Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2) Ikaapat na Seksiyon

Ikatlong Aytem: Ibahagi ang mga Katotohanang Prinsipyo na Dapat Maunawaan Para Magampanan Nang Maayos ang Bawat Tungkulin (Unang Bahagi)

Kaya Lang ng mga Huwad na Lider na Magsabi ng mga Salita at Doktrina Para Manghikayat sa mga Tao

Susunod, pagbabahaginan natin ang tungkol sa pangatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin. Mahalaga at pundamental na gawain ito ng mga lider at manggagawa, at pagbabahaginan at hihimayin natin ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider batay sa responsabilidad na ito. Ang abilidad ng isang lider o manggagawa na malinaw na magbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyong dapat maunawaan ng mga tao para magawa nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito ang pinakamainam na indikasyon kung nagtataglay ba sila ng katotohanang realidad, at ito ang susi sa pagtukoy kung kaya nilang gumawa ng tunay na gawain nang maayos. Ngayon, tingnan natin kung paano pinangangasiwaan ng mga huwad na lider ang gawaing ito. Ang isang katangian ng mga huwad na lider ay ang kanilang kawalan ng abilidad na ipaliwanag o linawin nang lubusan ang anumang isyu na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may naghahanap mula sa kanila, ilang hungkag na salita at doktrina lang ang kaya nilang sabihin sa mga ito. Kapag nahaharap sa mga problemang nangangailangan ng solusyon, madalas silang sumasagot ng pahayag na tulad ng, “Eksperto kayong lahat sa paggawa ng tungkuling ito. Kung may mga problema kayo, dapat kayo mismo ang lumutas sa mga ito. Huwag ninyo akong tanungin; hindi ako eksperto, at hindi ko nauunawaan ito. Kayo mismo ang umayos nito.” Maaaring sumagot ang ilang tao, “Tinatanong ka namin dahil hindi namin malutas ang problema; hindi ka namin tatanungin kung kaya naman namin. Hindi namin nauunawaan ang problemang ito na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo.” Tumutugon ang mga huwad na lider, “Hindi ba’t nasabi ko na sa iyo ang mga prinsipyo? Gawin mong mabuti ang iyong mga tungkulin, at huwag kang lumikha ng mga kaguluhan o pagkagambala. Ano pa ang tinatanong mo? Pangasiwaan mo ito ayon sa paraang sa tingin mo ay angkop! Nasabi na ang mga salita ng Diyos: Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Litong-lito ang mga taong iyon, iniisip nila, “Hindi ito solusyon sa problema!” Ganito tinatrato ng mga huwad na lider ang gawain; sinusuri lang nila ito, iniraraos lang ang mga gawain, at hindi nila kailanman hinaharap ang mga problema. Anuman ang mga isyung inuulat ng mga tao, sinasabi ng mga huwad na lider na ang mga ito na ang maghanap sa katotohanan. Madalas nilang tanungin ang mga tao, “Mayroon ba kayong anumang problema? Kumusta ang inyong buhay pagpasok? Ginagawa ba ninyo ang inyong mga tungkulin nang pabasta-basta?” Sumasagot ang mga taong iyon, sinasabing, “Paminsan-minsan, napapansin kong nagiging pabasta-basta ako, at sa pamamagitan ng panalangin, nalulutas ko ito at nababago ko ang sarili ko, ngunit hindi ko pa rin nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng aking tungkulin.” Sinasabi ng mga huwad na lider, “Hindi ba’t ibinahagi ko na sa iyo ang mga partikular na prinsipyo noong huling pagtitipon? Binigyan pa nga kita ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t dapat ay nauunawaan mo na ngayon?” Sa katunayan, nauunawaan nila ang lahat ng doktrina, ngunit hindi pa rin nila nalulutas ang kanilang mga problema. Naglilitanya pa nga ang mga huwad na lider ng mga salitang matayog kung pakinggan, “Bakit hindi mo ito malutas? Hindi mo lang nabasa nang sapat na mabuti ang mga salita ng Diyos. Kung mas mananalangin at mas magbabasa ka pa ng mga salita ng Diyos, malulutas ang lahat ng problema mo. Kailangan ninyong matutong mag-usap-usap at maghanap ng paraan nang magkakasama, saka malulutas ang inyong mga problema kalaunan. Tungkol naman sa mga propesyonal na isyu, huwag ninyo akong tanungin; ang responsabilidad ko ay ang suriin ang gawain. Natapos ko na ang gampanin ko, at ang natitira ay mga propesyonal na usapin, na hindi ko nauunawaan.” Madalas gumagamit ang mga huwad na lider ng mga dahilan at palusot tulad ng “Hindi ko nauunawaan, hindi ko ito kailanman natutuhan, hindi ako eksperto” upang iwasan ang mga tao at takasan ang mga tanong. Maaaring mukha silang napakamapagpakumbaba; gayumpaman, nilalantad nito ang isang malubhang isyu sa mga huwad na lider—wala silang anumang pag-unawa sa mga problemang may kinalaman sa propesyonal na kaalaman sa ilang gampanin, pakiramdam nila ay wala silang kapangyarihan at mukha silang asiwang-asiwa at nahihiya. Ano ang ginagawa nila kung gayon? Kaya lamang nilang tipunin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos upang ibahagi sa lahat sa mga pagtitipon, tinatalakay ang ilang doktrina upang hikayatin ang mga tao. Ang mga lider na may kaunting kabutihan ay maaaring magpakita ng malasakit sa mga tao at tanungin sila paminsan-minsan, “May mga kinaharap ba kayong suliranin sa inyong buhay kamakailan? May sapat ba kayong damit na masusuot? Mayroon bang sinuman sa inyo ang hindi umaasal nang maayos?” Kung sasabihin ng lahat na wala silang mga ganoong isyu, sasabihin nila, “Kung gayon ay walang problema. Ipagpatuloy ninyo ang inyong gawain; may iba pa akong kailangang asikasuhin,” at agad na silang umaalis, natatakot sila na may magtanong at hilingin sa kanila na ayusin ito, inilalagay sila sa nakakahiyang sitwasyon. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider—hindi nila kayang lutasin ang anumang tunay na problema. Paano nila epektibong maisasagawa ang gawain ng iglesia? Dahil dito, humahadlang kalaunan sa gawain ng iglesia ang mga naipong isyu na hindi nalutas. Pangunahin itong katangian at pagpapamalas ng kung paano gumawa ang mga huwad na lider.

Sa gawain nila, masigasig lang ang mga huwad na lider sa pangangaral, at pinakagusto nilang magsabi ng mga salita at doktrina, at magsabi ng mga salita para hikayatin at pagaanin ang loob ng mga tao, iniisip na basta’t nahihikayat nila ang mga taong maging masigla at abala sa paggampan ng mga tungkulin ng mga ito, pareho na rin ito ng paggawa ng mahusay na trabaho. Dagdag pa rito, maalab ang damdamin ng mga huwad na lider sa pagmamalasakit sa kalagayan ng pang-araw-araw na buhay ng bawat tao. Madalas nilang tinatanong ang mga tao kung nakakaharap ang mga ito ng anumang paghihirap tungkol doon, at kung talagang nakakaharap ng paghihirap ang sinuman, handa silang tumulong na lutasin ang mga paghihirap na ito. Talagang nagpapakaabala sila sa mga pangkalahatang usaping ito, kung minsan ay ipinagpapaliban pa ang pagkain, at madalas na nagpupuyat at gumigising nang maaga. Kahit napakaabala nila at nagtatrabaho sila nang husto, bakit nananatiling hindi nalulutas ang mga problema sa gawain ng iglesia at ang mga paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa paggawa ng mga tungkulin ng mga ito? Ito ay dahil hindi kailanman kayang ipaliwanag nang malinaw ng mga huwad na lider ang mga katotohanang prinsipyong may kaugnayan sa paggawa ng mga tungkulin. Ang mga salita at doktrina, at panghihikayat na sinasabi nila ay ganap na hindi epektibo at hindi talaga kayang lumutas ng tunay na mga isyu. Gaano man karami ang sinasabi nila o gaano man sila kaabala o kapagod, hindi kailanman umuusad ang gawain ng iglesia. Kahit na sa panlabas ay tila ginagawa ng lahat ang mga tungkulin nila, hindi sila nagkakamit ng maraming aktuwal na resulta, dahil hindi nagagawang makipagbahaginan ng mga huwad na lider sa mga katotohanang prinsipyong nauugnay sa paggawa ng mga tungkulin, o nagagamit ang katotohanan para lutasin ang tunay na mga isyu—samakatwid, hindi sila nakakalutas ng maraming isyung umiiral sa paggampan ng mga tungkulin. Halimbawa, minsan ay kinailangan ng sambahayan ng Diyos na magpaimprenta ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, at kinailangang pumili ng lider ng dalawang indibidwal na mangangasiwa sa gampaning ito. Ano ang mga pamantayan sa pagpili ng mga tao? Dapat ay medyo mabuti ang pagkatao nila, dapat ay maaasahan sila, at kaya nilang sumuong sa mga panganib. Pagkatapos mapili ang mga indibidwal, sinabi sa kanila ng lider na ito, “Ngayong araw, ipinatawag ko kayong dalawa para ipagkatiwala sa inyo ang isang bagay: May aklat na kailangang ipaimprenta ang sambahayan ng Diyos, at kailangan ko kayong humanap ng pabrika ng pag-iimprenta, at pagkatapos maimprenta ang lahat ng kopya, dapat ay agaran ninyong maipamahagi ang mga iyon sa hinirang na mga tao ng Diyos, para makakain at makainom sila ng mga salita ng Diyos nang walang pagkaantala. Determinado ba kayong isakatuparan ang gampaning ito? Handa ba kayong akuin ang pasanin at panganib na ito?” Naniwala ang dalawang indibidwal na ito na pagtataas ito ng Diyos sa kanila, kaya sumang-ayon sila. Pagkatapos ay tinanong sila ng lider, “Mayroon ba kayong determinasyon na tuparin ang atas ng Diyos? Handa ba kayong sumumpa?” Pagkatapos ay sumumpa ang dalawang indibidwal, sinasabi, “Kung hindi namin kayang tuparin ang atas ng Diyos at mabubulilyaso namin ang gampaning ito, na magdudulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tamaan nawa kami ng kidlat at kulog mula sa langit. Amen!” Sinabi ng lider, “Isa pa, kailangan nating magbahaginan tungkol sa katotohanan. Sa paggawa ng gawaing ito ngayon, nagnenegosyo ba kayo? Hinihingi ba sa inyong magtrabaho bilang empleyado?” Sumagot ang dalawang indibidwal, “Hindi, tungkulin namin ito.” Sinabi ng lider, “Dahil tungkulin ninyo ito, dapat ninyong suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ninyo puwedeng pasamain ang loob ng Diyos o pag-alalahin Siya. Hindi sapat ang maging handang sumuong sa panganib; kailangan ninyong gawin ang tungkulin ninyo nang may katapatan. Kapag nakaharap kayo ng mga isyu, dapat ay mas magdasal kayo at sumangguni sa isa’t isa. Huwag kayong maging sutil o kumilos ayon sa sarili ninyong kalooban. Bakit ko kayo ipinaris para magtulungan kayong dalawa? Ito ay para matalakay ninyo ang mga bagay-bagay kapag may mga nangyayari, na magpapadali para sa inyong kumilos. Kung hindi kayo magkasundo, magdasal kayo. Dapat bitiwan ng bawat tao ang sarili nilang mga opinyon, at kumilos lang kapag may napagkasunduan na kayo. Umaasa ako na matatapos ninyo nang matagumpay ang gawaing ito!” Sa wakas, nakahanap ang lider na ito ng isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa paraan ng paggawa nang maayos sa tungkulin ng isang tao, at silang tatlo ay dinasal-binasa ito nang ilang beses. Pagkatapos niyon, itinuring na naipagkatiwala na sa kanila ang bagay na iyon, at itinuring nang natupad ang responsabilidad ng lider. Kumusta ang paggampan ng lider sa gawaing ito? Medyo kontento ang lider, ganoon din ang dalawang indibidwal na iyon. Nagkomento ang mga nagmamasid, “May kaunting nalalaman talaga ang lider na ito sa paggawa ng gawain; napakaorganisado at napakamakatwiran ng pananalita niya, at hakbang-hakbang ang paggawa niya sa mga bagay-bagay. Una, itinalaga niya ang gampanin sa dalawang iyon, pagkatapos, nilutas niya ang mga isyu nila na may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw, at panghuli, nagsabi siya ng ilang mahigpit na salita, hinihimok silang manumpa at mangako. Talagang ginawa niya ang gawaing ito sa isang sistematikong paraan, at talagang karapat-dapat siya sa titulo ng lider—bihasa siya at nagdadala ng pasanin.” Sa huli, sinabi sa kanila ng lider, “Tandaan ninyo ito: Hindi isang madaling gampanin ang pagpapaimprenta ng mga aklat, hindi ito isang bagay na kayang akuin ng isang karaniwang tao. Hindi ako o ang sambahayan ng Diyos ang nagkatiwala sa inyo ng gawaing ito; isa itong atas mula sa Diyos. Dapat ay hindi ninyo Siya biguin. Basta’t matapos ninyo nang maayos ang gawaing ito, uusad ang buhay ninyo, at magkakaroon kayo ng realidad.” Sa teorya, walang anumang isyu ng prinsipyo sa mga salitang ito; halos maituturing na tama ang mga ito. Kaya, suriin natin ang bagay na ito at tingnan natin kung saan napamalas ang “huwad” sa huwad na lider na ito. Nagbigay ba ang lider ng anumang tagubilin tungkol sa iba’t ibang detalyadong isyu, tulad ng mga propesyonal at teknikal na aspektong may kaugnayan sa gampaning ito? Nakipagbahaginan ba siya tungkol sa anumang partikular na katotohanang prinsipyo o hinihinging pamantayan? (Hindi.) Bumigkas lang siya ng ilang hungkag at walang katuturang salita—mga salitang madalas sabihin ng karamihan ng tao, mga salitang walang anumang bigat. Dahil personal na nagsalita at nagbigay ng mga tagubilin ang lider, itinuring ng mga tao na mas matimbang ang mga salitang ito kaysa sa karaniwan, pero sa realidad, mga walang kaugnayang pananalita ang mga iyon at wala talagang epekto sa paglutas ng anumang tunay na isyung may kaugnayan sa pagpapaimprenta ng mga aklat. Kaya, ano ang ilang partikular na isyung may kinalaman sa pagpapaimprenta ng mga aklat? Dapat nating talakayin ang mga iyon at tingnan kung ang gawaing ginawa ng lider na ito ay sa isang huwad na lider.

Una, ang pagpapaimprenta ng mga aklat ay may nakapaloob na pag-aayos ng tipo, at pagkatapos, nariyan ang pagsusuri sa teksto, pagbabalangkas sa talaan ng mga nilalaman at sa pangunahing teksto, pati na ang bigat, kulay, at kalidad ng papel. Nariyan din ang materyal ng pabalat, kung dapat ba na malambot o matigas ito, at ang disenyo, kulay, pattern, at estilo ng titik para sa pabalat. Panghuli, nariyan ang pagbibigkis, kung gagamitan ba ng pandikit o pagtatahi. Ang mga ito ay mga isyung pawang nasasaklaw ng pagpapaimprenta ng aklat. Tinalakay ba ng lider ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Ang isa pang isyu ay ang paghahanap ng pabrika ng pag-iimprenta: kung makabago ba ang mga makina para sa pag-iimprenta at pagbibigkis, kung ano ang kalidad ng pag-iimprenta at pagbibigkis, at ang pagpepresyo—hindi ba’t dapat ay nagbigay siya ng mga tagubilin para sa lahat ng bagay na ito, pati na ng mga prinsipyo at saklaw? Kung sinabi ng lider, “Hindi ko nauunawaan ang mga bagay na ito; maghanap na lang kayo ng kahit na ano,” magiging kapaki-pakinabang na lider ba siya? Mapapalitan ba ng mga walang kaugnayang salitang sinabi niya ang iba’t ibang detalyadong isyung may kinalaman sa pagpapaimprenta ng aklat? (Hindi.) Pero, naniniwala ang huwad na lider na ito na mapapalitan ng mga ito ang mga iyon. Naisip niya, “Napakarami ko nang napagbahaginang katotohanan, at nasabi ko na sa kanila ang lahat ng prinsipyo. Dapat nilang maunawaan ang mga bagay na ito!” Ang “dapat” na ito ang lohika at paraan sa paglutas ng problema ng huwad na lider na ito. Sa huli, nang maimprenta na ang mga aklat, dahil napakababa ng kalidad at napakanipis ng papel, nakikita ang teksto sa magkabilang pahina, na ginawang masyadong nakakapagod at mahirap para sa matatandang indibidwal at mga taong malabo ang mata na basahin ang mga aklat. Nariyan din ang isyu ng panghuling hakbang, ang proseso ng pagbibigkis—kung pasok ba sa pamantayan ang pagbibigkis o hindi ay nakakaapekto sa pangkalahatang kalidad at itatagal ng isang aklat. Dahil hindi nagbigay ng mga tagubilin ang lider, at ang mga taong nagsakatuparan ng gawaing ito ay walang mga prinsipyo at karanasan, at iresponsableng nakipagtawaran, hindi maayos ang trabahong ginawa ng pabrika ng pag-iimprenta at gumamit ito ng mahihinang klaseng materyales para hindi ito malugi, at sa wakas, nang maipamahagi ang mga aklat sa mga kapatid ay nagsimulang magkasira-sira ang mga iyon sa loob lang ng dalawang buwan. Nalagas ang mga pabalat at pahina, at nawalan ng saysay ang buong trabaho ng pagpapaimprenta. Kaninong pananagutan ito? Kung may papanagutin, ang direktang pananagutan ay nasa dalawang indibidwal na nangasiwa sa pagpapaimprenta ng mga aklat, at ang hindi direktang pananagutan ay mapupunta sa huwad na lider. May palusot pa nga ang huwad na lider, sinasabi niya: “Hindi ninyo ako masisisi sa pagpalpak ng trabahong ito; hindi ko rin ito nauunawaan! Kailanman ay hindi pa ako nakakapagpaimprenta ng mga aklat, at hindi ako nagmamay-ari ng pabrika ng pag-iimprenta. Paano ko malalaman ang mga bagay na ito?” May batayan ba ang palusot na ito? Bilang isang lider, nasa saklaw ng mga responsabilidad mo ang gawaing ito. Gawain man ito na may kaugnayan sa isang propesyon, kasanayan, isang uri ng kaalaman, o sa katotohanan, hindi mo kailangang maunawaan ang bawat bahagi nito, pero nagsikap ka bang matutuhan ang hindi mo nalalaman? Tinupad mo ba ang mga responsabilidad mo sa isang seryoso at maingat na paraan? Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Gusto kong tuparin ang mga responsabilidad ko, pero hindi ko rin ito nauunawaan. Kahit gaano ko subukang matuto, hindi ko talaga ito makuha!” Ibig sabihin nito, bilang isang lider, hindi ka pasok sa pamantayan; isa kang ganap na huwad na lider. Medyo naghinanakit ang mga kapatid dahil sa mababang kalidad ng mga aklat, sinabing, “Kahit na wala kaming ginastos sa mga aklat na ito, masyadong mababa ang kalidad nito! Paano ba ginawa ng lider na ito ang trabaho niya? Paano ba niya isinakatuparan ang gawaing ito?” Nang marinig ito ng lider, tumugon siya, “Masisisi ba ninyo ako riyan? Hindi ako ang may-ari ng pabrika ng pag-iimprenta, at wala sa akin ang huling pasya. Higit pa riyan, hindi ba’t pagtitipid ito ng pera para sa sambahayan ng Diyos? Mali bang magtipid ng pera para sa sambahayan ng Diyos?” Tama ang mga salita ng lider, hindi mali ang mga ito; hindi kailangan ng lider na umako ng legal na pananagutan. Gayumpaman, may isang problema, iyon ay na nasayang ang perang ginastos sa pagpapaimprenta sa mga aklat. Nagsimulang magkasira-sira at malagasan ng mga pahina ang mga aklat na ipinamahagi sa mga kapatid sa loob ng dalawang buwan. Sino ang dapat magpasan ng mga kahihinatnan? Hindi ba’t pananagutan ito ng lider? Nangyari ito sa saklaw ng gawain mo, sa panahong nagsilbi ka bilang lider, kaya hindi ba’t dapat ikaw ang managot? Kailangan mong pasanin ang sisi; hindi mo maitatanggi ang pananagutan mo! Puwede pa ngang magsalita sa hindi makatwirang paraan ang ilang tao, sinasabing, “Kailanman ay hindi ko pa nagagawa ang trabahong ito. Hindi ba ako puwedeng magkamali sa isang trabahong hindi ko pa kailanman nagagawa?” Batay lang sa pahayag na ito, hindi ka bagay sa trabaho mo, at dapat kang tanggalin. Hindi ka nababagay na maging lider; talagang huwad na lider ka. Ang pagsasabi ng maraming masarap-pakinggang salita, pero hindi paggawa ng anumang tunay na gawain—ito ang pinakamaliwanag na pagpapamalas ng isang huwad na lider.

Ang ilang huwad na lider ay hindi magawa nang maayos at nang kongkreto ang bawat aytem ng tunay na gawain sa praktikal na paraan. Kaya lang nilang mag-asikaso ng ilang pangkalahatang usapin, at pagkatapos ay naniniwala silang pasok sila sa pamantayan bilang lider, na kahanga-hanga sila, at madalas silang nagyayabang, sinasabing, “Kailangan kong alalahanin ang lahat ng bagay sa iglesia, at kailangan kong harapin ang bawat problema. Kaya ba ng iglesia nang wala ako? Kung hindi ako magdaraos ng mga pagtitipon para sa inyo, hindi ba’t magiging watak-watak kayo? Kung hindi ko binantayan at tinulungang panatilihin ang gawain ng paggawa ng pelikula, hindi ba’t palaging magkakaroon ng mga taong manggugulo rito? Uusad ba nang maayos ang gawain ng paggawa ng pelikula? Kahit na hindi ako bihasa sa gawain ng paggawa ng himno, kung hindi ako madalas na pumunta para siyasatin ang gawain ninyo, panatilihin ang kaayusan para sa inyo, at mag-organisa ng mga pagtitipon para sa inyo, magagawa ba ninyo ang mga himnong iyon? Gaano katagal ang aabutin para matutuhan ninyo ang mga bagay-bagay?” Puwedeng tila makatwiran at tama ang mga pahayag na ito, pero kung titingnan mong mabuti, kumusta ang pag-usad ng iba’t ibang aytem ng propesyonal na gawaing pinangangasiwaan ng mga huwad lider na ito? Kaya ba nilang pagbahaginan nang malinaw ang mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Minsan, nagtanong ang isang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula tungkol sa isyu ng mga kulay ng kasuotan. Kumuha sila ng ilang litrato, at iba-iba ang mga kapaligiran at tao sa mga kuha, pero sa pangkalahatan ay iisa ang kombinasyon ng mga kulay ng mga kasuotan—lahat ay mga natural na kulay abo at dilaw. Tinanong Ko, “Anong nangyayari? Bakit ganitong mga kulay ang suot nila?” Sinabi nila na sadyang pinili ang mga kulay na ito, na pinagpaguran at pinagsikapan nilang hanapin ang mga ito sa isang pamilihan. Sinabi Ko, “Bakit ang mga kulay na ito ang pinili ninyo? Binigyan ba kayo ng Itaas ng mga tagubilin tungkol doon? Hindi ba’t tinagubilinan kayo ng Itaas na gumamit ng iba’t ibang kulay, at na dapat na kagalang-galang at disente ang mga kulay na iyon? Bakit nagkaganito ang resulta?” Sa wakas, pagkatapos ng mga pagtatanong, sinabi ng ilang tao, “Hindi masyadong kagalang-galang at disente tingnan ang ibang mga kulay, o hindi tulad ng mga isinusuot ng mga mananampalataya sa Diyos o ng mga banal. Ang kombinasyong ito lang ng mga kulay ang mas mukhang dapat na isuot ng mga mananampalataya. Kaya, pare-pareho ang pananaw ng lahat na ang pagsusuot ng mga damit na may ganitong uri ng mga kulay ang pinakanakaluluwalhati sa Diyos at pinakakumakatawan sa imahe ng sambahayan ng Diyos.” Sinabi Ko, “Kailanman ay hindi Ko sinabi sa inyong lahat na magsuot ng mga damit na ganito ang mga kulay. Maraming kagalang-galang at disenteng kulay. Isipin ninyo kung gaano kaganda ang bahaghari na itinatag ng Diyos bilang isang tanda ng kasunduan Niya sa sangkatauhan. May pula, kahel, dilaw, berde, asul, indigo, lila—bawat kulay ay kinakatawan, maliban sa mga kulay na suot ninyo. Bakit ninyo pinili ang mga kulay na iyon?” Ginawa ba ng lider nila ang kongkretong gawain ng pagsasagawa ng mga pagsusuri tungkol sa mga bagay na ito? Masasabi Kong talagang hindi. Kung nagtataglay ang lider ng dalisay na pagkaarok at tunay niyang nauunawaan ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, hindi sana pinili ng mga miyembro ng pangkat ng mga gumagawa ng pelikula ang mga gayong kasuotan at sumangguni sana sila sa Itaas tungkol sa mga iyon. Nalutas sana ang isyu ng mga kasuotan sa mas mababang antas, pero hindi ito kayang tugunan ng huwad na lider. Sa halip, walang kahihiyan niyang tinanong ang Itaas tungkol dito. Hindi ba’t dapat na pungusan ang ganitong tao? Ni hindi kayang lutasin ng huwad na lider na ito ang pinakasimpleng problemang ito—ano ang pakinabang niya? Isa ka lang basura! Hiningi sa iyong luwalhatiin ang Diyos at magpatotoo sa Kanya, pero sa huli ay binigyan mo ng kahihiyan ang Diyos. Hindi ba’t napakarami mong nauunawaan? Hindi ba’t kaya mong magpahayag ng maraming kaalaman at doktrina? Kung gayon, bakit hindi epektibo sa sitwasyong ito ang lahat ng doktrinang iyon at ang lahat ng kaalamang iyon? Paano ka nabibigong lumutas at magsagawa ng mga pagsusuri tungkol sa isyu ng mga kasuotan? Nakuha mo ba ang epektong dapat mong makuha bilang isang lider? Natupad mo ba ang mga responsabilidad na dapat mong matupad bilang isang lider? Isa itong pagpapamalas ng isang huwad na lider. Sa anumang partikular na gampanin, ang mga huwad na lider ay walang pagkaunawa sa mga prinsipyo. Hindi nila kayang magbigay ng nasa oras na pagtutuwid at kalutasan sa anumang isyu ng baluktot na pagkaarok sa katotohanan, at magbigay-kakayahan sa mga taong makahanap ng direksiyon at landas sa pamamagitan nito. Ang mga huwad na lider ay bumibigkas lang ng mga salita at doktrina at sumisigaw ng mga islogan; hindi nila kayang gumawa ng anumang kongkretong gawain.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.