Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (1) Unang Seksiyon
Bakit Kinakailangang Kilatisin ang mga Huwad na Lider
Ngayong natapos na nating pagbahaginan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, pagbabahaginan naman natin ngayon ang isang bagong paksa—ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa mga taon na ito ng pananampalataya sa Diyos, naharap na kayo sa lahat ng uri ng mga pagpapamalas at pagsasagawa ng mga huwad na lider. Sa proseso ng pagtatanggal ng sambahayan ng Diyos sa mga huwad na lider sa lahat ng antas, karamihan ng mga tao ay nagkakamit ng kaunting pagkakilala sa mga huwad na lider; ibig sabihin, karamihan ng mga tao ay may kaunting pagkaunawa sa ilang partikular na pagpapamalas ng mga huwad na lider. Pero anuman ang pag-arok mo o gaano man karami ang nauunawaan mo, sa huli ay hindi ito sapat na sistematiko o partikular. Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, maraming taong hindi nakakaunawa sa mga prinsipyo ng paghahalal ng mga lider, kung anong uri ng tao ang pipiliin bilang lider at kung anong uri ng tao, bilang lider, ang makakapagdala sa mga kapatid sa realidad ng mga salita ng Diyos, at ang pasok sa pamantayan bilang lider. Wala silang masyadong kamalayan o hindi masyadong malinaw sa kanila ang mga bagay na ito. May ilang tao pa ngang magulo ang isip at walang pagkilatis na tahasang naghahalal ng mga huwad na lider sa panahon ng mga halalan, pinipili ang sinumang parang huwad na lider habang bulag sa sinumang tunay na kalipikado at kayang maging isang lider, na may kakayahan at pagkatao ng isang lider. Ang mga taong wala naman talagang kakayahan at pagkatao para maging mga lider ay nahahalal dahil sa panlabas na sigasig o ilang magandang pag-uugali nila, at dahil tumutugma sila sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pagiging “mabuti,” habang ang mga taong talagang nagtataglay ng lahat ng kalipikasyon para mamuno ay hindi kailanman nahahalal. Ang mga taong naghahangad ng kasikatan at masigasig na gumugugol ng kanilang sarili—pero walang anumang kapabilidad sa gawain—ay palaging makikita sa lahat ng uri ng kapaligiran, mukhang masyadong aktibo, at iisipin ng karamihan ng mga tao na kalipikado at dapat mahalal ang ganitong klase ng tao. Ang resulta, pagkatapos mahalal ang ganoong mga tao, hindi nila kayang magpasan ng anumang gawain. Ni hindi nga nila magawang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng ang Itaas, at hindi rin nila alam kung paano. Kahit na palagi silang buong-sigasig na nagpapakaabala, pagkatapos mamuno sa loob ng ilang panahon ay walang pagbuti at kaunti ang pag-usad ng alinman sa gawain ng iglesia, at madalas na nagkakaroon ng mga sitwasyon kung saan magulo ang gawain ng iglesia o hindi nagkakaisa ang mga tao, dahil sa panggugulo o pang-aagaw ng kapangyarihan ng masasamang tao. Ito ang mga bungang dulot ng gawain ng mga huwad na lider. Pagkatapos mahalal ang isang huwad na lider, bukod sa maiimpluwensiyahan at magdurusa ang buhay pagpasok ng mga kapatid, kasabay niyon ay negatibo pang maaapektuhan ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, kaya hindi maisasagawa nang maayos o epektibo ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Isa itong problemang bahagyang dulot ng mismong mga huwad na lider, pero bahagya rin itong may kaugnayan sa mga taong naghalal sa kanila. Kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, wala kang pagkilatis, at bulag ka at hindi mo makita ang totoo sa mga tao kaya humahantong ka sa paghahalal ng isang huwad na lider, hindi lang ang sarili mo at ang iba ang pinipinsala mo, nagdurusa rin ang gawain ng iglesia. Ito ang epekto at pinsalang dulot ng mga huwad na lider sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Samakatwid, dapat nating kilatisin at isa-isang banggitin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, at batay roon ay bibigyang-daan Ko kayong maunawaan kung aling mga pag-uugali ang dapat na ipakita ng isang lider na pasok sa pamantayan, kung anong gawain ang dapat niyang gawin, at kung ano mismo ang saklaw ng mga responsabilidad niya. Napakahalaga ng paksa ng pagkilatis sa mga huwad na lider, dahil tinatalakay nito ang gawain ng iglesia, ang buhay pagpasok ng bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, at lalo na, kung paano umuusad ang bawat tungkulin. Puwedeng sabihin ng ilan: “Wala akong layuning tumakbo sa halalan, ni anumang ambisyon o kagustuhang maging lider o manggagawa. May kamalayan ako sa sarili, at sapat nang maging pangkaraniwang mananampalataya, kaya walang kinalaman sa akin ang aspektong ito ng mga katotohanang prinsipyo. Kung gusto kong makinig, makikinig ako sa bagay tungkol sa sarili kong buhay pagpasok at kaligtasan. Walang kinalaman sa sarili kong buhay pagpasok ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider at ang mga katotohanang nakapaloob doon, kaya hindi ko kailangang makinig, o puwede akong makinig nang lumilipad ang isip o wala sa loob at basta lang dumaan sa proseso nang hindi ito isinasapuso.” Isa ba itong magandang saloobin? (Hindi magandang saloobin ito.) Sinasabi ng iba: “Wala akong ambisyon, at ayaw kong tumakbo bilang lider. Mula pa noong bata ako, hindi ko kailanman nilayong maging isang opisyal o mamukod-tangi sa iba, gusto ko lang maging isang karaniwan at ordinaryong tao. Ginusto ko nang maging tagasunod mula pa noong magsimula akong sumampalataya sa Diyos. Gusto kong sinusunod ang mga utos ng iba, at ginagawa ko ang anumang ipinagagawa nila sa akin. Napakasimpleng maging ganitong uri ng tao! Isa lang akong simpleng taong ayaw mag-alala o magkaroon ng pasanin, kaya hindi ko kailangang pakinggan ang mga bagay na ito, at ayaw ko rin.” Tama ba ang pananaw na ito o hindi? (Hindi ito tama.) Ano ang hindi tama rito? (Kahit na ayaw nilang maging lider, kung hindi nila nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan at hindi nila kayang kilatisin ang mga huwad na lider, sa panahon ng mga halalan, malamang na malamang na pipili sila ng isang huwad na lider, na makakaapekto sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos.) Isang aspekto ito. May iba pa ba? (Umiiral sa bawat isa sa atin ang problema ng mga huwad na lider, at dapat nating suriin, pagnilayan, at unawain ang sarili natin.) (Kung hindi natin kayang kilatisin ang mga huwad na lider, ni hindi natin malalaman kapag nailihis na tayo ng isa, at magdurusa ang sariling buhay natin.) (Ang ganitong uri ng pananaw ay isang pagpapamalas ng hindi paghahangad sa katotohanan. Ang pagiging lider sa sambahayan ng Diyos ay hindi tulad ng pagiging ambisyoso at pagnanais na maging opisyal sa mundo. Ang pagiging lider ay paghahangad sa katotohanan nang mas mabuti, pagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia, at pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Pagsisikap ito tungo sa katotohanan.) (Bilang isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, may obligasyon at responsabilidad tayong mag-ulat ng mga huwad na lider. Kung hindi natin kayang kilatisin ang mga huwad na lider, mahahayaan natin ang isang huwad na lider na makakuha ng kapangyarihan at makaapekto sa gawain ng iglesia.) Ilang aspekto iyon? (Limang aspekto.) Ang bawat isa sa limang aspektong ito ay tama, at tumpak na tumpak. Kung hihimayin ang diwa ng problemang ito batay sa pananaw ng uri ng taong binanggit Ko, sa esensiya ay may limang aspektong ito. Gusto mo mang maging lider o hindi, bilang isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, dapat mong akuin ang posisyon ng tagasubaybay sa mga lider at manggagawa. Ang sambahayan ng Diyos ay sambahayan mo rin, at ang isang lider ay parang isang munting tagapangalaga ng bahay. Kung hindi niya pinamamahalaan nang maayos ang mga bagay-bagay, maaapektuhan at madadamay ka rin, kaya may responsabilidad at obligasyon kang subaybayan ang lahat ng gawain niya.
Isang Buod ng Labinlimang Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa
Hindi mahirap kilatisin ang mga huwad na lider, dahil ang ganitong uri ng tao ay karaniwan na sa loob ng iglesia; umiiral na sila magmula pa noong umiral na ang mga lider ng iglesia at ang gawain ng iglesia. Ang kakayahan at abilidad na makaarok, karakter at piniling landas nila ay pawang maraming tiyak na pagpapamalas. Bago himayin ang mga tiyak na pagpapamalas na ito, dapat muna nating maunawaan kung ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at kung anong partikular na gawain ang pangunahing kaakibat nito. Tanging ang mga taong kayang gawin nang maayos ang partikular na gawaing ito ang mga pasok sa pamantayan bilang lider at manggagawa; ang mga taong hindi kaya ang gawaing ito ay mga huwad na lider. Siguro karamihan ng mga tao ay wala pa ring paraan para kumilatis ng mga huwad na lider, hindi makaarok sa mga pangunahing prinsipyo at hindi alam kung aling mga aspekto ang pinakakritikal na kilatisin. Ngayon, sistematiko muna nating pagbahaginan kung ano ba mismo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, isa-isa nating ilista ang mga iyon para malinaw na malaman ng lahat. Pagkatapos maunawaan ang mga prinsipyong ito, kapag muling naghahalal ng mga lider at manggagawa, magkakaroon na kayo ng tumpak na pamantayan para sukatin kung paano ba talaga maghalal at kung sino ba talaga ang tamang taong ihahalal. Kaya, ilista muna natin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa:
1. Akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.
2. Maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na nararanasan nila sa tunay nilang buhay.
3. Ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin.
4. Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na iayos ang tungkulin nila o tanggalin sila kung kinakailangan, para maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.
5. Panatilihing mayroong napapanahong pagka-arok at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain, at magawang agarang lutasin ang mga problema, itama ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga kapintasan sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad.
6. Iangat at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay magkaroon ng pagkakataon na magsanay at pumasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon.
7. Magtalaga at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, upang ang bawat isa ay magamit sa pinakamainam na paraan.
8. Agarang iulat at hanapin kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain.
9. Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.
10. Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksiyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang mabawasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, iwasang angkinin ng masasamang tao ang mga ito.
11. Pumili ng mga maaasahang taong may pagkataong pasok sa pamantayan lalo na para sa gampanin ng sistematikong pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog; regular na suriin at tingnan kung tama ba ang mga papasok at papalabas nang sa gayon ang mga kaso ng paglulustay o pagwawaldas, pati na ang mga hindi makatwirang paggastos, ay matukoy kaagad—ipatigil ang gayong mga bagay at humingi ng makatwirang kabayaran; dagdag pa rito, iwasan, sa anumang paraan, na mapasakamay at makuha ng masasamang tao ang mga handog.
12. Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.
13. Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.
14. Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.
15. Protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas upang matiyak na makauusad nang may kaayusan ang iba’t ibang mahalagang aytem ng gawain.
Naibuod na ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa labinlimang aytem sa kabuuan, at magbabahaginan tayo batay sa mga ito. Tingnan muna natin ang bawat gampanin sa labinlimang aytem na ito. Ang unang tatlo ay tumatalakay sa isyu ng pag-unawa ng mga tao sa katotohanan, at buhay pagpasok. Ito ang pinakapangunahing gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa, at isa sa mga pangunahing kategorya. Bilang isang lider o manggagawa, pinakapangunahin mong dapat magampanan ang mga gampaning ito, taglayin ang ganitong uri ng kakayahan, magkaroon ng ganitong uri ng pasanin, at magawang pasanin ang responsabilidad na ito. Ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat mong taglayin. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na makapagbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, mula sa mga iyon ay maghanap ng landas ng pagsasagawa, akayin ang mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos, at akayin ang mga tao na maranasan at makapasok sa mga salita ng Diyos sa tunay na buhay at madala ang mga ito sa tunay na buhay, gamitin ang mga ito para lutasin ang iba’t ibang problema o paghihirap na kinakaharap sa tunay na buhay at sa proseso ng paggawa sa tungkulin nila. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay may mga problemang kailangang lutasin ng isang lider o manggagawa, pero hindi kayang gamitin ng lider o manggagawa ang katotohanan para lutasin ang mga problema, walang pakinabang ang lider o manggagawang iyon, walang kakayahang gawin kahit ang pinakasimpleng gawain. Hindi pasok sa pamantayan ang ganitong uri ng lider o manggagawa. Ang pang-apat at panlimang mga aytem ay nauugnay sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia at sa mga superbisor ng mga aytem na iyon ng gawain. Kung hindi pangangasiwaan nang maayos ng mga lider at manggagawa ang mga superbisor, puwedeng magulo o maabala ng masasamang tao ang gawain ng iglesia, maiimpluwensiyahan nito ang pagiging epektibo at pag-usad ng gawain, at puwede pa ngang maparalisa ang mismong gawain. Samakatwid, ang pang-apat at panlimang gampanin ay iyong mga gampanin din na dapat gawin nang maayos ng isang lider na pasok sa pamantayan. Ang pang-anim at pampitong mga aytem ay tumutukoy sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa lahat ng uri ng tao. Ang prinsipyo ng paggamit sa mga tao ay ang gamitin ang lahat ng tao sa pinakakapaki-pakinabang na paraan, at puwedeng gampanan ng lahat ng uri ng tao ang tungkulin nila basta’t pasok sa pamantayan ang pagkatao nila at kaya nilang tugunan ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos. Ibig sabihin, pahintulutan ang lahat ng uri ng tao na makagawa ng mga angkop na tungkulin; hindi kailangang pilitin ang isda na mamuhay sa lupa, o pilitin ang mga baboy na lumipad, sapat nang angkop ang isang tao para sa isang gampanin, kaya niya itong gawin nang maayos, at mahusay siya. Higit pa rito, may ilang gampanin na may mga aspektong teknikal at propesyonal, at puwedeng magaling sa mga iyon ang ilang tao pero hindi pa talaga sila nakagagawa ng anumang gawain sa ganitong larangan, ni nauunawaan nila ang mga nauugnay na prinsipyo. Para sa mga taong ito, kung naaabot nila ang pamantayan para sa pag-aangat at paglilinang sa sambahayan ng Diyos, dapat silang mabigyan ng pagkakataon at maiangat at malinang, para matuto sila. Sa ganitong paraan, puwedeng mas dumami pa ang mga angkop na taong aako sa iba’t ibang gampanin sa sambahayan ng Diyos, at walang mababakante sa tuwing kakailanganin ng iglesia ng mga tao para sa iba’t ibang gampanin. Mga isyu ito ng dalawang aspekto ng pag-aangat at paglilinang sa mga tao, at paggamit sa mga tao. Tingnan natin ang pangwalo at pansiyam na aytem: Tinatalakay ng dalawang aytem na ito ang saloobin ng mga lider at manggagawa sa pagharap sa gawain, ibig sabihin, kung sila ba ay kayang tumupad sa mga responsabilidad nila, may katapatan, at may abilidad na maging mahusay sa pagtrato sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at habang nakararanas ng mga paghihirap sa gawain. Ang pansampu at panlabing-isang mga aytem ay tumatalakay sa mga prinsipyo sa likod ng pagtrato sa mga handog at sa lahat ng uri ng pag-aari sa sambahayan ng Diyos. Sa isang banda, tinatalakay ng dalawang aytem na ito ang kakayahan at kapabilidad sa gawain ng mga tao, at sa isa pang banda ay tinatalakay ng mga ito ang mga isyu ng pagkatao, kung may katapatan ba ang isang tao, at kung kaya ba niyang tuparin ang mga responsabilidad niya. Sunod naman ay tingnan natin ang panlabindalawa, panlabintatlo, at panlabing-apat na aytem, tungkol sa ilang pambihirang sitwasyong nangyayari sa iglesia—halimbawa, kung may nanggagambala at nanggugulo, at nakaaabala sa normal na buhay ng iglesia. Siyempre, ang pinakamalubha ay ang paglitaw ng mga anticristo o iba pang uri ng taong dapat paalisin o patalsikin. Kung paano haharapin ang ganitong mga uri ng tao, at sa anong mga prinsipyo, ay gawain din na saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang agad na matuklasan ang mga problema, at, kapag nalaman mong may nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, agad itong mapigilan, maharap, at malutas, at masigurong hindi nagugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia—ito ang mga isyung tinatalakay ng tatlong aytem na ito. Ang panghuling aytem ay tumatalakay sa isyu ng personal na kaligtasan ng lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain, pati na ang isyu kung magagarantiyahan ba ang lahat ng uri ng mahalagang gawain. Makakausad ang gawain kung ligtas ang mga tauhan, pero kung magkakaroon ng mga problema o nakatagong panganib sa kaligtasan ng mga tauhan, magiging isyu kung makakausad ba ang gawain o hindi. Magbalik-tanaw tayo at tingnan natin kung ilan lahat ang mga pangunahing kategorya. Ang una, pangalawa, at pangatlong mga aytem ay nabibilang sa unang kategorya: ang buhay pagpasok ng tao. Ang pang-apat at panlima ay nabibilang sa pangalawa: ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia at ang mga superbisor ng mga aytem na iyon ng gawain. Ang pang-anim at pampito ay nabibilang sa pangatlo: ang paggamit, paglilinang, at pag-aangat sa lahat ng uri ng tao. Ang pangwalo at pansiyam ay nabibilang sa pang-apat: ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at mga paghihirap sa gawain. Ang pansampu at panlabing-isa ay nabibilang sa panlima: ang mga handog at pag-aari ng sambahayan ng Diyos. Ang panlabindalawa, panlabintatlo, at panlabing-apat ay nabibilang sa pang-anim: ang mga pambihirang sitwasyong nangyayari sa iglesia. Ang panlabinlima ay nabibilang sa pampito: ang mahalagang gawain ng iglesia at ang kaligtasan ng mga tauhan. May pitong kategorya sa kabuuan, na may nakapaloob na labinlimang aytem. Ang pitong kategoryang ito ay saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at bahagi ng trabaho nila. Bilang isang lider o manggagawa, ang pitong kategoryang ito ang mga pinakapangunahing gampanin mo sa trabaho, at ang pitong kategoryang ito ang saklaw ng mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa isang lider o manggagawa. Kung gusto nating sukatin kung kaya bang magtrabaho nang maayos ng isang lider, kung mayroon ba siyang kapabilidad sa gawain, kung nagtataglay ba siya ng kakayahang maging isang lider, at kung pasok ba siya sa pamantayan bilang lider, dapat nating gamitin ang pitong kategoryang ito. Matapos itong maunawaan, batay sa pitong pangunahing kategoryang ito, isa-isa nating pagbabahaginan at hihimayin ang mga pagpapamalas at partikular na pagsasagawa ng mga huwad na lider, pati na ang mga nagawa nila noong panahon nila bilang lider na nagpapatunay na mga huwad na lider sila at mga hindi pasok sa pamantayan. Kapag sinukat ayon sa pitong kategoryang ito, may matibay na ebidensiya, at medyo makatarungan at makatwiran ito. Sabihin ninyo sa Akin, dapat ba nating isa-isang pagbahaginan ang pitong kategoryang ito, o ang labinlimang aytem? Aling paraan ang mas maganda? (Isa-isang pagbahaginan ang labinlimang aytem.) Nababagay iyan sa kagustuhan ninyo—mas detalyado, mas maganda, hindi ba? Susunod, pormal nating sisimulan ang pagbabahaginan natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.