Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikapitong Bahagi) Unang Seksiyon

III. Kinamumuhian ang mga Salita ng Diyos

Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo hanggang sa ikatlong seksyon ng pangunahing paksang ito, na tungkol sa pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Ang ating pagbabahaginan at paghihimay sa seksyong ito ay nahati sa tatlong maliliit na paksa. Ano ang tatlong maliliit na paksang iyon? (Ang una ay iyong pinakikialaman at binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos; ang pangalawa ay itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro; at ang pangatlo ay inuusisa ng mga anticristo kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos.) Ang tatlong ito ba ang kabuuan ng kahulugan ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos? (Dapat ay may iba pa.) Ano pang ibang mga pahayag at pagpapamalas ang mayroon? (Walang paggalang ang mga anticristo sa mga salita ng Diyos.) Isa ba sa mga pagpapamalas ng pagkamuhi sa mga salita ng Diyos ang pagtrato nang walang paggalang sa mga salita ng Diyos? Hindi ba’t isang interpretasyon ng pagkamuhi sa mga salita ng Diyos ang pagtrato ng walang paggalang sa mga salita ng Diyos? Dito, hindi natin kailangan ng mga interpretasyon, kundi ang iba’t ibang pagpapamalas at pagsasagawa ng mga anticristo sa pagkamuhi sa mga salita ng Diyos na puwede mong makita at mahawakan, at narinig mo. Mukhang wala kayong masyadong pagkaunawa sa iba’t ibang pagpapamalas na kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Puwedeng mayroon kayong literal na pagkaunawa sa tatlong aytem na ibinahagi Ko dati, pero hindi ninyo maisip kung ano pa ang ibang mga pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, tama ba? Naalala ninyo dapat ang lahat ng tatlong pagpapamalas na napagbahaginan natin dati. Bukas at lantaran ba ang mga pag-uugali at pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos? Ang mga ito ba ang dapat gawin ng mga matuwid na tao? (Hindi.) Ang mga ito ay hindi mga pagpapamalas na dapat umiral sa normal na pagkatao; hindi positibo ang mga ito, kundi negatibo. Tumutukoy kay Satanas, sa mga demonyo, sa mga kaaway ng Diyos, ang pangunahing diwa ng ilang pag-uugaling ito. Sa pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, walang pagpapasakop, walang pagtanggap, walang pagdanas, walang pagsasantabi sa kanilang mga sariling kuru-kuro at walang pagtanggap sa mga salita ng Diyos nang simple at tapat—sa halip, nagkakaroon sila ng iba’t ibang satanikong saloobin sa mga salita ng Diyos. Ang disposisyong nabubunyag sa pamamagitan ng mga pagpapamalas at pag-uugaling ito ng mga anticristo ang mismong nabubunyag ni Satanas sa espirituwal na mundo. Hindi positibo ang mga pag-uugaling ito, sa anumang sitwasyon, sa anumang panahon, sa anumang grupo ng mga tao. Buktot at negatibo ang mga ito, at hindi mga pagpapamalas o pag-uugali na dapat mayroon ang isang nilikha o isang normal na tao. Kaya, tinutukoy natin ang mga ito bilang mga pagpapamalas ng mga anticristo. Matapos pagbahaginan ang tatlong aytem na ito, maaaring isipin ng karamihan ng tao na ang tatlong pagpapamalas na ito ay marahil sumasaklaw sa lahat ng pangunahing saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, may isang punto na nakaligtaan ninyo: Hindi limitado sa tatlong pamamaraang ito ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. May isa pang pagpapamalas at pag-uugali na nagpapakita rin na kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Ano ang pagpapamalas na ito? Ito ay iyong tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Kung titingnan natin ang literal na kahulugan nito, maaaring may mga imahe sa isipan ng ilang tao na tumutukoy sa ilang indibidwal, pero hindi pa rin malinaw ang mga partikular at totoong pagpapamalas nito; napakalabo at napakapangkalahatan pa rin ang mga ito. Kaya, ngayon, pagbabahaginan natin kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal.

D. Tinatrato ng mga Anticristo ang mga Salita ng Diyos Bilang Isang Kalakal

Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal; puwede ring sabihin na tinatrato ng mga anticristo ang mismong katotohanan bilang isang kalakal. Ano ang ibig sabihin ng tratuhin ang mga ito bilang mga kalakal? Nangangahulugan ito ng paggawa lamang ng ilang berbal na pahayag, pagpapakitang-gilas, at pagkatapos ay pandaraya para makuha ang tiwala, suporta, at pag-endorso ng mga tao para makamit ang katanyagan, pakinabang, at katayuan. Kaya, nagiging mga tuntungan nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa katotohanan. Sinasamantala, nilalaro, at tinatapakan nila ang katotohanan, na itinatakda ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Kaya, ano ba mismo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan? Paano natin dapat tumpak na bigyang kahulugan ang katotohanan? Sabihin ninyo sa Akin, ano ang katotohanan? (Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos.) Isa itong tumpak at partikular na kahulugan ng katotohanan. Paano ninyong lahat nauunawaan ang pahayag na ito? Paano mo ito dapat ilapat sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa buong buhay mo? Paano mo dapat danasin ang pahayag na ito? Sabihin ninyo agad kung ano ang naiisip at nauunawaan ninyo nang hindi ito pinipili o pinoproseso muna. Sa wika ng inyong karanasan, ano ang katotohanan? Ano ang mga salita ng Diyos? (Puwedeng baguhin ng katotohanan ang pananaw sa buhay at ang mga pinahahalagahan ng isang tao, binibigyang kakayahan siyang isabuhay ang wangis ng isang normal na tao.) Bagaman hindi komprehensibo, ang lahat ng sinabi ninyo ay nagpapahayag ng pang-unawa sa katotohanan na batay sa karanasan; ang mga ito ang mga kabatiran at pagpapahalaga na inyong naranasan at naibuod mula sa pang-araw-araw na buhay. Sino pa ang gustong magbahagi? (Kayang madalisay ng katotohanan ang aming mga tiwaling disposisyon, binibigyang-kakayahan kaming kumilos ayon sa mga prinsipyo at gawin ang mga bagay nang naaayon sa mga layunin ng Diyos.) Maganda at diretsa ang pahayag na ito. Sige, magpatuloy ka. (Ang katotohanan ay buhay, ang daan sa buhay na walang hanggan. Tanging sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at pamumuhay sa pamamagitan nito na makakamtan ng isang tao ang buhay.) (Ang katotohanan ang nagbibigay-daan sa mga tao na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, para maging isang tunay na tao.) Parehong may kinalaman ang dalawang puntong ito sa mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao. Bagaman medyo malalim at mataas ang mga paliwanag, napakapraktikal ng mga ito. (Kayang ilantad ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon sa loob namin, baguhin ang aming mga maling pananaw sa mga bagay-bagay, at bigyan kami ng kakayahan na isabuhay ang wangis ng isang tunay na tao.) Ang mga pahayag na ito ay praktikal at may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng katotohanan sa mga tao, pati na rin ang mga puwedeng epekto ng katotohanan sa mga tao. Ang nabanggit ninyong lahat ay madalas na nating pinag-uusapan dati. Bagaman magkakaiba ang binibigyang-diin ng bawat tao, may kinalaman ang lahat ng ito sa naunang ipinaliwanag at tinukoy na pahayag tungkol sa katotohanan—ang katotohanan ang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng bagay. Maitutumbas ba ang katotohanan sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Base sa pagkaunawang batay sa karanasan na inyong inilahad sa inyong pagbabahagi, masasabi ba natin na ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay? (Oo.) Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Maaari itong maging buhay ng isang tao at ang direksyon kung saan siya naglalakad; maaari nitong tulutan ang isang tao na iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, na maging isang taong nagpapasakop sa Diyos at isang kalipikadong nilikha, isang taong minamahal ng Diyos at katanggap-tanggap para sa Diyos. Dahil sa kahalagahan ng katotohanan, ano dapat ang saloobin at perspektiba ng isang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Ito ay lubhang malinaw: Para sa mga tunay na nananampalataya sa Diyos at mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, ang Kanyang mga salita ang kanilang buhay. Dapat na pakaingatan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kainin at inumin ang mga ito, tamasahin ang mga ito, at tanggapin ang mga ito bilang kanilang buhay, bilang direksyon na kanilang nilalakad, bilang kanilang nakahandang saklolo at panustos; dapat na magsagawa at dumanas ang mga tao nang alinsunod sa mga pahayag at hinihingi ng katotohanan, at magpasakop sa bawat hinihingi at prinsipyo na ipinagkakaloob sa kanila ng katotohanan. Saka lamang makapagtatamo ng buhay ang isang tao. Sa pangunahin, ang paghahangad sa katotohanan ay ang pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, sa halip na isailalim ang mga ito sa pagsisiyasat, pagsusuri, espekulasyon, at pagdududa. Dahil ang katotohanan ang nakahandang saklolo at panustos ng mga tao, at maaaring maging buhay nila, dapat nilang tratuhin ang katotohanan bilang ang pinakamahalagang bagay. Sapagkat kailangan nilang umasa sa katotohanan upang mabuhay, upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, upang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, at upang mahanap sa pang-araw-araw na buhay nila ang landas ng pagsasagawa at maarok ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, nang natatamo ang pagpapasakop sa Diyos; dapat ding umasa sa katotohanan ang mga tao upang maiwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maging isang taong nailigtas at isang kalipikadong nilikha. Mula sa anong perspektiba o sa anong paraan man ito ipinahayag, ang pinakahindi dapat na maging saloobin ng mga tao sa katotohanan ay ang tratuhin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang isang produkto o isang kalakal pa nga na basta-basta lang ipinagpapalit. Ito ang pinakaayaw na makita ng Diyos, at ito rin ang huling uri ng pag-uugali at pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tunay na nilikha.

Ano ang mithiin at layunin ng mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal? Ano ba talaga ang kanilang layunin, at ano ang kanilang motibo? Kapag nakakakuha ng isang kalakal ang isang negosyante, inaasahan niya na ang kalakal ay magdadala sa kanya ng mga pakinabang at ng malaking halaga ng pera na kanyang ninanais. Samakatwid, kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, walang duda na tinatrato nila ang mga salita ng Diyos bilang materyal na bagay na puwedeng ipagpalit para sa mga pakinabang at pera. Hindi nila pinahahalagahan, tinatanggap, isinasagawa, o dinaranas ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni hindi nila tinatrato ang mga salita ng Diyos bilang ang daan ng buhay na dapat nilang sundin, ni bilang ang katotohanan na dapat nilang isagawa para maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa halip, tinatrato nila ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Para sa isang negosyante, ang pinakamalaking halaga ng isang kalakal ay ang maipagpalit ito para sa pera, para sa nais na kita. Kaya, kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, magkapareho ang kanilang layunin at motibo. Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, ibig sabihin, hindi nila ginagamit ang mga ito para kainin, inumin, at tamasahin, hindi rin para sa kanilang karanasan o pagsasagawa, kundi bilang mga kalakal sa kanilang mga kamay na ipagpapalit at ibebenta kahit kailan at kahit saan, iniaalok sa mga taong mapagkakakitaan nila. Kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, sa literal na kahulugan, ibig sabihin nito ay tinatrato nila ang mga salita ng Diyos tulad ng isang paninda, ginagamit sa mga transaksyon para ipagpalit sa pera; ginagawa nilang propesyon nila ang pagbili at pagbebenta sa mga salita ng Diyos. Mula sa literal na perspektiba, malinaw na agad ito. Kahiya-hiya ang mga ganitong kilos at pag-uugali ng mga anticristo, na nagdudulot ng pagkamuhi at pagkasuklam ng mga tao. Kaya, ano ang mga partikular na pagpapamalas ng mga anticristong tumatrato sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal? Ito ang pangunahing punto na ating pagbabahaginan. May ilang kitang-kitang pagpapamalas ang mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Para maging mas malinaw at mas madaling maunawaan para sa inyo, tatalakayin pa rin natin ang mga ito nang isa-isa. Bakit Ko ginagamit ang pamamaraang ito? Batay sa Aking maraming taon ng karanasan sa paggawa at pagsasalita, may magulong isipan ang karamihan sa mga tao at wala silang kakayahang mag-isip nang sila lang. Batay rito, naisip Ko ang pinakamadali at pinakamabisang paraan, ang ipaliwanag at linawin ang kada aytem ng anumang isyu o paksa—ano man ito—para matulungan kayong pag-isipan at pagnilayan ito. Angkop ba ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Tamang-tama iyan, hindi na namin kailangang pigain ang aming utak at mag-isip nang husto. Masyado kaming abala at wala kaming oras para diyan! Ginagamit namin para sa malalaking bagay ang aming enerhiya at isipan, hindi sa di-makabuluhan, maliliit lang na usapin. Ang pagpapaisip sa amin sa mga maliliit na bagay na ito, parang minamaliit Mo kami at hindi Mo ginagamit ang aming dakilang talento.” Ganoon ba talaga ang nangyayari? (Hindi.) Kung ganoon, ano ito? (Napakahina ng aming kakayahan na kung minsan ay hindi namin maarok ang katotohanan, at kailangan namin ang Diyos na magbahagi nang detalyado, sa kada salita, sa kada pangungusap, para maunawaan namin ang ilan dito.) Kita mo, hindi Ko sinasadyang nailarawan ang aktuwal na kalagayan ng mga bagay-bagay, inilalantad kung ano talaga ang nangyayari sa inyo, pero ganoon lang talaga ang mga katunayan. Ito pa rin ang mangyayari kahit na hindi Ko ito inilantad. Wala nang ibang paraan kundi gawin ito sa ganitong paraan. Kung magsasalita lang Ako tungkol sa malalaking paksa sa simple at pangkalahatang paraan, magiging walang saysay ang pagsasalita Ko at magsasayang lang Ako ng pagod. Pagsasayang lang iyon ng oras, hindi ba? Balikan natin ang pangunahing paksa. Tungkol sa pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, hahatiin natin ito sa ilang maliit na paksa para ipaliwanag at linawin nang paisa-isa kung paano ito ginagawa ng mga anticristo, at kung ano ang mga partikular na halimbawa at pagpapamalas na sapat na makakapagpatunay na kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, at makakapagpatunay rin na talagang taglay ng mga anticristo ang gayong diwa. Pagbabahaginan natin ang aytem na ito sa dalawang pangunahing bahagi.

1. Tinatrato ang mga Salita ng Diyos Bilang Isang Kasangkapan sa Pagtatamo ng Katayuan, Reputasyon, at Dignidad

Ang unang pangunahing aspekto ay iyong ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal ay ang paggamit sa mga ito bilang kasangkapan para makamit ang katayuan, reputasyon, dignidad nila, at lalo na para sa materyal na kasiyahan, at higit pa rito, para sa pera. Kapag nakakaugnay ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, nararamdaman nila, “Napakaganda ng mga salita ng diyos. Makatwiran at tama ang bawat pangungusap; hindi masasabi ng mga tao ang mga salitang ito, at hindi matatagpuan ang mga ito sa Bibliya.” Sa nakaraang dalawang kapanahunan, hindi sinabi ng Diyos ang mga salitang ito. Wala rin sa Lumang Tipan o Bagong Tipan ang mga salitang gayon kalinaw at kasimpleng sinabi. Itinatala lamang ng Bibliya ang napakalimitadong bahagi ng mga salita ng Diyos. Kung titingnan ang sinasabi ng Diyos ngayon, napakasagana ng nilalaman nito. Pagkatapos, sa kanilang puso ay nakakaramdam ng selos at inggit ang mga anticristo, at nagsisimula silang magpakana sa loob-loob nila: “Napakaraming nasasabi ng ordinaryong taong ito; kailan ko rin kaya masasabi ang mga salitang ito? Gaya ng taong ito, kailan ko kaya masasabi nang walang patid ang mga salita ng diyos?” Mayroon silang gayong pag-uudyok at pagnanais sa kanilang puso. Batay sa pag-uudyok at pagnanais na ito, sa kanilang puso, naiinggit at namamangha ang mga anticristo sa mga salitang sinasabi ng Diyos. Ginagamit Ko ang mga salitang “naiinggit” at “namamangha,” batay sa pagkakasabi ng dalawang salitang ito, ang ibig Kong sabihin ay na hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at wala silang balak na tanggapin ang mga ito, kundi naiinggit sila sa masaganang nilalaman ng mga salitang ito, ang malalawak na saklaw, at ang lalim ng mga salitang ito, na sumasalamin sa lalim na hindi maaabot ng tao—at higit pa rito, naiinggit sila na ito ay mga salitang hindi nila masasabi. Mula sa mga aspektong ito ng “inggit,” maliwanag na hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salitang ito ng Diyos bilang mga pagpapahayag ng pagka-diyos, bilang ang katotohanan, o bilang ang buhay at ang katotohanan na layong gamitin ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan at tustusan ang sangkatauhan. Dahil nagagawang kainggitan ng mga anticristo ang mga salitang ito, malinaw na, sa kanilang puso, gusto rin nilang sila ang magpahayag ng mga gayong salita. Batay rito, maraming anticristo ang nagsikap nang labis nang lingid sa kaalaman ng iba, nananalangin araw-araw, nagbabasa ng mga salitang ito araw-araw, nagtatala, nagkakabisado, nagbubuod, at nag-oorganisa. Pinagsikapan nila nang husto ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos, gumawa ng napakaraming tala, at isinulat ang maraming kabatiran mula sa kanilang mga espirituwal na debosyon, nanalangin din sila nang napakaraming beses para maalala ang mga salitang ito. Ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Para isang araw ay maaari silang biglang magkaroon ng bugso ng inspirasyon at magawa nilang walang patid na makapagsalita ng mga salitang sasabihin ng Diyos, tulad ng biglaang bugso ng agos ng tubig; umaasa silang tulad ng mga salita ng Diyos, makapagtutustos ang kanilang mga salita sa mga pangangailangan ng mga tao, makapagbibigay ng buhay sa mga tao, makapagbibigay ng dapat makamit ng mga tao, at makapaggigiit sa mga tao. Ito ay para tulad ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, makakatayo sila sa perspektiba at katayuan ng Diyos, at sabihin ang mga bagay na tulad ng sinasabi ng Diyos gamit ang Kanyang tono at paraan ng pagsasalita, gaya ng ninanais nila. Pinagsumikapan ito nang husto ng mga anticristo, at hindi kalabisan na sabihin na madalas na lihim na kumukuha ang ilan sa kanila ng mga kwaderno para itala ang mga salitang gusto nilang sabihin, ang mga salitang hinihintay nilang ibigay sa kanila ng Diyos. Gayumpaman, anuman ang gawin nila, palaging hindi natutupad ang mga pagnanais ng mga anticristo, hindi kailanman nagiging totoo ang mga hinihiling nila. Kahit gaano pa sila magsumikap, kahit gaano pa sila manalangin, kahit gaano pa nila itala ang mga salita ng Diyos, o paano man nila ito kabisaduhin at i-organisa, walang saysay ang lahat ng ito. Hindi nagsasalita ang Diyos ng kahit isang pangungusap sa pamamagitan nila, ni hindi tinulutan ng Diyos na marinig nila ang Kanyang tinig kahit isang beses. Kahit gaano pa sila nananabik o gaano man sila kabalisa, sadyang hindi sila makapagsalita ng kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos. Habang mas nagiging balisa at inggit sila, at habang mas nabibigo silang makamit ang kanilang mithiin, lalo silang naiirita sa loob-loob nila. Ano ang kanilang ikinaiirita, at bakit labis silang balisa? Nakikita nila na nagdadala ng mas maraming tao ang mga salita ng Diyos sa harap Niya upang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at upang tanggapin ang Kanyang salita bilang buhay, pero walang ni isang tao ang sumasamba o humahanga sa kanila sa paanan nila, sa kanilang presensya. Ito ang nagpapabalisa at nagpapairita sa kanila. Sa kanilang pagkairita at pagkabalisa, ang iniisip at pinagninilayan pa rin ng mga anticristo ay: “Bakit ginagawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos? Bakit iba kapag pumupunta sila sa sambahayan ng diyos kumpara sa mundo ng mga walang pananampalataya? Bakit karamihan sa mga tao, pagkatapos pumunta sa sambahayan ng diyos, ay nagsisimula nang umasal nang maayos at patuloy na bumubuti? Bakit ginugugol ng karamihan sa mga tao ang sarili nila at nagbabayad ng halaga sa sambahayan ng diyos nang walang kabayaran, at kahit na kapag pinupungusan sila, hindi sila umaalis, at hindi pa nga umaalis ang ilan kahit na napaalis o napatalsik na sila? Sa kaibuturan, ang mga salita ng diyos ang tanging dahilan, ito ang epekto at papel na ginagampanan ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.” Kapag nakita ng mga anticristo ang puntong ito, lalo silang naiinggit sa mga salita ng Diyos. Kaya, pagkatapos magsumikap nang husto at hindi pa rin nila nagagawang magsalita ng mga salita ng Diyos o maging isang tagapagsalita para sa Diyos, inililipat ng mga anticristo ang kanilang tuon sa mga salita ng Diyos: “Kahit na hindi ako makapagsabi ng mga salita maliban sa sinabi ng diyos, kung makapagsasabi ako ng mga salitang kaayon ng mga salita ng diyos—kahit na mga doktrina lamang o walang kabuluhan ang mga ito—basta’t mukha itong tama sa mga tao, basta’t tila naaayon ang mga ito sa mga salita ng diyos, hindi ba’t puwede akong magkaroon ng puwang sa gitna ng mga tao? Hindi ba’t puwede akong manindigan sa gitna nila? O kung madalas kong ipangangaral at ipaliliwanag ang mga salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, madalas na ginagamit ang mga salitang ito para tulungan ang mga tao, at parang galing sa mga salita ng diyos at parang tama ang lahat ng sinasabi at ipinapangaral ko, hindi ba’t magiging mas matatag ang aking katayuan sa gitna ng mga tao? Hindi ba’t makakakuha ako ng mas maraming prestihiyo sa kanila?” Sa pag-iisip nito, nararamdaman ng mga anticristo na nakahanap na sila ng paraan para matupad ang kanilang mga hinihiling na magkamit ng katayuan, ng mas mataas na reputasyon at pagkilala, at nakikita nilang may pag-asa na makamit ito. Pagkatapos makakita ng pag-asa, lihim na nasisiyahan ang mga anticristo sa kanilang puso: “Ang talino ko hindi ba? Walang ibang nakatanto nito; bakit hindi alam ng iba ang paraang ito? Napakatalino ko! Pero gaano man ako katalino, hindi ko ito puwedeng sabihin sa iba; sapat nang alam ko ito sa aking puso.” Nagsimula nang pagsikapan nang husto ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos nang may gayong mithiin at plano sa kanilang isipan. Iniisip nila, “Dati, sinusulyapan ko lang ang mga salita ng diyos, kaswal lang akong nakikinig, at sinasabi ko ang kahit anong pumasok sa isip ko. Kailangan ko ngayong baguhin ang aking estratehiya; hindi ko na puwedeng gawin iyon, sayang ang oras. Hindi nagbunga ng resulta ang ganoong paggawa ko noon; talagang kahangalan kung magpapatuloy ako nang ganoon!” Kaya, inaayos nila ang kanilang sarili, determinado silang pagsikapan ang mga salita ng Diyos at ipangalandakan ang kanilang mga abilidad. Ano ang mga ginagawa ng mga anticristo upang ipangalandakan ang kanilang mga abilidad? Sinisiyasat nila ang paraan ng pagsasalita at tono ng pananalita ng Diyos, at sinisiyasat din nila ang partikular na nilalaman ng mga salita ng Diyos sa bawat yugto at panahon. Kasabay nito, naghahanda sila kung paano ipapaliwanag ang mga salitang ito ng Diyos, at kung kailan nila ipapangaral ang mga salita ng Diyos, kung paano sabihin at ipaliwanag ang mga ito sa paraang hahangaan at iidolohin sila ng mga tao. Kaya, unti-unti, talagang pinagsumikapan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Gayumpaman, isang bagay ang sigurado: Dahil mali ang kanilang mga motibo sa likod ng pagsisikap na ito at dahil masama ang kanilang mga layunin, ang mga salitang kanilang sinasabi, paano man sila pakinggan ng iba, ay mga doktrina lamang, mga kinopyang salita at parirala ng pananalita ng Diyos. Kaya, gaano man pagsumikapan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, wala sila mismong natatamong personal na pakinabang. Ano ang ibig sabihin ng walang natatamong pakinabang? Ibig sabihin, hindi nila tinatrato ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Hindi sila nagsasagawa, kundi nangangaral lamang, kaya walang nakikitang pagbabago sa kanila. Hindi nagbabago ang kanilang mga maling pag-iisip at pananaw, hindi nagbabago ang kanilang maling pananaw, wala silang pagkaunawa tungkol sa kanilang sariling mga tiwaling disposisyon, at ganap silang nabigo na ihambing ang kanilang sarili sa iba’t ibang kalagayan ng tao na inilarawan ng Diyos. Kaya, gaano man siyasatin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, dalawa lamang ang nakikitang kalalabasan nila: Una, kahit na tama ang mga salita ng Diyos na kanilang sinasabi, at kahit hindi mali ang kanilang mga paliwanag sa mga salitang ito, wala kang nakikitang anumang pagbabago sa kanila. Pangalawa, gaano man nila masigasig na itaguyod at ipangaral ang mga salita ng Diyos, wala silang anumang kaalaman sa kanilang sarili. Malinaw itong makikita. Ang dahilan kung bakit nagpapakita ng gayong pag-uugali ang mga anticristo ay dahil kahit na madalas nilang itaguyod at ipangaral ang mga salita ng Diyos sa iba, hindi nila mismo tinatanggap na katotohanan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila mismo tinanggap ang mga salitang ito; gusto lamang nilang gamitin ang mga ito upang makamit ang kanilang mga lihim na motibo. Umaasa silang magkamit ng katayuan at mga pakinabang na gusto nila sa pamamagitan ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at kung ituturing at sasambahin sila ng mga tao na parang diyos sila, magiging ideyal iyon. Kahit na hindi pa nila natatamo ang ganitong layon o resulta, ito ang pinakamithiin ng bawat anticristo.

Pinagsumikapan nang husto ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos; maaaring magkamali ng pagkaunawa ang ilang tao kapag narinig nila ito at magtanong, “Ibig bang sabihin nito na anticristo ang lahat ng nagsisikap sa mga salita ng Diyos?” Kung ito ang interpretasyon mo, wala kang espirituwal na pang-unawa. Ano ang pagkakaiba ng pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at ng pagsisikap ng mga naghahangad sa katotohanan? (Magkaiba ang layunin at mithiin. Pinagsisikapan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos para sa kanilang sariling kapakinabangan at katayuan, para matugunan ang kanilang mga personal na ambisyon.) Ano ang pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos? Kinakabisado nila ang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, natututunan nilang ipaliwanag ang mga salita ng Diyos gamit ang wika ng tao, at isinusulat ang mga espirituwal na tala at kabatiran. Sinasala, binubuod, at inoorganisa nila ang iba’t ibang pahayag ng Diyos, tulad ng mga pinaniniwalaan ng mga tao na umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, iyong madaling mahiwatig na may tono ng pagsasalita ng Diyos, ilang salita tungkol sa mga hiwaga, at ilang salita ng Diyos na popular at madalas na ipinapangaral sa iglesia sa loob ng isang panahon. Bukod sa pagkakabisado, pag-oorganisa, pagbubuod, at pagsusulat ng mga kabatiran, siyempre, may iba pa, kabilang na ang ilang kakaibang aktibidad. Magbabayad ng anumang halaga ang mga anticristo upang magtamo ng katayuan, matugunan ang kanilang ambisyon, at makamit ang layon nilang makontrol ang iglesia at maging diyos. Madalas silang nagpapakapuyat sa pagtatrabaho at gumigising nang madaling-araw, gumagawa nang dis-oras ng gabi at ineensayo ang kanilang mga sermon sa madaling araw, at itinatala rin nila ang matatalinong bagay na sinasabi ng iba, para lamang sangkapan ang kanilang sarili ng mga doktrinang kailangan nila para makapagbigay ng matatayog na sermon. Araw-araw nilang pinag-iisipan kung paano ipapahayag ang matataas na sermong ito, pinagmumuni-munihan kung alin sa mga salita ng Diyos ang pinakakapaki-pakinabang, at ang makapagpapahanga at makaaani ng papuri mula sa mga hinirang na tao ng Diyos, at pagkatapos ay kinakabisado nila ang mga salitang iyon. Pagkatapos ay pag-iisipan nila kung paano bigyang kahulugan ang mga salitang iyon sa paraang naipapakita ang kanilang dunong at katalinuhan. Upang talagang maikintal ang salita ng Diyos sa puso nila, sinisikap nilang makinig sa salita Niya nang ilang beses pa. Ginagawa nila ang lahat ng ito nang may pagsisikap katulad ng mga estudyanteng iyon na nakikipagkompetensiya para makapasok sa kolehiyo. Kapag may isang taong nagbibigay ng mabuting sermon, o may isang nagbibigay ng kaunting pagtanglaw, o may isang nagbibigay ng ilang teorya, titipunin at pagsasama-samahin ito ng isang anticristo at gagawin niya itong sarili niyang sermon. Walang tindi ng pagsisikap ang masyadong malaki para sa isang anticristo. Ano, kung gayon, ang motibo at intensyon sa likod ng pagsisikap niyang ito? Ito ay ang magawang ipangaral ang mga salita ng Diyos, ang masabi ang mga ito nang malinaw at walang kahirap-hirap, ang magkaroon ng kadalubhasaan sa mga ito, nang sa gayon ay makita ng iba na mas espirituwal ang anticristo kaysa sa kanila, mas mapagpahalaga sa mga salita ng Diyos, at mas mapagmahal sa Diyos. Sa ganitong paraan, maaaring makuha ng isang anticristo ang paghanga at pagsamba ng ilan sa mga taong nasa paligid nila. Pakiramdam ng isang anticristo ay may katuturang gawin ang bagay na ito at sulit ang kahit ano pang pagsisikap, sakripisyo, o paghihirap para rito. Pagkatapos ng dalawa, tatlo, limang taon ng pagsisikap na ito, unti-unting nagiging pamilyar ang mga anticristo sa paraan ng pagsasalita ng Diyos at sa nilalaman at tono ng Kanyang mga salita; kaya pa ngang gayahin ng ilang anticristo ang mga salita ng Diyos o magbigkas ng ilang pangungusap ng mga ito tuwing nagsasalita sila. Siyempre, hindi ito ang pinakamahalaga para sa kanila. Ano ang pinakamahalaga? Habang nagagawa nilang gayahin at bigkasin ang mga salita ng Diyos kapag gusto nila, nagiging higit na katulad sa diyos, at higit na katulad ng kay cristo, ang kanilang paraan ng pagsasalita, tono, at maging ang kanilang intonasyon. Ikinatutuwa ito ng mga anticristo sa kanilang puso. Ano ang ikinatutuwa nila? Lalo nilang nararamdaman na napakaganda kung magiging diyos sila, na maraming tao ang umiidolo at pumapaligid sa kanila—magiging napakarangal niyon! Iniuugnay nila ang lahat ng nakamit na ito sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon, ang nagbigay ng inspirasyon sa kanila, at higit pa, dahil sa mga salita ng Diyos kaya natutunan nilang gayahin ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos. Sa huli, dahil dito ay naramdaman nila na lalo silang gaya ng diyos, na lalo na silang napapalapit sa pagkakakilanlan at katayuan ng diyos. Higit pa rito, pinaparamdam nito sa kanila na ang kakayahang gayahin ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos, ang magsalita at mamuhay nang may paraan ng pagsasalita at intonasyon ng Diyos, ay labis na kasiya-siya, na nagiging pinakamasayang sandali nila. Narating na ng mga anticristo ang puntong ito—masasabi ba ninyo na mapanganib ito? (Oo.) Nasaan ang panganib? (Gusto nilang maging diyos.) Mapanganib ang kagustuhang maging diyos, tulad ni Pablo, na nagsabing para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Wala nang pag-asang matubos ang isang tao kapag nasabi na ang mga gayong salita. Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang daan upang maging diyos. Sa prosesong ito, ano ang nagawa ng mga anticristo? Nagsumikap na sila nang husto, gumugol ng maraming enerhiya at oras sa mga salita ng Diyos. Sa panahong ito, siniyasat at sinuri nila ang mga salita ng Diyos, paulit-ulit na binabasa, kinakabisado, at inoorganisa ang mga ito. Ginaya pa nga nila ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos habang binabasa ang Kanyang mga salita, lalo na ang mga karaniwang ginagamit na parirala sa pananalita ng Diyos. Ano ang diwa ng lahat ng kilos na ito? Dito, inilalarawan Ko ito bilang diwa ng isang negosyante na bumibili ng mga kalakal sa mababang presyo; ibig sabihin, ginagamit ng mga anticristo ang pinakamurang paraan para gawing materyal na bagay na pag-aari nila ang mga salita ng Diyos. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, ni bilang landas na dapat pasukin ng mga tao at hindi nila itinuturing ang mga ito nang gayon. Sa halip, sinusubukan nila ang lahat ng paraan upang kabisaduhin ang mga salitang ito, ang paraan at tono ng pagsasalita, sa pagtatangkang maging sila ang siyang nagpapahayag ng mga gayong salita. Kapag nagagawang gayahin ng mga anticristo ang tono at paraan ng pagsasalita ng Diyos, at nagagawang gamitin nang husto ang ganitong paraan at tono ng pagsasalita sa kanilang mga pananalita at kilos, nang namumuhay sa gitna ng mga tao, ang layunin nila ay hindi upang tapat na gawin ang kanilang tungkulin, upang gawin ang mga bagay nang may mga prinsipyo, o upang maging tapat sa Diyos. Sa halip, sa pamamagitan ng paggaya sa tono at paraan ng pagsasalita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pangangaral ng mga salitang ito ng Diyos, gusto nilang pumasok nang malalim sa puso ng mga tao at maging pakay ng pagsamba ng mga tao. Ninanais nilang umakyat sa trono sa puso ng mga tao at maghari doon, at manipulahin ang mga isipan at pag-uugali ng mga tao, sa gayon ay matamo ang mithiin na kontrolin ang mga tao.

Kung ilalarawan natin ang pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos bilang mga negosyante na murang binibili ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal, kung gayon, hindi ba’t ang paggaya ng mga anticristo sa paraan ng pagsasalita ng Diyos, ang paggamit nila ng paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos upang ipangaral ang Kanyang mga salita, ay kapareho ng pagbebenta sa salita ng Diyos bilang isang kalakal? (Oo.) Walang negosyanteng bibili ng mga kalakal na hindi nila ibinebenta kalaunan. Ang layon nila sa pagkuha at pag-aari ng mga ito ay para kumita nang mas malaki mula sa mga aytem na ito, para ipagpalit ang mga ito sa mas maraming pera. Kaya, ang lubos na pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at ang kanilang saloobin sa mga ito ay katulad lamang ng mga anticristo na kumikilos gaya ng mga negosyante para makuha ang mga ito gamit ang pinakamura, pinakamababang halaga, at pinakamadaling paraan, ginagawang kanilang sariling pag-aari ang mga ito, at pagkatapos ay ibinebenta ang mga ito sa mas mataas na halaga upang makamit ang mga pakinabang na kanilang ninanais. At ano ang mga pakinabang na ito? Ito ay ang mataas na pagpapahalaga, pag-iidolo, paghanga ng mga tao, at lalo na ang kanilang pagsunod. Kaya, karaniwan na makakikita sa iglesia ng isang penomena kung saan ang isang tao na pangunahing hindi isinasagawa ang mga salita ng Diyos at hindi kilala ang sarili ay maraming tagasunod, maraming umaasa at umiidolo sa kanya. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mahusay magsalita, magaling magpaliwanag, at madaling manlihis ng mga tao ang taong ito. Hindi niya isinasagawa ang mga salita ng Diyos, hindi rin niya pinangangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, at nabibigo rin siyang ipatupad ang gawain at mga pagsasaayos ng iglesia mula sa Itaas. Pero bakit pa rin siya nakapag-iiwan ng magandang impresyon sa ilang tao? Kapag may talagang nangyayari sa kanya, bakit pinagtatakpan at pinoprotektahan siya ng maraming tao? Bakit siya ipinagtatanggol ng ilang tao kapag isa siyang lider? Bakit may ilang tao na humahadlang na matanggal siya? Ang dahilan kung bakit nakakatanggap pa rin ng gayong pagtrato sa iglesia ang isang taong puno ng mga kapintasan, puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at hindi kailanman nagsasagawa sa katotohanan ay dahil lamang ang taong ito ay masyadong mahusay magsalita, masyadong mahusay magkunwari, at masyadong mahusay sa panlilihis ng mga tao—ganoon mismo ang mga anticristo. Kung gayon, puwede ba nating sabihin na mga anticristo ang mga gayong tao? Oo, siguradong mga anticristo ang gayong mga tao. Madalas nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, madalas nilang kinakabisado at ipinapangaral ang mga ito, madalas nilang ginagamit ang mga salita ng Diyos upang sermunan at pungusan ang iba, at ginagamit ang perspektiba at mga paninindigan ng Diyos para sermunan ang mga tao, ginagawa silang ganap na masunurin at sunud-sunuran sa kanila, at napapabilib nila ang mga tao matapos marinig ang mga engrandeng doktrina na kanilang sinasabi. Pero ang mga gayong tao ang mga hindi kailanman nakakakilala sa sarili at hindi kailanman pinapangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Kung isa silang lider, walang nagiging bisa ang mga nakatataas nilang lider. Nagiging imposibleng maunawaan ang sitwasyon sa iglesia sa ilalim ng kanilang pamumuno. Sa kanilang presensiya, hindi maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga prinsipyo at mga hinihingi na itinakda ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mga anticristo ang mga gayong tao? Tinuturing ba nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? (Hindi.) Pinagsisikapan nila ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at kaya nilang bigkasin ang ilan sa mga ito. Sa mga pagbabahaginan sa mga pagtitipon, madalas nilang binabanggit ang mga salita ng Diyos, at sa kanilang libreng oras, pinakikinggan nila ang mga recording ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipag-usap sila sa iba, ginagaya lamang nila ang mga salita ng Diyos at wala nang iba pang sinasabi. Walang kapintasan ang lahat ng kanilang ipinapangaral at sinasabi. Ang gayong tao, na tila perpekto sa panlabas, isang diumano’y “tamang tao,” ay nagdudulot ng pagkaantala ng mga pagsasaayos, hinihingi, at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos kapag nakakarating ang mga ito sa kanila. Walang ibang kinikilala ang mga tao sa ilalim nila kundi sila lamang. Ang mga nasa ilalim nila, maliban sa paggalang sa kanila at sa malabong diyos sa langit, ay walang ibang pinakikinggan at binabalewala ang lahat. Hindi ba’t isa itong anticristo? Ano ang mga pamamaraan ang ginamit nila para makamit ang lahat ng ito? Inabuso nila ang mga salita ng Diyos. Ang mga nalilito sa kanilang pananalig, walang espirituwal na pang-unawa, mangmang, magulo ang isip, gayundin ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, hindi mananampalataya, at parang mga damong hinahangin, ay itinuturing ang anticristo bilang isang espirituwal na tao. Itinuturing nila ang mga salita at doktrinang ipinapangaral ng anticristo bilang ang katotohanang realidad at itinuturing ang anticristo bilang pakay ng kanilang pagsunod. Habang sumusunod sila sa anticristo, naniniwala silang sumusunod sila sa Diyos. Ginagamit nila ang kanilang pagsunod sa anticristo para palitan ang pagsunod sa Diyos. Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi pa nagsasalita o nagbabahagi ang aming lider; kahit basahin namin ang mga salita ng Diyos, hindi namin ito mauunawaan nang kami lang.” “Wala ang aming lider dito—nananalangin kami sa Diyos tungkol sa isang bagay pero hindi kami makapagtamo ng kaliwanagan; binabasa namin ang mga salita ng Diyos pero hindi namin maunawaan ang landas. Kailangan naming hintayin na makabalik na ang aming lider.” “Abala ang aming lider sa mga araw na ito at wala siyang oras na lutasin ang aming mga isyu.” Kung wala ang kanilang amo, hindi marunong manalangin ang mga taong ito, o kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hindi nila natutunan na hanapin at umasa sa Diyos o hanapin ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos nang sila lang. Kung wala ang kanilang amo, para silang mga bulag na tao, parang dinukot ang kanilang puso. Ang kanilang amo ang kanilang mga mata, pati na ang kanilang mga puso at baga. Naniniwala sila na ang kanilang amo ang pinakamahusay sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kung wala ang kanilang amo, wala silang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos nang sila lang at kailangan nilang hintayin ang kanilang amo na bumalik para magdasal-magbasa at ipaliwanag ang mga salita ng Diyos sa kanila para maunawaan nila. Naniniwala ang mga taong ito sa kaibuturan nila na ang kanilang amo ang kanilang sugo na makakatulong sa kanila na makalapit sa Diyos. Ang makamit ang gayong “epekto” ay isang bagay na ikinalulugod ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso: “Nagbunga na sa wakas ang lahat ng taon ng aking pagsisikap; sa wakas, hindi nasayang ang oras na aking ginugol. Tunay na nagbibigay gantimpala ang pagsisikap sa mga taong matiyaga—kahit ang isang bakal ay maaaring gilingin para maging karayom kung may sapat lamang na pagpupursigi. Sulit ang pagsisikap na ito!” Sa pagkarinig na hindi kayang mabuhay ng kanilang mga tagasunod nang wala ang mga anticristo, hindi nakokonsensiya sa kanilang kaibuturan ang mga anticristo. Sa halip, lihim silang nagagalak, iniisip, “Talagang dakila ang mga salita ng diyos. Tama ang naging desisyon ko noon; tama ang naging pagsisikap ko sa loob ng maraming taon, at napatunayang tama at nagbunga ang aking pamamaraan sa loob ng maraming taon.” Lihim silang natutuwa. Bukod sa wala silang nararamdamang pagkakasala, pagsisisi, o poot para sa kanilang masasamang kilos, lalo pa silang nagiging kumbinsido at tiyak na tama ang kanilang pamamaraan. Kaya, sa darating na panahon, sa kanilang buhay sa hinaharap, balak nilang pag-aralan ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos gaya ng dati, at gawin ito nang mas masigasig kaysa dati, at mas lalo pang gayahin nang mas malawakan at malalim ang paraan ng pagsasalita at ang mga salitang ginagamit ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.