Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili (Ikatlong Seksiyon)

Ang ikaapat na aytem, ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, ay isang palagiang diskarte ng mga anticristo. Nagagawa ninyong makilala ang mga halatang pamamaraan, diskarte, at estratehiya kung paano itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili, subalit makikilala ba ninyo ang mga mas natatagong pag-uugali at pagpapamalas? Pagdating sa mga halatang bagay tulad ng paggamit ng lengguwahe para sa pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, ibinubunyag ninyo ang mga bagay na ito, nakita ninyo ang iba na ibinubunyag din ang mga ito, at makikilala ninyo ang mga ito. Subalit kung walang lengguwaheng ginagamit at mga pagpapamalas lang ng pag-uugali ang mayroon, makikilala pa rin ba ninyo ang mga ito? Masasabing hindi ito magagawa ng karamihan. Kung gayon, ano ang mga katangian ng pag-uugali kung saan itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili? Tiyak na naaayon ang pag-uugali nila sa mga kuru-kuro, imahinasyon, moralidad, konsensiya, at mga damdamin ng tao. Ano pa? (Nakukuha nito ang pagsang-ayon at pagsamba ng mga tao.) Nakukuha nito ang pagsang-ayon at pagsamba; ito ang nililikha nitong kinalabasan. Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng kinalabasan, talagang may mapanlihis na kalidad ang pag-uugaling ito. Mula sa perspektiba ng kalikasan ng pagkilos na ito, may tiyak na layunin ito. Halimbawa, kapag nagkakasakit ang isang tao, kung gusto niyang ilihis ang mga tao at gawing mataas ang tingin sa kanya ng mga ito, iinumin ba niya ang gamot niya sa harap ng mga tao o kapag walang tao? (Sa harap ng mga tao.) Wala bang intensiyon sa likod nito? Ibig sabihin nito ay may tiyak siyang layunin. Ano ang talagang layunin niya sa pag-inom ng gamot nang ganito? Gusto niyang makakuha ng kredito sa paggawa nito, at sabihin sa iyo na: “Tingnan mo, nagkasakit ako sa sobrang pagod ko sa paggawa ng tungkulin ko, pero hindi pa rin ako nagreklamo o lumuha ni isang patak. Ginagamot ko ang karamdaman ko, subalit kaya ko pa ring ipagpatuloy ang tungkulin ko habang umiinom ako ng gamot.” Sa katunayan, hindi naman niya nakuha ang sakit na ito mula sa pagpapakapagod niya sa paggawa ng tungkulin niya o pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos. Sinusubukan lang niyang gamitin ang lahat ng uri ng pag-uugali para magparating ng mensahe sa mga tao, na nagtitiis siya ng pagdurusa at nagbabayad ng halaga, na labis siyang nagdusa sa kapaligiran na ito subalit hindi siya nagreklamo ni isang beses, at napaka-aktibo pa ring ginagawa ang tungkulin niya, at na nagtataglay siya ng kaloobang nakapagtitiis ng pagdurusa. Ano ang di-tahasang sinasabi nito sa mga tao? Na hindi mapagdududahan ang katapatan niya sa Diyos. Gusto niyang ipahayag na tapat siya at handa siyang magbayad ng halaga. Hindi ba ito isang anyo ng palihim na pagtataas sa sarili? Kung mayroon siyang katwiran, hindi niya babanggitin ang bagay na ito, mananalangin siya sa Diyos kapag walang tao, ipinahahayag ang determinasyon niya at sinusubukang kilalanin ang sarili niya, o normal niya lang na iinumin ang gamot niya. Sa madaling salita, hindi niya gagamitin ang mga panlabas na pag-uugaling ito para sabihin sa mga tao na nagdurusa siya, na tapat niyang ginagawa ang kanyang mga tungkulin, at na dapat siyang gantimpalaan. Hindi niya kikimkimin ang mga layuning ito. Gayumpaman, kung kumikilos siya sa isang partikular na pasikat na paraan, gustong gawing mataas ang tingin sa kanya ng mga tao at purihin siya, may tiyak na layunin ito. At ano ang layunin niya? Ito ay para makamit ang resulta ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili niya sa pamamagitan ng mensaheng ipinararating niya sa mga tao. Kung tapat siya, malalaman ito ng Diyos, kaya’t bakit kailangan niya pang ipagyabang ang tungkol dito sa ibang tao at ipaalam ito sa lahat? Ano ang layon niya sa pagpapaalam ng tungkol dito sa lahat? Ito ay para gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya. Kung wala siya ng layon na ito, kikilos siya nang walang layunin, at hindi siya makikita ng iba na ginagawa ang mga bagay na ito. Kung may tiyak siyang layunin, susukatin niya ang lawak ng mga pagkilos niya, at gagawa siya ng eksena at pag-iisipan ang oras at lokasyon, hihintayin hanggang nariyan na ang lahat para hingin sa isang tao na dalhin sa kanya ang gamot niya, ipinaaalam ito nang hayagan at nang may kaingayan. May napakalinaw na layunin dito. Kung wala siya ng layuning ito, maghihintay siya hanggang sa wala nang sinuman ang nasa paligid para inumin ang gamot niya. Ang kahandaan mong magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga ay nauugnay sa iyong relasyon sa Diyos; hindi mo kailangang linawin at ipagbigay-alam ito sa iba. Kung lilinawin mo ito sa iba, ano ang maibibigay nila sa iyo? Bukod sa pagkuha ng kanilang simpatiya at papuri, mayroon ka pa bang ibang makukuha mula sa kanila? Wala, walang anumang bagay. Kapag nagtitiis ka ng kaunting pagdurusa at nagbabayad nang kaunting halaga sa pagganap ng iyong tungkulin, sa isang banda, ito ang mga bagay na dapat mong gawin at na handa kang gawin, at ginagawa mo ang sarili mong tungkulin. Sa isa pang banda, ang mga ito ay mga pagpapamalas na dapat mong ipakita sa Lumikha bilang isang nilikha, kaya’t bakit mo isasapubliko ang mga ito? Kapag isinasapubliko mo ang mga ito, nagiging kasuklam-suklam ang mga ito; ano ang nagiging kalikasan ng gayong pag-uugali? Ito ay nagiging pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at panlilihis sa iba—nagbabago ang kalikasan. Halimbawa, may ilang tao na palaging nagkakamot ng anit nila sa harap ng iba, at kapag may nagtatanong sa kanila tungkol dito, sinasabi nilang: “Mahigit sampung araw ko nang hindi napaliguan ang buhok ko—sunod-sunod ang pakikipagpulong ko sa mga tumatanggap ng ebanghelyo. Noong isang araw sinubukan kong maglaan ng kaunting oras para paliguan ang buhok ko, subalit pagkatapos ay dumating ang isang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo para mag-imbestiga, at hindi ako nakaalis.” Sa katunayan, sinasadya nilang hindi paliguan ang buhok nila para bigyan ang ibang tao ng impresyon na napakaabala nila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Tinatawag itong pagmamalaki ng sarili. Ano ang layunin nila sa pagmamalaki ng kanilang sarili? Ito ay para gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at ang kalikasan ng pag-uugaling ito ay pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Kahit sa isang maliit na bagay na tulad nito, hindi nila ito pinalalampas, gusto pa rin nilang palakihin ang isyung ito, ginagawa itong isang uri ng mahalagang mapagkukunan na magagamit nila para makapagpakitang-gilas, matugunan ang mga ambisyon at pagnanais nila, at makamit ang layunin nilang mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao at sambahin sila ng mga ito. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Kahiya-hiya at kasuklam-suklam ito. Saan nanggagaling ang lahat ng bagay na ito? Nagmumula ang mga ito sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kung saan may pagpapanggap, panlilinlang, kabuktutan, at mga ambisyon. Palaging iniisip ng mga ganitong tao ang tungkol sa kanilang imahe, katayuan, at reputasyon. Wala silang pinakakawalang anumang bagay, palagi silang naghahanap ng mga paraan para gawing kapital ang mga bagay na iyon, na maging mga mapagkukunan na magagamit nila para gawing mataas ang tingin sa kanila ng mga tao at sambahin sila ng mga ito. Sa huli, kapag nakakamit na nila ang kanilang layunin, umaasta silang parang wala silang pakialam dito. Isang uri din ito ng huwad na anyo, at sa panloob, palihim talaga silang nagdiriwang at nasisiyahan sa kanilang sarili. Hindi ba’t mas kasuklam-suklam pa nga ito? Malinaw na mayroon na silang napakataas na katayuan, na pinahahalagahan sila ng lahat, tinitingala sila, tumatalima sa kanila, at sinusunod sila, subalit sa panlabas, nagpapanggap pa rin silang ayaw nila ng katayuan. Mas mapagpaimbabaw pa ito. Sa huli, ang lahat ay nailihis nila, at sinasabing ipinanganak sila nang walang anumang mga ambisyon, na sila ay mga taong umaaksyon. Sa totoo lang, maaaring mabunyag ito ng isang maliit na pagsubok: Kung tinanggalan sila ng katayuan nila, agad silang titigil sa paggawa ng mga tungkulin nila. Magiging ganoon iyon kabilis; isang maliit na bagay ang magbubunyag sa mga ambisyon nila. Ito ang mga pag-uugali at pamamaraang inilalabas ng tiwaling disposisyon ni Satanas sa mga tao, pati na rin ang iba’t ibang pangit na kalagayan ng mga tao. Mula sa mga pagpapamalas na ito, makikitang gusto ng mga tao ng katayuan at gustong umokupa ng isang lugar sa puso ng iba. Gusto nilang angkinin ang puso ng iba, makuha ang suporta ng iba, at hikayatin ang iba na sambahin, tingalain, at sundin pa nga sila, sa gayon ay pinapalitan nila ang posisyon ng Diyos sa puso ng ibang tao. Isa itong pagnanais na taglay ng bawat tao mula kapanganakan. At ano ang pinatutunayan nito? Na, sa buhay ng mga tao, ang bagay na kumokontrol sa kanila ay ang disposisyon ni Satanas. Sa tiwaling sangkatauhan, wala ni isang tao ang ayaw sa katayuan—kahit ang mga hangal ay gustong maging mga opisyal, at maging ang may mapupurol na pag-iisip ay gustong pamahalaan ang iba. Gusto ng lahat ang katayuan, at ginagawa ng lahat ang mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan, at nakikipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan. Ang bawat isa ay may ganitong uri ng pag-uugali at diskarte, pati na ng ganitong uri ng disposisyon. Kaya, kapag naglalantad tayo ng mga anticristo na nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila, inilalantad din natin ang mga tiwaling disposisyon ng bawat tao. Ano ang layunin ng paglalantad nito? Ito ay para maipaunawa sa mga tao na ang mga pag-uugali at pagpapamalas na ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay hindi dapat tinataglay ng normal na pagkatao, kundi sa halip ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at mga negatibo at kasuklam-suklam na bagay. Gaano man katalino ang mga paraan mo ng pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili, at gaano man kapalihim ang iyong mga pagkilos, wala sa mga bagay na ito ang dapat na tinataglay ng normal na pagkatao, at ang lahat ng ito ay kinasusuklaman, kinokondena, at isinusumpa ng Diyos. Kaya, dapat isantabi ng mga tao ang mga pamamaraang ito. Ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay hindi likas na nilikha ng Diyos para sa tao—sa halip, isa ito sa mga pinakakaraniwang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at higit pa rito, isa ito sa pinakakaraniwan at tiyak na mga disposisyon at pamamaraan ng tiwaling diwa ni Satanas.

Nakatutulong ba sa inyo ang pagbabahaginan tungkol sa ilang partikular na halimbawa pagdating sa pag-unawa sa iba’t ibang pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili, halata man o mas nakatago ang mga paraang ito ng pagsasalita at pagkilos? (Oo, nakatutulong ito.) Saan ito nakatutulong? Nakatutulong ito sa mga tao na makilatis ang sarili nila at ang iba. Ang mga kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag na ito na binabanggit ko ay lahat ng bagay na madalas ninyong ipinakikita, at dapat ninyong iharap ang sarili ninyong mga kalagayan sa kanila para sa pagkukumpara, unawain kung ano talaga kayo, kung ano ang eksaktong buhay na inaasahan at sinasandigan ninyo para mabuhay, kung ano ang eksaktong nilalaman ng buhay na ito, kung ano ang eksaktong ipinagagawa ng mga disposisyong ito sa mga tao, at kung ano ang ipinasasabuhay ng mga ito sa mga tao. Sa pag-unawa sa mga partikular na pag-uugali, pagpapamalas, pamamaraan, at disposisyong ito, unti-unting mahihimay at makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, ang kanilang sariling diwa, at ang kanilang kalikasan na mapanlaban sa Diyos, at sa gayon ay bitiwan ang mga pamamaraang ito, lumapit sa harap ng Diyos at tunay na magbagong-buhay, at magsagawa nang alinsunod sa katotohanan at isabuhay ito. Sinasabi ng ilang tao na: “Dahil ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay isang pamamaraan na hindi naaayon sa katotohanan at na nabibilang kay Satanas at sa mga anticristo, kung hindi ako magsasabi o gagawa ng anumang bagay, hindi ba’t ibig sabihin niyon na hindi ako nagtataas o nagpapatotoo sa aking sarili?” Hindi ito tama. Kung gayon, anong paraan ng pagkilos ang hindi pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kung magpapakitang-gilas ka at magpapatotoo sa iyong sarili tungkol sa isang partikular na bagay, makakamit mo ang resulta na mapataas ang tingin sa iyo ng ilang tao at sambahin ka. Subalit kung inilalantad mo ang iyong sarili at ibinabahagi ang kaalaman mo sa sarili tungkol sa parehong bagay na iyon, iba ang kalikasan nito. Hindi ba’t totoo ito? Ang paglalantad sa sarili ng isang tao para pag-usapan ang tungkol sa kaalaman niya sa sarili ay isang bagay na dapat tinataglay ng ordinaryong pagkatao. Positibong bagay ito. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili at tama, tunay, at tumpak ang sinasabi mo tungkol sa iyong kalagayan; kung nagsasalita ka tungkol sa kaalaman na ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos; kung iyong mga nakikinig sa iyo ay napabubuti at nakikinabang dito; at kung nagpapatotoo ka sa gawain ng Diyos at niluluwalhati Siya, iyon ay pagpapatotoo sa Diyos. Kung, sa paglalantad mo sa iyong sarili, marami kang nababanggit tungkol sa iyong mga kalakasan, kung paano ka nagdusa, at nagbayad ng halaga, at nanatiling matatag sa iyong patotoo, at dahil dito, may mataas na opinyon sa iyo ang mga tao at sinasamba ka, pagpapatotoo ito sa iyong sarili. Kailangan mong masabi ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang pag-uugaling ito. Halimbawa, ang pagpapaliwanag kung gaano ka kahina at kanegatibo noong nahaharap ka sa mga pagsubok, at kung paanong, pagkatapos mong manalangin at hanapin ang katotohanan, sa wakas ay naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, nagkaroon ng pananalig, at naging matatag sa iyong patotoo, ay pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos. Ito ay ganap na hindi pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Samakatwid, kung nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo ka man sa iyong sarili o hindi, higit sa lahat ay nakabatay sa kung nagsasalita ka ba tungkol sa iyong mga tunay na karanasan, at kung nakamit mo ba ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; kailangan ding tingnan kung ano ang iyong mga layunin at mithiin kapag nagsasalita ka tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan. Sa paggawa nito ay mapapadali ang pagtukoy kung anong uri ng pag-uugali ang iyong ginagawa. Kung may tamang layunin ka kapag nagpapatotoo ka, kahit na may mataas na opinyon sa iyo at sumasamba sa iyo ang mga tao, hindi talaga problema iyon. Kung may maling layunin ka, kahit walang may mataas na tingin sa iyo o sumasamba sa iyo, problema pa rin ito—at kung ang mga tao ay may mataas na tingin sa iyo at sumasamba sa iyo, kung gayon, mas malaking problema iyon. Samakatwid, hindi ka maaaring tumingin lang sa mga resulta para matukoy kung ang isang tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa sarili niya. Dapat pangunahin mong tingnan ang layunin niya; nababatay sa mga layunin ang tamang paraan ng pagkilala sa dalawang pag-uugaling ito. Kung susubukin mo lang na kilatisin ito batay sa mga resulta, maaaring mali mong maaakusahan ang mabubuting tao. Nagbabahagi ang ilang tao ng partikular na tunay na patotoo, at ang iba naman ay nagkakaroon ng mataas na opinyon sa kanila at sinasamba sila—masasabi mo ba na nagpapatotoo ang mga taong iyon sa sarili nila? Hindi, hindi mo masasabi iyon. Walang problema sa mga taong iyon, ang patotoong ibinabahagi nila at ang tungkuling ginagawa nila ay kapaki-pakinabang sa iba, at ang mga hangal at mangmang na tao lang na may baluktot na pag-arok ang sumasamba sa ibang tao. Ang susi sa pagkilatis kung ang mga tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila o hindi ay ang pagtingin sa layunin ng nagsasalita. Kung ang layunin mo ay ang ipakita sa lahat kung paano nabunyag ang iyong katiwalian, at kung paano ka nagbago, at para makinabang ang iba mula rito, taimtim at totoo ang iyong mga salita, at naaayon sa mga katunayan. Tama ang gayong mga layunin, at hindi ka nagpapakitang-gilas o nagpapatotoo sa iyong sarili. Kung ang iyong layunin ay ang ipakita sa lahat na may mga tunay na karanasan ka, at na nagbago ka na at nagtataglay ng katotohanang realidad, para mapataas ang tingin nila sa iyo at sambahin ka nila, mali ang mga layuning ito. Iyon ay pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Kung ang patotoong batay sa karanasan na binabanggit mo ay huwad, may halong kasinungalingan, at nilalayong linlangin ang mga tao, para pigilan silang makita ang tunay mong kalagayan, at para pigilang mabunyag sa iba ang mga layunin, katiwalian, kahinaan, o pagiging negatibo mo, kung gayon, mapanlinlang at mapanlihis ang gayong mga salita. Huwad na patotoo ito, panloloko ito sa Diyos at nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos, at pinakakinamumuhian ito ng Diyos sa lahat. May mga malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga kalagayang ito, at lahat ng mga ito ay matutukoy batay sa layunin. Kung nakikilatis mo ang iba, makikita mo ang mga kalagayan nila, at pagkatapos ay makikilala mo rin ang sarili mo, at mauunawaan mo ang sarili mong mga kalagayan.

Pagkatapos pakinggan ang lahat ng sermong ito, may ilang tao na patuloy pa ring nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila tulad ng ginawa nila noon. Paano ninyo haharapin ang mga gayong tao? Maging mapagkilatis sa kanila, ilantad sila, at panatilihin ang inyong distansiya mula sa kanila. Kung may halaga ang mga salita nila bilang isang punto ng sanggunian, maaari ninyong tanggapin ang mga salitang iyon, subalit kung walang anumang halaga ang mga ito bilang sanggunian, dapat ninyong talikuran ang mga ito at huwag maimpluwensiyahan ng mga ito. Kung ang mga taong pinag-uusapan ay mga lider, ilantad ninyo sila, iulat sila, talikuran sila, at huwag tanggapin ang pamumuno nila. Sabihin ito: “Palagi mong pinatototohanan at itinataas ang iyong sarili, palagi mo kaming ginagawang manhid at kinokontrol kami, at nililihis mo kami. Lahat kami ay lalong napalayo sa Diyos, at wala man lang kaming Diyos sa aming puso—ikaw lang ang naroon. Ngayon ay maninindigan kami at talilikuran ka.” Dapat kumilos kayo nang ganito, dapat subaybayan ninyo ang isa’t isa, sinusubaybayan ang inyong sarili at ang iba. Hindi ba ninyo madalas na kinakamot ang anit ninyo sa harap ng iba, o sinabi sa mga tao na nilaktawan ninyo ang ilang pagkain gayong talagang kumakain kayo ng maraming meryenda sa likod nila? Kapag, kung minsan, hindi ito pinahihintulutan ng kapaligiran, normal lang sa mga tao na hindi maligo sa loob ng isang buwan, o laktawan ang pagsha-shower o laktawan ang paliligo ng buhok nila dahil masyado silang abala sa gawain. Mga karaniwang pangyayari ang lahat ng ito, at ang mga ito ang mga halagang dapat bayaran ng mga tao. Hindi malaking bagay ang mga ito—huwag nang palakihin ang isang maliit na bagay. Kung talagang pinalalaki ng isang tao ang mga gayong bagay kaysa sa kung ano talaga ang mga ito, sadyang kinakamot ang anit niya sa harap ng iba at sinasabing ilang araw na siyang hindi naliligo ng buhok niya, sadyang umiinom ng gamot sa harap ng iba, o nagpapanggap na sobrang pagod siya at nasa napakahinang pisikal na kondisyon, dapat manindigan ang lahat para ilantad siya at ipahayag ang pagkadismaya sa kanya. Sa ganitong paraan, mapipigilan ang walang kahihiyang taong ito. Mapagpaimbabaw siya, ipinagmamalaki niya ang sarili para makita ng ibang tao, at gayon pa man ay sinisikap niyang hikayatin ang mga tao na magpahayag ng pagsang-ayon sa pag-uugali niya, na tingnan siya nang may inggit, paghanga, at pagpapahalaga. Hindi ba niya niloloko ang mga tao? Ang mga pamamaraang ito ay katulad noong nagtangan ang mga Pariseo ng Banal na Kasulatan at nanalangin sa Diyos sa mga kanto. Wala silang pinagkaiba rito. Sa sandaling binanggit ng isang tao ang mga Pariseo na may hawak na Banal na Kasulatan at nakatayo sa mga kanto habang nagbabasa ng mga kasulatan o nananalangin, iniisip ng mga taong ito na, “Masyado iyong kahiya-hiya. Hindi ako gagawa ng ganoon.” Gayumpaman, sinasadya niyang uminom ng gamot o magkamot ng anit niya sa harap ng iba, hindi niya alam na ang ginagawa niya ay may katulad na kalikasan. Hindi niya ito nauunawaan. Sa pagtagal, kapag nakatagpo kayo ng mga gayong bagay, dapat matutuhan ninyong makilatis at mailantad ang mga ganitong tao, inilalantad ang lahat ng pagpapaimbabaw nila—sa gayon ay hindi sila mangangahas na kumilos sa gayong paraan. Dapat gipitin ninyo sila nang kaunti, at ipaisip sa kanila na ang gayong mga pamamaraan, pag-uugali, at disposisyon ay kahiya-hiya at labis na kinasusuklaman ng lahat. Kung labis silang kinasusuklaman ng mga tao, kinasusuklaman ba sila ng Diyos? Lalo pa silang kinasusuklaman ng Diyos. Likas kang wala. Sapat ka na ngang kaawa-awa, kahit hindi mo pa itinataas at pinatototohanan ang iyong sarili, kaya kung sobra ka na ngang kaawa-awa at itinataas at pinatototohanan mo pa rin ang iyong sarili, hindi ba’t magiging kasuklam-suklam ito sa mga tao? Hindi mo kailanman nagawa ang iyong tungkulin nang tapat, hindi ka kailanman kumilos nang may mga prinsipyo, at hindi mo pa natugunan ang mga hinihingi ng Diyos sa anumang aspekto. May problema ka na nga, kaya kung itinataas at pinatototohanan mo pa ang iyong sarili, hindi ba’t magiging mas mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo? Mas mapalalayo ka pa sa mga hinihingi ng Diyos, at higit pang mapalalayo mula sa pag-abot sa pamantayan para sa pagkamit ng kaligtasan.

Sabihin mo sa Akin, ano ang kalikasan ng problema ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Gayon kalala ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao; hindi ba’t hindi na normal ang pagkatao at katwiran nila? Nagpakita na ba kayo ng mga pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ninyo sa pagganap ng inyong mga tungkulin? Sino ang makapagsasalita tungkol dito? (Nakapagpakita na ako ng gayong pagpapamalas. Kapag ginagampanan ko ang tungkulin ko hanggang hatinggabi, nagpapadala ako ng mensahe sa grupong nagtitipon para malaman ng iba na hindi pa rin ako natutulog sa ganitong oras, at para isipin nilang kaya kong magtiis ng hirap at magbayad ng halaga. Nagawa ko na ito mismo at madalas ko ring makita ang iba na ginagawa rin ito.) Mukhang marami ang gayong tao at wala sila sa minorya. Hindi ba’t hindi kinakailangan ang paggawa ng gayong bagay? Napakahangal nito! Sino pa ang may anumang gustong sabihin? (Nagpakita ako ng gayong pagpapamalas. Kapag nakikita ko na umiiral ang ilang problema sa gawain ng iglesia, sinisimulan kong lutasin ang mga ito, nagbibigay ng huwad na impresyon sa mga tao na ako ay napakasigasig, subalit kadalasan ay wala talaga akong ginagawang anuman pagkatapos magsalita. Hindi umuusad at hindi epektibo ang mga pagkilos ko, at sa huli ay hindi pa rin nalulutas ang problema, at naiiwang hindi pa rin naaayos ang usapin. Ginagamit ko ang paimbabaw na kasigasigan para lokohin ang mga tao at pagtakpan ang katunayang hindi ako nagsasagawa ng katotohanan.) Nagsasalita ka ng mga hungkag na salita, nagmamayabang, at hindi gumagawa ng anumang tunay na pagkilos. Hinahayaan mong makita ng mga tao ang iyong sigla, na parang nagsasagawa ka ng katotohanan, subalit pagdating ng oras para kumilos, hindi ka taimtim na nagsisimulang gawin ito at sumisigaw lang ng mga islogan. Sa huli, nagsisimula ka nang malakas at nagtatapos nang tahimik, iniiwang hindi kompleto ang gawain. Ang gayong pagpapamalas ay panlilihis din. At sa hinaharap, kapag may nangyaring katulad nito sa iyo, magiging mapagkilatis ka ba sa bagay na ito? (Ngayon ay medyo nakikilatis ko na ito kahit papaano.) Kung gayon, may pakiramdam ka ba ng direksiyon? Kung mangyayari muli sa iyo ang gayong bagay, maaari mong sundin ang dalawang magkaibang hakbang: Ang unang hakbang ay ang paghuhusga kung talaga bang maaasikaso mo ang bagay na ito o hindi. Kung kaya mo, dapat mong gawin ito nang seryoso at praktikal. Ang ikalawang hakbang ay ang pagdarasal sa Diyos at paghiling sa Kanya na gabayan ka sa bagay na ito, at kapag kumilos ka, kailangan mo ring tanggapin ang pangangasiwa ng lahat habang kasabay nito ay maging determinadong makipagtulungan at magtrabaho kasama ang lahat para makompleto ang gawaing ito. Kung matututo kang gawin ang mga bagay-bagay nang sunud-sunod at magtrabaho sa isang praktikal na paraan, malulutas mo ang problemang ito. Kung palagi kang nagsasabi ng mga hungkag na salita, nagyayabang, nagsasalita nang walang pagpigil, paimbabaw na iniraraos ang mga bagay na ginagawa mo, at hindi ka talaga praktikal, mapanlinlang ka. Dahil nakikita mong may problema sa gawain ng iglesia at nagagawa mong magmungkahi kung paano lulutasin ang problema, pinatutunayan nitong maaaring mayroon kang potensiyal at maaaring mayroon kang mga abilidad sa paggawa para ayusin ang bagay na ito. Ang tanging problema ay nasa iyong disposisyon—padalos-dalos kang kumilos, ayaw magbayad ng halaga, at nakatuon lang sa pagsigaw ng mga hungkag na islogan. Sa sandaling matuklasan mo ang isang problema, tingnan mo muna kung kaya mo itong lutasin o hindi, at kung kaya mo, tanggapin mo ang gawaing ito at ipagpatuloy hanggang sa dulo, lutasin ang problema, gampanan at isakatuparan ang responsabilidad mo, at iulat ito sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagganap sa mga tungkulin mo at pagkilos at pag-asal sa isang praktikal na paraan. Kung hindi mo malulutas ang problemang ito, iulat mo ito sa iyong lider at tingnan kung sino ang pinakaangkop na mangasiwa sa usaping ito. Una, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad; sa ganitong paraan, maisasakatuparan mo ang iyong tungkulin at makatatayo sa tamang posisyon. Pagkatapos mong matuklasan ang problema, kung hindi mo ito kayang lutasin subalit magagawa mong iulat ito, natupad mo na ang una mong responsabilidad. Kung pakiramdam mo na ito ay isang tungkuling dapat mong gampanan at makakayanan mo ang gawain, dapat kang humingi ng tulong sa mga kapatid mo, una sa pakikipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyo at paggawa ng isang plano, at pagkatapos ay ang pakikipagtulungan nang maayos para makompleto ang bagay na ito. Ito ang ikalawang responsabilidad mo. Kung kaya mong akuin ang dalawang responsabilidad na ito, magagampanan mo nang maayos ang mga tungkulin mo, at ikaw ay magiging isang kalipikadong nilikha. Ang mga tungkulin ng mga tao ay binubuo lang ng dalawang aspektong ito. Kung kaya mong akuin ang mga bagay na nakikita at nagagawa mo, ginagampanan ang mga tungkulin mo nang maayos, kung gayon, naaayon ka sa mga layunin ng Diyos.

May iba pa bang pagpapamalas ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? (Kamakailan ay nagkaroon ako ng gayong pagpapamalas. Noong ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, nagpakaabala ako sa mga bagay-bagay buong araw, at nagkaroon ng ilang problema sa iglesia na hindi ko halos nalutas at sa halip ay pinangasiwaan ko lang nang pabasta-basta. Gayumpaman, nakita ng ilang tao na abala ako sa pagganap ng tungkulin ko araw-araw, kaya tumaas ang tingin nila sa akin at hinangaan nila ako. Hindi ba’t naglalaman din ang pag-uugaling ito ng mga elemento ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Hindi ko makita nang malinaw ang bagay na ito at palaging nakararamdam ng kaunting pagpigil.) Pagpapatotoo ba ito sa sarili mo? Kung abala ka sa pagganap ng mga tungkulin mo, nagagawang tiisin ang pagdurusa at hindi nagrereklamo, at mataas ang pagtingin sa iyo at hinahangaan ka ng hinirang na mga tao ng Diyos, normal ito at hindi dulot ng pagpapatotoo sa sarili mo. Abala ka lang sa pagganap sa mga tungkulin mo at hindi ipinagmamalaki ang sarili mo o nagpapakitang-gilas, at hindi ka paulit-ulit na nagsasalita tungkol sa iyong mga karanasan ng pagdurusa, kaya’t wala itong kaugnayan sa pagpapatotoo sa sarili mo. Gayumpaman, maraming tao ang mukhang abala sa panlabas kapag gumaganap ng kanilang mga tungkulin gayong, sa aktuwalidad, hindi nagbunga ng anumang resulta ang gawain nila at hindi nila nalutas ang anumang problema. Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang mga taong abala sa ganoong paraan? Kung abala ka buong araw sa mga simpleng problema na maaaring malutas sa loob ng dalawang oras ng mga taong nakauunawa sa katotohanan at nakaaarok sa mga prinsipyo, at nakararamdam ka ng sobrang pagod at lubos kang nagdusa, hindi ba’t nagpapakaabala ka lang sa wala, nagsusumikap lang nang walang layunin? Makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagganap sa mga tungkulin mo sa ganitong paraan? (Hindi.) Masyadong di-epektibo ang paggawa mo! Sa bagay na ito, dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Minsan masyadong maraming ginagawa ang mga tao at talagang abala sila, na isang normal na bagay, subalit kung minsan ay wala silang masyadong ginagawa at gayon pa man ay abala pa rin sila. Ano ang nagdudulot nito? Ang isang dahilan ay na hindi pinlano at isinaayos nang makatwiran ang iyong gawain. Dapat mong maarok ang mga pangunahing tungkulin sa gawain, planuhin at isaayos ang mga ito nang makatwiran, at gampanan ang mga tungkulin mo nang may higit na kahusayan. Ang pagsusumikap nang walang layunin at paggawang abala sa sarili mo nang walang kabuluhan ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang isa pang sitwasyon ay kapag ang layunin mo ay ang ipaisip sa mga tao na abala ka, at ginagamit mo ang pamamaraan at huwad na anyong ito para manloko ng iba. Sa tuwing nagtitipon sila, hindi nilulutas ng ilang lider at manggagawa ang mga aktuwal na problema at sa halip ay gumagawa ng mga walang kabuluhang pahayag, walang tigil na lumilihis sa paksa at patuloy na nagsasalita nang hindi nakararating sa pangunahing punto. Ang ganitong paraan ng pagiging abala—hindi pagsusumikap para sa kahusayan o pag-usad—ay tinatawag na pagpapakaabala ng sarili sa wala. At anong klaseng saloobin ito? Ito ay pagraraos ng gawain ng isang tao, pagiging pabasta-basta, pag-aaksaya ng oras, at sa huli ay iniisip pa rin na, “Anuman ang iniisip ng ibang tao o anuman ang iniisip ng Diyos, hangga’t malinis ang konsensiya ko ay magiging maayos ako. Kahit papaano ay hindi ako tatamad-tamad, at kahit papaano ay hindi ako nakakukuha ng libre nang walang ginagawa.” Sa panlabas, maaaring tila hindi ka tatamad-tamad, na hindi ka nakakukuha ng libre nang walang ginagawa, na araw-araw ay dumadalo ka sa mga pagtitipon o gumaganap ng iyong tungkulin, at na ang lahat ng iyong ginagawa ay nauugnay sa gawain ng iglesia, subalit sa aktuwalidad, sa kaibuturan mo, alam mo na ang mga bagay na ginagawa mo ay walang silbi o talagang walang kuwenta, at na iniraraos mo lang ang mga bagay-bagay. Problematiko ito. Kaya, gaano mo kahusay ginagampanan ang iyong tungkulin? Alam na alam mo na may problema ka, subalit hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito—ito ay pagiging pabasta-basta, manhid, at mapagmatigas. Ano ang kahihinatnan ng pagiging pabasta-basta at pagpapaliban kapag ginagampanan ang mga tungkulin mo? Tiyak na hindi mo matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil hindi ka kumikilos nang may mga prinsipyo o kahusayan, at ang ganitong pagganap sa tungkulin mo ay pawang pagtatrabaho lang. Kung pinungusan at tinulungan ka subalit hindi ka pa rin nagsisisi, at nagrereklamo ka pa at negatibo at nagpapabaya habang nagtatrabaho, maaari ka lang maitiwalag. Kaya, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan para lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta, gaano katagal mo mang ginagampanan ang mga tungkulin mo ay wala itong silbi, at hindi ka makaaabot sa mga pamantayan para sa pagganap ng mga tungkulin mo nang may katapatan. Napakahalagang pagnilayan ng problemang ito. Hinihingi ng Diyos na kumilos ang mga tao nang may mga prinsipyo, na isagawa nila ang katotohanan, at na maging matapat sila. Kung makapapasok ang isang tao sa mga katotohanang ito, makakamit niya ang mga resulta sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, at sa pinakamababa ay magagawa niyang kumilos nang may mga prinsipyo. Narito ang pundasyon at ang susi sa pagtataas ng kahusayan ng isang tao. Kung ang isang tao ay walang mga katotohanang prinsipyo, gaano man kaabala niyang ginagampanan ang mga tungkulin niya at gaano man siya katagal na gumagawa bawat araw, hindi niya makikita ang tunay na mga resulta. Kapag hinahatulan kung ginagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila nang may katapatan, hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano katagal nilang ginagampanan ang mga tungkulin nila, kundi sa halip ay sa praktikal nilang mga resulta at kahusayan nila sa gawain, at kung kumikilos sila nang may mga prinsipyo at alinsunod sa katotohanan. Sa madaling salita, tinitingnan Niya kung ang mga tao ay may tunay na patotoo na batay sa karanasan at buhay pagpasok sa pagganap ng mga tungkulin nila. Kung walang anumang katotohanang realidad ang mga tao, kung gayon ay mga trabahador lang sila, subalit kung nakapagsasagawa sila ng katotohanan at nakakikilos sila nang may mga prinsipyo, isang palatandaan iyon na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin bilang mga tao ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkukumparang ito, mauunawaan na ang mga nakatutugon lang sa mga pamantayan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin ang maituturing na mga tao ng Diyos. Iyong mga hindi nakatutugon sa mga pamantayan, na palaging pabasta-basta, ay mga trabahador. Kung mauunawaan ng isang tao ang katotohanan at kumikilos nang may mga prinsipyo, hindi magiging problema para sa kanya ang pagganap ng anumang tungkulin, at hangga’t saglit siyang nangangapa, sa huli ay matutugunan niya ang mga pamantayan sa pagganap ng mga tungkulin niya. Para naman sa iyong mga may napakababang kakayahan o palaging pabasta-basta, mahihirapan silang tugunan ang mga hinihingi, at ang pagganap sa kanilang mga tungkulin ay walang iba kundi pagtatrabaho. Para naman sa mga tao na magulo ang isip, mga hangal, at mga taong may mababang pagkatao na hindi gumagawa ng wastong gawain, hindi tumatanggap sa katotohanan gaano man ito ibinabahagi, at patuloy na kumikilos nang walang ingat, maaari lang silang itiwalag at hinahayaang manampalataya sa Diyos paano man nila gustuhin. Kaya, kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang may mga prinsipyo at nagpapakaabala nang walang layunin at ginagawang abala ang sarili niya sa wala araw-araw, kailangan niyang mabilis na hanapin ang katotohanan para malutas ito at kumilos nang may mga prinsipyo. Dapat niyang magampanan ang tungkulin niya nang normal araw-araw at hindi lang makontento kapag nakapagtrabaho na siya nang mahabang panahon, binibigyang-halaga ang kahusayan at paglikha ng isang tapos na produkto—tanging ang mga gayong tao ang mga taong sinang-aayunan ng Diyos at na tapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin.

Sa panahon ngayon, maraming tao ang sumusunod sa Diyos at gumaganap ng sarili nilang mga tungkulin, pero may ilan sa kanila ang hindi kailanman naghangad ng katotohanan, at kapag ginagawa ang kanilang mga tungkulin, palagi silang kumikilos nang walang ingat at nang naaayon sa sarili nilang mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gustuhin nila. Hindi sila gumagawa ng malalaking pagkakamali, pero palagi silang gumagawa ng maliliit na pagkakamali, partikular sa pagmumukha nilang abala araw-araw gayong sa realidad, wala silang inasikasong anumang wastong bagay at pinalilipas lang ang kanilang oras. Masasabi rin ng isang tao na ginagawa lang nila ang kanilang trabaho para makaraos. Hindi ba’t nanganganib ang mga gayong tao? Kung hinaharap palagi ng isang tao ang kanyang mga tungkulin at hinaharap ang atas ng Diyos nang may gayong kawalang-galang na saloobin, anong uri ng mga kahihinatnan magkakaroon ito? Ang di-epektibong paggawa at ang pagkakatanggal sa mga tungkulin ng isang tao ay isang magaan na kahihinatnan—kung gumagawa ng iba’t ibang uri ng masasamang gawa ang isang tao ay dapat siyang paalisin, at ibibigay ng Diyos ang gayong tao kay Satanas. Ano ang ibig sabihin ng ibibigay kay Satanas? Nangangahulugan ito na hindi na siya aalagaan ng Diyos, na hindi siya ililigtas ng Diyos, at na magsisimula siyang tahakin ang maling landas at pagkatapos ay maparurusahan. Nauunawaan mo ito, hindi ba? Ngayon na ang oras kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga tao, at kung pansamantala mong hindi sinusundan ang tamang landas, gagamitin ng Diyos ang praktikal na kapaligiran para bigyan ka ng isang pagkakataong matukoy ang iyong mga problema. Gayumpaman, kapag nalaman mo na binigyan ka ng Diyos ng oras para magnilay, na binibigyan ka Niya ng huling pagkakataon, kung hindi ka pa rin magbabalik-loob at matigas ang ulong ipagpapatuloy na gampanan ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, kikilos ang Diyos. Nang nilayon ng Diyos na wasakin ang lungsod ng Nineve, ginawa ba Niya ito kaagad? Hindi Niya ito ginawa kaagad. Ano ang naging unang hakbang ng Diyos nang kumilos Siya? Una Niyang ipinaalam kay Jonas, at tahasang sinabi sa kanya kung paano mangyayari ang buong proseso at kung ano ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos nito, pumunta si Jonas sa Nineve at nilakad ang buong lungsod, ipinapahayag na: “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak” (Jonas 3:4). Nakarating ang mensaheng ito sa pandinig ng lahat; narinig ito ng kalalakihan at kababaihan, ng bata at matanda, at ng mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan—alam ito ng bawat sambahayan, at narinig ang balitang ito maging ng kanilang hari. Bakit kumilos ang Diyos sa gayong paraan? Sa pagtingin sa bagay na ito, makikita ng isang tao kung inililigtas, ibinubunyag, o pinarurusahan man Niya ang mga tao, lahat ng paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao ay may mga tuntunin at prinsipyo. Hindi Siya kumikilos sa biglaang kapritso, agad na winawasak ang isang tao kapag hindi Niya gusto ang itsura nito. Sa halip, hinahayaan Niyang lumipas ang ilang panahon. Ano ang Kanyang layunin sa pagpapaubaya Niyang palipasin ang panahon? (Para hayaan ang mga tao na magsisi.) Ito ay para ipaalam sa mga taga-Nineve kung ano ang Kanyang gagawin, para hayaan silang magnilay at unti-unting mauunawaan ang Kanyang mga layunin at unti-unting magsimulang magbalik-loob. May proseso para makilala ito ng mga tao, at ang 40 araw na ito ang oras na ibinigay ng Diyos sa mga tao para magbalik-loob. Kung hindi pa rin sila nagbabalik-loob pagkaraan ng 40 araw at hindi ikinumpisal ang kanilang mga kasalanan sa Kanya, tutuparin ng Diyos ang bagay na ito alinsunod sa sinabi Niyang gagawin Niya. Ito ay dahil totoo ang Diyos sa mga sinasabi Niya, at matutupad ang mga sinasabi Niya—walang kasinungalingan ang mga salitang ito. Kung gayon, ano ang naging reaksiyon ng mga taga-Nineve nang matanggap nila ang balitang ito? Agad ba silang nagsuklob ng sako at abo? Hindi, nagkaroon ng isang proseso. Sa simula, marahil ay nag-alinlangan ang mga tao: “Lilipulin tayo ng Diyos; sinabi Niya ba talaga iyon? Anong ginawa natin?” Pagkatapos nito, ipinaalam ng lahat ng mga sambahayan sa isa’t isa ang tungkol sa bagay na ito at tinalakay ito nang magkakasama. Naramdaman nila na dumating ang isang krisis at na sila ay nasa sangang-daan ng buhay at kamatayan. Kaya, ano ang dapat nilang gawin? Dapat ba silang mangumpisal at magsisi, o mag-alinlangan at lumaban? Kung talagang pinili nilang mag-alinlangan at lumaban, ang kahihinatnan ay na malilipol sila pagkatapos ng 40 araw, pero kung ikinumpisal nila ang kanilang mga kasalanan at nagbalik-loob, magkakaroon pa rin sila ng isang makakapitan. Pagkatapos talakayin ang bagay na ito sa lahat ng antas sa loob ng maraming araw, napakaraming minorya ng mga mamamayan ang nagawang mag-angkin ng saloobin ng pangungumpisal ng kanilang mga kasalanan at pagbabalik-loob. Nagawa nilang yumukod sa pagsamba, maghandog ng mga sakripisyo, o magpakita ng ilang mabubuting pag-uugali at pagpapamalas. Subalit, may isang napakahalagang tao na nagligtas sa lungsod na ito—sino ito? Ito ay ang hari ng Nineve. Inutusan niya ang buong bansa, mula sa hari hanggang sa pinakamababang karaniwang tao, na sukluban ang sarili nila ng sako at abo, na ikumpisal ang kanilang mga kasalanan at magsisi sa Diyos na si Jehova. Pagkatapos maglabas ng gayong kautusan, may sinuman ba sa lungsod na maglalakas-loob na hindi gawin ito? May ganitong uri ng kapangyarihan ang isang hari. Kung ginamit niya ang kapangyarihang taglay niya para gumawa ng ilang masasamang bagay, nagdanas sana ng malaking sakuna ang mga tao sa bansa, sa halip ay ginamit niya ang kapangyarihang ito para gumawa ng mabubuting bagay, mga bagay ng pagsamba sa Diyos at pagbabalik-loob sa Kanya, at napanatili ang lungsod, at nailigtas ang mga tao sa buong bansa, at nagkaroon sila ng pag-asa na mapatawad. Hindi ba’t ito ay napagpasyahan ng isang pag-iisip ng haring ito? Kung sinabi niya na, “Kahit handa pa kayong magsisi, hindi ko gagawin ito; bahala kayo sa inyong sarili. Hindi ako naniniwala sa gayong mga bagay, at wala akong ginawang anumang masama. Higit pa riyan, mayroon akong katayuan, kaya ano ang magagawa ng Diyos sa akin? Maaari ba Niya akong pagbawalan mula sa trono? Mawasak na kung mawawasak ang lungsod. Kahit wala ang mga karaniwang taong ito ay magiging hari pa rin ako, tulad nang dati!” Paano kung nagkaroon siya ng gayong ideya, gayong linya ng pag-iisip? Kung magkagayon ay mas kaunting karaniwang tao ang maaaring nailigtas, at sa huli ay maaaring inilabas ng Diyos ang mga piling tao na handang magsisi. Pagkatapos Niyang ilabas sila, iyong mga mas ginusto pang mamatay kaysa magsisi ay nawasak na sana kasama ng lungsod, at siyempre kasama nila ang hari. At para sa mga handang magsisi, nagawa pa sana nilang patuloy na mabuhay pagkatapos silang ilabas ng Diyos sa lungsod. Subalit, ang pinakamagandang bagay tungkol dito ay na nagawa ng hari ng Nineve na manguna sa pagsusuklob sa kanyang sarili ng sako at abo, at sinabi rin sa mga karaniwang tao ng lungsod, mapa-babae o lalaki, bata o matanda—kahit sino pa sila, opisyal man na may mataas na ranggo o mababang uri ng isang magsasaka—mula sa mga aristokrata hanggang sa mga ordinaryong sibilyan, na dapat nilang lahat na sukluban ang kanilang sarili ng sako at abo at lumuhod sa harap ng Diyos na si Jehova sa pagsamba, magpatirapa at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan o ipahayag ang kanilang saloobin ng pagbabalik-loob, talikuran ang kanilang masamang pamamaraan at talikuran ang kasamaan sa kanilang mga kamay, magsisi sa Diyos, at magdasal na huwag Niya silang lipulin. Nanguna ang hari ng Nineve sa pamamagitan ng pagsisisi at pangungumpisal ng kanyang mga kasalanan sa Diyos, at sa paggawa nito ay nailigtas ang lahat ng mamamayan ng lungsod, na may maraming taong nakinabang kasama niya. Sa pangunguna sa paggawa nito, naging mahalaga ang kanyang kapangyarihan. Ang haring ito na nanguna sa kanyang mga tao para magbalik-loob sa Diyos ay isang bagay na ginugunita ng Diyos.

May anumang pakinabang ba sa inyo ang pakikipagbahaginan nang gayon ka-detalyado tungkol sa nilalaman ng itinataas at pagpapatotoo ng mga anticristo sa kanilang sarili? Ang paulit-ulit na pagbabahaginan nang ganito, pagbibigay ng mga halimbawa, pagkukuwento, paggamit ng iba’t ibang paraan at mga salita para ilarawan at tukuyin ito—kung hindi pa rin nakauunawa ang mga tao, talagang wala silang espirituwal na pang-unawa, at ang mga tao na tulad nito ay hindi matutubos. Ano ang layunin ng pagbabahaginan nang gayon ka-detalyado? Ito ay para tiyakin na pagkatapos marinig ng mga tao ang mga salitang ito, ang nauunawaan at natatanggap nila ay hindi mga doktrina, hindi literal na kahulugan, at hindi isang partikular na pagpapahayag, kundi isang katotohanan tungkol sa kondisyon ng mga bagay-bagay at ilang katotohanan at prinsipyong nauugnay sa diwa, pag-iral, at buhay ng mga tao. Kung kaya ninyong panghawakan ang mga kasabihan o ang mga halimbawang ito na tinalakay Ko sa inyong sariling aktuwal na kalagayan o sa mga bagay na ibinubunyag ninyo sa inyong sariling buhay para sa pagkukumpara, kung gayon ay kaya ninyong unawain ang katotohanan at kayo ay tao na may espirituwal na pang-unawa. Ang pagkukumpara sa mga ito ay nangangahulugang pag-uugnay sa bawat halimbawa at isyu na tinalakay sa iyong kalagayan, at pag-uugnay sa bawat aspekto ng katotohanan na pinagbabahaginan sa iyong sariling kalagayan at sa iyong sariling mga pagbubunyag. Kung alam mo kung paano pag-uugnayin ang mga bagay na ito at gamitin ang kaalamang ito, kung gayon ay mayroon kang espirituwal na pang-unawa, mayroon kang pag-asa na makapasok sa katotohanang realidad, at mauunawaan mo ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan anuman ang sinasabi, kung hindi mo naiuugnay ang mga bagay na ito sa iyong sarili, kung sa palagay mo ay walang kinalaman ang anumang naririnig mo sa kung ano ang iyong ibinubunyag at sa iyong sariling kalikasang diwa, at kung hindi mo mahanap ang kaugnayan, ganap kang mangmang at walang maunawaang anuman; wala kang espirituwal na pang-unawa. Ang gayong mga tao na walang espirituwal na pang-unawa ay maganda lang para sa pagtatrabaho at hindi makapapasok sa katotohanang realidad. Ang mga taong gustong magkamit ng kaligtasan ay dapat pumasok sa katotohanang realidad, at para makapasok sa katotohanang realidad ay dapat na nauunawaan ng isang tao ang mga salitang ito at nauunawaan ang mga kuwento at pangyayaring ito na Aking tinalakay, gayundin kung ano ang bawat bagay, bawat uri ng pagbubunyag, at ang diwa ng bawat uri ng tao at ang kanilang mga pagpapamalas at kalagayan, at magawang panghawakan ang lahat ng ito sa kanilang sarili. Sa ganitong paraan lang nila mauunawaan ang katotohanan; kung hindi nila maaabot ang puntong ito, hindi nila ito mauunawaan. Katulad ito ng pag-aalaga ng mga tao ng manok—kung nag-aalaga ang tao ng isang manok sa loob ng kalahating taon, at hindi pa rin ito nangingitlog, masasabi bang hindi nangingitlog ang manok na ito? (Hindi.) Kung tatlong taon nang inaalagaan ng may-ari ang manok na ito at pinakain niya ito ng mga butil at gulay, pero hindi pa rin ito nangingitlog anuman ang kinakain nito, masasabi bang hindi nangingitlog ang manok na ito? (Oo.) Kaya, pagdating sa mga tao, hindi nakauunawa ang ilan sa kanila kahit anong sermon ang pinakikinggan nila at gaano mo man ibinabahagi ang katotohanan sa kanila. Ito ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa. May isa pang uri ng tao, ang uri na nakauunawa sa narinig nila pero hindi ito isinasagawa, hindi nagbabalik-loob. Ang ganitong uri ng tao ay tapos na at katulad ng mga tao mula sa lungsod ng Sodom—nakatadhanang maging isang bagay ng pagkawasak. Nabibilang ang mga anticristo sa kategoryang ito ng mga tao; hindi sila magbabalik-loob anumang pagbabahagi mo tungkol sa katotohanan. Isa lang ba itong mapagmatigas na disposisyon? (Hindi.) Mayroon silang kalikasang diwa na sumasalungat sa Diyos at mapanlaban sila sa katotohanan, at para sa gayong tao imposible para sa kanilang maunawaan ang katotohanan. Ginagawa nilang kaaway ang katotohanan, sinasalungat ang katotohanan at ang Diyos, at mapanlaban sa mga positibong bagay, kaya kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatrato bilang katotohanan, kundi isang uri ng teorya, karunungan, o doktrina. Pagkatapos nilang makinig sa pagbabahaginan, sinasangkapan nila nito ang kanilang puso para pagkatapos nito ay makakapagpapasikat sila at makapagkakamit ng sarili nilang interes, katayuan, kasikatan, at pakinabang. Ito ang kanilang layunin. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan at anumang halimbawa ang iyong tinatalakay, hindi mo sila mababago, at hindi mo mababaligtad ang kanilang mga layunin o mababago ang paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay. Sila ay isang taong hindi naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan pagkatapos marinig ito ay hindi mababago ng katotohanan, at hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Ang mga ganitong uri ay matutukoy bilang mga taong mapanlaban sa katotohanan, at para maging mas partikular, sila ay mga anticristo. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at mga ordinaryong tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.