Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 150
Oktubre 21, 2022
Una ay nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at lumikha rin Siya ng ahas. Sa lahat ng bagay, ang ahas na ito ang pinaka-makamandag; ang katawan nito ay may lason, na ginamit ni Satanas upang samantalahin ito. Ang ahas ang nanukso kay Eba na magkasala. Nagkasala si Adan pagkatapos ni Eba, at pagkatapos ay nagawa nilang dalawa na makatukoy sa pagitan ng mabuti at masama. Kung alam ni Jehova na tutuksuhin ng ahas si Eba at na tutuksuhin ni Eba si Adan, bakit Niya sila inilagay lahat sa loob ng isang halamanan? Kung nagawa Niyang hulaan ang mga bagay na ito, bakit Niya nilikha ang ahas at inilagay ito sa loob ng Halamanan ng Eden? Bakit nasa Halamanan ng Eden ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama? Gusto ba Niyang kainin nila ang bunga? Nang dumating si Jehova, hindi nangahas si Adan ni si Eba na harapin Siya, at noon lamang nalaman ni Jehova na kinain na nila ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama at nabiktima sila ng panlilinlang ng ahas. Sa huli, isinumpa Niya ang ahas, at isinumpa rin Niya sina Adan at Eba. Nang kainin nilang dalawa ang bunga ng puno, ni hindi man lang alam ni Jehova na ginagawa nila iyon noon. Naging tiwali ang sangkatauhan hanggang sa maging masama sila at malaswa, hanggang sa lahat ng kinimkim nila sa kanilang puso ay masama at hindi matuwid; lahat ng iyon ay marumi. Sa gayon ay pinagsisihan ni Jehova ang paglikha sa sangkatauhan. Pagkatapos niyon, isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng baha, na naligtasan ni Noe at ng kanyang mga anak. Ang ilang bagay ay hindi talaga kasing-unlad at higit-sa-karaniwan na tulad ng maaaring isipin ng mga tao. Nagtatanong ang ilan: “Yamang alam ng Diyos na ipagkakanulo Siya ng arkanghel, bakit Niya ito nilikha?” Narito ang mga tunay na nangyari: Bago umiral ang mundo, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan sa lahat ng anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay rito ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, sa lupa naman ay nagsagawa ng mas malaki pang pagtataksil ang arkanghel laban sa Diyos. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at lampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba na magkasala, at ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at patalikurin ang sangkatauhan sa Diyos at sa halip ay sundin nila ang arkanghel. Nakita ng arkanghel na maaari itong sundin ng napakaraming bagay—magagawa iyon ng mga anghel, gayundin ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, kagubatan, kabundukan, mga ilog, ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay nasa pangangalaga ng mga tao—ibig sabihin, nina Adan at Eba—samantalang sinunod nina Adan at Eba ang arkanghel. Sa gayon ay hinangad ng arkanghel na lampasan ang awtoridad ng Diyos at pagtaksilan ang Diyos. Pagkatapos niyon, pinamunuan nito ang maraming anghel na maghimagsik laban sa Diyos, na kalaunan ay naging iba’t ibang uri ng maruruming espiritu. Hindi ba sanhi ng katiwalian ng arkanghel ang pag-unlad ng sangkatauhan hanggang sa araw na ito? Naging ganito lamang ang sangkatauhan ngayon dahil pinagtaksilan ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan. Ang paisa-isang hakbang na gawaing ito ay hindi mahirap unawain at simple na katulad ng maaaring isipin ng tao. Isinagawa ni Satanas ang pagtataksil nito sa isang dahilan, subalit hindi naintindihan ng mga tao ang gayon kasimpleng bagay. Bakit ang Diyos, na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ay nilikha rin si Satanas? Yamang labis na kinamumuhian ng Diyos si Satanas, at si Satanas ay Kanyang kaaway, bakit Niya nilikha si Satanas? Sa paglikha kay Satanas, hindi ba Siya lumikha ng isang kaaway? Hindi talaga lumikha ng isang kaaway ang Diyos; sa halip, lumikha Siya ng isang anghel, at kalaunan ay ipinagkanulo Siya ng anghel na iyon. Naging napakataas ng katayuan nito kaya ninais nitong ipagkanulo ang Diyos. Masasabi na nagkataon lamang ito, ngunit hindi rin ito maiiwasan. Kapareho ito ng paraan kung paanong hindi maiiwasang mamatay ang isang tao pagdating sa takdang gulang; sumasapit lamang talaga ang yugtong ito. Sinasabi pa ng ilang nakatatawang hangal, “Yamang kaaway Mo si Satanas, bakit Mo ito nilikha? Hindi Mo ba alam na ipagkakanulo Ka ng arkanghel? Hindi Mo ba masusulyapan ang kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Hindi Mo ba alam ang likas na pagkatao ng arkanghel? Yamang malinaw Mong alam na ipagkakanulo Ka nito, bakit Mo ito ginawang arkanghel? Hindi Ka lamang nito ipinagkanulo, isinama rin nito ang napakaraming iba pang anghel at bumaba sa mundo ng mga mortal upang gawing tiwali ang sangkatauhan, subalit hanggang sa araw na ito, hindi Mo pa rin natatapos ang Iyong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala.” Tama ba ang mga salitang iyon? Kapag ganito ang iniisip mo, hindi mo ba mas inilalagay sa panganib ang iyong sarili kaysa kinakailangan? May iba pang nagsasabing, “Kung hindi ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito, hindi sana nailigtas ng Diyos ang sangkatauhan nang ganito. Sa gayon, hindi sana nakita ang karunungan at ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos; saan naipakita ang Kanyang karunungan? Kaya lumikha ang Diyos ng isang sangkatauhan para kay Satanas upang maipakita kalaunan ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat—kung hindi, paano matutuklasan ng tao ang karunungan ng Diyos? Kung hindi nilabanan ng tao ang Diyos o sinuway Siya, hindi na sana kinailangang ipakita ang Kanyang mga gawa. Kung sasambahin Siya at susundin ng lahat ng nilikha at magpapasakop sa Kanya, wala sana Siyang gawaing gagawin.” Mas malayo pa ito sa realidad, sapagkat walang marumi tungkol sa Diyos, kaya hindi Siya maaaring lumikha ng dumi. Ipinapakita Niya ang Kanyang mga gawa ngayon para lamang matalo ang Kanyang kaaway, iligtas ang mga taong Kanyang nilikha, at talunin ang mga demonyo at si Satanas, na kinamumuhian, ipinagkakanulo, at nilalabanan ang Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at pag-aari Niya sa simula pa lamang. Nais ng Diyos na talunin ang mga demonyong ito at, sa paggawa nito, ipakita ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang sangkatauhan at lahat ng nasa lupa ay nasa ilalim ngayon ng sakop ni Satanas at nasa ilalim ng sakop ng masama. Nais ng Diyos na ipakita ang Kanyang mga kilos sa lahat ng bagay upang makilala Siya ng mga tao, at sa gayon ay matalo si Satanas at lubos na malipol ang Kanyang mga kaaway. Ang kabuuan ng gawaing ito ay natutupad sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang mga kilos. Lahat ng Kanyang nilikha ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, kaya nais ng Diyos na ipakita sa kanila ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, sa gayon ay matalo si Satanas. Kung walang Satanas, hindi Niya kakailanganing ipakita ang Kanyang mga gawa. Kung hindi sa panliligalig ni Satanas, nilikha sana ng Diyos ang sangkatauhan at inakay silang manirahan sa Halamanan ng Eden. Bakit, bago ang pagkakanulo ni Satanas, hindi ipinakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa sa mga anghel o sa arkanghel? Kung, sa simula, nakilala ng mga anghel at arkanghel ang Diyos at nagpasakop sa Kanya, hindi sana isinagawa ng Diyos ang mga walang-kabuluhang kilos na iyon ng gawain. Dahil sa pag-iral ni Satanas at ng mga demonyo, nilabanan na rin ng mga tao ang Diyos, at punung-puno ng suwail na disposisyon. Sa gayon ay nais ng Diyos na ipakita ang Kanyang mga kilos. Dahil nais Niyang makidigma kay Satanas, kailangan Niyang gamitin ang Kanyang sariling awtoridad at lahat ng Kanyang kilos upang talunin ito; sa ganitong paraan, ang gawain ng pagliligtas na Kanyang isinasagawa sa mga tao ay tutulutan silang makita ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay makabuluhan, at sa anumang paraan ay hindi katulad ng tinutukoy ng ilang tao kapag sinasabi nilang, “Hindi ba salungat ang gawaing ginagawa Mo? Hindi ba ang sunud-sunod na gawaing ito ay pagsasanay lamang sa pagpapahirap sa Iyong Sarili? Nilikha Mo si Satanas, at pagkatapos ay hinayaan Mo itong ipagkanulo at labanan Ka. Nilikha Mo ang mga tao, at ipinasa sila kay Satanas, at tinulutan Mong matukso sina Adan at Eba. Yamang sinadya Mong gawin ang lahat ng ito, bakit Mo kinasusuklaman ang sangkatauhan? Bakit Mo kinamumuhian si Satanas? Hindi ba Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito? Ano pa ang kamumuhian Mo?” Medyo may ilang kakatwang taong nagsasabi ng gayong mga bagay. Nais nilang mahalin ang Diyos, ngunit sa kanilang puso ay nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Napakalaking pagsalungat! Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, napakarami mong ideyang higit-sa-karaniwan, at sinasabi mo pa na nagkamali ang Diyos—kakatwa ka talaga! Ikaw ang nakikipaglaro sa katotohanan; hindi nagkamali ang Diyos! Paulit-ulit na inirereklamo ng ilang tao, “Ikaw ang lumikha kay Satanas, at inihagis Mo si Satanas sa mga tao at ipinasa rito ang sangkatauhan. Nang minsang magtaglay ang sangkatauhan ng napakasamang disposisyon, hindi Mo sila pinatawad; bagkus, medyo kinamuhian Mo sila. Sa simula ay medyo minahal Mo sila, ngunit ngayon ay kinasusuklaman Mo na sila. Ikaw ang namuhi sa sangkatauhan, subalit Ikaw rin ang nagmahal sa sangkatauhan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Hindi ba magkasalungat ito?” Paano man ninyo ito tingnan, ito ang nangyari sa langit; ito ang paraan na ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan, at ganito nagpapatuloy ang mga tao hanggang sa araw na ito. Paano man ninyo ito sabihin, iyan ang buong salaysay. Gayunman, kailangan ninyong maunawaan na ang buong layunin sa likod ng gawaing ito na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang iligtas kayo at talunin si Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video