Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26) Ikalawang Seksiyon
II. Mga Tao ng Diyos
Pagkatapos pagbahaginan ang mga pagpapamalas ng mga tapat na trabahador, pag-usapan naman natin ang mga pagpapamalas ng isa pang uri ng mga tao. Matapos marinig ang iba’t ibang paglalantad at paghatol ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng lahat ng uri ng mga tao, ang mga indibidwal na ito, kung ihahambing, ay mas nag-iisip tungkol sa sarili nilang iba’t ibang nakaraang pagpapakita ng tiwaling disposisyon at iba’t ibang saloobin sa Diyos at sa katotohanan na umuusbong sa ilalim ng kapamahalaan ng tiwali nilang disposisyon—sinisimulan nilang pagnilayan at alamin ang iba’t iba nilang pagpapamalas, ikumpara ang sarili nila sa mga salita ng Diyos, suriin ang saloobin nila sa tungkulin nila, at suriin ang iba’t ibang katiwaliang ipinapakita nila habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at sa gitna ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na inihanda ng Diyos. Sinusuri at kinikilala nila ang sarili nila mula sa bawat detalye habang sinusubukan nilang tanggapin ang paghatol, paglalantad, at pagdidisiplina ng Diyos. Sa anong mga paraan mas nakalalamang ang mga indibidwal na ito kaysa sa mga trabahador? Kaya nilang maagap at positibong tanggapin ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, at ang bawat tiwaling disposisyong inilantad ng Diyos. Bagama’t minsan ay maaari silang maging negatibo, umiwas, o mag-isip pa ngang sumuko, anuman ang mangyari, nagtataglay pa rin sila ng motibasyon na tanggapin ang katotohanan. Ano ang motibasyong ito? Ito iyon: “Kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tao. Hangga’t tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, malulutas ang lahat ng problema at tiwaling disposisyong ito, at sa gayon ay maililigtas ang isang tao. Kung gusto kong maligtas, dapat akong makipagtulungan sa gawain ng Diyos at dapat kong tanggapin ang katotohanan.” Halimbawa, nang marinig ang katotohanan tungkol sa pagiging isang matapat na tao, nagsisimula ang ilan na pagnilayan ang sarili nila at mas malinaw na makita ang panlilinlang at panlalansi na ginagawa nila, gayundin ang mga tuso at buktot nilang aspekto. Naaalala nila ang mga dati nilang kasinungalingan at madadayang pamamaraan na nananatili sa puso o impresyon nila, na paulit-ulit na naglalaro sa isipan nila tulad ng mga eksena mula sa isang pelikula, na nagdudulot sa kanila na lalong makaramdam ng kahihiyan, pasakit, at kalumbayan. Pagkatapos ng tuloy-tuloy na pagsusuri sa sarili at pagninilay sa sarili, pakiramdam nila ay para silang mga kriminal, agad silang ganap na nanlalata at hindi nila kayang tumayo. Pakiramdam nila ay hindi sila mabubuting tao kundi masasama, at iniisip nilang mapalad sila na hindi nila direktang nilabanan ang Diyos, na talagang muntik na silang hindi makaligtas! Pagkatapos ay nagsisimula na silang magising, ayaw na mabigo nang ganito bilang isang tao, at nagpapasya silang: “Dapat akong magsimulang muli at maging isang matapat na tao, kung hindi, hindi ako maililigtas ng Diyos. Para maligtas, dapat akong maging isang matapat na tao. Hinding-hindi ako maaaring sumuko ngayon!” Kailan man tanggapin ng mga taong ito ang katotohanan, at malalim man o mababaw ang pag-arok nila sa mga salita ng Diyos, ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay hindi panghahamak, lalong hindi ito pagtutol o paglaban. Sa halip, aktibo nilang kinikilala at tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay palagi na silang handang isagawa ang mga ito. Kapag kumikilos sila o gumaganap ng mga tungkulin nila, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para hanapin ang mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos at pagkatapos ay kumilos nang may kamalayan ayon sa mga prinsipyong ito. Kahit pa minsan ay hindi nila mahanap ang mga partikular na prinsipyo o maarok ang direksyon, ang layon nila ay ang gampanan nang maayos ang tungkulin nila, ang gampanan ito ayon sa mga layunin ng Diyos at nang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pagkatao ng mga taong ito at ng mga trabahador ay halos pareho; walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababa, o ng marangal at hamak. Siyempre, marami sa ganitong uri ng mga tao ay nakikita ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, at mayroong abilidad na talikuran ang mga bagay-bagay bilang isang mananampalataya sa Diyos, at ng kahandaang magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko.” Pero ano ang kaibahan sa pagitan ng mga taong ito at mga trabahador? Matapos nilang marinig ang mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa mga tao, ang saloobin nila ay hindi pagbalewala, hindi pag-iwas, kundi aktibo at masigasig na pagtanggap. Kahit pa mabagabag at panghinaan sila ng loob pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito, at magpahayag pa nga ng galit sa sarili nilang nabunyag na katiwalian, sa huli, kaya pa rin nilang harapin nang tama ang mga ito, tanggapin nang aktibo, at maagap na isagawa at pasukin ang mga ito. Hindi ba’t isa rin itong uri ng tao? (Oo.) Hindi ba’t sa isang antas ay kumakatawan ang mga taong ito? (Oo.) Marami bang ganitong tao? (Hindi marami.) Bagama’t hindi sila marami ngayon, mayroong pag-asa na dadami ang bilang nila. Kaya, sa anong kategorya dapat mabilang ang mga taong ito? Maipapahiwatig ba ng mga partikular na pagpapamalas na ito na minamahal ng mga taong ito ang katotohanan at kaya nilang tanggapin ang katotohanan? (Oo.) Maipapahiwatig ng mga ito. Bagama’t mas mabagal na tinatanggap ng ilang taong may mahinang abilidad na makaarok ang katotohanan, sa kaibuturan ng puso nila, tinatanggap nila ang katotohanan at mayroon silang pag-iisip na aktibong pumasok dito. Sa tuwing mayroong nakikipagbahaginan tungkol sa bagong liwanag o mga landas para sa pagsasagawa na alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, kumikinang ang mga mata nila, naliliwanagan ang mga puso nila, at nagagalak sila, iniisip na, “Sa wakas, mayroong nakipagbahaginan tungkol sa liwanag na ito. Ito ang wala sa akin.” Palagi nilang naaarok kung ano ang wala sa kanila, para matamo ang liwanag at kaliwanagan na kailangang-kailangan nila at wala sa kanila, at para mahanap ang mga katotohanang prinsipyong kinakailangan nila mula sa tunay na pagkaunawang batay sa karanasan na ibinabahagi ng mga kapatid nila. Batay sa mga partikular na pagpapamalas na ito, hindi ba’t inaasam ng mga puso nila ang katotohanan? (Oo.) Kung sasabihin nating minamahal ng mga taong ito ang katotohanan, hindi masyadong obhetibo o tumpak ang pahayag na ito. Gayumpaman, batay sa mga partikular nilang pagpapamalas, inaasam nga ng mga taong ito ang katotohanan. Saan nanggagaling ang pag-aasam na ito? Nanggagaling ito sa pag-asa nilang malutas ang mga tiwali nilang disposisyon, sa pag-asa nilang malutas ang iba’t ibang problema at suliraning kinakaharap nila sa buhay pagpasok nila, at sa pag-asa nilang lumago sa katotohanan, na magsiyasat nang mas malalim, gayundin sa pag-asa nilang tunay na makakilos nang may mga prinsipyo, na magsagawa nang may landas, na mas tumpak na makilala mula sa mga pagbubunyag ng mga tiwali nilang disposisyon kung ano ba ang diwa ng mga tiwali nilang disposisyon, at kung paano ba lulutasin at iwawaksi ang mga ito. Kahit na madalas na namumuhay ang mga taong ito sa loob ng mga tiwaling disposisyon, tulad ng pakikipag-agawan para sa katayuan, pagmamatigas na ipilit ang sarili nilang paraan, at pagiging mapagmagaling, mapagmataas, mapanlinlang, o matigas pa nga ang kalooban, sa pamamagitan ng patuloy na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagdanas ng gawain ng Diyos, unti-unting masusuri at matutukoy ang mga hayagang problemang ito. Pagkatapos, makikilala nila ang mga ito bilang mga problema, mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, hindi alinsunod sa katotohanan, at kinamumuhian ng Diyos. Matapos mabatid ang mga tiwali nilang disposisyon, mas lalo silang nag-aasam na malutas at maiwaksi ang mga ito. Isa ito sa mga pinagmulan ng pag-aasam nila sa katotohanan. Sa madaling salita, mayroon silang pangangailangang lutasin ang mga tiwali nilang disposisyon, ng apurahang mentalidad na iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon. Kasabay nito, anumang tiwaling disposisyon ang matuklasan nilang naibunyag nila, o anumang mga problema o paghihirap ang makaharap nila, mas sabik silang maghanap ng mga tumpak na kasagutan sa mga salita ng Diyos, at maunawaan kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, at anong mga katotohanan at salita ng Diyos ang dapat gamitin para lutasin ang mga ito. Ang mga ito ang mga partikular na pagpapamalas at pinagmulan ng pag-aasam nila sa katotohanan. Isa ba itong obhetibong pahayag? (Oo.) Hindi masasabing nagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito. Kung mahal nila ang katotohanan, magiging lubos na maagap sila, at magiging mas positibo ang iba’t iba nilang pagpapamalas. Gayumpaman, batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong ito at sa aktuwal nilang tayog, hindi pa sila umaabot sa punto ng pagmamahal sa katotohanan kundi inaasam pa lang nila ito. Labis nang obhetibo ang pahayag na ito. Kaya, kung titingnan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong ito, sa aling kategorya sila dapat mabilang? Sa tumpak na pananalita, nabibilang ang mga taong ito sa kategorya ng mga tao ng Diyos. May batayan ang pahayag na ito. Anong batayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng mga taong ito ay pareho sa mga tiwaling disposisyon ng iba. Pagdating sa pagkatao, hindi masasabing mabuti ang pagkatao nila, ni masasabing perpekto sila sa paningin ng Diyos; may taglay na karaniwang pagkatao ang karamihan sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng “karaniwan” dito? Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng isang partikular na antas ng konsensiya at katwiran. Pero hindi ito ang pinakamahalagang aspekto. Ano ang pinakamahalaga? Ito ay na pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos, pagkatapos marinig ang tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng lahat ng uri ng mga tao na inilantad ng mga salita ng Diyos, hindi sila walang interes kundi naaantig at kikilos sila. Ano ang ibig sabihin ng pagkilos? Nangangahulugan ito na pagkatapos marinig ang mga salitang ito ng Diyos at ang mga katotohanang ito, ayaw na nilang mamuhay sa mga tiwaling disposisyon at ipagpatuloy ang mga nakaraan nilang paraan ng pamumuhay. Sa halip, sinisikap nilang baguhin ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, at paraan ng pag-iral at paraan ng pamumuhay na dati nilang sinandigan. Kasabay nito, aktibo nilang hinahanap ang katotohanan sa paggampan ng tungkulin nila at sa iba’t ibang sitwasyong inihanda ng Diyos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan at mga prinsipyo para sa pagsasagawa, sa halip na maging walang pakundangan at matigas ang ulo. Mula sa kanilang pagkatao, kakayahan, mga saloobin at pananaw sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Diyos, at iba pa, ang mga taong ito ang mismong mga nilalayong iligtas ng Diyos. Mas may pag-asa silang maiwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon at mailigtas kaysa sa mga trabahador. Tanging ang mga tumatanggap sa katotohanan at kayang iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon para maligtas ang itinuturing na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t napakaangkop ng pakahulugang ito? (Oo.) Ito ang pinakaangkop. Ang kaligtasan ay hindi tungkol sa kaunting pagsisikap lang at pagbabayad ng kaunting halaga para makapanatili, at pagkatapos ay nalutas na ang lahat. Ano ang kondisyon ng mga maililigtas? Isa itong kondisyon kung saan, sa pamamagitan ng pagtanggap at pagdanas sa mga salita at gawain ng Diyos, nalulutas ang mga tiwali nilang disposisyon. Sa prosesong ito, nakikilala nila ang Diyos, nauunawaan nila ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, at nagkakaroon sila ng mga tunay at kongkretong karanasan sa mga salita ng Diyos, kaya nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos—nagagawa nilang patotohanan ang Diyos. Anong mga aspekto ng Diyos ang pinatototohanan nila? Nagpapatotoo sila sa mga layunin ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, sa mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, sa pagkakakilanlan ng Diyos, at na ang Diyos ang Lumikha. Ito ang maaaring maipamalas sa isang tao pagkatapos matamo ang kaligtasan. Bakit makakamit ng mga tao ang mga resultang ito pagkatapos na maligtas? Hindi dahil itinuturing nila ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, at mayroong abilidad na talikuran ang mga bagay-bagay bilang isang mananampalataya sa Diyos, at ng kahandaang magbayad ng halaga para magampanan ang tungkulin ko” kaya nakakamit nila ito. Ang tanging dahilan—at ang pinakamahalagang punto—ay na kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, kaya nilang isagawa ang katotohanan para maiwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon, maisantabi ang mga orihinal at dati nilang paraan ng pamumuhay at mga pananaw sa pamumuhay, at tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang bago nilang buhay. Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos bilang isang batayan sa pag-asal, paggawa ng mga bagay, pagsunod sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Ito ang resulta na maaaring makamit sa gayong mga tao. Ano ang pinakamahalagang aspekto para sa pagkakamit ng kaligtasan? (Ang magawang tanggapin ang katotohanan.) Tama iyan. Ang magawang tanggapin ang katotohanan ang susi.
Sinasabi ng ilang tao, “Kung gugugulin ko ang sarili ko para sa Diyos hanggang sa wakas, labis ba akong pagpapalain ng Diyos?” Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, pero kaya mo pa ring magpursigi sa pagsunod sa Diyos hanggang sa wakas, nagtatrabaho hanggang sa huli, at sa panahong ito ay walang malalaking pagsalangsang at hindi mo sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, ituturing ka ng Diyos bilang isang tapat na trabahador na mananatili. Nagtatanong ang ilang tao, “Anong uri ng pagpapala ang manatili?” Hindi ito maliit na pagpapala! Kung mayroong pagkakataon at posibilidad, maaari mong makita ang tunay na persona ng Diyos, at nakasalalay ito sa kung ano ang gagawin ng Diyos sa susunod na kapanahunan. Kung mayroong oportunidad na manatili at mabuhay nang ilan pang dekada, napakamakabuluhan ng pagpapalang iyon. Paano nangyayari ang pagpapalang ito? Nakakamit ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang tapat habang pinanghahawakan ang pananaw na “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay, at handa akong magbayad ng halaga at kaya kong magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko.” Hindi ba’t dapat marunong makontento ang mga trabahador? (Oo.) Dapat silang maging kontento na matamo ang pagpapalang ito. Ni hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, pero dahil nakikita ng Diyos ang katapatan at abilidad mong magtrabaho hanggang sa wakas, nang hindi lumilisan sa panahong ito, nang hindi sinasalungat ang disposisyon ng Diyos o nilalabag ang Kanyang mga atas administratibo, nang hindi gumagawa ng malalaking pagsalangsang, ipinagkakaloob Niya sa iyo ang pagpapala at biyayang ito—mula noong likhain ang sangkatauhan, ito ang pinakamalaking kaloob na ibinibigay ng Diyos sa mga tiwaling tao na nagtrabaho lang nang tapat pero hindi nagtamo ng kaligtasan. Nagsikap ka lang nang kaunti, at hindi mo man lang tinatanggap ang mga salita ng Diyos—ang makatanggap ng gayon kalaking pagpapala ay napakainam na; ito ang napakalaking biyaya ng Diyos. Ang isa pang kategorya ay ang mga tao ng Diyos, na kakatalakay lang natin. Ang mga pagpapalang matatanggap ng mga tao ng Diyos ay tiyak na mas malaki kaysa sa mga matatanggap ng mga trabahador. Kung gayon, ano ang pagpapala sa mga tao ng Diyos? Siyempre, hindi ito kasingsimple ng makapanatili lang o magkaroon ng oportunidad na makita ang tunay na persona ng Diyos. Mayroong higit pang mga pagpapala, pero hindi natin tatalakayin ang mga ito rito. Hindi makatotohanan na talakayin iyon, at bukod pa roon, kahit pa sabihin Ko sa inyo, hindi naman ninyo mauunawaan o matatamo ang mga iyon sa ngayon. Ang mga tao ng Diyos ang mga nilalayong iligtas ng Diyos, at sa buong sangkatauhan, matatanggap nila ang pinakamalalaking pagpapala; hinding-hindi ito isang pagmamalabis. Bakit ganoon? Dahil, sa gawain ng Diyos, sa loob ng gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, ay naiwaksi ng mga tao ng Diyos ang tiwaling disposisyon ni Satanas at naisabuhay nila ang mga salita ng Diyos, dahil nagagawa nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos, ituring ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang ang mga prinsipyo para sa pag-iral nila, at gawing buhay nila ang mga salita ng Diyos, at sa gayon ay malakas at umaalingawngaw na magpatotoo sa Diyos. Nagagawa nilang gamitin ang isinasabuhay nila, ang buhay nila, para gantihan at ipahiya si Satanas, nagagawa nilang patotohanan ang Diyos sa sangkatauhan, at sa gayon ay magdala ng kaluwalhatian sa Diyos. Samakatwid, ang mga tao ng Diyos ang mga nilalayong iligtas ng Diyos, at ang mga nakatatanggap ng kaligtasan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil kaya ng mga indibidwal na ito na gawing buhay nila ang mga salita ng Diyos, isabuhay ang mga salita ng Diyos, at patotohanan ang Diyos, dahil ba roon ay nagiging mga minamahal na anak sila ng Diyos, iyong mga kinalulugdan ng Diyos?” Masyado kang nag-iisip; ayos nang maging isa sa mga tao ng Diyos. Kung tatawagin ka ng Diyos na Kanyang anak, Kanyang supling, o Kanyang minamahal na anak, ang Diyos ang magpapasya roon, pero kahit kailan, hindi mo kailanman dapat ipahayag mismo na ikaw ang minamahal na anak ng Diyos, ang anak ng Diyos, o ang minamahal ng Diyos. Huwag kang gumawa ng gayong mga pahayag tungkol sa sarili mo, at huwag mong ituring ang sarili mo bilang ganoon; isa kang nilikha—tama ito. Kahit pa isang araw ay tawagin ka na kasama sa mga tao ng Diyos, o tumahak ka na sa landas ng kaligtasan, isa ka pa ring nilikha lang. Kung ganito ka mag-isip, nagpapatunay ito na ang landas na tinatahak mo ay ang tamang landas. Kung palagi kang naghahangad na maging minamahal na anak ng Diyos, na mahalin ng Diyos, na kalugdan ng Diyos, ang landas na tinatahak mo ay ang maling landas; walang patutunguhan ang landas na ito, at hindi mo dapat gawin ang ganyang pangangarap nang gising. Kung nagsabi man ang Diyos ng gayong mga salita kailanman, o nagbitaw ng gayong pangako sa mga tao, hindi mo dapat ituring ang sarili mo na ganito; hindi ito ang dapat mong subukang matamo. Ayos nang maging isa sa mga tao ng Diyos; pasok na sa pamantayan bilang mga nilikha ang mga tao ng Diyos—nakakalungkot lang na hindi ka pa ganoon. Kaya, huwag mong hangarin ang mga malabo, di-totoo, at walang-kabuluhang bagay na iyon. Ang magawang hangarin na maligtas ay, sa isang antas, pagtahak na sa landas ng kaligtasan. Ang mga pangunahing katangian ng mga tao ng Diyos ay na kaya nilang tanggapin ang katotohanan at nagpapakita sila ng pagmamahal sa katotohanan. Sa proseso ng pagdanas ng gawain ng Diyos at paghahangad ng kaligtasan, maaaring malutas, maiwaksi, at mabago sa iba’t ibang antas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mga dating kaisipan, at iba’t ibang negatibong kalagayan at pagpapamalas na nauugnay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos, maisasabuhay na nila ang mga hinihingi ng Diyos na maging isang matapat na tao, isang taong nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, isang taong may katapatan at pagpapasakop, at isang taong kayang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Pagdating naman sa kung paano maging isa sa mga tao ng Diyos na pasok sa pamantayan at nakakatugon sa sukatan, hindi tayo magpapalawig tungkol doon; hindi iyon ang paksa ng pagbabahaginan natin ngayon.
III. Mga Upahang Manggagawa
Bukod sa mga trabahador at mga tao ng Diyos, may isa pang kategorya ng mga indibidwal, na pinakakaawa-awa sa mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos marinig ang iba’t ibang katotohanang ipinahayag ng Diyos at ang iba’t ibang salita ng Kanyang paglalantad sa sangkatauhan, ang pag-uugali nila, ang isinasabuhay nila, at mga paghahangad nila ay hindi nagpapakita ng anumang pagbabago. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, nananatili silang walang interes: “Ayaw kong magbago. Mamumuhay ako kung paano ko man gustong mamuhay, at walang sinuman ang makakakontrol sa akin. Gawin ninyo kung ano ang gusto ninyo, wala akong pakialam! Hindi maganda ang timpla ko ngayon, kaya wala dapat sa inyo na mang-inis sa akin. Kung iinisin ninyo ako, hindi ako magiging magalang!” Hindi nila itinuturing ang sarili nila nang may tiyak na saloobin o pananaw na “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay, at handa akong magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga,” pero nagpapakita sila ng mas tiyak na saloobin kasama ang mga kapatid. Ano ang saloobing ito? Ito ay, “Kikilos ako kung paano ko man gusto, gagawin ko kung anuman ang nais ko. Walang sinuman ang dapat humimok sa akin na tanggapin ang katotohanan, walang sinuman ang dapat sumubok na baguhin ako. Ang sinumang sumubok na himukin akong tanggapin ang katotohanan ay naghahanap lang ng gulo, at kung may sinumang sumubok na pungusan ako, lalaban ako nang todo!” Wala silang kahit katiting na interes sa anumang pangungusap na binigkas ng Diyos, ni sa gawaing ginagawa ng Diyos. Siyempre, pagdating sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa mga prinsipyo ng paggawa ng mga bagay, gayundin sa saloobing dapat taglayin ng mga tao sa Diyos at mga prinsipyong dapat sundin sa mga pakikisalamuha sa iba—na binabanggit ng mga kapatid sa mga pagtitipon o habang ginagampanan ang tungkulin nila—tinatrato nila ang mga ito nang may saloobin ng panghahamak. Gumagampan ng tungkulin ang ilang indibidwal, pero ganap nilang binabalewala ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, ginagawa nila ang mga bagay-bagay kung paano nila ito pinlano. Pagkatapos na pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo, sumasang-ayon sila nang harap-harapan pero pagkatapos ay tumatalikod sila at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan at basta-basta, na nagpapakita ng malademonyo nilang aspekto. May mga indibidwal ding mukhang mga disenteng tao sa panlabas, pero kapag nakikipag-usap o nakikipagkuwentuhan ka sa kanila, hindi tama ang mga pananaw nila, hindi tama ang tono nila, at ang mas malala pa ay hindi tama ang disposisyon nila, na ginagawang imposible na makipag-usap sa kanila. Kapag tinanong mo sila, “Umiiral ba sa mundo ang Diyos?” sasabihin nila, “Hindi ko alam.” Sasabihin mo, “Dapat itong gawin sa ganitong paraan, layunin ito ng Diyos.” Tutugon sila, “Sa tingin mo ba ay mahirap akong pakisamahan? Nilalayon mo bang bigyan ako ng problema? Sinusubukan mo ba akong patalsikin?” Sasabihin mo, “Ang pagkilos nang ganito ay pagkakalat ng mga kuru-kuro at pagbubulalas ng pagkanegatibo, na maaaring maging sanhi na matisod ang ilang bagong mananampalataya. Dapat tayong sumunod sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, at dapat malinaw sa atin ang mga prinsipyong dapat sundin sa mga pakikisalamuha at pakikisama ng mga tao sa isa’t isa. Kung hindi makapagpapatibay o makatutulong sa iba ang sinasabi at ginagawa, kahit papaano man lang, hindi dapat ito magkaroon ng negatibong epekto sa iba. Ito ang katwiran na dapat taglayin ng isang tao na may normal na pagkatao.” Sasabihin nila, “Nakikipag-usap ka sa akin tungkol sa normal na pagkatao, nangangaral sa akin tungkol sa mga panuntunan, sino ka ba sa tingin mo? Ano ba ang mali sa pagbubulalas ko ng pagkanegatibo? Para sa bawat bagong mananampalatayang natitisod, nababawasan ng isa ang mga bagong mananampalataya—makaiiwas ako na mainis na makita sila!” Walang saysay ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa mga panuntunan, at gayundin ang pagtatalakay tungkol sa pagkatao. Paano naman ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos? Hindi rin sila nakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos. Walang nangangahas na punahin sila, walang nangangahas na abalahin o inisin sila. Mayroon bang ganitong mga tao sa iglesia? (Mayroon.) Sa mga pinaalis na, mayroon ngang gayong mga indibidwal. Ang mga taong ito ba ay mga trabahador, mga tao ng Diyos, o ano? (Sila ay mga taong itiniwalag.) Bakit sila itiniwalag? (Dahil sa hindi pagtanggap sa katotohanan; dahil sa pagtutol sa katotohanan.) Ito ang diwa ng problema. Kung gayon, bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Bakit sila tumututol sa katotohanan? Ano ang ugat na sanhi? (Ang diwa ng mga taong ito ay sa mga hindi mananampalataya.) Tama, ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya. Marami-raming hindi mananampalataya sa iglesia, pero ganito ba ang lahat ng hindi mananampalataya? (Hindi.) Ang mga indibidwal na ito, na wala man lang pinakapangunahing moralidad at pagpapalaki—itinitiwalag ba sila dahil lang sila ay mga hindi mananampalataya? Bakit sila itinitiwalag? Sa ugat nito, isa itong problema ng pagkatao; may masama at mapaminsalang pagkatao ang mga taong ito. Sa tumpak na pananalita, wala silang pagkatao. Dahil wala silang pagkatao, ano sila? Mga tao sila na may maladiyablong kalikasan. Paano maikukumpara ang mga taong may maladiyablong kalikasan sa mga hayop? Sa tingin Ko ay mas masahol pa nga sila kaysa sa mga hayop; kaya ng ilang hayop na maging masunurin at umiwas na gumawa ng mali. Halimbawa, kaya ng mga aso na maging napakabuti; talagang mainam na gawing mga alaga ang ilang aso, talagang nakakasundo ang mga tao! Talagang masunurin at matalino sila, nauunawaan ang lahat ng sinasabi ng mga tao, at angkop silang manatili sa loob ng bahay. Higit na mas mabuti ang gayong mga aso kaysa sa mga masuwaying tao. Maraming tao ang mas masahol pa kaysa sa mabubuting aso. Kung gayon, tao pa rin ba sila? Hindi, hindi sila tao; sila ay hindi-tao. Maraming tao ang hindi nakauunawa sa wika ng tao; imposibleng makipag-usap sa kanila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan paano man ito ibinabahagi, nagrereklamo sila kapag pinupungusan, at nagngangalit sila at nagmumura kapag natiwalag sila, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago kahit ilang taon na silang nananampalataya. Puwede pa rin bang pahintulutang manatili sa sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Hindi sila puwedeng pahintulutang manatili. Sa anong kategorya dapat ibilang ang gayong mga indibidwal? Una sa lahat, dapat bang ikategorya ang mga indibidwal na ito bilang hinirang na mga tao ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi sila kabilang sa mga hinirang ng Diyos, sa anong kategorya sila dapat ilagay? Ang hindi mapabilang sa mga hinirang ng Diyos—paano dapat ito bigyan ng kahulugan? Nangangahulugan ito na mula sa perspektiba ng pagkatao na ipinapakita at isinasabuhay nila, hindi lang ito isang simpleng usapin ng pagiging hindi mananampalataya; hindi sa tao ang diwa nila. Marami ang hindi mananampalataya—kasinsama at kasingmapaminsala ba silang lahat ng mga indibidwal na ito? Hindi. Maging sa mga walang pananampalataya, hindi lahat ay ganoon kasama; nagtataglay ang ilang tao ng mga pinakapangunahing pamantayan ng moralidad. Paano naman ang mga indibidwal na ito kung gayon? Wala man lang sila ng mga pinakapangunahing moralidad at pagpapalaki na mayroon ang mga walang pananampalataya; ang mga pagbubunyag nila at ang isinasabuhay nila, sa tumpak na pananalita, ay hindi pasok sa mga pamantayan ng moralidad ng tao. Ang diwa ng mga taong ito ay pagiging maladiyablo. Kung gayon, mula sa perspektiba ng diwa nila, inililigtas ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila inililigtas ng Diyos. At bakit ganoon? Dahil masama at mapaminsala ang pagkatao nila, malademonyo ang kalikasan nito, at sa gayon ay tumututol sila sa katotohanan at nilalabanan nila ito. Ang totoo, ang ganitong paglalarawan ay pagtataas sa kanila; sa mas tumpak na pananalita, tinututulan at kinamumuhian ng mga indibidwal na ito ang mga positibong bagay, hindi sila umaabot sa antas ng pagiging tutol sa katotohanan at hindi pagtanggap dito. Tumututol, namumuhi, at lumalaban sila maging sa mga pinakapangunahing positibong bagay; ang mga panuntunang dapat sundin ng isang taong may normal na pagkatao at ang pagpapalaking dapat na mayroon sila ay pawang mga bagay na kinasusuklaman nila. Kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? (Hindi nila iyon nagagawa.) Tama, hindi nila iyon nagagawa; hindi man lang sila mga trabahador. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi man lang sila mga trabahador, ano ang turing sa kanila sa loob ng sambahayan ng Diyos? Paano sila nakapasok sa sambahayan ng Diyos?” Kung ipapaliwanag natin sila, para ilagay sila sa isang kategorya, sa tumpak na pananalita, ang mga indibidwal na ito ay katulad ng mga upahang manggagawa o pansamantalang manggagawa na ipinasok mula sa mga walang pananampalataya. Malinaw ba ang kahulugan nito? Ito ang kategorya nila, gayundin ang papel na ginagampanan nila sa sambahayan ng Diyos. Hindi man lang sila mga trabahador; hindi Ko sila itinuturing na mga trabahador, hindi sila karapat-dapat! Nagtataglay ang mga trabahador ng mga katangiang tulad ng pagkakaroon ng mabuting pagkatao, tunay na pananampalataya sa Diyos, at pagkakaroon ng kahandaang magbayad ng halaga, at ng abilidad na magtiis ng paghihirap, at isinasabuhay nila ang mga bagay na ito. Wala kahit ng mga katangiang ito ang mga indibidwal na ito, kaya ang pagkaklasipika sa kanila bilang mga upahang manggagawa ay pagpapakita na sa kanila ng sukdulang kabaitan at lubos na magalang. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang upahang manggagawa o pansamantalang manggagawa? Nangangahulugan ito na, dahil sa mga espesyal na pangangailangan sa mga partikular na panahon, ang sambahayan ng Diyos ay kumukuha ng ilang indibidwal na walang kaugnayan sa kaligtasan para makumpleto ang ilang gampanin. Pagkatapos makumpleto ang mga gampaning ito, nabubunyag ang tunay na kulay ng mga indibidwal na ito. Sapat nang nagdusa ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pakikisalamuha sa kanila, labis nang nagsasawa sa kanila, at nagkaroon na rin ng sapat na pagkilatis tungkol sa kanila. Sa gayong mga sitwasyon, dapat na paalisin ang mga indibidwal na ito; ito ang pinakaangkop na panahon para sa gayong mga pagkilos. Malinaw bang ipinaliwanag ngayon lang kung paano lumilitaw ang mga indibidwal na ito? (Oo.) Mga upahan silang manggagawa na walang kaugnayan sa kaligtasan, na ipinasok sa mga espesyal na panahon ng gawain ng iglesia. Pagkatapos gumawa ng kung anu-anong trabaho at magserbisyo sa loob ng ilang panahon, gumagawa ang mga indibidwal na ito ng mga walang-pakundangang maling gawa sa loob ng sambahayan ng Diyos, na nagiging sanhi ng maraming paggambala at panggugulo. Ang papel na ginagampanan nila ay iyong sa mga negatibong karakter. Ganap nilang sinasalamin ang tunay na mukha ni Satanas at ng mga diyablo, ginugulo ang gawain ng iglesia, at sinisira ang kaayusan ng buhay iglesia. Sa mas kongkretong pananalita, masasabing lubhang nakakapinsala ang mga indibidwal na ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, tulad ng paninira ng marami sa mga kasangkapan, makinarya, at mahalagang gamit ng sambahayan ng Diyos, at iba pa. Masasabing nagdulot ng malawakang galit ang mga kilos at pag-uugali ng mga indibidwal na ito. Siyempre, binigyang-kakayahan din nila ang mas maraming tao na matuto ng mga aral at magkamit ng pagkilatis, na matutunan kung ano ang isang diyablo at kung ano ang ibig sabihin ng kawalan ng pagkatao, at na malinaw na makita ang mga tunay na mukha ng mga hindi mananampalataya; binigyang-kakayahan nila ang mga tao na makita, sa isang malinaw at mas kongkretong paraan, kung ano ang mga kaisipan at pananaw ng mga hindi mananampalataya, kung ano ang hinahangad nila, kung ano ang ninanais nila sa kaibuturan ng mga puso nila, kung ano ang saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan, at kung ano ang saloobin nila sa mga tungkulin nila, at sa mga positibong bagay, at maging ang mga saloobing kinikimkim ng mga indibidwal na ito sa mga partikular na regulasyong ginawa ng sambahayan ng Diyos, at iba pa. Kapag nagiging ganito kapartikular ito, kung paano isinasabuhay ng mga indibidwal na ito ang pagkatao nila, ang pagkataong diwa nila, at kung ano ang hinahangad nila, ay pawang ganap na nalalantad. Kung gayon, ang pagpapanatili sa mga indibidwal na ito sa iglesia ay tila kalabisan; magdudulot ito ng malaking pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at hindi talaga ito kapaki-pakinabang sa kanila. Ito na ang panahon para lumisan sila. Kaya, kung sasabihin natin na binigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng sapat na panahon at mga pagkakataon para tanggapin ang katotohanan at sambahin ang Diyos, tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Paano ito dapat sabihin kung gayon? Binigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng maraming pagkakataon at sapat na panahon para magbago, pero nagbubunyag ng isang katunayan ang huling resulta: Ang isang diyablo ay palaging isang diyablo sa anumang panahon at hindi maaaring magbago kailanman. Ito ang katunayan. Posible bang maipagawa sa malaking pulang dragon na kilalanin ang katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos? Ang mapagbago at mapasunod sa ilang panuntunan ang mga taong ito na may malademonyong kalikasan—makakamit ba ito? (Hindi.) Hindi nila ito makakamit. Ang pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon ay hindi para tanggapin nila ang katotohanan, kilalanin nila ang gawaing ginawa ng Diyos, o kumilos sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kundi para bigyan sila ng mga pagkakataon na magbago. Kung mayroong kahit katiting na palatandaan na nagbago na sila, maaaring magbago ang kalalabasan nila kalaunan. Gayumpaman, hindi alam ng mga taong ito kung ano ang mabuti para sa kanila; palaging magiging ganoon lang ang malademonyo nilang kalikasan. Gaano kahabang panahon man o ilang pagkakataon man ang ibigay sa kanila, hindi magbabago ang isinasabuhay nila at ang diwa nila; isa itong katunayan. Samakatwid, ang pinakamabuting paraan para pangasiwaan ang mga taong ito ay ang tanggalin sila sa mga tungkulin nila, paalisin sila sa iglesia, at tiyakin na wala na silang koneksyon o kaugnayan sa sambahayan ng Diyos. Mayroon bang mga indibidwal na mag-aatubiling makita silang lumisan at maaawa sa kanila, na magsasabing, “Napakabata pa ng mga taong ito; kung bibigyan sila ng panahon, magiging mahusay sila. Mayroon silang napakagaling na kakayahan, labis silang binigyan ng kaloob at talento—napakaganda sana kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan! Kung magiging mas mapagmahal at mapagparaya sana ang sambahayan ng Diyos, at magbibigay sa kanila ng mas marami pang pagkakataon para magsisi, kapag tumanda sila, baka mag-iba ang mga bagay-bagay”? Anong uri ng mga tao ang ganito mag-isip? (Mga taong naguguluhan, mga taong nalilito.) Tama. Silang lahat ay mga taong naguguluhan at nalilito—mga tampalasan lang! Hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi sila pinapahintulutan ng sambahayan ng Diyos na manatili—ano ba ang dapat kaawaan sa kanila? Sinasabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang gayong mga tao, pero iminumungkahi mong bigyan sila ng pagkakataong magsisi. Kaya mo bang magligtas ng mga tao? Hindi ba’t pagsalungat ito sa Diyos? Sinusubukan mo bang ipaisip sa iba na mas mapagmahal ka kaysa sa Diyos? Taglay mo ba ang katotohanang realidad? Kaya mo bang kilatisin ang diwa ng isang tao? Sino ba ang makapagliligtas sa mga tao, ang Diyos o ikaw? Ang pangangahas na sumalungat sa Diyos—masyado itong mapagmataas, mapagmagaling, at wala sa katwiran, hindi ba? Hindi ba’t isa itong malaking pagrerebelde? Hindi ba’t reinkarnasyon ito ni Satanas at ng masasamang espiritu, na palaging nasisiyahan sa pagsalungat sa Diyos? Ang mga hindi mananampalatayang binanggit ngayon lang ay mas mababa kaysa sa mga hayop. Paano man makipagbahaginan ang isang tao sa kanila tungkol sa katotohanan, wala itong silbi; maging ang pagpupungos sa kanila ay walang saysay. Masasabing taglay nila ang kalikasan ni Satanas at hindi sila kailanman magbabago. Kung gusto ng isang tao na bigyan ng pagkakataon iyong mga kauri ni Satanas na magsisi, hayaan mo siyang magtustos para sa gayong mga tao; tingnan natin kung tunay na may pagmamahal siya. Iyong mga hindi mananampalataya na hindi man lang tinatanggap ang katotohanan ang pinakamasahol sa iglesia; parang mga hayop silang lahat, wala sa katwiran at walang kakayahang maligtas. Sa nakaraan man o sa kasalukuyan, ang pagtrato sa kanila ng iglesia ay naging napakaangkop; nagpakita ang iglesia ng napakalaking pasensiya at pagpaparaya sa kanila, at nagbigay sa kanila ng sapat na mga pagkakataon. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin talaga sila nagbabago, lalo pang tumitindi ang mga pamamaraan nila. Sa simula, kapag nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito nang may mga kuru-kuro nila, imahinasyon, at pagnanais sa mga pagpapala, kaya nilang medyo magpigil, gampanan ang mga tungkulin nila nang may kaunting kasiglahan at sigasig. Gayumpaman, sa huli, kapag nakikita nila na “nangangahulugan ang pananampalataya sa Diyos ng paghahangad sa katotohanan, pagkilala sa gawain ng Diyos, at pagpapasakop sa Diyos, at iyon na lahat iyon,” ganap na nalalantad ang saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan, pati na rin ang tunay nilang kulay. Ano ba ang nalalantad? Hindi lang sila walang pagkatao, konsensiya, at katwiran, kundi labis-labis din silang malupit, buktot, at mabangis. Hinahamak nila ang Diyos at ang katotohanan, at tinatrato pa nga ang mga hinihingi at panuntunan ng sambahayan ng Diyos—at ang mga atas administratibo ng Diyos—nang may pagkamapanlaban at paghamon. Pinatindi ng mga pagpapamalas nilang ito ang pagkasuklam at pagkamuhing nararamdaman ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanila, at pinabilis din ng mga ito ang pag-aalis sa kanila ng sambahayan ng Diyos, na sa huli ay mabilis na tumukoy kung mananatili o lilisan ba sila, nagpasya ng mga kinalabasan at tadhana nila. Sila ang may gawa ng mga kinalabasan at tadhana nila, hindi naganap ang mga ito dahil sa pag-uudyok o panunulsol ng sinuman, o dahil pinuwersa o tinukso ng isang tao ang mga taong ito, at lalo namang hindi naganap ang mga ito dahil sa mga obhetibong sitwasyon; ang mga kinalabasan at tadhana nila ay kagagawan din nila, naganap ang mga ito dahil sa sarili nilang mga pagpili, at tinukoy ang mga ito ng kalikasang diwa nila at ng mga landas na tinahak nila. Nakatakda na ang mga kalalabasan at tadhana ng mga taong ito; sa sandaling mapaalis sila mula sa hanay ng mga gumagampan ng tungkulin nila, hindi na sila mga trabahador man lang. Maiisip mo nang mabuti kung anong uri ng tadhana ang mapupunta sa kanila—hindi ito karapat-dapat na banggitin dito, dahil hindi sila karapat-dapat.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.