Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao (Ikatlong Seksiyon)

Anong uri ng mga bagay ang ginagawa ng mga anticristo habang ginagawa ang tungkulin ng mga lider? Katatapos lang nating pag-usapan ang tungkol sa kung paano nila sinusubukang kunin ang loob ng mga tao at pati na rin batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, pero may isa pang karaniwang pagpapamalas ang mga anticristo—ano ang saloobin nila sa mga naghahangad sa katotohanan? (Pagkamuhi.) At ano ang ginagawa nila dahil doon? Kinamumuhian lang ba nila ang mga taong iyon, at iyon na iyon? Hindi, naghahanap sila ng mga paraan para ibukod at pigilan ang mga ito. Binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon. Ang mga hindi sumasang-ayon na ito ay posibleng mga taong medyo naguguluhan, hindi marunong sumipsip sa iba o gumamit ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Puwede ring mga tao silang medyo masigasig at medyo naghahangad ng katotohanan. Kaya, ano ang ikatlong teknik ng mga anticristo? Inihihiwalay at binabatikos nila ang mga naghahangad sa katotohanan. At may isa pa rin: Sinusubukan nilang makakuha ng puwang sa puso ng mga tao para sa sarili nila. Ano ang tawag dito? (Pagsakop sa puso ng mga tao.) Ito ang sinusubukan nilang maisakatuparan. Anong mga paraan ang ginagamit nila para gawin ito? (Itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili.) At ano ang pakay ng mga anticristo sa pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ito ay para sakupin ang puso ng mga tao at kontrolin sila. Anong uri ng mga bagay ang karaniwang pinag-uusapan ng mga tao kapag itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili? Ang isang bagay ay ang pag-usapan ang tungkol sa kanilang mga kalipikasyon. Halimbawa, pinag-uusapan ng ilang tao kung paano nila pinatuloy sa bahay ang ilang matataas na lider sa iglesia. May ilan pa ngang nagsasabi, “Ang Diyos Mismo ang pinatuloy ko, at napakabait Niya sa akin—tiyak na ako ay gagawing perpekto.” Ano ang ibig nilang sabihin dito? (Sinusubukan nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao.) May pakay sila sa pagsasabi ng ganitong mga bagay. Sinasabi ng iba, “Nakasalamuha ko ang Itaas, medyo mataas ang tingin nila sa akin, at hinimok nila akong magsikap sa paghahangad ko.” Ang totoo, walang sinumang may ideya kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas. May mga tao talagang pinapalaki ang mga bagay-bagay, at minsan ay nag-iimbento pa ng mga bagay. Hindi nila malalaman ang gagawin kung may isang grupo ng mga taong nagsama-sama para beripikahin at suriin ang kanilang mga kuwento. Maaaring sabihin ng Itaas sa isang tao, “Mahusay ang kakayahan mo at may kakayahan kang makaarok. Dapat kang magsanay na isulat ang patotoo mong batay sa karanasan. Kapag may buhay karanasan ka na, puwede kang maging lider.” Ano ang implikasyon dito? Kahit na talentado ang taong ito, kailangan pa rin niyang magsanay at maranasan ang mga bagay-bagay nang ilang panahon. Kapag nagmalaki at nagmayabang ang taong iyon bago pa makapagsanay o magkaroon ng karanasan, ano ang kalikasan nito? Nagiging mapagmataas at palalo siya, at nawala na siya sa katwiran, hindi ba? Kahit na sabihin ng Itaas na Brother na nagtataglay ng kakayahan ang taong ito at na talentado siya, panghihikayat lang ito sa kanya o pagbibigay sa kanya ng ebalwasyon. Ano ang pakay ng taong iyon sa pag-iikot at pagyayabang nang ganito? Ito ay para maging mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, para sambahin siya ng iba. Ang sinasabi niya ay, “Tingnan mo—mataas ang tingin sa akin ng Itaas na Brother, kaya bakit ikaw ay hindi? Ngayong sinabi ko na sa iyo ito, dapat mataas na rin ang tingin mo sa akin.” Ito ang pakay na gusto nilang makamit. May mga nagsasabi rin, “Dati akong lider. Lider ako ng isang rehiyon, isang distrito, isang iglesia—patuloy akong bumaba nang bumaba sa hagdan, at umakyat nang umakyat ng mga baitang—ilang beses na akong itinaas at ibinaba ng posisyon. Kalaunan, naantig ang Langit sa sinseridad ko, at ngayon, isa na naman akong mataas-na-antas na lider. At hindi ako kailanman naging negatibo.” Kapag tinanong mo sila kung bakit hindi sila kailanman nakaramdam ng pagiging negatibo, sasagot sila, “May pananalig akong sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang.” Ito ang naging kongklusyon nila. Ito ba ang katotohanang realidad? (Hindi.) Kung gayon ano ito, kung hindi ito ang katotohanang realidad? Isa itong kakaibang teorya; puwede rin nating sabihing isa itong panlilinlang. Ano ang posibleng kahihinatnan ng pagsasalita nila nang ganito? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Talagang hinahangad ng taong ito ang katotohanan. Hindi siya naging negatibo matapos itaas at ibaba ang kanyang posisyon nang maraming beses. At ngayon, ginawa na siyang lider ulit—talagang kumikinang nga ang tunay na ginto. Kaunting panahon na lang bago siya magawang perpekto.” Hindi ba’t ito ang nilalayon ng taong ito? Ang totoo, ito mismo ang nilalayon niya. Paano man nagsasalita ang mga anticristo, iyon ay laging para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng mga tao, para sumakop sila ng isang partikular na puwang sa puso ng mga ito, at pumalit pa nga sa lugar ng Diyos doon—ito ang lahat ng layong nais makamtan ng mga anticristo kapag nagpapatotoo sila tungkol sa kanilang sarili. Kapag ang nag-uudyok sa sinasabi, ipinapangaral, at ibinabahagi ng mga tao ay para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng iba, ang gayong pag-uugali ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, ginagawa ito para magkaroon sila ng puwang sa puso ng iba. Bagama’t hindi lubos na pare-pareho ang mga paraan ng pagsasalita ng mga taong ito, humigit-kumulang, may epekto ang mga ito na nagpapatotoo sa kanilang sarili at naghihikayat sa iba na sambahin sila. Sa magkakaibang antas, ang ganoong mga pag-uugali ay umiiral sa halos lahat ng lider at manggagawa. Kung umabot sila sa isang partikular na punto, ang punto kung saan hindi nila mapigil ang kanilang sarili at nahihirapan silang pigilan ang mga sarili nila, at may kinikimkim silang isang partikular na malakas at malinaw na intensyon at layon, gustong hikayatin ang mga tao na ituring silang parang sila ay Diyos o isang diyos-diyosan, at dahil doon ay makamtan nila ang layon nilang pigilan at kontrolin ang iba, at mahikayat ang ibang tao na sundin at sambahin sila, ang likas na katangian ng lahat ng ito, kung gayon, ay pagtataas at pagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili, at may katangian ng mga anticristo rito. Anong kaparaanan ang karaniwang ginagamit ng mga tao para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? (Pinag-uusapan nila ang tungkol sa kapital.) Ano ang kabilang sa pag-uusap tungkol sa kapital? Pag-uusap kung gaano katagal na silang nananampalataya sa Diyos, gaano na sila nagdusa, gaano kalaki na ang naisakripisyo nila, gaano karaming trabaho na ang kanilang nagawa, gaano kalayo na ang kanilang nalakbay, pati na rin kung ilang tao na ang kanilang nakamit at gaano kalaking kahihiyan na ang kanilang natiis sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Madalas ding talakayin ng ilang tao kung ilang beses na silang naaresto at nabilanggo nang hindi ipinagkakanulo ang iglesia o ang mga kapatid, naninindigan sa kanilang patotoo, at iba pa; nabibilang ang lahat ng bagay na ito sa pagtalakay tungkol sa kapital. Sa pagkukunwaring paggawa sa gawain ng iglesia, nagsasagawa sila ng sarili nilang proyekto, pinatitibay nila ang kanilang katayuan, nagtatatag sila ng mabuting impresyon ng sarili nila sa puso ng mga tao. Kasabay nito, ginagamit nila ang lahat ng pamamaraan at panloloko para makuha ang loob ng mga tao, umaabot pa nga sa sukdulang inaatake at ibinubukod nila ang sinumang may ibang mga pananaw kaysa sa kanila, partikular na, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ibukod at pigilan ang mga naghahangad ng katotohanan at sumusunod sa mga prinsipyo. At tungkol naman sa mga taong hangal at ignorante, walang alam at naguguluhan sa kanilang pananalig, gayundin iyong mga nananampalataya pa lamang sa Diyos sa loob ng maikling panahon, at iyong mga may mababang tayog, anong mga pamamaraan ang ginagamit nila sa mga taong ito? Nililihis, ineengganyo at binabantaan pa nila ang mga iyon, gamit ang mga estratehiyang ito para makamtan ang kanilang layon na patibayin ang kanilang katayuan. Taktikang lahat ito ng mga anticristo.

Madalas mangyari ang uri ng bagay na ito sa mga iglesia: Nakikinig ang ilang kapatid sa mga sermon at pagbabahaginan kung saan sinasabi ng nasa Itaas na kung ang isang lider o manggagawa ay gumagawa ng isang bagay na labag sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, mayroong karapatan ang mga hinirang ng Diyos na isumbong ito. Matapos marinig ito at makilatis na nagtatrabaho ang isang lider sa kanilang iglesia sa isang paraan na hindi naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain, magpapasya ang ilan sa kanila na gusto nilang isumbong ang lider. Pagkatapos, matutuklasan ng lider ang tungkol dito, at iniisip niya sa kanyang sarili, “Lumalabas na may mga tao pa ring makapal ang apog na isumbong ako. Ang kapal ng mukha nila! Sino ang mga taong ito?” Kasunod nito, nag-iimbestiga siya sa bawat isa sa ilang dosenang miyembro ng iglesia. Hanggang saan siya umaabot sa pag-iimbestigang ito? Tinitingnan niya ang edad ng bawat isa, gaano katagal na sila nananampalataya sa Diyos, anong mga tungkulin na ang nagampanan nila noon, ano ang kasalukuyan nilang mga tungkulin, sino ang mga nakakaugnayan nila, magagawa ba nilang makipag-ugnayan sa nasa Itaas o hindi, at iba pa. Tinitingnan niya ang lahat ng ito, pinaghihirapan ito nang husto. Kapag natapos na ang kanyang masusing pag-iimbestiga, matutuklasan niya na mukhang kahina-hinala ang dalawa o tatlong tao, kaya sa susunod na pagtitipon, magbibigay ng sermon ang lider na partikular na pumupuntirya sa bagay na ito. Sasabihin niya, “Kailangang magkaroon ng konsensiya ang mga tao. Sa pananalig mo sa diyos, sino na ang umakay sa iyo hanggang ngayon? Nauunawaan mo na ngayon ang napakaraming katotohanan; kung hindi ako nagdaos ng mga pagtitipon at pagbabahaginan kasama mo, mauunawaan mo ba ang mga katotohanang ito? Nagpapasok na ang ating iglesia ng napakaraming tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila, at napakalaki na ng iniunlad ng ating gawain sa ebanghelyo. Kung wala ako rito para pamahalaan ito, maaari kaya ninyong mapapasok ang sinuman? Sino ba ang kailangan ninyong pasalamatan para sa lahat ng pag-unlad na ito?” Pinag-iisipan itong mabuti ng ilang tao at iniisip, “Ang Diyos ang Siyang dapat kong pasalamatan; ano na ang mga naiambag ng tao?” Ngunit nagpatuloy ang lider, na nagsasabing, “Kung hindi ko binitbit ang mga aklat na ito ng mga salita ng diyos para sa inyo, mahahawakan ba ninyo ang mga ito? Kung hindi ako nag-organisa ng mga pagtitipon, magagawa ba ninyong magtipon-tipon? Kailangang magkaroon ng konsensiya ang mga tao! Kaya, kung mayroon kayong konsensiya, ano ang dapat ninyong gawin? Kapag paminsan-minsang nakakagawa ng maliit na pagkakamali ang lider mo, hindi mo ito dapat masinsinang imbestigahan. Sa pananamantala sa kanilang mga pagkukulang at pagtangging bitiwan ang mga ito, sinusubukan mo bang maghimagsik laban sa kanya? Kung may mangyaring maliit na bagay, dapat natin itong panloob na pangasiwaan. Ano ang punto ng paghahain ng isang ulat? Ang mga taong nag-uulat ng mga usapin ay walang kakayahan at mababa ang tayog. Naaangkop bang iulat ang lahat sa itaas? Paano magkakaroon ng oras ang itaas na lutasin ang ganoong mga problema? Kung dapat malutas ang mga ito, ang mga lider ng iglesia ang dapat lumutas sa mga ito. Hindi ba puwedeng pag-usapan ang mga bagay-bagay sa likod ng mga saradong pinto? Kailangan mo bang iulat ang lahat sa itaas? Hindi ba’t makakaabala lang ito sa itaas? Makinig ka, kung may iuulat ka sa akin, kalmado at mahinahon akong maghahanap ng solusyon nang hindi ka pinupungusan. Pero alam mo ba kung ano ang magiging saloobin ng itaas kung iuulat mo ito sa kanila? Hindi dapat biru-biruin ang itaas—para silang mga leon at agila. Makakaabot ba sa lebel nila ang mga taong may mababang tayog gaya natin? Walang magandang mangyayari sa pag-uulat mo ng problema sa itaas; tiyak na sasailalim ka sa pagpupungos. Maraming beses na itong nangyari sa akin; paano ito magagawang harapin ng isang taong kasingbaba ng tayog mo? Baka tumigil ka pa nga sa pananampalataya, at sino ang magpapasan ng mga kahihinatnan niyon? Kung gusto mong mag-ulat ng isang bagay, ikaw ang magpapasan ng mga kahihinatnan. Kapag dumating ang panahon at mapungusan ka at maging negatibo at mahina, huwag kang lumapit sa akin para sisihin ako. Kung gusto mong maghain ng ulat, hindi kita pipigilan. Sige at gawin mo ito; titingnan ko kung sino ang nag-uulat nito!” May sinuman bang mangangahas na maghain ng ulat kung nananakot ang lider na ito? (Wala.) Gusto ng ilang tao, pero masyado silang matatakot na mag-ulat. Hindi ba’t walang silbi ang mga taong ito? Ano ang kinatatakutan nila? Paanong sobra silang natakot ng lider? Kahit na gusto pa silang pahirapan ng lider na iyon hanggang kamatayan, wala sa mga kamay ng lider na iyon ang kanilang buhay; paano mangangahas ang lider na iyon na pahirapan sila nang walang pahintulot ng Diyos? Pagkatapos ng ilang mapanakot na salita mula sa lider na iyon, may mga tao talagang masyadong matatakot para maghain ng ulat; iisipin nila sa kanilang sarili, “Hindi mahagilap ang Diyos. Haharapin ba ng Itaas ang lider kung maghahain ako ng ulat? Paano kung hindi nila gawin—gagantihan ba ako ng lider? Magagawa ko pa rin ba ang tungkulin ko nang normal? Hindi dapat ako maghain ng ulat kung gayon. Bukod pa rito, walang kinalaman sa akin ang usaping ito. Wala nang iba pang nag-ulat nito, kaya bakit ko ito dapat iulat?” Aatras sila, na hindi mangangahas na maghain ng ulat. Maaari bang magpakita ng awa ang isang anticristo sa ganoong mga tao? (Hindi.) Ano ang gagawin niya sa mga ito? Kapag natiyak na niya kung sino ang nagbabalak na iulat siya, kung sino ang hindi nakikiisa sa kanya, magsisimula siyang mag-isip: “Palagi kang may binabalak; palagi mong gustong maglabas ng matatayog na ideya; palagi kang nagbabalak na gumawa ng gulo, palaging gustong iulat ang mga isyu ko—sobra na ito! Naghahanap ka ng pagkakataong makausap ang itaas para maiulat mo ang sitwasyon ko sa kanila. Ngayon, umaatras ka, hindi ka nangangahas na gawin ito; pero malay natin, kung makahanap ka ng tamang pagkakataon, baka iulat mo pa rin ako. Naku, yari ka sa akin!” Kaya, hahanap ang anticristo ng mga pagdadahilan at pagkakataon para hamakin ang mga taong iyon, para ayawan sila ng mga kapatid. Pagkatapos ay mag-iisip sila ng lahat ng klase ng paraan para bulagain ang mga ito, para gumawa ng gulo para sa kanila at dungisan ang kanilang mga reputasyon. At ano ang iisipin ng mga taong iyon sa kanilang sarili pagkatapos? “Kakila-kilabot ito! Sinuway ko ang lider, pikit-mata kong sinubukang iulat siya, at ngayon pinagdurusa ako. Dapat kong tandaan ang leksyong ito: Hindi ko talaga dapat salungatin ang lider! Sa ngayon, ang lider na ito ang siyang nasusunod. Kung sasabihin niyang ‘silangan,’ hindi ko puwedeng sabihing, ‘kanluran’; kung sasabihin niyang, ‘isa,’ hindi ko puwedeng sabihing, ‘dalawa.’ Dapat kong gawin ang anumang sabihin sa akin ng lider. Lubos na hindi ako dapat makipag-ugnayan sa Itaas para mag-ulat ng mga problema. Talagang malubha ito! Pinagdurusa ako ng lider, at hindi ito alam ng Itaas—sino ang titindig para sa akin? Gaya ng sinasabi nila, ‘Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado!’” Naging negatibo na ang mga taong ito. Hindi sila naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, lalong hindi na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Nasa puso pa rin ba nila ang Diyos? Hindi, wala sa puso nila ang Diyos. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, gusto nilang mag-ulat ng problema pero takot sila sa masamang taong iyon, wala silang pagkilatis sa masasamang puwersa o kung anuman, pinagdusa sila ng masamang taong iyon sa lugar kung saan sila may hawak na kapangyarihan, at sila ay naging mga walang silbi. Dati silang may kaunting pagpapahalaga sa katarungan, na isang kanais-nais na katangian, pero dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, dinurog sila ng masamang taong iyon, huwad na lider, at anticristo, sa puntong tuluyan na silang nawalan ng pananalig; hindi nila alam kung paano sumandig sa Diyos para hanapin ang katotohanan o kumilos batay sa karunungan. Ngayon naging takot sila at mahiyain kapag nakakakita sila ng anticristo. Gaano sila katakot? Iniisip nila, “Humahawak ng kapangyarihan ang masasamang tao sa mundong ito. Kahit nasaan man akong grupo, dapat akong magpakabait. Wala ako ng ganoong uri ng bangis at lakas ng loob, kaya saan man ako magpunta, dapat maluwag sa loob kong magtiis ng masamang pagtrato at maluwag sa loob na sumunod sa iba—dapat ko silang tratuhin na parang mga ninuno ko. Kung sasabihin nilang, ‘silangan,’ hindi ko puwedeng sabihing, ‘kanluran.’ Hindi ako puwedeng magsabi ng magkakaibang opinyon, hindi ako puwedeng maghain ng mga ulat tungkol sa mga isyu ng ibang tao, at hindi ako puwedeng makialam sa mga usapin sa buhay ng ibang tao. Puwede lang akong tumuon sa pananampalataya sa Diyos. Hindi ko dapat salungatin ang mga lider at manggagawa, sundin ang mga katotohanang prinsipyo, hangarin ang liwanag, o mahalin ang katarungan—walang liwanag o katarungan sa mundong ito. Tututok na lang ako sa pagtitiyaga hanggang sa huli, at aalalahanin saan man ako magpunta sa hinaharap na palaging unahing panatilihin ang kapayapaan!” Ito ang naabot nilang kongklusyon. Hindi ba’t sinaktan sila ng anticristong iyon? (Oo.) Ano ang nagkukumpirma nito? Matapos mapigilan ng anticristong iyon, talagang nabaliw na sila sa takot, masyado silang takot magsalita o gumawa ng anumang bagay. Nawalan na sila ng tunay na pananalig at hindi na nila tapat na ginagawa ang mga tungkulin nila; sa puso nila, namatay na ang maliit na apoy ng kanilang pagmamahal para sa katarungan; tuluyan na silang natalo at nabugbog ng anticristong iyon. Hindi ba’t mga wala silang silbi? Hindi ba’t mga duwag sila? (Oo.) Paano ninyo masasabi? Kung tatanungin mo sila, “Kumusta si ganito-at-ganyan sa iglesia ninyo?” sasagot sila, “Puwede na.” Kung sasabihin mo, “At paano iyong bagong lider ng iglesia na pinili ninyong lahat; kilala mo ba siya?” sasagot sila, “Hindi ko siya masyadong kilala.” Kung tatanungin mo, “Kumusta ang buhay iglesia roon ngayon? May sinuman bang nagdudulot ng mga kaguluhan?” sasabihin nila, “Ayos naman, maganda naman ang takbo.” Anuman ang itanong mo sa kanila, isasagot lang nila ang kaunting salitang ito. Hindi ba’t dahil ito sa natakot na sila? Bakit ganito sila katakot? Ito ay dahil hindi nila alam ang katuwiran ng Diyos; hindi nila makita ang kabuktutan, kalupitan, kawalang-habag, at kadiliman ni Satanas; hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng paghahari ng katotohanan, ni kung anong kahalagahan ang mayroon ito—at kaya natatakot sila. Samakatwid, anuman ang itanong mo, ang sagot nila ay magiging hindi tiyak at malabo; hindi ka makakakuha ng sagot tungkol sa kung ano talaga ang nangyayari sa iglesia mula sa kanila, o malalaman kung ano talaga ang iniisip nila sa kaibuturan. Labis nilang ikinukubli ang sarili nila, na hindi ka na makakasiguro kung ano ang sinasabi nila. Wala silang sasabihin tungkol sa mga problemang umiiral sa iglesia, o kung kumusta ang mga lider at manggagawa, at wala kang malalamang kahit na ano tungkol sa mga paghihirap na kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi mo malalaman ang alinman dito—makikipag-usap lang sila sa iyo sa ganitong paraan. At anong mararamdaman mo habang nakikinig ka sa kanila? Mararamdaman mong may nasa pagitan ng puso ninyong dalawa. Ang takbo ng isip nila ay: “Huwag mong hangaring may anumang malaman tungkol sa akin, ayaw kong magbunyag sa iyo ng anumang impormasyon o kung ano talaga ang nangyayari. Lumayo ka sa akin; kung susubukan mong alamin mula sa akin kung ano ang nangyayari sa iglesia, puwes, sinusubukan mong ipahamak ako at gambalain ang kasalukuyan kong kapaligirang pinapamuhayan, nakagawian, at sitwasyon. Huwag kang makialam sa anumang aspekto ng buhay ko; hayaan mong ako mismo ang humarap sa mga bagay na ito.” Natatakot silang pagdurusahin sila ng anticristo o maghihiganti ito sa kanila, at natatakot silang iulat ang anumang problema tungkol sa kanilang iglesia. Hindi ba’t pagsuko ito sa anticristong iyon? Hindi ba’t nalinlang at nakontrol sila ng anticristong iyon? (Oo.) At natutuwa ang anticristong iyon na makita ito. Pinahirapan nila ang mga tao sa puntong hindi na nangangahas ang mga ito na iulat ang mga isyu nila, kaya may mahigpit silang kontrol sa iglesia. Maraming tao ba sa iglesia ang kinokontrol ng isang anticristo sa ganitong paraan? Kayo ba mismo ay may pinigilan nang mag-ulat ng isang isyu? Maaaring nagawa na ninyo pero hindi ninyo ito alam, o maaaring gawin ninyo sa hinaharap. Kaya, maituturing bang problema ang mga taong nakukuha ang loob at nakokontrol ng mga anticristo? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “May ilang partikular na tao sa iglesia na takot sa isang anticristo, pero hindi sila naniniwala sa anticristong iyon o sumusunod sa anticristong iyon, at lalong hindi nila pinagseserbisyuhan ang anticristong iyon. Medyo nalimitahan lang kasi sila ng anticristong iyon, at naudlot ang pagpasok nila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Bakit Mo sinasabing problema ito?” Sa isang banda, sa pagtingin sa mga pamamaraang ginagamit ng mga anticristo para kunin ang loob at kontrolin ang mga tao, dapat magawa mong makita na ang kanilang kalikasang diwa ay ang diwa ni Satanas; mapanlaban ito sa katotohanan at sa Diyos. Gustong makipagkumpitensya ng mga anticristo sa Diyos para sa mga tao, na makipagpaligsahan para sa Kanyang hinirang na mga tao. Sa isa pang banda, ang mga kaparaanan at pamamaraan ng pagpapatakbo ng mga anticristo ay maaari talagang magkaroon ng epekto sa mga taong hangal, ignorante, lito, at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Puwede talagang malihis ng mga anticristo ang mga taong iyon, pigilan ang sarili nila sa ilalim ng kontrol ng mga anticristo, at pilitin silang kumonsulta sa mga anticristo at sumunod sa mga ito sa lahat ng bagay. Hindi lang pinapatikom ng mga anticristo ang bibig ng mga taong ito; kinokontrol din nila ang kilos ng mga ito, iniimpluwensiyahan ang mga kaisipan at ideya ng mga ito, at naaapektuhan ang direksyong nilalakaran ng mga ito. Ito ang mga epekto at kahihinatnang idinudulot ng mga kilos ng mga anticristo sa mga hangal at ignorante.

Ngayon lang tinalakay Ko ang tungkol sa iba’t ibang katotohanang nauugnay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider o manggagawa. Isiniwalat Ko rin ang ilang partikular na isyung tinataglay ng mga lider at manggagawa, na pangunahing nakatuon sa mga pagpapamalas ng pinakamalalang klase ng tao—at aling uri ng tao iyon? (Mga anticristo.) Ano ang isang karaniwang pagpapamalas na mayroon ang lahat ng anticristo? Sinusubukan nilang agawin ang kapangyarihan para sa sarili nila at kontrolin ang iglesia. Nalalampasan ng paghahangad nila sa kapangyarihan ang lahat ng iba pang bagay; ang kapangyarihan ang kanilang buhay, kanilang ugat; ito ang tema, ang direksyon, at ang layon kung saan umiikot ang lahat ng ginagawa nila sa buhay. Samakatwid, ang mga kilos ng mga anticristo at ang mga disposisyong ibinubunyag nila ay kapares ng mga taktikang ginagamit ni Satanas para ilihis, kunin ang loob, at kontrolin ang mga tao. Masasabing ang lahat ng ginagawa ng ganitong uri ng tao ay ginagawa siyang walang iba kundi bilang ekspresyon, sagisag, at pagpapahayag ni Satanas; ang pangunahing layon ng bawat kilos nila at ng lahat ng pag-uugali nila ay ang magtaglay ng kapangyarihan. At sino ang sinusubukan nilang kontrolin? Ito ay ang mga taong pinamumunuan nila, na mga tagasunod ng Diyos, ito ay ang mga taong nasa ilalim ng saklaw ng kanilang kapangyarihan, na nagagawa nilang makontrol. Kanina, pinag-usapan din natin ang mga diskarte na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao. Ang una ay ang kunin ang loob ng mga tao; ang ikalawa ay batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon; ang ikatlo ay ihiwalay at batikusin ang mga naghahangad ng katotohanan; ang ikaapat ay ang patuloy na itaas at patotohanan ang kanilang sarili; at ang ikalima ay ilihis, akitin, pagbantaan, at kontrolin ang mga tao. Ang lahat ng limang pangunahing pagpapamalas na ito ay mga karaniwang teknik at paraang ginagamit ng mga anticristo para magtamo ng kapangyarihan, at magtaglay at magkontrol ng mga tao. Ito ang malalawak na kategorya. Sunod, hihimayin natin at magbabahagi tayo tungkol sa malalawak na kategoryang ito nang mas detalyado.

Isang Paghihimay Kung Paano Sinusubukan ng mga Anticristo na Kuhain ang Loob ng mga Tao

A. Pang-aakit sa mga Tao Gamit ang Maliliit na Pabor

Ang unang diskarte na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao ay ang pagkuha sa loob nila. Gaano karaming paraan ang mayroon para kunin ang loob ng mga tao? Isang paraan ay ang akitin sila gamit ang maliliit na pabor. Minsan nagbibigay ang mga anticristo ng magagandang bagay sa mga tao, minsan ay pinupuri nila ang mga ito, minsan naman ay nagbibigay sila ng maliliit na pangako sa mga ito. At kung minsan, nakikita ng mga anticristo na ang ilang tungkulin ay makakapagbigay-kakayahan sa mga tao para bumida, o na iniisip ng iba na ang mga tungkuling ito ay makakapagdala ng bentahe sa sinumang gagawa ng mga ito at makakapagdulot para igalang ng lahat ang mga ito, at itinatalaga nila ang mga tungkuling ito sa mga gusto nilang makuha ang loob. Maraming bagay ang kasama sa “maliliit na pabor”: Minsan mga materyal na bagay ang mga ito; minsan ang mga ito ay mga bagay na hindi nahahawakan; minsan matatamis na salita ang mga ito na gustong marinig ng mga tao. Halimbawa, nagiging mahina ang isang tao kapag may nangyayari sa kanya, at nawawalan siya ng motibasyon sa kanyang tungkulin, at kapag inihahambing niya ang kahinaang ito laban sa mga salita ng Diyos, napapagtanto niyang kawalan ito ng katapatan sa Diyos, kawalan ng kagustuhang gawin ang kanyang tungkulin, kawalan ng tunay na pagpapasakop, at nakakaramdam siya ng labis na pagsisisi. Kapag nakita ito ng isang lider, maaari niyang sabihin, “Mababa lang ang tayog mo. Hindi titingnan ng diyos ang bagay na ito sa ganoong paraan. Maikling panahon ka pa lang nananampalataya. Wala kang masyadong aasahan sa sarili mo. Nangangailangan ng oras ang ganitong uri ng bagay—hindi mo ito puwedeng madaliin. Hindi malaki ang hinihingi ng diyos sa mga tao, at para sa iyo, isang tao na maikling panahon pa lang na nananampalataya sa kanya, normal kung minsan ang pagiging medyo mahina at hindi mo ito dapat ipag-alala.” Ang ibig sabihin nito ay walang dapat ipag-alala sa pagiging mahina, hindi gaanong dapat mag-alala sa patuloy na pagiging mahina, at na normal na pagiging negatibo ang lahat ng ito, at hindi ito naaalala ng Diyos. May ilang taong sobrang sentimental, at palagi silang napipigilan ng kanilang mga damdamin kapag ginagawa ang kanilang tungkulin, at sinasabi ng lider nila, “Dahil ito sa mababa mong tayog, ayos lang ito.” May ilang tao na tamad at hindi tapat sa kanilang tungkulin, pero hindi sila sinasaway ng lider nila, sa halip, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan at gustong marinig ng mga taong iyon sa bawat pagkakataon para palugurin ang mga ito at matawag silang mabuti ng mga ito, at para ipakita sa mga ito kung gaano sila kamaunawain at kamapagmahal. Iniisip ng mga taong iyon, “Ang lider namin ay parang mapagmahal na ina. Tunay siyang may pagmamahal sa amin—talagang kinakatawan niya ang Diyos. Talagang galing siya sa Diyos!” Ang hindi hayagang sinasabing implikasyon dito ay na kaya ng lider nilang magsilbing tagapagsalita ng Diyos, na kaya niyang kumatawan sa Diyos. Ito ba ang layon ng lider na ito? Hindi siguro iyon ganoon kalinaw, pero maliwanag ang isa sa mga layon niya: Gusto niyang sabihin ng mga tao na napakagaling niyang lider, isinasaalang-alang ang iba, nakikisimpatya sa mga kahinaan ng mga tao, at lubos na maunawain sa puso ng mga ito. Kapag nakikita ng ilang lider ng iglesia ang mga kapatid na pabasta-bastang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, hindi nila sinasaway ang mga ito, kahit na dapat. Kapag malinaw niyang nakikita na naaapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya nakikialam dito o nagtatanong, at hindi siya nagdudulot ng kahit kaunting sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga siya nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa kahinaan ng mga tao; sa halip, ang intensyon at layon niya ay ang makuha ang loob ng mga tao. Alam na alam niya na: “Basta’t ginagawa ko ito at hindi ako nagdudulot ng sama ng loob kanino man, iisipin nilang mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng maganda at mataas na pagtingin sa akin. Sasang-ayunan nila ako at magugustuhan nila ako.” Wala siyang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang nagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano kalaking mga kawalan ang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, o kung gaanong labis na nagambala ang buhay iglesia niya, patuloy lang siya sa kanyang satanikong pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Walang anumang paninisi sa sarili sa puso niya. Kapag may nakita siyang isang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo, sa pinakahigit ay maaari niya itong kausapin tungkol dito, paliliitin ang isyu, at pagkatapos ay hindi na niya ito pakikialaman. Hindi siya magbabahagi tungkol sa katotohanan, o tutukuyin ang diwa ng problema sa taong iyon, lalong hindi niya hihimayin ang kalagayan niyon, at hindi siya kailanman magbabahagi tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman inilalantad o hinihimay ng mga huwad na lider ang mga pagkakamaling kadalasang ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas ibinubunyag ng mga ito. Wala siyang nilulutas na anumang totoong mga problema, kundi sa halip ay palaging kinukunsinti ang mga maling gawi at pagpapakita ng katiwalian ng mga tao, at gaano man kanegatibo o kahina ng mga tao, hindi niya ito sineseryoso. Nangangaral lang siya ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang salita ng panghihikayat para harapin ang sitwasyon sa isang pabasta-bastang paraan, sinusubukang panatilihin ang pagkakasundo. Dahil dito, hindi alam ng mga hinirang ng Diyos kung paano pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, walang solusyon sa anumang ibinubunyag nilang mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila sa gitna ng mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, nang walang anumang buhay pagpasok. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, “Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming lider sa mga kahinaan namin kaysa sa Diyos. Masyadong maliit ang aming tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lang naming tuparin ang mga hinihingi ng aming lider; sa pagpapasakop sa aming lider, nagpapasakop kami sa Diyos. Kung dumating ang araw na tanggalin ng Itaas ang aming lider, magsasalita kami upang marinig; upang mapanatili ang aming lider at mapigilang tanggalin siya, makikipagkasundo kami sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi namin. Ganito namin gagawin ang tama para sa aming lider.” Kapag ang mga tao ay may ganoong mga saloobin sa kanilang puso, kapag nakapagtatag na sila ng ganoong relasyon sa lider nila, at nagkaroon na ng ganitong uri ng pagdepende, pagkainggit, at pagsamba sa puso nila para sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, at palagi nilang gustong makinig sa mga salita ng lider, sa halip na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang ganoong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nakakaramdam siya ng kasiyahan dito sa puso niya, at naniniwala siyang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga taong hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pinagkaiba ang lider na ito kay Pablo, nakatapak na siya sa landas ng isang anticristo, at nailihis na ng anticristong ito ang mga hinirang ng Diyos, at talagang wala silang pagkakilala. Sa katunayan, hindi tinataglay ng lider na iyon ang katotohanang realidad, at wala talaga sa puso niya ang tungkol sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya lang niyang mangaral ng mga salita at doktrina, at panatilihin ang kanyang relasyon sa iba. Magaling siyang magpakitang-gilas gamit ang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan, ang mga salita at kilos niya ay naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at sa gayon ay naililihis niya ang mga tao. Hindi niya alam kung paano magbahagi ng katotohanan o kilalanin ang sarili niya, at ginagawa nitong imposible para sa kanyang akayin ang iba sa katotohanang realidad. Gumagawa lang siya para sa reputasyon at katayuan, at nagsasabi lang siya ng mga salitang masarap pakinggan na nanlilinlang sa mga tao. Nakamit na niya ang epekto ng pang-uudyok na sambahin at tingalain siya ng mga tao, at lubha niyang naapektuhan at naantala ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t isang anticristo ang taong tulad nito? Kumikilos ang ilang tao sa parehong paraan gaya ng mga anticristo, pero kapag nakita nilang nabunyag ang isang anticristo, nagagawa nilang ikumpara ang sarili nila sa anticristong iyon. Pakiramdam nila ay landas din ng mga anticristo ang landas na tinatahak nila, na dapat nilang rendahan ang sarili nila mula sa bingit ng trahedya at agad na humingi ng tawad sa Diyos, at tigilan ang pagtuon sa personal nilang katayuan at imahe; iniisip nilang dapat nilang dakilain at patotohanan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hikayatin ang mga tao na magkaroon ng puwang sa puso nila para sa Diyos, at dakilain Siya—pakiramdam nila ay doon lang magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa kanilang puso. Tanging ang tao lang na gumagawa nito ang siyang nagmamahal at kayang tumanggap sa katotohanan. Kung ang isang tao ay may diwa ng isang anticristo, makakaramdam din siya ng pagkabalisa sa kanyang puso kapag makakarinig siya ng mga salitang naglalantad sa mga anticristo, pero hindi niya magagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o buksan at ilantad ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Ipinapakita nitong hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan at imposible para sa kanya ang tunay na pagsisisi. Magpapatuloy siya sa paggigiit sa kanyang katayuan, tinatamasa ang mga benepisyo ng katayuan, at tinatamasa ang pagsamba at pagtingala sa kanya ng hinirang na mga tao ng Diyos. Idinudulot nitong lumihis mula sa tunay na landas at sa mga salita ng Diyos ang mga taong nailihis na niya; umiiwas sila sa Diyos at sumusunod na lang sa taong iyon. Pero hindi talaga nagninilay sa sarili niya ang taong iyon. Walang kamalay-malay na nahulog na siya sa panganib, medyo mataas pa rin ang tingin niya sa sarili niya, at patuloy niyang inililihis at kinukuha ang loob ng iba. Hangga’t pinakikinggan ng mga tao ang sinasabi niya at sinusunod siya, gaano man kapabaya o kairesponsable ang mga taong iyon sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, magbubulag-bulagan lang siya rito. Bukod pa roon, malulugod siya sa pagtatamasa ng pagsamba at pagtingala sa kanya ng mga ignorante at hangal na taong iyon, at bibigyan pa nga ng proteksiyon ang mga ito, hindi pinapahintulutan ang sinuman na ilantad o kilatisin siya. Sa paggawa nito, hindi ba’t nagtatatag ang anticristo ng independiyenteng kaharian para sa sarili niya? Hindi gumagawa ng totoong gawain ang isang anticristo, hindi siya nagbabahagi tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema, hindi niya ginagabayan ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagpasok sa katotohanang realidad. Gumagawa lang siya para sa katayuan, kasikatan at pakinabang, ang mahalaga lang sa kanya ay ang tungkol sa pagtataguyod ng kanyang sarili, pinoprotektahan ang puwang niya sa puso ng mga tao, at inuudyukan ang lahat na sambahin siya, tingalain siya, at sundin siya sa lahat ng oras; ang mga ito ang mga pakay na gusto niyang makamit. Ganito sinusubukan ng isang anticristo na kunin ang loob ng mga tao at kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos—hindi ba’t buktot ang ganitong paraan ng paggawa? Ito ay masyado talagang nakakasuka! Ganito siya gumagawa sa loob ng ilang panahon, inuudyukan ang mga tao na maging magiliw sa kanya, mapagtiwala sa kanya, sumasandig sa kanya—pero ano ang mga kahihinatnan? Hindi lang basta hindi maunawaan ng mga taong iyon ang katotohanan, hindi lang sila talagang bigong umusad sa buhay pagpasok nila—sa halip, ginagawa nilang espirituwal na magulang nila ang anticristo, bilang panghalili sa Diyos, hinahayaan ang anticristo na palitan ang katayuan ng Diyos sa puso nila. Kapag may isyu ang isang tao, hindi na siya lumalapit sa Diyos, at anumang problema ang dumarating sa kanya, hindi siya nananalangin sa Diyos o sumasandig sa Kanya, o hinahanap ang katotohanan sa Kanyang mga salita. Sa halip, pumupunta siya sa lider na ito para magtanong tungkol dito. Hinihiling niya sa lider na ipakita sa kanya ang daan, at patagal nang patagal, lalo siyang tumitingala sa lider na ito at dumedepende rito. Hindi niya alam kung paano hanapin ang Diyos, at hindi niya alam kung paano tumingala sa Kanya at sumandig sa Kanya, lalong hindi ang kung paano kumilos ayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Anuman ang dumating sa kanya, makapigil-hininga niyang hinihintay ang lider na desisyonan ito. Ginagawa niya anuman ang sabihin ng lider na dapat niyang gawin, at sumusunod siya sa anumang mga direksyon ng lider. Sa pagdadala sa mga tao sa puntong ito, hindi ba’t inililihis at kinokontrol sila ng anticristo? Bakit hindi hinahanap ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan mula sa Diyos kapag may nangyayari sa kanila? Bakit pikit-matang sinusunod ng hinirang na mga tao ng Diyos ang sinasabi ng lider nila, nang hindi sinusuri o kinikilatis ang mga salita nito? Bakit agad nakakapagpasakop ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga salita ng lider nila pagkarinig nila sa mga ito, pero hindi ito magawa sa mga salita ng Diyos? Hinahanap nila ang mga kagustuhan ng lider nila sa halip na hanapin ang sa Diyos; pinakikinggan nila ang mga salita ng lider nila sa halip na pakinggan ang sa Diyos, at sa halip na maghanap at magpasakop sa katotohanan. Sumasandig sila sa lider nila para kumilos, pati na rin para palakasin sila, magsalita para sa kanila, at gumawa ng mga desisyon para sa kanila, sa halip na sumandig sa Diyos, tumingala sa Kanya, at magpasakop sa Kanya. Hindi ba’t umokupa na ng partikular na puwang sa puso ng mga tao ang mga tinatawag na lider na ito? Ito ang bunga ng panlilihis at panlilinlang ng isang anticristo sa mga tao.

Kapag may nangyayari sa ilang tao at sinabi mo sa kanilang manalangin sa Diyos, sasabihin nilang masyadong mababa ang tayog nila at hindi nila alam kung paano maghanap. Kung sasabihin mo sa kanilang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sasabihin nilang wala silang kakayahan at hindi nila kayang magtamo ng dakilang liwanag. Kung sasabihin mo sa kanilang makinig sa mga sermon, sasabihin nilang masyadong matayog at malalim para sa kanila ang nilalaman ng mga sermon, na hindi nila ito kayang maunawaan. Naniniwala silang kung mababa ang kakayahan ng isang tao, at may mga kahinaan, at hindi siya sapat sa anumang aspekto, kailangan niyang maghanap sa mga lider. Ipagpalagay nating tatanungin mo siya, “Bakit kailangan mong humanap ng isang lider? Bakit hindi mo hanapin ang Diyos at lumapit sa Kanya?” Sasabihin niya, “Napakahirap para sa mga tao na lumapit sa Diyos: May mga kuru-kuro kami, mahina ang kakayahan namin, at mahina kaming umintindi at walang pakiramdam. Hindi palaging tuwiran ang mga salita ng Diyos, at walang anumang mga halimbawa sa Kanyang mga salita para ipakita ang ibig sabihin ng mga ito. Direktang sinasabi sa amin ng lider namin kung ano ang dapat gawin, sa paraang talagang tuwiran, gaya ng kung paanong ang isa dagdagan ng isa ay katumbas ng dalawa. Pagdating sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, kung kaya kong basahin ang mga ito nang malakas, medyo mahusay na iyon, pero wala akong ideya kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon, at hindi ko alam kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao o kung paano magsagawa sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi ako kailanman makakahanap ng mga sagot. Dahil nakikita ko na isa akong taong may mahinang kakayahan, isang taong napakababa ng tayog, na walang pakiramdam at isang hangal, na hindi kayang kumilatis ng anumang bagay, kailangan kong tanungin ang lider namin tungkol sa lahat ng bagay na nangyayari, at ipaubaya sa kanya ang pagdedesisyon. Makakahanap ng mga sagot para sa akin ang lider namin; gagawin ko lang anuman ang sabihin niya sa akin. Ganoong uri lang ako ng tao—simple at masunurin.” “Walang mali sa pagiging simple at masunurin, pero tinataglay ba talaga ng lider ninyo ang katotohanang realidad? Isa ba talaga siyang taong nagpapasakop sa Diyos? Kung ang kaya niya lang gawin ay mangaral ng mga salita at doktrina at hindi siya isang taong nagpapasakop sa Diyos, ang pagpapasakop mo ba sa kanya ay nangangahulugang nagpapasakop ka sa Diyos?” Sinasabi nila, “Mahusay ang kakayahan ng lider namin, at tama ang lahat ng sinasabi niya. Nagpapatunay iyon na nauunawaan niya ang katotohanan at kaayon siya sa mga layunin ng Diyos.” May kaunting lohikal na katwiran sa sinasabi nila, hindi ba? Batay itong lahat sa mga personal nilang damdamin. Mahina ang kakayahan nila at wala silang pagkilatis, kaya kung talagang may mali sa lider nila, hindi nila ito makikita. Hangal, ignorante, at mahina ang kakayahan ng karamihan ng tao, pero isantabi muna natin ang dahilang iyon sa ngayon. Kung titingnan natin ito sa punto ng lider, kung nagpapakita ang mga tao ng ganitong mga pagpapamalas, may ganoong pagdepende sa kanilang lider, at nagkikimkim ng ganoong uri ng pananaw at saloobin, hindi ba’t may kaunting kaugnayan iyon sa mga taktika at pamamaraan ng lider upang makuha ang loob ng mga tao? (Oo. Mayroon.) Gaano kalaking kaugnayan? Direkta ba itong nauugnay sa paraan ng paggawa ng lider? Masasabi natin nang may katiyakan na may ganap at direktang kaugnayan doon, na isang daang porsiyentong konektado ang mga bagay na ito. Bakit Ko ito sinasabi? Maraming lider, pagdating sa kanilang subhetibong kagustuhan, ay nagnanais na dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos, pero dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o hindi alam kung paano lumutas ng iba’t ibang totoong problema, kaya lang nilang mangasiwa ng ilang pang-administratibong gawain at pangkalahatang usapin, at magpasikat para hangaan sila ng mga tao, hindi nila namamalayang napupunta na sila sa landas ng mga anticristo. Gumagamit sila ng mga sarili nilang paraan at pinagkukunan para patuloy na subukang kunin ang loob ng mga tao, at na kontrolin ang kanilang puso, gawi, at mga kaisipan, para palaging gawin ng mga tao ang sinasabi nila sa kanilang mga kilos, sa pagsasagawa nila ng katotohanan, at sa bawat aspekto ng pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Kung magpapasakop ang mga tao sa isang anticristo, at hindi tunay na magpapasakop sa Diyos—kung magpapasakop sila sa anticristo nang higit pa sa pagpapasakop nila sa Diyos—at walang ibinubungang resulta ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin o kung anuman, at hindi nila mahusay na nagagawa ang tungkulin ng tao, ang ganoong mga tao ba ang mga taong maliligtas? Ang mga tao ay may mga “tumpak” na landas ng pagsasagawa para sa pagsunod at pagiging tapat sa mga lider at manggagawa, pero hindi nga sila tumpak na nagsasagawa pagdating sa pagpapasakop sa Diyos at pagiging tapat sa Kanya—walang nagbabahagi tungkol dito, at walang gumaganap sa aspektong ito ng totoong gawain. Gusto ng lahat ng tao na magsalita at kumilos alang-alang sa sarili nilang katayuan at reputasyon, at pinipiga nila ang utak nila at nakakalimutan na nilang kumain o matulog sa pagsisikap na pasunurin at pasambahin sa kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Halata naman, na ginagawa nila ang lahat ng ito para matupad ang pakay nilang maghari sa iglesia bilang isang lider o manggagawa. Ano ang dahilan nito? Iyon ay dahil may pare-parehong disposisyon at pare-parehong kagustuhan ang lahat ng tiwaling sangkatauhan. Kapag may taong nagturo ng landas sa iyo, at talagang handa kang isagawa ito, hindi ibig sabihin niyon na isinasagawa mo ang katotohanan—ibig sabihin nito ay ginagawa mo ang sinasabi ng taong iyon at sinusunod mo siya. Kaya, bakit ayaw ng mga tao na lumapit sa Diyos, o hanapin Siya? Dahil walang anumang nasa pagkatao ng tao ang naaayon sa katotohanan. Ang lahat ng gusto ng tao, ang lahat ng inaasam nila, at ang lahat ng pinanghahawakan nila sa kanilang puso ay taliwas sa katotohanan, salungat dito. Samakatwid, kung hihilingin mo sa isang tao na hanapin ang katotohanan kapag may nangyari sa kanya, magiging mas mahirap pa ito sa kanya kaysa sa pagpunta sa buwan—pero kung hihilingin mo sa kanyang makinig sa isang tao, magiging mas madali iyon. Maliwanag na napakabilis makamit ng mga anticristo ang mga resulta kapag ginamit nila ang diskarte ng pagkuha sa loob ng mga tao para kontrolin ang mga ito. Sa isang komento lang na isiningit, makukumbinsi nila ang isang tao na magkaroon ng magandang opinyon tungkol sa kanila; sa isang kaswal na komento lang na nagkikimkim ng ilang intensyon o pananaw, magagawa nilang makita sila ng isang tao mula sa isang bagong perspektiba, sa isang bagong punto de bista. Ibinubunyag nito nang eksakto kung anong mga bagay ang nasa kalooban ng mga tao. Ibig sabihin nito na kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at sa halip ay tatahakin mo ang landas ng paghahangad sa katayuan at kapangyarihan, ang magiging epekto at kahihinatnan ng lahat ng gagawin mo sa sinumang miyembro ng tiwaling sangkatauhan ay ang hikayatin silang talikuran ang tunay na daan, iwasan ang katotohanan, iwasan ang Diyos, at tanggihan ang Diyos. Iyon ang tanging kahihinatnan, ang tanging kalalabasan. Malinaw itong makikita.

Ang unang pagpapamalas ng pagsubok ng mga anticristo na kunin ang loob ng mga tao ay ang pang-aakit sa mga tao gamit ang maliliit na pabor. Hindi kailangang mga materyal na bagay ang maliliit na pabor; malawak ang saklaw ng mga ito. Minsan mga salitang may pagsasaalang-alang ang mga ito; minsan katuparan ang mga ito ng pagnanais o kagustuhan ng isang tao; at kung minsan pakikiramdam ang mga ito sa mga kaisipan ng isang tao at pagsasabi ng anumang mga kaaya-ayang bagay na gustong marinig ng taong iyon, para isipin ng taong iyon na napakahusay at napakamaunawain ng lider nila. Sa madaling salita, nagtatambak ang mga anticristo ng pagpaparaya, pagmamahal, init, at tinatawag na pagsasaalang-alang para maitago ang lihim nilang ambisyon na kontrolin ang mga tao. Kung nagbigay ang mga kapatid ng ilang magandang bagay, halimbawa, posibleng ibahagi nila ang ilan sa mga bagay na iyon sa sinumang kasundo nila. Ginagamit nila ang maliliit na pabor na ito para kunin ang loob ng mga tao at bilhin ang mga ito. Kung may trabaho sa iglesia na wala masyadong hinihingi, iyong walang kasamang pagkakalantad sa mga elemento at mabibigyang-kakayahan ang isang tao para mapansin, ipapagawa nila ito sa sinumang kasundo nila. Bakit kaya nila itong gawin? Bahagi nito ay hindi talaga nila minamahal ang katotohanan, at kumikilos sila nang walang mga prinsipyo. Ang isa pang bahagi ay nirereserba nila ang mabuting tungkulin na ito para sa mga kasundo nila, at pagkatapos ay magsasabi ng ilang magandang pakinggang bagay sa mga ito, para magkaroon ang mga ito ng utang na loob sa kanila. Sa paggawa nito, makakamit nila ang layon nila na pagkuha sa loob ng mga tao. Ang taktikang ito ay hindi lang tungkol sa pagbibigay ng maliliit na pabor at pagsasabi ng matamis na bagay dito at diyan—may isang intensyon dito, may isang layon. At anong layon iyon? Naglalayon itong mag-iwan sa mga tao ng isang kanais-nais na pagsusuri sa kanila sa puso ng mga ito. Kung may isang grupo ng sampung tao, magsisimula sila sa pamamagitan ng pagtatasa sa mga ito: “Sa sampung ito, may dalawa na magaling sa pagsipsip sa mga tao. Hindi ko sila kailangang intindihin, at pareho lang nila akong bobolahin. Pagkatapos, may dalawang taong magulo ang isip; gagawin nila ang sasabihin ko kung bibigyan ko sila ng ilang benepisyo. Ang dalawa pa ay mga taong medyo mahusay ang kakayahan; hangga’t nangangaral ako ng ilang matatayog na sermon at nagsasalita ng ilang kahanga-hangang salita sa kanila, susuko sila sa akin. Pagkatapos, may tatlong tila naghahangad sa katotohanan, kaya medyo magiging mahirap silang pangasiwaan. Kakailanganin kong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa aktuwal nilang sitwasyon, makita kung ano ang kailangan nila, at pagkatapos ay tugunan ang mga ito. Kung hindi kakagat dito ang sinuman sa kanila at hindi susunod sa akin, haharapin ko sila sa huli at paaalisin. Kahit pa laban sa akin ang huli, gaano lang ang gulo na maidudulot nila sa akin, at magiging madali lang ayusin ang mga iyon.” Sa isang sulyap lang ng kanilang mga mata, matutukoy nila kung sino sa isang grupo ang kaya nilang pangasiwaan at sino ang hindi. Paano nila ito malalaman nang ganoon kabilis? Kaya nila itong gawin dahil puno ang puso nila ng mga satanikong politika at pilosopiya. Ang mga prinsipyo ng pagkilos nila at ang mga paraan ng pag-asal at pakikisalamuha nila sa iba ay hindi tungkol sa mabuting pakikisama sa mga tao, o pagkakaroon ng mga normal na interpersonal na relasyon, hindi ito tungkol sa pagtulong o pagtustos sa iba, o pagtuturo sa kanila, o tungkol sa pakikipag-ugnayan sa iba bilang kapantay, o paggamit sa mga katotohanang prinsipyo para pangasiwaan ang mga usapin at harapin ang ibang tao. Talagang hindi sila nagtataglay ng kahit katiting ng mga prinsipyong ito. Ano ang mga prinsipyo nila? “Paano ako itinuturing ng bawat tao sa kanilang puso? Hindi ko na kailangang intindihin iyong mga mataas ang tingin sa akin, na nasa puso nila ako, at na takot sa akin, iginagalang ako, at hinahangaan ako. Ganito at ganyan ang dapat kong sunod na gawin sa mga taong hindi humahanga sa akin, at ganito at ganyan ang dapat kong gawin sa mga taong humahanga sa akin, pero hindi pa lubos na sumusuko sa akin. At para doon sa mga hindi karaniwang nagbibigay ng pansin sa iba, ganito at ganyan ang dapat kong gawin sa kanila.” May hakbang-hakbang silang pamamaraan para kontrolin ang mga tao. Bakit nila ginagawa ang mga hakbang at kaisipang ito? Dahil hindi na makontrol ang pagnanais para sa kapangyarihan sa kanilang puso. Kung magiging mabuti ang pakikisama nila sa mga tao sa isang grupo, medyo hindi sila masisiyahan at mararamdaman nilang wala silang dignidad. Kaya, ano ang layon nila? Ang kumbinsihin ang lahat na bigyan sila ng puwang sa puso ng mga ito—kung hindi una, kung gayon ay pangalawa, at kung hindi pangalawa, kung gayon ay pangatlo. Hindi talaga puwede ang makipag-ugnayan sa iba sa pantay na antas. Bilang mga lider, kaya bang pakinggan ng mga taong ito ang magkakaibang opinyon ng iba? Hindi nila kaya. Saan umiikot ang lahat ng ginagawa nila? (Sa kapangyarihan.) Sa kapangyarihan umiikot ang lahat ng ginagawa nila. Anong mga bagay ang ginagawa nila na umiikot sa kapangyarihan? Una, sinisiyasat nila ang puso mo at inaarok ito; ibig sabihin, binibili ka muna nila, at inuudyukan kang maglabas ng saloobin sa kanila, kinukuha nila sa iyo ang tunay mong damdamin, at inaalam ang tunay mong opinyon tungkol sa kanila. Sa pagkaarok nito, iniaakma nila ang mga pamamaraan nila sa bawat sitwasyon, tinutugunan isa-isa ang bawat kaso. Gusto nilang kontrolin ang puso ng mga tao, at kapag nakahanap sila ng isang taong hindi nila kasundo, isang taong hindi humahanga sa kanila, isang taong hindi tapat sa kanila, iyon ang oras na sasaktan at pahihirapan nila ang taong iyon. Kung gayon, ang motibasyon ng mga anticristo sa pagkuha sa loob ng mga tao ay kapangyarihan. At ano ang mga pamamaraan at diskarte na ginagamit nila para magkamit ng kapangyarihan? Lubusan nilang nauunawaan, naaarok, at nakokontrol ang puso ng mga tao. Ano ang kumokontrol sa mga kaisipan ng mga tao? Ang puso at kalikasan nila. Kapag kinokontrol ng anticristo ang puso ng isang tao, hindi na mahalaga ang mga ideya at kaisipan ng taong iyon. Sa sandaling makontrol ng anticristo ang puso ng isang tao, nakokontrol na niya ang buong pagkatao nito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.