Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalimang Bahagi) Unang Seksiyon
III. Kinamumuhian ang mga Salita ng Diyos
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang ating pagbabahaginan noong nakaraan, na nagtalakay sa ikasampung pagpapamalas ng mga anticristo—kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Nahahati ang aytem na ito sa tatlong seksyon. Ang unang dalawa ay napagbahaginan na, at ngayon ay pagbabahaginan natin ang ikatlo: Kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Noong nakaraan, ang ilang pagpapamalas at kasabihan tungkol sa aspektong ito ay napagbahaginan na, tulad ng kung paanong ang mga anticristo ay nagdududa sa mga salita ng Diyos, hindi naniniwala sa mga ito, at napupuno ng pagkamausisa tungkol sa mga ito, walang anumang elemento ng paniniwala at binubuo lang ng pagdududa, pagsubok, at espekulasyon. Sa madaling salita, hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni hindi nila isinasagawa ang mga ito. Kapag nahaharap sa mga usapin, hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa puso nila, madalas silang nagkikimkim ng pagdududa, paglaban, at pagtanggi sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng ito ay masasabing mga pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mas malalalim at partikular na mga saloobin at kilos ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, para himayin kung paano mismo nila kinamumuhian ang mga salita ng Diyos. Tungkol sa kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan sa kada aytem. Hindi ba’t magiging mas malinaw ang ganitong paraan? (Oo.) Kung magbabahagi Ako sa pangkalahatang paraan ngayon, at kayo ay nagtataglay ng partikular na kakayahang makaarok, sapat na kakayahan, at espirituwal na pang-unawa, at madalas na nakakatanggap ng liwanag mula sa mga salita ng Diyos, kung gayon, ang dati Kong ibinahagi ay talagang sapat na para sa inyo. Gayumpaman, karamihan sa mga tao ay hindi nagtataglay ng kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos; hindi nila naaabot ang antas kung saan maituturing nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan na dapat arukin. Samakatwid, kailangan nating pagbahaginan ang kada aytem. Ang paksang ito ay partikular na nahahati sa ilang mas maliit na seksyon.
A. Pinakikialaman at Binibigyang-kahulugan ng mga Anticristo Nang Wala sa Katwiran ang mga Salita ng Diyos
Ang unang aytem ay na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos. Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang aspektong ito sa pamamagitan ng ilang partikular na halimbawa, bagama’t hindi partikular at detalyado ang paghihimay, kundi pahapyaw lang. Ano ang mga pagpapamalas ng mga anticristo na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos? Sa aytem na ito, paano kumikilos ang mga anticristo? Ang katunayan na ang mga anticristo ay nagpapakita ng gayong pag-uugali at kumikilos nang gayon sa mga salita ng Diyos ay nagpapahiwatig, mula sa pananaw ng kalikasan nila, na hindi nila pinaniniwalaan sa puso nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na ang mga ito ay banal, at hindi nalalabag. Anumang aspekto ng mga salita ng katotohanan ang ipahayag ng Diyos, ito man ay tila simple o malalim para sa mga tao, ito ay mga salita ng Diyos pa rin, ito ang katotohanan, at hindi mahihiwalay sa buhay pagpasok, pagbabago ng disposisyon, at kaligtasan ng isang tao. Gayumpaman, hindi ito nakikita ng mga anticristo sa ganitong paraan; wala silang kamalayan dito sa puso nila, ni wala sila ng gayong kabatiran o pagkaunawa. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala ang malaking kahalagahan ng mga salita ng Diyos para sa buhay pagpasok ng isang tao. Sa kabaligtaran, naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos, sa panlabas, ay tila mga salita lang ng tao, at medyo ordinaryo. Tila mahalaga lang ang mga ito dahil lahat ng sumusunod sa Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang iglesia ay tinawag ang mga ito na “mga salita ng Diyos.” Pero sa realidad, sa panlabas, ang mga salita ng Diyos ay tila mga karaniwang parirala na madalas sabihin ng mga tao. Sa literal, naglalaman ang mga salitang ito ng mga elemento ng wika ng tao, naglalaman ang mga ito ng lohika, pag-iisip, at diksiyon ng wika ng tao, kasama ang ilang kolokyal na ekspresyon, idyoma, kasabihan, at maging ang ilang salawikain na may dalawang bahagi. Hindi nakikita ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang bagay na dakila, hindi maunawaan, o malalim tulad ng maaaring isipin ng iba, hindi tulad ng mga maalamat na kasulatan mula sa langit. Para sa kanila, payak at karaniwan lang ang mga ito. Kaya, pagkatapos ng masusing pagsisiyasat, sa huli ay nakakabuo sila ng isang depinisyon sa puso nila: Ang mga salitang ito ay karaniwang wika lang, medyo praktikal, isang bagay na dapat basahin ng mga mananampalataya, mga salitang makakatulong sa pag-uugali at pananalig ng isang tao. Pagkatapos ng maraming pagbabasa, ito ang kongklusyon na nabubuo nila. Maging ang ilang anticristo at hambog na tao ay dinadampot ang mga salita ng Diyos at nagbabasa ng napakaraming kabanata at pahina sa isang upuan lang. Binabasa pa ng ilan ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao mula umpisa hanggang dulo sa loob ng isang buwan, na nag-iiwan ng ilang malalim na impresyon sa isipan at pag-iisip nila. Nagkakamit sila ng pangkalahatang pagkaunawa sa ilang espirituwal na terminolohiya, sa tono at paraan ng pananalita ng Diyos, at maging sa nilalaman ng mga salita ng Diyos sa iba’t ibang yugto. Pagkatapos magbasa, sinasabi nila, “Pangkaraniwan lang ang mga salita ng diyos. Nabasa ko na ang lahat ng ito sa isang upuan lang at naunawaan ko ang pangkalahatang nilalaman ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng diyos. Kaya, hindi ganoon kalalim ang mga salita ng diyos. Ang iangat ang mga salita ng diyos sa antas ng katotohanan, bilang isang bagay na mahalaga para sa buhay pagpasok ng mga tao, ay tila isang kalabisan.” Samakatwid, paano man nila tingnan ang mga salitang ito, ang pinakadepinisyon nila sa mga salita ng Diyos sa puso nila ay na ang mga ito ay hindi kasinlalim o kasinghirap unawain tulad ng iniisip ng mga tao. Ang sinumang may pinag-aralan at may mata ay mauunawaan ang mga ito. Pagkatapos ng paulit-ulit na pagbabasa, bukod sa nabigo silang kilalanin o maunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok na dapat maunawaan ng mga tao mula sa mga salita ng Diyos, nagkakamit ng kaliwanagan, pagtustos, at tulong mula sa mga ito, nararamdaman din nila na ang mga salita ng Diyos ay malayo sa katotohanan at sa mga kasulatan mula sa langit. Pagkatapos mabuo ang gayong kongklusyon, mas lalo pang kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos ay ganito lang, na ang Diyos ay ganito lang, at na ang katotohanan ay ganito lang. Dahil sa gayong saloobin at pagkaunawa, ang panloob na paninindigan ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay nagdudulot ng lalo pa nilang pagkamuhi sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ginagamit nila ang kanilang kaalaman at talino, umaasa sila sa kanilang mga alaala at angking talas, para mabilis na maarok ang nilalaman at ang diumano’y mga prinsipyo ng mga salitang ito, pati na rin ang ilang tono, estilo, at diksiyon na ginamit sa mga ito, ang diksiyon nito ay naglalaman ng mga karaniwang ekspresyon at idyoma. Dahil dito, nararamdaman nilang nakamit na nila ang lahat at nasa kanila na ang lahat. Ang gayong pagkaunawa at saloobin ay nagdudulot ng lalo pa nilang walang pakundangang pagkamuhi at pagkuwestiyon sa mga salita ng Diyos sa puso nila at ng lalo pang pagdududa sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos.
Kung titingnan mula sa kalikasan ng mga anticristo, makikita na sila ay tutol sa katotohanan, namumuhi sa mga positibong bagay, namumuhi sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at namumuhi sa katapatan, pagiging totoo, at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Ang serye ng pagkamuhing ito ay nagdudulot sa mga anticristo na isagawa nang hindi namamalayan at natural ang ilang nakakasuklam na mga kilos na kinamumuhian at kinokondena ng Diyos. Kasama sa mga kilos na ito ang pakikialam at pagbibigay-kahulugan nang wala sa katwiran sa mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pakikialam? Hindi naniniwala ang mga anticristo na may katotohanan sa mga salita ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay kayang magbigay ng buhay sa mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang mga salitang ito ang pundasyong inaasahan ng tao para mabuhay at ang direksiyon at landas para sa pag-unlad ng tao. Samakatwid, hindi nila nauunawaan kung bakit nagsasalita ang Diyos sa mga ganitong paraan, ni hindi nila alam kung bakit sinasabi ng Diyos ang mga gayong salita sa isang partikular na konteksto, at lalong wala silang ideya kung bakit sinasabi ng Diyos ang mga partikular na nilalamang ito. Tungkol sa kung paano lumitaw ang mga nilalamang ito, kung ano ang iniisip ng Diyos, at kung ano ang pakay ng Diyos na obserbahan, isakatuparan, at idulot sa mga tao habang sinasabi ang mga salitang ito, pati na rin—sa loob ng mga salitang ito—ang lahat ng pakay ng Diyos na makamit, ang Kanyang mga layunin, at ang katotohanan, ang mga anticristo ay ganap na walang ideya at ignorante—sila ay mga walang alam pagdating dito. Samakatwid, sa puso nila, madalas nilang nararamdaman na hindi dapat sinabi ng Diyos ang pariralang ito sa ganoong paraan, na dapat sumunod ang pangungusap na iyon sa pangungusap na ito, na dapat ipahayag ang pangungusap na ito sa ganitong paraan, na dapat magkaroon ang siping ito ng ganitong tono o ng ganoong intonasyon, na hindi tama ang pagpili ng salitang ito, at na walang pagsasaalang-alang at hindi akma sa pagkakakilanlan ng Diyos ang terminong iyon, kaya nabubuo ang mga opinyon nila. Sa mga mata nila, ang mga salita ng Diyos ay hindi kasingganda ng mga akda ng sinumang sikat o dakilang tao sa mundo. Pakiramdam nila, ang pananalita ng Diyos ay hindi sapat na masusi, na ito ay masalimuot, at na ang ilang salita, kung masusing sisiyasatin at kung tutuusin, ay hindi umaayon sa mga panuntunan ng gramatika at leksikon ng tao. “Paanong magkakaroon ng katotohanan sa mga salitang ito? Paanong magiging mga salita ng diyos ang mga ito? Paanong ang mga ito ay magiging ang katotohanan?” Nagkakalkula at nagbubulay ang mga anticristo sa puso nila, at kasabay nito ay nagdududa at kumokondena sila. Nang may gayong saloobin, gayong pag-iisip, at gayong pananaw sa mga salita ng Diyos, inihahanda ng mga anticristo ang mga maladiyablo nilang kuko.
Naaalala Ko na ilang taon na ang nakalipas, may isang insidenteng nangyari sa pangkat ng mga gumagawa ng himno. Gusto nilang lumikha ng musika para sa isang mahalagang sipi ng mga salita ng Diyos na aawitin sa iglesia. Habang ginagawa ang komposisyon, natuklasan nila na ang haba ng pananalita ng Diyos at ang bilang ng mga salita ay hindi tugma sa melodiya; ang bawat linya ng mga liriko ay may masyadong maraming salita. Bukod dito, kung ilalapat sa mga salita ng Diyos ang buong melodiya ng awit, nagmumukhang masyadong marami at masyadong mahaba ang mga salita. Kaya, ano ang solusyon nila? Nakahanap sila ng paraan: Iniba nila ang ilang parirala at diksiyon ng mga salita ng Diyos nang hindi binabago ang mismong kahulugan ng mga ito—halimbawa, ang idyomang may apat na karakter ay ginawa nilang may dalawang karakter lamang, o tinanggal nila ang mga pangungusap na tila mahaba, hindi kailangan, at walang saysay. Ayon sa prinsipyong ito, inilapat nila ang binagong bersiyon ng mga salita ng Diyos sa musika at ipinalaganap ito sa iglesia para kantahin. Karamihan sa mga tao, na magulo ang isip, ay inakalang ito ay isang himno ng mga salita ng Diyos, pero sino ang mag-aakala na ang naturang sipi ay hindi talaga mga salita ng Diyos? Ito ay isang siping wala sa katwirang binago at pinaikli ng mga anticristo, pinakialaman at iniba. Kalaunan, nang ang himnong ito ay inihahanda para sa isang programa, tinanong Ko kung sa aling kabanata ng mga salita ng Diyos nakabatay ang naturang himno. Sinabi nila sa Akin na ito ay batay sa unang sipi ng isang partikular na kabanata. Hinanap Ko ang siping iyon at ikinumpara ito sa nasa aklat ng himno, at labis Akong nabigla. Ang sipi sa aklat ng himno ay naturingang isang napiling bahagi mula sa kabanatang iyon ng mga salita ng Diyos, pero ito ay lubhang iniba na hindi na ito makilala. Nawala ang tono ng pananalita, maraming mahalagang salita ang tinanggal, magulo ang nilalaman ng pananalita, at maging ang pagkakasunud-sunod ng mga salita ay nabaligtad. Kung walang nagsabi sa Akin na kinuha ang siping ito mula sa isang partikular na kabanata ng mga salita ng Diyos, sa palagay Ko ay walang makakatukoy kung sa aling kabanata ito nagmula; hinding-hindi ito tumutugma sa orihinal. Sa panlabas, ginagampanan ng mga taong ito ang kanilang tungkulin: Sa pagsasalin ng mga salita ng Diyos sa musika para kantahin at isaisip ng lahat, maaaring patuloy na pamunuan at gabayan ng mga salita ng Diyos ang mga tao, at maaaring tulungan nito ang mga tao na pumasok sa mga salita ng Diyos. Kamangha-manghang gawa ito! Gayumpaman, dahil sa ganap na kawalan ng mga anticristo ng may-takot-sa-Diyos na puso, itinuring nila ang mga salita ng Diyos na parang mga salitang sinabi ng mga ordinaryong tao na nag-uusap, wala sa katwirang nagtatanggal mula sa mga ito at pinapakialaman ang mga ito. Nang hindi nagtatanong ng ni isang tanong at nang walang pahintulot o pagsang-ayon ng sinuman—o maging ng anumang awtorisasyon mula sa sinuman—ganap nilang binago ang mga salita ng Diyos, at gayumpaman, pinaniniwala nila ang mga tao na ginagampanan nila ang tungkulin nila, na inilapat nila ang mga salita ng Diyos sa musika. Anong uri ng pag-uugali at pamamaraan ito? Anong disposisyon mayroon ang mga taong may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan? Ang mga gumagamit ng gayong paraan, tumatrato sa mga salita ng Diyos nang may gayong saloobin, may anumang takot ba talaga sa puso nila sa paraan nila ng pagtrato sa mga salita ng Diyos? Pinahahalagahan ba nila ang mga salita ng Diyos? Itinuturing ba nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Batay sa kanilang walang-galang at kaswal na saloobin sa mga salita ng Diyos, hindi lang sa hindi nila pinahahalagahan ang mga ito, kundi itinuturing din nila ang mga salita ng Diyos bilang mga laruan, kaswal na iniiba ang mga ito ayon sa kagustuhan nila. Hindi ba’t ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay nagpapahiwatig ng saloobin nila sa Diyos Mismo? (Oo.) Parehong-pareho ito. Kumakatawan sa Diyos Mismo ang mga salita ng Diyos; ang mga ito ay isang pagpapahayag ng Diyos, isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon, at isang pagbubunyag ng Kanyang diwa. Kung ang mga tao ay labis na walang galang at kaswal sa mga salita ng Diyos, hindi na kailangang sabihin pa kung paano nila tinatrato ang Diyos Mismo. Napakalaki na ng ipinapahiwatig nito.
Sa panlabas, sumusunod sa Diyos ang mga tao, tinatalikuran ang kanilang sarili, gumugugol, at nagtitiis ng paghihirap para sa Kanya, pero ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay napakawalang galang at kaswal. Ang mga anticristo ay maaari pa ngang palamutian nang maganda ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, maaaring balutin nila ito ng tela, at iimbak ito sa pinakaligtas na lugar. Pero ano ang mapapatunayan nito? Maipapakita ba nito na pinahahalagahan nila ang mga salita ng Diyos, na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso? Mapagtatakpan ba ng mga panlabas na kilos na ito ang walang-galang nilang saloobin sa mga salita ng Diyos? Hindi. Sa tuwing binabasa nila ang mga salita ng Diyos, palagi nilang iniisip na ibahin ang ilang termino, pagpapahayag, at tono sa mga ito. At hanggang saan umaabot ang kapangahasan ng ilang anticristo? Kapag nakakita sila ng isang bagay sa mga salita ng Diyos na hindi tumutugma sa mga kuru-kuro nila, o sa tingin nila ay hindi tama ang pagpili sa mga salita o kaya ay mali ang gramatika, o kahit kapag naniniwala silang mali ang isang bantas, malakas nilang ipapahayag at papalakihin ang usapin, nais nilang malaman ng buong mundo ang tungkol sa isang maling bantas, isang pagpili ng salitang hindi angkop, o isang pahayag sa mga salita ng Diyos na tila hindi makatwiran. Ikinakalat nila ito nang may mapanlait at mapanghamak na tono. Tila sa mga sandaling ito, sa wakas ay natagpuan na nila ang itinuturing nilang ebidensiya ng mga pagkakamali sa mga salita ng Diyos, isang bagay na maaari nilang magamit, isang kapintasan, at sa wakas ay mapapanatag nila ang sarili nila sa kanilang puso na may mga pagkakamali rin ang mga salita ng Diyos at na hindi perpekto ang Diyos. Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Pakay ng mga anticristo na hanapan ng mga pagkukulang at pagkakamali ang mga salita ng Diyos; ito ay isang saloobin ng pagkamapanlaban, hindi ito saloobin ng pagpapasakop at pagtanggap. Yamang napag-uusapan na ang tungkol sa mga anticristo na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos, puwede bang ituring na pakikialam sa mga salita ng Diyos ang insidenteng nangyari sa pangkat ng mga gumagawa ng himno na nabanggit kanina lang? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng tao ang mag-iiba ng mga salita ng Diyos nang wala sa katwiran? Mayroon ba silang anumang takot sa Diyos? (Wala.) Anong disposisyon ito? Una, itinuturing ba nila ang mga salita ng Diyos bilang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang turing nila sa mga salita ng Diyos? Itinuturing nila ang mga ito na mga salita ng tao. Maaaring katanggap-tanggap na ibahin ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng mga tao kung hindi magkakaugnay o hindi perpekto ang mga salita, pero ang mangahas na gawin iyon sa mga salita ng Diyos, ano ang kalikasan nito? Hindi ba’t ito ay pagkilos nang sinasadya at walang pakundangan nang walang may-takot-sa-Diyos na puso? Ang mangahas na magkomento at baguhin ang mga salita ng Diyos nang wala sa katwiran, ang baguhin ang mga ito sa tuwing hindi umaayon ang mga ito sa sariling mga ideya o pananaw ng isang tao—malubha ba ang kalikasan nito? (Oo.)
Sino pa ang sangkot sa pakikialam sa mga salita ng Diyos? Sa proseso ng pangangaral sa ebanghelyo, nababasa ng ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang mga salita ng Diyos at nagkakaroon sila ng iba’t ibang kuru-kuro tungkol sa tono, estilo, perspektiba ng Kanyang pananalita, at maging sa pagpili ng mga salita at mga panghalip na ginamit, kasama ang marami pang ibang aspekto. May iba’t ibang kuru-kuro ang iba’t ibang tao; may iba’t ibang panlasa at kahingian ang mga mula sa iba’t ibang denominasyon. Sinasabi ng ilang miyembro ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo, “Mahirap ipangaral ang ebanghelyo sa ganitong paraan! Masyadong malupit ang ilan sa mga salita ng diyos; gamit ang ilan dito, parang isinusumpa niya ang mga tao. Ang mga ito ay hinding-hindi malumanay, walang pagmamahal, at pawang pang-araw-araw na wika lang. Ang ilan ay partikular na nakatuon sa partikular na mga etnisidad, samantalang nagbubunyag ang iba ng mga misteryo—hindi tinatanggap ng mga tao ang anuman sa mga ito! Nagiging balakid ang mga salitang ito para tanggapin ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang bagong gawain ng diyos. Ano ang dapat nating gawin?” Sabi ng isang tao, “May solusyon ako. Dahil hindi matanggap ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang bagong gawain ng diyos dahil sa mga salitang ito, bakit hindi na lang tanggalin ang mga ito? Markahan ang lahat ng salita at nilalaman na ayaw tanggapin ng mga tao, kahit na isang pangungusap lang ito, at alisin ang mga ito kapag maglilimbag na. Sa ganitong paraan, kapag binasa ito ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, wala nang mga salitang makakasakit sa kanilang dangal o mga damdamin, ni wala nang anumang kokontra sa mga kuru-kuro nila. Magiging angkop ang lahat ng salita ng diyos, hindi magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro ang mga tatanggap, at matatanggap nila nang maayos ang bagong gawain ng diyos.” Sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo, may ilan talagang gumawa nito, at nang hindi man lang nagtatanong o humihingi ng pahintulot mula sa Itaas, inilimbag nila at malawakang ipinamahagi ang mga booklet na naglalaman ng mga pinaikli at pinakialamang mga salita ng Diyos na ito. Alang-alang sa kaginhawahan nila sa gawain, para magkamit ng mas maraming tao, para ipakita ang kakayahan nila sa gawain, at para magmukhang tapat sa tungkulin nila, inimbento nila ang pamamaraang ito at isinagawa pa nga ito sa pamamagitan ng paglilimbag nito sa isang aklat. Pero ganap na naiiba ang aklat na ito mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Hindi ba’t ang pamamaraang ito ay pakikialam sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Napagtatanto ba ng karamihan sa mga tao na ang pakikialam sa mga salita ng Diyos ay isang paraan ng paglaban sa Diyos? (Oo.) Mayroon bang ganitong kabatiran ang karamihan sa mga tao? Ngayon, pagkatapos ng napakaraming pagbabahaginan, madali ninyong masasabi na mayroon. Ngunit kung kayo ay nangangaral ng ebanghelyo tatlo o limang taon na ang nakalipas, magkakaroon ba kayo ng kabatiran na hindi dapat ibahin ang ni isang salita o pangungusap ng Diyos? Magkakaroon ba kayo ng gayong may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Kaya, sa anong konteksto kayo mawawalan ng ganitong kabatiran? Ito kaya ay sa konteksto ng ganap na kawalan ng isang may-takot-sa-Diyos na puso na mangangahas kayong pakialaman nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos? Kung ganap na walang may-takot-sa-Diyos na puso ang isang tao, mangangahas siyang pakialaman nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos, na binabago ang orihinal na kahulugan, ang paraan ng pananalita ng Diyos, at ang ninanais na epekto ng isang partikular na sipi ng mga salita ng Diyos, na tinatanggal ang mga layunin, buod, at diin ng sinasabi ng siping ito—lahat ng ito ay katumbas ng pakikialam.
Ilang taon na ang nakakalipas, sa isang pagkakataong nakasalamuha ko ang isang miyembro ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo, nagtanong siya: “Kapag nagpapatotoo tungkol sa bagong gawain ng diyos sa isang tiyak na pangkat etniko, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at ayaw nilang pakinggan ang mga bahagi kung saan inilalantad sila ng diyos, at mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa mga bahaging ito. Kaya’t ang mga salitang ito ay nagiging hadlang sa pagtanggap nila sa bagong gawain ng diyos. Iniisip naming ibahin ang mga salitang iyon. Kapag naiba na ang mga ito, magagawa na nilang tanggapin ang mga ito at hindi na sila magkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa bagong gawain ng diyos o sa pagkakatawang-taong ito ng diyos.” Ano ang palagay ninyo sa tanong na ito? Kung hindi dahil sa pagkakataong ito na magtagpo at talakayin ang gawain ng ebanghelyo, maaaring iniba na nila ang mga salitang ito. Marahil, ayon sa mga imahinasyon nila, tatlo, lima, sampu, o higit pang tao mula sa pangkat etnikong iyon ang maaaring tumanggap sa bagong gawain ng Diyos kung gayon. Pero isantabi muna natin iyan, ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay palaging gustong baguhin ang mga salita ng Diyos para umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Palagi nilang gustong tanggalin ang mga salita kung saan inilalantad at hinahatulan ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, kung saan inilalantad Niya ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ano ang kalikasan ng gayong pag-uugali? Ang ganitong klase ng kilos ba ay sumasalamin sa may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Sa Aking pananaw, hindi ito dahil sa ang mga tao ng isang partikular na pangkat etniko o denominasyon ay may mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos; pangunahing ang mga taong nangangaral ng ebanghelyo ang may mga kuru-kuro. Hindi pumapasa sa kanila ang mga salita ng Diyos; sinasalungat at tinututulan nila ang mga ito sa kaibuturan nila, ayaw nilang pakinggan at hindi nila gusto ang mga salitang ito mula sa Diyos. Naniniwala sila na kung talagang mga salita ito ng diyos, dapat ay mapagmahal ang mga ito at hindi inilalantad ng mga ito ang mga tao nang hayagan at direkta, na para bang sinasampal ang mukha nila. Kaya, mariin nilang iginigiit, na kung ipapangaral nila ang ebanghelyo, puwede bang alisin ang mga salitang ito? Para ipangaral ang ebanghelyo at makamit ang mga tao, puwede bang makipagkompromiso ang Diyos kahit isang beses lang, magsalita nang mas maingat at kaaya-aya? Para mas maraming tao ang tumanggap sa bagong gawain ng Diyos, para makapagdala ng mas maraming tao sa harap ng Diyos, puwede bang baguhin ng Diyos ang Kanyang estratehiya at paraan ng pananalita, magkompromiso Siya at magbigay-daan sa tiwaling sangkatauhan, yumuko, humingi ng paumanhin, at humingi ng kapatawaran? Kaya, ang problema ay pangunahing nasa mga manggagawa sa ebanghelyo, hindi sa mga tao ng anumang partikular na denominasyon. Nang hindi iniiba ang kahit isang salita o pangungusap ng mga salita ng Diyos, at dahil ang mga salita ng Diyos ay kayang magdulot ng mga kuru-kuro sa lahat ng tao, marami pa rin ang unti-unting lumalapit sa Diyos at tumatanggap sa Kanyang bagong gawain. Napigilan ba ng mga kuru-kuro nila ang pagtanggap nila sa bagong gawain ng Diyos? Hindi naman. Kung ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos ay hindi kailangan ng tao at hindi sumasalamin sa totoong kalagayan ng tao, magiging katanggap-tanggap na hindi tanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at maaaring ikonsidera ng Diyos ang pagbabago sa Kanyang paraan ng pananalita at sa nilalaman ng Kanyang pananalita. Gayumpaman, ang bawat salita at pangungusap na sinasabi ng Diyos ay sumasalamin sa totoong sitwasyon ng tao at may kinalaman sa buhay pagpasok at kaligtasan ng tao. Kung ang mga tao ay may mga kuru-kuro at hindi kayang tanggapin ang mga ito, pinapatunayan nito na ang mga tao ay buktot, marumi, at napakalalim ng pagkatiwali, at na hindi sila karapat-dapat na lumapit sa Diyos. Hindi nito pinapatunayan na mali ang mga salita ng Diyos o na hindi ang katotohanan ang mga ito.
Ano ang dapat gawin sa tiwaling sangkatauhan na may mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos? Ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay nadiligan na ng mga salita ng Diyos at napakinggan na nila ang mga ito sa loob ng napakaraming taon. Lalo na kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ninyo, sa teorya lang, ang mga pangitain ng gawain ng Diyos, ang mga layunin ng Diyos, ang layon ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa tao—hindi ba ninyo naunawaan, naalala, at naarok ang lahat ng aspektong ito ng katotohanan? Kung nasangkapan ka ng lahat ng ito, matatakot ka pa rin ba sa mga taong may mga kuru-kuro? Kung natatakot ka, dapat maagap mong linawin sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo; magpatotoo ka sa kanila tungkol sa mga layunin ng Diyos, ipaliwanag mo ang katotohanan nang malinaw! Kung matapos ang napakaraming taon ng pakikinig sa mga salita ng Diyos ay hindi mo pa rin maipaliwanag o mailinaw ang mga ito, ganap kang walang silbi! Ginagampanan mo ang tungkuling ito, at araw-araw ay tinatalakay mo ang mga paksa, nilalaman, usaping ito—bakit mo pa rin iisiping gumamit ng gayong kasuklam-suklam na pamamaraan tulad ng pakikialam sa mga salita ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo at magkamit ng mga tao? Sa panlabas, ito ay tila isang pagkakamali lang, isang kasuklam-suklam na pamamaraan, isang pagpapakita ng kawalang-kakayahan, pero sa diwa, ito ay walang-dudang pagpapamalas ng diwa ng isang anticristo—wala nang iba pa. Ang mga tao ng Diyos ang siyang nagpapahalaga sa salita ng Diyos, nagmamahal sa salita ng Diyos, natatakot sa salita ng Diyos, gumagalang sa bawat salita at pangungusap na winiwika ng Diyos pati na rin kung paano Siya magsalita, ang kuru-kuro sa sinasabi Niya, at kung ano ang sinasabi Niya sa bawat sipi. Ang mga kaaway lamang ng Diyos ang madalas na manuya at mangutya sa Kanyang mga salita. Hinahamak nila ang mga ito. Hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, bilang mga salitang ipinahayag ng Lumikha. Kung kaya, sa kanilang mga puso, madalas nilang ninanais na baguhin ang mga salita ng Diyos at ipaliwanag ang mga ito nang walang katwiran. Tinatangka nilang gamitin ang kanilang mga pamamaraan, ang paraan ng kanilang mga pag-iisip at ang lohika ng kanilang pag-iisip upang baguhin ang mga salita ng Diyos, upang umayon ang mga ito sa mga tiwaling kagustuhan ng tao, mga tiwaling kuru-kuro ng tao, at tiwaling paraan ng pag-iisip at pilosopiya ng tao, sa pagsisikap na makamit sa huli ang pagkilala mula sa mas maraming tao. Ang salita ng Diyos ay salita ng Diyos, saanmang bahagi ito sa mga salita ng Diyos, sa paanong paraan man ito sinalita, at sa alinmang kuru-kuro ito winiwika. Upang ang tiwaling sangkatauhan ay mas maging handang makaunawa, mas magpahalaga, at mas madaling magkamit ng salita ng Diyos, upang maunawaan nila ang katotohanan sa Kanyang mga salita, madalas na gumagamit ang Diyos ng mga wika ng tao, mga pamamaraan ng tao, maging ang mga paraan, tono ng pananalita, at pasalitang lohika na mas madali para sa mga taong maarok, para ipaliwanag ang Kanyang mga layunin at sabihin sa sangkatauhan kung ano ang dapat nilang pasukin. Gayunman, ang mismong mga pamamaraang ito na hindi kapansin-pansin at itong tonong hindi kapansin-pansin, at iba’t ibang salitang hindi kapansin-pansin ang siyang sinasamantala ng mga anticristo upang kondenahin ang Diyos at itanggi na ang Kanyang salita ay katotohanan. Ganito nga ba ang nangyayari? (Oo.) Madalas na gumagamit ang mga anticristong ito ng kaalaman at ng mga gawain ng mga kilalang tao, maging ng mga talumpati, diksiyon, at pag-uugali ng mga kilalang tao, para ikumpara sa mga salita ng Diyos. Habang mas naghahambing sila, lalo rin nilang nararamdaman na ang mga salita ng Diyos ay masyadong mababaw, masyadong tuwiran, masyadong kolokyal. Kaya, lalo nilang gustong ibahin ang mga salita ng Diyos, para “itama” ang mga ito, pati na rin para “itama” ang tono, estilo, at perspektiba ng pananalita ng Diyos. Paano man magsalita ang Diyos o gaano man karaming kapakinabangan ang dala ng Kanyang mga salita sa tao, sa puso ng mga anticristo, hindi nila kailanman itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, o ang landas para sa buhay pagpasok sa mga salita ng Diyos. Sa halip, patuloy nilang tinitingnan ang mga salita ng Diyos mula sa perspektiba ng pagsisiyasat, nang may saloobin ng pag-aaral, nang may saloobin ng masusing pagsisiyasat at pag-iimbestiga. Pagkatapos ng lahat ng pagsisiyasat at pag-iimbestiga, nararamdaman pa rin nilang marami sa mga salita ng Diyos ang kailangang baguhin at amyendahan. Kaya, para sa mga anticristo, mula sa araw na una nilang nakatagpo ang mga salita ng Diyos hanggang ngayon—matapos maniwala sa loob ng 10, 20, o 30 taon—sa kaibuturan nila, hindi pa rin sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay naglalaman ng buhay, ng katotohanan, ng pintuan papunta sa kaharian o ng landas patungo sa langit na binabanggit ng mga tao. Hindi nila ito makita, at hindi nila ito matuklasan. Kaya, ano ang nararamdaman nila? Nagtataka sila kung bakit habang mas naniniwala sila, lalo rin nilang nararamdaman na masyadong kolokyal ang mga salita ng Diyos. Nagtataka sila kung bakit habang mas naniniwala sila, lalo rin silang nawawalan ng interes sa mga salita ng Diyos. Nagsisimula silang magduda kung tunay bang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Anong uri ng tanda ito? Isang mabuting tanda o isang masamang tanda? (Isang masamang tanda.) Talagang isang himala na naniwala sila sa Diyos hanggang sa puntong ito! Walang patutunguhan ang kanilang paniniwala, ganap silang nawalan ng kabatiran sa katotohanan. Hindi ba’t ito na ang wakas ng pananampalataya nila?
Napansin ba ninyo ang katunayang ito? Mula sa araw na nagsimulang maniwala ang lahat sa Diyos, magbasa ng Kanyang mga salita, talikuran ang kanilang pamilya, propesyon, pag-aaral, at mga kinabukasan sa mundo, ang lahat ay nasa parehong simula ng karera. Pero, hindi napapansin na sa panahon ng karera, may ilang tao na napag-iwanan at hindi na gusto pang gampanan ang tungkulin nila. Saan sila nagpunta? Ang ilan ay nailipat sa Grupo B, ang iba ay sa mga ordinaryong iglesia, at may ilang halos hindi na makayanang manatili sa isang iglesia na part-time. Ang mga ayaw gumampan ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos at mga naging pakay ng pagpapaalis, na hindi na kalipikadong gumampan ng tungkulin nila—bakit sila humantong sa kinalalagyan nila ngayon? Kung susubukan mong intindihin ang saloobin nila sa Diyos gamit ang mga mata ng tao, hindi mo ito makikita dahil hindi mo alam kung ano ang nasa puso nila. Kung minamahal o kinamumuhian nila ang Diyos, kung sila ay lumalaban o nagpapasakop sa Kanya, hindi mo malalaman. Kaya, paano mo matutukoy ang disposisyong diwa ng isang tao? Madali lang: Tingnan mo lang ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos. Ang grupong ito ng mga tao ay may iisang katangian pagdating sa saloobin nila sa mga salita ng Diyos: Anuman ang sitwasyon, hindi nila nararamdaman ang pangangailangan na matustusan ng mga salita ng Diyos. Kahit anong mga pagsubok ang hinaharap nila, hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo o ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay bihirang magbasa ng mga salita ng Diyos, at nakakaramdam pa nga sila ng pagkasuklam kapag nagdadasal-nagbabasa ang isang tao ng mga salita ng Diyos o nakikipagbahaginan tungkol sa pagkaunawa nila sa mga ito. Paano sila nagpapakita ng pagkasuklam? Iniisip nila, “Alam ko na ang lahat ng sinasabi mo; hindi mo na kailangang sabihin iyan. Nabasa ko na dati ang mga salitang ito ng diyos; nauunawaan ko ang lahat.” Kung nauunawaan nila ang lahat, bakit sila napaalis? Bakit sila nailipat sa Grupo B? Ano ang nangyayari? Ang ugat ay na pangunahing hindi tinatanggap ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos; sila ay nasusuklam at mapanlaban sa mga ito. Maisasagawa ba ng isang tao ang mga salita ng Diyos kung siya ay nasusuklam at mapanlaban sa mga ito? Kapag sasabihin mo sa kanila, “Kung maharap ka sa isang sitwasyon, dapat mong basahin ang mga salita ng Diyos!” ano ang saloobin nila? Ano ang mga partikular nilang reaksyon? (Sasabihin nila na ang mga praktikal na problema ay nangangailangan ng mga praktikal na solusyon; hindi na kailangan pang basahin ang mga salita ng Diyos.) Iniisip nilang ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isang malabong pamamaraan, at na ang mga praktikal na problema ay humihingi ng mga praktikal na solusyon. Ito ang tono ng isang anticristo. Ano ang ibig nilang sabihin? “May sariling mga paraan ang mga tao; ano ang silbi ng pagbabasa ng mga salita ng diyos? Tingin mo ba ay malulutas ng mga salita ng diyos ang lahat?” Iniisip nila na kung ang isang tao ay nakakaranas ng kaunting suliranin, ito ay isang suliranin lang, at hindi talaga ito sumasalamin sa panloob na kalagayan o disposisyon ng taong iyon. Hindi nila ito nakikita, ni hindi nila ito kinikilala bilang katunayan. Naniniwala sila na, “Ang mga suliranin ng tao ay parang isang makina na nawawalan ng isang tornilyo; ilagay mo lang ang tornilyo, at maaayos na ito. Bakit kailangan pang hanapin ang mga salita ng diyos? Iyon ay pawang pekeng espirituwalidad. Hindi ko gagawin iyon kailanman; kamangmangan iyon! Tingin mo ba ay malulutas ng mga salita ng diyos ang lahat? Hinding-hindi ganoon iyon.” Malinaw na isa itong taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Bukod pa rito, kapag ang ilang tao ay nahaharap sa mga isyu, at nagbabahagi ka sa kanila upang makatulong, binabasahan sila ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, tumutugon sila pagkatapos makinig: “Kabisado ko na ang siping iyan, maraming beses ko na itong binigkas. Bakit mo pa ito sinasabi sa akin? Mas nauunawaan ko pa ito kaysa sa iyo, at wala itong silbi, hindi nito malulutas ang problema ko!” Ano ang isyu rito? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan.) Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ayaw nilang kilalanin ang sarili nilang katiwalian, na siyang isang problema. Hindi nila inaamin ang katiwalian nila, kaya iniisip nila na ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay pagraos lang ng gawain, na wala itong silbi. Gusto nilang makahanap ng mabilisang lunas, ng isang mahimalang lunas para malutas ang mga problema nila, at ang diwa ng isyung ito ay isang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.