Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 41
Oktubre 19, 2022
Ang gawain ng Diyos sa kabuuan ng Kanyang pamamahala ay lubos na malinaw: Ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang mga huling araw ay ang mga huling araw. Mayroong malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawat kapanahunan, dahil sa bawat kapanahunan ay nagsasagawa ang Diyos ng gawain na kumakatawan sa kapanahunang iyon. Para magawa ang gawain sa mga huling araw, dapat ay may pagsunog, paghatol, pagkastigo, poot, at pagwasak upang matapos na ang kapanahunan. Ang mga huling araw ay tumutukoy sa pangwakas na kapanahunan. Sa pangwakas na kapanahunan, hindi ba’t tatapusin ng Diyos ang kapanahunan? Upang mawakasan ang kapanahunan, dapat dalhin ng Diyos ang pagkastigo at paghatol kasama Niya. Tanging sa ganitong paraan Niya mawawakasan ang kapanahunan. Ang layon ni Jesus ay upang magpatuloy ang tao sa pag-iral, pamumuhay, at upang umiral siya sa mas maayos na paraan. Iniligtas Niya ang tao mula sa kasalanan nang sa gayon ay tumigil ang tao sa paglusong sa kasamaan at hindi na mamuhay pa sa Hades at impiyerno, at sa pagligtas sa tao mula sa Hades at impiyerno, tinulutan Niyang magpatuloy na mabuhay ang tao. Ngayon, ang mga huling araw ay dumating na. Lilipulin ng Diyos ang tao at wawasakin nang lubusan ang lahi ng tao, na nangangahulugang babaguhin Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan. Dahil dito, magiging imposible, sa mahabagin at mapagmahal na disposisyon sa nakaraan, na wakasan ng Diyos ang kapanahunan o maisakatuparan ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Ang bawat kapanahunan ay nagtatampok ng natatanging pagkatawan sa disposisyon ng Diyos, at ang bawat kapanahunan ay naglalaman ng gawain na dapat isagawa ng Diyos. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo sa bawat kapanahunan ay naglalaman ng pagpapahayag ng Kanyang tunay na disposisyon, at ang Kanyang pangalan at ang isinasagawa Niyang gawain ay parehong nagbabago kasabay ng kapanahunan—ang lahat ng ito ay bago. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at napakarami sa gawaing Kanyang isinagawa ay para sa kapakanan ng pagtubos sa tao. Ang Kanyang disposisyon ay isa ng awa at pagmamahal, at dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita na minahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, hanggang sa puntong inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagliligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay kapiling ng bawat tao. Ang tao ay nagawa lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangalan ni Jesus at ng Kanyang presensya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa pangunahin sa pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng yugto ng bagong gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay nagtapos sa pagpapapako sa krus. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, sa Kapanahunan ng Kautusan, Jehova ang pangalan ng Diyos, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ni Jesus ang kumatawan sa Diyos. Sa mga huling araw, ang Kanyang pangalan ay Makapangyarihang Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat, na gumagamit sa Kanyang kapangyarihan upang gabayan ang tao, lupigin ang tao at makamit ang tao, at sa huli, wakasan ang kapanahunan. Sa bawat kapanahunan, sa bawat yugto ng Kanyang gawain, ang disposisyon ng Diyos ay malinaw na makikita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video