Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Pagkatapos dumating sa Kanluran ang maraming Tsino, nais nilang ikintal sa mga taga-Kanluran ang kanilang tradisyonal na kultura at ang mga bagay na sa tingin nila ay tama at mabuti. Gayundin, hindi magpapatalo ang mga taga-Kanluran at naniniwala sila na ang kanilang mga tradisyonal na kultura ay napakatagal na rin. Halimbawa, ang sinaunang Roma, sinaunang Ehipto, at sinaunang Gresya ay lahat mayroong salitang “sinauna” sa mga ito, at mahigit sa tatlong libong taon na ang kanilang mga kultura. Kung titingnan ito batay sa numerong ito, mayroong partikular na pamanang kultural dito, at ang mga bagay na nilikha ng pamanang kultural na ito ay itinuturing ng sangkatauhan bilang ang pinakadiwa ng lahat ng buhay ng tao, at ang kabuuan ng pinakadiwa ng mga bagay na nagmula sa buhay, pag-iral, at asal ng sangkatauhan. Ano ang tawag sa mga pinakadiwang bagay na ipinamana ng sangkatauhan? Tradisyonal na kultura. Sunod-sunod na henerasyon ng mga tao ang nagpasa ng tradisyonal na kulturang ito, at iniisip ng lahat sa kanilang puso na ito ang pinakamagandang bagay. Hindi mahalaga kung kaya itong sundin ng mga tao o hindi, sa pangkalahatan, ang mga tao sa lahat ng lahi ay itinuturing ito bilang isang bagay na nakahihigit sa lahat at itinuturing ito bilang katotohanan. Samakatwid, ang bawat lahi ng tao ay may ilang tradisyonal na bagay na napapatunayang tama at may partikular na malalim na impluwensiya sa kanila, at ginagamit nila ang mga bagay na ito upang makipagtunggali at makipaghambingan sa isa’t isa, at sinusubukan pa nga nilang lamangan ang isa’t isa. Halimbawa, sinasabi ng mga Tsino: “Masarap ang aming alak na baijiu, talagang mataas ang alcohol nito!” Sinasabi ng mga taga-Kanluran: “Ano ba ang maganda sa alak ninyo? Napakataas ng alcohol kaya nalalasing ka kaagad pagkatapos uminom, at dagdag pa rito, talagang masama ito sa atay. Ang red wine na iniinom naming mga taga-Kanluran ay mababa lang ang alcohol, hindi ito gaanong nakakasama sa atay at nakakapagpaganda rin ito ng sirkulasyon ng dugo.” Sinasabi ng mga Tsino: “Ang baijiu namin ay nakakapagpaganda rin ng sirkulasyon ng dugo, at epektibong-epektibo ito. Kapag ininom mo ito, agad itong aakyat sa iyong ulo at magliliwanag ang iyong mukha. Hindi ganoon katapang ang red wine ninyo, hindi kayo nalalasing kahit gaano pa karami ang inumin ninyo. Alam mo, mayroon kaming kultura sa pag-inom ng alak, at kultura sa pag-inom ng tsaa.” Sinasabi ng mga taga-Kanluran: “Mayroon din kaming kultura sa pag-inom ng tsaa, kultura sa pag-inom ng kape, kultura sa pag-inom ng alak, at sa panahon ngayon, mayroon pa nga kaming kultura ng fast-food.” Sa kanilang paghahambing sa isa’t isa, walang nagpapatalo at walang tumatanggap ng kahit ano mula sa iba. Iniisip nilang lahat na ang sarili nilang mga bagay ang katotohanan, pero ang katunayan, wala sa mga ito ang katotohanan. Maliban sa mga walang pananampalataya, ang pinakamalungkot na bagay ay na wala man lang sa mga nananampalataya sa Diyos—at mas malala pa, iyong mga tumanggap sa yugtong ito ng gawain sa loob ng 20 o 30 taon—ang nakapagtatanto na hindi talaga katotohanan ang mga bagay na ito. May ilan na nagsasabing, “Ayos lang ba na sabihing may kaugnayan ito sa katotohanan?” Ni hindi nga ayos na sabihing may kaugnayan ito. Hindi ito ang katotohanan, wala itong anumang kaugnayan o koneksiyon sa katotohanan, hindi magkatulad at hindi magkapareho ang mga ito. Tulad ng tansong nananatiling tanso kahit gaano pa kahusay ang pagkakabalot ng ginto o pagpapakintab dito, samantalang ang ginto na hindi pinakintab, makinang, o makislap ay nananatiling ginto—hindi magkapareho ang mga ito.
May ilan na nagtatanong: “Madali ba para sa mga taong nakatanggap ng medyo magandang tradisyonal na kultural na edukasyon at pagkokondisyon na tanggapin ang katotohanan?” Hindi, dalawang magkaibang usapin ang mga ito. Medyo naiiba lang ang kanilang pamumuhay, ngunit pareho ang mga saloobin ng mga tao sa pagtanggap ng katotohanan, ang kanilang iba’t ibang kaisipan at pananaw, at ang lawak ng katiwalian ng buong lahi ng tao. Nang nagsimulang magsalita ang Diyos sa yugtong ito ng Kanyang gawain, na sa mga huling araw, nagsasalita Siya sa konteksto ng mga Tsino, at ipinapaabot Niya ang Kanyang mga salita sa kanila. Lumipas ang tatlumpung taon, at nang kumalat ang mga salitang ito sa iba’t ibang lahi sa ibang parte ng Asya, at sa mga lugar tulad ng Europa at Amerika, at iba pa, pagkatapos basahin ng mga tao ang mga salitang ito, hindi mahalaga kung ang mga tao ay itim, puti, kayumanggi o dilaw, sinasabi nilang lahat na, “Ang mga salitang ito ay tungkol sa atin.” Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng lahat ng tao. Ilang tao ang nagsasabi na, “Lahat ng mga salitang ito ay para sa inyong mga Tsino. Sinasalita ng mga ito ang tungkol sa mga tiwaling disposisyon ninyong mga Tsino, na wala sa amin.” Napakaliit na bilang lang ng mga tao, iyong mga walang espirituwal na pang-unawa, ang magsasabi ng gayong mga bagay. Noon, may ganito ring maling pagkaunawa ang mga taga-Timog Korea. Naniniwala sila na ang mga taga-Timog Korea ay namumuhay sa ilalim ng isang demokratiko at malayang sistemang panlipunan at naimpluwensiyahan ng kulturang Kristiyano, pati na ng libo-libong taon ng kulturang Koreano, kaya’t mas kilala at mas marangal ang kanilang lahi kaysa sa mga Tsino. Bakit nila naisip iyon? Dahil pagkatapos makarating sa South Korea ang maraming Tsino, ginawa nilang marumi at mas maingay ang mga lugar na pinuntahan nila, tumaas ang bilang ng pagnanakaw at krimen, at nagsanhi ito ng ilang masamang epekto sa klimang panlipunan. Samakatwid, naniniwala ang mga kapatid sa Timog Korea na “ang mga Tsino ay mga anak ng malaking pulang dragon at mga inapo ni Moab. Kaming mga taga-Timog Korea ay hindi nagawang tiwali ng malaking pulang dragon.” Ano ang ipinapahiwatig nila sa pagsasabi nito? Ito ay na “hindi kami nagawang tiwali ng malaking pulang dragon, kaya hindi kami kasingtiwali ng mga Tsino. Ang mga Tsino ay mas tiwali kaysa sa amin. Mas mabuti kami kaysa sa mga Tsino.” Ano ang ibig nilang sabihin sa “mas mabuti”? (May mas mabuting pag-uugali.) Sa isang banda, ito ay tungkol sa pag-uugali. Sa kabilang banda, naniniwala sila mula sa kaibuturan ng kanilang puso na ang tradisyonal na kultura na nilikha at tinanggap ng bansang Timog Korea mula pa sa simula ng kasaysayan ay marangal, higit pa sa kultura at mga tradisyon ng bansang Tsina, at ang mga tao at lahing kinondisyon ng ganitong uri ng tradisyonal na kultura ay mas marangal kaysa sa mga kinondisyon ng tradisyonal na kultura ng Tsina. Samakatwid, nang basahin nila ang mga salita ng Diyos at nakita nilang sinasabi ng Diyos na, “Kayong mga walang kuwenta,” inisip nila na ang tinutukoy ng Diyos ay ang mga Tsino. Sinabi ng mga kapatid na Tsino na: “Ang ‘kayo’ na binabanggit ng Diyos ay tumutukoy sa sangkatauhan.” Sinabi naman ng mga taga-Timog Korea, “Hindi iyan tama, ‘kayo’ ang tinutukoy ng Diyos, hindi kami. Hindi kasali ang mga taga-Timog Korea sa ipinahihiwatig ng Diyos.” Ganoon ang inisip nila. Ibig sabihin, kahit saan mang aspekto nila tiningnan ang mga bagay-bagay, ang kanilang mga pananaw at perspektiba ay hindi nagmula sa perspektiba ng katotohanan, lalo na sa isang obhetibo at patas na perspektiba. Sa halip, tiningnan nila ang mga bagay-bagay mula sa konteksto ng isang lahi at isang tradisyonal na kultura. Kaya, kahit paano man nila tingnan ang mga bagay-bagay, ang mga kasunod na resulta ay salungat sa katotohanan. Dahil kahit paano man nila tingnan ang mga bagay-bagay, ang kanilang panimulang punto ay palaging, “Lahat ng tungkol sa aming dakilang bansang Timog Korea ay tama, lahat ng tungkol dito ay ang pamantayan, at ang lahat ng tungkol dito ay tama.” Tiningnan at sinukat nila ang lahat mula sa maling perspektiba at panimulang punto, kung gayon, tama ba ang mga resultang nakita nila o mali? (Mali.) Tiyak na mali ang mga ito. Kung gayon, ano ang dapat na pamantayan sa pagsukat ng lahat ng bagay? (Ang katotohanan.) Ang katotohanan dapat—ito ang pamantayan. Ang kanilang pamantayan mismo ay mali. Sinukat nila ang lahat ng bagay at lahat ng pangyayari mula sa maling perspektiba at pananaw, kaya ang mga sinukat na resulta ay tiyak na mali, hindi patas, hindi tama, at lalo namang hindi obhetibo. Kaya, mahirap para sa kanila na tanggapin ang ilang banyagang bagay, at bukod pa rito, ang kanilang pag-iisip ay labis-labis, sarado, makitid, at madaling uminit ang ulo. Saan nagmula ang kanilang pagkamainitin ng ulo? Ito ay kahit na anong sabihin nila, kailangan nilang banggitin ang “aming dakilang bansang Timog Korea,” at iginiit nilang idagdag ang salitang “dakila.” Ano ang ibig sabihin ng “dakila”? Hindi ba’t ang salitang “dakila” ay kumakatawan sa kayabangan? Kung maglalakbay ka sa buong mundo o titingin sa isang atlas, gaano kalaki ang Timog Korea? Kung talagang mas malaki ito kaysa sa ibang mga bansa at talagang maaari itong tawaging dakila, kung gayon, sige, tawagin itong “dakila.” Subalit kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa mundo, hindi kalakihan ang Timog Korea, kung gayon bakit nila iginigiit na tawagin itong “dakila”? Dagdag pa rito, hindi mahalaga kung malaki o maliit ang isang bansa, ang mga panuntunan at tradisyonal na kulturang idinudulot nito ay hindi nagmumula sa Diyos, at tiyak na hindi nagmumula sa katotohanan. Ito ay dahil bago pa man tanggapin ng isang tao ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos, lahat ng ideya na kanilang tinatanggap ay nagmumula kay Satanas. Ano ang ginagawa sa mga tao ng lahat ng ideya, pananaw, at tradisyonal na kulturang binuo ni Satanas? Ang ginagawa ng mga ito ay ang ilihis, gawing tiwali, igapos, at higpitan ang mga tao, na nagreresulta sa pagkakaroon ng tiwaling sangkatauhan ng makitid at labis-labis na pag-iisip, at mga pananaw sa mga bagay na may pinapanigan at may kinikilingan, maging hanggang sa punto ng pagiging katawa-tawa at walang kabuluhan—ito ang mga kahihinatnan ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Kaya, kapag naririnig ng mga tao sa maraming bansa at maging ng ilang lahi ang mga salitang “Nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina,” ano ang kanilang unang reaksiyon? Isang salita—imposible! Saan nila iniisip na maaaring naganap iyon? (Israel.) Tama, Israel. Gustong-gusto ng mga tao na sumunod sa mga regulasyon at mga kuru-kuro. Iniisip nila na ang Israel ang lugar kung saan gumawa ng gawain ang Diyos, at kaya dapat magpakita ang Diyos sa Israel, o sa isang makapangyarihang imperyo na kanilang iginagalang, o iniisip nila na dapat magpakita ang Diyos sa isang bansa na minsang naging isang sinaunang kabihasnan sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang Tsina ay tiyak na hindi ganoong bansa, kaya mahirap para sa kanila na tanggapin ang patotoo na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Tsina, at ito lang ay sapat na para mawala sa kanila ang pagkakataong ito na maligtas. Sino ang nagsanhi nito? (Sila mismo.) Dahil nagkikimkim sila ng ganoong kuru-kuro, at sila ay naging mapaghimagsik, at hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang problema, nakagawa sila ng kakila-kilabot na pinsala sa kanilang sarili at sinira nila itong kaisa-isa at natatanging pagkakataon na makamit ang kaligtasan.
Marami sa mga imahinasyon at kuru-kuro na mayroon ang mga tao kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at maging ang ilang bagay na sinasamba ng mga tao, ang sobrang katawa-tawa at walang kabuluhan. Isang babaeng taga-Timog Korea, na nasa Estados Unidos at gusto ang bansang iyon, ang nakipag-ugnayan sa mga Amerikano at tinanong siya ng isa sa mga ito: “Malapit na ang Spring Festival. Ano ang kinakain ng mga Tsino kapag Spring Festival?” Sagot ng babae: “Hindi ako Tsino, taga-Timog Korea ako.” Sumagot ang Amerikano, “Kung gayon, hindi ba’t nagdiriwang din ng Spring Festival ang mga taga-Timog Korea?” Sumagot ang babae, “Kaming mga taga-Timog Korea ay hindi nagdiriwang ng Spring Festival.” Ang sabi ng Amerikano: “Akala ko kasi nagdiriwang din ng Spring Festival ang mga taga-Timog Korea gaya ng mga Tsino.” Sumagot siya sa napakabiglaang tono: “Hindi kami pareho ng mga Tsino! Tama bang isipin mo na nagdiriwang kami ng Spring Festival? Malubha nitong iniinsulto ang dignidad naming mga taga-Timog Korea!” Talaga bang hindi nagdiriwang ng Spring Festival ang mga taga-Timog Korea? (Nagdiriwang sila.) Sa katunayan, nagdiriwang din ng Spring Festival ang mga taga-Timog Korea. Kung gayon, bakit niya sinabi na hindi ito ipinagdiriwang ng mga taga-Timog Korea? Talakayin natin ang usaping ito. Tama bang ipagdiwang ang Spring Festival o hindi? Maaari ba ninyong ipaliwanag nang malinaw ang bagay na ito? Para sa mga dayuhan, ang pagdiriwang ng Spring Festival ay hindi isang kahiya-hiyang bagay mismo. Ito ay isang espesyal na ritwal na gumugunita sa isang mahalagang araw sa buhay ng mga tao. Para sa mga tao na namumuhay sa mundong ito ng tradisyonal na kultura, ang pagdiriwang ng Spring Festival ay hindi isang mali o kahiya-hiyang bagay, kung gayon, bakit hindi naglalakas-loob ang babae na amining nagdiriwang siya ng Spring Festival? Dahil kapag inamin niyang nagdiriwang siya ng Spring Festival, hindi na siya maituturing na taga-kanluran, at mababansagan siya bilang isang napakatradisyonal na taga-Silangang Asya, at ayaw niyang isipin ng mga tao na siya ay isang tradisyonal na babaeng taga-Silangang Asya. Gusto niyang isipin ng mga tao na wala siyang mga tradisyon ng Silangang Asya, at na hindi niya naiintindihan ang mga tradisyon ng Silangang Asya, o na wala man lang siyang nalalaman tungkol sa mga ito. Gusto rin niyang malaman ng iba na magaling siyang magsalita ng Ingles, nagkukulay ng olandes sa kanyang buhok, nagsusuot ng asul na contact lenses, nananamit na gaya ng isang taga-Kanluranin, at kasingtapang at hindi napipigilan, malaya, nakakapagsarili, at kasingtalino tulad ng mga taga-Kanlurang babae—ganoon ang gusto niyang pagturing sa kanya ng mga tao. Kaya, sa ilalim ng impluwensiya ng ganitong pag-iisip, tuwing may nangyayari sa kanya, umaayon ang kanyang pagkilos sa ganitong pag-iisip. Sa tuwing may nagtatanong sa kanya kung nagdiriwang ba ng Spring Festival ang mga taga-Timog Korea, sinasabi niya, “Kaming mga taga-Timog Korea ay hindi nagdiriwang ng Spring Festival.” Kung sasabihin ng mga malalapit sa kanya na, “Malinaw naman na nagdiriwang tayo ng Spring Festival, bakit mo sinasabing hindi tayo nagdiriwang nito?” ano ang kanyang isasagot? “Hangal ka. Kung sasabihin ko na nagdiriwang tayo ng Spring Festival, hindi ba’t malalaman nila na isa akong tradisyonal na taga-Timog Korea?” Gusto niyang isipin ng mga tao na ipinanganak at pinalaki siya sa Estados Unidos. Kung tatanungin mo siya, “Dito ka ipinanganak, pero ilang henerasyon nang naririto ang pamilya mo?” sasabihin niya: “Dito lumaki ang mga ninuno namin.” Iniisip niya na ito ay simbolo ng pagkakakilanlan at katayuan, kaya labis siyang nagsisinungaling tungkol dito, at hindi siya natatakot na mahuli ng iba. Anong klase ng pag-iisip ito? Karapat-dapat bang magsinungaling tungkol sa bagay na ito? Sulit bang mapahamak para dito? Hindi, hindi sulit. Kahit ang gayong kaliit na bagay ay maaaring maglantad sa mga kaisipan at pananaw ng isang tao. Anong uri ng mga kaisipan at pananaw ang nalalantad? Ang ilang Tsino na babae ay talagang maganda, pero iginigiit nilang kulayan ng olandes ang kanilang buhok, kinukulot ito, nagsusuot ng iba’t ibang kulay ng contact lenses na nagpapabago sa kulay ng kanilang mata, at pinapamukha ang kanilang sarili bilang mga dayuhan—talagang nakakaasiwang tingnan. Bakit nila iginigiit na maging ganoong uri ng tao? Nagbago ba ang kanilang lahi pagkatapos nilang magbihis nang ganoon? Kahit na magbago ang kanilang lahi, at sa kanilang susunod na buhay ay muli silang isinilang bilang puti, o isang tao na may lahing hinahangaan nila—ano naman kung gayon? Nakikita ba ninyo nang malinaw ang usaping ito? Kung iginigiit ng isang tao na umasal sa isang partikular na estilo at pag-uugali, at pinalalabas ang kanilang sarili bilang isang miyembro ng bansa o lahi na kanilang iginagalang, bakit ganito? Mayroon bang kaisipan sa likod nito na kumokontrol dito? Ano ang kaisipang kumokontrol dito? Katulad ito ng babaeng taga-Timog Korea; kapag tinatanong siya ng mga Amerikano kung marunong siyang maglaro ng table tennis, sinasabi niya, “Ano iyang table tennis? Mga Tsino lang ang naglalaro niyan. Naglalaro kami ng tennis at golf.” Anong klaseng tao ang may kakayahang umasal at magsalita nang ganito? Hindi ba’t medyo huwad ito? Lahat ng ginagawa niya ay huwad, at nagiging masyadong nakakapagod ang buhay niya dahil dito! Aasal ba kayo nang ganito? May ilang Tsino na naninirahan sa Kanluran sa loob ng mga dekada ang hindi na marunong magsalita ng Tsino pagbalik nila sa kanilang mga bayan. Masama ba ito? (Oo.) Sinasabi ng ilan: “Hindi natin dapat kalimutan ang ating pinanggalingan. Sinasabi rin ng Diyos na hindi dapat kalimutan ng mga tao ang kanilang pinanggalingan. Ang Diyos ang pinanggalingan ng mga tao. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang lahat tungkol sa mga tao ay nagmumula sa Diyos, kaya bilang mga nilikha, dapat sambahin ng mga tao ang Diyos—ito ang ibig sabihin ng hindi pagkalimot sa pinanggalingan ng isang tao.” Hindi ba’t totoo ito? May katotohanan na dapat hanapin sa bawat sitwasyon, pero hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, at lubos silang sumusunod sa tradisyonal na kultura. Bakit ganoon? May mga nagsasabi: “Hindi namin kailanman nakakalimutan ang aming pinanggalingan. Kahit saan kami magpunta, inaamin namin na kami ay Tsino, at inaamin namin na mahirap at paurong ang aming bansa. Hinding-hindi namin kailanman makakalimutan ang aming pinanggalingan.” Tama ba ito? Ang lahat ng problemang ito, sa isang aspekto, ay dulot ng napakalalim na impluwensiya at edukasyon nitong mga diumano’y tradisyonal na kultura sa sangkatauhan. Ang isa pang aspekto ay na kahit nakapakinig ang mga tao ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon, hindi nila maingat na pinagninilay-nilayan at hinahanap kung ano ang katotohanan. Sa halip, madalas nilang ginagamit ang tradisyonal na kultura at mga napakababang bagay na mayroon na sila, na kanila nang natutunan at matibay na nakabaon, at itinuturing nila ang mga ito bilang mga katotohanan. Ito ang pangalawang aspekto. Pangatlo, pagkatapos makinig sa mga sermon, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa halip, gumagamit sila ng mga tradisyonal na perspektiba at ng kaalaman at mga natutunan sa mga kuru-kuro ng tao na dati na nilang alam para sukatin ang mga salita ng Diyos. Kaya hanggang ngayon, bagama’t nakapakinig ang mga tao sa maraming sermon, ang mga diumano’y prinsipyo ng pag-asal at paggawa sa tungkulin at paglilingkod sa Diyos na ipinapasa ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasalita ay kadalasang nakabatay rin sa ilang kaalaman, salawikain, at karaniwang kasabihan na itinuturing nilang tama. Halimbawa, kung may ginawang mali ang ilang tao at pinungusan sila ng mga lider ng iglesia o ng mga kapatid, iisipin nila na: “Humph, katulad lang ito ng mga kasabihang, ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo’ at ‘Huwag pagbuhatan ng kamay ang isang nakangiting mukha.’ Matiyaga kong tinanggap itong maliit na pagkukulang ko nang may ngiti—bakit patuloy mo akong inilalantad dahil dito?” Sa panlabas, masunurin silang nakikinig at nagpapasakop, pero sa katunayan, sa kaibuturan ng kanilang puso ay gumagamit sila ng mga tradisyonal na kuru-kuro para kontrahin at suwayin ang mga lider ng iglesia o ang mga kapatid. Ano ang dahilan ng kanilang pagsuway? Ito ay dahil inaakala nila na ang mga kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo” at “Huwag pagbuhatan ng kamay ang isang nakangiting mukha” ay mga tiyak na katotohanan at tama, at na mali para sa sinuman na patuloy na pungusan at ilantad sila nang walang kahit katiting na bahid ng damdamin, at iyon ay hindi ang katotohanan.
Nagkamit na ba kayo ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan mula sa nilalaman na pinagbahaginan natin? (Oo.) Maaaring sinasabi ng ilan na: “Ngayon na sinabi Mo sa amin ito, hindi namin alam kung ano ang mga prinsipyong dapat naming sundin sa pagsasagawa. Kung wala ang mga tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro at kaalaman na ito, paano kami dapat mamuhay? Paano kami dapat kumilos? Kung wala ang mga bagay na ito para pamahalaan kami, paano namin maibubuka ang aming mga bibig at maipapangaral ang mga salita ng Diyos? Kung wala ang mga bagay na ito, hindi ba’t mawawala ang batayan namin para ipangaral ang mga salita ng Diyos? Kung gayon, ano pa ang matitira sa amin?” Ang sinasabi Ko sa kanila ay na, kung talagang wala ka ng mga bagay na ito, mas magiging madaling hanapin ang katotohanan, at mas magiging madaling tanggapin ang katotohanan at bumalik sa Diyos. Dati, kapag binuksan mo ang iyong bibig, lahat ng lumalabas ay mga satanikong pilosopiya at kultural na kaalaman tulad ng “Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon,” “Huwag pagbuhatan ng kamay ang isang nakangiting mukha,” “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo,” at iba pa. Ngayon, nag-iisip at nagninilay-nilay ka na, “Hindi ko puwedeng sabihin iyan, mali lahat ang mga kasabihang ito, itinakwil at kinondena na ang mga ito, kaya ano pa ang dapat kong sabihin? Magpatuloy sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang may kababaang-loob at nang maayos, at hanapin ang batayan mula sa mga salita ng Diyos.” Ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin at sumusunod sila sa Diyos, ngunit sa tuwing ibinubuka nila ang kanilang mga bibig, ang lahat ng lumalabas ay itong mga salawikain, kasabihan, at ilang bagay at pananaw na nakukuha nila mula sa tradisyonal na kultura. Walang sinuman, sa tuwing may nangyayari sa kanila, ang lubos na nakakapagbigay-puri o nakakapagpatotoo sa Diyos, at magsasabi na, “Sinasabi ito ng Diyos” o “Sinasabi iyan ng Diyos.” Walang sinuman ang nagsasalita nang ganoon, walang sinuman ang nagbubuka ng kanilang bibig at tuloy-tuloy na nakakapagbigkas ng mga salita ng Diyos. Hindi mo kayang tuloy-tuloy na bigkasin ang mga salita ng Diyos, ngunit kaya mong tuloy-tuloy na bigkasin ang mga karaniwang kasabihang iyon, kung gayon, ano ba talaga mismo ang nilalaman ng puso mo? Ang lahat ng bagay na iyon na nagmumula kay Satanas. Ang ilang tao, kapag sinusuri ng lider ng kanilang grupo ang kanilang gawain, ay nagsasabing: “Ano ang tinitingnan mo? Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo. Kung palagi mo akong pinagdududahan, bakit mo ako ginagamit? Humanap ka na lang ng iba na gagawa nito.” Iniisip nila na ito ang tamang paraan ng pagkilos, hindi nila pinapayagan ang iba na mangasiwa at magbatikos. Mayroon ding mga tao na labis na nagdusa sa paggawa sa kanilang mga tungkulin, ngunit dahil hindi nila hinanap ang mga prinsipyo at nagdulot sila ng pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, sila ay pinalitan sa huli, at pinungusan din. Pagkatapos makinig sa ilang mapagkondenang komento, sumusuway sila at iniisip nila na, “May kasabihan na, ‘Maaaring hindi ako nakakuha ng anumang papuri, ngunit nagsikap at nagpakapagod pa rin ako.’ Nagawa ko lang ang maliit na pagkakamaling ito, ano ang problema roon?” Dahil una nilang natutunan ang karaniwang kasabihang ito at kaya matatag itong nakaugat sa kanila, namamahala at nag-iimpluwensiya sa kanilang pag-iisip, inuudyukan silang gamitin ang kasabihang ito—sa ganitong kapaligiran at pagkatapos mangyari ang sitwasyong ito—bilang batayan sa pagsuway at hindi pagpapasakop sa pakikitungo sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Sa gayong sitwasyon, kaya pa ba nilang magpasakop? Madali pa rin ba para sa kanila na tanggapin ang katotohanan? Kahit na sa panlabas ay nagpapasakop sila, ito ay dahil wala silang ibang pagpipilian at ito na lang ang huling paraan. Kahit na sa panlabas ay hindi sila lumalaban, mayroon pa ring paglaban sa puso nila. Ito ba ay tunay na pagpapasakop? (Hindi.) Ito ay wala sa loob na paggawa, hindi ito tunay na pagpapasakop. Walang pagpapasakop dito, tanging pagbibigay-katwiran, pagiging negatibo, at pagkontra. Paano lumitaw ang pagbibigay-katwiran, pagiging negatibo, at pagkontra na ito? Ang mga ito ay nagmula sa kasabihang “Maaaring hindi ako nakakuha ng anumang papuri, ngunit nagsikap at nagpakapagod pa rin ako.” Anong uri ng disposisyon ang pinukaw ng kasabihang ito sa mga taong ito? Pagsuway, pagmamatigas, pagkontra, at pagbibigay-katwiran. Nagkamit na ba kayo ng karagdagang pagkaunawa sa katotohanan mula sa pagbabahaginang ito? Kapag nahimay-himay at nakilatis na ninyo ang mga negatibong bagay na ito nang malinaw at naalis na ito mula sa puso ninyo, magagawa na ninyong hanapin at isagawa ang katotohanan sa tuwing may mangyayari sa inyo, dahil tinalikuran na ang mga lumang bagay, at hindi ka na mahihimok na umasa sa mga ito sa paggawa ng iyong mga tungkulin, sa paglilingkod sa Diyos, at sa pagsunod sa Diyos. Ang mga bagay na iyon ay hindi na ang mga prinsipyo ng iyong pag-asal, hindi na ang mga ito ang mga prinsipyo na dapat mong sundin sa paggawa ng iyong mga tungkulin, at ang mga iyon ay binatikos at kinondena na. Kung kukunin at gagamitin mong muli ang mga ito, ano ang mangyayari sa kaibuturan ng puso mo? Masisiyahan ka pa kaya ng ganoon? Makatitiyak ka pa rin ba na nasa tama ka? Malinaw naman na walang katiyakan iyon. Kung talagang aalisin ang mga bagay na ito sa loob mo, kung gayon ay dapat mong hanapin sa mga salita ng Diyos kung ano mismo ang mga tunay na prinsipyo at ano mismo ang mga hinihingi ng Diyos. Madalas sabihin ng ilang tao na, “Gawin kung ano ang utos ng iyong amo, kung hindi ay wala kang makakamit na kahit ano mula sa kahit na pinakamasigasig na pagsisikap.” Tama ba o mali ang kasabihang ito? Tiyak na mali ito. Paanong mali ito? Sino ang tinutukoy na “amo” sa pariralang “gawin kung ano ang utos ng iyong amo”? Ang iyong tagapag-empleyo, ang iyong boss, ang iyong nakatataas. Ang salitang “amo” mismo ay mali. Ang Diyos ay hindi ang iyong tagapag-empleyo, hindi ang iyong boss, at hindi ang iyong manager. Ang Diyos ay ang Diyos mo. Ang mga manager, boss, at nakatataas ay lahat parehong uri at nasa parehong antas ng mga tao. Sa diwa, sila ay magkatulad; mga tiwaling tao silang lahat. Nakikinig ka sa kanila, tumatanggap ng sahod mula sa kanila, at ginagawa mo ang anumang iniuutos nila sa iyo. Binabayaran ka nila para sa anumang dami ng gawain na ginagawa mo, at wala nang iba pa. Ano ang ibig sabihin ng “makakamit” sa pariralang “kung hindi ay wala kang makakamit na kahit ano mula sa kahit na pinakamasigasig na pagsisikap”? (Kredito.) Kredito at bayad. Ang motibasyon ng iyong mga kilos ay ang mabayaran. Hindi ito nangangailangan ng katapatan o pagsunod, at hindi rin ito nangangailangan ng paghahanap sa katotohanan at ng pagsamba—walang ganito, ito ay transaksiyon lamang. Ito ay tiyak na isang bagay na binabatikos at kinokondena sa iyong pananampalataya sa Diyos, paggawa sa iyong tungkulin, at paghahangad sa katotohanan. Kung itinuturing mo bilang isang katotohanan ang kasabihang “Gawin kung ano ang utos ng iyong amo, kung hindi ay wala kang makakamit na kahit ano mula sa kahit na pinakamasigasig na pagsisikap,” kung gayon, ito ay isang malubhang pagkakamali. Kapag sinusubukan mong ipaunawa sa ilang tao ang katotohanan, magiging mabagal at matamlay ang kanilang reaksiyon, at kahit gaano man sila karami kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hindi nila mauunawaan ang kahit isa o dalawang katotohanan, hindi rin nila maaalala ang kahit isa o dalawang parirala ng mga salita ng Diyos. Ngunit pagdating sa mga patok na salita, salawikain, at mga karaniwang kasabihan na madalas na ipinapakalat sa mga tao, at itong mga bagay na madalas na sinasabi ng mga ordinaryong tao, tinatanggap nila ito nang sobrang bilis. Kahit gaano pa kahangal ang isang tao, kahit siya ay tinatanggap nang sobrang bilis ang mga bagay na ito. Paano nangyari ito? Anuman ang iyong lahi o kulay, sa huling pagsusuri, kayong lahat ay mga tao at iisang uri lang kayong lahat. Tanging ang Diyos ang naiibang uri sa mga tao. Ang mga tao ay magpakailanman na iisang uri kagaya ng ibang mga tao. Kaya, sa tuwing may gagawin ang Diyos, hindi madali para sa buong sangkatauhan na tanggapin ito, samantalang, sa tuwing may ginagawa ang sinuman sa sangkatauhan, kahit sino pa man o gaano man kababa ang taong gumagawa nito, kung tumutugma ito sa mga kuru-kuro ng lahat, mabilis itong tatanggapin ng lahat, dahil ang mga ideya, pananaw, paraan ng pag-iisip, at antas at landas ng pang-unawa ng mga tao, ay pare-pareho lang sa pangkalahatan, nagkakaiba lamang sa maliliit na antas. Kaya, sa sandaling may nagsabi ng isang bagay na may katangian ng kuru-kuro at hindi tugma sa katotohanan, may ilang tao na mabilis itong tatanggapin, at ganoon lang talaga iyon.
Medyo naunawaan mo na ba kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga bagay na hindi katotohanan ngunit nagpapahiwatig na ito ang katotohanan? Ano pang mga gayong bagay ang nasa isipan ninyo? Hindi pa ninyo masasabi ang mga ito sa ngayon, nang agaran, dahil hindi maituturing na kaalaman ang mga ito, hindi katulad ng isang bagay sa libro ang mga ito na puwede ninyong balik-balikan sa pamamagitan ng paglipat-lipat sa mga pahina. Sa halip, ito ay mga bagay na hindi ninyo mapigilang sabihin nang malakas sa tuwing may nangyayari, sa napakanatural na paraan na hindi ninyo makontrol. Pinatutunayan nito na ang mga bagay na iyon ay naging buhay ninyo at nagkaugat na nang malalim sa inyong mga buto. Hindi ninyo maaalala ang mga iyon kapag hiniling sa inyo na alalahanin ang mga iyon, pero hindi rin ninyo mapigilang sabihin ang mga iyon kapag hiniling sa inyo na huwag sabihin ang mga iyon. Sa tuwing may nangyayari, lumalabas ang mga baluktot na pananaw na iyon—ito ay isang katunayan. Maglaan ka ng oras upang maranasan. Simula ngayon, kailangan ninyong bigyang-pansin ang mga bagay na iyon na madalas sabihin ng mga tao at na iniisip nilang tama. Nabanggit na natin dati ang ilan sa mga lason ng malaking pulang dragon at mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Maaaring madaling makilatis ang mga bagay na iyon mula sa perspektiba ng literal na kahulugan ng mga iyon, ibig sabihin, madaling malalaman ng mga tao na tiyak na hindi katotohanan ang mga iyon, at malinaw nilang masasabi na ang mga iyon ay ang lason ng malaking pulang dragon, at na mayroong mga tusong pakana sa likod ng mga iyon. Madaling makilatis ang mga bagay na iyon, at sa palagay Ko ay medyo kaya ninyong matukoy ang mga iyon kapag ipinahimay-himay sa inyo. Naiwaksi na ninyo ang mga bagay na iyon na malinaw na mala-satanas, pero marami pa ring kasabihan sa puso ninyo tulad ng “Pagtitiis sa kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin,” at “Pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo,” at “Huwag pagbuhatan ng kamay ang isang nakangiting mukha,” at “Ang makatarungang layunin ay nakakakuha ng maraming suporta samantalang ang hindi makatarungan ay nakakakuha lamang ng kakaunti,” at “Ang isang maginoo ay hindi tumatanggap ng mapang-insultong limos.” Sa kaibuturan ng inyong puso, maaaring nilalagyan pa rin ninyo ng tsek ang mga kasabihang ito at iniisip na, “Ang mga ito ay mahalaga. Ang lahat ng disenteng bagay tungkol sa kung paano ako dapat umasal sa buhay na ito ay nasa mga kasabihang ito,” at ang mga bagay na ito ay hindi pa natuklasan. Kapag lubusan na itong natuklasan at nagkaroon na kayo ng pagkilatis dito, sa hinaharap, kapag lumabas ang mga tradisyonal na kultural na bagay na ito, ito man ay isang natural na reaksiyon o isang pagsasalamin ng mga obhetibong kondisyon, agad mong mapagtatanto na ang mga bagay na ito ay mali at tiyak na hindi ang katotohanan. Sa panahong iyon, ang iyong antas ng katalusan at pagkilala sa katotohanan ay magiging mas mataas kaysa sa ngayon. Ano ang ibig Kong sabihin sa “mas mataas kaysa sa ngayon”? Ang ibig Kong sabihin ay maaabot mo ang isang partikular na tayog, mas gagaling ang iyong kakayahan na kumilatis, ang iyong karanasan at pag-unawa sa katotohanan ay magiging mas malalim kaysa sa ngayon, at mararamdaman mo kung ano talaga ang katotohanan. Ngayon, maaaring iniisip mo na, “Ang lahat ng tradisyonal na kultura na nagmumula kay Satanas at na nabuo mula sa kultural na pinanggalingan ng lahat ng etnikong grupo sa mundong ito ay mali.” Ito ay isang pangkalahatang paraan ng pagsasabi tungkol dito, ngunit maaaring hindi mo pa alam kung alin sa mga ito ang mali at kung paano naging mali ang mga ito. Kaya, kailangan mong himay-himayin at unawain ang bawat isa nang sunud-sunod, at pagkatapos ay umabot sa punto kung saan magagawang bitiwan ito, kondenahin, ganap na ihiwalay ang iyong sarili mula rito, at mamuhay nang hindi ayon dito kundi ayon sa mga salita ng Diyos. Sa ngayon, maaaring alam mo lang ayon sa iyong sariling kalooban na ang mga salawikaing iyon, mga karaniwang kasabihan, mga sikat na kawikaan, at mga salitang iyon na madalas na nababanggit ay walang anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos at hindi ang katotohanan, ngunit sa tuwing may nangyayari, hindi namamalayang ginagamit mo pa rin ang mga salitang ito bilang batayan sa pagkondena sa iba, pagpigil sa iyong sarili, at paggabay sa iyong pag-uugali. Nililimitahan at minamanipula ng mga ito ang iyong mga kaisipan at pananaw, na maaaring magdulot ng problema, at makakaapekto sa iyong pagpasok sa katotohanan. Bagaman, isang araw, maaari pa ring lumitaw sa puso mo ang mga bagay na ito na mula kay Satanas, kung magagawa mong kilatisin ang mga ito, mamuhay nang hindi umaasa sa mga ito, at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, talagang magkakaroon ka ng tayog. Mayroon ka ba ng tayog na ito ngayon? Wala pa. Kung may isang kasabihan na kinikilala ninyong lahat bilang tama, at kung may mga parehong pahayag na marahil ay matatagpuan sa mga salita ng Diyos—bagama’t hindi ganap na ipinapahayag ang mga ito sa parehong paraan—maaaring mali mong paniniwalaan na ang kasabihang ito ay ang katotohanan din, at na ito ay kapareho ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pa rin malinaw na nakikita ang mga bagay na ito, at kung kumakapit ka pa rin sa mga salita ng tao at hindi ka handang bitiwan ang mga ito, kung gayon, maaapektuhan ng kasabihang ito ang iyong pagpasok sa katotohanan, dahil hindi ito mga salita ng Diyos at hindi nito kayang palitan ang katotohanan.
Sa panahon ngayon, patuloy Akong nagbabahagi tungkol sa kung ano ang katotohanan. Ibig sabihin, seryoso Ako sa inyo. Upang maunawaan ninyo ang katotohanan, kinakailangan nating suriin ang iba’t ibang ideya at pananaw ng mga tao, ang kanilang mabubuting gawa at mabubuting layunin, at ilang tamang kasabihan at karaniwang kaugalian na inaasahan ng mga tao para mabuhay, pati na ang ilang ideya at pananaw mula sa tradisyonal na kultura, at himay-himayin at kilatisin ang lahat ng ito upang makita kung talagang naaayon ang mga ito sa katotohanan, at kung talagang may kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kung naniniwala ka na ang mga ito ang katotohanan, ano ang batayan mo sa paninindigang ito? Kung natutukoy mong katotohanan ang mga ito batay sa mga satanikong teorya at turo, kung gayon ay nabibilang ka kay Satanas. Kung hindi naaayon sa katotohanan ang mga bagay na ito, kung gayon ay nagmumula ang mga ito kay Satanas, kaya kailangan mong himay-himayin kung ano mismo ang diwa ng mga ito. Sa partikular, kailangang magkaroon ng tamang pagkaunawa at tamang saloobin ang isang tao tungkol sa maraming kasabihan at pananaw sa tradisyonal na kultura na naipasa sa pamamagitan ng usap-usapan mula sa isang henerasyon papunta sa susunod. Sa ganitong paraan lamang tunay na mauunawaan at malalaman ng mga tao kung ano talaga ang katotohanan, at tumpak na makakaunawa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung ano talaga ang ibig sabihin ng pariralang “Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan.” Kasabay nito, nagbibigay-daan din ito sa mga tao na malaman kung bakit—dahil may mga ganitong pananaw at kasabihan ang mga tao na sinasabing naaayon sa mga etikang moral, pagkatao, at mga sekular na kaugalian ng ugnayan ng tao, at dahil may mga ideya, pananaw, at kasabihan silang ganito na inaasahan para mamuhay—nagpapahayag pa rin ang Diyos ng mga katotohanan upang iligtas ang mga tao, at higit pa rito, kung bakit sinasabi ng Diyos na tanging ang katotohanan ang makapagliligtas sa mga tao at makapagpapabago sa kanila. Malinaw na may mga katotohanang matatagpuan dito. Kahit papaano, ang isang punto ay na ang mga ideya, pananaw, at kasabihan na inaasahan ng mga tao sa buhay ay nagmumula sa tiwaling sangkatauhan, ibinubuod ng tiwaling sangkatauhan, at mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at walang anumang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Higit pa rito, ang mga bagay na ito ay pangunahing salungat at mapanlaban sa katotohanan. Hindi kayang palitan ng mga ito ang katotohanan, tiyak na hindi katotohanan ang mga ito, at ni hindi kailanman magiging ang katotohanan ang mga ito. Mula sa perspektiba ng Diyos, ang mga bagay na ito ay tinutukoy na mali at kinokondena at ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Ang mga kilos ng Diyos at ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay walang kinalaman sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay walang kinalaman kahit katiting sa mga tiwaling sangkatauhan sa sekular na kaugalian ng ugnayan ng tao, o sa tradisyonal na kultura ng mga tao, sa kanilang mga ideya, pananaw, at mabubuting gawa, o sa kanilang depinisyon ng moralidad, dignidad, at mga positibong bagay. Sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at diwa; ang Kanyang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi nababatay sa iba’t ibang positibong bagay at pahayag na pinaniniwalaan ng mga tao na ibinuod ng tao. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos ay katotohanan. Ang mga ito ang tanging pundasyon at batas kung saan umiiral ang sangkatauhan, at lahat ng tinaguriang doktrinang nagmumula sa tao ay mali, kakatwa, at kinokondena ng Diyos. Hindi nakakamit ng mga ito ang Kanyang pagsang-ayon, at lalo nang hindi ang mga ito ang pinagmulan o batayan ng Kanyang mga pagbigkas. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Lahat ng salitang ipinahayag ng Diyos ay katotohanan, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Paano man itinuturing o binibigyang-depinisyon ng tiwaling sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, o paano man nila tinitingnan o inuunawa ang mga ito, ang mga salita ng Diyos ay walang hanggang katotohanan, at ito ay isang katunayan na hindi kailanman nagbabago. Ilang salita man ng Diyos ang nasambit na, at gaano man kinokondena at tinatanggihan nitong tiwali at buktot na sangkatauhan ang mga ito, nananatili ang isang katunayan na hindi nagbabago magpakailanman: Ang mga salita ng Diyos ay palaging ang katotohanan, at hindi ito mababago ng tao kailanman. Sa huli, dapat aminin ng tao na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at na ang iginagalang na tradisyonal na kultura at kaalamang siyentipiko ng sangkatauhan ay hinding-hindi maaaring maging mga positibong bagay, at hinding-hindi maaaring maging katotohanan. Tiyak iyan. Ang tradisyonal na kultura at mga pamamaraan ng pananatiling buhay ng sangkatauhan ay hindi magiging katotohanan dahil sa mga pagbabago o paglipas ng panahon, at hindi rin magiging mga salita ng tao ang mga salita ng Diyos dahil sa pagkondena o pagiging malilimutin ng sangkatauhan. Ang katotohanan ay palaging katotohanan; hindi magbabago ang diwang ito kailanman. Anong katunayan ang umiiral dito? Ito ay na ang mga karaniwang kasabihang ito na naibuod ng sangkatauhan ay nanggagaling kay Satanas, at mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, o nagmumula ang mga ito sa pagiging mainitin ng ulo ng tao at sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at wala talaga itong kinalaman sa mga positibong bagay. Ang mga salita ng Diyos, sa kabilang banda, ay mga pagpapahayag ng diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Para sa anong dahilan ang Kanyang pagpapahayag ng mga salitang ito? Bakit Ko sinasabing katotohanan ang mga ito? Ito ay dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng batas, panuntunan, ugat, diwa, aktuwal na pangyayari, at hiwaga ng lahat ng bagay. Hawak ng kamay Niya ang mga ito. Samakatwid, ang Diyos lamang ang nakakaalam ng mga tuntunin, mga aktuwal na pangyayari, mga katunayan, at mga hiwaga ng lahat ng bagay. Alam ng Diyos ang pinagmulan ng lahat ng bagay, at alam ng Diyos kung ano mismo ang pinag-ugatan ng lahat ng bagay. Tanging ang mga depinisyon sa lahat ng bagay na ipinipresenta sa mga salita ng Diyos ang pinakatumpak, at tanging ang mga salita ng Diyos ang mga pamantayan at prinsipyo para sa buhay ng mga tao at ang mga katotohanan at pamantayan ng mga tao para mabuhay, samantalang ang mga satanikong batas at teorya na inaasahan ng tao para mabuhay mula nang gawing tiwali ni Satanas ay kapanabay na taliwas sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at sa katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng batas at panuntunan ng isang bagay. Ang lahat ng satanikong teorya ng tao ay nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ang mga ito ay mula kay Satanas. Anong uri ng papel ang ginagampanan ni Satanas? Una, ipinipresenta nito ang sarili bilang ang katotohanan; pagkatapos, ginugulo, sinisira, at niyuyurakan nito ang lahat ng batas at panuntunan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Kaya, ang anumang nagmumula kay Satanas ay lubos na tumutugma sa diwa ni Satanas, at puno ito ng buktot na pakay ni Satanas, ng mga pekeng bagay at pagkukunwari, at ng hindi kailanman nagbabagong ambisyon ni Satanas. Hindi mahalaga kung kayang kilatisin ng mga tiwaling tao ang mga pilosopiya at teoryang ito na mula kay Satanas, at kahit gaano karaming tao ang nagtataguyod, nagsusulong, at sumusunod sa mga bagay na ito, at kahit ilang taon at panahon man hinangaan, sinamba, at ipinangaral ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, hindi magiging katotohanan ang mga ito. Dahil ang diwa, pinagmulan, at ugat ng mga ito ay si Satanas, na mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan, kaya ang mga bagay na ito ay hindi kailanman magiging katotohanan—ang mga ito ay palaging magiging mga negatibong bagay. Kapag walang katotohanan na maihahambing, maaaring maituring na mabuti at positibong bagay ang mga ito, ngunit kapag ginamit ang katotohanan para ilantad at himayin ang mga ito, ang mga ito ay hindi perpekto, napapatunayang mali, at mga bagay na mabilis kondenahin at tanggihan. Ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay tumpak na tumutugma sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhang nilikha ng Diyos, samantalang ang mga bagay na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay tumpak na salungat sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao ng sangkatauhan. Ginagawa ng mga ito na hindi normal, at maging labis-labis, makitid ang isip, mayabang, mangmang, buktot, mapagmatigas, malupit, at maging masyadong mapagmataas pa nga ang isang normal na tao. May isang punto kung saan nagiging masyadong malubha na nagiging baliw ang mga tao at ni hindi na nila alam kung sino sila. Ayaw nilang maging normal o ordinaryong tao, at sa halip ay iginigiit nilang maging superhuman, mga tao na may espesyal na kapangyarihan, o mga tao na nasa mataas na antas—ang mga bagay na ito ang bumaluktot sa pagkatao at sa likas na gawi ng mga tao. Ang katotohanan ay nagpapahintulot sa mga tao na mamuhay nang mas likas ayon sa mga panuntunan at batas ng normal na pagkatao at sa lahat ng panuntunang ito na itinatag ng Diyos, samantalang ang mga di umano’y karaniwang kasabihan at mga mapanlihis na kasabihan ay tumpak na humihimok sa mga tao na talikuran ang kanilang likas na gawi at iwasan ang mga batas na itinakda at binuo ng Diyos, maging hanggang sa punto na hinihimok nila ang mga tao na lumihis mula sa landas ng normal na pagkatao at gumawa ng ilang labis-labis na bagay na hindi dapat ginagawa o iniisip ng mga normal na tao. Ang mga satanikong batas na ito ay hindi lamang bumabaluktot sa pagkatao ng mga tao, kundi nagsasanhi rin ang mga ito na mawalan ng kanilang normal na pagkatao at normal na likas na gawi ang mga tao. Halimbawa, sinasabi ng mga satanikong batas na, “Ang tadhana ninuman ay nasa kanyang sariling kamay,” at “Ang kaligayahan ay nililikha ng sariling mga kamay.” Ito ay salungat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at salungat sa likas na gawi ng tao. Kapag umabot na sa limitasyon ang katawan at ang likas na gawi ng mga tao, o kapag ang kanilang tadhana ay nasa kritikal na yugto, ang mga taong umaasa sa mga batas na ito mula kay Satanas ay hindi na makakapagtiis. Nararamdaman ng karamihan na ang presyur ay lumampas na sa kanilang limitasyon at sa kung ano ang makakaya ng kanilang isipan, at sa huli, nagiging schizophrenic ang ilang tao. Ang mga taong kumukuha ng pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo sa kasalukuyan ay nakakaranas ng matinding presyur mula sa mga pagsusulit na iyon. Iba-iba ang pisikal na kondisyon at mga katangiang pangkaisipan ng mga tao; may ilan na kayang umangkop sa gayong rehimen, samantalang ang iba ay hindi. Sa huli, ang ibang tao ay nalulugmok sa depresyon, habang ang iba ay nagiging schizophrenic, at tumatalon pa nga sa mga gusali at nagpapakamatay—iba’t ibang uri ng bagay ang nangyayari. Ano ang nagsasanhi ng mga kahihinatnang ito? Ang sanhi ay na nililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanila na hangarin ang kasikatan at pakinabang, na siyang nakakapinsala sa tao. Kung magagawa ng mga tao na mamuhay nang natural ayon sa mga panuntunang itinakda ng Diyos, at mamuhay ayon sa paraang inorden ng Diyos para sa mga tao, at magbasa ng mga salita ng Diyos, at mamuhay sa harap ng Diyos, masisiraan ba sila ng bait? Kakayanin kaya nila ang sobrang presyur? Talagang hindi nila kakayanin. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain para maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang mga tao ay maaaring mamuhay sa harap ng Diyos, nang walang presyur, at magkakamit lamang sila ng kalayaan at kaginhawahan. Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, at tanging ang Diyos ang nakakaalam sa likas na gawi ng tao at sa lahat ng tungkol sa mga tao. Ginagamit ng Diyos ang mga panuntunang binuo Niya para gabayan ang mga tao at tustusan ang kanilang mga pangangailangan, samantalang tiyak na hindi ginagawa ni Satanas iyon. Itinutulak nito ang mga tao na lumabag sa lahat ng panuntunang ito, at pinipilit ang mga tao na maging mga superhuman at sikat. Hindi ba’t ito ay isang panlalansi sa mga tao? Ang totoo, ang mga tao ay normal at ordinaryong tao—paano sila magiging superhuman o mga taong may espesyal na kapangyarihan? Hindi ba’t ito ay pagsira sa mga tao? Kahit gaano ka pa magpunyagi, kahit gaano pa kalaki ang iyong mga ambisyon at pagnanais, hindi ka maaaring maging superhuman o isang taong may espesyal na kapangyarihan. Kahit na sirain mo ang iyong sarili hanggang sa puntong mawalan ka na ng wangis ng pagiging tao, hindi ka maaaring maging superhuman o isang tao na may espesyal na kapangyarihan. Anumang propesyon ang dapat mayroon ang isang tao sa buhay ay pauna nang itinakda ng Diyos. Kung hindi ka mamumuhay ayon sa mga batas at panuntunan na binuo ng Diyos, bagkus ay pipiliin ang mga mapanlihis at maladiyablong salita ni Satanas at hahangarin na maging isang superhuman o isang taong may mga espesyal na kapangyarihan, kakailanganin mong magdusa at mamatay. Ibig sabihin, kung pipiliin mong tanggapin na sirain, yurakan, at gawing tiwali ka ni Satanas, kung gayon, ang lahat ng iyong pagtitiis ay ang kahihinatnan ng iyong sariling mga kilos, ito ang nararapat sa iyo, at ito ay ayon sa sarili mong kagustuhan. May mga tao na kumukuha ng pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, bumagsak sila rito nang dalawa o tatlong beses, at sa huli ay humantong sila sa pagkabaliw dahil hindi nila kailanman naipasa ito. Ito ba ay isang bagay na sila mismo ang nagdulot sa kanilang sarili? Bakit ba gusto mong kumuha ng pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo? Hindi ba’t ito ay para lamang umangat ka kaysa sa iba at magdala ng karangalan sa iyong pamilya? Kung aabandonahin mo ang dalawang layuning ito na umangat kaysa sa iba at magdala ng karangalan sa iyong mga ninuno, at hindi maghahabol sa mga bagay na ito, kundi sa halip ay lumipat sa isang wastong layon, hindi ba’t mawawala ang presyur? Kung tatanggapin mo ang paggawang tiwali ni Satanas, at kung tatanggapin mo ang lahat ng ideya at pananaw na ito mula sa kanya, kung gayon, kakailanganing tiisin ng iyong katawan ang lahat ng uri ng pasakit, at magiging nararapat lamang ito sa iyo! Ang kahihinatnang ito ay sarili mong pagpili at kagagawan. Hindi ito paunang itinakda ng Diyos. Hindi nilalayon ng Diyos na mamuhay ka nang ganoon. Lubos nang nilinaw ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, at ikaw ang hindi nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. May hangganan sa kayang tiisin ng katawan, katatagan ng loob, at katangian ng pag-iisip ng isang tao, ngunit hindi iyon napagtatanto ng mga tao mismo at iba ang iniisip nila, at sinasabi pa nga nila na ang kanilang tadhana ay nasa sarili nilang mga kamay, subalit sa huli ay hindi naman nila makontrol ang kanilang tadhana, at sa halip ay namamatay sila nang miserable at kalunos-lunos. Paanong masasabi na ito ay paghawak sa sariling tadhana? Ganito ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng nakapanlilinlang na ideya at maling pananampalataya para gawing tiwali ang mga tao. Hindi ito alam ng mga tao mismo, at pakiramdam pa nga nila ay ayos lang ang mga ito, iniisip na, “Patuloy na umuusad ang lipunan, dapat tayong makisabay sa panahon at tanggapin natin ang lahat ng positibong enerhiya.” Ang mga ito ay ganap na mga maladiyablong salita. Paanong magkakaroon ng positibong enerhiya sa isang malademonyong mundo ng mga walang pananampalataya? Lahat ito ay negatibong enerhiya, lahat ito ay kanser, at lahat ito ay isang inorasang bomba. Kung tatanggapin mo ang mga bagay na ito, kakailanganin mong tiisin ang mahihirap na kahihinatnan nito, at kakailanganin mong mapahirapan at mawasak ni Satanas. Ito ang nangyayari kung hindi mo hinahangad ang katotohanan. Anong mabuting wakas ang maaaring mangyari kung susunod ka kay Satanas? Gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito para lasunin ka at magkintal ng lason sa iyo. Inililigtas ka ng Diyos; pinipinsala ka ni Satanas. Pinagagaling ng Diyos ang iyong mga sakit; nilalason ka ni Satanas para magkasakit ka. Kapag mas maraming lason ang natatanggap mo mula kay Satanas, mas magiging mahirap para sa iyo na tanggapin ang katotohanan. Ganoon talaga iyon. Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa kung ano ang katotohanan. Sa susunod, pagbabahaginan natin ang isa pang paksa.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.