, kahit na sawayin sila ng kanilang konsensiya, hindi makontrol ng mga anticristo ang ambisyon at pagnanais nila, at kahit na pungusan sila, hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Bakit lumalala at lumolobo ang kalikasan nila sa paraang hindi na maibabalik pa? (Dahil hindi nila minamahal ang katotohanan.) Sa kalikasan nila, hindi nila minamahal ang katotohanan. Kung gayon, ano ang minamahal nila? (Minamahal nila ang katayuan.) Ano ang madadala sa kanila ng katayuan? Sasambahin sila ng mga tao, igagalang, at kaiinggitan dahil dito. Sa huli, ang layon nila ay ang tamasahin ang parehong katayuan at pagtrato gaya ng sa Diyos, pati na rin ang karangalan, kaligayahan, at kagalakang dala ng katayuang ito sa kanila. Matapos mapakinggan ang lahat ng kasasabi Ko lang, hindi ba kayo nasusuklam? (Oo.) May iba pang ginawa ang taong iyon na mas kasuklam-suklam. Kalaunan, nagkasakit siya at bumalik sa bayan niya, at dahil doon, mas naramdaman niyang nararapat lang na tamasahin niya ang mga benepisyo ng katayuan. Sa tingin ninyo, paano siya kikilos habang nasa ilalim ng kontrol ng kaisipang ito? Hindi ba’t hihingin niyang bigyan siya ng mga tao ng mas higit pang, mas mabuting pagtrato? (Oo.) Bakit niya ito hiningi? Hindi ba niya naramdamang sobra na ito o hindi na makatwiran? Pakiramdam niya ay karapat-dapat siya para dito. Naisip niya, “Nagdusa ako nang labis para sa diyos, at para sa aking mga kapatid. May karapatan ako para dito; nagkasakit ako dahil labis akong nagdusa, kaya dapat akong pagserbisyuhan ng aking mga kapatid.” Habang may sakit siya, hindi siya gumawa ng anuman; nakahiga lang siya sa kama maghapon, ginagawang asikasuhin siya ng iba at pakainin siya. Matapos niyang mahiga roon nang napakatagal, nagsimula na siyang mainip, kaya nagpapahatid siya ng pagkain at inumin sa mga tao at nagpapasama siyang lumabas para mawala ang pagkainip niya. Medyo kasuklam-suklam ito, hindi ba? Kung tunay ngang ganoon kalubha ang sakit niya, hindi sana ito naging isang malaking usapin; kung hindi talaga iyon ganoon kalubha, tiyak na labis na walang katwiran ang pag-uugali niya, hindi ba?
May ilang taong tila talagang masigla sa pananampalataya nila sa Diyos. Gustong-gusto nilang mag-asikaso at magmalasakit sa mga aktibidad ng iglesia, at palagi silang nangunguna. Gayumpaman, sa hindi inaasahan, nadidismaya nila ang lahat sa sandaling maging mga lider na sila. Hindi sila tumutuon sa paglutas sa mga praktikal na problema ng hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip ay ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang kumilos para sa kapakanan ng sarili nilang reputasyon at katayuan. Gustong-gusto nilang magpasikat para igalang sila ng iba, at palagi nilang ikinukuwento kung paano nila ginugugol ang sarili nila at paano sila nagpapakasakit para sa Diyos, pero hindi nila inilalaan ang mga pagsisikap nila sa paghahanap sa katotohanan at sa buhay pagpasok nila. Hindi ito ang inaasahan sa kanila ng sinuman. Kahit na nagpapakaabala sila sa gawain nila, nagpapasikat sa bawat okasyon, nangangaral ng ilang salita at doktrina, nakakamit ang paggalang at pagsamba ng ilang tao, inililihis ang puso ng mga tao, at pinatatatag ang katayuan nila, ano ang resulta nito sa huli? Kung gumagamit man ang mga taong ito ng maliliit na pabor para suhulan ang iba, o nagpapakitang-gilas ng kanilang mga kaloob at abilidad, o gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para ilihis ang mga tao at sa pamamagitan noon ay matamo ang magandang opinyon ng mga ito, anumang pamamaraan ang gamitin nila para makuha ang loob ng mga tao at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito, ano ang nawala sa kanila? Nawala sa kanila ang oportunidad na makamit ang katotohanan habang ginagawa ang mga tungkulin ng isang lider. Gayundin, dahil sa iba’t ibang pagpapamalas nila, naipon nang naipon ang masasama nilang gawa na magdadala ng kanilang pangwakas na kalalabasan. Gumagamit man sila ng maliliit na pabor para manuhol at manlinlang ng mga tao, o nagpapasikat ng kanilang mga sarili, o nagpapakitang-tao para ilihis ang mga tao, at gaano man karaming benepisyo at gaano man kalaking kasiyahan ang tila nakukuha nila sa paggawa nito sa panlabas, kung titingnan ito ngayon, tama ba ang landas na ito? Ito ba ang landas ng paghahanap sa katotohanan? Isa ba itong landas na makapagdadala ng kaligtasan sa isang tao? Malinaw na hindi ito. Gaano man katalino ang mga pamamaraan at pandarayang ito, hindi maloloko ng mga ito ang Diyos, at ang lahat ng ito sa huli ay kokondenahin at kasusuklaman ng Diyos, dahil nakatago sa likod ng ganoong mga pag-uugali ay ang ambisyon ng tao at isang saloobin at diwa ng pagsalungat sa Diyos. Sa puso ng Diyos, talagang hindi Niya kailanman kikilalanin ang mga taong ito bilang mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at sa halip ay tutukuyin Niya ang mga ito bilang mga taong gumagawa ng masama. Anong hatol ang ipinapataw ng Diyos kapag hinaharap ang mga taong gumagawa ng masama? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Kapag sinabi ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin,” saan Niya gustong pumunta ang ganoong mga tao? Ipinapasa Niya ang mga ito kay Satanas, sa mga lugar na kinasasakupan ng mga pulutong ng mga Satanas. Ano ang pangwakas na kahihinatnan para sa kanila? Pahihirapan sila ng masasamang espiritu hanggang sa mamatay sila, na ang ibig sabihin ay lalamunin sila ni Satanas. Hindi gusto ng Diyos ang mga taong ito, na nangangahulugang hindi Niya ililigtas ang mga ito, hindi sila mga tupa ng Diyos, lalong hindi mga tagasunod Niya, kaya hindi nabibilang ang mga ito sa mga taong ililigtas Niya. Ganito inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito. Kaya, ano talaga ang kalikasan ng pagtatangkang kunin ang loob ng mga tao? Ito ay paglakad sa landas ng isang anticristo; pag-uugali at diwa ito ng isang anticristo. Higit pang malubha rito ay ang diwa ng pakikipagtagisan laban sa Diyos para sa hinirang na mga tao Niya; mga kaaway ng Diyos ang ganoong mga tao. Ganito inilalarawan at ikinakategorya ang mga anticristo, at ganap na tumpak ang lahat ng ito.
Enero 22, 2019
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.