Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili (Unang Seksiyon)

Karagdagang Babasahin: Panghuhuli sa mga Daga

Kamakailan, narinig Ko ang tungkol sa isang bagong usapin. Makinig at pag-isipan kung paano ito nauugnay sa mga pag-uugali at disposisyon ng mga tao, kung tungkol saan ang kuwentong ito, at kung anong uri ng problema ang inilalarawan nito. Pagkatapos dumating sa Amerika ng ilang Tsino, maliban sa nakita nila na ang lipunan at kapaligiran at atmospera dito ay malaki ang pagkakaiba sa Tsina, mayroon ding isang bagay silang nakita na napakainteresante. Ito ay na sa bansang ito, hindi lang malaya ang mga tao, kundi lahat ng uri ng buhay na bagay at hayop ay napakamalaya rin, at walang sinumang nananakit sa mga ito. Ang kalayaang pantao ay siyempre isang produkto ng mga panlipunang sistema, kaya anong nagdadala ng kalayaan sa lahat ng uri ng buhay na bagay at hayop? Nauugnay ba ito sa mga panlipunang sistema? (Oo.) Nauugnay ito sa kung papaanong ang mga panlipunang sistema at mga polisiya ng gobyerno ay pinoprotektahan at pinamamahalaan ang buong likas na kapaligiran. Dito, ang mga ligaw na hayop ay nasa kung saan-saan at makikita kahit saan. Halimbawa, ang isang tao ay makakakita ng mga ligaw na gansa na kumakain ng damo sa parang sa tabi ng kalsada, at may ilang parke, parang, at gubat kung saan makakakita ang isang tao ng ilang usa, oso, o lobo, pati na rin mga pabo, benggala, at lahat ng uri ng ibon at iba pang ligaw na hayop. Anong unang impresyon mayroon ang mga tao kapag nakikita nila ang isang tanawing tulad nito? (Pakiramdam nila ay nakita na nila ang kalikasan.) At anong uri ng mga damdamin ang mayroon sila kapag nakikita nila ang kalikasan? Hindi ba nila sasabihing: “Tingnan ang kanilang bansang ito. Hindi lang malaya ang mga tao, kahit ang mga hayop dito ay malaya. Ang muling mabuhay bilang isang hayop sa lugar na ito ay mas mabuti kaysa sa mamuhay bilang isang tao sa Tsina, dahil kahit mga hayop ay malaya rito, at walang sinumang umaabuso sa mga ito”? Wala ba silang gayong mga damdamin? (Mayroon sila.) Para sa mga nanatili rito nang mahabang panahon, nagiging pangkaraniwan ang mga bagay na ito, at hindi kakatwa; iniisip nilang napakanormal ng mga bagay na ito. Ngunit para sa ilang tao, pagkatapos nilang maging pamilyar sa ganitong uri ng kapaligiran, ilang aktibong kaisipan ang nagsisimulang lumitaw sa kanila: “Napakamalaya ng mga hayop na ito, at walang sinumang nangangasiwa o nagbabantay sa mga ito, maaari ko bang hulihin at kainin ang mga ito? Magaling kung makakain ko ang mga ito, ngunit hindi ko ito basta-bastang magagawa sakaling protektado ang mga ito ng batas. Kailangang tingnan ko ito.” Pagkatapos suriin ang impormasyon, nakikita nilang malinaw na sinasabi ng batas na pantay na pinoprotektahan ng pambansang batas ang mga ligaw na hayop, at na hindi maaaring hulihin at patayin ang mga ito ng mga tao nang ayon sa kagustuhan nila. Kung nais ng mga taong mangaso ng mga hayop, dapat nila itong gawin sa loob ng isang ipinag-uutos ng estado na lugar ng pangangaso; kailangan din nila ng lisensiya, at maaaring kakailanganing magbayad para sa mga hayop na mahuhuli nila. Sa madaling salita, pinoprotektahan ng batas ang mga ligaw na hayop na ito at may malinaw itong mga probisyon tungkol sa mga ito. Hindi kayang maunawaan ng ilang tao ang batas ng proteksiyon ng ligaw na hayop, at iniisip nila: “Nariyan itong lahat ng mga ligaw na pambihirang pagkain, subalit hindi tayo pinahihintulutan ng gobyerno na hulihin at kainin ang mga ito ayon sa gusto natin. Nakapanghihinayang! Sa Tsina, walang sinumang may pakialam dito: ‘Kung walang magsusumbong nito, hindi ito iimbestigahan ng mga awtoridad.’ Hangga’t walang sinumang nakaaalam nito, puwede kang humuli at kumain ng isang hayop. Ngunit hindi mo ito maaaring gawin sa isang demokratikong bansa. Dito ay may mga legal na regulasyon, at hindi ko maaaring basta gawin anuman ang nais ko sa lupa ng ibang mga tao. Ngunit ang mga hayop na ito ay ligaw lahat; nakapanghihinayang na maaari lang nating tingnan at hindi kainin ang mga ito. Kailangan kong mag-isip ng solusyon. Papaano ko makakain ang ligaw na hayop na ito nang walang sinumang nakakapansin at nang hindi nilalabag ang batas?” Ang ilang tao ay nag-iisip ng daya, at sasabihing: “Kung gagawa ako ng hawla at maglalagay ng ilang malasang pagkain sa loob nito para akitin ang mga hayop, hulihin ang ilang maliliit na hayop tulad ng mga ligaw na kuneho, at pagkatapos ay hahanap ng liblib na lugar para patayin at kainin ang mga ito, hindi ako lumalabag sa batas, hindi ba? Ang maliliit na hayop na iyon ay hindi protektado ng estado, at walang tiyak na probisyon ang batas sa mga ito. Kung gagawin ko ito, makakakain ako ng ligaw na hayop at masisiguro ring hindi ako lumalabag sa batas. Ito ay ang tamang-tamang kombinasyon.” Pagkatapos nilang magkaroon ng ganitong ideya, bumuo sila ng hawla at nagsisimulang mangaso. Bago lumipas ang dalawang araw, pumasok ang isang daga sa hawla, at dali-dali nilang pinatay at kinain ito, nararamdamang ito ay tunay na ligaw na hayop! Anong kongklusyon mayroon sila pagkatapos itong kainin? “Napakalalasa ng ligaw na hayop. Mula ngayon ay mag-iisip ako ng mas maraming paraan para makakain ng iba pang uri ng ligaw na hayop. Hindi ako natatakot kainin ang mga ito hangga’t hindi ko nilalabag ang batas.” Dito nagtatapos ang kuwento.

May ilang tao na nagtatanong, “Totoong kuwento ba ito o gawa-gawa lang?” Sa ngayon, huwag mag-alala kung ito man ay totoo o gawa-gawa lang, o kung talagang nangyari ba ito o hindi. Basta isipin mo lang kung ano ang mali sa mga tao na gumagawa ng mga bagay na tulad nito, batay sa kuwentong ito. Ang paggawa ba ng ganitong uri ng bagay ay isang matinding pagkakamali? Ito ba ay itinuturing na isang paglabag sa batas? Ito ba ay itinuturing na imoral? (Oo.) Ito ba ay sumasalungat sa moralidad, o sumasalungat sa pagkatao, o sumasalungat sa iba pa? Una, sabihin mo sa Akin: Ang ganito bang uri ng pag-uugali ay karapat-dapat sa papuri o sa pagtuligsa? Aling panig ang pipiliin ninyo? (Pagtuligsa.) Sumasalungat man ito sa moralidad, sumasalungat sa batas, o sumasalungat sa pagkatao, sa anumang sitwasyon, masama ang ganitong uri ng pag-uugali, at hindi ito pag-uugali ng mga tao na nagtataglay ng pagkatao. Kaya ano ba ito? Seryosong problema ba ang ganitong uri ng disposisyon o pag-uugali? Paano ninyo huhusgahan ang bagay na ito ayon sa mga sarili ninyong pamantayan? Sa pang-araw-araw na buhay at kasama ng lahat ng grupo ng tao, pangkaraniwan ba ang ganitong uri ng pag-uugali? (Oo.) Hindi ito isang napakatalino o masamang gawa, pero ito ay hindi nararapat, at hindi ito isang pagpapamalas na dapat tinataglay ng mga tao na may normal na pagkatao. Anong eksaktong uri ng pagpapamalas ito? Sige at klasipikahin mo ito. Anong uri ng pag-uugali ito? Dapat ba itong itaguyod? (Hindi.) Hindi ito karapat-dapat sa pagtataguyod at hindi ito pinupuri ng mga tao, kaya dapat itong tuligsain at kamuhian. Pangkaraniwan ang ganitong uri ng pag-uugali, madalas itong lumilitaw sa lahat ng grupo ng mga tao at sa pang-araw-araw na buhay, madalas itong napapagmasdan, at may mga tao na madalas na ginagawa ang ganitong uri ng bagay. Kaya, kung gayon, hindi ba ito karapat-dapat na ibukod at talakayin, at sa gayon ay binibigyang-kakayahan ang bawat tao na magkaroon ng tumpak na pakahulugan ng bagay na ito, at mas mabuting ilayo ang sarili nila mula sa ganitong uri ng pag-uugali? Hindi ba’t maganda iyon? (Oo.) Kung gayon bigyang-kahulugan natin ito—anong uri ng pag-uugali ito? Mapagmataas ba ito? Mapagmatigas ba ito? Mapanlinlang ba ito? (Hindi.) Buktot ba ito? (Medyo.) Ito ay medyo malapit diyan. Sa mga salitang natutunan at naunawaan ninyo, mayroong bang anumang makakapagbigay-kahulugan sa ganitong uri ng pag-uugali? (Mababang-uri.) Mababang-uri, ito nga ay may kaunti ng ganitong kalidad. Naglalaman ang salitang ito ng ganitong uri ng pag-uugali at diwa pero hindi nito ibinubuod nang husto at lubos. Hindi maituturing na malisyoso ang pag-uugaling ito, dahil kung ang pagpatay sa isang daga ay malisyoso kung gayon ay magiging isang negatibong bagay ang pagpuksa sa mga daga. Isang positibong bagay ang pagpuksa sa mga daga; nakapipinsala ng tao ang mga daga, kaya tamang puksain ang mga ito. Pero wala bang pagkakaiba sa pagpuksa sa mga ito at sa pagkain sa mga ito? (Mayroon.) Kung gayon paanong maibubuod ang pag-uugaling ito? Aling mga salita ang maiisip ninyong nauugnay sa ganitong uri ng pag-uugali? (Nakapangdidiri.) (Hamak na katangian.) Hamak na katangian, mababang-uri, at nakapangdidiri. Sa pang-araw-araw na buhay, anong salita ang ginagamit para ibuod ang hamak at di-angkop na pag-uugali? (Marumi.) Ang salitang “marumi” ay sakto at masinsinang nagbubuod sa ganitong uri ng pag-uugali. Bakit ito binibigyang-kahulugan bilang “marumi”? Kung sinasabing ito ay mababang-uri, makasarili, o nakakapangdiri, isa lamang iyang uri ng pagpapamalas na ibinunyag ng mga maruming tao. Naglalaman ng maraming kahulugan ang “marumi”—ang pagiging mababang-uri, masama, nakakapandiri, makasarili, imoral, hindi inaayos ang asal, hindi pagiging lantad o tapat sa mga kilos ng isang tao, at sa halip ay kumikilos sa isang palihim na paraan, at gumagawa lang ng mga hindi wastong bagay. Ang mga ito ang iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas ng mga maruming tao. Halimbawa, kung gusto ng isang normal na tao na gumawa ng isang bagay, hangga’t wasto ito, ginagawa niya ito sa isang lantad na paraan, at kung nilalabag nito ang batas, susuko siya at hindi na gagawin ito. Hindi magkakapareho ang mga maruming tao; isasakatuparan nila ang kanilang mga layon kahit sa anumang paraan at may mga diskarte para kontrahin ang mga limitasyon ng batas. Pinapaikutan nila ang batas at naghahanap ng mga paraan para maisakatuparan ang kanilang mga layon, ang paggawa man nito ay nakaayon sa mga etika, moralidad, o pagkatao, at kahit ano pa ang mga kahihinatnan. Wala silang pakialam sa anumang mga bagay na ito, at hinahangad lang na maisakatuparan ang mga layon nila kahit sa anumang paraang posible. Ito ay pagiging “marumi.” Mayroon bang anumang integridad o dignidad ang mga maruming tao? (Wala.) Sila ba ay mga taong marangal o hamak? (Hamak.) Sa paanong paraan sila hamak? (Walang batayang moral ang kanilang asal.) Tama iyon, ang ganitong uri ng tao ay walang batayan o mga prinsipyo sa kanyang asal; hindi niya isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan, at basta ginagawa ang anumang gusto niya. Wala siyang pakialam sa batas, sa moralidad, sa kung matatanggap ba ng konsensiya niya ang kanyang mga kilos, o kung tutuligsain, huhusgahan, o kokondenahin ba siya ng sinuman. Nagsasawalang-bahala siya sa lahat ng mga ito, at walang pakialam hangga’t nagkakamit siya ng mga benepisyo at nasisiyahan siya. Masama ang paraan niya ng paggawa ng mga bagay-bagay, kasuklam-suklam ang pag-iisip niya, at pareho itong kahiya-hiya. Ito ang ibig sabihin ng pagiging marumi. Mapapalitan ba ang salitang “marumi” ng mga pagpapamalas ng ilang mga disposisyong napag-usapan natin dati? Hindi talaga iyan uubra. Sadyang natatangi ang salitang “marumi,” kaya ang mga maruming tao ba ay isang natatanging uri ng mga tao? Hindi. Mayroon ba kayong anumang marumi sa inyo? (Oo.) Ano ang mga partikular na pagpapamalas nito? (Minsan pagkatapos hugasan ng mga tao ang kanilang mukha, nag-iiwan sila ng tubig sa buong estante at hindi ito pinupunasan. At kapag natapos nang kumain ang mga tao, hindi nila nililinis ang mga butil ng kanin at sabaw ng gulay sa mesa. Kapag narumihan na ang kanilang mga damit, inihahagis lang nila ang mga ito sa isang tabi nang hindi tinitiklop ang mga ito. Sa tingin ko ay pagpapamalas din ang mga ito ng pagiging marumi.) Ang totoo, ang lahat ng mga bagay na ito ay maliliit na detalye ng pang-araw-araw na buhay, at ang pagiging hindi malinis ay hindi tunay na pagiging marumi, may kinalaman ito sa pagsasabuhay ng isang tao sa pagkatao. Kung hindi ginagawa ng isang tao ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba kapag nasa isang grupo, at kung ang isang tao ay hindi pinalaki nang maayos at nang may magandang pag-uugali, at maraming tao ang kinaiinisan at kinapopootan siya, at hindi alam sumunod sa mga patakaran o sistema ng anumang lugar na pinupuntahan niya, at wala ng kamalayang ito, kung gayon hindi ba may kulang sa pagkatao niya? (Oo.) Ano ang kulang? Ito ay kulang sa katwiran. Hindi ba’t walang dignidad ang mga taong tulad nito? (Oo.) Wala silang dignidad, walang integridad, at hindi pinalaki nang maayos. May kinalaman ito sa batayan ng asal ng tao, at sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Kung hindi man lang maisakatuparan ng isang tao ang mga pamantayang ito, kung gayon paano niya posibleng maisasagawa ang katotohanan? Papaano niya posibleng maluluwalhati ang Diyos? Paano siya posibleng makakikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Masyado siyang malayo sa paggawa ng anuman sa mga bagay na ito. Walang konsensiya o katwiran ang ganitong uri ng tao—madali ba siyang pamahalaan? Madali ba para sa kanya na magbago? Ito ay ganap na hindi madali. Kung gayon paano siya magbabago? Nakasalalay ito sa lahat ng nangangasiwa, pumipigil, at nag-uudyok sa kanya. Sa mga seryosong kaso, dapat manindigan ang lahat para punahin siya. Ano ang layon ng pamumunang ito? Ito ay para alalayan siya, para tulungan siyang umasal nang maayos, at para pigilan siyang gumawa ng mga bagay na kahiya-hiya at hindi kanais-nais. Kaya, ano nga ba ang eksaktong tinutukoy ng pagiging marumi? Ano ang mga pangunahing sintomas at pagpapamalas nito? Tingnan kung ang Aking buod ay tumpak o hindi. Ano ang katumbas ng mga maruming tao? Katumbas nila ang mga mailap, hindi pinalaki nang maayos, mga ligaw na hayop, at ang mga pangunahing pagpapamalas nito ay kayabangan, kalupitan, kawalan ng pagpipigil, pagkilos ng walang habas, hindi pagtanggap sa katotohanan kahit katiting, pati na rin pagsasagawa ng anumang naisin, hindi pakikinig kahit kaninuman, o pagpayag sa sinuman na pamahalaan sila, nangangahas na sumalungat sa sinuman, at walang pagsasaalang-alang sa sinuman. Sabihin mo sa Akin, malubha ba ang iba’t ibang pagpapamalas ng pagiging marumi? (Oo.) Kahit papaano, masyadong malubha ang diposisyong ito ng kayabangan, ng kawalan ng katwiran, at ng pagkilos ng walang habas. Kahit na ang isang tao na tulad nito ay para bang hindi ginagawa ang mga bagay na humuhusga o lumalaban sa Diyos, dahil sa kanyang mapagmataas na disposisyon, malamang na gagawa siya ng kasamaan at lalabanan ang Diyos. Ang lahat ng mga kilos niya ay mga pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag ang isang tao ay naging marumi hanggang sa isang tiyak na punto, nagiging isang mandarambong at diyablo siya, at hindi kailanman tatanggapin ng mga mandarambong at diyablo ang katotohanan—puwede lang silang wasakin.

May saysay bang pag-usapan ang kuwentong ito? (Oo.) Bagaman ang kuwentong ito ay hindi sumasagi sa kalikasang diwa o disposisyon ng tao, tumutukoy ito sa pag-uugali ng tao, na hindi masyadong naiiba sa o walang kaugnayan sa diwa ng tao. Anong dapat itawag sa kuwentong ito? Bigyan natin ito ng pangalang may alegorikong kalidad, at hindi ito ginagawang sobrang prangka. (Panghuhuli sa mga Daga.) Medyo maganda ang “Panghuhuli sa mga Daga.” May isang tao na nakahuli ng daga sa isang “ganap na lehitimong” paraan at sinabing: “Anong magagawa ko? Tumakbo ito rito at naaawa ako rito. Isa pa, nasaktan ito. Kung tatakbo ito palabas, mamamatay ito, at pagkatapos ay kakainin lang din naman ito ng ibang hayop, kaya bakit hindi ko na lang ito kainin? Hindi ba iyon magiging ganap na lehitimo?” Para makain ang dagang iyon, kinatha niya ang lahat ng palusot na iyon at ginawa ang lahat ng dahilang iyon, at pagkatapos ay kinain ito ng may malinis na konsensiya. Ito ay ang pagiging marumi. Hindi ito na para bang hindi maaaring kumain ng karne ang mga tao sa Amerika, kaya hindi sulit na pagdaanan ang lahat ng gulong iyon at ibigay ang lahat ng pagsisikap na iyon para gawin ang gayong bagay. Ito ay uri ng bagay na ginagawa ng mga maruming tao. Ginagawa ba ng mga normal na tao ang ganitong uri ng bagay? Ginagawa ba ng mga tao na may pagkatao at integridad ang ganitong uri ng bagay? (Hindi.) Bakit hindi nila ito ginagawa? May kaugnayan ito sa integridad. Iyong mga likas na di-maiwastong magnanakaw ay palaging nagnanakaw at nangungupit, at gumagawa ng mga kahiya-hiyang bagay. May bagay ba na kapos sila sa tahanan? Maaaring wala. Yamang marumi sila, kailangan nilang magnakaw, umasa sa pagnanakaw para matugunan ang kanilang sariling mga kagustuhan at ang kanilang walang-kasiyahang sakim na disposisyon. Nagdadala ng ginhawa sa kanilang mga puso ang paggawa ng mga bagay na ito. Kung hindi nila gagawin ang ganitong uri ng bagay, sasama ang loob nila. Ito ay ang pagiging marumi. Ngayon, tatapusin Ko na ang kuwentong ito at dadako na sa pangunahing paksa.

Bago Ko talakayin ang pangunahing paksa, una, magmuni-muni tayo sa nilalaman ng ating huling pagbabahaginan. Ang mga tungkuling ginagampanan ng hinirang na mga tao ng Diyos ay maaaring mahati sa anim na pangunahing kategorya. Natapos na nating talakayin ang unang kategorya, na mga taong gumaganap sa tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang ikalawang kategorya ay ang mga gumaganap sa tungkulin ng mga lider at manggagawa sa iglesia sa iba’t ibang antas. Ang mga miyembro ng kategoryang ito ay maaaring mahati sa dalawang pangunahing uri, at noong nakaraan ay pinag-usapan natin ang tungkol sa isa sa mga uring ito, ang mga anticristo. Kung paano gumagawa ang mga anticristo, kung aling pagpapamalas ang mayroon sila at kung aling mga bagay na ginagawa nila na makatutukoy sa kanila bilang mga anticristo—inuri natin ang mga pagpapamalas at disposisyong ito ng mga anticristo. Aling mga partikular na aytem ang naroon? (Unang aytem: Sinusubukan nilang kuhain ang loob ng mga tao; ikalawang aytem: Binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon; ikatlong aytem: Inihihiwalay at binabatikos nila ang mga naghahangad sa katotohanan; ikaapat na aytem: Itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili; ikalimang aytem: Nililihis, inaakit, pinagbabantaan, at kinokontrol nila ang mga tao.) Noong nakaraan, limang aytem ang ibinuod, at itinala ninyo ang lahat ng mga ito. Ngayon ay itala ang mga susunod. Ikaanim na aytem: Kumikilos sila sa mga tusong paraan, wala sila sa katwiran at diktatoryal sila, hindi sila kailanman nakikipagbahaginan sa iba, at pinipilit nila ang iba na sundin sila; ikapitong aytem: Sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang; ikawalong aytem: Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos; ikasiyam na aytem: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian; ikasampung aytem: Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos; ikalabing-isang aytem: Hindi nila tinatanggap ang pagpupungos, ni wala silang saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang pagkakamali, kundi sa halip ay nagkakalat sila ng mga kuru-kuro at hayagan nilang hinuhusgahan ang Diyos; ikalabindalawang aytem: Gusto nilang umatras kapag wala silang katayuan o pag-asang magkamit ng mga pagpapala; ikalabintatlong aytem: Kinokontrol nila ang mga pananalapi ng iglesia at kinokontrol din nila ang puso ng mga tao; ikalabing-apat na aytem: Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo; ikalabinlimang aytem: Hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo. May 15 aytem sa kabuuan, at hinihimay at isinisiwalat ng lahat ng ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Mahalagang ibinubuod ng 15 aytem na ito ang magkakaibang uri ng pag-uugali, pagpapamalas, at disposisyon na mayroon ang mga anticristo. Ang ilan sa mga ito ay tila mga pag-uugali sa panlabas, ngunit sa likod ng mga pag-uugaling ito ay ang mga pinagbabatayang disposisyong diwa ng mga anticristo. Pagdating sa literal na kahulugan ng mga ito, hindi ba madaling maunawaan ang 15 aytem na ito? Ang lahat ng mga ito ay ipinahayag sa payak na wika, at sa isang banda, madaling maunawaan ang mga ito, habang sa karagdagan, kung ano ang ibinubuod ng bawat isa sa mga ito ay nauugnay sa mga pagpapamalas, paghahayag, at diwa ng tao. Isang uri ng disposisyon ang bawat aytem; hindi ito isang pansamantalang pag-uugali o kaisipan. Ano ang isang disposisyon? Paano maipaliliwanag ng isang tao kung ano ang isang disposisyon? Ang isang disposisyon ay kapag, saan man pumupunta ang isang tao, ang kanyang mga kaisipan, ideya, prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay, kaparaanan ng operasyon, at ang layong hinahangad niya ay hindi nagbabago kasama ng mga pagbabago sa oras at pang-heograpiyang lokasyon. Kung maglalaho ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng isang tao sa sandaling magbago ang kapaligiran niya, hindi ito ang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, sa halip ay isang pansamantalang pag-uugali. Ano ang tinutukoy ng isang tunay na disposisyon? (Mapangingibabawan nito ang isang tao anumang oras at sa anumang lugar.) Tama iyan, mapangingibabawan nito ang mga salita at kilos ng isang tao anumang oras at lugar, nang walang mga kondisyonal na pagpipigil o impluwensiya; iyan ang isang diwa. Ang diwa ay ang bagay na inaasahan ng isang tao para mabuhay; hindi ito magbabago na nakasalalay sa mga pagbabago sa oras, lokasyon, o iba pang panlabas na kadahilanan. Iyan ay ang diwa ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao: “Mayroon ako ng humigit-kumulang lahat nitong 15 pagpapamalas ng anticristo na binuod Mo, ngunit hindi ko hinahangad ang katayuan at hindi ako ipinanganak na may anumang ambisyon. Saka, wala akong pinapasang anumang responsabilidad sa ngayon. Hindi ako isang lider o isang manggagawa, at hindi ko gustong maging sentro ng atensiyon, kaya hindi ba walang kaugnayan sa akin ang kalikasang diwa ng mga anticristo? Kung walang kaugnayan ito, kung gayon, hindi ba’t totoong hindi ko kailangang makinig sa mga pagbabahaginang ito o panindigan ang sarili ko laban sa mga ito para sa paghahambing?” Ganito ba ang lagay ng mga bagay? (Hindi.) Kung gayon paano dapat harapin ng isang tao ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo? Paano dapat harapin ng isang tao ang mga katotohanang pinagbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na ito? Dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan at makilala ang sarili niya sa loob ng mga pagbabahaginang ito, pagkatapos ay hanapin ang tamang landas, at magtaglay ng mga prinsipyo sa pagganap ng kanyang tungkulin at kanyang serbisyo sa Diyos. Sa paraang ito lang sila makalalayo mula sa landas ng mga anticristo at makapagsisimula sa landas ng pagiging perpekto. Kung maidudugtong ninyo ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo sa sarili ninyo, kung gayon magiging babala ito, isang paalala, isang paglalantad, at isang paghahatol para sa inyo. Kung hindi ninyo maidudugtong ang mga ito sa sarili ninyo, ngunit nadarama ninyong mayroon din kayong mga magkatulad na kalagayan, kung gayon ay dapat ninyong subukang pagnilayan at kilalanin nang higit pa ang sarili ninyo, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga kalagayang iyon. Sa ganitong paraan, unti-unti mo ring maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon at maiwasang tumahak sa landas ng mga anticristo.

Isang Paghihimay Kung Paano Itinataas at Pinatototohanan ng mga Anticristo ang Kanilang Sarili

Ang pagbabahaginan ngayon ay tungkol sa ikaapat na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: itinataas at pinapatotohanan ang kanilang sarili. Itinataas at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang mga sarili nila? Paano nila natatamo ang layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, malulupit na diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nila ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ang pagtataas at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan. Ito ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Hindi mabubutasan ang kanilang mga salita at malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at pakana, nagpapakitang-gilas sila, gayumpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon. Makikita na ang mga kaparaanang ginagamit nila ay udyok ng isang mapanlinlang na disposisyon—kaya bakit Ko sinasabi na buktot ito? Ano ang koneksiyon nito sa kabuktutan? Ano sa palagay ninyo: Kaya ba nilang maging bukas tungkol sa kanilang mga layon na itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi nila kaya. Ngunit laging may pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso, at ang sinasabi at ginagawa nila ay para makatulong sa pagnanais na iyon, at ang mga layon at motibo ng sinasabi at ginagawa nila ay lubos nilang inililihim. Halimbawa, gagamit sila ng panlilihis o ilang patagong kahina-hinalang taktika para makamtan ang mga layon na ito. Hindi ba’t likas na tuso ang gayong paglilihim? At hindi ba’t matatawag na buktot ang gayong pagkatuso? (Oo.) Maaari nga itong tawaging buktot, at mas malalim iyon kaysa panlilinlang. Gumagamit sila ng partikular na pamamaraan para makamit ang kanilang mga mithiin. Ang disposisyong ito ay panlilinlang. Gayunman, ang ambisyon at pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso na palaging gustong pasunurin, patingalain, at pasambahin ang mga tao sa kanila ang kadalasang nagtutulak sa kanila para itaas at patotohanan ang kanilang sarili, at ginagawa nila ang mga bagay na ito nang walang prinsipyo at walang kahihiyan. Ano ang disposisyong ito? Umaangat ito sa antas ng kabuktutan. Ang kabuktutan ay higit pa sa ordinaryong makitid na pag-iisip o pagiging mapanlinlang at mapagsinungaling. Kung makaaangat ang isang tao mula sa ordinaryong katiwalian papunta sa antas ng kabuktutan, hindi ba’t nangangahulugan itong mas malalim ang kanyang pagiging tiwali? (Oo.) Kung gayon, ilarawan ang antas ng kabuktutan—ano ang angkop na paraan para ilarawan ito? Bakit umaangat ang isang tao mula sa ordinaryong katiwalian papuntang kabuktutan? Nakikita ba ninyo nang malinaw ang usaping ito? Ano ang pagkakaiba ng panlilinlang at kabuktutan? Pagdating sa kung paano nagpapamalas ang mga ito, ang kabuktutan at panlilinlang ay malapit na nauugnay, ngunit mas malubha ang kabuktutan—ito ay panlilinlang na nasa pinakasukdulan. Kung ang isang tao ay sinasabing may buktot na disposisyon, hindi ordinaryo ang pagiging mapanlinlang ng tao na ito, sapagkat ang ordinaryong panlilinlang ay puwedeng nangangahulugang siya ay may ugaling sinungaling o hindi masyadong matapat sa mga kilos niya, samantalang mas malubha ang kabuktutan at nasa mas malalim na antas kaysa sa panlilinlang. Ang panlilinlang ng isang tao na may buktot na disposisyon ay mas malaki at mas malubha kaysa sa isang pangkaraniwang tao, at ang kanyang mga paraan at diskarte sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang mga pakana sa likod ng kanyang mga kilos, ay mas tuso at malihim lahat, at hindi maaarok ang mga ito ng karamihan sa mga tao. Ito ang kung ano ang kabuktutan.

Paanong ang isang anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili ay naiiba kaysa sa pangkaraniwang tao na ganoon din ang ginagawa? Madalas na nagyayabang at nagpapasikat ang pangkaraniwang tao para maging mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, at magkakaroon din siya ng mga pagpapamalas ng mga disposisyon at kalagayang ito, kaya paanong ang isang anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili ay naiiba kaysa sa mga karaniwang tao na ganoon din ang ginagawa? Saan naroroon ang pagkakaiba? Dapat malinaw ito sa iyo—huwag mong pagsama-samahin ang lahat ng pagpapamalas ng paminsan-minsang pagtataas o pagyayabang ng sarili sa ilalim ng kategorya ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamaling konseptuwal? (Oo.) Kung gayon, paano malinaw na makikita ang pagkakaiba ng usaping ito? Saan naroroon ang pagkakaiba? Kung maisasaad mo ito nang malinaw, lubusan mong mauunawaan kung ano ang diwa ng isang anticristo. Subukan mo ito. (Mas patago ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng isang anticristo; gumagamit siya ng ilang paraang tila napakawasto para ilihis ang mga tao. Tila ba nangungusap siya tungkol sa isang wastong usapin, ngunit bago mo pa mamalayan, nagsisimula na siyang itaas at patotohanan ang kanyang sarili, nang hindi ito nahahalata ng sinuman. Medyo patago ang mga paraan niya.) Ang medyo patagong paraan—ito ay sa kanyang paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanyang sarili nakikita ang pagkakaiba. May iba pa ba? Sabihin mo sa Akin, ano ang pagkakaiba sa kalikasan ng sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at ng walang kamalayang paggawa nito? (Magkaiba ang mga layunin.) Hindi ba’t dito makikita ang pagkakaiba? (Oo.) Kapag ang isang pangkaraniwang tao na may mga tiwaling disposisyon ay itinataas at ipinagmamalaki ang kanyang sarili, ito ay para magpasikat lang. Matapos niyang magpasikat, iyon na iyon, at wala na siyang pakialam kung mataas man o mababa ang tingin ng ibang tao sa kanya. Hindi masyadong malinaw ang kanyang layon, isa lang iyong pamamayani sa kanya ng disposisyon, isang pagbubunyag ng disposisyon. Iyon lang iyon. Madali bang baguhin ang ganitong uri ng disposisyon? Kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, magagawa niyang unti-unting magbago kapag nararanasan niyang pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo siya. Unti-unting madaragdagan ang kanyang pagkaramdam ng kahihiyan at pagkamakatwiran, at paunti nang paunti niyang ipakikita ang ganitong uri ng pag-uugali. Kokondenahin niya ang ganitong uri ng pag-uugali, at magpipigil siya at rerendahan niya ang kanyang sarili. Ito ay walang kamalayang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Bagaman ang mga disposisyong nakapaloob sa sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at ang walang kamalayang pagsasagawa nito ay magkapareho, ang kalikasan ng dalawa ay magkaiba. Paano nagkaiba ng kalikasan ang mga ito? Ginagawa nang may intensiyon ang sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Hindi nagsasalita nang kaswal ang mga taong gumagawa nito—sa bawat pagkakataong itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili, nagkikimkim sila ng ilang mga partikular na layunin at mga natatagong balak, at ginagawa nila ang ganitong uri ng bagay nang may mga satanikong ambisyon at pagnanais. Sa panlabas, tila kaparehong uri ito ng pagpapamalas. Sa parehong mga kaso, ang mga tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili, ngunit paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang walang kamalayang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Bilang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. At paano naman binibigyang-kahulugan ng Diyos ang sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Bilang isang tao na nagnanais na mailihis ang mga tao, na naglalayong respetuhin, sambahin, tingalain, at sundin siya ng mga tao. Likas na mapanlihis ang kanyang kilos. Kaya, sa sandaling magkaroon siya ng layong ilihis ang mga tao, at angkinin ang mga tao para sumunod at sumamba sila sa kanya, gagamit siya ng ilang mga paraan at diskarte kapag nagsasalita at kumikilos siya, na madaling maglilihis at manlilinlang sa mga hindi nakauunawa sa katotohanan at walang malalim na pundasyon. Hindi lang walang pagkilatis ang mga ganitong tao, bagkus, iniisip nilang tama ang sinasabi ng taong ito, at maaaring tingalain at respetuhin nila siya, at sa paglipas ng panahon ay sasambahin at susundan pa nga siya ng mga ito. Ang isang pinakakaraniwang penomena sa pang-araw-araw na buhay ay ang tila nauunawaan nang mabuti ng isang tao ang isang sermon matapos niyang marinig ito, ngunit sa kalaunan, kapag may nangyari sa kanya, hindi niya alam kung paano lulutasin ito. Pumupunta siya sa harap ng Diyos para maghanap, ngunit hindi ito nagbubunga, at sa huli, kinakailangan niyang pumunta sa kanyang lider para magtanong tungkol sa usaping ito at humingi rito ng solusyon. Sa tuwing may mangyayari sa kanya, nais niyang hilingin sa kanyang lider na lutasin ito. Ito ay tulad ng kung paanong ang paninigarilyo ng opyo ay nagiging isang adiksiyon at isang kagawian para sa ilang tao, at sa takdang panahon, hindi na nila magagawang magpatuloy pa nang hindi humihithit nito. Kaya, ang mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili ay di-halatang nagiging isang uri ng ipinagbabawal na gamot para sa mabababa ang tayog, hindi kumikilatis, hangal, at mangmang. Sa tuwing may anumang nangyayari sa kanila, pumupunta sila sa anticristo para magtanong tungkol dito, at kung hindi maglalabas ng utos ang anticristo, hindi sila mangangahas magsagawa ng anuman, kahit pa tapos na itong pag-usapan ng lahat at may napagkasunduan na sa usapin. Takot silang sumalungat sa kalooban ng anticristo at na mapigilan, kaya sa bawat usapin, mangangahas lang silang kumilos pagkatapos magsalita ng anticristo. Kahit na malinaw nilang naunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, hindi sila nangangahas na gumawa ng desisyon o pangasiwaan ang usapin, sa halip ay naghihintay sila sa “among” tinitingala nila para sa huling hatol at desisyon. Kung walang sasabihin ang kanilang amo, ang sinumang nangangasiwa sa usapin ay mag-aalangan sa kung ano ba ang dapat nilang gawin. Hindi ba’t nalason na ang mga taong ito? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng nalason na. Para malason sila nang husto, gaano karaming gawain ang kailangang gawin ng anticristo, at gaano karaming lason ang kailangang maibigay ng anticristo sa kanila? Kung madalas hinihimay at kinikilala ng anticristo ang kanyang sarili, at madalas niyang inilalantad ang kanyang mga kahinaan, pagkakamali, at pagsalangsang para makita ng mga tao, sasambahin pa rin ba siya ng lahat nang tulad nito? Hinding-hindi. Lumalabas na matinding pinagsisikapan ng anticristo ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanyang sarili, kaya naman nakamit niya ang gayong “tagumpay.” Ito ang resultang nais niya. Kung wala siya, walang sinumang makaaalam kung paano gagawin nang wasto ang kanilang mga tungkulin, at ang lahat ay hindi malalaman ang kanilang gagawin. Maliwanag na, habang kinokontrol ng anticristo ang mga taong ito, palihim niya silang binibigyan ng maraming lason at labis siyang nagsisikap! Kung kaunting salita lang ang sinabi niya, malilimitahan pa rin kaya niya ng ganito ang mga taong ito? Hinding-hindi. Kapag nagawang isakatuparan ng anticristo ang kanyang layong sambahin, at tingalain at pakinggan siya ng mga tao sa bawat usapin, hindi ba’t gumawa na siya ng maraming bagay at nangusap na siya ng maraming salita na nagtataas at pinatototohanan ang kanyang sarili? Ano ang kalalabasan ng paggawa nito? Ito ay na mawawalan ng landas ang mga tao at hindi nila magagawang mamuhay pa nang wala siya—na para bang malalaglag ang langit at titigil na sa pag-ikot ang mundo kung wala siya, at mawawalan ng halaga o saysay ang pananampalataya sa Diyos, at magiging walang silbi ang pakikinig sa mga sermon. Pakiramdam din ng mga tao na sila ay may kaunting pag-asa sa kanilang buhay kapag nariyan ang anticristo, at ganap silang mawawalan ng pag-asa kung mamamatay ang anticristo. Hindi ba’t nabihag na ni Satanas ang mga taong ito? (Oo.) At hindi ba’t nararapat lang iyon sa mga taong tulad nito? (Oo.) Bakit natin sinasabing nararapat ito sa kanila? Ang Diyos ang Siyang pinananampalatayaan mo, kaya bakit ka sumasamba at sumusunod sa mga anticristo, hinahayaan silang pigilan at kontrolin ka sa bawat pagkakataon? Saka, anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, nagbigay sa mga tao ang sambahayan ng Diyos ng malilinaw na prinsipyo at patakaran. Kung may problemang hindi kayang lutasin ng isang tao nang mag-isa, dapat siyang maghanap mula sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at maghanap mula sa Itaas sa mga mas seryosong usapin. Ngunit hindi lang sa hindi mo hinahanap ang katotohanan, bagkus, sumasamba at tumitingala ka pa sa mga tao, naniniwala sa kung anong sinasabi ng mga anticristong ito. Samakatwid, naging alipores ka na ni Satanas, at hindi ba’t ang sarili mo lang ang puwede mong sisihin? Hindi ba iyan nararapat sa iyo? Ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay isang karaniwang pag-uugali at pagpapamalas ng mga anticristo, at isa ito sa mga pinakakaraniwang pagpapamalas. Ano ang pangunahing katangian kung paano itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili? Paano ito naiiba sa kung paano itinataas at pinatototohanan ng pangkaraniwang tao ang kanyang sarili? Ito ay na ang mga anticristo ay may sariling layunin sa likod ng pagkilos na ito, at hinding-hindi nila ito ginagawa nang walang kamalayan. Sa halip, nagkikimkim sila ng mga intensiyon, pagnanais, at ambisyon, at masyadong nakakikilabot isipin ang mga kahihinatnan ng kanilang pagpapatotoo sa kanilang sarili sa ganitong paraan—malilihis at makokontrol nila ang mga tao.

Hayaan mo Akong magbigay ng halimbawa. Puwede ninyong isipin kung ang ganitong uri ng pagpapamalas at disposisyon ay nauugnay sa pagtataas at pagpapatotoo ng sarili. Minsan, may isang lider na ginawa ang gawain ng iglesia sa isang lugar sa loob ng dalawa o tatlong taon. Pinupuntahan niya ang mga iglesia, at sa wakas ay napatibay ang sarili roon. Anong ibig sabihin ng napatibay ang sarili roon? Nangangahulugan ito na kilala siya ng karamihan sa mga tao at mataas ang tingin sa kanya, at na medyo kilala siya sa lugar na iyon. Sa sandaling makita siya ng mga tao, sinasalubong siya ng mga ito, inaalok sa kanya ang upuan nila, at binibigyan siya ng masarap na makakain. Walang mga boses na tumututol, walang mga tao na sumasalungat sa kanya; pamilyar na pamilyar ang lahat sa lider na ito, at sa kaibuturan, lahat sila ay lubos na sinasang-ayunan kung paano niya ginawa ang mga bagay-bagay at tinatanggap ang kanyang pamumuno. Hindi tiyak kung gaano karaming gawain ang ginawa roon ng lider, kung gaano karami ang sinabi niya, o kung tungkol saan ang sinabi niya; walang nakaaalam ng mga detalyeng ito, ngunit sa madaling sabi, lubos na sumang-ayon sa kanyang pamumuno ang karamihan ng mga tao. Pagkalipas ng ilang panahon, sinabi ng lider: “Pawang masusunurin at mapagpasakop ang mga kapatid dito, at maayos ang takbo ng iglesia sa lahat ng aspekto. Sa kasamaang palad, may isang bagay na hindi ganap na kasiya-siya, na ang kapaligiran dito ay kakila-kilabot. Kung angkop ang kapaligiran, makahahanap tayo ng isang maganda at maaliwalas na araw upang pumunta sa isang malaking parke para sa isang malaking pagtitipon na may libu-libong tao, at ilalabas natin ang katotohanan gamit ang mikropono at isang hanay ng malalaking speaker, at aakay ng mas maraming tao upang manampalataya sa diyos. Hindi ba’t magbubunga ang gawain natin?” Matapos marinig ito, lahat ay nagsabi ng “Amen” at sinang-ayunan ito. Sabihin mo sa Akin, may problema ba sa pariralang “ilalabas natin ang katotohanan”? (Oo.) Anong problema? (Tinatrato ng lider ang kanyang sarili bilang Diyos.) Alam ninyong lahat na may problema rito, ngunit ang mga tao na naguguluhan na naroon ay hindi ito alam. Tinugon pa nga nila ang pangungusap na ito ng isang “Amen”! Inilabas ba ng lider na ito ang katotohanan? Sino siya? Isa siyang ordinaryong lider; gumawa siya ng gawain sa loob ng ilang taon at pagkatapos ay nagsimulang isiping nakahihigit siya sa lahat at nakalimutan kung sino siya, at ninais pa ngang ipahayag ang katotohanan—iyon ay isang mahirap na gawain para sa kanya. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na hindi niya alam kung sino siya, at hindi niya alam kung ano ang tungkuling ginagawa niya. Yamang may ganito siyang uri ng disposisyon, may anumang bahagi ba ng kanyang karaniwang gawain o pananalita ang nakaayon sa katotohanan? Ang kanyang karaniwang gawain at pananalita ay tiyak na puno ng mga magugulo at maladiyablong salita, at lubos na hindi makakamit ang resulta ng panunustos at pagdidilig sa iglesia. Hindi niya alam kung ano ang katotohanan, lalo na kung anong kahulugan ng pagpapahayag ng katotohanan. Matapos gumawa sa isang lugar sa loob lang ng dalawa o tatlong taon, naramdaman niyang mayroon siyang kaunting katanyagan at kapital, at pagkatapos ay nakalimutan niya kung sino siya, naging maganda ang pakiramdam niya sa kanyang sarili, at ninais na ipahayag ang katotohanan. Ang pagkakaroon ba ng gayong maling akala ay hindi nakasusulasok? Saan nanggagaling ang maling akalang ito? Nagkaroon ba siya ng sakit sa pag-iisip, o ito ba ay isang panandaliang simbuyo ng damdamin? Gumawa siya ng kaunting gawain, walang sinuman sa lokal na iglesia ang sumalungat sa kanya, at tila ba naging maayos ang lahat para sa kanya, kaya naniwala siya na ang lahat ay resulta ng gawaing ginawa niya, at bigla niyang naramdamang maaako niya ang karangalan para rito. Naisip niya, “Kung makagagawa ako ng gayong kamakabuluhang gawain, hindi ba ako ang diyos? At kung ako ang diyos, ako ay lubhang napipigilan sa ngayon—kung mas mabuti ang panlabas na kapaligiran, maipahahayag ko ang katotohanan!” Biglang pumasok sa isip niya ang kaisipang ito. Hindi ba’t may mali sa pag-iisip niya? (Oo.) May mali sa pag-iisip niya. Hindi ba’t siya ay walang katwiran? Puwede bang ang mga kilos at salita ni Satanas at ng mga anticristo ay nagtataglay ng katwiran ng normal na pagkatao? Talagang hindi puwede. Gumawa ang lider na ito ng kaunting gawain at nakakuha ng ilang resulta, pagkatapos ay bigla niyang nakalimutang isa siyang tao. Ang nagagawa ba niyang sabihin ang gayong di-makakatwirang salita ay nauugnay sa kanyang mga disposisyon? (Nauugnay ito.) Paano ito nauugnay? Sa loob ng kanyang mga disposisyon, handa ba siyang maging isang tagasunod? Alam ba niyang isa lang siyang pangkaraniwang tagasunod ng Diyos? Talagang hindi niya alam. Naniniwala siyang labis na kagalang-galang at nakahihigit sa iba ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan. Hindi ba kayo pamilyar sa ganitong uri ng pag-uugali at sa kalikasan nito? Bakit itinapon sa himpapawid si Satanas? (Ninais nitong maging kapantay ang Diyos.) Ito ay dahil ninais nitong maging kapantay ang Diyos. Dahil hindi alam ni Satanas ang posisyon nito sa sansinukob, hindi alam kung sino ito, at hindi alam ang sarili nitong hangganan, nang pahintulutan ng Diyos si Satanas na tumahak sa kaparehong espasyo tulad Niya, nagsimulang isipin ni Satanas na ito ay Diyos. Ninais nitong gawin ang mga bagay na ginawa ng Diyos, ninais nitong kumatawan sa Kanya, palitan Siya, at ikaila ang pag-iral Niya, at dahil dito, itinapon ito sa himpapawid. Ginagawa ng mga anticristo ang kaparehong bagay, nagkakapareho ang kalikasan ng kanilang mga kilos, at sila at si Satanas ay iisa ang pinagmulan. Para sa isang anticristo, ang gayong pagpapamalas ay hindi isang paminsan-minsang pagbubunyag o resulta ng isang kapritso—ito ay ang lubos na pangingibabaw ng kanilang satanikong kalikasan at isang likas na pagbubunyag ng kanilang satanikong disposisyon. Ano ang kalikasan ng pagpapamalas ng lider na kakatapos Ko lang ikuwento? (Sa isang anticristo ito.) Bakit natin tinatalakay ang pagpapamalas na ito para sa aytem ng pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? Paanong nauugnay ang kalikasan ng pagpapamalas na ito sa pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? Ano ang kalikasan ng mga salitang “ilalabas ang katotohanan” na sinabi niya? Bakit Ko sinasabing nauugnay ang mga salitang ito sa pagtataas at pagpapatotoo ng sarili? (Naniwala ang lider na maibibigay niya sa mga tao ang katotohanan.) Iyan ang ibig niyang sabihin. Noong sinabi niya ang gayong mga bagay, inisip ng mga taong nakarinig ng mga ito, “Mayroon kang napakakahanga-hangang ugali, at nakapagsasalita ka sa gayong tono—hindi ba’t ito ang uri ng tono na dapat gamit ng Diyos sa pagsasalita? Hindi ba’t ito ang uri ng kahanga-hangang asal at lawak ng isipan na dapat mayroon ang Diyos?” Hindi ba’t nakamit ng lider na ito ang layong pagtataas at pagpapatotoo ng kanyang sarili? Nagawa niyang magkaroon ang mga tao ng damdamin ng pagrespeto, pagsamba, at paghanga sa kanya nang hindi ito namamalayan. Hindi ba’t iyon ang sitwasyon? (Oo.) Ito ang kahindik-hindik na anyo ng isang anticristo; ito ang isang anticristo na palihim na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.