Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan (Ikalawang Seksiyon)
Paano dapat tratuhin ng mga taong hinirang ng Diyos ang mga anticristo? Dapat nilang kilatisin, ilantad, iulat, at itaboy ang mga ito. Saka lamang masisiguro ang pagsunod sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihan at ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi mo mga lider ang mga anticristo, gaano pa man nila iniligaw ang iba na piliin sila bilang mga lider. Huwag mo silang kilalanin, at huwag mong tanggapin ang kanilang pamumuno—dapat mo silang kilatisin at itaboy, dahil hindi ka nila matutulungang maunawaan ang katotohanan, ni hindi ka nila masusuportahan o matutustusan. Ito ang mga katunayan. Kung hindi ka nila maaakay sa katotohanang realidad, hindi sila angkop na maging mga lider o manggagawa. Kung hindi ka nila maaakay na maunawaan ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos, sila ang mga lumalaban sa Diyos at dapat mo silang kilatisin, ilantad, at itaboy. Ang lahat ng ginagawa nila ay para iligaw ka na sundan sila, at para isama ka sa kanilang grupo para pahinain at guluhin ang gawain ng iglesia, para magawa kang tahakin ang landas ng mga anticristo, gaya nila. Nais ka nilang dalhin sa impiyerno! Kung hindi mo makita kung ano talaga sila, at naniniwala kang dahil sila ang mga lider mo ay dapat mo silang sundin at pagbigyan, isa kang taong kapwa nagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos—at ang ganoong mga tao ay hindi maliligtas. Kung nais mong maligtas, hindi mo lamang dapat mapagtagumpayan ang paghadlang ng malaking pulang dragon, at hindi mo lamang dapat makilatis ang malaking pulang dragon, na makita ang nakakakilabot nitong mukha at ganap na maghimagsik laban dito—dapat mo ring mapagtagumpayan ang paghadlang ng mga anticristo. Sa iglesia, ang isang anticristo ay hindi lamang kaaway ng Diyos, kundi kaaway rin ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung hindi mo makilatis ang isang anticristo, malamang na maililihis at makukumbinsi ka, tatahak sa landas ng isang anticristo, at isusumpa at parurusahan ng Diyos. Kung mangyari iyon, ganap na nabigo ang iyong pananalig sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananampalataya sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manampalataya, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, layunin at mithiin sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at siguradong hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o pinagdurusa, pinahihirapan, tinutulak palabas, pinipigilan, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makatatagal ang sobrang liit mong buhay, at malalanta; hindi ka na magkakaroon ng pananalig sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang diyos! Nasaan ba ang diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi na naniniwalang Siya ay umiiral; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang maramdaman at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang lider o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, inaasahan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayumpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mailayo ang iyong sarili sa panganib na ito, ikaw ay biktimang isasakripisyo ni Satanas. Ano’t anuman, ang mga taong naililihis at nakokontrol, at nagiging mga tagasunod ng isang anticristo ay hindi magtatamo ng kaligtasan kailanpaman. Dahil hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan, tiyak na ang magiging resulta ay maililihis sila at susunod sila sa isang anticristo.
Akala ng ibang tao ay mga tao silang naghahangad sa katotohanan at sinasabi nilang nakikilatis nila ang mga anticristo. Sobrang taas ng tingin nila sa kanilang sarili, hindi ba? Kapag may nakatagpo kang isang halatang anticristo, isa na ipinapakita ang kanyang mga pangil, may mahinang pagkatao at gumagawa ng masasamang gawa, makikilala mo siya nang natural. Pero kapag may nakatagpo kang anticristo na mukhang maka-diyos, malumanay magsalita, at parang isang mabait na tao—isang anticristo na tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao—matapang mo pa rin bang maipapahayag na kaya mo siyang makilala kung ano talaga siya? Maglalakas-loob ka bang bansagan siya na isang anticristo? Kung hindi mo siya kayang kilatisin, siguradong hahangaan mo siya at magiging mabait ka sa kanya, at sa gayon ay siguradong makakaimpluwensiya sa iyo ang kanyang pag-uugali, ang kanyang mga opinyon at pananaw, ang kanyang mga kilos—maging ang kanyang pagkaunawa sa katotohanan. Gaano kalalim makakaimpluwensiya sa iyo ang mga bagay na ito? Maiinggit ka sa anticristo, gagayahin siya, tutularan siya, susundan siya, na makakaapekto sa iyong buhay pagpasok; maaapektuhan nito ang iyong paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad, maaapektuhan nito ang saloobin mo sa Diyos, at maaapektuhan nito kung tunay ka bang magpapasakop at susunod sa Diyos hanggang wakas o hindi. Sa huli, ang anticristo ang magiging diyus-diyosan mo, magkakaroon siya ng lugar sa puso mo, at hindi mo siya matatakasan. Kapag nailihis ka na nang ganito kalala, mayroon ka na lamang katiting na pag-asang maligtas, dahil ang iyong relasyon sa Diyos ay nawasak na, nawala na ang normal na relasyon mo sa Diyos, at ikaw ay nasa bingit ng panganib. At ito ba ay isang sakuna o isang pagpapala para sa iyo? Siyempre isa itong sakuna; tiyak na hindi ito isang pagpapala. Kahit na, sa maliliit na bagay, ay may ilang anticristo na makakatulong sa iyo, at magiging kapaki-pakinabang sa iyo, o kung hindi naman ay makakapangaral ng mga salita at doktrinang magbibigay—liwanag sa iyo, sa sandaling nailihis ka nila, sinamba mo sila, at sinundan sila, nasa panganib ka. Idinulot mo ang pagkawasak ng iyong sarili, at nawala ang pagkakataon mong maligtas. Sinasabi ng iba, “Hindi siya isang Satanas o isang masamang tao, mukha siyang espirituwal na tao, isang taong naghahangad sa katotohanan.” May katotohanan ba sa mga salitang ito? (Wala.) Bakit wala? Sa sinumang totoong naghahangad sa katotohanan, ang impluwensiya o pakinabang ng kanyang gabay, tulong, at pagtustos ay nagsisilbi para dalhin ka sa harap ng Diyos para iyong hanapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at para lumapit ka sa Diyos at matutong sumandig sa Kanya at hanapin Siya, at mapapalapit nang mapapalapit ang relasyon mo sa Kanya. Sa kabaligtaran, ano ang kalalabasan kung mapapalapit nang mapapalapit ang relasyon mo sa anticristo, hanggang sa maging sunud-sunuran ka na sa kanya? Malilihis ka sa maling landas at magdadala ng kapahamakan sa iyong sarili. Kapag mayroon kang malapit na relasyon sa isang anticristo, napapalayo ang iyong relasyon sa Diyos. At ano ang kahihinatnan nito? Dadalhin ka ng anticristo sa harapan niya, at lalayo ka sa Diyos. Kung mayroon kang diyus-diyosan sa iyong puso, sa sandaling magsimula kang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, o kapag isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang diyus-diyosan mo, agad kang maghihimagsik laban sa Diyos, at baka kalabanin at ipagkanulo mo pa nga ang Diyos; papanig ka sa iyong diyus-diyosan at kakalabanin ang Diyos. Madalas itong mangyari. Kapag ang ilang huwad na lider at anticristo ay pinalitan o pinatalsik, ang kanilang mga kasabwat at tauhan ay nagsisimulang ipagtanggol sila at magreklamo; may ilan pa ngang nagiging negatibo at tumitigil na sa pananampalataya sa Diyos. Karaniwan ito, hindi ba? At bakit tumitigil na sila sa pananampalataya? Sinasabi nila, “Ang aming lider ay pinalitan at pinatalsik, kaya anong pag-asa ang mayroon ako, na isang ordinaryong mananampalataya?” Hindi ba’t kalokohan ito? Ipinapahiwatig ng kanilang mga salita na sinusunod nila ang anticristo, na ganap na silang nailihis ng anticristo. At ano ang kinahinatnan ng kanilang pagkalihis? Ang anticristo ang naging diyus-diyosang sinasamba nila; naging parang ninuno nila ang anticristo: Paanong hindi sila aalis, kung pinatalsik ang kanilang ninuno? Sa anticristo lang sila nakikinig, at nasa ilalim sila ng buong kontrol ng anticristo. Iniisip nila na ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng anticristo ay tama, at dapat tanggapin at sundin bilang katotohanan, kaya hindi nila pinahihintulutan ang kahit sino sa sambahayan ng Diyos na ilantad at kondenahin ang anticristo. Sa sandaling patalsikin ng sambahayan ng Diyos ang anticristo, ang mga sumusunod sa anticristo ang mismong aalis sa iglesia; “Ang puno ay natumba at ang mga unggoy ay naglipana,” wika nga nila. Ipinapakita ng ganoong mga bagay na ang mga anticristo at ang kanilang mga alagad ay mga lingkod ni Satanas, na dumating para gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos. Sa sandaling sila ay maibunyag, mailantad, at maitaboy ng mga taong hinirang ng Diyos, matatapos ang kanilang pananalig sa Diyos. Ang mga tagasunod ng mga anticristo ay may iisang malinaw na nakikitang katangian: Hindi sila nakikinig sa mga salita ninuman; ang mga anticristo lamang ang pinakikinggan nila. At kapag nailihis na sila ng mga anticristo, tumitigil na ang pakikinig nila sa mga salita ng Diyos, at ang anticristo lamang ang kinikilala nila bilang kanilang panginoon. Sa ganito, hindi ba’t nailihis na sila, hindi ba’t kinokontrol sila? Ang mga tagasunod lamang ng mga anticristo ang magtatanggol sa mga anticristo. Kapag inilantad at ibinunyag ang mga anticristo, ang mga taong sumusunod sa kanila ay nababalisa para sa kanila, umiiyak ang mga ito para sa kanila, nagrereklamo ang mga ito para sa kanila at sinusubukan ng mga itong ipagtanggol sila. Sa ganoong mga panahon nakalimutan na nila ang Diyos, at hindi na sila nagdarasal sa Diyos o naghahanap sa katotohanan; ang tangi na lang nilang ginagawa ay ipagtanggol ang mga anticristo at pigain ang utak nila para sa mga ito; ni hindi na nga nila kinikilala ang Diyos. Nananampalataya ba talaga sila sa Diyos? Kanino ba sila totoong nananampalataya? Malinaw na malinaw na ito. Kahit ano pa ang sabihin o gawin nila, iisa lamang ang hangad ng mga anticristo: Ito ay ang pamunuan ang mga tao, maging panginoon ng mga ito, at gusto nilang sundan at sundin sila ng lahat na parang mga alipin, at sa huli ay tratuhin sila ng mga ito bilang Diyos. Paano ito naiiba sa landas na tinahak ni Pablo? Nang matapos ang gawain ni Pablo, sinabi niya ang mga salitang nasa kanyang puso; sinabi ni Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo, at ang layon niya sa pagsasabi nito ay para tularan siya ng lahat ng nanampalataya sa Panginoon, sundan siya, at tratuhin siya bilang Diyos. Ito ang layon ni Pablo sa pagsasabi ng mga salitang ito, hindi ba? At kung aabot talaga ang gawain ng mga anticristo sa puntong kung saan sinasamba at sinusunod sila ng mga tao, mawawalan na ng lugar ang Diyos sa puso ng mga taong ito; nasakop na ng mga anticristo ang kanilang puso. Ito ang kahihinatnan. Sinasabi mo na hindi ka nag-aalala na maililihis ka ng anticristo, na wala kang takot na sumunod sa isang anticristo, pero walang silbing sabihin ito. Ito ay isang magulong pahayag. Ito ay dahil kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at lagi mong sinasamba at sinusunod ang mga tao, tatahakin mo ang landas ng mga anticristo nang hindi mo namamalayan. Ang pananampalataya sa Diyos nang maraming taon pero walang patotoong batay sa karanasan, at hindi lang ang hindi pagkakamit ng katotohanan at buhay, kundi ang pagiging isang tao pang kumokontra sa Diyos: ito ang pangunahing kahihinatnan ng pagsunod sa mga anticristo, at ito ay isang bagay na hindi mo matatanggal sa iyong sarili, ito ay isang katunayang hindi mababago. Tulad ito ng kapag hinawakan ng isang tao ang daloy ng kuryente: Siguradong makukuryente siya. Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi ako naniniwala riyan; hindi ako natatakot”—pero ito ba ay usapin ng kung pinaniniwalaan mo ito o kung natatakot ka? Hawakan mo ang daloy ng kuryente, at zap! Makukuryente ka. Hindi makakatulong ang hindi paniniwala rito. Ang hindi paniniwala rito ay kamangmangan; ito ay iresponsableng bagay na sabihin. Kaya, handa ka mang sumunod sa anticristo o hindi, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ang iyong mga pagsisikap ay laging nakatutok sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, tinatahak mo na ang landas ng mga anticristo. Ang kahihinatnang ito ay magpapakita nang paunti-unti, parang dumi na lumulutang papunta sa ibabaw. Hindi ito maiiwasan. Ang ginagawa ng mga anticristo ay akayin ang mga tao papunta sa harapan nila, ipinapatanggap sa mga ito ang kontrol at pagmamanipula nila, kaysa tanggapin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gusto ng mga anticristo na makuha ang tiwala ng mga tao, gusto nilang makamit ang mga ito, layon nilang makontrol ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, makontrol ng mga kamay nila ang mga taong hinirang ng Diyos; mga ilegal na mangangalakal sila. At ano ang ginagamit ng mga anticristo para matupad ang layon nilang makontrol ang mga tao? Ginagamit nila ang espirituwal na doktrinang sinasamba ng mga tao, gumagamit sila ng mga teoryang mapanlinlang, sinasamantala nila ang tiwaling mentalidad ng mga tao ng teorya ng pagsamba para magpaliguy-ligoy at magpabango, para iligaw ang mga tao. Sa madaling salita, ang lahat ng kanilang sinasabi ay mga salita at doktrina lang, hungkag na teorya, mga bagay na mapanlinlang at labag sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, talagang maililigaw sila; kahit papaano, may panahong maililigaw muna sila bago sila mahihimasmasan. Kapag nahimasmasan na sila ay malalantad na ang mga anticristo, kung kailan makakaramdam sila ng pinakamatinding pagsisisi. Matagal nang nawala ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong sumusunod sa mga anticristo; ito ay dahil sinasamba nila ang mga diyus-diyosan sa kanilang puso, sinusundan ang mga tao, at itinataboy sila ng Diyos, at isinantabi na Niya sila para ibunyag sila. Kaya napakamapanganib na sumunod sa mga anticristo; gaya ng mga anticristo, ang mga taong sumusunod sa mga anticristo ang pinaka-kinasusuklaman ng Diyos. At ano ang layon ng Diyos sa pagsasantabi sa mga taong ito? Ito ay para hintayin ang mga taong hinirang ng Diyos na mahimasmasan, para magawang matukoy at mailantad ang mga anticristo, at para lubusang matanggihan ang mga anticristong ito, na sa panahong iyon ay dumating na ang mga huling araw ng mga anticristo. Hindi ba’t nakakasama sa mga tao ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo? Hindi nila hinahangad ang katotohanan at sinusubukan nilang iligaw at kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos, hindi nila hinahayaang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos, at sinusubukan nilang iligaw ang mga taong hinirang ng Diyos para sumunod ang mga ito sa kanila—ang lahat ng ito ay nagpapakita na ang mga anticristo ay walang anumang pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos at walang pagmamahal para sa katotohanan. Sa halip, nag-iisip sila ng kahit anong paraang kaya nila para magtamo sila ng katayuan at kapangyarihan para kalabanin ang Diyos at makipagkompetensiya sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang, at sa huli ay gumagawa sila ng sarili nilang kaharian bilang paglaban sa Diyos—ang lahat ng ito ay nagpapakita na ang mga anticristo ang mga mortal na kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang mga layon mismo ng pagwasak ng Diyos. Wala nang mas mapanganib pa sa pananalig ng mga tao sa Diyos kaysa sa kapag sila ay nalihis at nakontrol ng mga anticristo. Kung nasimulan nang sundan ng mga tao ang mga anticristo, kung ganap na silang nasa panig ng mga anticristo, sila ay mga taong ipinagkanulo ang Diyos at kumakalaban sa Diyos, na sa ganoong kaso ay alam na natin ang kalalabasan nila.
Iyon na halos lahat ang mapagbabahaginan tungkol sa kung paano inihihiwalay at binabatikos ng mga anticristo ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang kanilang layon at intensyon sa paghiwalay at pagbatikos sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at ang saloobin, mga pamamaraan, at mga teknik kung papaano nila tinatrato ang mga taong naghahangad sa katotohanan, pati na rin ang mga pagkilos na dapat taglay ng mga taong naghahangad sa katotohanan para sa mga anticristo—pinagbahaginan na natin nang kaunti ang bawat isa sa mga ito, pero hindi pa nang masinsinan. Ang pagbabahaginan sa hinaharap ay puwedeng tumalakay sa katotohanan sa mga bahaging ito ayon sa naaangkop sa mga partikular na pangyayari at partikular na kaso. Kapag nakikipagbahaginan sa ganoong mga partikular na paksa, anong saloobin ang dapat taglay ng mga tagapakinig ng sermon? Dapat silang tumutok, tumahimik sa harap ng Diyos, at huwag magambala, dahil ang bawat aspekto ng katotohanan ay may mga partikular na pahayag at depinisyon, at ang bawat isa ay may partikular na nilalaman at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Dagdag pa rito, magsasalita tayo mula sa iba’t ibang anggulo at sa iba’t ibang paraan ng mga konseptuwal na bagay na kinapapalooban ng katotohanan sa loob ng bawat bahagi ng paksa, pati na rin ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao at ang landas kung saan sila dapat magsagawa. Ang lahat ng ito ay dapat pinagbabahaginan at pinag-iisipan hanggang sa puntong maging malinaw ito bago ito magbubunga ng mga resulta. Makikita natin, sa pamamagitan ng ating kasalukuyang detalyadong pagbabahaginan, na ang mga katotohanang prinsipyo na nakapaloob sa paggawa ng tungkulin ng isang tao ay hindi kasing simple ng inaakala ng mga tao. Ang pag-unawa sa katotohanan ay mahirap talaga para sa mga taong walang kakayahang makaarok. Ang pag-unawa sa katotohanan, tulad ng pag-aaral sa pamantasan, ay may kaakibat na kaunting antas ng paghihirap, pero hindi mararamdaman ng isang tao na ito ay mahirap kung mayroon siyang kakayahang makaarok. Basta’t kaya ng isang tao na maunawaan ang katotohanan pagkatapos niya itong marinig, natural na magkakaroon siya ng landas para isagawa ito, at habang mas lalo siyang nagsasanay na isagawa ang katotohanan, mas lumalawak ang landas niya ng pagsasagawa nito, at magkakaroon siya ng mas tumpak na pagkaarok sa mga prinsipyo. Sa kabilang banda, kung hindi ka nakikinig sa ganoon kadetalyadong pagbabahaginan at mga pangkalahatan at konseptuwal na bagay lamang ang nauunawaan mo, hindi ka makakakilos nang malaya pagdating sa pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang mga katotohanang prinsipyo, magmumukhang mali ang bawat daan na tatahakin mo, at mararamdaman mong hindi mo maarok nang tumpak ang mga ito, kahit ano pa ang gawin mo. Pero ngayon, dahil sa ganitong mga kongkretong depinisyon at espesipikasyon, kapag ang saklaw ay napaliit na at ang katotohanan ay ginawang partikular, mas magiging malaya ka kapag sinimulan mo ulit isagawa ang katotohanan, dahil idinetalye ito. Halimbawa, sabihin nating hiniling Ko sa iyo na bumili ka ng kuwaderno. Kung ibinigay Ko lamang sa iyo ang ganoong mga pangunahing hinihingi gaya ng laki, kapal, at presyo nito, puwedeng kailanganin mong magsikap para maarok ang mga prinsipyong ito at maisagawa ang mga ito. Pero kung sinabi Ko sa iyo ang mga bagay gaya ng mismong kulay, laki, bilang ng mga pahina, tiyak na ayos, at kalidad ng papel ng kuwaderno—sa pagsasabi Ko ng mga detalyeng ito, hindi ba’t magiging mas kongkreto ang mga prinsipyong maaarok mo? At kung naging mas partikular pa Ako, at binigyan kita ng isang pirasong papel at sinabi Ko sa iyo na bumili ka ng kuwaderno na pareho ang kalidad ng papel, kapal, kulay, at laki at dami ng grid, o kung nagbigay Ako ng mga espesipikasyon sa mga pagpapahintulot sa bawat katangian, kapag bibilhin mo na ito, hindi ba’t mababawasan ang dami ng pagpipilian? (Oo.) Hindi ba’t mas magiging kongkreto at simple para sa iyo ang mga nauukol na prinsipyo kapag nagsagawa ka na? Makakatulong ba ito o magpapahirap sa iyong pagsasagawa? (Dapat makakatulong ito.) Dapat itong makatulong, sa katunayan, dahil ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan ay naisaad nang mas kongkreto at nang mas espesipiko, hanggang sa mga detalye ng kung papaano dapat tratuhin ang mga partikular na usapin, ang mga partikular na pagpapamalas, at ang mga detalye ng kung paano magsagawa—ang lahat ng ito ay inilahad nang komprehensibo sa iyo. Kung hindi mo pa rin ito maisasagawa, wala kang anumang kakayahan na maarok ang katotohanan.
Kung may kakayahan kayo ngayon na maarok ang katotohanan ay mahalaga sa kung makakamit ba ninyo ang katotohanan at magagawa kayong perpekto. Ngayon, nagawa Ko nang hatiin sa anim na uri ang mga katotohanang may kaugnayan sa sapat na pagganap ng tungkulin, ayon sa tauhan na gumagawa ng bawat tungkulin; ang bawat isa sa mga uring iyon ay hinahati pa sa mga partikular na kategorya, at sa bawat kategorya ay may mas maliliit na kategorya ng detalyadong pagbabahaginan. Sa kaso ninyo, ang ganitong uri ba ng pangangaral at ang pagbabahaginan sa ganoong mga katotohanan ay nag-aakay sa inyo sa mas mabuting pagkaunawa ng katotohanan at nagbibigay sa inyo ng mas maraming prinsipyong isasagawa, o ginagawa ba nitong mas mahirap na hanapin ang mga prinsipyo? (Mas marami kaming prinsipyo dahil dito.) Dapat kayong akayin nito sa mas malawak na pang-unawa, at dahil ganoon, makakatulong dapat sa inyo ang Aking detalyadong sermon. Dapat kayong bigyan nito ng higit na kalinawan, hindi ng higit na pagkalito. Nakadepende ito sa kung mayroon bang kakayahan ang isang tao na maarok ang katotohanan. Kung ang isang tao ay talagang isang tao na may mabuting kakayahan na may espirituwal na pang-unawa, mararamdaman niyang lalo siyang nalilinawan; kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan at walang espirituwal na pang-unawa, lalo niya itong hindi mauunawaan, at mas lalo lang siyang malilito. Puwedeng sabihin ng iba, “Dati pakiramdam ko ay nakaunawa na ako nang kaunti, pero ngayon, habang mas marami akong naririnig, mas lalo akong nalilito, na para bang wala nang anumang laman sa kalooban ko. Ano ang nangyayari riyan?” Kung ang pag-uusap tungkol sa buhay pagpasok ay masyadong detalyado, mahirap para sa mga tao na maunawaan ito kung wala silang karanasan at mahina ang kanilang kakayahan. Habang mas detalyado ang pag-uusap, mas malamang na mababalahaw ang mga taong mahina ang kakayahan. Bakit malamang na mababalahaw sila? May iba-ibang kondisyon dito. Ang isa ay dahil walang espirituwal na pang-unawa ang ganoong mga tao. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan—ibig sabihin, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan o kung ano ang partikular na kalagayan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Ang kondisyong ito ay ang kawalan ng kakayahan na maarok ang katotohanan. Sa ganoong mga tao, mayroon lang iisang huling paraan na dapat gawin: ang sabihin sa kanila kung ano mismo ang dapat nilang gawin kapag may nangyayari sa kanila, gaya ng pagpoprograma sa isang robot na gawin ang mga iniutos ayon sa kinakailangan. Sapat nang pasunurin lang sila sa mga patakaran. Ang paraang ito ay magbubunga ng mga resulta sa ganoong mga tao; wala nang iba pang paraan para sa kanila. Ginagamit Ko ang huling paraang ito ngayon, nagsasalita nang napakadetalyado, hanggang sa mga pinakakongkretong bagay—pababa hanggang sa mga pinakakongkretong bagay. Mayroong mga taong nagsasabi na hindi pa rin nila nauunawaan, kaya magpapatuloy Ako at sasabihin Ko sa kanila kung paano mismo tatratuhin at haharapin ang anumang mangyayari sa kanila. Pinapasunod Ko sila sa mga patakaran; ito lang ang magagawa Ko, dahil wala silang kakayahang maarok ang katotohanan. Hindi eksaktong magkakapareho ang kalagayan ng bawat isa, pero maliit lang ang mga pagkakaiba. Kung pagsasalitain ninyo Ako nang partikular at malinaw tungkol sa bawat isa sa kanila, paisa-isa, mahihirapan Akong makuha silang lahat, dahil masyadong marami sa inyo ang mahina ang kakayahan. Kayong mga may espirituwal na pang-unawa at kakayahang maarok ang katotohanan ay kailangang gawin ang bahaging iyon ng gawain. Ayos na ang gawain Ko. Iyon lang ang puwedeng makalap; nagawa Ko na ang lahat ng Aking makakaya. Ang lahat ng nagawang gawain at ang lahat ng salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao ay mauunawaan at maaabot ng ordinaryong tao. Hanggang diyan lang ang puwedeng magawa sa mga taong may pag-iisip at mga reaksiyon ng normal na pagkatao. Tinatanong ng ilan, “Hindi ba gagawa ng mga himala ang Diyos?” Hindi gumagawa ng mga himala ang Diyos; ang lahat ng ito ay kailangang gawin sa tunay at praktikal na paraan. Tulad lang din ng gawain ng Diyos sa tatlong yugto: simula sa Kanyang pagpapahayag ng mga kautusan sa sangkatauhan upang pamunuan sila sa kanilang mga buhay, hanggang sa pagpapapako sa krus at paggawa ng gawain ng pagtubos, at mula roon papunta sa mga huling araw, kung saan ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay nagpapahayag ng lahat ng katotohanan na nagliligtas sa sangkatauhan—ang bawat yugto ay ginagawa sa tunay at praktikal na paraan, nagsasalita at gumagawa, nang kaharap ang tao. Walang mga himalang nakapaloob dito. Ang pinakamalaking himala ay na personal na nagsasalita at gumagawa ang Diyos Mismo, at na anumang paraan ang gamitin Niya, sa huli ay gagawin Niyang ganap ang isang grupo ng mga tao at kakamtin Niya sila. Siguradong maisasakatuparan ito; kailangan lang ng panahon. Ito ang pinakamalaki sa mga tanda at kababalaghan, at hindi gagamit ang Diyos ng iba pang higit sa natural na paraan para isakatuparan ang katotohanan sa puso ng tao. Ngayong napagbahaginan na nang detalyado ang mga katotohanang ito, kung mayroon kang kakayahang makaarok at isa ka talagang taong naghahangad sa katotohanan, kung talagang makikinig ka at magsisikap nang kaunti, magiging imposible para sa iyo na hindi maunawaan ang katotohanan o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. May ilang nagsasabi na minamahal nila ang katotohanan, pero pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon, bakit hindi pa rin nila ito nauunawaan? May dalawang posibilidad. Ang isa ay wala talaga silang espirituwal na pang-unawa, at hindi nila kayang maarok ang katotohanan; ang isa pa ay hindi talaga nila minamahal ang katotohanan, at hindi sila kailanman nagsumikap na hangarin ito. Ang mga ito ay dalawang posibleng kadahilanan. May ibang mga taong nagsasabing hindi nila nauunawaan ang katotohanan dahil hindi pa sila matagal na nananampalataya sa Diyos, at hindi pa nakapakinig sa maraming sermon, at wala pang gaanong karanasan. Isa pa itong dahilan. Pero, kung ikaw ay isang tao na nagmamahal talaga sa katotohanan, habang nadadagdagan ang mga taon ng pananampalataya mo sa Diyos, mas lalago ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at mas lalago ang iyong espirituwal na tayog.
Sa pagbabahaginan sa kahit anong aspekto ng katotohanan, hindi sapat ang ilang salita para mailahad ito nang buo, sa paraang makakalutas ng mga problema. Sa mga tao sa kasalukuyan, ang mga paglalahat ay doktrina lang, teorya lang. Kaya, paano Ko magagawa na sa sandaling tanggapin ng mga tao ang isang bagay ay mauunawaan nila ito at magagawa nila itong mga prinsipyo ng kanilang pagsasagawa? Kailangan Kong magsalita nang mas tiyak at mas detalyado. Nagkukuwento man Ako ng istorya o nakikipagbahaginan sa katotohanan, o nagsasalita tungkol sa pagsasagawa, dapat na, sa kabuuan, ay maging mas detalyado at partikular ang mga ito. Ang partikular na pananalita ay kapaki-pakinabang sa inyo. Kaya, kailangan Kong laging pigain ang Aking utak para makapag-isip ng mga kuwento at halimbawa para sa inyo, para mas lalo ninyong maunawaan. Ginagawa Kong kongkreto ang lahat ng katotohanang ito sa bawat insidente, at isinasama Ko ang mga katotohanang ibinabahagi Ko sa bawat insidenteng isinasalaysay Ko, para magkaroon kayo ng larawan sa inyong isipan kung saan maikukumpara ninyo ang inyong mga sarili para makita ninyo kung kumilos na ba kayo sa ganoong paraan, o kung kikilos kayo tulad ng ganoong tao, o kung nakapag-isip na ba kayo sa ganoong paraan, o kung nakulong na ba kayo sa ganoong kalagayan. Habang nakikinig kayo sa mga katotohanang ito, ginagawa Ko ito para tuloy-tuloy kayong may mapanlikhang larawan ng mga ito, na parang nakapaloob kayo rito. Ito ang dahilan kung bakit Ako nagkukuwento at nagbibigay ng mga halimbawa. May ilan na naiinip sa oras na marinig nilang magsimula ang isang kuwento. “Isa na namang kuwento? Ano ako, isang batang tatlong taong gulang?” Puwedeng hindi ka nga bata sa edad, pero sa landas ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, puwedeng mas bata ka pa nga sa tatlong tatlong gulang—iyan ang katunayan ng usapin. Kaya, ang pagtrato sa inyo bilang wala pang tatlong taong gulang na mga bata ay hindi pang-iinsulto sa inyo, at hindi talaga ito kalabisan; sa nakikita Ko, ito ay labis na pagtatasa sa inyo. Kapag narinig ng isang tatlong taong gulang na bata na sabihin ng isang matanda na matalim ang gunting at hindi ito dapat hawakan, tatandaan niya ito bilang prinsipyo. Hindi niya ito hahawakan at hindi rin niya hahawakan ang mga kagamitan o patalim na kamukha nito. Alam niya na matalim ang lahat ng ito; alam niya na kailangan niyang makabisado ang prinsipyong ito. Kung gayon, kaya ba ng mga tao na makahanap ng mga prinsipyo sa isang bagay na sunud-sunod nilang naranasan nang ilang beses sa kanilang pagsasagawa? Ibig sabihin, kaya mo bang maunawaan ang mga layunin sa likod ng mga kilos ng Diyos, ang mga hinihingi Niya sa iyo, at ang mga hinihingi Niyang pamantayan sa isang bagay? Kung pagbabatayan ang talino ng isang normal na tao, dapat maunawaan mo ang mga bagay na ito. Kung gayon ano ang mga sitwasyon kung saan hindi ito nauunawaan ng mga tao, kahit ano pa ang sabihin Ko? Ang pangunahing dahilan kung bakit ito nangyayari ay, una, may kaugnayan sa maingay na kapaligirang tinitirhan ng mga tao, na may napakaraming maliit at mabigat na bagay na pamamahalaan kaya hindi naeengganyo ang mga tao na maingat na magdasal-magbasa ng salita ng Diyos; hindi nila pinagsusumikapan ang katotohanan. Ito ang isang aspekto ng dahilan; ang kabilang banda ay na ang pagkauhaw at pagmamahal ng mga tao para sa katotohanan ay napakaliit, na kung sampu ang perpektong grado, ang magiging grado ng kasalukuyang lawak ng inyong pagmamahal sa katotohanan ay nasa tatlo o nasa lima, sa pinakamataas. Kaya, ang mas malaking bahagi ng dahilan kung bakit hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi nila ito nakamit sa huli ay dahil hindi sila nagsusumikap, at dahil na rin hindi nila ito isinasapuso, at sa puso nila, hindi talaga nila gaanong minamahal ang katotohanan. Hindi sapat ang pagmamahal ng mga tao sa katotohanan sa antas nito. Ito ay maliit na interes lang; hindi ito umaabot sa pagmamahal. Dahil lamang nagdusa ang mga tao ng napakaraming dagok at paghihirap sa mundo kaya hindi na sila makapagpatuloy pang mabuhay, at dahil nakita na nila na ginagawa ng Diyos ang pagliligtas at pagbabahagi ng katotohanan bawat araw, at ang kasaganaan ng lahat ng Kanyang ibinibigay sa tao, kaya nararamdaman nilang ang Diyos ang mabuti, at ginugusto nilang basahin ang Kanyang mga salita at pagsikapan ang katotohanan. Iyan ang kaunting interes na mayroon sila. Ano ba ang mas binibigyan ng oras ng puso ng mga tao? Lahat sila ay nasasangkot sa maraming hindi mahalagang usapin, abala sa lahat ng uri ng isyu ng mga emosyonal na relasyon, mga ugnayang interpersonal, katayuan at banidad, at mga kalakaran sa lipunan. Mayroon pa ngang mga tao na mas gumugugol ng kanilang oras at lakas sa pagkain, damit, kasuotan, at mga kasiyahan ng laman. Sinasayang nila ang tunay na napakahahalagang araw sa mga bagay na ito, at niluluwalhati nila ito: “Gumugugol ako para sa Diyos!” Sa huli, sa dulo, lumilingon sila at nakikita nila na ang Diyos ay napakarami nang sinabi at napakatagal nang gumawa, pero hindi pa nila nakamit ang katotohanan. Hindi ito dahil hindi ito ipinagkaloob ng Diyos sa kanila, kundi dahil hindi nila tinanggap ang katotohanan sa kanilang puso, o pinagsikapan ang katotohanan, kahit na nakita nilang napakaraming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos. Iyon ang nagdulot para hindi nila makamit ang katotohanan at ang buhay sa napakaraming taon ng pananampalataya nila sa Diyos, at para itiwalag sila sa huli.
Enero 22, 2019
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.