Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8) Ikaapat na Seksiyon

III. Mga Huwad na Lider na Tamad at Nagpapasasa sa Kaginhawahan

Kakatapos lang nating pagbahaginan ang tungkol sa dalawang uri ng huwad na lider. May isa pang uri ng huwad na lider, na madalas nating napag-uusapan habang nagbabahaginan tungkol sa paksa ng “ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.” May kaunting kakayahan ang ganitong uri, hindi sila mangmang, sa gawain nila, mayroon silang mga paraan at diskarte, at mga plano para sa paglutas ng mga problema, at kapag binigyan sila ng isang piraso ng gawain, kaya nilang isakatuparan ito nang malapit sa mga inaasahang pamantayan. Kaya nilang tuklasin ang anumang mga problema na lumilitaw sa gawain at kaya rin nilang lutasin ang ilan sa mga ito; kapag naririnig nila ang mga problemang iniuulat ng ilang tao, o inoobserbahan nila ang pag-uugali, mga pagpapamalas, pananalita at mga kilos ng ilang tao, may reaksiyon sila sa puso nila, at may sarili silang opinyon at saloobin. Siyempre, kung hahangarin ng mga taong ito ang katotohanan at mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin, maaaring malutas ang lahat ng problemang ito. Gayumpaman, hindi inaasahang hindi nalulutas ang mga problema sa gawaing nasa ilalim ng responsabilidad ng ganitong uri ng tao na pinagbabahaginan natin ngayon. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi gumagawa ang mga taong ito ng tunay na gawain. Mahilig sila sa kaalwanan at namumuhi sa mahirap na gawain, gumagawa lang sila ng mga pabasta-bastang pagsisikap sa panlabas, gusto nilang walang ginagawa at tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, gusto nilang utus-utusan ang mga tao, at ibinubuka lang nila nang kaunti ang mga bibig nila at nagbibigay ng ilang suhestiyon, at pagkatapos ay itinuturing nilang tapos na ang gawain nila. Hindi nila isinasapuso ang alinman sa tunay na gawain ng iglesia o sa kritikal na gawaing ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila—wala sila ng ganitong pagpapahalaga sa pasanin, at kahit na paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi pa rin nila isinasapuso ang mga ito. Halimbawa, ayaw nilang makialam o mag-usisa tungkol sa gawain ng paggawa ng pelikula o sa gawaing nakabatay sa teksto ng sambahayan ng Diyos, hindi rin nila nais na siyasatin kung kumusta ang pag-usad ng ganitong mga klase ng gawain at kung anong mga resulta ang nakakamit ng mga ito. Pasimple lang silang nag-uusisa, at kapag nalaman nilang abala ang mga tao sa gawaing ito at ginagawa ang gawaing ito, hindi na nila ito inaalala pa. Kahit alam na alam nila na may mga problema sa gawain, ayaw pa rin nilang makipagbahaginan tungkol sa mga ito o lutasin ang mga ito, hindi rin sila nag-uusisa o nagsisiyasat kung paano ginagawa ng mga tao ang mga tungkulin ng mga ito. Bakit hindi sila nag-uusisa o nagsisiyasat sa mga bagay na ito? Iniisip nila na kung sisiyasatin nila ang mga ito, maraming problema ang naghihintay para lutasin nila, at magiging masyadong nakakabahala iyon. Magiging masyadong nakakapagod ang buhay kung palagi nilang kailangang lumutas ng mga problema! Kung masyado silang mag-aalala, hindi na magiging masarap ang lasa ng pagkain para sa kanila, at hindi sila makakatulog nang maayos, mapapagod ang laman nila, at magiging miserable ang buhay. Kaya naman, kapag nakakakita sila ng isang problema, iniiwasan at binabalewala nila ito kung maaari. Ano ang problema ng ganitong uri ng tao? (Masyado silang tamad.) Sabihin ninyo sa Akin, sino ang may malubhang problema: mga taong tamad, o mga taong may mahinang kakayahan? (Mga taong tamad.) Bakit may malubhang problema ang mga taong tamad? (Ang mga taong mahina ang kakayahan ay hindi maaaring maging mga lider o manggagawa, pero maaari silang maging medyo epektibo kapag gumagawa sila ng isang tungkulin na ayon sa kanilang abilidad. Gayumpaman, ang mga taong tamad ay walang nagagawang anumang bagay; kahit na mayroon silang kakayahan, wala itong epekto.) Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga halimaw, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos.

Ang ilang tao ay responsable sa gawaing bukid, at lubos silang masigasig; mayroon silang plano sa isipan, at alam nila kung anong gawain ang dapat gawin sa bawat panahon. Kapag panahon na ng pagbubungkal sa bukid, pinupuntahan nila ang bawat taniman at tinitingnan ito. Ikinukumpara nila kung ano ang pinlano nilang itanim sa bawat taniman sa aktuwal na kalagayan ng taniman, at tinitingnan kung naaangkop ba ang plano nila at kung naaayon ba ito sa aktuwal na sitwasyon. Higit pa rito, tinitingnan nila kung gaano kabasa o katuyo ang lupa ngayong taon, kung anong pataba ang kinakailangan, at kung ano ang naaangkop para sa pagtatanim. Kapag nasuri at naarok na nila ang mga bagay na ito, agad silang nagtatanong kung may mga napatubo nang punla at kung ilan ang napatubo, at pagkatapos ay pumupunta sila sa greenhouse para tingnan doon at makita kung ang taong nag-aalaga ng mga punla ay maaasahan o kung masisira lang nito ang mga punla. Kung hindi sapat ang isang tao para gumawa ng gawaing ito, nagtatalaga sila ng isa pang tao na makikipagtulungan dito, at pinangangasiwaan ng dalawa ang isa’t isa. Gagawin ba ito ng mga tamad na tao? Hindi, hindi nila gagawin. Kung walang mangangasiwa at manghihimok sa kanila, tiyak na hindi nila kusang bibisitahin ang lugar ng gawain; kung hindi magtatanong ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pag-usad ng isang piraso ng gawain, tiyak na hindi sila magkukusang inspeksiyonin ang tunay na sitwasyon ng gawaing iyon. Sa mga taong may mahinang kakayahan, anuman ang ginagawa nila, palagi nila itong ginagawa nang sila mismo, pero hindi nila kayang tukuyin kung ano ang apurahan at mahalaga sa kung ano ang hindi, at bulag lang silang kumikilos. Samantalang ang mga tamad na taong ito ay sapat na mautak, at anuman ang ginagawa nila, gusto lang nilang ibuka ang mga bibig nila at utusan ang iba na gawin ang gawain; hindi sila kailanman gumagawa ng anumang bagay nang sila mismo, ni kayang gumawa ng tunay na gawain. Iniisip nila, “Kailangan ko lang tumawag o magpadala ng mensahe para magtanong ng ilang katanungan, at tapos na ang trabaho ko, nalutas na ang isyu. Hindi na ako mamomroblema rito! Tingnan mo naman ang kakayahan ko bilang isang lider. Kaya kong tapusin ang trabaho gamit lang ang ilang salita—hindi ba’t ito ay pagtupad ko rin ng mga responsabilidad ko? Hindi ako nagpapabaya sa mga responsabilidad ko. Kung itatanong sa akin ng ang Itaas ang tungkol sa mga bagay na ito, mahusay akong makakasagot sa kanila at makakapagbigay ng malinaw na paliwanag. Ano pa ang silbi ng pagpunta sa lugar ng gawain at pag-inspeksiyon? Kailangan kong magtiis ng mga paghihirap at pagdurusa, at iitim ang balat ko dahil sa pagkabilad sa araw. Hindi na kailangang dumaan pa sa gayong pormalidad. Kung makakaiwas ako sa kaunting abala, iyon ang gagawin ko. Hindi ko na kailangang pahirapan ang sarili ko.” Hindi ba’t sapat silang “matalino”? Kapag gumagawa ang ganitong uri ng tao, talagang mahusay siyang maghanap ng madadaling paraan para makamit ang mga layon niya at makahanap ng mga pinakamabilis na daan, at may sarili siyang mga paraan at diskarte. Hindi siya gumagawa ng anumang bagay nang siya mismo, ni nakikilahok sa anumang bagay. Tumatawag lang siya para magtanong, iniraraos lang ang gawain, at sa sandaling ibaba niya ang telepono, matutulog na siya o magpapamasahe at magsisimulang magpasasa sa laman niya. Ang ganitong uri ng tao ay talagang alam kung paano “gumawa ng gawain,” talagang alam niya kung paano maghanap ng mga pagkakataon na magpakatamad, at talagang alam niya kung paano iraos lang ang gawain at manloko ng mga tao! Ano ang silbi ng pagkakaroon niya ng gayong kaunting kakayahan? Katulad siya ng mga opisyal na iyon sa bansa ng Partido Komunista, na umiinom lang ng tsaa at nagbabasa ng dyaryo pagkarating sa trabaho, at nagsisimulang mag-isip kung ano ang kakainin nila at kung saan sila maglilibang bago pa man matapos ang araw ng trabaho—talagang masarap ang buhay nila. Ito rin ang prinsipyong sinusunod ng ganitong klase ng huwad na lider sa gawain niya; hindi siya nagdurusa ng paghihirap, hindi siya nagtitiis ng sobrang pagod, pero kumikilos pa rin siya bilang isang opisyal at tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, at hindi nakikita ng karamihan sa mga kapatid na isa itong problema. Ganito gumawa ang ganitong uri ng huwad na lider, hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, at hindi siya pumupunta sa lugar ng trabaho para subaybayan at inspeksiyonin ang gawain, kaya, matutuklasan ba niya ang mga problema sa gawain? (Hindi.) Ang mga nagpapanggap na espirituwal na huwad na lider at mga huwad na lider na mahina ang kakayahan ay bulag kahit dilat na dilat na ang mga mata nila, at hindi nila makita ang mga problema, kaya, paano naman ang ganitong klase ng walang silbing tao? Sinasabi niya, “Hindi ako nakikilahok sa tunay na gawain, at hindi ako pumupunta sa lugar ng trabaho para makiisa sa mga taong gumagawa roon, kaya, kung lumitaw ang mga problema, hindi mo puwedeng sabihin na bulag ako kahit na dilat na dilat na ang mga mata ko. Hindi ako nakapunta sa lugar ng trabaho at hindi ko nakita ang mga problema, kaya ano ang kinalaman nito sa akin kung lumitaw ang mga problema? Dapat mong hanapin ang mga taong sangkot.” Hindi ba’t talagang tuso ang mga taong ito? Iniisip nila na ang kailangan lang nilang gawin ay ang magbigay ng mga utos at wastong magsaayos ng mga tao, iyon na iyon, at pagkatapos ay natupad na ang mga responsabilidad nila at maaari na nilang tamasahin ang kanilang libreng oras at paglilibang sa tahasang paraan. Kahit anong mga problema ang nasa ibaba, hindi sila nag-uusisa, at nagmamadali lang silang asikasuhin ang isang problema kung may mag-uulat nito sa ang Itaas. Ang pinagtutuunan lang nila araw-araw ay ang pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan, paglalakad-lakad kahit saan, pagkukunwaring nag-iinspeksiyon sa gawain, pero ang totoo, hindi sila kailanman pumupunta sa isang lugar na talagang may problema, at hindi sila kailanman nag-iinspeksiyon ng kritikal na gawain—hindi ba’t katulad lang ito ng mga opisyal ng Partido Komunista na gumagawa lamang ng mabababaw na pagsisikap at gumagampan lamang ng gawain na nagpapaganda ng imahe nila? Gumagawa sila ng magagandang pangako na gagawin ang gawaing iniatas sa kanila, pero hindi nila ito sinusubaybayan o pinangangasiwaan, at kahit magpunta sila sa lugar ng trabaho, pormalidad lamang ang ginagawa nila. Tiyak na hindi nila gagawin ang gawain o lulutasin ang mga isyu nang sila-sila lang. Iniisip nila, “Hindi ko kailangang magdusa at magbayad ng halaga para gawin ang mga bagay na ito. Sapat nang may isang tao na gumagawa ng mga ito. Tutal, wala naman akong anumang kinikitang pera, kaya ayos na iyong nakakaraos lang ako.” Magagawa ba nila nang maayos ang gawain nila kapag ganito ang pag-iisip nila? May maliit silang pakana sa isipan nila, iniisip nila, “Gagawa lang ako ayon sa dami ng pagkaing nakakain ko, at iraraos ko lang ang bawat araw sa pabasta-bastang paraan.” Pero hindi sila kailanman gumagawa ng partikular na gawain, at hindi sila kailanman nakikita sa lugar ng trabaho. Kung gayon, nasaan sila? Nagpapakasaya sila sa isang maganda at ligtas na lugar kung saan nakakakain, nakakainom, at nakakatulog sila nang maayos, namumuhay sila na parang isang prinsipe—regular na naliligo, regular na nagpapamasahe, at regular na nagpapalit ng mga damit nila—at talagang hindi sila nagtitiis ng anumang pagdurusa. Hindi nila kailanman pinagninilayan kung anong tunay na gawain ang kaya nilang gawin, kung anong mga tunay na problema ang kaya nilang lutasin, kung ano ang mga naiambag nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung gaano sila kakalipikado na magtamasa ng lahat ng magandang bagay na ito—hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang alinman sa mga ito. Anong klaseng mga tao sila? Walang kamalayan sa sarili ang mga miserableng tao na ito, sila ay mga walang-hiya, at hindi sila karapat-dapat na maging mga lider at manggagawa sa iglesia.

Ang lahat ng huwad na lider ay hindi kailanman gumagawa ng tunay na gawain. Kumikilos sila na parang ang kanilang papel sa pamumuno ay isang opisyal na posisyon, tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, at ang tungkuling nararapat nilang gampanan at ang gawaing nararapat nilang gawin bilang isang lider ay itinuturing nilang isang pabigat, tulad ng isang abala. Sa puso nila, nag-uumapaw ang paglaban nila sa gawain ng iglesia: Kapag hiniling sa kanila na pangasiwaan ang gawain at alamin kung anong mga isyu ang umiiral sa loob nito na kinakailangang subaybayan at lutasin, sila ay puno ng pag-aatubili. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa, ito ang trabaho nila. Kung hindi mo ito ginagawa at ayaw mong gawin ito, bakit gusto mo pa ring maging isang lider o manggagawa? Ginagawa mo ba ang iyong tungkulin para isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, o para maging isang opisyal at magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan? Kung naging isang lider ka lang para magkaroon ka ng opisyal na posisyon, hindi ba’t medyo kawalang kahihiyan iyon? Ang ganitong uri ng mga tao ay may pinakamabababang karakter, walang dignidad, at walang kahihiyan. Kung gusto mong magtamasa ng kaginhawahan ng laman, dapat magmadali kang bumalik sa mundo, at makipaglaban, puwersahang kumuha, at sumunggab hangga’t kaya mo, at walang sinumang makikialam doon. Ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar para sa hinirang na mga tao ng Diyos para gawin ang mga tungkulin nila at sambahin Siya; isa itong lugar para sa mga tao na hangarin ang katotohanan at magtamo ng kaligtasan. Hindi ito isang lugar para magpakasasa ang sinuman sa kaginhawahan ng laman, lalong hindi ito isang lugar na nagtutulot sa mga tao na mamuhay na parang mga prinsipe. Walang kahihiyan ang mga huwad na lider, hindi sila tinatablan ng hiya, at wala silang katwiran. Anumang partikular na gawain ang nakatalaga sa kanila, hindi nila ito sineseryoso, at binabalewala nila ito; bagama’t napakaganda ng mga salitang isinasagot nila, hindi sila gumagawa ng anumang tunay. Hindi ba’t imoral ito? Hindi lang sa hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, kundi gusto rin nilang magkaroon ng ganap na kapangyarihan—gusto nilang mapasakamay ang kapangyarihan sa pananalapi, tauhan, at sa lahat ng usapin, at gusto nilang magbigay ng mga ulat sa kanila ang mga tao araw-araw. Sa katunayan, napakasipag nila pagdating sa mga bagay na ito. Pagdating ng oras na kailangan na nilang mag-ulat sa ang Itaas tungkol sa gawain, inaangkin nila ang mga resulta ng lahat ng gawain na ginawa ng mga kapatid upang mapaniwala ang ang Itaas na nakagawa sila ng mahusay na gawain, kahit na ang totoo ay iba ang gumawa ng lahat ng ito. Kung ilang tao ang nakamit sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, kung sino-sino ang mga iniangat at nililinang, kung sino-sino ang mga natanggal sa kanilang posisyon, kung sino-sino ang mga pinaalis, at iba pa—wala sa mga partikular na gampaning ito ang ginawa nila, ngunit ang lakas ng loob nilang iulat ang mga ito. Hindi ba’t hindi tinatablan ng hiya ang mga taong ito? Hindi ba’t nanlilinlang sila? Napakamapanlinlang at napakatuso ng gayong mga tao! Iniisip nilang matalino sila—ito talaga ay isang kaso kung saan sila ay nabibiktima ng sarili nilang mga matalinong panlalansi, at nabubunyag at natitiwalag sila sa huli. Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, wala silang kakayahan roon, hindi nila ito kayang pasanin, at hindi nila kayang tuparin ang alinman sa mga obligasyon o responsabilidad na nararapat tuparin ng tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging tao? Maliban sa mga uto-uto, may kapansanan sa pag-iisip, at mga nagdurusa sa mga pisikal na kapansanan, mayroon bang sinumang nabubuhay na hindi nararapat gumawa ng kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsabilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging tuso at nagpapakatamad, at hindi gustong tuparin ang kanilang mga responsabilidad; ang ipinahihiwatig ay na hindi nila nais na maging isang marapat na tao. Binigyan sila ng Diyos ng oportunidad na maging tao, at binigyan Niya sila ng kakayahan at mga kaloob, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa paggawa ng kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang lasapin ang kasiyahan sa bawat pagkakataon. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang pabasta-basta at tuso at nagpapakatamad. Kapag lumilitaw ang mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsabilidad sa ibang tao, hindi sila umaako ng pananagutan, at nais nilang patuloy na mamuhay sa kanilang parasitikong buhay. Hindi ba mga walang silbing basura sila? Sa lipunan, sino ang hindi kailangang umasa sa kanilang sarili para maghanap-buhay? Kapag umabot na sa hustong gulang ang isang tao, kailangan na niyang tustusan ang kanyang sarili. Natupad na ng kanyang mga magulang ang kanilang responsabilidad. Kahit handa ang kanyang mga magulang na suportahan siya, hindi siya komportable roon. Dapat niyang mapagtanto na tapos na ang mga magulang niya sa misyon ng mga ito na pagpapalaki sa kanya, at na siya ay nasa hustong gulang na at may malusog na katawan, at dapat magawa niyang mamuhay nang mag-isa. Hindi ba’t ito ang pinakamababang katwiran na dapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang? Kung talagang may katwiran ang isang tao, hindi siya maaaring patuloy na manghingi sa kanyang mga magulang; matatakot siya na pagtawanan ng iba, na mapahiya. Kaya, may katwiran ba ang isang taong mahilig sa ginhawa at namumuhi sa gawain? (Wala.) Lagi niyang gustong makuha ang isang bagay nang walang kapalit; hindi niya kailanman gustong tuparin ang anumang responsabilidad, hinihiling na mahulog na lang mula sa langit ang matatamis na pagkain at mahulog sa kanyang bibig; gusto niyang makakain palagi nang tatlong beses sa isang araw, magkaroon ng isang taong magsisilbi sa kanya, at magtamasa ng masasarap na pagkain at inumin nang walang ginagawa ni katiting na gawain. Hindi ba ganito ang pag-iisip ng isang parasito? At may konsensiya at katwiran ba ang mga taong parang parasito? Mayroon ba silang integridad at dignidad? Talagang wala. Lahat sila ay mga palamunin na walang silbi, lahat ay mga hayop na walang konsensiya o katwiran. Walang sinuman sa kanila ang angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos.

Ipagpalagay na nagsasaayos ang iglesia ng trabaho para sa iyo, at sinasabi mong, “Isang pagkakataon man ang trabahong ito na makakuha ako ng atensiyon o hindi—dahil ibinigay sa akin ito, gagawin ko ito nang maayos at papasanin ko ang responsabilidad na ito. Kung ako ay isasaayos na magpatuloy sa bahay, ibibigay ko ang lahat ng makakaya ko para magawa ito nang maayos; aasikasuhin ko nang maayos ang mga kapatid, at gagawin ko ang makakaya ko para matiyak ang seguridad ng lahat. Kung isasaayos akong mangaral ng ebanghelyo, sasangkapan ko ang aking sarili ng katotohanan at maayos na ipangangaral ang ebanghelyo nang may pagmamahal at tutuparin ang tungkulin ko. Kung isasaayos akong mag-aral ng isang wikang banyaga, buong-puso kong pag-aaralan at pagsusumikapan iyon, at susubukan kong matutuhan iyon sa lalong madaling panahon, sa loob ng isa o dalawang taon, upang makapagpatotoo ako sa Diyos sa mga dayuhan. Kung hihilingin sa akin na magsulat ng mga artikulo ng patotoo, maingat kong sasanayin ang sarili ko na gawin iyon, tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at pag-aaralan ang tungkol sa wika. Bagama’t maaaring hindi ako makasulat ng mga artikulong may magandang prosa, kahit papaano ay magagawa kong maiparating nang malinaw ang aking patotoong batay sa karanasan, komprehensibong magbahagi tungkol sa katotohanan, at magbigay ng tunay na patotoo para sa Diyos, nang sa gayon ay napapatibay at nakikinabang ang mga tao sa pagbabasa ng aking mga artikulo. Anumang trabaho ang italaga sa akin ng iglesia, tatanggapin ko iyon nang buong puso at lakas. Kung mayroon akong bagay na hindi maunawaan o magkaroon ng problema, mananalangin ako sa Diyos, hahanapin ang katotohanan, lulutasin ang mga problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gagawin nang maayos ang trabaho. Anuman ang tungkulin ko, gagamitin ko ang lahat ng mayroon ako para gawin iyon nang maayos at mapalugod ang Diyos. Anuman ang aking makamit, gagawin ko ang makakaya ko para pasanin ang responsabilidad na dapat kong pasanin, at kahit papaano, hindi ako sasalungat sa konsensiya at katwiran ko, o magiging pabaya, o magiging tuso at tamad, o magpapakasasa sa mga bunga ng pagtatrabaho ng iba. Wala akong gagawin na hindi aabot sa pamantayan ng konsensiya.” Ito ang pinakamababang pamantayan para sa sariling asal, at ang taong gumagawa ng kanyang tungkulin sa gayong paraan ay maaaring maituring na isang taong may konsensiya at katwiran. Dapat kahit papaano ay malinis ang konsensiya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi maging palamunin. Ang tawag dito ay pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, sa anumang kaso, dapat kang magkaroon ng ganitong saloobin: “Dahil ibinigay sa akin ang gawaing ito para gawin, dapat ko itong seryosohin, dapat kong alalahanin ito, at dapat kong gamitin ang buong puso at lakas ko para gawin ito nang maayos. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para gampanan iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magiging pabasta-basta tungkol dito. Kung may lumitaw na problema sa gawain, dapat kong akuin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gawin nang maayos ang aking tungkulin.” Ito ang tamang saloobin. Mayroon ba kayong ganitong saloobin? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko kailangang gumawa ng mahusay na trabaho sa gawaing itinalaga sa akin. Gagawin ko lang ang aking makakaya at bahala na kung ano ang magiging resulta. Hindi ko kailangang pagurin nang sobra ang sarili ko, o lubusang mabalisa kapag may nagawa akong mali, at hindi ko kailangang masyadong ma-stress. Ano ang silbi ng sobrang pagpapagod sa aking sarili? Tutal, palagi naman akong gumagawa at hindi ako pabigat.” Ang ganitong uri ng saloobin sa tungkulin ay iresponsable. “Kung gusto kong gumawa, gagawa ako nang ilang gawain. Gagawin ko lang kung ano ang makakaya ko at bahala na kung ano ang magiging resulta. Hindi ito kailangang masyadong seryosohin.” Ang gayong mga tao ay walang responsableng saloobin sa kanilang tungkulin at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad. Anong uri ng tao kayo? Kung kayo ang unang uri ng tao, kayo ay isang taong may katwiran at pagkatao. Kung kayo ang pangalawang uri ng tao, wala kayong ipinagkaiba sa uri ng mga huwad na lider na kahihimay Ko lang. Nagpapalipas lang kayo ng mga araw nang walang ginagawa. “Iiwasan ko ang pagkapagod at paghihirap at mas lilibangin ko na lang ang sarili ko. Kahit na isang araw ay matanggal ako, walang mawawala sa akin. Kahit papaano ay natamasa ko ang mga pakinabang ng katayuan sa loob ng ilang araw, hindi ito magiging kawalan para sa akin. Kung mapili ako bilang lider, ganyan ako kikilos.” Ano ang tingin mo sa mentalidad ng ganitong uri ng tao? Ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya na hindi naghahangad ng katotohanan kahit kaunti. Kung tunay kang may pagpapahalaga sa responsabilidad, ipinapakita nito na mayroon kang konsensiya at katwiran. Gaano man kalaki o kaliit ang gampanin, kahit sino pa ang magtalaga sa iyo ng gampaning iyon, kung ang sambahayan ng Diyos man ang nagkatiwala nito sa iyo o kung isang lider ng iglesia o manggagawa ang nagtalaga nito sa iyo, dapat ang saloobin mo ay: “Sapagkat itinalaga sa akin ang tungkuling ito, ito ay pagtataas at biyaya ng Diyos. Dapat ko itong gawin nang maayos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa kabila ng pagkakaroon ng katamtamang kakayahan, handa akong akuin ang responsabilidad na ito at ibigay ang lahat ng makakaya ko para magawa ito nang maayos. Kung hindi ako makagagawa ng mahusay na trabaho, dapat akong managot para dito, at kung makagagawa ako ng mahusay na trabaho, hindi ito kredito sa akin. Ito ang dapat kong gawin.” Bakit Ko sinasabi na ang pagtrato ng isang tao sa kanyang tungkulin ay isang usapin ng prinsipyo? Kung talagang mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad at isang responsableng tao, magagawa mong pasanin ang gawain ng iglesia at tuparin ang tungkuling nararapat mong gawin. Kung basta-basta mo lang tatratuhin ang iyong tungkulin, hindi tama ang pananaw mo sa pananampalataya sa Diyos, at may problema sa iyong saloobin sa Diyos at sa iyong tungkulin. Ang pananaw mo sa paggawa ng iyong tungkulin ay ang gawin ito nang pabasta-basta at iraos lang ito, at kung ito man ay isang bagay na handa kang gawin o hindi, isang bagay kung saan ka mahusay o hindi, palagi mo itong hinaharap nang may saloobin na basta mairaos lang, kaya, hindi ka angkop na maging lider o manggagawa at hindi ka nararapat gumawa ng gawain ng iglesia. Higit pa rito, sa prangkang salita, ang mga taong katulad mo ay walang kuwenta, nakatadhana na walang makakamit, at sadyang mga walang silbing tao. Anong uri ng mga tao ang walang silbi? Ang mga taong magulo ang isip, mga taong pinalilipas ang araw nila na walang ginagawa. Ang mga ganitong uri ng tao ay iresponsable sa anumang ginagawa nila, ni hindi nila ito sineseryoso; ginugulo nila ang lahat ng bagay. Hindi nila pinapakinggan ang mga salita mo kahit gaano ka pa makipagbahaginan sa katotohanan. Iniisip nila, “Magpaparaos-raos na lang ako kung gusto ko. Sabihin mo kung ano ang gusto mo! Ano’t anuman, sa ngayon ay ginagawa ko ang aking tungkulin at may pagkain akong makakain, sapat na iyon. Kahit papaano ay hindi ko kailangang maging pulubi. Kung isang araw ay wala na akong makakain, saka ko ito iisipin. Palaging mag-iiwan ng paraan ang Kalangitan para sa tao. Sinasabi mong wala akong konsensiya o katwiran, at na magulo ang isip ko—ano naman kung gayon? Hindi ko nilabag ang batas. Ang pinakamalala ay medyo kulang lang ako sa karakter, pero hindi iyon kawalan sa akin. Hangga’t may pagkain akong makakain, ayos na iyon.” Ano ang palagay mo sa ganitong perspektiba? Sinasabi Ko sa iyo, ang ganitong mga taong magulo ang isip na pinapalipas ang mga araw nila nang walang ginagawa ay pawang nakatadhanang matiwalag, at walang paraan para makamit nila ang kaligtasan. Ang lahat ng nananampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon pero hindi kailanman tumanggap sa katotohanan at walang mga patotoong batay sa karanasan ay matitiwalag. Walang makakaligtas. Ang mga basura at ang mga walang kuwenta ay mga pabigat lahat at nakatadhana silang itiwalag. Kung mga pabigat lamang ang mga lider at manggagawa, mas lalo silang dapat tanggalin at itiwalag. Ang mga taong magulo ang isip na kagaya nito ay gusto pa ring maging mga lider at manggagawa; hindi sila karapat-dapat! Hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, pero gusto nilang maging mga lider. Tunay ngang wala silang kahihiyan!

Pagkatapos matanggal sa kanilang mga posisyon ang ilang lider at manggagawa, sinasabi nila, “Kay ganda na hindi maging isang lider o manggagawa. Hindi ko kailangang mabalisa o abalahin nang husto ang sarili ko. Ang saya na maging isang ordinaryong kapatid. Bakit ko pa aabalahin ang sarili ko diyan? Hindi ako nagtataglay ng kakayahan para lang pagurin nang husto ang sarili ko.” May iba na nagtatanong sa kanila, “Ano ang gagawin mo ngayong hindi ka na isang lider o manggagawa?” Sasagot sila, “Ayos lang sa akin na gumawa ng anumang bagay, basta’t hindi masyadong nakakapagod at hindi kailangang gumugol ng labis na pagsisikap—isang bagay na kinasasangkutan ng paglalakad-lakad at patingin-tingin sa paligid, o pag-upo at pakikipag-usap o pagtingin sa kompyuter, at hindi nangangailangan ng napakahabang oras o pisikal na pagdurusa ay ayos lang.” Anong klase ng pananalita ito? Kung matutuklasan ninyo na ang pinili ninyong lider o manggagawa ay ganitong klase ng tao, ano ang mararamdaman ninyo sa puso ninyo? Hindi ba’t makakaramdam kayo ng matinding pagsisisi? (Oo.) Kung gayon, magkakaroon ba kayo ng anumang mga kaisipan tungkol dito? Sasabihin mo, “Noong una, nakita ko na mayroon kang kaunting kakayahan at gusto kitang iangat at linangin, at bigyan ka ng pagkakataon, para maunawaan mo ang ilan pang katotohanan. Hindi ko kailanman naisip na mas mababa ka pa kaysa sa walang kuwenta. Nagsisisi ako na itinuring kita bilang isang tao noon. Hindi ko kailanman inakala na hindi ka pala isang tao. Mas mababa ka pa nga kaysa sa isang baboy o aso, isa kang basura. Hindi ka karapat-dapat na magsuot nitong balat ng tao, at hindi ka karapat-dapat na maging isang tao!” Ang mga salitang ito ba ay hindi kanais-nais pakinggan? (Hindi.) Kanais-nais pakinggan ang mga salitang ito sa inyo, pero hindi ba’t masyadong hindi kanais-nais pakinggan ang mga ito sa ganitong uri ng basura? (Oo.) May puso ba ang basurang gaya nito? (Wala.) Kung gayon, kaya ba nilang tukuyin kung nagsasabi ng mabubuti o masasamang bagay tungkol sa kanila ang isang tao? Kapag nakatagpo ng anumang usapin ang mga taong walang puso, hindi nila babaguhin ang saloobin nila ng pagpapalipas ng mga araw nila nang walang ginagawa. Sa tingin nila, ayos lang basta’t nakikinabang at kumikita sila mismo at komportable ang pakiramdam nila. Kaya, kahit ano pa ang sabihin ng sinuman, wala silang pakialam. Ang sikat nilang kasabihan ay: “Kahit ano pa ang sabihin mo, kahit ano pa ang tingin o pagsusuri mo sa akin, o kahit paano mo ako iklasipika o pangasiwaan, wala akong pakialam!” Hindi ba’t sadyang basura ang mga taong ito? Kahit ano pa ang sabihin mo, wala silang anumang pakiramdam at hindi nila ito isinasapuso. Bakit hindi nila ito isinasapuso? Sadyang mga tamad sila, at wala silang puso. Walang dignidad o integridad ang mga taong walang puso, wala silang pakialam sa kahit anong sabihin mo, at kahit gaano ka pa kahigpit magsalita sa kanila, hindi makakaramdam ng kirot ang mga puso nila. Tanging ang mga may dignidad, integridad, at katwiran ang masasaktan at makakaramdam na tinutusok ang mga puso nila kapag nakakarinig sila ng gayong mga salita. Sasabihin nila, “Iyon ay isang hamak na paraan ng pag-asal ko, minaliit ako ng mga tao dahil doon, at nawalan ako ng dignidad, kaya, hindi na ako aasal nang ganoon. Gusto kong mabawi ang dignidad ko at hindi magsanhing maliitin ako ng mga tao. Magsisikap ako na mabawi ang karangalan ko, at gagawin ko ang lahat para mamuhay nang may dignidad at mapalugod ang Diyos.” May pakiramdam sila pagdating sa mga salitang nakakasakit sa dignidad nila at tumutusok sa masakit na bahagi, sa mahinang bahagi nila—ang mga ito ay mga taong may puso. Kapag ang mga may pakiramdam at nagtataglay ng dignidad ay nakakarinig ng mga tamang pahayag at nakakakita ng mga positibong bagay at nakikilala kung ano ang tama at mali, may determinasyon silang magbago dahil may dignidad sila, at ayaw nilang maliitin sila ng iba. Iyong mga tamad at walang silbing tao ay walang dignidad, at kaya, kahit ano pa ang sabihin mo sa kanila, kahit gaano pa katama o katumpak o kaayon sa katotohanan ang mga pahayag mo, o kahit gaano pa kapositibong bagay ang mga pahayag mo, wala itong epekto sa mga taong ito at hindi sila maaantig kahit kaunti. Ang isang tao na walang dignidad ay walang anumang pakiramdam sa anumang positibong bagay, anumang hatol, o anumang paglalantad, ni wala siya ng tamang saloobin tungkol sa kung anong uri ng landas sa buhay ang dapat piliin. Kaya naman, kahit ano pa ang sabihin mo sa kanya, kahit paano mo pa siya ilantad o ilarawan, tiyak na ayaw niyang tanggapin ito, at wala siyang pakialam. Kung gayon, may anumang silbi pa ba ang pangangaral ng katotohanan at pagbibigay ng mga sermon sa gayong mga tao? May anumang silbi ba ang pagpupungos sa kanila? May anumang silbi ba ang paghahatol at pagkakastigo sa kanila? Wala! Ang gayong mga tao ay sadyang walang silbi. Iniraraos lang nila ang mga araw nila, at nabibilang sila sa kategorya ng mga hayop—sa tumpak na salita, hindi sila tao. Hindi sila karapat-dapat na marinig ang mga salita ng Diyos. Kung magiging mga lider ng iglesia ang mga walang kuwenta at parasitong ito, matutuklasan ba nila ang mga problemang umiiral sa iglesia? Malulutas ba nila ang mga isyu? Tiyak na hindi. Kung magbabahagi ng isyu ang mga hinirang ng Diyos, kaya ba nilang lutasin ito? Tiyak na hindi rin nila ito kayang lutasin. Wala silang kapabilidad na lumutas ng anumang isyu, kaya paano nila magagawa ang gawain ng pamumuno? Malayong mangyari iyon! Bilang mga lider at manggagawa, kahit papaano, dapat malutas ng mga tao ang mga problemang umiiral sa gawain ng iglesia at ang mga problemang umiiral sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Kung magsasanay sila nang ilang panahon at magkakaroon ng kaunting karanasan, at kaya rin nilang makipagbahaginan tungkol sa ilang katotohanan at magtalakay tungkol sa ilang patotoong batay sa karanasan, unti-unti silang magiging mahusay sa gawain ng pamumuno. Kung wala silang kapabilidad na tumuklas o lumutas ng anumang mga problema, hinding-hindi nila magagawa ang gawain ng pamumuno; kung gayon, sila ay mga huwad na lider, at dapat silang tanggalin, at dapat maghalal ng mga bagong lider.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.