Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao (Ikalimang Seksiyon)

III. Isang Paghihimay Kung Paano Pinagbabantaan ng mga Anticristo ang mga Tao

Tapos na tayong magbahagi tungkol sa dalawang pagpapamalas ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao at pang-aakit sa mga ito; ngayon naman, magbahagi tayo tungkol sa kung paano nila tinatakot ang mga tao. Ang bawat paraang ito ng mga anticristo ay patindi nang patindi. Kapag ikinumpara sa panlilihis at pang-aakit, mas sopistikado ba ang paraang ito ng pananakot o hindi gaano? (Hindi gaano.) Kung hindi gagana ang panlilihis at pang-aakit, gagamit sila ng mga pananakot. Paano tinatakot ng isang anticristo ang mga tao? Bakit gumagamit sila ng ganoong paraan? (Dahil hindi natutupad ang mga layunin nila.) Hindi natutupad ang mga layunin nila. May isa pang kahulugang nakapaloob sa pananakot—anong parirala ang puwedeng gamitin para ipahayag ito? (Pagpapakita ng tunay nilang kulay.) Hindi iyon masyadong tumpak; magbigay pa kayo ng ibang parirala. (Pagkagalit dahil sa pagkakapahiya.) Medyo malapit na kayo. Mayroon bang mas angkop na parirala? (Pagkayamot at matinding galit.) Eksakto, pagkayamot at matinding galit. Katulad ito ng kasabihan ng mga tagarito na “sumasabog sa galit”; ang ibig sabihin, “Nasubukan ko na ang parehong mabubuti at masasamang salita. Sa pangkalahatan ay hindi ko kayo kailanman tinrato nang hindi patas. Bakit ayaw mong makinig sa akin? Dahil ayaw mong makinig, makukuha mo ang sa iyo: Gagamitin ko ang taktikang ito sa iyo—mga pananakot!” Binabago nila ang taktika nila. May iba’t ibang taktika si Satanas, lahat ng ito ay kasuklam-suklam. Ang mga pananakot ay karaniwang sinasamahan ng panunukso. Kung gagamit lang sila ng mga pananakot, ang ilang tao ay hindi natatakot at hindi nakikinig sa kanila. Kung ganoon ay wala na silang ibang magagawa at minsan puwedeng gumamit ng panunukso. Kung hindi ito gagana ay susubukan nilang gawin iyon—gagamit sila ng parehong mga mahinahon at mabagsik na taktika. Kaya, bakit tinatakot ng mga anticristo ang mga tao? Sa mga anong pangyayari sila gumagamit ng mga pananakot? Kung magkasamang namumuhay nang payapa ang dalawang tao, bawat isa ay tumatahak sa kanya-kanyang landas, nang walang mga salungatan ng interes sa pagitan nila, gagamit ba sila ng mga pananakot? (Hindi.) Kung ganoon ay sa mga anong pangyayari magsisimulang lumitaw ang pag-uugali at gawi na ito ng pananakot? Siyempre, ito ay kapag nasangkot ang kanilang mga interes o reputasyon, kapag hindi natutupad ang mga layunin nila. Inilalabas nila ang mga alas nila, iniisip na, “Ayaw mong makinig sa akin? Kung ganoon ay ipapakita ko sa iyo ang mga kahihinatnan!” Ano ang mga kahihinatnang ito? Kung anuman ang kinatatakutan mo. May natatandaan ba kayong halimbawa ng mga pananakot na nasaksihan ninyo? (May ilang anticristo, na kapag nakikita nilang hindi nagpapasakop sa kanila ang mga kapatid, ay sinisimulan nilang husgahan at kondenahin ang mga ito, sinasabi na, “Ang hindi pagpapasakop sa mga lider ay hindi pagpapasakop sa diyos,” at ginagamit nila ito para takutin ang mga tao.) (May naiisip pa akong isang halimbawa na kung may isang taong hindi nakikinig sa pamunuan, ginagamit ng lider ang awtoridad niya para palitan ang taong ito.) Gayumpaman, gusto nilang maunawaan ng mga tao na magdudulot ng mga kahihinatnan ang hindi pakikinig sa kanila. Kaya, ano ang batayan nila sa pamimilit sa mga taong makinig sa kanila? Madalas nilang sinasabi, “Ang pagpapasakop sa pamunuan ay pagpapasakop sa diyos, dahil ang pamunuan ay inordena ng diyos. Dapat kang magpasakop. Kung hindi ka magpapasakop o makikinig sa mga lider, iyon ay pagmamataas, pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at paglaban sa diyos. Ang kahihinatnan ng paglaban sa diyos ay ang pagtitiwalag. Sa mga hindi malubhang kaso, puwede kang ihiwalay para sa pagninilay sa sarili; sa mga malubhang kaso, puwede ka pa ngang patalsikin sa iglesia!” Ginagamit nila ang mga parang makatwirang panlilinlang na ito para pilitin ang mga taong magpasakop sa kanila. Maliban dito, paano tinatakot ng ibang partikular na anticristo ang mga tao? Inuudyukan nila ang iba na labanan at tanggihan ang mga hindi nagpapasakop sa kanila. Dagdag pa rito, pinapalitan nila ang mga hindi sumusunod sa kanila o inililipat ang mga ito sa ibang tungkulin. Ang ilang indibidwal ay talagang natatakot na mawawalan sila ng tungkuling gagawin. Naniniwala silang sa paggawa ng mga tungkulin nila, puwede silang magkaroon ng tsansa sa kaligtasan, at ang kabiguang gumawa ng tungkulin ay puwedeng makapag-alis niyon. Iniisip ng mga anticristo sa puso nila, “Alam ko ang kahinaan mo. Kung hindi ka makikinig sa akin, aalisan kita ng karapatang gawin ang tungkulin mo. Hindi kita pahihintulutang gawin ang tungkulin mo!” Hindi ba nila pinapahintulutan ang mga taong gawin ang tungkulin ng mga ito dahil ang mga taong ito ay hindi kalipikadong gawin ang tungkulin nila o dahil ang paggawa ng mga ito ng tungkulin nila ay pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung ganoon ay bakit nila ito ginagawa? Ito ay para ihiwalay ang mga taong hindi sumasang-ayon at gamitin ang paraang ito para takutin ang mga tao at pilitin silang makinig. Pagdating sa mga pananakot, talagang hindi sinusunod ng mga anticristo ang mga katotohanang prinsipyo sa pakikitungo sa mga tao o sa pangangasiwa sa mga usapin. Sa halip, gumagamit sila ng paninindak, pamumuwersa, at pamimilit para masunuring magpasakop at makinig ang mga tao sa kanila at hindi sila bigyan ng anumang problema o sirain ang mga gawain nila.

Ang paggamit ng anticristo ng mga pananakot ay hindi lang dahil hindi siya sinusunod o hindi siya siniseryoso at binabalewala siya ng mga tao—isang aspekto lang iyon nito. May isa pang dahilan, iyon ay, kapag natuklasan ng iba ang mga problema ng anticristo at gustong ilantad ang mga ito o iulat ang mga ito sa Itaas, natatakot siya na baka matuklasan ito ng Itaas o baka marami pang taong makaalam nito, kaya ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para pagtakpan ang mga bagay na ito at supilin ang mga ito, hindi kailanman hinahayaang masiwalat ang mga ito. Anong mangyayari kung mas maraming tao ang makaalam? Tatanggihan at isusumpa nila ang anticristo, wala nang sasamba sa kanya, at mawawalan na siya ng posisyon at awtoridad. Samakatwid, ang layunin ng anticristo sa paggamit ng paraang ito ng pananakot sa mga tao ay para rin ingatan ang sarili niyang posisyon at awtoridad. Naniniwala siyang kung hindi niya ito gagawin, magsisimula na siyang kilatisin ng mga kapatid, at hindi na siya mapipili sa susunod na halalan, magiging isa na lang siyang karaniwang mananampalataya. Ano ang ibig sabihin para sa kanya ng pagiging isang karaniwang mananampalataya? Ibig nitong sabihin ay wala siyang awtoridad, walang susunod sa kanya o magiging mga tagasuporta niya, at ang posisyon at awtoridad niya ay tinanggal, iniiwang hindi natutupad ang mga ambisyon at pagnanais niya. Ayaw niyang maging karaniwang mananampalataya o tagasunod, kaya ginagamit niya ang paraang ito ng pananakot sa mga tao para sindakin at pilitin ang mga taong makinig sa kanya at sumunod sa kanya, na nagpapahintulot sa kanyang patuloy na kumapit sa kanyang awtoridad at posisyon, patuloy na kontrolin ang mga tao at tanggapin ang suporta ng ilang tao. Ang lahat ng ginagawa ng anticristo ay umiikot sa kanyang posisyon. Sa tuwing ang anumang bagay ay may kinalaman sa posisyon niya, gagamit siya ng mga partikular na diskarte o paraan para puspusan itong ingatan at protektahan; kahit kapag nagtatanong ang Itaas sa ilan sa kanila tungkol sa mga partikular na usapin, nagagawa niyang lantarang magsinungaling sa harapan ng mga ito. Halimbawa, nang tinanong ng Itaas kung ilang tao ang nakamit ng iglesia sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa buwang ito, kahit na alam ng anticristo na wala itong nakamit, puwede siyang magsinungaling at magsabing may nakamit na limang tao. Nang kinompronta ang anticristo ng mga kapatid na nakakaalam ng katotohanan, sinasabi na, “Nagsisiyasat lang ang limang taong iyon. Bakit sinabi mong nagkamit tayo ng limang tao? Dapat mong sabihin ang totoo sa Itaas,” ano ang sinasabi ng anticristo? “Bakit hindi tayo puwedeng magkamit ng lima? Sinabi kong limang tao, kaya lima ito. Walang halaga ang opinyon mo. Kung sasabihin nating wala tayong nakamit ni isang tao, paano ko ipapaliwanag iyon sa itaas? Kung gusto mo itong iulat, gawin mo, pero kung sasabihin mo ang totoo, baka pungusan ka ng itaas. Baka tanggalin nila kayong lahat na sangkot sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, o buwagin pa nga ang pangkat ng mga taga-ebanghelyo. Kung ganoon ay hindi mo na magagawa ang mga tungkulin mo, at hindi ako ang dapat sisihin dito.” Nang marinig ito ng taong ito, natigilan siya at hindi naglakas-loob na isumbong ito. Hindi ba’t pananakot ito? (Oo.) Isa itong tahasang pananakot, na ganoon kalantad ipinarating. Kapag narinig ito ng ilang tao, iisipin nila, “May mga kahihinatnan ang pagiging matapat na tao. Kung matapat ako, hindi ko magagawa ang tungkulin ko, kaya hindi ko ito iuulat. Limang tao ang dapat naming iulat.” Ang ilang tao ay nababalisa sa kanilang puso, sinasabi na, “Kung wala tayong nakamit na sinuman, ganoon lang talaga iyon. Dapat tayong magpasakop sa kung paanong pinipili ng Itaas na pangasiwaan tayo.” Ano ang pananaw ng anticristo pagkarinig dito? “Pagpapasakop? Depende ito sa sitwasyon. Alam ba ng itaas ang mga paghihirap na hinaharap natin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ngayon? May pakialam ba sila rito?” Nang magsiyasat ang Itaas tungkol sa sitwasyon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi sa wala silang alam sa mga hamon na kaakibat nito. Alam nila kung gaano karaming tao ang puwedeng makamit kahit papaano kada buwan, at hindi nila kailanman sinabi na kung walang makakamit na sinuman ang pangkat ng mga taga-ebanghelyo sa loob ng isang buwan, bubuwagin sila. Kaya saan nakuha ng anticristo ang pahayag na ito? (Inimbento niya ito.) Gawa-gawa niya ito para pagtakpan ang mga kasinungalingan niya, para kontrolin ang mga taong ito, para hindi makita ng Itaas o ng mga kapatid ang totoo sa mga kasinungalingan niya, at para patatagin ang posisyon niya para hindi siya mapalitan—para dito ay nangahas siyang mag-imbento ng ganoong mga maladiyablong salita. Kaya siyang ilantad ng mga taong mapagkilatis, pero ang mga taong walang pagkilatis ay nalilihis, nag-iisip na, “Oo nga, hindi madaling gawin ang tungkuling ito. Hindi tayo puwedeng maging matapat sa Itaas. Kung sinasabi mong may limang tao, may lima. Kahit na hindi natin nakamit ang lima ngayong buwan, hahangarin nating makuha sila sa susunod na buwan. Tutal, kung makakamit natin sila sa susunod na buwan, hindi na ito magiging kasinungalingan.” Nandaraya ang anticristo, at iyong mga walang pagkilatis ay ginagawa ito kasama niya; isang grupo sila ng mga mandaraya. Ano ang mithiin ng anticristo sa pananakot sa mga tao? Ito ay ang pilitin ang mga itong sumunod at makinig sa kanya. Nagsisinungaling siya at gumagawa ng masama, kinokontrol ang iglesia, nanlilihis ng mga tao, nagsasagawa ng gawain nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo o sa mga pagsasaayos ng gawain, at kahit gaano pa siya kapabayang umasal, hindi niya pinahihintulutan ang mga kapatid na ilantad o iulat siya sa Itaas. Sa sandaling matuklasan niyang may nagbabalak na mag-ulat sa kanya sa Itaas, saka siya gumagamit ng mga pananakot. Paano niya tinatakot ang taong iyon? Sinasabi niya, “Gumagawa tayo dito sa ibaba, at mahirap ang gawain. Hinaharap pa nga natin ang panganib ng pagkakaaresto ng malaking pulang dragon. Palaging hinihingi ng itaas na sumunod ang pagsasagawa natin sa mga pagsasaayos ng gawain. Napakarami nating tinitiis na pagdurusa at napakalaki ng hinaharap nating panganib sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag hindi maganda ang mga resulta, gusto mo pa ring iulat ang mga iyon sa itaas, pagkatapos mong mag-ulat ay pupungusan ka nila. Hindi ako natatakot na mapalitan bilang lider pagkatapos ka nilang pungusan, pero natatakot akong wala na kayong tungkuling gagawin. Kung wala na kayong tungkuling gagawin, huwag ninyo akong sisihin!” Parang napakamakatwiran nito! Sinasabi rin niya, “Sino ba talaga ang gustong mag-ulat nito? Kung gusto ninyo itong iulat, hindi ko kayo pipigilan; alam na rin naman ng lahat ang tungkol sa mga bagay na ito. Kung hindi ninyo ito iuulat sa itaas, hindi nila tayo sisisihin. Kung iuulat nga ninyo ito, mapupungusan tayo. Kayo ang makakapagpasya para sa inyong sarili; kung gusto ninyo itong iulat sa itaas, sige. Ngayon, kung sinuman ang gustong mag-ulat nito, magtaas kayo ng kamay.” Kapag narinig ng lahat ang tono ng pananalita nila, magsisimula silang mag-isip, “Talaga bang may pahintulot akong iulat ito o hindi?” Pagkatapos mag-isip, may ilang taong nagtataas ng mga kamay. Nakikita ito ng anticristo at iniisip, “Gusto mo pa rin itong iulat? Hindi ba’t naghahanap ka ng gulo? Sige, hindi kita kakalimutan.” Pagkatapos, nagsisimula siyang mag-isip ng mga pagkakataon para parusahan ang taong ito. Nakakahanap siya ng dahilan, sinasabi na, “Hindi ka nagbunga ng anumang resulta habang ginagawa mo ang mga tungkulin mo kamakailan. Ang sinumang hindi nagbubunga ng mga resulta habang gumagawa ng kanyang mga tungkulin sa loob ng tatlong buwan ay babawian ng karapatang gumawa ng mga tungkulin. Kung hindi bubuti ang pagganap niya, ihihiwalay siya. Kung hindi pa rin siya magsisisi, paaalisin siya o patatalsikin!” Maglalakas-loob pa rin ba ang hangal na iyon, ang duwag na iyon na iulat ito? Pagkarinig nito, iisipin niya, “Hindi ko iniuulat ito para sa aking sariling kapakanan. Ano ang punto ng pag-uulat nito? Kung iuulat ko ito at pagkatapos ay masusupil ako at daranas ng paghihiganti ng lider, at kung tatanggihan ako ng mga kapatid ko, ihihiwalay ako sa loob ng iglesia. Mas mahalaga para sa akin na makinig sa lider; ni hindi ko nga alam kung nasaan ang diyos, may pakialam kaya siya sa buhay at kamatayan ko?” Kaya, hindi na niya ito iniuulat. Hindi ba’t nasindak siya ng anticristo? (Oo.) Naniniwala ang taong ito “Maliit na bagay lang ang pagkakasala sa diyos. Ang diyos ay mapagmahal, mahabagin, mapagparaya, at mapagpasensiya; hindi siya mabilis magalit o manumpa at magparusa ng mga tao. Pero kung sasalungatin ko ang lider, kailangan kong magdusa. Walang maidudulot na mabuti sa akin ang pag-uulat sa mga problema; tatanggihan ako ng lahat. Hindi ko puwedeng gawin ang ganoong kahangal na bagay.” Hindi ba’t kawalan ito ng paninindigan? (Oo.) Paano dapat pakitunguhan ang ganoong taong walang paninindigan? Karapat-dapat ba siyang kaawaan? Ang ganoong taong walang paninindigan ay dapat na ibigay kay Satanas, sa anticristo, para hayaang parusahan siya ng anticristo—nararapat ito sa kanya. Wala siyang pananalig, determinasyon, at lakas na isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, pero pagdating sa pagpapasakop sa anticristo, nagkakaroon siya ng partikular na lakas, handang gawin ang anumang hinihingi sa kanya at puno ng sigasig. Kapag tinatakot at sinisindak siya ng anticristo, hindi na siya naglalakas-loob na iulat ang mga problema. Hindi ba’t isa itong duwag? Ano ang kolokyal na termino para rito? Pagiging marupok at bumibigay kapag nahaharap sa anticristo. Marami-raming tao sa iglesia ang naging marupok na dahil sa mga pananakot ng mga anticristo! Hindi alam ng mga indibidwal na ito kung paano haharapin ang katagang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat.” Kapag tinatakot, tinatanggihan, o inihihiwalay sila ng anticristo, pakiramdam nila ay walang sumusuporta sa kanila, hindi sila nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay o sa pagiging matuwid ng Diyos, at hindi sila naniniwala na ang buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa ilang nakakasindak o nakakatakot na salita ng anticristo ay natatakot sila, at bumibigay sila, at hindi na sila naglalakas-loob na iulat ito.

Kapag iniuulat ng isang anticristo ang gawain niya sa Itaas, lantaran siyang nagsisinungaling at sila ay kanyang nililinlang. Hindi ito matagalan ng ilang nakakaalam ng katotohanan at gustong iulat ang sitwasyon sa Itaas. Mahigpit na kinokontrol at binabantayan ng anticristo ang mga tao. Agad niyang natutukoy ang sinumang may tendensiyang mag-ulat ng isang isyu sa Itaas. Kapag wala siyang ibang gagawin, tumutuon siya sa pagmamasid sa mga tao, sa mga salita at ekspresyon ng mukha ng mga ito, hinahanap ang mga taong may mga opinyon tungkol sa kanya, mga taong hindi tapat, mga taong hindi sumusunod sa kanya, mga taong nagiging banta sa kanyang posisyon, mga taong walang pakialam sa kanya, mga hindi sumeseryoso sa kanya, na hindi nagpapaupo sa kanya sa luklukan ng karangalan, at na hindi nagpapauna sa kanyang kumain sa oras ng pagkain. Nagdudulot ito ng problema para sa mga taong ito. Ano ang ginagawa ng anticristo sa ganoong mga tao? Ang ilang anticristo na mapaminsala ay hindi agad naglalantad ng tunay nilang kulay. Naghihintay sila ng pagkakataon para harapin ka. Kung hindi gagana iyon, gagamit sila ng malulupit na pananakot para iparamdam sa iyo na hawak nila ang buhay mo. Kung bilang isang mananampalataya ay puwede kang maligtas, kung kaya mong umabot sa dulo, kung puwede kang manatili sa iglesia—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay nila at kailangan lang ng isang salita nila. Sila ang may huling pasya. Kung hindi ka makikinig, hindi ka susunod sa kontrol nila, hindi mo sila seseryosohin, at patuloy mong susubukang iulat ang mga isyu nila, magdurusa ka. Sisimulan nilang planuhin kung paano ka paparusahan. Ano ang tingin ng anticristo sa pag-uugali ng mga kapatid na pag-uulat sa mga isyu niya sa Itaas? (Bilang pagsusumbong.) Eksakto, hindi niya ito nakikita bilang pag-uulat ng isang sitwasyon; ang tingin niya rito ay pagsusumbong. Ano ang ibig sabihin ng pagsusumbong? Ibig nitong sabihin ay pag-uulat sa Itaas ng iba’t ibang bagay na ginagawa niya na lumalabag sa katotohanan at lahat ng masama niyang gawa, o pagsasalaysay sa Itaas ng mga bagay tungkol sa kanya na hindi alam ng iba. Itinuturing niya itong pagsusumbong. Sa sandaling matuklasan niyang may isang taong nagsusumbong, dapat parusahan ang taong iyon. Ang ilang taong magulo ang isip at walang paninindigan ay nasisindak sa mga pananakot ng anticristo, sa mga dominante at kasuklam-suklam na paraan niya. Kapag nagtatanong ang anticristo kung sino ang may pakikipag-ugnayan sa Itaas, bago pa siya makarating sa mga ito, agad nilang nililinaw, “Hindi ako iyon.” Tinatanong ng anticristo, “Kung ganoon ay paano nalaman ng itaas ang tungkol sa usaping iyon?” Pinag-iisipan nila ito at sinasabi, “Hindi ko rin alam.” Pinarurusahan sila ng anticristo hanggang sa punto na nabubuhay sila sa patuloy na pagkatakot, palaging kinakabahan, nangangambang baka patalsikin sila ng anticristo sa iglesia. Nababalisa at natatakot sila sa puntong nahihirapan na silang makaraos man lang sa maghapon. Matatakot ba sila nang ganito kung hindi sila tinakot nang ganito ng anticristo? Hindi, hindi sila matatakot nang ganito. Higit pa rito, may tunay ba silang pananampalataya sa Diyos? Wala, wala silang pananampalataya. Sila ay walang paninindigan at mga taong magulo ang isip. Kapag nakakaharap nila ang anticristo, naduduwag sila. Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, pero kusang-loob silang sumusuko sa anticristo, handang gawin ang ipag-uutos niya. Sila, sa kalikasan, ay mga kampon ni Satanas.

Ano ang iba pang gawi na ginagamit ng mga anticristo para takutin ang mga tao? Ang ilang anticristo ay bihasa sa pagsasabi ng ilang tama at nakakaakit na doktrina para higpitan at pigilan ka. Sinasabi nila, “Hindi mo ba minamahal ang katotohanan? Kung minamahal mo ang katotohanan, dapat kang makinig sa akin dahil ako ang lider. Ang lahat ng sinasabi ko ay naaayon sa katotohanan. Dapat kang sumunod sa anumang sinasabi ko; kapag sinabi kong pumunta ka sa silangan, hindi ka dapat pumunta sa kanluran. Kapag may sinabi ako, hindi ka dapat magdalawang-isip; hindi ka dapat magkaroon ng anumang opinyon o pikit-matang makialam. Ang sinasabi ko ay ang katotohanan.” Kung hindi ka makikinig sa kanila, puwede ka nilang kamuhian o kondenahin. Anong uri ng pagkondena? Sasabihin nila, “Hindi ka talaga isang taong nagmamahal sa katotohanan; kung talagang minamahal mo ang katotohanan, bilang lider, tama ang mga salita ko—bakit ayaw mong pakinggan ang mga iyon?” Ginagamit ng mga anticristo ang mga tila tamang teorya at doktrinang ito para kontrolin at higpitan ka. Higit pa rito, ipinapaasikaso ng ilang anticristo sa mga tao ang mga personal nilang gawain, sinasabi na, “Lider na ako ngayon, at wala na akong oras para sa ilang personal na gawain. Isa pa, isa akong lider, at ang mga gawain ko ay ang mga gawain ng sambahayan ng diyos. Ang mga gawain ng sambahayan ng diyos ay mga gawain ko rin. Hindi na natin masyadong malinaw na matutukoy ang pagkakaiba ng mga iyon. Samakatwid, kailangan ninyong makibahagi sa pagpasan ng ilan sa mga gawain ko sa bahay, ng mga bagay na tulad ng pag-aalaga ng mga bata, pagsasaka, pagbebenta ng mga gulay, o pagtatayo ng bahay, at ng mga bagay na gaya ng kakapusan ng pera sa bahay. Dati ay tungkulin ko ang mga bagay na ito, pero ngayong lider na ako, naging tungkulin na ninyo ito—dapat kayong makibahagi sa pagpasan nito. Kung hindi, palagi kong aalalahanin ang mga gawain ko sa bahay, magagambala ng mga bagay na ito, kung ganoon ay magiging epektibong lider pa rin ba ako?” Habang mas marami silang sinasabi ay mas lalo silang nagiging walang pakundangan. Naririnig ito ng ilang tao at iniisip, “Hindi namin naisip na isaalang-alang ang puso mo—talagang wala kaming puso! Hindi mo kailangang magsalita; simula ngayon, kami na ang bahala sa lahat ng gawaing bahay mo.” Anong uri ng masarap na pakinggang katawagan ang ibinibigay ng mga anticristo sa sarili nilang mga gawain sa bahay at sa mga gawain ng pang-araw-araw nilang buhay? Tinatawag nila ang mga ito na “tungkulin ng mga tao,” ibig sabihin, tinatanggap ng mga anticristo ang pagtatrabaho ng mga tao para sa kanilang pamilya, pagseserbisyo sa mga bata at matanda sa sambahayan nila, at pag-aasikaso sa mga personal na gawain ng kanilang buhay, at ginagawa ang mga itong mga gawain ng sambahayan ng Diyos. Dahil ang mga ito ngayon ay mga gawain na ng sambahayan ng Diyos, dapat pagtrabahuhan ng bawat tao ang makatwiran niyang bahagi, at kung may gustong ipagawa sa iyo ang lider, nagiging tungkulin mo na ito. Hindi ba’t tama ito? Puwedeng isipin ng mga taong walang pagkilatis na tama ito. Naniniwala sila na dahil masyadong abala ang lider para asikasuhin ang sarili niyang mga gawain sa bahay, at sila mismo ay mahina ang kakayahan at hindi makagagawa ng anumang tungkulin, matutulungan lang nila ang lider na umako ng ilang gawaing bahay. Kaya, sa tuwing hindi sila abala ay nagtatrabaho sila sa bahay ng lider, tumutulong sa iba’t ibang gawain. Maituturing ba itong paggawa sa kanilang tungkulin? Puwede lang itong tingnan bilang masigasig na pagtulong sa mga tao. Para sa mga taong tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos, na sumusunod sa kalooban ng Diyos, kapag ang mga pamilya nila ay nahaharap sa mga paghihirap, nagsasaayos ang iglesia ng mga taong tutulong at mag-aasikaso ng mga gawaing bahay nila. Sa ganoong mga kaso, maituturing ito, sa ilang paraan, bilang pagganap ng tungkulin. May katuturan na ba ito ngayon? Ang anticristo, abala sa panlilihis at pagkokontrol sa mga tao sa iglesia, ay nagsasaayos ng kanyang mga gawaing bahay para sa mga kapatid, sinasabing paggawa din ito ng kanilang tungkulin. Ang ilang kapatid, dahil sa kawalan ng pang-unawa sa katotohanan, ay nalilihis at bukal sa loob na umaako ng mga gawaing ito, nasisiyahang gawin ito. Kalaunan, nararamdaman pa nga nilang may pagkakautang sila sa lider, iniisip na, “Nadurog ang puso ng lider at nagsalita siya nang husto para sa atin. Masyado tayong hindi karapat-dapat. Napakarami na nating nagawang trabaho, pero paanong hindi pa rin natin nauunawaan ang anumang katotohanan?” Kung buong maghapon ay abala ka sa pagtatrabaho para sa lider at napapabayaan mo na ang pagdalo sa mga pagtitipon o pakikinig sa mga sermon, maaarok mo ba ang katotohanan? Talagang imposible. Pagpapagiliw ito hanggang sa punto ng kamatayan! Paghahabol ito sa anticristo at pagkaligaw sa isang likong landas. Madalas gumagamit ang anticristo ng mga tila tamang pahayag, binabalot at pinoproseso ang mga iyon sa tamang pananalita, na nagdudulot sa mga taong maling paniwalaan na ang mga salitang ito ay talagang ang katotohanan, isang bagay na dapat nilang sundin at isagawa, at na dapat nilang tanggapin ang mga salitang ito. Sa ganoong paraan, hindi kailangang kilatisin ng mga tao kung tama o mali ang ginagawa ng lider, o kung tama o mali ang sinusundan nila. Hindi ba’t totoo ito? Panlilihis ang tawag dito, at pananakot din ito ng mga tao. Ginagamit ng anticristo ang mga tila tamang teorya at pahayag na ito para kontrolin ang mga taong ito. Hanggang saan niya sila kinokontrol? Ang mga taong ito ay maluwag sa loob na nagsusumikap para sa kanya, labis na nagpapakapagod para sa kanya, at nag-aasikaso ng lahat ng personal na gawain niya. Mas gugustuhin pa nilang lumiban sa mga pagtitipon, pabayaan ang sarili nilang mga tungkulin, iwan ang sarili nilang mga gampanin, at isakripisyo ang sarili nilang oras para sa espirituwal na debosyon, pagtitipon, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, para lang buong-oras na magserbisyo at labis na magpakapagod para sa anticristo. Bakit nagagawa nilang labis na magpakapagod nang ganito? May dahilan ito. Anong dahilan? Ito ay dahil sadyang sinasabi sa kanila ng anticristo, “Kung ni hindi mo maasikaso nang maayos ang mga bagay na ito, anong tungkulin ang kaya mong gawin? Kung hindi mo kayang gawin ang tungkulin mo, miyembro ka pa rin ba ng sambahayan ng diyos? Sige, hindi kita pamumunuan. Kung hindi kita pamumunuan, hindi ka mapapasama sa bilang ng sambahayan ng diyos. Dahil ako ang napili bilang lider, ako ang daan papasok sa iglesia na ito. Ang sinumang nagnanais na pumasok sa iglesia ay dapat may pagsang-ayon ko. Kung wala ang pagsang-ayon ko, walang sinumang makakapasok. Kahit na may pinapaalis ang iglesia, dapat may pagsang-ayon ko ito bago sila puwedeng umalis. Samakatwid, ang gawaing inaatas ko sa inyo at ang mga gampaning ibinibigay ko sa inyo ang bumubuo sa inyong tungkulin. Kung hindi ninyo magagawa nang maayos ang tungkuling ito, mawawalan ka ng tsansa sa kaligtasan. Hindi ka mapapasama sa bilang ng sambahayan ng diyos!” Hindi ba’t pananakot ito? (Oo, pananakot ito.) Anong paraan ang ginagamit para takutin ang mga tao? (Mga tamang salita.) Pananakot ito ng mga tao gamit ang mga tamang salita, mga salitang tila naaayon sa katotohanan—paghahalo ito ng dalawang ganap na magkaibang bagay. Ginagamit ng anticristo ang paggawa sa mga tungkulin bilang palusot para maisakatuparan ang mga personal niyang mithiin. Pero paggawa ba talaga ng tungkulin ang paggawa ng mga bagay para sa kanya? Binabaluktot niya ito para palabasing isa itong tungkuling dapat gawin ng mga tao, at pagkatapos ay gamitin ang prinsipyo at mga pamantayan ng paggawa ng tungkulin para hingin sa mga kapatid na labis na magpakapagod para sa kanya. Nananakot pa nga siya na kung hindi labis na magpapakapagod ang mga ito para sa kanya, ang mga ito ay hindi magkakaroon ng tsansa para sa kaligtasan at paaalisin sila sa iglesia at ihihiwalay sa sambahayan ng Diyos. Kapag narinig ng mga hangal at walang pagkilatis na indibidwal na ito ang tindi ng mga kahihinatnan, agad nilang inaako ang lahat ng gawain sa sambahayan ng lider at ang mga pang-araw-araw na gawain niya, napapanatag sa sandaling matapos na sila. Iniisip pa nga nila, na nasisiyahan sa sarili nila, “Ngayon, natupad ko na nang maayos ang tungkulin ko. Hindi talaga ako naging tamad, at naging mapagmalasakit ako sa kalooban ng lider. Nagawa ko na ang lahat ng iniutos sa akin ng lider, at naasikaso ko na ang lahat ng gawaing bahay ng lider. Ito ang kahulugan ng pagiging mapagmalasakit sa diyos! Nasisiyahan ang lider, at ganoon din ang diyos. Ngayon ay may pag-asa na ako para sa kaligtasan!” Pag-asa ba ang tawag dito? Hindi ba’t naging mga alipin na sila ng anticristo? Hindi ba’t nailigaw na sila ng anticristo? Anong papel ang ginagampanan ng anticristo rito? Hindi ba’t kumikilos siya na parang isang kidnaper? Buktot ang disposisyon niya, at siyempre, mas malala ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang. Sa gayon talagang alam niya kung ano ang sasabihin at kung anong mga teorya ang gagamitin para higpitan ang mga tao, para isakatuparan ang lihim niyang motibo, para makuha ang loob ng mga tao, at para makontrol ang pag-uugali at mga iniisip nila. Alam na alam niya ang lahat ng ito. Samakatwid, ang mga mithiing gustong isakatuparan ng anticristo sa pamamagitan ng lahat ng sinasabi at ginagawa niya ay maingat na pinag-isipan at matagal na pinagplanuhan. Talagang hindi ito isang usapin ng biglaang pagsasabi o paggawa ng isang bagay at pagkatapos ay pagkakaroon ng hindi inaasahang resulta—talagang hindi ito ganito. Kaya, ang mga taong bukal sa loob na nagseserbisyo at lubos na nagpapakapagod para sa isang anticristo, maliban sa nalilihis na ng mga salita niya, ay natatakot at napipilit din ng isang uri ng pananalita ng anticristo. Siguro ay bukal sa loob nilang ginagawa ang mga bagay na iyon para sa anticristo, pero hindi ba’t may isyu sa “pagiging bukal sa loob” na ito? Hindi ba’t dapat itong lagyan ng mga panipi? (Oo.) Talagang hindi ito isang tunay na pagganap sa tungkulin kundi sa halip ay isang bungang idinulot ng pagkakalihis sa kanila ng isang partikular na teorya, isang partikular na tama at masarap na pakinggang argumento o pananalita na nanlilihis ng mga tao. Dahil nag-aalala silang hindi nila magagawa ang kanilang tungkulin, na patatalsikin sila, at hindi sila maliligtas, bukal sa loob nilang tinatanggap ang gawaing itinatalaga sa kanila ng anticristo, iniisip pa ngang ginagawa nila ang tungkulin nila para sa Diyos. Masyadong naging magulo ang isip nila!

Ang mga pananakot ng mga anticristo ay nagpapahintulot sa mga taong makita nang malinaw ang tunay na mukha ng mga ito. Gumagamit ba kayo ng ganoong mga pananakot? May pagkakaiba ba ang mga pananakot sa mga babala o payo? (Oo.) Kaya ba ninyo itong kilatisin o hindi? Nasaan ang pagkakaiba? Hanapin ninyo ang pagkakaibang ito, at mauunawaan ninyo at magagawa ninyong kumilatis. (Magkaiba ang mga layunin nito.) Ang mga layunin at motibo ay tiyak na magkaiba. Kaya, nasaan talaga ang pagkakaiba? Ano ang pananakot? Ang pananakot ay may mga kaakibat na salitang puwedeng maganda at tama at hindi masyadong sumasama ang loob ng mga tao kapag naririnig nila ang mga iyon, pero ang layunin ng mga iyon ay personal na pakinabang. Sa kabilang banda, ano ang layunin ng payo at mga babala? Ito ay ang tulungan ang mga tao, para pigilan silang magkamali, maligaw ng landas o lumiko, malihis, at tulungan silang mabawasan o maiwasan ang mga kalugihan. Hindi personal na pakinabang ang layunin nito kundi para lang tulungan ang iba. Hindi ba’t iyon ang pagkakaiba? (Oo.) Sa bagay na ito, kailangan ninyong matutong kumilatis. Dahil lang napagbahaginan na ang pagpapamalas ng mga anticristo ng pananakot sa mga tao, hindi ibig sabihin niyon na hindi na kayo maglalakas-loob na magbigay ng mga babala kapag kinakailangan habang nakikipag-usap sa iba. Kapag kailangan ng isang babala, dapat ninyo itong ibigay. Ang mga babala at payo ay hindi katulad ng mga pananakot. Ang mga babala ay tunay na naglalayong tumulong sa mga tao para magawa nila nang maayos ang mga tungkulin nila, tinitiyak na hindi nakokompromiso ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Lehitimo ang layunin ng mga ito. Ang pananakot, sa kabilang banda, ay may hindi lehitimo at lihim na motibo—may nakapaloob ditong personal na ambisyon at makasariling pagnanais. Halimbawa, kapag ipinapagawa ng anticristo sa iba ang mga gawaing bahay niya, ano ang makasarili niyang pagnanais? Gusto lang niyang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan, pinapagawa sa iba ang hindi kaaya-aya at nakakapagod na trabaho habang wala siyang ginagawa. Pagkatapos, may dapat pang maghain sa kanya ng pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Naniniwala siya na ngayong may hawak na siyang posisyon, puwede nang magsimula ang kasiyahan niya. Gayumpaman, hindi makatwirang direktang sabihin sa mga taong gumawa ng trabaho para sa kanya, kaya lumilikha ang anticristo ng mga dahilan, sinasabi na, “Ngayong isa na akong lider, abalang-abala na ako sa mga tungkulin ko. Kung may pasanin at pagkatao kayo, dapat kayong matutong makipagtulungan. Ano ang kaya ninyong gawin? Ang kaya lang ninyong gawin ay magsikap, hindi ba? Walang gagawa ng trabaho sa taniman ko ng gulay sa bahay, at hindi kayo tumutulong! Kung tutulong kayo, patutunayan nitong may mabuti kayong puso, at talagang ginagawa ninyo ang tungkulin ninyo sa pamamagitan ng pagtulong sa akin sa gawain. Lider ninyo ako—hindi ba’t ang mga gawain ko ay gawain din ninyo? Hindi ba’t ang mga gawain ninyo ay mga bagay na dapat ninyong gawin, at ang dapat ninyong gawin ay tungkulin ninyo, hindi ba?” Kapag nag-aatang siya ng ganoon kalaking responsabilidad sa mga balikat mo, at napag-iisipan mong may katwiran ang sinasabi ng lider, ginagawa mo ang trabaho para sa kanya. Hindi ba’t pagkakalinlang ito? Ang isang anticristo ay may mga sariling mithiin, at bago niya maisakatuparan ang mga mithiing iyon, kailangan niyang maghanap ng mga angkop na palusot at teorya para itaguyod ang isang pagkukunwari. Pagkatapos, ang mga taong tatanggap sa mga teoryang ito ay magtatrabaho para sa kanya, maisasakatuparan niya ang layunin niya, at pagkatapos ay matatamasa niya ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi ba’t isa itong taong pinagkakakitaan ang iglesia? (Oo.) Iyon nga talaga iyon. Tamad siya at ayaw niyang magtrabaho, ninanais na magtamasa ng pisikal na ginhawa at ng mga pakinabang ng katayuan. Namumulitika siya, at kapag hindi siya makahanap ng mga angkop na salita, kumukuha siya ng mga makatwiran at mas madaling tanggaping kataga mula sa mga salita ng Diyos at sa doktrinang nauunawaan niya. Ginagamit niya ang mga salitang ito para ilihis at paghigpitan ang mga taong hindi nakakaarok sa katotohanan at mga hangal. Sa paggawa niyon, naisasakatuparan niya ang mga lihim niyang layunin, nagagawang bukal sa loob na tanggapin ng mga tao ang manipulasyon niya. Iniisip pa nga ng ilang tao na kung hindi nila pakikinggan ang mga salita ng lider o hindi nila magagampanan nang maayos ang mga gawaing iniatas sa kanila ng lider, hindi nila nagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay may utang sila sa Diyos at lumuluha pa nga. Hindi ba’t isa itong malalim na antas ng kaguluhan ng isip? Sa sobrang gulo ng isip nila ay nakakasuklam na ito.

Ang mga anticristo ay madalas magsalita gamit ang mga pananakot para isakatuparan ang mga mithiin nila, pero ang mga pananakot nila minsan ay nasa anyo ng mga tamang salita at sa mahinahong paraan, parang isang ahas na unti-unting pumupulupot sa iyo—sa sandaling mapuluputan ka na, handa na silang hingin ang buhay mo. Sa ibang pagkakataon, hindi mahinahon ang mga pananakot nila, kundi mabagsik at malupit, na parang isang lobo na nakakakita ng isang tupa at nagpapakita ng tunay nitong mukha. Ang layunin nila ay sabihin sa mga tao: “Kung hindi ka makikinig sa akin, makukuha mo ang nararapat sa iyo, at kung magkakaroon ng mga kahihinatnan, ikaw mismo ang mananagot!” Ano ang mga tipikal na kagamitan sa pakikipagtawaran na ginagamit ng mga anticristo sa mga pananakot nila? Pinupuntirya nila ang mga destinasyon ng mga tao, ang tungkulin ng mga ito, at maging ang posisyon at pagpasok o pananatili ng mga ito sa iglesia. Ginagamit ng mga anticristo ang mga taktikang ito, at siyempre ang iba pa, para manakot ng mga indibidwal. Gayumpaman, sa pangkalahatan ay nauuri sa dalawang kategoryang ito ang mga estratehiya nila: Minsan, susuyuin ka nila gamit ang magagandang salita, at sa ibang pagkakataon, pakikitunguhan ka nila nang puwersahan at malupit. Ano ang layunin ng mga pananakot ng mga anticristo? Una sa lahat, gusto nilang pakinggan sila ng mga tao. Nilalayon nilang mag-ani ng mga pakinabang mula sa ibang tao, magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan, at magpakasasa sa iba’t ibang benepisyo at kasiyahang kaakibat nito. Pangalawa, ayaw nilang ibunyag ng sinuman ang tunay na kalagayan ng mga bagay o hamunin ang posisyon nila. Hindi nila palalampasin ang paggawa ng mga tao ng anumang bagay na nagbabanta sa posisyon nila. Halimbawa, kung may mga partikular na taong gustong mag-ulat sa sitwasyon nila sa mga nakatataas o kung may ilang taong nakakakilatis sa kanila at gustong pagkaisahin ang mga kapatid para tanggihan at alisin sila sa katungkulan, gagamit ang mga anticristo ng mga taktika ng pananakot. Ang isang aspekto ng mithiin ng pananakot ay para matamasa ang maraming pakinabang na kaakibat ng posisyon nila, at ang isa naman ay para mapatatag ang posisyon nila. Ang mga ito mismo ang dalawang layunin ng mga anticristo sa pananakot ng mga tao—parehong umiikot ang mga ito sa posisyon. Saan nanggagaling ang lahat ng iba’t ibang pakinabang na ito? Nanggagaling din ang mga ito sa posisyon nila. Sinasabi ng ilang anticristo, “Kung hindi ka susunod sa bagay na ito, pananagutan mo ang mga kahihinatnan!” Kung may makakakilatis sa kanila at hindi makikinig sa kanila, mag-iisip ba sila ng paraan para pangasiwaan ito? Hindi nila basta tatanggapin na lang ang puwedeng mangyari. Hangga’t may kaunting pag-asa para sa kanila na mapanatili ang posisyon nila, ipaglalaban nila ito nang matindi. Ang kasabikan nila sa posisyon ay nakakahigit sa karamihan ng tao. Para itong lobo na nakakakita ng tupa—nagsisimula itong maglaway bago pa man ito magsimulang kumain. Nanlilisik ang mga mata nito at pinag-iisipan nitong kainin ang tupa; ganito ang uri ng pananabik na mayroon ito. Hindi ba’t ito ang kalikasan nito? (Oo.) Ang kasabikan ng mga anticristo sa posisyon ay katulad ng kasabikan ng lobo sa tupa, isang pangangailangang nakapaloob sa mapaminsala nilang kalikasan. Samakatwid, ang mga pananakot nila sa iba ay hindi puwedeng alisin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.