Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (17) Ikalimang Seksiyon
Sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin nila, madalas nakakaranas ang mga tao ng mga negatibo at mapaghimagsik na kalagayan. Kung magagawa nilang hanapin ang katotohanan at gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para tugunan at lutasin ang mga isyung ito, ang mga negatibong emosyon nila ay hindi magiging mga pagrereklamo, paglaban, paghamon, pagpoprotesta, o paglapastangan pa nga. Gayumpaman, kung haharapin ng mga tao ang mga bagay na ito nang umaasa lang sa sarili nilang walang-kuwentang pagkamautak, pagpipigil sa sarili ng tao, pagsisikap ng tao, pagkamasigasig, pagdidisiplina sa katawan nila, at iba pang gayong mga pamamaraan, sa malao’t madali, itong mga imahinasyon, paghusga, at hinuha ng tao ay magiging mga pagrereklamo, paghamon, paglaban, pagpoprotesta, at paglapastangan pa nga laban sa Diyos. Kapag nakukulong sa gayong mga negatibong emosyon ang mga tao, malamang na magkaroon sila ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at reklamo laban sa Diyos, pati na rin ng iba pang gayong mga damdamin o kaisipan. Kapag naiipon sa loob ng mga tao ang mga kaisipang ito sa paglipas ng panahon at hindi pa rin nila hinahanap ang katotohanan o ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ang pagsuway, kawalang-kasiyahan, at mga pagrereklamo nila ay magiging paghamon; aasal sila nang mapaghimagsik, tulad ng pabasta-bastang paggawa sa mga tungkulin nila o ng sadyang panggugulo at pananabotahe sa gawain ng iglesia, at iba pang mga negatibong pag-uugali, para ipahayag ang pagsuway at kawalang-kasiyahan nila at sa gayon ay makamit ang pakay nila na hamunin ang Diyos. Winawasak at ginugulo ng ilang tao ang paggampan ng tungkulin ng ibang mga tao. Ang ibig sabihin ng mga kilos nila ay: “Kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko, o kung hindi ako pagpapalain ng diyos sa tungkulin ko, titiyakin kong walang sinuman sa inyo ang makakagawa ng mga tungkulin ninyo nang maayos!” at pagkatapos ay nagsisimula silang magdulot ng mga kaguluhan. Ginagawa ito ng ilang tao sa pamamagitan ng mga salita, habang ang iba naman ay sa pamamagitan ng ilang kilos. Anong mga bagay ang maaaring gawin ng mga nanggugulo sa iba gamit ang mga kilos nila? Halimbawa, maaari nilang sadyang burahin ang mga file mula sa kompyuter ng iba para maapektuhan ang mga resulta ng tungkulin nito, o maaari nilang sadyang guluhin ang mga online na pagtitipon. Ito ay panggugulo ng mga diyablo at Satanas sa mga tao. Hindi nauunawaan ng mga tao: “Paanong nagagawa ng isang taong nasa gayong edad ang gayong mga kasuklam-suklam na bagay? Kung tutuusin, hindi naman siya isang teenager; paanong nagagawa pa rin niya ang gayong mga kapilyuhan?” Sa katunayan, maaari ding gawin ng mga taong nasa edad trenta, kuwarenta, singkuwenta, o sisenta ang mga bagay na ito. Ang iba’t ibang pag-uugaling ito ay hindi lubos maisip; hindi ito mga kilos ng isang taong may konsensiya at katwiran, kundi ng mga diyablo at Satanas. Sa pagkakitang hindi naaapektuhan ang iba at hindi niya nakamit ang mga layon niya, magbubulalas ang gayong tao ng pagkanegatibo at magdudulot ng mga kaguluhan sa mga oras na maraming tao ang naroroon o sa oras ng mga pagtitipon. Kapag nagsimula siyang ilabas ang kawalang-kasiyahan niya sa pamamagitan ng mga kilos, nagiging mahirap nang kontrolin ang sitwasyon; napakahirap niyang pigilan, at kung magpapatuloy ang sitwasyon, lalo lang itong lalala, lumulubha ang kalikasan nito. Hindi lang siya nagdudulot ng mga kaguluhan sa mga kilos niya, kundi gumagamit din siya ng iba’t ibang diskarte at pamamaraan, gamit ang agresibo at mapanghusgang wika para manggulo sa iba habang gumagawa ng tungkulin ang mga ito. Nakakamit man niya ang mga layon niya o hindi, nilalabanan niya ang Diyos sa puso niya; hindi siya nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nag-aaral ng mga himno, at tumatanggi siyang magbasa ng anumang aklat na may kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Ano ang ginagawa niya sa bahay? Nagbabasa siya ng mga nobela, nanonood ng mga palabas sa telebisyon, nag-aaral ng mga teknik sa pagluluto, nag-aaral ng paglalagay ng kolorete at pag-eestilo ng buhok…. Sa mga pagtitipon, hindi niya ibinabahagi ang pagkaunawa niya sa mga salita ng Diyos, ni ibinabahagi kung paano lutasin ang mga tiwaling disposisyon at mga pagbubunyag ng katiwalian. Kapag nagbabahagi ang iba, sinasadya niyang agawin ang usapan, putulin ang sinumang nagsasalita, sadyang ibahin ang paksa, at iba pa, palaging nagsasabi ng mga bagay na nakakapagpahina at nakakagulo. Bakit siya kumikilos sa ganitong paraan? Ang dahilan ay nasa kanyang paniniwala na wala na siyang pag-asang maligtas, na nagiging sanhi para sumuko siya at magsimulang kumilos nang walang pakundangan; naghahanap siya ng ilang makakasama bago siya mapaalis o mapatalsik sa iglesia—kung hindi siya mapagpapala, titiyakin niyang hindi rin mapagpapala ang iba. Bakit siya nag-iisip sa ganitong paraan? Naniniwala siya na ang Diyos na sinasampalatayanan niya ay hindi tulad ng diyos na una niyang inakala; hindi minamahal ng Diyos ang mga tao nang tulad sa inakala niya at hindi rin gaanong matuwid, at tiyak na hindi kasingtaos-pusong magiliw ang Diyos sa mga tao gaya ng inaakala niya. Mahal ng Diyos ang iba pero hindi siya; inililigtas ng Diyos ang iba pero hindi siya. Ngayong nakikita niyang wala na siyang pag-asa para sa sarili niya at nararamdaman niyang hindi na siya maililigtas, sumusuko siya at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan. Pero hindi lang iyon; gusto rin niyang makita ng iba na dahil wala na siyang pag-asa, wala na ring pag-asa ang iba, at nasisiyahan lang siya kapag nahikayat na niya ang lahat na isuko ang pananalig nila sa Diyos at umurong na sa pananampalataya nila. Ang layon niya sa paggawa nito ay: “Kung hindi ko matatanggap ang mga pagpapala ng kaharian ng langit, mas mabuti pang huwag na rin kayong mangarap na makakamit ninyo ang mga iyon!” Anong klaseng sawimpalad ang gayong tao? Hindi ba’t isa siyang diyablo? Isa siyang diyablo, na mapupunta sa impiyerno, na pinagbabawalan din ang iba na manampalataya sa Diyos at makapasok sa kaharian ng langit; deretso siyang nagmamartsa patungo sa landas na walang patutunguhan! Hindi dapat kumilos sa ganitong paraan ang sinumang may kaunting konsensiya at may-takot-sa-Diyos na puso; kung talagang gagawa siya ng malaking kasamaan at mabubunyag siya, na magpaparamdam sa kanya na wala na siyang pag-asa, sisikapin pa rin niyang tulungan ang iba na magtagumpay, hahayaan ang iba na taimtim na manampalataya sa Diyos at hindi siya gayahin. Maaaring sabihin niya: “Masyado akong mahina, matindi ang mga pagnanais ng laman ko, at masyado akong nahuhumaling sa mundo. Kasalanan ko ito; nararapat lang sa akin ito! Magpatuloy kayo sa pagiging mga taimtim na mananampalataya; huwag kayong magpaimpluwensiya sa akin. Sa mga pagtitipon, magbabantay ako, at kung papasok sa nayon ang pulisya ng malaking pulang dragon, aalertuhan ko kayo.” Dapat gawin man lang ito ng sinumang may katiting na pagkatao, at hindi niya dapat guluhin ang paghahangad ng iba sa katotohanan. Pero iyong mga walang pagkatao, kapag hindi umaayon ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila o kapag nakikita nilang minamaliit at nilalayuan sila ng mga kapatid, nararamdaman nilang ibinunyag at itiniwalag na sila ng Diyos, na wala na silang pag-asang maligtas. Kapag nagkikimkim sila ng gayong mga ideya at kaisipan, sumusuko sila at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan, nagbubulalas ng pagkanegatibo at nanggugulo sa buhay iglesia nang walang konsensiya. Anong klaseng mga tao ang gumagawa nito? Hindi ba’t mga diyablo sila? (Oo.) Dapat bang magpakita ng konsiderasyon sa mga tao na mga diyablo naman? (Hindi.) Kaya, paano ito dapat na pangasiwaan? Sabihin mo, “Nagpupunta ka sa mga pagtitipon pero hindi ka nagbabasa ng mga salita ng Diyos ni tumatanggap sa katotohanan. Kung gayon, bakit ka pa naririto? Para magdulot ng kaguluhan, tama? Iniisip mo na wala kang pag-asang maligtas; sa totoo lang, hindi rin namin nararamdaman na may malaking pag-asa kami, pero nagsisikap kami. Naniniwala kami na walang pagkiling ang Diyos, na mapagkakatiwalaan Siya, na taos ang puso Niya sa pagliligtas ng mga tao, at na hindi nagbabago ang puso Niya. Hangga’t may katiting na pag-asa, hindi kami susuko. Hindi kami palaging magiging negatibo at magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos gaya mo. Nananaginip ka kung iniisip mong kaya mo kaming guluhin o pigilan! Kung patuloy kang magmamatigas, magpapatuloy sa ganitong paniniwala, at magpapatuloy sa mapaminsalang kagustuhan mo na guluhin kami, huwag mo kaming sisisihin kung hindi kami magiging magalang sa iyo. Simula ngayon, pinapaalis ka na; wala nang puwang para sa iyo sa iglesia. Umalis ka na!” Sa ganitong paraan, hindi ba’t napangasiwaan na ang problema? Ang simple nito, gamit lang ang ilang salita ay naalis na sila. Napakadali nitong gawin! Bakit ito pangangasiwaan sa ganitong paraan? Dahil hindi mababago ang kalikasang diwa ng gayong mga tao; hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Iniisip nila na wala na silang pag-asang maligtas; hindi ito sinabi ng Diyos, ni ng mga kapatid, pero gumagawa sila ng kasamaan at nagdudulot ng mga kaguluhan sa ganitong paraan. Ano ang gagawin nila kung isang araw ay papatalsikin nga sila dahil sa paggawa ng kasamaan at panggugulo sa gawain ng iglesia, o kung didisiplinahin sila ng Diyos dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan? Maaari ba silang maging mga kaaway ng Diyos, maaari ba silang magbalak na maghiganti? Malaki ang posibilidad nito! Mabuti at nabubunyag ang gayong mga tao bago pa sila makapagsakatuparan ng anumang masasamang gawa o makagawa ng anumang malaking kasamaan. Gawa ito ng Diyos; ibinunyag sila ng Diyos. Ngayon, ang pag-alis sa kanila ay tama lang; hindi pa nagdusa ng anumang kawalan ang ibang mga tao. Ang pangangasiwa rito sa ganitong paraan ay maagap at angkop; ang lahat ay nagkakamit ng pagkilatis, at napapangasiwaan ang masasamang tao. Ang papel nila bilang isang hambingan ay natupad nang husto.
Sa pangkalahatan, ito ang iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo. Kapag hindi natupad ang kanilang pagnanais na maghangad ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, kapag gumagawa ng mga bagay ang Diyos na salungat sa kanilang mga kuru-kuro at mga imahinasyon, mga bagay na nauugnay sa kanilang mga interes, nasisilo sila sa mga damdamin ng pagsuway at kawalang-kasiyahan. At kapag taglay nila ang mga damdaming ito, nagsisimulang bumuo ang kanilang isipan ng mga palusot, pagdadahilan, pangangatwiran, pagdedepensa, at iba pang mga kaisipan ng pagrereklamo. Sa oras na ito, hindi sila nagpupuri sa Diyos o nagpapasakop sa Kanya, at lalong hindi nila hinahanap ang katotohanan upang kilalanin ang kanilang sarili; sa halip, nilalabanan nila ang Diyos gamit ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaisipan, at pananaw, o pagkamainitin ng ulo. At paano sila lumalaban sa Diyos? Ikinakalat nila ang kanilang mga damdamin ng pagsuway at kawalang-kasiyahan, ginagamit ito para linawin ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa Diyos, sinisikap na pakilusin ang Diyos ayon sa kanilang kalooban at mga hinihingi upang matugunan ang kanilang mga kahilingan; saka lamang mapapayapa ang kanilang mga damdamin. Partikular na nagpapahayag ang Diyos ng maraming katotohanan para hatulan at kastiguhin ang mga tao, para dalisayin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, para iligtas ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas, at sino ang nakakaalam kung ilang pangarap ng mga tao na mapagpala ang naputol ng mga katotohanang ito, na nagwawasak sa pantasya na madala paitaas sa kaharian ng langit na inasam nila araw at gabi. Nais nilang gawin ang lahat ng kaya nila para baguhin ang mga bagay-bagay—pero wala silang lakas, maaari lang silang malubog sa kapahamakan nang may pagkanegatibo at hinanakit. Masuwayin sila sa lahat ng ito na isinaayos ng Diyos, dahil ang ginagawa ng Diyos ay salungat sa kanilang mga kuru-kuro, interes, at iniisip. Sa partikular, kapag ginagawa ng iglesia ang gawain ng paglilinis at itinitiwalag ang maraming tao, iniisip ng mga taong ito na hindi sila inililigtas ng Diyos, na itinaboy sila ng Diyos, na hindi patas ang pagtrato sa kanila, at kaya, magkakaisa sila para tutulan ang Diyos; ikakaila nila na ang Diyos ang katotohanan, ikakaila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ikakaila ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Siyempre pa, ikakaila rin nila ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. At sa anong paraan nila ikinakaila ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng pagtutol at paglaban. Ang implikasyon ay “Ang ginagawa ng diyos ay salungat sa aking mga kuru-kuro, kaya nga hindi ako nagpapasakop, hindi ako naniniwala na ikaw ang katotohanan. Magpoprotesta ako laban sa iyo at ipapakalat ko ang mga bagay na ito sa iglesia at sa mga tao! Sasabihin ko ang anumang gusto ko, at wala akong pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. May kalayaan akong magsalita; hindi mo ako mapapatahimik—sasabihin ko ang gusto ko. Ano ang magagawa mo?” Kapag ipinipilit ng mga taong ito na sabihin ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw, sariling pagkaunawa ba nila ang tinutukoy nila? Katotohanan ba ang ibinabahagi nila? Talagang hindi. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo; binibigyang boses nila ang mga maling paniniwala at mga panlilinlang. Hindi nila sinisikap na alamin ang sarili nilang katiwalian o inilalantad ang mga ito; hindi nila inilalantad ang mga bagay na nagawa nila na salungat sa katotohanan, ni hindi nila inilalantad ang mga pagkakamaling nagawa nila. Sa halip, ginagawa nila ang makakaya nila para pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang mga pagkakamali upang patunayan na tama sila, at kasabay nito ay bumubuo rin sila ng katawa-tawang kongklusyon, at nagsasabi ng mga salungat at baluktot na mga pananaw, gayundin ng mga balikong argumento at maling paniniwala. Ang epekto sa hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia ay ang ilihis at guluhin sila; maaari pa nga nitong ilubog ang ilang tao sa kalagayan ng pagkanegatibo at pagkalito. Ang lahat ng ito ang masasamang epekto at panggugulo na sanhi ng mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo. Samakatwid, dapat limitahan ang mga nagbubulalas ng pagkanegatibo, pati na ang pananalita at pag-uugali nila—hindi sila dapat kunsintihin o pahintulutan. Dapat may mga angkop na pamamaraan at prinsipyo ang iglesia para pangasiwaan ang mga taong ito. Sa isang banda, dapat kilatisin ng mga kapatid ang mga taong ito at ang mga negatibong komento ng mga ito. Sa kabilang banda, kapag may pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat agarang paalisin o patalsikin ng iglesia ang mga indibidwal na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para maiwasan na maimpluwensiyahan at magulo ang mas maraming tao. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa iba’t ibang aspekto ng pagbubulalas ng pagkanegatibo.
C. Ang mga Prinsipyo at Landas para sa Paglutas ng Pagkanegatibo
Ang mga tao ay nagtataglay ng satanikong kalikasan; namumuhay sa isang satanikong disposisyon, mahirap iwasan ang mga negatibong kalagayan. Lalo na kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, nagiging karaniwang pangyayari ang pagkanegatibo. Lahat naman ng tao ay may mga panahon ng pagkanegatibo; mas madalas ito para sa ilan, mas madalang naman para sa ilan, mas matagal para sa ilan, at mas maikli naman para sa ilan. Magkakaiba ang tayog ng mga tao, pati na rin ang mga kalagayan nila ng pagkanegatibo. Ang mga tao na may mas mataas na tayog ay nagiging medyo negatibo lang kapag nahaharap sila sa mga pagsubok, samantalang ang mga tao na may mas mababang tayog, hindi pa nakakaunawa sa katotohanan, ay hindi makakilatis kapag nagpapakalat ang ibang tao ng ilang kuru-kuro o nagsasabi ng mga walang katotohanang bagay; maaari silang magulo, maimpluwensiyahan, at maging negatibo. Anumang problemang lumilitaw ay puwedeng humantong sa pagkanegatibo nila, kahit ang maliliit na usapin na hindi na nararapat pang banggitin. Paano dapat lutasin ang isyung ito ng madalas na pagkanegatibo? Kung hindi alam ng isang tao kung paano hanapin ang katotohanan, kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, o magdasal sa Diyos, nagiging malaking problema ito; maaari lang siyang umasa sa suporta at tulong ng mga kapatid. Kung walang makakatulong, o kung hindi siya tumatanggap ng tulong, maaaring manatili silang napakanegatibo hanggang sa hindi na sila makabawi at maaaring tumigil pa nga sila sa pananampalataya. Tingnan ninyo, napakamapanganib para sa isang tao na palaging magkaroon ng mga kuru-kuro at madaling maging negatibo. Gaano man makipagbahaginan sa gayong mga tao sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap, palagi nilang iginigiit na tama ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon; malaking problema ang mga taong ito. Gaano ka man kanegatibo, dapat mong maunawaan sa puso mo na ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay hindi nangangahulugang nakaayon ang mga ito sa katotohanan; nangangahulugan ito na may problema sa pagkaarok mo. Kung may kaunti kang katwiran, hindi mo dapat ipakalat ang mga kuru-kurong ito; ito ang pinakamababang dapat na itaguyod ng mga tao. Kung mayroon kang kaunting may-takot-sa-Diyos na puso at kaya mong aminin na isa kang tagasunod ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro mo, makapagpasakop ka sa katotohanan, at makaiwas na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Kung hindi mo ito magawa at iginigiit mong magpakalat ng mga kuru-kuro, nawalan ka na ng katwiran; hindi normal ang isipan mo, sinasapian ka ng mga demonyo, at wala kang kontrol sa sarili mo. Dahil pinapangibabawan ka ng mga demonyo, sinasabi at ipinapakalat mo ang mga kuru-kurong ito anuman ang mangyari—wala nang magagawa pa rito, gawa ito ng masasamang espiritu. Kung may kaunti kang konsensiya at katwiran, dapat mong magawa ito: huwag magpakalat ng mga kuru-kuro, at huwag guluhin ang mga kapatid. Kahit na maging negatibo ka, hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakakapinsala sa mga kapatid; dapat gawin mo lang nang maayos ang tungkulin mo, gawin nang maayos ang dapat mong gawin, at tiyaking wala kang paninisi sa sarili—ito ang pinakamababang pamantayan para sa pag-asal. Kahit na negatibo ka kung minsan, pero wala ka namang anumang ginawa na lampas sa mga hangganan, hindi pagtutuunan ng Diyos ang pagkanegatibo mo. Hangga’t nagtataglay ka ng konsensiya at katwiran, hangga’t kaya mong magdasal at umasa sa Diyos, at hanapin ang katotohanan, sa huli ay mauunawaan mo ang katotohanan at makakapagbago ka. Kung mahaharap ka sa malalaking pangyayari, tulad ng pagkakatanggal at pagkakatiwalag dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain bilang isang lider, at pakiramdam mo ay wala ka nang pag-asang maligtas, at naging negatibo ka—sobrang negatibo hanggang sa puntong hindi ka na makabawi, pakiramdam mo ay kinondena at isinumpa ka na, at nagkakaroon ka ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Diyos—ano ang dapat mong gawin? Napakadaling pangasiwaan nito: Humanap ng ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama nila, at sabihin sa mga tao na ito ang laman ng puso mo. Ang mas mahalaga, lumapit ka sa Diyos para magdasal nang tapat tungkol sa pagkanegatibo at kahinaan mo, pati na rin sa ilang bagay na hindi mo nauunawaan at hindi mapagtagumpayan, isa-isahin mo ang mga ito—makipagbahaginan sa Diyos, huwag magtago ng anuman. Kung may mga bagay na hindi mo masabi sa iba, lalo’t higit na dapat kang lumapit sa Diyos para magdasal. Itinatanong ng ilang tao, “Hindi ba’t ang pakikipag-usap sa Diyos tungkol dito ay humahantong sa pagkondena?” Hindi ba’t marami ka nang ginawang kontra sa Diyos at karapat-dapat ka sa Kanyang pagkondena? Bakit mag-aalala ka pa na madagdag ang isang bagay na ito? Sa tingin mo ba, kung hindi ka magsasalita tungkol dito, hindi malalaman ng Diyos? Alam ng Diyos ang lahat ng iniisip mo. Dapat ay tapat kang makipagbahaginan sa Diyos, ilahad mo ang lahat ng nasa puso mo, ipahayag mo sa Kanya nang tapat ang mga problema at kalagayan mo. Puwede mong sabihin sa Diyos ang lahat ng kahinaan, paghihimagsik, at kahit pa ang mga reklamo mo; kahit gusto mong maglabas ng sama ng loob, ayos lang iyon—hindi ito kokondenahin ng Diyos. Bakit hindi ito kinokondena ng Diyos? Alam ng Diyos ang tayog ng tao; kahit hindi ka makipag-usap sa Kanya, alam pa rin Niya ang tayog mo. Sa isang banda, sa pakikipag-usap sa Diyos, ito ang pagkakataon mo na magtapat at maging bukas sa Diyos. Sa kabilang banda, ipinapakita rin nito ang saloobin mo ng pagpapasakop sa Diyos; kahit papaano, ipinapakita mo sa Diyos na hindi sarado ang puso mo sa Kanya, mahina ka lang, walang sapat na tayog para mapagtagumpayan ang usaping ito, iyon lang. Hindi mo intensiyon na tumutol; ang saloobin mo ay magpasakop, pero masyadong maliit ang tayog mo, at hindi mo makayanan ang usaping ito. Kapag lubos mong binuksan ang puso mo sa Diyos at nagawa mong ibahagi sa Kanya ang mga pinakamalalim na kaisipan mo, bagama’t maaaring may kasamang kahinaan at mga reklamo ang sinasabi mo—at, sa partikular, mayroon itong maraming negatibo at hindi kanais-nais na bagay—may isang bagay na tama rito: Inaamin mong may tiwali kang disposisyon, inaamin mong isa kang nilikha, hindi mo ikinakaila ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang Lumikha, ni ikinakaila na ang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos ay ang ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha. Ipinagkakatiwala mo sa Diyos ang mga bagay na pinakanahihirapan kang mapagtagumpayan, ang mga bagay na pinakanagpapahina sa iyo, at sinasabi mo sa Diyos ang lahat ng nasa pinakakaibuturan ng damdamin mo—ipinapakita nito ang saloobin mo. Sinasabi ng ilang tao, “Minsan ay nagdasal ako sa Diyos, pero hindi nito nalutas ang pagkanegatibo ko. Hindi ko pa rin ito mapagtagumpayan.” Hindi ito mahalaga; kailangan mo lang na taimtim na hanapin ang katotohanan. Kahit gaano karami ang nauunawaan mo, unti-unti kang palalakasin ng Diyos, at hindi ka na magiging kasinghina nang gaya noong simula. Gaano man katindi ang kahinaan at pagkanegatibo mo, o gaano man karami ang mga reklamo at hindi kanais-nais na emosyong mayroon ka, makipag-usap ka sa Diyos; huwag mong tratuhin ang Diyos na isang tagalabas. Kahit kanino ka man magtago ng mga bagay, huwag kang magtago ng kahit ano sa Diyos, dahil ang Diyos lang ang maaasahan mo at Siya rin ang tanging kaligtasan mo. Tanging sa paglapit sa Diyos malulutas ang mga problemang ito; walang silbi ang pag-asa sa mga tao. Kaya, kapag nahaharap sa pagkanegatibo at kahinaan, iyong mga lumalapit sa Diyos at umaasa sa Kanya ang pinakamatatalino. Tanging ang mga taong hangal at matitigas ang ulo, kapag nahaharap sa mga mahalaga at kritikal na pangyayari at kinakailangang ilahad sa Diyos ang nilalaman ng puso nila, ang lalong lumalayo at umiiwas sa Diyos, nagpaplano sila sa isipan nila. At ano ang resulta ng lahat ng pagpaplanong ito? Ang pagkanegatibo at mga pagrereklamo nila ay nagiging pagtutol, at ang pagtutol ay nagiging paglaban at pagpoprotesta laban sa Diyos; nagiging ganap na hindi kasundo ng Diyos ang mga taong ito, at lubusang napuputol ang ugnayan nila sa Diyos. Gayumpaman, kapag nahaharap ka sa gayong pagkanegatibo at kahinaan, kung magagawa mo pa ring piliin na lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan, at piliing magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagkakaroon ka ng tunay na mapagpasakop na saloobin, kung gayon, dahil nakikitang tunay na gusto mo pa ring magpasakop sa Kanya kahit na negatibo at mahina ka, malalaman ng Diyos kung paano ka gagabayan, aakayin ka palabas sa pagkanegatibo at kahinaan mo. Pagkatapos magkaroon ng mga ganitong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pananalig sa Diyos. Mararamdaman mo na anumang mga suliranin ang kinakaharap mo, hangga’t hinahanap mo ang Diyos at hinihintay mo Siya, magsasaayos Siya ng isang daan palabas para sa iyo nang hindi mo namamalayan, na magbibigay-daan para makita mo na, nang hindi mo man lang namamalayan, nagbago na ang mga sitwasyon, kaya hindi ka na mahina kundi matatag, at lalakas ang pananalig mo sa Diyos. Kapag pinagninilayan mo ang mga pangyayaring ito, mararamdaman mong napakababaw ng kahinaan mo noong panahong iyon. Sa katunayan, sadyang ganoon kababaw ang mga tao, at kung wala ang suporta ng Diyos, hindi sila kailanman yayabong mula sa kanilang kababawan at kamangmangan. Sa pamamagitan lang ng unti-unting pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa proseso ng pagdanas ng mga bagay na ito, sa positibo at aktibong pagharap sa mga katunayang ito, paghahanap sa mga prinsipyo, paghahanap sa mga layunin ng Diyos, hindi pag-iwas o paglayo sa Diyos, o pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos, kundi pagiging mas mapagpasakop, na patuloy na nababawasan ang paghihimagsik, nagiging mas malapit sa Diyos, at mas nagagawang magpasakop nang husto sa Diyos—tanging sa pagdanas lang nang ganito unti-unting lumalago at yumayabong ang buhay ng isang tao, ganap na lumalago sa tayog ang isang tao na nasa hustong gulang na.
Paano dapat harapin at lutasin ng isang tao ang mga negatibong kalagayan? Hindi dapat katakutan ang pagkanegatibo; ang susi ay ang magkaroon ng katwiran. Hindi ba’t madali para sa isang tao na maging hangal kapag palagi siyang negatibo? Kapag negatibo ang isang tao, puro reklamo lang siya o sinusukuan niya ang sarili, at nagsasalita at kumikilos siya nang walang katwiran—hindi ba’t nakakaapekto ito sa paggampan niya ng tungkulin? Kung ang isang tao ay magpapakalugmok sa kapighatian at magpapakatamad dahil sa pagkanegatibo, hindi ba’t pagkakanulo ito sa Diyos? Ang matinding pagkanegatibo ay tulad ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip, medyo katulad ito ng pagiging sinasapian ng mga demonyo; kawalan ito ng katwiran. Talagang mapanganib ang hindi paghahanap sa katotohanan para sa mga solusyon. Kapag negatibo ang mga tao, kung ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, madali silang mawawalan ng katwiran; maglilibot-libot sila at ikakalat nila ang kanilang pagkanegatibo, kawalang-kasiyahan, at mga kuru-kuro. Ito ay sadyang pagkontra sa Diyos at maaaring madaling makagambala at makagulo sa gawain ng iglesia, isang kahihinatnang masyadong kakila-kilabot na isipin, at malaki ang posibilidad na itaboy sila ng Diyos. Gayumpaman, kung ang isang tao na negatibo ay kayang hanapin ang katotohanan, magpanatili ng may-takot-sa-Diyos na puso, hindi nagsasalita ng negatibo, ni nagkakalat ng sarili niyang pagkanegatibo at mga kuru-kuro, at nagpapanatili ng pananalig niya sa Diyos at ng mapagpasakop na saloobin sa Diyos, madaling makakaahon mula sa pagkanegatibo ang gayong tao. Ang lahat ng tao ay may mga panahon ng pagkanegatibo; nagkakaiba-iba lang sila ayon sa tindi, tagal, at mga dahilan. Karaniwang hindi negatibo ang ilang tao pero nagiging negatibo sila kapag nahaharap sa pagkabigo at pagkakamali sa isang bagay; ang iba ay maaaring maging negatibo dahil sa maliliit na bagay, kahit na ito ay dahil lang sa sinabi ng isang tao na nakasira sa kanyang pride. At ang ilan naman ay nagiging negatibo dahil sa mga pangyayaring medyo hindi maganda. Nauunawaan ba ng mga gayong tao kung paano mamuhay? Mayroon ba silang kabatiran? Mayroon ba silang lawak ng isipan at kagandahang-loob ng isang normal na tao? Wala. Anuman ang mga sitwasyon, hangga’t namumuhay ang isang tao sa loob ng mga tiwaling disposisyon niya, madalas siyang malulugmok sa ilang negatibong kalagayan. Siyempre, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at kaya niyang kumilatis ng mga bagay, ang kanyang negatibong mga kalagayan ay lalong magiging bihira at unti-unting maglalaho ang pagkanegatibo niya habang lumalago ang tayog niya, na sa huli ay ganap na mawawala. Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan, hindi man lang tumatanggap sa katotohanan, ay magkakaroon ng dumaraming negatibong emosyon, negatibong kalagayan, at negatibong kaisipan at saloobin, na lalong lalala habang naiipon ang mga ito, at kapag nalunod na sila sa mga ito, hindi na sila makakabangon, na napakamapanganib. Kaya, napakahalaga ng agarang paglutas sa pagkanegatibo. Para malutas ang pagkanegatibo, kailangang maagap na hanapin ng isang tao ang katotohanan; ang pagbabasa at pagninilay sa mga salita ng Diyos habang nagpapanatili ng isang payapang kalooban sa presensiya ng Diyos ang aakay sa kanya papunta sa pagkakamit ng kaliwanagan at pagtanglaw, na nagtutulot na maunawaan ng isang tao ang katotohanan at makilatis niya ang diwa ng pagkanegatibo, kaya malulutas ang problema ng pagkanegatibo. Kung kumakapit ka pa rin sa sarili mong mga kuru-kuro at katwiran, isa kang malaking hangal, at ikakamatay mo ang kahangalan at kamangmangan mo. Anuman ang mangyari, ang paglutas ng pagkanegatibo ay dapat na maagap, hindi pasibo. Iniisip ng ilang tao na kapag lumitaw ang pagkanegatibo, dapat lang nila itong balewalain; kapag naging masaya na silang muli, ang kanilang pagkanegatibo ay natural na magiging kagalakan. Isa itong pantasya; kung walang paghahanap o pagtanggap sa katotohanan, hindi kusang mawawala ang pagkanegatibo. Kahit na makalimutan mo ito at wala kang maramdaman sa puso mo, hindi ibig sabihin nito na nalutas na ang ugat ng pagkanegatibo mo. Sa sandaling lumitaw ang angkop na sitwasyon, babalik ito, na isang pangkaraniwang pangyayari. Kung ang isang tao ay matalino at may katwiran, dapat na agad niyang hanapin ang katotohanan kapag lumitaw ang pagkanegatibo at gamitin niya ang pamamaraan ng pagtanggap sa katotohanan para lutasin ito, kaya malulutas ang pinakaugat ng isyu ng pagkanegatibo. Ang lahat ng madalas na negatibo ay ganoon dahil hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, ang pagkanegatibo ay kakapit sa iyo na parang isang diyablo, gagawin ka nitong palaging negatibo, na magdudulot sa iyo na magkaroon ng mga damdamin ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at hinanakit sa Diyos, hanggang sa nilalabanan, inaaway mo ang Diyos, at nagpoprotesta ka laban sa Kanya—iyan ang oras na narating mo na ang katapusan, at malalantad na ang pangit mong mukha. Sisimulan ka nang ilantad, himayin, at ilarawan ng mga tao, at ngayong nahaharap ka na sa madilim na realidad, saka lang tutulo ang mga luha mo; saka ka babagsak at sisimulan mong hampasin ang dibdib mo dahil sa kawalan ng pag-asa—maghintay ka lang at matatanggap mo ang kaparusahan ng Diyos! Bukod sa nagpapahina sa mga tao ang pagkanegatibo, idinudulot din nito na magreklamo sila tungkol sa Diyos, husgahan ang Diyos, itatwa ang Diyos, at direktang lumaban at magprotesta pa nga laban sa Diyos. Kaya, kung naantala ang paglutas sa pagkanegatibo ng isang tao, kapag nagbunyag na siya ng mga kalapastanganang salita at sumalungat siya sa disposisyon ng Diyos, napakalubha ng mga kahihinatnan. Kung malugmok ka sa pagkanegatibo at magkikimkim ka ng mga reklamo dahil sa isang pangyayari, isang parirala, o isang kaisipan o pananaw, ipinapakita nito na baluktot ang pagkaunawa mo sa usapin, at mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol dito; tiyak na ang mga pananaw mo tungkol sa usaping ito ay hindi umaayon sa katotohanan. Sa puntong ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan at harapin ito nang tama, nagsusumikap na agad na itama ang mga maling kuru-kuro at ideya sa lalong madaling panahon, hindi hinahayaan ang sarili mo na magapos at malihis ng mga kuru-kurong ito sa isang kalagayan ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at hinanakit sa Diyos. Napakahalaga ng agarang paglutas sa pagkanegatibo, at napakahalaga rin ng ganap na paglutas dito. Siyempre, ang pinakamainam na paraan para lutasin ang pagkanegatibo ay ang hanapin ang katotohanan, magbasa ng higit pang mga salita ng Diyos, at lumapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang kaliwanagan. Minsan, maaaring pansamantala ay hindi mo kayang baliktarin ang mga kaisipan at pananaw mo, pero sa pinakamababa, dapat mong malaman na mali ka at na baluktot ang mga kaisipan mong ito. Sa ganitong paraan, ang pinakamaliit na resulta ay na ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay hindi makakaapekto sa katapatan mo sa paggawa ng tungkulin mo, hindi makakaapekto sa ugnayan mo sa Diyos, at hindi makakaapekto sa paglapit mo sa Diyos para sabihin ang nilalaman ng puso mo at manalangin—sa pinakamababa, ito ang resultang dapat makamit. Kapag nalulunod ka sa pagkanegatibo at nakakaramdam ka ng pagsuway at kawalang-kasiyahan, at nagkikimkim ka ng mga reklamo tungkol sa Diyos pero ayaw mong hanapin ang katotohanan para malutas ito, iniisip mong normal ang ugnayan mo sa Diyos kahit na ang totoo ay malayo sa Diyos ang puso mo at ayaw mo nang basahin ang Kanyang mga salita o magdasal, hindi ba’t naging malubha na ang problema? Sinasabi mo, “Gaano man ako kanegatibo, hindi nahadlangan ang pagtupad ko sa tungkulin at hindi ko tinalikuran ang gawain ko. Tapat ako!” Wasto ba ang mga salitang ito? Kung madalas kang negatibo, hindi ito usapin ng isang tiwaling disposisyon; may mas malulubhang isyu: May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos, maling pagkaunawa sa Kanya, at lumikha ka ng mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, napakamapanganib nito. Paano masisiguro ng isang tao ang tapat niyang paggawa sa tungkulin niya hanggang sa wakas at nang walang pagiging pabasta-basta kung madalas siyang negatibo? Puwede bang kusang mawala o maglaho ang pagkanegatibo kung hindi ito lulutasin? Kung hindi hahanapin nang maagap ng isang tao ang katotohanan para sa isang solusyon, ang pagkanegatibo ay patuloy na lalala at lalo pang lulubha. Ang mga kahihinatnan nito ay magiging mas mapanganib. Tiyak na hindi siya uusad sa isang positibong direksiyon, lalala ang mga ito. Samakatwid, kapag lumilitaw ang pagkanegatibo, dapat agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ito; tanging ito ang makakatiyak na magagawa mo nang maayos ang mga tungkulin mo. Ang paglutas sa pagkanegatibo ay napakahalaga, at hindi ito maaaring ipagpaliban!
Hunyo 26, 2021
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.